56. Ang Pagpapakasasa sa Kaginhawahan ay Magdudulot ng Kamatayan ng Isang Tao
Noong Agosto 2021, itinalaga ako ng mga lider para mangasiwa sa gawaing pangvideo. Karaniwan, bukod sa paggawa ko ng mga video, kailangan ko ring suriin ang mga video na ginawa ng mga kapatid ko, lutasin ang anumang mga problema o paghihirap na naranasan nila sa kanilang mga tungkulin, at makipagbahaginan at tumulong sa paglutas ng anumang mga kalagayang pinagdaraanan nila. Sa simula, nagawa kong ibigay ang lahat ko sa aking tungkulin, pero makalipas ang ilang panahon, nagsimula kong maramdamang nakakaabala at nakakapagod ito. Naisip ko na, “Napakaraming gawaing kailangang gawin araw-araw, at kung susubukan kong asikasuhin at lutasin ang lahat nang paisa-isa, talagang labis itong nakakapagod! Mas mabuti na lang sigurong maging isang miyembro ng pangkat at gumawa ng sarili kong mga video nang wala ang lahat ng alalahanin at pagod na ito.” Nakita ko rin na karaniwang napakaseryoso ng mga kapatid ko sa kanilang mga tungkulin, kaya naisip ko na hindi na kailangang magsuri nang madalas; tutal, bakit ko pa kailangang pagurin nang husto ang sarili ko? Pagkatapos niyon, bukod sa paggawa ng mga video ayon sa iskedyul, itinigil ko ang pagbibigay ng labis na pansin sa ibang mga usapin sa pangkat. Bihira akong magbuod ng mga paglihis o problema sa aming mga tungkulin kasama ang mga kapatid ko, at halos hindi ko kailanman nalutas ang kanilang mga maling kalagayan. Minsan ay pinapaalalahanan ako ng mga kapatid ko na tapusin ang ilang gampanin sa takdang oras, at nakakairita para sa akin ang mga paalala nila, at kapag hinihimok nila ako nang ilang ulit pa, nagsisimula akong makaramdam ng paglaban, “Hindi ba’t ginagawa ko na? Sa bilis ko, kahit gaano niyo pa ako udyukan, hindi na ako bibilis pa!” Sa pamumuhay sa ganitong kalagayan, mas lalo akong nawalan ng pagpapahalaga sa pasanin sa tungkulin ko, at makalipas ang ilang panahon, naramdaman kong lubhang nakakabagot ang tungkulin ko, at nakaramdam ako ng kahungkagan sa puso ko. Gayumpaman, noong panahong iyon, manhid na manhid ako at hindi ako kailanman nagnilay sa aking sarili.
Minsan, napansin ng mga lider na hindi umusad nang ilang araw ang paggawa ng video ni Sister Paula, at pinaalalahanan nila akong subaybayan at alamin ang sitwasyon, para makita kung ano ang mga paghihirap na kinakaharap ni Sister Paula, at para tumulong na malutas ang mga iyon. Kaya agad kong tinanong ang kalagayan niya, at nalaman kong kamakailan, naging medyo pasibo siya sa kanyang mga tungkulin, at na bihira niyang hangaring makipagbahaginan o talakayin ang mga problema sa kanyang gawain. Naisip ko na dapat kong alamin nang detalyado ang sitwasyon, pero naisip ko na, “Kung may mahanap akong anumang mga problema, kailangan ko pang makipagbahaginan at lutasin ang mga iyon, na talaga namang abala. Hindi naman ganoon kabagal ang pag-usad ng gawain, kaya hindi na ito dapat gawing isang malaking bagay.” Kaya hindi ko na masinsinang inalam pa ang mga bagay na ito, at dito na natigil ang usaping ito. Hanggang sa isang araw, napansin ng mga lider na halos nangalahati ang bilang ng mga video na nagawa namin noong buwang iyon kumpara sa nakaraang buwan, na direktang nakaantala sa pag-usad ng gawaing pangvideo. Kaya hinimok nila kaming hanapin ang dahilan, at pinungusan at isiniwalat nila kami dahil ginagampanan namin ang aming mga tungkulin nang pabaya at wala kaming pagpapahalaga sa responsabilidad, at sinabi nilang hindi tapat ang ganitong paraan ng paggampan ng aming mga tungkulin. Sinabi nilang kung hindi kami magsisisi, kamumuhian kami ng Diyos. Talagang hindi ako napanatag, at lalo pa nang marinig kong banggitin ng mga lider ang mga salitang “mabagal na pag-usad,” “hindi tapat,” at “kamumuhian ng Diyos,” lalo akong nabalisa at hindi ko man lang maiangat ang ulo ko. Kalaunan, sa pagbubuod ng gawain, nagbukas ng saloobin ang mga kapatid ko tungkol sa kanilang mga kalagayan. Sinabi nilang kamakailan, sa kanilang mga tungkulin, namumuhay sila sa mga kalagayan ng pagpapakasasa sa kaginhawahan ng laman, ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang walang pagmamadali, hindi nagsisikap na maging mabilis, at na ang mga gampaning maaaring matapos sa kalahating araw ay nagtatagal nang isang buong araw o higit pa, na direktang nakakaapekto sa pag-usad ng gawaing pangvideo. Nang marinig ko ang tungkol sa mga kalagayan ng mga kapatid ko at ang kanilang mga saloobin sa kanilang mga tungkulin, nakaramdam talaga ako ng pagsisisi, at paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko, “Malinaw namang napansin ko ang ilang isyu, kaya bakit hindi ko agad na inalam at nilutas ang mga ito sa tamang oras?”
Sa isa sa mga debosyonal ko, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Anong uri ng mga pagpapamalas at katangian ang ipinapakita niyong mga sobrang tamad? Una, sa anumang bagay na ginagawa nila, pabasta-basta silang kumikilos, nag-aaksaya ng oras, nagmamabagal, at nagpapahinga at nagpapaliban hangga’t maaari. Pangalawa, wala silang pakialam sa gawain ng iglesia. Para sa kanila, maaari naman itong gawin ng sinumang may gusto ng pag-aalala tungkol sa gayong mga bagay. Hindi nila gagawin ito. Kapag nag-aalala nga sila tungkol sa isang bagay, para ito sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan—ang mahalaga lang para sa kanila ay na natatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan. Pangatlo, umiiwas sila sa paghihirap sa gawain nila; hindi nila matanggap na nakapapagod nang kahit kaunti ang gawain nila, labis na sumasama ang loob nila kung ganoon nga, at hindi nila kayang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga. Pang-apat, hindi nila kayang magtiyaga sa anumang gawaing ginagawa nila, palagi silang sumusuko sa kalagitnaan at hindi nakatatapos ng mga bagay-bagay. Kung pansamantala silang nasa isang mabuting kalagayan, maaari silang gumawa ng kaunting gawain dahil sa katuwaan, pero kung nangangailangan ng pangmatagalang dedikasyon ang isang bagay, at palagi silang ginagawang abala nito, kailangan itong pag-isipan nang husto, at nakapapagod ito sa katawan nila, sa paglipas ng panahon ay magsisimula silang magreklamo. Halimbawa, ang ilang lider ang nangangasiwa ng gawain ng iglesia, at bago at sariwa ito para sa kanila sa simula. Malaki ang motibasyon nila sa kanilang pagbabahagi sa katotohanan at kapag nakikita nilang may mga problema ang mga kapatid, nagagawa nilang tumulong at lutasin ang mga ito. Pero, matapos ang pansamantalang pagtitiyaga, nagsisimula na silang makaramdam na masyadong nakakapagod ang gawain ng pamumuno, at nagiging negatibo sila—ninanais nilang lumipat sa mas madaling trabaho, at hindi sila handang magtiis ng paghihirap. Kulang ang gayong mga tao sa pagtitiyaga. Panlima, ang isa pang katangian na nakatutukoy sa mga tamad na tao ay ang pag-aatubili nilang gumawa ng tunay na gawain. Sa sandaling magdusa ang laman nila, nagpapalusot sila para iwasan at takasan ang gawain nila, o ipinapasa nila ito sa ibang tao. At kapag natapos ng taong iyon ang gawain, sila mismo ang umaani sa mga gantimpala nang walang kahihiyan. Ito ang limang pangunahing katangian ng mga taong tamad. Dapat kayong magsuri para makita ninyo kung may gayong mga tamad na tao sa mga lider at manggagawa sa mga iglesia. Kung may makita kayong isa, dapat siyang tanggalin kaagad. Makagagawa ba ng mabuting gawain bilang lider ang mga tamad? Anumang uri ng kakayahan ang mayroon sila o anuman ang kalidad ng kanilang pagkatao, kung tamad sila, hindi nila magagawa nang maayos ang gawain nila, at maaantala nila ang gawain at mga importanteng usapin. May sari-saring aspekto ang gawain ng iglesia; ang bawat aspekto nito ay may kaakibat na maraming detalyadong gampanin at nangangailangan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema upang magawa ang gawain nang maayos. Samakatwid, dapat maging masigasig ang mga lider at manggagawa—kailangan nilang gumawa ng maraming pag-uusap at maraming gawain araw-araw para matiyak ang pagiging epektibo ng gawain. Kung masyadong kaunti ang pagsasalita o gagawin nila, walang magiging resulta. Kaya, kung tamad ang isang lider o manggagawa, tiyak na isa siyang huwad na lider at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain. Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga tamad na tao, lalong hindi sila pumupunta sa mga lugar ng trabaho, at hindi sila handang lutasin ang mga problema o makisangkot sa anumang partikular na gawain. Wala silang ni katiting na pagkaunawa o pagkaarok sa mga problema sa anumang gawain. Mayroon lang silang paimbabaw, malabong ideya sa isipan nila mula sa pakikinig sa sinabi ng iba, at iniraraos nila ang gawain sa pangangaral lang ng kaunting doktrina. Magagawa ba ninyong makilatis ang ganitong uri ng lider? Makikilala ba ninyo na siya ay huwad na lider? (Medyo.) Pabasta-basta ang mga taong tamad sa anumang tungkuling ginagampanan nila. Ano man ang tungkulin, wala silang pagtitiyaga, paminsan-minsang gumagawa, at nagrereklamo sa tuwing dumaranas sila ng ilang paghihirap, naglalabas ng mga walang-katapusang hinaing. Inaalipusta nila ang sinumang pumupuna o pumupungos sa kanila, tulad ng isang taong mainitin ang ulo na nang-iinsulto ng mga tao sa lansangan, na palaging gustong ilabas ang kanyang galit sa iba, at na hindi gustong gampanan ang tungkulin niya. Ano ang ipinapakita nitong pag-ayaw nilang gampanan ang tungkulin nila? Ipinapakita nito na hindi sila nagbubuhat ng pasanin, ayaw nilang umako ng responsabilidad, at sila ay mga taong tamad. Ayaw nilang magdusa ng mga paghihirap o magbayad ng halaga. Naaangkop itong lalo sa mga lider at manggagawa: Kung hindi sila nagdadala ng pasanin, maisasakatuparan ba nila ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Talagang hindi” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). “Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Para ibuod ito sa dalawang salita, sila ay walang silbi; para silang may kapansanan. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; kahit na may mahusay silang kakayahan, wala itong silbi. Masyado silang tamad—alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila ito ginagawa, at kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, at bagama’t alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ayaw nilang tiisin ang mga makabuluhang paghihirap na ito—kaya, hindi sila makapagkamit ng anumang katotohanan, at hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila nais na magtiis ng mga paghihirap na dapat tiisin ng mga tao; ang alam lamang nila ay magpakasasa sa kaginhawahan, magtamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at magtamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Iyong mga palaging nagnanais na mamuhay ng buhay ng isang parasito ay mga taong walang konsensiya o katwiran; sila ay mga halimaw, at ang gayong mga tao ay hindi angkop kahit na gumampan ng trabaho. Dahil hindi nila kayang tiisin ang paghihirap, kahit na kapag gumagampan nga sila ng trabaho, hindi nila ito magawa nang maayos, at kung nais nilang makamit ang katotohanan, mas lalong wala silang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang walang silbing tao; ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang halimaw, na wala ni katiting na pagkatao. Dapat itiwalag ang gayong mga tao; ito lang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag ginagampanan ng isang taong napakatamad ang kanyang tungkulin, palagi niyang nais na magsikap lang nang kaunti at magpakasasa sa kaginhawahan ng laman. Hindi siya nakararamdam ng pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at kahit pa mayroon siyang mahusay na kakayahan o mga kapabilidad sa gawain, hindi siya mapagkakatiwalaan at hindi niya kayang gumawa ng tunay na gawain. Nagnilay ako sa sarili ko. Hindi ko pinamahalaan nang maayos ang gawain ng pangkat, na humantong sa labis na pagbaba ng mga resulta ng gawaing pangvideo, at nakita ko na ang mga pangunahing dahilan sa likod nito ay na talagang tamad ako, nagpakasasa ako sa kaginhawahan ng laman, at na ayaw kong magdusa at magbayad ng halaga. Sa pagbabalik-tanaw, nakita ko na hindi nagtagal matapos kong simulang pangasiwaan ang gawaing pangvideo, nagsimula kong maramdaman na napakaraming bagay ang kailangang alalahanin, at na kung masusi kong gagawin ang bawat gampanin, kailangan kong magdusa at labis na mapagod, kaya palagi kong nais na gumawa na lang ng sarili kong mga video at iwasang mag-alala sa mga bagay na ito. Sobrang tamad din akong alamin o tanungin ang tungkol sa mga kalagayan o paghihirap ng mga kapatid ko sa kanilang mga tungkulin, at palagi kong nararamdamang labis na nakakaabala ang paggawa nito. Kapag hinihimok ako ng iba tungkol sa pag-usad ng gawain ko, naiinis ako, at pakiramdam ko ay sobrang higpit nila sa akin at hindi nauunawaan ang mga paghihirap ko. Lalo na nang hilingin sa akin ng mga lider na alamin kung kumusta na ang paggampan ni Paula sa kanyang mga tungkulin, bagama’t napagtanto kong may problema, ayaw ko itong alamin nang detalyado, dahil natatakot ako na kung may matuklasan akong problema, kailangan ko pang alalahanin ang tungkol dito at lutasin ito. Sa pagninilay sa saloobin ko sa aking tungkulin, nakita ko na tuwing nahaharap ako sa pisikal na pagdurusa o mga gampanin na nangangailangan ng pag-aalala, palagi kong nais na maging tuso at magpabaya at umiwas sa pagbabayad ng halaga. Ito mismo ang isinisiwalat ng Diyos tungkol sa mga taong tamad at walang silbi! Dahil sa aking katamaran, kabagalan, at kawalan ng responsabilidad, nabigo akong pangasiwaan at subaybayan ang gawain ng mga kapatid ko, na humantong sa kabagalan sa tungkulin ng lahat, at sa pamumuhay nilang lahat sa isang kalagayan ng pagpapakasasa sa kaginhawahan at kawalan ng pagsisikap na makausad, na labis na nakaapekto sa gawaing pangvideo. Taglay ko ang titulo ng superbisor, pero hindi ko tinupad ang mga responsabilidad ng isang superbisor kahit kaunti. Talagang pinipinsala ko ang sarili ko at ang iba! Sa puntong ito ko nakita na ang mga taong tamad ay may mahinang karakter, hindi kayang gampanan nang maayos ang anumang gawain, at na hindi sila mapagkakatiwalaan! Kung hindi ko malulutas ang problema ko ng katamaran, hindi ko kailanman matutupad ang aking tungkulin, at sa huli, mauuwi lang akong kinamumuhian at itinitiwalag ng Diyos!
Bilang tugon sa kalagayang ito, kinain at ininom ko ang mga kaugnay na salita mula sa Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, naiwala na nila ang tungkuling dapat taglayin ng isang nilalang. Ang gayong mga tao ay kilala bilang ‘mga walang-kabuluhan’; sila ay mga walang-silbing yagit. Paano matatawag nang wasto na mga nilalang ang gayong mga tao? Hindi ba mga tiwali silang nilalang na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? … Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang surutin ng kanilang budhi at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kamuhian ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagkasuwail at pagkatiwali, at bukod pa riyan, dapat nilang ibigay ang kanilang buhay sa Diyos. Saka lamang sila magiging mga nilalang na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng ipinagawa sa inyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakahiwatig ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nahusgahan na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensya sa inyong kalooban? Sino ang magiging karapat-dapat sa inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Wala Akong ibang magagawa at buong-puso na Akong naging tapat sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng masasamang layon at wala kayong interes sa Akin. Iyan ang lawak ng inyong tungkulin, ng inyong tanging tungkulin. Hindi ba ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang? Paano kayo maituturing bilang isang nilalang? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi naihanda para sa mga walang-silbi at hamak na katulad ninyo, kundi para sa mga yaong walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang kabuluhan, ay lubos na hindi karapat-dapat na matamasa ang biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa araw-araw! Kung hindi ninyo kayang maging tapat sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kahihinatnan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Nang harapin ko ang paghatol ng mga salita ng Diyos, labis akong nahiya. Noon, palagi kong iniisip na ang pagiging medyo tamad at pagbabayad ng kaunting halaga sa aking mga tungkulin ay hindi ganoon kalaking problema, pero matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko ang kaseryosohan ng problemang ito. Sa mga mata ng Diyos, ang pagtupad ng isang tao sa kanyang tungkulin sa abot ng kanyang makakaya, at ang pagkakaroon ng tunay na pagpapasakop at katapatan sa Diyos, ay ang kahulugan at halaga ng buhay ng isang nilikha. Kung ang tungkulin ng isang tao ay madalas ginagampanan nang pabasta-basta, at hindi niya man lang natutupad ang mga responsabilidad na dapat niyang tuparin, ang taong iyon ay hindi karapat-dapat tawaging tao o nilikha. Sa pagninilay ko sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng malalim na pangamba at takot. Nang aking isaalang-alang, nakita ko na bagama’t sa panlabas ay ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, sa puso ko, wala akong pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad, at palagi kong nararamdaman na ang mga bagay na ito ay nakakaabala at labis na nakakapagod. Madalas akong walang pakialam sa gawaing dapat subaybayan at sa mga problemang dapat lutasin, at kahit na tinatanong ko ang tungkol sa mga ito, ginagawa ko lang ito nang wala sa loob, dahil natatakot ako na kung sisilipin ko nang mas malalim at makakita ako ng mga problema, kailangan ko pang pag-isipan ang paglutas sa mga ito. Para hindi magpakahirap at para magpakasasa sa kaginhawahan ng laman, sinadya kong balewalain ang mga isyu sa gawain at nagbulag-bulagan ako, na lubos na nakaapekto sa pagiging epektibo ng gawain. Nakita ko na sa lahat ng ginagawa ko, palagi akong nandadaya, umiiwas sa gawain, at kumikilos nang pabasta-basta. Sa anong paraan ako nagkaroon ng sinseridad sa Diyos? Sa anong paraan ko ginagampanan ang tungkulin ko? Malinaw na ako ang uri ng walang kuwentang tao na isinisiwalat ng Diyos na “maningning sa labas ngunit bulok sa loob”! Naisip ko kung paanong ang Diyos, para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, ay nagtiis ng matinding kahihiyan at pagdurusa, nagkatawang-tao para magpakita at magsagawa. Bagama’t labis siyang inusig at tinugis ng masamang CCP, at nilabanan at kinondena rin ng relihiyosong mundo, hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang gawain, patuloy na ipinapahayag ang mga katotohanan para diligan, palaguin, at tustusan ang mga tao. Sa takot na baka hindi tayo makaunawa, palaging nagsasalita nang matiyaga at detalyado ang Diyos, gumagamit ng mga talinghaga, halimbawa at iba’t ibang perspektiba para mabilis nating maunawaan ang katotohanan at makamit ang pagbabago ng disposisyon. Buong-puso ang dedikasyon ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at binayaran Niya ang buong halaga, pero ako, na tumanggap ng pagliligtas ng Diyos, ay walang anumang sinseridad na suklian ang pagmamahal ng Diyos, at hindi ko man lang matupad ang tungkulin ng isang nilikha. Paano ko masasabing mayroon akong anumang pagkatao? Pagkatapos ay naisip ko si Noe, na matapos tanggapin ang atas ng Diyos, ay walang pagod na nagtrabaho para itayo ang arka. Gaano man kahirap ang proyekto o gaano man karami ang mga paghihirap o hadlang, patuloy siyang nagsikap nang 120 taon hanggang sa matapos ang arka. Tiningnan ko ang karakter ni Noe, ang kanyang katapatan at pagpapasakop sa Diyos, at nakita kong siya ay isang taong may pagkatao at katwiran, isang tunay na nilikha, at isang taong karapat-dapat sa tiwala ng Diyos. Sa paghahambing, nakita kong wala man lang akong taglay na pinakapayak na antas ng normal na pagkatao. Hindi ko man lang magawa ang sinasabi ng konsensiya ko, at talagang hindi karapat-dapat na tawaging tao! Kung mananatiling walang pagsisisi ang saloobin ko sa aking mga tungkulin, hindi ba’t mabubunyag at matitiwalag ako ng Diyos? Habang iniisip ko ito ay nakaramdam ako ng kaunting takot, pati na rin ng kaunting pagsisisi at pagkakonsensiya, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos at gumawa ng pagpapasya sa puso ko, na sa paggampan ng mga tungkulin ko sa hinaharap, tiyak na maghihimagsik ako laban sa laman at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para matupad ang mga tungkulin ko.
Pagkatapos ng karanasang ito, mas mahusay ko nang nagampanan ang mga tungkulin ko kaysa dati. Araw-araw, bukod sa paggawa ng mga video, madalas ko ring inaalam kung kumusta na ang paggampanan ng mga kapatid ko sa mga tungkulin nila, at anumang oras na magkaroon sila ng mga paghihirap o problema, ibinabahagi ko sa kanila ang mga solusyon. Bagama’t sa ganitong paraan ng paggampan ng aking mga tungkulin ay kailangan kong mag-alala nang kaunti pa, nakaramdam ako ng kapayapaan at katiyakan dahil alam kong ginagampanan ko ang mga tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Gayumpaman, dahil wala akong gaanong pagkaunawa sa kalikasang diwa ko, makalipas ang ilang panahon, bumalik ako sa kalagayan ng paghahangad ng kaginhawahan.
Dahil dumami ang trabaho sa paggawa ng mga video, napakaraming gawaing kailangang asikasuhin halos araw-araw, at may ilang video na kailangang matapos sa loob ng itinakdang oras. May ilang video na may mas mataas na teknikal na pangangailangan at nanghihingi ng masusing pag-iisip at pagsasaalang-alang. Sa simula, nagagawa ko pang ibigay ang makakaya ko para matapos ang lahat, pero makalipas ang ilang panahon, nagsimula akong magreklamo sa loob ko, iniisip na, “Napakaraming gawain araw-araw; kailan ba ito mababawasan? Kung mababawasan lang sana nang kaunti ang trabaho, hindi sana ako masyadong mapapagod, at mas giginhawa ang aking laman.” Naalala ko isang beses, nagpadala sa akin ang isang sister ng higit sa sampung video nang sabay-sabay, hiniling niyang suriin ko ang mga ito sa loob ng dalawang araw, nakaramdam ako ng kaunting paglaban, iniisip ko na, “Masusuri ko ba talaga ang lahat ng ito sa loob ng dalawang araw? Hindi ba’t mangangailangan iyon ng overtime?” Bagama’t wala akong sinasabi sa panlabas, paulit-ulit akong nagrereklamo sa sarili ko. Kalaunan, napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko, at alam kong kailangan kong matuto mula sa sitwasyong ito. Sa mga sumunod na araw, madalas akong magnilay sa aking sarili, “Bakit ba palagi kong nais pagbigyan ang laman ko kapag dumadami ang trabaho ng tungkulin ko? Ano ba talaga ang kumokontrol sa akin?” Sa aking paghahanap ng kasagutan, nagbasa ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kaya, ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). “Pagdating sa laman, habang mas pinapaboran mo ito, mas lalo itong nagiging ganid. Nararapat itong makaranas ng kaunting pagdurusa. Ang mga taong dumaranas ng kaunting pagdurusa ay tatahak sa tamang landas at gagawa ng nararapat na gawain. Kung ang laman ay hindi nagtitiis ng pagdurusa, nagpapasasa sa kaginhawahan, at lumalaki ito sa pugad ng ginhawa, walang makakamit ang mga tao at imposible nilang makamtan ang katotohanan. Kapag naharap ang mga tao sa mga natural na sakuna at mga sakunang gawa ng tao, hindi sila magkakaroon ng katinuan at magiging di-makatwiran. Sa paglipas ng panahon, magiging mas lalo lang silang salaula. Marami bang halimbawa nito? Iyong mapapansin na sa mundong walang pananampalataya, maraming mang-aawit at artista sa pelikula na talagang handang magtiis ng paghihirap at ialay ang kanilang sarili sa trabaho nila bago sila sumikat. Ngunit nang makamit na nila ang kasikatan at magsimula na silang kumita ng malaking pera, hindi na sila tumatahak sa tamang landas. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga, ang ilan ay nagpapatiwakal, at umiikli ang kanilang buhay. Ano ang sanhi nito? Sobra-sobra ang kanilang materyal na kasiyahan, masyado silang komportable, at hindi nila alam kung paano magkamit ng higit na kasiyahan o kasabikan. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga upang makahanap ng higit na kasabikan at kasiyahan, at paglipas ng panahon, hindi na nila ito kayang tigilan. Ang ilan ay namamatay dahil sa sobrang paggamit ng droga, at ang iba na hindi alam kung paano makaalpas dito ay nagpapatiwakal na lang sa bandang huli. Napakaraming halimbawa na ganito. Gaano man kaayos ang iyong pagkain, pananamit, pamumuhay, pagsasaya, o gaano man kaginhawa ang iyong buhay, at gaano kalubos mo mang natutugunan ang iyong mga pagnanais, sa bandang huli, puro kahungkagan sa ibabaw ng kahungkagan, at ang resulta ay pagkawasak. Ito bang kaligayahang hinahangad ng mga walang pananampalataya ay tunay na kaligayahan? Ang totoo, hindi ito kaligayahan. Ito ay imahinasyon ng tao, ito ay isang uri ng kasalaulaan, ito ay isang landas kung saan nagiging salaula ang mga tao. Ang diumano’y kaligayahang hinahangad ng mga tao ay huwad. Ang totoo, ito ay pagdurusa. Hindi iyon isang layong dapat hangarin ng mga tao, at wala rin doon ang halaga ng buhay. Ang ilan sa mga pamamaraan at metodong ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay paghangarin silang mapalugod ang laman at magpasasa sa kahalayan bilang layon. Sa ganitong paraan, ginagawang manhid ni Satanas ang mga tao, inaakit nito ang mga tao, at ginagawang tiwali ang mga tao, ipinaparamdam sa kanila na tila ba ito ang kaligayahan at inaakay silang habulin ang layong iyon. Naniniwala ang mga tao na ang makamtan ang mga bagay na iyon ay ang makamtan ang kaligayahan, kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya para hangarin ang layong iyon. Ngunit pagkatapos nilang makamtan ito, hindi kaligayahan ang kanilang nararamdaman kundi kahungkagan at pagdurusa. Pinatutunayan nito na hindi iyon ang tamang landas; iyon ay daan patungo sa kamatayan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paghahangad ng kasiyahan ng laman ay paraan ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Gumagamit si Satanas ng iba’t ibang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at panlilinlang para ilihis at gawing tiwali ang mga tao, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,” at “Magpakasaya ka na ngayon,” na nagiging dahilan para mamuhay ang mga tao ayon sa mga ideyang ito, at nagbibigay-daan para ituring nila ang paghahangad ng kasiyahan ng laman bilang kahulugan at halaga ng buhay, at bilang layon ng buhay. Dahil dito ay hinahangad ng mga tao ang kaginhawaan at kasiyahan ng laman at lalo pa silang nagiging mabisyo at napapariwara, at nawawala sa kanila ang wangis ng tao. Naisip ko kung paanong kahit nanampalataya ako sa Diyos at ginampanan ang aking mga tungkulin sa iglesia, at hindi ako tulad ng mga walang pananampalatayang naghahangad ng pagkain, inumin, at kasiyahan, at nagpapakasasa sa kanilang laman, ang mga lason, pilosopiya, at batas ni Satanas ay malalim pa ring nakatanim sa puso ko, at ang aking mga kaisipan at pananaw ay katulad ng sa mga walang pananampalataya. Palagi kong iniisip na ang pisikal na ginhawa at kasiyahan ay kasingkahulugan ng kaligayahan, at ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga sa anumang ginawa ko. Minsan, kapag maraming alalahanin sa aking mga tungkulin o mas nagiging abala ang gawain, nais kong humanap ng oras para ako ay magpahinga at huwag masyadong mapagod. Hindi ko na nga pinagtuunan ng pansin o nilutas ang mga malinaw na isyu sa gawain, isinantabi ko ang mga tungkulin ko. Dahil dito, naantala ko ang pag-usad ng gawain nang hindi ko namamalayan. Tunay na mapanganib ito! Nang balikan ko ang panahong namumuhay ako sa kalagayan ng pagpapakasasa sa kaginhawahan, hindi ko isinaalang-alang kung paano tutuparin ang mga tungkulin ko o kung paano mapaluluguran ang Diyos, at kapag may mga bagay na dumarating, ang palagi kong unang iniisip ay kung magdurusa ba ang aking katawan o makakaranas ng labis na pagkapagod. Tunay ngang makasarili at kasuklam-suklam ako, at wala man lang akong konsensiya o katwiran. Minsan, kahit alam kong kailangan kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, patuloy pa rin akong napipigilan ng aking laman, at ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga. Sa kaibuturan, nakaramdam ako ng matinding paglaban at pagtutol sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at pagdating sa mga gampaning kailangan kong gawin, palagi kong sinusubukang magpalusot para iwasan ang mga ito. Sa paggawa nito, ang katawan ko ay nakakahanap ng kaginhawahan at hindi nagdurusa, pero sa huli, hindi ko nakakamit ang anumang katotohanan. Hindi ba’t nagdadala ako ng labis na kapahamakan sa sarili ko? Sa pag-iisip nito, nagsimula akong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa mapanganib na mga kahihinatnan ng pagpapakasasa sa kaginhawahan.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos: “Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay kusang-loob na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, nang hindi kinakalkula ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan. Ikaw man ay isang taong naghahangad sa katotohanan o hindi, dapat kang umasa sa iyong konsensiya at katwiran at talagang magsikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng talagang magsikap? Kung nasisiyahan ka na sa kaunting pagsisikap, at pagdanas ng kaunting hirap ng katawan, ngunit hindi mo talaga sineseryoso ang iyong tungkulin o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, ito ay wala nang iba kundi pagiging pabasta-basta—hindi ito tunay na pagsisikap. Ang susi sa pagsisikap ay ibuhos mo ang puso mo roon, matakot sa Diyos sa puso mo, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, matakot na maghimagsik laban sa Diyos at masaktan ang Diyos, at dumanas ng anumang paghihirap para magampanan ang iyong tungkulin nang maayos at mapalugod ang Diyos: Kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung walang takot sa Diyos sa puso mo, hindi ka magkakaroon ng pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka magkakaroon ng interes doon, at hindi mo maiiwasang maging pabasta-basta, at iraraos mo lang ang mga bagay-bagay, nang walang anumang tunay na epekto—na hindi pagganap ng isang tungkulin. Kung tunay kang may nadaramang pasanin, at pakiramdam mo ay personal na responsabilidad mo ang pagganap sa iyong tungkulin, at na kung hindi, hindi ka nararapat na mabuhay, at isa kang hayop, na magiging marapat ka lamang na matawag na isang tao kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at kaya mong harapin ang sarili mong konsensiya—kung mayroon kang nadaramang ganitong pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin—magagawa mo ang lahat nang masigasig, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at sa gayon ay magagawa mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at mapalulugod ang Diyos. Kung karapat-dapat ka sa misyong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at sa lahat ng isinakripisyo ng Diyos para sa iyo at sa Kanyang mga ekspektasyon mula sa iyo, kung gayon, ito ay tunay na pagsusumikap. … Kahit papaano man lang, ang mga tao ng sambahayan ng Diyos ay mga tapat na tao. Sila ay mga taong mapagkakatiwalaan sa kanilang tungkulin, na kayang tanggapin ang ibinigay na gawain ng Diyos, at na kayang gampanan nang deboto ang kanilang tungkulin. Kung ang mga tao ay walang tunay na pananampalataya, konsensiya, at katwiran, at kung wala silang pusong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, hindi sila naaangkop na gumanap ng mga tungkulin. Kahit pa ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, pabara-bara nila itong ginagawa. Sila ay mga trabahador—mga taong hindi pa talaga nagsisi. Ang mga trabahador na tulad nito ay ititiwalag sa malao’t madali. Tanging ang mga tapat na trabahador ang pananatilihin. Bagaman wala ng mga katotohanang realidad ang mga tapat na trabahador, may taglay silang konsensiya at katwiran, nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang taos-puso, at pinahihintulutan sila ng Diyos na manatili. Iyong mga nagtataglay ng mga katotohanang realidad, at iyong mga matunog na makapagpapatotoo sa Diyos ay Kanyang mga tao, at pananatilihin din at dadalhin din sila sa Kanyang kaharian” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa mga mata ng Diyos, tanging ang matatapat na taong taos-pusong gumagampan ng kanilang mga tungkulin ang mga tunay na tao ng sambahayan ng Diyos. Ang ganitong mga tao ay may pagpapahalaga sa responsabilidad para sa kanilang gawain at mapagkakatiwalaan. Hindi sila nasisiyahan sa pagpapakita lamang ng kaunting pagsisikap o paggawa nang pabasta-basta. Sa halip, handa silang magdusa at magbayad ng halaga para matupad ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila ito nang masigasig at hanggang sa makumpleto. Ito ang tunay na paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin. Mula sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang isang landas ng pagsasagawa. Kailangan kong tratuhin ang mga tungkulin ko nang may matapat na puso. Kapag nais kong magmadali, umiwas sa gawain, at magpakasasa sa kaginhawahan habang ginagampanan ang mga tungkulin ko, kailangan kong maghimagsik laban sa aking laman, ilaan ang puso ko sa bawat usapin na may kaugnayan sa mga tungkulin ko, maging masinop, at tuparin ang mga responsabilidad ko. Sa paggawa nito ko lamang magagampanan ang mga tungkulin ko sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, sa paggampan sa aking mga tungkulin, palagi kong pinagbibigyan ang laman, nabigo akong tuparin ang mga tungkulin ko, at nabigo akong matugunan ang Iyong mga layunin. Handa na akong magsisi sa Iyo ngayon at tanggapin ang Iyong pagsisiyasat. Isasagawa ko ang pagiging masigasig at responsable sa pagkumpleto ko ng bawat gampanin at tutuparin ko ang mga tungkulin ko gaya nang nararapat.”
Pagkatapos niyon, kapag ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, pinagtutuunan ko ang pagsasagawa at pagpasok sa ganitong paraan. Naalala ko minsan, nagpadala sa akin ang mga kapatid ng dalawang video na kailangang agad na suriin. Isa sa mga video ay maraming isyu at nangangailangan ng maraming oras at pagsisikap para masuri, at hindi ko maiwasang muling magreklamo. Pero sa pagkakataong ito, napagtanto ko na isinasaalang-alang ko ang aking laman, kaya agad akong nagdasal sa Diyos at naghimagsik laban sa aking sarili. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumampan sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, magbigay ng anumang palugit, o maghanda ng malulusutan. Kung ikaw ay nagiging maluwag, mapagkalkula o tuso at nagpapakatamad, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin). Dumating sa akin ang isang agarang gampanin, at ito mismo ang panahong kailangan kong maghimagsik laban sa aking laman at magbayad ng halaga. Dapat kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, masigasig at responsableng tapusin ang gawaing ito, at tuparin ang mga responsabilidad ko, dahil ito lamang ang naaayon sa layunin ng Diyos. Kaya, agad kong tinapos ang pagsusuri ng mga video, at pagkatapos, inasikaso ko ang ibang usapin. Kalaunan, nang maranasan ko ang katulad na mga sitwasyon, gaya ng dati, sinadya kong patahimikin ang sarili ko sa harap ng Diyos at unahin ang mga tungkulin ko. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nakaramdam ng kapayapaan ang puso ko, at naging higit na makabuluhan ang mga tungkulin ko kaysa dati.
Sa pagdanas ng ganitong mga sitwasyon, nakita ko sa wakas ang mga panganib at kahihinatnan ng pagpapakasasa sa kaginhawahan, at napagtanto ko rin na, sa paggampan ng mga tungkulin, tanging sa pagkakaroon ng tunay na pagpapahalaga sa pasanin at sa pagiging handang magdusa at magbayad ng halaga matutupad ng isang tao ang kanyang mga responsabilidad at tungkulin.