72. Ang Aking Maling Pagkaunawa at Pagiging Mapagbantay Laban sa Diyos ay Naalis
Noong 2023, ako ang responsable para sa gawain ng ebanghelyo sa iglesia, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, tinanggal ako dahil sa aking mahinang kapabilidad sa gawain at kawalan ng kakayahang gampanan ang mga tungkulin ng isang lider ng pangkat. Isinaayos ng mga lider na ipangaral ko ang ebanghelyo batay sa aking kakayahan. Naisip ko, “Bagama’t kaya ko pa ring ipangaral ang ebanghelyo, ang aking kakayahan ay karaniwan lamang, at hindi ako makagaganap ng mahalagang papel sa pangkat. Kung gagampanan ko ang tungkuling ito at wala pa ring resulta, maaaring manganib akong mawalan ng tungkulin at matiwalag.” Kaya, nagsumikap ako nang walang kapaguran upang ipangaral ang ebanghelyo, umaasang makamit ang mas maraming tao.
Isang beses, napansin ng kapatid na babae na katuwang ko, si Li Xiao, na lumalabag ako sa mga prinsipyo sa aking tungkulin, at na tinalikuran ko ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na naaayon sa mga prinsipyo. Hindi mapakali ang kalooban ko, iniisip ko, “Nagsasanay na ako nang napakatagal pero nakagawa pa rin ako ng ganito kalaking paglihis. Kapag nalaman ito ng mga lider, baka isipin nilang hindi ko nauunawaan ang mga prinsipyo sa aking tungkulin, at baka ituring nila akong walang kakayahan para sa tungkuling ito at italaga ako sa ibang tungkulin. Ngayon, habang malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, kung mabibigo akong gampanan ang aking tungkulin sa mahalagang sandaling ito, hindi ba’t ibubunyag lang ako niyan bilang isang masamang damo na ititiwalag ng Diyos?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nababagabag. Nang isaalang-alang ko na mas nauunawaan ni Li Xiao ang mga prinsipyo kaysa sa akin, nagpasya akong makinig sa kanyang mga mungkahi nang mas madalas, na makatutulong na mabawasan ang mga pagkakamali, at kung magkakaroon man ng mga pagkakamali, mas maliit ang magiging responsabilidad ko para sa mga ito. Pagkatapos niyon, para sa anumang hindi malinaw na isyu, hindi ko pinag-iisipan nang mabuti ang mga bagay-bagay, iniisip na sa aking mahinang kakayahan, ang pagbubulay-bulay sa mga usapin ay hindi magbubunga ng mga resulta, at naghintay akong talakayin ang mga ito kasama ang lahat. Sa mga talakayan, bahagya ko lamang ibinabahagi ang aking mga iniisip, at pagkatapos ay maghihintay kay Li Xiao na ibigay ang kanyang mga pananaw. Minsan mayroon akong ibang mga opinyon ngunit hindi ako naglakas-loob na sabihin ang mga ito, natatakot na kung magkakamali ako, pananagutin ako at maaaring makaapekto ito sa aking kinabukasan at hantungan. Kaya, kadalasan, sumusunod ako sa iba, at nababawasan ang mga pananaw na mayroon ako.
Minsan, tinalakay namin kung ang isang relihiyosong tao ay isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na maaaring pangaralan. Akala ko ay tumutugon siya sa mga prinsipyo para sa pag-eebanghelyo, ngunit sinabi ni Li Xiao na hindi niya kayang umarok sa katotohanan kaya hindi siya dapat pangaralan. Noong una ay nais kong ibahagi pa ang aking pananaw, ngunit pagkatapos ay naisip ko, “Paano kung hindi tama ang aking pananaw at magdulot ito ng mga pagkakamali? Hindi bale na, wala akong sasabihin. Mahusay na nauunawaan ni Li Xiao ang mga prinsipyo at mas may karanasan siya sa pangangaral ng ebanghelyo, kaya makikinig ako sa kanya.” Kaya nagpasya kaming talikuran ang potensyal na tatanggap ng ebanghelyong ito. Kalaunan, nalaman ng superbisor ang tungkol sa sitwasyong ito, at sinabing ang potensyal na tatanggap ng ebanghelyong ito ay marami lang kuru-kurong panrelihiyon, ngunit hindi walang kakayahang tumanggap sa katotohanan, at na ang basta na lang pagtalikod sa kanya ay hindi naaayon sa mga prinsipyo. Nang makita ang gayong paglihis sa gawain, lubos kong pinagsisihan ang hindi pagbanggit sa isyu para sa karagdagang paghahanap noong panahong iyon. Ngunit pagkatapos ay naisip ko, “Mungkahi ito ni Li Xiao, kaya ang responsabilidad ay hindi sa akin lamang.” Kaya nabawasan ang pagkakonsensya ko.
Dahil tinatanong ko ang iba tungkol sa lahat ng bagay at wala akong sariling mga iniisip, unti-unti akong naging napakapurol sa lahat ng ginagawa ko, ang pangangaral ng ebanghelyo ay tila lalong nagiging mahirap para sa akin, at ang mga resulta ay palala nang palala. Sa pagbabalik-tanaw, dati ay kaya kong makipagbahaginan at lutasin ang ilang katanungan ng mga relihiyosong tao kapag nangangaral ng ebanghelyo, ngunit bakit ngayon ay kakaunti na lang ang nasasabi ko? Naramdaman kong may mali ngunit hindi ko alam ang dahilan, kaya wala akong magawa at inisip ko na maaaring dahil ito sa aking mahinang kakayahan at mababaw na pagkaunawa sa katotohanan. Nang mag-isip ako nang ganito, medyo naging negatibo ako. Alam kong mali ang aking kalagayan ngunit nakaramdam ako ng kawalang-kapangyarihang baguhin ito. Kalaunan, nakipagtipon sa amin ang superbisor at ipinaalam ang marami sa aking mga problema, tulad ng pagiging pasibo sa aking tungkulin, palaging pag-asa sa iba, at hindi paggawa ng tunay na gawain, atbp. Nang isa-isang iharap sa akin ang mga pagsusuring ito, natulala ako, iniisip ko, “Paano nagkaroon ng ganito karaming problema sa aking tungkulin? Anong papel ang nagampanan ko sa pangkat?”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, pakinabang, at katayuan sa inaasam nilang pagtamo ng mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, ‘Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang mag-aasikaso sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako puwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?’ Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan para magkaroon sila ng pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang mga anticristo ay sumasampalataya lamang sa Diyos para sa mga pagpapala, itinuturing ang paghahangad ng mga pagpapala bilang kanilang ikinabubuhay, at na sila ay puno ng paghihinala at pagiging mapagbantay laban sa sambahayan ng Diyos at mga kapatid, natatakot na kung gagawa sila ng masama, magdudulot ng mga panggugulo, at malalantad, sila ay tatanggalin at ititiwalag, at mawawala ang kanilang magandang kinabukasan at hantungan. Nakita ko na ang aking paghahangad at mga pananaw ay kapareho ng sa isang anticristo. Mula pa noong tinanggal ako bilang lider ng pangkat, natakot ako na kung ang aking pag-eebanghelyo ay hindi magbubunga ng magagandang resulta, muli akong itatalaga sa ibang tungkulin, at na mawawalan ako ng tungkuling gagampanan, kaya nilayon kong mapabuti ang pagiging epektibo ng aking tungkulin upang mapanatili ang aking tungkulin at matiyak ang isang magandang kinabukasan at hantungan. Napansin ng sister na katuwang ko ang mga paglihis sa aking gawain, ngunit hindi ko agad natagpuan ang sanhi at naitama ang mga ito. Sa halip, natakot akong malaman ito ng mga lider, ituring akong hindi sapat, at italaga ako sa ibang tungkulin, kaya sinubukan kong pagtakpan ang aking mga pagkukulang, ginagamit ang aking kawalan ng pagkaunawa sa mga prinsipyo bilang panangga, at hindi ako naghanap tungkol sa mga isyung hindi malinaw sa akin, ni hindi ko ipinahayag ang magkakaibang mga opinyon. Umasa lang ako sa sister na katuwang ko, naniniwalang kahit magkaroon ng mga pagkakamali, mas maliit ang magiging responsabilidad ko, at hindi ako itatalaga sa ibang tungkulin. Ang pagganap sa mga tungkulin ay orihinal na nangangailangan ng matiwasay na pakikipagtulungan at pagpupuno namin sa mga kalakasan ng isa’t isa, ngunit nag-aalala lang ako sa pagprotekta sa aking sarili at hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Hindi ko man lang natupad ang aking mga responsabilidad. Talagang naging makasarili, kasuklam-suklam, tuso, at mapanlinlang ako! Sa pagbabalik-tanaw kung bakit ako tinanggal noon, sa isang banda, dahil ito sa taglay kong malubhang disposisyon ng isang mapagpalugod ng mga tao at hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, at sa kabilang banda, dahil ito sa aking mahinang kakayahan at kawalan ng kakayahang pangasiwaan ang gawain ng isang lider ng pangkat. Dapat sana’y hinanap ko ang katotohanan upang lutasin ang aking tiwaling disposisyon ng isang mapagpalugod ng mga tao, at mabilis na sinangkapan ang aking sarili ng katotohanan at mga prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo. Magkakaroon ako ng pag-usad sa tungkulin ko sa pamamagitan lang ng pagsasagawa sa ganitong paraan. Ngunit hindi ko hinanap ang katotohanan, at sinubukang gumamit ng katusuhan upang pagtakpan ang aking mga pagkukulang, na hindi lamang nakapinsala sa aking buhay kundi nakaapekto rin sa pagiging epektibo ng aking tungkulin. Ang aking mga gawa ay matagal nang naging dahilan para kasuklaman ako ng Diyos. Ngayon ay namuhay ako sa kadiliman, nawawalan ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ito ang pagdating sa akin ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at kung hindi ako matatauhan, kasusuklaman at ititiwalag lang ako ng Diyos sa huli! Kaya nanalangin ako sa Diyos, ipinahahayag ang aking kahandaang magsisi at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.
Pagkaraan ng ilang panahon, itinalaga si Li Xiao sa ibang tungkulin, at ang gawain sa pangkat ay inako na namin ni Sister Xinyue. Hindi ko mapigilang mag-alala, iniisip ko, “Dati, si Li Xiao ang sumusuri sa mga isyung hindi malinaw sa akin, kaya kung may lumitaw na mga isyu, mas maliit ang responsabilidad ko. Ngayon, kasisimula pa lang ni Xinyue sa pagsasanay, kaya kung may lumitaw na mga isyu sa hinaharap, natural na magiging responsabilidad ko ito—mas malinaw pa ito sa sikat ng araw. At pagkatapos ay magiging maliit na bagay ang mapungusan; sa malulubhang kaso, maaari akong tanggalin at itiwalag.” Napagtanto kong mali ang aking kalagayan, kaya nanalangin ako sa Diyos na maghimagsik laban sa aking sarili. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. … Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig nang walang nakakakita, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang matatapat na tao ay maaaring lubusang magpasailalim ng kanilang sarili sa Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang hindi nagpaplano para sa o isinasaalang-alang ang kanilang sarili, iniisip lamang ang pagganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin upang mapalugod ang Diyos. Ang gayong mga tao ay maaaring makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pag-iwas sa paglalantad ng aking mga pagkukulang ay hindi hahantong sa isang magandang kinabukasan at tadhana. Sa kabaligtaran, kapag mas lalo kong ikinukubli ang aking mga pagkukulang at ginagamit ang panlilinlang upang dayain ang Diyos, mas lalo akong kasusuklaman ng Diyos, at mas malamang na mawalan ako ng gawain ng Banal na Espiritu. May pahintulot ako ng Diyos na gawin ang tungkuling ito, alam ng Diyos ang lahat ng aking mga kakulangan at pagkukulang, ngunit palagi kong nais na itago at pagtakpan ang mga ito. Sinusubukan kong linlangin kapwa ang aking sarili at ang mga nasa paligid ko! Napakahangal ko pala! Dapat kong isagawa ang pagiging isang matapat na tao, naghahanap ng paglilinaw mula sa mga kapatid sa mga bagay na hindi ko nauunawaan, hinaharap at tinatanggap ang mga pagkakamali nang buong tapang, may mga pagkukulang ngunit nagsusumikap na bumuti, at tinutupad ang lahat ng responsabilidad na makakaya ko. Sa pagkaunawa nito, napayapa ang puso ko. Kapag tinatalakay ang mga isyu ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo kasama si Xinyue, kung may nakakaharap kaming mga bagay na hindi namin nauunawaan, hinahanap namin ang kaugnay na mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa isa’t isa, ang ilang isyu na hindi naunawaan noong una ay likas nang luminaw. Para sa ilang isyu na hindi namin mailinaw sa pamamagitan ng talakayan, humingi kami ng tulong mula sa mga superbisor, at sa pamamagitan ng kanilang pagbabahaginan, lalo kaming naliwanagan. Sa panahong ito, maraming pagkukulang ko ang nabunyag, ngunit hindi na ako nakaramdam ng pagkapigil. Kapag lumilitaw ang mga problema, sinusuri ko ang mga ito sa tamang oras, at nang hindi ko man lang namamalayan, gumanda ang resulta ng aming pag-eebanghelyo. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso.
Pagkaraan ng ilang panahon, sumulat ang mga lider upang itanong kung kumusta ang resulta ng aming pag-eebanghelyo, at nakaramdam na naman ako ng kaunting presyur. Bagama’t mas mahusay na ang pagiging epektibo kaysa dati, hindi pa ito gaanong bumubuti, at hindi ko mapigilang mag-alala muli, “Kung hindi pa rin bubuti nang malaki ang pagiging epektibo sa pangkat, iisipin kaya ng mga lider na hindi ako karapat-dapat sa tungkuling ito at pagkatapos ay italaga ako sa ibang tungkulin?” Ang mga pag-iisip na ito ay nagparamdam sa akin ng kaunting paninira ng loob. Napagtanto kong nag-aalala na naman ako tungkol sa aking kinabukasan. Sa isa sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa isang video ng patotoong batay sa karanasan na mismong ang kailangan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, ititiwalag siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang kanyang sarili kapag nagkakamali siya, kung nagsisisi ba siya, at kung kaya ba niyang mahanap ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang kanyang sarili, at tunay na magsisi. Kung walang ganitong tamang pag-uugali ang isang tao, at ganap na silang nahaluan ng mga personal na layunin, kung puno sila ng mga tusong pakana at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kapag may mga dumating na problema, sila ay nagkukunwari, nanlilinlang, at nangangatwiran, at mahigpit na tumatangging akuin ang kanilang mga ginawa, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at ganap na silang nabunyag. Iyong mga taong hindi tama, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, ay kung gayon mga hindi mananampalataya at maaari lamang na itiwalag. … Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaan mong makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung hindi mo man lamang tinatanggap ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang sambahayan ng Diyos ay nagtitiwalag ng mga tao batay sa mga prinsipyo, hindi batay sa pansamantalang mga pagkakamali ng isang tao, ni sa kanilang kakayahan, kundi sa kanilang saloobin sa katotohanan at sa kanilang mga tungkulin, at kung tinatanggap ba nila ang katotohanan at nagsisisi sa Diyos pagkatapos magkamali. Yaong mga nagkakamali ngunit tumatangging magsisi, at yaong, ayon sa kanilang kalikasang diwa, ay tutol sa katotohanan, ang siyang mga itinitiwalag. Bukod pa rito, lagi kong iniisip na ang pagiging naitatalaga sa ibang tungkulin ay nangangahulugang itiniwalag na, ngunit ang pananaw na ito ay hindi talaga umaayon sa mga salita ng Diyos. Ang ilang tao ay tinatanggal dahil sa kanilang malubhang tiwaling disposisyon na naging sanhi ng kanilang paggambala at panggugulo sa gawain, ngunit kung magninilay sila at magsisisi pagkatapos matanggal, binibigyan pa rin sila ng iglesia ng pagkakataong gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung ang isang tao ay naitatalaga sa ibang tungkulin dahil mahina ang kanyang kakayahan at hindi niya kayang pangasiwaan ang kanyang gawain, ang iglesia ay mag-aayos ng mga angkop na tungkulin batay sa kanilang kakayahan at mga kalakasan, na kapaki-pakinabang kapwa sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng indibidwal. Ang pagkakatanggal at pagkakatalaga sa ibang tungkulin ay hindi nag-aalis sa isang tao ng pagkakataong hangarin ang katotohanan at gampanan ang kanyang mga tungkulin, lalong hindi ito nangangahulugan ng pagiging natiwalag na. Halimbawa, si Sister Han Yu, na dating nakikipagtulungan sa akin, ay tinanggal dahil ang kanyang mapagmataas na disposisyon ay humantong sa kanyang paggigiit ng kanyang katayuan at pagpigil sa iba, na nagparamdam sa mga kapatid ng pagkapigil, at gumulo at gumambala sa gawain. Gayumpaman, pagkatapos magnilay ni Han Yu at magkamit ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang mapagmataas na disposisyon, muling isinaayos ng iglesia na gumampan uli siya ng mga tungkulin. Noon, tinanggal din ako dahil sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, ngunit nang handa na akong magsisi, muling isinaayos ng iglesia na gumampan uli ako ng mga tungkulin. Mula rito, nakita ko na ang pagtitiwalag ng Diyos sa mga tao ay hindi batay sa kung sila ay nagkamali o sa kanilang kakayahan, kundi sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at tunay na magsisi. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.
Pagkatapos ay binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag tinatanggap ng isang nilikha ang atas ng Diyos, at nakikipagtulungan siya sa Lumikha sa pagganap sa kanyang tungkulin at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya, hindi ito isang transaksiyon o pakikipagpalitan; hindi dapat tangkain ng mga tao na ipagpalit ang mga pagpapahayag ng mga saloobin o kilos at pag-uugali sa anumang pangako o pagpapala mula sa Diyos. Nang ipagkaloob ng Lumikha ang gawaing ito sa inyo, tama at nararapat lang na bilang mga nilikha, tatanggapin ninyo ang tungkulin at atas na ito. Mayroon bang anumang transaksiyon dito? (Wala.) Sa panig ng Lumikha, handa Siyang ipagkatiwala sa bawat isa sa inyo ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao; at sa panig ng nilikhang sangkatauhan, dapat na malugod na tanggapin ng mga tao ang tungkuling ito, tratuhin ito bilang obligasyon ng kanilang buhay, at bilang halagang dapat nilang isabuhay sa buhay na ito. Walang transaksiyon dito, hindi ito pakikipagtumbasan, at lalong hindi kinasasangkutan ng anumang gantimpala o ibang pahayag na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang kalakalan; hindi ito tungkol sa pakikipagpalitan sa halagang ibinabayad ng mga tao o sa pagsisikap na ibinibigay nila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa ibang bagay. Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos, at hindi dapat ganito ang pagkaunawa ng mga tao rito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). “‘Kahit mahina ang kakayahan ko, mayroon akong tapat na puso.’ Ang mga salitang ito ay napakatotoo pakinggan, at sinasabi ng mga ito ang isang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Anong hinihingi? Na kung kulang sa kakayahan ang mga tao, hindi pa naman ito ang katapusan ng mundo, sa halip dapat silang magtaglay ng tapat na puso, at kung mayroon sila noon, makatatanggap sila ng pagsang-ayon ng Diyos. Anuman ang iyong sitwasyon o pinagmulan, dapat kang maging matapat na tao, nagsasabi nang tapat, kumikilos nang tapat, nagagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso at isipan, maging tapat sa pagganap ng iyong tungkulin, hindi magpabaya, hindi maging tuso o mapanlinlang na tao, hindi magsinungaling o manlinlang, at hindi magpaligoy-ligoy sa pagsasalita. Kailangan mong kumilos ayon sa katotohanan at maging isang taong naghahangad sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagbubulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ibinibigay ng Diyos sa mga tao ang pagkakataong gampanan ang kanilang mga tungkulin hindi upang sila ay magpakapagod at gugulin ang kanilang sarili para sa mga gantimpala, kundi dahil ang pagganap sa mga tungkulin ay responsibilidad at obligasyon ng mga nilikha, at dapat walang pag-iimbot na pagsikapan ng mga tao na tuparin ito. Isa rin itong pagkakataong ibinigay ng Diyos para sa atin upang hangarin ang katotohanan at iwaksi ang ating mga tiwaling disposisyon. Hindi tinitingnan ng Diyos ang kakayahan ng isang tao kundi kung mayroon siyang sinserong puso sa kanyang mga tungkulin, kung kaya niyang isantabi ang kanyang mga personal na interes, ilagak ang kanilang puso at mga pagsisikap, at gawin ang kanyang makakaya sa lahat ng kaya niyang gawin. Ito ang saloobing dapat nating taglayin sa ating mga tungkulin. Mula noon, kapag ginagampanan ang aking mga tungkulin, hindi na ako nakaramdam ng labis na pasanin. Bagama’t may mahina akong kakayahan, kailangan ko pa ring gawin ang aking makakaya sa lahat ng kaya kong gawin. Kung may mga problemang hindi ko nauunawaan, mananalangin ako at aasa sa Diyos, o hihingi ng tulong mula sa mga superbisor. Minsan, kapag lumitaw ang mga problema, nag-aalala akong baka mahalata ng mga superbisor kung sino talaga ako, at sabihing sa kabila ng pagsasanay nang matagal, hindi ako nagkaroon ng pag-usad. Ngunit nang maisip ko kung paano sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay, napagtanto kong alam ng Diyos ang aking mga pagkukulang, at walang kabuluhan ang pagtatago sa mga ito. May mga angkop na pagsasaayos ang Diyos para sa kung saan ako nararapat na gumampan ng mga tungkulin ko, batay sa aking tayog at kakayahan. Hindi ito mga bagay na dapat kong alalahanin o ikabahala. Dapat akong maging isang matapat na tao, isantabi ang aking mga interes, at tumuon sa kung paano gagampanan nang maayos ang aking mga kasalukuyang tungkulin. Kung ibibigay ko ang lahat ng aking makakaya at hindi ko pa rin kayang pangasiwaan ang tungkuling ito, magpapasakop ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos kahit na matalaga ako sa ibang mga tungkulin. Nang nasa isip ito, hayagan akong humingi ng patnubay mula sa mga superbisor tungkol sa mga isyu, at pagkatapos ipaalam ng mga superbisor ang ilang problema, sinuri ko ang mga paglihis na ito at agad na itinama ang mga ito. Pagkatapos magsagawa nang ganito sa loob ng ilang panahon, ang resulta ng aming pag-eebanghelyo ay bumuti nang malaki kumpara sa dati. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa aking puso. Ang resultang ito ay pawang dahil sa patnubay ng Diyos.