69. Binibitiwan Ang Mga Pag-aalala sa Karamdaman

Ni Yang Jun, Tsina

Noong simula ng 2023, nakaramdam ako ng pag-ugong sa ulo ko, at dahil iniisip ko ang madalas na mataas na presyon ko, nag-BP ako. Nagulat ako, ang presyon ng dugo ko ay 110 mmHg para sa diastolic at 160 mmHg sa systolic. Nagulat ako, iniisip na, “Bakit napakataas nito? Sa ganito kataas, siguradong may mangyayari sa malao’t madali!” Naalala ko na na-stroke ang tatay ko dahil sa mataas na presyon ng dugo, at sa kabila ng mahigit isang oras na pagsisikap na sagipin siya, pumanaw siya. Na-stroke din ang tiya ko dahil sa mataas na presyon ng dugo at namatay makalipas lang ang dalawang araw. Kalaunan, ang kuya, ate ko, at ako ay nagkaroon din ng mataas na presyon ng dugo. Sinabi ng doktor na malamang ay namana namin ito, at pinayuhan kami na maging mas maingat mula noon. Medyo natakot ako, nag-aalala na baka bigla akong mamatay gaya ng tatay at tiya ko. Iniisip ko dati na dahil nanampalataya ako sa Diyos, poprotektahan Niya ako, at ang isang maliit na bagay na gaya ng mataas na presyon ng dugo ay hindi malaking problema, at tiyak na hindi ito magiging isang malaking isyu. Pero ngayon, dahil nakita ko ang gayon kataas na presyon ng dugo, nagsimula akong bahagyang magreklamo, iniisip na, “Ilan taon ko nang ginagawa ang mga tungkulin ko sa iglesia, bakit hindi pa pinagaling ng Diyos ang sakit na ito? Paano kung isang araw ay tumaas ang presyon ng dugo ko at himatayin ako? Kahit na hindi ako mamatay, puwede akong maparalisa, kung ganoon paano ako maliligtas? Kailangan kong humanap ng paraan para makontrol ko ito sa sarili ko, kung hindi, kapag lumala ang sakit na ito, baka mamatay ako.” Mula noon, nagbigay ako ng espesyal na atensiyon sa kalusugan ko. Saanman ako pumunta para gawin ang mga tungkulin ko, hindi ko kailanman kinalimutan na ipagtanong ang tungkol sa mga pamamaraan para gamutin ang mataas na presyon ng dugo, at tuwing may bakante akong oras, naghahanap ako online. Pinabayaan ko ang aking pag-aaral ng mga prinsipyo na kailangan sa aking mga tungkulin sa pagdidilig, at hindi tinugunan ang mga isyung kailangang subaybayan at lutasin nang napapanahon. Nakatuon lamang ang kaisipan ko sa paggamot sa sakit na ito. Alam ko na hindi angkop ang pagtrato nang ganito sa aking mga tungkulin, pero nang maisip ko ang oras at lakas na kailangan sa pagdidilig ng mga baguhan, nag-alala ako na lalong tumaas ang presyon ng dugo ko, at naisip ko na agad nang maghanap ng paraan para gamutin ang sakit. Taglay ang ganitong pag-iisip, nawala ang bahagyang pagkakonsensiya ko.

Minsan, nakakuha ako ng halamang gamot para pagalingin ang mataas na presyon ng dugo, at narinig ko na maraming tao ang nakinabang dito, kaya masaya kong sinubukan ito. Makalipas ng ilang panahon, sa gulat ko, hindi na nga bumaba ang presyon ng dugo ko, tumaas pa talaga ito, na umabot sa 180 mmHg ang systolic. Nagulat ako at tinanong ko ang sarili ko, “Bakit tumaas ang presyon ng dugo ko?” Takot na takot ako, at nag-alala na baka bigla akong mamatay gaya ng tatay at tiya ko. Naisip ko rin ang mga na-stroke dahil sa mataas na presyon ng dugo, ang ilan sa kanila ay nauwing naka-wheelchair na paralisado ang mukha, hindi maalagaan ang sarili nila, at ang iba ay naging paralisado pa nga ang kalahati ng katawan. Natakot ako na baka isang araw ay matulad ako sa kanila. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong natakot, at nilamon ako ng kabalisahan at pag-aalala, at ang pag-iisip ko ay wala na sa mga tungkulin ko. Naisip ko, “Siguro, dapat ay umuwi na ako para magpahinga at gamutin ang sakit ko bago ko gawin muli ang mga tungkulin ko.” Pero dahil tinutugis ako ng mga pulis ng CCP, hindi ako makauwi, kaya kailangan kong patuloy na gawin ang mga tungkulin ko habang nagpapagamot. Pagkatapos noon, lalo akong nagbigay pansin sa pisikal na kondisyon ko, at tuwing nahihilo ako o sumasakit ang ulo, hindi ko maiwasang hulaan kung mataas na naman ba ang presyon ng dugo ko, at na baka himatayin ako habang naglalakad at hindi na kailanman muling makakabangon muli. Balisa ako araw-araw, at naapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin. Kalaunan, narinig ko na ang mga taong mataas ang presyon ng dugo ay hindi dapat nagpupuyat, kaya nagsimula akong matulog nang maaga sa gabi, at tumigil ako sa pagmamadaling pangasiwaan ang mga apurahang gawain, pero kinabukasan, at nakita ko kung gaano karaming gawain ang kailangang tapusin, nadama ko na nasa ilalim ako ng napakatinding pressure at nataranta ako. Noong panahong iyon, ganap akong nakatutok sa sakit ko, ang kahusayan ko sa aking mga tungkulin ay napakababa, at naantala nito ang gawain ng pagdidilig. Nakonsensiya ako, pero ang pag-iisip sa sakit ko ay nagpawala sa pagkakonsensiyang iyon. Araw-araw, tumuon ako sa kung ano ang puwede kong kainin at ano ang hindi puwede, at kung paano gamutin ang sakit ko, at wala ako sa kondisyon na gawin man lang ang mga tungkulin ko. Nagsimula na ngang sumulpot sa loob ko ang mga pagrereklamo, at naisip ko, “Nagdurusa ako at ginugugol ang sarili ko sa aking mga tungkulin sa iglesia, bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Hindi lamang hindi bumubuti ang kondisyon ko kundi patuloy pa itong lumalala. Paano ko ngayon magagawa nang maayos ang mga tungkulin ko?” Patuloy na lumayo ang puso ko sa Diyos, at ayaw ko nang manalangin pa. Nasiraan talaga ako ng loob at nababahala ako, at natatakot ako na baka dumating sa akin ang kamatayan anumang araw. Sa aking paghihirap, nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang gabayan ako na maunawaan ang layunin Niya.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, ‘Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manampalataya sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?’ Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging kongklusyon nila ay nangangarap silang, ‘Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). “Mayroon ding ilan na, bagamat hindi naman masama ang pakiramdam nila at wala namang na-diagnose na sakit sa kanila, alam nilang mayroon silang natatagong sakit. Anong uri ng natatagong sakit? Halimbawa, maaaring ito ay isang namamanang sakit tulad ng sakit sa puso, diyabetes, o altapresyon, o maaaring Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, o isang uri ng kanser—lahat ng ito ay mga natatagong sakit. … Kahit na sinusubukan nila nang husto na walang gawin tungkol sa kanilang natatagong sakit, paminsan-minsan at hindi namamalayan na naghahanap sila ng iba’t ibang uri ng mga tradisyonal na panggagamot upang maiwasan nilang madapuan ng natatagong sakit na ito sa isang partikular na araw, sa isang partikular na oras, o nang hindi nila namamalayan. May ilang taong paminsan-minsang naghahanda ng magagamit na mga halamang-gamot mula China, may ilang taong paminsan-minsang nagtatanong-tanong tungkol sa mga tradisyonal na gamot na pwede nilang gamitin kapag kinakailangan, habang ang ilang tao ay paminsan-minsang nag-o-online para maghanap ng mga payo tungkol sa pag-eehersisyo upang makapag-ehersisyo at makapag-eksperimento sila. Bagamat maaaring ito ay isang natatagong sakit lamang, nangunguna pa rin ito sa kanilang isipan; bagamat maaaring hindi masama ang pakiramdam o ni walang anumang sintomas ang mga taong ito, puno pa rin sila ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol dito, at sa kanilang kaibuturan, nakararamdam sila ng pagkabagabag at depresyon tungkol dito, palaging umaasa na mapawi o maiwaksi ang mga negatibong emosyong ito sa kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagdarasal o pagganap ng kanilang mga tungkulin. …Kahit pa ang kapanganakan, pagtanda, karamdaman at kamatayan ay palaging kapiling ng sangkatauhan at hindi maiiwasan sa buhay, may mga taong mayroong partikular na kalagayang pisikal o espesyal na karamdaman, gumaganap man sila ng kanilang mga tungkulin o hindi, na nalulugmok sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa mga paghihirap at sakit ng kanilang laman; nag-aalala sila sa kanilang karamdaman, inaalala nila ang maraming hirap na maaaring idulot sa kanila ng kanilang karamdaman, kung magiging malubha ba ang kanilang karamdaman, kung ano ba ang mga kahihinatnan kung magiging malubha nga ito, at kung mamamatay ba sila dahil dito. Sa mga espesyal na sitwasyon at partikular na konteksto, ang serye ng mga katanungang ito ay nagsasanhi sa kanila na malubog sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala at hindi sila makaahon; may ilan pa nga na nabubuhay sa kalagayan ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa malubhang karamdaman na alam na nilang mayroon sila o dahil sa natatagong karamdamang hindi nila maiwasan, at sila ay naiimpluwensiyahan, naaapektuhan, at nakokontrol ng mga negatibong emosyong ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Eksaktong inilantad ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Magmula nang malaman ko na mayroon akong mataas na presyon ng dugo at na namana ko ito, nag-aalala na ako na baka bigla akong mamatay balang araw gaya ng tatay at tiya ko. Pagkatapos matagpuan ang Diyos, ipinagkatiwala ko sa Kanya ang aking karamdaman, umaasang pagagalingin Niya ako, pero pagkatapos ng ilang taon ng paggawa ng aking mga tungkulin, hindi lamang hindi bumaba ang presyon ng dugo ko kundi patuloy pa itong tumaas. Kaya nag-alala ako na baka isang araw ay mamatay ako, at partikular na noong nakita ko ang ilang tao na hindi maalagaan ang kanilang sarili dahil sa mga komplikasyon ng mataas na presyon ng dugo, lalo pa akong nag-alala na baka matulad ako sa kanila balang araw. Dahil namumuhay ako sa pagdurusa at kabalisahan, palagi akong naghahanap ng mga lunas at wala talaga ako sa kondisyon na gawin ang mga tungkulin ko. Inilaan ko ang buong lakas ko sa paggagamot sa aking sakit, at wala akong puso na matutuhan ang mga prinsipyong sangkot sa aking mga tungkulin. Hindi ako nagmadaling magbahagi at lutasin ang mga isyu ng mga baguhan, na nakaapekto sa gawain ng pagdidilig. Sa puntong ito, sa wakas ay napagtanto ko na ang pamumuhay sa kalungkutan at kabalisahan ay nagdulot lamang ng tumitinding pagkataranta at kadiliman, at na sa pamamagitan ng pamumuhay sa takot sa ilalim ng anino ng kamatayan, ang puso ko ay unti-unting lumalayo sa Diyos. Ayaw ko nang mamuhay nang mapaghimagsik gaya nito, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanya na gabayan ako palabas sa mga negatibong emosyon ng kalungkutan at kabalisahan.

Pagkatapos noon, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ang haba ng buhay ng bawat tao ay naitakda na ng Diyos noon pa man. Maaaring nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng medisina, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan mo pang mabuhay at hindi pa ito ang iyong oras, hindi ka mamamatay kahit gusto mo. Kung mayroon kang atas mula sa Diyos, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi ka mamamatay, kahit na magkaroon ka ng isang karamdaman na nakamamatay—hindi ka pa kukunin ng Diyos. Kahit hindi ka magdasal at maghanap ng katotohanan, at hindi mo ipagamot ang iyong karamdaman, o kahit maantala ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. … Siyempre, ang mga tao ay dapat magkaroon ng praktikal na pag-iisip tungkol sa pangangalaga sa kanilang kalusugan habang nabubuhay sila, magkaroon man sila ng sakit o hindi. Ito ang likas na kaisipang ibinigay ng Diyos sa tao. Ito ang katwiran at praktikal na pag-iisip na dapat taglay ng isang tao sa malayang pagpapasya na ibinigay sa kanya ng Diyos. Kapag may sakit ka, dapat mong maunawaan ang ilang praktikal na kaisipan patungkol sa pangangalaga sa kalusugan at pagpapagamot para harapin ang karamdamang ito—ito ang dapat mong gawin. Gayunman, ang paggamot ng iyong karamdaman sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugan ng paghamon sa haba ng buhay na itinakda ng Diyos para sa iyo, ni hindi ito isang garantiya na mabubuhay ka ayon sa haba ng buhay na naitakda Niya para sa iyo. Ano ang ibig sabihin nito? Maaari itong sabihin nang ganito: Sa pasibong pagtingin, kung hindi mo sineseryoso ang iyong karamdaman, kung ginagawa mo ang iyong tungkulin kung paano mo dapat gawin iyon, at nagpapahinga nang kaunti pa kaysa sa iba, kung hindi mo pa ipinagpapaliban ang iyong tungkulin, hindi lulubha ang iyong karamdaman, at hindi mo ikamamatay ito. Ang lahat ay nakadepende sa ginagawa ng Diyos. Sa madaling salita, sa pananaw ng Diyos, kung ang nakatakdang haba ng buhay mo ay hindi pa natatapos, kahit magkasakit ka, hindi ka Niya tutulutang mamatay. Kung may lunas ang iyong karamdaman, ngunit dumating na ang iyong takdang oras, kukunin ka ng Diyos kailan man Niya naisin. Hindi ba ito ganap na nakadepende sa awa ng pag-iisip ng Diyos? Nasa awa ito ng Kanyang pagtatakda!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pauna nang tinukoy ng Diyos ang haba ng buhay ng isang tao, at hindi ito nakadepende kung may sakit ba siya o wala, o kung magaan ba o malala ang kanyang karamdaman. Gaya ng nanay ko, sa naaalala ko, palagi siyang may sakit, labas pasok sa ospital at ilang taon nang umiinom ng gamot. Sinabi ng lahat sa pamilya na siguradong magiging mas maiksi ang buhay ng nanay ko kaysa sa tatay ko dahil maganda ang kalusugan ng tatay ko, at hindi pa namin siya nakitang uminom ng gamot sa loob ng ilang dekada. Pero nagulat kami, biglang nagkaroon ng brain hemorrhage ang tatay ko at namatay, samantalang ang nanay ko, na palaging pumupunta sa doktor, ay buhay pa rin. Mula sa mga halimbawang ito, nakita ko na hindi mapipili ng isang tao kung kailan siya mamatay. Kahit na walang sakit ang isang tao, mamamatay siya kapag tapos na ang itinakdang buhay niya, at kung hindi pa tapos ang itinakdang buhay niya, hindi siya mamamatay, kahit pa mayroon siyang nakamamatay na sakit. Ang lahat ay nasa ilalim ng paunang pagtukoy ng Diyos. Pero gusto ko palaging hawakan sa aking mga kamay ang aking buhay at kamatayan at kontrolin ang aking tadhana. Hindi ko naunawaan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, masyado akong mangmang at mayabang! Nang napagtanto ko ito, nakadama ako ng malalim na pagkamuhi sa sarili, at naging handa akong ipagkatiwala sa Diyos ang karamdaman ko. Nang sandaling ito, napalaya ako at hindi na masyadong nababalisa o nag-aalala.

Kalaunan, pinadalhan ako ng mga kapatid ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na ang pagdating ng karamdaman ay mula sa masinsing layunin ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi para iparanas sa iyo ang lahat ng aspekto ng pagkakasakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga abala at paghihirap na idinudulot ng sakit sa iyo, at ang samu’t saring damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na maunawaan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman ang mga tiwaling disposisyon na iyong nahahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matutuhan mong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magawa mong manindigan sa iyong patotoo—ito ay lubhang mahalaga. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga pagnanais at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, paghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na pagnanais sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong sariling saloobin sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagdurusa sa karamdaman ay hindi tungkol sa paghahanap ng panlabas na obhetibong mga katwiran, ni tungkol sa pamumuhay sa takot at paghihirap o pagtatangkang takasan ito. Wala rito ang layunin ng Diyos. Ang layunin ng Diyos ay ang matuto ng mga aral ang mga tao sa pamamagitan ng mga karamdaman, upang maunawaan ang layunin ng Diyos, pagnilayan at malaman ang kanilang katiwalian, at para maranasan ang ilang pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Naisip ko kung paanong hindi ko naunawaan o hinanap ang layunin ng Diyos habang may sakit ako, sa halip ay namuhay ako sa kalungkutan at kabalisahan, nagrereklamo pa nga sa Diyos sa hindi pagprotekta sa akin o pagpapagaling sa sakit ko. Ito ay ganap na laban sa layunin ng Diyos. Paano ko mauunawaan ang sarili ko at matututo ng aral sa ganitong paraan? Sa pag-iisip ko nito, nagsimula akong magnilay, “Bakit ako nagreklamo sa Diyos noong hindi bumuti ang sakit ko?” Sa aking pagninilay-nilay, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Sabi ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, lubos akong nahiya. Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Sa pagbabalik-tanaw ko, noong una ay nanampalataya ako sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala at biyaya, iniisip na basta’t nananampalataya ako sa Diyos at ginagawa ang mga tungkulin ko, babantayan at poprotektahan Niya ako, tinitiyak na mamumuhay ako nang payapa at maalwan nang walang sakit o sakuna. Kaya nang lumala ang kondisyon ko, kumilos ako nang hindi pangkaraniwan, nagrereklamo sa Diyos at nakikipagtalo sa Kanya, pabaya at iresponsable sa mga tungkulin ko, at iniisip pa ngang bitiwan ang mga ito. Nakita ko na hinahanap ko ang mga pagpapala sa pamamagitan ng aking pananalig sa Diyos, sinusubukang ipagpalit ang aking mga tungkulin, sakripisyo, at paggugol, sa proteksiyon at mga pagpapala ng Diyos, at umaasang gagaling ang sakit ko. Ito ay panlilinlang at isang lantarang pagtatangkang makipagtawaran sa Diyos. Sinusundan ko ang landas ni Pablo. Gumawa at ginugol ni Pablo ang kanyang sarili sa loob ng ilang taon hindi para gawin nang maayos ang kanyang tungkulin bilang nilikha para tugunan ang Diyos, kundi para magkamit ng mga gantimpala at isang korona. Sa wakas ay ipinahayag niya ang kanyang mga tunay na damdamin sa pagsasabing, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Gumawa si Pablo para sa Panginoon upang manghingi ng korona ng katuwiran at maghanap ng mga pagpapala. Sa aking pananalig at mga tungkulin, hinahanap ko rin ang mga pagpapala at kapayapaan, at noong hindi ko nakuha ang mga bagay na ito, nakipagtalo at lumaban ako sa Diyos. Wala akong may-takot-sa-Diyos na puso. Nakita ko kung gaano ako walang konsensiya, wala sa katwiran, at kasuklam-suklam! Napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensiya noong sandaling iyon. Ayaw ko nang subukang manglinlang o makipagtawaran sa Diyos. Gusto ko lamang gawin nang maayos ang mga tungkulin ko at pagaanin ang puso ng Diyos. Kalaunan, kapag ginagawa ko ang aking mga tungkulin, madalas akong nananalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako, para matutuhan ko na pagnilayan at unawain ang sarili ko sa pamamagitan ng karamdaman. Hindi ko namamalayan, malaki ang ibinuti ng kalagayan ko, at nagkaroon ako ng gana sa aking mga tungkulin.

Kalaunan, noong pumunta ako sa ospital para sa check-up, nalaman ko na medyo mataas pa rin ang presyon ng dugo ko, at hindi ko maiwasang mag-alala na naman, iniisip na, “Kung mananatiling ganito kataas ang presyon ng dugo ko, bigla kaya akong mamamatay isang araw?” Napagtanto ko na namumuhay na naman ako sa pag-aalala at kabalisahan, kaya bumaling ako sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang lahat ay haharap sa kamatayan sa buhay na ito, ibig sabihin, ang kamatayan ang kakaharapin ng lahat sa dulo ng kanilang paglalakbay. Ngunit, maraming iba’t ibang dahilan ang kamatayan. Isa rito ay, sa oras na pauna nang itinakda ng Diyos, nakumpleto mo na ang iyong misyon at tinutuldukan na ng Diyos ang iyong pisikal na buhay, at nagwawakas na ang iyong pisikal na buhay, bagama’t hindi ito nangangahulugang tapos na ang iyong buhay. Kapag ang isang tao ay wala nang laman, tapos na ang kanyang buhay—ganito ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang anyo ng pag-iral ng iyong buhay pagkatapos ng kamatayan ay nakasalalay sa kung paano mo tinrato ang gawain at mga salita ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay pa—ito ay napakahalaga. Ang anyo ng iyong pag-iral pagkatapos ng kamatayan, o kung ikaw ba ay iiral o hindi, ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan habang ikaw ay nabubuhay pa. Kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag nahaharap ka sa kamatayan at sa lahat ng uri ng karamdaman, ang iyong saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng pagrerebelde, pagtutol, at pagtutol sa katotohanan, at pagdating ng oras ng katapusan ng iyong pisikal na buhay, sa paanong paraan ka iiral pagkatapos ng kamatayan? Tiyak na iiral ka sa ibang anyo, at tiyak na hindi magpapatuloy ang iyong buhay. Sa kabaligtaran, kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag may kamalayan ka sa laman, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay isang saloobin ng pagpapasakop at katapatan at mayroon kang tunay na pananampalataya, kahit na matapos ang iyong pisikal na buhay, ang iyong buhay ay patuloy na iiral sa ibang anyo sa ibang mundo. Ito ay isang paliwanag ng kamatayan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay pauna nang tinukoy ng Diyos, na kailangang mamatay ng lahat, pero ang kalikasan ng kamatayan at ang kalalabasan pagkatapos mamatay ay nagkakaiba-iba sa tao. Ang kalalabasan na ito ay nakadepende sa saloobin ng tao sa katotohanan at sa kanyang saloobin sa mga tungkulin niya habang buhay pa siya. Naisip ko si Pedro. Ipinagkatiwala ng Panginoong Jesus sa kanya ang pag-aalaga at pagpapakain sa Kanyang mga tupa, at kinuha ni Pedro ang atas ng Panginoong Jesus bilang kanyang panghabambuhay na misyon. Anuman ang pang-uusig, kapighatian, o pagpipino ng karamdaman, hindi niya kailanman sinukuan ang kanyang mga tungkulin. Diniligan ni Pedro ang mga mananampalataya at pinalakas ang kanilang pananalig, hanggang sa sandaling nagtapos ang buhay niya nang ipako sa krus nang pabaligtad. Walang takot na hinarap ni Pedro ang kamatayan, at natapos niya ang misyon na ibinigay sa kanya ng Diyos kapalit ng kanyang buong buhay at natanggap niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Naisip ko rin si Pablo, na pagkatapos tamaan ng dakilang liwanag ng Diyos, nagdusa nang matindi para ipangaral ang ebanghelyo ng Panginoon. Pero tiningnan niya ang kanyang pagdurusa bilang isang kondisyon upang matamo ang mga pagpapala at bilang pamalit para makamit ang isang korona galing sa Diyos. Ang mga pagsisikap niya ay pagtatangkang makipagtawaran sa Diyos, na may layuning magkamit ng mga pagpapala para sa kanyang sarili, hindi sa pagtupad ng misyon ng isang nilikha; naghimagsik siya at lumaban sa Diyos. Hindi lamang niya hindi natanggap ang pagsang-ayon ng Diyos sa halip ay nakondena. Mula sa mga halimbawa nina Pedro at Pablo, naunawaan ko na ang pamumuhay ng isang buhay na lubos na inilaan sa paggawa ng mga tungkulin, nang walang personal na mga hinihiling o hinihingi, ay ang pinakamahalaga at makabuluhang bagay. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha at ito ang tumutugon sa pagsang-ayon ng Diyos. Sa pagninilay-nilay, nakita ko na gaya lang ng kay Pablo ang saloobin ko sa aking mga tungkulin. Tiningnan ko ang mga sakripisyo at paggugugol bilang paraan upang kamtin ang mga pagpapala, umaasa na pagagalingin ako ng Diyos, at nagrereklamo sa Diyos kapag hindi ko nakuha ang gusto ko. Kung patuloy akong mamumuhay para tugunan lang ang laman nang gaya nito, kung gayon kahit na malusog ako at walang sakit o malayo sa sakuna, kapag nanatiling hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ko at nilalabanan ko pa rin ang Diyos, kung gayon, hindi ba’t namumuhay lang ako nang gaya sa isang naglalakad na bangkay? Ano ang magiging kabuluhan nito? Kailangan kong sundan ang halimbawa ni Pedro. Bagaman wala akong kakayahan o pagkatao ni Pedro, kailangan kong ibigay ang pinakamakakaya ko para magawa nang maayos ang mga tungkulin ko, ginagampanan ang papel ng isang nilikha upang tugunan ang Diyos, upang kahit na mamatay ako balang araw, wala akong mga pagsisisihan, at kahit papaano ay mapapanatag at mapapayapa ang kaluluwa ko. Mula noon, kapag ginagawa ko ang aking mga tungkulin, lalo pa akong napanatag, at hindi na ako nalilimitahan ng aking karamdaman. Minsan kapag nahihilo ako habang ginagawa ang aking mga tungkulin, nagpapahinga ako nang tama, umiinom ako ng gamot ayon sa reseta, at tumatayo ako para mag-ehersisyo at mag-unat kung hindi ako komportable sa pag-upo nang matagal. Sinubukan kong huwag antalahin ang aking mga tungkulin. Hindi na ako nababagabag ng pagsisikap na tugunan ang mga isyu sa gawain kapag humihingi ng tulong ang mga kapatid, at ginagawa ko ang pinakamakakaya ko upang magbahagi at lutasin ang mga isyu. Noong ilaan ko ang puso ko sa aking mga tungkulin, minsan hindi ko namamalayan na gumagawa ako hanggang gabi nang hindi nahihilo, at kalaunan, tumigil ako sa pag-inom ng gamot. Hindi lamang hindi lumala ang kondisyon ko, kundi mas naging magaan pa ang pakiramdam ko. Hindi naman pala gaanong nakakatakot ang mataas na presyon ng dugo gaya ng inaakala ko. Ang mga salita ng Diyos ang tumulong sa akin upang makatakas sa kalungkutan, kabalisahan, at pag-aalala sa karamdaman, at siyang naglabas sa akin sa negatibong kalagayan. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Sinundan:  63. Matapos Magsakit Ang Bata Kong Anak na Lalaki

Sumunod:  70. Ano Bang Nagawa ng Pera at Katayuan Para sa Akin?

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger