9. Isang Pagmumulat Pagkatapos Mapatalsik

Ni Chongxin, Tsina

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nagdurusa kayo ng kaunting pagpipigil o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinakastigo, hinahatulan, at isinusumpa kayo kaya nabibigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi ito sadyang pagpapahirap ng mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayong konsiyensiya o katinuang tinaglay ni Pablo, ni hindi ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang pilitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para magising ang inyong mga espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, dapat ay mayroon ding pagkastigo ng mga katotohanang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na magpapasakop. Ang inyong kalikasan ay ganito na kung walang pagkastigo at pagsumpa, hindi ninyo gugustuhing yumuko, hindi gugustuhing sumuko. Kung hindi ninyo nakikita ang mga katunayan, walang magiging epekto. Masyadong aba at walang halaga ang inyong karakter! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap na malupig kayo, at mahirap mapagtagumpayan ang inyong kawalan ng katuwiran at inyong pagsuway. Ang inyong dating kalikasan ay nakaugat nang napakalalim. Kung inilagay kayo sa trono, hindi ninyo malalaman ang inyong lugar sa sansinukob, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Lumikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga pagsumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (6)). Sa pagbabasa ko ng siping ito ng mga salita ng Diyos, pinagnilayan ko kung paanong wala akong kamalayan sa sarili, namumuhay nang may mapagmataas na disposisyon habang gumagawa ng kasamaan at ginugulo ang gawain ng iglesia, at pagkatapos ay napatalsik mula sa iglesia. Noong panahong iyon, bagama’t nasa pasakit at pangamba ako, malalim kong naranasan na tunay ngang pagmamahal ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at isa ring dakilang proteksiyon para sa mga tao.

Noong 2007, pagkatapos manampalataya sa Diyos nang mahigit isang taon, hinirang ako bilang isang lider ng iglesia. Noong panahong iyon, masigasig na masigasig ako, aktibong dumadalo sa mga pagtitipon, nagdidilig ng mga baguhan, at araw-araw na nangangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos ng ilang panahon ng paggawa nito, pawang nagpakita ng ilang resulta ang gawain ng ebanghelyo, ang gawain ng pagdidilig, at ang paglilinang ng mga tao. Kalaunan, tuwing dumaranas ng mahinang buhay iglesia o mabababang resulta ng gawain ang alinmang iglesia, uutusan ako ng nakatataas na pamunuan para magbigay ng suporta. Pagkatapos kong manatili roon nang matagal-tagal, babalik sa normal na operasyon ang bawat bahagi ng gawain sa iglesiang iyon, at talagang hahangaan ako ng mga kapatid dahil doon. Labis ang pagmamalaki ko at maglalakad ako nang taas-noo. Naisip ko, “Mas magaling ako sa paglutas ng mga problema kaysa sa ibang mga lider ng iglesia at may mas mahusay akong kapabilidad sa gawain. Nagpakita ng mga resulta sa kanilang gawain ang mga iglesiang sinuportahan ko matapos ang ilang panahon, kaya mukhang talagang isa akong may talentong lider sa iglesia.” Sa ganitong paraan, naglingkod ako bilang lider ng iglesia sa loob ng pitong magkakasunod na taon. Nadama ko sa puso ko na karapat-dapat ako para sa pamumuno, kaya unti-unti akong naging mas mayabang.

Noong taglamig ng 2015, pinagpareha kami ni Sister Siyu para maging responsable sa gawain ng iglesia. Mas matagal na siyang nananampalataya sa Diyos kaysa sa akin, masinop at may pasanin niyang ginawa ang mga tungkulin niya, pero pagkatapos makipag-ugnayan sa kanya nang matagal-tagal, natuklasan ko na hindi kasinghusay ng sa akin ang abilidad niya sa pagkilatis at pagbabahagi ng katotohanan, at hindi rin kasintaas ng sa akin ang pagiging episyente niya sa paggawa ng mga tungkulin niya. Mula sa kaibuturan ng puso ko, minaliit ko siya, iniisip na bagama’t nakagawa na siya ng iba’t ibang tungkulin dati, mas mahusay pa rin ako kaysa sa kanya. Minsan, narinig ko ang isang brother na nagsasabi na noong hindi siya nagkakamit ng anumang mga resulta sa pangangaral ng ebanghelyo at namumuhay siya sa paghihirap, hindi naunawaan ni Siyu ang problema noong panahong iyon at hindi epektibo ang pagbabahagi niya. Pagkatapos malaman ang sitwasyong ito, sa puso ko ay nagkimkim ako ng matinding pangmamata kay Siyu, at pinagsabihan ko siya nang malakas sa harap ng mga katrabaho namin na nagsasabing, “Sa ganyang klase ng pagbabahagi mo, paano mo malulutas ang mga problema? Paano mahahanap ng mga kapatid ang daan?” Yumuko si Siyu at nagsabi nang mahina, “Dahil ito sa mahinang pagbabahagi ko.” Noong panahong iyon, hindi lamang sa hindi ko namalayan ang sariling mga isyu ko, kundi hindi rin ako marunong magpatawad at nagpatuloy ako sa pagpuna sa kanya. Naisip ko sa puso ko, “Talagang wala kang maipagmamalaki! Kung hindi mo lang nagagawang pangasiwaan ang ilang pangkalahatang usapin, kakayanin namin nang wala ka!”

Noong Pebrero 2016, sa isang pagpupulong ng mga magkakatrabaho kasama ang tagapangaral, noong nagtanong ang tagapangaral tungkol sa gawain namin, unang sumagot si Siyu, at sa puso ko ay hindi ako masaya, “Sinusubukan mo bang mang-agaw ng eksena? Narito ako at ni hindi pa ako nagsasalita; bakit ikaw na ang nagsasalita?” Kaya sumabad ako para magsalita muna. Sa sandaling iyon, sinabi sa akin ni Siyu sa harap ng tagapangaral, “Nalilimitahan mo ako.” Nagngitngit ako kaagad, nag-iisip na, “Sinasabi mo iyan sa akin sa harap ng tagapangaral at ng ilang diyakono, napapahiya ako. Paano ako maninindigan sa iglesiang ito sa hinaharap? Paano ako titingnan ng iba?” Galit akong nagsabi, “Sa paanong paraan kita nalilimitahan?” Hindi na nangahas magsalitang muli si Siyu. Mula noon, nagkaroon ako ng pagkiling laban sa kanya. Sa isang pagtitipon, noong medyo humaba ang pagbabahagi ni Siyu, nagalit ako kaagad, sumasabad sa kanya at di-nasisiyahang nagsabi, “Iklian mo lang. Huwag ka nang masyadong detalyado. Nag-aaksaya ka ng oras!” Kahit sa mga pagpupulong ng magkakatrabaho, sinasadya kong punahin siya sa harap ng ilang katrabaho, ipinapahiya siya, para ipakita na mas mahusay ako kaysa sa kanya. Noong napansin ko ang mga paglihis sa pagganap niya sa mga tungkulin, pinuna ko rin siya. Lahat ng ito ay naging dahilan para mas lalo siyang makadama ng paglilimita. Pagkatapos noon, nabawasan ang pagbabahagi ni Siyu sa mga pagtitipon, at palagi niyang binabantayan ang mga reaksyon ko kapag nagsasalita, at kapag may mga nangyari habang wala ko, hindi siya nangangahas na gumawa ng anumang desisyon. Direkta ring komunsulta sa akin ang ilang diyakono para lutasin ang anumang mga isyu nila, at lahat ng bagay sa iglesia ay kailangan kong patakbuhin at ako ang kailangang magpasya. Medyo nabalisa ako, pero nadama ko rin na ang ginagawa ko ay para itaguyod ang gawain ng iglesia, na nagdadala ng pagpapahalaga sa pasanin at responsabilidad. Bukod pa roon, magmula nang dumating ako sa iglesiang ito, talagang bumuti ang buhay iglesia, at umusad ang iba’t ibang aytem ng gawain. Naniwala akong positibo ang ginawa ko, kaya hindi ko masyadong inisip ang tungkol dito. Kasunod niyon, nagpatuloy ako gaya ng dati at tuwing nakikita kong may mga pagkakamali ang mga katrabaho ko o ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, tatayo ako sa mas mataas na posisyon at sasawayin at pupunahin sila. Natakot sa akin ang ilang kapatid, kaya ayaw na nilang dumalo sa pagtitipon. Naramdaman ni Siyu na napipigilan siya dahil sa mahabang panahon ng aking paglilimita, umiiyak at gusto nang magbitiw. Nang makita ko ang resultang ito, medyo nagsisi ako, napagtanto ko na hindi angkop ang palagiang pagsaway at pagpuna sa iba. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Pinupungusan ko kayo para sa ikabubuti ninyo; wala akong masasamang intensiyon.” Pagkatapos mag-isip nang ganito, nawala ang anumang natitirang pakiramdam ng pagsisisi sa puso ko.

Noong Setyembre 2016, nakipagsanib sa amin ang isa pang iglesia, at dalawang sister mula sa iglesiang iyon, sina Chang Qing at Zheng Lu, ay naging mga lider ng grupo. Noong panahong iyon, kinailangan naming maglinang ng isang lider ng grupo ng pagdidilig. Tinalakay ko sa ilang diyakono ang tungkol kay Sister Zhao Rui, at naisip namin, kahit na may kakulangan ang pagbabahagi niya sa katotohanan, maaasahan naman siya at may pasanin, nagagawa niyang gumampan ng ilang tunay na gawain, kaya gusto namin siyang linangin. Nang nalaman ni Zheng Lu, may mga pagtutol siya. Naniniwala siya na isa pang sister, bagama’t medyo bago pa sa pananalig at mas bata, ang may mahusay na kakayahan at mas may halaga para sa paglilinang, at mas angkop kaysa kay Zhao Rui para maglingkod bilang lider ng grupo ng pagdidilig. Iniulat ito sa akin ni Siyu pagkabalik niya, at sa puso ko ay nakadama ako kaagad ng bugso ng galit, nag-iisip na, “Ito ang iglesiang pinangangasiwaan ko, at ako ang may huling pasya. Pero nakikialam ka rito. Galing ka sa ibang iglesia, pero lantaran kang nanggagambala at nanggugulo sa lugar na pinangangasiwaan ko. Hindi kita papayagang gawin ang tungkulin mo at ibubukod kita para hindi ka na makapanggambala o makapanggulo! Teritoryo ko ito; kung hindi ka makikinig sa akin, puwede ka nang umalis. Hindi ka puwedeng manatili sa aming iglesia.” Galit kong sinabi sa ilang diyakono, “Ginugulo ni Zheng Lu ang gawain; patigilin ninyo ang pagganap niya sa mga tungkulin at ibukod siya para mapigilan siya sa panggugulo at panggagambala rito!” Pinaalalahanan ako ng isang sister, nagsasabing, “Hindi angkop ang ginagawa mo. Kung may mali siyang ginagawa, dapat tayong makipagbahaginan sa kanya at magbigay ng gabay kung kinakailangan. Ang pangangasiwa sa ganitong paraan ay parang pagbubukod sa kanya.” Naisip ko, “Ni hindi siya parte ng ating iglesia. Paanong hindi ko malalaman kung sino ang dapat linangin at sino ang hindi? Isa pa, bagama’t may mga pagkukulang si Zhao Rui, maaasahan siya at kayang gumawa ng tunay na gawain. Hindi ko na matiis si Zheng Lu at ayaw kong makipagbahaginan sa kanya.” Kalaunan, kahit hindi dumaraan sa mga kapatid sa iglesia, ibinukod ko si Zheng Lu.

Habang palala nang palala ang mapagmataas na disposisyon ko, iniulat ako ng ilang kapatid. Kasunod nito, nagsaayos ang nakatataas na pamunuan para may mag-imbestiga sa sitwasyon, at binasa nila sa akin ang mga liham ng pag-uulat mula sa mga kapatid. Batay sa kayabangan at pagmamagaling ko, pati na sa palagiang pag-uugali ko ng pagsaway at paglilimita sa iba, itinuring ako na isang huwad na lider na may masamang pagkatao at tinanggal ako. Nang marinig ko ang lahat ng ito, hindi ko ito matanggap kahit kaunti. Naisip ko, “Bakit ako tinanggal? Mahigit sa sampung taon na akong nananampalataya sa Diyos, inuubos ang mga araw ko na gumagawa at ginugugol ang aking sarili. Palagi akong nauuna sa lahat ng bagay sa iglesia. Bakit ako tinanggal?” Nadama kong aping-api ako, at hindi ko mapigilang umiyak habang naglalakad ako pauwi. Noong panahong iyon, walang naitalaga para mamahala sa gawain, kaya pansamantala kong pinangasiwaan ang ilang gampanin. Hindi ko naisip na isa itong pagkakataon na ibinigay ng Diyos para sa pagsisisi. Sa halip, naisip ko na bagama’t tinanggal ako, makapagpapatuloy pa rin akong gumawa. Para bang hindi kaya ng iglesia nang wala ako, at hindi magtatagal, pamumunuan ko uli ang iglesia. Sa isang pagtitipon ng grupo, sinabi sa akin ng isang sister, “Mas payat ka ngayon.” Sinabi ko, “Pinagninilayan ko ang sarili ko at nagsusulat ng mga debosyonal na tala sa bahay. Kinamumuhian ko ang sarili ko at umiiyak habang nagsusulat.” Sinabi ng sister, “Talagang hinahangad mo ang katotohanan. Kahit na natanggal ka, nagsusulat ka pa rin ng mga debosyonal na tala.” Sinabi ng isa pang mag-asawa, “Sister, kaya mong magtiis nang sobra at gugulin ang sarili mo. Hindi namin matanggap na tinanggal ka. Ang lider ay nagkaroon pa ng espesyal na pakikipagtipon at pagbabahaginan sa amin.” Mapagpaimbabaw kong sinabi, “Isa akong huwad na lider at nararapat tanggalin. Hindi kayo dapat kumampi sa akin; dapat kayong pumanig sa katotohanan.” Pero sa loob ko, masayang-masaya ako, nag-iisip na, “Mukhang nauunawaan ako ng mga kapatid at alam nilang naagrabyado ako. Alam nilang marami akong nagawang gawain sa iglesia. Puwedeng tanggalin ng nakatataas na pamunuan si Siyu, pero hindi nila ako dapat tinanggal.” Naisip ko rin kung paanong karamihan sa liham ng pag-uulat na binasa akin nang araw na iyon ay galing sa mga katrabaho ko. Naging mas mapanlaban ako at ayaw kong tumanggap dahil dito: Pinungusan ko sila para sa ikabubuti nila, pero sinabi nila na pinagsasalitaan ko sila at inilantad ako, na humantong sa pagkakatanggal sa akin. Malinaw na gumawa ako ng mga positibong bagay, pero hindi nila ito nakita. Talagang gumawa ako nang mabuti pero walang pagkilala! Sa hinaharap ay hindi ko na tutukuyin ang mga isyu nila, at makikita ko kung kakayanin nila nang wala ako. Noong panahong iyon, sa panlabas ay pinanatili ko ang mga tungkulin ko, pero sa loob ay lumaban ako at nahirapan ako. Nagkimkim ako ng galit sa mga katrabaho ko na naglantad sa akin. Noong kinausap nila ako, hindi ko sila pinansin, at sa mga pagtitipon ng magkakatrabaho, palagi akong mukhang matamlay at halos hindi nagsasalita. Napigilan ko sila, palaging tinitingnan ang mga ekspresyon ko, at hindi epektibo ang mga pagtitipon. Nang makita ko ang lahat ng ito, hindi lang sa wala ako ni anumang bakas ng pagsisisi, kundi nadama ko pa na ang pasakit na pinagdusahan ko ay dahil sa mga pag-uulat at paglalantad nila. Wala talaga silang alam. Inilabas ko pa nga sa harap ng mga kapatid ang pagkadismaya ko na nagsasabing, “Tinanggal na ako, pero hinihiling pa rin nila sa akin na dumalo sa mga pagpupulong ng magkakatrabaho. Hindi na ako lider, kaya bakit ako pupunta?” Naisip ko pa nga, “Tinanggal na ako, pero hinihiling pa rin nilang gawin ko ito at iyon. Nakadepende pa rin sa akin ang lahat ng bagay.” Makalipas ang isang buwan, napag-alaman ng pamunuan na hindi ko pa rin pinagnilayan ang sarili ko pagkatapos tanggalin at naglalabas pa sa mga kapatid ng pagkadismaya ko, kaya nakipagbahaginan sila sa akin at inilantad ako. Gayumpaman, hindi ko ito tinanggap at nagkimkim ako ng sama ng loob laban sa sister na nag-ulat ng sitwasyon, nag-iisip na, “Pinagkatiwalaan kita, pero ikaw pa talaga ang nag-ulat sa mga isyu ko nang hindi ko nalalaman. Kapag nakita uli kita, pupunahin talaga kita.” Sa isang pagtitipon, galit kong inakusahan ang sister, nagsasabing, “Hinding-hindi na kita muling pagsasabihan ng mga sikreto ko. Iniulat mo ako sa pagsasabi ko ng tungkol sa ilang katiwalian ko.” Nakaupo ang sister doon na walang magawa. Pagkatapos sinabi ko nang may damdamin ng paghihinaing, “Hinding-hindi na ako mamumunong muli. Tinanggal nila ako at ipinahiya ako rito. Para akong sinaksak ng mapurol na patalim!” Gulat na napatingin sa akin ang mga katrabaho ko nang marinig ito, at nagulo ko na naman ang pagtitipon. Kalaunan, pinaalalahanan ako ng sister na paglalabas ito ng pagkanegatibo. Pero hindi ko man lang ito napagtanto.

Noong panahong iyon, naging mapanlaban ako at ayaw kong tanggapin ang pagtatanggal, at nagkalat ako ng pagkadismaya, nagbulalas ng pagkanegatibo, at ginambala at ginulo ang buhay iglesia. Makalipas ang dalawang buwan, inilantad ng mga kapatid ang mahigit sa dalawampung pagkakataon na ginambala at ginulo ko ang gawain ng iglesia. Habang isa-isa kong pinakikinggan ang mga nasulat na akusasyon ng mga kapatid, lubos akong hindi mapakali, humihiling na maglaho na lang ako. Sinabi ng lider, “Sa pamamagitan ng mga ulat ng mga kapatid, nakikita naming palagi mong pinipigilan, pinagsasalitaan, at pinahihirapan pa nga ang iba sa iglesia. Ikaw lang mag-isa ang nagpasya sa lahat ng bagay, kumikilos nang pabasta-basta at padalos-dalos, at hinahayaan ang mga kapatid na mapigilan mo. Walang pakundangan kang kumilos sa iglesia. Pagkatapos matanggal, nanatili kang mapanghamon at dismayado, ginugulo ang buhay iglesia, nagkakalat ng mga kuru-kuro para ilihis ang iba, at nagdudulot sa mga kapatid na ipagtanggol ka. Batay sa mga kilos mo, pinatatalsik ka mula sa iglesia bilang isang anticristo.” Lubos akong nanlumo nang panahong iyon. Hindi ko kailanman naisip ang bagay na ito. Maraming taon akong nanampalataya sa Diyos, pero nauwi lang ako sa ganitong posisyon. Ang sakit-sakit ng puso ko, at parang bang pinagsakluban ako ng langit at lupa. Bukod sa pag-iyak, hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kung wala ang Diyos, ano ang landas na nasa unahan? Hindi ako nangahas na isipin ito. Nadama ko na nagtapos na ang buhay ko kasama ang Diyos. Sa mga sumunod na araw, noong nanalangin ako sa Diyos, nadama ko na ang layo-layo Niya. Hindi ko na naramdaman ang presensiya Niya. Nagbasa-basa ako ng mga salita ng Diyos nang walang direksiyon, nakadarama ng kadiliman at kahungkagan sa loob ko, at hindi nagdala ng liwanag ang pagkain at pag-inom ng mga salita Niya. Gusto kong humanap ng isang landas sa mga salita ng Diyos, pero nadama ko na iba ngayon kaysa sa dati. Hindi na ako miyembro ng pamilya ng Diyos, at hindi na Niya ako gugustuhin pa. Kaya lumipas ang bawat araw na laging may takot ang kalagayan ko. Pagkatapos, dinapuan ako ng sakit. Noong panahong iyon, kumakain lang ako ng malabnaw na sabaw sa bawat araw, madalas akong umiiyak sa paghihinagpis, namumuhay nang wala sa sarili, na parang gumagalaw na bangkay. Para bang hindi ko na kayang magpatuloy na mabuhay, kaya nanalangin ako kaagad sa Diyos. Isang umaga, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko: “Nauunawaan ng Diyos ang bawat tao tulad ng pagkaunawa ng isang ina sa kanyang anak. Nauunawaan niya ang mga paghihirap ng bawat tao, ang kanilang mga kahinaan, at kanilang mga pangangailangan. Higit pa roon, nauunawaan ng Diyos kung anu-ano ang mga paghihirap, kahinaan, at kabiguang kahaharapin ng mga tao sa proseso ng pagpasok sa pagbabagong disposisyonal. Ang mga ito ang mga bagay na nauunawaang mabuti ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao). Malinaw kong napagtanto na kaliwanagan ito ng Diyos. Nadama ko na hindi ako ganap na inabandona ng Diyos; kasama ko pa rin Siya, binabantayan ako. Umiyak at nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Hindi Mo pa pala ako sinukuan. Nasa tabi pa rin Kita, sinasamahan at inaakay ako …” Nadama ko na talagang nakakaginhawa ang mga salita ng Diyos, hinihila ako mula sa bingit ng kamatayan at binibigyan ako ng lakas ng loob na magpatuloy. Hindi na masyadong lugmok ang puso ko. Pagkatapos noon, nagsimula akong manalangin sa Diyos para baguhin ang kalagayan ko.

Isang araw, narinig ko ang himno ng iglesia na “Muli Akong Itinataas ng mga Salita ng Diyos”: “Hinatulan ako ng mga salita ng Diyos gaya ng isang talim sa aking puso, at nakita ko kung gaano kalalim akong ginawang tiwali. Wala akong katulad sa tao. Napakayabang ko na wala ako ni katiting na katwiran, o ano mang takot at pagsunod para sa Diyos. Hindi nagbago ang aking disposisyon, pag-aari pa rin ako ni Satanas. Talagang ako ang uri na lumalaban sa Diyos. Nagising lang ako matapos ang paulit-ulit na paghatol; doon lang nagkaroon ng pagsisisi at pagkasuklam sa sarili sa aking puso. Sa gitna ng sakit, inaliw at pinasigla ako ng mga salita ng Diyos, tinutulutan akong tumayong muli mula sa aking bagsak na kalagayan. Nais kong maging matapat at masunurin upang suklian ang pagmamahal ng Diyos, at isagawa ang katotohanan at gawin ang tungkulin ng tao. Salamat sa Diyos sa paghatol at paglilinis ng aking katiwalian. Naranasan ko kung gaano kalaki ang Kanyang pagmamahal—O Diyos! Nais kong hanapin nang mabuti ang katotohanan, isabuhay ang isang bagong larawan at magbigay-aliw sa Iyong puso” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Paulit-ulit kong pinakinggan ang himnong ito, patuloy na dumadaloy ang luha ko. Naaantig ng bawat linya ng liriko ang puso ko, ipinapahayag ang mismong nasa isip ko. Lubos akong nakonsensiya. Sa pagninilay-nilay ko sa ulat at pagkakatanggal na nakaharap ko, ang lahat ng ito ay mga kapaligirang inilatag ng Diyos. Ang layunin ay para imulat ako, para ibalik ako sa Diyos nang nagsisisi. Pagmamahal at pagliligtas ito ng Diyos. Pero palagi kong tinatanggihan ang lahat ng ito. Ni minsan ay hindi ko ito tinanggap mula sa Diyos at hindi ko natutuhan ang mga aral na sinusubukang ituro sa akin ng Diyos. Napalampas ko ang mga pagkakataon na ibinigay ng Diyos sa akin para paulit-ulit na magsisi. Ngayon ay wala nang mga pagkakataon pang magsisi. Napuno ako ng pagsisisi at pagkakautang, hindi mapigil ang mga luha ko. Kalaunan, napagtanto ko na dahil isa lang akong nilikha, at ibinigay ng Diyos ang hininga kong ito, kahit na ayaw na sa akin ng Diyos, hangga’t buhay ako, dapat ko pa ring suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ako puwedeng tumigil sa pananampalataya sa Diyos dahil lang pinatalsik ako. Bago kunin ang huling hininga ko, dapat akong magpatuloy na manampalataya sa Diyos at sundan Siya at pagnilayan at kilalanin ang sarili ko. Noong nalaman ko ang mga bagay na ito, nagsimula akong magnilay-nilay kung bakit, pagkatapos ng maraming taon na nananampalataya ako sa Diyos, nauwi ako sa pagkakapatalsik.

Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga ‘kayamanang’ nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga ‘hindi palulupig na mga bayani,’ na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang ‘sagrado at hindi malalabag’ na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging ‘mga hari’ sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos). Iminulat ng mga salita ng paghatol ng Diyos ang manhid kong puso; lalo ang mga salitang “hindi mananampalataya,” “anticristo,” at “demonyo,” ay tumagos sa puso ko at talagang pinalungkot ko. Patuloy kong pinagnilayan at tinanong ang sarili ko, “Pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, pagsasakripisyo sa pamilya at propesyon ko, pagtitiis ng mga pagdurusa, at masigasig na paggawa sa mga tungkulin ko, paano ako naging isang anticristo?” Sinimulan kong pagnilayan ang sarili ko. Akala ko ay namumuno ako sa loob ng maraming taon, nagsasagawa ng mas maraming gawain kaysa ilang katrabaho ko, lumulutas ng mas maraming problema, at labis na pinahahalagahan ng nakatataas na pamunuan. Itinuring ko na mga kredensiyal ko ang mga ito, naniniwalang mas mahusay ang kakayahan ko kaysa sa iba, nagtataglay ng mas mahusay na kapabilidad sa gawain, at isang taong may talento. Naging mayabang ako dahil dito. Lalo na nang ipinadala ako para suportahan ang mga iglesia na may mabababang resulta at madali akong nakakita ng mga pagbuti sa pamamagitan ng aktuwal na pagtutulungan. Inangkin ko ang tagumpay na ito, nadaramang may kakayahan akong gawin ang lahat ng bagay at itinuturing ang sarili ko na mas mataas kaysa sa iba. Naging mapangmata ako sa lahat. Noong dumating ang tagapangaral para tanungin ako sa gawain, nakita ko ang sarili ko bilang isang importanteng tao sa iglesia, ang may pinakaawtoridad para magsalita. Noong nakita ko na unang nagsalita si Siyu, inakala kong inaagawan niya ako ng eksena. Sa pagganap ko sa aking tungkulin, binalewala ko ang mga kalakasan ng mga katrabaho ko at madalas igiit ang mga kalipikasyon ko at sinermunan at pinuna sila. Sa harap ni Siyu, kumilos ako na parang amo, palagi ko siyang malupit na pinagsasalitaan kapag may ginawa siyang anuman na hindi ko ikinatutuwa, na naging dahilan para maramdaman niyang nalimitahan ko siya at kumilos nang kimi sa kanyang tungkulin, palaging binabantayan ang mga ekspresyon ko. Ako lang mag-isa ang gumawa ng lahat ng desisyon sa gawain ng iglesia, ganap na isinasantabi ang mga katrabaho ko. Noong nagpahayag ng mga pagdududa si Zheng Lu sa pagpili ko, nadama kong hindi niya iginagalang ang pamumuno ko, kaya hindi ko siya matiis at ibinukod ko siya nang hindi kumokonsulta sa sinuman, tinatapos ang mga tungkulin niya, para maitatag ang sarili kong katayuan. Sa pagbabalik-tanaw ko sa lahat ng pagkilos na ito, ginagawa ko ba talaga ang tungkulin ko? Dominante at hindi ako makatwiran sa iglesia, kaya lahat ng kapatid ay nakikinig sa akin at kumikilos ayon sa kalooban ko. Hindi ba’t ako lang ang nagmamay-ari ng kapangyarihan at ako ang nagpapasya ng lahat sa iglesia? Pero manhid at matigas ang loob ko. Nakagawa ako ng napakaraming masasamang gawa nang hindi man lang ito napagtatanto. Pagkatapos akong iulat ng mga kapatid at tinanggal ako sa tungkulin ko, hindi ko ito itinuring bilang pagmamahal at matuwid na disposisyon ng Diyos na dumating sa akin. Nabigo akong pagnilayan at kilalanin ang sarili ko. Sa halip, nanatili akong mapanghamon at dismayado, ginagamit ang mga dating sakripisyo at paggugol ko bilang kapital, naniniwalang kapuri-puri akong opisyal na hindi dapat tinanggal. Inisip ko pa nga na ang paglalantad sa akin ng mga katrabaho ko ay nangangahulugang nagiging malupit sila sa akin. Sa mga pagtitipon ng magkakatrabaho, umasal ako na parang mataray, nagdudulot ng gulo at kumikilos na parang naagrabyado, na seryosong gumugulo sa buhay iglesia. Dagdag pa roon, nagkunwari akong kilala ko ang sarili ko, inililihis ang mga kapatid para kumampi sa akin at ipagtanggol ako. Nagmonopolisa ako ng kapangyarihan sa iglesia, para makinig ang mga tao sa akin, at binatikos at ibinukod ko pa nga ang mga tumutol sa akin. Tumanggi akong magpasakop sa ulat at pagtatanggal, tumututol at nag-iingay laban sa kanila, nagkakalat pa nga ng mga kuru-kuro para ilihis ang mga kapatid. Ang mga kilos ko ay gaya lang ng inilantad ng mga salita ng Diyos: “Wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging ‘mga hari’ sila sa tahanan ng Diyos.” Ako mismo ang klase ng tao na hindi puwedeng inisin o salungatin—walang nangangahas na ilantad o akusahan ako. Umabot na sa pinakamalalang antas ang mapagmataas na kalikasan ko. Nagbunyag ako hindi lang ng isang ordinaryong tiwaling disposisyon kundi ng pagsabog ng isang satanikong kalikasan. Hindi pagmamalabis na iklasipika ako bilang isang anticristo. Ang paraan ng paghawak sa akin ng sambahayan ng Diyos ay ang katuwiran ng Diyos, at bukal sa loob ko itong tinanggap. Nakagawa ako ng napakatinding paglaban sa Diyos. Maging kamatayan ay hindi mababayaran ang masasamang gawa ko, at nararapat akong sumpain! Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, sobra-sobra ang nagawa kong kasamaan. Kung hindi dahil sa pagpapatalsik sa akin ng iglesia at pagkabunyag sa akin ng matuwid na disposisyon Mo, hindi ko alam kung gaano pa karaming kasamaan ang magagawa ko. O Diyos, handa akong magkumpisal at magsisi sa harap Mo. Kahit na hayaan Mo akong mamatay ngayon, handa akong taos-pusong magpasakop.”

Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong kalikasan na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para itaas mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para dakilain mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang abilidad kong mamonopolisa ang iglesia, mamahala, manaway at mapigilan ang mga katrabaho ko, at maibukod ang mga naiiba ang pananaw sa akin, ay nagmumula sa mayabang at palalong kalikasang pinamamahalaan ako. Dahil sa mayabang at palalo kong kalikasan kaya napakataas ng tingin ko sa sarili ko, naniniwalang tama ang lahat ng ginawa ko, at na dapat akong sundin ng mga kapatid. Sinumang hindi sumang-ayon sa akin ay ibinukod at pinahirapan. Ang mga lason ni Satanas, gaya ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” at “Hayaang mamayani ang mga sumusunod sa akin at mamatay ang mga tumututol sa akin,” ay ginawa akong mas lalong mayabang at palalo. Bilang resulta, ginawa ko sa iglesia ang anumang gusto ko, naging walang pakundangan, hindi makontrol na tao, at nawala ang lahat ng konsensiya at katwiran, na walang anumang pagkatao. Kung hindi ako nagbago, sa huli ay ititiwalag at parurusahan ako ng Diyos dahil sa paggawa ng napakaraming kasamaan at pagiging kaaway Niya. Naisip ko kung paano ako ibinangon ng Diyos at binigyan ng mga pagkakataon para sanaying maging isang lider. Ang layunin Niya ay para hangarin ko ang katotohanan sa pamamagitan ng gayong mga pagkakataon at para ibahagi rin ang katotohanan upang suportahan at tulungan ang mga kapatid. Gayumpaman, umasal ako na parang hari at nagmonopolisa ng kapangyarihan sa iglesia, pinagsasalitaan at inaalipusta ang sinumang kapatid na nagbunyag ng katiwalian, tinatrato sila na gaya ng mga alipin para pagalitan at abusuhin. Tuwing may kumukuwestiyon sa mga desisyon ko, sinusupil at pinahihirapan ko sila. Napakamapaghangad ko ng masama! Gaano mang pasakit ang idinulot ko sa mga kapatid ko, gaano mang kaguluhan ang dinala ko sa buhay iglesia, nanatili akong manhid at walang pakiramdam. Kahit na pagkatapos akong tanggalin ng iglesia dahil sa mga kilos ko, hindi pa rin ako nagsisi, iniisip na may talento ako at hindi mapapalitan sa iglesia, at nagpatuloy akong manggulo, manggambala, at magkalat ng pagkadismaya sa loob ng iglesia, hinihikayat ang mga kapatid sa panig ko para ipagtanggol ako. Ang kalikasan ng mga kilos na ito ay pagtutol laban sa pagtrato sa akin ng iglesia. Paglaban at pagkapoot ito sa Diyos. Ang mapatalsik mula sa iglesia ay ganap na nagbunyag sa katuwiran ng Diyos, at kasalanan ko talaga ito. Nang alalahanin ko ang bawat eksena ng nakaraan, malalim akong nakondena. Masyado kong kinamuhian ang sarili ko na ilang beses kong pinagsasampal ang sarili ko, pero hindi na maaayos ang mga pagsalangsang ko. Sa pag-iisip ko sa mga kapatid na nasaktan ko, pumunta muna ako sa bahay ng isang sister na makakausap ko. Umiyak ako at nagsabi sa kanya, “Nakikita ko ngayon na wala akong wangis ng tao. Noong nagtulungan tayo, nakahanap ako ng lahat ng dahilan para hamakin ka, at nagsabi ako ng masasakit na bagay para sawayin at pigilan ka. Ni hindi ako tao; napakayabang ko. Patawarin mo ako!” Nakipagbahaginan sa akin ang sister at pinagaan din ang loob ko, hinihimok akong matutuhan ang aral ko mula sa pangyayaring ito. Noong sa wakas ay nagpasakop ako sa pagpapatalsik na ito, mas lalo akong napanatag. Nagsimulang mabawasan ang sobra-sobrang pakiramdam ng pagkatakot at pagiging walang magawa. Sa pagninilay-nilay ko sa lahat ng nagawa ko, para itong mga tinik na tumutusok sa puso ko, kaya hindi ko makayanang magbalik-tanaw. Kahit na sa huli ay wala akong magandang kalabasan, handa akong magpasakop at magsisi. Para mapunan ang pagkakautang ko, sinuportahan ko ang mahihina at mga negatibong kapatid sa abot ng makakaya ko. Nag-host din ako ng mga kapatid sa bahay ko para sa mga pagtitipon, at naggugol ng oras para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at sumulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Hindi ko namamalayan, nagsimula ko nang maramdamang muli ang presensiya ng Diyos, at naranasan ang gabay at pamumuno ng mga salita ng Diyos, at mas may kasiyahan ang puso ko.

Makalipas ang dalawang taon, dumating ang araw na narinig ko sa isang sister na nagsasabi na gusto akong tanggapin muli ng iglesia. Masaya ako sa loob ko, pero hindi ko pa rin talaga ito mapaniwalaan. Naisip ko, “Kung babalik man ako sa iglesia, hindi na ako makikilahok sa paggawa ng kasamaan gaya noong dati.” Hindi ko inaasahan, makalipas ang dalawang araw, nakipagpulong ang lider sa akin at nagsabi, “Napag-alaman namin ang nagsisisi mong ugali matapos kang patalsikin, kabilang na ang pagpapatuloy sa bahay at pagsuporta sa mga kapatid, at paglalantad sa iyong sariling kasamaan. Sinuri ng iglesia ang sitwasyon batay sa mga prinsipyo at nagpasyang ibalik ka sa buhay iglesia mo. Gusto mo bang bumalik?” Sabik na sabik ako na patuloy akong nagsasabing, “Gusto ko! Gusto ko!” Habang naglalakad ako pauwi ng bahay, puno ng galak ang puso ko, at gusto kong sumigaw, “O Diyos! O Diyos! Nakabalik na naman ako sa sambahayan Mo.” Noong sandaling iyon, nadama ko na kamangha-mangha ang lahat ng bagay, at humupa ang pait ng nakaraan. Noong nakauwi ako, sabik na sabik ako na hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa Diyos. Nanalangin lang ako na may mga luha sa mga mata, “O Diyos, muli na naman akong mamumuhay ng isang buhay iglesia kasama ng mga kapatid. O Diyos, pinasasalamatan Kita! O Diyos, pinasasalamatan Kita!” Pagkatapos noon, ginawa ko uli ang mga tungkulin ko. Pinahalagahan ko ang pagkakataong ito na gawin ang mga tungkulin ko, at ayaw kong gumawa ng masama at lumaban sa Diyos gaya ng dati. Lubos kong naranasan na malinaw at tunay ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Galit man o maawain at mapagtimpi ang Diyos sa mga tao, pagpapamalas ito ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nakita ko kung paanong ang mga kilos ng Diyos sa tao ay pawang mula sa pagmamahal at para sa kaligtasan.

Noong Nobyembre 2020, noong halalan sa iglesia, nahirang ako bilang diyakono ng ebanghelyo. Sa pagbabalik-tanaw ko kung paano ako nakagawa ng kasamaan dati at ginulo at ginambala ang gawain ng iglesia, napagtanto ko na sa pagkakataong ito, binigyan ako ng iglesia ng isang oportunidad na magsisi, kaya dapat ko itong gawin nang tama. Hindi na ako puwedeng umasa sa mayabang kong disposisyon para gawin ang mga tungkulin ko. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang lider o isang manggagawa, kung palagi mong iniisip ang iyong sarili nang higit kaysa sa iba, at nagpapakasaya sa iyong tungkulin na parang ito ay isang posisyon sa gobyerno, palaging nagpapakasasa sa mga benepisyo ng iyong katayuan, palaging gumagawa ng mga sarili mong plano, palaging iniisip at tinatamasa ang sarili mong kasikatan, pakinabang at katayuan, palaging nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, at palaging naghahangad na magtamo ng mas mataas na katayuan, na mapamahalaan at makontrol ang mas maraming tao, at mapalawak ang saklaw ng iyong kapangyarihan, problema ito. Lubhang mapanganib na tratuhin ang isang mahalagang tungkulin bilang isang pagkakataon para tamasahin ang iyong posisyon na para bang isa kang opisyal ng gobyerno. Kung palagi kang kikilos nang ganito, ayaw makipagtulungan sa iba, ayaw bawasan ang iyong kapangyarihan at ibahagi ito sa iba, ayaw na masapawan ka ng iba, na maagaw ang katanyagan, kung gusto mo lang tamasahing mag-isa ang kapangyarihan, isa kang anticristo. Subalit kung madalas mong hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang paghihimagsik laban sa iyong laman, sa mga sarili mong motibasyon at ideya, at nagagawa mong kusang makipagtulungan sa iba, buksan ang puso mo para sumangguni at maghanap kasama ng iba, makinig nang mabuti sa mga ideya at mungkahi ng iba, at tumanggap ng payo na tama at naaayon sa katotohanan, kanino man iyon manggaling, nagsasagawa ka sa isang matalino at tamang paraan, at nagagawa mong iwasang tumahak sa maling landas, na proteksyon para sa iyo. Dapat mong talikuran ang mga titulo ng pagiging lider, talikuran ang maruming hangin ng katayuan, tratuhin ang sarili mo bilang isang ordinaryong tao, tumayong kapantay ng iba, at maging responsable sa iyong tungkulin. Kung palagi mong tatratuhin ang iyong tungkulin bilang isang opisyal na titulo at katayuan, o bilang isang uri ng karangalan, at iisiping naroon ang iba para gumawa at magserbisyo para sa iyong posisyon, problema ito, at kamumuhian at kasusuklaman ka ng Diyos. Kung naniniwala ka na kapantay ka ng iba, mayroon ka lamang kaunting atas at responsabilidad mula sa Diyos, kung matututo kang ipantay ang sarili mo sa kanila, at makakapagpakumbaba pa nga para tanungin kung ano ang iniisip ng ibang mga tao, at kung kaya mong pakinggan nang taimtim, masinsinan, at mabuti ang sinasabi nila, makikipagtulungan ka nang maayos sa iba(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas sa pagsasagawa. Ang hinihingi sa atin ng Diyos ay ang bitiwan natin ang pagyayabang sa ating pamumuno at makipagtulungan sa iba nang matiwasay, hindi iginigiit ang sarili nating mga pamamaraan, mas nakikinig sa payo ng iba, at natututo sa mga kalakasan nila. Sa paggawa lang nito saka natin magagawa ang mga tungkulin natin sa paraan na pasok sa pamantayan. Noon, iniisip ko na mahabang panahon na akong naging lider at may karanasan ako sa gawain, at na ito ay isang uri ng kapital. Palagi akong naniniwala na mas magaling ako kaysa sa iba, hindi ko magawang makita ang mga kalakasan ng mga kapatid ko, at pawang pinsala lang ang idinulot ko sa kanila. Pawang kaguluhan ang naiambag ko sa gawain ng iglesia. Napagtanto ko ngayon na matatag at may pasanin si Siyu sa paggawa ng tungkulin niya. Kung may mapansin siyang kumikilos nang laban sa mga prinsipyo, mag-aalok siya ng gabay at tulong. Gayumpaman, hindi ko pinahalagahan ang mga kalakasan niya at madalas ko siyang hamakin. Madalas, hindi ko sinusunod ang payo niya at napipigilan ko pa nga siya. Sa pagninilay-nilay ko nito, nahiya ako at nakonsensiya kay Siyu. May mga kalakasan ang bawat isa. Pinamatnugutan at isinaayos ng Diyos na magtulungan tayo xpara masuportahan natin ang isa’t isa, matuto sa isa’t isa, at mabantayan ang isa’t isa para mapigilang maligaw ang mga sarili natin. Kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia ang ganitong uri ng pagsasagawa. Ngayon, kailangan kong magbago. Sa paggawa ng mga tungkulin ko, kailangan kong maghanap ng katotohanan, mas makinig sa payo ng iba, at huwag umasa sa sarili kong karanasan at mga kalipikasyon. Kailangan kong sundin ang landas na ipinakita ng mga salita ng Diyos.

Sa isang pagtitipon, tinatalakay namin ang mga paghihirap at isyu tungkol sa isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Magkaiba kami ng pananaw ng isang sister, at noong ibinahagi ko ang pananaw ko, tinanggihan niya ito. Medyo napahiya ako, iniisip ko, “Kamakailan lang ay may kaunti akong resulta sa pangangaral ng ebanghelyo sa pagsunod sa sarili kong pamamaraan. Mas bata ka at hindi pa nakapamahala sa gawain ng ebanghelyo—hindi mo ba naiisip na mas nakakaunawa ako? Paano ko hindi malalaman kung paano tutugunan ang mga isyung ito?” Napagtanto ko na nagbunyag ako ng kayabangan at gusto ko na namang igiit ang sarili kong mga opinyon. Nang sandaling iyon, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung naniniwala ka na kapantay ka ng iba, mayroon ka lamang kaunting atas at responsabilidad mula sa Diyos, kung matututo kang ipantay ang sarili mo sa kanila, at makakapagpakumbaba pa nga para tanungin kung ano ang iniisip ng ibang mga tao, at kung kaya mong pakinggan nang taimtim, masinsinan, at mabuti ang sinasabi nila, makikipagtulungan ka nang maayos sa iba(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Naunawaan ko na ang layunin ng Diyos ay para bitiwan ko ang mataas kong postura, natututong makipagtulungan nang matiwasay sa iba, at makinig sa payo nila. Sa maingat kong pagsasaalang-alang, nalaman ko na angkop at may merito ang mungkahi ng sister. Nang sandaling iyon, napagtanto ko na noon, naging napakamapagmagaling ako, iniisip na mas mataas ako at hindi nakikinig sa payo ng iba. Napakayabang ko. Nakita ko rin kung paanong nagkakaiba ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa bawat tao. Sinumang magbigay ng mga mungkahi nila, dapat nating subukang makinig at maghanap pa, natututo mula sa mga kalakasan ng isa’t isa at pinupunan ang mga pagkukulang ng isa’t isa para magawa nang maayos ang gawain. Ngayon na angkop ang mungkahi ng sister, dapat ko itong tanggapin. Kaya sinabi ko, “Gawin natin ang plano mo.” Noong isinantabi ko ang sarili kong mga opinyon at nakinig sa payo ng sister alang-alang sa gawain ng iglesia, labis akong napanatag. Kalaunan, kapag nahaharap sa mga isyu sa paggawa ng mga tungkulin, ibinabahagi ng lahat ang mga pananaw nila. Tinanggap ko ang anumang angkop na mga mungkahi mula sa mga kapatid ko na makalulutas sa problema. Minsan, kapag tinutukoy ng mga kapatid ko ang mga isyu ko, bagama’t naaasiwa ako, kaya ko itong tanggapin at pagnilayan ang sarili ko. Pagkatapos magsagawa sa ganitong paraan nang matagal-tagal, umusad ako at kaya ko nang makipag-ugnayan nang normal sa mga kapatid ko.

Bagama’t hirap na hirap ako pagkatapos mapatalsik, nakatulong ito na magkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa malalim na nakaugat na mayabang kong kalikasan. Kung walang pagdaranas ng gayong mga pangyayari, magiging mahirap para sa kagaya ko na napakayabang ang magbago. Sa huli, kung walang pagbabago, mabubunyag at matitiwalag ako. Ang pagtatanggal at pagpapatalsik na ito ay dakilang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos para sa akin. Mula sa kaibuturan ng puso ko, naghahandog ako ng tunay na papuri sa Diyos!

Sinundan:  8. Pagkatapos Mawasak ang mga Pag-asa Kong Aalagaan Ako ng Anak Ko sa Aking Pagtanda

Sumunod:  10. Ang Mahirap na Landas ng Pananalig ng Isang Estudyante sa Kolehiyo

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger