89. Dapat Matutong Maging Bukas sa Pakikipagbahaginan Ang Isang Tao Tungkol sa Kanyang mga Paghihirap
Noong Hulyo 2023, kasisimula ko pa lang magsanay na pangasiwaan ang gawain ng ilang iglesia. Sa tuwing nakararanas ako ng mga paghihirap sa gawain, palagi kong sinusubukang lutasin ang mga iyon nang mag-isa at hindi kailanman humihingi ng tulong sa mga nakatataas na lider. Naisip ko na kung palagi akong mag-uulat ng mga problema sa mga nakatataas na lider sa halip na lutasin ang mga ito nang mag-isa, nagrereklamo ako at hindi tinutupad ang mga responsabilidad ko. Gusto kong maipakita sa kanila na may kapabilidad ako sa gawain at kaya kong lutasin ang mga problema nang mag-isa, at gusto kong mag-iwan ng magandang impresyon sa puso ng aking mga kapatid.
Naaalala ko na may isang pagkakataon na hindi naging maganda ang mga resulta ng gawain ng pagdidilig, at maraming baguhan ang hindi nagtitipon nang napakadalas. Ang ilang tagadilig ay abala sa mga gawain sa bukid at mga gawaing-bahay, kaya hindi nila agad na nakukumusta at nasusuportahan ang mga baguhan, habang ang iba naman ay sobrang abala sa trabaho kaya nakalimutan na nilang makipagtipon sa mga baguhan. Hindi ko iniulat ang mga isyung ito sa mga nakatataas na lider noong panahong iyon, dahil gusto kong makita nila na kaya kong asikasuhin ang mga ito. Nakipagbahaginan ako sa mga tagadilig, at tinawagan ko sila para kumustahin ang kanilang mga kalagayan. Gayumpaman, napakababaw ng aking buhay karanasan at hindi ako nakaunawa ng sapat na katotohanan, kaya hindi ko malaman ang ugat ng problema. Sasandali lang akong nakipagbahaginan sa kanila at tinukoy ang kanilang mga problema, hinihikayat silang magdala ng pasanin sa kung paano nila tinatrato ang kanilang mga tungkulin. Bilang resulta, hindi nalutas ang isyu ng pagiging pabaya ng mga tagadilig sa kanilang mga tungkulin, at hindi pa rin regular na dumadalo sa mga pagtitipon ang mga baguhan. Naisip ko, “Dapat ko bang sabihin sa mga nakatataas na lider ang mga problemang ito para makatulong at makapagbahaginan sila tungkol dito?” Gayumpaman, natakot ako na kung iuulat ko ang totoo, baka isipin ng mga lider na wala akong kakayahang gumawa ng tunay na gawain, kaya wala akong sinabing anuman. Kalaunan, parami nang parami ang bilang ng mga baguhang hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon, at walang tigil na lumitaw ang mga problema sa gawain. Nakaramdam ako ng matinding presyur, at ang puso ko ay partikular na nahirapan at mahina. Gayumpaman, hindi ako nagtapat sa aking mga kapatid tungkol sa kalagayan ko. Naisip ko na kung magtatapat ako sa pakikipagbahaginan tungkol sa aking mga paghihirap at kahinaan, baka maging negatibo at mahina rin ang mga kapatid ko bilang resulta, at na bilang isang lider, kailangan kong magkaroon ng pananalig at manatiling matatag sa puso ko. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng pananalig ang aking mga kapatid na gawin ang kanilang mga tungkulin. Naisip ko rin na kung ipagtatapat ko ang tungkol sa tunay kong mga iniisip at mga kakulangan, mamaliitin ako ng aking mga kapatid. Noong panahong iyon, madalas akong tanungin ng mga lider, “May anumang mga paghihirap ba sa iyong mga tungkulin?” Sa totoo lang, maraming problema sa iglesia na hindi ko kayang lutasin, pero natatakot ako na kung sasabihin ko sa mga lider, iisipin nilang hindi ko kayang gawin ang gawain. Ayaw kong isipin ng mga lider na wala akong kakayahang gampanan nang maayos ang aking tungkulin, kaya patuloy kong itinago ang aking kalagayan at ang mga problema sa gawain. Noong Disyembre, mas marami pang baguhan sa iglesia ang hindi dumadalo sa mga pagtitipon nang napakadalas. Minsan ay dumadalo sila at minsan naman ay hindi. Tinanong ako ng mga nakatataas na lider, “Bakit napakaraming tao ang hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon? Dahil ba hindi sila nakukumusta ng mga tagadilig sa tamang oras?” Naisip ko, “Kung malalaman ng mga nakatataas na lider na napakaraming problema ng mga tagadilig sa mga iglesia na responsabilidad ko, baka pungusan nila ako dahil sa hindi ko paggawa ng tunay na gawain.” Natakot ako na sisisihin ako ng mga lider o iisipin nilang hindi ko kayang lumutas ng mga problema, kaya nagsinungaling ako at sinabing, “Ito ay dahil pangit ang internet ng mga baguhan, at ang ilan ay walang mga cell phone. Kaya hindi sila regular na makadalo sa mga pagtitipon.” Nagtanong ng isa pa ang mga nakatataas na lider, “Kumusta ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo?” Alam kong mabagal ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo, at ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay hindi tumutugon sa mga prinsipyo at kulang sa abilidad na umarok. Gayumpaman, gusto kong maipakita sa mga lider na kaya kong pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo, kaya sinabi ko, “Malapit na malapit nang makasapi sa iglesia ang mga taong ito.” Dahil itinago ko ang katotohanan, gumugol ang mga kapatid ko ng maraming oras sa pangungumusta rito sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, gumagawa ng maraming gawaing walang kabuluhan. Nagambala at nagulo nito ang gawain ng iglesia.
Noong panahong iyon, napakasama ng kalagayan ko, at ibinahagi sa akin ng nakatataas na lider na si Sister Suzanne ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang kanyang bahagi na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, at ito ay upang mapanatili ang kanyang banidad at pride, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya ay lubos na mabibigo siya. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan kaninuman; sa halip, makikipagkompetensiya siya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na magaling magbalatkayo ang mga anticristo. Ayaw nilang makita ng iba ang kanilang pagkanegatibo at kahinaan, kaya palagi nilang iniiwasan ang mga problema at hindi pinag-uusapan ang kanilang mga kabiguan at pagkukulang, ipinakikita lamang nila ang kanilang positibong panig sa iba upang makuha ang puso ng mga tao. Ganito lang din ako. Sinadya kong itago ang aking mga paghihirap, pagkanegatibo, at kahinaan dahil gusto kong magpanggap bilang isang taong namumukod-tangi, para isipin ng mga tao na kaya kong lutasin ang lahat ng problema at higit na maunawaan ang katotohanan kaysa kaninuman, at magkaroon ng puwang sa puso ng ibang tao. Napagtanto ko na ang disposisyong ibinunyag ko ay walang ipinagkaiba sa disposisyon ng isang anticristo. Kapag nakararanas ako ng mga problemang hindi ko nauunawaan, hindi ko maarok, o hindi ko malutas, hindi ako sumasangguni sa aking mga lider o mga katrabaho. Ayaw kong makita nila ang aking mga pagkukulang at sabihing, “Kahit ang gampaning ito ay hindi mo magawa?” Gusto kong sabihin ng lahat na may kapabilidad ako sa gawain. Alam na alam ko na hindi nagbunga ng anumang resulta ang aking pakikipagbahaginan sa mga tagadilig at umiiral pa rin ang kanilang mga problema, ngunit hindi ako kailanman humingi ng tulong sa mga lider. Bilang resulta, hindi ko malutas sa tamang oras ang mga problema ng mga tagadilig dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan, na nakaapekto sa gawain. Sa pakikipag-ugnayan sa aking mga kapatid, hindi ako kailanman naging bukas tungkol sa aking katiwalian, at hindi ako nagsalita tungkol sa aking mga kakulangan. Ayaw kong malaman ng iba ang tunay kong tayog. Halimbawa, nang tinanong ako ng mga lider kung anong mga problema ang mayroon ako sa aking gawain, at kung nakaranas ba ako ng mga paghihirap sa paggawa ng aking tungkulin, kahit na malinaw na napakaraming problema na hindi ko kayang lutasin, sinabi kong wala akong mga paghihirap para magkaroon ng magandang impresyon sa akin ang mga lider. Naging pabaya ang mga tagadilig sa kanilang mga tungkulin, at natigil ang gawain ng ebanghelyo. Gayumpaman, nang kumustahin ng mga nakatataas na lider ang gawain, natakot ako na kung sasabihin ko ang totoo, iisipin ng mga lider na hindi ko kayang lutasin ang mga problema at wala akong kapabilidad sa gawain. Samakatwid, pinagtakpan ko ang mga katunayan at sinabi kong hindi regular na makadalo sa mga pagtitipon ang mga baguhan dahil wala silang internet, para isipin ng mga lider na ang mga baguhan ang may mga aktuwal na paghihirap, at hindi dahil sa hindi namin ginawa nang maayos ang aming trabaho. Maraming potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na malinaw na hindi umaayon sa mga prinsipyo, ngunit para mapatunayan na kaya kong gumawa ng tunay na gawain, nagsinungaling ako at sinabing maaaring sumapi sa iglesia ang mga taong ito, na nangangahulugan na gumawa ang mga kapatid ng maraming gawaing walang kabuluhan, na nakaantala sa gawain ng iglesia. Isa lang akong ordinaryong tao. Hindi ako perpekto. Marami akong mga pagkukulang at kakulangan, at kasisimula ko pa lang magsanay na gawin ang gawain ng iglesia, kaya lubos na normal lang na hindi ko alam kung paano gawin ang maraming gampanin. Kapag nakararanas ako ng mga paghihirap, dapat sana ay agad akong humingi ng tulong sa mga nakatataas na lider. Gayumpaman, palagi akong naniniwala na dahil ako ang responsable sa gawain, hindi ko maaaring sabihing hindi ko alam kung paano ito gawin, at na kailangan kong malutas ang lahat ng problema nang mag-isa. Gumamit pa nga ako ng pandaraya at panlilinlang sa mga nakatataas na lider para makuha ang paghanga ng iba. Ang mapagmataas at mapanlinlang kong disposisyon ay lubhang kasuklam-suklam sa Diyos! Napakalungkot ko dahil naapektuhan ng mga mali kong paghahangad ang gawain ng iglesia. Alam kong kailangan kong magsisi, at na kung magpapatuloy ako sa paglakad sa maling landas, tiyak na ititiwalag ako ng Diyos.
Kalaunan, pinadalhan ako ng mga kapatid ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong mga problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang mithiin ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang mithiin na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang maging maganda ang tingin ng iba sa kanila, at magkaroon ng mataas na pagpapahalaga ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa isang mataas na katayuan sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naisip ko kung paanong maraming baguhan ang hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon sa mga iglesiang responsabilidad ko, hindi nalulutas ang mga problema ng aking mga kapatid, at natigil ang gawain ng ebanghelyo, pero nagpanggap pa rin akong kaya kong lutasin ang mga problema. Kahit na nakikita kong naaantala ang gawain ng iglesia, ayaw kong humingi ng tulong sa mga lider. Nang tanungin ako ng mga lider kung may anumang mga paghihirap o problema sa aking gawain, nagsinungaling pa nga ako sa mga lider at itinago ang mga problema sa gawain. Palagi kong gustong magbigay ng impresyon sa aking mga kapatid na walang hindi ko kayang gawin, at na kaya kong lutasin ang lahat ng problema. Talagang wala akong kamalayan sa sarili! Ang disposisyong ibinunyag ko ay kapareho ng sa CCP. Mahilig magbalatkayo ang CCP sa harap ng mga tao, para sambahin at sundin ito ng mga tao, ngunit sa katunayan, ang mga taong nasa ilalim ng pamamahala nito ay namumuhay sa matinding paghihirap. Patuloy na dumarating sa kanila ang mga salot, lindol, mga likas na sakuna, at mga kalamidad na gawa ng tao, ngunit hindi kumikilos ang gobyerno at hindi nakatatanggap ang mga tao ng napapanahong pagsagip at panggagamot. Pinagkaitan pa nga ang mga tao ng kanilang kalayaan sa relihiyon, at maraming Kristiyano ang inusig at naiwang walang tahanan. Gayumpaman, hindi kailanman inamin ng CCP sa publiko ang mga pagkakamali nito, at kahit na laganap ang mga reklamo ng mga tao, wala talaga itong pakialam. Ang tanging mahalaga rito ay ang pagandahin ang imahe nito sa harap ng iba. Nakita ko kung gaano kabuktot ang kalikasan nito! Kung hindi ako magsisisi, at magpapatuloy sa pagbabalatkayo at pagtatakip sa aking sarili sa bawat pagkakataon, at hindi gagawa ng tunay na gawain, sa huli, tiyak na itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Naisip ko rin kung paano minamahal ng Diyos ang matatapat na tao, at umaasa Siya na maaari nating hangarin ang katotohanan, maging simple at bukas, at maging matatapat na tao. Gayumpaman, palagi kong gustong magpanggap na walang hindi ko kayang gawin, at hinangad na maging dakila at pambihira, para pahalagahan at sambahin ako ng mga tao. Naniwala pa nga ako na ang paghahangad kong maging isang nakatataas at perpektong tao ay kalugod-lugod sa Diyos. Gayumpaman, pinatotohanan ng mga katunayan na mali ako: hindi ko naunawaan kung ano talaga ang hinihingi ng Diyos sa tao. Napakahangal ko at napakamapagpaimbabaw!
Muli akong pinadalhan ng mga lider ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at sinabihan akong pagnilayan ang mga iyon nang husto. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat kang magtapat sa mga tao at mas madalas na maging bukas sa kanila kapag nahihirapan ka o nakararanas ng kabiguan, magbahagi sa iyong mga problema at kahinaan, kung paano ka naghimagsik laban sa Diyos, at kung paano mo ito nalampasan, at nagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos. At ano ang epekto ng pagtatapat sa kanila sa ganitong paraan? Walang duda na ito ay positibo. Hindi ka mamaliitin ng sinuman—at maaaring mainggit pa sila sa iyong abilidad na pagdaanan ang mga karanasang ito. Palaging iniisip ng ilang tao na kapag ang mga tao ay may katayuan, dapat silang mas kumilos na parang mga opisyal at magsalita sa isang partikular na paraan para seryosohin at igalang sila. Tama ba ang ganitong paraan ng pag-iisip? Kung mapagtatanto mo na mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, dapat kang manalangin sa Diyos at maghihimagsik laban sa mga bagay ng laman. Huwag magmayabang, at huwag lumakad sa landas ng pagpapaimbabaw. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kaisipan, dapat mong tugunan ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, ang kaisipang ito, ang pananaw na ito, ay magkakaroon ng anyo at magkakaugat sa puso mo. Bilang resulta, mangingibabaw ito sa iyo at magbabalatkayo ka at gagawa ka ng iyong imahe hanggang sa puntong wala nang sinumang makakikita sa iyo o makauunawa sa iyong mga iniisip sa likod ng imaheng ito. Makikipag-usap ka sa iba sa likod ng isang maskara na nagtatago ng iyong tunay na puso mula sa kanila. Dapat kang matutong hayaan ang iba na makita ang puso mo, at matutong buksan ang iyong puso sa iba at maging malapit sa kanila. Dapat kang maghimagsik laban sa mga kagustuhan ng laman mo at umasal ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, makararamdam ang puso mo ng kapayapaan at kaligayahan. Anumang mangyari sa iyo, pagnilayan mo muna kung anong mga problema ang umiiral sa iyong sariling isip. Kung ninanais mo pa ring magbalatkayo at gumawa ng isang imahe para sa sarili mo, dapat kang manalangin kaagad sa Diyos: ‘O Diyos! Gusto ko na namang magbalatkayo. Mapanlinlang na naman akong nagpapakana. Tunay ngang isa akong diyablo! Tiyak na talagang kasuklam-suklam ako sa Iyo! Lubos akong nasusuklam sa aking sarili. Nagmamakaawa ako sa Iyo na sawayin, disiplinahin, at parusahan Mo ako.’ Dapat kang magdasal, ihayag ang saloobin mo, at umasa sa Diyos na ibunyag ito, himay-himayin ito, at paghigpitan ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan). Pinagnilayan ko ang aking sarili bilang paghahambing sa mga salita ng Diyos. Mula nang maging responsable ako sa gawain ng mga iglesia, naniwala ako na, bilang isang superbisor, dapat magmukha akong isang superbisor sa kung paano ko pinangungunahan ang daan: hindi ako dapat magkaroon ng anumang mga kakulangan o kahinaan, dapat kong malutas ang lahat ng problema sa gawain, at kung magiging negatibo ako, mawawalan ng pananalig ang aking mga kapatid at magiging negatibo at mahina. Dahil sa gayong maling pananaw, ayaw kong maging bukas sa aking mga kapatid tungkol sa aking mga pagkukulang at kakulangan, at nilinlang ko pa nga ang mga lider sa pagsasabing walang mga paghihirap o problema sa aking tungkulin. Ipinakita ko lamang ang mabuting panig ko sa iba. Napakamapagpaimbabaw ko! Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na napakanormal lang para sa isang superbisor na magkaroon ng mga kakulangan, at kung magagawa kong maging bukas tungkol sa aking mga kakulangan at kahinaan, hinding-hindi ako mamaliitin ng aking mga kapatid; kung may mga paghihirap sa gawain ng iglesia, dadalhin din nila ang pasanin at magtutulungan para lutasin ang mga ito, dahil alam nilang nasa yugto pa lang ako ng pagsasanay. Bukod pa rito, kung matututo akong maging bukas sa aking mga kapatid tungkol sa aking mga kabiguan, kakulangan, at mga paghihirap sa paggawa ng aking tungkulin, at maging sa aking negatibo at mahinang panig, makikipagbahaginan ang mga kapatid ko at tutulungan ako, at makakapagkamit ako ng pagpapatibay at mga pakinabang mula sa pagkaunawang batay sa karanasan ng aking mga kapatid, at makahahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Noong nakaraan, namuhay ako sa isang kalagayan ng pagbabalatkayo at pagkukunwari, ayaw kong maging bukas at maghanap kapag nakararanas ako ng mga paghihirap. Sa halip, sinasarili ko na lang ang lahat at tinitiis, kaya nasa ilalim ako ng matinding presyur. Walang kapayapaan at kagalakan sa aking puso, at palaging hindi maganda ang mga resulta ng aking gawain. Kalaunan, nang naging bukas ako aking sa mga kapatid tungkol sa aking aktuwal na sitwasyon, at nakipagbahaginan tungkol sa sarili kong katiwalian at sa mga problema sa gawain, ibinahagi nila sa akin ang mga salita ng Diyos, at nakipagbahaginan at tinulungan din ako ng mga nakatataas na lider kaya nakahanap ako ng ilang paraan para lutasin ang mga problema. Kalaunan, kinausap ko ang mga kapatid na nagdidilig sa mga baguhan, at, sa pamamagitan ng pagsasama ng mga salita ng Diyos, nakipagbahaginan ako at inilantad ang tungkol sa kalikasan at mga kahihinatnan ng kanilang pagiging pabaya sa paggawa ng kanilang tungkulin. Napagtanto nila ang sarili nilang mga problema, at handa nilang ituwid ang kanilang mga maling kalagayan. Unti-unti, nagsimulang magdala ng pasanin ang mga tagadilig sa kanilang tungkulin, at nagbunga ng mga resulta ang gawain. Napagtanto ko na kung nagsagawa ako sa ganitong paraan nang mas maaga, hindi sana naapektuhan ang aking tungkulin. Pagkatapos ng karanasang ito, sinubukan kong maging bukas sa aking mga kapatid at magbahagi ng aking mga kaisipan sa kaibuturan, at naramdaman kong talagang nakapagpapalaya ang pagsasagawa sa ganitong paraan.
Pagkatapos, ibinahagi sa akin ng aking mga kapatid ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “May ilang tao na iniaangat at nililinang ng iglesia, tumatanggap ng magandang pagkakataon na magsanay. Mabuting bagay ito. Masasabi na itinaas at biniyayaan sila ng Diyos. Kaya, paano nila dapat gawin ang kanilang tungkulin? Ang unang prinsipyo na dapat nilang sundin ay ang maunawaan ang katotohanan—kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kung hindi pa rin nila nauunawaan matapos ang paghahanap nang mag-isa, maaari silang humanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama nila, na gagawing mas mabilis at napapanahon ang paglutas sa problema. Kung magtutuon ka lang sa paggugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at sa paggugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salitang ito, para magkamit ng pagkaunawa sa katotohanan at malutas ang problema, napakabagal nito; ayon nga sa kasabihan, ‘Ang mga mabagal na lunas ay hindi kayang tumugon sa mga agarang pangangailangan.’ Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan nang matiwasay sa iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema nang agaran, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil kaaangat mo pa lang at nasa probasyon ka pa rin, at hindi tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakaangat mo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang sa ikaw ay may pagpapahalaga sa pasanin sa gawain at nagtataglay ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling iangat at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na bilang isang superbisor, dapat akong makipagtulungan nang maayos sa aking mga kapatid, at sama-samang protektahan ang gawain ng iglesia. Dati, mayroon akong maling pananaw. Naniwala ako na matapos akong ihalal ng mga kapatid bilang isang superbisor, kailangan kong malaman kung paano lutasin ang lahat ng problema, at na ang palaging paghingi ng tulong sa mga nakatataas na lider tungkol sa mga problema ay magreresulta sa pagmamaliit nila sa akin at pag-iisip na wala akong kapabilidad sa gawain. Samakatwid, kapag nakararanas ako ng mga problemang hindi ko makita nang malinaw o malutas, pinagtatakpan ko ang mga ito at wala akong sinasabing anuman, namumuhay na parang nag-iisa sa pakikibaka. Palagi akong nakararamdam ng matinding presyur kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, at nahadlangan ko rin ang gawain ng iglesia. Ngayon, naunawaan ko na upang malutas ang mga problema at maprotektahan ang gawain ng iglesia, dapat sumangguni sa mga nakatataas na lider ang mga lider at manggagawa kapag nakararanas ng mga paghihirap. Ang isang superbisor na pasok sa pamantayan ay dapat isang taong may pasanin para sa gawain ng iglesia. Kahit na mayroon siyang mga pagkukulang at kakulangan, regular siyang magninilay sa kanyang sarili at maghahanap sa katotohanan, magagawang isuko ang kanyang pride at maagap na maghanap ng mga landas kasama ang kanyang mga kapatid kapag nakararanas siya ng mga problemang hindi niya kayang lutasin, at makipagtulungan nang maayos at tulungan ang lahat, ginagawa nang maayos ang gawain ng iglesia nang magkakasama. Nang maunawaan ko ito, nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa. Pagkatapos, kapag nakararanas ako ng anumang paghihirap sa gawain na hindi ko malutas, nagdarasal ako sa Diyos at isinusuko ang aking pride upang maagap na maghanap mula sa aking mga kapatid. Sa gawain ng ebanghelyo, iniuulat ko ang sitwasyon sa mga nakatataas na lider nang walang anumang itinatago, walang pakialam kung maaari akong mapungusan o maliitin ng iba. Ang mahalaga sa akin ay kung magagawa ko ba nang maayos ang aking tungkulin nang may matapat na puso, at kung paano gawin ang mga bagay sa paraang makabubuti sa gawain ng iglesia. Kapag nagsasagawa ako sa ganitong paraan, nararamdaman kong napakapanatag at payapa ng aking puso. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pag-akay sa akin na maunawaan ang sarili kong katiwalian, at maunawaan kung paano maging isang matapat na tao at magbukas ng aking puso sa aking mga kapatid.