100. Pagpipino sa Pamamagitan ng Karamdaman: Isang Pangangailangan Para sa Aking Buhay

Ni Wang Quan, Tsina

Noong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko na ito ang huling yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos para sa sangkatauhan, at sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, paghahangad sa katotohanan, at paghahanda ng sapat na mabubuting gawa magkakaroon ng pagkakataon ang isang tao na makaligtas sa malalaking kalamidad. Pakiramdam ko ay tunay akong pinagpala, at kailangan kong sunggaban ang minsan-lang-sa-buhay na pagkakataong ito para maayos na magawa ang aking tungkulin at gugulin ang sarili ko para sa Diyos. Kaya umalis ako ng bahay at aktibong nangaral ng ebanghelyo, at puspusan akong nagtrabaho sa iglesia mula umaga hanggang gabi. Kahit noong siniraan ako ng mundo at itinakwil ng aking pamilya, hindi ko itinuring na pagdurusa ang mga bagay na ito. Kalaunan, nang arestuhin ako ng mga pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo, hindi ko ipinagkanulo ang Diyos, at pagkatapos kong mapalaya, ipinagpatuloy ko ang aking tungkulin gaya ng dati. Pakiramdam ko ay marami na akong naihandang mabubuting gawa sa paglipas ng mga taon, at na sa hinaharap, kahit hindi maligtas ang iba, ako ay maliligtas pa rin.

Bago ko namalayan, dumating na ang katapusan ng 2015. Nagsimulang sumakit nang husto ang ibabang bahagi ng likod ko, halos hindi ako makabangon sa umaga nang walang suporta, at wala man lang akong lakas para maglakad. Noong una, hindi ko ito gaanong pinansin, pero sa katagalan, lalo pang lumala ang sakit sa ibabang bahagi ng likod ko, at nagsimula na akong magpaika-ika. Isang umaga, sobrang tindi ng sakit sa ibabang bahagi ng likod ko na hindi na talaga ako makabangon. Naisip ko, “Lagot na. Ni hindi ako makabangon, paano ko pa magagawa ang mga tungkulin ko? Kung hindi ko magagawa ang mga tungkulin ko at makapaghanda ng mabubuting gawa, maliligtas pa kaya ako ng Diyos?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Baka sinusubok ako ng Diyos, at basta’t hindi ako nagrereklamo tungkol sa Diyos at nagpapatuloy sa aking mga tungkulin, marahil ay bibiyayaan at pagpapalain ako ng Diyos, at gagaling ang sakit ko.” Pero hindi nangyari ang inaasahan ko. Araw-araw ay lalong lumalala ang sakit ko, hindi ako makapihit sa pagtulog sa gabi, at minsan sobrang sakit ng ibabang bahagi ng likod ko na hindi na talaga ako makagalaw. Kahit ang gamot ay hindi tumatalab. Kalaunan, pumunta ako sa ospital para magpa-X-ray, at sa gulat ko, na-diagnose akong may ankylosing spondylitis. Sabi ng doktor, “Tinatawag nila ang kondisyong ito na ‘Ang kanser na hindi namamatay.’ Isa itong talamak at panghabambuhay na sakit, at kung lumala ito, maaari itong mauwi sa permanenteng paralisis.” Nang marinig kong sinabi ito ng doktor, bigla akong nanlambot, at naisip ko, “Paano ako nagkaroon ng ganito kalubhang sakit? Mula nang matagpuan ko ang Diyos, masigasig akong nagsakripisyo at gumugol ng sarili, kaya bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos? Kung maparalisa ako at hindi ko na magawa ang mga tungkulin ko, hindi ba’t magiging inutil na lang ako?” Nagwawala sa paghihirap ang puso ko, at hindi ko talaga maintindihan kung bakit dumating sa akin ang ganito kalubhang sakit. Para akong lobong nawalan ng hangin, at talagang nasiraan ako ng loob. Pagkatapos, umuwi ako para magpagaling.

Pagkauwi ko, bumagsak ang kalagayan ko, at nawala na ang pananalig na dati kong taglay. Pakiramdam ko ay wala nang pag-asa sa buhay. Naisip ko, “Ang ibang mga kapatid ay malulusog at aktibong ginagawa ang kanilang mga tungkulin, samantalang paika-ika na ako kung maglakad, at hindi ko na magawa ang mga tungkulin ko. Baka isang araw ay lalala pa ang sakit ko at mamamatay ako, at wala na akong magiging bahagi sa pagliligtas ng Diyos.” Habang lalo akong nag-iisip nang ganito, lalo kong nararamdaman na inabandona na ako ng Diyos, ayaw ko nang hangarin ang katotohanan at hindi ako makatutok sa mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ang mga ito. Araw-araw akong namuhay sa kalituhan, at nagsimula akong magpakalugmok sa aking laman. Naisip ko, “Kung mabubuhay pa ako, pabibilhin ko ang anak ko ng apartment para doon ako titira at aasikasuhin ang sakit ko. Susubukan ko na lang mabuhay hangga’t kaya ko.” Nakita ko ang mga kamag-anak at kaibigang walang pananampalataya na malulusog at may mga kotse at bahay, samantalang ako’y nanampalataya sa Diyos at nagsakripisyo at gumugol ng sarili sa loob ng maraming taon, para lang magkasakit, kaya nagsimula akong pagsisihan ang lahat ng mga sakripisyo at pagsisikap na ginawa ko. Nakita ng asawa ko na mali ang kalagayan ko at nakipagbahaginan siya sa akin, “Nasa likod ng biglaang sakit na ito ang layunin ng Diyos. Sobra na tayong ginawang tiwali ni Satanas, at malalim nang nakaugat sa atin ang ating mga tiwaling disposisyon. Para lubusang malutas at mabago ang mga bagay na ito, hindi sapat na basahin lang ang mga salita ng Diyos. Dapat din tayong sumailalim sa iba’t ibang pagsubok at pagpipino. Kailangan nating maghanap pa para maunawaan kung aling aspekto ng ating mga tiwaling disposisyon ang nilalayon ng Diyos na lutasin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ganito kalubhang sakit. Dapat kang magsisi agad at magbago! Hindi ka puwedeng magreklamo laban sa Diyos!” Pagkarinig sa mga salita ng aking asawa, medyo napayapa ang puso ko, at nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, sobrang sakit po ng nararamdaman ko ngayon. Hindi ko po nauunawaan ang Iyong layunin, pakiusap, bigyang-liwanag Mo po ako.”

Pagkatapos manalangin, naghanap ako ng mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang pagsubok at pagpipino sa mga tao. Isang sipi ng mga salita ng Diyos ang talagang nagpalakas ng loob ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa pinansiyal, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil (2)). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, para bang harapan akong kinukuwestiyon ng Diyos. Sobrang napahiya ako. Dati, kapag pinagpapala ako ng Diyos at naging maayos ang lahat nang walang anumang sakuna o kasawian, handa akong gawin ang aking mga tungkulin para palugurin ang Diyos. Handa akong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at hangarin ang katotohanan para magsumikap umangat. Kahit noong dinakip ako ng CCP, hindi ako umatras o naging negatibo, at ipinagpatuloy kong gawin ang aking mga tungkulin pagkatapos kong mapalaya. Pakiramdam ko ay walang katapusan ang lakas ko. Pero ngayon, sa harap ng sakit na ito at ng posibilidad na maparalisa, at nang makitang nawasak na ang mga pag-asa kong mapagpala, nawalan ako ng pananalig sa Diyos, at lahat ng aking mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos ay biglang nagsilabasan. Naisip ko na dahil marami na akong naisakripisyo at nagugol ko na ang aking sarili, hindi dapat hayaan ng Diyos na makaranas ako ng sakit o kasawian, at dapat akong pagpalain ng Diyos at bigyan ng mabuting kalusugan. Kapag hindi natutupad ang aking mga pagnanais, natatagpuan ko ang sarili kong nagpapakalugmok sa isang kalagayan ng tahimik na pagkontra sa Diyos. Ayaw ko nang basahin ang mga salita ng Diyos, ni wala na akong ganang magnilay para matuto ng mga aral. Sa halip, naging negatibo ako at nagreklamo, at sumuko na sa lubos na kawalan ng pag-asa. Sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga katunayan, sa wakas ay nakita kong huwad pala ang dati kong pagmamahal at katapatan. Pinahintulutan ng Diyos na dumating ang sakit na ito hindi para itiwalag ako, kundi para gamitin ang sitwasyong ito para linisin ang aking katiwalian, at hindi ko dapat maling maunawaan ang Diyos. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, naramdaman kong malaki ang pagkakautang ko sa Diyos. Hindi na ako puwede pang manatiling negatibo, at gumaling man o hindi ang sakit ko, dapat muna akong magpasakop at matuto ng mga aral mula sa aking pagdurusa.

Isang araw, nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). “Ang relasyon ng tao sa Diyos ay isa lamang hayagang pansariling interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang pamilya sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pagkakaunawaan, tanging walang magawang pinipigilang indignasyon at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong kalakaran? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinumang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang gayong relasyon sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Direktang tinugunan ng paglalantad ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Nanampalataya ako sa Diyos at ginawa ang aking mga tungkulin para lamang makatanggap ng biyaya ng Diyos, maiwasan ang malalaking kalamidad, at matamasa ang mga pagpapala ng langit. Sa pagbabalik-tanaw noong una kong tinanggap ang yugtong ito ng gawain, inakala kong hangga’t magagawa ko ang aking mga tungkulin, makapagsakripisyo at magugol ang sarili para sa Diyos, makapagdusa, at makapagbayad ng halaga, makakamit ko ang isang magandang hantungan. Kalaunan, para matanggap ang mga pagpapala ng Diyos, nagsakripisyo ako, gumugol ng sarili, at ginawa ang aking mga tungkulin, at gaano man ako siniraan ng mundo o itinakwil ng aking pamilya, walang nakapigil sa akin. Kahit noong naaresto ako ng mga pulis, hindi ko isinuko ang aking mga tungkulin. Inakala kong sa pagbabayad ng gayong halaga, tiyak na matatanggap ko ang mga pagpapala ng Diyos, at makaliligtas sa malalaking kalamidad. Ngunit nang dumating ang sakit, at nanganganib akong maparalisa at hindi ko na magagawa ang aking mga tungkulin, pakiramdam ko ay nawalan na ako ng lahat ng pag-asang maligtas. Patuloy akong nagrereklamo at nakikipagtalo sa Diyos sa puso ko, nararamdamang dahil napakarami ko nang naibigay para sa Diyos, dapat akong protektahan ng Diyos, at hindi Niya dapat hayaang danasin ko ang pagpapahirap ng sakit. Nang mawasak ang aking pagnanais para sa mga pagpapala, nagsimula akong makaramdam ng paglaban sa sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa akin, naging negatibo at kontra dito, hanggang sa punto na pinagsisihan ko ang aking mga dating sakripisyo. Noon ko lang nalinawan na tinitingnan ko ang pananalig ko sa Diyos nang may transaksyonal na pananaw, gusto kong samantalahin ang aking mga itinuturing na sakripisyo at pagsisikap para subukang makipagtawaran sa Diyos kapalit ng Kanyang mga pagpapala. Para lang akong isang upahang trabahador, iniisip na pagkatapos magtrabaho nang husto, dapat akong makatanggap ng kaukulang gantimpala mula sa Diyos. Wala talaga akong katapatan sa Diyos. Sinusubukan ko lang Siyang linlangin at gamitin. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung may kaakibat na mga layunin at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga layunin at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananalig(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal. Tapat ang Diyos sa mga tao at wala Siyang hinihinging kapalit. Umaasa rin ang Diyos na ang mga tao ay magiging buo ang puso sa kanilang debosyon sa Kanya, at ayaw ng Diyos na manampalataya sa Kanya ang mga tao nang may kasinungalingan o karumihan. Ngunit sa pagbabayad ng halaga at paggugol ng sarili, sinusubukan ko palang makipagtawaran sa Diyos kapalit ng biyaya at mga pagpapala. Gusto ko palang gamitin ang Diyos para makamit ang sarili kong mga layunin, at kapag hindi ako nakakatanggap ng mga pagpapala, nagrereklamo ako laban sa Diyos. Paanong ang isang makasariling taong tulad ko ay hindi kasusuklaman at kamumuhian ng Diyos? Kung hindi dahil sa paglalantad ng Diyos, hindi ko sana nalaman ang kasuklam-suklam kong mga layunin sa likod ng aking pananampalataya sa Diyos, nagpatuloy sana ako sa maling landas, at sa huli, ititiwalag sana ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, naramdaman kong malaki ang pagkakautang ko sa Diyos, at nanalangin ako sa Kanya, “O Diyos, nanalig ako sa Iyo sa loob ng maraming taon, pero hindi ako naging tapat. Sinusubukan ko lang makipagtawaran sa Iyo at Ikaw ay linlangin. Ang ganitong pananalig ko ay kasuklam-suklam at karima-rimarim sa Iyo. O Diyos, handa akong magsisi sa Iyo. Pakiusap, bigyang-liwanag at tanglawan Mo ako, at gabayan akong makaalis sa maling kalagayan ko.”

Pagkatapos, nag-isip ako nang mabuti: Inakala kong sa pananampalataya sa Diyos, at sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at paggugol ng sarili para sa Kanya, dapat kong makamit ang Kanyang proteksyon at mga pagpapala, at hindi dapat makaharap ng sakit o kasawian. Paano nga ba naging mali ang pananaw na ito? Naisip ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pinagdusahan ni Job ang pamiminsala ni Satanas, ngunit hindi pa rin niya itinakwil ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Ang kanyang asawa ang unang nagpakita at umatake kay Job sa pamamagitan ng pagganap sa katauhan ni Satanas sa paraang makikita ng tao. Inilalarawan ito sa orihinal na teksto nang ganito: ‘Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, “Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka”’ (Job 2:9).” “Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, hindi lamang hindi isinuko ni Job ang kanyang integridad o kaya ay tumalikod sa Diyos, kundi sinabi rin niya sa kanyang asawa: ‘Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng kahirapan?’ May bigat ba ang mga salitang ito? Dito, mayroon lamang isang katotohanan na kayang magpatunay sa bigat ng mga salitang ito. Ang bigat ng mga salitang ito ay na pinagtibay ng Diyos ang mga ito sa Kanyang puso, ang mga ito ang ninais ng Diyos, ang mga ito ang ninais na marinig ng Diyos, at ang mga ito ang kalalabasang hinangad na makita ng Diyos; ang mga salitang ito rin ang pinakamahalagang bahagi ng patotoo ni Job(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Matapos mawala kay Job ang kanyang mga anak at ari-arian, at magkaroon ng mga sugat sa buong katawan niya, hindi na nga siya nagreklamo laban sa Diyos, sinabi pa niya sa kanyang asawa na dapat nilang tanggapin ang parehong mga pagpapala at kasawian mula sa Diyos. Alam ni Job na ang kanyang mga anak at ari-arian ay ibinigay ng Diyos, at tama lang na bawiin ng Diyos ang mga ito. Paano man siya itrato ng Diyos, wala siyang mga reklamo at hindi siya humingi o nakipagtawaran sa Diyos. Mula sa karanasan ni Job, naunawaan ko na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang tungkol sa pagtatamasa ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, kundi tungkol din sa pagtanggap sa mga pagsubok at paghihirap na nagmumula sa Diyos. Kung tatanggap man tayo ng mga pagpapala o kasawian ay nasa mga kamay lahat ng Diyos, at dapat tayong tumanggap at magpasakop nang walang hinihingi sa Diyos. Naunawaan ko rin na kaya kong magreklamo noong nagkasakit ako, dahil hindi ko nauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang itiniwalag ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung hinayaan Niyang manatili si Satanas? Hindi ka mangangahas na sabihin ito, oo? Ang pinakadiwa ng Diyos ay pagiging matuwid. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? ‘Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?’(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong baluktot pala ang aking pananaw. Sa puso ko, akala ko ang katuwiran ay nangangahulugan ng pagiging patas at makatwiran, na ito ay pagkakapantay-pantay, at na kung gaano karaming gawain ang ginawa ko ay dapat matumbasan ng kabayaran na matatanggap ko. Sa mga taon ko ng pananalig, marami akong isinuko, at tinalikuran ko ang aking pamilya at karera, kaya pakiramdam ko ay dapat akong pagpalain ng Diyos, at ilayo ako sa sakit at sakuna, na dapat maging maayos ang lahat, at sa huli, dapat akong makapasok sa kaharian. Pakiramdam ko, ito ay patas at makatwiran, at ganito magiging matuwid ang Diyos. Nang makita kong namumuhay nang payapa at walang problema ang ibang mga kapatid, habang ako naman ay nagdurusa sa ganito kalubhang sakit, nagreklamo akong hindi matuwid ang Diyos. Ginagamit ko pala ang mga tiwaling pananaw at lohika ng tao tungkol sa kalakalan at transaksyon para sukatin ang katuwiran ng Diyos. Baluktot ang pananaw na ito at hindi nakaayon sa katotohanan. Ang Diyos ang Lumikha, at lahat ng mayroon ako ay nagmula sa Kanya, kaya hindi ako dapat maghain ng mga hindi makatwirang kahilingang ito sa Diyos. Masyado akong walang katwiran! Paano man itrato ng Diyos ang mga tao, magpadala man Siya ng mga pagpapala o kasawian sa kanila, lahat ito ay naglalaman ng Kanyang mabuting mga layunin. Dapat tumanggap at magpasakop ang mga tao at hindi dapat maghain ng mga kahilingan sa Diyos. Ito ang konsensiya at katwirang dapat taglayin ng mga tao. Matapos kong mapagtanto ito, mas sumigla ang puso ko. Pagkatapos niyon, sinimulan kong ayusin ang aking kalagayan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos bawat araw. Sa katagalan, malaki ang naging pagbuti ng sakit ko, at muling isinaayos ng iglesia na gawin ko ang aking tungkulin. Masaya ako at laging nagpapasalamat sa Diyos. Handa akong pahalagahan ang aking tungkulin, at hindi na gugulin ang sarili at gawin ang aking tungkulin para sa kapakanan ng mga pagpapala gaya ng ginagawa ko dati. Hangad ko lang na tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha para palugurin ang Diyos.

Makalipas ang anim na buwan, muling sumumpong ang sakit ko, at mas malala ang sakit sa ibabang bahagi ng likod ko kaysa dati. Kinailangan kong umasa sa tungkod para pumunta sa banyo, at bawat hakbang ay talagang pahirapan. Walang epekto ang gamutan. Napabuntong-hininga ang doktor ko sa kawalan ng pag-asa at sinabing mahirap gamutin ang sakit ko. Pagkarinig sa sinabing ito ng doktor, nakaramdam ako ng matinding sakit sa aking puso. Naisip ko, “Talaga bang hindi na magagamot ang sakit ko? Mapaparalisa na lang ba ako? Kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay, hindi ba’t magiging inutil na lang ako?” Pagkatapos ay naisip ko, “Hindi ko naman naantala ang mga tungkulin ko dahil sa sakit ko, at ibinigay ko ang lahat ng aking makakaya. Dapat sana ay bumuti na ang kalagayan ko, kaya bakit lumala pa ito? Ititiwalag na ba ako ng Diyos?” Habang lalo akong nag-iisip, lalo akong nagiging negatibo, at sa loob-loob ko, nagsimula akong hilingin sa Diyos na alisin ang aking sakit. Noong panahong iyon, ang buong pokus ko ay nasa pag-asa kong gagaling ang aking sakit, at araw-araw ay nagbabago ang aking kalooban kasabay ng pag-usad ng aking sakit. Kapag bumubuti nang bahagya ang kalagayan ko, sumasaya ako, ngunit kapag nakikita kong lumalala ang kondisyon ko, bumibigat ang loob ko. Isang araw, bigla kong naisip ang isang linya mula sa mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Nilinaw sa akin ng mga salita ng Diyos ang mga bagay-bagay. Lahat ng bagay sa sansinukob ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos, kasama na ang kalagayan ng aking sakit. Hindi ko dapat hinihiling sa Diyos na alisin ang aking sakit. Hindi ito makatwiran. Dapat akong magpasakop.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang praktikal na pagsubok sa tao, at isang uri ng praktikal na pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, biglang sumigla ang puso ko. Lumalabas na ang sakit ay hindi dahil gusto akong itiwalag ng Diyos, kundi dahil napakalaki ng aking pagnanais para sa mga pagpapala, at kailangang malutas ito sa pamamagitan ng ganitong uri ng sitwasyon. Ito ang pagmamahal ng Diyos sa akin. Bagama’t may kaunti na akong pagkaunawa sa aking mga layunin at pananaw tungkol sa pagkakamit ng mga pagpapala, hindi pa lubusang nalulutas ang mga ito, at nang bumalik ang sakit ko, nagsimula na naman akong magreklamo at magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Nakita kong malalim na nakaugat ang aking mga layuning magkamit ng mga pagpapala, at kailangan kong sumailalim sa higit pang pasakit at mga pagsubok para malinisan. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, kaya paanong pahihintulutan ng Diyos ang isang marumi at tiwaling tao na nagrereklamo pa nga at lumalaban sa Kanya na makapasok sa Kanyang kaharian? Ginugol ko ang aking mga taon ng pananalig na walang ibang hinahangad kundi mga pagpapala, nakatuon lamang sa mga panlabas na sakripisyo at paggugol, ngunit hindi sa paghahangad ng katotohanan. Hindi nagbago ang aking disposisyon kahit kaunti, gayumpaman, gusto ko pa ring makapasok sa kaharian at makatanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t isa lang itong pangangarap ng gising? Kung magpapatuloy ako sa paghahangad nang ganito, hindi na nga ako maliligtas ng Diyos, parurusahan pa Niya ako. Sa puntong ito, napagtanto ko na bagama’t sa panlabas ay mukhang masamang bagay ang sakit na ito, sa katotohanan, nililinis ng Diyos ang aking katiwalian at inililigtas ako, at sa likod nito ay ang maingat na layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, labis akong naantig at napuno ng pagsisisi, at naramdaman kong talagang hindi ako karapat-dapat sa gayong pagliligtas mula sa Diyos. Hindi ko naunawaan ang puso ng Diyos, at paulit-ulit ko Siyang inireklamo at hindi inunawa. Talagang wala akong konsensiya at katwiran!

Pagkatapos ay nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ibinubunyag, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Para sa Diyos, ang mga iniisip at ipinapakita mong kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng puri na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni ginagampanan ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang tunay na mabubuting gawa. Kung tinutupad ng isang tao ang tungkulin ng isang nilikha para mahalin at palugurin ang Diyos, nang walang sarili niyang mga intensyon at layunin, at hindi sila kumikilos para sa sarili nilang mga interes o makasariling pagnanais, ang gayong pagsasagawa ay sinasang-ayunan ng Diyos, at ito ay isang tunay na mabuting gawa. Dati, akala ko hangga’t kaya kong magsakripisyo, gumugol ng sarili, gumawa nang higit sa aking tungkulin, at magdusa nang higit, maituturing na itong paghahanda ng mabubuting gawa, at tiyak na magkakaroon ako ng magandang hantungan sa hinaharap. Ngayon, batay sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong mali pala ang mga pananaw ko sa pagsukat ng mabubuting gawa. Ang paggawa ng tungkulin at paghahanda ng mabubuting gawa ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, ngunit kung ang isang tao ay may halong ibang intensyon at nais gamitin ang Diyos para makamit ang sarili niyang mga layunin, isa itong masamang gawa, at kahit na magbayad pa ng malaking halaga ang taong ito, hindi ito sasang-ayunan ng Diyos, at sa halip ay ituturing siya ng Diyos bilang isang taong gumagawa ng masama. Kung hindi magsisisi ang taong ito at magpapatuloy sa paghahangad sa ganitong paraan, tiyak na ititiwalag siya ng Diyos, sapagkat sinabi ng Diyos: “Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Sa ilalim ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, medyo nabago ang maling perspektiba ko sa mga bagay-bagay. Nanalangin ako sa Diyos, na sinasabing sa pagpapatuloy, nais kong gawin ang aking tungkulin nang may tamang mga layunin, na hindi na ako susubok makipagtawaran sa Diyos, at kung tatanggap man ako ng mga pagpapala o kasawian, handa akong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha para suklian ang pagmamahal ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pamamatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananampalataya sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap bilang isang kuwento na pupurihin ng lahat ng tao. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat na tandaan—ito ay isang positibong bagay. At patungkol naman sa kung paano tinatrato ng Lumikha ang mga kayang tumupad sa tungkulin ng isang nilikha, at sa kung ano ang ipinapangako Niya sa kanila, nasa Lumikha na iyon; walang kinalaman doon ang nilikhang sangkatauhan. Sa mas malinaw at simpleng pananalita, ang Diyos na ang magpapasya rito, at walang karapatang makialam ang mga tao. Makukuha mo ang anumang ibibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibigay sa iyo, wala kang puwedeng sabihin tungkol dito. Kapag tinatanggap ng isang nilikha ang atas ng Diyos, at nakikipagtulungan siya sa Lumikha sa pagganap sa kanyang tungkulin at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya, hindi ito isang transaksiyon o pakikipagpalitan; hindi dapat tangkain ng mga tao na ipagpalit ang mga pagpapahayag ng mga saloobin o kilos at pag-uugali sa anumang pangako o pagpapala mula sa Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dahil nilikha ng Diyos ang tao at binigyan siya ng hininga ng buhay, at ngayon ay binigyan ako ng pagkakataong gawin ang tungkulin ng isang nilikha, ito ay biyaya na ng Diyos, at isa nang pambihirang pagtataas, at hindi ako dapat maghain ng anumang kahilingan sa Diyos. Isa akong nilikha, at dapat kong tuparin ang aking tungkulin sa lahat ng oras, nang walang kondisyon at walang paghahangad na makipagtawaran o maghain ng mga kahilingan. Ito ang katwirang dapat kong taglayin. Bukod pa rito, ang layunin ng Diyos ay hindi para gumawa tayo ng mga panlabas na sakripisyo at paggugol para makamit ang Kanyang biyaya at mga pagpapala, kundi para magkamit tayo ng katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng ating mga tungkulin, para malutas ang ating mga katiwalian, mga karumihan, at mga satanikong disposisyon, at sa huli ay madalisay at makamit ang kaligtasan. Ito ang inaasahan ng Diyos na makita, at ito ang layuning dapat kong hangarin sa aking tungkulin. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, mas gumaan ang pakiramdam ko, at bagama’t hindi pa bumubuti ang sakit ko, hindi na ako gaanong nalilimitahan. Pagkatapos, pinagnilayan ko ang aking sarili habang nagpapagamot, nagpapasya na kung gagaling man ang sakit ko o anuman ang kalalabasan sa huli, ipagkakatiwala ko ang lahat sa Diyos at hindi na ako maghahain ng anumang kahilingan. Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimulang bumuti ang aking kondisyon, at nakakalakad na ako nang normal. Hindi nagtagal, nagawa ko nang muli ang aking tungkulin sa iglesia.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto kong ang masakit na pagpipino ay kailangan para sa aking buhay, at kung wala ang gayong pagpipino, mamumuhay pa rin ako sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, at mananampalataya pa rin ako sa Diyos at gagawin ang aking mga tungkulin nang may layuning magkamit ng mga pagpapala. Kung nagpatuloy ako nang ganito sa aking paghahangad, sa huli ay hahantong ako sa pagbubunyag at pagtitiwalag ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng mga tunay na sitwasyon para ibunyag ako, baguhin ako, at dalisayin ako. Ito ang pagliligtas ng Diyos para sa akin!

Sinundan:  99. Pagtataguyod ng Tungkulin sa Gitna ng Pag-uusig at Kapighatian

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger