80. Mga Natutuhang Aral mula sa Sakit
Sa pagtatapos ng 2022, isang umaga, nang bumangon ako, bigla akong nakaramdam ng pagkahilo. Akala ko kasi ay bigla-bigla akong bumangon, kaya dali-dali kong ipinikit ang mga mata ko, at ilang sandaling lang, humupa na ang nararamdaman ko. Pero kinagabihan, bumalik ang pagkahilo ko, pabalik-balik ito nang apat o limang beses, at nagsimula akong mag-alala kung may sakit ba ako. Sa ospital, nalaman nilang ang presyon ng dugo ko ay umabot ng 195 mmHg. Nagulat ako, iniisip ko, “Sa loob ng maraming taon, palagi kong isinasakripisyo at ginugugol ang sarili ko sa pananalig ko, maraming pinagdurusahan, at pinanatili ng Diyos ang malusog na pangangatawan ko. Bakit biglang napakataas ng presyon ng dugo ko?” Habang pauwi sa bahay, mabigat ang loob ko, iniisip ko kung paanong pumanaw ang tatay ko pagkatapos maparalisa ang kalahati ng katawan niya at naratay nang mahigit sa sampung taon dahil sa stroke na dulot ng altapresyon. Naisip ko, “Sa napakataas ng presyon ng dugo ko, paano kung matulad ako sa tatay ko? Kailangan kong ingatan ang kalusugan ko. Hindi ko puwedeng masyadong pagurin ang sarili ko. Kapag lumala ang kalusugan ko at hindi ko magawa ang tungkulin ko, hindi ba’t mawawalan ako ng silbi? Paano kung mamatay ako at mapalampas ang pagkakataong maligtas?” Namuhay ako sa kalagayan ng pagkataranta at pag-aalala. Kalaunan, sa mga pagtitipon, basta’t may marinig ako sa mga kapatid tungkol sa mga remedyo para sa altapresyon, dali-dali kong sinusubukan ang mga iyon sa bahay. Binabantayan ko ang presyon ko tuwing umaga at gabi, at hindi nangahas na kalimutan ang gamot sa altapresyon. Binigyang-pansin ko nang mabuti ang diyeta ko at palaging nag-iisip kung paano mapapabuti ang kalusugan ko. Pagtagal-tagal, naging normal ang presyon ng dugo ko at nawala ang pagkahilo ko. Naisip ko, “Kailangan kong panatilihin ang pagbuti ng kalusugan ko at huwag masyadong magpakapagod gaya ng dati, para hindi lumala ang kondisyon ko. Basta’t mananatili akong malusog at kayang kong gawin ang tungkulin ko, magkakaroon ako ng pagkakataong maligtas.” Kalaunan, bagama’t mukhang ginagawa ko ang tungkulin ko, sa loob ko ay wala akong gana, at sa mga oras ng kagipitan, ang kalusugan ko ang una kong inaalala. Sa umaga, sa mga pagtitipon ay may nalaman akong isyu sa iglesia, at kinagabihan ay iniisip ko ang paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga iyon. Pero tuwing nakikita kong dis-oras na, nag-aalala ako na baka pataasin ng pagpupuyat ko ang presyon ko, kaya nagpapahinga na ako kaagad. Sa iglesia na pinangangasiwaan ko, may ilang baguhan na tatlong buwan nang hindi dumadalo ng mga pagtitipon. Gusto ko silang diligan at suportahan, pero dahil kapag araw ay nagtatrabaho sila, puwede ko lang silang diligan kapag gabi, at kung didiligan ko sila, maaapektuhan nito ang pagpapahinga ko. Gayundin, hindi magiging epektibo ang pagsuporta sa mga baguhan sa isa o dalawang beses lang na pagbabahaginan, at mangangailangan ito ng maraming oras at lakas. Iniisip ko kung kakayanin ba ito ng katawan ko. Kung masyado akong napagod at tumaas ang presyon ko, ano ang gagawin ko kung ma-stroke ako at maging paralisado ako gaya ng tatay ko? Nasa sa isip ito, ipinasa ko ang mga baguhang ito sa ibang kapatid para suportahan sila. Noong panahong iyon, bagama’t ginagawa ko ang tungkulin ko, namuhay ako sa palagiang pagkabahala at pag-aalala.
Isang beses, sa isang pagtitipon, tinanong ng isang lider kung puwede kong pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo. Naisip ko, “Medyo mataas pa rin ang presyon ng dugo ko, at kaya kong mangaral ng ebanghelyo, pero ang pangasiwaan ang mga responsabilidad ng isang superbisor ay may kaakibat na napakaraming gawain. Paano ito kakayanin ng katawan ko?” Sinabi ko kaagad sa lider, “Napakataas ng presyon ng dugo ko at hindi ito kakayanin ng katawan ko, kaya hindi ko kayang gawin ang tungkuling ito.” Sinabi sa akin ng lider na maghanap pa. Kinagabihan, habang nakahiga ako sa kama, hindi ako mapakali, hindi ako makatulog. Alam ko na ang pagpapalawak ng ebanghelyo ay agarang nangangailangan ng pakikipagtulungan, pero nag-alala ako sa bigat ng gawain at sa maraming alalahanin bilang isang superbisor. Natatakot ako na baka palalain ng sobrang pagtatrabaho ang kondisyon ko at magdulot ng stroke, at kahit na hindi ako mamatay, baka mauwi naman ako sa pagkaparalisa, kaya inisip ko kung anong magiging silbi ko kung sa hinaharap ay hindi ko magagawa ang tungkulin ko. Pagkatapos itong pag-isipang mabuti, nagpasya ako na mas mahalaga ang pangangalaga sa kalusugan ko, at nang makita ko muli ang lider, nagdahilan ako para umiwas sa responsabilidad. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na umantig sa akin. Sabi ng Diyos: “May isa pang uri: ang mga tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Anuman ang hilingin sa kanila ng sambahayan ng Diyos, anumang uri ng gawain ang gusto nitong ipagawa sa kanila, alinmang tungkulin ang ipagawa nito sa kanila, sa kapwa malalaki at maliliit na bagay, maging sa isang bagay na napakasimple gaya ng pagpapasa nila ng paminsan-minsang mensahe—ayaw nilang gawin ito. Sila, na nagsasabing mga mananampalataya umano sila ng Diyos, ay hindi man lang nakagagawa ng mga gampaning maaaring hilingin sa isang walang pananampalataya na tumulong. Ito ay pagtanggi na tanggapin ang katotohanan at pagtanggi na gawin ang isang tungkulin. Gaano man sila hinihimok ng mga kapatid, tinatanggihan nila at hindi tinatanggap ito; kapag nagsasaayos ang iglesia ng ilang tungkulin na gagawin nila, binabalewala nila ito at nagbibigay sila ng napakaraming dahilan para tanggihan ito. Ang mga ito ay mga taong tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Para sa Diyos, ang gayong mga tao ay umatras na. Ang pag-atras nila ay hindi usapin ng pagpapaalis sa kanila ng sambahayan ng Diyos o pagtanggal sa kanila mula sa mga talaan nito; sa halip, ito ay sa kawalan nila ng totoong pananalig—hindi nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, parang huminto ang tibok ng puso ko, at naisip ko, “Hindi ko napagtanto na ang pagtanggi ng isang tao na gawin ang tungkulin niya ay ganoon kaseryosong usapin na puwede itong humantong sa pagtitiwalag ng Diyos! Kailangan ngayon ng gawain ng ebanghelyo ng mga taong makikipagtulungan, dapat kong isaalang-alang ang puso ng Diyos at akuin ang tungkulin ng isang superbisor, at gawin kung ano ang dapat kong gawin, pero palagi kong iniiwasan ang tungkulin ko dahil sa pag-aalala na baka humina ang kalusugan ko. Hindi ba’t pagtanggi rin ito sa tungkulin ko? Kaya, hindi ba’t mauuwi rin ito sa pagtitiwalag sa akin ng Diyos?” Sobra akong natakot sa pag-iisip nito. Pakiramdam ko ay tapos na ako, at wala na akong pagkakataon para maligtas, at pinagsisihan ko na tinanggihan ko ang tungkulin ko sa simula pa lang. Pero ang nangyari ay nangyari na, hindi na maibabalik iyon. Biglang nanlumo ang puso ko, at labis akong nasiraan ng loob. Noong mga araw na iyon, ang bigat ng loob ko, na para bang may nakadagan na bato. Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, hindi ko dapat tinanggihan ang tungkulin ko. Handa akong magpasakop at hanapin ang layunin Mo.”
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag inilalantad ng Diyos ang isang tao, paano nila ito dapat harapin, at ano ang dapat nilang piliin? Dapat nilang hanapin ang katotohanan, at hindi dapat maging magulo ang kanilang isipan sa anumang sitwasyon. Mainam para sa iyo na maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at makita ang iyong katiwalian sa kung ano talaga ito, kaya bakit ka negatibo? Inilalantad ka ng Diyos para magtamo ka ng pagkaunawa sa iyong sarili, at para iligtas ka. Ang totoo, ang tiwaling disposisyon na ipinapakita mo ay nagmumula sa iyong kalikasan. Hindi naman sa gusto ng Diyos na ilantad ka, pero kung hindi ka Niya ilalantad, hindi ba’t ipapakita mo pa rin ito? Noong bago ka pa sumampalataya sa Diyos, hindi ka pa Niya inilalantad, kaya hindi ba’t lahat ng isinabuhay mo noon ay isang satanikong disposisyon? Isa kang taong namumuhay nang ayon sa satanikong disposisyon. Hindi mo dapat labis na ikagulat ang mga bagay na ito. Kapag nagpapakita ka ng kaunting katiwalian, sobrang natatakot ka, at iniisip mong katapusan mo na, na ayaw na sa iyo ng Diyos, at na mauuwi lang sa wala ang lahat ng nagawa mo. Huwag mo na itong palakihin. Mga tiwaling tao ang inililigtas ng Diyos, hindi mga robot” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo). Ipinaunawa sa akin ng paalala mula sa mga salita ng Diyos na sa pagsasaayos sa mga kapaligiran at pagbubunyag sa akin, hindi ako kinokondena ng Diyos o na nilalayon Niyang itiwalag ako, kundi sa halip, ginagamit Niya ang matinding paghatol ng Kanyang mga salita para hanapin ko ang katotohanan, makilala kung anong mga maling kaisipan, pananaw, at layunin ang namantsahan sa loob ko, at dalisayin at baguhin ang tiwaling disposisyon ko. Ito ang pagiging responsable sa buhay ko. Pero hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos, at nang maharap sa matinding paghatol ng mga salita ng Diyos, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko o natuto ng mga aral. Pinagdudahan at hindi ko naunawaan ang Diyos, nag-aakalang gusto akong itiwalag ng Diyos, na naging dahilan kaya nakadama ako ng pagkanegatibo at hinusgahan ko ang sarili ko. Napagtanto ko kung gaano ako kamapaghimagsik! Ayaw kong magpatuloy nang ganito. Handa akong hanapin ang katotohanan at matutuhan ang mga aral sa kapaligirang ito na isinaayos ng Diyos.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung nais ng isang tao na mamuhay nang may halaga at makabuluhan, dapat niyang hangarin ang katotohanan. Una sa lahat, dapat siyang magkaroon ng tamang pananaw sa buhay, gayundin ng tamang mga kaisipan at pananaw sa iba’t ibang malalaki at maliliit na bagay na kanyang kinakaharap sa buhay at sa kanyang landas sa buhay. Dapat din niyang tingnan ang lahat ng bagay na ito mula sa tamang perspektiba at paninindigan, sa halip na harapin ang iba’t ibang problemang nakakaharap niya sa kanyang buhay o sa kanyang pang-araw-araw na buhay gamit ang labis-labis o radikal na mga kaisipan at pananaw. Siyempre, hindi rin niya dapat tingnan ang mga bagay na ito mula sa isang sekular na perspektiba, at sa halip ay dapat niyang bitiwan ang gayong negatibo at maling mga kaisipan at pananaw. … Upang magbigay ng isang halimbawa, sabihin nating ang isang tao ay nagkaroon ng cancer at natatakot siyang mamatay. Ayaw niyang tanggapin ang kamatayan at palagi siyang nagdarasal sa Diyos na protektahan siya mula sa kamatayan at pahabain ang kanyang buhay nang ilang taon pa. Dala-dala niya ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa araw-araw…. Tulad ng ibang tao, nanampalataya siya sa Diyos at tinupad ang kanyang tungkulin, at sa panlabas, tila wala siyang pagkakaiba sa iba. Nang makaranas siya ng sakit at kamatayan, nagdasal siya sa Diyos at hindi pa rin niya tinalikuran ang kanyang tungkulin. Patuloy siyang nagtatrabaho gaya ng dati. Gayunpaman, mayroong isang bagay na dapat maunawaan at makita ng mga tao: Ang mga kaisipan at pananaw na kinikimkim ng taong ito ay palaging negatibo at mali. Gaano man siya nagdusa o gaano man kalaki ang halagang ibinayad niya habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kinimkim niya ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa kanyang paghahangad. Palagi siyang pinamumunuan ng mga ito at dinadala ang kanyang mga negatibong emosyon sa kanyang tungkulin, naghahangad na ialay sa Diyos ang paggampan ng kanyang tungkulin kapalit ng sarili niyang kaligtasan, para makamit ang kanyang pakay. Ang layon ng kanyang paghahangad ay hindi upang maunawaan o makamit ang katotohanan, o magpasakop sa lahat ng pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang layon ng kanyang paghahangad ay ang mismong kabaligtaran nito. Nais niyang mamuhay ayon sa sarili niyang kagustuhan at mga hinihingi, makuha ang nais niyang hangarin. Gusto niyang isaayos at pangasiwaan ang sarili niyang kapalaran at maging ang sarili niyang buhay at kamatayan. At kaya, sa huli, ang nagiging kahihinatnan niya ay na wala siyang anumang nakamit. Hindi niya natamo ang katotohanan at sa huli ay itinatwa niya ang Diyos, at nawalan siya ng pananalig sa Diyos. Kahit na papalapit na ang kamatayan, bigo pa rin siyang maunawaan kung paano dapat mamuhay ang mga tao at kung paano dapat ituring ng isang nilikha ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Iyon ang pinakakahabag-habag at pinakakalunos-lunos na bagay sa kanya. Kahit nasa bingit na ng kamatayan, bigo siyang maunawaan na sa buong buhay ng isang tao, ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha. Kung nais ng Lumikha na mabuhay ka, kung gayon, kahit na naghihirap ka sa isang nakamamatay na sakit, hindi ka mamamatay. Kung nais ng Lumikha na mamatay ka, kung gayon, kahit na bata ka pa, malusog, at malakas, kapag oras mo na, dapat kang mamatay. Ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, ito ang awtoridad ng Diyos, at walang sinuman ang makakahigit dito. Nabigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katotohanan—hindi ba’t kahabag-habag iyon? (Oo.) Sa kabila ng pananampalataya niya sa Diyos, pagdalo sa mga pagtitipon, pakikinig sa mga sermon, at paggampan sa kanyang tungkulin, sa kabila ng kanyang paniniwala sa pag-iral ng Diyos, paulit-ulit siyang tumatangging kilalanin na ang tadhana ng tao, kabilang na ang buhay at kamatayan, ay nasa mga kamay ng Diyos sa halip na nasasailalim sa kagustuhan ng tao. Walang namamatay dahil lang sa gusto ng taong iyon, at walang nabubuhay dahil lang sa gusto niyang mabuhay at takot siya sa kamatayan. Bigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katunayan, bigo siyang makita ito kahit na nahaharap sa nalalapit na kamatayan, at hindi pa rin niya alam na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay hindi itinatakda ng kanyang sarili, at sa halip ay nakasalalay ito sa paunang pagtatalaga ng Lumikha. Hindi ba’t kalunos-lunos ito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)). Matapos mabasa ang siping ito ng mga salita ng Diyos, napaiyak ako. Inakala ko na dahil nanampalataya na ako sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, nagkamit na ako ng ilang katotohanang realidad, pero hindi ko napagtanto na hindi ko pa talaga naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ko alam kung paano maranasan ang Kanyang paggawa. Nang dinapuan ako ng sakit, hindi ko ito tinanggap mula sa Diyos, ni hinanap ang katotohanan o natuto ng mga aral mula rito. Sa halip, namuhay ako ayon sa mga pananaw ng mga walang pananampalataya, iniisip na ang sakit ay dinulot ng kapaguran at na kailangan kong pagtuunan ang pangangalaga sa katawan ko, naniniwalang sa pangangalaga lamang sa aking katawan ay gagaling ako, kung hindi, magagaya ako sa tatay ko at baka balang araw ay mamatay pa ako dahil sa sakit na ito. Para maalis ang sakit na ito sa lalong madaling panahon, sinubukan ko ang anumang lunas na marinig ko. Natakot ako na palalalain ng pag-aalala at pagkapagod ang kondisyon ko, kaya iniwasan ko ang paglutas sa mga problema sa gawain ko at ipinasa ko sa iba ang mga baguhan na dapat ay suportahan ko. Pakaunti nang pakaunti ang dinadala kong pagpapahalaga sa pasanin para sa tungkulin ko. Noong gusto ng lider na itaas ang ranggo ko para pangasiwaan ko ang gawain, tinanggihan ko ang tungkulin na iyon dahil sa takot na patataasin ng pag-aalala at pagkapagod ang presyon ng dugo ko at mai-stroke ako. Bagama’t nanampalataya ako sa Diyos, hindi ako nagtiwala sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan, o nagkaroon ng pananalig sa nasa mga kamay Niya ang buhay ko. Ganap na nakatuon ang mga kaisipan ko sa kung paano pananatilihin ang kalusugan ko, na para bang ang malulusog na pangangatawan ng mga tao ay bunga lang ng sarili nilang pagsisikap, at walang kinalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi talaga ako umasal na gaya ng isang mananampalataya! Naisip ko ang tungkol sa patuloy na ibinabahagi ng Diyos, tinuturuan tayong tingnan ang mga tao at bagay-bagay gamit ang Kanyang mga salita bilang batayan, at ang katotohanan bilang pamantayan. Pagdating sa kalusugan ko, kung anong sakit ang maaaring pagdusahan ko, kung kailan ako maaaring magkasakit, at kung kailan ako mamamatay, pauna nang itinakda ng Diyos ang lahat ng ito. Kung gusto ng Diyos na mamatay ako, gaano ko man alagaang mabuti ang sarili ko, hindi ako mabubuhay, at kung gusto ng Diyos na mabuhay ako, kahit na magkaroon pa ako ng isang malalang sakit, hindi ako mamamatay. Katulad ito ng mayayamang tao na kumakain ng pinakamasasarap na pagkain araw-araw para panatilihin ang kalusugan nila, pero hindi nila kayang iwasan ang kamatayan kapag dumating na ang oras nila, samantala, sa maraming ordinaryong tao na nakakaraos lang sa pagkain ng simple, mga tipid na pagkain, ilan sa kanila ang nabubuhay nang matagal. Kinikilala kahit ng mga walang pananampalataya na ang buhay ng mga tao ay pauna nang itinakda ng Langit. Matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos at pagkain at pag-inom sa napakarami Niyang salita, wala pa rin ako maski pangunahing pagkaunawa. Lubos na nakakaawa ang pananalig ko! Hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos ni hinanap ang katotohanan. Palagi akong nag-iisip ng mga paraan para panatilihin ang kalusugan ko, na wala man lang lugar sa puso ko para sa Diyos. Ano ang pinagkaiba ko sa mga walang pananampalataya? Ang pagpapahintulot ng Diyos na dapuan ako ng sakit na ito ay para udyukan akong hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral mula rito, para linisin at baguhin ang mga maling layunin at pananaw sa loob ko, at para itama ang maling landas ko. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa akin. Kung nagpatuloy ako nang walang natututuhang mga aral, kahit na nawala ang sakit ko, wala akong makakamit na anumang katotohanan, at masasayang lang ang karanasang ito. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, hindi ko na nadama na nalilimitahan ako ng sakit ko gaya noong dati. Inayos ko nang akma ang iskedyul ng regular na pamamahinga at paggawa ko, at nagsimula tumuon ang isip ko sa tungkulin ko, kaya tuwing nagiging talagang abala ako, nakakalimutan ko na may sakit pa rin ako. Minsan, nalimutan ko pa ngang uminom ng gamot o sukatin ang presyon ng dugo ko, hindi naman ako nakakaramdam ng kakaiba. Sa kaibuturan ko, napagtanto ko na anumang sakit ang dumapo sa isang tao, nasa mga kamay ito ng Diyos, at hindi kinakailangan ang mga pag-aalala at pagkabahala niya. Hindi lamang walang nagagawang pagbabago ang mga ito, kundi nagiging dahilan din ang mga ito para maloko at mapahirapan ni Satanas ang isang tao, at mamuhay siya sa mas matinding pagdurusa.
Kalaunan, pinaalala sa akin ng isang sister na kapag nahaharap sa sakit, kung ayaw nating akuin ang mahahalagang tungkulin, at namumuhay tayo sa mga negatibong emosyon ng pagkabahala at pag-aalala, may kinalaman na ito sa mga pananaw natin kung ano ang hahangarin at sa ating layunin ng pagkakamit ng mga pagpapala. Sa pamamagitan ng paalala ng sister, naghanap ako at nagnilay-nilay sa bagay na ito. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga intensyon at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang intensyon ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasunduan, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong intensyon, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung pagbabatayan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng kagustuhan nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na wala silang makuha. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Matapos manampalataya sa Diyos, anumang tungkulin ang isinaayos ng iglesia para sa akin, hindi ko kailanman iniwasan ito, at sa kabila ng pagharap sa hadlang mula sa aking walang pananampalatayang pamilya, sa pang-uusig ng Partido Komunista, at pangungutya at paninirang-puri ng mundo, gaano man ito kahirap o kamiserable, hindi kailanman nayanig ang determinasyon ko na gawin ang tungkulin ko. Kaya nanampalataya ako na siguradong aalalahanin ng Diyos ang lahat ng sakripisyo ko, pero ang pagkakaroon ko ng altapresyon ay ganap na nagbunyag sa pagnanais ko ng mga pagpapala. Inakala ko na basta’t malusog ang pangangatawan ko at kaya kong magpatuloy na gawin ang tungkulin ko, may pag-asang maligtas. Pero noong humingi ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga ang paggawa sa tungkulin ko, nag-alala ako na palalalain nito ang sakit ko at mamamatay ako nang hindi natatanggap ang mga pagpapala, kaya tinrato ko nang pabasta-basta ang tungkulin ko, na walang anumang tunay na katapatan. Ang dahilan nito ay ganap na bunga ng pagkontrol ng mga satanikong kaisipan at pananaw gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Kung may buhay, may pag-asa.” Noong naharap ako sa isang sakit na potensyal na banta sa buhay ko, ayaw kong magdusa at gugulin ang sarili ko, ginugugol ko ang lahat ng oras ko sa pag-aalala sa kalalabasan at hantungan ko, at pinangangasiwaan ang tungkulin ko sa pabayang paraan at walang pagpapahalaga sa pasanin, tinatanggihan pa ito paminsan-minsan. Madalas kong sinasabi na ginagawa ko ang tungkulin ko para mapalugod ang Diyos, pero napagtanto ko ngayon na ang paggampan ko sa tungkulin ko ay naudyukan ng pagnanais para sa mga pagpapala. Bagama’t mukhang nakakapagsakripisyo at nakakapaggugol ako nang kaunti na para bang tapat ako sa Diyos, sa realidad, wala akong tunay na sinseridad sa Diyos. Ito ay pawang bagay ng transaksiyon at panlilinlang. Nakita ko na ang disposisyon ko ay tunay na mapanlinlang at buktot, at na ang pagdurusa at paggugugol ko ay pagtatangka lang na makipagtawaran sa Diyos. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo! Naisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos para magsalita at bigyan tayo ng masasaganang katotohanan, kung paanong napakaraming ibinigay ang Diyos sa atin nang walang hinihinging anumang kapalit, at kung paanong taos-puso at tunay ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, samantalang ginawa ko ang tungkulin ko nang para lang sa sarili kong pakinabang at mga pagpapala, at kahit ang pinakakatiting kong paggugol ay isang pagtatangkang makipagtawaran sa Diyos, napagtanto ko kung gaano ako kamakasarili at walang konsensiya! Hindi ako puwedeng magpatuloy nang ganito. Kailangan kong magsisi kaagad. Tatanggap man ako ng mga pagpapala o magdurusa ng kasawian, kailangan akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at gawin nang maayos ang tungkulin ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang lahat ay haharap sa kamatayan sa buhay na ito, ibig sabihin, ang kamatayan ang kakaharapin ng lahat sa dulo ng kanilang paglalakbay. Ngunit, maraming iba’t ibang dahilan ang kamatayan. Isa rito ay, sa oras na pauna nang itinakda ng Diyos, nakumpleto mo na ang iyong misyon at tinutuldukan na ng Diyos ang iyong pisikal na buhay, at nagwawakas na ang iyong pisikal na buhay, bagama’t hindi ito nangangahulugang tapos na ang iyong buhay. Kapag ang isang tao ay wala nang laman, tapos na ang kanyang buhay—ganito ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang anyo ng pag-iral ng iyong buhay pagkatapos ng kamatayan ay nakasalalay sa kung paano mo tinrato ang gawain at mga salita ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay pa—ito ay napakahalaga. Ang anyo ng iyong pag-iral pagkatapos ng kamatayan, o kung ikaw ba ay iiral o hindi, ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan habang ikaw ay nabubuhay pa. Kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag nahaharap ka sa kamatayan at sa lahat ng uri ng karamdaman, ang iyong saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng pagrerebelde, pagtutol, at pagtutol sa katotohanan, at pagdating ng oras ng katapusan ng iyong pisikal na buhay, sa paanong paraan ka iiral pagkatapos ng kamatayan? Tiyak na iiral ka sa ibang anyo, at tiyak na hindi magpapatuloy ang iyong buhay. Sa kabaligtaran, kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag may kamalayan ka sa laman, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay isang saloobin ng pagpapasakop at katapatan at mayroon kang tunay na pananampalataya, kahit na matapos ang iyong pisikal na buhay, ang iyong buhay ay patuloy na iiral sa ibang anyo sa ibang mundo. Ito ay isang paliwanag ng kamatayan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, sobrang sumigla ang puso ko! Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na haharapin ng lahat ng tao ang kamatayan, pero ang kalikasan ng bawat kamatayan ay iba. Hinahangad ng ilang tao ang katotohanan at ginagawa ang kanilang mga tungkulin nang may katapatan, at kahit na mamatay sila at natapos ang buhay nila, hindi ibig sabihin na hindi sila naligtas. Natapos na nila ang misyon nila sa buhay at bumalik na sila sa Diyos. Ito ay pamumuhay sa ibang anyo. Naunawaan ko rin na ang kaligtasan ay walang kinalaman sa buhay o kamatayan, kundi sa halip, nakadepende ito sa saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan. Ang paghahangad sa katotohanan ng isang tao, pagtuon sa pangangasiwa sa mga usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at pagkakaroon ng totoong pagpapasakop at isang tunay na takot sa Diyos ay ang pamantayan sa kaligtasan. Gayumpaman, noong naharap ako sa sakit ko, nagpakalugmok ako sa sakit ko, hindi magawang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, minamaliit ang tungkulin ko o tinatanggihan pa ito. Kahit pa alagaan kong mabuti ang laman ko, kung walang paghahangad sa katotohanan at pagbabago ng disposisyon ko, hindi pa rin ako maliligtas. Palagi akong nag-aalala sa sakit ko, at ayaw kong mag-alala o pagurin ang sarili ko sa paggawa sa tungkulin ko, lalo pa ang tanggapin ang mahahalagang atas. Bagama’t hindi ako masyadong nag-alala o nagbayad ng malaking halaga, hindi ko natupad ang mga responsabilidad na inaasahan sa isang nilikha, nag-iwan ito ng hindi maitutuwid na mga pagsisisi at pagkakautang. Tuwing naiisip ko ito, nababahala ang konsensiya ko. Nang sandali lamang na iyon saka ko tunay na napagtanto na anuman ang pisikal na kondisyon ng isang tao sa buong buhay niya, tanging ang paghahangad lamang ng isang tao sa katotohanan at paggawa niya sa tungkulin nang maayos sa abot ng kanyang makakaya ang nagbibigay ng halaga at kabuluhan sa buhay, at na kahit kapag may sakit o pagod, mas mabuti na ito kaysa sa paggugugol ng buong buhay ng isang tao sa kahungkagan. Nang napagtanto ko ito, nagkamit ako ng motibasyon para gawin ang tungkulin ko at sa loob ko ay nagpasya ako na hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko nang may kasipagan, at na kung binigyan ako ng isa pang pagkakataon ng Diyos, hindi ko na susundin ang laman ko.
Makalipas ang tatlong buwan, isinaayos muli ng lider na pangasiwaan ko ang gawain ng ebanghelyo. Alam ko na binibigyan ako ng Diyos ng isang pagkakataon para magsisi, at hindi na ako puwedeng patuloy na mag-alala sa sakit ko, kaya tinanggap ko ang tungkuling ito. Sa panahon ng aktuwal na pagtutulungan sa tungkulin, naharap ako sa maraming paghihirap at minsan ay medyo napapagod ako, at nag-aalala pa rin ako na baka hindi kayanin ng katawan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, ipinagkakatiwala ko sa Kanyang mga kamay ang sakit ko. Lumala man ang sakit ko, ayaw ko nang antalahin pa ang tungkulin ko. Matapos magdasal, hindi na nalilimitahan ang puso ko. Makatwiran kong isinaayos ang iskedyul ko ng pamamahinga at paggawa, at kapag nahaharap ako sa mga problema sa gawain, tinatalakay ko ang mga solusyon sa mga sister na katuwang ko. Ang pagsasagawa nang ganito ay hindi kasingnakakapagod ng inaakala ko, at nalaman ko na ang mga pasanin na binigay ng Diyos sa akin ay pawang kaya kong pasanin. Isang araw, nakita ko ang host na sister na nagsusukat ng presyon ng kanyang dugo, kaya sinukat ko rin ang sa akin, at laking gulat ko, normal ang presyon ng dugo ko. Pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko!
Ang mga salita ng Diyos ang nagtuwid sa mga nakalilinlang kong pananaw tungkol sa kung ano ang hahangarin, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa at karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos. Naunawaan ko rin na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi dapat tungkol lang sa paghahanap sa mga pagpapala, at na tanging sa paghahangad sa katotohanan, pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at paggawa nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha, doon lamang magiging mahalaga at makabuluhan ang buhay. Salamat sa Diyos!