89. Mga Pagninilay-nilay Tungkol sa Paghihirap Ko sa Isang Karamdaman

Ni Chen Jie, Tsina

Magmula nang tanggapin ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, palagi nang maalab ang damdamin ko tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo at paggawa ng tungkulin ko, umaraw man o umulan, nang walang pag-antala. Kalaunan, napili ako bilang isang lider ng iglesia, at sa tuwing makikita kong nagkakaroon ng mga isyu o paghihirap ang mga kapatid, sinusubukan ko ang abot ng makakaya ko na tumulong na lutasin ang mga iyon. Pagkatapos mangasiwa sa gawaing pangvideo, nagtrabaho ako nang overtime, sinusubaybayan at ginagabayan ang gawain. Kapag mabagal ang pag-usad o may mga paglihis, agad kong pinagbabahaginan at nilulutas ang mga iyon. Pagkalipas ng ilang panahon, nakita kong bumuti ang mga kasanayan ng mga kapatid, at na nagpakita ng kaunting pag-usad ang gawaing pangvideo. Talagang sumaya ako, naiisip na, “Basta’t patuloy akong magtitiis ng mga paghihirap, magbabayad ng halaga, at makakakuha ng ilang resulta mula sa tungkulin ko, siguradong matatanggap ko ang pagsang-ayon ng Diyos sa hinaharap at magkakaroon ako ng malaking pag-asa na maligtas.” Pero noong mismong lubos ko nang isinasagawa ang tungkulin ko, isang araw, sobrang napagod ang pakiramdam ko at nawalan ako ng ganang kumain, pero hindi ko ito masyadong binigyang-pansin, iniisip na malamang, ito ay dahil lang hindi sapat ang pahinga ko kamakailan, at ipinagpalagay kong hindi ito magiging malubhang isyu. Gayumpaman, patuloy na nawala ang gana kong kumain, at nagmukhang pagod ang hitsura ko. Pinayuhan ako ni Brother Guan Ming, na nakikipagtulungan sa akin, na pumunta sa ospital para magpatingin. Laking gulat ko, sinabi ng doktor na may Hepatitis B ako, at na may isang maliit na matigas na bukol sa atay ko, at na kung patuloy itong lulubha, puwede itong maging kanser sa atay. Nagsimulang magulumihanan ang isip ko, “Hindi puwede! Ginagawa ko ang tungkulin ko, paano ako makakakuha ng ganoong karamdaman? Hindi madaling gamutin ang sakit na ito …” Pakiramdam ko ay may batong dumadagan sa dibdib ko, at napuno ang puso ko ng kirot at kahinaan. Naisip ko kung paanong, sa mga lumipas na taon, tinalikuran ko ang pamilya at propesyon ko, nagtiis ako ng pagdurusa, at ginugol ko ang sarili ko. Kahit nang tugisin at usigin ako ng Partido Komunista, hindi ko ipinagkanulo ang Diyos. Kaya, bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos? Sa pagdurusa ko, naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang mabuting kalooban ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. Purihin ang Diyos sa gitna ng iyong karamdaman at tamasahin ang Diyos sa gitna ng iyong papuri. Huwag mawalan ng pag-asa kapag nagkaroon ka ng karamdaman, patuloy na maghanap nang maghanap at huwag susuko, at tatanglawan at bibigyang-liwanag ka ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Nagdala ng kaunting kapayapaan sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Oo, nasa mga kamay ng Diyos kung lulubha ang karamdamang ito o hindi, at kahit na hindi ko nauunawaan ang mga layunin ng Diyos sa sandaling ito, hindi ako puwedeng magreklamo laban sa Diyos. Kailangan kong hanapin ang Kanyang mga layunin, magpursige sa tungkulin ko, at manindigan sa patotoo ko. Habang iniisip ito, medyo gumaan ang pakiramdam ko.

Mula ngayon, nang isinasaalang-alang ang abalang gawaing pangvideo, nag-aalala ang mga lider na baka hindi ito kayanin ng katawan ko, kaya isinaayos nila na magtulungan kami ni Brother Li Cheng sa pangangaral ng ebanghelyo. Habang sumasailalim sa gamutan, nagpursige ako sa paggawa ng tungkulin ko, at sa tuwing makakaranas kami ng mga paghihirap sa gawain namin, magbabahaginan kami at maghahanap ng mga nauugnay na katotohanan para lutasin ang mga iyon. Kahit na nagtiis ako ng ilang pisikal na paghihirap at medyo nagbayad ng halaga, napakasaya kong makita na parami nang paraming tao ang tumatanggap sa gawain ng Diyos ng mga huling araw, at naisip ko, “Basta’t magpupursige ako sa tungkulin ko at magdaranas ng mas maraming paghihirap at mas magbabayad ng halaga, siguro ay poprotektahan ako ng Diyos at bubuti ang kondisyon ko.” Pero pagkalipas ng ilang panahon, naramdaman kong lumulubha ang kondisyon ko. Araw-araw ay pagod ang pakiramdam ko, nanghihina ang buong katawan ko, at lalong nababawasan ang gana kong kumain, kaya gumayak ako para sa isa pang konsultasyon. Sinabi ng doktor na lumala ang Hepatitis B ko, at na kailangan kong maospital para sa agarang gamutan; kung hindi, patuloy itong lalala at magiging mahirap gamutin. Dahil tinutugis ako ng Partido Komunista, kung magpapaospital ako, malalantad ang pagkakakilanlan ko at malalagay ako sa panganib, kaya kinailangan kong umasa sa mga gamot at gamutang tinuturok sa ugat, pero hindi pa rin gaanong bumuti ang kondisyon ko. Sa paglipas ng panahon, nanghina ako nang husto at naisip ko, “Ilang beses na ulit sumumpong ang Hepatitis B na ito; kung lalo pa itong lulubha at magiging cirrhosis o kanser sa atay, anumang sandali ay puwedeng manganib ang buhay ko. Kung mamamatay ako nang ganito, maililigtas pa rin kaya ako? Sigurado namang hindi ganito magtatapos ang buhay ng pananalig ko sa Diyos?” Habang iniisip ito, nanghina at nanlambot ang buong katawan ko, at sabay na namayani sa loob ko ang pagtataka at pagrereklamo: “Magmula nang magsimula akong sumampalataya sa Diyos, naging masigasig ako sa tungkulin ko at sa pangangaral ng ebanghelyo. Dumating man ang hangin o ulan, ang nakakapasong init o nanunuot na lamig, at tinutugis at inuusig man ng Partido Komunista at hindi makauwi sa bahay, kailanman ay hindi ko inantala ang tungkulin ko. Kahit sa mga taon na ito ng karamdaman, buong panahong kong pinagpursigihan ang tungkulin ko, hindi kailanman sumusuko, at kahit na maaaring hindi ako nagtamo ng merito, nagdusa at nagpakapagod ako. Bakit bukod sa hindi bumuti ang karamdaman ko, ang totoo ay lumala pa ito?” Nakikita ko ang mga kapatid na nasa mabuting kalusugan at aktibong gumagawa ng mga tungkulin nila, habang ako naman ay may malubhang karamdaman. Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nakakadama ng hinanakit; nang halos hindi mapigilang mapaluha, bumalik ako sa bahay ng nagpapatira sa akin. Talagang nasasaktan at negatibo ang pakiramdam ko, nang walang motibasyong gawin ang tungkulin ko. Sa sandaling ito, pinaalalahanan ako ni Brother Li Cheng, “Kapag nahaharap sa karamdaman, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos at hindi tayo magkamali ng pagkaunawa o magreklamo laban sa Kanya.” Natulungan ako ng mga salita ni Brother Li Cheng na kumalma. Ang lahat ng nangyayari ay pinapahintulutan ng Diyos, at kinailangan kong magsimula sa pamamagitan ng pagpapasakop para hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang sarili ko. Kaya, nagdasal ako sa Diyos at naghanap, umaasang aakayin Niya akong maunawaan ang Kanyang mga layunin.

Kalaunan, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Iniisip ng ilang tao na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat magdulot ng kapayapaan at kagalakan, at na kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, kailangan lang nilang magdasal sa Diyos at pakikinggan sila ng Diyos, bibigyan sila ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at titiyakin ng Diyos na magiging payapa at maayos ang lahat ng bagay para sa kanila. Ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay ang maghangad ng biyaya, magtamo ng mga pagpapala, at magtamasa ng kapayapaan at kaligayahan. Dahil sa mga ganitong pananaw, tinatalikuran nila ang pamilya nila o nagbibitiw sila sa trabaho para gugulin ang sarili nila para sa Diyos at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Naniniwala sila na basta’t handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila para sa Diyos, magtiis ng pagdurusa, at magsikap sa paggawa, habang nagpapakita ng kahanga-hangang pag-uugali, makakamit nila ang mga pagpapala at pabor ng Diyos, at na anumang paghihirap ang kakaharapin nila, basta’t nagdarasal sila sa Diyos, lulutasin Niya ang mga ito at magbubukas Siya ng landas para sa kanila sa lahat ng bagay. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng karamihan ng taong nananampalataya sa Diyos. Nadarama ng mga tao na makatwiran at tama ang ganitong pananaw. Ang abilidad ng maraming tao na mapanatili ang pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi isinusuko ang pananalig nila ay direktang konektado sa pananaw na ito. Iniisip nila, ‘Napakarami ko nang ginugol para sa Diyos, napakabuti ng naging pag-uugali ko, at wala akong ginawang anumang masasamang gawa; tiyak na pagpapalain ako ng Diyos. Dahil nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga para sa bawat gampanin, ginagawa ang lahat nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos nang walang anumang nagagawang pagkakamali, dapat akong pagpalain ng Diyos; dapat Niyang tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa akin, at na madalas akong magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko, at matamasa ko ang presensiya ng Diyos.’ Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Mula sa perspektiba ng tao, natatamasa ng mga tao ang biyaya ng Diyos at nakakatanggap sila ng mga pakinabang, kaya may katuturan naman na magdusa sila nang kaunti para dito, at sulit na ipagpalit ang pagdurusang ito para sa mga pagpapala ng Diyos. Isa itong mentalidad ng pakikipagtawaran sa Diyos. Gayumpaman, mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng Diyos, hindi talaga ito umaayon sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos ni sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ay ganap na pangangarap nang gising, pawang isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Nakapaloob man dito ang pakikipagtawaran o paghingi ng mga bagay mula sa Diyos, o naglalaman man ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ano’t anuman, wala sa mga ito ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ni tumutugma sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos para pagpalain ang mga tao. Sa partikular, ang transaksiyonal na kaisipan at pananaw na ito ay sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ito napagtatanto ng mga tao. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, mabilis silang nagkakaroon sa puso nila ng mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Kanya. Nadarama pa nga nila na naagrabyado sila at nagsisimula silang makipagtalo sa Diyos, at maaari pa nga nilang husgahan at kondenahin ang Diyos. … Kapag inihahanda ng Diyos ang isang kapaligiran para sa mga tao na ganap na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, bumubuo sila sa puso nila ng mga kuru-kuro, panghuhusga, at pagkondena laban sa Diyos, at puwede pa nga nilang itatwa ang Diyos. Maaari bang tugunan ng Diyos ang mga pangangailangan nila? Hinding-hindi. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang paraan ng paggawa at ang Kanyang mga pagnanais ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sino ang kailangang magbago kung gayon? Ang mga tao. Kailangang bitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro nila, kailangan nilang tumanggap, magpasakop, at dumanas sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga kuru-kuro, sa halip na sukatin ang mga ginagawa ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro nila para alamin kung tama ito. Kapag iginigiit ng mga tao na kumapit sa mga kuru-kuro nila, nagkakaroon sila ng paglaban sa Diyos—nangyayari ito nang natural. Saan nagmumula ang ugat ng paglaban? Ito ay nasa katunayang ang karaniwang taglay ng mga tao sa puso nila ay walang dudang ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at hindi ang katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa gawain ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, maaaring suwayin ng mga tao ang Diyos at husgahan Siya(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)). “Para sa kanila, walang layon na mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa pakay na ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang pakay at intensyon ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan na abalang-abala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang pakay ng kanilang pananampalataya sa Diyos. … Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay isa lamang hayagang pansariling interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pagkakaunawaan, tanging walang magawang pinipigilang indignasyon at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Detalyadong-detalyadong inilantad ng mga salita ng Diyos ng paghatol ang mga maling layunin at pananaw sa likod ng pananalig ko sa Kanya, na nag-iiwan sa akin na napapahiya at nahihiya. Noon pa man ay pinaniniwalaan ko nang sa pamamagitan ng pagbabayad ng mas malaking halaga at mas paggugol sa sarili ko, matatanggap ko ang proteksyon at mga pagpapala ng Diyos, at magiging mas malaki ang pag-asa kong maligtas. Nang biglang matukoy na may Hepatitis B ako, nakabuo ako ng mga reklamo tungkol sa Diyos sa puso ko, iniisip na nagdusa ako at ginugol ko ang sarili ko para sa Kanya sa lahat ng taon na ito, at na hindi dapat hinayaan ng Diyos na magkaroon ako ng ganoong kalubhang karamdaman. Kahit na kalaunan ay nagpasakop ako, inisip ko pa rin na basta’t magpupursigi ako sa tungkulin ko at magtitiis ng mas maraming pagdurusa at magbabayad ng mas malaking halaga, siguro ay poprotektahan ako ng Diyos at bubuti ang kondisyon ko. Pero nang lumubha ang kondisyon ko, at naharap pa nga ako sa posibilidad ng kanser at kamatayan, inakala kong nawasak na ang pagnanais ko sa mga pagpapala. Kaya, naging negatibo at nakabuo ako ng maling pagkaunawa, nakikipagtalo sa Diyos sa puso ko, naniniwalang kahit na wala akong mga merito, nagdusa at nagpakapagod naman ako, at na hindi ako dapat tratuhin ng Diyos sa ganitong paraan; nagreklamo pa nga ako laban sa Diyos dahil sa hindi pagpoprotekta sa akin. Sa pagbubunyag sa mga katunayan, nakita ko na ang mga pagsisikap at paggugol ko ay naudyukan ng isang kasuklam-suklam na layunin, sa kadahilanang ginusto kong gamitin ang aking pagtatrabaho nang husto, mga sakripisyo, at mga paggugol bilang kapital kapalit ng isang magandang kinabukasan at destinasyon, na siyang pakikipagtransaksiyon sa Diyos. Nang hindi ako nakatanggap ng mga pagpapala, nagkamali ako ng pagkaunawa at nagreklamo ako laban sa Diyos. Ang ibinubunyag ko ay ang lahat ng satanikong disposisyon ko. Ang Diyos ang Lumikha, at kahit paano pa pamatnugutan at isaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay, wala akong dahilan para humingi sa Kanya, at dapat akong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Pero palagi kong gustong kumilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ko, at nang hindi umayon ang mga bagay-bagay sa mga kuru-kuro ko, nakipagtalo ako sa Kanya. Malaya kong tinamasa ang napakaraming pagdidilig at pagtutustos mula sa mga salita ng Diyos, pero hindi ko nasuklian ang pagmamahal ng Diyos, sa halip ay nagkamali pa nga ako ng pagkaunawa at nagreklamo laban sa Kanya. Paano ako magiging isang taong tunay na sumasampalataya sa Diyos?

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa ugat ng transaksiyon ko sa Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para pa rin magantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatitiis sila ng matinding pagdurusa. Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dahil sa mga satanikong pananaw na, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at “Huwag tumulong kung walang gantimpala” ay naitanim na sa puso ko, at naging ang pundasyon ng pag-iral ko, ang lahat ng ginawa ko ay para sa sarili kong pakinabang. At kahit ang mga sakripisyo at paggugol ko sa sarili ko ay para magkamit ng mga pagpapala at maprotektahan mula sa kamatayan kapag sumapit ang sakuna. Sa mga taon na ito ng paggawa ng tungkulin ko, kahit gaano pa katinding pisikal na paghihirap ang tiniis ko, o ano pang halaga ang kinailangan kong bayaran, basta’t naniniwala akong mapapakinabangan ko ito pagdating sa mga pagpapala at kaligtasan, magiging handa akong tiisin ang gaano man karaming pagdurusa. Pero dahil lumubha ang karamdaman ko at nawasak ang pagnanais ko sa mga pagpapala, nawalan ako ng motibasyong gawin ang tungkulin ko, at nakipagtalo at nagreklamo pa nga ako sa Diyos sa puso ko. Sa lahat ng ginawa ko ay inuna ko ang personal na pakinabang, tinatrato ang tungkulin ko bilang gamit sa pakikipagtawaran kapalit ng mga gantimpala at pagpapala, iniisip pa ngang ganap na may katwiran ito. Sa pamumuhay ayon sa mga satanikong lasong ito, nawalan ako ng konsensiya at katwiran, at nagreklamo at naghimagsik laban sa Diyos. Kung hindi ako magsisisi, sa malao’t madali ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Kapwa ako natakot at nagsisi dahil sa kaisipang ito. Ang isang taong naging kasingmakasarili at kasuklam-suklam ko, na hindi nagbago ang disposisyon, ay hibang pa ring umaasa sa mga pagpapala. Napakawalang-hiya naman! Matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos. Kahit gaano pa karaming gawain ang ginagawa ng isang tao, o gaano pa katinding paghihirap ang dinaranas niya, o gaano pa kalaki ang halagang ibinabayad niya, kung walang pagbabago sa disposisyon, walang saysay ang lahat ng ito. Hindi tayo palalagpasin ng Diyos at dadalhin sa Kanyang kaharian dahil dumanas tayo ng mas maraming paghihirap. Sabi ng Diyos: “Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Hindi sinusukat ng Diyos ang mga tao ayon sa kapansin-pansing paggugol o pagdurusa nila, kundi ayon sa landas na tinatahak nila, kung nakamit ba nila ang katotohanan, at kung nagbago ba ang tiwaling disposisyon nila. Kahit na sumampalataya ako sa Diyos nang maraming taon, nakatuon lang ako sa pagtatrabaho at paggawa, at hindi ko hinahangad ang katotohanan, hindi nagbago ang tiwaling disposisyon ko, at sinubukan ko pa ring makipagtawaran sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala. Paano magiging karapat-dapat sa kaligtasan ang isang taong kasingmakasarili at kasuklam-suklam ko? Naisip ko si Pablo. Ipinangaral niya ang ebanghelyo, gumawa siya ng maraming gawain, at nagdusa nang matindi, pero ang pagdurusa at pagtatrabaho niya ay hindi para isagawa ang mga salita ng Diyos, ni para gawin ang tungkulin ng isang nilikha, kundi para magkamit ng mga pagpapala at ng isang korona. Gaya ng sinabi niya, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ang ibig niyang sabihin ay na kung hindi siya bibigyan ng Diyos ng isang korona o ng mga gantimpala, ibig sabihin nito ay hindi matuwid ang Diyos. Isa itong tahasang paghingi ng isang korona mula sa Diyos, na isang pagtatangkang pilitin ang Diyos. Kahit na nagtrabaho, nagdusa, at gumugol ng sarili niya si Pablo, hindi niya hinangad ang katotohanan, naghangad lang siya ng mga pagpapala, at tumahak sa landas ng paglaban sa Diyos. Sa huli, pinarusahan siya ng Diyos. Kung magpapatuloy ako sa landas ni Pablo, kalaunan ay ititiwalag din ako ng Diyos. Hindi na ako puwedeng humingi o humiling sa Diyos, ni mamuhay nang makasarili at kasuklam-suklam para sa sarili ko. Paano man umusad ang kondisyon ko, naging handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng isang landas. Sabi ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paggawa sa tungkulin ng isang tao ay walang kaugnayan sa pagkamit ng mga pagpapala o pagdanas ng kasawian. Binigyan ako ng Diyos ng buhay at ng lahat ng mayroon ako, at natural at tama lang na gugulin ko ang sarili ko para sa Diyos bilang isang mananampalataya. Ito ang responsabilidad at tungkulin na dapat tuparin ng isang tao, at ito ang dapat gawin ng isang taong may kaunting konsensiya at katwiran. Hindi ko dapat gamitin ang paggugol ko bilang isang gamit sa pakikipagtawaran para humingi sa Diyos ng mga pagpapala, hindi rin ako dapat magreklamo laban sa Diyos dahil sa malubhang karamdaman ko. Katulad lang ni Job, pinagkalooban man o pinagkaitan siya ng Diyos ng mga bagay-bagay, kahit nang nawala sa kanya ang lahat at nagkaroon siya ng mga sugat, hindi siya nagreklamo laban sa Diyos o humingi sa Kanyang bawasan ang pagdurusa niya, sa halip, pinuri niya ang karangalan ng Diyos at nanindigan siya sa patotoo niya tungkol sa Kanya. Habang pinagninilayan ang karanasan ni Job, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Kahit gaano pa tumagal ang karamdaman ko o gaano pa ito lumubha, kahit na manganib ang buhay ko, dapat akong magpasakop sa Diyos at manindigan sa patotoo ko tungkol sa Kanya. Ito ang konsensiya at katwirang dapat kong taglayin. Kalaunan, sa tuwing maiisip ko ang pagkakamit ng mga pagpapala, nagdarasal ako sa Diyos para maghimagsik laban sa mga pagnanais na iyon, at tumutuon ako sa pagdanas sa mga salita ng Diyos at sa pagsasagawa sa katotohanan sa bawat araw, at sa paggawa niyon, lalo pang napalagay ang puso ko.

Kalaunan, sa pamamagitan ng gamot, unti-unting bumuti ang kondisyon ko, at napakasaya ko. Pero pagkalipas ng ilang panahon, napagod at nanghina na naman ako, kaya pumunta ako sa ospital para sa isang pagsusuri. Sinabi ng doktor na umakyat sa 100 milyon ang antas ng Hepatitis B virus sa katawan ko, at na mataas din ang ilang ibang indikasyon ng paggana ng atay. Sinabi niyang kung patuloy itong lulubha, puwede itong maging problematiko. Pagkarinig dito, medyo kinabahan at nag-alala ako, naiisip na, “Ilang beses nang bumalik ang karamdamang ito; maaari ba talaga itong lumala sa kanser? Kailanman ba ay gagaling ang karamdaman ko?” Medyo nanlumo ako dahil sa mga kaisipang ito. Pagkatapos ay napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dahil naniniwala at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katugunan sa mga layunin ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat kang magpasakop sa Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang likas na kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. … Bilang isang nilikha, dapat hangaring tuparin ng tao ang tungkulin ng isang nilikha, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi gumagawa ng iba pang pagpili, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga layunin ng Diyos, at napagtanto ko na ang buhay at kamatayan ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi na ako puwedeng humingi ng mga di-makatwirang bagay sa Diyos, at lumubha man ang karamdaman ko, kahit na nangangahulugan itong mamamatay ako o hindi magkakaroon ng huling kalalabasan o destinasyon, magpapasakop pa rin ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Nang iniisip ito, hindi na ako napigilan ng kalagayan ng karamdaman ko, ipinagpatuloy kong gawin ang tungkulin ko gaya ng nakagawian, at lubhang napalaya ang pakiramdam ko. Kalaunan, ipinagpatuloy ko ang tradisyonal na medisinang Tsino, at naramdaman kong unti-unting bumuti ang kondisyon ko. Pagkatapos ng huling check-up, halos bumalik na sa normal ang ilang indikasyon ng paggana ng atay.

Sa pamamagitan ng karanasang ito na mabunyag sa pamamagitan ng karamdamang ito, kahit na medyo nagdusa ako, labis akong nagpapasalamat sa Diyos. Kung wala ang kapaligirang ito, hindi ko makikilala ang sarili ko, at patuloy kong iisiping sinsero kong ginugugol ang sarili ko para sa Diyos. Pero ngayon ay malinaw ko nang nakikita ang mga maling pananaw ko sa paghahanap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa makasarili, kasuklam-suklam, at udyok-ng-pakinabang na satanikong disposisyon ko. Ang mga ito ang mga pakinabang na natamo ko sa pamamagitan ng pagharap sa karamdamang ito.

Sinundan:  88. Paano Itaguyod ang Tungkulin ng Isang Tao sa Gitna ng Kahirapan

Sumunod:  90. Hindi na Ako Kailanman Magrereklamong Muli Tungkol sa Kapalaran Ko

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger