98. Ang Nakatago sa Likod ng Balatkayo
Noong Mayo 2023, nagdidisenyo ako ng mga paskil sa iglesia. Napansin ng lider na maayos ang mga kasanayan ko at iniangat ako bilang lider ng pangkat. Talagang nasiyahan ako nang makitang may tiwala sa akin ang lider. Pero may ilan din akong inalala. Dati, miyembro lang ako ng pangkat, at maliit na bagay lang na mas mahina ang kasanayan ko sa papel na iyon, pero ngayon na isa na akong lider ng pangkat, mas mataas na ang mga hinihingi. Maaabot ba ng kasalukuyang antas ng kasanayan ko ang mga hinihinging ito? Sobra akong mapapahiya kung hindi ko kakayanin ang trabaho at matatanggal ako! Noong hindi ako lider ng pangkat, medyo maganda ang impresyon sa akin ng mga kapatid ko. Pero kung malalaman nila ang aktuwal na antas ng kasanayan ko, iisipin ba nilang nagkukunwari lang ako at na wala akong tunay na talento? Hindi ba’t masisira niyon ang magandang impresyon nila sa akin? Sa sandalling iyon, ipinaalam ng lider ang ilang isyu sa isang paskil ng pelikulang dinisenyo ko. Talagang napahiya ako at nag-alala ako kung ano ang iisipin sa akin ng lider. Iisipin ba niyang masyadong mahina ang mga kasanayan ko para magbigay ng gabay at pangangasiwa? Nang maisip ko iyon, nakahanap ako ng isang kompromiso. Kapag nagtatalakay ng mga isyu, hindi ako magsisimula sa pagbabahagi ng opinyon ko at hahayaan kong maunang magsalita ang iba. Kung magkakaayon ang mga opinyon ng lahat, gagayahin ko ang mga iyon, pero kung hindi, magsasalita ako nang malabo. Sa ganitong paraan, kahit makagawa ng mga pagkakamali, hindi malalantad ang mga pagkukulang ko, at hindi ako mapapahiya. Minsan, tinatalakay namin ang isang disenyo. Sa palagay ko ay may ilang isyu sa komposisyon, pero hindi ako sigurado. Nag-alala akong mali ako at hahamakin ako, kaya hindi ako nagkusang magbahagi. Kalaunan, nang tanungin ng lider ang opinyon ko, kinabahan ako, pero sa panlabas, nagkunwari akong kalmado. Sabi ko, “Kapareho ng sa lahat ang opinyon ko; wala akong nakikitang anupamang isyu.” Tumango ang lider at wala nang anupamang sinabi. Sa pagbabalik-tanaw, ni hindi ko masabing, “Hindi ko nauunawaan, hindi malinaw sa akin ang bagay na ito.” Medyo sumama ang loob ko, pero inisip ko lang ito nang kaunti at nagpatuloy na.
Kinabukasan, tinalakay namin ng lider ang isang plano ng disenyo. Medyo kinakabahan ako. Matagal kong tiningnan ang disenyo pero hindi ako naglakas-loob na ibahagi ang opinyon ko. Natatakot ako kung ano ang magiging tingin sa akin ng lider kung magkakamali ako. Sa isa pang pagkakataon, nakapansin ako ng mga isyu sa isang disenyo pero wala akong solusyon. Gusto kong magsalita nang matapat, pero nag-alala ako kung ano ang iisipin sa akin ng lider kung magsasalita ako. Mapapaisip ba siya kung bakit ni hindi ko maayos ang ganoon kasimpleng problema? Iisipin ba niyang masyadong kulang ang mga kasanayan ko? Dahil iniisip ito, hindi ako nagsalita nang matapat. Nagkunwari akong malalim ang iniisip at sinabi ko sa lider, “Kailangan ko ng mas maraming oras para pag-isipan ang disenyong ito. Bakit hindi mo muna sabihin ang iniisip mo?” Ibinahagi ng lider ang mga iniisip niya batay sa mga prinsipyo at hiningi ang pananaw ko. Pakiramdam ko ay bumibigay ang lupang kinatatayuan ko. Gusto kong maging matapat, pero parang selyado ang bibig ko. Sa huli, sinabi ko, “Iyan mismo ang iniisip ko.” Pagkasabi niyon, nabagabag ako, na para bang nakalunok ako ng patay na langaw. Malinaw na hindi ko alam kung paano ito baguhin nang maayos, pero nagkunwari akong alam ko ang gagawin, para ipakitang may kakayahan ako at kaya kong suriin ang problema. Hindi ba’t sinusubukan ko lang manlinlang at manloko ng mga tao? Talagang nabagabag ako. Nang patapos na ang araw, pagod na ako at wala akong anumang nakamit.
Sa mga debosyonal ko, napaisip ako, “Ang pagsusuri ng mga disenyo kasama ang lider ay puwedeng maging isang pagkakataon para mapabuti ang mga kasanayan ko. Isa itong mabuting bagay, pero bakit pagod na pagod ang pakiramdam ko sa halip na malaya?” Pagkatapos ay nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagtayo sa tamang lugar ng isang nilikha at ang maging isang ordinaryong tao: Madali ba itong gawin? (Hindi ito madali.) Ano ang mahirap dito? Ito iyon: Pakiramdam lagi ng mga tao na maraming limbo at titulo ang nakapatong sa kanilang ulo. Binibigyan din nila ang kanilang sarili ng pagkakakilanlan at katayuan ng mga dakilang tao at superman at nakikibahagi sila sa lahat ng pakunwari at huwad na pagsasagawa at pakitang-taong palabas na iyon. Kung hindi mo bibitiwan ang mga bagay na ito, kung laging napipigilan at nakokontrol ng mga bagay na ito ang iyong mga salita at gawa, mahihirapan kang pumasok sa realidad ng salita ng Diyos. Magiging mahirap na huwag kainipan ang mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan at dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Hindi mo ito magagawa. Ito ay dahil mismo ang iyong katayuan, mga titulo, pagkakakilanlan, at ang lahat ng gayong mga bagay ay huwad at hindi totoo, dahil sinasalungat at kinokontra ng mga ito ang mga salita ng Diyos, kaya nagagapos ka ng mga bagay na ito para hindi ka makalapit sa harapan ng Diyos. Ano ang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo? Dahil sa mga ito, nagiging mahusay kang magbalatkayo, magkunwaring nakakaunawa, magkunwaring matalino, magkunwaring isang dakilang tao, magkunwaring isang sikat na tao, magkunwaring may-kakayahan, magkunwaring marunong, at magkunwari pa nga na alam mo ang lahat ng bagay, na may kakayahan ka sa lahat ng bagay, at na kaya mong gawin ang lahat ng bagay. Ginagawa mo ito para sambahin at hangaan ka ng iba. Lalapit sila sa iyo dala-dala ang lahat ng kanilang problema, umaasa sa iyo at tinitingala ka. Kaya, para bang isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Sabihin mo sa Akin, masarap bang masalang sa apoy? (Hindi.) Hindi mo nauunawaan, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo nauunawaan. Hindi mo makita kung ano ang totoo, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo makita kung ano ang totoo. Halata namang nagkamali ka, pero wala kang lakas ng loob na aminin ito. Nagdadalamhati ang iyong puso, pero wala kang lakas ng loob na sabihin, ‘Sa pagkakataong ito ay kasalanan ko talaga, may pagkakautang ako sa Diyos at sa aking mga kapatid. Nakapagdulot ako ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos, pero wala akong lakas ng loob na tumayo sa harapan ng lahat at aminin ito.’ Bakit hindi ka naglalakas loob na magsalita? Naniniwala ka, ‘Kailangan kong ingatan ang reputasyon at limbo na ibinigay sa akin ng aking mga kapatid, hindi ko maaaring madismaya ang mataas na pagtingin at tiwala nila sa akin, lalo na ang mga inaasahan nila sa akin na pinanghawakan nila sa loob ng maraming taon. Samakatwid, kailangan kong patuloy na magkunwari.’ Anong klaseng pagbabalatkayo iyon? Matagumpay mong ginawang dakilang tao at superman ang iyong sarili. Gusto kang lapitan ng mga kapatid para pagtanungan, konsultahin, at hingan pa nga ng payo tungkol sa anumang problemang kinakaharap nila. Tila hindi nila kayang mabuhay nang wala ka. Pero hindi ba’t nagdadalamhati ang iyong puso?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Kapag tinatalakay ang mga plano ng disenyo kasama ang lider, kailanman ay hindi naging malaya ang pakiramdam ko. Ang pangunahing dahilan ay talagang mapagmataas ang kalikasan ko at hindi ko hinahayaan ang sarili kong makagawa ng mga pagkakamali, lalong hindi hinahayaang maunawaan o magawa ang isang bagay. Iginigisa ko ang sarili ko. Magmula nang maiangat ako para maging lider ng pangkat, naging maganda ang impresyon sa akin ng lider at pinahalagahan niya ako, kaya nag-alala ako na sa paglalantad ng masyadong maraming pagkukulang sa gawain ko ay maaapektuhan ang tingin sa akin ng iba. Lalo na pagkatapos magkaroon ng mga isyu sa paskil ng pelikula na dinisenyo ko, lalo pa akong naging maingat. Hinahayaan ko munang ibahagi ng iba ang mga opinyon nila para maiwasang maglantad ng masyadong marami sa sarili kong mga problema. Nang magkasama kami ng lider na nagsuri ng mga disenyo, nakapansin ako ng ilang isyu, pero natatakot akong magkamali, kaya hindi ako nagsalita nang matapat. Kung minsan ay malinaw na wala akong plano para ayusin ang mga bagay-bagay, pero para maiwasang mahamak ng lider, nagkukunwari akong maraming alam, ginagaya ang opinyon ng lider at sinasabing nakikita ko ang mga bagay-bagay sa parehong paraan. Nagkukunwari ako. Lantaran akong nagiging mapanlinlang. Ni hindi ako naglakas-loob na sabihing, “Hindi ko nauunawaan, hindi malinaw sa akin ang tungkol dito.” Palagi kong pinagtatakpan ang mga pagkukulang ko para umiwas sa pagkapahiya. Lubhang napakalaki ng interes ko sa reputasyon at katayuan! Ang totoo, dahil kasisimula ko pa lang na magsanay, ganap na normal na makagawa ng mga pagkakamali. Malinaw na nakikita ng lahat ang aktuwal na antas ng kasanayan ko, kaya hindi ito kailangang pagtakpan. Kahit na makita ng mga kapatid ang mga pagkukulang ko, hindi nila ako hahamakin—tutulungan nila ako. Pero pilit akong nagkunwaring alam ko ang lahat at kaya kong gawin ang lahat. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para itago ang mga kapintasan at pagkukulang ko. Masyado akong hangal at ignorante! Patuloy akong nagtatago at hindi ko kayang maging matapat kapag nakikisalamuha sa iba. Masyadong mapagpaimbabaw, tuso, at mapanlinlang ang pamumuhay sa ganitong paraan!
Kalaunan, nakabasa pa ako ng mas marami sa mga salita ng Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. … Kung may mangyaring mahalaga, at may magtanong sa kanya tungkol sa pagkaunawa niya sa pangyayari, nag-aalangan siyang ihayag ang pananaw niya, sa halip ay hinahayaan niya ang iba na maunang magsalita. May mga dahilan ang kanyang pag-aalangan: Hindi sa dahil wala siyang pananaw, kundi natatakot siya na mali ang pananaw niya, na kung sasabihin niya ito, papabulaanan ito ng iba, na mapapahiya lang siya, at kaya mas pinipili niyang manahimik tungkol dito; o kaya ay wala talaga siyang pananaw at hindi niya malinaw na nauunawaan ang usapin, hindi siya naglalakas-loob na magsalita nang padalos-dalos, dahil sa takot na baka pagtawanan ng mga tao ang kamalian niya—kaya wala siyang magawa kundi manahimik. Sa madaling salita, hindi siya agad nagsasalita ng mga pananaw niya dahil natatakot siyang mabunyag ang sarili niya kung ano talaga siya, na makita ng iba na siya ay naghihikahos at kahabag-habag, na nakakaapekto sa imaheng mayroon ang iba tungkol sa kanya. Kaya, pagkatapos magbahagi ng lahat ng kani-kanilang pananaw, kaisipan, at kaalaman, ginagamit niya ang ilang mas matayog, mas kapani-paniwalang pahayag, na ipinapalabas niya bilang sarili niyang pananaw at pag-unawa. Inbinubuod niya ang mga ito at ibinabahagi ang mga ito sa lahat, kaya, tumataas ang katayuan niya sa puso ng iba. Ang mga anticristo ay lubhang tuso: Kapag oras na para magpahayag ng pananaw, hindi sila kailanman nagtatapat at nagpapakita sa iba ng tunay nilang kalagayan, hindi rin nila hinahayaang malaman ng mga tao kung ano talaga ang iniisip nila, kung ano ang kakayahan nila, kung anong klaseng pagkatao mayroon sila, kung anong klaseng kapangyarihan ng pag-unawa mayroon sila, at kung mayroon ba silang tunay na kaalaman sa katotohanan. Kaya, kasabay ng pagyayabang at pagpapanggap bilang isang espirituwal at perpektong tao, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maitago ang totoo nilang mukha at tunay na tayog. Hindi nila inilalantad kailanman ang kanilang mga kahinaan sa mga kapatid, hindi rin nila sinusubukan kahit minsan na kilalanin ang kanilang sariling mga kakulangan at kapintasan; sa halip, ginagawa nila ang lahat para pagtakpan ang mga iyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kahit ano pang tungkulin ang ginagawa ng mga anticristo o ang sitwasyong kinalalagyan nila, kailanman ay hindi nila ipinapahayag nang ganoon-ganoon lang ang mga opinyon nila kapag may nangyayari sa kanila. Hindi nila ipinapaalam sa iba ang tunay nilang kalagayan, ni ipinapaalam sa iba ang tungkol sa kakayahan o pagkatao nila, sa takot na mailantad ang mga kahinaan nila. Para itago ang mga pagkukulang nila, inaangkin pa nga nila ang magagandang mungkahi at ideya ng iba, ibinubuod at inihaharap ang mga iyon na parang sila ang nakaisip sa mga iyon, maling ipinaiisip sa iba na may kabatiran at kakayahan sila, sa gayon ay natatamo ang layong hangaan at sambahin ng iba. Nang ikumpara ko ito sa sarili ko, nakita kong ang pag-uugali ko ay kaparehong-kapareho ng sa isang anticristo! Noong tinatalakay namin ng lider ang isang plano ng disenyo, natatakot akong hindi magiging maganda ang tingin ng lider sa mga propesyonal kong kasanayan, kaya kapag ipinapahayag ang opinyon ko, sinisiguro kong magsasalita nang malabo, nagkukunwaring nakakaunawa at ginagaya ang lider. Kumilos ako na parang pareho ang opinyon ko sa lider, ginagamit ito para itago ang mga pagkukulang ko. Sa pagbabalik-tanaw, ganito ko palagi ginagawa ang tungkulin ko: Para protektahan ang imahe at katayuan ko sa puso ng mga tao, kailanman ay ayaw kong makita ng iba ang mga pagkukulang o kapintasan ko. Malinaw na may mga isyung mabilis sanang nalutas sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa isang taong maraming kaalaman, pero inakala kong magmumukha akong walang kakayahan at mababa sa paghingi ng tulong sa iba, kaya mas ginusto kong palihim na maghanap ng mga materyal at mag-isang maghirap para tukuyin ang mga bagay-bagay, at hindi ako humingi ng payo mula sa iba. Humantong ito sa mababang kahusayan sa gawain at mga pagkaantala sa ibang gampanin. Palagi kong gustong magpanggap bilang isang taong alam at kayang gawin ang lahat ng bagay, nagkukunwari para sa iba. Hindi ba’t inililihis ko ang mga tao? Ang mga anticristo ay palaging nagtatago at nagpapanggap sa ganitong paraan. Nililinlang at inililihis nila ang mga tao sa pamamagitan ng pagtatago sa tunay nilang tayog, inaakay ang mga tao na humarap sa kanila. Ano ang ipinagkaiba ng pag-uugali ko sa pag-uugali ng isang anticristo? Ang ibinubunyag ko ay ang disposisyon ng isang anticristo! Natakot ako sa realisasyong ito. Pakiramdam ko, kung hindi ako magbabago, mabubunyag at matitiwalag ako. Agad akong nagdasal sa Diyos, handang magsisi at magbago. Ayaw ko nang magpanggap at manlinlang ng iba para protektahan ang pride at imahe ko.
Kalaunan, naghanap ako ng isang landas ng pagsasagawa batay sa mga problema ko. Nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos na: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga pagkukulang, iyong mga kapintasan, iyong mga pagkakamali, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito sa loob mo. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang balakid, na siyang pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at matapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang sisiyasating mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mabibitiwan mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Kapag ginagawa ang tungkulin ng isang tao at nahaharap sa mga bagay na hindi niya maunawaan o kaya, dapat siyang mas magtapat at humingi ng tulong sa iba, at maging isang matapat na tao. Dapat na maging totoo ang isang tao at huwag protektahan ang sarili niyang reputasyon. Sa ganoong paraan, puwede siyang maging naaayon sa mga layunin ng Diyos at magkaroon ng pag-usad. Pero inisip ko lang ang pride ko, palaging itinatago ang mga pagkukulang ko at nagpapanggap. Hindi ko isinaalang-alang kung gaano kaayos nagagawa ang gawain, ni kung paano pagbubutihin ang mga propesyonal na kasanayan ko. Hanggang sa puntong iyon, hindi ko naarok ang mga prinsipyo, hindi bumuti ang mga kasanayan ko, at hindi ko ginagawa ang tungkulin ko nang pasok sa pamantayan. Ano ba ang punto ng pagsubok lang na ingatan ang pride ko? Kung susundin ko ang mga hinihingi ng Diyos at kikilos ako bilang isang matapat na tao, kahit na maaaring medyo magdusa ang reputasyon ko, puwedeng mapabuti ang mga kasanayan ko, at puwede kong magawa nang mas maayos ang mga tungkulin ko, at malulugod ang Diyos. Hindi ba’t magiging higit na mas mabuti iyon? Nang maisip ito, nagdasal ako sa Diyos, handang magsisi. Kalaunan, kapag nakikipag-usap sa iba, hindi na ako nagtatago kapag may hindi ako nauunawaan, at aktibo kong idinudulog sa grupo ang mga tanong ko para mapagtalakayan. Naging malaya ang pakiramdam ko dahil sa pagsasagawa sa ganitong paraan, at may nakamit ako mula sa iba.
Pagkatapos, gumawa ako ng kaunting paghahanap, napapaisip na, “Bakit ba hindi ko matingnan nang tama ang mga pagkukulang ko pagkatapos maiangat bilang lider ng pangkat? Anong mga maling pananaw ang kumokontrol sa akin?” Habang naghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o iniangat ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang tiyak na gawain o gampanan ang isang tiyak na tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay kayang magpasakop sa Diyos, at hindi Siya ipagkakanulo. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at isa siyang taong may takot sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito. Ang pag-aangat at paglilinang ay pag-aangat at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. … Kaya, ano ang pakay at kabuluhan ng pag-aangat at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay iniaangat bilang isang indibidwal, para makapagsagawa siya, at para siya ay espesyal na madiligan at magsanay, na nagbibigay-daan sa kanya na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap niya alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Batay sa mga puntong ito, ang mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayanang isagawa ang kanilang gawain at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa panahon ng pag-aangat at paglilinang o bago ang pag-aangat at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kapag iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao, hindi ito nangangahulugang nauunawaan na ng taong ito ang katotohanan at may realidad na siya o ganap na niyang naaarok ang mga prinsipyo. Ang pag-aangat ay isang pagkakataon lang para magsanay, at hinihingi nito sa mga tao na tingnan nang tama ang mga pakukulang nila. Naging masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko, iniisip na ang ibig sabihin ng pagkakaangat sa lider ng pangkat ay kailangan kong magkaroon ng mas mahusay na kakayahan, mga kasanayan, at ibang ganoong mga katangian kaysa sa iba. Iniligay ko ang sarili ko sa isang pedestal, at para maiwasang makilatis ako ng iba, nagpanggap at nagtago ako, gumamit ng lahat ng uri ng panlalansi para itago ang mga kapintasan ko, at kahit kapag nagbabahagi ng opinyon, labis kong iniisip ang mga bagay-bagay. Hindi ako matapat kapag nakikisalamuha sa iba, at ginagapos ko ang sarili ko hanggang sa punto ng pagkapagod. Sa pagninilay-nilay, ang pagkakaangat para maging lider ng pangkat ay isa lang pagkakataon para magsanay. Itinulak ako ng sitwasyong ito na hangarin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo. Normal na magkaroon ng mga pagkukulang at paglihis sa paggawa ng tungkulin ko, at magagamit ko ang mga pagkakataong ito para punan ang mga pagkukulang ko, para sa pamamagitan ng karanasan, makaunawa ako ng mas maraming katotohanan at makaarok ng mas maraming prinsipyo, at unti-unti, magagawa ko na ang tungkulin ko nang pasok sa pamantayan. Sa hinaharap, dapat kong tingnan nang maayos ang mga pagkukulang ko at matutuhang maging praktikal, at dapat ay mas pagsikapan kong matuto ng mga prinsipyo at kasanayan. Ito ang dapat kong hangarin at pasukin.
Minsan, ginagabayan kami ng lider sa gawain namin, at hiningi niya sa aming magbigay ng mga opinyon namin sa isang backdrop. Narinig kong naiiba ang mga opinyon ng dalawang sister sa opinyon ko, at naisip ko, “Magkapareho ang mga opinyon ng dalawang sister. Kung mali pala ako, magiging masyadong nakakahiya iyon. Iisipin ba nilang masyadong kulang ang kakayahan at panlasa ko?” Nang maisip ko ito, nag-atubili ako, naiisip na, “Siguro, dapat ay sumang-ayon na lang ako sa mga sister, para hindi ako mahiya kung mali ako.” Pero sa sandaling iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos na nauna kong nabasa: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga pagkukulang, iyong mga kapintasan, iyong mga pagkakamali, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito sa loob mo. … Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mabibitiwan mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Tama man o mali ang opinyon ng isang tao, dapat niya itong banggitin para hanapin at pagbahaginan kung mayroon siyang hindi nauunawaan. Ito ang ibig sabihin ng pagiging responsable sa tungkulin ng isang tao. Lumiwanag ang puso ko sa kaisipang ito at nagdasal ako sa Diyos, handang isantabi ang pride ko at sabihin ang totoo. Laking gulat ko, sumang-ayon ang lider sa opinyon ko, at binigyan niya kami ng ilang tagubilin para sa mga pagbabago. Pagkatapos makinig, naging mas malinaw ang pagkaunawa ko. Nadama ko na ang hindi pagpoprotekta sa pride ko at hindi pagtatago, ang pagiging matapat at pagsasabi ng totoo, ay nagdala ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ko.
Ngayon, hindi na ako napipigilan ng pride ko, at kaya ko nang talakayin sa mga kapatid nang bukas-loob at simple ang mga bagay na hindi malinaw sa akin. Nang ipaalam ng lider ang mga problema ko, kaya ko nang tanggapin ang mga iyon, tingnan nang tama ang mga pagkukulang ko, at maghanap ng mga nauugnay na prinsipyo at propesyonal na kaalaman para matutuhan. Pagkalipas ng ilang panahon, nagkaroon ako ng kaunting pag-usad sa mga teknikal na kasanayan ko, at mas kaunti na ang pagkakamaling nagagawa ko sa mga tungkulin ko. Sa pamamagitan ng karanasang ito, talagang napagtanto ko na pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao at kinasusuklaman ang mga mapanlinlang na tao, at na hindi nakakahiyang aminin ang mga kapintasan at pagkukulang ko at isagawa ang pagiging isang matapat na tao, at nagdadala ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ko ang pagsasagawa sa ganitong paraan.