55. Kung Paano Ako Nakalaya Mula sa mga Tukso ng Pera, Kasikatan, at Pakinabang

Ni Su Yan, Tsina

Noong bata pa ako, mahirap ang pamilya ko at madalas akong nililibak ng mga tao sa paligid ko at minamaliit at hindi pinapansin ng mga kamag-anak at kaibigan. Kaya gumawa ako ng pagpapasya na paglaki ko, magiging isang mayaman at tanyag na tao ako, para igalang at hangaan ako ng mga tao. Noong 2000, nalugi ang pharmaceutical company kung saan kami nagtrabaho ng asawa ko, kaya kasunod nito ay nagtayo kami ng dalawang botika. Sa simula, matapat naming pinatakbo ang negosyo, at dahil isa akong lisensiyadong parmasyutiko na may kaalaman sa pharmacology, karamihan sa mga gamot na inihanda ko ay mabisa para sa aming mga kostumer, at nagtiwala sila sa akin. Pero paglipas ng panahon, napansin kong sa kabila ng araw-araw na pagsisikap, napakaliit ng aming kinikita, samantalang palaki nang palaki ang kinikita ng ibang mga parmasyutiko, at hindi lamang sila nagmamay-ari ng mga bahay at sasakyan, kundi bumili rin sila ng mga tindahan. Alam kong nagmula ang pera nila sa hindi wastong pamamaraan, pero ayaw kong sundan sila sa hindi etikal na paraan ng pagkita ng pera. Gayumpaman, sa paglipas ng panahon, dahil natukso ng pera, nagsimula kaming matuto mula sa ibang mga parmasyutiko, na gumagamit ng mapanlinlang na mga pamamaraan para kumita ng pera, tulad ng paghahalo ng murang medikal na sangkap sa mga mamahaling sangkap at pagbebenta sa mga ito nang magkasama, at nakakakita naman ng kaunting epekto ang mga kostumer matapos nilang inumin ang mga ito. Hindi lang nito napanatili ang aming mga kostumer kundi nagbigay-daan din ito para kumita kami ng mas maraming pera. Paminsan-minsan, nababagabag ang konsensiya ko, pero kapag naiisip ko kung paanong ginagawa rin naman ito ng iba, naiisip ko na kung matapat naming patatakbuhin ang aming negosyo, wala kaming kikitain, kaya sumabay na lang kami sa agos. Naisip ko rin na basta’t kumita kami ng mas maraming pera, hindi na kailangang mag-alala ang anak kong lalaki tungkol sa kolehiyo o pag-aasawa, magkakaroon kaming mag-asawa ng suporta at kaseguruhan sa aming pagtanda, at makikilala rin ako bilang isang matagumpay at tanyag na tao. Makalipas ang ilang taong pagsusumikap, unti-unting umunlad ang aming dalawang botika, at nakabili kami ng bahay at kotse, at nagkaroon ng kaunting ipon. Ang mga tao sa paligid namin, kabilang ang mga kamag-anak at kaibigan, ay nagsimulang humanga at mainggit sa akin, at ang aking banidad ay lubos na nasiyahan.

Habang nalulunod ako sa mga pangarap ng kayamanan, may nangyaring hindi inaasahan. Noong Setyembre 2012, inimbitahan kami ng aking asawa at kaibigan sa isang birthday party, pero sa hindi inaasahan, naaksidente ang aming sinasakyan habang papunta kami roon, kaya may isang namatay at tatlong nasugatan. Hindi lamang nasugatan at naospital ang asawa ko, kundi dahil siya ang nagmamaneho, kinailangang magbayad ng malaking danyos ang aming pamilya. Ang biglaang kamalasang ito ay nagdulot sa akin ng labis na pasakit, at muntik nang bumigay ang aking isipan. Sa panahong ito, may isang taong nagbahagi sa akin ng ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at na ang ating kapalaran ay kinokontrol at pinamumunuan Niya. Naunawaan ko rin na tanging sa paglapit sa Diyos at pagtanggap ng Kanyang pagliligtas magkakaroon ang isang tao ng tunay na kaligayahan at kagalakan. Unti-unti, humupa ang matinding sakit sa puso ko, at naging handa akong ipagkatiwala sa mga kamay ng Diyos ang lahat ng paghihirap na ito. Sa hindi inaasahan, mabilis na nakalabas ng ospital ang asawa ko, at sa huli, hindi na kailangang magbayad ng napakalaking danyos ang aming pamilya. Labis akong nagpasalamat sa Diyos. Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas para makilala ang Diyos at sang-ayunan ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para linisin at iligtas ang sangkatauhan, para palayain ang mga tao sa madilim na kapangyarihan ni Satanas at bigyan sila ng buhay na walang hanggan, at dalhin sila sa kaharian ng Diyos. Ito ang tanging pagkakataon para maligtas ang mga tao. Pakiramdam ko ay napakasuwerte ko na nagawa kong lumapit sa Diyos sa buhay na ito at tanggapin ang Kanyang pagliligtas, at nagpasya akong sumunod nang wasto sa Diyos sa buhay na ito.

Noong panahong iyon, inaasikaso ko ang mga negosyo ko sa araw at dumadalo ako sa mga pagtitipon sa gabi, at kapag may oras ako, nangangaral din ako ng ebanghelyo. Noong 2014, napili ako bilang isang diyakono ng pagdidilig. Alam kong mahalaga ang tungkuling ito at nais ko itong gampanan nang maayos, pero araw-araw na maagang nagbubukas ang botika, at minsan ay abalang-abala ako na ni hindi ko na magawa ang mga debosyonal ko, at karaniwan, halos wala na akong oras na manahimik sa harap ng Diyos at masigasig na basahin ang Kanyang mga salita. Kapag nakikipagtipon sa mga kapatid, binabasa ko lamang ang mga salita ng Diyos at ibinabahagi ang ilang salita at doktrina, pero hindi ito gaanong nakakatulong o nakakapagpatibay sa iba. Minsan, abalang-abala ako sa aming mga negosyo na naaantala ko ang mga pagtitipon, at nakakaramdam ako ng matinding pagkakonsensiya at pagkabalisa sa kalooban. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag puspos ng kagalakan ang inyong puso dahil ginagantimpalaan kayo para sa inyong mga pagpapagal, hindi ba kayo pinanghihinaan ng loob na hindi ninyo napagkalooban ang inyong sarili ng sapat na katotohanan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Nabasa ko rin na sinasabi ng salita ng Diyos na: “Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng mas mainam at mas mataas pang kasiyahan. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa puntong tinutubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng labis na pagkakonsensiya at malalim na pang-aakusa. Araw-araw akong abalang kumita ng pera, at minsan ay hindi na regular ang aking mga debosyonal at pagdalo sa mga pagtitipon, at hindi ko rin madiligan nang maayos ang mga kapatid ko. Hindi lamang ito nakaantala sa sarili kong paghahangad ng katotohanan kundi nakahadlang din ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid ko. Ngayon ay mabilis na lumalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, at mas marami pang tao ang kinakailangan para mangaral ng ebanghelyo at magpatotoo tungkol sa Diyos. Dapat kong ituon ang aking puso sa tungkulin ko, at iambag sa gawain ng ebanghelyo ang ilan sa aking mga pagsisikap, pero tinatamasa ko ang pagdidilig at probisyon ng Diyos habang nabibigong gampanan ang tungkulin ko, at inaalala ko pa rin ang aking hinaharap, kasikatan, at pakinabang. Nagsikap ako nang mabuti para kumita ng pera pero nabigo akong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Tunay ngang napakalaki ng utang ko sa Diyos! Pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang, nagpasya akong ilipat ang isa sa mga botika. Bagama’t mababawasan ang aking kita, magkakaroon ako ng mas maraming oras para hangarin ang katotohanan at gampanan ang aking tungkulin. Pero hindi talaga sumang-ayon ang asawa ko. Bukod pa rito, noong panahong iyon, naglabas ang National Pharmaceutical Supervision Administration ng mga bagong patakaran, na nangangahulugang ang mga lisensiyadong parmasyutiko lang ang puwedeng magbukas ng mga botika, at sa aming bansa, mula sa mahigit isandaang botika, iilan lamang ang may mga kalipikasyong hinihingi para magpatakbo, at pag-aari namin ang dalawa sa mga ito. Ibig sabihin nito ay habang unti-unting nababawasan ang aming mga kakompetensiya, bubuti nang bubuti ang aming negosyo. Nainggit sa amin ang karamihan sa aming mga kapwa, at tuwang-tuwa ang asawa ko, sinabi niya sa akin, “Sa dalawang botika, kikita tayo ng hindi bababa sa 400,000 yuan kada taon!” Naantig ang puso ko nang marinig kong sinabi niya ito, at naisip ko na, “Nagsikap kami sa lahat ng mga taong ito para kumita ng kaunting pera, at ngayon ay may magandang pagkakataon kami para kumita ng malaking pera. Kung ipagpapatuloy namin ito nang ilang taon pa, magkakaroon kami ng malaking kayamanan. Siguro ay maghihintay na lang ako at kikita pa ng kaunting pera bago ko buong-oras na ilaan ang sarili ko sa tungkulin ko.” Kaya, ipinagpatuloy ko ang pagpapatakbo ng botika habang ginagampanan ko ang tungkulin ko. Pero lalo pang naging mas abala ang negosyo sa aming mga botika, at kung minsan, kapag paalis na ako para pumunta sa isang pagtitipon, may kostumer na magpupumilit na ihanda ko ang kanyang gamot, kaya nahuhuli ako sa pagtitipon. Kahit manatili ako sa bahay at hindi pumunta sa botika, tumatawag o nakikipag-ugnayan pa rin ang mga kostumer para sa gamot o payong medikal, na nakakagulo sa akin, nagdudulot ng kaguluhan sa isipan ko at nakahahadlang sa aking tahimik na pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa isa pang pagkakataon, isinaayos kong mangaral ng ebanghelyo kasama ang mga kapatid ko, pero hindi ako makapunta dahil may bagay na kailangang unahin sa botika. Tuwing naaantala ko ang pagtitipon o nabibigong gampanan ang aking tungkulin, labis akong nakokonsensiya. Araw-araw ay abala ako sa negosyo, at wala na akong oras para hangarin ang katotohanan o gampanan ang aking tungkulin. Kung magpapatuloy ito, lalayo nang lalayo ang puso ko sa Diyos. Nais ko pa ring ilipat ang isa sa mga botika, pero hindi sumang-ayon ang asawa ko at nagsimulang hadlangan ako sa aking pananalig, nagbanta pa nga siyang hihiwalayan ako kung ipagpapatuloy ko ang pananampalataya sa Diyos. Dahil dito ay labis akong naguluhan. Nang ako ay nalilito na, may nangyaring hindi inaasahan, na naging dahilan para sa wakas ay magsimula akong magnilay.

Biglang sinapian ng demonyo ang asawa ko nang ilang araw dahil sa pagsamba niya sa masasamang espiritu. Nang makita ko ang kakaibang kalagayan niya, labis akong natakot. Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa lupa, lahat ng uri ng masasamang espiritu ay walang-tigil sa paggala sa paghahanap ng mapagpapahingahan, at walang-hinto sa paghahanap ng mga bangkay ng mga tao na maaaring lamunin. Aking mga tao! Kailangan kayong manatili sa loob ng Aking pangangalaga at proteksyon. Huwag magpakasama kailanman! Huwag kumilos nang walang-ingat kailanman! Dapat mong ialay ang iyong katapatan sa Aking sambahayan, at sa katapatan mo lamang malalabanan ang panlalansi ng mga diyablo. Anuman ang mangyari, hindi ka dapat kumilos na tulad noong araw, na gumagawa ng isang bagay sa Aking harapan at ng iba naman sa Aking likuran; kung kikilos ka sa ganitong paraan, hindi ka na puwedeng matubos. Hindi ba higit pa sa sapat ang nabigkas Kong mga salita na tulad ng mga ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10). Hindi nanampalataya ang asawa ko sa tunay na Diyos, at sinamba niya ang masasamang espiritu bilang mga diyos. Dahil dito, pinahirapan siya ni Satanas at ng masasamang espiritu. Kahit nananampalataya ako sa tunay na Diyos, namuhay pa rin ako sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Naghahangad ako ng mga makamundong bagay at namumuhay nang nakagapos sa pera. Hindi ko binasa nang maayos ang mga salita ng Diyos, at hindi ko natupad ang tungkulin ko. Kung magpapatuloy ako nang ganito, lalo lamang akong lalayo sa Diyos, at kapag nawala sa akin ang proteksiyon ng Diyos, maaari akong kunin ni Satanas anumang oras. Nagsilbing babala sa akin ang sitwasyon ng asawa ko; hindi na ako maaaring manatiling nagmamatigas na nabubulagan. Noong panahong iyon, isang deputy director ng tax bureau na kilala ko ang na-diagnose na may cancer sa murang edad. Marami siyang pera at labis na iginalang ng marami, pero nang maharap sa kamatayan, walang halaga ng pera o katanyagan ang makatulong sa kanya. Noong sandaling iyon, tinanong ko ang sarili ko, “Ano nga ba talaga ang layunin ng buhay? Ito ba ay para mabuhay lang tayo para sa pera? Ano ang silbi ng pera at katanyagan sa harap ng kamatayan? Sa huli, hindi ba’t mauuwi tayong lahat na walang bitbit habang iniiwan natin ang mundong ito?”

Kalaunan, nagbasa ako ng ilan pang salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa ugat ng paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo.’ Nangingibabaw ito sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng tahimik na pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? … Ginagamit ni Satanas ang pera upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa pera at sambahin ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa pera? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang pera, na ang kahit isang araw na walang pera ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming pera ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para makakuha ng pera? Hindi ba’t ang maraming tao ay nawawalan ng kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming pera? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sumusunod sa Diyos para lamang sa pera? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). “Ginugugol ng mga tao ang kanilang buong buhay sa paghahanap ng salapi at kasikatan at pakinabang; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, itinuturing ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang makaiwas sa kamatayan. Subalit kapag malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, at sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kahina at kawalang kapangyarihan, kung gaano sila kabulnerable, at kung gaano sila kalungkot at tila walang-magawa, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi o ng kasikatan at pakinabang, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at maliit sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi nabubura ng kasikatan at pakinabang ang kamatayan, na alinman sa pera o kasikatan at pakinabang ay hindi nakapagpapahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na mula sa murang edad, naitanim na sa akin ang maraming satanikong lason tulad ng “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Mamamatay ang tao para sa pera; mamamatay ang ibon para sa pagkain,” at “Kung walang hirap, walang sarap.” Akala ko na kapag may pera ka, nasa iyo na ang lahat, at na makakamit mo ang paghanga at paggalang ng iba, at mamumuhay ka nang masaya at kontento. Akala ko ay ganitong uri ng buhay ang may kabuluhan at halaga, kaya ninais kong yumaman at maging isang taong may kayamanan at katanyagan. Itinuring ko ang pera, kasikatan, at pakinabang bilang aking buhay, sandigan, at seguridad sa buhay. Pero ano nga ba talaga ang naidulot sa akin ng pera, kasikatan, at pakinabang? Ang mga ito ba ang tunay kong sandigan at seguridad? Naihatid ba ng mga ito sa akin ang tunay na kagalakan at kapayapaan? Sa paglipas ng panahon, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para kumita ng pera. Humantong pa nga ako sa panlilinlang ng mga kostumer para di-matapat na kumita ng pera sa kabila ng aking konsensiya. Pero nang kumita ako ng pera, at nasiyahan ang banidad ko, napagtanto ko sa wakas na ang pagkakaroon ng mga bagay na ito ay hindi pumawi sa kahungkagan at pasakit na nasa kaibuturan ng aking puso, at lalo nang hindi ito nakatulong sa akin na makamit ang kaligayahan at kagalakan na ninanais ko. Sa halip, dahil dito ay nabagabag ang konsensiya ko. Lalo na sa aksidenteng iyon sa sasakyan, kung hindi dahil sa proteksiyon ng Diyos, hindi sana malalaman ng aming pamilya kung paano magpapatuloy sa pamumuhay, at natatakot ako na baka namatay ako nang bigla at maaga. Napagtanto ko na hindi kayang bilhin ng pera, kasikatan, at pakinabang ang buhay, hindi rin nito kayang maghatid ng kapayapaan at seguridad, at na hindi ang mga ito ang tunay kong sandigan, dahil ang Diyos lamang ang tunay kong sandigan. Pero mahigpit pa rin akong kumapit sa pera, kasikatan, at pakinabang. Ang pera, kasikatan, at pakinabang ay parang mga tanikalang gumagapos sa akin. Malinaw kong nakita ang pagliligtas ng Diyos, at naunawaan ko nang bahagya ang halaga at kahulugan ng paghahangad ng kakatohanan, pero nais ko pa ring manampalataya sa Diyos habang naghahangad ng kayamanan. Tunay ngang hangal ako! Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Sinoma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka’t kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya’y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan(Mateo 6:24). “Ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?(Mateo 16:26). Sa nakaraang ilang taon na nananampalataya ako sa Diyos, gumugol ako ng maraming oras at lakas sa pagkita ng pera, at hanggang sa ngayon, hindi ko pa gaanong nauunawaan ang katotohanan at hindi pa ako nagkakaroon ng anumang buhay pagpasok. Kung magpapatuloy ako nang ganito, gaano man karami ang perang kitain ko, at gaano man kalaki ang kasiyahan ng laman na matamasa ko o ang reputasyong makamit ko, kung hindi ko makakamit ang katotohanan, sa huli, wala rin akong mapapala. Kung mawawala sa akin ang pagkakataong mailigtas ng Diyos dahil sa pagnanais kong kumita ng pera, at masisira ang buhay ko, hindi ba’t hindi ko iniisip ang hinaharap at isinasakripisyo ko ang aking hinaharap para sa maliliit na panandaliang pakinabang? Nakita ko na ang mga binansagang salitang karunungan tulad ng “Una ang pera,” at “Pera ang nagpapaikot sa mundo” ay mga kasinungalingan at maladiyablong salita ni Satanas na nililihis at ginagawang tiwali ang mga tao, at na ang mga ito ay mga bitag na umaakit sa mga tao para ilayo ang kanilang mga sarili at ipagkanulo ang Diyos, na nagdadala sa kanila sa impiyerno. Mga pakana ito ni Satanas para lamunin ang kaluluwa ng mga tao! Napakatuso at mapaminsala ng mga layunin ni Satanas!

Pagkatapos ay nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinakabahagyang ngiti ng kasiyahan mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago? Maaari mong lokohin ang lahat sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananalig, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Akin kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay nang katamtaman at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? Ano ang silbi ng itago ang iyong sarili mula sa Aking panandaliang pagkastigo para lamang umani ng walang-hanggang kahihiyan, ng walang-hanggang pagkastigo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao). “Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakakalimot sa Kanyang atas, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasingmapagpasakop at kasing-di-mapanlaban ng mga bata sa Kanyang harapan. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, dakilang reputasyon, saganang kaalaman, napakaraming ari-arian, at suporta ng maraming tao, subalit nananatili kang hindi nagugulo ng mga bagay na ito at humaharap ka pa rin sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang atas, at na gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamakatarungan na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layon, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kapopootan pa nga ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Labis akong naantig at nahikayat ng mga salita ng Diyos. Pauna nang itinakda ng Diyos na ako ay isilang sa mga huling araw hindi lamang para tustusan ang aking pamilya, o para magkaanak, kundi para lumapit sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagliligtas, para kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at magpasakop sa Kanya, para tuparin ang mga responsabilidad ng isang nilikha, para gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, at para hangarin ang katotohanan at mamuhay ng isang makahulugan at makabuluhang buhay. Ito ang layon at direksyon ng aking buhay. Ngayon ay malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, at umaasa ang Diyos na mas marami pang tao ang lalapit sa Kanya para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Samakatwid, dapat kong talikuran ang mga makamundong hangarin ko at gampanan ang tungkulin ko, at sa paggampan ng aking tungkulin, hangarin ang katotohanan para makamit ang kaligtasan mula sa Diyos. Ito ang pinakamakahulugang buhay. Nang maisip ko ito, nagpasya akong bitawan ang negosyo ko at ilaan ang sarili ko sa aking tungkulin nang buong-oras. Hindi na ako magpapakapagod para sa pera, kasikatan, at pakinabang.

Nang mabalitaan ng asawa ko na pinaplano kong ilipat ang isang botika, sumabog siya sa galit, nagbabanta siyang hihiwalayan ako at sinasabi pang isusuplong niya ako dahil nananampalataya ako sa Diyos. Naisip ko kung paanong pinahihirapan at pinapatay pa nga ng CCP nang walang kaparusahan ang mga nananampalataya sa Diyos, at nakaramdam ako ng kaunting takot at panghihina. Nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas. Pagkatapos magdasal, naisip ko kung paanong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at na ang mga usapin tulad ng kung isusuplong ako ng asawa ko o kung hahabulin ako ng mga pulis ay nasa mga kamay ng Diyos. Dahil ang Diyos ang aking sandigan, hindi na ako natakot. Nang makita niyang tumanggi akong makipagkompromiso, tinawagan ng asawa ko ang mga magulang ko at hiniling sa kanilang kumbinsihin ako. Galit na sinabi sa akin ng tatay ko na, “Bakit mo isusuko ang magandang negosyo at tatanggihan ang madaling pera para lang manampalataya sa Diyos? Baliw ka ba?” Umiiyak namang sinabi ng nanay ko na, “Kung titigil ka sa pagkita ng pera, ano ang mangyayari sa anak mo? Wala ka bang pakialam sa perang gagamitin namin pagkatapos naming magretiro?” Nagsimula ang asawa kong gumamit ng kapwa malulumanay at mahihigpit na pamamaraan, sinabi niya na, “Kung hindi mo isinasaalang-alang ang sarili mo, isaalang-alang mo man lang ang anak natin. Bata pa siya, at sa hinaharap, kakailanganin niya ng pera para sa kolehiyo, pag-aasawa, at bahay. Kakailanganin ng pera para sa lahat ng uri ng bagay. Basta’t kumikita tayo ng pera para sa edukasyon, pag-aasawa, at bahay ng anak natin, hindi kita pipigilang manampalataya sa Diyos.” Nang marinig kong sinabi nila ang mga bagay na ito, medyo nayanig ako, at naisip ko na, “May punto sila. Mahirap ang mundo sa labas, at patindi nang patindi ang kompetisyon. Kakailanganin ng anak ko ng maraming pera para sa kanyang pag-aaral, pag-aasawa, at bahay. Dapat ko bang pakinggan ang asawa ko at ipagpatuloy ang aming negosyo ng isa o dalawang taon pa para kumita ng mas maraming pera para sa anak namin?” Talagang nasaktan at naguluhan ako, kaya tumawag ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang protektahan ang puso ko.

Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung ikaw ay determinado lang na lubusang humiwalay mula kay Satanas, ngunit wala kang mga epektibong sandata para talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin. Sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, ibig sabihin, kapag ipinapahayag na ang kongklusyon ng gawain ng Diyos, kung mahigpit ka pa ring hawak ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Ginising ako sa tamang oras ng mga salita ng Diyos. Nais gamitin ni Satanas ang pag-aalala ko sa aking anak para manatili akong nakakulong sa paghahangad ng pera, nais niya akong maging alipin ng salapi, at hindi makatakas sa paikot-ikot na siklong ito. Kung magpapatuloy ako nang ganito, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, wala akong makakamit na katotohanan, at mapupunta ako sa impiyerno kasama ni Satanas. Muntik na akong mahulog sa patibong ni Satanas! Nagbanta ang asawa kong hihiwalayan ako para pigilan ako sa paggampan ng aking tungkulin, at nais pa nga niya akong isuplong. Ang layon niya ay panatilihin ako sa bahay para kumita ng pera, at kung hindi ako kikita ng pera para sa kanya, nais niya akong ipaubaya sa pag-uusig ng CCP. Paanong nagkaroon ng pagmamahalan sa pagitan ng mag-asawa sa ganoon? Itinuring niya lang talaga akong kasangkapan para kumita ng pera. Napagtanto kong hindi kami magkauri ng asawa ko, at hindi rin pareho ang landas na tinatahak namin. Kung nais niya akong hiwalayan, magiging mabuting bagay pa nga iyon para sa akin, dahil sa pagiging malaya mula sa paglilimita ng pamilya, malaya na akong makapananampalataya sa Diyos. Pagkatapos, naisip ko na, “Nais kong kumita ng mas maraming pera para sa anak ko para magkaroon siya ng magandang buhay sa hinaharap, pero sa ganito, hindi ako naniniwala na nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng isang tao. Pauna nang itinakda ng Diyos ang hinaharap ng anak ko, at gaano man kalaking pera ang kitain ko, hindi ko mababago ang kanyang tadhana. Maaari ko lamang ipagkatiwala sa mga kamay ng Diyos ang aking mga magulang at ang aking anak at maaari lang akong magpasakop sa lahat ng Kanyang pagsasaayos. Ito ang pinakamatalinong pagpili.” Habang iniisip ito, nagpasya ako. Gaano man ako usigin o hadlangan ng asawa ko, maninindigan ako sa aking patotoo.

Kalaunan, nagbasa ako ng mas marami pang salita ng Diyos: “Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. … Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pamilya, katiwasayan, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang di-mahalaga at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Pagkatapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Sa mga huling araw, ipinahayag ng Diyos ang lahat ng katotohanang nagliligtas sa mga tao. Tanging iyong mga nagkakamit ng katotohanan ang makatatanggap ng pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, at makaliligtas sa malalaking kalamidad. Kung mananatili akong nakakulong sa kumunoy ng pera, kasikatan, at pakinabang, at hindi makakatakas, mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas! Kailangan kong taimtim na hangarin ang katotohanan, hanapin ang pagbabago sa disposisyon ko, at tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Bagama’t hindi ko naunawaan ang maraming katotohanan sa paglipas ng mga taong ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa tiwaling disposisyon ko sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, at nakita ko rin ang mga kahihinatnan ng paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang. Ang mga pakinabang na ito ay hindi mabibili ng anumang halaga ng pera. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi isang bagay na nangyayari sa isang iglap, at nangangailangan ito ng maraming karanasan sa paghatol at pagkastigo ng Diyos para makamit. Kailangan kong samantalahin ang panahong ito na maghangad para makamit ko ang katotohanan at buhay. Kaya inihayag ko ang posisyon ko sa aking asawa at mga magulang. Sinabi ko, “Ang Diyos ang Panginoon ng sangnilikha, at tayong lahat ay mga nilikha. Ganap na likas at may katwiran ang pananampalataya at pagsamba sa Diyos. Kung hindi kayo mananampalataya sa Diyos, nasa sa inyo na iyon, pero hindi ninyo dapat hadlangan ang aking pananampalataya sa Diyos at paggampan sa aking tungkulin.” Nang makita nila ang aking matibay na saloobin, wala nang nasabi ang pamilya ko. Dahil sa mga kahanga-hangang pagsasaayos ng Diyos, matagumpay na nailipat agad ang botika, at sa wakas ay buong-oras ko nang nailaan ang sarili ko sa paggampan ng aking tungkulin. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  54. Sa Likod ng Aking mga Kasinungalingan

Sumunod:  56. Ang Pagpapakasasa sa Kaginhawahan ay Magdudulot ng Kamatayan ng Isang Tao

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger