71. Ang Masasakit na Aral ng Pagpapakitang-Gilas
Noong Agosto 2016, ako ang responsable para sa gawain ng ebanghelyo sa iglesia. Dahil wala akong karanasan at mababaw ang pagkaunawa sa katotohanan, nakadama ako ng matinding presyur noong una kong simulang gawin ang tungkuling ito, kaya madalas akong manalangin sa Diyos tungkol sa mga paghihirap ko, at pinag-aralan ko ang mga katotohanan at prinsipyong nauugnay sa pangangaral ng ebanghelyo. Kapag may hindi ako naunawaan, humihingi ako ng tulong sa mga kapatid. Unti-unti, nagawa kong maarok ang ilang prinsipyo, at nagawa kong matukoy ang mga problema sa gawain at magbigay ng makatwirang mga mungkahi. Nagsimulang magpakita ng kaunting resulta ang gawain ng ebanghelyo, at tunay akong nagpapasalamat sa Diyos. Kalaunan, bumuti ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo sa aming iglesia, at ilang manggagawa ng ebanghelyo ang iniangat sa pagiging superbisor. Ang saya-saya ko, iniisip na, “Dahil nakakamit ng gawain ang mga resultang ito, mukhang ayos naman pala ako, at may kaunti akong kakayahan at kapabilidad sa gawain.” Ginawa nitong kasing tamis ng pulot ang nararamdaman ng puso ko. Pagkatapos niyon, hindi na ako kasingmapagkumbaba gaya ng dati kapag nakikipagtipon sa mga kapatid. Kapag nakikita ko na nagiging negatibo ang ilang kapatid pagkatapos maharap sa mga problema sa gawain ng ebanghelyo, ibabahagi ko sa kanila kung paano na noong una kong simulang gawin ang tungkuling ito, ay nagtiwala ako sa Diyos para mapagtagumpayan ang mga hamon at magkamit ng mga resulta sa gawain. Nang marinig nilang sinasabi ko ito, lahat ng kapatid ay tumingin sa akin nang may papuri, at naging ganado sila at gustong magpatuloy na magtulungan sa kanilang mga tungkulin. Pagkatapos noon, lalapit sa akin ang mga kapatid na may anumang katanungan o paghihirap, at ang mga kapatid na katuwang ko ay madalas na nagtatanong ng mga opinyon ko kapag nahaharap sila sa mga problema. Masaya ako na igalang at suportahan ng lahat, at naramdaman kong medyo may kakayahan ako, at na talagang karapat-dapat ang pagiging superbisor ko.
Noong Disyembre 2017, maraming bagong tao ang dumating sa aming iglesia, at ilang bagong iglesia ang sunod-sunod na natatag, at ang ilang baguhan ay inangat at nilinang sa maikling panahon lang pagkatapos kunin ang kanilang mga tungkulin. Ang makita ang lahat ng ito ay nagbigay sa akin ng matinding damdamin ng tagumpay. Bagaman sa bibig ko ay sinabi kong nagpapasalamat ako dahil sa gabay ng Diyos, sa puso ko, hinangaan ko ang sarili ko. Akala ko ay naunawaan ko ang katotohanan at may mata akong nakakakilatis ng mga tao. Naisip ko kung paanong, noong una kong kinuha ang tungkuling ito, ay mayroon lamang isang iglesia, at ngayon ay ilang iglesia na ang naitatag, at na magmula nang pangasiwaan ko ang gawain, talagang nakapagpasok ako ng ilang talentadong tao sa iglesia. Napuno ng galak ang puso ko, at lalo ko pang matinding naramdaman na may kakayahan ako, isang tunay na may taelnto, at na ako ang haligi ng iglesia. Napagtanto ko na ninanakaw ko ang kaluwalhatian ng Diyos, at medyo nakonsensiya ako, pero naisip ko naman, “Hindi sobrenatural ang gawain ng Diyos, humihingi pa rin ito ng pakikipagtulungan ng tao, at kung wala ang kooperasyon ko, hindi magtatagumpay ang gawain, at dahil ako ang pinakamatagal na gumagawa sa tungkuling ito, talagang nararapat ako sa kaunting pagkilala.” Nang mag-isip ako nang ganito, nawala ang pagkakonsensiya sa puso ko. Pagkatapos noon, madalas na hindi ko maiwasang magpakitang gilas sa harap ng mga manggagawa ng ebanghelyo, sinasabing, “Kadarating ko lang mula sa ganito at ganoong iglesia. May kaunti silang problema, pero nalutas ko na ang mga iyon. Bukas, pupunta ako sa isa pang iglesia….” Humahangang tumingin sa akin ang lahat ng kapatid. Sinabi pa nga ng isang sister, “Ikaw ang responsable sa gawain ng napakaraming iglesia. Siguradong hindi namin kayang pangasiwaan ito, mahihilo ang utak namin. Talagang nauunawaan mo ang katotohanan at may kapabilidad ka sa gawain!” Nang narinig ko ang papuri ng sister, labis akong nakaramdam ng pagmamalaki. Naisip ko, “Siyempre! Siguradong mas magaling ako kaysa sa inyong lahat, kung hindi, bakit ako naging superbisor?” Noong panahong iyon, lumakad ako nang taas-noo, at kapag may mga nangyayari, hindi ko hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, basta’t kumikilos na ako. Inakala ko palagi na nauunawaan ko ang katotohanan at kaya kong gumawa ng kaunting gawain, at naniwala ako na ako ang pinakamagaling sa pangangasiwa ng gawain ng ebanghelyo. Kalaunan, kapag naharap ang mga kapatid sa mga problema sa kanilang mga tungkulin, hindi sila nagsisikap sa paghahanap, at hindi sila nananalangin sa Diyos o naghahanap ng katotohanan para mapagtagumpayan ang mga problema. Sa halip, naghihintay sila sa akin na makipagbahaginan at lutasin ang mga bagay-bagay. May ilang isyu na hindi ko mabigyan ng mga solusyon, na nagdudulot sa kanila na lalo pang panghinaan ng loob. Dahil dito, buwan-buwan na bumababa ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo. Noong mangyari ang mga bagay na ito, hindi ko wastong pinagnilayan o nagawang kilalanin ang sarili ko. Hanggang sa dumating sa akin ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos.
Isang araw ng Abril 2018, isang sister na katuwang ko ay dapat na pupunta sana sa isang pagtitipon ng iglesia, pero may biglaang pangyayari sa kanya, kaya ako na lang ang pumunta. Pagdating na pagdating ko sa lugar ng pagtitipon, inaresto ako ng mga pulis at hinatulan ng tatlong taong pagkakabilanggo. Noong una, habang nasa detention house, naisip ko na normal na usigin at arestuhin sa Tsina dahil sa pananampalataya sa Diyos, kaya hindi ko talaga pinagnilayan o nagawang kilalanin ang sarili ko. Hanggang sa idetene ako sa loob ng isang taon at pitong buwan at inilipat sa kulungan na, dahil sa takot para sa buhay ko, napilitan akong pumirma sa “Tatlong Pahayag.” Noong sandaling iyon, puno ako ng pagsisisi, kahihiyan, at panunumbat sa sarili, at ganap akong bumagsak. Noong gabing-gabi na, habang nakahiga sa kama, tumulo sa aking mukha ang mga luha ng pagsisisi. Sa aking paghihirap, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ang sitwasyong ito ay may ibinunyag tungkol sa akin, pero hindi ko nauunawaan ang layunin Mo sa akin o kung anong aral ang dapat kong matutuhan. Diyos ko, pakiusap, gabayan Mo ako na maunawaan ang layunin Mo.” Pagkatapos noon, bumalik sa alaala ko ang mga eksena ng paggawa ko ng aking tungkulin bago ako arestuhin: Magpapakitang-gilas ako at mayabang na magsasalita sa harap ng mga kapatid, inaakala ko palagi na ang magawang gampanan ang kaunting gawain ay nangangahulugang naunawaan ko ang katotohanan at nagkamit ako ng kaunting realidad, at itinuring ko ang aking sarili bilang isang bihirang talento at ang haligi ng iglesia. Ginugol ko ang aking mga araw na puno ng pride at kayabangan. Sa pagkukompara nito noong pinirmahan ko ang “Tatlong Pahayag” at ipinagkanulo ang Diyos—mahina ako, duwag, at kaawa-awa, naudyukan ng takot sa kamatayan—gusto ko sana na makakita na lang ng butas at magtago rito. Noong sandaling iyon, nagsimula kong maunawaan kung bakit ako biglang inaresto. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Kapag nagdurusa kayo ng kaunting pagpipigil o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinakastigo, hinahatulan, at isinusumpa kayo kaya nabibigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi ito sadyang pagpapahirap ng mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayong konsiyensiya o katinuang tinaglay ni Pablo, ni hindi ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang pilitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para magising ang inyong mga espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, dapat ay mayroon ding pagkastigo ng mga katotohanang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na magpapasakop. Ang inyong kalikasan ay ganito na kung walang pagkastigo at pagsumpa, hindi ninyo gugustuhing yumuko, hindi gugustuhing sumuko. Kung hindi ninyo nakikita ang mga katunayan, walang magiging epekto. Masyadong aba at walang halaga ang inyong karakter! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap na malupig kayo, at mahirap mapagtagumpayan ang inyong kawalan ng katuwiran at inyong pagsuway. Ang inyong dating kalikasan ay nakaugat nang napakalalim. Kung inilagay kayo sa trono, hindi ninyo malalaman ang inyong lugar sa sansinukob, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Lumikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga pagsumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano katindi kayong yayabang, kung gaano kayo magiging kabuktot. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong pag-iral. Kung ‘tinuturuan’ pa rin kayo gamit ang kaparehong mga pamamaraan tulad ng sa inyong ‘ama,’ sino ang nakakaalam kung anong mundo ang inyong papasukin! Wala talaga kayong abilidad na kontrolin at pagnilayan ang inyong sarili. Para sa mga taong kagaya ninyo, kung susunod at magpapasakop lamang kayo nang hindi nagsasanhi ng anumang paggambala o panggugulo, makakamtan ang Aking mga layon. Hindi ba dapat mas paghusayan ninyo ang pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano pang ibang pagpipilian ang mayroon kayo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (6)). Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pagdidisiplina ng Diyos ang pagkakaaresto at pagkakabilanggo ko. Noong panahon ko bilang isang superbisor, napakayabang ko. Tuwing nagpapakita ng kaunting resulta ang gawain, nagpapakitang-gilas ako sa harap ng mga kapatid. Kapag ang mga manggagawa ng ebanghelyo ay naharap sa mga problema at naging negatibo, sasadyain kong ipagmalaki ang kapabilidad ko sa gawain sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking mga karanasan, at sisiguruhin ko rin na sabihin sa mga kapatid na nagkamit ng magagandang resulta ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia na ako ang responsable, para tumaas ang tingin sa akin ng lahat. Kalaunan, ilang bagong iglesia ang naitatag, at nagpatuloy akong ipagmalaki ang aking kapabilidad sa gawain, para mas tumaas ang tingin sa akin ng iba. Dahil palagi akong nagpapakitang-gilas nang ganito, inakala ng lahat ng kapatid na may pagpapahalaga ako sa pasanin sa tungkulin ko at kaya kong magkamit ng mga resulta sa gawain ko, at naniwala silang isa akong mahusay na superbisor. Saan man ako pumunta, magalang at may respeto akong kinakausap ng lahat, at tuwing may mga problema sila, gusto nilang hingan ako ng payo, at kadalasan, tatanggapin nila ang mga mungkahi ko. Kahit ang sister na katuwang ko ay madalas akong hingan ng opinyon. Dahil nakuha ko ang suporta at paghanga ng lahat, masayang-masaya ako, at naramdaman ko pa ngang parang lumulutang ako sa pride. Naramdaman kong kailangang-kailangan ako sa iglesia, na hindi kakayanin ng gawain ng iglesia nang wala ako, at na mas magaling at mas mahalaga ako kaysa sa sinuman. Sa pagpapakitang-gilas nang ganito, dinala ko ang mga tao sa akin. Sinalungat ko ang disposisyon ng Diyos nang hindi ito namamalayan. Hindi matiis ng Diyos na makita akong patuloy na bumabagsak. Sa pamamagitan ng pag-aresto ng mga pulis, pinigilan Niya akong patuloy na tahakin ang landas ng kasamaan, at pinilit akong tumigil at magnilay, para magawa kong talikuran ang maling landas at mamulat nang napapanahon, at hindi na tumahak pa sa maling daan. Nang napagtanto ko ito, napuno ng luha ang aking mga mata. Lubos akong naantig ng pagmamahal ng Diyos at ng Kanyang matitiyagang layunin. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, salamat sa Iyo sa pagsasaayos ng sitwasyong ito para sa akin. Handa akong magsisi sa Iyo. Diyos ko, pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako, para magkaroon ako ng tunay na pagkaunawa sa sarili ko.”
Isang araw, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong kalikasan na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para itaas mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para dakilain mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Inilalantad ng Diyos na ang ugat ng paglaban ng tao sa Diyos ay ang kanyang mayabang at palalong kalikasan. Kapag ang isang tao ay may isang mayabang na disposisyon, makikita niya ang sarili niya bilang nakatataas, iniisip na mas magaling siya kaysa sa iba. Kasama pa rito, walang kontrol niyang patototohanan ang kanyang sarili at magpapakitang gilas, pinahahanga at pinasasamba ang mga tao sa kanya. Noong panahon ko bilang isang superbisor, kapag nagkamit ako ng kaunting resulta sa gawain, iisipin kong may kakayahan ako, na nauunawaan ko ang katotohanan at kaya kong lutasin ang mga problema, at na kaya kong tumuklas ng mga taong may talento, at inakala ko na ako ay isang talentong hinding-hindi mapapalitan at ang haligi ng iglesia. Lahat ng ito ay naudyukan ng aking mayabang na kalikasan. Malinaw na ang gawain ng ebanghelyo na nagbubunga ng kaunting resulta ay pawang dahil sa gawain at gabay ng Banal na Espiritu at pakikipagtulungan ng mga kapatid, pero kinuha ko ang lahat ng pagkilala para sa sarili ko. Sinadya kong magpakitang-gilas sa harap ng mga kapatid, pinag-aakala silang ito ay pawang dahil nauunawaan ko ang katotohanan at may kapabilidad ako sa gawain, kaya nagbunga ng mga resulta ang gawain. Sa huli, hinangaan at sinamba nila akong lahat. Napakawalang-hiya ko! Naisip ko ang una sa mga atas administratibo ng Diyos: “Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Pinaaalalahanan ng Diyos ang mga tao na dakilain at parangalan Siya bilang dakila. Sa puso ng tao, Diyos lang ang dapat na may lugar, dahil ang Diyos lamang ang nararapat sambahin ng tao. Pero dinakila ko ang sarili ko at nagpakitang-gilas, gusto kong magkaroon ng lugar para sa akin ang mga kapatid sa puso nila. Lahat ng bagay na ginawa ko ay naudyukan ng aking mayabang na kalikasan at ng paglaban sa Diyos. Nilabag ko na ang mga atas administratibo ng Diyos, pero hindi ako natakot at nasiyahan pa ako. Talagang manhid ako! Naisip ko kung paano ako nilinang ng iglesia para maging isang superbisor. Sa isang banda, ito ay para hangarin ko ang katotohanan at pagbabago sa disposisyon habang ginagawa ang tungkulin ko, at sa kabilang banda, nagbigay-daan ito para tanggapin ko ang papel ng pamumuno. Kapag naharap sa mga problema ang gawain, puwede kong akayin ang mga kapatid na tumingin sa Diyos at magtiwala sa Kanya, hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, pinahihintulutan ang mga kapatid na dakilain ang Diyos sa kanilang puso at magkaroon ng lugar para sa Kanya, sa ganoong paraan ay dinadala ang mga tao sa Diyos. Ito ang responsabilidad at tungkulin ko. Pero hindi ko tinupad ang dapat na mga responsabilidad ng superbisor, sa halip, kinuha ko ang bawat pagkakataon sa aking gawain na magpakitang-gilas at patotohanan ang sarili ko, inaakay ang mga kapatid na hangaan at sambahin ako at nagdudulot sa kanilang lumapit sa akin kapag nahaharap sa mga problema sa halip na magtiwala sa Diyos o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Dinala ko ang mga tao sa akin, at sa ganito, nakikipag-agawan ako sa Diyos para sa katayuan. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo at sinalungat na ang disposisyon ng Diyos. Kung nagpatuloy akong gawin ang tungkulin ko nang ganito, sa huli ay parurusahan ako dahil sa paglaban sa Diyos. Nang napagtanto ko ito, bigla akong pinagpawisan nang malamig, naramdaman kong ang pag-arestong ito ay pagpapakita ng matuwid na disposisyon ng Diyos sa akin, at na ito ay dakilang proteksiyon din ng Diyos at pagliligtas sa akin. Taos-puo kong pinasalamatan ang Diyos at handa akong magpasakop sa kapaligirang ito at matuto ng aral. Noong 2021, pinalaya ako pagkatapos kong pagdusahan ang aking sentensiya at lumabas ako sa impiyernong iyon sa lupa na bilangguan ng CCP.
Hindi nagtagal pagkabalik sa bahay, dinala ng mga kapatid sa akin ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, at lubos akong naantig. Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa pagganap ninyo ng inyong tungkulin, nadarama ba ninyo ang patnubay ng Diyos at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? (Oo.) Kung nagagawa ninyong maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, pero mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, at iniisip ninyong nagtataglay kayo ng realidad, ano ang nangyayari rito? (Kapag nagbunga na ang pagganap natin ng ating tungkulin, iniisip natin na kalahati ng papuri ay para sa Diyos, at kalahati ay para sa atin. Pinalalaki natin nang walang hangganan ang ating pakikipagtulungan, iniisip natin na wala nang mas hahalaga pa kaysa sa ating naitulong, at na hindi naging posible ang pagbibigay-kaliwanagan ng Diyos kung wala ito.) Kaya bakit nga ba binigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos? Mabibigyan din ba ng Diyos ng kaliwanagan ang ibang tao? (Oo.) Kapag binibigyang-liwanag ng Diyos ang isang tao, ito ay dahil sa biyaya ng Diyos. At ano naman ang kaunting naitulong mo? Dapat ka bang purihin para sa bagay na ito, o tungkulin at responsabilidad mo ba ito? (Tungkulin at responsabilidad namin ito.) Kapag kinikilala mong tungkulin at responsabilidad mo ito, wasto ang pag-iisip mo, at hindi mo maiisip na subukang umani ng papuri para dito. Kung palagi mong iniisip na ‘Kontribusyon ko ito. Magiging posible kaya ang pagbibigay ng Diyos ng kaliwanagan kung wala ang kooperasyon ko? Ang gawaing ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao; malaki ang bahagi ng ating pakikipagtulungan sa mga naisasakatuparan,’ kung gayon ay mali ka. Paano ka makikipagtulungan kung hindi ka naman binigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kung wala namang nagbahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa iyo? Hindi mo malalaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, ni hindi mo malalaman ang landas ng pagsasagawa. Kahit ginusto mong magpasakop sa Diyos at makipagtulungan, hindi mo malalaman kung paano. Hindi ba mga salitang walang kabuluhan lamang ang ‘kooperasyon’ mong ito? Kapag walang tunay na pakikipagtulungan, kumikilos ka lang nang ayon sa sarili mong mga ideya—kung ganito ang kaso, tumutugon kaya sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo? Talagang hindi, na nagpapahiwatig ng kasalukuyang isyu. Ano ang isyu? Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, nagkakamit man siya ng mga resulta, tumutugon man sa pamantayan ang pagganap niya sa kanyang tungkulin, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay nakasalalay sa mga kilos ng Diyos. Kahit tuparin mo ang iyong mga responsabilidad at tungkulin, kung hindi gumagawa ang Diyos, kung hindi ka binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos, hindi mo malalaman ang iyong landasin, ang iyong direksyon, o ang iyong mga mithiin. Ano ang resulta niyan sa huli? Matapos magpagal sa loob ng buong panahong iyon, hindi mo nagawang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ni hindi mo nakamit ang katotohanan at ang buhay—nauwi lang sa wala ang lahat. Samakatuwid, ang paggawa ng iyong tungkulin na pasado sa pamantayan, na nakapagpapatibay sa iyong mga kapatid, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na personal na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Kung gayon, sa huli, ang pagganap sa iyong mga tungkulin sa epektibong paraan ay nakasalalay sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu; saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan, at matatapos ang atas ng Diyos ayon sa landas na ibinigay sa iyo ng Diyos at sa mga prinsipyo na itinakda Niya. Ito ay biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at kung hindi ito nakikita ng mga tao, nabubulagan sila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Pagkatapos basahin ang siping ito, naunawaan ko na ang dahilan na kaya kong agawin ang kaluwalhatian ng Diyos ay dahil pinanghawakan ko sa loob ko ang isang nakalilinlang na pananaw. Naniwala ako na ang pakikipagtulungan ko ang nagdulot sa Banal na Espiritu na gumawa at tinulutan ang gawain na magbunga ng mga resulta. Binigyan ko ng labis na pagpapahalaga ang pakikipagtulungan ng tao. Ang katotohanan ay nakabatay rin ang pakikipagtulungan ng tao sa pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, walang direksiyon ang pakikipagtulungan ng tao. Ang pakikipagtulungan ng tao ay pagtupad lamang sa tungkulin at mga responsabilidad ng isang tao, at kung nagkakamit man ng mga resulta ang gawain ay pangunahing nakadepende sa gawain ng Banal na Espiritu. Sa pagninilay ko noong una kong simulang gawin ang tungkuling ito, hindi ko naarok ang maraming prinsipyo, kaya lalo akong nanalangin at nag-aral ng mga prinsipyo, at naghanap kasama ang mga kapatid. Unti-unti, naarok ko ang ilang prinsipyo, at sa pamamagitan ng kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu, nagawa kong tuklasin at lutasin ang ilang isyu. Saka lamang nagkamit ng magagandang resulta ang gawain ng ebanghelyo. Kalaunan, namuhay ako sa kalagayan ng kasiyahan sa sarili, at mas naging madalang ang pagdarasal ko at tumigil ako sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, kaya hindi ko na nagawang kamtin ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ko alam kung paano lutasin ang maraming problema, na nakaapekto sa gawain ng ebanghelyo. Partikular na pagkatapos akong arestuhin at ikulong, hindi natigil ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia dahil sa pag-aresto sa akin, sa halip ay patuloy na umusad at mas nagbunga pa nga. Pero may kahangalan at pagkabulag na itinuring kong napakahalaga ng aking pakikipagtulungan, naniniwala na kung wala ako, hindi magkakamit ng magagandang resulta ang gawain ng iglesia. Sa pagbabalik-tanaw ko ngayon, nakaramdam ako ng kahihiyan. Dagdag pa rito, ang katunayan na nakapagdala ako ng ilang taong may talento ay hindi dahil sa naunawaan ko ang katotohanan at na nagawa kong pumili ng tamang mga tao, sa halip ay dahil matagal nang hinanda ng Diyos ang iba’t ibang uri ng may talentong tao para sa Kanyang gawain. Gayundin, sa proseso ng pagpili ng mga tao, maraming isyu ang hindi malinaw sa akin, na nakita ko lamang nang malinaw sa pamamagitan ng paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo kasama ng sister na katuwang ko. Kung hindi dahil sa paghahayag ng Diyos sa katotohanan, na ibinabahagi nang napakalinaw ang mga prinsipyong kaugnay sa pagganap ng mga tungkulin, paano ko posibleng maunawaan o maarok ang mga prinsipyong ito, o magawa nang maayos ang tungkulin ko? Sa realidad, ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at ginagawa ko lamang ang maliit na bahagi ng aking tungkulin na dapat kong gawin bilang isang tao. Wala akong dapat ipagmalaki.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at lalo pa akong nahiya, napahiya, at nanliit. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maraming gawain ang nagawa ng Diyos sa mga tao, ngunit kahit kailan ba ay nagsalita Siya tungkol dito? Naipaliwanag ba Niya ito? Naipahayag ba Niya ito? Hindi pa. Gaano man kamali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, hindi Siya nagpapaliwanag. Mula sa perspektiba ng Diyos, animnapu o walumpung taong gulang ka man, napakalimitado ng pagkaunawa mo sa Diyos, at batay sa liit ng nalalaman mo, bata ka pa rin. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito; isa ka pa ring bata na wala pa sa hustong gulang. Hindi mahalaga na maraming taon nang nabubuhay ang ilang tao at nagpapakita na ng katandaan ang katawan nila; napakamusmos at mababaw pa rin ng pagkaunawa nila sa Diyos. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito—kung hindi mo nauunawaan, hindi mo talaga nauunawaan. Iyon ang kakayahan mo at kapasidad mo, at hindi ito mababago. Walang ipipilit ang Diyos sa iyo. Hinihingi ng Diyos na magpatotoo sa Kanya ang mga tao, ngunit nagpatotoo na ba Siya sa Kanyang sarili? (Hindi.) Sa kabilang banda, natatatakot si Satanas na hindi malalaman ng mga tao ang kahit pinakamaliliit na bagay na ginagawa nito. Hindi naiiba ang mga anticristo: Ipinagmamalaki nila ang bawat maliit na bagay na ginagawa nila sa harap ng lahat. Sa pakikinig sa kanila, para bang nagpapatotoo sila sa Diyos—ngunit kung pakikinggan mo sila nang mabuti, matutuklasan mong hindi sila nagpapatotoo sa Diyos, kundi nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanilang sarili. Ang layunin at diwa sa likod ng sinasabi nila ay ang makipagtunggali sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, at para sa katayuan. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at si Satanas ay nagpapakitang-gilas. Mayroon bang pagkakaiba? Pagpapasikat laban sa pagpapakumbaba at pagiging tago: alin ang mga positibong bagay? (Pagpapakumbaba at pagiging tago.) Maaari bang ilarawan na mapagpakumbaba si Satanas? (Hindi.) Bakit? Kung huhusgahan ang buktot na kalikasang diwa nito, ito ay isang walang kuwentang basura; magiging hindi pangkaraniwan kay Satanas na hindi magpakitang-gilas. Paano matatawag na ‘mapagpakumbaba’ si Satanas? Ang ‘kababaang-loob’ ay tumutukoy sa Diyos. Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ka ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya. Sa paggabay sa sangkatauhan, isinasagawa ng Diyos ang ganoon kahusay na gawain, at pinamumunuan Niya ang buong sansinukob. Napakalawak ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi pa Niya kailanman sinabi, ‘Ang Aking kapangyarihan ay katangi-tangi.’ Nananatili Siyang nakatago sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat, nagtutustos at nagkakaloob para sa sangkatauhan, tinutulutan ang lahat ng sangkatauhan na magpatuloy sa bawat henerasyon. Katulad ng hangin at ng sikat ng araw, halimbawa, o lahat ng mga materyal na bagay na kinakailangan para sa pag-iral ng tao sa mundo—dumadaloy ang lahat ng ito nang walang tigil. Na ang Diyos ay nagkakaloob sa tao ay hindi mapag-aalinlanganan. Kung may ginawang mabuting bagay si Satanas, mananatili ba itong tahimik, at mananatiling isang hindi kilalang bayani? Hindi kailanman. Katulad ito ng kung paanong may ilang anticristo sa iglesia na dating nagsagawa ng mapanganib na trabaho, na tinalikuran ang mga bagay-bagay at nagtiis ng pagdurusa, na maaaring napunta pa sa bilangguan; may ilan ding minsang nag-ambag sa isang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang mga bagay na ito, sa palagay nila ay karapat-dapat sila sa panghabambuhay na karangalan para sa mga ito, sa palagay nila ay panghabambuhay nilang puhunan ang mga iyon—na nagpapakita kung gaano kaliit ang mga tao! Ang mga tao ay talagang maliliit, at si Satanas ay walang kahihiyan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Ang diwa ng Diyos ay mapagkumbaba, maganda at mabuti, samantalang ang diwa ni Satanas ay kasamaan, pangit, at walang kahihiyan. Naisip ko kung paano sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa pagtukso ni Satanas sa Panginoong Jesus. Maliwanag na nilikha ng Diyos lahat ng bagay sa mundo, pero sinabi ni Satanas na nilikha nito ang lahat ng bagay at sinubukang tuksuhin ang Panginoong Jesus na sambahin ito. Naisip ko rin ang CCP. Maliwanag na galing sa Diyos ang lahat ng natatamasa ng sangkatauhan, at ang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng pang-araw-araw na pangangailangan ng sangkatauhan, pero sinasabi ng CCP na dinala nito ang mga tao sa magandang buhay, na nagdudulot sa mga tao na kilalanin ito sa mga bagay na ito. Naisip ko rin ang mga anticristong pinatalsik sa iglesia. Palagi silang nagpapakitang-gilas at nagtataas ng kanilang sarili, nagbabanggit kung gaano karaming gawain ang nagawa nila para sa sambahayan ng Diyos at kung gaano karaming pagdurusa ang tiniis nila, ginagamit ito para ilihis ang mga tao sa pagsunod at pagsamba sa kanila. Nang makita ko ang mga ito ay napagtanto ko kung gaano talaga kawalang-hiya ang mga diyablo at si Satanas! Nang isipin ko ang aking sarili, maliwanag na, dahil sa gawain ng Banal na Espiritu kaya nagkamit ng mga resulta ang gawain ng iglesia pero lihim kong binilang ang mga tagumpay ko at madalas na ipagmalaki ang mga ito sa mga kapatid, nagdudulot sa lahat na isiping mga tagumpay ko ito, hangaan ako, at bigyan ako ng lugar sa kanilang puso. Hindi ba’t ang pag-uugali ko ay gaya lang ng sa mga anticristo na nagtataas ng kanilang sarili at nagpapakitang-gilas? Paano ako naging napakawalang-hiya at ganap na walang konsensiya at katwiran! Nagpakumbaba ang Diyos para maging isang tao para iligtas ang sangkatauhan; handa Siyang isapalaran ang Kanyang buhay at tiisin ang matinding kahihiyan at pagdurusa, pumaparito sa mga tao para gumawa at iligtas tayo. Ibinigay ng Diyos ang lahat para sa sangkatauhan, pero hindi Niya kailanman binabanggit ang mga gawa Niya. Tahimik lang Niyang ginagawa ang gawaing nilalayon Niyang gawin. Pero para sa akin, na isang munting nilikha, ang tanging ginawa ko ay tuparin ang sarili kong tungkulin at responsabilidad, pero gumamit ako ng iba’t ibang paraan para ipangalandakan ang sarili ko at magpakitang-gilas. Talagang hamak ako at walang kabuluhan! Nanalangin ako na nagsisisi sa Diyos, hinihingi sa Kanyang patawarin ang mga pagsalangsang ko. Handa akong magsimulang muli at baguhin ang aking mapagmataas na disposisyon, at na matutong dakilain ang Diyos at patotohanan Siya sa lahat ng bagay.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi kung paano magsagawa ng pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos: “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang tungkol sa mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila. Dati, kayo ay mga taong labis na sumasalungat sa Diyos, mga pinakamalabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo, kung hindi, baka makagawa sila ng mga kilos na kahiya-hiya at walang-katuturan, na hindi nagpapatotoo para sa Diyos, kundi sa halip ay nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Kung walang tunay na mga karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, imposible na makapagpatotoo para sa Diyos. Ang mga taong magulo at lito ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman makapagpapatotoo para sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano dakilain ang Diyos at patotohanan Siya sa mga tao. Sa isang banda, kailangan nating mas ibahagi sa mga kapatid kung paano natin naranasan ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos, ang mga pagsubok at pagpipino ng mga salita ng Diyos, ang kahalagahan ng gawain ng Diyos at kung ano ang mga layunin Niya, at kung anong mga uri ng epekto ang gusto Niyang makamit sa atin, para makilala ng iba ang Diyos at maunawaan ang Kanyang matitiyagang layunin para iligtas ang sangkatauhan. Sa kabilang banda, kailangan din nating ipagtapat at ilahad ang katiwaliang ipinakita natin sa ating mga karanasan, at ang mga mapaghimagsik at mapanlaban na bagay na nagawa natin laban sa Diyos, para maunawaan ng iba ang kalikasan ng ating mga kilos at magkamit ng pagkilatis mula rito. Sa ganitong paraan, matitingnan nila ang kanilang sarili sa liwanag ng mga bagay na ito, at makilala at kamuhian ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa pagsasagawa lamang nang ganito na tunay nating madadakila at mapatototohanan ang Diyos. Pero pinili ko lamang na sabihin ang mabubuting bagay. Sinabi ko lang kung paano ako nagtiwala sa Diyos para makamit ang mga resulta sa gawain, kung gaano karaming tao ang natamo ko at kung gaano karaming iglesia ang naitatag ko, samantalang hindi binabanggit ang paghihimagsik, katiwalian at kahinaang ipinakita ko sa prosesong ito. Hindi ko inilantad sa mga kapatid ang mga bagay na ito. Dahil dito, naligaw sila ng nakikitang tila mabuting pag-uugali ko. Kung anong nagawa ko at kung paano ako kumilos ay pawang salungat sa mga salita ng Diyos, at kinailangan kong magsisi sa Diyos at magsagawa ayon sa Kanyang mga salita mula noon.
Limang buwan pagkalaya ko sa kulungan, isinaayos ng iglesia na ipagpatuloy ko ang pangangaral ng ebanghelyo. Sobra akong naantig, at nagpasya akong gawin nang wasto ang tungkulin ko at bumawi sa mga pagkakautang ko sa Diyos noon. Sa isang pagtitipon, isang baguhan ang nagbanggit ng ilang kuru-kuro, kaya matiyaga kong ibinahagi sa kanya ang mga salita ng Diyos, at sa huli, nalutas ang mga kuru-kuro niya. Sinabi niyang marami siyang nakamit sa pagtitipong ito, at nagpahayag siya ng dakilang pasasalamat sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos sa pagdadala sa mga kapatid para makipagbahaginan sa kanya. Sabik na sabik siya habang nagsasalita, at habang nakikinig ako sa tabi niya, lihim akong nagagalak, iniisip na, “Ang mga kuru-kuro ng sister ay pangunahing nalutas sa pamamagitan ng pagbabahagi ko sa kanya. Mukhang kaya ko naman pala, at kaya kong ibahagi ang katotohanan para lutasin ang ilang problema.” Noong may ganoon akong mga kaisipan, napagtanto ko na ninanakaw ko na naman ang kaluwalhatian ng Diyos. Nakita ko ang mga kapatid sa paligid ko na pinasasalamatan ang Diyos dahil sa paggabay Niya, samantalang walang kahihiyan kong hinahangaan ang sarili ko, at nakaramdam ako ng labis na pagkamuhi sa sarili ko. Napakawalang-hiya ko! Sa puso ko ay nanalangin ako kaagad sa Diyos, na iniisip ang Kanyang mga salita: “Kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa tungkol sa Diyos, kapag nakikita mo ang sarili mong katiwalian at kinikilala ang pagiging kasuklam-suklam at kapangitan ng kayabangan at kapalaluan, mandidiri ka, masusuka, at mababalisa. Sadya mong magagawa ang ilang bagay upang palugurin ang Diyos at, sa paggawa nito, magiginhawahan ka. Sadya mong magagawang magbasa ng salita ng Diyos, dakilain ang Diyos, magpatotoo sa Diyos, at, sa puso mo, maliligayahan ka. Sadya mong ipapakita ang iyong tunay na pag-uugali, na inilalantad ang sarili mong kapangitan, at sa paggawa nito, bubuti ang pakiramdam mo sa iyong kalooban at madarama mo sa sarili mo na mas mabuti ang kalagayan ng iyong pag-iisip” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Ipinagtapat ko sa mga kapatid ang aking kasuklam-suklam na mga kaisipan. Binanggit ko rin na noong una ay medyo hindi ko naunawaan ang ilang isyu mula sa pagtitipon ngayon, pero sa proseso ng pagbabahaginan, unti-unti akong nalinawan sa pamamagitan ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, at na ito ay hindi ko orihinal na tayog kundi ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu. Pagkatapos magbahagi, nakadama ako ng matinding kapayapaan sa puso ko, at naramdaman ko na talagang mabuting mamuhay nang ganito! Ang pagbabagong ito na puwede kong makamit ay pawang resulta ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos sa akin. Salamat sa Diyos!