90. Hindi Mo Magagawa Nang Maayos ang Iyong Tungkulin Kung Palagi Mong Pinangangalagaan ang Iyong Sarili

Ni Han Chen, Tsina

Nagsasala ako ng mga sermon sa iglesia. Katuwang ko sina Yilin at Yiyang. Isang araw noong Abril 2022, nagpadala ng liham ang mga lider na nagsasabing, “Hindi pa gaanong pumapasok si Yilin sa mga prinsipyo kapag nagsasala ng mga sermon, at hindi maganda ang mga resulta ng kanyang gawain. Dapat siyang tanggalin. Kayo ni Yiyang ay nagkakaroon ng ilang resulta sa paggawa ng inyong mga tungkulin, ngunit kamakailan, may mga paglihis sa paraan ng inyong pagsasala ng mga sermon: May mahahalagang sermon kayong naisantabi. Pansamantala kayong pananatilihin at oobserbahan.” Nang makita ko ang balitang ito, naghalo-halo ang iba’t ibang emosyon sa aking puso. Mas mahusay ang kakayahan ni Yilin kaysa sa akin, pero kahit siya ay tinanggal. Ang aking kakayahan at kapabilidad sa gawain ay hindi kasinghusay ng sa kanya, at hindi ko rin gaanong kabisado ang mga prinsipyo. Kapag nagkamali ulit ako sa pagsasala ng mga sermon, tiyak na tatanggalin din ako. Ngayon, malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Kung matatanggal ako at wala akong tungkuling gagawin, magkakaroon pa rin ba ako ng pagkakataong maligtas? Nang maisip ko ito, naging napakabigat ng pakiramdam ko. Noong panahong iyon, sa tuwing nagsasala ako ng sermon, ilang beses ko itong binabasa, sa takot na matanggal ako kapag may lumitaw na paglihis. Gayumpaman, habang mas natatakot akong magkamali, mas lalo akong hindi nakakapagsuri nang tumpak, at mas maraming problema at paglihis ang nangyayari. Minsan, sinusuri namin ang isang sermon, na sa tingin ko ay may malinaw na balangkas at medyo praktikal ang pakikipagbahaginan. Ibinigay ko ito sa mga lider para tingnan. Hindi ko inasahan na babasahin ito ng mga lider at sasabihing, “Hindi pa nalulutas ang mga relihiyosong kuru-kuro sa sermon na ito. Hindi ito puwedeng isumite.” Nagulat ako, “Paanong hindi ko ito nakita? Kung makikita ng mga lider na hindi ko pa nauunawaan ang mga prinsipyo at hindi ako umuusad sa paggawa ng aking tungkulin, tatanggalin kaya nila ako?” Kalaunan, naging napakakimi ko at walang kusa kapag ginagawa ang aking tungkulin. Kapag nagsasala ng mga sermon, hindi ako nangangahas na malinaw na sabihin ang sarili kong opinyon, dahil natatakot akong magkamali at mabunyag at matanggal. Kaya naman, tinatanong ko ang mga lider tungkol sa lahat ng bagay at hinahayaan ko silang magdesisyon.

Minsan, nagpasa ang mga iglesia ng ilang sermon. Pagkatapos basahin ang mga ito, natuklasan naming apat na sermon ang medyo praktikal ang pagkakasulat, at puwedeng isumite. Gayumpaman, sa puso ko ay nagkukuwenta ako, “Paano kung magsumite na naman ako ng walang kabuluhang sermon dahil hindi ko ito tumpak na nabasa? Ano’ng gagawin ko kung iisipin ng mga lider na hindi ko pa nauunawaan ang mga prinsipyo at tatanggalin ako? Para makasiguro, dapat ko munang ipasa ang mga ito sa mga lider para tingnan. Sa ganoong paraan, kahit magkamali ako, hindi ako ang pangunahing mananagot.” Kaya ipinasa ko ang mga sermon na ito sa mga lider. Makalipas ang ilang araw, tumugon ang mga lider para sa kanilang mga mungkahi sa tatlo sa mga sermon, sinasabing puwede na itong isumite. Gayumpaman, wala silang kahit anong tugon tungkol sa isa pang sermon, na isinulat ni Zhang Li. Naisip ko, “Kung hindi pa tumutugon ang mga lider, ibig kayang sabihin nito ay may nakikita silang problema roon? Mas mabuti pang huwag ko na itong isumite. Sa ganoong paraan, makakaiwas ako sa isang sitwasyon kung saan may lilitaw na problema sa prinsipyo kalaunan, at magmumukha akong walang pagkilatis. Dapat kong hintayin ang tugon ng mga lider at saka magdesisyon kung isusumite iyon. Mas ligtas sa ganitong paraan.” Pagkatapos, inabala ko ang sarili ko sa ibang mga gampanin. Hindi ko muna inasikaso ang sermon na ito sa loob ng dalawang linggo. Sa panahong iyon, pinaalalahanan ako ni Yiyang na kailangang isumite ang sermon na ito sa lalong madaling panahon. Sinabi ko, “Hintayin natin ang tugon ng mga lider bago ito isumite. Hindi tayo dapat masyadong magmadali para sa mga panandaliang tagumpay.” Hindi na nagsalita pa si Yiyang. Isang araw, nagpadala ng liham ang mga lider na nagsasabing, “Hindi pa namin nakikitang ipinapasa ninyo ang sermon na isinulat ni Zhang Li. Saan kaya ito naipit?” Saka ko lang napagtanto na matagal nang tumugon ang mga lider tungkol sa sermon ni Zhang Li, sinasabing puwede nang suriin ang teksto nito at isumite ito. Hindi lang namin natanggap ang liham. Nang matanggap ko ang balitang ito, may naramdaman akong hindi maipaliwanag sa aking puso. Hindi ko maiwasang mag-isip: Malinaw kong nakita na medyo praktikal ang sermon ni Zhang Li, at may sarili siyang estilo sa pagsulat. Ayon sa prinsipyo, dapat itong isumite. Pero bakit patuloy akong naghintay sa mga lider para magdesisyon? Anong tiwaling disposisyon ang kumokontrol sa akin? Dinala ko ang aking kalagayan sa harap ng Diyos para manalangin at maghanap.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Maraming tao ang natatakot na umako ng responsabilidad sa paggampan ng isang tungkulin. Naipamamalas ang kanilang takot sa tatlong pangunahing paraan. Ang una ay na sadyang pinipili nila ang mga tungkulin na hindi nangangailangan ng pag-ako ng responsabilidad. … Ang pangalawa ay na kapag nakakaranas sila ng paghihirap o nakakatagpo ng isang problema, ang una nilang tugon ay ang iulat ito sa isang lider at hayaan ang lider na asikasuhin at lutasin ito, sa pag-asang mapananatili nila ang kanilang kaluwagan. Wala silang pakialam kung paano inaasikaso ng lider ang isyu at hindi nila ito iniisip—hangga’t hindi sila mismo ang umaako ng responsabilidad, lahat ay mabuti para sa kanila. Ang gayong paggampan ba ng tungkulin ay tapat sa Diyos? Tinatawag itong pagpapasa ng responsabilidad, pagpapabaya sa tungkulin, pagiging tuso. Salita lang itong lahat; wala silang ginagawang anumang tunay. Sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Kung ako ang dapat mag-ayos sa bagay na ito, paano kung sa huli ay magkamali ako? Kapag tinitingnan nila kung sino ang dapat sisihin, hindi ba’t ako ang haharapin nila? Hindi ba’t ang responsabilidad para dito ay unang babagsak sa akin?’ Ito ang inaalala nila. Subalit naniniwala ka bang sinisiyasat ng Diyos ang lahat? Ang lahat ay nagkakamali. Kung ang isang tao na may tamang layunin ay kulang sa karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong uri ng usapin noon, pero ginawa niya ang kanyang makakaya, nakikita iyon ng Diyos. Dapat kang maniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung hindi man lang ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya? Anong kabuluhan ang mayroon sa paggampan ng gayong tao ng isang tungkulin? Hindi naman talaga mahalaga kung ginagampanan niya o hindi ang tungkuling ito, hindi ba? Natatakot siyang umako ng responsabilidad at umiiwas siya sa responsabilidad. Kapag may nangyayari, hindi siya agad na sumusubok na mag-isip ng paraan para pangasiwaan ang problema, sa halip, tumatawag at nagsasabi muna siya sa lider. Siyempre, may ilang taong sinusubukang asikasuhin ang problema sa sarili nila habang inaabisuhan nila ang lider, subalit hindi ito ginagawa ng ibang tao, at ang unang ginagawa nila ay ang tawagin ang lider, at pagkatapos ng tawag, pasibo lang silang naghihintay, naghihintay ng mga tagubilin. Kapag inutusan sila ng lider na gumawa ng isang hakbang, gumagawa sila ng isang hakbang; kung sinabi ng lider na gumawa ng isang bagay, ginagawa nila ito. Kung walang sinasabi o hindi nagbibigay ng tagubilin ang lider, wala silang ginagawa at nagpapaliban lang. Kung walang sinumang nag-uudyok sa kanila o nangangasiwa sa kanila, wala silang ginagawang anumang gawain. Sabihin mo sa Akin, ang gayong tao ba ay gumagawa ng isang tungkulin? Kahit pa nagtatrabaho siya, wala siyang katapatan! May isa pang paraan kung paano naipamamalas ng isang tao ang takot na umako sa responsabilidad sa paggampan ng isang tungkulin. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, may ilang taong gumagawa lang ng kaunting mababaw at simpleng gawain, gawaing hindi nangangailangan ng pag-ako sa responsabilidad. Ibinabato nila sa iba ang trabahong may mga kaakibat na paghihirap at pag-ako ng responsabilidad, at kung sakaling may mangyayaring mali, isinisisi nila ito sa mga taong iyon at lumalayo sila sa gulo. Kapag nakikita ng mga lider ng iglesia na iresponsable sila, matiyaga ang mga itong nag-aalok ng tulong, o pinupungusan sila, para magawa nilang umako ng responsabilidad. Subalit ayaw pa rin nila, at iniisip nila na, ‘Mahirap gawin ang tungkuling ito. Kailangan kong managot kapag nagkaroon ng problema, at maaari pa nga akong mapaalis at matiwalag, at iyon na ang magiging katapusan ko.’ Anong klaseng saloobin ito? Kung wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa paggampan ng kanilang tungkulin, paano nila magagampanan ang tungkulin nila nang maayos? Ang mga hindi tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay hindi makakayang gampanan nang mabuti ang anumang tungkulin, at iyong mga natatakot na umako ng responsabilidad ay mag-aantala lang sa mga bagay-bagay kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan o maaasahan; ginagampanan lang nila ang kanilang tungkulin para may makain. Dapat bang itiwalag ang mga ‘pulubi’ na tulad nito? Dapat. Hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang tatlong pagpapamalas ng mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa paggampan ng kanilang tungkulin. Ang mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ni hindi man lang makakayang abutin ang antas ng isang tapat na trabahador, at hindi karapat-dapat na gumampan ng isang tungkulin. Itinitiwalag ang ilang tao dahil sa ganitong uri ng saloobin sa kanilang tungkulin. Kahit ngayon, maaaring hindi nila alam ang dahilan at nagrereklamo pa rin sila, nagsasabing, ‘Ginawa ko ang aking tungkulin nang buong sigasig, kaya’t bakit walang-puso nila akong pinalayas?’ Kahit ngayon, hindi nila nauunawaan. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay gumugugol ng kanilang buong buhay nang hindi nauunawaan kung bakit sila itiniwalag. Nagdadahilan sila para sa kanilang sarili, at patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang sarili, iniisip na, ‘Likas para sa mga tao na protektahan ang kanilang sarili, at dapat nila itong gawin. Sino ba ang hindi dapat nag-iingat sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ba ang hindi dapat na nag-iisip para sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ang hindi nangangailangan na magpanatiling bukas ng isang ruta ng pagtakas para sa kanilang sarili?’ Kung pinoprotektahan mo ang iyong sarili sa tuwing may mangyayari sa iyo at nag-iiwan ka para sa iyong sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang alternatibong plano, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa sa katotohanan—pagiging tuso ito. Gumagampan ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang alternatibong plano, ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang pananampalataya, at ang pinakamataas nilang pilosopiya. Ang pagsasaalang-alang sa sarili muna sa lahat ng bagay at ang paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, hindi iniisip ang iba, hindi nagkakaroon ng kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumampan ng isang tungkulin(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong palaging takot ang mga tao na umako ng responsabilidad kapag gumagawa ng mga tungkulin. Takot silang magkamali at mabunyag at matanggal. Kapag may biglaang nangyayari, hinahayaan nilang ang mga lider ang magdesisyon, palaging nag-iiwan ng paraan para sa sarili para maprotektahan ang kanilang mga personal na interes. Ito ang prinsipyong sinusunod ng mga walang pananampalataya kapag humaharap sa mga bagay-bagay. Sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, para bang sinasaksak ang puso ko. Hindi ba’t ganito mismo ang asal ko? Nang matanggal si Yilin, at nagkaroon ng mga paglihis at problema sa mga sermon na aking sinala, at pinanatili ako para obserbahan, hindi ako lumapit sa harap ng Diyos para tuklasin ang ugat ng mga problema at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa halip, nag-alala akong matatanggal ako at hindi ko magagawa ang isang tungkulin, kaya hindi ako magkakaroon ng magandang kinabukasan o hantungan. Malinaw kong nakita na ang ilang sermon na ito ay medyo praktikal at puwedeng isumite, ngunit natakot akong kapag lumitaw ang mga paglihis, malalantad ang sarili kong mga problema at matatanggal ako. Kaya naman, ipinasa ko ang mga ito sa mga lider para sila ang magdesisyon, gamit ang dahilan na hindi ako sigurado. Sa ganitong paraan, kung magkaproblema, hindi lang ako ang tanging mananagot. Nang hindi tumugon ang mga lider, pinatagal ko ang mga bagay-bagay at naghintay, na nagresulta sa hindi agarang pagsusumite ng isang mahalagang sermon, at nakahadlang sa pag-usad. Noong panahong iyon, naniwala akong hindi na ako kasingsabik sa mga panandaliang tagumpay gaya noon. Hindi na rin ako ganoon kakumpiyansa sa sarili ko gaya ng dati, at naniwala akong ang kakayahang humingi ng mga mungkahi ng mga lider kapag may nangyayari ay tanda ng katwiran. Ngayon, sa wakas ay nakita kong itinatago ko pala ang aking mga kasuklam-suklam na layunin sa loob ko. Natatakot pala akong umako ng responsabilidad, at para mapangalagaan ang sarili ko, gumamit ako ng mga tusong pamamaraan. Naging napakamakasarili ko at napakakasuklam-suklam, at napakamandaraya at napakamapanlinlang! Kung naging tama sana ang aking mga layunin, pagdating sa pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia, dapat sana ay sinala ko ang mahahalagang sermon sa lalong madaling panahon para makapagpatotoo ang mga ito sa Diyos. Kahit na magkaproblema o magkaroon ng mga paglihis, maaari ko sana itong ibuod agad at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa ganitong paraan, patuloy sanang nababawasan ang bilang ng mga paglihis. Gayumpaman, hindi ako naniwalang sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Natakot akong kapag nagkamali ako, matatanggal ako at hindi masisiguro ang aking kinabukasan. Mas pinili kong iantala ang pagsusumite ng mga sermon para mapangalagaan ang sarili ko. Hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia kahit kaunti. Sa paggawa nito, hindi na nga ako magkakaroon ng magandang kinabukasan at hantungan, masusuklam pa sa akin ang Diyos.

Kalaunan, nagbasa ako ng mas marami pang mga salita ng Diyos: “Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, palalayasin siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang sarili nito kapag nagkakamali ito, kung nagsisisi ba ito, at kung kaya ba nitong matarok ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang sarili nito, at tunay na magsisi. … Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaan mong makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung talagang hindi mo tinatanggap ang katotohanan sa paggampan mo sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay napagtanto kong palagi akong nag-aalala na kapag nagkamali ako habang ginagawa ang aking tungkulin, mabubunyag ako at matatanggal, at hindi ako magkakaroon ng magandang kinabukasan o hantungan, at ang pangunahing dahilan nito ay dahil hindi ko naunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos at hindi ako naniwalang ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay naglilipat at nagtatanggal ng mga tao ayon sa mga prinsipyo. Hindi nito tinatanggal ang mga tao dahil lang nakagawa sila ng isa o dalawang kamalian o may ilang paglihis sa kanilang gawain. Sa halip, tinitingnan nito ang palagiang asal ng mga tao, at kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan at baguhin agad ang mga bagay-bagay kapag nagkakaroon ng mga paglihis at problema. Naisip ko si Yilin. Bagama’t mayroon siyang kaunting kakayahan at ilang kaloob, hinangad lang niya ang reputasyon at katayuan, at nagmadali sa mga panandaliang tagumpay. Nang lumitaw ang mga paglihis at problema sa kanyang mga tungkulin, maraming beses siyang sinubukang gabayan ng mga lider, ngunit hindi siya nagnilay sa sarili, hindi naghanap ng mga prinsipyo, at nagdulot ng pagkagambala at panggugulo sa gawain: Iyon ang mga dahilan kung bakit siya tinanggal. Sa kabaligtaran, sa mga tao sa paligid ko, may isang sister na naging pabasta-basta habang nagsasala ng mga sermon, at naisantabi ang ilang mahahalagang sermon. Gayumpaman, sa pamamagitan ng paggabay at pagpupungos, kaya niya itong tanggapin, pagnilayan ang sarili, at baguhin agad ang mga bagay-bagay. Binigyan pa rin siya ng iglesia ng pagkakataong gumawa ng mga tungkulin. Sa katunayan, ang pagkakatanggal ni Yilin ay isang tapik para matauhan ako. Naisip ko kung bakit napakaraming paglihis at problema ang nangyari noong nagsasala ako ng mga sermon, at bakit hindi ako gaanong umuusad. Ang mga pangunahing dahilan ay naging mapagmataas ako at palalo, at nakulong sa aking mga lumang gawi. Sa paggawa ng aking tungkulin, umasa ako sa karanasan at mahigpit na inilapat ang mga regulasyon sa halip na hanapin ang mga prinsipyo. Bilang resulta, naalis ko ang mahahalagang sermon at nagambala ang gawain. Gayumpaman, hindi ako tinanggal ng mga lider dahil sa mga paglihis at problemang nangyari noong ginawa ko ang aking tungkulin. Nakipagbahaginan pa nga sila sa akin para tulungan akong maunawaan ang sarili kong tiwaling disposisyon, at binigyan ako ng pagkakataong magsisi at magbago. Ngunit hindi na nga ako natuto ng aral mula sa pagkakatanggal ni Yilin at hindi nagnilay sa sarili kong mga problema, nagkamali pa ako ng pagkaunawa, at naging mapagbantay laban sa Diyos. Malinaw kong nakita ang mahahalagang sermon, ngunit hindi ako nangahas na magdesisyon, sa halip ay ipinasa ko ito sa mga lider. Natakot akong kapag nagkamali ako at natanggal at hindi ko na magawa ang isang tungkulin, hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan. Inakala kong ang Diyos ay katulad ng tiwaling sangkatauhan, hindi pinahihintulutan ang mga taong magkamali, at tinatanggal sila sa sandaling magawa nila ito. Hindi ba ito paninirang-puri at paglapastangan laban sa Diyos? Talagang napakasama ko at napakamapanlinlang!

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng higit na pagkaunawa sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat harapin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at ang Diyos nang may matapat na puso. Kapag ginawa nila iyon, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit papaano man lang, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, isang pusong nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso. Iyong mga palaging nagdududa sa Diyos, palaging nagsisiyasat sa Kanya, palaging sinusubukang makipagtawaran sa Kanya—sila ba ay mga taong may matapat na puso? (Hindi.) Ano ang nananahan sa loob ng puso ng gayong mga tao? Panlilinlang at kabuktutan; palagi silang nagsisiyasat. At ano ang sinisiyasat nila? (Ang saloobin ng Diyos sa mga tao.) Palagi nilang sinisiyasat ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Anong problema ito? At bakit nila ito sinisiyasat? Dahil may kaugnayan ito sa mga pangunahin nilang interes. Sa kanilang puso, iniisip nila, ‘Ginawa ng Diyos ang mga pangyayaring ito para sa akin, idinulot Niya na mangyari ito sa akin. Bakit Niya ginawa iyon? Hindi pa ito nangyayari sa ibang tao—bakit kailangan pang sa akin ito mangyari? At ano ang magiging mga bunga nito pagkatapos?’ Ito ang mga bagay na sinisiyasat nila, sinisiyasat nila ang kanilang mga pakinabang at kawalan, mga pagpapala at kasawian. At habang sinisiyasat nila ang mga bagay na ito, naisasagawa ba nila ang katotohanan? Nakapagpapasakop ba sila sa Diyos? Hindi. At ano ang kalikasan ng mga bagay na likha ng mga pagninilay ng kanilang mga puso? Ang lahat ng bagay na ito, likas na, dala ng pagsasaalang-alang sa sarili nilang mga interes, ang lahat ng ito ay para sa sarili nilang mga kapakanan. … Laging sinisiyasat ng mga taong masyadong nagpapahalaga sa sarili nilang mga kinabukasan, kapalaran, at interes kung kapaki-pakinabang ba ang gawain ng Diyos sa kanilang mga kinabukasan, sa kanilang mga kapalaran, at sa pagkakamit nila ng mga pagpapala. Sa huli, ano ang kinalalabasan ng kanilang pagsisiyasat? Ang tanging ginagawa nila ay maghimagsik at lumaban sa Diyos. Kahit kapag ipinipilit nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila iyon nang pabasta-basta, nang may negatibong pakiramdam; sa kanilang mga puso, isip sila nang isip kung paano magsasamantala, at hindi malulugi. Gayon ang mga motibo nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at dito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos. Anong disposisyon ito? Ito ay panlilinlang, ito ay isang buktot na disposisyon. Hindi na ito isang pangkaraniwang tiwaling disposisyon, lumala na ito sa kabuktutan. At kapag may ganitong uri ng buktot na disposisyon sa puso ng isang tao, isa itong pakikipaglaban sa Diyos! Dapat malinaw sa inyo ang problemang ito. Kung palaging sinusuri ng mga tao ang Diyos at sinusubukang makipagtawaran kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Hinding-hindi. Hindi nila sinasamba ang Diyos nang taos-puso, at nang may katapatan, wala silang matapat na puso, nagmamasid sila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, palaging nagpipigil—at ano ang bunga? Hindi gumagawa ang Diyos sa kanila, at naguguluhan at nalilito sila, hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at kumikilos sila alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan, at palagi silang nagugulo. At bakit palagi silang nagugulo? Dahil kulang na kulang sa kalinawan ang kanilang mga puso, at kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, hindi nila pinagninilayan ang kanilang mga sarili, o hinahanap ang katotohanan para makakita ng isang resolusyon, at ipinipilit nilang gawin ang mga bagay-bagay kung paano nila naisin, alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan—ang resulta nito ay palagi silang nagugulo kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Kailanman ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia, ni ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagbabalak para sa sarili nilang kapakanan, palagi silang nagpaplano para sa sarili nilang mga interes, dangal, at katayuan, at hindi lang nila hindi maayos na nagagampanan ang kanilang mga tungkulin, naaantala at naaapektuhan pa nila ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t pagkaligaw ito ng landas at pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin? Kung palaging nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang mga interes at mga kinabukasan kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi ito paggawa ng tungkulin. Ito ay paghahangad ng sarili nilang mga interes, paggawa ng mga bagay para sa sarili niyang pakinabang at para makapagtamo ng mga pagpapala para sa kanyang sarili. Sa ganitong paraan, nagbabago ang kalikasan sa likod ng pagganap niya sa kanyang tungkulin. Tungkol lamang ito sa pakikipagtawaran sa Diyos, at pagnanais na gamitin ang pagganap sa kanyang tungkulin para makamit ang sarili niyang mga layon. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay malamang na talagang makagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga taong may matapat na puso ay hindi isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang, kawalan, pagpapala, o kasawian kapag ginagawa ang kanilang tungkulin. Hindi sila sumusubok na makipagtawaran sa Diyos, kundi ginagawa ang kanilang tungkulin nang buong puso at isip para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Katulad ni Noe—hiniling sa kanya ng Diyos na gumawa ng arka, at hindi sinuri ni Noe kung kaya ba niya itong gawin o hindi. Sa buong puso niya, ang tanging inisip niya ay kung paano makukumpleto agad ang atas ng Diyos. Ang dalisay, matapat, at mapagpasakop na puso ni Noe ay nagtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga taong mapanlinlang at masama ay tinatrato ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng palagiang pagsisiyasat at pagmamasid, nagpaplano para sa sarili nilang kinabukasan at mga landas sa bawat pagkakataon. Ang ganitong uri ng tao ay nagsasanhi ng pagkasuklam ng Diyos. Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga salita ng Diyos, naramdaman kong tumagos ito sa aking puso. Napagnilayan ko na ang paraan ng pagtrato ko sa aking tungkulin ay wala man lang tunay na puso. Hindi ako nagpakita ang pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos kahit katiting. Hindi ko pinag-isipan kung paano sasalain sa pinakamabilis na paraan ang mga sermon na pasok sa pamantayan, para magamit ang mga ito sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos. Sa halip, gumawa ako ng mga tusong pakana sa Diyos at naging mapagbantay laban sa Kanya sa bawat pagkakataon para mapangalagaan ang sarili ko, hinihiling sa mga lider na sila ang magdesisyon sa lahat ng bagay. Talagang napakamapanlinlang ko sa pagtupad ng aking tungkulin nang may ganitong uri ng layunin! Sa paggawa ng aking tungkulin, inisip ko ang aking kinabukasan at hantungan sa bawat pagkakataon, na para bang, hangga’t hindi ako nagkakamali at hindi natatanggal, makaliligtas ako kapag tapos na ang gawain ng Diyos at magkakaroon ng magandang hantungan. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal. Sa paggawa ko ng tungkulin nang may pagbabantay laban sa Diyos, hindi ko nagawang tumanggap ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Napakalabo ng aking mga iniisip, at hindi ko makita ang mga problema sa mga sermon. Ang pagpapatuloy nang ganito ay makagagambala at makagugulo lamang sa gawain ng iglesia, at talagang mabubunyag ako at matitiwalag pagdating ng panahon. Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng takot sa aking puso, at nagmadali akong manalangin sa Diyos sa pagsisisi.

Isang araw sa aking debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos at natagpuan ko ang isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa katunayan, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa loob ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapasailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakaaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakaduwag sa lahat. … Bagama’t ang tungkulin ng tao ay nababahiran ng pag-iisip ng tao at ng kanyang mga kuru-kuro, kailangan mong gawin ang iyong tungkulin at ipakita ang iyong katapatan. Ang mga karumihan sa gawain ng tao ay isang isyu ng kanyang kakayahan, samantalang, kung hindi ginagawa ng tao ang kanyang tungkulin, nagpapakita ito ng kanyang pagkasuwail(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). “Anumang tungkulin ang iyong ginagawa, tanging kapag iginigiit mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Ang wala sa loob na paggawa ayon sa paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay pagiging pabasta-basta; ang pagkapit lamang sa mga katotohanang prinsipyo ang wastong paggampan sa iyong tungkulin at pagtupad sa iyong responsabilidad. At kapag tinutupad mo ang iyong responsabilidad, hindi ba ito pagpapamalas ng katapatan? Ito ang pagpapamalas ng tapat na paggampan sa iyong tungkulin. Tanging kapag mayroon ka ng ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, ng ganitong determinasyon at pagnanais, at ng ganitong pagpapamalas ng katapatan patungkol sa iyong tungkulin, saka ka lamang titingnan ng Diyos nang may pabor at pagsang-ayon(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Hindi mataas ang mga kahingian ng Diyos sa atin. Hindi Niya hinihingi sa atin na gawin ang lahat nang perpekto, nang walang pagkakamali. Hangga’t mayroon tayong matapat na puso, ginagawa ang kaya nating gawin nang buong puso at kaluluwa, iwinawasto ang ating mga layunin kapag humaharap tayo sa mga bagay na hindi natin maunawaan, at nakikipag-usap tungkol sa mga ito sa mga kapatid na ating katrabaho at sa mga lider, sama-samang naghahanap ng mga prinsipyo, hindi pasibong naghihintay, at tinutupad ang ating responsabilidad, sasang-ayunan tayo ng Diyos. Naisip ko noong nagsasala ako ng mga sermon dati. Naging mapagmataas ako, umasa sa karanasan, at hindi naghanap ng katotohanang prinsipyo, kaya nagkaroon ng mga paglihis. Ngayon, dapat akong maglaan ng higit na pagsisikap sa mga prinsipyo. Kapag nagsasala ako ng bawat sermon, dapat akong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso at timbangin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kahit na magkakaroon pa rin ng mga problema at paglihis sa proseso ng paggawa ng aking tungkulin, dapat ko itong itrato nang tama, ibuod ang mga dahilan, at baguhin agad ang mga bagay-bagay. Nang maunawaan ko ito, hindi ko na isinaalang-alang kung matatanggal ba ako o hindi, at nagawa kong ilaan ang aking puso sa aking tungkulin. Sa panahong iyon, unti-unting nabawasan kahit paano ang bilang ng mga problema at paglihis, at nagkaroon ako ng kaunting pakinabang sa aspektong propesyonal at sa mga prinsipyo. Napanatag nang husto ang puso ko.

Kalaunan, nahalal akong pinuno ng pangkat. Minsan, nagpadala ng liham ang mga superbisor, tinutukoy na hindi malinaw ang tema ng mga sermon na isinumite namin sa pagkakataong iyon, at na hindi ito praktikal sa pakikipagbahaginan ng katotohanan. Tinanong nila kung nasuri ko ba ito—bakit hindi ko nakita ang mga problema? Nang mabasa ko ang liham, nanlumo ang puso ko. Totoo ngang hindi ko nakita ang mga problemang ito. Hindi ko maiwasang maghinala, “Kung makikita ng mga superbisor na matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito pero hindi ko pa rin maunawaan ang mga prinsipyo, iisipin kaya nilang hindi ako angkop para sa tungkuling ito at tatanggalin ako?” Pagkatapos, naging kimi na naman ako at nawalan ng kusa kapag ginagawa ang aking mga tungkulin. Kahit na malinaw kong nakikita na ang ilang sermon ay mahalaga, natatakot akong magkamali uli at mabunyag, kaya ipinasa ko ang mga ito sa mga superbisor para timbangin at siyasatin. Napagtanto kong hindi tama ang aking kalagayan, at iniisip ko na naman ang sarili kong kinabukasan at mga landas. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang sitwasyon o kapaligiran sa trabaho, nagkakamali ang mga tao paminsan-minsan, at may mga aspekto kung saan nagkukulang ang kanilang mga kakayahan, kabatiran, at perspektiba. Normal lang ito, at kailangan mong matutunan kung paano ito harapin nang tama. … Ang dapat mong gawin ay agad na pagnilay-nilayan ang iyong sarili, at tukuyin kung may isyu sa iyong mga propesyonal na kasanayan o problema sa iyong mga layunin. Suriin kung mayroong anumang karumihan sa iyong mga kilos o kung ang ilang kuru-kuro ang may kasalanan. Pagnilayan ang lahat ng aspekto. Kung ito ay isang problema ng kawalan ng kahusayan, maaari kang magpatuloy sa pag-aaral, maghanap ng taong tutulong sa iyo na tumuklas ng mga solusyon, o kumonsulta sa mga tao na nasa parehong larangan. Kung may kalakip na ilang maling layunin, na kinasasangkutan ng isang problema na maaaring malutas gamit ang katotohanan, maaari kang lumapit sa mga lider ng iglesia o sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan para ikonsulta ito at makipagbahaginan dito. Makipag-usap sa kanila tungkol sa kalagayan mo at hayaan silang tulungan kang lutasin ito. Kung isa itong isyu na may kinalaman ang mga kuru-kuro, sa sandaling masuri at mapagtanto mo ang mga ito, maaari mong himayin at unawain ang mga ito, pagkatapos ay iwasan ang mga ito at maghimagsik laban sa mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)). Pagkatapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, naramdaman kong luminaw at naliwanagan ang aking puso. Kapag nagkakaroon ng mga paglihis at problema sa aking tungkulin, dapat ko itong itrato nang tama sa pamamagitan ng pagninilay, pagbubuod, at paghahanap sa ugat ng problema. Pagkatapos ay nagnilay ako sa sarili ko, at natuklasan kong kapag nagsasala ng mga sermon, umaasa ako sa karanasan. Kapag nakita kong ayos naman ang pangkalahatang balangkas, hindi ko na pinag-iisipang mabuti ang mga detalye. Nangangahulugan itong hindi ko matagpuan ang ilang problema. Pagkatapos, ihiniwalay ko ang mga sermon na may mga problema at tinalakay ang mga ito kasama ng mga sister ko. Sa pamamagitan ng komunikasyon at talakayan, medyo mas naunawaan ko ang mga kaugnay na katotohanan at prinsipyo. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, tunay kong naunawaan na sa pamamagitan lamang ng pagbitiw sa ating pagiging mapagbantay at pagkakaroon ng saloobing naghahanap ng katotohanan, makakakuha tayo ng kaliwanagan at pamumuno ng Diyos at magagawa nang maayos ang ating tungkulin.

Sinundan:  89. Dapat Matutong Maging Bukas sa Pakikipagbahaginan Ang Isang Tao Tungkol sa Kanyang mga Paghihirap

Sumunod:  91. Ang Paghahangad ba ng Isang Perpektong Pag-aasawa ay Humahantong sa Kaligayahan?

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger