6. Kapasyahan ng Isang Guro ng Three-Self Church
Noong 1987, nanampalataya ako sa Panginoong Jesus kasama ang nanay ko. Hindi nagtagal ay sumali ako sa koro, at gaano man ako kaabala sa gawain, patuloy akong dumalo sa mga pagtitipon. Nakita ng diyakono kung gaano ako kahusay maghangad at nilinang niya ako para magturo sa Sunday School, kaya ginugol ko ang sarili ko at lalo pa akong nagsumikap para sa Panginoon. Noong 1995, napansin kong unti-unting bumababa ang bilang ng mga mananampalataya na dumadalo sa mga pagtitipon. Nagkaroon din ng inggitan at alitan sa pagitan ng mga katrabaho ko, at ang mga sermon ay naging lipas na at karaniwan. Nabalisa ako at sumama sa mga sister mula sa koro para maghanap sa ibang mga simbahan. Sinabi ng isang elder, “Malapit nang bumalik ang Panginoon, dapat tayong maging mapagbantay sa paghihintay.” Sinabi rin ng isa pang pastor mula sa ibang simbahan, “Malapit nang dumating ang Panginoon, alisan ninyo ng laman ang inyong sarili at ihanda ninyo ang inyong sisidlan, at magtapat at magsisi kayo sa Panginoon.” Nadismaya ako sa mga tugon nila. Nakita ko na mapanglaw ang mga simbahan, walang maipangaral ang mga tagapangaral, at nanlamig na ang pananalig ng mga mananampalataya, kaya nagpasya akong mag-aral ng teolohiya, balak kong bumalik balang araw at magpastol sa kawan, buhayin muli ang simbahan. Pagkaraan ng tatlong taon, nagtapos ako sa kursong teolohiya, bumalik sa simbahan, at naging guro. Puno ako ng ambisyon at pananabik na pasiglahin ang simbahan. Nagsimula akong mangaral kung saan-saan. Minsan, inimbitahan ako ng isang pastor para mangaral sa isang malaking simbahan, at mahigit isang libong tao ang dumalo sa pagsamba. Sa katabing gusali, may CCTV, kaya napapanood ng lahat ang sermon ko. Tuwang-tuwa ako. Magiliw akong tinawag ng mga kapatid bilang Teacher Zhao, at dumadagsa sila sa akin nang may mga katanungan. Napuno ng galak ang puso ko, dahil naisip ko, “Iba ang pagiging guro sa pagiging isang ordinaryong kapatid lang. Hindi lang ako binibigyan ng simbahan ng suweldo, kundi saan man ako magpunta, tinitingala ako ng mga tao at sinasalubong nila ako nang may ngiti. Kapag lumalabas ako para mangaral, sinasagot din ng simbahan ang mga gastos ko sa paglalakbay. Tinatamasa ko ang gayong magandang pagtrato bago pa man maging isang pastor, kaya, kung magiging isa akong pastor at mangangaral ako sa malalaking simbahan, mas lalo akong titingalain at sasambahin ng mga kapatid.” Hindi nagtagal, nahalal ako bilang bise presidente ng lokal na Komite ng Three-Self Patriotic Movement, at naisip ko, “Tila mas mahusay ang paghahangad ko, at ganoon din ang pangangaral ko. Kung ioordenan ako bilang isang pastor sa hinaharap, lalawak ang lugar ng aking pamamahala, at mas maraming tao ang makakakilala sa akin, at saan man ako magpunta, igagalang at pupurihan ako, at makikilala ako ng lahat bilang ang tanyag na Pastor Zhao.” Pero makalipas ang ilang panahon, naituro ko na ang karamihan sa mga teoretikal na kaalamang natutunan ko sa kurso ko sa teolohiya, at ang bawat sermon ay naging pag-uulit lang ng mga dati nang nakababagot at hindi nakakaengganyong paksa. Nagsimula akong maghanap kung saan-saan ng iba’t ibang materyal at libro na pagsasama-samahin para maging sermon, binalikan ko pa nga ang mga tala ko sa klase sa kurso ko ng teolohiya, pero wala itong silbi. Nakita ko na lalong nagiging mapanglaw ang simbahan, paunti nang paunti ang mga taong dumadalo sa aking mga sermon, at ang ilan na dumadalo sa mga pagtitipon ay nakatungo na lang sa kanilang mga upuan, natutulog. Lubha akong nalito, iniisip ko, “Aktibo akong gumagawa para sa Panginoon para buhayin muli ang simbahan at suportahan ang mga kapatid, kaya bakit mas lalo pang naging mapanglaw ang simbahan?”
Noong Setyembre 1999, bumisita ako sa tatay ko sa ibang lugar. Nagdala ng isang sister ang nakababata kong kapatid para ipangaral sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Inisip ko na isa lang ordinaryong mananampalataya ang sister na ito at na mas kaunti ang pagkaunawa niya sa Bibliya kaysa sa akin, at inisip ko na nalihis siya, kaya hindi ako nakinig sa kanya. Kalaunan, nabalitaan ko na may isang tagapangaral na kilala ko ang nakapagdala ng 120 tao na gumagawa para sa Panginoon upang sumampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at na halos 100 tao mula sa isang lugar ng pagtitipon sa isang nayon ang tumanggap na rin sa Makapangyarihang Diyos. Talagang nagulat ako sa mga balitang ito, at naisip ko, “Kung naguguluhan ang isang tao at hindi niya nauunawaan ang tunay na daan, maaari siyang malihis, pero napakaraming tao na taimtim sa kanilang paghahangad ang tumanggap na sa Makapangyarihang Diyos—talaga ba kayang nalihis silang lahat? Hindi iyon maaari! Ang tagapangaral na kilala ko ay bihasa sa Bibliya at may pagkilatis, pero siya, kasama ang napakaraming katrabaho, ay sumampalataya na sa Makapangyarihang Diyos. Maaari kayang tama sila sa pananampalataya nila sa Makapangyarihang Diyos?” Nalito ako, kaya madalas akong nagdarasal sa Panginoon, “Panginoon, bakit napakaraming tao ang nanampalataya sa Makapangyarihang Diyos? Ang mabubuting tupa at mga lider na ito ay lahat ay napakasipag sa kanilang paghahangad at bihasa sa Bibliya, kaya paanong sumampalataya na silang lahat sa Makapangyarihang Diyos? Bakit umuunlad ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos samantalang nagiging sobrang mapanglaw ang simbahan namin? Maaari kayang tunay Ka nang nagbalik? O Panginoon, litong-lito na po ako. Pakiusap, gabayan Mo po ako.” Noong Abril 2000, pumunta ako sa bahay ng aking nakababatang kapatid na babae, at muli niyang ipinangaral sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nakipagbahaginan siya tungkol sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian, na pawang isinasagawa ng iisang Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, tinawag na Jehova ang Diyos, at inilatag Niya ang mga kautusan at ginabayan ang mga tao sa kanilang buhay; sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus, na gumawa sa gawain ng pagtubos; sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain ng Diyos ay ang ipahayag ang Kanyang mga salita para lubusang linisin ang mga tao, nilulutas ang ugat ng kasalanan ng tao, at tinatawag na Makapangyarihang Diyos ang Diyos. Gumawa ang Diyos ng magkakaibang gawain sa bawat kapanahunan, at sa bawat panahon ay gumamit ng ibang pangalan. Kapag nakamit na ng bawat yugto ang epekto nito, sinisimulan ng Diyos ang susunod na yugto ng gawain, kung saan ang bawat yugto ay sumusunod sa nauna at mas lumalalim, habang ang bawat seksiyon ay kumokonekta sa susunod, hanggang sa huli, winawakasan Niya ang buong kapanahunan at inaakay ang mga tao sa isang magandang hantungan. Noong panahong iyon, kaya kong tanggapin ang unang dalawang yugto ng gawain, dahil ang mga usaping ito ay lahat nakatala sa Bibliya, pero hindi ko matanggap itong ikatlong yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kaharian, anuman ang mangyari. Inisip ko na ang anumang nasa labas ng Bibliya ay hindi gawain ng Diyos. Pagkatapos, nakipagbahaginan sa akin ang kapatid ko, “Ang Bibliya ay isang tala ng unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Nauna ang gawain ng Diyos, na sinundan ng mga talaan ng mga tao. Nang tipunin ang Biblia, hindi pa nangyayari ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, kaya paanong maitatala na ito sa Bibliya?” Medyo may katuturan ito para sa akin. Higit pang nakipagbahaginan sa akin ang kapatid ko, at ang sinabi niya ay nakaayon sa Bibliya at napakagandang pakinggan, pero natatakot pa rin ako na gumawa ng maling pasya, at kaya, ayaw kong tanggapin ito. Binigyan ako ng kapatid ko ng aklat na pinamagatang Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Bahay ng Diyos at nakakita siya ng ilang kabanata ng mga salita ng Diyos para basahin ko. Naisip ko na mula nang tanggapin ng kapatid ko ang Makapangyarihang Diyos, mas higit na niyang nauunawaan ang Bibliya kaysa sa akin at napakalaki ng pananalig niya. Nagbahagi siya tungkol sa paghahayag ng Diyos sa misteryo ng pagkakatawang-tao at paglalahad ng maliit na balumbon, at kung paano gumagawa ang Diyos para linisin ang mga tao. Ang ibinahagi niya ay sariwa at nagbibigay-liwanag, at hindi ko pa kailanman narinig noon ang alinman sa mga bagay na iyon sa lahat ng taon ko ng pananampalataya sa Panginoon. Hindi ko kailanman inasahan ang labis niyang paglago sa loob lamang ng isang taon. Ni hindi ako kasingmaalam niya, kahit na pagkatapos ng pag-aaral ng teolohiya. Sinabi sa akin ng kapatid ko na nagkamit siya ng pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Napaisip ako, “Maaari kayang ang Makapangyarihang Diyos ang tunay na pagbabalik ng Panginoong Jesus?” Noon, paulit-ulit akong hinihimok ng nanay ko na maghanap at magsiyasat, at huwag palampasin ang minsan-sa-isang-buhay na pagkakataon na makamit ang pagliligtas ng Diyos. Sa pag-iisip nito, nagpasya akong maghanap at magsiyasat.
Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ito ang isang bahagi ng mga sinabi: “Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong gumawa ng agarang kongklusyon; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na gumagawa ng agarang kongklusyon o kinokondena ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang kalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging makatwiran at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at mabasa ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga pananaw at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag mong masyadong itaas ang sarili. Sa munting may-takot-sa-Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, ‘Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,’ o, ‘Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.’ Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Napakakaunti ng nauunawaan ninyo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan Ko kayong magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba iyon magiging lubhang kaawa-awa? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalos-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang pananampalataya sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong mga kinabukasan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Matapos basahin ang siping ito, agad akong tinamaan ng mga salitang “isa sa 10,000.” Hangga’t kayang lutasin ng mga salitang ito ang kalituhan at nakabubuti ito sa aking buhay, hindi ko puwedeng palampasin ito. Kinaumagahan, sinabi ko sa kapatid ko, “Kaya kong tanggapin ang mga 60 hanggang 70 porsiyento ng mga ibinahagi mo. Marami kang sinabi na hindi ko pa kailanman narinig noon, at makapangyarihan ang mga salita sa aklat na ito. Dapat kong seryosong siyasatin at tingnan kung tunay nga bang ito ang gawain ng Diyos.” Salamat sa Diyos! Pagkatapos ng isang panahon ng pagsisiyasat, nakumbinsi ako na ang Makapangyarihang Diyos nga ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Sa pag-iisip kung paanong nagbalik na ang Panginoong Jesus, na matagal ko nang hinintay, labis akong nasabik at naantig. Subalit sa gitna ng kagalakan ko, nag-atubili rin ako. Mahigpit na kinokontra ng simbahan ang Kidlat ng Silanganan. Kaya, kung tatanggapin ko ito, hindi ba’t itatakwil at patatalsikin nila ako mula sa simbahan kapag nalaman nila? Kung wala ang posisyon ko, ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Pero naisip ko, “Ang Kidlat ng Silanganan ang tunay na daan. Ang Makapangyarihang Diyos ay talaga ngang ang Panginoong Jesus, na pinananabikan ko sa lahat ng taon na ito. Ang yugtong ito ay gawain ng Diyos para wakasan ang kapanahunan sa mga huling araw, at kung hindi ko ito tatanggapin, sa huli ay mamamatay ako, sa espiritu, kaluluwa, at katawan, at magpakailanman akong mawawalan ng pagkakataon na maligtas. Pero nagbayad ako ng malaking halaga para makamit ang posisyon ng guro. Para makapag-aral ng teolohiya, iniwan ko ang isang magandang trabaho sa gobyerno at tinalikuran ko ang aking pamilya, at nagsikap ako nang husto sa pag-aaral ng Bibliya. Isa na akong bise presidente ng CCC & TSPM (kapag pinagsama, ang China Christian Council at Three-Self Patriotic Movement ng mga Protestanteng Simbahan sa Tsina ay kilala bilang CCC & TSPM), at malapit na akong maging pastor. Kapag nangyari iyon, mas marami pang kapatid ang titingala at hahanga sa akin, at matatamasa ko ang lahat ng benepisyong kaakibat ng posisyon ko. Kung iiwan ko ang simbahan ngayon, wala akong mapapala.” Pero muli kong naisip, “Alam ko na na naparito ang Diyos para gumawa ng bagong gawain, at kung alam ko ang gawain ng Diyos pero hindi ko ito tatanggapin, hindi ba’t mapag-iiwanan ako? Hindi ba’t magiging walang saysay ang pananalig ko sa Panginoon sa loob ng napakaraming taon? Kung bibitiw ako sa tunay na daan, aabandonahin ako ng Panginoon, pero kung bibitiw ako sa aking posisyon, ibig sabihin, itatakwil at patatalsikin ako ng mga kapatid mula sa iglesia.” Kahit paano ko ito pag-isipang mabuti, sadyang hindi ko mabitiwan ang posisyon ko bilang guro. Naisip ko, “Tumagal nang dalawang libong taon ang gawain ng Panginoong Jesus, kaya, hindi agad matatapos ang gawain ng Diyos sa yugtong ito, hindi ba? Magsisilbi muna ako bilang pastor sa loob ng dalawang taon—hindi ko puwedeng hayaang masayang na lang ang lahat ng taong ito ng pagsisikap. Pagkatapos, babalik ako sa Makapangyarihang Diyos.” Sa huli, nagpasya akong patuloy akong mangangaral sa aking dating simbahan habang dumadalo rin sa mga pagtitipon sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, sa gayong paraan, pareho akong makikinabang sa mga ito.
Pagkatapos nito, nagsimula akong dumalo sa mga pagtitipon sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Naririnig ko na may liwanag sa pagbabahaginan ng mga kapatid sa salita ng Diyos, at lubos na praktikal ang mga pagkaunawang batay sa karanasan na pinagbabahaginan nila. Pinagnilayan at nakilala rin nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon batay sa mga salita ng Diyos, at nakahanap sila ng mga landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ay hayagan at malayang nakikibahaginan, at para sa akin, talagang nakapagpapalakas ang mga pagtitipon. Pero nakaramdam ako ng kaunting pagkaasiwa, dahil sa dati kong simbahan, ako ang nangangaral mula sa pulpito habang ang iba ay nakikinig mula sa ibaba, pero sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, isa lang akong karaniwang tagasunod, at dito, nahihirapan akong magbahagi nang kaunti tungkol sa mga tunay kong karanasan, at maaari lang akong makinig sa pakikipagbahaginan ng iba. Nakaramdam ako ng kawalan sa puso ko, iniisip ko, “Sa sandaling umalis ako sa dati kong simbahan, sino pa ang magseseryoso sa akin? Mas mabuti pang manatili muna ako rito ng dalawa pang taon!” Kaya, ipinagpatuloy ko ang pangangaral sa dati kong simbahan, habang palihim na binabasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Minsan, pagkatapos kong mangaral, lumapit sa akin ang isang sister at nagtanong, “Teacher Zhao, bakit sobrang nakakabagot ang sermon mo? Hindi man lang ito kasiya-siya.” Agad kong naramdam ang pamumula ng mukha ko dahil sa kahihiyan at ang tanging nagawa ko ay ngumiti nang alanganin. Noong panahong iyon, labis akong miserable. Sa tuwing naghahanda ako ng sermon, napapansin kong inuulit ko lang ang mga bagay na naipangaral ko na noon, nang walang bagong liwanag o kaliwanagan. Kalaunan, natuklasan kong talagang praktikal at sariwa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, dahil ibinunyag ng mga ito ang mga misteryo ng Bibliya, at nagbigay ang mga ito ng mga katotohanan tungkol sa pagsasagawa, tulad ng kung paano patahimikin ang puso sa harap ng Diyos at kung paano magdasal. Nagbigay ang mga ito ng malilinaw na landas na tatahakin. Sa isang sermon, isinama ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at sumigla ang mga kapatid at hindi na sila masyadong inaantok. Pagkatapos ng kongregasyon, dinagsa ako ng mga kapatid. Sinabi ng ilan, “Teacher Zhao, ang ganda ng sermon mo ngayon.” Sabi naman ng iba, “Hindi nasayang ang pinag-aralan mo sa teolohiya, mas marami ka talagang nauunawaan kaysa sa amin.” Sinabi pa nga ng isang sister, “Teacher Zhao, puwede ka bang bumalik at mangaral sa amin sa susunod?” Talagang masaya ako sa loob-loob ko, iniisip ko, “Kung patuloy akong mangangaral nang ganito, hindi ako mamaliitin ng mga kapatid.” Pero nabagabag ako, napapaisip, “Sigurado akong wala nang gawain ng Banal na Espiritu sa simbahan, at wala na akong maipapangaral pa. Kaya isinama ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa sermon ko, inaakay ang lahat na magkamali ng paniniwala na ang mga ito ay mga sarili kong pagkaunawa. Tama ba iyon?” Habang mas pinag-iisipan ko iyon, mas lalo akong nababagabag, kaya tinawagan ko ang nakababata kong kapatid. Mahigpit na sinabi sa akin ng kapatid ko, “Alam mo bang nagnanakaw ka lang ng mga sermon? Isa itong pagkakasala sa disposisyon ng Diyos! Matagal nang wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa buong komunidad ng relihiyon. Wala na silang maipangaral. Kung hindi mo tatanggapin ang Makapangyarihang Diyos, paano magkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu? Paano ka magkakaroon ng anumang maipapangaral? Kung dadalhin mo ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa simbahan at ipepresenta ang mga ito bilang sarili mong mga salita, at pasasambahin mo sa iyo ang lahat, hindi ba’t inililihis mo ang mga tao at hinahadlangan silang matanggap ang bagong gawain? Sis, dapat kang magtapat at magsisi!” Pagkatapos, tinanong niya ako, “Alam mo ba kung paano nakulong si Juan Bautista? Noong panahong iyon, nang dumating ang Panginoong Jesus at magbautismo sa mga tao, nagbabautismo rin si Juan sa ibang lugar. Nang dumating ang Panginoong Jesus, dapat sana ay inakay ni Juan ang lahat ng tao patungo sa Panginoong Jesus, pero sa halip, hinayaan lang niya na sumunod sa kanya ang mga tao. Sa ginawa niyang ito, ginagambala at ginugulo niya ang gawain ng Diyos, at sa huli, nakulong si Juan at binawian ng buhay. Ngayon, pumarito na ang Makapangyarihang Diyos at nagpahayag ng napakaraming katotohanan. Dapat mong akayin ang lahat ng nananampalataya sa Diyos sa harap ng Makapangyarihang Diyos para kumain at uminom ng Kanyang mga salita at bumalik sa Kanya—iyan ang dapat gawin ng isang taong may katwiran. Pero bukod sa tumatanggi kang tanggapin ang Makapangyarihang Diyos, ninanakaw mo rin ang mga salita Niya para sa iyong pangangaral, para makita ng iba na matayog ang mga sermong ipinapangaral mo, at silang lahat ay humanga at sumunod sa iyo. Ito ay panlilihis sa mga tao. Pinipigilan mo ang mga tao na bumalik sa Makapangyarihang Diyos, at ninanakaw mo ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos para sa sarili mong pangangaral, binubuo ang sarili mong katanyagan, at kinokontrol ang mga hinirang na tao ng Diyos sa iyong mga kamay. Ito ay isang mabigat na kilos ng pagkontra sa Diyos, at hindi ito naiiba sa ginawa ng mga Pariseo. Kung hindi ka magsisisi, isusumpa at parurusahan ka ng Diyos!” Nang marinig ko ang mga salitang ito mula sa kapatid ko, pareho akong nabalisa at natakot. Mula sa sandaling iyon, hindi na ako nangahas na isama ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa aking mga sermon.
Pagkatapos niyon, ang Three-Self Church, kasabwat ang CCP, ay nagpatindi ng pang-uusig nito sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Noong panahong iyon, hindi pa ako umaalis sa Three-Self Church, hindi rin ako lumalahok sa buhay iglesia ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sa mga araw na iyon, pakiramdam ko ay ubos na ang lakas ko pagkatapos ng bawat sermon at puno ng kadiliman ang puso ko, at hindi ako makaipon ng anumang lakas para sa anumang bagay na gawin ko. Naisip ko ang tungkol sa mga pagtitipon sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, kung saan ang mga kapatid ay malayang nagsasalita at nakakahanap ng mga solusyon sa anumang suliranin sa pamamagitan ng mga pakikipagbahaginan, at naalala ko kung gaano ako nasiyahan sa pagkaramdam na iyon ng kalayaan. Naisip ko kung paanong nakipagsabwatan sa gobyerno ang Three-Self Church para usigin ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at kung paanong ang Three-Self Church ang dakilang lungsod ng Babilonya. Ayaw kong makiisa sa Three-Self Church sa paggawa ng masama at paglaban sa Diyos, at kung mananatili ako roon, mamamatay ako kasama nila sa impiyerno. Pero kung iiwan ko ang Three-Self Church, hindi na ako maaaring maging pastor. Dahil sa isiping ito, lubhang nagtalo ang kalooban ko at nasasaktan ko. Naisip ko kung paanong isinuko ko ang aking trabaho sa gobyerno at iniwan ko ang aking maliit na anak sa bahay alang-alang sa pananampalataya sa Panginoon. Pakiramdam ko, kung iiwan ko ang Three-Self Church, masasayang lang ang lahat ng sakripisyo at paggugol na iyon. Bukod sa hindi na ako magiging pastor, mawawalan din ako ng suporta ng mga kapatid ko. Nang maisip ko iyon, nakaramdam ako ng di-maipaliwanag na paghihirap at pasakit sa puso ko. Naisip ko rin, “Isinusumbong ng Three-Self Church ang mga tagapangaral ng ebanghelyo na iyon mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, pero kung hindi ako sasali rito, hindi ko malalabanan ang Diyos. At saka, wala akong planong manatili nang matagal sa Three-Self Church, gusto ko lang tamasahin ang katanyagan ng pagiging pastor sa loob ng dalawang taon at pagkatapos ay aalis na ako. Sa gayong paraan, hindi ako sisisihin ng Diyos.” Ibinahagi ko sa kapatid ko ang mga iniisip ko. Sabi niya, “Bakit ka nga ba nananampalataya sa Diyos? Ang posisyon mo ba ang magliligtas sa iyo, o ang Diyos ba ang magliligtas sa iyo?” Sinabi rin ng nanay ko, “Ito na ang huling pagkakataon na ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Hindi makakayanang tiisin ng laman ng tao ang mga darating na sakuna, at hindi lang nakatuon sa laman ang mga sakunang ito, kundi pati na sa kaluluwa.” Paulit-ulit na nakipagbahaginan sa akin ang nanay at kapatid ko, at masyado akong nabagabag dahil dito. Alam na alam ko na ito ang tunay na daan at ang huling yugto ng gawain ng Diyos, at na dapat ko nang lisanin agad ang simbahan, pero kung aalis ako, mawawalan ako ng posisyon at wala nang sinumang hahanga o babaling sa akin. Mawawalan din ako ng pagkakataon na maging pastor. Bawat taon sa Pasko, Easter, o Thanksgiving, palagi akong hinihirang ng lahat para mangaral at maghost ng mga kasiyahan, at tinatamasa ko ang paghanga ng mga kapatid ko, na talagang ikinalulugod ko. Pero kung tatanggapin ko itong bagong yugto ng gawain at aalis ako sa simbahan, mawawalan ako ng posisyon. Kung mangyari iyon, matatamasa ko pa ba ang gayong mga okasyon? Hahangaan pa rin ba ako ng mga kapatid ko? Sa isang banda ay ang tunay na daan, at sa kabilang banda ay ang posisyon ko. Lubhang nagtalo ang kalooban ko.
Isang araw, nababalisang tinanong ako ng nanay ko, “Alam mong pumarito na ang Panginoon para gumawa ng bagong gawain, kaya bakit hindi ka pa umaalis sa simbahan mo?” Sinabi ko sa nanay ko, “Gusto kong maging pastor!” Taos-pusong nakipagbahaginan sa akin ang nanay ko, sinasabing, “Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, “Panginoon, Panginoon,” ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, “Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?” At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, “Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan”’ (Mateo 7:21–23). ‘Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagka’t makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon’ (Mateo 7:13–14). Tumatawag ka lang sa pangalan ng Panginoon pero hindi mo tinatanggap ang bagong gawain ng Diyos. Sinasabi ng Panginoon na ito ang pagkilos ng mga taong gumagawa ng masama na hindi makapapasok sa kaharian ng langit, at hindi ka maliligtas ng pagiging pastor mo.” Nakipagbahaginan din sa akin ang nakababata kong kapatid, sinasabing, “Malinaw na wala kang maipangaral, pero alang-alang sa posisyon mo, nangangaral ka at nanlilihis ng mga tao sa simbahan. Hindi ba’t kagaya ka lang ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo?” Binasa rin niya sa akin ang isang sipi mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, ubod ng samang mga tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang ‘Diyos.’ Sila ay mga taong nagdadala sa bandila ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng bansag na nananampalataya sa Diyos habang kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘maayos na pangangatawan,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, sinabi ng kapatid ko, “Tinatamasa mo lang ang mga benepisyong hatid sa iyo ng posisyon ng guro sa simbahan, at ito ay pagkontra sa Diyos! Ang salaping inihahandog ng mga mananampalataya sa Diyos ay ginagamit para bayaran ang mga suweldo ninyong mga guro at pastor, pero sa realidad, ang salaping iyon ay inihahandog para sa Diyos, at walang sinuman ang may karapatang tamasahin ito. Ang pagtamasa sa perang ito ay katumbas ng pagnanakaw ng mga handog! Alam mong nagbalik na ang Panginoon, pero kumakapit ka pa rin sa posisyon at kabuhayan mo bilang guro at patuloy kang nangangaral sa simbahan para ilihis ang iba. Hindi ba’t katulad ka lang ng mga Pariseong iyon na kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng tao?” Sinabi rin ng nanay ko, “Noon, hindi ko naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng ‘pagkain ng laman at pag-inom ng dugo ng tao,’ pero ngayon, nauunawaan ko na na ang sinumang tumatanggap ng suweldo sa simbahan ay nagtatamasa ng mga handog para sa Diyos at nagnanakaw ng mga ito. Ang mga handog ay ang mga naipon ng mga kapatid mula sa kanilang matipid na pamumuhay para mag-alay sa Diyos, pero kayong mga pastor at guro ang nagtatamasa ng mga ito. Kinakain ninyo ang laman at iniinom ang dugo ng mga mananampalataya. Maipapaliwanag ba ninyo ito sa harap ng Diyos?” Habang nakikinig sa nanay at kapatid ko, labis akong nabalisa. Lalo na nang marinig ko ang mga salitang ito ng Diyos: “kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao,” talagang nabagabag ako. Hindi ba’t totoo na ang suweldong tinatamasa ko ay binubuo ng mga handog ng mga kapatid para sa Diyos? Talaga ngang ako ay “kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng tao”! Nagpatuloy sa pagbabahagi ang kapatid ko, “Sinaway ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo, sinasabing: ‘Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya ay magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili’ (Mateo 23:15). Noong panahong iyon, pinanabikan ng mga Pariseo ang pagdating ng Mesiyas. Pero nang dumating ang Mesiyas—ang Panginoong Jesus, kahit alam nila na ang mga salitang binigkas ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, para mapanatili ang kanilang mga posisyon at kabuhayan, hindi lang nila mismo itinakwil ang Panginoong Jesus, nilabanan at kinondena rin nila Siya, pinipigilan ang mga mananampalataya sa pagtanggap sa Kanya. Pagkatapos, ipinako nila ang Panginoong Jesus sa krus, at isinumpa at pinarusahan sila ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: ‘Kaya’t puputulin ng Panginoon sa Israel ang ulo’t buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw. Ang matanda at ang marangal na tao, siyang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siyang buntot. Sapagka’t silang nagsisipatnubay ng bayang ito ay siyang nangagliligaw; at silang pinapatnubayan ay nangapapahamak’ (Isaias 9:14–16). Sino ang ulo? Ito ay tumutukoy sa mga pastor at elder na alam ang tunay na daan pero hindi ito tinatanggap. Kung gayon, bakit pinuputol ang ulo at buntot? Dahil malinaw nilang alam ang tunay na daan pero hindi nila ito tinatanggap, sapagkat hindi nila kayang bitiwan ang kanilang mga posisyon at kabuhayan, at kinokontra at kinokondena nila ang gawain ng Diyos, hinahadlangan ang mga mananampalataya sa pagtanggap sa tunay na daan. Huwag kang magpalinlang sa kasalukuyan mong posisyon bilang guro. Alam mong pumarito na ang Panginoon, pero hindi mo pa nililisan ang dati mong simbahan. Sa halip, sinusubukan mong mamangka sa dalawang ilog, at kumapit sa posisyon mo, nangangaral sa simbahang iyon para ilihis ang mga tao, at nagtatamasa sa pagsamba at pagpapahalaga ng iba sa iyo. Hindi ba’t naging isa ka nang walang hanggang makasalanan na humahadlang sa iba sa pagtanggap sa tunay na daan? Kung patuloy kang kakapit sa posisyon mo at hindi makikisabay sa bagong gawain ng Diyos, sa huli, puputulin ka ng Diyos. Bakit ba tayo nananampalataya sa Panginoon? Hindi ba’t ito ay para hintayin lang ang pagparito ng Panginoon para iligtas tayo? Kung nananampalataya tayo sa Panginoon para lang sa posisyon ng pastor, iisa lang ang kalalabasan, iyon ay ang mapunta sa impiyerno at maharap sa kaparusahan! Naaalala mo ba sina Pedro at Mateo na nakatala sa Bibliya? Nang tawagin ng Panginoong Jesus si Pedro, agad na iniwan ni Pedro ang kanyang mga lambat at sumunod siya sa Panginoon. Si Mateo ay isang maniningil ng buwis, nangongolekta ng mga buwis sa bahay ng adwana, at nang marinig niya ang pagtawag ng Panginoong Jesus, agad niyang inilapag ang trabaho niya at sinundan ang Panginoong Jesus. Ngayon, tingnan mo ang sarili mo, nag-aatubili at hindi kayang bitiwan ang isang bagay o isa pa. Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko’ (Lucas 14:33). Parehong ipinapaalala sa atin ng Kawikaan 14:12 at 16:25 na, ‘May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni’t ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.’ Kapag pumarito ang Diyos para gumawa ng bagong gawain, dapat nating sundan ang mga yapak Niya, dahil ang mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at sa halip ay humahadlang sa mga tao na bumalik sa Diyos para mapanatili ang kanilang mga posisyon at kabuhayan ay kokondenahin at parurusahan ng Diyos. Pag-isipan mo ito!” Sa pakikinig sa nanay at kapatid ko, talagang naantig ako at medyo natakot, iniisip na, “Bihasa ang mga Pariseo sa Bibliya, nangangaral sila sa simbahan, at nagmumukhang maka-Diyos, pero sa diwa, ginagawa nila ang lahat ng ito alang-alang sa kanilang mga posisyon at kabuhayan at para hangaan at igalang ng iba. Hindi ito tunay na paglilingkod sa Panginoon. Nilabanan at kinondena nila ang Panginoong Jesus alang-alang sa kanilang mga posisyon at kabuhayan, hinahadlangan ang mga mananampalataya sa pagtanggap ng ebanghelyo ng Panginoon. Naglingkod sila sa Diyos pero kinontra Siya, at sila ay kinondena at isinumpa ng Panginoong Jesus.” Naisip ko ang tagapangaral ng dati kong simbahan, na nagkunwaring pinoprotektahan ang kawan para isara ang simbahan at pigilan ang mga mananampalataya sa pagsisiyasat sa tunay na daan, at na siyang nagturo din sa mga nangaral ng ebanghelyo ng kaharian, sinasabing, “Mula ngayon, huwag na kayong pumunta sa simbahan namin para mangaral ng ebanghelyo. Kung babalik kayo, tatawag ako ng pulis at ipapaaresto ko kayong lahat!” Gayundin, ang presidente ng Three-Self Patriotic Committee ay nakikipagtulungan sa United Front Work Department para arestuhin ang mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at kapag nakakakita siya ng mga taong nangangaral ng ebanghelyo, tumatawag siya ng mga pulis. Muli kong tiningnan ang sarili ko, malinaw na alam kong nagbalik na ang Panginoon, pero upang matamasa ang mga pagpapala ng katayuan at mahangaan, tumanggi akong umalis sa simbahan, at ninakaw ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos para sa aking mga sermon, itinataas ang aking sarili, itinataguyod ang aking sarili, at hinihikayat ang mga tao na pahalagahan at sambahin ako. Hindi ba’t tinatahak ko ang landas ng mga Pariseo? Nagpahayag ang Panginoong Jesus ng pitong kaabahan sa mga Pariseo. Kung hindi ako aalis sa simbahan, sadyang makakagawa ako ng mas malaking kasalanan, at magiging katulad ng sa mga Pariseo ang kalalabasan ko!
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na lubhang nagpaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, ito ang pipiliin ninyong lahat, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang pabago-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo mangmang sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa, at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa kawalan ng kakayahan ng puso ninyo na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol ko sa loob ng maraming taon ay kagulat-gulat na walang idinulot sa akin kundi ang inyong pang-aabandona at kawalan ng gana, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo? Magpapasakop ba kayo sa Aking mga salita o tututol sa mga ito? Nailatag na ang araw Ko sa harapan ninyo mismo, at nahaharap kayo sa isang bagong buhay at bagong simula. Gayunman, kailangan Kong sabihin sa inyo na ang simulang ito ay hindi pagsisimula ng nakaraang bagong gawain, kundi pagwawakas ng dati. Ibig sabihin, ito ang huling yugto. Palagay Ko naiintindihan ninyong lahat kung ano ang kakaiba sa simulang ito. Gayunman, hindi magtatagal at mauunawaan ninyo ang tunay na kahulugan ng simulang ito, kaya’t sama-sama nating lagpasan ito at salubungin ang pagdating ng katapusan! Gayunman, ang patuloy Kong inaalala tungkol sa inyo ay, kapag naharap kayo sa kawalang-katarungan at katarungan, lagi ninyong pinipili ang una. Gayunman, lahat ng ito ay nakaraan ninyo. Inaasam Ko ring makalimutan ang lahat ng nakaraan ninyo, bagama’t napakahirap gawin nito. Gayunman, mayroon Akong napakagandang paraan ng paggawa nito: Hayaang palitan ng hinaharap ang nakaraan, at iwaksi ang mga alaala ng inyong nakaraan kapalit ng totoong kayo ngayon. Kaya naman kailangan Ko kayong abalahin na muling pumili: Kanino ba talaga kayo matapat?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Naantig ang puso ko sa mga salita ng Diyos, at pakiramdam ko ay parang harap-harapan akong tinatanong ng Diyos, nang hindi ako makasagot. Napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensiya, at hindi ko napigilang umiyak. Alam ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at dapat ay tinanggap ko ang gawain ng Diyos at iniwan ang dating simbahan. Pero natakot ako na kung mapapatalsik ako mula rito, hindi ko na magagawang maging pastor, kaya namangka ako sa dalawang ilog, nagbabalak na umalis pagkatapos ng dalawang taon ng pagiging pastor. Dahil wala nang natira na puwedeng ipangaral sa simbahan, nag-alala ako na mawala ang posisyon ko, kaya ninakaw ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos para ipangaral, umaasang makuha ang suporta at paghanga ng lahat. Nakita ko na nakikiisa ang Three-Self Church sa gobyerno para labanan ang Diyos, inaaresto ang mga manggagawa ng ebanghelyo ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Alam kong dapat akong umalis agad, pero patuloy akong nanatili sa dati kong simbahan para mapanatili rin ang aking posisyon. Sa bawat pagkakataon, mas pinili ko ang katayuan ko kaysa sa katotohanan. Nakita ko na sa loob ng maraming taon, ang katapatan ko ay nasa aking katayuan at paghanga ng mga tao. Paulit-ulit na nakipagbahaginan sa akin ang pamilya ko, pero mapagmatigas kong nilabanan ang Diyos alang-alang sa katayuan ko. Hindi ako tunay na nanampalataya sa Diyos, sa halip, isa lang akong tao na naghangad ng katayuan at ng pagtatamasa sa mga pakinabang ng posisyon. Isa akong ganap na mapagpaimbabaw na Pariseo. Tunay kong sinaktan ang puso ng Diyos sa ginawa ko. Nagpasya akong umalis sa dati kong simbahan at magsanay sa pangangaral ng ebanghelyo kasama ang mga kapatid mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pagkalipas ng ilang araw, dumating ang mga superbisor at katrabaho sa dati kong simbahan para hanapin ako, sinasabing, “Teacher Zhao, nilinang ka ng simbahan sa loob ng maraming taon at sinuportahan ang pag-aaral mo sa teolohiya. Kailangan mong mabilis na bumangon at magtrabaho para sa Panginoon. Hindi mo puwedeng biguin ang pagmamahal ng Panginoon sa iyo at ang pagtitiwala ng mga kapatid!” Pagkatapos marinig ang mga sinabi nila, naisip ko, “Nabasa ko na ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, at natitiyak ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at na ipinahayag Niya ang katotohanan para gampanan ang gawain ng paghatol at paglilinis ng sangkatauhan sa mga huling araw. Wala nang gawain ng Banal na Espiritu ang simbahan. Kahit maging pastor pa ako, kung wala ang gawain at pagpapanatili ng Banal na Espiritu, wala itong halaga o kabuluhan. Hindi ako puwedeng manatili sa simbahan, dahil kung mananatili pa ako, hahantong lang ito sa aking pagkawasak, at katulad na lang ng mga Pariseo, kokondenahin ako ng Diyos. Dapat kong sundan ang mga yapak ng Diyos, at ipangaral ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw sa mas maraming tao na nananabik sa pagpapakita ng Diyos.” Noong sandaling iyon, ganap akong hindi natitinag at tinanggihan ko sila.
Pagkatapos, sinimulan kong gawin ang tungkulin ko ng pangangaral ng ebanghelyo sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kalaunan, nabalitaan ko ang tungkol sa isang pastor na nagbasa ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at umamin na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ipinapahayag ng Diyos at na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, pero hindi niya ito tinanggap dahil hindi niya kayang bitiwan ang kanyang posisyon bilang pastor, kaya, nawalan siya ng pagkakataong maligtas. Mas naging malinaw sa akin na ang paghahangad ng katayuan ay humahantong lang sa paglaban sa Diyos at pagwasak sa sarili. Kung hindi dahil sa paggamit ng Diyos sa pamilya ko at sa mga kapatid para makipagbahaginan sa akin nang paulit-ulit, magiging katulad lang din ako ng pastor na iyon, alam ang tunay na daan pero hindi ito tinatanggap, at sa huli, hahantong akong naparusahan sa aking espiritu, kaluluwa, at katawan, katulad ng mga Pariseo. Ngayon, bagaman nawala ang pagkakataon ko na maging pastor, nakamit ko ang daan ng buhay na walang hanggan at natanggap ko ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, na isang bagay na hindi kayang ipagpalit sa anumang mataas na posisyon. Sa puso ko, higit akong nagpapasalamat sa biyaya ng kaligtasan mula sa Makapangyarihang Diyos.