86. Ang Mga Aral na Natutunan Mula sa Pagsusulat ng Pagsusuri
Noong Nobyembre 2022, pinadalhan ako ng liham ng nakatataas na pamunuan na humihiling na magsulat ako ng pagsusuri tungkol kay Wang Qi. Nang matanggap ko ang liham, hindi ko maiwasang isipin na, “Bakit kailangan kong sumulat ng pagsusuri tungkol kay Wang Qi? Inilipat na siya sa ibang iglesia dalawang buwan na ang nakalipas. Maaari kayang nais ng nakatataas na pamunuan na itaas ang kanyang ranggo? O nais ba nilang suriin ang kanyang pagganap at posibleng tanggalin siya? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng mga lider dito?” Narinig kong tinalikuran ni Wang Qi ang kanyang pamilya at propesyon para gampanan ang kanyang tungkulin, at dalawang taon na ang nakararaan, nang maharap sa malawakang pagsupil ang iglesia, agad niyang inayos ang kinahinatnan, nagpapakita ng ilang kapabilidad sa gawain. Gayumpaman, medyo mahirap siyang pakisamahan, at sa mga pakikisalamuha ko sa kanya, nalaman ko na mayroon siyang kaunting kayabangan, nagdudulot siya ng pagkalimita ng iba, at mahilig siyang manghusga ng mga tao. Kapag naiisip ko kung paanong mayroon siyang kayabangan at nilimitahan niya ako, nakadarama ako ng sama ng loob at pagkainis. Pero naisip ko na, “Sinusulatan siya ng mga lider para tingnan ang kanyang kalagayan at ginagabayan siyang makilala ang kanyang sarili, kaya maaaring pinaplano nilang itaas ang kanyang ranggo. Kung ganoon nga, dapat kong isulat sa pagsusuri ang magagandang katangian niya. Kung isusulat ko kung paano niya nililimitahan ang mga tao, ano kaya ang iisipin ng mga lider tungkol sa akin? Sasabihin ba nilang pinupuna ko lang ang maliliit na bagay at hindi ako natututo ng mga aral, o na hindi ako maayos na nakikipagtulungan sa kanya? Mayroon siyang mahusay na kakayahan at mga kapabilidad sa gawain, at tinalikuran niya ang kanyang pamilya at propesyon para gampanan ang kanyang tungkulin, at noong siya ay natanggal, nagnilay siya at nagkaroon ng kaunting pagkaunawa. Kung nais ng mga lider na itaas ang kanyang ranggo pero isusulat ko ang tungkol sa kanyang masamang pag-uugali, ano kaya ang magiging tingin sa akin ng mga lider?” Matapos ko itong pag-isipan, napagpasyahan kong itataas nga ng mga lider ang kanyang ranggo, kaya isinulat ko na naghangad ng katotohanan si Wang Qi at lubos niyang nauunawaan ang salita ng Diyos, at na mayroon siyang mga kapabilidad sa gawain at kaya niyang talikuran ang kanyang pamilya at propesyon. Para makapag-iwan ng magandang impresyon sa mga lider, binalewala ko ang pag-uugali niyang naglilimita sa mga tao, sinasabing mayroon siyang pagpapahalaga sa katarungan at na inalok niya ako ng gabay at tulong. Matapos isulat ang pagsusuri, ibinigay ko ito sa mga lider.
Makalipas ang ilang araw, nakatanggap ako ng isa pang liham mula sa mga lider, tinatanong nila ako kung may ipinakita bang senyales si Wang Qi ng pamimigil, panghuhusga o paglilimita sa iba noong nakasalamuha ko siya. Naisip ko ang mga pagkakataong nakipagtulungan ako sa kanya at kung paano niya nilimitahan ang iba, at naisip ko na, “Maaari kayang seryoso ang mga problema niya sa aspektong ito, at nais ng mga lider na suriin ang kanyang pag-uugali? Noong nakaraan, isinulat ko lamang ang magagandang katangian niya, at hindi ko binanggit kung paano niya nilimitahan o hinusgahan ang iba. Dapat ko bang isulat ang mga pag-uugaling ito sa pagkakataong ito?” Pagkatapos, muli kong naisip na, “Kung isusulat ko ang mga pag-uugaling ito ngayon, ano na lang ang magiging tingin sa akin ng mga lider? Sasabihin ba nilang hindi ako naging tapat noon at nililinlang ko sila? Siguro ay sasabihin ko na lang na hindi ko alam ang tungkol sa mga bagay na ito. Pero kung sasabihin kong hindi ko alam ang tungkol sa mga bagay na ito, iisipin kaya ng mga lider na wala akong pagkilatis?” Patuloy akong nag-urong-sulong, hindi malaman kung ano ang gagawin. Naisip ko na, “Wala pang isang buwan akong nakipagtulungan sa kanya, kaya hindi naman di-makatwiran kung sasabihin kong hindi ko alam ang mga bagay na ito, at malamang ay wala namang sabihin ang mga lider tungkol dito.” Sa sandaling iyon, hindi ako mapanatag at napagtanto ko na nagiging mapanlinlang ako. Kaya nagdasal ako sa Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37). Naalala ko ring sinabi ng Diyos na: “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat.” Agad kong binuksan ang salita ng Diyos para basahin. Sinasabi ng Diyos na: “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Sa diwa, tapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble para sa inyo ang hirap nito. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). “Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, maghimagsik ka laban sa mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging makatarungan sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Tapat ang Diyos. Iniibig Niya ang matatapat na tao at kinamumuhian ang mga mapanlinlang. Hinihingi ng Diyos na magsabi ng totoo ang mga tao, nang walang panlilinlang o pagtatakip. Ito ang disposisyon ng Diyos. Ang pagsusulat ng pagsusuri ay nangangailangan din ng pagpasok sa katotohanan ng pagiging matapat na tao at pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos. Sa pagninilay ko sa aking sarili habang nagsusulat ng pagsusuri tungkol kay Wang Qi, hindi ko isinulat ang nalalaman ko o sinabi ang katotohanan. Sa halip, naghaka-haka muna ako sa layunin ng mga lider, inisip kong baka nais ng mga lider na itaas ang ranggo ni Wang Qi, kaya itinago ko at pinagtakpan ang kanyang masasamang pag-uugali, binalewala ko pa nga ang paglilimita niya sa akin at itinuring iyon na pagkakaroon niya ng pagpapahalaga sa katarungan. Talagang panlilinlang ang kalikasan nito. Nang hilingin ng mga lider sa akin na magsulat ng isa pang pagsusuri tungkol kay Wang Qi, para maiwasang mahuli sa pagsisinungaling, pinag-isipan kong humintong isulat ang pagsusuri. Isa na naman itong halimbawa ng panlilinlang. Tapat ang Diyos. Sinisiyasat Niya ang pinakamalalalim na bahagi ng tao. Maaaring kaya kong linlangin ang mga tao pero hindi ang Diyos. Kung patuloy akong magsisinungaling at manlilinlang para protektahan ang aking dangal, kasusuklaman at kamumuhian lang ako ng Diyos. Kailangan kong maging isang matapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos at tumigil sa panghuhula sa mga layunin ng lider. Kahit paano man ako tingnan ng mga lider, kailangan kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Pagkatapos, matapat akong sumulat tungkol sa kung paano nilimitahan at hinusgahan ni Wang Qi ang mga tao at ipinasa ko ito sa mga lider. Doon lamang ako napanatag. Hindi nagtagal, nagpadala ng isang liham ang mga lider na naglalarawan ng pag-uugali ni Wang Qi sa isa pang iglesia, sinasabi nilang palagi niyang nililimitahan ang mga tao, pinagsasamantalahan ang mga pagkakamali ng mga katrabaho, at madalas na dinidisiplina ang iba dala ng init ng ulo. Bumubuo rin siya ng mga paksyon at hinuhusgahan niya ang mga katrabaho nang hindi nila nalalaman, na naging dahilan para makaramdam sila ng negatibo at limitahan nila sa kanilang sarili. Nilinlang niya ang mga nasa itaas at ibaba niya at hindi siya gumawa ng tunay na gawain, at kapag nagbabahagi ang mga kapatid sa kanya, hindi niya ito tinatanggap. Batay sa kanyang hindi nagbabagong pag-uugali, siya ay tinanggal. Nang marinig ko ang balitang ito, lalo ko pang pinagsisihan na hindi ko naisagawa ang katotohanan noon, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging mapanlinlang.
Kalaunan, nagnilay ako kung bakit ang parehong pagsusuri tungkol sa isang tao ay naisulat sa dalawang magkaibang paraan sa loob ng maikling panahon. Anong kalikasan ang nagtulak sa akin para kumilos sa ganitong paraan? Nagdasal ako sa Diyos nang may nadaramang pasanin, naghahanap, “Diyos ko, nang hilingin sa akin ng mga lider na magsulat ng pagsusuri tungkol kay Wang Qi, naghaka-haka ako sa mga layunin ng mga lider at nais kong isulat ang pagsusuri ayon dito, sa halip na isulat ang lahat ng mga katunayan na alam ko. Anong aral ang dapat kong matutunan mula rito? Diyos ko, pakigabayan Mo akong maunawaan ang sarili ko.”
Sa aking mga debosyonal, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay bulag sa Diyos, wala Siyang puwang sa kanilang mga puso. Kapag nakakaharap nila si Cristo, itinuturing lang nila Siya bilang ordinaryong tao, palagi silang nakikiramdam sa Kanyang mga ekspresyon at tono, iniaangkop ang kanilang sarili batay sa hinihingi ng sitwasyon, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nangyayari, hindi kailanman nagsasalita ng anumang taos sa puso, nagsasalita lamang ng mga hungkag na salita at doktrina, at sinusubukang linlangin at lansihin ang praktikal na Diyos na nakatayo sa harapan ng kanilang mga mata. Wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ni hindi nila kayang makipag-usap sa Diyos nang mula sa puso, na magsabi ng anumang totoo. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliku-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at direksiyon ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Halimbawa, kapag sinasabi mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring iangat, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano kahusay ang taong ito, at kung ano ang naipapamalas at naibubunyag sa kanya; at kung sasabihin mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano siya nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa iglesia. Kapag nagtatanong ka tungkol sa mga aktuwal na sitwasyon, wala silang masasabi; nagpapaliguy-ligoy sila, naghihintay na gumawa ka ng kongklusyon, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita mo, upang maiayon nila ang kanilang mga salita sa iyong mga iniisip. Ang lahat ng sinasabi nila ay mga salitang masarap pakinggan, pambobola, at labis na pagpupuri na may kasamang pagpapakababa; walang sinserong salita ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Ganito sila makipag-ugnayan sa mga tao at kung paano nila tratuhin ang Diyos—ganyan talaga sila kamapanlinlang. Ito ang disposisyon ng isang anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay may karumihan at nagtataglay ng sarili nilang mga intensiyon at layon, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga hindi masabi at napakasamang panlalansi at pakana. Kaya naman ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay lubos na kontaminado at punong-puno ng kawalang-katotohanan. Gaano man sila magsalita, imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo, alin ang hindi totoo, kung alin ang tama, at alin ang mali. Ito ay dahil hindi sila matapat, at ang kanilang isipan ay lubhang komplikado, puno ng mga mapanlinlang na pakana at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paligoy-ligoy sila at pinag-iisipang mabuti nang ilang beses ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, pinag-aaralan ang mga kahihinatnan, tinitimbang ang mga pakinabang at kawalan mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, binabago nila ang gusto nilang sabihin gamit ang wika kaya lahat ng sinasabi nila ay medyo masalimuot sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nauunawaan kailanman ang kanilang sinasabi at madali nilang malinlang at maloko ang mga ito, at sinumang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay hindi maarok, at ang mga layon at intensiyon ng kanilang mga kilos ay napakakomplikado. Kung malantad ang katotohanan—kung mahalata sila ng ibang mga tao, at mabisto sila—agad silang nagtatahi ng isa pang kasinungalingan para makalusot. … Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pag-asal at pakikitungo sa mundo ay nilalansi nila ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at madaya, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilihis o naguguluhan at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o magandang halimbawa” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Isinisiwalat ng Diyos na ang mga anticristo ay labis na mapanlinlang at buktot, na palagi nilang binabantayan ang reaksyon ng iba sa lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa, na binibigyan nila ng labis na pansin ang tono at sinusuri ang mga nakatagong kahulugan, at inaayon nila ang kanilang pag-uugali sa sitwasyon. Sinasabi at ginagawa nila ang anumang magdudulot ng pakinabang sa kanila, at ang kanilang disposisyon ay tuso at mapanlinlang, walang anumang kredibilidad. Nang pagnilayan ko ang aking pag-uugali sa pagsusulat ng pagsusuri tungkol kay Wang Qi, nakita ko na ang aking disposisyon ay katulad ng sa isang anticristo. Bago isulat ang pagsusuri, naghaka-haka ako tungkol sa mga layunin ng mga lider, at sa pag-aakalang nais ng mga lider na itaas ang kanyang ranggo, isinulat ko lamang ang mga positibong bagay. Nang itanong sa akin ng mga lider kung naglimita o humusga ng mga tao si Wang Qi, nag-alala ako na kung isusulat ko ang katotohanan, malalantad ang kasinungalingang sinabi ko sa unang pagsusuri, at dahil sa takot na akusahan ako ng mga lider ng panlilinlang, napag-isipan kong sabihin na hindi ko alam ang tungkol sa mga ito, pero natakot din ako na kung hindi ko isusulat ang mga bagay na ito, sasabihin ng mga lider na wala akong pagkilatis. Para mapanatili ang magandang imahe sa mga mata ng mga lider, labis kong pinagod ang sarili ko sa pagpapakana at sa pagiging mapanlinlang, nang walang kahit kaunting katapatan sa puso ko. Ang isang taong may konsensiya at pagkatao ay haharapin ang pagsusulat ng pagsusuri nang may-takot-sa-Diyos na puso, at matapat na isusulat ang mga bagay. Pero para protektahan ang aking dangal at katayuan, naging napakakomplikado ng isipan ko, na ang lahat ng aking sinabi at ginawa ay umiikot sa aking mga personal na layunin at layon. Sinunod ko ang prinsipyo ng asal ni Satanas, “Sabihin mo lang sa mga tao ang nais nilang marinig,” tinitimbang ko ang mga ekspresyon ng mga tao, nagiging madulas at tuso, at nagsisinungaling at nanlilinlang nang bukas ang mga mata. Talagang tuso ako at mapanlinlang, at ganap na hindi mapagkakatiwalaan. Inisip ko lang ang sarili ko, hindi ko pinansin ang gawain ng iglesia. Hindi ko isinaalang-alang na ang pagtataas ng ranggo ng isang taong hindi nararapat ay labis na makakasira sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Makasarili talaga ako! Nang mapagtanto ko ito, kinondena ako ng aking konsensiya, at nakaramdam ako ng pagkakasala at pagsisisi. Handa akong magsisi sa Diyos at kumilos ayon sa Kanyang mga hinihingi.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kapag sinasabi Kong ‘sumusunod sa daan ng Diyos,’ ano ang pinatutungkulan ng ‘daan ng Diyos’? Ang ibig sabihin ay pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. At ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Paano mo sila kinikilatis? (Dapat tayong maging matapat, makatarungan, at patas, at hindi dapat nakabatay sa ating mga damdamin ang ating mga salita.) Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. Una sa lahat, ang pagiging matapat ay tugma sa pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang daan ng Diyos. Ano ang daan ng Diyos? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagiging matapat ba ay hindi bahagi ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? At hindi ba ito pagsunod sa daan ng Diyos? (Oo, pagsunod ito.) Kung hindi ka matapat, ang nakikita mo at ang iniisip mo ay hindi tugma sa lumalabas sa bibig mo. May magtatanong sa iyo, ‘Ano ang opinyon mo sa taong iyon? Responsable ba siya sa gawain ng iglesia?’ at sasagot ka, ‘Magaling siya. Mas responsable siya kaysa sa akin, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at mabuti rin ang pagkatao niya. Nasa kahustuhan siya at matatag siya.’ Pero ito ba talaga ang iniisip mo sa puso mo? Ang talagang nakikita mo ay bagama’t may kakayahan nga ang taong ito, siya ay hindi maaasahan, medyo mapanlinlang, at napakamapagpakana. Ito talaga ang iniisip mo, pero noong oras nang magsalita, naisip mo na, ‘Hindi ko puwedeng sabihin ang katotohanan, hindi ko dapat mapasama ang loob ng sinuman,’ kaya mabilis kang nagsabi ng ibang bagay, at pinili mong magsalita ng mabubuting bagay tungkol sa kanya, pero wala ni isa sa sinabi mo ang talagang nasa isip mo; ang lahat ng ito ay kasinungalingan at lahat ay pandaraya. Ipinapakita ba nito na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Hindi. Ang tinatahak mo ay ang daan ni Satanas, ang daan ng mga demonyo. Ano ang daan ng Diyos? Ito ang katotohanan, ito ang batayan kung saan dapat ibagay ng mga tao ang kanilang pag-uugali, ito ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Bagama’t nakikipag-usap ka sa ibang tao, nakikinig din ang Diyos; pinagmamasdan Niya ang iyong puso at sinisiyasat ito. Nakikinig ang mga tao sa sinasabi mo, pero sinisiyasat ng Diyos ang puso mo. Kaya ba ng mga tao na siyasatin ang puso ng tao? Ang pinakamagagawa nila ay ang makita na hindi ka nagsasabi ng katotohanan; nakikita nila kung ano ang nasa panlabas, pero tanging Diyos lamang ang nakakikita ng nasa pinakakaibuturan ng puso mo. Ang Diyos lamang ang nakakikita ng iniisip mo, ng pinaplano mo, at ng maliliit na pakana, mga mapandayang paraan, at aktibong mga iniisip na mayroon ka sa puso mo. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka nagsasabi ng totoo, ano ang opinyon at ebalwasyon Niya sa iyo? Na hindi mo sinunod ang daan ng Diyos sa bagay na ito dahil hindi ka nagsabi ng totoo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga prinsipyong dapat kong pasukin sa pagsusulat ng mga pagsusuri. Kapag nagsusuri ng isang tao, ang pagsusuri ay kailangang nakabatay sa mga katunayan, at hindi dapat palakihin ang mga kalakasan o pagtakpan ang mga kahinaan. Kailangan itong maging eksakto at obhetibo, at sa loob nito, kailangan nating isulat ang lahat ng nalalaman natin. Ang isang pagsusuri ay kailangang magsilbi bilang isang maaasahang batayan at maging mapagkakatiwalaan. Higit pa rito, kung ito man ay sa pagtataas ng ranggo, paglilinang, o pagtatanggal sa isang tao, kailangang magsulat ng isang pagsusuri batay sa mga prinsipyo at katunayan, at dapat nitong obhetibong ipakita ang mga kalakasan at kahinaan ng bawat tao. Ang isang patas at obhetibong pagsusuri ay makakatulong sa mga lider at manggagawa na makatwirang maisaayos at mapangasiwaan ang mga tao, binibigyang-daan iyong mga puwedeng itaas ang ranggo at linangin para agad na maisaayos sa naaakmang papel para sa pagsasanay, at agarang harapin iyong mga kailangang tanggalin o alisin sa iglesia. Tinitiyak nito na walang mabuting taong naaapi, at walang masamang taong pinalalampas. Kung ang isang huwad na pagsusuri ay humantong sa pananatili sa iglesia ng isang masamang tao o isang anticristo, maaapektuhan nito ang kaayusan ng buhay iglesia, at magagambala at magugulo ang gawain ng iglesia, na isang masamang gawa. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos at nagsisi, “Diyos ko, sa pamamagitan ng Iyong pagbubunyag, nakita ko ang tuso at mapanlinlang na satanikong disposisyon sa sarili ko. Para mapangalagaan ang aking dangal at katayuan, sinubukan kong linlangin Ka at ang mga lider, isinasantabi ang mga interes ng iglesia. Karapat-dapat akong isumpa. Diyos ko, hindi Mo ako tinrato ayon sa aking mga pagsalangsang bagkus ay binigyan Mo ako ng pagkakataon para magsisi, at handa akong magsisi at magbago. Pagdating sa muling pagsusulat ng mga pagsusuri, handa akong magsagawa ayon sa mga prinsipyo na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, at ibibigay ko ang lahat ng impormasyong nalalaman ko batay sa mga katunayan.”
Kalaunan, nagpadala sa akin ang mga lider ng ilan pang pangalan para suriin. Nakita ko na balak irekomenda ng mga lider ang mga taong ito para sa mga tungkulin sa ibang lugar, at muli na naman akong nagkaroon ng ilang alalahanin, “Pinapaboran ng mga lider ang mga taong ito, kaya kung isusulat ko ang aking nalalaman at mga opinyon, at iba ito sa mga pananaw ng mga lider, ano na lang ang magiging tingin sa akin ng mga lider? Sasabihin ba nilang wala akong pagkilatis? Dapat siguro ay banggitin ko na lang ang kanilang mga kalakasan at balewalain ang kanilang mga kahinaan. Maaari ko namang sabihin na hindi ko sila lubos na kilala at iwasang sumulat ng anumang hindi aayon sa pananaw ng mga lider at magdudulot ng pagkakaroon nila ng negatibong opinyon sa akin.” Sa sandaling iyon, napagtanto ko na muli kong sinusubukan na manlinlang para maprotektahan ang aking dangal at katayuan, kaya agad akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagtutuwid ng aking maling kalagayan at gabayan ako sa pagpasok sa mga prinsipyo ng pagiging isang matapat na tao at sa pagtanggap ng pagsisiyasat ng Diyos. Pagkatapos, isinulat ko nang buo at detalyado ang lahat ng naunawaan ko tungkol sa mga taong ito. Isinulat ko ang lahat ng nalalaman ko. Nakapagdulot sa akin ng kapayapaan ng isipan ang paggawa nito.
Sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga pagsusuri, malinaw kong nakita ang tuso at mapanlinlang na satanikong disposiyon sa aking sarili, at napagtanto ko rin na ang pamumuhay para sa dangal at katayuan ay tunay na nakakapagod at masakit, at nagdudulot ng kapanatagan at kasiyahan ang pagsasagawa ng katapatan at pagsasabi ng katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa paggabay sa akin sa transpormasyong ito!