4. Paano Bumitaw at Hayaan ang mga Anak na Matutong Magsarili

Ni Qin Yue, Tsina

Ginugol ko ang aking kabataan at lumaki ako sa tabi ng aking ina, at nakita ko siyang nagsikap para sa mga trabaho, pag-aasawa, at buhay naming magkakapatid. Kahit may asawa at mga anak na kami, ginugugol pa rin niya ang maraming oras at lakas para tulungan kaming mag-alaga ng aming mga anak. Ganoon din ang aking biyenang babae, hindi lang niya pinapalaki ang sarili niyang mga anak, kundi tumutulong din siya sa pagpapalaki ng bawat isa sa kanyang mga apo, kaya nakuha niya ang respeto ng pamilya at paghanga ng mga tao sa paligid niya. Naisip ko na responsabilidad ito ng isang ina at isang bagay na dapat kong tularan. Unti-unti, naging layon ko ang maging mabuting asawa at mapagmahal na ina.

Noong 2005, tinanggap ko ang ebanghelyo ng Diyos ng mga huling araw, at mula sa mga salita ng Diyos, natutunan ko na nagkatawang tao ang Diyos at nagpapahayag ng katotohanan para hatulan at dalisayin ang mga tao, para malaman ng mga tao ang ugat ng kasalanan, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at makamtan ang pagliligtas ng Diyos. Labis akong nasabik. Nakita ko na maraming tao ang hindi nakarinig sa tinig ng Diyos at hindi nakalapit sa Kanya, kaya sumama rin ako sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Noong 2013, iniulat ako ng isang masamang tao habang nangangaral ng ebanghelyo, kaya napilitan akong umalis ng bahay at magpunta sa ibang lugar para gampanan ang aking tungkulin.

Bago ko pa man namalayan, isang dekada na ang lumipas. Noong Abril 2023, bumalik ako sa bahay, at nalaman ko mula sa aking ina na nakapag-asawa na pala ang anak kong babae, at na ang sanggol ay mahigit dalawang buwan na ngayon. Pumunta ako sa lungsod ng aking anak at sa wakas ay nagkita kami. Sinabi ng anak ko na isang beses, habang siya ay natutulog sa kwarto kasama ang kanyang hipag, sa kanyang pagtulog, patuloy siyang tumatawag, “Mama … Mama …” Nang marinig ko ito, sumakit ang puso ko. Nang mabuntis at manganak ang anak ko, wala ako sa tabi niya at hindi ko natupad ang responsabilidad ko bilang isang ina. Nais ko talagang manatili at tulungan ang anak ko, para mabigyan siya ng higit na init at pag-aaruga, at para makabawi sa pagkakautang ko sa kanya. Hinikayat din ako ng asawa kong manatili. Naisip ko na, “Kung tatanggap ako ng ibang tungkulin at babalik para makasama sila, maaari kong tulungan ang anak ko. Mahina ang anak ko at hindi niya kayang mag-alaga ng sanggol, at ito ang mismong oras na kailangan niya ang tulong ko.” Kaya pumayag akong isaalang-alang ang pananatili. Pero kalaunan, napagtanto ko kung gaano kahalaga ang oras na ito para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Isa akong lider ng iglesia at napakaraming gawain sa iglesia ang kinakailangang asikasuhin. Sa ngayon, wala akong mahanap na kapalit na aako sa mga tungkulin ko, kaya kung tatalikuran at ipagsasawalang-bahala ko ang gawain ng iglesia para alagaan ang aking pamilya, hindi ito aayon sa layunin ng Diyos. Sa isang banda, nariyan ang gawain ng iglesia, at sa kabilang banda naman, ang mga paghihirap ng aking anak. Hindi ko talaga alam kung paano pipili. Labis na nagtalo ang kalooban ko. Kaya napagpasyahan kong tulungan sila sa abot ng aking makakaya habang kasama ko sila. Naghanap ako ng mga sipi ng mga salita ng Diyos para ibahagi sa aking anak habang gumagawa ng mga gawaing bahay at nag-aalaga ng sanggol, at sa gabi, gumigising ako para initin ang gatas at pakainin ang aking apo. Bagama’t hindi ako nakakapagpahinga nang maayos sa gabi, at kung minsan ay pagod na pagod ako na umaabot sa sobrang pagpapawis at sa pananakit ng likod at baywang ko, nakaramdam pa rin ako ng pagkakontento, iniisip ko na ito ang dapat kong gawin. Lumipas ang panahon, at bago ko pa namalayan, dumating na ang oras ng pag-alis ko. Kahit nais kong manatili, umalis pa rin ako dahil iniisip ko ang aking tungkulin. Kalaunan, kahit na ginagampanan ko ang aking tungkulin, patuloy ko pa ring naiisip na bumalik para alagaan ang aking anak. Wala na akong gaanong pagpapahalaga sa pasanin para sa aking tungkulin, at kapag nakakakita ako ng gawain na kailangang subaybayan at mga problema ng mga kapatid, simpleng pagbabahagi lang ang naibibigay ko at hindi ko talaga nalulutas ang kanilang mga isyu nang may pag-iingat. Nais ko pa ngang makahanap agad ng angkop na tao na papalit sa akin sa tungkulin para magkaroon ako ng pagkakataong makabalik at maalagaan ang aking anak. Dahil nasa maligamgam na kalagayan ako sa aking tungkulin, hindi ko nasusubaybayan sa tamang oras ang gawain ng ebanghelyo o pagdidilig, na nakaantala sa gawain. Tinukoy ng mga nakatataas na lider ang mga problema ko at sinabi nilang wala akong pagpapahalaga sa pasanin para sa aking tungkulin. Pinagnilayan ko kung paanong namuhay ako kamakailan na may mga pakiramdam ng pagkakonsensiya patungkol sa anak ko, at kung paanong wala akong motibasyon na subaybayan ang gawain, at na ang mga bagay na ito ay nakaapekto sa gawain. Labis akong nabagabag. Napagtanto kong may mali sa kalagayan ko, kaya agad akong lumapit sa Diyos sa dasal. Nagdasal ako sa Diyos na gabayan akong makalabas sa aking mga pagmamahal para magampanan ko nang maayos ang tungkulin ko.

Kalaunan, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Ipagpalagay nang may isa sa inyo ang magsasabi: ‘Hindi ko kayang bitiwan ang mga anak ko kailanman. Ipinanganak sila na may mahinang katawan, at likas silang duwag at mahina ang loob. Hindi rin gaanong mahusay ang kakayahan nila at palagi silang inaapi ng ibang tao sa lipunan. Hindi ko sila kayang bitiwan.’ Kung hindi mo kayang bitiwan ang iyong mga anak, hindi ito nangangahulugan na hindi ka pa tapos sa pagtupad ng iyong mga responsabilidad sa kanila, ito ay bunga lamang ng iyong pagmamahal. Maaaring sabihin mo: ‘Palagi akong nag-aalala at napapaisip kung kumakain ba nang maayos ang mga anak ko, o kung mayroon silang anumang problema sa tiyan. Kung hindi sila kumakain sa tamang oras at palagi na lang nag-oorder ng pagkain sa labas sa loob ng mahabang panahon, magkakaroon ba sila ng mga problema sa tiyan? Magkakasakit ba sila? At kung may sakit sila, mayroon bang mag-aalaga sa kanila, magpapakita ng pagmamahal sa kanila? Mag-aalala ba sa kanila ang kanilang mga asawa at aalagaan sila?’ Ang iyong mga alalahanin ay sadyang nagmumula sa iyong pagmamahal at sa pagiging magkadugo ninyo ng mga anak mo, ngunit ang mga ito ay hindi mo mga responsabilidad. Ang mga responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa mga magulang ay ang mga responsabilidad lamang ng pagpapalaki at pag-aalaga sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Kapag nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak, wala nang responsabilidad sa kanila ang mga magulang. Ito ang pagtingin sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang mula sa perspektiba ng ordinasyon ng Diyos. Nauunawaan mo ba ito? (Oo.) Gaano man kalakas ang iyong mga damdamin o kapag umandar na ang iyong likas na pagiging magulang, hindi ito pagtupad sa iyong mga responsabilidad; ito ay bunga lamang ng iyong mga damdamin. Ang mga bunga ng iyong damdamin ay hindi nagmumula sa katwiran ng pagkatao, o sa mga prinsipyo na itinuro ng Diyos sa tao, o sa pagpapasakop ng tao sa katotohanan, at lalong hindi nagmumula ang mga ito sa mga responsabilidad ng tao; bagkus, ito ay nagmumula sa mga damdamin ng tao—mga damdamin ang tawag sa mga ito. … Namumuhay ka lang nang nababalot sa iyong mga damdamin, pinangangasiwaan ang iyong mga anak ayon sa iyong mga damdamin, sa halip na mamuhay ayon sa depinisyon ng mga responsabilidad ng magulang na ibinigay ng Diyos. Hindi ka namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, dinadama, tinitingnan, at pinangangasiwaan mo lang ang lahat ng bagay na ito ayon sa iyong mga damdamin. Nangangahulugan ito na hindi mo sinusunod ang daan ng Diyos. Malinaw ito. Ang iyong mga responsabilidad bilang magulang—ayon sa itinuro sa iyo ng Diyos—ay natapos na sa sandaling nasa hustong gulang na ang iyong mga anak. Hindi ba’t madali at simple ang paraan ng pagsasagawa na itinuro sa iyo ng Diyos? (Oo.) Kung magsasagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka gagawa ng mga walang kabuluhang bagay, at bibigyan mo ng kalayaan ang iyong mga anak, at ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang sarili, nang hindi nagdudulot ng dagdag na problema o abala sa kanila, o ng dagdag na pasanin sa kanila. At dahil sila ay nasa hustong gulang na, ang paggawa nito ay magbibigay-daan sa kanila na harapin ang mundo, ang kanilang buhay, at ang iba’t ibang problemang kinakaharap nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pag-iral, nang may perspektiba ng isang taong nasa hustong gulang na, nang may nakapagsasariling mga pamamaraan ng isang taong nasa hustong gulang na sa pangangasiwa at pagtingin sa mga bagay-bagay, at nakapagsasariling pananaw sa mundo ng isang taong nasa hustong gulang na. Ito ang mga kalayaan at karapatan ng iyong mga anak, at higit pa rito, ito ang mga bagay na dapat nilang gawin bilang mga nasa hustong gulang na, at walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). “Natural na hindi libreng yaya o alipin sa kanilang mga anak ang mga magulang. Anuman ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, hindi ibig sabihin na hahayaan na lamang nila ang kanilang mga anak na basta-basta silang utus-utusan nang walang anumang kabayaran, o na maging utusan, kasambahay, o alipin sila ng kanilang mga anak. Anuman ang mga damdamin mo para sa iyong mga anak, ikaw ay isa pa ring taong nakapagsasarili. Hindi mo dapat akuin ang responsabilidad sa kanilang buhay kapag nasa hustong gulang na sila, na para bang ganap na tamang gawin iyon, dahil lang sa sila ay mga anak mo. Hindi mo kailangang gawin ito. Sila ay mga taong nasa hustong gulang na; natupad mo na ang iyong responsabilidad na palakihin sila. Mamumuhay man sila nang maayos o hindi sa hinaharap, kung sila man ay magiging mayaman o mahirap, at kung sila man ay mamumuhay nang masaya o malungkot, personal na nilang usapin iyon. Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo. Bilang isang magulang, wala kang obligasyon na baguhin ang mga bagay na iyon. … hindi dapat akuin ng mga magulang ang responsabilidad sa kung magiging maayos ba ang mga trabaho, propesyon, pamilya, o buhay may asawa ng kanilang mga anak kapag nasa hustong gulang na ang mga ito. Maaari kang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito, at maaari kang magtanong tungkol dito, ngunit hindi mo kailangang lubusang pangasiwaan ang mga ito, iginagapos ang iyong mga anak sa tabi mo, dinadala sila kahit saan ka magpunta, binabantayan sila kahit saan ka magpunta, at iniisip sila: ‘Kumakain kaya sila nang maayos ngayon? Masaya kaya sila? Maayos kaya ang trabaho nila? Pinahahalagahan ba sila ng kanilang amo? Mahal ba sila ng kanilang asawa? Masunurin ba ang kanilang mga anak? Matataas ba ang marka ng kanilang mga anak?’ Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Kayang lutasin ng iyong mga anak ang sarili nilang mga problema, hindi mo kailangang makialam. Bakit Ko itinatanong kung ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Ang ibig Kong sabihin dito ay walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Natupad mo na ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga anak, napalaki mo na sila tungo sa hustong gulang, kaya dapat ay huwag ka nang makialam. Sa sandaling gawin mo ito, hindi ibig sabihin na wala ka nang gagawin. Napakarami pa ring bagay na dapat mong gawin. Pagdating sa mga misyong kinakailangan mong tapusin sa buhay na ito, bukod sa pagpapalaki ng iyong mga anak tungo sa hustong gulang, mayroon ka pang ibang misyon na dapat tapusin. Maliban sa pagiging magulang sa iyong mga anak, ikaw ay isang nilikha. Dapat kang humarap sa Diyos at dapat mong tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Kanya. Ano ang iyong tungkulin? Natapos mo na ba ito? Inialay mo na ba ang iyong sarili rito? Natahak mo na ba ang landas tungo sa kaligtasan? Ito ang mga bagay na dapat mong pag-isipan. Tungkol sa kung saan susunod na pupunta ang iyong mga anak kapag nasa hustong gulang na sila, kung ano ang magiging buhay nila, kung ano ang magiging mga sitwasyon nila, kung magiging masaya at masigla sila, walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito. Nakapagsasarili na ang iyong mga anak, kapwa sa praktikal at mental na usapin. Dapat mo silang hayaan na makapagsarili, dapat kang bumitiw, at hindi mo sila dapat subukang kontrolin. Sa praktikal na usapin man, o sa usapin ng pagmamahal o mga ugnayan ng pamilya, natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, at wala nang ugnayan sa pagitan mo at ng iyong mga anak. … Kapag ang iyong mga anak ay nakapagsasarili na, ibig sabihin ay natupad mo na ang lahat ng iyong responsabilidad sa kanila. Kaya, anuman ang gawin mo para sa iyong mga anak kapag pinahihintulutan ng mga sitwasyon, pinakikitaan mo man sila ng malasakit o pag-aalaga, ito ay pagmamahal lamang, at ito ay kalabisan. O kung hihilingin sa iyo ng mga anak mo na gumawa ng isang bagay, iyon ay kalabisan din, hindi ito isang bagay na tungkulin mong gawin. Dapat mong maunawaan ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). Nagnilay ako sa aking sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Pagdating sa mga anak ko, nakasandig pa rin ako sa sarili kong pagmamahal, at hindi ko tiningnan ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang responsabilidad lamang ng mga magulang ay tuparin ang kanilang tungkulin na palakihin at alagaan ang kanilang mga anak habang wala pa sa hustong gulang ang mga ito, pero kapag lumaki na ang mga anak at nasa hustong gulang na, natupad na ang kanilang mga responsabilidad. Pero mali ang akala ko na dapat laging alagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak, at kapag may mga paghihirap ang mga anak, dapat ay laging nasa tabi nila ang mga magulang para tumulong sa paglutas ng mga ito, para maramdaman ng mga ito ang init at kaligayahan. Inakala ko na ito ang dapat gawin ng isang mahusay na ina. Sa partikular, nang maisip ko kung paanong wala ako noong nag-asawa ang anak ko at nagkaroon siya ng mga anak, at kung paanong hindi niya natanggap ang pag-aalaga na nais kong ibigay sa kanya, nakaramdam ako ng pagkakonsensiya patungkol sa aking anak at ninais kong manatili para alagaan siya. Sa pamumuhay sa maling perspektibang ito, hindi ko makita ang mga bagay nang may katwiran. Nasa hustong gulang na ang anak ko, pero nais ko pa ring alagaan siya. Naisip ko pa ngang i-adjust ang mga tungkulin ko para puwede akong manatili kasama siya at alagaan siya. Dahil dito, iniraos ko na lang ang paggawa sa mga tungkulin ko nang wala sa sarili, at sa ilang gawain, kailangan pa akong patuloy na paalalahanan at himukin ng mga lider, na nakaapekto sa gawain. Palagi kong nais na mamahala sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa aking anak, iniisip ko na hindi niya kayang harapin ang buhay nang wala ang tulong ko. Naging labis na sentimental lamang ako, at hindi ko nakikita ang mga bagay batay sa mga salita ng Diyos. Ngayon ay naunawaan kong natupad na ang mga responsabilidad ko. Ang anak ko ay 32 taong gulang na, at nasa hustong gulang na, isang babaeng nasa hustong gulang na may sariling pag-iisip, may lubos na kakayahang isabuhay ang kanyang sariling buhay. Kailangan niya ring maranasan ang mga paghihirap ng pagpapalaki ng mga anak. Higit pa rito, hindi naman parang ako ang yaya niya na hindi bayad. Magiging kahangalan kung igugugol ko ang lahat ng aking oras at lakas para sa anak ko. Sa katunayan, hindi masama para sa mga anak na magkaroon ng ilang paghihirap. Mabuti ito para sa kanila. Kailangan kong matutong bumitaw at hayaan ang anak kong yumabong nang malaya. Sa pagbabalik-tanaw, palagi ko talagang inaalagaan ang anak ko mula pa noong pagkabata niya. Hindi ko siya hinayaang gumawa ng mga gawaing bahay para makatuon siya sa kanyang pag-aaral, at nang lumaki siya, hindi pa rin talaga niya alam kung paano magluto. Nang bumalik ako sa pagkakataong ito, nakita kong natutunan ng anak kong magluto ng sinabawang manok, at nagsimula na rin siyang matutong gumawa ng iba’t-ibang pang-araw-araw na gampanin. Kung nasa bahay ako, aakuin ko ang lahat, at hindi magkakaroon ng pag-unlad ang aking anak sa anumang paraan. Bilang isang ina, kailangan kong matutunang bumitaw at bigyan ang anak ko ng pagkakataong yumabong at umunlad. Isa akong nilikha, hindi alipin ng aking anak, at mayroon akong sariling misyon na kailangang tuparin. Dapat kong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha at hangarin ang katotohanan para makamtan ang kaligtasan.

Matapos kong magkaroon ng kamalayan sa mga maling kaisipan at pananaw ko, nagsimula akong mag-isip, “Saan nanggaling ang maling pananaw ng pagiging ‘mabuting asawa at mapagmahal na ina’?” Nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang labis na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kakainin tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manalig sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at maunawaan ang ilang bagay, ay iisipin mo, ‘Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin nang ganito, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.’ Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging tapat sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng hindi pagkakatugma ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pananagutan dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na ‘Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae’ ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at pananatilihin kang ganoon ng mga uring ito ng mga kuru-kuro kahit pagkatapos mong manalig sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagamat maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gampanan ang tungkulin mo, na magtaglay ka ng kaunting katapatan sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pananagutan sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, sa higit pang pagnanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina? Ngayon ay mayroon ka nang paa sa magkabilang kampo, nagnanais na gampanan ang tungkulin mo nang maayos ngunit nagnanais ding maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ngunit sa harap ng Diyos, mayroon lang tayong iisang responsabilidad at obligasyon, iisang misyon: ang gampanan nang tama ang tungkulin ng isang nilikha. Nagampanan mo na ba nang maayos ang tungkuling ito? Bakit ka lumihis ulit? Wala ba talagang pagkaramdam ng pananagutan o paninisi sa puso mo? Dahil ang katotohanan ay hindi pa rin nakapaglatag ng mga pundasyon sa puso mo, at hindi pa ito naghahari doon, maaari kang malihis habang ginagawa mo ang tungkulin mo. Bagamat ngayon ay nagagawa mo ang tungkulin mo, ang totoo ay hindi mo pa rin naaabot ang mga pamantayan ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Nakikita mo na ba nang malinaw ngayon ang katotohanang ito? Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang ‘Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao’? Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Tanging ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, kung paanong ang mga anak natin ay isinilang natin, ngunit ang tadhana nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin mo sa Diyos bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ang pangunahing bagay na dapat gawin bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang tao. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang karapat-dapat na nilikha. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi ginampanan ang mga obligasyon o tungkulin niya kahit kailan, isang tinanggap ngunit hindi kinumpleto ang atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, pinagnilayan ko ang aking mga problema. Hindi ko naalagaan ang aking anak dahil sa pag-uusig ng CCP, dahil kinailangan kong umalis ng bahay para gampanan ang tungkulin ko, kaya namuhay ako sa kalagayan ng pagkakonsensiya patungkol sa anak ko. Ang totoo ay naimpluwensiyahan ako ng mga tradisyonal na kultura. Naniwala ako na kailangang ituon ng isang babae ang kanyang buhay sa kanyang asawa at mga anak, at asikasuhing mabuti ang mga pang-araw-araw nilang pagkain, at pang-araw-araw na buhay at mga gawain. Naisip ko pa ngang palakihin at alagaang mabuti ang susunod na henerasyon ng aking mga anak, at na ito ang kahulugan ng pagsasakatuparan ng mga responsabilidad ko, at na kung hindi, maaaring batikusin ako dahil hindi ako naging mabuting babae. “Ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina” ang naging pamantayan kung saan sinukat ng sunod-sunod na henerasyon ang moral na asal ng isang babae. Kaya nang mag-asawa at magkaroon ng mga anak ang anak ko, likas kong inisip na dapat kong palakihin ang kanyang mga anak, at na dapat kong asikasuhin ang kanilang pananamit, pagkain, tirahan, at transportasyon, para matamasa ng aking anak ang pag-aaruga at pag-aalaga ng isang ina, at maramdaman niya ang kaligayahan. Pakiramdam ko ay ito ang ibig sabihin ng pagsasakatuparan sa aking responsabilidad bilang isang ina. Nang hindi matamasa ng anak ko ang mga bagay na ito, nakaramdam ako ng pagkakonsensiya sa kanya, kaya ninais kong mailipat sa ibang tungkulin at makabalik sa aking anak para mas maalagaan pa siya. Nawala rin ang motibasyon kong gampanan ang tungkulin ko. Nakita ko na hindi ako naging tapat at mapagpasakop sa Diyos, at na ang lugar ng pamilya at anak ko sa aking puso ay nalampasan na ang sa Diyos. Paano ko matatawag ang sarili ko na isang mananampalataya? Nang isipin ko ito ngayon, kahit na inalagaan ko ang anak ko habang hindi ko nagagampanan nang maayos ang tungkulin ko, nang walang oras at lakas para hangarin ang katotohanan, at ginugugol ang mga araw na abala sa pamumuhay sa mga damdamin ng laman, sa huli, mamamatay akong nabuhay ng isang buhay na walang saysay. Anong halaga at kabuluhan ang mayroon sa buhay na iyon? Ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa akin at ang nagbigay-daan para magkaroon ako ng pamilya at ng anak. Ang Diyos din ang naging mabuti sa akin at ang nagpahintulot para marinig ko ang Kanyang tinig, na nagbigay-daan para maunawaan ko ang katotohanan, malaman kung paano umasal, at makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay-bagay, dala ang Kanyang pag-asa na balang araw ay makakalaya ako mula sa gapos at pagtitiwali ni Satanas, makakamtan ang katotohanan, at sa huli ay maliligtas. Pero hindi ko naunawaan ang masusing layunin ng Diyos. Palagi kong iniisip ang mga interes ng aking anak at ng aking pamilya, at hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Namuhay ako sa sarili kong mga damdamin; wala akong pagpapahalaga sa pasanin para sa tungkulin ko, at hindi ko naramdaman na may anumang pagkakautang ako sa Diyos. Tunay na wala akong konsensiya o katwiran, at hindi ako karapat-dapat tawaging tao! Masyado akong nalason ng mga tradisyonal na ideya ni Satanas. Kung walang katotohanan, tunay akong kaawa-awa!

Kalaunan, mula sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang landas ng pagsasagawa kung paano tratuhin ang mga anak na nasa hustong gulang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung palaging gustong gawin ng mga magulang ang lahat para sa kanilang mga anak at pasanin ang pagbabayad para sa mga paghihirap ng mga ito, handang maging alipin ng mga ito, hindi ba’t labis-labis na ito? Hindi ito kinakailangan dahil lagpas na ito sa kung ano ang inaasahang dapat gawin ng mga magulang. … Ang tadhana ng bawat tao ay itinatakda ng Diyos; kaya, kung gaano karaming pagpapala o pagdurusa ang mararanasan nila sa buhay, kung anong klaseng pamilya, buhay may asawa, at mga anak ang magkakaroon sila, kung anong mga karanasan ang pagdaraanan nila sa lipunan, at kung anong mga pangyayari ang kanilang mararanasan sa buhay, hindi nila mahuhulaan o mababago ang mga gayong bagay, at mas lalo nang walang kakayahan ang mga magulang na baguhin ang mga iyon. Kaya, kung nakakatagpo ng anumang paghihirap ang mga anak, dapat positibo at maagap na tumulong ang mga magulang kung kaya nila. Kung hindi naman, pinakamainam para sa mga magulang na magpahinga at tingnan na lang ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga nilikha, tratuhin ang kanilang mga anak nang pantay bilang mga nilikha. Ang paghihirap na nararanasan mo, dapat din nilang maranasan; ang buhay na iyong isinasabuhay, dapat din nilang isabuhay; ang prosesong pinagdaanan mo sa pagpapalaki ng mga batang anak, pagdaraanan din nila; ang mga pagpapasikot-sikot, pandaraya at panlilinlang na nararanasan mo sa lipunan at sa mga tao, ang mga emosyonal na pagkakasangkot, at mga gusot sa pagitan ng mga tao, at ang bawat kaparehong bagay na naranasan mo, mararanasan din nila iyon. Katulad mo, silang lahat ay mga tiwaling tao, lahat tinangay ng agos ng kasamaan, ginawang tiwali ni Satanas; hindi mo ito matatakasan, at ganoon din sila. Kaya, ang naisin na tulungan silang iwasan ang lahat ng paghihirap at tamasahin ang lahat ng pagpapala sa mundo ay isang hangal na kahibangan at ideya. Gaano man kalawak ang mga pakpak ng isang agila, hindi nito kayang protektahan ang batang agila sa buong buhay nito. Kalaunan, darating ang batang agila sa punto na kailangan nitong lumaki at lumipad nang mag-isa. Kapag nagpasya nang lumipad nang mag-isa ang batang agila, walang nakakaalam kung saan naroroon ang kanyang bahagi ng kalangitan, o kung saan nito pipiliing lumipad. Kaya, ang pinakamakatwirang saloobin para sa mga magulang pagkatapos lumaki ang kanilang mga anak ay ang matutong bumitiw, ang hayaan ang mga ito na maranasan ang buhay nang mag-isa, ang hayaan ang mga ito na mamuhay nang nakapagsasarili, at na harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang hamon sa buhay nang mag-isa. Kung hihingi sila ng tulong sa iyo at mayroon kang kakayahan at mga angkop na kalagayan para tulungan sila, siyempre, puwede mo silang tulungan at bigyan ng kinakailangang suporta. Gayumpaman, kinakailangan dito na anuman ang tulong na ibigay mo, ito man ay pinansiyal o sikolohikal, dapat ay pansamantalang tulong lamang ito, at hindi nito mababago ang anumang malalaking isyu. Kailangan nilang tahakin ang sarili nilang landas sa buhay, at wala kang obligasyon na pasanin ang anuman sa kanilang mga gawain o kahihinatnan. Ito dapat ang saloobin ng mga magulang pagdating sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). “Kung ang iyong oras, lakas, at isipan ay nasasakop lamang ng katotohanan at ng mga prinsipyo, at kung ang iniisip mo lang ay ang mga positibong bagay, tulad ng kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at paano humarap sa Diyos, at kung ginugugol mo ang iyong lakas at oras para sa mga positibong bagay na ito, kung gayon, iba ang makakamit mo. Ang makakamit mo ay ang mga pinakamakabuluhang pakinabang. Matututo ka kung paano mamuhay, paano umasal, paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay. Sa sandaling matuto ka na kung paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay, sa malaking antas, likas kang makapagpapasakop sa mga pamamanugot at pagsasaayos ng Diyos. Kapag likas kang nakakapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi mo man lang mamamalayan na ikaw ay magiging isang uri ng tao na tinatanggap at minamahal ng Diyos. Pag-isipan mo ito, hindi ba’t magandang bagay iyon? Marahil ay hindi mo pa ito alam, ngunit sa proseso ng iyong pamumuhay, at ng iyong pagtanggap sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo mamamalayan na ikaw ay mamumuhay, titingin sa mga tao at bagay, at aasal at kikilos ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ay nangangahulugan na hindi mo mamamalayan na magpapasakop ka sa mga salita ng Diyos, at magpapasakop sa Kanyang mga hinihingi at tutugunan mo ang mga ito. Kung gayon, ikaw ay magiging isa nang uri ng tao na tinatanggap, pinagkakatiwalaan, at minamahal ng Diyos, nang hindi mo man lang namamalayan. Hindi ba’t napakaganda niyon? (Oo.) Samakatuwid, kung igugugol mo ang iyong lakas at oras para hangarin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ang makakamit mo sa huli ay ang mga pinakamahalagang bagay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano tratuhin ang mga anak na nasa hustong gulang. Ang kapalaran ng bawat tao ay itinakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagtatakda ng Diyos, at ang pagdurusa at mga pagpapala na mararanasan ng mga anak sa kanilang buhay ay pawang isinaayos ng Diyos, at hindi ito isang bagay na maaaring baguhin ng mga magulang. Bilang mga magulang, dapat nating tratuhin ang ating mga anak ayon sa mga salita ng Diyos. Tulad ng sinabi ng Diyos, isinilang tayo sa isang mundong ginawang tiwali ni Satanas, nahaharap tayo sa mga kaguluhan, mga pagkakasabit, at mga komplikasyon ng pamumuhay kasama ang iba, at nararanasan natin ang buhay sa lahat ng pait at tamis nito. Kailangan ding maranasan ng mga anak ang mga bagay na ito at matutunang harapin ang iba’t ibang paghihirap. At kung talagang kailangan ng mga anak natin ang ating tulong, dapat natin silang tulungan sa loob ng saklaw ng ating mga kakayahan, maging ito man ay sa paggabay sa kanilang mga pag-iisip o sa pagbibigay ng tulong-pinansiyal. Kung may oras tayo, maaari tayong tumulong sa pag-aalaga ng kanilang mga anak, pero kung wala, hindi natin ito dapat pilitin. May sarili rin tayong mga tungkulin na dapat tapusin, at, bilang mga nilikha, dapat nating tuparin ang ating tungkulin para sa gawain ng ebaghelyo, at ito ang pinakamahalagang bagay.

Noong Hunyo 2024, umuwi ako para asikasuhin ang ilang bagay. Nalaman ko na hindi maayos ang kalagayan ng anak ko sa trabaho, na may malalaking problemang pinansiyal ang pamilya, at na nais niyang magsimula ng isang negosyo. Nakahanap ng trabaho ang manugang ko sa ibang lungsod pero wala siyang lugar na matutuluyan. Nag-alala ako na baka mahirapan sila, kaya sinubukan kong mag-isip ng mga paraan para malutas ang kanilang mga paghihirap. Pero sinabi ng anak ko na, “Hindi mo kailangang mag-alala sa akin. Hahanap ako ng paraan para malutas ang sarili kong mga problema.” Nang marinig kong sinabi ito ng anak ko, medyo nahiya ako, at naisip ko ang sinabi ng Diyos: “Ang paghihirap na nararanasan mo, dapat din nilang maranasan; ang buhay na iyong isinasabuhay, dapat din nilang isabuhay; … ang naisin na tulungan silang iwasan ang lahat ng paghihirap at tamasahin ang lahat ng pagpapala sa mundo ay isang hangal na kahibangan at ideya(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Oo, lumaki na siya at marunong nang magsarili, at hindi na dapat ako makialam sa buhay niya. Kailangan kong bumitaw at hayaan siyang asikasuhin ang mga bagay-bagay sa sarili niya. Nang maisip ko ang mga bagay na ito, nakaramdam ako ng kapayapaan. Dapat kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at itigil ang pag-aalala tungkol sa kanya. Bagama’t minsan ay iniisip ko pa rin ang mga paghihirap ng anak ko, alam ko sa puso ko na ito ay isang bagay na kailangan niyang maranasan, at na dapat kong ilaan ang puso ko sa aking tungkulin. Nang magsagawa ako nang ganito, nakaramdam ako ng pagpapalaya at kalayaan sa puso ko.

Sinundan:  3. Masisira Mo ang Iyong Sarili sa Pagiging Hindi Malamig o Mainit sa Iyong Pananampalataya

Sumunod:  5. Ang mga Araw ng Amnesia

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger