79. Mga Alalahanin Tungkol sa Pag-uulat ng mga Isyu
Noong Abril 2023, naglilingkod ako sa iglesia bilang diyakono ng pagdidilig. Noong panahong iyon, naaresto ng CCP ang maraming kapatid na gumagawa ng kanilang mga tungkulin at nalugmok sa kalagayan ng pagkaparalisa ang gawain ng iglesia. Bagama’t ako at ang ilang kapatid ay nagtutulungan para asikasuhin ang gawain ng pagsubaybay, napakabagal pa rin ng pag-usad. Makalipas ang ilang panahon, nahalal si Sister Chen Ping bilang isang lider ng iglesia, at naisip ko, “Maganda ito, kapag may isang lider, uusad nang mas mabilis ang gawain.”
Isang araw, nagpadala ng liham ang mga nakatataas na lider na hinihiling sa aming sumulat ng mga ebalwasyon kay Sister Su Jing, na isang tagapangaral. Dahil si Su Jing ang responsable sa gawain sa aming iglesia, siya ay kilalang-kilala talaga naming lahat, pero ayaw ni Chen Ping na sumulat ng kahit ano, at sinabi pa niya na hindi niya gaanong kilala si Su Jing. Naguluhan ako, at nagtaka, “Ano ba ang nangyayari kay Chen Ping? Medyo nakaugnayan na niya si Su Jing noon, kaya puwede siyang magbigay ng obhetibong ebalwasyon batay sa pagkaunawang nakamit niya mula sa mga pakikipag-ugnayan niya rito. Bakit ayaw niyang magsulat ng kahit ano?” Makalipas ang ilang araw, nagkita kami ni Chen Ping, at sinabi niya sa akin, “Alam mo ba kung bakit ayaw kong sumulat ng ebalwasyon kay Su Jing noong araw na iyon? Hindi ko alam kung anong tungkulin ang nilalayong ipagawa ng mga lider kay Su Jing, pero sa tingin ko, hindi si Su Jing ang angkop na tao.” Hiningan ko siya ng mas maraming detalye, at galit na sinabi ni Chen Ping, “Wala kang alam, noong 2012, naglilingkod si Su Jing bilang isang lider, at hindi siya kailanman gumawa ng kahit na anong tunay na gawain. Isang beses, masinsin kaming naghanda ng mga materyal ng pagpapatalsik para sa isang anticristo, pero pinatigil ni Su Jing ang proseso nang walang ibinibigay na kahit anong dahilan. Lumikha ng labis na kaguluhan sa iglesia ang taong iyon, pero ayaw kaming hayaan ni Su Jing na ayusin ang mga materyal tungkol sa taong iyon. Hindi ba’t paghadlang iyon sa gawain ng paglilinis ng iglesia? Hindi ba’t isa siyang huwad na lider?” Dahil natatakot si Chen Ping na hindi ko siya paniniwalaan, nagmalaki pa siyang nagawa na niya ang gawain ng paglilinis dati at na may kaunti siyang pagkilatis sa mga tao. Pero batay sa pagkaunawa ko kay Su Jing, hindi siya ang klase ng taong inilalarawan ni Chen Ping. May kutob ako na baka may personal na alitan sa pagitan nina Chen Ping at Su Jing, kung hindi, bakit magkakaroon ng gayong kalakas na pagkiling si Chen Ping laban kay Su Jing? Pero hindi ko alam kung ano ang nangyari, kaya wala akong sinabi. Nagpatuloy si Chen Ping, “Kamakailan, iniuulat ko kay Su Jing ang mga isyu sa iglesia, pero hindi siya sumasagot. Bilang isang tagapangaral, hindi siya lumulutas ng tunay na mga problema!” Nang marinig ko ito, medyo nagulat ako, dahil pakiramdam ko, ang ilan sa sinasabi ni Chen Ping ay hindi umaayon sa realidad. Mahigit isang taon akong nakipagtulungan kay Su Jing, at bagama’t medyo mahina ang kakayahan niya, kaya pa rin niyang gumawa ng ilang tunay na gawain. Bukod doon, naroon ako noong iniulat ni Chen Ping ang mga isyu, at bagama’t walang nakitang solusyon si Su Jing noong panahong iyon, nagpatuloy siyang nakipagtalakayan at naghanap ng mga solusyon kasama ng lahat at nalutas ang ilang tunay na isyu. Hindi ito gaya ng sinabi ni Chen Ping—na walang nagawang kahit na anong tunay na gawain si Su Jing. Makalipas ang ilang panahon, nag-aalangang tinanong ako ni Chen Ping, “Maaaring hindi ganap na tumpak ang mga pananaw ko. Matagal mo nang kilala si Su Jing, kaya mas nauunawaan mo siya dapat nang mabuti. Ano sa tingin mo?” Kaya binanggit ko kapwa ang mga kalakasan at kahinaan ni Su Jing. Noong binanggit ko ang mga kahinaan ni Su Jing, tila tuwang-tuwa si Chen Ping, pero nang sabihin ko ang mga kalakasan ni Su Jing, mukhang hindi masaya si Chen Ping at ayaw makinig. Sa huli, atubili niyang sinabi, “Siguro ay may pagkiling ako laban sa kanya.” Pagkatapos noon, hindi na muling binanggit sa akin ni Chen Ping ang usapin. Sa tingin ko ay may pagkiling si Chen Ping laban kay Su Jing, at mukhang hinuhusgahan niya si Su Jing nang nakatalikod noong sinabi niya sa akin ang mga bagay na ito, at sinusubukan niyang maghasik ng alitan. Naisip ko, “Iuulat ko ba ito sa mga nakatataas na lider para lutasin nila ito? Kung hindi, makaaapekto sa gawain ang kawalan nila ng pagtutulungan.” Pero naisip ko naman, “Hindi ko lubos na nauunawaan ang sitwasyon, at kung iuulat ko ito at nalaman ni Chen Ping, hindi kaya niya ako aakusahan ng pagiging taksil at pahirapan ako?” Taglay ang ganitong kaisipan, hindi ako nangahas na iulat ito.
Makalipas ang ilang araw, ipinagkalat ni Chen Ping kay Wu Xin na lider sa ibang iglesia ang pagkiling niya laban kay Su Jing, at isinama pa niya ang diyakono ng ebanghelyo na si Li Yun, sinasabi sa kanila na isang huwad na manggagawa si Su Jing. Medyo nagulat ako, inisip ko, “Bakit nadamay rin dito si Li Yun? Ngayon ay kumakampi siya kay Chen Ping. Mukhang hindi ito maliit na isyu. Kailangan kong iulat ito kaagad sa mga nakatataas na lider; kung hindi, guguluhin nito ang gawain ng iglesia.” Pero nag-aalala rin ako, iniisip na “Si Chen Ping ang namamahala sa gawain ko, kung iuulat ko ang mga isyu niya at nalaman niya, hindi kaya susupilin o pahihirapan niya ako?” Sa pag-iisip ko nito, medyo natakot ako, kaya hindi ako nangahas na iulat ito.
Makalipas ang ilang araw, si Sister Danchun, na namamahala sa gawain ng paglilinis, ay pinadalhan ako ng liham, na nagsasabi na kinalat din ni Chen Ping sa kanya ang pagkiling nito laban kay Su Jing, at sinasabi ni Chen Ping na hindi niya kayang makipagtulungan nang maayos kay Su Jing, at na hindi tatanggapin ni Su Jing ang kahit anong mungkahi na sinasabi rito. Hiniling pa nga ni Chen Ping kay Danchun na imbestigahan kung paano palaging umaasal si Su Jing. Gulat na gulat ako, inisip ko lang noong una na may personal lang na pagkiling si Chen Ping laban kay Su Jing, pero pagkatapos kong malaman ang mga usaping ito, napagtanto ko na hindi ganoon kasimple ang usaping ito, sinasadyang subukan ni Chen Ping na bumuo ng mga grupo at lumikha ng gulo. Nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang ganitong pangyayari kung saan ang isang tao ay basta-bastang kinokondena, binabansagan, at pinapahirapan ay madalas na nangyayari sa bawat iglesia. Halimbawa, may ilang tao na nagkikimkim ng pagkiling laban sa isang partikular na lider o manggagawa, at para makaganti, nagkokomento sila tungkol dito habang nakatalikod ito, inilalantad at hinihimay ito habang nagkukunwaring nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan. Mali ang intensiyon at mga layon sa likod ng mga gayong kilos. Kung tunay na nakikipagbahaginan ang isang tao tungkol sa katotohanan para magpatotoo sa Diyos at para makinabang ang iba, dapat siyang makipagbahaginan tungkol sa sarili niyang mga totoong karanasan, at magbigay ng pakinabang sa iba sa pamamagitan ng paghihimay at pagkilala sa sarili niya. Ang gayong pagsasagawa ay nagbubunga ng mas magagandang resulta, at sasang-ayunan ito ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung ang pakikipagbahaginan ng isang tao ay naglalantad, bumabatikos, at nanghahamak sa ibang tao para saktan o gantihan ito, mali ang intensiyon ng pakikipagbahaginan, ito ay hindi makatarungan, kinapopootan ng Diyos, at hindi nakakapagpatibay sa mga kapatid. Kung ang intensiyon ng isang tao ay ang kondenahin ang iba o pahirapan ang mga ito, isa siyang masamang tao at gumagawa siya ng masama. Ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na may pagkilatis sa masasamang tao. Kung sadyang inaatake, inilalantad, o minamaliit ng isang tao ang mga tao, dapat siyang tulungan nang may pagmamahal, dapat makipagbahaginan sa kanya at himayin siya, o pungusan siya. Kung hindi niya matanggap ang katotohanan at matigas siyang tumatangging baguhin ang mga gawi niya, ganap na iba nang usapin ito. Pagdating sa masasamang tao na madalas na basta-bastang kinokondena, binabansagan at pinapahirapan ang iba, dapat silang ilantad nang lubusan, para matutuhan ng lahat na makilatis sila, at pagkatapos, dapat silang pigilan o patalsikin sa iglesia. Mahalaga ito, dahil ginugulo ng mga gayong tao ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia, at malamang na ilihis nila ang mga tao at magdulot sila ng kaguluhan sa iglesia. … Ang pag-uugali ng mga taong ito ay hindi lang nakakaapekto sa buhay iglesia, nagdudulot din ito ng sigalot sa iglesia. Puwede pa nga itong makaapekto sa gawain ng iglesia sa kabuuan at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Samakatwid, ang mga lider at manggagawa ay kailangang magbigay ng babala sa ganitong uri ng tao, at kailangan din nilang limitahan at pangasiwaan ang mga ito” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Ang basta-bastang paghusga at pagkondena sa iba ay paggawa ng kasamaan. Ginugulo nito ang gawain ng iglesia at dapat na pagbawalan kaagad ang mga taong gumagawa nito. Sa pagninilay-nilay ko sa mga nangyayari kamakailan, naisip ko, “May ilang problema si Su Jing, pero kaya pa rin nitong gumawa ng ilang tunay na gawain, kaya bakit patuloy na nakatuon si Chen Ping sa mga kapintasan at isyu nito? Kung nakikita ni Chen Ping na may hindi angkop na ginagawa si Su Jing, puwede niya itong tukuyin sa kanya o iulat ito sa nakatataas na pamunuan, pero bakit sinasabi ni Chen Ping ang mga ito sa akin, at nagpapahayag pa ng kanyang mga hinaing laban kay Su Jing na taon na ang tagal? Hindi ba’t paghahasik ito ng alitan? Hindi ba’t paninira ito kay Su Jing? Bukod dito, hindi lamang niya hinuhusgahan si Su Jing sa harap ko, kundi sinusubukan niya ring isama ang lider at ang diyakono ng ebanghelyo mula sa isa pang iglesia, at ikinakalat pa ito sa sister na responsable sa gawain ng paglilinis. Ang ginagawa ni Chen Ping ay tiyak na hindi para protektahan ang gawain ng iglesia, hindi rin para tulungan si Su Jing. Sinusubukan niyang bumuo ng mga grupo at lumikha ng gulo, na may layong pakampihin ang mga tao sa kanya sa panghuhusga at pagbubukod kay Su Jing upang pabagsakin ito.” Nabahala ako sa mga kaisipang ito, “Kadaraan lang ng iglesia sa pagsupil ng CCP, maraming kapatid ang hindi kayang mamuhay ng isang normal na buhay iglesia, at bumabawi pa ang lahat ng gawain ng iglesia. Kung magkakaroon ng gulo sa pagkakataong ito, kung gayon, magdurusa nang matindi kapwa ang gawain ng iglesia at ang mga buhay ng mga kapatid.” Inisip ko na magsulat ng liham upang iulat ang usapin. Pero nang isusulat ko na ito, nag-atubili na naman ako, iniisip na, “Si Chen Ping ang namamahala sa gawain ko, kung malaman niyang ako ang sumulat ng liham, gagantihan at ibubukod niya kaya ako? Pahihirapan niya kaya ang buhay ko, o gagamitin pa ang mga pagkakamali ko para pahirapan o patalsikin ako? Kung mangyari iyon, hindi ba’t masisira ang pagkakataon kong maligtas?” Natakot ako sa kaisipang ito, at sinabi ko sa sarili ko, “Kapag nasa ilalim ka ng pamamahala ng iba, wala kang magagawa kundi magpakumbaba! Si Chen Ping ang responsable sa gawain ko, at kung salungatin ko siya at pahirapan niya ako, sino ang makakaalam? Sino ang tutulong sa akin? Hindi bale na, mabuti pang huwag na akong makialam, kung hindi, ipapahamak ko pa ang sarili ko.” Kaya nagpatuloy ako nang hindi iniuulat ang isyu, pero kalaunan, nakaramdam ako ng palagiang pagkakonsensiya sa loob ko.
Isang araw sa aking debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Lahat kayo ay nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba ay isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Maisasagawa mo ba ang pagiging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba ay may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapahihintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matugunan sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba ay taong sumusunod sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). “Ang isipan ng tao ay mas mabilis pa rin kaysa sa isang makina: Alam ng mga tao kung paano makiangkop, alam nila kung aling mga kilos ang nakakatulong sa kanilang mga pansariling interes at kung alin ang hindi kapag nakakatagpo sila ng mga sitwasyon, at mabilis nilang nagagamit ang bawat pamamaraan na abot-kamay nila. Bilang resulta, sa tuwing kinakaharap mo ang mga bagay-bagay, hindi nakakapanindigan ang iyong maliit na tiwala sa Diyos. Kumikilos ka nang tuso sa Diyos, gumagamit ka ng mga taktika laban sa Kanya, at nanlalansi ka, at ibinubunyag nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos. Iniisip mo na hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos, na maaaring hindi ka Niya kayang protektahan o masigurong ligtas ka, at na maaaring hayaan ka pa nga ng Diyos na mamatay. Pakiramdam mo ay hindi maaasahan ang Diyos, at na makakasiguro ka lang kung aasa ka sa iyong sarili. Ano ang nangyayari sa huli? Anumang mga sitwasyon o usapin ang kinakaharap mo, pinangangasiwaan mo ang mga ito gamit ang mga pamamaraan, taktika, at estratehiyang ito, at hindi ka nakakapanindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Anuman ang mga sitwasyon, hindi mo magawang maging isang kalipikadong lider o manggagawa, hindi ka makapagpakita ng mga katangian o kilos ng isang tagapangasiwa, at hindi ka makapagpakita ng ganap na katapatan, kaya’t nawawalan ka ng patotoo. Gaano man karaming usapin ang kinakaharap mo, hindi mo magawang umasa sa iyong pananalig sa Diyos upang makapagpakita ka ng katapatan at pananagutan. Kaya’t ang pinakaresulta, wala kang nakakamit” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Noong maayos ang mga bagay-bagay, sinabi kong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at na nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko, pero noong nakita kong sinusubukan ni Chen Ping na bumuo ng mga grupo at lumikha ng gulo, alam kong dapat ko itong iulat sa mga nakatataas na lider para malutas ito kaagad, pero wala akong tunay na pananalig sa Diyos at puno ng mga pag-aalala at pagkabahala ang puso ko. Natatakot ako na kung malaman ni Chen Ping na iniulat ko siya, hahanap siya ng mga pagkakataon para pahirapan ako at gumanti laban sa akin, at baka patalsikin niya pa ako. Para protektahan ang sarili ko, hindi ko iniulat ang mga isyu ni Chen Ping. Sinabi kong nananampalataya ako sa Diyos pero hindi ako nagtiwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Naniwala pa nga ako na nasa mga kamay ng mga lider ang kapalaran ko, at na kung pahirapan ako ng lider, hindi sigurado kung poprotektahan ba ako ng Diyos. Ano ang pinagkaiba ng pananaw na ito sa pananaw ng isang hindi mananampalataya? Nakita ko nang malinaw ang kalikasan ng problema pero ayaw ko ito iulat. Palagi kong pinoprotektahan ang sarili kong mga interes, natatakot na supilin o ibukod ako ng lider. Hindi ko talaga pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Naging masyado akong makasarili at kasuklam-suklam!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng labis na kahihiyan. Hindi matataas ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, umaasa lang Siya na kapag may nangyari, kayang protektahan ng mga tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin sa abot ng makakaya ng kanilang abilidad. Sa ganitong paraan, masisiyahan ang Diyos. Nakumpirma ko nang sinisiraan ni Chen Ping ang iba, ginugulo ang iglesia at lumilikha ng gulo, at alam ko rin na kung hindi malutas kaagad ang problemang ito, labis nitong hahadlangan ang gawain ng iglesia. Pero dahil sa takot na mapahirapan, ayaw ko itong iulat. Sa halip, pinili ko na iwasan ito at balewalain ang isyu. Nasaan ang konsensiya at katwiran ko? Hinahayaan ng saloobin ko na guluhin ni Satanas ang gawain ng iglesia, na isang pagkakanulo sa Diyos! Hindi ko na puwedeng hangarin pa na protektahan ang sarili ko. Kailangan kong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Matuwid ang Diyos, at naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, at kung iuulat ko nang tama ang isyu, walang magagawang kahit ano sa akin si Chen Ping. Kahit na pahirapan at supilin ako, ito ay dapat kong danasin at may isang aral na kailangan kong matutuhan. Binasa ko rin ang mga patotoo ng mga kapatid na batay sa karanasan. Noong naharap sila sa mga anticristo at masasamang tao, ang ilan sa kanila ay una munang pumasok sa isang kalagayan ng pagtatangkang protektahan ang kanilang sarili, nag-aalala na mapahirapan, pero pagkatapos maunawaan ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap, iniulat nila ang masasamang gawa ng mga anticristo at masasamang taong ito, at pagkatapos ng pag-imbestiga at pagberipika, pinatalsik kalaunan ang mga anticristo at masasamang taong ito, at bumalik sa normal ang gawain ng iglesia. Pagkatapos mabasa ang kanilang mga patotoo, sobrang lumakas ang loob ko. Naisip ko, “Dapat akong magtiwala sa Diyos para iulat ang isyung ito, para maunawaan ng mga nakatataas na lider ang sitwasyon, magtakda ng isang tao na lulutas kaagad ng gulong ito, at panunumbalikin ang normal na kaayusan ng gawain ng iglesia. Ito ang responsabilidad at tungkulin ko at hindi ko puwedeng iwasan ito.” Kaya isinulat ko ang lahat ng nangyari at ipinadala sa mga nakatataas na lider ang ulat. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, napanatag ako.
Kalaunan, nagnilay-nilay ako, “Bakit wala akong lakas ng loob na ilantad o iulat ang mga pagtatangka ni Chen Ping na bumuo ng mga grupo? Ano ang dahilan sa likod nito?” Isang araw, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung gayon, ano nga ba ang ugat ng inyong kawalan ng kakayahang mangasiwa at humarap sa masasamang tao? Ito ba ay dahil likas na duwag, kimi, at matatakutin ang inyong pagkatao? Hindi ito ang ugat o ang diwa ng problema. Ang diwa ng problema ay na ang mga tao ay hindi tapat sa Diyos; pinoprotektahan nila ang kanilang sarili, ang kanilang personal na seguridad, reputasyon, katayuan, at ang kanilang malalabasan. Ang kanilang kawalan ng katapatan ay naipapamalas sa kung paano nila palaging pinoprotektahan ang kanilang sarili, umaatras tulad ng isang pagong papasok sa bahay nito kapag nahaharap ito sa anumang bagay, at naghihintay na makalampas muna iyon bago nito muling ilabas ang ulo. Anuman ang kanilang nakakatagpo, palagi silang nag-iingat nang husto, sobrang nababalisa, nag-aalala, at nangangamba, at hindi nila kayang tumayo at ipagtanggol ang gawain ng iglesia. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng pananalig? Wala kang tunay na pananalig sa Diyos, hindi ka naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at hindi ka naniniwala na ang buhay mo, ang lahat ng sa iyo ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos na, ‘Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na galawin ni isang buhok sa iyong katawan.’ Umaasa ka sa sarili mong mga mata at hinuhusgahan mo ang mga katunayan, hinuhusgahan mo ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga pagtataya, palaging pinoprotektahan ang iyong sarili. Hindi ka naniniwala na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos; natatakot ka kay Satanas, natatakot ka sa masasamang puwersa at masasamang tao. Hindi ba’t ito ay kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos? (Oo.) Bakit walang tunay na pananalig sa Diyos? Ito ba ay dahil masyadong mababaw ang mga karanasan ng mga tao at hindi nila maunawaang mabuti ang mga bagay na ito, o ito ba ay dahil sa napakakaunti ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan? Ano ang dahilan? May kinalaman ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Ito ba ay dahil masyadong tuso ang mga tao? (Oo.) Gaano man karaming bagay ang nararanasan nila, gaano man karaming katunayan ang inilalatag sa harap nila, hindi sila naniniwala na ito ay gawain ng Diyos, o na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang malubhang isyu ay ang sobrang pag-aalala ng mga tao sa kanilang sarili. Hindi sila handang magbayad ng anumang halaga o magsakripisyo para sa Diyos, para sa Kanyang gawain, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, para sa Kanyang pangalan, o para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi sila handang gawin ang anumang bagay na may kalakip na kahit pinakakatiting na panganib. Masyadong nag-aalala ang mga tao sa kanilang sarili! Dahil sa kanilang takot na mamatay, na mapahiya, na mabitag ng masasamang tao, at na masadlak sa anumang uri ng suliranin, ginagawa ng mga tao ang lahat para mapangalagaan ang kanilang sariling laman, sinisikap na hindi sila mapasok sa anumang delikadong sitwasyon. Sa isang aspekto, ipinapakita ng ganitong pag-uugali na masyadong tuso ang lahat ng tao, habang sa isa pang aspekto, ibinubunyag nito ang kanilang pangangalaga sa sarili at kasakiman” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kaya hindi ko maisagawa ang katotohanan o maprotektahan ang gawain ng iglesia ay pangunahing dahil sa ang kalikasan ko ay tunay na makasarili at mapanlinlang. Ang mga lason ni Satanas na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” ay siyang kumontrol sa akin. Kaya noong may mga nangyari, ang una kong isinaalang-alang ay kung mapipinsala ba ang mga interes ko. Handa akong gawin ang mga bagay na pakikinabangan ko, pero kung may makapipinsala sa mga interes ko o makasasapanganib ng kaligtasan ko, kahit na poprotektahan nito ang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Alam na alam ko na sinusubukan ni Chen Ping na bumuo ng mga grupo at lumikha ng gulo, at na kung hindi ito malutas kaagad, guguluhin at hahadlangan nito nang labis ang gawain ng iglesia. Pero palagi akong puno ng takot. Nag-aalala ako na pagkatapos kong iulat ang isyu, maghihiganti sa akin si Chen Ping, pahihirapan ako, o patatalsikin pa ako, kaya hindi ako nangahas na mag-ulat, sa halip, kumilos ako na parang isang pagong na itinatago ang ulo sa bahay nito. Wala akong kahit na anong tunay na pananalig sa Diyos. Ang duwag-duwag ko! Ilang taon na akong nananampalataya sa Diyos, at ginagawa ko ang mga tungkulin ko sa iglesia dahil itinaas Niya ako. Ang layunin ng Diyos ay para protektahan ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa mahahalagang sandaling ito, pero noong sinubukan ni Chen Ping na bumuo ng mga grupo at lumikha ng gulo at naging banta ito para paralisahin ang gawain ng iglesia, isinaalang-alang ko lang ang sarili kong mga interes. Masyado akong makasarili at mapanlinlang! Para protektahan ang sarili ko, ayaw kong isagawa kahit ang katotohanang nauunawaan ko—hindi ba’t sa ganitong paraan ay namumuhay ako ng isang hamak na pag-iral? Kung hindi ko ito binago, siguradong itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Lalo na dahil kadaraan lang ng iglesia sa pagsupil ng CCP, at hindi pa nakabawi ang iba’t ibang aspekto ng gawain, kung isa pang kaguluhan ang mangyayari, hindi lamang magugulo ang gawain ng iglesia, kundi magdurusa rin ng malalaking kawalan ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Habang iniisip ko ito, hindi ko na mapigilan ang mga luha ko. Sinabi ko sa sarili ko, “Hindi ko na puwedeng biguin pa ang Diyos. Dapat kong isagawa ang katotohanan para protektahan ang gawain ng iglesia, at lutasin ang isyung ito sa lalong madaling panahon.”
Kalaunan, nakipagtulungan ako sa mga nakatataas na lider para suriin at beripikahin ang sitwasyon. Pagkatapos mag-imbestiga, nalaman namin na galit na si Chen Ping kay Su Jing simula pa noong 2012. Noong panahong iyon, lider na si Su Jing, at si Chen Ping, na sabik sa katayuan, ay gustong maging lider at nakipagsabwatan sa iba para subukang alisin si Su Jing. Pero hindi nagtagumpay ang mga balak nila. Kalaunan, tinanggal si Chen Ping, pero nagtanim siya ng sama ng loob kay Su Jing, at palaging sinusubukang samantalahin ang mga pagkakamali niya. Walang basehan ang karamihan sa mga akusasyon ni Chen Ping laban kay Su Jing. Pagkatapos suriin ang lahat ng bagay, malinaw na hindi nabibigong gumawa ng mga tunay gawain si Su Jing, pero palaging sinasamantala at pinalalaki ni Chen Ping ang mga pagkakamali ni Su Jing, sinusubukan pa ngang magsama ng mas maraming tao para ibukod si Su Jing. Si Chen Ping ay nagpakita ng malalang disposisyon ng isang anticristo at tinanggal siya. Hinimay ng mga nakatataas na lider ang kalikasan at pinsala ng kanyang mga kilos at binigyan siya ng babala. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagkilatis, napagtanto ni Li Yun na diyakono ng ebanghelyo, na namanipula siya ni Chen Ping. Napagtanto rin niya na nagambala at nagulo niya ang gawain ng iglesia, at kalaunan ay sumulat siya ng isang liham ng pagsisisi. Batay sa mga prinsipyo, binigyan ng iglesia si Li Yun ng isang pagkakataon na magsisi at pinanatili siya.
Pagkatapos dumaan sa usaping ito, tunay kong naramdaman sa puso ko na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, at na hindi nalalabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang mga anticristo at masamang tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan at lumalaban o tumututol dito ay pawang ibubunyag at ititiwalag ng Diyos kalaunan. Nakita ko rin na mahalaga ang pagkaunawa sa katotohanan at pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Kung hindi natin ilalantad at iuulat kaagad ang mga masamang tao at anticristo sa iglesia, hindi lamang seryosong magugulo ang gawain ng iglesia, kundi mahahadlangan din ang buhay pag-usad ng mga kapatid. Sa pamamagitan ng aktuwal na kapaligirang ito, nakita ko kung gaano ako lubos na tiwali at kulang, at kung gaano ako kamakasarili at kamapanlinlang. Kasabay nito, tinulungan din ako ng usaping ito na magkamit ng kaunting pagkilatis. Mula sa kaibuturan ng puso ko, pinasasalamatan ko ang Diyos!