2. Anong Disposisyon ang Nag-uudyok sa Isang Taong Makipagtalo at Gumawa ng mga Dahilan?

Ni Jiayu, Tsina

Isang araw noong Abril 2024, nakatanggap ako ng isang liham mula sa mga nakatataas na lider. Binanggit sa liham na ang ilang sister ay naglahad ng ilang isyu tungkol sa akin. Sinabi nila na wala pa akong naiayos na anumang pagtitipon para sa kanila, at na mabagal ako sa pagsubaybay sa gawain at pagsagot sa mga liham, at nakakaantala sa gawain. Matapos kong basahin ang mga isyu na kanilang iniulat, matagal akong hindi makalma, at patuloy kong sinusubukang makipagtalo at bigyang-katwiran ang sarili ko gamit ang mga dahilan tulad ng, “May mga obhetibong dahilan sa likod ng mga bagay na ito. Pansamantalang tumigil ang mga sister na ito sa pagdalo sa mga pagtitipon dahil hindi ligtas ang lugar ng pagtitipon. Sinabi ko sa kanilang maghanap agad ng isang bahay na puwedeng pagtipunan, pero hindi sila sumagot. Tungkol naman sa ilan pang kapatid, may mga panganib sa kanilang seguridad, kaya hindi muna ako nagsaayos ng mga pagtitipon para sa kanila. Hindi ko kasalanan na hindi sila makapagtipon, kaya bakit sa akin ibinubunton ng lahat ang sisi? Sa panahong ito na wala silang mga pagtitipon, sumusulat ako ng mga liham para kumustahin ang kanilang mga kalagayan at makipagbahaginan sa kanila. Hindi ko sila binabalewala. Sinasabi nilang mabagal ako sa pagsubaybay sa gawain at pagsagot sa mga liham, pero dahil ito sa pag-uusig at mga pag-aresto ng CCP. Hindi na kasingdalas ng dati ang mga pagtitipon ng mga kapatid, kaya siyempre hindi na rin sila nakakatanggap ng mga liham nang kasingbilis ng dati. Wala na rin ito sa aking mga kamay. Sobra-sobra ang hinihingi nilang lahat sa akin. Araw-araw kong sinusubaybayan ang lahat ng uri ng gawain, at kailangan ko ring sumulat ng mga liham para sagutin ang mga tanong ng mga kapatid. Minsan, sa sobrang abala ko ay inaabot ako ng hanggang alas-dos ng madaling-araw sa pagtatrabaho. Paanong hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain kung ganitong nagdurusa at nagbabayad ako ng halaga?” Noong oras na iyon, hindi ko talaga ito matanggap. Kinabukasan, hiniling ng mga nakatataas na lider sa mga kapatid na magsulat ng mga pagsusuri tungkol sa akin. Hinala ko na inisip ng mga lider na hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain at tatanggalin nila ako. Nang maisip ko ang halagang binayaran ko at kung paano ko ginugol ang sarili ko, hindi ko maiwasang makipagtalo sa loob ko at bigyang-katwiran ang sarili ko, naisip ko na, “Ang isang huwad na lider ay hindi gumagawa ng aktuwal na gawain kahit kaunti, pero palagi akong nagtatrabaho, naglalaan ng oras, at nagbabayad ng napakalaking halaga. Ano pa ang gusto ninyong gawin ko?” Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nasisiraan ng loob. Napagtanto kong may mali sa kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, hindi ko kayang magpasakop sa sitwasyong ito ngayon. Hindi ko alam kung anong aral ang dapat kong matutunan, at hindi ko nauunawaan ang Iyong layunin. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.”

Pagkatapos niyon, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano dapat husgahan ng isang tao kung tinutupad ba ng isang lider ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, o kung huwad na lider ba ito? Sa pinakapayak na antas, kailangang tingnan kung may kakayanan ba siyang gumawa ng tunay na gawain, kung may ganito ba siyang kakayahan o wala. Pagkatapos, dapat tingnan kung may pasanin ba siya na gawin nang maayos ang gawaing ito. Huwag pansinin kung gaano kaganda pakinggan ang kanyang mga sinasabi o kung gaano niya tila nauunawaan ang mga doktrina, at huwag pansinin kung gaano siya kahusay at kagaling sa pangangasiwa ng mga panlabas na usapin—hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay kung nagagawa ba niyang isagawa nang wasto ang mga pinakapangunahing aytem ng gawain ng iglesia, kung kaya ba niyang lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at kung naaakay ba niya ang mga tao tungo sa katotohanang realidad. Ito ang pinakapangunahin at pinakamahalagang gawain. Kung hindi niya kayang gawin ang mga aytem na ito ng tunay na gawain, gaano man kahusay ang kakayahan niya, gaano man siya katalentado, o gaano man katinding paghihirap ang kailangan niyang tiisin o gaano man kalaking halaga ang kailangan niyang bayaran, huwad na lider pa rin siya. Sabi ng ilang tao, ‘Kalimutan ninyo na wala siyang ginagawang anumang tunay na gawain ngayon. Mahusay ang kakayahan niya at may kakayanan siya. Kung magsasanay siya sandali, tiyak na makagagawa siya ng tunay na gawain. Bukod pa riyan, wala siyang nagawang anumang masama at wala siyang nagawang kasamaan o hindi siya nagsanhi ng mga pagkagambala o kaguluhan—paano Mo nasasabing siya ay huwad na lider?’ Paano natin ito maipaliliwanag? Hindi mahalaga kung gaano ka katalentado, kung anong antas ng kakayahan at edukasyon ang taglay mo, kung gaano karaming islogan ang kaya mong isigaw, o kung gaano karaming salita at doktrina ang naaarok mo; hindi alintana kung gaano ka man kaabala o kapagod sa isang araw, o kung gaano kalayo na ang iyong nalakbay, kung ilang iglesia na ang iyong binisita, o kung gaano kalaking panganib ang iyong hinarap at pagdurusang tiniis—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ginagampanan mo ba ang iyong gawain nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung tumpak mo bang naipatutupad ang mga pagsasaayos na iyon; kung, sa ilalim ng iyong pamumuno, ay nakikilahok ka ba sa bawat partikular na gawain na iyong responsabilidad, at kung ilang tunay na isyu ang talagang nalutas mo; kung ilang indibidwal ang nakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo dahil sa iyong pamumuno at paggabay, at kung gaano umusad at umunlad ang gawain ng iglesia—ang mahalaga ay kung nakamit mo ba o hindi ang mga resultang ito. Anuman ang partikular na gawaing kinabibilangan mo, ang mahalaga ay kung palagi ka bang sumusubaybay at nagdidirekta ng gawain sa halip na umaastang mataas at makapangyarihan at nag-uutos lamang. Bukod dito, ang mahalaga rin ay kung may buhay pagpasok ka ba o wala habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung kaya mo bang harapin ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, kung may patotoo ka ba ng pagsasagawa sa katotohanan, at kung kaya mo bang pangasiwaan at lutasin ang mga tunay na isyung kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang ganitong mga bagay at iba pang katulad nito ay pawang mga pamantayan sa pagsusuri kung tinutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad. Masasabi ba ninyo na praktikal ang mga pamantayang ito? At patas sa mga tao? (Oo.) Patas ang mga ito sa lahat. Hindi mahalaga kung ano ang antas ng iyong edukasyon, kung bata ka ba o matanda, kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, ang iyong senyoridad, o kung gaano karami na sa salita ng Diyos ang nabasa mo, wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung gaano kahusay mong ginagawa ang gawain ng iglesia pagkatapos kang mapili bilang isang lider, kung gaano ka kaepektibo at kahusay sa gawain mo, at kung umuusad ba ang bawat aytem ng gawain nang maayos at epektibo, at nang hindi naaantala. Ito ang mga pangunahing bagay na sinusuri kapag sinusukat kung natutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (9)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para masukat kung natupad ba ng isang lider ang kanyang mga responsabilidad, hindi ito tungkol sa kung gaano katinding paghihirap ang tila tinitiis niya o kung gaano karaming sakripisyo ang kanyang nagawa, kundi kung may nagawa ba siyang aktuwal na gawain, kung kaya ba niyang makipagbahaginan sa katotohanan para lutasin ang mga problema, at gampanan ang kanyang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, at kung makakausad ba sa normal at maayos na pamamaraan ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Kung walang nagawang aktuwal na gawain sa iba’t ibang aytem ng iglesia at walang mga resulta, kahit gaano katindi ang paghihirap na tila tinitiis ng isang tao, o kahit gaano kalaking halaga ang kanyang binayaran, isa pa rin siyang huwad na lider. Pagkatapos, nagnilay ako sa aking sarili. Nakita ko na hindi ko natugunan ang mga pamantayan na hinihingi ng Diyos, at na mukha lang akong nagbayad ng kaunting halaga at gumawa ng mababaw na gawain, pero nang magkaroon ng mga problema sa gawain, ayaw kong tiisin ang paghihirap o bayaran ang halagang kailangan para lutasin ang mga ito. Halimbawa, ang pinakapayak na gawain ay tiyaking may normal na buhay iglesia ang mga kapatid, pero walang ligtas na lugar para makapagtipon ang ilang kapatid. Sinabi ko sa kanilang sila na ang maghanap ng bahay para sa pagtitipon, pero hindi ko ito sinubaybayan. May mga panganib sa seguridad ng ibang kapatid, pero hindi ko tunay na pinag-isipan kung paano partikular na isasaayos ang mga bagay, ni hindi ko tinalakay ang usapin sa aking katuwang o hinanap ang paggabay mula sa mga nakatataas na lider tungkol sa mga tamang pagsasaayos. Inisip ko lang na maghihintay ako hanggang bumuti ang sitwasyon bago gumawa ng anuman. Hindi talaga ako gumagawa ng anumang aktuwal na gawain, at wala akong pagpapahalaga sa pasanin para sa buhay pagpasok ng mga kapatid ko. Tinukoy ng mga kapatid na mabagal ako sa pagsubaybay sa gawain at sa pagsagot sa mga liham, at alam kong may problema sa pagpapasa ng liham. Sa ilang okasyon, naantala ang gawain dahil mabagal sa pagpapasa ng liham ang mga manggagawa sa mga pangkalahatang usapin, at isa itong isyu na dapat sana ay nalutas agad. Pero nang maisip ko na ang paglutas sa isyung ito ay mangangahulugang kailangan kong puntahan ang mga manggagawa ng mga pangkalahatang usapin at itama ito at makipagbahaginan sa kanila para malutas ang kanilang aktuwal na mga paghihirap, ayaw ko nang pag-abalahan pa ito, kaya ginamit ko ang hindi magandang sitwasyon bilang dahilan, at patuloy akong nagpapaliban nang hindi tinutugunan ang isyu. Nahaharap sa pagbubunyag ng mga katunayan at sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, wala na akong anumang dahilan o palusot para bigyang-katwiran ang aking sarili. Tunay ngang hindi ko natupad ang mga responsabilidad ko bilang isang lider, at hindi mali ang mga kapatid tungkol sa mga problema ko na iniulat nila. Kung matatanggal ako, tatanggapin ko ito nang may lubos na kahandaan.

Pagkatapos, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang ilang lider at manggagawa ay hayagang gumagawa ng mga kilos na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, nililinlang ang mga nakatataas sa kanila habang pinaglilihiman ang mga nasa ilalim nila, o sumasalungat sa mga pagsasaayos ng gawain, at ang mga kilos nila ay nagdudulot pa nga ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia. Pero bukod pa sa hindi nila pinagninilay-nilayan at nakikilala ang sarili nilang mga problema o inaamin ang katunayan ng paggawa nila ng masama na panggugulo sa gawain ng iglesia, sa kabaligtaran, naniniwala pa nga sila na mahusay ang nagawa nila, at gusto nilang makakuha ng pagkilala at mga gantimpala, ipinagmamalaki at pinatotohanan kahit saan kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano katinding pagdurusa ang tiniis nila, kung gaano karaming kontribusyon ang nagawa nila sa kanilang gawain, kung gaano karaming tao ang nakamit nila sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo habang gumagawa, at iba pa. Hindi nila inaamin kahit kaunti kung gaano kalaking kasamaan ang nagawa nila o kung anong malaking kapinsalaan ang naidulot nila sa gawain ng iglesia. Siyempre, hindi rin sila nagsisisi, at lalong hindi bumabalik sa tamang landas. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang gayong mga tao ay makapal ang mukha? (Ganoon nga sila.) Kung tatanungin mo sila, ‘Isinagawa mo ba ang gawain ng iglesia ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Umayon ba ang gawain mo sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos?’ iniiwasan nila ang paksa. … Sabihin mo sa Akin, mayroon bang anumang pakiramdam ng kahihiyan ang mga ganitong uri ng tao? Kaya man lang ba nilang baybayin ang mga salitang ‘pakiramdam ng kahihiyan’? Kung tunay na wala silang pakiramdam ng kahihiyan, problema iyon. Kung malinaw nilang alam sa puso nila na nakagawa sila ng kasamaan pero mapagmatigas silang tumatangging aminin iyon nang pasalita, hindi ba’t napakatigas ng kalooban ng mga gayong tao? Kung kinikilala nila sa puso nila na may nagawa silang kasamaan at kaya rin nila itong aminin nang pasalita, kung gayon, maituturing pa rin na nagtataglay sila ng konsensiya—mayroon pa rin silang pakiramdam ng kahihiyan sa loob nila. Kung bukod sa tumatanggi silang aminin ito nang pasalita ay masuwayin din sila sa puso nila, palaging lumalaban at nagpapakalat pa nga ng mga pahayag na hindi sila tinatrato nang patas ng sambahayan ng Diyos at na sila ay mga biktima ng kamalasan, kung gayon, malubha ang problema nila. Gaano kalubha? Wala silang anumang konsensiya at katwiran. Ang konsensiya ay dapat parehong may kasamang pagpapahalaga sa katarungan at kabutihan. Ang isang aspekto ng pagpapahalaga sa katarungan ay na dapat mayroon ang mga tao ng pakiramdam ng kahihiyan. Kapag alam ng mga tao kung ano ang kahihiyan, saka sila maaaring maging matuwid, magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan, at magmahal sa mga positibong bagay at kumapit sa mga ito. Gayumpaman, kung wala kang pakiramdam ng kahihiyan sa iyong konsensiya at sa iyong pagpapahalaga sa katarungan, at hindi mo alam kung ano ang kahihiyan—at kung, kahit matapos makagawa ng mali, hindi ka nahihiya tungkol dito, at hindi mo alam kung paano magnilay-nilay o kamuhian ang iyong sarili, at wala kang nararamdamang pagsisisi, at wala kang pakialam kung paano ka inilalantad ng iba, at hindi namumula ang mukha mo at wala kang nararamdamang kahihiyan—kung gayon, may problema ang konsensiya mo bilang tao, at masasabi rin na wala kang konsensiya. Sa ganoong kaso, mahirap tukuyin kung masahol ba o masama ang puso mo—posible na masama ang puso mo, na ito ang puso ng isang lobo; hindi positibo kundi negatibo. Ang mga taong walang konsensiya at walang pagkatao ay mga demonyo. Kung may ginawa kang mali at wala kang nararamdamang anumang kahihiyan, at walang nararamdamang anumang pagsisisi o pagkakonsensiya, at bukod sa hindi ka nagninilay-nilay sa iyong sarili, ikaw rin ay nakikipagtalo, kumokontra, at nagtatangkang ipagtanggol at pangatwiranan ang iyong sarili, nagpapanggap na may magandang anyo, kung gayon, kung susukatin ayon sa pamantayan ng pagkatao, may problema sa pagkatao mo(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (9)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng labis na kahihiyan. Hindi ba’t ako ang walang-kahihiyang uri ng tao na inilantad ng Diyos? Nang iulat ng mga kapatid ang mga problema ko, hindi ako nagnilay sa aking sarili, sa halip, agad akong bumaling sa pagtatanggol sa aking sarili, na sinasabi ko kung gaano ako nagsakripisyo, at kung gaano katinding pagdurusa ang aking tiniis. Hindi nakadalo sa mga pagtitipon ang ilang kapatid sa loob ng ilang buwan, at hindi nasubaybayan ang gawain ng iglesia sa tamang oras. May direktang kaugnayan ang lahat ng ito sa aking pagkabigong tugunan ang mga tunay na isyu sa tamang oras. Bilang isang lider ng iglesia, hindi ko man lang maisaayos nang wasto ang pagkakaroon ng normal na buhay iglesia ng mga kapatid. Hindi ko man lang natapos ang mga pinakapayak na bagay, pero patuloy akong nagsasalita kung paano ako naagrabyado, gamit ang mga obhetibong dahilan para subukang pangatwiranan ang sarili ko, iniisip na labis-labis na ang aking naibigay, at na mas magaling pa ako kaysa sa mga huwad na lider na iyon na walang ginagawang aktuwal na gawain. Wala talaga akong kahit kaunting pagpapahalaga sa katwiran! Bagama’t tila nakagawa ako ng ilang gawain at nagbagyad ng kaunting halaga, mababaw na gawain lang ang ginagawa ko at hindi ako nagsikap sa paglutas ng mga tunay na problema sa iglesia. Wala talaga akong ginagawang anumang tunay na gawain, pero patuloy akong nakikipagtalo at gumagawa ng mga dahilan. Wala talaga akong kahihiyan!

Naalala ko nang sinabi ng mga lider na hindi ko tinanggap ang katotohanan, at naramdaman ko na sa pagkakataong ito, dahil hiniling nila sa mga kapatid na magsulat ng mga pagsusuri tungkol sa akin, maaaring tatanggalin na nila ako. Inililigtas ng Diyos ang mga tumatanggap ng katotohanan, at tila napakahirap para sa isang taong tulad ko na maligtas. Ginugol ko ang mga sumunod na araw na nalulunod sa kawalan ng pag-asa at kawalan ng motibasyong gumawa ng anuman. Kalaunan, natagpuan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na nakaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang gawin ng Diyos, ninanais Niya ang pinakamainam para sa tao. Anuman ang sitwasyong isinasaayos Niya o ang hinihingi Niyang gawin mo, palagi Niyang hinihiling na makita ang pinakamagandang kalalabasan. Sabihin nang may pinagdadaanan kang isang bagay at nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan. Hindi nais ng Diyos na makita kang pinanghihinaan ng loob kapag nabigo ka, isipin na katapusan mo na at na naagaw ka na ni Satanas, at pagkatapos ay susukuan mo na ang iyong sarili, hindi na muling makakabangon, at masasadlak ka sa panlulumo—hindi nais ng Diyos na makita ang kalalabasang ito. Ano ang nais makita ng Diyos? Na bagamat nabigo ka sa bagay na ito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilay-nilayan ang iyong sarili, mahanap ang dahilan ng iyong pagkabigo, tanggapin ang aral na itinuro ng kabiguang ito sa iyo, tandaan ito sa hinaharap, malaman na maling kumilos nang ganito at na sa pagsasagawa lamang ayon sa mga salita ng Diyos ang tama, at napagtatanto mo na, ‘Masamang tao ako. Mayroon akong isang tiwaling satanikong disposisyon. May paghihimagsik sa loob ko. Malayo ako sa matutuwid na tao na binabanggit ng Diyos, at wala akong may-takot-sa-Diyos na puso.’ Nakita mo na ang katunayang ito nang malinaw; nakilala mo ang katotohanan ukol sa bagay na ito, at sa pamamagitan ng dagok na ito, ng kabiguang ito, nagkamit ka ng kaunting katinuan at nasa hustong pag-iisip ka na. Ito ang gusto ng Diyos na makita(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo). Ang mga salita ng Diyos ay parang isang mainit na agos, na umaalo sa aking puso. Paano man kumilos ang Diyos, palagi itong mabuti. Kahit kapag ibinubunyag ng Diyos ang katiwalian ng mga tao, ito ay may dalang pag-asa na makikilala nila ang kanilang sarili, na magsisisi sila, at magbabago, at sa huli ay maiwawaksi nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon at maliligtas ng Diyos. Hindi hiniling ng Diyos na makita akong labis na negatibo, at isinaayos Niya ang mga sitwasyong ito nang may pag-asang hahanapin ko ang katotohanan para malutas ang aking mga tiwaling disposisyon. Nais akong iligtas ng Diyos, hindi itiwalag. Hindi ako sinukuan ng Diyos, kaya hindi ko rin maaaring sukuan ang sarili ko. Bagama’t may mga tiwaling disposisyon ako, basta’t hindi ko isusuko ang paghahangad ng katotohanan, may pag-asa pa rin akong maligtas ng Diyos. Nang maisip ko ito, tumigil ako sa pagiging negatibo, at ninais kong hanapin ang katotohanan at lutasin ang aking mga problema.

Kalaunan, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Reputasyon at katayuan lamang ang laman ng puso ng mga anticristo. Naniniwala sila na kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali, kakailanganin nilang tanggapin ang responsabilidad, at kung magkagayon, lubhang makokompromiso ang kanilang katayuan at reputasyon. Bilang resulta, lumalaban sila nang may saloobin ng ‘magkaila hanggang mamatay.’ Paano man sila inilalantad o hinihimay-himay ng mga tao, ginagawa nila ang makakaya nila para itanggi ito. Kung sinasadya man o hindi ang kanilang pagtanggi, sa madaling salita, sa isang banda, inilalantad ng mga ugaling ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo na tumututol at namumuhi sa katotohanan. Sa isa pang banda, ipinapakita nito kung gaano pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at mga interes. Samantala, ano ang kanilang saloobin ukol sa gawain at mga interes ng iglesia? Iyon ay paghamak at pagiging iresponsable. Walang-wala silang konsensiya at katwiran. Ipinapakita ba ng pag-iwas ng mga anticristo sa responsabilidad ang mga problemang ito? Sa isang banda, ang pag-iwas sa responsabilidad ay nagpapatunay sa kanilang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, habang sa isa pang banda, ipinapakita nito ang kawalan nila ng konsensiya, katwiran, at pagkatao. Gaano man napipinsala ng kanilang panggugulo at masasamang gawain ang buhay pagpasok ng mga kapatid, hindi sila nakadarama ng paninisi sa sarili at hindi kailanman nalulungkot tungkol dito. Anong uri ng nilikha ito? Kahit ang pag-amin sa bahagi ng kanilang pagkakamali ay maituturing bilang pagkakaroon nila ng kaunting konsensiya at katwiran, ngunit wala ni katiting na ganoong pagkatao ang mga anticristo. Kaya ano sila sa palagay ninyo? Ang mga anticristo ay mga diyablo sa diwa. Gaano mang pinsala ang kanilang ginagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito nakikita. Hindi nila ito ikinalulungkot ni bahagya sa kanilang puso, ni hindi nila sinisisi ang kanilang mga sarili, at lalong hindi sila nakakaramdam ng pagkakautang. Hinding-hindi ito ang dapat na makita sa mga normal na tao. Sila ay mga diyablo, at ang mga diyablo ay walang anumang konsensiya o katwiran. Kahit gaano karaming masamang bagay ang ginagawa nila, at kahit gaano kalaking mga kawalan ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, mariin nilang tinatangging aminin ito. Naniniwala sila na ang pag-amin dito ay nangangahulugang may nagawa silang mali. Iniisip nila, ‘Makakagawa ba ako ng mali? Hindi ako kailanman gagawa ng mali! Kung ipapaamin sa akin ang pagkakamali ko, hindi ba’t isang insulto iyon sa aking karakter? Bagama’t sangkot ako sa insidenteng iyon, hindi ako ang nagpasimuno nito, at hindi ako ang pangunahing responsable rito. Hanapin mo ang sinumang gusto mo, pero hindi dapat ako ang hinahanap mo. Ano’t anuman, hindi ko puwedeng aminin ang pagkakamaling ito. Hindi ko puwedeng pasanin ang responsabilidad na ito!’ Iniisip nila na sila ay kokondenahin, sesentensiyahan ng kamatayan, at ipapadala sa impiyerno at sa lawa ng apoy at asupre kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali. Sabihin mo sa Akin, kaya bang tanggapin ng ganitong mga tao ang katotohanan? Makakaasa ba ang isang tao na tunay siyang magsisisi? Paano man magbahagi ang iba tungkol sa katotohanan, nilalabanan pa rin ito ng mga anticristo, ipinupuwesto nila ang kanilang sarili laban dito, at sinusuway ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Kahit pagkatapos silang tanggalin, hindi pa rin nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali, at wala silang ipinapakitang anumang pagpapamalas ng pagsisisi(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na gaano man kalaking pinsala ang idulot ng mga anticristo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kapag pinungusan, hindi lang nila itinatanggi ang kanilang mga pagkakamali kundi nakakaramdam din sila ng paglaban at pagkasuklam, at patuloy nilang sinusubukang makipagtalo, bigwang-katwiran ang kanilang sarili, at ipinapasa pa ang responsabilidad, nang wala man lang pakiramdam ng pagsisisi o pagkakautang. Mula rito, makikita natin na talagang likas na tutol at namumuhi ang mga anticristo sa katotohanan. Nang muli kong tingnan ang sarili kong pag-uugali, nakita ko na katulad lamang ito ng sa isang anticristo. Malinaw na nabigo akong gumawa ng aktuwal na gawain, pero nang banggitin ito ng mga sister, nakaramdam ako ng paglaban at nakipagtalo ako, hindi man lang ako nagpakita ng kahit kaunting pagsunod o pagtanggap. Para protektahan ang aking reputasyon at katayuan, patuloy kong binibigyang-diin ang obhetibong dahilan ng mga pag-aresto at pag-uusig ng CCP para bigyang-palusot ang hindi ko paggawa ng aktuwal na gawain, at patuloy kong sinusubukang makipagtalo nang may matinding pakiramdam ng pagmamagaling. Paanong may anumang katwiran pa ako? Sa katunayan, dati nang iniulat sa akin ng mga kapatid ang mga problemang ito, pero hindi ko sila kailanman sineryoso, kaya iniulat ng mga sister ang usapin sa mga nakatataas na lider. Pero inisip ko na mataas ang inaasahan sa akin ng mga sister. Hindi ba’t lubos akong naging hindi makatwiran? Masyado kong pinahalagahan ang sarili kong mga interes, at wala man lang akong pakialam sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng aking mga kapatid. Tunay ngang hindi ako karapat-dapat sa ganoon kahalagang tungkulin.

Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng higit na pagkaunawa sa kalikasan at mga kahihinatnan ng aking pagtanggi at pagtutol sa katotohanan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palaging iniisip ng mga tao na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. … Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: ‘Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!’ Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagbubunyag ng iyong disposisyon. Isang pagbubunyag ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan tutol ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at itataboy at babalewalain ka Niya. Mula sa perspektiba ng mga tao, ang pinakamasasabi nila ay: ‘Masama ang disposisyon ng taong ito, masyado siyang suwail, mapagmatigas, at mayabang! Mahirap pakisamahan ang taong ito at hindi siya nagmamahal sa katotohanan. Hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan at hindi niya isinasagawa ang katotohanan.’ Sa pinakamataas na antas, ito ang ibibigay na pagtatasa sa iyo ng lahat, ngunit mapagpapasyahan ba sa pagtatasang ito ang kapalaran mo? Hindi mapagpapasyahan sa pagtatasang ibinibigay sa iyo ng mga tao ang kapalaran mo, ngunit may isang bagay na hindi mo dapat kalimutan: Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa nila. Kung tinutukoy ka ng Diyos nang ganito, at sinasabing kinasusuklaman mo ang katotohanan, kung hindi lang Niya sinasabi na mayroon kang kaunting tiwaling disposisyon, o na medyo masuwayin ka, hindi ba’t isa itong napakalubhang problema? (Malubha ito.) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng problema, at ang problemang ito ay hindi nakasalalay sa pananaw ng mga tao sa iyo, o sa kung paano ka nila tinatasa, ito ay nakasalalay sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang iyong tiwaling disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan. Kaya, paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinukoy lang ba ng Diyos na napopoot ka sa katotohanan at na hindi mo minamahal ito, at iyon na iyon? Ganoon ba iyon kasimple? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kumakatawan ito sa Diyos.) Pagnilayan ito: Kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, paano Niya titingnan ang taong iyon? (Bilang kaaway Niya.) Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag napopoot sa katotohanan ang isang tao, napopoot siya sa Diyos!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang hindi kailanman pagtanggap sa payo at paggabay ng iba ay totoong nangangahulugan na hindi kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan. Nagmumula sa Diyos ang katotohanan, kaya ang diwa ng hindi pagtanggap ng katotohanan ay pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan! Naisip ko ang ilan sa anticristo na napatalsik sa iglesia. Gaano man kalaki ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia, o gaano man nakipagbahaginan ang mga kapatid sa katotohanan o gaano man sila pinungusan, lubos pa rin nilang itinanggi ang kanilang mga pagkakamali, at sumama pa ang loob nila sa mga kapatid na nagbigay sa kanila ng payo. Dahil hindi nila tinanggap ang katotohanan, palagi silang lumilikha ng mga paggambala at panggugulo sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, at sa huli, nakagawa sila ng maraming masamang gawa at pinatalsik sila mula sa iglesia. Pagkatapos, naisip ko ang sarili ko. Ang mga ulat na ginawa ng mga kapatid tungkol sa aking mga problema ay batay sa katunayan, at ang dahilan ng kanilang mga ulat ay para tulungan akong malutas ang mga problemang ito nang mabilis para magkaroon ng normal na buhay iglesia ang mga kapatid, at para makausad nang maayos ang gawain ng iglesia. Ang lahat ng ito ay para mapangalagaan ang mga interes ng iglesia, at isa itong positibong bagay na dapat gawin. Pero hindi ko lang ito tinanggihan, nagmatigas pa akong nakipagtalo at gumawa ng mga dahilan. Bagama’t tila hindi ko matanggap ang payo ng mga kapatid, ang totoo, hindi ko matanggap ang mga positibong bagay o ang katotohanan. Ang kalikasang ito ay isang uri ng paglaban sa Diyos! Napagtanto ko na lubhang walang galang ang saloobin ko patungkol sa katotohanan, at na kung hindi ko ito babaguhin, hindi masasabi kung kailan ko muling lalabanan ang Diyos, na lalo pang dadami ang magagawa kong mga pagsalangsang, at sa huli, matitiwalag ako tulad ng isang anticristo. Nang mapagtanto ko ito, natakot ako. Nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon at kinain at ininom ko ang maraming salita ng Diyos, pero namuhay ako ayon sa aking satanikong disposisyon at tinanggihan ko ang payo ng iba. Dahil sa ganitong saloobin sa paggawa ng aking tungkulin, kinasusuklaman ako ng Diyos, at kahit na ginugol ko ang buong buhay ko na patuloy na nananampalataya sa Diyos nang ganito, hindi ko kailanman makakamtan ang katotohanan, at hindi kailanman malilinis ang mga tiwaling disposisyon ko. Mula sa kaibuturan ng puso ko, naramdaman ko na ang pagkakabunyag ay hindi pagtitiwalag, kundi ang pagliligtas sa akin ng Diyos. Hindi ako tinanggal ng iglesia, kundi binigyan ako ng isa pang pagkakataon at kailangan kong agad na magsisi.

Nagsimula akong maghanap ng isang landas ng pagsasagawa, at naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, kaya hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung nais mong sundan ang Diyos at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat hindi ka muna maging mapusok kapag hindi umaayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay. Kumalma ka muna at tumahimik sa harap ng Diyos, at sa puso mo, manalangin at maghanap sa Kanya. Huwag kang magmatigas; magpasakop ka muna. Kapag gayon ang pag-iisip mo, saka ka lamang makakaisip ng mas magagandang solusyon sa mga problema. Kung kaya mong magtiyagang mamuhay sa harap ng Diyos, at anuman ang sumapit sa iyo, nagagawa mong manalangin at maghanap sa Kanya, at harapin ito nang may mentalidad ng pagpapasakop, kung gayon ay hindi na mahalaga kung gaano karami ang pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon, o kung anong mga paglabag ang dati mong nagawa—malulutas ang mga iyon basta’t hinahanap mo ang katotohanan. Anumang mga pagsubok ang sumapit sa iyo, magagawa mong manindigan. Basta’t tama ang mentalidad mo, nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, at nagpapasakop ka sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, lubos kang may kakayahang isagawa ang katotohanan. Bagama’t medyo suwail ka at palaban paminsan-minsan, at kung minsan ay nangangatwiran ka para ipagtanggol ang sarili at hindi mo magawang magpasakop, kung kaya mong manalangin sa Diyos at baguhin ang iyong suwail na kalagayan, makakaya mong tanggapin ang katotohanan. Kapag nagawa mo ito, pagnilayan kung bakit umusbong sa iyo ang gayong pagrerebelde at paglaban. Tuklasin ang dahilan, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin iyon, at ang aspektong iyon ng iyong tiwaling disposisyon ay maaaring madalisay. Matapos mong maranasan ang ilang gayong mga pagkatisod at pagkadapa, hanggang sa puntong naisasagawa mo na ang katotohanan, unti-unting maaalis ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos, maghahari ang katotohanan sa iyong kalooban at magiging buhay mo, at hindi na magkakaroon pa ng mga sagabal sa pagsasagawa mo ng katotohanan. Magagawa mo nang tunay na magpasakop sa Diyos, at isasabuhay mo ang katotohanang realidad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ginawang napakalinaw ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa. Ang susi ay magkaroon ng pusong tumatanggap ng katotohanan kapag nahaharap sa mga bagay-bagay. Gaano man tayo naging makatwiran sa ating palagay sa pagkakataong iyon, hindi natin dapat ipakita ang ating depensibong pangangatwiran. Sa halip, dapat nating itahimik ang ating puso sa harap Diyos, magdasal at maghanap mula sa Kanya. Saka lamang natin matatanggap ang paggabay ng Banal na Espiritu. Kasabay nito, dapat nating pagnilayan ang ating mga problema at hanapin ang mga kaugnay na katotohanan para malutas ang mga ito, at kapag nagkaroon tayo ng pagkaunawa sa ating mga tiwaling disposisyon, matatanggap na ng ating puso ang katotohanan at makapagpapasakop na ito. Dapat akong magsagawa ayon sa landas na ibinigay sa akin ng Diyos.

Isang araw noong Hunyo, si Sister Lin Wei, na responsable sa gawain ng ebanghelyo, ay sumulat para sabihin na dalawang linggo na ang nakalipas, tinanong niya ako tungkol sa gawain ng ebanghelyo ng iglesia, pero hindi ko raw siya nabigyan ng anumang feedback. Nang makita ko ang mga problemang tinukoy ni Lin Wei, nakaramdam ako ng kaunting paglaban, at bago ko pa matapos ang liham, hindi ko maiwasang makipagtalo sa puso ko, iniisip ko na, “Sinubaybayan ko naman ang gawain ng ebanghelyo, pero hindi nagbigay ng mga detalye ang mga mangangaral ng ebanghelyo sa kanilang tugon, kaya hindi kita mabigyan ng anumang feedback. Sa paraan ng pagkakasabi mo, parang hindi ko sinubaybayan ang gawain!” Sa katapusan ng liham, ibinahagi ni Lin Wei ang sarili niyang karanasan para gabayan ako sa pagbuod ng mga paglihis sa aking mga tungkulin at para tumuon ako sa pagkatuto ng mga aral upang magampanan ko nang maayos ang aking mga tungkulin. Sa puntong iyon, napagtanto ko na ang disposisyon na aking ipinakita ay disposisyon pa rin ng pakikipagtalo, paggawa ng mga dahilan, at hindi pagtanggap sa katotohanan. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, ngayon, nang ituro ng sister ang mga problema ko, ninais ko pa ring makipagtalo at pangatwiranan ang sarili ko. Pakiusap, gabayan Mo ako na magsimula sa punto ng pagtanggap at pagkatapos ay magnilay sa aking sarili sa pamamagitan nito.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat ay magkaroon muna ang isang tao ng saloobin na tanggapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya. Ang hindi pagkakaroon ng ganitong saloobin ay tulad ng hindi pagkakaroon ng sisidlan upang tumanggap ng kayamanan, kaya hindi mo magawang makamit ang katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Napagtanto ko na sa pagharap sa sitwasyong ito, maaari lamang akong matuto ng aral sa pamamagitan ng pagpapasakop muna. Pagkatapos, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kaya ano ba mismo ang isang mapagpasakop na saloobin? Una, kailangan mong magkaroon ng positibong saloobin: Kapag pinupungusan ka, hindi mo muna sinusuri ang tama at mali—tinatanggap mo lang ito, nang may pusong nagpapasakop. Halimbawa, maaaring may magsabi na may ginawa kang mali. Bagamat hindi mo nauunawaan sa puso mo, at hindi mo alam kung ano ang ginawa mong mali, tinatanggap mo pa rin ito. Ang pagtanggap ay pangunahin na isang positibong saloobin. Bukod pa rito, mayroong isang saloobin na bahagyang mas negatibo—ang manatiling tahimik at huwag gumawa ng anumang pagtutol. Anong uri ng mga pag-uugali ang may kinalaman dito? Hindi ka nangangatwiran, nagtatanggol sa iyong sarili, o gumagawa ng mga obhektibong dahilan para sa sarili mo. Kung palagi kang nagdadahilan at nangangatwiran para sa sarili mo, at ipinapasa ang responsabilidad sa ibang tao, pagtutol ba iyon? Iyon ay isang disposisyon ng paghihimagsik. Hindi ka dapat tumanggi, lumaban, o mangatwiran. Kahit na may batayan ang pangangatwiran mo, iyon ba ang katotohanan? Isa iyong obhektibong dahilan ng tao, hindi ang katotohanan. Hindi ka tinatanong tungkol sa mga obhetibong dahilan—kung bakit nangyari ang bagay na ito, o kung paano nagkaganito—sa halip, sinasabi sa iyo na ang kalikasan ng kilos na iyon ay hindi naaayon sa katotohanan. Kung mayroon kang kaalaman sa ganitong antas, talagang magagawa mong tumanggap at hindi lumaban(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Malinaw na inilalatag ng mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa. Hindi dapat ako nagsisimula sa pagsusuri ng tama o mali kapag nahaharap sa isang sitwasyon. Bagama’t hindi ko pa rin makita kung saan ako nagkamali, dapat ko munang tanggapin ang mga problemang tinukoy ng aking sister at pagnilayan ang aking sarili. Hindi ko dapat sinubukang magbigay ng mga obhetibong dahilan, dahil kahit na tama ang mga pangangatwiran ko, hindi ang mga ito ang katotohanan. Nang magkaroon ako ng kaisipang mapagpasakop, naging kalmado ang puso ko. Pagkatapos, sinimulan kong suriin ang mga kamakailang palitan namin ng liham ng mga mangangaral ng ebanghelyo para makita kung nasaan talaga ang problema. Natuklasan ko na sa ilang tao, isang beses ko lang silang tinanong ng mga detalye, at nang hindi sila sumagot, hindi ko na sila muling sinubaybayan; may ilang sumagot, pero wala namang mga detalye. Sa katunayan, kaugnay ng mga isyung ito, dapat sana ay sumulat akong muli at humingi ng mga partikular na detalye na nakasulat at nagbigay ng feedback kay Lin Wei sa lalong madaling panahon, pero dahil hindi ko sinubaybayan ang gawain at hindi ko alam ang kalagayan ng mga bagay-bagay, hindi ko ito nagawa, kaya hindi kami natulungan ni Lin Wei na maitama ang mga paglihis o malutas ang mga problema sa tamang oras. Ang mabagal na pag-usad ng gawain ng ebanghelyo ay talagang responsabilidad ko. Dahil sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko ang aking mga problema, at tunay kong nakayang tanggapin ang paggabay at tulong ni Lin Wei nang buong puso. Pagkatapos niyon, nakipagbahaginan ako sa mga mangangaral ng ebanghelyo, hiniling ko sa kanilang magbigay ng partikular na feedback tungkol sa gawain ng ebanghelyo, para agaran naming maitama ang mga paglihis at matiyak ang magagandang resulta sa aming mga tungkulin. Kapag nagkakaroon ng mga problema at paghihirap sa gawain ng ebanghelyo, agad akong nagbibigay ng feedback kay Lin Wei at naghahanap ng mga solusyon kasama siya. Kasabay nito, sinimulan ko ring sadyang subaybayan ang gawain nang regular at tiyaking naipapatupad ito nang maayos. Salamat sa Diyos! Ang pagbabagong ito sa akin ay dulot ng mga salita ng Diyos.

Sinundan:  1. Natutuhan Ko Nang Tratuhin Nang Wasto ang Aking Tungkulin

Sumunod:  3. Masisira Mo ang Iyong Sarili sa Pagiging Hindi Malamig o Mainit sa Iyong Pananampalataya

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger