34. Pagkatapos Kong Malaman na May Sakit ang Nanay Ko
Noong Mayo 2023, ginagampanan ko ang mga tungkulin nang malayo sa bahay. Isang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa aking bayan, na nagsasaad na na-stroke ang nanay ko ilang taon na ang nakalipas, at limitado na ang kanyang pagkilos. Hindi ako makapaniwala na totoo ito. Nang maisip ko ang imahe ng nanay ko matapos ma-stroke, hindi ko napigilang mapahagulgol Naisip ko na, “Ang pag-uusig at paghahanap sa akin ng CCP ang naging dahilan sa hindi ko pag-uwi nang halos siyam na taon. Tiyak na matagal na akong hinahanap ng mga di-nananampalatayang kapamilya at kamag-anak ko. Maaari kayang patuloy siyang inuusisa ng mga ito, at na-stroke siya dahil nakaranas siya ng matinding presyur? Wala sa mga kapamilya ko ang nananampalataya sa Diyos, at inuusig pa nila ang nanay ko. Talaga bang aalagaan siya ng mga ito nang maayos? Lalo na ang aking kapatid at hipag: ngayong na-stroke si Nanay, bukod sa hindi na siya makakapagnegosyo at kikita ng pera, hindi na rin siya makakatulong sa mga ito sa pag-aalaga ng mga anak nila. Sa halip, kailangan ni nanay ang mga ito para alagaan siya. May kasabihan na, ‘Walang magagalang na anak sa mga magulang na may malubhang karamdaman.’ Sa paglipas ng panahon, magkakaroon pa rin kaya sila ng pasensiya para alagaan siya? Sasabihan ba siya ng masasakit na salita ng mga kamag-anak, kaibigan at kapitbahay? Kung mangyayari ito, hindi lamang magdurusa ang nanay ko sa pasakit ng karamdaman, titiisin din niya ang paghihirap ng isipan. Mapagtatagumpayan ba niya ang sitwasyong ito?” Noong panahong iyon, talagang nais kong umuwi agad para alagaan ang nanay ko, pero hindi ako makauwi dahil inuusig ako ng CCP at sinusubukan akong arestuhin. Naisip ko kung paano niya ako isinilang, pinalaki, at sinuportahan sa pag-aaral ko. Mahirap ang buhay sa bahay, at nagtipid at nag-ipon ang nanay ko at tiniis niya ang presyur ng mataas na interes sa pautang para mapag-aral ako sa unibersidad. Hindi ko nagawang alagaan ang nanay ko sa nakalipas na siyam na taon, at ngayon kahit na-stroke na siya, hindi pa rin ako makauwi para alagaan siya. Nagbayad ng napakalaking halaga ang nanay ko para sa akin, pero bilang anak niya ay hindi ko natupad ang alinman sa tungkulin ko bilang mabuting anak. Naramdaman ko na talagang may pagkakautang ako sa kanya. Sa lahat ng mga taong ito, palagi kong inaasam na muling makita ang nanay ko balang araw, at magkaroon ng mahaba at masinsinang pakikipag-usap sa kanya. Pero ngayon, tuluyan nang nawasak ang pangarap na ito. Matapos ma-stroke, hindi na makapagsalita nang normal ang nanay ko, lalo na’t hindi na niya kaya pang makipag-usap nang mahaba at masinsinan. Habang lalo kong iniisip, lalo akong nakaramdam ng pagdadalamhati. Hindi ko pa nga makalma ang puso ko kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin. Paulit-ulit na sumasagi sa isipan ko ang imahe ng aking ina na pinahihirapan ng karamdaman, at patuloy akong umiiyak nang hindi ko mapigilan.
Sa gabi, hindi ako mapakali, hindi makatulog. Puno ang isipan ko ng larawan ng nanay ko matapos siyang ma-stroke, at namumuhay ako nang lubusan sa pagmamahal ko sa kanya. Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, at kung magpapatuloy ako nang ganito, tiyak na hindi ko magagampanan nang maayos ang tungkulin ko. Nasa mahalagang yugto tayo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Dapat kong agad na ayusin ang kalagayan ko at muling ilaan ang puso ko sa aking tungkulin. Sa panahong ito, naalala ko ang karanasan ni Job. Sa isang iglap, ang mga baka at tupa ni Job, na sumakop sa mga burol, ay kinuha sa kanya, namatay ang kanyang mga anak, at napuno siya ng masasakit na pigsa sa buong katawan. Sa harap ng ganoon kalaking pagsubok at matinding sakit, hindi kailanman nagreklamo si Job laban sa Diyos. Sinabi pa niya na: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ngayon, nang ma-stroke ang aking ina, bagaman hindi ko lubusang nauunawaan ang layunin ng Diyos, alam ko na ang pangyayaring ito na dumating sa akin ay ang Diyos na sumusubok at humuhubog sa akin. Kailangan kong tularan si Job. Anuman ang mangyari, hindi maaaring magkasala ang aking mga labi sa pagrereklamo laban sa Diyos, at hindi ko maaaring talikuran ang tungkulin ko at ipagkanulo ang Diyos. Nang maisip ko ito, unti-unting kumalma ang puso ko.
Isang umaga, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan na pinamagatang Nang Na-diagnose na May Kanser si Mama. Labis akong naantig sa isang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit doon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi mo kailangang labis na ianalisa o siyasatin ang usapin ng pagkakaroon ng malubhang sakit ng iyong mga magulang o ang pagdanas nila ng ilang malaking kasawian, at lalong hindi mo ito dapat paglaanan ng lakas—walang silbi na gawin ito. Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, pagkamatay, at pagharap sa iba’t ibang malaki at maliit na bagay sa buhay ng mga tao ay mga napakanormal na pangyayari. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat kang magkaroon ng mature na pag-iisip, at dapat mong harapin ang bagay na ito nang mahinahon at tama: ‘May sakit ang mga magulang ko. Sinasabi ng ilang tao na iyon ay dahil masyado silang nangulila sa akin, possible ba iyon? Totoong nangulila sila sa akin—paanong hindi mangungulila ang isang tao sa sarili niyang anak? Nangulila rin ako sa kanila, kaya bakit hindi ako nagkasakit?’ May tao bang nagkakasakit dahil nangungulila siya sa kanyang mga anak? Hindi iyon ganoon. Kung gayon, ano ang nangyayari kapag nahaharap ang iyong mga magulang sa mahahalagang usaping ito? Masasabi lamang na inihanda ng Diyos ang ganitong uri ng bagay sa kanilang buhay. Ito ay pinamatnugutan ng kamay ng Diyos—hindi ka maaaring tumuon sa mga obhetibong dahilan at mga sanhi—nakatakda talaga na mahaharap ang iyong mga magulang sa bagay na ito kapag umabot na sila sa ganitong edad, nakatakda nang matatamaan sila ng sakit na ito. Naiwasan kaya nila ito kung nandoon ka? Kung hindi isinaayos ng Diyos na magkasakit sila bilang parte ng kanilang kapalaran, walang mangyayari sa kanila, kahit na hindi ka nila nakasama. Kung nakatadhana silang maharap sa ganitong uri ng malaking kasawian sa kanilang buhay, ano ang maaaring naging epekto mo kung nandoon ka sa tabi nila? Hindi pa rin naman nila ito maiiwasan, hindi ba? (Tama.) Isipin mo iyong mga taong hindi nananampalataya sa Diyos—hindi ba’t magkakasama ang kanilang mga pamilya, taon-taon? Kapag nahaharap sa malaking kasawian ang mga magulang na iyon, kasama nilang lahat ang mga miyembro ng kanilang malaking pamilya at ang kanilang mga anak, tama? Kapag nagkasakit ang mga magulang, o kapag lumala ang kanilang mga karamdaman, dahil ba ito sa iniwan sila ng kanilang mga anak? Hindi iyon ang kaso, ito ay nakatadhanang mangyari. Kaya lang, bilang anak nila, dahil may ugnayan kayo ng iyong mga magulang bilang magkadugo, mababalisa ka kapag nabalitaan mong may sakit sila, samantalang ang ibang tao ay walang anumang mararamdaman. Normal na normal lang ito. Gayumpaman, ang pagdanas ng iyong mga magulang ng ganitong uri ng malaking kasawian ay hindi nangangahulugan na kailangan mong mag-analisa at magsiyasat, o pag-isipan kung paano ito alisin o lutasin. Ang mga magulang mo ay nasa hustong gulang na; maraming beses na nilang naranasan ang ganito sa lipunan. Kung nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran upang alisin sa kanila ang bagay na ito, kung gayon, sa malao’t madali, ito ay ganap na maglalaho. Kung ang bagay na ito ay isang pagsubok sa buhay para sa kanila, at dapat nilang maranasan ito, kung gayon, ang Diyos na ang bahala kung hanggang kailan nila ito dapat maranasan. Isa itong bagay na dapat nilang maranasan, at hindi nila ito maiiwasan. Kung nais mong mag-isang lutasin ang bagay na ito, ianalisa at siyasatin ang pinagmulan, mga sanhi, at mga kahihinatnan ng bagay na ito, iyan ay isang kahangalan. Wala itong silbi, at ito ay kalabisan lang. Hindi ka dapat kumilos nang ganito, inaanalisa, sinisiyasat, at pinag-iisipan na makipag-ugnayan sa iyong mga kaklase at kaibigan para makahingi ng tulong, nakikipag-ugnayan sa ospital para sa iyong mga magulang, nakikipag-ugnayan sa pinakamagagaling na doktor, ipinahahanda ang pinakamagandang silid sa ospital para sa kanila—hindi mo kailangang pigain ang utak mo sa paggawa ng lahat ng bagay na ito. Kung talagang mayroon kang natitirang lakas, dapat mong galingan ang tungkuling dapat ay ginagampanan mo ngayon. May sariling kapalaran ang iyong mga magulang. Walang sinuman ang makakatakas sa edad kung kailan sila dapat mamatay. Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong kapalaran, at gayundin, hindi ikaw ang tagapamahala ng kapalaran ng iyong mga magulang. Kung may nakatadhanang mangyari sa kanila, ano ang magagawa mo tungkol dito? Ano ang epektong matatamo ng iyong pagiging balisa at paghahanap ng mga solusyon? Wala itong anumang matatamo; ito ay nakasalalay sa mga intensiyon ng Diyos. Kung nais ng Diyos na kunin sila, at bigyan ka ng kakayahang magampanan ang iyong tungkulin nang hindi naaabala, maaari mo bang panghimasukan ito? Maaari mo bang talakayin ang iyong mga kondisyon sa Diyos? Ano ang dapat mong gawin sa panahong ito? Ang pigain ang utak mo sa pag-iisip ng mga solusyon, pagsisiyasat, pag-aanalisa, paninisi sa iyong sarili, at pagkahiyang harapin ang iyong mga magulang—ito ba ang mga kaisipan at kilos na dapat taglayin ng isang tao? Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng kawalan ng pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan; ang mga ito ay hindi makatwiran, hindi matalino, at mapanghimagsik sa Diyos. Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga pagpapamalas ang mga tao. Nauunawaan mo ba? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na matagal nang itinakda ng Diyos kung gaano katindi ang pagdurusang titiisin ng isang tao sa buong buhay niya, kung anong malulubhang karamdaman ang dadapo sa kanya, at kung gaano karaming kabiguan ang dapat niyang maranasan, at wala itong kinalaman sa mga obhetibong dahilan. Nakasulat na sa tadhana ng aking ina na siya ay magkakasakit. Tungkol sa kung ilang taon niya kailangang danasin ang karamdamang ito, kung tuluyan ba itong magagamot o hindi, at kung sa huli ay mag-iiwan ito ng anumang epekto sa kanya, lahat ng ito ay matagal nang itinakda ng Diyos. Gayumpaman, hindi ko naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at nagpatuloy ako sa pagsusuri at pag-iimbestiga, naniwala ako na dahil ilang taon akong hindi nakauwi, at inusig ng mga di-nananampalatayang kapamilya at kamag-anak ko ang nanay ko, hindi niya kinaya ang presyur na idinulot nito sa kanya at dahil dito ay na-stroke siya. Nag-alala rin ako na hindi aalagaan ng pamilya ko ang nanay ko pagkatapos niyang ma-stroke, at sasabihan siya ng masasakit na salita ng mga kamag-anak, kaibigan at kapitbahay, na magdudulot sa kanya ng dobleng pagdurusa kapwa sa katawan at sa espiritu. Hindi ako makauwi para alagaan siya dahil sa banta ng pag-uusig at pag-aresto ng CCP, kaya namuhay ako nang may pagkakautang sa kanya, at lubusang nabalot ang puso ko ng pag-aalala sa karamdaman ng nanay ko. Hindi ko pa nga makalma ang puso ko habang ginagampanan ang aking tungkulin. Ngayon ay napagtanto ko na ang pagkaka-stroke ng nanay ko ay walang kinalaman sa kung nasa tabi niya ako o hindi. Hindi ibig sabihin na maiiwasan niya ang karamdamang ito kung kasama niya ako, at hindi rin ibig sabihin na kung uuwi ako para alagaan siya, maiibsan ang karamdaman niya o tuluyan na siyang gagaling. Parang noong nagkaroon ng esophageal cancer ang lola ko at tinamaan naman ng liver cancer ang tiyahin ko. Noong panahong iyon, pinagsikapan ng nanay ko na mag-isip ng mga paraan para gamutin sila, gumastos siya ng maraming pera, at madalas siyang dumadalaw sa kanila. Gayumpaman, sa huli ay pumanaw pa rin sila. Ipinakita nito na ang mga karamdamang tinatamo ng isang tao sa kanyang buhay at kung kailan siya mamamatay ay matagal nang itinakda ng Diyos. Kahit gaano man magsikap ang mga tao, o gaano man nila alagaan ang may sakit, hindi nila kailanman mababago ito kahit kaunti. Kahit na nanatili ako sa tabi ng aking ina at inalagaan siya, magkakaroon pa rin siya ng sakit na ito. Sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga katunayang ito, nakita ko na bagaman maraming taon akong nanampalataya sa Diyos, ang paraan ko ng pagtingin sa mga bagay ay tulad pa rin ng sa isang walang pananampalataya. Hindi ko naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng hiya sa puso ko, at naging handang manumbalik sa Diyos, ganap na ipinagkakatiwala ang karamdaman ng nanay ko sa Diyos, at lubos na nagpapasakop sa pamamatnugot ng Diyos, kung bubuti man ito o hindi, nang hindi nagrereklamo sa anumang mangyayari. Dahan-dahan, labis na bumuti ang kalagayan ko. Minsan, iniisip ko pa rin ang karamdaman ng nanay ko, pero nabawasan na ang sakit sa puso ko at nagawa ko nang ilaan ang puso ko sa aking mga tungkulin.
Isang araw, nakikipag-usap ako sa ilang sister at hindi sinasadyang nabanggit ang pagka-stroke ng nanay ko. Nagsimulang mangilid ang mga luha sa aking mga mata, at napuno ang isip ko ng mga imahe ng aking ina habang inaalagaan ako at sinusuportahan ang pananampalataya ko sa Diyos. Kalaunan, naghanap ako ng kasagutan: Bakit ba ako labis na nasaktan nang malaman kong na-stroke ang nanay ko? Paano ako makakaalis sa kalagayang ito? Sa paghahanap ko ng kasagutan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala rito ang tao, isang buhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Dahil dito, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanilang paglaki hanggang sa kanilang pagtanda. Sa panahon ng prosesong ito, walang nakadarama na umiiral at lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na ang tao ay lumalaki sa ilalim ng biyaya ng pagpapalaki ng mga magulang, at na ang sarili niyang instinto sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng kanyang buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng pag-iral ng buhay niya, at na ang mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang nababatid ang tao, at sa ganitong paraan niya inaaksaya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos….” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). “Pag-usapan natin kung paano dapat bigyang-kahulugan ang ‘Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang.’ Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Dahil ito ay katunayan, nararapat lang na ipaliwanag natin ang mga usaping nakapaloob dito. Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, hindi mga tao ang dapat gumawa ng pagpili rito. Hindi mo pinili na ang mga magulang mo ang magsilang sa iyo, at hindi rin nila ito pinili. Kung titingnan ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, ito ay ang kanilang subhetibong kagustuhan na magkaroon at magpalaki ng mga anak. Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang at pagpapalaki sa iyo, ang iyong mga magulang ang pawang may kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka. Pasibo kang isinilang sa kanila. Wala kang naging anumang pagpili sa usapin. Kaya, sapagkat pawang ang mga magulang mo ang may kapangyarihan, at dahil isinilang ka nila, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na palakihin ka hanggang sa hustong gulang. Ito man ay pagbibigay sa iyo ng edukasyon, o pagtutustos sa iyo ng pagkain at pananamit, ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na alagaan ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibong pinalalaki ng iyong mga magulang. Paano ka man pinalaki ng iyong mga magulang, hindi ikaw ang mapagpasya roon. Kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay nagkaroon ka ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman, kung gayon, nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at pinatataba ito, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, mas lalong lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang kasingganda kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas! Sa anumang uri ng pamilya isinilang ang isang tao, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang taong nagtataglay ng buhay, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan ang mga tao na mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilalang. Sadya lamang na bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat ay lumaki ka sa kapaligirang iyon. Na isinilang ka sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; na pinalaki ka ng mga magulang mo hanggang sa hustong gulang ay dahil din sa pag-orden ng Diyos. Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Dahil hindi ito matatawag na kabutihan, masasabi ba na isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Oo.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na ang Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao, at ang hininga ng buhay ko ay ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Bago pa man ako isilang, isinaayos na ng Diyos ang isang pamilya at mga magulang para sa akin, at palagi Niya akong binabantayan at pinoprotektahan habang ako ay lumalaki. Isinaayos din niya na ang mga kapatid ay mangaral ng ebanghelyo sa akin, kaya masuwerte ako na marinig ang tinig ng Diyos at matanggap ang kaligtasan mula sa Diyos. Mula noon, tumigil na ako sa paghahangad ng makamundong kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng ito ay ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Sa panlabas, mukhang ang aking ina ang nagpapalaki sa akin, pero ito ay nagmula sa kataas-taasang kapangyarihan at pagtatakda ng Diyos. Mas pinahalagahan ng aking ama ang mga lalaki kaysa sa mga babae, at hindi niya ako kailanman nagustuhan mula noong araw na isinilang ako. Kapag nakagawa ako ng kahit kaunting pagkakamali, binubugbog niya ako, at sa bawat pagkakataon, nasa tabi ko ang aking ina at pinoprotektahan ako. Hindi ako pinayagan ng aking ama na pumasok sa mataas na paaralan, pero iginiit ng aking ina na mag-aral ako at tiniis pa niya ang presyur ng pautang na may mataas na interes para makapasok ako sa unibersidad. Nang makapagtapos ako at nagsimulang maghanap ng mga trabaho, palagi akong nahaharap sa mga balakid at namuhay ako sa dalamhati at kawalan ng pag-asa. Isang gabi, pinapunta ng nanay ko ang ilang sister para magbahagi sa akin ng mga salita ng Diyos upang matulungan at masuportahan ako, para makaalis ako sa aking pagdadalamhati at kawalan ng pag-asa. Nang umalis ako sa bahay para gampanan ang aking mga tungkulin, malaking suportang pinansyal ang ibinigay sa akin ng nanay ko, at tinulungan din niya akong mapanatili ang sitwasyon sa bahay para hindi ako usigin o hadlangan ng mga kapamilya. Ang lahat ng ito na ginawa ng aking ina para sa akin habang ako ay lumalaki at nananampalataya sa Diyos ay ang pagtupad niya sa kanyang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ang mga responsabilidad na kailangan niyang pasanin matapos niya akong isilang; hindi ito itinuturing na kabutihan at hindi ito isang bagay na kailangan kong suklian. Gayumpaman, palagi kong itinuturing na isang uri ng kabutihan ang paraan ng pagpapalaki sa akin ng aking ina at ang halagang binayaran niya para sa akin. Dagdag pa ang katunayan na mula pagkabata, labis akong nilason ng tradisyonal na mga pagpapahalagang kultural gaya ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” at “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop,” nauwi ito sa pakiramdam na dapat kong suklian ang kabutihan ng aking ina. Kung hindi ko ito susuklian, mabibigo ko siya, at mapkakaramdam ng pagkondena ang konsensiya ko. Nang malaman kong na-stroke ang nanay ko, at hindi ako makauwi para alagaan siya, napuno ang puso ko ng pakiramdam ng pagkakautang sa kanya, at hindi ko makalma ang puso ko kahit na ginampanan ko ang tungkulin ko. Ngayon, dumating na sa atin ang malalaking kalamidad, at ang agarang layunin ng Diyos ay na mas marami pang tao ang makarinig ng Kanyang tinig, manumbalik sa harap ng trono ng Diyos, at makatanggap ng Kanyang pagliligtas. Sa mahalagang yugtong ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung namuhay lamang ako sa gitna ng mga damdamin ko para sa aking ina, na tinatrato ko ang tungkulin ko nang pabaya at pabasta-basta, ito ay magiging isang matinding pagtataksil sa Diyos. Talagang magiging isang tao ako na walang konsensiya at hindi marunong magpasalamat. Binigyan ako ng Diyos ng buhay, at biniyayaan Niya ako sa pamamagitan ng pagpapahintulot na makalapit sa Kanya at ng pagbibigay sa akin ng mga salita ng buhay. Pinrotektahan din Niya ako sa dalawang aksidente sa sasakyan, iniligtas ako mula sa panganib. Kung wala ang pag-iingat at proteksiyon ng Diyos, hindi ko alam kung ilang beses na sana akong namatay. Kung wala ang pagliligtas ng Diyos, namumuhay pa rin ako nang tulad sa isang walang pananampalataya, na nasa kawalan at pagdurusa. Talagang napakalaki ng pagmamahal sa akin ng Diyos. Ang Diyos ang dapat kong higit na pasalamatan, at ang pinakamahalagang dapat kong gawin ay gampanan nang maayos ang tungkulin ko para masuklian ko ang pagmamahal ng Diyos.
Pagkatapos, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at natagpuan ko rito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa tungkol sa kung paano tratuhin ang mga magulang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung, batay sa kapaligirang pinamumuhayan mo at sa kontekstong kinalalagyan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at pagganap mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong matapat na pagganap sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang humiwalay sa iyong mga magulang sa panlabas, at hindi mo kailangang talikuran o tanggihan sila sa panlabas. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa pagganap sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananampalataya sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila. Dahil may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dapat mo silang kumustahin pa at bigyan sila ng higit na tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananalig sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang regulasyong ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. … May responsabilidad kang igalang ang iyong mga magulang, at kung pinahihintulutan ng mga sitwasyon, maaari mong tuparin ang responsabilidad na ito, ngunit hindi ka dapat mapigilan ng iyong mga damdamin. Halimbawa, kung magkasakit ang isa sa iyong mga magulang at kailangan niyang pumunta sa ospital, at walang sinumang mag-aalaga sa kanya, at masyado kang abala sa iyong tungkulin para makauwi, ano ang dapat mong gawin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ka maaaring mapigilan ng iyong mga damdamin. Dapat mong ipagdasal ang usapin, ipagkatiwala ito sa Diyos, at ipagkatiwala ito sa mga pamamatnugot ng Diyos. Ganoong uri ng saloobin ang dapat na mayroon ka. Kung gusto ng Diyos na bawiin na ang buhay ng iyong magulang, at kuhain na ang iyong magulang mula sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop. Sinasabi ng ilang tao: ‘Kahit na nagpasakop ako, miserable pa rin ang pakiramdam ko at ilang araw ko na itong iniiyakan—hindi ba’t ito ay isang makalamang damdamin?’ Hindi ito isang makalamang damdamin, ito ay kabaitan ng tao, ito ay pagtataglay ng pagkatao, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Maaari kang umiyak, ngunit kung ilang araw kang iiyak at hindi ka na makatulog o makakain, at wala kang ganang gawin ang iyong tungkulin, at nais mo pa ngang umuwi at bisitahin ang iyong mga magulang, hindi mo magagawa nang maayos ang iyong tungkulin, at kung gayon ay hindi mo naisasagawa ang katotohanan, na nangangahulugang hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad sa pamamagitan ng paggalang sa iyong mga magulang, bagkus ay namumuhay ka sa iyong mga damdamin. Kung iginagalang mo ang iyong mga magulang habang namumuhay ka sa iyong mga damdamin, hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad, at hindi mo sinusunod ang mga salita ng Diyos, dahil tinalikuran mo ang atas ng Diyos, at hindi ka isang taong sumusunod sa daan ng Diyos. Kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, kung hindi ito nagdudulot ng mga pagkaantala sa iyong tungkulin o nakaaapekto sa iyong tapat na pagganap sa iyong tungkulin, maaari kang gumawa ng ilang bagay na kaya mong gawin upang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, at maaari mong tuparin ang mga responsabilidad na kaya mong tuparin. Bilang buod, ito ang nararapat gawin at kayang gawin ng mga tao sa saklaw ng pagkatao. Kung mabibitag ka ng iyong mga damdamin, at maaantala nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, ganap niyong sasalungatin ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na gawin mo iyon, hinihingi lang ng Diyos na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, iyon lang. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging mabuting anak sa magulang. Mayroong konteksto kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa ‘paggalang sa mga magulang.’ Kailangan mo lang tumupad ng ilang responsabilidad na maisasakatuparan sa saklaw ng lahat ng uri ng kondisyon, iyon lang. Pagdating naman sa kung malubhang magkakasakit o mamamatay ang iyong mga magulang, ikaw ba ang makapagpapasya sa mga bagay na ito? Kung kumusta ang buhay nila, kung kailan sila mamamatay, kung anong sakit ang ikamamatay nila, o kung paano sila mamamatay—may anumang kinalaman ba sa iyo ang mga bagay na ito? (Wala.) Walang kinalaman sa iyo ang mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paggalang sa mga magulang ay hindi ibinigay na gawain ng Diyos, ni hindi ito isang misyon. Ang aking bokasyon na ipinadala ng langit ay tuparin lamang ang mga tungkulin ng isang nilikha, dahil sinabi ng Diyos na: “Hindi ba’t ang pagganap naman sa tungkulin mo ang dapat na ginagawa mo? Isa itong bokasyong ipinadala ng langit, isang responsabilidad na hindi mabibitiwan. Dapat mong gampanan ang iyong tungkulin, kahit na walang ibang gumagawa niyon. Ito ang determinasyon na kailangang taglay mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan). Bagaman may responsabilidad ang mga anak na igalang ang kanilang mga magulang, hindi ito ang tungkulin ng isang nilikha. Dapat nating hanapin ang tamang landas ng pagsasagawa ayon sa iba’t ibang sitwasyon at pinagmulan, at ang lahat ng ating ginagawa ay kailangang nakabatay sa panuntunang hindi ito makahahadlang sa ating tungkulin. Kung pinayagan ito ng sitwasyon at ng mga kondisyon, dapat kong tuparin ang mga responsabilidad ko bilang isang anak, at alagaan ang aking ina hangga’t makakaya ko. Gayumpaman, hindi ako makauwi dahil inuusig ako ng CCP at sinusubukan akong arestuhin, at hindi ako makapanatili sa tabi niya para alagaan siya. Maging ang karapatan kong makita siya o matawagan siya para tanungin ang kanyang kondisyon ay walang-awang inalis sa akin ng CCP. Dagdag pa rito, abala ako sa tungkulin ko, at wala akong oras para bumalik at alagaan ang nanay ko. Kung uuwi ako para alagaan ang nanay ko at maantala ang gawain ng iglesia, hindi ito aayon sa layunin ng Diyos. Nang mapag-isipan ko ang lahat ng ito, mas naging higit na kalmado ako sa aking puso, at lumapit ako sa Diyos para magdasal, “Mahal na Makapangyarihang Diyos, ngayon ay alam ko na kung paano harapin ang usapin ng karamdaman ng aking ina. Handa akong bitawan ang mga damdamin ko para sa kanya at manatili sa tungkulin ko. Hindi ako makauwi para alagaan siya, kaya ipinagkakatiwala ko siya sa Iyong mga kamay. Anuman ang mangyari sa kanya sa hinaharap, handa akong magpasakop.” Pagkatapos magdasal, nakaramdam ng kaunti pang kalayaan ang puso ko. Nagawa kong ilaan ang puso ko sa aking tungkulin at hindi na ako nalimitahan o naabala ng usapin ng pagka-stroke ng nanay ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pag-aayos ng sitwasyong ito para pahintulutan akong magkaroon ng kaunting pagkilatis sa mga tradisyonal na ideya sa kaibuturan ko, at malaman kung paano tratuhin nang tama ang mga magulang ko.