75. Tamang Pagharap Ba ang Maging Tapat sa Ipinagkakatiwala ng Iba?
Ang lolo ko ay isang taong may mataas na katanyagan sa aming nayon at palagi siyang masayang tumutulong sa iba. Noong bata pa ako, lumipat sila ng lola ko sa lungsod, pero sa tuwing may nangangailangan sa nayon, isinasantabi niya ang gawain niya at bumabalik siya sa nayon para tumulong. Lahat ng tao ay nagsasabing mabuting tao ang aking lolo at labis siyang iginagalang, at sa tuwing nababanggit siya, laging nagbibigay ng pagsang-ayon ang mga tao sa kanya. Ikinarangal ko ang pagkakaroon ng gayong lolo. Pagkatapos pumanaw ng aking lolo, madalas kong marinig ang mga tao na pinag-uusapan siya, sinasabing siya ay isang tao na may mabuting katayuang moral at reputasyon. Nang marinig ko ito, nadama ko na mabuti at mapagkakatiwalaan ang paraan ng pag-asal ng aking lolo, at na kahit pumanaw na siya, may mabuti pa rin siyang reputasyon. Kalaunan, kapag may sinumang humihingi sa akin ng tulong, aktibo ko silang tinutulungan, nadaramang mabuti ang pagtulong sa iba sa ganitong paraan at ginagawa ako nitong isang mabuting tao.
Pagkatapos kong matagpuan ang Diyos, gumawa ako ng mga video sa iglesia. Dahil may kaunting kaalaman ako sa teknolohiya ng kompyuter, madalas lumalapit sa akin ang mga kapatid para humingi ng tulong sa kanilang mga problema sa kompyuter. Pakiramdam ko na ang pagtulong sa mga kapatid na ayusin ang mga isyu nila sa kompyuter ay paggawa ng isang mabuting gawa. Bukod pa rito, kapag humihingi ng tulong sa akin ang mga kapatid, nangangahulugan itong pinagkakatiwalaan nila ako, at iniisip ko, “Kung hindi ako tutulong, ano ang iisipin ng lahat sa akin? Baka isipin nilang makasarili talaga ako at walang pagkatao.” Basta’t kaya kong lutasin ang isang problema, hindi ako tumatanggi sa sinuman. Minsan, kahit hindi ko malutas ang problema, nag-iisip akong mabuti para maghanap ng impormasyon at sinusubukang humanap ng solusyon. Kahit pa kumakain ito nang marami sa oras ko, at inaantala ang pangunahin kong gawain, inuuna ko pa rin ang pagtulong sa mga kapatid sa mga isyu nila sa kompyuter. Pakiramdam ko, dahil tinanggap ko na ang kahilingan nila, kailangan kong gawin ito nang maayos. Kung hindi ko ito gagawin nang maayos, sa huli, hindi ba’t mawawala sa akin ang aking katanyagan? Kung mangyayari iyon, sino na ang magtitiwala sa akin sa hinaharap? Unti-unti, nakatanggap ako ng papuri mula sa mga kapatid, at inisip ng lahat na may mabuti akong pagkatao at handa akong tumulong sa iba. Kaya pakiramdam ko ay sulit ang halagang binabayad ko.
Kalaunan, dahil sa mga hinihingi ng gawain, nagsimula akong mag-aral ng isang bagong uri ng teknolohiya. Partikular na inutos ng lider sa akin, “Kailangan mong mabilis na matutuhan kung paano ito gamitin para maituro mo sa iba. Kung hindi, maaantala ang paggamit nito ng mga kapatid at maaapektuhan ang kahusayan ng ating gawain.” Habang nakatutok ako sa pag-aaral ng bagong teknolohiya, biglang nag-blue screen, namatay, at hindi na bumukas ang kompyuter ni Sister Xiaoxue, at hiniling niya sa aking siyasatin kung ano ang problema. Nang tingnan ko ang code ng blue screen, napansin kong hindi ko pa nakikita ang bagay na ito dati, at hindi ko alam kung paano ito ayusin, kaya sinabi kong dalhin niya ito para ipakumpuni. Pero nag-alala siyang masyadong magtagal ang pagkukumpuni at iginiit niyang tulungan ko siya para ayusin ito, sinasabing, “Iiwan ko sa iyo ang kompyuter; sigurado akong maaayos mo ito.” Nakita ko kung gaano kalaki ang tiwala niya sa akin, at naisip ko, “Kung tatanggi uli ako, ano na lang ang iisipin niya sa akin?” Hindi ko makuhang tumanggi, kaya pumayag ako. Sa sumunod na dalawang araw, nanatili ako sa bahay, naghahanap ng impormasyon online, nag-iisip nang mabuti para matuklasan kung paano kukumpunihin ang kompyuter. Sinubukan ko ang ilang pamamaraan at sa wakas ay nakumpuni ko ito. Napakasaya ng kapatid nang makitang gumagana na ang kompyuter, at nagalak ako, iniisip na nagbunga na sa wakas ang pinagpaguran ko nitong dalawang araw, pero medyo nalungkot din ako, iniisip na, “Natulungan ko na ang ibang lutasin ang mga problema nila, pero hindi ko pa rin nauunawaan ang teknolohiyang dapat kong pag-aralan. Pero sino ba ang nagsabi sa aking mangako ng mga ito sa iba? Magbabayad na lang ako ng kaunti pang halaga at magpupuyat para mag-aral.” Pagkatapos niyon, tuwing may mga problema ang mga kapatid sa kompyuter, tinatawagan nila ako para lutasin ang mga iyon, at masyado akong nahihiyang tumanggi. Gumugugol ako ng maraming oras dito, na nagpapaantala sa pangunahing gawain ko. Naisip kong imungkahi sa mga kapatid, na kung may mga problema ang mga kagamitan nila, dapat muna nilang ipadala ang mga ito sa iba para ipakumpuni, at na pangangasiwaan ko na lang uli ang mga bagay na ito pagkatapos kong makaraos sa abalang panahong ito. Pero kapag tinatawagan ako ng mga kapatid para humingi uli ng tulong, hindi ko mapigilan ang sarili kong tumulong. Kahit ginugugol ko ang mga araw ko na kasing-abala ng isang bubuyog, kapag naririnig ko ang mga papuri nilang lahat pagkatapos ay nararamdaman kong sulit ang pagsisikap ko. Dahil araw-araw akong abala sa pagtulong sa iba na kumpunihin ang mga kagamitan sa kompyuter, napagpaliban ang mga plano ko sa pag-aaral. Tinanong ako ng superbisor kung kumusta na ang pag-aaral ko, at nakipagbahaginan siya sa akin, hinihimok akong mag-aral pa tungkol sa teknolohiya at ituro ito sa mga kapatid sa lalong madaling panahon. Alam ko kung gaano kaagaran ang gawaing iyon, at na ang hindi pag-aaral niyon ay makaaapekto sa kahusayan at progreso ng gawaing pangvideo. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung tatanggi akong tumulong kapag lumalapit ang mga kapatid, iisipin ba nilang ako ay makasarili at hindi mapagmahal?” Noong panahong iyon, sinisikap kong mag-aral ng mga teknikal na kasanayan, habang tinutulungan din ang mga kapatid na lutasin ang mga problema sa kompyuter, at pakiramdam ko ay hindi sapat ang mga oras ko sa isang araw, at pagod na pagod ako, pero hindi ko alam kung paano magsagawa.
Nang maglaon, nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko ang mga maling pananaw ko tungkol sa kung ano ang dapat kong hangarin sa loob ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa sandaling magsimulang magsalita ang mga tao, natututo sila ng lahat ng uri ng mga kasabihan mula sa mga tao, sa mga hindi mananampalataya, kay Satanas, at sa mundo. Nagsisimula ito sa paunang edukasyon kung saan tinuturuan ang mga tao ng kanilang mga magulang at pamilya kung paano umasal, kung ano ang sasabihin, kung anong wastong asal ang dapat taglayin nila, kung anong uri ng mga kaisipan at karakter ang dapat magkaroon sila, at iba pa. Maging pagkatapos pumasok sa lipunan, hindi namamalayan ng mga tao na tumatanggap pa rin sila ng indoktrinasyon at iba’t ibang doktrina at teorya mula kay Satanas. Ang ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao’ ay ikinikintal ng pamilya o lipunan sa bawat tao bilang isa sa mga wastong asal na dapat taglayin ng mga tao. Kung taglay mo ang wastong asal na ito, sinasabi ng mga tao na ikaw ay marangal, kagalang-galang, may integridad, at na ginagalang at tinitingala ka ng lipunan. Dahil ang pariralang ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao’ ay nagmumula sa mga tao at kay Satanas, ito ay nagiging bagay na ating sinusuri at kinikilatis, at sa kalaunan pa ay nagiging bagay na ating tinatalikdan. Bakit natin kinikilatis at tinatalikdan ang pariralang ito? Suriin muna natin kung tama ba ang pariralang ito at kung tama ba ang isang taong sumusunod dito. Talaga bang marangal na maging isang taong tinataglay ang moralidad na ‘gawin nila ang lahat ng makakaya nila para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao’? Taglay ba ng gayong tao ang katotohanang realidad? Taglay ba niya ang pagkatao at mga prinsipyo sa pag-asal na sinabi ng Diyos na dapat taglayin ng mga nilikha? Nauunawaan ba ninyong lahat ang pariralang ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao’? Ipaliwanag muna ninyo sa sarili ninyong mga salita kung ano ang ibig sabihin ng pariralang ito. (Nangangahulugan ito na kapag ipinagkatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, dapat ay ibuhos mo ang buong lakas mo para magawa iyon.) Hindi ba’t dapat ganito ang gawin? Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, hindi ba’t mataas ang tingin niya sa iyo? Mataas ang tingin niya sa iyo, naniniwala siya sa iyo, at iniisip niyang mapagkakatiwalaan ka. Kaya, anuman ang ipagawa sa iyo ng ibang tao, dapat kang pumayag at gawin iyon nang maayos at nang ganap na ayon sa kanilang mga hinihingi, para matuwa sila at masiyahan. Sa paggawa nito, isa kang mabuting tao. Ang implikasyon nito ay na ang tutukoy kung maituturing ka bang isang mabuting tao ay kung masisiyahan ang taong nagkatiwala sa iyo ng isang gawain. Maipapaliwanag ba ito sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t madaling maituring na mabuting tao sa paningin ng iba at kilalanin ng lipunan? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng ‘madali’ ito? Ang ibig nitong sabihin ay na napakababa ng pamantayan at talagang hindi marangal. Kung maaabot mo ang pamantayan ng moralidad na ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,’ ituturing kang isang taong may wastong asal sa gayong mga bagay. Ang hindi tuwirang ibig sabihin nito ay na karapat-dapat kang pagkatiwalaan ng mga tao, karapat-dapat na ipagkatiwala nila sa iyo ang pangangasiwa sa mga gawain, na isa kang taong may magandang reputasyon, at na isa kang mabuting tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (14)). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi ako umaasal o kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos, kundi ayon sa mga tradisyonal na kaisipang itinanim ni Satanas, tulad ng “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Bagama’t hindi tahasang itinuro sa akin ng mga magulang ko ang ideyang ito, napagmasdan ko mula sa murang edad kung paanong maingat na pinangasiwaan ng lolo ko ang mga bagay na ipinagkatiwala sa kanya ng iba, at na gaano man kahirap o katakaw sa oras ang mga iyon, tinatapos niya ang mga ito, kaya naman nakuha niya sa huli ang paggalang ng mga nakapaligid sa kanya, at magiliw pa nga siyang inaalala pagkamatay niya. Inakala kong ito ang tamang paraan ng pag-asal, na makukuha ko ang paghanga ng mga tao sa ganitong paraan, at na maaari akong maging isang tao na may dignidad at integridad. Hindi ko namamalayan, sa patuloy kong pagkakalantad sa ideyang ito, nagsimula akong maghangad na maging gayong klase rin ng tao. Simula nang malaman ng mga kapatid na may kaunting kasanayan ako sa pagkukumpuni ng mga kompyuter, lumalapit sila sa akin para magpatulong tuwing may mga problema sila. Hindi ko kailanman tinanggihan ang sinuman, at bilang resulta, nakatanggap ako ng ilang positibong ebalwasyon. Mas matinding pinaramdam nito sa akin na ito ang tamang paraan ng pag-asal. Kapag muling lumalapit sa akin ang mga kapatid na may mga problema, kahit hindi ko pa natatapos ang sarili kong mga tungkulin, tinutulungan ko pa rin sila. Inakala kong humihingi sila ng tulong sa akin dahil pinagkakatiwalaan nila ako, at pakiramdam ko na kung hindi ko kukumpunihin ang mga kompyuter para sa kanila, hindi ba’t binibigo ko sila? Para matiyak na maganda ang sasabihin ng mga kapatid tungkol sa akin, at para maging isang tao na sa paningin nila ay mapagmahal at may mabuting pagkatao, tinutugunan ko ang kahilingan ng lahat, gaano man ito kahirap, mas pinipiling mabawasan ang oras ng aking pahinga o maantala pa nga ang aking pangunahing gawain, para lang makompleto ang mga gampaning ipinagkatiwala sa akin ng iba. Namuhay ako ayon sa sinasabing kabutihang-asal na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” ginagawa ang mga bagay nang walang mga prinsipyo, at bigong unahin ang mga gampaning dapat unahin. Hinangad ko lang na sa paningin ng mga tao ay makita ako bilang isang mapagkakatiwalaan at mabuting tao, na naging dahilan para hindi ko matutuhan ang mga kasanayan sa paggawa ng video na dapat ay natutuhan ko na, at inaantala ang aking pangunahing gawain. Nakita ko na ang aking pag-iisip at mga pananaw ay ginawang tiwali at baluktot ni Satanas, at hindi ko man lang alam kung ano ang tunay na mabuting tao.
Kalaunan, nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos, at naunawaan kung ano ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat gampanan ng isang nilikha. Sabi ng Diyos: “May isa pang aspekto sa pahayag tungkol sa moralidad na ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao’ na kailangang kilatisin. Kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay hindi masyadong kumokonsumo ng iyong oras at enerhiya, at nasa saklaw ito ng iyong kakayahan, o kung mayroon kang tamang kapaligiran at mga kondisyon, kung gayon, dahil sa konsensiya at katwiran ng tao, maaari kang gumawa ng ilang bagay para sa iba sa abot ng iyong makakaya at tumugon sa kanilang mga makatwiran at naaangkop na hinihingi. Subalit, kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay nangangailangan ng marami mong oras at enerhiya, at masyadong kumakain ng iyong oras, hanggang sa puntong dahil dito ay isinasakripisyo mo na ang iyong buhay, at ang iyong mga responsabilidad at obligasyon sa buhay na ito at ang iyong mga tungkulin bilang nilikha ay mawawala na at mapapalitan, ano ang gagawin mo? Dapat kang tumanggi dahil hindi mo ito responsabilidad o obligasyon. Pagdating naman sa mga responsabilidad at obligasyon sa buhay ng isang tao, maliban sa pag-aalaga sa mga magulang at pagpapalaki ng mga anak, at pagtupad sa mga responsabilidad sa lipunan at sa ilalim ng batas, ang pinakamahalagang bagay ay na dapat igugol ang enerhiya at oras, at buhay ng isang tao sa paggawa sa tungkulin ng isang nilikha, sa halip na ang mapagkatiwalaan ng gawain ng sinuman, na kumokonsumo ng kanyang oras at enerhiya. Ito ay dahil nililikha ng Diyos ang isang tao, binibigyan siya ng buhay, at dinadala siya sa mundong ito, at hindi ito para gumawa sila ng mga bagay at tumupad ng mga responsabilidad para sa iba. Ang pinakadapat tanggapin ng mga tao ay ang ipinagkatiwala ng Diyos. Tanging ang ipinagkatiwala ng Diyos ang tunay na ipinagkatiwala, at ang pagtanggap sa ipinagkatiwala ng tao ay hindi pag-aasikaso sa nauukol nilang mga tungkulin” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (14)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagtulong sa mga kapatid ay hindi mali, at na ito ay isang uri ng pagmamahal na dapat taglayin ng isang tao na may normal na pagkatao. Gayumpaman, ang paggugol ng oras at lakas sa pagtulong sa iba sa isang di-maprinsipyong paraan, hindi pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia, at pag-antala sa aking mga tungkulin, ang ganitong uri ng pagtulong ay hindi naaangkop at dapat akong umiwas na gawin ito. Inorden ng Diyos ang aking kapanganakan sa mga huling araw, at mayroon akong sariling misyon at mga tungkuling dapat tuparin. Kung ipagpapaliban ko ang mga tungkulin ko para tapusin ang mga ipinagkatiwalang gampanin sa akin ng iba, mapababayaan ko ang aking wastong gawain. Kung isasaalang-alang na isinaayos ng pamunuan na pag-aralan ko ang bagong teknolohiya, dapat sana ay natutuhan ko ito sa pinakamaikling panahong makakaya ko, na magpapabuti sa kahusayan ng paggawa ng mga video para sa lahat. Pero, tuwing may mga problema sa kagamitan ang mga kapatid at humihingi sila sa akin ng tulong, kahit alam ko na ang pagkukumpuni ng kagamitan ay kakain ng maraming oras at lakas at aantala sa aking pangunahing gawain, isinasantabi ko pa rin ang sarili kong gawain para tulungan sila, para lang magkaroon sila ng magandang impresyon sa akin, na nagpaantala sa pagsasaliksik ko sa teknolohiya ng produksiyon ng video. Napagtanto ko na walang mga prinsipyo ang pamamaraan ko, na hindi ko alam kung aling mga gampanin ang dapat tanggihan at alin ang dapat tanggapin, at bulag akong sumusunod sa pilosopiya ni Satanas. Bilang resulta, ginugol ko ang mga araw ko sa pagpapakaabala at pagpapakapagod, isinasakripisyo pa nga ang oras para sa mga debosyonal at sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at naantala rin ang pangunahing gawain ko. Ngayon, naunawaan ko nang dapat kong palaging unahin ang mga sarili kong tungkulin sa lahat ng oras. Ito ang hinihingi sa akin ng Diyos. Kung ipagpapaliban ko ang mga tungkulin ko para lang makuha ang paghanga ng iba o para tapusin ang mga gampaning ipinagkatiwala sa akin ng iba, pagpapabaya ito sa aking wastong gawain at hindi naaayon sa layunin ng Diyos.
Kalaunan, nagbasa ako ng mas marami pang mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkilatis sa kabutihang-asal na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Sabi ng Diyos: “Sa lipunang ito ng mga tao, ang bawat indibidwal ay may transaksiyonal na pag-iisip, at nakikipagtransaksiyon ang lahat. Ang lahat ay may hinihingi sa iba at lahat sila ay gustong makinabang sa ibang tao nang hindi nagdurusa ng anumang kawalan. Sinasabi ng ilang tao, ‘Sa mga “gumagawa ng lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao,” marami ding hindi naghahangad na makinabang sa ibang tao. Nilalayon lang nilang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para maayos na pangasiwaan ang mga bagay-bagay, tinataglay talaga ng mga taong ito ang wastong asal na ito.’ Hindi tumpak ang pahayag na ito. Kahit pa hindi sila naghahangad ng kayamanan, mga materyal na pag-aari, o anumang uri ng pakinabang, naghahangad sila ng kabantugan. Ano ba itong ‘kabantugan’? Ang ibig sabihin nito, ‘Tinanggap ko ang tiwala ng mga tao na pangasiwaan ang mga pinagagawa nila. Naroroon man o wala ang taong nagtiwala sa akin, hangga’t ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para pangasiwaan ito nang maayos, magkakaroon ako ng magandang reputasyon. Kahit papaano ay malalaman ng ilang tao na isa akong mabuting tao, isang taong may mabuting karakter, at isang taong karapat-dapat na tularan. Maaari akong magkaroon ng puwang sa mga tao at mag-iwan ng magandang reputasyon sa isang grupo ng mga tao. Sulit din ito!’ Sinasabi ng ilang tao, ‘“Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” at dahil pinagkatiwalaan tayo ng mga tao, naroon man sila o wala, dapat nating pangasiwaan nang maayos ang mga pinagagawa nila at gawin ito hanggang sa matapos. Kahit pa hindi tayo makapag-iwan ng marka sa kasaysayan, kahit papaano ay hindi nila tayo mapipintasan kapag nakatalikod tayo sa pamamagitan ng pagsasabing wala tayong kredibilidad. Hindi natin maaaring hayaan ang mga susunod na henerasyon na makaranas ng diskriminasyon at magdusa ng ganitong uri ng inhustisya.’ Ano ang hinahanap nila? Naghahanap pa rin sila ng kabantugan. Labis na pinahahalagahan ng ilang tao ang kayamanan at mga pag-aari, samantalang ang iba naman ay pinahahalagahan ang kabantugan. Ano ang ibig sabihin ng ‘kabantugan’? Ano ang mga partikular na pagpapahayag ng ‘kabantugan’ sa mga tao? Ito ay ang matawag na mabuting tao at isang taong may mataaas na moralidad, isang huwaran, isang taong matuwid, o isang banal. Mayroon pa ngang ilang tao na, dahil sa isang bagay ay nagtagumpay sila na ‘gawin ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao’ at mayroon silang ganitong uri ng mabuting karakter, ay walang-katapusan silang pinupuri, at nakikinabang sa kanilang kabantugan ang kanilang mga inapo. Kita mo, higit itong may halaga kaysa sa mga pakinabang na nakukuha nila ngayon. Kaya, ang panimulang punto para sa sinumang sumusunod sa diumano’y pamantayan ng moralidad na ‘gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao’ ay hindi ganoon kasimple. Hindi lamang nila hinahangad na tuparin ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad bilang mga indibidwal, sa halip ay sinusunod nila ito para sa personal na pakinabang o reputasyon, para sa buhay na ito o para sa susunod na buhay. Siyempre, mayroon ding mga taong nagnanais na maiwasang mapintasan kapag nakatalikod sila o na maiwasang magkaroon ng masamang reputasyon. Sa madaling salita, ang panimulang punto para gawin ng mga tao ang ganitong bagay ay hindi simple, hindi talaga ito panimulang punto mula sa perspektiba ng pagkatao, o panimulang punto mula sa responsabilidad sa lipunan ng sangkatauhan. Kung titingnan ito mula sa layunin at panimulang punto ng mga taong gumagawa ng gayong mga bagay, ang mga taong kumakapit sa pariralang ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao’ ay hindi nagtataglay ng anumang hindi komplikadong layunin” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (14)). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga tao ay namumuhay ayon sa tradisyonal na ideyang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” pero sa pailalim, itinatago ng mga tao ang mga pansariling layunin nila. Halimbawa, noong tinutulungan ko ang mga kapatid na kumpunihin ang mga kompyuter, bagaman hindi ko inasahan na makakukuha ako ng anumang materyal na pakinabang mula sa kanila, ginusto kong makakuha ng mabubuting ebalwasyon mula sa kanila, at magkaroon ng magandang imahe sa puso nila. Samakatwid, handa akong isakripisyo ang oras at lakas ko para tapusin ang mga gampaning ipinagkatiwala sa akin, para makita nila ako bilang mapagkakatiwalaan at maaasahan. Naisip ko ang lolo ko. Namuhay siya batay sa kabutihang-asal na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Natakot siya na pagkatapos lumipat sa lungsod, pupunahin siya ng iba na hinahamak niya ang mga taganayon, kaya kahit ano pang isyu mayroon ang mga taganayon, lagi niyang sinusubukang gawin ang lahat ng makakaya niya para tumulong sa mga ito. Nagbigay ito ng magandang reputasyon sa kanya, at inisip ng lahat na siya ay isang mabait at mabuting tao. Lubos akong naimpluwensyahan ng aking lolo, at namuhay rin ako ayon sa tradisyonal na ideya ng “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Kapag nahaharap sa mga paghihirap ang mga taong nakapaligid sa akin, basta’s lumapit sila sa akin, ginagawa ko ang lahat para tulungan sila, sa takot na may masabi silang masama sa akin. Kapag nagkaroon ng mga problema sa kompyuter ang mga kapatid at humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko isinasaalang-alang ang sarili kong mga tungkulin o ang pagiging agaran ng mga gampanin, at para maiwasang mawala ang tiwala nila sa akin, isinasantabi ko ang sarili kong mga tungkulin, at tinutulungan sila sa paraang walang prinsipyo, na nagdulot ng mga pagkaantala sa gawain ng iglesia. Ngayon, naunawaan ko nang ang kakayahang “gawin ang lahat ng makakaya mo para matapat na mapangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng iba” ay hindi nangangahulugan ng pagiging isang tao na may tunay na pagkatao o marangal na karakter. Paraan lang ito para makuha ang pabor ng mga tao, para gamitin ang pagtulong sa iba bilang paraan upang makakuha ng papuri at magkaroon ng magandang reputasyon. Ang paghahangad ko nito ay tunay na mapanlihis at mapagpaimbabaw! Hindi ko na kayang mamuhay pa nang ayon sa tradisyonal na ideyang ito. Kailangan kong kumilos at umasal ayon sa mga salita ng Diyos. Ang isang tao ay dapat na maging matapat sa Diyos at sa sarili niyang mga tungkulin. Ang pagtupad sa mga tungkulin ng isang nilikha ay aking misyon at responsabilidad. Kalaunan, kapag nahaharap ako sa katulad na mga sitwasyon, sinasadya kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos.
Minsan, bumili ng isang bagong kompyuter ang isang kapatid at gusto niyang tulungan ko siyang i-reinstall ang system. Nang nakita kong ang kompyuter ay ang pinakabagong modelo at na hindi ko pa ito na-install dati, at wala ito ng ilang driver, napagtanto ko na ang pagpayag na tumulong ay nangangahulugang paggugol ng oras at lakas para maghanap ng mga impormasyon. Nagtalo ang kalooban ko, iniisip na, “Kung tatanggihan ko ang sister, iisipin niya kayang ayaw ko siyang tulungan at mawawala ang mabuting impresyon niya sa akin?” Pero pagkatapos ay isinaalang-alang ko na may agaran akong gawain na dapat pangasiwaan, na kailangang paggugulan ng oras at pagsisikap sa pananaliksik, at na ang pagtulong sa sister na i-set up ang kompyuter ay aantala sa aking gawain. Sa puntong iyon, napagtanto ko na isinasaalang-alang ko na naman ang pagtingin ng iba sa akin. Kaya nanalangin ako sa Diyos, ayaw nang ipagpaliban ang gawain para sa katanyagan at pakinabang. Pagkatapos, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, ano ang dapat mong gawin? Kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay isang bagay na madali lang gawin, kung saan kailangan mo lang na magsalita o gumawa ng isang maliit na pagkilos, at nasa sa iyo ang kinakailangang kakayahan, pwede kang tumulong nang mula sa iyong pagkatao at pagmamalasakit; hindi ito itinuturing na mali. Isa itong prinsipyo. Subalit, kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay kokonsumo ng marami mong oras o enerhiya, o kung sasayangin pa nga nito ang malaki-laking bahagi ng iyong oras, may karapatan kang tumanggi. Kahit pa mga magulang mo ito, may karapatan kang tumanggi. Hindi kinakailangan na maging matapat ka sa kanila o na tanggapin mo ang ipinagkakatiwala nila, ito ay iyong karapatan. Saan nagmumula ang karapatang ito? Ito ay ipinagkakaloob sa iyo ng Diyos. Ito ang pangalawang prinsipyo. Ang pangatlong prinsipyo ay na kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, kahit pa hindi ito kumokonsumo ng maraming oras at enerhiya, pero makagugulo ito o makaaapekto sa pagganap mo ng tungkulin, o makasisira ito sa kagustuhan mong gampanan ang iyong tungkulin pati na rin sa iyong katapatan sa Diyos, dapat mo rin itong tanggihan. Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang bagay na makaaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan, makagagambala at makagugulo sa kagustuhan mong hangarin ang katotohanan at sa bilis ng iyong paghahangad sa katotohanan, at makapagpapasuko sa iyo bago ka pa matapos, lalo mo pa itong dapat tanggihan. Dapat mong tanggihan ang anumang nakaaapekto sa pagganap mo ng tungkulin o sa paghahangad mo sa katotohanan. Karapatan mo ito; may karapatan kang humindi. Hindi kinakailangan na igugol mo ang iyong oras at enerhiya. Pwede mong tanggihan ang lahat ng bagay na walang kabuluhan, halaga, magandang aral, tulong, o pakinabang sa iyong pagganap ng tungkulin, paghahangad sa katotohanan, o kaligtasan. Maituturing ba itong isang prinsipyo? Oo, isa itong prinsipyo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (14)). Nagbahagi ang Diyos ng tatlong prinsipyo kung paano natin dapat pangasiwaan ang mga gampaning ipinagkakatiwala sa atin ng iba, na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Kung ang isyu ng kompyuter ng sister ay hindi komplikado at isang simpleng gampanin lang, matutulungan ko siya, dahil ito ang pagmamahal na dapat umiral sa pagitan ng mga kapatid. Pero kung ang problema niya ay hindi kaagad na malulutas, at mangangailangang isantabi ko ang aking mga tungkulin at gumugol ng oras at lakas para malutas, dapat kong timbangin ang mga kalamangan at kahinaan at isaalang-alang muna ang sarili kong mga tungkulin, at kung maaantala nito ang pag-usad ng aking gawain, hindi ako puwedeng pumayag na tumulong. Hindi ako puwedeng magpatuloy tulad ng dati, tinatanggap ang bawat kahilingan anuman ang kahalagahan nito para lang makamit ang papuri ng mga tao, nang hindi isinasaalang-alang ang sarili kong mga responsabilidad at obligasyon. Magdudulot ito ng pagkaantala sa gawain ng iglesia. Ang pagiging matapat sa atas ng Diyos at ang pagtupad sa sarili kong mga tungkulin ang pinakamahalaga. Kung titimbangin ang mga salita ng Diyos, ang pagtulong sa sister na i-reset ang kompyuter niya ay kakain ng oras at lakas ko, at aantala sa aking mga tungkulin, at hindi rin ito kailangang magawa agad, kaya tinanggihan ko siya at sinabing tutulungan ko siyang i-set up ang kompyuter niya kapag may libreng oras ako. Nang nagsagawa ako ayon sa mga salita ng Diyos, nang hindi isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes o pinoprotektahan ang imahe ko sa paningin ng iba, nakadama ako ng kalayaan, at kagaanan, at pagiging bukas-puso.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na ang paghahanap ng katotohanan at pagsasagawa ayon sa mga prinsipyo sa lahat ng bagay ay ang tamang landas. Dapat kong tanggapin ang aking mga tungkulin nang hindi iniiwasan ang mga ito at ilaan ang pinakamakakaya ko sa paggawa ng mga ito, dahil ito ang aking responsabilidad at obligasyon. Gayumpaman, para sa mga gampaning ipinagkatiwala sa akin ng iba, kailangan kong suriin kung umaayon ba ang mga ito sa mga prinsipyo at kung maaantala ba ng mga ito ang mga tungkulin ko. Hindi ko dapat haluan ang mga interes ko at mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Ito ay naaayon sa mga salitang ito ng Diyos: “Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (2)).