35. Isang Mahirap na Desisyon
Hindi masaya ang buhay may-asawa ko noon. Pagkatapos ng diborsiyo, napakahirap ng buhay ng pagpapalaki nang mag-isa sa mga anak kong babae. Kalaunan, nagkarelasyon kami ng katrabaho ko mula sa aming paaralan. Pagkatapos naming makasal, naging napakabait niya sa akin at sa mga anak ko, at hindi ko na kailangang alalahanin ang kahit ano sa bahay. Labis akong nagpapasalamat sa kanya. Bagama’t maayos ang buhay ko, palaging may hindi maipaliwanag na kahungkagan sa kaibuturan ng puso ko. Noong Agosto 2012, ipinangaral sa akin ng pinsan ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Sinimulan kong magbasa ng mga salita ng Diyos at makipagtipon kasama ang pinsan ko tuwing Sabado’t Linggo. Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na nilikha ng Diyos ang tao. Ang mga ninuno natin na sina Adan at Eba ay naakit ni Satanas at ipinagkanulo ang Diyos, na naging dahilan para mamuhay sa kasalanan ang sangkatauhan. Ang lahat ng kabuktutan at pakikiapid sa mundo ay resulta ng katiwalian ni Satanas. Napag-alaman ko rin na palaging inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagkatawang tao ang Diyos at ipinako sa krus upang maging isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa mga huling araw, naging tao uli ang Diyos para ipahayag ang katotohanan at gawin ang Kanyang gawain ng paghatol at pagdadalisay, na lumulutas sa ugat ng kasalanan ng tao, masinsinang nililinis at inililigtas ang mga tao, at dinadala ang mga tao sa isang kahanga-hangang hantungan. Nang naunawaan ko ito, nasagot ang maraming palaisipan sa buhay ko at sa mundo, nawala nang hindi ko namamalayan ang insomnia na nagpahirap sa akin sa maraming taon, at naglaho rin ang mga damdamin ng pagkatakot at kalungkutan sa puso ko. Pakiramdam ko ay para bang inalis ako mula sa isang hungkag at walang pag-asang ilang papunta sa isang maliwanag at mainit na lugar. Napayapa at napanatag ang puso ko. Naunawaan ko rin na walang sinuman kundi ang Diyos ang makapagbibigay ng katotohanan sa mga tao o makapagdadala ng kapayapaan sa puso ng mga tao. Bilang isang nilikha, dapat akong manampalataya sa Diyos, sumamba sa Diyos, at hangaring makamit ang katotohanan. Kung hindi, hungkag at walang kabuluhan ang buhay. Noong nakita ng asawa ko kung gaano sumigla ang kalooban ko magmula nang simulan kong manampalataya sa Diyos, sinuportahan niya ang pananalig ko.
Noong Disyembre 2012, nabasa ng asawa ko ang mga walang batayang tsismis sa internet na ipinagkakalat ng CCP para siraan at kondenahin ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Dahil natatakot siyang maaaresto ako, nagsimula siyang subukang patigilin ako sa pananampalataya sa Diyos. Hindi niya ako pinapayagang magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi pinapayagang pumunta ang pinsan ko at makipagtipon sa akin. Noong panahong iyon, nag-aalala rin ako na mahuhuli ako at makukulong kung mananampalataya ako sa Diyos, pero ibinahagi sa akin ng pinsan ko ang tungkol sa kung paanong ang tunay na daan ay palaging inuusig magmula pa noong mga sinaunang panahon. Sa Bibliya, nabasa ko rin kung paano dumanas ng pag-uusig ang Panginoong Jesus at ang Kanyang mga alagad, at nakita ko kung paano naghahari si Satanas sa mundong ito. Masyado itong buktot at madilim, at hindi pinahihintulutang umiral ang mga positibong bagay. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Diyos, tinatahak ko ang tamang landas sa buhay, at hindi ko ito dapat isuko kahit na usigin ako. Sinabi ko sa asawa ko ang tungkol sa lahat ng naunawaan ko, pero ayaw niya talagang makinig. Kinailangan kong palihim na magbasa ng mga salita ng Diyos at dumalo sa mga pagtitipon kapag wala siya sa bahay. Noong Abril 2013, lumala ang lumbar spondylosis ko. Hindi ako makaupo o makatayo—kaya ko lang humiga nang patihaya. Tinulungan ako ng asawa ko na mag-aplay sa amo ko ng ilang buwan na pagliban sa trabaho. Sa proteksiyon ng Diyos, halos gumaling ang sakit ko noong naglagay ako ng ilang plaster na may gamot. Pagkatapos noon, sinamantala ko ang pagliban sa trabaho para ipangaral ang ebanghelyo, pero hindi nagtagal ay napansin ito ng asawa ko. Sinasamantala niya ang lunch break niya para umuwi at tingnan kung nasa bahay ako o wala. Kapag medyo nahuli ako sa pag-uwi at nakita kong nakaparada na ang kotse niya sa baba, matataranta agad ako. Sa loob ng ilang taon na mag-asawa kami, palagi niya akong inaalagaang mabuti, pero noong hindi ko ginawa ang sinabi niya tungkol sa pananalig ko sa Diyos, pakiramdam ko ay parang nabigo ko siya, at kapag pinagagalitan niya ako at sinisigawan ako, tinitiis ko na lang ito. Sa pagpunta ko sa mas marami pang pagtitipon, naunawaan ko na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao. Kaya nabubuhay ang bawat tao ay dahil sa panustos, pangangalaga, at proteksiyon ng Diyos. Ganap na likas at may katwiran para sa mga tao na manampalataya sa Diyos at gumawa ng mga tungkulin. Ito ang pinakamakatarungan. Mas lalo kong naramdaman na pinili ko ang tamang landas sa pagsunod sa Diyos. Tumibay ang puso ko, at hindi na ako masyadong natatakot na magalit ang asawa ko. Minsan, nakikipagtalo pa nga ako sa kanya nang may katwiran. Isang beses, dinuro niya ako sa galit, sumisigaw, “Hindi ka na nakikinig ngayon kahit ano’ng sabihin ko! Sinabi ko na sa iyo na hindi kayo pinapayagan ng estado na manampalataya, pero hindi ka nakinig. Iniisip mo ba talaga na hindi ka mananatiling buhay kung hindi ka mananampalataya sa Diyos?” Sinabi ko, “Ngayon, masyadong buktot at madilim ang mundong ito. Tingnan mo na lang ang paaralan natin—may mga panlilinlang na nangyayari buong araw. Sawang-sawa na ako! Kahanga-hangang bagay ang pagparito ng Diyos para ipahayag ang katotohanan at iligtas ang mga tao. Kung walang pananampalataya sa Diyos, sa tingin ko ay walang anumang kabuluhan ang buhay!” Tiningnan niya ako at sinabi, “Alam kong hindi masamang bagay ang manampalataya sa Diyos, pero walang pakialam diyan ang Partido Komunista. Kung patuloy kang mananampalataya, malamang na maaresto ka. Kapag nangyari iyon, mawawalan ka ng trabaho at kakailanganin mong magdusa sa kulungan. Bakit ginagawa mo pa? Basta’t tumigil ka na lang manampalataya!” Nang marinig ko ito, napagtanto ko na takot ang asawa ko dahil malalim ang kaalaman niya sa mga pamamaraan ng Partido Komunista, kaya sinusubukan niya akong patigilin. Sa katunayan, nag-alala rin ako na maaresto at maitapon sa kulungan, at kahit sa posibilidad na gulpihin ng pulisya hanggang mamatay. Napakarami lang talagang insidente kung saan tinrato ng gobyernong CCP ang buhay ng tao nang may ganap na panghahamak. Kalaunan, naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39). Labis na sumigla ang puso ko. Napakaikli ng buhay ng tao. Wala talagang kabuluhan na magpakapagod araw-araw para sa laman at kumita. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Diyos, makakamit mo ang walang hanggang buhay—napakahalaga nito! Kung hindi ako maglalakas-loob na manampalataya sa Diyos dahil sa takot na maaresto, hindi ko kailanman makakamit ang walang hanggang buhay. Anumang mangyari, hindi ko kayang isuko ang pananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, iginiit ng asawa ko na hindi niya ako papayagang manampalataya. Nag-alala ako, “Halos anim na taon na kaming mag-asawa, at palagi niyang inaalagaan ang pamilyang ito at isinasaalang-alang ako. Magkasama naming pinagsikapang makabili ng bahay at kotse. Nakikita naming paganda nang paganda ang buhay namin. Sinasabi ng lahat ng katrabaho ko na sa wakas ay may maayos na akong pamilya. Iniisip ko rin na sa buhay na ito, sa pamilyang ito ako kabilang, at mula sa kaibuturan ng puso ko, gusto kong itaguyod ang matatag at payapang buhay na ito. Pero kung desidido ang asawa ko na hindi ako payagang manampalataya sa Diyos, ano ang dapat kong gawin? Makapagpapatuloy pa rin ba akong sumunod sa Diyos?” Habang ginugulo ako ng mga katanungang ito, palagi akong nagdarasal sa Diyos, nagmamakaawa sa Kanya na patnubayan ako.
Sa isang pagtitipon, sinabi ko sa mga kapatid ko ang mga ikinababahala ko, at binasa nila sa akin ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pamilya, katiwasayan, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang di-mahalaga at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, unti-unti akong nagkamit ng lakas sa puso ko. Lumapit ako sa Diyos sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, at dahil nakita ko ang lahat ng katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos, makatwiran lang na dapat kong hangarin nang maayos ang mga ito. Kahit na mangahulugan ito ng pagdurusa, sulit naman ito. Bagama’t napakahalaga sa akin ng isang matiwasay na pamilya, ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamakabuluhang bagay. Bago ko nabasa ang mga salita ng Diyos, hindi ko alam kung saan ako nanggaling o para saan ako nabubuhay. Hindi ko alam kung bakit masyadong buktot at madilim ang mundong ito, at araw-araw akong namuhay sa kadiliman, hirap na iniraraos ang mga araw ko. Puno ng pasakit ang buhay! Ngayon, sa kabila ng labis na hirap, nagawa kong matagpuan ang tunay na daan at makita ang liwanag. Naunawaan ko ang maraming misteryo ng buhay mula sa mga salita ng Diyos, at natagpuan ko kung ano ang halaga na mabuhay. Kung tatalikuran ko ang katotohanan alang-alang sa isang matiwasay na pamilya, hindi ba’t hungkag ang mabuhay nang ganito, at ganap na walang kabuluhan? Nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pagmamahalan sa pagitan ng mag-asawa ay nakatayo sa pundasyon ng mga personal na interes. Pinag-isipan ko ito—bakit mabait sa akin dati ang asawa ko? Ito ay dahil may hitsura ako, at ayaw kong nangangasiwa ng pera, na nagbibigay sa kanya ng pinansyal na kontrol sa pamilya. Talagang pasok ako sa mga pamantayan niya para sa isang ideyal na asawa, na nagpasaya sa kanya. Gayumpaman, noong nagkaroon ako ng sarili kong paniniwala at paghahangad sa buhay, na hindi pinahihintulutan sa bansang ito, naramdaman na niyang hindi ako kapaki-pakinabang sa kanya, at hinding-hindi na siya magiging mabait uli sa akin. Samantala, atubili akong iwan ang asawa ko dahil mapagsaalang-alang siya sa akin at inalagaan niya ako, at hindi ko kailangang mag-alala sa maraming bagay sa bahay. Makasariling lahat ang tao, at ginagamit din ng mag-asawa ang isa’t isa. Paano magkakaroon ng tunay na pagmamahal? Hindi ko matatalikuran ang pagliligtas ng Diyos sa akin para sa kapirasong damdaming mag-asawa. Pagkatapos noon, nagpatuloy akong igiit ang pagdalo sa mga pagtitipon at paggawa sa tungkulin ko.
Isang araw noong Hunyo 2013, naghahanda lang ako ng hapunan pagkagaling sa pangangaral ng ebanghelyo. Nang nakauwi ang asawa ko, nakasimangot talaga siya, pero hindi ko siya pinansin. Pagkatapos ng hapunan, pumasok ako sa kuwarto ko para magkuwento sa dalawang anak kong babae ng mga istorya sa Bibliya. Masaya silang nakikinig nang biglang tumayo sa pintuan ang asawa ko at inalipusta ako. Takot na takot ang mga anak ko na hindi sila nangahas magsalita, at nagsalita ako kaagad para pagaanin ang loob nila. Pagkatapos kong magsalita, lumabas ako para maglakad-lakad. Hindi ko inasahan na susundan ako ng asawa ko. Noong makarating kami sa isang kanto na hindi kalayuan sa gusali namin, hiniklat niya ako sa braso at itinulak ako sa hagdan na nasa tabi ko. Biglang sumakit ang braso ko, at dahan-dahan akong tumayo at nagsimulang maglakad pauwi, walang anumang sinasabi. Hinawakan niya akong muli sa braso ko at hinila ito nang malakas, kaya bumagsak na naman ako sa sahig. Dinuro niya ako at mariin akong kinastigo, “Bakit mo kailangang manampalataya sa diyos? Paanong nagkaroon ng diyos? Nasaan ang diyos mo kapag tinatrato kita nang ganito? Bakit hindi ka niya protektahan?” Napagtanto kong hindi siya tinatablan ng katwiran. Naisip ko, “Hindi ka nananampalataya sa Diyos—ano ba ang alam mo? Gusto mo akong gulpihin para pagdudahan at itatwa ko ang Diyos. Tunay na ubod ng sama ng mga layunin mo!” Sinabi niya uli, “Kahit ano’ng sabihin ko, hindi ka nakikinig—lalo ka lang nalululong habang mas nananampalataya ka. Ngayon nga, nag-iikot-ikot ka pa kung saan-saan para mangaral ng ebanghelyo. Sinabi ng bayaw natin, kung hindi ka makikinig sa katwiran, dapat kitang bugbugin nang matindi. Hindi kami naniniwalang hindi ka namin mapapatino! Kaya sabihin mo sa akin, nananampalataya ka pa rin ba o hindi?” Nang nakita niyang ni hindi ako umimik, pumunta siya sa likuran ko at tinadyakan ako nang malakas sa ibabang bahagi ng likod ko. Napakasakit ng ibabang bahagi ng likod ko na tumagos ito sa puso ko, at agad nagsimulang tumulo ang mga luha ko. Gayumpaman, wala pa ring ipinakitang awa ang asawa ko. Habang sinisipa niya ako, sinabi niya, “Hindi kita hahayaang manampalataya! Sisipain kita hanggang maparalisa ka! Kahit na kailangan pa kitang alagaan, hindi kita hahayaang manampalataya sa diyos!” Nang marinig kong sinabi niya ito, nakadama ako ng panlalamig sa puso ko. Dati, palagi kong nararamdaman na mabuti ang pagkatao ng asawa ko, at palagi siyang mapagsaalang-alang sa akin. Hindi ko kailanman inasahan na paniniwalaan niya ang mga walang-batayang tsismis at panlilinlang ng CCP, susubukang patigilin ako sa pananampalataya sa Diyos, at susubukan pang sipain ako hanggang sa maparalisa ako! Napakalupit niya! Kasunod nito, sinabi niya, “Kung ikaw lang mag-isa sa bahay, malamang na pupunta ka sa mga pagtitipon. Palalayasin na lang kita. Ni hindi nararapat tumira sa magandang bahay ko ang mga taong gaya mo. Tumayo ka!” Habang nagsasalita siya, kinaladkad niya ako, itinulak ako sa kotse, at dinala ako sa bahay ng nanay ko. Hindi ko inasahan na susuportahan nang husto ng nanay ko ang pananampalataya ko sa Diyos. Ipinangaral ko sa kanya ang ebanghelyo, at tinanggap din niya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Gayumpaman, palaging nagsasalita para sa asawa ko ang nakababata kong kapatid. Sinubukan niya rin akong kumbinsihin, “Sis, may mga pagkakataon sa mundong ito na talagang wala kang magagawa. Kailangan mong maging mas makatotohanan. Magpahinga ka rito nang ilang araw at pagkatapos ay umuwi ka sa inyo at magkaroon ng magandang buhay.” Dahil sa sinabi ng kapatid ko, nahulog ako sa malalim na pagninilay-nilay, “Kailangan mong harapin ang realidad ng mundo. Malapit na akong mag-apatnapu. Nagdusa ako nang kalahati ng buhay ko para makuha ang buhay na mayroon ako ngayon. Maliban sa pananampalataya ko sa Diyos, napakabait sa akin ng asawa ko sa lahat ng bagay. Dahil lang sa pananampalataya ko sa Diyos kaya para bang naging ibang tao siya. Kung titingnan ang mga ikinikilos niya, kung ipipilit kong manampalataya sa Diyos, malamang na malamang na ididiborsiyo niya ako. Pagkatapos ay mawawala sa akin ang pamilyang ito na sinasandalan ko para manatili akong buhay. Ano ang gagawin ko sa buhay ko pagkatapos niyon? Kailangan ko bang balikan ang buhay ko na mag-isa at walang katuwang na nag-aalaga sa mga anak ko?” Takot ako na mamuhay ng ganoong uri ng buhay, pero ayaw ko ring talikuran ang pananampalataya ko sa Diyos. Nalugmok ako sa mabigat na suliranin. Naisip ko, “Siguro ay puwedeng umatras muna ako sandali. Ano kaya kung pansamantala ay huwag muna akong dumalo sa mga pagtitipon o gumawa ng tungkulin ko, at palihim lang na magbasa sa bahay ng mga salita ng Diyos? Pero hindi uubra iyon. Ano ang dapat kong gawin?”
Sa loob ng ilang araw na iyon, palagi akong nagdarasal sa Diyos, at naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at hangaring mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng impluwensiya ng diyablo, at nayuyurakan nito hanggang sa puntong nababalot na ng karumihan nito. Kung hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng buhay o natatamo ang tunay na daan, ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong patuloy na naghahangad sa tamang landas, yaong mga naghahanap ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)). Habang mas pinakikinggan ko ang himnong ito, mas lalo akong nagkakaroon ng lakas sa puso ko. Mayroon akong malinaw na direksiyon tungkol sa landas sa buhay na dapat kong piliin. Ganap na likas at may katwiran ang pananampalataya sa Diyos at pagsamba sa Diyos. Kung gusto mong isabuhay ang isang makabuluhang buhay, dapat mong gugulin ang sarili mo sa Diyos, hindi mahadlangan ng sinumang tao o anumang pangyayari o bagay, at tiisin ang lahat ng pagdurusa para magawa nang maayos ang tungkulin mo at mapalugod ang Diyos. Gaya ni Job: Nawala ang ari-arian at ang mga anak niya, pero sinamba pa rin niya ang Diyos at pinuri ang pangalan ng Diyos. At pagkatapos ay nariyan si Pedro: Iniwan niya ang lahat ng bagay para sumunod sa Panginoon at ginugol ang buong buhay niya para sa Panginoon. Sa huli, nagawa niyang mahalin nang lubos ang Diyos at nagpasakop sa Diyos hanggang sa kamatayan, na nagsasabuhay ng isang makabuluhang buhay. Ganoon din si Mateo, ang maniningil ng buwis. Pagkatawag sa kanya ng Panginoong Jesus, sinundan niya ang Panginoon nang wala ni katiting na pag-aatubili. Labis na nakakainggit ang pananalig nila sa Diyos! Bagama’t handa akong sumunod sa Diyos, hindi ko pa rin mabitiwan ang pamilya ko. Hindi ako handang magtiis ng pagdurusa at iwanan ang lahat ng bagay. Kumpara sa mga banal na iyon, tunay na hiyang-hiya ako! Ngayon, nailatag na sa harap ko ang tamang landas sa buhay. Hindi na ako puwedeng maging mahina: hinding-hindi ko puwedeng talikuran ang pagkakataong ito na sumunod sa Diyos at magkamit ng katotohanan at buhay! Noong panahong iyon, nahalal ako na maging lider sa iglesia, at abala kong ginagawa ang tungkulin ko araw-araw. Hindi nagtagal, inuwi ako ng asawa ko. Noong panahong iyon, bakasyon sa tag-init, kaya hindi niya kailangang pumasok sa trabaho. Ginugol niya ang bawat araw sa pagbabantay sa akin. Hindi niya ako pinapayagang magbasa ng mga salita ng Diyos, pumunta sa mga pagtitipon, o gawin ang tungkulin ko. Araw-araw, puwede lang akong gumawa ng mga gawaing-bahay at bantayan ang mga bata kasama niya. Dahil hindi ko makuha ang panustos ng mga salita ng Diyos, para akong isdang wala sa tubig, nasa labis na pasakit at paghihinagpis ang puso ko. Isang araw, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Ganito talaga ang nangyayari. Hindi nananampalataya sa Diyos ang asawa ko at determinado siyang tumangging pabayaan akong manampalataya. Araw-araw, binabantayan niya ako na parang nagbabantay siya ng bilanggo. Hindi siya asawa—malinaw na kaaway ko siya! Noong talagang hindi ko na ito matiis pa, sinabi ko sa kanya, “Hindi mo lang ako ginulpi, hindi mo rin ako binibigyan ng kalayaan. Hindi ko na kayang mamuhay pa nang ganito. Magdiborsiyo na lang tayo at magkanya-kanyang landas. Mas madali sa ating pareho kung ganoon.” Pero sinabi niya, “Mali na sinaktan kita. Patawarin mo ako. Paano mo man ako gustong bumawi sa iyo, OK lang lahat iyon. Basta, hindi tayo puwedeng magdiborsiyo. Mabuting tao ka. Napakahirap para sa atin na magkaroon ng ganitong pamilya. Bakit tayo magdidiborsiyo? Binabantayan kita para sa ikabubuti mo mismo. Pagtagal-tagal, makakalimutan mo ang pananampalataya sa Diyos at magiging OK na ang lahat. Kung naiinip ka, bakit hindi tayo maglakad-lakad sa labas?” Nang marinig kong sinabi niya ito, alam kong nagtatago siya ng galit sa likod ng matatamis na ngiti, sinusubukang pigilan ako rito at unti-unti akong mas ilayo pa sa Diyos. Hindi ko alam ang gagawin ko. Gusto kong patuloy na manampalataya sa Diyos, pero atubili akong bitiwan ang pamilyang ito at ang asawa ko. Nanalangin ako sa Diyos, nagmamakaawa sa Kanya na ilayo ang puso ko sa pag-iwan sa Kanya anumang oras, at nagmakaawa ako sa Kanya na magbukas ng isang landas para sa akin, para makabalik ako sa iglesia at magawa ang tungkulin ko.
Isang araw, oras na para sa isang pagtitipon. Mautak kong sinabi sa asawa ko na dapat kaming lumabas para magbisikleta. Nagawa kong pasakayin siya sa bisikleta, habang sumakay ako sa e-bike. Sumang-ayon siya. Noong nangangalahati na kami, binilisan ko ang pagpapatakbo at iniwan siya nang malayo. Ilang beses din akong nagpaikot-ikot bago makarating sa lugar ng pagtitipon. Sa wakas, pagkatapos ng lahat ng paghihirap na ito, nagawa kong dumalo sa isang pagtitipon. Kinagabihan, nang makauwi ako, galit na galit ang asawa ko. Sinabi niya, “Patapang ka na nang patapang. Ang lakas ng loob mong iwan ako at pumunta sa isang pagtitipon. Kung malakas ang loob mo, huwag ka nang bumalik!” Sinabi ko, “Binigyan mo ba ako ng pagpipilian? Wala man lang ako kahit kaunting kalayaan. Binabantayan mo ako na parang bilanggo ako. Kung magpapatuloy ka nang ganito, wala tayong kinabukasang dalawa.” Hindi inaasahan, pagkatapos niyon, mas mahigpit niya akong binantayan kaysa sa dati. Noong nagsimula na ang eskuwela, pinasabay niya ako sa kanya sa pagpasok sa trabaho, at tuwing Sabado’t Linggo, sinusundan niya ang bawat kilos ko basta’t hindi siya nag-o-overtime. Hindi ako makadalo sa mga pagtitipon o makagawa ng tungkulin ko, at pakiramdam ko ay para bang namumuhay ako sa impiyerno. Hindi ko mapigilang tumulo ang mga luha ko, at hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko: Anong klaseng mundo ba ito? Bakit hindi pinahihintulutan ang mga tao na manampalataya sa Diyos at tahakin ang tamang landas? Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunod-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nananamsam at nandarambong sila, ganap na silang nawalan ng budhi, sinasalungat nila ang kanilang konsensiya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang tungo sa kahangalan. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasamaan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)). Ang mga salita ng Diyos ay ginising ako sa pananaginip ko, at binigyan ako ng mas malinaw na pananaw sa buktot na diwa ng paglaban ng CCP sa Diyos. Natanggap ko ang edukasyon ng Partido Komunista sa loob ng maraming taon, at noon pa man ay labis ang paghanga ko sa Partido. Kahit na noong nakita ko ang kabuktutan at kadiliman ng lipunan, hindi ako naniwalang dinulot ito ng pamumuno ng Partido. Naniwala ako na bagama’t may ilang problema ang diktadura ng CCP, sa kabuuan ay medyo marunong ito. Ngayon ko lang naunawaan na isang ateistang partido ang CCP. Tinatamasa nito ang isang nakaw na reputasyon na nakuha sa pamamagitan ng panlalansi sa mundo, pakunwaring isinasaad sa konstitusyon na nagtatamasa ng kalayaan sa relihiyon ang mga mamayang Tsino, pero sa katunayan, hindi talaga nito pinahihintulutan ang mga Tsino na manampalataya sa Diyos. Hindi lamang nito nilalansi ang mga Tsino, nilalansi rin nito ang buong mundo. Para mapanatili ang diktadurang pamumuno ng rehimen, walang habas itong nagpapakalat ng mga walang-batayang tsismis sa online media na sinisiraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para walang pakundangang arestuhin ang mga Kristiyano. Dahil dito, nailigaw ang asawa ko, at hinahadlangan at inuusig niya ako sa iba’t ibang paraan. Sa lahat ng ito, ang maitim na kamay ng Partido Komunista ang gumagawa ng gulo. Bukod sa hindi nito gustong manampalataya ang mga tao sa Diyos at mailigtas, gusto rin nitong sundan ito ng mga tao papunta sa impiyerno at maparusahan. Ito ang buktot na layunin nito. Kung hindi ako lumapit sa Diyos, hindi ko kailanman makikita nang malinaw ang mga tunay na kulay nito.
Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Ang ‘pagmamahal,’ ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging mapagsaalang-alang. Sa pagmamahal walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang distansiya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magtataksil, maghihimagsik, gigiit, o maghahangad na magtamo ng isang bagay o ng isang partikular na halaga. Kung nagmamahal ka, masaya mong ilalaan ang iyong sarili, masaya mong titiisin ang hirap, makakasundo mo Ako, tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tatalikdan mo ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagtataksil!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang). Lubos na naantig ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Ang ganitong klase ng pagmamahal, dalisay at walang bahid dungis, ay labis na kaakit-akit sa mga tao, at nagpadama rin sa akin ng pagkapahiya. Naisip ko kung paanong sa Kapanahunan ng Biyaya, naging tao ang Diyos at pumarito sa lupa galing sa langit, ipinako sa krus alang-alang sa atin at ibinuhos ang bawat patak ng Kanyang pinakamamahal na dugo para tubusin ang sangkatauhan. Sa mga huling araw, naging tao muli ang Diyos at pumarito sa lupa para bigyan ng mga katotohanan ang sangkatauhan na kailangan nila para matanggap ang pagliligtas. Hindi lamang Niya kinailangang tiisin ang pagtugis at pang-uusig ng malaking pulang dragon at ang pagkokondena at paglalapastangan ng relihiyosong mundo, kinailangan Niya ring tiisin ang paghihimagsik at mga maling pagkaunawa nating mga mananampalataya. Tahimik na ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan para tustusan at akayin ang mga tao, naghihintay sa pagkakataon na mamumulat ang mga konsensiya ng mga tao. Tunay na tunay ang pagmamahal ng Diyos! Lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng sangkatauhan! Ngayon, binigyan ako ng Diyos ng pagkakataon na maging isang lider, at dapat kong tuparin ang tungkulin ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos.
Kalaunan, nakita ng asawa ko na hindi niya ako mapigilan, at nagsabing, “Sa tingin ko, nakikita ko na nang malinaw ngayon. Walang makapipigil sa iyo sa pananampalataya sa Diyos. Kung ganoon, magpatuloy ka lang at manampalataya. Wala na akong pakialam. Pero puwede ka lang manampalataya dito sa loob ng bahay—hindi ka puwedeng lumabas, at hindi mo puwedeng papuntahin ang ibang tao sa bahay natin. Kung sumasang-ayon ka, puwede tayong magpatuloy na magsama, pero kung hindi ka sang-ayon, kailangan nating magdiborsiyo.” Noong narinig ko ang sinabi niya, napagtanto kong hindi niya pa rin ako papayagang lumabas. Alam kong sinusubukan niya lang akong pakalmahin nang pansamantala, at pagkatapos, dahan-dahang maialis sa akin ang ugnayan ko sa iglesia at sa mga kapatid ko, para sa huli, hindi ko na magagawang magpatuloy sa pananampalataya. Hindi ako puwedeng mahulog sa patibong niya. Kaya, mariin kong sinabi, “Kung tunay kang sumasang-ayon sa akin sa pananampalataya sa Diyos, huwag mo akong pagbawalan sa pakikisalamuha sa mga kapatid ko, at huwag mo akong pagbawalan sa pagdalo sa mga pagtitipon o sa paggawa ng tungkulin ko. Hindi nakadepende sa iyo kung paano ako mananampalataya.” Nababalisa niyang sinabi, “Kung mananampalataya ka sa paraan mo, sa malao’t madali ay maaaresto ka. Kapag naaresto ka, madadawit ako at wala na akong magiging kinabukasan. Kung gusto mong maging ganito, kailangan nating magdiborsiyo!” Sinabi niya ang lahat ng nasa isip niya. Natigilan ako sandali. Hindi siya nag-aalala na maaresto ako at magdusa dahil doon. Nag-aalala siya na baka maapektuhan ang sarili niyang kinabukasan. Sa kadahilanang ito, nirespeto ko ang desisyon niya. Sinabi ko, “Sige. Sumasang-ayon ako sa diborsiyo. Kailan tayo pupunta at gagawin ito?” Nagulat din siya, at tinanong ako, “Napag-isipan mo ba itong mabuti? Hindi mo ba talaga ito pagsisisihan sa hinaharap?” Sinabi ko, “Bawat isa ay may sariling mga desisyon, at bawat isa ay may kanya-kanyang landas na tatahakin. Hindi ko ito pagsisisihan!” Sa basta ganoon lang, nagsimula kami sa mga proseso ng diborsiyo. Noong umalis na kami sa Kawanihan ng Civil Affairs at nakaupo na sa kotse, nadama ko na parang naalis ang isang mabigat na dagan. Gayumpaman, umiyak siya, at nagsabi, “Ang diborsiyong ito ang pinakamalungkot na pangyayari sa buhay ko. Ayaw ko talagang diborsiyuhin ka, pero iginiit mong piliin ang pananampalataya sa Diyos, kaya wala na akong pagpipilian.” Nakita ko ang mga bakas ng luha sa mukha niya, at tahimik na nagbuntong-hininga. Naisip ko, “Hindi ka nananampalataya sa Diyos, kaya hindi mo nauunawaan. Lahat ng ito ay dulot ng Partido Komunista. Nilalabanan nito ang Diyos, inuusig ang mga sumusunod sa Diyos, at nagkakalat ng walang-batayang tsismis, ginagamit ang mga miyembro ng pamilya para pigilan ang mga tao sa pagsunod sa Diyos. Hindi mo makilatis ang kabuktutan ng Partido Komunista, at iginigiit na piliing magtrabaho bilang opisyal sa sistema ng Partido Komunista at hangarin ang propesyon mo. Paano tayo lalakad nang magkasama?” Patuloy sa pag-andar ang kotse, pero alam kong sa huli ay maghihiwalay kami at magkakaroon ng magkaibang landas.
Mula noon, sa wakas ay malaya kong nagawang manampalataya sa Diyos at magawa ang tungkulin ko, nang walang mga paglilimita. Lubos akong nagpapasalamat sa pamumuno ng Diyos sa pagtulong sa akin na makalaya nang unti-unti mula sa patibong ng pag-aasawa at pamilya.