96. Ang Nasa Likod ng Pag-ayaw na Magsabi ng Totoo
Noong bungad ng Setyembre 2022, isa akong lider ng pangkat ng pagdidilig sa iglesia. Noong panahong iyon, kalilipat lang ng dalawang baguhan na sina Sister Qiu Zhen at Sister Yang Yun galing sa isa pang iglesia. Hiningi sa akin ng lider na magsaayos agad ng mga taong magdidilig sa kanila, sinasabing may mahusay na kakayahan at pang-unawa ang dalawang sister na ito, na dapat ay mas bigyang-pansin ko kung kumusta ang lagay nila sa kalaunang pagdidilig, at na puwede silang linangin at sanayin para sa mga tungkulin sa lalong madaling panahon. Binanggit din ng lider na kamakailan ay nagulo ang kalagayan ni Qui Zhen dahil sa pag-uusig at paghadlang ng pamilya niya, at na kailangan niya ng higit na pagbabahaginan at tulong. Pagkatapos nito, isinaayos kong makipagkita ang mga tagadilig kina Qui Zhen at Yang Yun, at nakipagbahaginan din ako kay Qui Zhen gamit ang mga salita ng Diyos. Maayos naman ang kalagayan ni Yang Yun, kaya iniwan ko siya sa mga tagadilig nang may kumpiyansa.
Mabilis na lumipas ang isang buwan, at tinanong ako ng lider kung kumusta na ang lagay nina Qui Zhen at Yang Yun, kung nagkaroon na sila ng anumang pag-usad, at kung puwede silang linangin. Pagkakita sa sulat ng lider, medyo nataranta ako, naisip na, “Nakipagbahaginan lang ako kay Qui Zhen noong simula, at pagkatapos makitang bumuti ang kalagayan niya, hindi ko na siya kinumusta, at nakalimutan kong kumustahin at siyasatin ang mga detalye sa kalagayan ng dalawang baguhang ito. Ano na ang dapat kong gawin ngayon? Paano ako dapat sumagot? Kung diretsahan ko lang sasabihing nakalimutan kong mangumusta, tiyak na sasabihin ng lider na naging pabasta-basta ako, hindi ako gumagawa ng tunay na gawain, na hindi ko ginawa ang partikular na pinagawa sa akin, at na ganap akong hindi maaasahan. Masisira niyon ang pride ko, at baka mapungusan pa nga ako.” Para maiwasang makita ng lider na hindi ako nakagawa ng tunay na gawain, nakaisip ako ng isang solusyon, “Agad akong magpapadala ng sulat sa mga tagadilig para siyasatin kung kumusta na ang lagay nina Qui Zhen at Yang Yun, at pagkatapos ay sasagot ako sa lider, sasabihin kong nangungumusta ako. Pero malinaw na minsan lang ako nakipagbahaginan kay Qui Zhen sa pinakasimula, at pagkatapos ay nakalimutan ko na silang kumustahin ni Yang Yun. Hindi ba’t isang lantarang kasinungalingan ang pagsasabing kinumusta ko sila? Hindi, hindi puwedeng tahasan na lang akong magsinungaling.” Kaya nag-isip ako ng iba pang paraan. Hindi ko direktang sasabihing nangumusta ako, ni sasabihing hindi ko pinagtuunan ng pansin ang pangungumusta. Sa halip, magpapaligoy-ligoy ako at sasabihin ko, “Nagkataong nagtakda ako ng pagtitipon kasama ang dalawang tagadilig. Plano kong siyasatin sa pagtitipon kung kumusta ang lagay ng dalawang baguhan kamakailan. Babalikan agad kita pagkatapos niyon.” Pagkatapos isulat ang liham, medyo hindi napalagay ang puso ko. Pakiramdam ko ay talagang nagiging tuso at mapanlinlang ako, pero natakot akong kung hindi ako sasagot sa ganitong paraan, sasabihin ng lider na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain. Kaya sa huli, ganito ako sumagot.
Kinabukasan, bigla akong nahilo, parang nasusuka, at hindi makatayo. Pinaalalahanan ako ng isang sister na kapag nagkakaroon ng biglaang karamdaman, dapat hanapin ng isang tao kung may aral na dapat matutuhan. Kalaunan, naisip ko kung paano hiningi sa akin ng lider na kumustahin ang lagay nina Yang Yun at Qui Zhen. Ipinangako kong gagawin ito nang maayos, pero pagkatapos ay nakalimutan ito. Masyado na akong naging iresponsable sa bagay na ito, pero hindi pa rin ako naging matapat, at sa halip ay pinili kong maging paligoy-ligoy, mapanlinlang, at pagtakpan ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t lalo pa itong magiging kapoot-poot sa Diyos? Nakita kong pumupulupot at gumagapang na parang ahas ang mga salita at kilos ko, kaya hinanap ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa ganoong pag-uugali. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Tingnan muna natin kung anong uri ng tanong ang itinanong ng Diyos na si Jehova kay Satanas. ‘Saan ka nanggaling?’ Hindi ba’t ito’y diretsahang tanong? Mayroon bang natatagong kahulugan? Wala; ito ay isang diretsahang tanong lamang. Kung tatanungin Ko kayo: ‘Saan ka nanggaling?’ paano kayo sasagot? Ito ba’y isang tanong na mahirap sagutin? Sasabihin ba ninyong: ‘Sa pagpaparoo’t parito, at sa pagmamanhik manaog’? (Hindi.) Hindi kayo sasagot ng ganito, kaya ano ang nararamdaman ninyo kapag nakikita ninyo si Satanas na sumasagot sa ganitong paraan? (Nararamdaman natin na si Satanas ay kakatwa ngunit mapanlinlang rin.) Masasabi ba ninyo kung ano ang nararamdaman Ko? Sa tuwing nakikita Ko ang mga salitang ito ni Satanas, naiinis Ako, sapagkat nagsasalita si Satanas ngunit walang anumang kabuluhan ang sinasabi nito. Sinagot ba ni Satanas ang tanong ng Diyos? Hindi, ang mga salitang sinabi ni Satanas ay hindi isang kasagutan at walang anumang kinahantungan ang mga ito. Ang mga iyon ay hindi kasagutan sa katanungan ng Diyos. ‘Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.’ Ano ang nauunawaan mo sa mga salitang ito? Saan ba talaga nanggaling si Satanas? Nakatanggap ka ba ng kasagutan sa tanong na ito? (Hindi.) Ganito ‘kadalubhasa’ sa pagkatuso si Satanas—hindi hinahayaan ang sinuman na matuklasan kung ano talaga ang sinasabi nito. Pagkadinig sa mga salitang ito hindi mo pa rin mababatid kung ano ang sinabi nito, kahit na tapos na itong sumagot. Gayunman naniniwala si Satanas na perpekto ang naging sagot nito. Ano kung gayon ang iyong nararamdaman? Naiinis ka ba? (Oo.) Nagsisimula ka ngayong makaramdam ng inis sa mga salitang ito. Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at nakapanlilihis. Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: ‘Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?’ Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: ‘Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!’ Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang ‘pagkadalubhasa’ sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layon, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao? Ang lahat ng may gayong kalikasan ay may malapit na ugnayan kay Satanas, kung hindi nama’y pamilya nito. Maaari natin itong sabihin na ganito nga, hindi ba? Sa pangkalahatan, ang ganitong pagpapamalas ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Mula sa mga salita ng Diyos ng paglalantad kay Satanas, nakita kong talagang kasuklam-suklam ang paraan ng pagsasalita ni Satanas. Kapag simple ang itinatanong ng Diyos, puwede namang sumagot nang malinaw si Satanas, pero sa halip, nagsasalita ito sa isang paligoy-ligoy na paraan para itago ang tunay nitong mga layunin at pakay, ginagawang nakalilito at mahirap kilatisin ang tunay na mga kaisipan at layunin nito. Talagang mapaminsala at mapanlinlang ito. Batay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na sariling pag-uugali ko ang ibinunyag ng Diyos. Nang kumustahin ng lider ang lagay ng dalawang baguhan, napagtanto kong minsan lang akong nakipagbahaginan kay Qui Zhen noong simula, pero dahil kalaunan ay naging abala na ako sa ibang mga bagay, hindi ko sila kinumusta pagkatapos silang italaga sa mga tagadilig. Wala akong naging kaalaman sa pag-usad nila, sa anumang isyung maaaring mayroon sila, o sa potensyal nila para sa paglilinang. Kung diretsahan ko lang sasabihing hindi ako nangumusta, ipapakita nito sa lider na hindi ako gumawa ng tunay na gawain at na hinaharap ko lang ang mga bagay-bagay sa isang pabasta-basta at iresponsableng paraan. Masisira niyon ang pride at imahe ko, at baka mapungusan pa nga ako. Kaya gumamit na lang ako ng panlilinlang, sinasabing nagtakda ako ng pagtitipon kasama ang dalawang tagadilig, na ang layunin ay siyasatin kung kumusta ang lagay ng mga baguhan kamakailan at iulat iyon pagkatapos, sa gayon ay ipinapaisip sa lider na gumagawa ako ng tunay na gawain, at na palagi kong kinukumusta at binibigyang-pansin kung ano ang lagay ng mga baguhan. Binanggit ko rin ang personal na pakikipagkita sa mga tagadilig para siyasatin kung ano ang ginagawa ng mga ito, pinalalabas na may mahusay akong pagpapahalaga sa pasanin, sa gayon ay itinatago ang isyu habang pinoprotektahan ang pride at imahe ko. Nakita ko kung gaano kamapaminsala ang mga intensyon ko, at kung paanong katulad lang ng kay Satanas ang mga salita at kilos ko. Nagiging paligoy-ligoy, mapanligaw, at mapanlihis ako. Talagang tuso at mapanlinlang ako! Akala ko ay nagiging mautak ako, nakakaisip ng isang magandang solusyon at perpektong nakakasagot, pero sa buktot at mapanlinlang na disposisyong ito ay nasuklam ang Diyos at naidulot ang pagkamuhi Niya. Kung hindi ako agad magsisisi, paglaon ay mabubunyag at matitiwalag ako ng Diyos.
Kalaunan, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa mga intensyon sa likod ng panlilinlang ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nanlilinlang ang mga tao, sa anong mga layunin ito nag-uugat? Anong mithiin ang sinusubukan nilang makamit? Ang lahat ng ito ay para magkamit ng katanyagan, pakinabang at katayuan; sa madaling sabi, ito ay alang-alang sa sarili nilang mga interes. At ano ang pinakaugat ng paghahangad sa mga pansariling interes? Ito ay dahil nakikita ng mga tao ang mga pansarili nilang interes bilang mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mo munang tukuyin at alamin kung ano ba ang mga interes, kung ano ba mismo ang idinudulot ng mga ito sa mga tao, at kung ano ba ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Kung hindi mo ito maunawaan, madaling sabihin na tatalikuran mo ang mga ito pero mahirap itong gawin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ at ‘Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.’ Malinaw na nabubuhay sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes ay para mo na ring hiniling sa kanila na isuko nila ang buhay nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos kung bakit sinusubukan ko ang bawat panlalansing magagawa ko para pagtakpan ang mga pagkakamali ko. Ang pinakaugat ay namumuhay ako ayon sa prinsipyo ni Satanas na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at pagpapahalaga sa mga personal na interes nang higit sa lahat. Halimbawa, nang tanungin ng lider kung siniyasat ko kung kumusta ang lagay ng dalawang baguhan, malinaw na nakalimutan ko silang kumustahin, na nagpakita na wala akong pagpapahalaga sa pasanin at responsabilidad para sa gawain, pero sa halip na agad pagnilayan at itama ang sarili ko, inalala ko lang ang pride at mga interes ko. Ginawa ko kung ano ang magdudulot ng pakinabang sa akin, at nang may isang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa akin, nagiging banta sa pride ko, o maaaring humantong sa pagpupungos sa akin, pinili kong gumamit ng mga tusong panlalansi para protektahan ang sarili ko, gumagamit ng mga kapansin-pansing salita para lumikha ng mga huwad na impresyon para linlangin at lokohin ang mga tao, hinahadlangan ang lider na matuklasan ang mga problema ko at maunawaan kung ano talaga ang nangyayari sa mga tungkulin ko. Nakita ko na noong namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason na ito, lalo akong nagiging tuso, mapanlinlang, ubod ng sama, at buktot, at walang anumang wangis ng tao.
Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinapopootan at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga intensyon, at kanilang mga pamamaraan ng pandaraya; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matatapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at pandaraya habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit sila ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at ng kanilang saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga layon at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling ka at gumagamit ng mga mapanlinlang na pamamaraan, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung gumagamit ka ng mga pandaraya at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko na banal at matuwid ang disposisyon ng Diyos. Minamahal ng Diyos ang matatapat na tao at kinamumuhian ang mga mapanlinlang na tao. Kung gagamit ang isang tao ng mga mapanlinlang na taktika para tugunan ang mga kasalukuyang interes sa halip na maging matapat, kailanman ay hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at maitataboy at maititiwalag siya ng Diyos. Naalala ko ang isang sister na naging responsable sa gawain ng pagdidilig. Para protektahan ang reputasyon at katayuan niya, at ingatan ang imahe niya sa paningin ng lider, kahit na marami sa mga problema ng mga baguhan ang malinaw na nanatiling hindi niya nalulutas, gumamit siya ng panlilinlang para itago ito sa lahat, at sa ulat ng gawain niya, isinulat niyang nalutas na ang mga isyu ng mga baguhan. Ang resulta, nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para ibunyag kung ano ang totoo, ginagamit ang pagtatanong ng ibang sister tungkol sa mga detalye kung kumusta na ang lagay ng mga baguhan para ilantad kung ano ang totoo. Sa huli, natanggal ang sister na ito dahil sa paghahangad sa reputasyon at katayuan sa halip na gumawa ng tunay na gawain. Nakita kong sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay, at na kahit paano pa subukan ng mga taong pagtakpan o itago ang mga bagay-bagay, paglaon ay mabubunyag ang totoo. Napagtanto kong ganito ako, malinaw na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain, pero sinubukan kong iwasan ang isyu at pagtakpan ito para itago ang totoo, hinahadlangan ang lider na makita ang mga problema ko. Sa esensya ay huwad at mapanlinlang ang mga kilos ko. Kahit na gumamit ako ng akala kong mga mautak na taktika para protektahan ang pride at imahe ko, sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay, at ang gayong mga panlalansi at panlilinlang ay nagdulot lang sa Diyos na mapoot at mamuhi sa akin. Nang mapagtanto ito, nakita kong nailagay ko ang sarili ko sa panganib at naging hangal ako, at na kung hindi ako mismo magsisisi at babawi agad, sa huli ay mabubunyag at matitiwalag ako.
Kalaunan, noong sumusulat sa lider, inisip kong idetalye kung paano ako naging mapanlinlang at baliko, at kung paano ako gumamit ng panlilito at panlilinlang, pero habang tina-type ko ang ilang salita sa computer, nag-atubili ako, naiisip na, “Kung isusulat ko ito, hindi lang ito magiging isang usapin ng hindi pangungumusta at pagiging iresponsable, kundi panlilinlang at pagtataksil din, na mas masahol pa. Ano na ang magiging tingin sa akin ng lider kung matutuklasan niya ang tungkol dito? Baka mapungusan ako, kaya mas mabuti na sigurong hindi ito banggitin. Tutal, kung wala akong anumang sasabihin, hindi malalaman ng lider, at hindi ko kakailanganing tiisin ang mga pagdurusang ito.” Habang nahihirapan ang loob ko, naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). “Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Agad kong hinanap ang mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, hindi ka tunay na magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba ito kahangalan? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga interes ay pawang pansamantala lamang, nawawala ang mga ito tulad ng usok, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal. Kung ano ang pipiliin ng isang tao—ang kanyang mga interes o ang katotohanan—ay labis na nagbubunyag. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at na sumunod sa Kanya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes para mahangad ang katotohanan. Gaano man nila kailangang magdusa, determinado silang panindigan ang kanilang patotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Ang mga salita ng Diyos ay nagsilbi bilang isang paalala at nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Hindi nalalabag ang matuwid at banal na disposisyon ng Diyos. Sa kaharian ng Diyos, ang mga taong gusto Niya ay ang matatapat na tao, at inililigtas Niya ang matatapat na tao. Kung isusuko ko ang pagsasagawa sa katotohanan para protektahan ang mga interes ko, katumbas ito ng pagsuko sa pagkakataong makamit ang katotohanan at maligtas. Siguro, maaaring hindi magkakaroon ng malulubhang kahihinatnan ang hindi pagsasagawa sa katotohanan, pero sa katagalan, kung palagi kong hindi matatalikdan ang mga personal na interes o hindi ako makakapaghimagsik laban sa laman kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan o destinasyon. Kung kaya kong unti-unting talikuran ang mga personal na interes at maghimagsik laban sa laman para isagawa ang katotohanan, mapapalapit ako nang mapapalapit sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang pangangasiwa sa mga tao, pag-oobserba sa kanila, pagsisikap na maunawaan sila—lahat ng ito ay para tulungan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, para bigyan sila ng kakayanang gawin ang kanilang tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos at ayon sa prinsipyo, upang hindi sila magkapagdulot ng mga kaguluhan o pagkagambala, at upang pigilan silang gumawa ng walang saysay na gawain. Ang layon ng paggawa nito ay ganap na tungkol sa pagpapakita ng responsabilidad sa kanila at sa gawain ng sambahayan ng Diyos; walang masamang hangarin dito” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pagsasagawa sa pagiging isang matapat na tao ay nagbibigay-daan sa ibang makita ang katiwalian at mga pagkukulang sa gawain ko, at para mapangasiwaan at masuri nang mas mabuti ng mga lider ang gawain ko, matukoy ang mga problema, at makapagbigay ng gabay at tulong sa tamang oras, para maging mas maingat at responsable ako sa pagtrato sa mga tungkulin ko, na magiging kapaki-pakinabang para sa akin sa paggawa nang maayos sa mga tungkulin ko. Nang mapagtanto ito, biglang gumaan ang loob ko at nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, para protektahan ang pride at katayuan ko, gumamit ako ng panlilinlang at nasuklam Ka sa akin. Sa pagkakataong ito, anuman ang isipin ng mga kapatid, handa akong tanggapin ang pagsisiyasat Mo, isagawa ang katotohanan, at maging isang matapat na tao. Pakiusap, patnubayan Mo ako.” Pagkatapos, nagtapat ako sa lider tungkol sa kalagayan at pagbubunyag ko ng katiwalian, at medyo guminhawa at lumaya ang pakiramdam ko.
Kalaunan, hiningi sa akin ng superbisor na iulat kung kumusta ang lagay ng gawain ng pagdidilig kamakailan, at bigla akong nabalisa nang husto. Sa nagdaang huling ilang araw, dahil naging abala ako sa ibang gampanin, hindi ako nakapagbigay ng detalyadong mga tugon sa mga isyung binanggit ng ilang tagadilig. Hiningi sa amin ng lider na magbigay ng ilang magandang landas para sa mga tagadilig, at hindi ko rin iyon naipatupad. Kung matapat ko itong iuulat sa superbisor, iisipin ba niyang nagpapaliban-liban ako at hindi gumagawa ng tunay na gawain? Habang nakahiga sa kama sa gabi, hindi ako makatulog, dahil iniisip ko kung paano poprotektahan ang pride at imahe ko. Napagtanto kong gusto ko na namang maging mapanlinlang, at napagtanto ko ring ang sitwasyong ito ay pagsubok ng Diyos sa akin, tinitingnan kung kaya kong tanggapin ang pagsisiyasat Niya at maging isang matapat na tao. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, na magsalita nang matapat at gumawa ng matatapat na bagay, at na hindi maging mapanlinlang. Ang kabuluhan ng pagsasabi nito ng Diyos ay upang tulutan ang mga tao na magkaroon ng tunay na wangis ng tao, at na hindi sila maging gaya ni Satanas, na nagsasalita na parang ahas na gumagapang sa lupa, laging nagsasalita nang malabo, at pinipigilan ang ibang tao na maunawaan ang katotohanan ng mga bagay-bagay. Ibig sabihin, sinasabi iyon para ang mga tao, kapwa sa salita at sa gawa, ay magsasabuhay ng wangis ng isang tao, at magiging marangal, matuwid, at disente, nang hindi nagtatago ng masamang panig o anumang kahiya-hiyang mga bagay, at nang nagtataglay ng malinis na puso. Sinasabi iyon para maging pareho ang mga tao sa kanilang loob at labas, sinasabi ang anumang iniisip nila sa kanilang puso, hindi dinaraya ang Diyos o ang sinumang ibang tao, walang tinatago, may pusong gaya ng isang dalisay na lupain. Ito ang hinihingi ng Diyos, at ito ang layon ng Diyos sa paghingi sa mga tao na maging matapat” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Pamamahala ng Diyos). Muling ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na, ang pagiging isang matapat na tao ay nangangahulugan ng pagsasalita at pagkilos sa isang matuwid at bukas-loob na paraan, pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos sa kung ano ang nagawa at hindi nagawa, at pagiging simple at bukas-loob kapwa sa Diyos at sa mga tao. Kahit na humantong ito sa pagpupungos, kailangan kong magsalita nang matapat, nang hindi gumagamit ng mga panlalansi o panlilinlang para pagtakpan ang totoo. Ang sinserong pag-asal lang nang ganito ang marapat na wangis ng isang matapat na tao. Kalaunan, iniulat ko sa superbisor kung kumusta ang pag-usad ng gawain sa isang matapat na paraan, tapos ay nakipagbahaginan ako para lutasin ang mga isyu ng mga tagadilig, at nagbahagi sa lahat ng ilang magandang pamamaraan para sa pagdidilig ng mga baguhan. Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan, naranasan ko mismo na ang pagiging isang matapat na tao na tumatanggap sa pagsisiyasat ng Diyos at sa pangangasiwa ng tao ay nakakatulong na masigurong haharapin ko ang gawain ko nang may responsabilidad at kasipagan, na talagang nagpoprotekta sa akin habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko.
Matapos pagdaanan ang karanasang ito, nakita ko na kung wala ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, hindi talaga magbabago ang mapanlinlang at buktot kong disposisyon. Nakapagtamo lang ng unti-unting pagbabago ang tiwaling disposisyon ko sa pamamagitan ng pagharap sa mga sitwasyon at pagtanggap ng mas marami sa pagsisiyasat ng Diyos, pagbitiw sa mga personal na interes, at sadyang pagsasagawa sa pagiging isang matapat na tao.