99. Pagtataguyod ng Tungkulin sa Gitna ng Pag-uusig at Kapighatian
Noong Abril 2023, sinabi sa akin ng mga nakatataas na lider na naaresto ang isang lider mula sa Iglesia ng Xingyuan, at dalawa pang lider ang pinuntahan ng mga pulis sa kanilang mga bahay para tanungin, at dahil sa mga panganib sa seguridad, hindi na nila maipagpapatuloy ang kanilang gawain sa iglesia. Kaya hiniling sa akin ng mga nakatataas na lider na pumunta roon para asikasuhin ang gawain ng kinahinatnan at suportahan ang mga kapatid. Pagkatapos marinig na sinabi ito ng mga lider, talagang naramdaman ko ang bigat ng responsabilidad na ito, at medyo nag-alala rin ako, iniisip na, “Napakalupit ng kapaligirang ito. Bakit isinaayos nilang ako ang pumunta? Paano kung maaresto ako? Napakaraming kapatid na naaresto ang dumanas ng matinding pagpapahirap. Ang ilan ay hindi makayanan ang pagpapahirap at ipinagkakanulo ang Diyos, nagiging mga Hudas, habang ang iba naman ay binubugbog hanggang mamatay o malumpo. Sobrang lupit ng mga pamamaraang ginagamit ng malaking pulang dragon para saktan ang mga tao. Kung maaaresto ako at hindi ko makakayanan ang pagpapahirap, magiging Hudas at maipagkakanulo ang Diyos, hindi na ako maliligtas. Hindi ba’t masasayang lang ang pananampalataya ko kung ganoon?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Hindi ako puwedeng maging makasarili at sarili ko lang ang iisipin. Naaresto ang isang lider, nanganganib ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at kailangang-kailangan nang agarang mailipat, at ang mga kapatid ay negatibo at mahihina at nangangailangan ng suporta at tulong. Kailangan kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos at tanggapin ang tungkuling ito.” Kaya pumayag ako.
Pagdating sa Iglesia ng Xingyuan, nalaman kong napuntahan na ng Hudas na si Zhang Fen ang mga bahay ng karamihan sa mga kapatid, kaya lahat sila ay may panganib sa seguridad. Noong panahong iyon, tanging ang bahay lang ni Sister Zhang Yu ang medyo ligtas at maaaring pansamantalang gamitin para pag-usapan ang gawain. Pero nang makilala ko si Zhang Yu, nalaman kong ilang taon na ang nakalipas, inaresto ng mga pulis ang ilang sister sa bahay niya, at bago naaresto ang Hudas na si Zhang Fen, dumalaw rin ito sa bahay ni Zhang Yu. Nang marinig ko ito mula sa kanya, kumabog ang dibdib ko, “Hindi kaya palihim na nagmamanman at nagbabantay ang mga pulis? Paano kung arestuhin nila ako? Kung hindi ko makayanan ang pagpapahirap at maging isang Hudas, hindi ba’t katapusan ko na? Dapat ba akong manatili o umalis agad? Kung mananatili ako, maaaring nanganganib akong maaresto, pero kung aalis ako, wala nang paraan para pag-usapan ang gawain ng pag-aasikaso sa kinahinatnan.” Nanalangin ako sa puso ko, hinihiling sa Diyos na gabayan ako kung paano magsagawa. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Madali ba para sa isang tao na walang pagkatao na magkamit ng katotohanan? Mahirap ito para sa kanya. Kapag nahaharap siya sa isang panahon ng pagdurusa o kailangang niyang magbayad ng kaunting halaga, iniisip niya, ‘Mauna na muna kayo sa lahat ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga na ito, at pagkatapos na halos nakamit na ang mga resulta, susunod na ako.’ Anong uri ng pagkatao ito? Ang gayong mga pag-uugali ay kilalang lahat bilang ‘kawalan ng pagkatao.’ … Kapag nahaharap sa panganib, inaalala lang ng ilang tao ang magtago. Ang ilan ay pinoprotektahan ang iba at walang pakialam sa sarili nila. Kapag may nangyayari sa kanila, ang ilang tao ay nagtitiis, at ang ilan ay lumalaban. Ito ay mga pagkakaiba sa pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga taong may mabuting pagkatao ay uunahing protektahan ang iba kapag nahaharap sa panganib, at handa silang ilagay sa panganib ang sarili para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at tuparin ang kanilang mga responsabilidad. Ang mga walang pagkatao ay makasarili at kasuklam-suklam, inuuna ang sarili nilang kaligtasan at nagkukumahog na magtago kapag may panganib, walang anumang pakialam sa gawain ng iglesia o sa kaligtasan ng mga kapatid. Ayon sa mga salita ng Diyos, nakita kong napakamakasarili ko pala, at napakababa ng uri ng aking pagkatao. Kapag nahaharap sa panganib, sarili ko muna ang iniisip ko, natatakot akong maaresto at gusto kong tumakas agad, at walang anumang pakialam sa gawain ng iglesia o sa sarili kong tungkulin. Bagama’t may ilang panganib sa seguridad sa bahay ni Zhang Yu, kung ikukumpara sa ibang mga bahay, ito ang medyo ligtas na bahay sa iglesia sa kasalukuyan. Puwede akong manatili muna roon upang makipagkita sa mga kapatid para pag-usapan ang gawain, at lumipat na lang kapag may natagpuan nang mas angkop na lugar. Kung talagang maharap ako sa kakaibang mga sitwasyon, dapat akong manalangin sa Diyos at asikasuhin ang mga bagay nang may pananalig at karunungan. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na pagkalooban ako ng pananalig at ng lakas ng loob na magtiis ng pagdurusa.
Kinabukasan, isinaayos kong magpunta ang dalawang brother sa bahay ni Zhang Yu para pag-usapan ang gawain. Si Li Bin, na kanayon ni Zhang Yu, ay nagsabi sa akin nang makita niya ako, “May dalawang masasamang tao sa nayon namin malapit sa bahay ni Zhang Yu. Tatawag sila sa pulis kapag may nakita silang mga estrangherong pumapasok sa nayon at malaman nilang mga mananampalataya ang mga ito. May ilang kapatid na naaresto na dati sa nayon namin dahil isinumbong sila ng isa sa mga masasamang taong ito.” Nang marinig ko ang mga sinabi ni Li Bin, medyo natakot ako, iniisip na, “Hindi ko alam kung nakita ako ng masasamang tao pagdating ko. Kung isusumbong nila ako, tiyak na maaaresto ako!” Noong sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at Siya ang kumokontrol sa lahat. Ang lahat ng bagay at pangyayari ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang CCP at ang masasamang tao, gaano man sila kalaganap, ay nasa mga kamay lahat ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa sila kaysa sa mga uod sa lupa. Sila ay mga kasangkapan lamang na nagseserbisyo para sa pagpeperpekto sa mga hinirang na tao ng Diyos. Ginagawa ng malaking pulang dragon ang lahat para mahuli ang mga nananampalataya sa Diyos, ngunit kung walang pahintulot ng Diyos, wala itong magagawa sa atin. Katulad ng pagtugis ng CCP at paglalagay ng pabuya sa ulo ng ilang kapatid, gumugugol ang partido ng napakaraming tao at materyal na yaman sa paghahanap, pagsubaybay, at pagbabantay, gumagamit ng lahat ng uri ng high-tech na kagamitan para sa pagmamanman, ngunit kung walang pahintulot ng Diyos, hindi pa rin nila mahuhuli ang mga ito. Nang araw na iyon, nang marinig kong maaaring may masasamang taong magsumbong sa akin, nakaramdam ako ng pagkaduwag at pagkatakot. Nakita kong bagama’t sinasabi kong nananampalataya ako sa Diyos, kapag talagang dumarating na ang sitwasyon, parang nawawala na ang Diyos sa puso ko. Napakaliit pala ng pananalig ko sa Diyos. Bagama’t malupit ang kapaligiran, kung maaaresto man ako o hindi ay nasa mga kamay ng Diyos. Nasa Diyos ang desisyon dito. Nang maisip ko ito, hindi na ako gaanong natakot. Nakita kong namumuhay sa pagkatakot at pagkaduwag ang dalawang brother, kaya nakipagbahaginan ako sa kanila tungkol sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Pagkatapos makinig, nagkaroon sila ng pananalig at naging handa na silang gawin ang kanilang mga tungkulin.
Pagkatapos, napaisip ako, “Bakit kaya ako sobrang takot na maaresto at mabugbog hanggang mamatay? Anong aspekto ng katotohanan ang dapat kong pasukin?” Nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Ipinapalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at pinagalitan sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang kumpirmahin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa kalooban ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga disipulong sumunod sa Panginoong Jesus ay dumanas ng pag-uusig mula sa mga namumuno at sa mundo ng relihiyon dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoon, at namatay sila sa lahat ng uri ng paraan. Ngunit ibinayad nilang halaga ang kanilang buhay para makapagbigay ng isang magandang patotoo para sa Diyos at para ipahiya si Satanas. Bagama’t namatay ang kanilang mga katawan, ang kanilang mga kaluluwa ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang kanilang mga kamatayan ay inalala ng Diyos. Tayo, na sumusunod kay Cristo ng mga huling araw, ay dumaranas ng malupit na pag-uusig ng namumunong partido sa Tsina dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Maraming kapatid ang pinahirapan matapos maaresto, ngunit kahit nasa bingit na ng kamatayan, hindi nila itinanggi ang pangalan ng Diyos o ipinagkanulo Siya. Ang ilan ay inusig hanggang mamatay ngunit hindi pa rin naging mga Hudas. Ibinigay nila ang kanilang buhay para magpatotoo sa Diyos, na mahalaga at makabuluhan. Pero ano ang ginawa ko? Nang makita ang mapanganib na kapaligirang ito, natakot akong maaresto at mabugbog hanggang mamatay, kaya gusto ko nang isuko ang aking tungkulin. Talagang takot ako sa kamatayan! Kung ang hangad ko lang ay ingatan ang sarili ko at pahabain ang isang buhay na walang dangal, kahit na maprotektahan ko nang perpekto ang sarili ko, magiging isa lang akong gumagalaw na bangkay. Kung hindi ko gagawin nang maayos ang aking tungkulin at wala akong mabubuting gawa o patotoo sa harap ng Diyos, kung gayon, kahit na buhay ako sa laman, hindi ko matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos, at kapag namatay ako, parurusahan ako sa impiyerno. Nang maunawaan ko ito, hindi na ako gaanong nalimitahan ng takot sa kamatayan.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon pa ako ng karagdagang pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya, kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at sa may tunay na pananalig sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? … Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga kasunod na gawain, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanya ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa kapaligiran ng mainland Tsina, posible bang maiwasang sumuong sa anumang panganib at tiyaking walang masamang mangyayari habang ginagampanan ang tungkulin? Kahit ang pinakamaingat na tao ay hindi makakatiyak niyon. Ngunit ang pagiging maingat ay kinakailangan. Ang pagiging handa nang maaga ay makakapagpabuti nang kaunti sa mga bagay-bagay, at makakatulong ito na mabawasan ang mga kawalan kapag nagkakaproblema. Kung walang anumang paghahanda man lang, magiging malaki ang mga kawalan. Nakikita mo ba nang malinaw ang kaibahan ng dalawang sitwasyong ito? Samakatwid, tungkol man ito sa mga pagtitipon o sa paggampan ng anumang uri ng tungkulin, pinakamainam na maging maingat, at kinakailangang magsagawa ng ilang hakbang na pang-iwas. Kapag ang isang tapat na tao ay gumagampan sa kanyang tungkulin, maaari siyang mag-isip nang mas komprehensibo at masusi. Gusto niyang isaayos nang mabuti ang mga bagay na ito sa abot ng kanyang makakaya para kung magkakaproblema man, mababawasan ang mga kawalan. Pakiramdam niya ay dapat niyang matamo ang resultang ito. Ang isang taong walang katapatan ay hindi nagsasaalang-alang sa mga bagay na ito. Iniisip niya na hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at hindi niya itinuturing ang mga ito bilang kanyang responsabilidad o tungkulin. Kapag may nangyayaring hindi maganda, wala siyang nararamdamang anumang paninisi sa kanyang sarili. Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng katapatan. Ang mga anticristo ay walang ipinapakitang katapatan sa Diyos. Kapag inaatasan sila ng gawain, masaya nila itong tinatanggap, at gumagawa sila ng ilang magagandang deklarasyon, ngunit kapag dumarating ang panganib, tumatakbo sila nang napakabilis; sila ang unang tumatakbo, ang unang tumatakas. Ipinapakita nito na ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam ay talagang malala. Wala silang anumang pakiramdam ng responsabilidad o katapatan man lang. Kapag nahaharap sa isang problema, ang alam lang nila ay tumakas at magtago, at iniisip lang nila ang pagprotekta sa kanilang sarili, hindi kailanman isinasaalang-alang ang kanilang mga responsabilidad o tungkulin. Alang-alang sa kanilang pansariling seguridad, palaging ipinapakita ng mga anticristo ang kanilang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan. Hindi nila inuuna ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang kanilang sariling mga tungkulin. Lalong hindi nila inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, inuuna nila ang sarili nilang seguridad” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na ang mga anticristo ay talagang makasarili at kasuklam-suklam, at kapag dumarating ang panganib, sila ang unang tumatakbo at tumatakas, na para bang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ang buhay ng mga kapatid ay walang kinalaman sa kanila. Habang pinag-iisipan nang mabuti ang mga salita ng Diyos, nagnilay ako sa sarili ko. Hindi ba’t ang mga bagay na ibinunyag ko ay katulad ng sa isang anticristo? Nang maaresto ang mga lider at manggagawa, isinaayos ng iglesia na pumunta ako para ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at suportahan ang mga kapatid. Napakahalaga nito, pero nag-alala ako na kung maaaresto ako, hindi makapaninindigan, at magiging isang Hudas, masasayang lang ang pananalig ko. Kaya ayaw kong gawin ang tungkuling ito. Naisip ko kung paanong natamasa ko ang pagdidilig at pagtutustos ng napakaraming salita ng Diyos, gayumpaman sa harap ng mga paghihirap, tanging ang sarili kong mga interes at kaligtasan ang inisip ko, nang hindi man lang pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi ko inisip kung paano mabilis na maililipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos o masusuportahan ang mga kapatid. Talagang wala akong konsensiya at pagkatao! Nang mapagtanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, palagi akong nag-aalala na maaresto, at palagi kong gustong takasan ang kapaligirang ito at balewalain ang mga interes ng iglesia. Talagang makasarili ako! O Diyos, nasa Iyong mga kamay kung ako man ay maaaresto o hindi. Kung pahihintulutan Mo akong maaresto, hindi ako makakatakas, ngunit kung hindi Mo ako pahihintulutang maaresto, hindi ako mahuhuli ng mga pulis. Handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos at tuparin ang aking tungkulin. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananalig at ng lakas ng loob na magtiis ng pagdurusa.” Pagkatapos, nalaman kong hindi pa nakakapunta ang Hudas na si Zhang Fen sa bahay ni He Fang, kaya sinabihan ko ang ilang kapatid na magtipon doon. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan nang magkakasama, naunawaan ng mga kapatid kung paano umasa sa Diyos sa pagdanas sa gitna ng pag-uusig at kapighatian. Nagkaroon ang lahat ng kaunting pananalig at naging handa na silang gawin ang kanilang mga tungkulin. Nailipat din nang ligtas ang mga aklat ng mga salita ng Diyos.
Isang hapon noong Nobyembre 2023, nakatanggap ako ng liham mula sa mga nakatataas na lider, na nagsasabing nawalan ng ugnayan ang mga lider at ilang sister mula sa iglesia sa aking bayang sinilangan, at malamang daw ay dahil sa naaresto ang mga ito, kaya hinihiling nila sa aking pumunta at alamin ang sitwasyon, at kung may mangyari man, asikasuhin ang kinahinatnan, at ilipat ang mga handog at mga aklat ng mga salita ng Diyos. Nagtatalo ang kalooban ko, iniisip na, “Napakalupit ng kapaligiran sa iglesiang iyon, at kilala akong lahat ng mga kapatid na nawalan ng ugnayan. Kung naaresto sila, madadamay kaya ako? Sobrang mapanganib para sa akin na asikasuhin ang kinahinatnan!” Nagdadalawang-isip akong pumunta. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “May ilang iglesia na nasa mga mapanlaban na kapaligiran kung saan madalas na inaaresto ang mga tao, at dahil dito, may malaking tsansa na ang mga lokasyon ng mga tahanan na nangangalaga ng mga handog ay ipagkakanulo, at masasalakay at mahahalughog ng malaking pulang dragon—ang mga handog ay maaaring nakawin ng masasamang demonyo anumang oras. Angkop ba ang gayong mga lugar para pag-imbakan ng mga handog? (Hindi.) Kaya, kung nailagay na ang mga ito roon, ano ang dapat gawin? Kaagad ilipat ang mga ito. … Kapag kalilitaw pa lang ng isang sitwasyon at nakikini-kinita nilang nasa panganib ang mga handog, dapat nilang agarang ilipat ang mga ito, para maiwasang masamsam at malamon ang mga ito ng malaking pulang dragon, ang masamang diyablo. Ito ang tanging paraan para matiyak ang seguridad ng mga handog at maiwasang mangyari ang anumang panganib o pagkakamali. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Sa sandaling may kahit katiting na tanda ng panganib, sa sandaling may naaresto, sa sandaling may isang sitwasyon na lumitaw, ang unang iniisip dapat ng mga lider at manggagawa ay kung ligtas ba ang mga handog, kung maaari bang mapasakamay ang mga ito ng masasamang tao, o maangkin ng mga ito, o masamsam ng masasamang demonyo, at kung dumanas ba ng anumang kawalan ang mga handog. Dapat kaagad silang gumawa ng mga hakbang para protektahan ang mga handog. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (12)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na responsabilidad ng mga lider at manggagawa na protektahan ang mga handog at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Dahil tinutugis ng CCP ang iglesia sa aking bayang sinilangan at walang umaasikaso sa kinahinatnan, at medyo pamilyar ako sa iglesiang iyon, kinailangan kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos at protektahan ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan kong asikasuhin ang kinahinatnan dahil sa takot na maaresto, at kung maagaw ng malaking pulang dragon ang mga handog at mga aklat, makagagawa ako ng kasamaan. Nang mapagtanto ko ito, bumalik ako sa iglesia sa aking bayang sinilangan nang gabing iyon.
Pagkabalik, nalaman kong talagang naaresto na ang mga lider ng iglesia, at patuloy ding inaaresto ang iba pang mga kapatid. Ang mga aklat sa ilang bahay-imbakan ay kailangang-kailangan nang ilipat, ngunit wala akong mahanap na angkop na lugar noon, kaya mahirap ang sitwasyon ko. Kalaunan, napanood ko ang video ng patotoong batay sa karanasan na “Sinubok ng Dobleng Suliranin” at ang karanasan ng sister ay naging napakagandang halimbawa para sa akin. Ang sister, na nahaharap sa dobleng hirap ng mga pag-aresto ng pulisya at ng lockdown dahil sa pandemya, ay nagpumilit pa ring gawin ang kanyang tungkulin. Ang kasalukuyan kong kapaligiran ay hindi pa ganoon kasama, kaya mas kinailangan kong umasa sa Diyos para magawa nang maayos ang aking tungkulin. Hindi nagtagal, nagpadala ng liham ang mga nakatataas na lider na nagsasabing may natagpuan nang bahay-imbakan sa ibang iglesia, kaya mabilis kaming nagsaayos ng sasakyan para ilipat doon ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos niyon, sa pakikipagtulungan ng mga kapatid, nailipat sa mga ligtas na lugar ang mga handog at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pananalig, at naunawaan ko na gaano man kalupit ang kapaligiran, ang pagtitiyaga sa tungkulin at pagprotekta sa gawain ng iglesia ang dapat gawin ng isang nilikha. Salamat sa Diyos!