74. Ang Pagtataguyod sa Tungkulin sa Mapapanganib na Kapaligiran
Noong 2017, naging responsable ako sa gawaing pag-aalis sa iglesia. Noong Hulyo 2, maraming lider, manggagawa, at mga kapatid ang naaresto. Noong panahong iyon, may ilang liham ng pag-uulat sa iglesia na kinailangang agarang pangasiwaan, pero ang iilang taong handang pangasiwaan ang mga ito ay naaresto ring lahat. Si Sister Yang Chen, na dating responsable sa gawaing ito, ay naaresto rin. Isinaayos ng mga nakatataas na lider para mapangasiwaan ko ang mga liham ng pag-uulat, at medyo nag-atubili ako, iniisip na, “Ang mga taong ito ay minamanmanan at hinuhuling lahat ng pulisya dahil palagi silang lumalabas para gawin ang mga tungkulin nila. May mga kagamitan sa pagmamatyag sa lahat ng lugar, at may ilan pa ngang may kapabilidad na kumilala ng mukha. Kung tatanggapin ko ang tungkuling ito, kakailanganin kong madalas na makipagkita sa mga kapatid, at baka makasalamuha ko pa nga ang ilang tao na may mga banta sa seguridad nila. Kung makikilala ako ng mga kagamitan sa pagmamanman, magiging madali para sa pulisya na sundan at arestuhin ako. Tinatrato ng CCP ang mga mananampalataya ng Diyos bilang masasahol na kriminal laban sa estado, kaya kung mauuwi ako sa pagkaaresto, kahit hindi ako patayin sa bugbog, siguradong mababaldado ako. Kung magkakaroon ako ng mga permanenteng pinsala sa huli, hindi lang ako dadanas ng pisikal na pagdurusa sa aking pagtanda, kundi kakailanganin ko ring tiisin ang paghamak at mapapanakit na puna ng iba.” Naisip ko rin kung paanong ginagamit ng pulisya ang lahat ng uri ng pagpapahirap para pasakitan ang mga kapatid, at kung paanong lubos na malupit ang mga pamamaraan nila. Maliit ako sa tayog, at kung hindi ko makakayanan ang pagpapahirap at maging isang Hudas, mawawalan ako ng pag-asang mailigtas at mapaparusahan pa ako. Habang mas iniisip ko ang tungkol dito, mas lalo akong natatakot, at naramdaman kong napakamapanganib na gawin ang tungkuling ito. Naisip kong mas mabuti ang kasalukuyan kong tungkulin, dahil hindi ko kailangang lumabas para dito at mas ligtas ito. Iniisip ito, ginusto kong tanggihan ang tungkulin, pero ang direktang pagtanggi ko rito ay magpapakitang wala akong katwiran, kaya sinagot ko ang mga nakatataas na lider, sinasabing mahina ang kakayahan ko, na hindi ko makilatis ang mga tao, na mababa ang kahusayan ko sa gawain, at na ang pagpapangasiwa nito sa akin ay magpapaantala sa gawain. Makalipas ang ilang araw, pinadalhan ako ng mga lider ng isang liham para ibahagi sa akin ang layunin ng Diyos, sinasabing may agarang pangangailangan para sa isang tao na mangangasiwa ng mga liham ng pag-uulat, at na umaasa silang isasaalang-alang ko ang layunin ng Diyos. Hindi ko na maiiwasan pa ang tungkuling ito, kaya nag-aatubili akong pumayag na gawin ito, pero medyo nagreklamo pa rin ako sa loob-loob ko, iniisip, “Bakit ako pa ang itinalaga sa ganitong kamapanganib na tungkulin?” Pero pagkatapos ay naisip ko na wala akong kriminal na rekord sa CCP, at na sa kasalukuyan, ako ang pinakaangkop para sa gawain. Ginawa ng mga lider ang pagsasaayos na ito batay sa isang komprehensibong pagtatasa ng aking aking aktuwal na sitwasyon, kaya isinaayos nila na ako ang gumawa ng tungkuling ito, pero bakit gusto ko pa ring iwasan at tanggihan ito? Napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang akayin ako para maunawaan ang Kanyang layunin.
Binasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagkat ang magaan na pagdurusa na panandalian lamang ay naghahatid sa atin ng lalong dakila at walang hanggang kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang totoong kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, ang mga tao sa lupaing ito ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-uusig dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, bilang resulta” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). “Ang mga pagpapala ay hindi matatamo sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking halaga. Ibig sabihin, kailangan niyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananalig, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang bumaling kayo sa katarungan, nang hindi nasisindak o umiiwas, at kailangang magkaroon kayo ng mapagmahal-sa-Diyos na puso na hindi nagbabago hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng determinasyon, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong buhay disposisyon, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pamamatnugot ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang maging mapagpasakop kayo maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao. Dahil nagbibigay Siya sa inyo, tiyak na may hihingin Siya bilang kapalit, at tiyak na hihingi Siya ng akmang mga kahilingan sa inyo. Samakatwid, may dahilan ang lahat ng gawain ng Diyos, na nagpapakita kung bakit, paulit-ulit, gumagawa ang Diyos ng gawaing nagtatakda ng matataas na pamantayan at mahihigpit na kinakailangan. Ito ang dahilan kaya dapat kayong mapuspos ng pananalig sa Diyos. Sa madaling salita, lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa para sa inyong kapakanan, nang sa gayon ay maging karapat-dapat kayong tumanggap ng Kanyang pamana. Sa halip na sabihing ito ay alang-alang sa sariling kaluwalhatian ng Diyos, mas mainam na sabihing ito ay alang-alang sa inyong kaligtasan at alang-alang sa pagpeperpekto sa grupong ito ng mga tao na lubhang pinahirapan sa maruming lupain. Dapat ninyong unawain ang layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Naipaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang diwa ng malaking pulang dragon ay ang pagkamuhi sa Diyos, at na palagi nitong kinokontra ang Diyos, ginagamit ang mga pinakabagong pamamaraan ng teknolohiya para manmanan, subaybayan, at dakipin ang mga Kristiyano, sinusubukan ang bawat paraan para hadlangan at usigin ang hinirang na mga tao ng Diyos, at walang saysay na sinusubukang lipulin ang iglesia ng Diyos. Pero ginagamit ng Diyos ang pag-uusig ng malaking pulang dragon para perpektuhin ang ating pananalig at pagmamahal. Naisip ko ang mga apostol sa lahat ng kapanahunan. Nagdusa sila ng paninirang-puri at pangungutya sa mundo dahil sa pagpapalaganap nila ng ebanghelyo ng Diyos, pero hindi nila tinalikuran ang atas ng Diyos kahit mga buhay pa nila ang nakataya. Sila ang mga taong tunay na sumunod sa Diyos. Sa pagninilay ko sa aking sarili, nang makita kong inaaresto ang aking mga kapatid, na may ilang pinahihirapan pa nga, naduwag at natakot ako, at para protektahan ang aking buhay, ginusto kong iwasan ang aking tungkulin sa pamamagitan ng hindi pangangasiwa sa mga liham ng pag-uulat, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga interes ng iglesia. Talagang naging makasarili at kasuklam-suklam ako, wala ni katiting na pagkatao! Ngayon, kahit hindi pa ako naaaresto, sa sobrang takot ko ay hindi man lang ako nagkaroon ng tapang na gawin ang aking tungkulin. Hindi ba’t naging duwag lang ako, nananabik sa buhay at natatakot sa kamatayan? Sa anong paraan ako naging isang mananampalataya ng Diyos? Sinasabi sa Aklat ng Pahayag na ang mga duwag ay hindi makapapasok sa kaharian ng langit, kaya kung magpapatuloy ako sa pagiging duwag at hindi maglalakas-loob na gawin ang tungkulin ko, gustong iligtas ang sarili ko sa takot para sa aking buhay, sa huli ay matitiwalag ako. Sa sandaling iyon, sa wakas ay naunawaan ko na ginagamit ng Diyos ang kapaligirang ito para perpektuhin ang aking pananalig at linisin ang aking katiwalian, at ang lahat ng ito ay para sa aking kaligtasan.
Pagkatapos ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Noong isinugo ng Diyos si Moises para akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto, ano ang naging reaksiyon ni Moises na binigyan siya ng Diyos ng ganitong atas? (Sinabi niyang hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita.) Mayroon siyang kaunting pangamba, na hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita. Pero nilabanan ba niya ang atas ng Diyos? Paano niya ito hinarap? Nagpatirapa siya. Ano ang ibig sabihin ng magpatirapa? Ibig sabihin nito ay magpasakop at tumanggap. Nagpatirapa siya nang lubos sa harap ng Diyos, walang pakialam sa kanyang personal na mga kagustuhan, at wala siyang binanggit na anumang mga paghihirap na maaaring naranasan niya. Anuman ang ipagawa ng Diyos sa kanya, gagawin niya ito agad-agad. … Ano ang ibig sabihing humayo siya? Nangangahulugan ito na nagkaroon siya ng tunay na pagtitiwala sa Diyos, at tunay na pag-asa sa Kanya, at tunay na pagpapasakop sa Kanya. Hindi siya nagpakaduwag, at hindi siya nagpasya nang sarili niya o sinubukang tumanggi. Sa halip, ganap siyang nagtiwala, at humayo siya para gawin ang iniatas ng Diyos sa kanya, na puno ng pagtitiwala. Pinaniwalaan niya ito: ‘Kung iniatas ito ng Diyos, matutupad ito kung gayon gaya ng sinasabi ng Diyos. Ѕinabi sa akin ng Diyos na ilabas ko ang mga Israelita mula sa Ehipto, kaya hahayo ako. Dahil ito ang iniatas ng Diyos, gagawa Siya, at bibigyan Niya ako ng lakas. Kailangan ko lang makipagtulungan.’ Ito ang naging kabatiran ni Moises. Inaakala ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa na magagawa nila ang mga bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila nang sila lamang. Mayroon bang ganoong mga abilidad ang mga tao? Tiyak na wala. Kung ang mga tao ay duwag, mawawalan sila maging ng katapangan na harapin ang Faraon ng Ehipto. Sa puso nila, sasabihin nilang, ‘Ang Faraon ng Ehipto ay isang diyablong hari. Siya ay may hukbo na nasa kanyang pamamahala at kayang patayin ako sa isang salita. Paano ko pangungunahang lumayo ang napakaraming Israelita? Makikinig ba sa akin ang Faraon sa Ehipto?’ Ang mga salitang ito ay naglalaman ng pagtanggi, paglaban, at paghihimagsik. Ipinakikita ng mga ito ang hindi pananalig sa Diyos, at hindi ito tunay na pagtitiwala. Hindi mainam ang mga sitwasyon noong panahong iyon para sa mga Israelita o kay Moises. Sa perspektiba ng tao, ang akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto ay talaga namang isang imposibleng gampanin, dahil nasa hangganan ng Ehipto ang Dagat na Pula, at ang tawirin iyon ay magiging isang napakalaking hamon. Talaga nga bang hindi alam ni Moises kung gaano kahirap tuparin ang atas na ito? Sa kanyang puso, alam niya, pero sinabi lang niya na pautal-utal siyang magsalita, na walang makikinig sa kanyang mga salita. Sa puso niya, hindi niya tinanggihan ang atas ng Diyos. Nang sabihin ng Diyos kay Moises na akayin niya ang mga Israelita palabas ng Ehipto, nagpatirapa siya at tinanggap ito. Bakit hindi niya binanggit ang mga paghihirap? Ito ba ay dahil, matapos ang apatnapung taon sa kaparangan, hindi niya alam ang mga panganib sa mundo ng mga tao, o kung anong kalagayan ng mga bagay-bagay sa Ehipto, o ang kasalukuyang kinasasadlakan ng mga Israelita? Hindi ba niya nakikita nang malinaw ang mga bagay na iyon? Ganoon ba ang nangyayari? Talagang hindi. Si Moises ay matalino at maalam. Alam niyang lahat ang mga bagay na iyon, dahil personal niyang napagdaanan at naranasan ang mga ito sa mundo ng mga tao, at hindi niya malilimutan ang mga ito kailanman. Alam na alam na niya ang mga bagay na iyon. Kung gayon, alam ba niya kung gaano kahirap ang atas na ibinigay ng Diyos sa kanya? (Oo.) Kung alam niya, paano niya nagawang tanggapin ang atas na iyon? Nagtiwala siya sa Diyos. Sa tanang buhay niyang puno ng karanasan, nanalig siya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, kaya tinanggap niya ang atas na ito ng Diyos nang may pusong puno ng pagtitiwala at nang walang bahagya mang alinlangan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao). Inutusan ng Diyos si Moises na pamunuan ang mga Israelita palabas ng Ehipto. Noong panahong iyon, ang Paraon ng Ehipto ay pinakamakapangyarihan sa lahat at napakalupit. Bagama’t walang-wala si Moises, pero nagawa niyang sundin ang utos ng Diyos. May tunay siyang pananalig sa Diyos, at nanampalatayang nasa mga kamay ng Diyos ang lahat, at walang puwersang makahahadlang sa gustong isakatuparan ng Diyos. Wala siyang takot o pag-aalala sa kanyang puso. Kinumpirma ng mga katunayan na sa buong proseso, ang gawain ng Diyos ay ginawa ng Diyos Mismo. Nagpadala ang Diyos ng sampung salot, hinati ang Dagat na Pula, at sa huli ay inakay si Moises upang dalhin ang mga Israelita palabas ng Ehipto. Nakita ni Moises ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas sa mga ito, kaya’t lalo pang lumaki ang pananalig niya sa Diyos. Kung ikukumpara sa pananalig ni Moises sa Diyos, talagang nahihiya ako. Isinaayos ng lider para pangasiwaan ko ang mga liham ng pag-uulat, pero natakot akong mabantayan at maaresto, kaya hindi ako basta makapagpasakop at magawang tanggapin ang tungkuling ito. Tiningnan ko ang mga pinakamakabagong kagamitang ito bilang napakamakapangyarihan, pakiramdam ko ay napakadali lang mahuli ng pulisya. Madalas kong sinasabi na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos at na dapat kong pagkatiwalaan ang awtoridad ng Diyos, pero ngayong nahaharap ako sa mga katunayan, duwag at takot ako, nang walang anumang pananalig. Napagtanto kong hindi ko talaga alam ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit na may mga surveillance camera na may mga kapabilidad na makakilala ng mukha kung saan-saan, kung mahuhuli man ako ay nakadepende sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagkatanto nito ay nagbigay sa akin ng pananalig at handa akong umasa sa Diyos para malampasan ito.
Habang pinangangasiwaan ang mga liham ng pag-uulat, isang lider ng iglesia ang nagdala sa amin para makipagkita sa mga kapatid araw-araw upang siyasatin ang mga isyu, at kahit na delikado ang kapaligiran, nanalangin at umasa kami sa Diyos, at matagumpay naming napangasiwaan ang mga liham. Pagkaalis namin sa iglesiang iyon, doon lang namin nalaman na nagpaskil na pala ang pulisya ng larawan ng lider sa mga pampublikong bulletin board para hulihin siya, pero nakapagtago siya sa tamang oras kaya hindi siya nahuli. Nakita ko na ang gawain ng Diyos ay pinoprotektahan Mismo ng Diyos, at na pinoprotektahan Niya rin tayo. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagtamo ako ng kaunting pananalig.
Pagdating ng Marso 2020, nalaman kong pinahirapan ng pulisya si Yang Chen matapos maaresto, at hindi nagtagal ay namatay siya matapos makapagpiyansa at makalaya. Pagkatapos na pagkatapos niyon, narinig ko ring magsasagawa ang CCP ng malawakang pagdakip sa mga mananampalataya sa katapusan ng Mayo. Sa isang pagtitipon, sinabihan kami ng lider na may ilang liham ng pag-uulat na nangangailangan ng agarang pangangasiwa, pero wala pa silang nahahanap na taong puwedeng gumawa nito. Habang nagsasalita ang lider, tumingin siya sa akin. Bumilis ang tibok ng puso ko at naisip kong, “Anuman ang gawin mo, basta’t huwag m laong hilingin sa akin na pangasiwaan ang mga liham ng pag-uulat. Magkakaroon ng isa pang malawakang pagdakip ang CCP sa Mayo, at nitong mga nakaraang taon, para manghuli ang mga mananampalataya, marami pang mga surveillance camera ang inilagay sa mga lansangan at eskinita. Kung patuloy akong kikilos sa labas, napakalaki ng posibilidad na mahuhuli ako. Pinahirapan ng pulisya si Yang Chen hanggang mamatay sa napakabatang edad, mas matanda ako nang higit sampung taon kay Yang Chen, kaya kung mahuhuli ako, mas hindi ko makakayang tiisin ang pagpapahirap. Kahit hindi ako mapatay, malamang ay mabaldado ako.” Medyo natakot ako dahil sa pag-iisip ko nito. Noong sandaling iyon, tinanong ako ng lider, “Nangasiwa ka na ng mga liham ng pag-uulat dati, kaya gusto kong ikaw uli ang umalis sa pagkakataong ito. Ano sa tingin mo?” Kahit alam ko sa puso ko na ang pag-iwas sa tungkulin ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, naisip kong napakamapanganib talaga ng tungkuling ito, kaya nagpalusot ako para iwasan ito, sinasabing, “Si Sister Shen Ran ay may pagkilatis at alam kung paanong mahusay na makipagbahaginan. Puwede mo siyang isaayos para umalis. Nagkataong nasa kalapit na iglesia siya, kaya magiging madali para sa kanya na pumunta.” Pero sinabi ng lider na hindi pa nakapangangasiwa ng mga liham ng pag-uulat si Shen Ran dati, kaya’t hiniling niyang samahan ko itong pumunta, kaya wala akong nagawa kundi pumayag. Pagkatapos niyon, isinaayos ko na makipagkita kami ni Shen Ran sa mga kapatid para beripikahin ang mga liham, at mabilis naming pinangasiwaan ang tatlong liham ng pag-uulat.
Kalaunan, pinagnilayan ko ang sarili ko, at naisip, “Bakit palagi kong inuuna ang sarili ko kapag nahaharap sa mga mapanganib na tungkulin at gusto pa ngang iwasan ang tungkulin ko? Ano ang kumukontrol sa akin?” Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyonal na kultura ng bawat bayan para turuan, iligaw, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. … Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, buktot, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay naging ganap na kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na paulit-ulit kong pinipiling pangalagaan ang sarili ko sa pamamagitan ng pag-iwas sa aking tungkulin. Ito ay dahil ang mga satanikong lason na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Ang isang masamang buhay ay mas mainam kaysa sa isang mabuting kamatayan,” ay malalim nang nag-ugat sa aking puso at matagal nang naging kalikasan ko. Sa tuwing nasasangkot ang sarili kong mga interes sa anumang bagay, hindi ko maiwasang isaalang-alang ang sarili ko. Sa malulubhang sitwasyon, nagpapatong-patong ang mga liham ng pag-uulat, at isinaayos ng lider na gawin ko ang tungkuling ito, pero palagi kong iniisip ay mga sarili kong interes. Natakot akong mahuli, mabaldado, o mamatay sa pambubugbog, nang walang mabuting kahihinatnan o destinasyon, kaya’t nagpalusot ako para makaiwas sa aking tungkulin at nagreklamo pa nga na hindi isinaayos ng lider ang iba para pangasiwaan ito. Naalala ko kung paanong si Sister Shen Ran ay may mga banta sa seguridad pero handa pa rin siyang gawin ang tungkuling ito, samantalang ginusto ko lang na manatili sa bahay, naniniwalang mapaliliit nito ang aking mga tsansang mahuli. Makasarili at kasuklam-suklam talaga ako, walang anumang pagkatao! Natamasa ko ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos, tinatamasa ang lubos na pagmamahal ng Diyos, kaya’t sa mga kritikal na sandali, dapat sana ay ginawa ko nang mahusay ang tungkulin ko para masuklian ang Diyos, at pinaalis ang mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya mula sa iglesia sa lalong madaling panahon, binibigyang-daan ang mga kapatid para magkaroon ng mabuting buhay iglesia at isang lugar para sa paggawa nila ng kanilang mga tungkulin. Pero hindi ko inisip ang mga interes ng iglesia o ang buhay pagpasok ng mga kapatid, isinaalang-alang lang ang aking kaligtasan. Hindi ba’t ipinagkakanulo ko ang Diyos? Talagang hindi ako karapat-dapat mamuhay sa presensiya ng Diyos! Nang mapagtanto ko ito, hindi ko na ginustong patuloy na mamuhay sa aking tiwaling disposisyon at magrebelde laban sa Diyos. Naghanap ako ng isang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos para malutas ang aking tiwaling disposisyon.
Nabasa ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Itinuturing ka ng Diyos bilang miyembro ng Kanyang sambahayan at bahagi ng pagpapalawig ng Kanyang gawain. Sa puntong ito, may tungkulin ka nang dapat mong gampanan. Anuman ang kaya mong gawin, anuman ang kaya mong makamit, mga responsabilidad at tungkulin mo ang mga ito. Maaaring sabihin na atas ng Diyos ang mga ito, misyon mo, at obligadong tungkulin mo. Ang mga tungkulin ay mula sa Diyos; mga responsabilidad at atas ang mga ito na ipinagkakatiwala ng Diyos sa tao. Kung gayon, paano dapat unawain ng tao ang mga iyon? ‘Dahil ito ay aking tungkulin at ang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa akin, ito ay aking obligasyon at responsabilidad. Tama lamang na tanggapin ko ito bilang aking obligadong tungkulin. Hindi ko maaaring tanggihan o ayawan ito; hindi ko mapipili ang gusto ko. Kung ano ang dumating sa akin ay iyon talaga ang dapat kong gawin. Hindi naman sa wala akong karapatang mamili—hindi lang talaga ako dapat mamili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang isang nilikha.’ Ito ay isang saloobin ng pagpapasakop” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa Ako na magagawa mong tuparin ang katapatan mo sa Diyos sa harap Niya sa mga huling araw na ito. Hangga’t kaya mong makita ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kahit ito man ay ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin para sa Diyos habang buhay ka pa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga huling araw na ito, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilikha para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatwid ang iyong sarili sa Diyos nang maaga, para mapamatnugutan ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang kalooban Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 41). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anuman ang tungkuling isinaayos sa akin ng sambahayan ng Diyos, ito ay aking responsabilidad at obligasyon, at dapat ko itong tanggapin bilang isang tungkuling hindi ko matatakasan. Kung kailan at kung anong uri ng pagdurusa ang pagtitiisan natin ay itinakda nang lahat ng Diyos. Kung pahihintulutan ng Diyos na ako ay mahuli, handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang walang reklamo, at kahit mabaldado o mapatay pa ako sa pambubugbog, kailanman ay hindi ako susuko sa malaking pulang dragon. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo para ipahiya ang malaking pulang dragon. Naalala ko ang mga santo sa buong kasaysayan, na namatay sa pamamagitan ng pagbato, paghila ng mga kabayo hanggang magkapira-piraso, paglagari hanggang mamatay, o pagbitay, dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Maaaring mukhang masakit ang kanilang pagkamatay, pero hindi namatay ang kanilang kaluluwa, at ginamit nila ang buhay nila para magpatotoo sa Panginoong Jesus, at sinang-ayunan sila ng Diyos. Sa kabaligtaran, bilang isang nilikhang nagtatamasa ng lahat ng ipinagkaloob ng Diyos, kapag nahaharap sa mapapanganib na sitwasyon, iniiwasan ko ang aking mga tungkulin para protektahan ang sarili ko. Ang gayong tao ay isang duwag na traydor sa paningin ng Diyos, at kahit lumalaban pa ang katawan, basyo na lang ito. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39).
Noong Hunyo 2023, nagsagawa ng isa pang malawakang kampanya ng pag-aresto ang CCP, at mahigit isang daang tao ang naaresto sa ilang iglesia sa aking bayan. Maraming kapatid ang nabuhay sa takot at nawalan ng normal na buhay iglesia. Noong kalagitnaan ng Oktubre, isang insidente na kinasasangkutan ng isang huwad na cristo na nanlilinlang sa mga tao ang nangyari sa isa sa mga iglesiang iyon, maraming kapatid ang nailigaw, at dahil sa pagkakanulo ng isang Hudas, ang buong iglesia ay napasailalim sa pagmamanman ng pulisya. May agarang pangangailangan para sa isang tao na mangangasiwa ng mga gawain pagkatapos ng insidente, at gusto ng mga lider na isaayos ang pagpapadala sa akin doon. Sa pag-iisip kung gaano kalala ang sitwasyon sa iglesiang iyon, naramdaman kong napakataas ng tsansang mahuli ako habang pinangangasiwaan ang gawain pagkatapos insidente, at medyo naduwag at natakot ako. Gayumpaman, nang maalala ko ang mga dati ko nang karanasan, napagtanto kong ito ay isang pagsubok mula sa Diyos, para makita kung makapagpapasakop ako sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos at mananatiling tapat sa Kanya. Sa pagkakataong iyon, ayaw ko nang biguing muli ang Diyos, kaya tinanggap ko ang tungkuling ito. Kalaunan, habang nakikipagtulungan, naharap ako sa ilang paghihirap, pero sa pagsandig sa Diyos at sa aktuwal na paggawa, matagumpay kong nailipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, at karamihan sa mga kapatid na nailigaw ng huwad na cristo ay nailigtas.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng higit na pananalig sa Diyos, at nagkaroon din ako ng kaunting pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan sa lahat at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at napagtanto ko na ang laganap na pagkilos ng CCP ay nasa mga kamay ng Diyos. Gaya ng sinabi ng Diyos: “Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I).