10. Ang Mahirap na Landas ng Pananalig ng Isang Estudyante sa Kolehiyo
Noong Setyembre 2021, ako ay nasa unang taon sa kolehiyo. Nakapagkaklase lang kami sa online dahil sa pandemya, pero, dahil din sa mga pangyayaring ito, may nakilala akong sister sa online na nag-imbita sa akin na dumalo ng mga pagtitipon online. Noong pinatotoo sa akin ng sister na iyon na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, sabik na sabik ako. Sa panahon ng pag-iimbestiga ko, marami akong nabasang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at nakumpirma ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sabik na sabik akong ipangaral ang ebanghelyo sa mas maraming tao, at naisip ko ang pamilya ko. Naisip ko, “Siguradong magiging napakasaya nila na marinig na nagbalik na ang Panginoon.” Inimbitahan ko ang mga magulang ko at ang lola ko para sama-samang dumalo sa isang pagtitipon, pero naniwala sila sa mga walang basehang tsismis sa online, kaya wala sa kanila ang gustong maghanap at mag-imbestiga. Sinabi pa nila sa akin, “Huwag kang dumalo sa mga pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sapat nang pumunta sa pangrelihiyong simbahan,” at sinabihan ako na tumutok sa pag-aaral ko. Dahil giniit kong manampalataya sa Makapangyarihang Diyos, sobrang nagalit ang mga magulang ko. Madalas nilang kinukumpiska ang cell phone ko, at ayaw akong payagang dumalo ng mga pagtitipon online. Maraming beses, gusto kong bawiin ang telepono ko, pero maikli ang pasensiya ng tatay ko at madalas niya akong sigawan at pinapalo pa ako. Minsan, tinulak niya ako palabas, kinaladkad ako habang hila ako sa buhok. Nakita ito ng nanay ko pero hindi niya pinigilan ang tatay ko, at minura pa nga niya ako, na nagsasabing nararapat ito sa akin, at na nailihis na ako ng huwad na kristo. Alam kong hindi ako nailihis. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na cristo, at mga huwad na propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati na’ng mga hirang” (Mateo 24:23–27). Kaya lang gayahin ng mga huwad na kristo ang dating gawain ng Diyos at magpakita ng mga dakilang tanda at kababalaghan para ilihis ang mga tao. Gayumpaman, palaging bago at hindi kailanman luma ang Diyos. Hindi Niya inuulit ang gawaing nagawa na Niya dati. Gumagawa ang Diyos ayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Sa mga huling araw, ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan para gawin ang gawain ng paghatol, nililinis ang sangkatauhan mula sa katiwalian nito. Gayumpaman, hindi kayang ipahayag ng mga huwad na kristo ang katotohanan; lalong hindi nila kayang linisin o iligtas ang mga tao. Ito ay dahil walang katotohanan ang mga huwad na kristo. Dagdag dito, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos noong panahong iyon, naunawaan ko ang maraming katotohanan at misteryo na hindi ko nauunawaan dati: Nalaman ko ang tungkol sa mga misteryo ng 6,000 taong plano ng pamamahala ng Diyos at ang pagkakatawang-tao Niya. Nalaman ko rin kung paano gumagawa ang Diyos para akayin ang mga tao, kung paano Niya dinadalisay ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tiwaling disposisyon nila, kung paano Niya sila kinaklasipika ayon sa uri nila, at iba pa. Mula sa mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, naging matibay ako sa pananampalataya ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Sinabi ko sa mga magulang ko, “Anuman ang mangyari, hindi ko isusuko ang pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos.” Sinampal ako ng nanay ko nang makita niyang ginigiit ko ang pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Hindi ako kailanman pinalo ng nanay ko noon, at labis akong nakadama ng pagkamiserable; nagsimula akong umiyak.
Sa sumunod na apat na araw, hindi pa rin ibinalik sa akin ng mga magulang ko ang telepono ko. Sinabi nilang huwag akong pumasok at manatili lang sa bahay na ginagawa ang gawaing bahay at binabantayan ang mga nakababatang kapatid ko. Binalaan din nila ako na huwag magbabanggit sa mga nakababatang kapatid ko ng kahit anong may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos. Dahil nahaharap ako sa kapaligirang ito, medyo nanghina ako. Nadama kong walang nakakaintindi sa akin. Hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos: Bakit magsasaayos ang Diyos ng gayong kapaligiran para sa akin? Ginusto ko pa ngang tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon at paggampan sa tungkulin ko. Naalala ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. … Kailangan ng mga taong magbayad ng isang tiyak na halaga sa kanilang mga pagsisikap sa lahat ng kanilang ginagawa. Kung walang aktuwal na paghihirap, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos; hindi man lamang sila nakakaabot sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at naglilitanya lamang sila ng mga hungkag na islogan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang tindi ng mga pagsubok. Ang mga pagsubok ay pagpapala mula sa Akin, at ilan sa inyo ang malimit na lumalapit sa Aking harapan at nakaluhod na nagmamakaawa para sa Aking mga pagpapala? Mga hangal na bata! Lagi ninyong iniisip na ang ilang salitang magandang pakinggan ay katumbas ng Aking pagpapala, gayunman ay hindi ninyo kinikilala ang kapaitan bilang isa sa Aking mga pagpapala. Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Binigyan ako ng lakas ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko na bagama’t sa panlabas ay mukhang pinapalo, minumura ako ng mga magulang ko, at kinukuha ang telepono ko para pigilan ako sa pananampalataya sa Diyos, ang totoo, ang mga panlalansi ni Satanas ang nasa likod nito. Gaya ni Job, tinukso ni Satanas sa iba’t ibang paraan si Job, nagdulot na mawala ang mga anak at pagmamay-ari niya, at binalot ng masasakit na pigsa ang katawan niya. Ginusto ni Satanas na gamitin ito para itatwa ni Job ang Diyos, pero hindi itinakwil ni Job ang pangalan ng Diyos; sa halip, pinuri pa rin niya ang pangalan ng Diyos at nanindigan sa kanyang patotoo tungkol sa Diyos. May mga pakana ni Satanas sa likod ng lahat ng ito na nangyari sa akin, at may pahintulot din ito ng Diyos. Bagama’t mahina ako, gusto kong manindigan sa patotoo ko tungkol sa Diyos. Gaano man ako gulpihin ng mga magulang ko o anumang paraan ang gamitin nila para pigilan ako, dapat akong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko. Hindi ko puwedeng hayaang magtagumpay ang mga pakana ni Satanas. Nadama kong napakahirap manampalataya sa Diyos habang nasa bahay, at hindi ako makatutok sa paggawa sa tungkulin ko. Kaya nagpasya akong umalis ng bahay.
Hindi kasingsimple ng inaakala ko ang sumunod na nangyari. Pagkaalis ko, iniulat ng pamilya ko sa pulisya ang nangyari, nagsasabing nawawala ako at kung may makakita sa akin, puwede nilang itawag sa pulisya. Nag-alala ako na kung magpapatuloy ito, magdadala ito ng gulo sa mga kapatid ko at sa iglesia. Kaya tinawagan ko sila na nagsasabing babalik ako balang araw. Tumanggi silang tumigil. Pumunta sila sa bahay ng isang sister at tinanong siya kung nasaan ako. Pinagbantaan pa nga nila ang sister. Para hindi madawit ang sister ko, wala akong magawa kundi ang umuwi sa bahay. Nang makauwi ako, nakita kong maraming taga-bayan at kamag-anak ang nagkumpulan sa palibot ng bahay ko. Pinapunta ng mga magulang ko ang media. Nagtanong ang media, “Saan ka nanggaling? Bakit iniwan mo ang mga magulang mo? Bakit hindi ka umuwi?” Nagsabi rin sila ng maraming hindi magandang bagay, sinasabing wala akong galang sa mga magulang ko, na isa akong suwail na anak, at na wala akong pakialam sa pag-aaral. Noong panahong iyon, lahat ng nakapaligid sa akin ay walang pananampalataya. Walang nakauunawa sa akin. Malungkot na malungkot ako, nag-iisa lang ako, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Mahal kong Diyos, ano man ang susunod na mangyayari, nawa ay bigyan Mo ako ng lakas ng loob para harapin ang lahat ng ito.” Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pamilya, katiwasayan, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dapat akong magdusa para sa katotohanan at tiisin ang pamamahiya para sa katotohanan, at dapat akong magkaroon ng pananalig sa Diyos, at hindi ko puwedeng talikuran anumang oras ang pananampalataya ko sa Makapangyarihang Diyos. Maraming pinagdusahan ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan: Kinondena at inusig Siya ng gobyernong CCP at tinanggihan ng buong henerasyon. Sobra-sobra ang sinakripisyo ng Diyos para sa sangkatauhan. Natamasa ko ang pagdidilig at pagtutustos ng napakarami sa mga salita ng Diyos; ano ba ang halaga ng ganitong kaliit ng pagdurusa? Higit pa rito, habang pinagdurusahan ko ang pasakit na ito, kasama ko ang Diyos. Gagabayan at papatnubayan ako ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, nagkaroon ako ng pananalig at lakas sa puso ko, at hindi na ako nalungkot. Wala na rin akong pakialam kung anong iniisip ng mga taong ito sa akin. Pinilit ako ng tiyo at pamilya ko na magpa-interview ako. Anumang sabihin ko, hindi sila maniniwala sa akin. Kalaunan, nagsimula akong subaybayan ng pamilya ko. Ikinakandado nila ang pinto mula sa labas kahit na natutulog ako. Malungkot na malungkot ako. Wala akong ginawang masama. Nanampalataya lang ako sa Diyos at ginawa ang tungkulin ko, pero ganito ang trato nila sa akin.
Noong nalulungkot ako at naghihinagpis, biglang pumasok sa silid ko ang nakababatang kapatid ko na nagsasabing gusto niya akong samahan. Binigyan niya ako ng lumang cell phone, at tinulungan akong makapag-online. Napanood ko ang video ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Sa Pamamagitan Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos.” Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Gaano mo kamahal ang Diyos sa ngayon? At gaano ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga bagay na dapat mong matutuhan. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, lahat ng Kanyang nagawa sa tao at itinulot na makita ng tao ay upang mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na naisagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na minamahal ang Diyos. Mas malaki ang gawain ng Diyos sa tao, mas magdurusa ang tao, mas lalo nitong naipakikita kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at na mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano natatamo ang aral ng pagmamahal sa Diyos? Kung walang pagdurusa at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, pag-ibig, at awa—makaaabot ka ba sa punto ng tunay na pagmamahal sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng mga pagsubok, naglalatag ang Diyos ng ilang kapaligiran para sa tao upang sa loob ng mga ito, mas mararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng malubhang pagdadalamhati—nang naranasan na ito, nakikita ng tao kung gaano kakaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Bagama’t nanghihina ako sa suliraning ito, nagbigay-inspirasyon sa akin ang mga salita ng Diyos. Naunawaan ko na kung naging maayos ang lahat ng nangyari sa akin at wala akong anumang mga paghihirap, at ang lahat ng nakuha ko ay biyaya, awa, at pagmamahal ng Diyos, magiging masyadong limitado ang pagkaunawa ko sa gawain ng Diyos. Naririyan ang pagdurusa at mga pagsubok para gawing perpekto ang pananalig ko sa Diyos. Nadama kong parang hindi ko kayang tiisin na malimitahan at mausig ng pamilya ko, at maliitin at hamakin ng mga tao sa paligid ko. Para bang namumuhay ako sa bilangguan na walang malalabasan. Gayumpaman, sa pamamagitan ng kapaligirang ito, napagtanto ko ang mga pagkukulang ko. Nakita ko na napakahina ko at napakababa ng tayog ko. Noong una akong magsimulang manampalataya sa Makapangyarihang Diyos, nadama kong malaki ang pananalig ko sa Diyos, at na kaya kong harapin ang anumang kapaligiran na dumating sa akin. Gayumpaman, noong talagang naharap ako sa pagdurusa at hirap, nadama kong napakahirap nito, at sa puso ko ay nagreklamo pa ako kung bakit hahayaan ng Diyos na dumating sa akin ang kapaligirang ito. Noong panahong iyon, tunay kong naunawaan ang sarili kong mga pagkukulang, at naunawaan ko na sa pagdaranas lamang ng isang kapaligiran ng pagdurusa saka ako magkakaroon ng tunay na pagkaunawa sa sarili ko at ng isang tunay na pagmamahal para sa Diyos.
Kalaunan, sapilitan akong dinala ng mga magulang ko sa isang pastor at hiniling sa pastor na ipagdasal ako. Pinilit din nila akong pag-aralan ang Bibliya kasama nila, sinusubukang sukuan ko ang pananampalataya ko sa Makapangyarihang Diyos. Sinabi nila, “Nailihis ka. Ikaw ang nawawalang alibughang anak. Kung uuwi ka at babalik sa poder ng mga magulang mo, babantayan ka pa rin ng Panginoon. Kung magpapatuloy kang maghimagsik, hindi ka babantayan ng Panginoon. Dapat kang maging isang mabuting magalang na anak at respetuhin at mahalin mo ang mga magulang mo. Tinatahak mo ngayon ang maling landas!” Alam ko na pagtukso ito ni Satanas. Sinabi nilang nailihis ako at nanampalataya sa maling bagay, pero naunawaan ko ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos at matibay akong nananampalataya na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesuscristo Narinig ko ang tinig ng Diyos at bumalik sa sambahayan ng Diyos. Hindi ako nailihis. Alam kong hindi madaling manampalataya sa tunay na Diyos. Katulad lang ito ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya na nanampalataya sa Panginoong Jesus. Noong panahong iyon, maraming tao ang nagsabi na mali na manampalataya sa Panginoong Jesus, at sumunod ang ilang tao sa mga Pariseo at tinanggihan Siya. Gayumpaman, sa huli, natapos ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagkapako sa krus at pagtutubos sa buong sangkatauhan. Ang mga disipulong sumunod sa Kanya ay walang pakialam sa sinabi ng iba. Handa silang magtiis ng pagdurusa, at isasakripisyo ang mga buhay nila para sumunod sa Panginoon hanggang sa dulo ng daan. Ngayon, narinig ko na ang tinig ng Diyos at naunawaan ko ang maraming katotohanan at misteryo, at ayaw kong bumalik na naman sa relihiyon. Walang bagong liwanag sa relihiyon, at walang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi mo kailanman makakamit sa relihiyon ang katotohanan at buhay. Sinabi lang nila ang mga salitang iyon para pigilan ako sa pagsunod sa Diyos, pero hindi ako naapektuhan ng mga iyon kahit kaunti.
Makalipas ang isang linggo, pumasok ulit ako sa kolehiyo, dahil sa presyur ng mga magulang ko. Madalas magpakalat ng mga walang basehang tsismis ang nanay ko para kondenahin ang Diyos, at tinawag akong suwail. Hindi rin ako naunawaan ng mga kaklase ko, pinag-isipan ako ng masama at hinamak ako. Kahit ang punong-guro ng kolehiyo ay nagsabi, “Lider ka ba sa iglesia? Huwag mo dapat anyayahan ang sinuman sa mga kaklase mo na dumalo sa mga pagtitipon ninyo. Sobrang nagmamalasakit sa iyo ang nanay mo. Dapat mong tutukan ang pag-aaral mo at sundin ang mga magulang mo. Kung hindi, mapapatalsik ka sa kolehiyo. Kung gusto mong manampalataya sa Diyos, puwede kang pumunta sa mga pangrelihiyong simbahan at magdasal doon kay Jesus. Uubra na iyon.” Hindi ako hinayaan ng mga magulang ko at ng punong-guro na dumalo sa mga pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nakahanap sila ng isang tao na magbabantay sa akin araw-araw. Ang mga guro ko, kaklase, kaibigan, pamilya, at kahit ang guard sa kampus ay binabantayan akong lahat. Palagi akong sinusundo at hinahatid sa kolehiyo ng mga magulang ko nang tama sa oras. Kung mahuhuli ang nanay ko dahil sa tinatapos na trabaho, hihilingan niya ang guard ng kampus na bantayan ako. Kinailangan kong hintayin ang nanay ko malapit sa opisina ng punong-guro. Natatakot ang nanay ko na magpapatuloy akong manampalataya sa Diyos, at binalaan niya ako, “Kung matuklasan kong nananampalataya ka na naman sa Diyos, sasabihin ko sa pulisya, at aarestuhin ka nila pati ang lahat ng mga kasama mong nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos!” Nang marinig ko ang mga salitang ito, naisip ko, “Nanay pa rin ba kita? Kinokontrol mo ang lahat sa akin at wala ka talagang pakialam sa nararamdaman ko.” Sinabi rin ng tiya ko, “Kung maisip mo pang tumakas, babaliin namin ang mga binti mo at tingnan natin kung makakatakbo ka pa!” Noong panahong iyon, hindi ako makadalo sa mga pagtitipon o makagawa ng tungkulin ko. Labis akong naghihinagpis araw-araw. Minsan, naisip ko pa nga, “Mas mabuti pang mamatay kaysa mabuhay nang ganito.” Napagtanto ko na galing kay Satanas ang mga kaisipang ito, kaya sinabi ko sa sarili ko: Anuman ang mangyari, dapat akong umasa sa Diyos para harapin ito.
Kalaunan, nagkita kami ng kaibigan ko sa kolehiyo. Nananampalataya rin siya sa Makapangyarihang Diyos. Binigay niya sa akin ang telepono niya at sinabi sa aking makipag-ugnayan kay Sister Chloe. Ikinuwento sa akin ni Sister Chloe ang istorya ng pelikulang, Kwento Ko, Kwento Natin kung saan ipinapasa ng mga kapatid sa bilangguan ang mga salita ng Diyos. Sinabi niya, “Ang ilan sa mga brother na iyon ay nakakulong na nang sampung taon. Wala silang nagagawang tungkulin at walang buhay iglesia, pero hindi sila kailanman nawalan ng pananalig sa Diyos. Sa bilangguan ay palagi silang nagdarasal sa Diyos at nagtitiwala sa Diyos, at nakita nila ang mga gawa ng Diyos at nadama ang pagmamahal at pamumuno ng Diyos.” Naisip ko ang mga brother na iyon na nasa bilangguan, ang ilan sa kanila ay isang dekada nang nandoon, samantalang ako ay humaharap lang sa mga balakid at limitasyon ng pamilya ko. Napagtanto ko na hindi ako dapat maging napakahina. Kinailangan kong magkaroon din ng pananalig sa Diyos. Nagbasa ako ng ilang talata ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o magkaroon ng pagkanegatibo sa kanilang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng pagsasagawa. Ngunit anuman ang mangyari, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito. Sa loob ng mga karanasan ng mga tao, anumang pagpipino ang pinagdaraanan nila mula sa mga salita ng Diyos, ang gusto ng Diyos sa pangkalahatan, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na mga puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nahahawakan; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang pananalig. Kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan sa iyo ay magkaroon ng pananalig at tumayo nang matatag at manindigan sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, kapag may pananalig ka ay saka mo lamang makikita ang Diyos. Kapag mayroon kang pananalig, gagawin kang perpekto ng Diyos, at kung wala kang pananalig, hindi Niya ito magagawa. … Ano ang tinutukoy ng salitang ‘pananalig’? Ang pananalig ay ang tunay na pananampalataya at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananampalatayang binabanggit Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Kapag nahaharap sa mga problema sa tunay na buhay, paano mo dapat alamin at unawain ang awtoridad ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Kapag naharap ka sa ganitong mga problema at hindi mo alam kung paano unawain, harapin, at danasin ang mga ito, anong saloobin ang dapat mong taglayin upang ipakita ang iyong intensyong magpasakop, ang iyong pagnanais na magpasakop, at ang realidad ng iyong pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Una, dapat mong matutuhan ang maghintay; sunod, dapat mong matutuhang maghanap; kasunod, dapat mong matutuhang magpasakop. Ang ‘paghihintay’ ay nangangahulugan na paghihintay sa panahon ng Diyos, hinihintay ang mga tao, pangyayari, at bagay na Kanyang isinaayos para sa iyo, naghihintay sa Kanyang mga layunin na unti-unting maibunyag sa iyo. Ang ibig sabihin ng ‘paghahanap’ ay pagmamasid at pag-unawa sa masisidhing layunin ng Diyos para sa iyo sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na inilatag Niya, pag-unawa sa mga katotohanang nauugnay sa mga ito, pag-unawa sa dapat maisagawa ng tao at mga paraang dapat nilang sundin, pag-unawa sa mga resulta na nais na makamtan ng Diyos sa mga tao at ano ang mga gusto Niyang magawa sa kanila. Ang ‘pagpapasakop,’ mangyari pa, ay tumutukoy sa pagtanggap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at, sa pamamagitan nito, ay maranasan kung paano may kataas-taasang kapangyarihan ang Lumikha sa kapalaran ng tao, kung paano Niya tinutustusan ang tao ng Kanyang buhay, kung paano Niya pinapagana ang katotohanan sa tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na noong dumating sa akin ang pang-uusig at paghadlang mula sa mga kapamilya at guro ko, bagama’t may kahinaan ako, hindi ako puwedeng mawalan ng pananalig sa Diyos, itatwa ang Diyos, o magreklamo sa Diyos. Kailangan kong gayahin si Job. Bagama’t sinumpa ni Job ang araw na ipinanganak siya noong dumating sa kanya ang mga pagsubok, hindi niya kailanman itinatwa ang Diyos o nagreklamo sa Diyos. Gayumpaman, palagi akong nagrereklamo sa Diyos noong naharap ako sa mga pang-uusig na ito: Bakit Niya hinayaang mangyari ang lahat ng ito sa akin? Handa kong gawin ang tungkulin ko, kaya bakit nangyari sa akin ang mga pagdurusa at pagpapahiya na ito? Ayaw kong danasin ang mga kapaligirang ito, at gusto kong takasan ang mga ito. Hindi ko kayang magpasakop sa Diyos sa gayong mga kapaligiran. Gayumpaman, malinaw na sinasabi ng mga salita ng Diyos na kapag dumating sa atin ang isang kapaligiran, dapat muna tayong maghintay, at pagkatapos ay maghanap at magpasakop. Dapat akong matutong maghintay, maghanap kung ano ang layunin ng Diyos, at sa huli ay tanggapin at magpasakop sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos. Mabuti ang lahat ng bagay na isinasaayos ng Diyos. Dapat akong magdasal pa at ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng bagay. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Mahal kong Diyos, bagama’t nahihirapan ako sa gayong mga kapaligiran, at may kahinaan sa puso ko, ang mga salita Mo ay nagbigay sa akin ng lakas, at ang mga salita Mo ay nagdala ng kapayapaan sa puso ko. Handa akong ipagkatiwala sa Iyo ang lahat ng bagay.”
Sa mga sumunod na araw, patuloy pa ring nilalabanan at kinokondena ng nanay ko ang Makapangyarihang Diyos. Tuwing gabi, pagdarasalin niya ang lahat para sa akin, at nilalapastangan pa niya ang Diyos sa mga dasal niya. Parang punyal na tumusok sa puso ko ang mga salita niya. Hindi ko makayanan ang mga salitang iyon na kumokondena at lumalaban sa Diyos. At nandyan pa ang tatay ko. Kapag nalalasing siya ay mumurahin at bubugbugin niya pa ako dahil nananampalataya ako sa Diyos. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa panahong ito, yaong mga naghahangad at yaong mga hindi naghahangad ay dalawang ganap na magkaibang uri ng mga tao, na may labis na magkaiba ring mga hantungan. Yaong mga nagtataguyod sa kaalaman ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ang mga siyang pagdadalhan ng Diyos ng kaligtasan. Yaong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng pagwasak. Kahit yaong mga maka-Diyos na tagapaniwala ng isang malabong Diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? … Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay malademonyo at, higit pa rito, wawasakin sila. Yaong mga may pananampalataya ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at yaong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat yaong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na kami ng mga magulang ko ay tumatahak ng ganap na magkaibang mga landas. Hindi tinanggap ng mga magulang ko ang nagkatawang-taong Diyos, at nilabanan at kinondena pa nga nila Siya. Sa partikular, palaging nilalapastangan ng nanay ko ang Diyos at kinokondena niya ang Diyos. Sa pinakadiwa nila, nilalabanan nila ang Diyos; mga kaaway sila ng Diyos, at mga diyablo at Satanas sila. Sa huli, mapapasailalim sila sa paglilipol ng Diyos. Hindi na ako puwedeng magapos pa nila.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Nagbigay sa akin ng pananalig at lakas ang mga salita ng Diyos. Ngayon, napapalibutan ako ng mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, at nakakaisip ang mga magulang ko ng lahat ng klase ng paraan para pigilan ako sa pananampalataya sa Diyos. Nasa paaralan man ako o nasa bahay, araw-araw nila akong minamatyagan, at gumagamit ng maraming pakana at pamamaraan para subukang pigilan ako sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagdarasal. Ganap nilang kinontrol ang buhay ko. Gayumpaman, nagbigay sa akin ng pag-asa ang mga salita ng Diyos. Naunawaan ko na gaano man sila kamukhang makapangyarihan sa panlabas, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at namamahala sa lahat ng bagay. Lahat ng may kinalaman sa akin ay nasa mga kamay ng Diyos. Paano man gamitin ni Satanas ang pamilya ko para guluhin ako, nagseserbisyo lang si Satanas sa Diyos. Kung wala ang mga bagay na ito na nangyayari sa akin, hindi ko makikilatis ang diwa ng paglaban ng pamilya ko sa Diyos. Ang pagdanas ko ng pang-uusig sa mga kamay ng pamilya ko ay lalong nagpalakas sa determinasyon kong sundan ang Diyos. Gaano man ito kahirap, dapat akong magtiwala sa Diyos at manindigan sa patotoo ko. Pagkatapos kong maunawaan ito, sa puso ko ay hindi na ako takot.
Kalaunan, dahil napakarami kong tala mula sa klase, binilhan ako ng laptop ng mga magulang ko. Dahil puno ng CCTV camera ang paaralan at minamatyagan ako ng mga kaibigan at kaklase ko, sa banyo ko lang nadadala ang laptop ko para kumonekta sa Wi-Fi ng kampus para makapanood ng ilang video ng patotoong batay sa karanasan at ng mga video ng himno ng papuri sa Diyos. Hiniling ng pamilya ko sa mga kaibigan ko na bantayan ako, kaya hindi ako malayang makapagbasa ng mga salita ng Diyos at hindi makapamuhay ng buhay iglesia; lalong hindi ko matupad ang tungkulin ng isang nilikha. Nadama ko na ang mamuhay nang ganito ay walang kabuluhan. Kaya, isang umaga, maaga pa lang, tumakas ako sa bahay. Ngayon, nakatakas na ako sa gapos ng pamilya ko, at kaya ko nang mamuhay ng buhay iglesia kasama ng mga brother at sister ko. Malaya akong nakakabasa ng mga salita ng Diyos at nagagawa ang tungkulin ko, at labis na mapayapa at malaya ang puso ko. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas Niya sa akin!