91. Kung Paano Ko Binitiwan ang Inggit
Gumagawa ako ng mga video sa iglesia, at kadalasan, may ilang bagong highlight sa mga video na ginagawa ko. Talagang sumusuporta ang mga kapatid kapag pinapanood nila ang mga video na ito, at madalas silang lumalapit sa akin kapag nahaharap sila sa mga problema. Pakiramdam ko ay maayos ang paggawa ko, at na may kaunting kakayahan at kaloob ako. Noong 2016, napili ako bilang superbisor, at masayang-masaya ako. Naisip ko na ang magawang maging isang superbisor ay nangangahulugang mahusay ang mga teknikal na kasanayan ko at na medyo mas magaling ako kaysa sa mga kapatid. Para ipakita sa lahat na may kapabilidad ako sa gawain ko, lalo ko pang pinag-aralan ang propesyonal na kaalaman. Kalaunan, isinaayos ng lider na makipagtulungan sa akin si Sister Diane. May mahusay siyang kakayahan at medyo mahusay na mga teknikal na kasanayan, kaya masaya akong makipagtulungan sa kanya. Madalas naming tinatalakay ang inobasyon sa video at kung paano mapapabuti ang mga pamamaraan namin nang magkasama, at sa pamamagitan ng mga palitan at talakayan namin, palagi kaming nagkakamit ng kaunting liwanag. Nadama ko na mabuting magkaroon ng ganoon kahusay na sister bilang kapareha ko. Pagkalipas ng ilang panahon, malaki ang inihusay ng kalidad ng mga video na nagagawa namin. Madalas na tinitipon-tipon ni Diane ang lahat para matuto ng mga teknikal na kasanayan, at kapag nahaharap ang mga kapatid sa mga paghihirap, kaya niyang pagbahaginan at lutasin ang mga iyon batay sa mga salita ng Diyos. Unti-unti, nagsimula akong medyo mainggit sa kanya. Lalo na kapag tinatalakay ang gawain, kapag nagtitipon ang mga kapatid sa paligid niya para magtanong, sumasama nang husto ang loob ko at naiisip na napapabayaan ako. Naisip ko, “Kung magpapatuloy ito, hindi ba’t magiging palamuting superbisor na lang ako? Ano nang iisipin sa akin ng mga kapatid noon? Iisipin ba nilang hindi ako kasinggaling ni Diane?” Kaya, palihim akong nagsikap, iniisip na, “Hindi puwede ito, kailangan kong doblehin ang pagsisikap, hindi puwedeng mapag-iwanan niya ako!”
Pagkatapos nito, naglaan ako ng mas maraming panahon para pagnilayan ang mga salita ng Diyos, umaasang magkamit ng kaunting liwanag mula sa mga iyon, para sa mga pagtitipon, magagawa kong makipagbahaginan ng mga kabatiran na hindi pa natatanggap ng iba. Gusto kong ipakita sa lahat na mas mahusay kong nauunawaan ang mga bagay-bagay kaysa kay Diane. Sa pagkatuto ng mga propesyonal na kasanayan, masipag akong nag-aral, madalas na nag-o-overtime at nagpupuyat para maghanap ng impormasyon. Gayumpaman, hindi masyadong maganda ang mga naging resulta, at may ilang teknikal na paghihirap na hindi pa rin nalutas. Ang totoo, alam kong may ilang magandang pamamaraan si Diane sa pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan, pero ayaw kong magtanong sa kanya, iniisip na, “Bago siya dumating, ako ang nagtitipon-tipon sa mga kapatid para matuto, at medyo maganda ang mga resulta. Kung pupuntahan at tatanungin ko siya, hindi ba’t ipapakita lang niyon na hindi ako kasinggaling niya? Kung matutuklasan ng mga kapatid, siguradong sasabihin nilang kahit na napakatagal ko nang ginagawa ang tungkulin ko, hindi kasinghusay ng sa bagong dating na sister ang kakayahan ko.” Nang maisip ko ito, lalong ayaw kong humingi ng tulong sa kanya. Sa sunod-sunod na ilang araw, bukod sa wala akong anumang natutuhan, nagsayang din ako ng maraming oras at lakas. Parang may mabigat na batong nakadagan sa puso ko, at napagod ako nang husto. Kalaunan, mas tumindi ang inggit ko. Naaalala ko ang isang pagtitipon, pauna kong pinagnilayan ang mga salita ng Diyos, iniisip na kailangan kong magbahagi ng kaunting bagong liwanag sa pagtitipon na ito, pero nang ako na ang magbabahagi, nablangko ang utak ko, at hindi ko mapagbahaginan ang pauna kong inihanda. Nang makita kong malinaw at praktikal na nakikipagbahaginan si Diane habang tumatango ang mga kapatid sa pagsang-ayon, sumama nang husto ang loob ko, naiisip na, “Hindi ba puwedeng kaunti lang ang sabihin mo at nang hindi ako masyadong mapahiya? Pagkatapos ng pakikipagbahaginan mo, ano na ang magiging tingin sa akin ng lahat kumpara sa iyo? Iisipin ba nilang hindi ako kasinggaling mo?” Habang mas nag-iisip ako nang ganito, lalong tumitindi ang pagkiling ko laban kay Diane. Pakiramdam ko ay nagmumukha akong walang pakinabang sa pakikipagtulungan sa kanya. Lubos akong napahiya! Pagkatapos ng pagbabahagi niya, ayaw ko nang magsalita ng kahit ano, o iangat ang ulo ko, natatakot na makita ng mga kapatid ang naaasiwang ekspresyon ko. Pagkatapos ay tinanong ako ni Diane, “Mayroon ka bang anumang idadagdag?” Saka ako natauhan, at nang nagkukunwaring kalmado, sinabi ko, “Wala.” Ang gusto ko lang ay matapos na ang pagtitipon. Pagkatapos niyon, palagi akong naghahanap ng mga dahilan para iwasan siya habang magkasama kaming nagtutulungan, at minsan, kapag pinapadalhan niya ako ng mga mensahe para makipag-ugnayan tungkol sa gawain, nakikita ko ang mga iyon pero ayaw kong sumagot. Minsan, sumasang-ayon pa nga ako sa mga pananaw niya sa loob ko, pero malamig pa rin akong nagsasabi ng mga bagay na tulad ng, “Isang aspekto lang ang tinutugunan ng sinasabi mo,” ipinahihiwatig na, “Hindi ka nagiging komprehensibo, kaya tigilan mo na ang pagsubok na magpasikat!” Kapag sinusuri namin ang mga video na ginawa ng mga kapatid, nagbibigay siya ng kaunting mungkahi, na sa palagay ko ay angkop, pero naghahanap pa rin ako ng mali at nagpapaalam ng mga isyu. Pagkatapos niyon, naging napakaingat ni Diane kapag nakikipag-usap sa akin, na parang natatakot siyang makapagsabi ng maling bagay, at naging atubi siya kapag tinatalakay ang gawain, madalas akong tinatanong ng mga bagay na tulad ng, “Ayos lang ba ito? Paano naman iyon?” Sa pagbabahaginan sa mga pagtitipon, paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ako. Napagtanto kong napipigilan ko ang sister ko, at medyo nakonsensiya ako. Nadama kong hindi angkop na tratuhin siya nang ganito, pero hindi ko alam kung paano siya haharapin. Minsan, naiisip ko, “Sana hindi na lang siya dumating sa pangkat na ito, kung ganoon ay puwedeng ako pa rin ang mamuno.”
Sa panahong ito, namuhay ako sa isang kalagayan ng inggit, palaging iniisip kung paano mauungusan si Diane, at talagang wala sa mga tungkulin ko ang isip ko, ni hindi ako makahanap ng mga problema habang sinusuri ang mga video na ginawa ng mga kapatid. Isang araw, nilapitan ako ng lider at sinabi na nakikipagkompetensiya ako para sa reputasyon at pakinabang, na naiinggit ako sa mga indibidwal na may talento, at na hindi ako nakikipagtulungan nang maayos sa iba, at na naapektuhan na nito ang gawaing pangvideo, at na matatanggal ako at dapat kong malalim na pagnilayan ang sarili ko. Natigilan ako nang sabihin ito ng lider, at nablangko ang isip ko, at wala na akong ibang narinig sa ibinahagi ng lider. Kinabukasan, gustong isaayos ng lider na gumawa ako ng disenyong grapiko dahil sa mga kasanayan ko sa pagguhit, pero sinabi ng sister na nangangasiwa sa pangkat ng sining na kumpleto na ang mga miyembro nila at na hindi na nila kailangan ng iba. Para itong isang tunay na dagok sa akin, at pakiramdam ko ay isa akong walang pakinabang na tao na walang may gusto, at na ganap akong nabunyag at natiwalag. Namuhay ako sa isang kalagayan ng pagsuko sa sarili ko, ayaw kong magdasal o magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi ako naglakas-loob na humarap sa mga kapatid. Labis akong nagdurusa. Isang gabi, nagising ako mula sa isang bangungot, basang-basa ng pawis, puno ng takot at pagkabalisa, at napagtanto ko na kung ipagpapatuloy ko ang pagiging masyadong nasisiraan ng loob at imoral, talagang mabubunyag at matitiwag ako. Lumuhod at nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, gusto kong lutasin ang mga isyu ko, pakiusap, bigyang-liwanag at tanglawan Mo ako para maunawaan ko ang sarili ko at mabago ko ang maling kalagayan ko.”
Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang pag-aralan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, kuwalipikado kang lider o manggagawa. Kung nagagawa mong asikasuhin ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, kung gayon ay iniaalay mo ang iyong katapatan. Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging mapaminsala! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng isang taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Inilalantad ng Diyos na palaging natatakot ang mga tao na maging mas magaling sa kanila o mas higit sa kanila ang iba, at na idinudulot nito na atakihin at ibukod nila ang iba. Ang ganoong mga tao ay naiinggit sa mga taong may talento at sila at may mapaminsalang disposisyon. Nasa ganoong kalagayan ako. Nang makita kong may mahusay na kakayahan at mga teknikal na kasanayan si Diane, at na hinahangaan at tinatanong siya ng mga kapatid, naalarma ako, natatakot na mauungusan niya ako. Para patatagin ang posisyon ko, puspusan akong nagsikap na pag-aralan ang propesyonal na kaalaman at pagnilayan ang mga salita ng Diyos, at kahit sa mga pagtitipon, inisip ko kung paano makikipagbahaginan sa paraan na magbibigay-daan sa aking maungusan siya. Nang makita kong praktikal na nagbabahagi si Diane, nainggit at naghinanakit ako, at umasa pa ngang magkamali siya para hindi na siya hangaan ng mga kapatid. Ang inisip ko lang ay ang protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Lubos akong makasarili at kasuklam suklam dito! Ang katunayang may mahusay na kakayahan si Diane at nakakuha ng magagandang resulta ang gawain niya ay isang mabuting bagay, dahil natulungan nito ang mga kapatid at nabigyang-pakinabang ang gawain ng iglesia. Napapagaan nito ang loob ng Diyos, at dapat ay naging masaya ako tungkol dito. Pero hindi ko isinaalang-alang ang mga bagay na ito, at sa halip, palagi kong iniisip kung paano siya mauungusan. Sadya ko pa nga siyang ibinukod, naghahanap ng mali at nagpapakita ng masamang saloobin, na nakapigil at nakapinsala sa kanya. Nakita ko na wala akong pagkatao at na mapaminsala ang disposisyon ko. Nag-init ang mukha ko sa realisasyong ito. Kailanman ay hindi ko inasahang ganitong uri ako ng tao!
Kalaunan, inisip ko ulit ito, noon pa man ay naiinggit na ako sa sister ko, anong disposisyon ang ibinunyag ko? Ano ang nagdulot nito? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Upang magkamit ng kapangyarihan at katayuan, ang unang ginagawa ng mga anticristo sa iglesia ay ang subukang kunin ang tiwala at pagpapahalaga ng ibang tao, para makakumbinsi sila ng mas maraming tao, at mahikayat ang mas maraming tao na tingalain at sambahin sila, sa gayon ay makamit ang kanilang layon na magkaroon ng huling salita sa iglesia, at humawak ng kapangyarihan. Pagdating sa pagkakaroon ng kapangyarihan, pinakabihasa sila sa pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban sa ibang tao. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan, na may katanyagan sa iglesia, at minamahal ng mga kapatid, ay ang kanilang pangunahing kakompetensiya. Ang sinumang tao na nagbabanta sa kanilang katayuan ay ang kanilang kakompetensiya. Nakikipagkompetensiya sila sa mga mas malakas sa kanila nang hindi natitinag; at nakikipagkompetensiya sila sa mga mas mahina sa kanila, nang walang anumang nararamdaman na awa. Ang puso nila ay puno ng mga pilosopiya ng labanan. Naniniwala sila na kung ang mga tao ay hindi nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban, hindi sila makakakuha ng anumang pakinabang, at na makukuha lamang nila ang mga bagay na gusto nila sa pamamagitan ng pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban. Upang magtamo ng katayuan, at makakuha ng nangungunang posisyon sa isang grupo ng mga tao, gagawin nila ang lahat para makipagkompetensiya sa iba, at hindi nila pinapalampas ang kahit isang tao na nagsisilbing banta sa kanilang katayuan. Kahit sino ang kanilang nakakasalamuha, puno sila ng pagnanais na makipaglaban, at kahit habang tumatanda na sila, lumalaban pa rin sila. Madalas nilang sinasabi na: ‘Kaya ko bang talunin ang taong iyon kung makikipagkompetensiya ako sa kanila?’ Ang sinumang mahusay magsalita, at kayang magsalita sa isang lohikal, nakabalangkas, at sistematikong paraan, ay nagiging puntirya ng kanilang inggit at panggagaya. Dagdag pa rito, nagiging kakompetensiya nila ito. Ang sinumang naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pananalig, at kayang tumulong at sumuporta sa mga kapatid nang madalas, at nakapagpapaahon sa kanila mula sa pagiging negatibo at mahina, ay nagiging kakompetensiya rin nila, pati na rin ang sinumang eksperto sa isang partikular na propesyon, at medyo pinahahalagahan ng mga kapatid. Ang sinumang nakakakuha ng mga resulta sa kanilang gawain, at nagtatamo ng pagkilala ng Itaas, ay natural na nagiging mas malaking kakompetensiya para sa kanila. Ano ang mga kasabihan ng mga anticristo, kahit saang grupo man sila naroroon? Ibahagi ang inyong mga kaisipan. (Ang pakikipaglaban sa ibang tao at sa Langit ay isang walang katapusang kasiyahan.) Hindi ba’t kabaliwan ito? Kabaliwan ito. May iba pa ba? (Diyos, hindi kaya iniisip nila na: ‘Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa’? Ibig sabihin, gusto nila na maging sila ang pinakamataas, at kahit sino pa ang kasama nila, palagi nilang gustong higitan ang mga ito.) Isa ito sa kanilang mga ideya. May iba pa ba? (Diyos, naisip ko ang apat na salita: ‘Ang panalo ay hari.’ Sa tingin ko, gusto nila palagi silang nakalalamang kaysa sa iba at mamukod-tangi, saan man sila naroroon, at nagsisikap sila na maging pinakamataas.) Karamihan sa sinabi ninyo ay mga uri ng ideya; subukan ninyong gumamit ng isang uri ng pag-uugali para ilarawan sila. Hindi kinakailangang naisin ng mga anticristo na mag-okupa ng pinakamataas na posisyon saan man sila naroroon. Sa tuwing pumupunta sila sa isang lugar, mayroon silang disposisyon at mentalidad na pumupuwersa sa kanila na kumilos. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay ‘Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!’ Bakit tatlong ‘makipagkompetensiya,’ bakit hindi iisang ‘makipagkompetensiya’? (Kompetisyon na ang naging buhay nila, namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan, iyon ay ang pagturing nila sa kanilang sarili bilang pinakamagaling sa lahat, at pagiging lubhang mapagmataas. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila rin mismo ay hindi ito makontrol. Kaya ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkokompetensiyahan nila? Karaniwan, nakikipagkompetensiya sila para sa kasikatan, pakinabang, katayuan, dangal, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa kanila, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang layon. Ang kagustuhan nilang makipagkompetensiya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkompetensiya sila para sa reputasyon at katayuan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na may disposisyon ang mga anticristo na “Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!” Naniniwala sila na matatamo lang ng isang tao ang lahat ng ninanais niya sa pamamagitan ng kompetisyon at pakikipaglaban. Samakatwid, kahit nasa anong grupo pa sila ng mga tao, matindi nilang ipaglalaban na paghirapang makaakyat sa tuktok. Ito ang kalikasang diwa ng isang anticristo. Habang pinagninilayan ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong ibinunyag ko rin ang ganitong uri ng disposisyon. Nang makita kong natanggap ni Diane ang pagsang-ayon at paghanga ng mga kapatid, napuno ng hinanakit ang puso ko. Pakiramdam ko, dahil gumagawa ako ng mga video at nagkaroon ako ng kaunting karanasan at propesyonal na kasanayan, hindi ako mas mahina sa kanya. Bago siya dumating, sa akin tinatalakay ng mga kapatid ang lahat ng isyu at paghihirap nila, at mataas ang tingin nilang lahat sa akin. Pero ngayon, nagkukumpulan ang lahat sa paligid niya at nagtatanong sa kanya, at isa itong bagay na hindi ko matanggap. Pakiramdam ko ay sinapawan niya ako, kung kaya’t ginusto kong mabawi ang ningning ko. Kaya puspusan akong nagtrabaho nang walang nakakakita, nag-o-overtime para matuto ng mga teknikal na kasanayan, at kahit kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi ito para maunawaan ang katotohanan para lutasin ang sarili kong mga isyu, kundi para makaarok ng malalalim na teorya para magpasikat at makamit ang paghanga ng iba. Sa puso ko, palagi kong iniisip kung paano mauungusan si Diane, kung paano siya mapapabagsak, at kung paano mapapatatag ang posisyon ko. Itinuring ko rin ang dati kong karanasan bilang kapital, iniisip na dahil may kaunti akong propesyonal na kaalaman, pambihira na ako, at na para bang dapat ay mas magaling ako sa iba at hindi ako puwedeng mapag-iwanan, kaya nang may makita akong isang taong mas magaling sa akin, naghinanakit ako at ginusto kong makipagkompetensiya at makipaglaban sa kanya. Naging tunay akong mapagmataas at walang katwiran! Nakita ko na naging kalikasan ko ang “Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!” Ang ibinunyag ko ay ang disposisyon ng isang anticristo! Nang mapagtanto ito, nakadama ako ng matinding pagsisisi at pagkakonsensiya sa puso ko, kinamumuhian ang sarili ko dahil sa pagkakaroon ng ganoon katinding pagnanais para sa reputasyon at katayuan, at dahil sa paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia at pananakit sa mga kapatid ko para patatagin ang posisyon ko. Talagang wala akong pagkatao!
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang kasikatan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang ugat ng pagkainggit ko sa iba ay ang pang-aalipin ng pagnanais ko sa katayuan. Sa kaibuturan, pinanghawakan ko ang mga kuru-kuro na “Mithiing mamukod-tangi at mangibabaw,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” “Dapat laging magsikap ang mga tao na maging mas magaling kaysa sa kanilang mga kasabayan,” at iba pa. Naging kalikasan ko ang mga satanikong lason na ito, nagdudulot na lalong maging mapagmataas ang disposisyon ko. Palagi kong gustong mamukod-tangi sa madla at makipagkompetensiya para hangaan, at lalo na dahil naniniwala akong may kaunting kaloob at kakayahan ako, lalo pa akong naging mapagmagaling at umastang superyor. Nang makakita ako ng iba na mas magaling sa akin, nainggit ako, at hindi ko mapigilang makipagkompetensiya sa iba at ikumpara ang sarili ko sa iba, at kung hindi ko sila mahihigitan, malulugmok ako sa pagkasira ng loob at pasakit. Naging parang mga hindi nakikitang tanikala sa akin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi mapigilang nabitag at naigapos ako ng mga iyon, na parang kung wala ang paghahangad sa kasikatan at pakinabang, walang kabuluhan at pakinabang na mabuhay. Noong nag-aaral pa ako, nag-ugat sa puso ko ang kaisipan ng paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, kaya gusto kong manguna sa lahat ng ginagawa ko. Para makakuha ng magagandang grado at mamukod-tangi, handa akong magtiis ng anumang paghihirap nang walang nakakakita para matamo ang layong ito. Nang pumasok na ako sa trabaho, handa akong puspusang magtrabaho para sa pera para makamit ang paghanga ng iba, kahit kapalit ng kalusugan ko. Ang resulta, nasira ko ang kalusugan ko sa murang edad at kamuntik nang mawalan ng buhay. Kahit pagkatapos matagpuan ang Diyos, nanatili akong nakagapos sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi mapigilan ang sarili kong mainggit sa mga taong mas nangingibabaw kaysa sa akin at makipagkompetensiya sa kanila, dahil gusto kong patunayang mas magaling ako sa kanila. Kapag nakikita kong iniaangat ang sinumang kapatid at nabibigyan ng mahalagang papel o na nagbabahaginan sa katotohanan sa isang praktikal na paraan, nakakaramdam ako ng matinding inggit. Katulad lang ng pagkakataong ito noong nakikipagtulungan kay Diane, nakita kong mas magaling siya sa akin, at dahil dito ay nakadama ako ng inggit at hinanakit. Minsan ay pinapangarap ko pa ngang makipagkompetensiya at makipaglaban sa kanya, habang namumuhay ako sa pagdurusa. Inilaan ko ang halos lahat ng kaisipan at lakas ko sa paghahangad sa kasikatan at pakinabang, at hindi talaga ako nagkaroon ng pagnanais na pumayapa at hanapin ang katotohanan, ni isipin kung paano gagawin nang maayos ang mga tungkulin ko. Pinapabayaan ko ang mga responsabilidad na marapat kong gawin at sinasalungat ang mga hinihingi ng Diyos. Bukod sa nagiging mahirap ang buhay ko dahil sa paghahangad ko sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, pinipinsala rin nito ang sister ko, at inaantala ang pag-usad ng gawaing pangvideo, at kung hindi ako magsisisi, mabubunyag at matitiwalag lang ako ng Diyos sa huli. Nasindak ako sa realisasyong ito, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos para magsisi, ayaw ko nang magpatuloy sa pamumuhay ayon sa tiwaling disposisyon ko.
Isang araw, sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may katuturan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may katuturan sa iyong katalinuhan. Anumang talento ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, anuman ang iyong mga kalakasan, gaano man kataas ang iyong IQ, lahat ng ito ay may layon para sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling ginagawa mo ay matagal na panahon nang paunang itinalaga ng Diyos. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay nagtataglay ng mga kalakasan na wala sa kanila at hindi sila nasisiyahan. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon ang maaaring matamo ng kanilang sigasig, at hindi nila mahihigitan ang mga may kaloob at kadalubhasaan. Gaano ka man lumaban, wala itong saysay. Inorden ng Diyos kung magiging ano ka, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga larangang hindi saklaw ng iyong mga kasanayan at huwag mainggit sa iba. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na mas perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba, na palaging gustong palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kasanayan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at nagpapasakop sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos. Huwag mong isipin palagi na malampasan ang lahat ng tao, na gawin ang lahat ng bagay nang mas magaling kaysa sa iba, at mamukod-tangi sa karamihan sa lahat ng paraan. Anong klaseng disposisyon iyan? (Isang mayabang na disposisyon.) Palaging nagtataglay ng mayabang na disposisyon ang mga tao, at kahit nais nilang magsumikap para sa katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos, nagkukulang sila. Mas malamang na malihis ng landas kapag kontrolado ng mayabang na disposisyon ang mga tao. … Kapag may ganoon kang disposisyon, palagi mong sinisikap na pigilan ang iba, palagi mong sinusubukang maungusan ang iba, palagi mong minamanipula ang iba, palaging sinusubukang may makuha sa mga tao. Labis kang naiinggit, wala kang sinusunod, at palagi mong sinusubukan na mamukod-tangi sa lahat. Magiging problema ito; ganito kumilos si Satanas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang kakayahan ng isang tao ay pauna nang itinalaga ng Diyos at nagtataglay ng mga layunin Niya. Dapat ay matuto ang mga taong magpasakop at tumayo sa karapat-dapat na lugar nila bilang mga nilikha, ginagamit ang mga kalakasan nila para gawin nang maayos ang mga tungkulin nila. Hindi nila dapat ipilit ang sarili nila sa mga aspekto kung saan wala silang kasanayan, ni makipagkompetensiya sa iba, bagkus ay dapat silang makapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at maayos na makipagtulungan sa mga kapatid para mapunan ang isa’t isa. Ito ang pagpapamalas ng mga taong nagtataglay ng katwiran. Sa pagbabalik-tanaw sa mga pakikisalamuha ko kay Diane, noong simula, nakikita ko ang mga kalakasan niya, pero habang tumitindi ang inggit ko, nakokontrol ako ng mga pagnanais ko, hindi ko makita nang malinaw ang kahit ano, na para bang nabulag ako, kung kaya’t lalo pang tumindi ang inggit ko. Ang totoo, medyo metikuloso si Diane at komprehensibo niyang isinasaalang-alang ang mga isyu, at lalo na pagdating sa ilang isyu ng mga prinsipyo, napakaingat niya; habang may tendensiya naman akong mag-isip nang simple, na madalas na humahantong sa pangangailangan ng pag-uulit, at hindi ko rin magawang pangasiwaan ang mga isyu ng mga prinsipyo. Dagdag pa rito, magaling si Diane sa pagtitipon-tipon sa lahat para matuto, naaarok niya ang mga pangunahing punto kapag nag-aaral, at nakikipag-usap siya sa isang organisadong paraan na may mga malinaw na kaisipan. Sa tuwing tinatalakay namin ang gawain, pinupunan ng pakikipagbahaginan niya ang maaaring hindi ko naibahagi, ginagawang mas komprehensibo ang mga talakayan namin. Pinunan ng mga kalakasan niya ang mga kahinaan ko, at nagbunga ang pagtutulungang ito ng mas magagandang resulta sa mga tungkulin namin. Nang mapagtanto ito, nakadama ako ng pagpapalaya sa puso ko.
Sumunod, nagkusa akong lumapit kay Diane, at bukas-loob akong nakipagbahaginan sa kanya tungkol sa kamakailang kalagayan ko ng pamumuhay sa inggit, at humingi ng paumanhin sa kanya. Masaya si Diane na makita ang pagkaunawang nakamit ko, at nagtapat siya sa akin tungkol sa katiwaliang naibunyag niya at sa mga aral din na natutuhan niya. Nagdulot sa akin ng pakiramdam ng pagpapalaya ang pagsasagawa sa ganitong paraan. Kalaunan, sa tuwing kailangan ako ng iglesia para gumawa ng ilang gawain, aktibo akong nakikipagtulungan, at bumuti nang husto ang kalagayan ko. Pagkalipas ng ilang panahon, itinalaga ako ng mga lider na muling mangasiwa sa gawaing pangvideo, at taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos. Minsan, nakipagtulungan ako kay Diane sa isang video, kung saan si Diane ang pagunahing nag-uulat sa pag-usad at nakikipag-usap sa mga lider. Minsan ay hinihingan ng mga lider si Diane ng mga balita, at medyo sumasama ang loob ko, iniisip na, “Malaki ang ginugugol kong pagsisikap nang walang nakakakita para gawin ang video na ito, pero sa huli, si Diane ang nag-uulat sa gawain at nakakatanggap ng atensiyon, iisipin ba ng mga lider na hindi ako kasinggaling niya?” Sa sandaling iyon, napagtanto kong sumusumpong na naman ang inggit ko, kaya agad akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, sinusubukang maghimagsik laban sa sarili ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang pagganap ng iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang tapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Habang lalo mong binibitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at katayuan, at habang lalo mong binibitiwan ang sarili mong mga interes, lalo kang makadarama ng kapayapaan, lalong magkakaroon ng liwanag sa puso mo, at lalong bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkompetensiya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo nang makita mo! Kung gusto mong mabago ang ganitong klase ng tiwaling kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, at pagkatapos ay isantabi ang mga ito at isuko ang mga ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Pagdating sa mga sitwasyong may kinalaman sa pamumukod-tangi o pagkuha ng atensiyon, kailangan kong matutong bitiwan at isantabi ang pagnanais ko. Ito ang hinihingi ng Diyos at ang dapat isagawa ng mga tao. Sa pagkakataong ito, gusto kong bigyang-lugod ang Diyos sa usaping ito, kaya anuman ang maging tingin sa akin ng mga lider o anuman ang isipin sa akin ng mga kapatid, kailangan kong gawin ang makakaya ko para tuparin ang mga responsabilidad ko. Kahit na hindi ako makita ng iba, dapat kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at gawin nang maayos ang mga tungkulin ko. Dagdag pa rito, hindi mali ang maagap na pag-uulat ni Diane ng gawain sa mga lider, at ipinapakita nitong may taimtim at responsable siyang saloobin sa gawain. Nagsasalita si Diane sa isang medyo malinaw na paraan, dito siya magaling, at ang kakayahan niyang mag-ulat nang malinaw sa gawain ay kapaki-pakinabang sa gawain. Nang makamit ang pagkaunawang ito, nakadama ako ng matinding kapanatagan.
Pagkatapos niyon, kaya ko nang makipagtulungan nang normal kay Diane. Madalas naming tinatalakay ang gawain at ibinubuod ang mga problema nang magkasama, madalas kong hinihingi ang payo niya tungkol sa mga teknikal na isyu, at marami akong natutuhan mula sa kanya. Napagtanto kong napakakapaki-pakinabang ng maayos na pagtutulungan para sa paggawa nang maayos sa mga tungkulin namin. Salamat sa Diyos!