7. Ang Mga Pag-aalinlangang Pumigil sa Akin na Isiwalat ang mga Problema ng Iba
Noong simula ng Hulyo 2023, nahalal ako bilang isang lider ng distrito, at naging pangunahing responsable sa gawain ng ebanghelyo. Alam ko na bilang isang lider, nasa akin ang pamamahala at pagsubaybay sa gawain ng lahat ng kapatid na sakop ng aking responsabilidad. Gayumpaman, napakabagal ng pag-usad ko sa pagsubaybay at pagpapatupad ng gawain dahil nakagawian kong ipatupad nang paisa-isa ang mga bagay at hinihintay ko munang matapos ang mga kapatid bago ako magpatuloy sa kasunod. Ginawa ko ito para hindi sila makaramdam ng pagkalula at pagkabigo sa dami ng gawain. Nais kong maramdaman ng lahat na ako ay isang taong may malasakit na kayang umunawa at makisimpatya sa kanila, kaya napakaingat ko sa pamamahala at pagsubaybay sa gawain, dahil natatakot akong sabihin ng mga kapatid na ako ay napakaistrikto at walang malasakit, at hindi isang mabuting lider.
Minsan, habang sinusubaybayan ko ang gawain ng isang superbisor ng ebanghelyo na nagngangalang Crisanta, noong simula ay binalak kong subaybayan at suriin ang gawain ng bawat manggagawa ng ebanghelyo na nasa ilalim ng kanyang responsabilidad, at ang sitwasyon ng bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, pero kakatapos lang niya ng isang pagtitipon, at naisip ko na, “Kakatapos lang ng kanyang pagtitipon, kaya maaaring kailangan niya ng pahinga. Kung basta na lang akong dederetso at susubaybayan ang kanyang gawain, iisipin kaya niya na wala akong pang-unawa?” Ayaw kong maramdaman niya na pinipresyur ko siya sa pagsubaybay ko sa kanya. “Dahil maaaring nasuri na niya ang gawain ng mga manggagawa ng ebanghelyo sa gitna ng pagtitipon, baka mas madali para sa kanya na sagutin ang mga tanong tungkol dito, kaya hindi ko muna siya tatanungin tungkol sa iba pang bagay sa ngayon. Sa ganoong paraan, hindi siya magrereklamo na napakarami kong tanong sa kanya, at mararamdaman niya na isinasaalang-alang ko ang kanyang sitwasyon, at na ako ay maunawain at may malasakit.” Naniwala ako na dapat maunawaan ng isang mabuting lider ang kanyang mga kapatid at dapat niyang isaalang-alang ang kanilang mga damdamin, kaya noong sandaling iyon, tinanong ko lang si Crisanta tungkol sa gawain at sa mga plano ng mga manggagawa ng ebanghelyo, at hindi ko na kinumusta ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Kalaunan, nang gampanan niya ang kanyang tungkulin, sinubaybayan lamang niya ang gawain ng mga manggagawa ng ebanghelyo, pero hindi niya sinubaybayan ang pag-usad ng ibang gawain o ang kalagayan ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Hindi niya sinuri ang mga detalye ng mga bagay na ito sa tamang oras, na naging sanhi ng paghina ng pagiging epektibo niya sa kanyang tungkulin. Nagkaroon ako ng katulad na isyu noong sinubaybayan ko ang isa pang superbisor ng ebanghelyo, si Bella. Kakapasok pa lamang ni Bella sa nasasakupan kong responsabilidad, at minsan, nang tanungin ko siya tungkol sa ilang manggagawa ng ebanghelyo, sumagot siya na, “Hindi ko pa nasusubaybayan ang mga bagay na ito. Hindi pa ako pamilyar sa mga taong ito, at ngayon ko pa lamang sila nakikilala.” Naisip ko na, “Limang araw na ang lumipas, talaga bang kailangang abutin nang ganoon katagal para suriin ang mga bagay na ito?” Nais ko siyang paalalahanan na ang ganitong pamamaraan ay hindi epektibo at makakaantala sa gawain, pero naisip ko na, “Kung ituturo ko agad ang problema niya hindi pa man nagtatagal mula nang siya ay dumating, baka maramdaman niya na wala akong pang-unawa o malasakit, at na hindi ko isinasaalang-alang ang mga paghihirap niya. Ayaw kong mag-iwan sa kanya ng hindi magandang impresyon, at kung sasabihin ko ang mga bagay na ito, nag-aalala ako na sa kalaunan ay baka hindi na siya aktibong makipagtulungan sa akin kapag kailangan ko ng tulong niya o kapag magpapatupad ng gawain, at natatakot ako na baka kalaunan ay ituro rin niya ang mga problema at pagkukulang ko.” Dala ang mga bagay na ito sa aking isipan, hindi ko itinuro ang mga isyu ni Bella, at bilang resulta, napakabagal ng pag-usad ng gawain ng ebanghelyo na nasa ilalim ng kanyang responsabilidad. Dahil hindi ko nagampanan ang aking tungkulin ng pamumuno na pangasiwaan at subaybayan ang gawain ng ebanghelyo, parang pagong sa sobrang bagal ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo sa ilalim ng aking responsabilidad.
Nang magkasama naming ibuod ang gawain, hayagang sinabi ni Bella na, “Matagal ko nang hinihintay na tukuyin ng lider ang mga pagkukulang ko sa aking tungkulin.” Nang marinig kong sinabi niya ito, napagtanto ko na hindi ko naisakatuparan ang mga responsabilidad ko bilang isang lider, na hindi ko sinubaybayan ang kanyang gawain o tinukoy ang mga problema sa kanyang tungkulin. Labis akong nakonsensiya, kaya inilahad ko ang kalagayan ko sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Pagkatapos ng pagbabahagi ko, ang superbisor na si Lina, ay nagbahagi ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang asal at mga pamamaraan ng mga tao sa pakikitungo sa mundo ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos; ito ang pinakapangunahing prinsipyo para sa pag-asal. Paano maisasagawa ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo para sa pag-asal? Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo para sa pag-asal, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat itaguyod pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Ang orihinal mong pananaw ay na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,’ at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, para maging madali na makasundo ang iba sa hinaharap. Napipigilan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang magdusa ng mga kawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Sinuman ang nakakasalamuha mo, hinahangad mong makasundo siya. Iniisip mo palagi ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo pa rin ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa pag-asal sa ganitong paraan? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo tuso ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, at hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong binayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi ka kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Pagkatapos, nakipagbahaginan sa akin si Lina, “Pinapabayaan mo ang pagsubaybay sa gawain para mapanatili mo ang iyong ugnayan sa iba, at bagama’t napanatili mo ang mga ugnayang iyon, nagresulta naman ito sa pagkaantala ng gawain. Batay sa sinabi ni Bella, umaasa talaga siya na susubaybayan mo ang gawain, para magkaroon siya ng kaunting direksyon at isang landas sa kanyang mga tungkulin. Pero ginagawa mo ang mga bagay nang may pag-iisip ng isang mapagpalugod ng tao, at sinusubukan mo lang na protektahan ang iyong imahe at panatilihin ang ugnayan sa pamamagitan ng hindi pagtukoy sa kanyang mga problema. Sa huli, hindi mo nagampanan nang maayos ang mga tungkulin mo, at dahil sa kawalan mo ng pagsubaybay at paggabay, nawalan ng direksyon ang gawain ni Bella, na direktang humantong sa hindi epektibong gawain ng ebanghelyo. Kailangan mong pagnilayan nang seryoso ang iyong problema sa pagiging isang mapagpalugod ng tao!” Matapos kong pakinggan ang sister, labis akong nahiya. Talagang mayroon akong mentalidad ng isang mapagpalugod ng tao sa pakikitungo ko sa iba. Ayaw kong salungatin ang sinuman, ayaw kong maapektuhan ang mga ugnayan ko sa mga kapatid, at ayaw kong isipin nila na wala akong pagsasaalang-alang. Noong una, nais ko talagang subaybayan ang maraming gawain kasama si Crisanta, pero natakot ako na kung labis kong susubaybayan at sisiyasatin ang mga bagay, baka isipin niya na wala akong pang-unawa, kaya pinili ko na lang na subaybayan at kumustahin ang mas madadaling gampanin para sa kanya, at hindi ko na sinubaybayan o kinumusta ang mas mahihirap na gampanin na magiging pisikal na pasanin niya. Naisip ko na sa ganitong paraan, hindi siya magrereklamo o magkakaroon ng masamang opinyon sa akin. Dahil dito, hindi naging epektibo ang gawain ng ebanghelyo na nasa ilalim ng kanyang responsabilidad. Sinubaybayan ko ang gawain ni Bella sa parehong paraan. Nakita ko na mababa ang kahusayan niya sa kanyang mga tungkulin at nakakaantala ito sa gawain, pero ayaw ko itong ituro dahil sa takot na masalungat ko siya. Ang ginawa at ikinilos ko ay ang siyang isiniwalat ng Diyos nang sabihin Niya na: “… dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob.” Inakala ko noon na maayos ang ginagawa ko sa pagkilos nang ganito, at na iniiwasan ko ang hidwaan sa aking mga kapatid. Inakala ko na palagi kong isinasaalang-alang ang mga damdamin at paghihirap ng iba, at na isa akong mabuting tao, pero sinasabi ng Diyos na ito ay laban sa mga prinsipyo kung paano umasal ang isang tao. Ang paulit-ulit kong pagkunsinti sa aking mga kapatid ay humantong sa mabagal na pag-usad sa gawain ng ebanghelyo, at nakapinsala na ito sa gawain ng iglesia. Talagang hindi ako isang mabuting tao, kundi isang mapagpalugod ng tao, isang mapanlinlang na tao. Kung hindi ko babaguhin ang kaisipang ito ng isang mapagpalugod ng tao, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng ginawa ko, dahil hindi ko isinasagawa ang katotohanan o natutugunan ang Diyos, at hindi sasang-ayon sa akin ang Diyos. Ninais kong magbago dahil sa pagkaunawang ito. Kailangan kong ituro ang anumang mga problema o kakulangan na nakita ko sa pagganap ng mga kapatid ko sa mga tungkulin nila, at kailangan kong maghandog ng pagbabahaginan at tulong, at itigil ang pagsasaalang-alang sa aking dangal. Ayaw ko nang panatilihin ang mga ugnayan ko sa iba. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, nakikita ko na nais ko lamang panatilihin ang mga ugnayan ko sa aking mga kapatid, nang hindi inuuna ang interes ng sambahayan ng Diyos. Ngayon ay mayroon na akong kaunting pagkaunawa sa aking sarili, at handa akong magsisi, isagawa ang katotohanan, kumilos ayon sa mga prinsipyo, at tuparin ang mga tungkulin ko bilang isang lider.” Pagkatapos magdasal, nakaramdam ako ng bugso ng katapangan. Kalaunan, nang subaybayan ko ang gawain ng mga kapatid, sinabi ko sa kanila ang mga problemang nakita ko. Nang magsagawa ako ayon sa katotohanan, hindi nagalit sa akin ang mga kapatid ko tulad ng iniisip ko, at hindi naapektuhan ang aming mga ugnayan. Sa katunayan, handa silang tumanggap ng paggabay. Nais kong patuloy na gawin ang aking makakaya para maging isang matapat na tao, at para matukoy ang mga problema o maghandog ng mga suhestiyon sa mga kapatid ko. Gayumpaman, hindi madali ang pagsasagawa ng katotohanan, at ang simpleng pagkaalam ng katotohanan ay hindi nangangahulugang kaya na itong isagawa ng isang tao. Isinaayos ng Diyos ang isa pang sitwasyon para ibunyag ang katiwalian ko.
Noong ika-13 ng Hulyo, naganap ang halalan sa isang iglesia, at nahalal si Sister Awua bilang isang lider ng iglesia. Makalipas ang halos isang linggo, bigla niyang sinabi sa akin na nakahanap siya ng trabaho dahil kailangan niyang bayaran ang ilang utang. Ang oras ng kanyang trabaho ay mula 5 am hanggang 9 pm. Labis akong nagulat, dahil ilang araw pa lamang mula nang siya ay maging lider pero nakahanap na siya ng trabaho at nagtatrabaho pa nang napakahabang oras, wala na siyang natitirang oras para gampanan ang mga tungkulin niya. Nakipagbahaginan ako sa kanya, pero sinabi niya na, “Kailangan ko talagang magtrabaho para mabayaran ko ang mga utang ko.” Naisip ko na, “May mga paghihirap talaga ang sister na ito at hindi niya kayang gampanan ang kanyang mga tungkulin nang maayos, kaya hindi na siya karapat-dapat na maging lider ng iglesia. Kailangan kong iulat ito sa superbisor para matalakay ang pagtatalaga sa ibang tao ng kanyang tungkulin.” Pero naisip ko na, “Kung sasabihin ko ito at maitatalaga siya sa ibang tungkulin, baka bumaba ang respeto niya sa kanyang sarili, at maaaring isipin niyang hindi ko nauunawaan ang mga paghihirap niya at hindi ko siya binibigyan ng pagkakataon, at ilalayo niya ang sarili niya sa akin.” Nais kong mapanatili ang ugnayan ko sa kanya, kaya hindi ko sinabi sa superbisor ang tungkol sa kanyang sitwasyon. Inisip ko na hindi naman kalakihan ang utang niya, at baka kung magtatrabaho siya nang isang buwan, mababayaran na niya ang utang niya, at magkakaroon na siya ng oras para gampanan ang kanyang mga tungkulin. Habang nasa oras siya ng trabaho, puwede ko siyang tulungan sa pagsubaybay ng ilang gawain. Pagkatapos niyon, buong araw nang nagtrabaho si Awua at hindi na siya gumawa ng anumang gawain ng iglesia, na nakaantala sa maraming gawain.
Makalipas ang isang linggo, nakita ng superbisor na si Lina na hindi ginagampanan ni Awua ang mga tungkulin nito at tinanong niya ako tungkol sa sitwasyon nito, at noon ko lamang nasabi sa kanya ang tungkol sa gawain ni Awua. Nakipagbahaginan sa akin si Lina, “Batay sa pag-uugali ni Awua, hindi na niya kayang gampanan ang mga tungkulin niya bilang isang lider. Ang pamumuno sa iglesia ay may kinalaman sa pag-usad ng kabuuang gawain ng iglesia. Ang isang mabuting lider ay kayang pasanin ang gawain ng iglesia, at ang isang iresponsableng lider ay kayang ipahamak ang gawain ng iglesia. Ang totoo, nakita mo na rin ang sitwasyon sa iglesiang ito, kaya alam mo na hindi kayang gampanan ni Awua ang gawain ng pamumuno. Dapat mong agad na iulat at lutasin ang isyung ito kapag natuklasan mo ito, pero hindi ka kumilos. Hindi mo agad itinalaga sa ibang tao ang kanyang tungkulin, ni iniulat ang mga problema niya; hinayaan mo lang na manatili siya kung saan siya naroroon. Ang mga ganitong kilos ay nakakaantala sa gawain ng iglesia.” Pagkatapos kong makinig sa pagbabahagi ng sister, labis akong nalungkot. Nakita ko ang problema pero kumilos ako ayon sa sarili kong mga ideya sa halip na isagawa ang katotohanan, at hindi ko isinaalang-alang kung ito ay makakaantala sa gawain ng iglesia. Talagang naging hangal ako. Binasa sa akin ni Sister Lina ang ilang salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakikita ng ilang lider ng iglesia ang mga kapatid na pabasta-bastang gumagawa ng kanilang mga tungkulin, hindi nila sinasaway ang mga ito, kahit na dapat. Kapag malinaw niyang nakikita na naaapektuhan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi siya nakikialam dito o nagtatanong, at hindi siya nagdudulot ng kahit kaunting sama ng loob sa iba. Sa katunayan, hindi talaga siya nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa kahinaan ng mga tao; sa halip, ang intensyon at layon niya ay ang makuha ang loob ng mga tao. Alam na alam niya na: ‘Basta’t ginagawa ko ito at hindi ako nagdudulot ng sama ng loob kanino man, iisipin nilang mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng maganda at mataas na pagtingin sa akin. Sasang-ayunan nila ako at magugustuhan nila ako.’ Wala siyang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang nagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung gaano kalaking mga kawalan ang naidulot sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, o kung gaanong labis na nagambala ang buhay iglesia niya, patuloy lang siya sa kanyang satanikong pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Walang anumang paninisi sa sarili sa puso niya. Kapag may nakita siyang isang taong nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo, sa pinakahigit ay maaari niya itong kausapin tungkol dito, paliliitin ang isyu, at pagkatapos ay hindi na niya ito pakikialaman. Hindi siya magbabahagi tungkol sa katotohanan, o tutukuyin ang diwa ng problema sa taong iyon, lalong hindi niya hihimayin ang kalagayan niyon, at hindi siya kailanman magbabahagi tungkol sa kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman inilalantad o hinihimay ng mga huwad na lider ang mga pagkakamaling kadalasang ginagawa ng mga tao, o ang mga tiwaling disposisyong madalas ibinubunyag ng mga ito. Wala siyang nilulutas na anumang totoong mga problema, kundi sa halip ay palaging kinukunsinti ang mga maling gawi at pagpapakita ng katiwalian ng mga tao, at gaano man kanegatibo o kahina ng mga tao, hindi niya ito sineseryoso. Nangangaral lang siya ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang salita ng panghihikayat para harapin ang sitwasyon sa isang pabasta-bastang paraan, sinusubukang panatilihin ang pagkakasundo. Dahil dito, hindi alam ng mga hinirang ng Diyos kung paano pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, walang solusyon sa anumang ibinubunyag nilang mga tiwaling disposisyon, at namumuhay sila sa gitna ng mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, nang walang anumang buhay pagpasok. Naniniwala pa sila sa kanilang puso na, ‘Mas malawak pa nga ang pang-unawa ng aming lider sa mga kahinaan namin kaysa sa Diyos. Masyadong maliit ang aming tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lang naming tuparin ang mga hinihingi ng aming lider; sa pagpapasakop sa aming lider, nagpapasakop kami sa Diyos. Kung dumating ang araw na tanggalin ng Itaas ang aming lider, magsasalita kami upang marinig; upang mapanatili ang aming lider at mapigilang tanggalin siya, makikipagkasundo kami sa Itaas at pipilitin silang sumang-ayon sa mga hinihingi namin. Ganito namin gagawin ang tama para sa aming lider.’ Kapag ang mga tao ay may ganoong mga saloobin sa kanilang puso, kapag nakapagtatag na sila ng ganoong relasyon sa lider nila, at nagkaroon na ng ganitong uri ng pagdepende, pagkainggit, at pagsamba sa puso nila para sa kanilang lider, magkakaroon sila ng higit pang pananalig sa lider na ito, at palagi nilang gustong makinig sa mga salita ng lider, sa halip na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang gayong lider ay halos pumalit na sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao. Kung ang isang lider ay handang mapanatili ang ganoong relasyon sa mga taong hinirang ng Diyos, kung nakakaramdam siya ng kasiyahan dito sa puso niya, at naniniwala siyang dapat lang siyang tratuhin nang ganito ng mga taong hinirang ng Diyos, kung gayon ay walang pinagkaiba ang lider na ito kay Pablo, nakatapak na siya sa landas ng isang anticristo…. Hindi gumagawa ng totoong gawain ang isang anticristo, hindi siya nagbabahagi tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema, hindi niya ginagabayan ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pagpasok sa katotohanang realidad. Gumagawa lang siya para sa katayuan, kasikatan at pakinabang, ang mahalaga lang sa kanya ay ang tungkol sa pagtataguyod ng kanyang sarili, pinoprotektahan ang puwang niya sa puso ng mga tao, at inuudyukan ang lahat na sambahin siya, tingalain siya, at sundin siya sa lahat ng oras; ang mga ito ang mga pakay na gusto niyang makamit. Ganito sinusubukan ng isang anticristo na kunin ang loob ng mga tao at kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos—hindi ba’t buktot ang ganitong paraan ng paggawa? Ito ay masyado talagang nakakasuka!” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao). Isinisiwalat ng Diyos na kapag ang mga lider at manggagawa ay nagbubulag-bulagan sa mga problema sa gawain, at pinapanatili lamang nila ang kanilang imahe at ang mga ugnayan nila sa kanilang mga kapatid, ang mga ganitong tao ay mga huwad na lider, at naglalakad sila sa landas ng isang anticristo. Ako mismo ang uri ng taong isiniwalat ng Diyos. Alam na alam kong hindi mahusay si Bella sa kanyang mga tungkulin ngunit wala akong tapang para tukuyin ang kanyang mga problema. Gusto ko lang na maramdaman niyang nauunawaan ko ang mga paghihirap niya, upang hindi kami magkaroon ng hidwaan at mapanatili namin ang magandang ugnayan. Hindi natupad ni Awua ang kanyang mga responsabilidad bilang isang lider dahil sa kanyang trabaho, kaya dapat ay iniulat ko ang kanyang sitwasyon sa nakatataas na pamunuan para agad na naitalaga sa ibang tao ang kanyang mga tungkulin, pero natakot ako na kapag nalaman niya ito, magkakaroon siya ng negatibong opinyon sa akin, kaya hindi ko ito ipinabatid sa nakatataas na pamunuan. Wala akong pakialam kahit na makaantala ito sa gawain ng iglesia. Ang gusto ko lang ay ang pagkilala at suporta ng aking mga kapatid para magkaroon sila ng magandang impresyon sa akin, kaya palagi kong isinasantabi ang interes ng sambahayan ng Diyos. Tunay ngang buktot at kinamumuhian ng Diyos ang aking pag-uugali. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, napagtanto ko na hindi ko isinasaalang-alang ang mga interes ng iglesia sa aking mga tungkulin, at palagi kong iniisip ang mga ugnayan ko sa mga kapatid, nais ko na makita nila ako bilang isang mabuting lider at igalang nila ako. Ang mga kilos ko ay hindi tumutugma sa katotohanan at nakakaapekto sa gawain ng iglesia. Hindi ko nagampanan ang mga tungkulin ko bilang isang lider at naglalakad ako sa landas ng isang anticristo. Salamat, O Makapangyarihang Diyos, sa pagsasaayos na makita ni Sister Lina ang mga paglihis ko at tukuyin niya ang mga pagkukulang ko. Simula ngayon, handa na akong isagawa ang katotohanan at hindi ko na pananatilihin ang aking ugnayan kay Awua, at isasaalang-alang ko na ang interes ng iglesia.” Nang hapong iyon, nakipagbahaginan ako kay Awua, at inamin niya na hindi niya nagampanan nang maayos ang mga tungkulin niya at naantala ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, hindi niya kayang isuko ang trabaho niya, kaya itinalaga ko sa ibang tao ang mga tungkulin niya.
Kalaunan, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, pinagtataguan ang isa’t isa, at iniintriga ang isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para manatiling buhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan ang bawat tao ay kinukuha ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na ang isa sa mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo ay, “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Ginagamit ng karamihan ang pilosopiyang ito upang mapanatili ang magagandang ugnayan nila sa iba, at ito ang naging paraan ko sa pakikisalamuha sa iba. Upang makita ako bilang isang may malasakit at maalalahanin na kaibigan, naging napakaingat ko sa pakikisalamuha sa iba, at kahit na nakita ko ang mga problema ng iba, hindi ako nagsalita, iniisip ko na hindi ako magkakaroon ng mga kaaway o makakasalungat ng sinuman sa paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan. Ang totoo, kung matutuklasan natin na may mga problema ang iba pero hindi natin ito itinuturo para sa mga sarili nating interes, at kung pinoprotektahan natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng hindi pagsasabi ng katotohanan, at hindi tayo kumikilos bilang matatapat na tao, hindi ito maituturing na tunay na pagkakaibigan. Ang paggamit ng satanikong pilosopiyang ito para mapanatili ang mga ugnayan sa iba ay humahantong lamang sa pagiging mapagbantay sa isa’t isa. Ito ay walang iba kundi mapanlinlang at taksil na pag-uugali. Napagtanto ko na hindi ko itinuring sina Crisanta, Bella, at Awua bilang mga kapatid ko sa iglesia, at wala akong ginawa para matulungan silang kilalanin ang kanilang mga problema. Hinangad ko lang ang kanilang pagsang-ayon, at ayaw kong magkaroon sila ng negatibong opinyon sa akin. Para protektahan ang aking interes, kahit na nakita kong hindi nila nagampanan nang maayos ang mga tungkulin nila at naantala ang gawain, hindi ko ito itinuro o hindi ako nakipagbahaginan para ito ay malutas. Wala akong tunay na pagmamahal sa mga kapatid ko. Palagi kong inakala na basta’t hindi ko pupunahin ang mga problema nila, makakapagpatuloy kaming magtulungan, at maaari pa kaming magkaroon ng magandang ugnayan. Ngunit ang totoo, ang pagkapit sa pilosopiyang “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan” para sa mga makamundong pakikitungo ay hindi nagbubunga ng magagandang resulta—hindi lang ako nakaantala sa gawain ng iglesia, kundi nabigo rin akong lutasin ang kanilang mga isyu at hindi ko sila natulungang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Pagkatapos, naunawaan ko na bilang isang lider, kailangan kong ituro ang mga problema ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, at gabayan sila na makilala ang kanilang mga sarili at itama ang kanilang mga pagkakamali. Ito ang dapat gawin ng mga tunay na kapatid.
Kalaunan, nakita ko na binanggit sa pagbabahagi ng Diyos ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa:
1. Akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.
2. Maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na nararanasan nila sa tunay nilang buhay.
3. Ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan nang maayos ang bawat tungkulin.
4. Alamin palagi ang sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at agad na iayos ang tungkulin nila o tanggalin sila kung kinakailangan, para maiwasan o mabawasan ang mga kawalan na dulot ng paggamit sa mga taong hindi angkop, at matiyak ang kahusayan at maayos na pag-usad ng gawain.
5. Panatilihing mayroong napapanahong pagka-arok at pang-unawa tungkol sa estado at pag-usad ng bawat aytem ng gawain, at magawang agarang lutasin ang mga problema, itama ang mga paglihis, at remedyuhan ang mga kapintasan sa gawain nang sa gayon ay maayos itong makausad.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (1)
Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, mas malinaw kong nakita na ang mga kilos ko ay hindi pasok sa pamantayan ng pamumuno na hinihingi ng Diyos, dahil hindi ko natupad ang mga tungkulin at responsabilidad ko bilang isang lider. Ang pagiging isang lider ng iglesia ay nangangahulugan na dapat niyang akayin ang mga kapatid sa pagkain at pag-inom at pag-unawa sa mga salita ng Diyos, na nagiging dahilan para maisagawa nila ang katotohanan at makamtan nila ang buhay pagpasok. Bilang isang lider, isa sa mga responsabilidad ko ay ang mangasiwa sa lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia, mula sa kalagayan ng mga tauhan hanggang sa pag-usad ng gawain. Kung mayroong anumang natatanging aspekto ng gawain na humahadlang sa kabuuang gawain ng iglesia, kailangan itong malutas agad. Ito ay isang bagay na hindi ko nagagawa dati. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano gampanan nang maayos ang mga tungkulin ko bilang isang lider.
Isang araw noong Pebrero 2024, iniulat sa akin ni Brother Erven na si Sister Stacey, na isang lider ng iglesia, ay nagsasalita nang walang karunungan habang nangangaral ng ebanghelyo. Halimbawa, isiniwalat ni Sister Stacey ang relihiyon, mga pastor, at mga elder sa sandaling nakipag-ugnayan siya sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, na naging dahilan para ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay magkaroon ng mga kuru-kuro at ayaw nang magpatuloy sa pagdalo sa mga pagtitipon. Napansin ko rin na nagsasalita si Stacey nang walang karunungan, at alam ko na kailangan kong makipagbahaginan sa kanya sa isyung ito, pero naisip ko na, “Totoo na napakadirekta ni Stacey, pero matagal na siyang nangangaral ng ebanghelyo, tatanggapin kaya niya ang aking patnubay? Kung hindi niya ito tatanggapin, magkakaroon ba siya ng negatibong opinyon sa akin?” Pero naisip ko rin na kung hindi ko ituturo ang mga problema niya, hindi magbubunga ng magagandang resulta ang pagganap niya sa kanyang mga tugkulin, kaya kailangan ko pa ring ituro ang mga isyu niya. Makalipas ang ilang araw, nangaral ako ng ebanghelyo kasama si Stacey, at sa bandang dulo, tahimik akong nagdasal, “O Makapangyarihang Diyos, pakiusap bigyan Mo ako ng tapang para tukuyin ang mga problema ni Stacey. Medyo natatakot akong hindi niya tatanggapin ang sasabihin ko at magkakaroon siya ng masamang impresyon sa akin, pero ayaw kong magapos ng tiwaling disposisyon ko, ni ayaw kong maapektuhan ang gawain ng ebanghelyo para lang mapanatili ang magagandang ugnayan ko sa iba. Diyos ko, pakiusap bigyan Mo ako ng tapang.” Pagkatapos, binuod ko ang mga isyung naranasan namin sa gawain ng ebanghelyo, at tinukoy ko ang ilang isyu ni Stacey. Sinabi ni Stacey na, “Salamat sa pagtukoy mo sa mga pagkukulang at problema ko, malaking tulong ito sa akin.” Pagkatapos niyon, unti-unti niyang isinagawa ang pagtatama sa mga isyung ito.
Sa pamamagitan ng praktikal na pagdanas sa mga sitwasyong ito na isinaayos ng Diyos, naunawaan ko na ang kasabihang “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan” ay isang satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na inililihis at ginagawang tiwali ang mga tao at na hindi talaga ito naaayon sa katotohanan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay napakapraktikal, at ginagawa ito para iligtas tayo at maiwaksi natin ang mga satanikong pananaw at pilosopiya na pinanghahawakan natin. Kung hindi ko naranasan ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, namumuhay pa rin ako ayon sa satanikong pilosopiya na ito, at sinusubukan ko pa ring linlangin ang iba gamit ang mga huwad na pagpapakita nang hindi ko namamalayan. Ang patnubay ng mga salita ng Diyos ang nakapagpaunawa sa akin sa mga prinsipyong ito kung paano dapat umasal ang isang tao. Tunay akong pinagpala na tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, dahil binigyan ako nito ng pagkakataong baguhin ang aking tiwaling disposisyon. Labis akong nagpapasalamat sa Makapangyarihang Diyos!