18. Ibinunyag Ako ng mga Pag-uusig at Pagsubok
Ako ang responsable sa gawaing pag-aalis sa ilang iglesia. Isang araw noong Hulyo 2022, pumunta ako sa bahay ni Yang Xin para alamin ang ilang bagay mula sa kanya. Ang kanyang asawa ang nagbukas ng pinto. Kabado nitong ibinulong sa akin, “Sino ang hinahanap mo?” Gamit ang talino ko, sinabi ko, “Hinahanap ko ang ate ko.” Kaagad niyang sinabi, “Umalis siya.” Pagkasabi niya nito, isinara niya ang pinto. Nang sandaling isinara niya ang pinto, nasilip ko sa siwang nito ang dalawang lalaki, nasa edad tatlumpu o apatnapu, na nangakaupo sa sala—sabay silang nakatingin sa akin. Nagulat ako, “Ang paraan ng pagtingin ng dalawang taong iyon ay naiiba sa mga ordinaryong tao. Tinitimbang nila ako nang may mapanlabang tingin. Mga pulis kaya sila?” Umahon ang takot sa aking puso, kaya dali-dali akong umalis.
Pagbalik ko sa bahay-tuluyan, dumating ang isang kapatid na natataranta, sinasabing kakarinig niya lang na may dalawang lider ng iglesia na inaresto. Parang dinaklot ang puso ko, “Naku! Baka naaresto rin si Yang Xin. Iyong dalawang estrangherong nakita ko sa bahay nila ay malamang sa malamang na mga pulis, nagbabantay.” Nagsimula akong mataranta sa aking puso. Pagkatapos na pagkatapos niyon, nalaman ko na may ilan pang kapatid ang naaresto bandang alas-dos o alas-tres ng madaling-araw. Napakaraming kapatid ang naaresto nang sabay-sabay, at labis ang kabog ng aking dibdib. Naalala ko na tatlong taon na ang nakalilipas, ginamit ng mga pulis ang litrato ko para matukoy ako ng mga tao; alam din ng mga naarestong kapatid ang bahay na kasalukuyan kong tinitirhan. Kung mananatili ako roon, maaari akong maaresto anumang oras, kaya kinuha ko ang mga gamit ko at naghandang umalis. Sa sandaling iyon, isang kapatid ang nagmamadaling lumapit at sinabi sa akin na naaresto na ang lahat ng lider at manggagawa sa iglesia, pati na rin ang mga superbisor sa gawain ng ebanghelyo at gawain ng pagdidilig. Sinabihan niya akong umalis na agad sa bahay na iyon. Pagkarinig ko nito, sa gulat ay napako ako sa kinatatayuan ko. “Sa dami ng taong naaresto, sino ang mangangasiwa sa gawaing panapos? Kailangan kong kaagad na makahanap ng isang taong magpapaalam nito sa mga kapatid para makalayo sila sa panganib!” Pero pagkatapos ay may isa pa akong naisip, “Malapit kong nakakaugnayan ang mga naarestong kapatid, at may litrato ko ang mga pulis. Kapag naaresto ako ng mga pulis, bubugbugin nila ako hanggang sa malumpo, hindi man nila ako bugbugin hanggang mamatay. Kailangan kong kaagad na magtago!” Kaya nagtungo ako sa bahay ng isang kamag-anak. Bagaman ligtas ako sa kasalukuyan, palaging hindi mapalagay ang aking puso. “Ano ang nangyayari sa iglesia? May iba pa bang naaresto? Lahat ng naaresto sa pagkakataong ito ay mga lider at manggagawa, kaya sino ang nangangasiwa ng mga gawaing panapos? Miyembro din ako ng iglesia, kaya magtatago na lang ba talaga ako nang ganito?” Labis na nabalisa ang aking puso.
Kinabukasan, nakatanggap ako ng liham mula sa mga nakatataas na lider na humihiling sa aking pangasiwaan ang mga gawaing panapos. Sa oras na iyon, sa loob ko ay medyo natakot ako, “Napakaraming kapatid ang naaresto. Ito talaga ang mata ng bagyo. Hindi ko ba inilalagay ang sarili ko sa direktang panganib sa pangangasiwa ng gawaing panapos sa panahong ito? Bukod pa rito, may litrato ko ang mga pulis. Kapag pinuntirya nila ako, paano ako makatatakas? Hindi rin naman maganda ang kalusugan ko. Kapag naaresto ako, paano ko kakayanin ang pagpapahirap ng diyablo—hindi ba’t mamamatay lang ako sa bugbog? Kapag namatay ako, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng taon ng pananampalataya ko?” Habang iniisip ko ito, tila ba biglang dinaklot ang puso ko. Pero kung tatanggihan ko ang aking tungkulin habang paralisado na ang iglesia, hindi ko mapapangatwiranan ang pagiging takas sa kritikal na sandaling ito! Parang hinahati sa dalawa ang aking puso dahil sa walang katapusang gusot na ito. Nang maglaon, tumugon ako sa mga lider, sinasabing may mga panganib sa aking kaligtasan. Sinabi ko rin, “Pagpasyahan ninyo kung makakabuti ba o hindi ang pagkuha sa akin para gawin ito. Kung sa tingin ninyo ay angkop ako, tutuloy ako.” Ang layunin ko ay ang sabihin sa kanila na may mga panganib sa aking kaligtasan at na ayaw kong isaayos nila na pumunta ako. Nang maipadala ko ang liham, nakaramdam ako ng paninisi sa sarili. “Hindi ba ako naging mapanlinlang sa pagsusulat ng liham na ito? Nilinang ako ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng taon na ito, pero sa kritikal na sandaling ito, sinubukan ko lang na pangalagaan ang aking sarili. Ito ba ang ginagawa ng isang tao na may pagkatao? Ayon nga sa kasabihan, ‘Nabubunyag ang tunay na damdamin sa oras ng kagipitan.’ Ngayon, napakaraming kapatid sa iglesia ang naaresto, at may isang agarang pangangailangan na pangasiwaan ang gawaing panapos. Pero tumatanggi ako sa aking tungkulin—hindi talaga ito isang bagay na gagawin ng isang tao!” Gayumpaman, medyo natakot pa rin ako sa aking puso, kaya nanalangin ako sa Diyos, nagmamakaawa sa Kanya na bigyan ako ng pananalig para manindigan at protektahan ang gawain ng iglesia. Pagkatapos manalangin, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan na nasusubok ang kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lang matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong nagiging kongklusyon ng tao. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi magagawan ng kongklusyon ng tao. Walang duda na ang ‘trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.’ Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang hindi maganda ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ng Diyos ang pag-uusig at mga pag-aresto ng malaking pulang dragon para subukin kung ang mga tao ay may tunay na pananalig o huwad na pananalig. Ang mga may tunay na pananalig ay kayang protektahan ang gawain ng iglesia at tuparin ang mga tungkulin nila sa panahon ng mga kapighatian. Ang mga may huwad na pananalig ay kaya ring gugulin ang sarili nila para sa Diyos sa mga normal na panahon basta’t hindi nito naaapektuhan ang kanilang mga pansariling interes, pero kapag nahaharap sila sa mapanganib na kapaligiran, naduduwag sila at natatakot, at iniisip lang ang pangangalaga sa kanilang sarili. Hindi talaga nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia. Ang ganitong uri ng tao ay nabubunyag at natitiwalag. Ikinumpara ko ito sa sarili kong pag-uugali. Nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, kumain at uminom ng napakaraming salita ng Diyos, at madalas na nakipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa kung paano namin dapat panindigan ang aming mga tungkulin kapag dumarating sa amin ang mga kapighatian at pagsubok, at magpatotoo sa Diyos. Gayumpaman, nang naharap ang iglesia sa malawakang pag-aresto, at naaresto lahat ang mga lider, manggagawa, at maraming kapatid, ang una kong naisip ay ang magtago kaagad. Nang hiningi sa akin ng mga nakatataas na lider na pangasiwaan ang gawaing panapos, nag-alinlangan ako, iniisip na napakadelikadong gawin ng tungkuling ito, at tinanggihan ko ito dahil may mga panganib sa aking kaligtasan. Naisip ko kung paanong dumating sa iglesia ang gayon kalaking sitwasyon, na naaresto lahat ang mga lider at manggagawa. Kung hindi kaagad nailipat ang mga handog at aytem ng iglesia, masasamsam ng pulisya ang mga ito. Marami ring kapatid ang hindi pa nalalaman na naaresto na ang mga lider at manggagawa. Kung hindi ko sila maaabisuhan sa tamang oras, mahaharap din sila sa panganib ng pagkaaresto. Pero sa kritikal na sandaling ito, muli’t muli, pinipili kong pangalagaan ang sarili ko at tanggihan ang aking tungkulin. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam ako. Talagang hindi ako karapat-dapat na mabuhay sa harap ng Diyos! Nang naisip ko ito, nakaramdam ako ng pagkakautang at matinding pagsisisi sa lahat ng aking nagawa, at ayaw ko nang pangalagaan lang ang sarili ko. Pagkatapos niyon, nagsulat ako ng liham sa mga nakatataas na lider para ilahad ang kasuklam-suklam kong mga layunin noong panahong iyon, at sinabi kong handa akong pangasiwaan ang gawaing panapos.
Kasunod niyon, nagbalatkayo ako at lumabas para makipagkita sa aking mga kapatid para talakayin kung paano ililipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos, inabisuhan namin ang mga kapatid na nanganganib na kailangan nilang kaagad na magtago, at nagsulat kami ng mga liham para makipagbahaginan sa mga kapatid na mahina, negatibo, duwag, at takot, hinihimok silang umasa sa Diyos para isabuhay ang buhay iglesia at gawin ang tungkulin nila. Habang aktibo kong pinangangasiwaan ang gawaing panapos, isa pang insidente ang nangyari na muling nagbunyag sa akin. Nalaman ko na naaresto ang asawa at anak na babae ng isang kapatid na may kustodiya ng mga aklat. Nangangailangan ng agarang aksiyon ang sitwasyon. Kailangang mailipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon. Nang marinig ko ito, labis akong nabalisa. Kung mapasasakamay ng pulisya ang mga aklat, sadyang magiging napakalaking kawalan nito. Kailangan kong makahanap ng paraan para mailipat ang mga ito sa lalong madaling panahon. Kaya’t binalak kong makipagkita sa kapatid na may kustodiya sa mga aklat para makakuha ang tunay na pagkaunawa sa sitwasyon. Pagkatapos na pagkatapos niyon, nalaman ko mula sa mga kapatid na naaresto at pinalaya na ang ilan sa mga naaresto ay hindi nakilatis ang mga pakana ni Satanas, at nagsimulang ipagkanulo at ituro ang mga lider at manggagawa. Ang anak na babae ng brother na ito ang nagsiwalat ng pinakamaraming impormasyon. Nang marinig ko ito, labis akong natakot, “Sa panahong ito, madalas akong kumikilos habang minamatyagan. Sa sandaling may makakilala sa akin, hindi ba’t katapusan ko na?” Nang maisip ko ito, nagsimula akong umatras. Sa sandaling iyon, narinig kong bumalik na si Sister Li Xuan mula sa ibang lugar. Alam kong dati na siyang nakapangasiwa ng gawaing panapos, kaya ginusto kong ipasa sa kanya ang aking tungkulin. Sinabi ko sa kapareha kong si Sister Wang Xin, “Puwede ba nating ipapangasiwa kay Li Xuan ang gawaing panapos?” Wala namang anumang panganib sa kanyang kaligtasan at nakapangasiwa na siya ng gawaing panapos dati.” Sa gulat, nasabi ni Wang Xin, “Paano mo nagawang mag-isip nang ganyan? Ginagawa niya pa rin ang iba pa niyang mga tungkulin. Tama ba ito?” Sa pakikinig sa retorikal na tanong ni Wang Xin, napagtanto kong talagang hindi ito tama, “Malinaw na tungkulin ko ito, pero sinubukan kong ipasa ito sa iba nang hindi isinasaalang-alang ni katiting ang mga interes ng iglesia. Pero kung ipagpapatuloy ko ang tungkuling ito, natatakot ako na baka maaresto ako. Kung hindi ko makikilatis ang mga pakana ng diyablo at magkakanulo ako sa Diyos, nangangahulugan iyon ng walang hanggang pagkawasak na walang pagkakataon para maligtas! Tuluyang mawawala ang pagkakataon kong makatanggap ng pagliligtas!” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong natakot. Kaya nanalangin ako sa Diyos: “Minamahal kong Diyos! Kapag dumarating sa akin ang panganib, gusto kong umatras. Akayin Mo ako at bigyan ako ng pananalig at lakas!”
Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging hindi halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman sa pakahulugan ng ‘laman’ ay sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi nahihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila—at sa sandaling ito, gagampanan ng laman ang isa pa nitong tungkulin, at magsisimulang opisyal na tanggapin ang patnubay ng Espiritu ng Diyos. Ito ay isang kinakailangang proseso, dapat itong mangyari nang isa-isang hakbang; kung hindi, hindi magkakaroon ang Diyos ng paraan para makagawa sa sutil na laman. Ganoon ang karunungan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 36). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit ako nabuhay sa karuwagan at takot, nangangamba na kung araw-araw akong kikilos nang nakikita sa mga surveillance camera, maaari akong maaresto anumang oras. Ang pangunahing dahilan ay masyado kong pinahalagahan ang aking buhay, at natakot akong arestuhin at bugbugin hanggang sa mamatay. Ang takot sa kamatayan ang naging kahinaan ko. Takot na takot na ako bago pa man ako maaresto: Kung maaaresto ako, tiyak na hindi ko kakayaning manindigan sa aking patotoo. Naisip ko ang mga tao na naging Hudas. Dahil desperado silang iligtas ang kanilang sarili, hindi sila nag-atubiling ipagkanulo ang kanilang mga kapatid at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Isinuko nila ang sarili nila sa harap ni Satanas at ipinagkanulo ang Diyos, kaya’t kinutya sila ni Satanas. Ano ang kabuluhan ng mabuhay nang ganito? Sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Iyong mga naging martir para sa Diyos, tulad ni Esteban, na binato hanggang sa mamatay dahil sa pagpoproklama at pagpapatotoo sa Panginoong Jesus; o tulad ni Pedro, na ipinako nang patiwarik sa krus para sa Diyos; ay isinakripisyo ang kanilang buhay para magpatotoo sa Diyos. Bagaman namatay ang kanilang laman, nakamit nila ang pagsang-ayon ng Diyos. May mga kapatid ding nagpakamartir para sa Diyos matapos tiisin ang malupit na pag-uusig ng malaking pulang dragon: Bagaman patay ang kanilang laman, ang kanilang patotoo ay naging ebidensiya ng paggapi nila kay Satanas, at nagbalik ang kanilang kaluluwa sa harapan ng Lumikha. Inusig sila dahil sa pagiging matuwid, at ang kamatayan nila ay may halaga at kabuluhan! Pagkatapos, tiningnan ko ang aking sarili, na napipigil pa rin ng kamatayan at walang tunay na pananalig sa Diyos. Ang buhay ko ay ipinagkaloob ng Diyos, at ang buhay at kamatayan ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung pahihintulutan ng Diyos na maaresto ako, ito ay inorden Niya. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos na maaresto ako, ito rin ay kataas-taasang kapangyarihan Niya. Dapat akong magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos.
Kalaunan, nabasa ko ang mas marami pang salita ng Diyos: “Sa mainland Tsina, tuloy-tuloy at brutal na sinusupil, inaaresto, at inuusig ng malaking pulang dragon ang mga mananampalataya sa Diyos, madalas na inilalagay sila sa mga mapanganib na kapaligiran. Halimbawa, gumagamit ng iba’t ibang palusot ang gobyerno para hulihin ang mga mananampalataya. Sa tuwing nadidiskubre nila ang lugar kung saan naninirahan ang isang anticristo, ano ang unang naiisip ng anticristo? Hindi ito tungkol sa wastong pagsasaayos ng gawain ng iglesia, kundi ito ay tungkol sa kung paano makakatakas sa mapanganib na sitwasyong ito. Kapag nahaharap ang iglesia sa panunupil at mga pag-aresto, hindi kailanman nakikibahagi ang mga anticristo sa gawain pagkatapos. Hindi sila nagsasaayos ng mahahalagang mapagkukunan o ng mga tauhan sa iglesia. Sa halip, naghahanap sila ng mga palusot at dahilan para makakuha sila ng isang ligtas na lugar para sa kanilang sarili at iyon lang iyon. Kapag nasiguro na ang kanilang personal na seguridad, bihira na silang makibahagi nang personal sa pagsasaayos ng mga gawain, tauhan, o mapagkukunan ng iglesia, at hindi rin sila nag-uusisa sa usapin o gumagawa ng anumang mga partikular na pagsasaayos. Dahil dito, hindi agad nalilipat sa mga ligtas na lugar ang mga mapagkukunan at pananalapi ng iglesia, at sa huli, marami ang ninanakaw at tinatangay ng malaking pulang dragon, na nagdudulot ng malalaking kawalan sa iglesia at humahantong sa pagkakadakip ng mas maraming kapatid. Ito ang resulta ng pag-iwas ng mga anticristo sa kanilang responsabilidad sa gawain. Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, palaging nangunguna ang kanilang personal na seguridad. Isa itong isyu sa puso nila na isang palagiang alalahanin para sa kanila. Iniisip nila, ‘Hindi ako dapat malagay sa gulo. Kung sino man ang mahuhuli, hindi dapat ako—kailangan kong manatiling buhay. Naghihintay pa rin akong makibahagi sa kaluwalhatian ng diyos kapag natapos na ang gawain ng diyos. Kung mahuhuli ako, kikilos ako tulad ni Hudas, at magiging katapusan ko na. Walang magiging magandang kalalabasan para sa akin. Parurusahan ako.’ Kaya, sa tuwing pumupunta sila sa isang bagong lugar para gumawa, una nilang sinisiyasat kung sino ang may pinakaligtas at pinakamakapangyarihang sambahayan, kung saan maaari silang magtago mula sa paghahanap ng gobyerno at makaramdam na ligtas sila. … Pagkatapos nilang makahanap ng matitirahan maramdaman nilang malayo na sila sa kapahamakan, na lumipas na ang panganib, nagpapatuloy ang mga anticristo sa paggawa ng mababaw na gawain. Talagang maselan ang mga anticristo sa kanilang mga pagsasaayos, pero nakadepende ito sa kung sino ang kanilang kinakaharap. Napakaingat nilang pinag-iisipan ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang sariling mga interes, pero pagdating sa gawain ng iglesia o sa kanilang sariling mga tungkulin, ipinapakita nila ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam at hindi sila nagpapakita ng pagkaresponsable, ni wala silang kahit bahid ng konsensiya o katwiran. Dahil mismo sa mga pag-uugaling ito kaya sila nailalarawan bilang mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Sinabi ng Diyos na hindi kailanman isinasaalang-alang ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang kaligtasan ng kanilang mga kapatid kapag dumarating ang panganib sa kanila. Sa halip, inuuna nila ang sarili nilang mga interes at kaligtasan. Sila ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Dati, nabasa ko na ang mga salitang ito pero hindi ko kailanman naikonekta ang mga ito sa aking sarili. Naniwala akong isa akong taong tunay na nananampalataya sa Diyos at kayang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Saka ko lang nakita kung gaano ako kamakasarili at kasuklam-suklam nang ibunyag ako ng mga katunayan, at na ni kaunti ay hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Nang marinig kong naging Hudas ang ilang tao, nag-alala akong baka maipagkanulo ako kung pangangasiwaan ko ang gawaing panapos at makipag-ugnayan ako sa maraming tao. Para maingatan ang sarili ko, ginusto kong ipasa ang tungkuling ito sa iba para makapagtago ako. Nakita ko na ang naibunyag ko ay ang disposisyon ng isang anticristo. Puno ako ng lahat ng uri ng mga kasuklam-suklam na ideya para sa mga interest ng aking laman. Tunay nga akong makasarili, kasuklam-suklam, at mapaminsala! Nilinang ako ng sambahayan ng Diyos sa loob ng maraming taon, at tinamasa ko ang pagtutustos ng napakaraming katotohanan ng Diyos, pero sa kritikal na sandali, ipinagsawalang-bahala ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tunay na wala akong konsensiya! Naisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos at naparito sa Tsina, kung saan naghahari ang diyablo, para iligtas tayo. Hinarap Niya ang mortal na panganib kahit kailan at kahit saan, pero hindi Niya kailanman isinaalang-alang ang pansarili Niyang kaligtasan. Naglakad pa rin Siya kasama ng mga iglesia, ipinahahayag ang katotohanan upang diligan at tustusan tayo. Gayumpaman, sa gitna ng mapanganib na kapaligirang ito, ang iniisip ko lang ay kung paano makakaiwas sa pagkaaresto at hindi mabugbog hanggang sa mamatay. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Wala man lang akong katapatan sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nahiya ako sa aking pag-uugali. Sa harap ng Diyos, nagpasya ako, “Mahal kong Diyos, nagkamali ako. Hindi ko dapat sinubukang pangalagaan ang sarili ko sa ganitong kritikal na sandali, ipinagsasawalang-bahala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Walang-wala akong konsensiya! Mahal kong Diyos, gaano man kamapanganib ang mangasiwa sa gawaing panapos, at kahit mahuli ako ng mga pulis at bugbugin ako hanggang sa mamatay, handa akong gawin nang maayos ang aking tungkulin.”
Pagkatapos, matapos kong talakayin ang mga bagay-bagay sa nakapareha kong kapatid, isinaayos ko na makipagkita sa kapatid na may kustodiya sa mga aklat sa isang liblib na lugar para malaman kung ano ang nangyayari. Noong panahong iyon, nakalaya na ang kanyang asawa, at ikinuwento nito ang mga detalye ng mga bagay na ibinunyag ng kanyang anak na babae. Hindi lang ipinagkanulo ng anak ang mga tao, pumayag din siyang maging espiya para sa pulisya. Sinabi rin ng mga pulis sa anak, “Kung hahalughugin namin ang bahay ninyo nang ilang araw pa, ginagarantiyahan naming may mahahanap pa kaming iba.” Pagkarinig ko nito, bumigat sa pag-aalala ang aking puso, “Kailangang mailipat kaagad natin ang mga aklat! Noong nakaraan, hinayaan kong mawala ang pinakamagandang pagkakataon para mailipat ang mga ito dahil pinangangalagaan ko ang sarili ko. Sa pagkakataong ito, hindi na ako maaaring magpaliban. Ililipat ko ang mga aklat kahit ibuwis ko pa ang aking buhay para magawa ito!” Kaya nagkasundo kami sa oras para ilipat ang mga aklat. Nang oras na para ilipat ang mga aklat, hindi ko napansin na may isang makitid na daanan sa harap ng kanilang bahay. Naipasok namin ang sasakyan nang hirap na hirap, pero naipit ito pagpasok sa tarangkahan. Hindi kami makapasok o makalabas. Tahol nang tahol ang aso ng kapitbahay. Kinabahan ako at sa puso ko ay natakot ako, “Kapag isinumbong kami ng kapitbahay, ilang minuto lang ay darating ang mga pulis. Ano ang gagawin namin kung ganoon?” Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa aking puso. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag matakot sa kung ano-ano, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ang puwersang susuporta sa inyo, at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at na puprotektahan ng Diyos ang Kanyang gawain. Pagkatapos manalangin, nagawa naming ayusin ang direksiyon ng naipit na sasakyan at naiatras ito. Sa ganitong paraan, nailipat namin ang dalawang sasakyang puno ng mga aklat. Mula sa pagsisimula ng pag-iimpake hanggang sa huling biyahe, inabot ito ng halos isang oras. Tahol nang tahol ang aso ng kapitbahay, pero hindi lumabas ang kapitbahay. Kalaunan, nailipat din namin ang mga aklat mula sa bahay ng isa pang tagapag-ingat patungo sa ligtas na lugar nang walang aberya.
Matapos ang karanasang ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong makasarili at kasuklam-suklam na satanikong disposisyon, at naunawaan na ang kapalaran at kinalalabasan ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang dapat gawin ng isang tao ay gawin nang maayos ang tungkulin niya. Kahit siya pa ay maaresto, makulong, o mapatay sa pambubugbog, iyon ay makabuluhan at mahalaga. Nang handa na akong isuko ang aking buhay at tumigil sa pagsasaalang-alang sa mga sarili kong pakinabang at kawalan, nakita ko ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nagkamit ako ng mas matibay na pananalig sa Diyos!