92. Pagtakas Mula sa Alimpuyo ng Kasikatan at Pakinabang

Ni Jian Yi, Tsina

Ipinanganak ako sa isang ordinaryong pamilya. Hindi kami mariwasa. Tambay ang tatay ko, walang matinong trabaho, at nagsusugal pa. Mababa ang tingin sa amin ng mga tao sa aming nayon, at napakababa ng tingin ko sa aking sarili. Bata pa lang ako, palihim na akong nagtakda ng ambisyon: Paglaki ko, sisikapin kong mangibabaw sa iba at patitingalain ko ang lahat sa akin nang may bagong paggalang. Sa ganitong paraan lang ako makakatayo nang may dignidad at hindi na mamaliitin.

Noong nag-aaral ako, palaging matataas ang grado ko. Kalaunan, dahil sa presyur sa pag-aaral sa intensive class, madalas sumasakit ang ulo ko. Patuloy na bumababa ang mga grado ko hanggang sa huli, huminto na ako sa pag-aaral. Palaging sinasabi ng pamilya ko, “Basta’t matuto ka ng isang kasanayan, puwede kang magbukas ng tindahan at maging sarili mong boss, at maaari ka ring magtagumpay sa ganoong paraan.” Naisip ko, “Bagama’t hindi ko makukuha ang paghanga ng mga tao sa pamamagitan ng pag-aaral, may kasabihan sa Tsina, ‘May tatlong daan at animnapung uri ng hanapbuhay, at sa bawat isa nito’y may pinakamahusay.’ Basta’t mag-aaral akong mabuti para magkaroon ng kasanayan, sa hinaharap ay makakapagbukas ako ng tindahan at magiging sarili kong boss. Kung magkagayon, tiyak na titingnan ako ng mga kamag-anak at kaibigan ko nang may bagong paggalang.” Kalaunan, nag-aral ako ng mga teknik sa makeup. Nang magsimula akong magtrabaho, naging junior assistant lang ako dahil wala akong praktikal na karanasan. Araw-araw ay nag-aasikaso at gumagawa ako ng kung anu-anong trabaho, at sinisigawan at inuutusan ng makeup teacher. Hindi ako makapayag na tanggapin ito. Para matuto pa ng mas maraming teknik at makapag-ipon ng karanasan para maging makeup artist sa lalong madaling panahon, halos araw-araw akong nagtatrabaho mula alas-sais ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagsisikap, sa wakas ay naging makeup artist na rin ako. Hindi ko kailanman inasahan na mas lalo pang hihirap ang buhay ko pagkatapos niyon. Araw-araw, pagkatapos ng trabaho, kailangan ko pang mag-overtime para mapaganda ang paggampan ko. Pagod na pagod ako sa katawan at isipan. Pero naisip ko, “‘Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.’ Basta’t magtiyaga ako at pagbutihin ang mga kasanayan ko, magkakaroon ako ng mas maraming pagkakataong purihin at hangaan.” Kaya hindi ko na gaanong naramdaman ang hirap. Noong panahong iyon, madalas akong kausapin ng nanay ko tungkol sa pananalig. Alam kong mabuti ang manampalataya sa Diyos, pero pakiramdam ko rin ay masyado akong abala sa trabaho, na wala akong oras, at nasa yugto ako noon na ginagawa ko ang lahat para itaguyod ang aking karera. Dahil dito, hindi ko gaanong pinahalagahan ang aking pananampalataya.

Kalaunan, nagtrabaho ako bilang makeup artist sa ibang studio, kung saan nanatili ako ng ilang taon. Sa pamamagitan ng matinding pagsisikap, naging sandigan ako ng aming departamento. Palaging pinakanamumukod-tangi ang mga kasanayan ko, at halos buwan-buwan ay nangunguna ako sa pagganap sa trabaho. Madalas purihin ng boss ang mga kakayahan ko sa harap ng mga katrabaho ko at hinihiling sa kanilang matuto mula sa akin. Nagbigay ito ng sukdulang kasiyahan sa aking banidad. Lalo na, naririnig ko sa maraming kliyente na hindi ko pa kailanman nakilala noon na nagsasabing, “Matagal ka na naming naririnig! Sabi ng lahat ng kaibigan ko, hindi lang daw magaling ang iyong kasanayan, kundi napakabuting tao mo rin daw. Pumunta kami rito sadyang dahil sa iyo.” Nang marinig ko ang mga ganitong bagay, nagsimula akong makaramdam ng labis na kasiyahan sa sarili, at lalo pang lumaki ang pagnanais kong maghangad ng kasikatan at pakinabang. Nang marinig ko mula sa mga tao sa paligid ko na kahit si ganito-at-ganyan ay napakabata pa, nakapagbukas na siya ng sarili niyang tindahan at nagpapatakbo na siya ng sariling negosyo at napakagaling niya, labis akong naiinggit. Naisip kong magaling din naman ang mga kasanayan ko, at wala pa lang akong sapat na kakayahang pinansyal sa ngayon. Nasa unang bahagi pa lang ako ng aking twenties noon, at basta’t magtatrabaho ako nang mabuti at seseryosohin ang bawat kliyente, huhubog ng magandang reputasyon, sa malao’t madali, magkakaroon din ako ng pagkakataong magbukas ng tindahan at maging sarili kong boss. Sa tuwing naiisip ko ito, nakakaramdam ako ng walang katapusang sigla na dumadaloy sa aking katawan, na para bang nakuryente ang dugo ko. Patuloy kong pinag-iisipan nang mabuti kung paano mapapahusay ang mga kasanayan ko at pagganap ko sa trabaho, at madalas akong nanonood ng mga makeup video sa iba’t ibang platform sa Internet para matuto ng magagandang teknik mula sa mga iyon. Lahat ng katrabaho ko ay desperado nang matapos nang maaga, pero para mapaganda ang karanasan ng mga kliyente ko, gumugugol ako ng dagdag na oras para kuhanan sila ng mga litrato o video. Pinapakiusapan ko silang i-post ang mga ito sa kanilang social media para tulungan akong i-promote ang sarili ko, at kapag nakikita kong marami itong nakukuhang “like” at magagandang komento, labis akong nasisiyahan sa sarili ko. Madalas, ako ang huling natatapos sa trabaho, at kahit pagkauwi ko na sa bahay, nakikipagusap pa rin ako sa mga kliyente para palakasin ang relasyon ko sa kanila. Para mapanatili ang mga kliyente, para akong namumuhay araw-araw nang may suot na maskara, nagsasalita ng mga huwad at magagandang pakinggan na salita. Kung halatang mataba ang isang kliyente, pupurihin ko siya sa pagsasabing, “Napakaganda ng hubog ng katawan mo! Kailangan ng ganyang katawan para mas bumagay ang damit sa iyo.” May ilang kliyente na hindi gaanong kagandahan, at sisikapin kong humanap ng mga magagandang katangian nila na puwede kong purihin at bobolahin ko sila para sila ay mapasaya. Pagdating naman sa ilang mahihirap pakibagayan at mapaghanap na kliyente, kahit na sa loob-loob ko ay sawa na ako sa kanila, pipilitin ko pa ring ngumiti hangga’t hindi pa sila nasisiyahan. Ayaw ko naman talagang sabihin ang mga bagay na labag sa kalooban ko, pero kailangan kong gawin para sa kasikatan at pakinabang. Bagama’t nakuha ko ang papuri at paghanga ng mga tao sa paligid ko, kapag lumipas na ang panandaliang kaligayahang ito, naiiwan sa puso ko ang higit na depresyon at pagkapagod. Madalas kong isipin: Para makuha ang pagpapahalaga ng iba, araw-araw akong nagtatrabaho na parang makina. Bukod sa trabaho, trabaho pa rin. Kailan kaya matatapos ang mga araw na ganito? Ganito na lang ba lilipas ang buhay ko? Nakaramdam ako ng pagkalito at kawalang-magawa. Tapos naalala ko na mula pa noong bata ako, sinabi sa akin ng nanay ko na tumawag sa Diyos kapag nakakaranas ako ng mga paghihirap. Noong panahong iyon, madalas kong dalhin ang mga paghihirap ko sa harap ng Diyos at manalangin, “Mahal kong Diyos, nalilito po ako, at sobra ang presyur sa akin sa trabaho. Pakiramdam ko pa nga po ay wala nang kabuluhan ang buhay ko. Pakiusap, tulungan Mo po ako!”

Noong Mayo 2021, ang kumpanya, na palaging abala sa ganitong panahon ng taon, ay nakaranas ng matumal na panahon. Madalas akong magkaroon ng pagkakataong magpahinga sa bahay. Sa pamamagitan ng pagbabasa sa akin ng mga kapatid ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan sa akin sa mga pagtitipon, medyo nabawasan ang hinagpis at pagkasupil sa puso ko. Pormal kong tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at nagsimula akong mamuhay ng buhay iglesia. Sa mga pagtitipon, basta nagbubukas ng loob at nagbabahaginan ang lahat tungkol sa kanilang pagkaunawang batay sa karanasan. Lahat ay nakikipagbahaginan para tulungan ang sinumang nakakaranas ng mga paghihirap. Walang nangmamaliit kaninuman. Kapag nakikipagtipon ako sa mga kapatid, panatag at payapa ang puso ko, at sa wakas ay natuklasan kong puwede palang mamuhay ang mga tao sa ganito kagaan at malayang paraan. Kalaunan, dahil madalas akong humihingi ng leave para dumalo sa mga pagtitipon, nag-alala ang boss ko na baka lumipat ako sa ibang kumpanya, kaya nagtanong-tanong siya sa mga katrabaho ko tungkol sa akin. Naisip ko kung gaano ako naging masipag sa trabaho nitong mga nakaraang taon, kung paano ko nakuha ang pagsang-ayon ng boss ko, at kung paano ako naging isa sa mga pangunahing pinapaunlad ng kumpanya. Kung makita ng boss na palagi akong humihingi ng leave, sa paglipas ng panahon, magkakaroon kaya siya ng hindi magandang pagtingin sa akin, at hihinto na sa pagtutuon sa paglilinang sa akin? Nagsimula akong magsisi sa madalas kong paghingi ng leave para dumalo sa mga pagtitipon, at napagpasyahan kong pagkatapos nito, dadalo na lang ako sa ilang pagtitipon paminsan-minsan basta’t hindi ito makakaabala sa trabaho. Pero naisip ko rin kung paanong, kapag nakikipagtipon ako kasama ang mga kapatid para magbahaginan ng mga salita ng Diyos, nakakaramdam ng paglaya at kalayaan ang puso ko mula sa pagkasupil, kaya sa puso ko, gusto ko pa ring dumalo sa mga pagtitipon. Sa tuwing nagkakasalungat ang trabaho at pagtitipon, pakiramdam ng puso ko ay parang hinihila ito sa dalawang magkaibang direksyon.

Noong Oktubre 2021, naging paabala nang paabala ang trabaho ko. Lalo na sa kasagsagan ng abalang panahon, isang buong buwan akong hindi nakadalo sa pagtitipon. Noong panahong iyon, medyo nakaramdam ako ng paninisi sa sarili, pero hindi ako nangahas humingi ng anumang leave nang makita kong sobrang abala ang kumpanya. Bawat makeup artist ay may mga kliyenteng naka-reserve na sa kumpanya nang maaga, kaya talagang imposibleng makahanap ng sinumang papalit sa trabaho ko. May ilang kliyente pa nga na sadyang dumadayo mula sa ibang lugar, kaya tiyak na hindi ko sila matatanggihan. Kung hihingi ako ng leave sa sandaling ito, tiyak na hindi matutuwa ang boss ko. Kung magkaroon ng hindi magandang tingin sa akin ang boss, baka tanggalin niya ako sa trabaho. Matapos pag-isipan nang husto, napagpasyahan kong mas importante talaga ang trabaho. Noong panahong iyon, sobrang abala ako na isang buong buwan akong hindi nakapagpahinga nang maayos. Kapag may kaunti akong oras pagkatapos ng trabaho, binabasahan ako ng nanay ko ng mga salita ng Diyos. Hindi mapakali ang puso ko, at bago pa ako makarinig ng ilang pangungusap, nagsisimula na akong antukin. Para subukang pagaanin ang presyur sa trabaho, minsan, lumalabas ako para kumain, uminom, at magsaya kasama ang mga kaibigan, at nanonood ng mga video at mga drama sa TV para gawing manhid ang sarili. Bagama’t nakaramdam ako ng kaunting panandaliang kaligayahan noon, nang bumalik ako sa realidad at naharap sa lahat ng aking mga problema, labis pa ring nasusupil ang puso ko, at pagod pa rin ang katawan at isip ko. Pagkatapos, noong hindi na gaanong abala sa trabaho saka lang ako pumunta sa mga pagtitipon.

Matapos malaman ng isang sister ang tungkol sa kalagayan ko, naghanap siya ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para ipabasa sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, idinudulot sa mga tao na wala nang ibang isipin kundi ang dalawang bagay na ito. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan at nagbubuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na makaalpas. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na mawawalan ng kabuluhan ang buhay kung walang kasikatan at pakinabang, at iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Pagdating ng oras na nais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para igapos ang mga tao at iwasan nila ang Diyos. Naisip ko ang kahirapan ng aming pamilya noong lumalaki ako, at kung paanong minamaliit ako ng mga tao sa paligid ko. Nagtakda ako ng layuning makamit ang mga dakilang bagay at mangibabaw sa karamihan, para tingnan ako ng lahat nang may bagong paggalang. Bagama’t madalas akong sabihan ng nanay ko tungkol sa pananampalataya sa Diyos, hindi ko ito kailanman isinapuso. Inakala kong bata pa ako, at ito ang panahon para magsumikap sa aking karera. Matapos maging makeup artist, piniga ko ang utak ko sa pag-iisip kung paano mapapahusay ang aking mga kasanayan at pagganap sa trabaho, at madalas akong nambobola ng mga kliyente para mapasaya sila, at para mapaganda ang pagganap ko sa trabaho. Para magawa nang maayos ang trabaho ko at makuha ang pagpapahalaga ng mas maraming tao, palagi akong huling umaalis sa kumpanya, at kahit pagkatapos ng trabaho, sa kaunting oras na mayroon ako, tinutulungan ko ang mga kliyente na mag-edit ng mga litrato at video para i-promote ang sarili ko. Minsan pa nga, napapanaginipan ko ang mga bagay na may kinalaman sa trabaho ko. Matagal nang mahigpit na iginapos ng kasikatan at pakinabang ang puso ko. Kapag may salungatan sa pagitan ng trabaho at mga pagtitipon, nag-aalala akong ang sobrang paghingi ng leave ay hindi ikakatuwa ng boss ko at makakaapekto sa pag-unlad ng karera ko sa hinaharap, kaya sa isang buong buwan, hindi ako dumalo sa mga pagtitipon o nagbasa ng mga salita ng Diyos. Pagod na pagod ang katawan at isip ko, at sinubukan kong pagaanin ang stress ko sa pamamagitan ng panonood ng mga drama sa TV at mga video sa Internet. Nagresulta ito sa lalo pang paglayo ng puso ko sa Diyos. Mas lalong naramdaman ng puso ko ang kahungkagan at higit pang hingapis. Nakita kong ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para kontrolin ako. Ipinabubuhos nito ang buong puso ko sa aking trabaho, pinipigilan akong dumalo sa mga pagtitipon o gawin ang aking tungkulin, at unti-unting iniiwas ako sa Diyos, ipinagkakanulo ko ang Diyos, at nawawalan ako ng pagkakataong maligtas. Kinailangan kong makita ang pakana ni Satanas at dumalo sa mga pagtitipon hangga’t maaari. Kaya nanalangin ako sa Diyos para tulungan ako.

Sa panahon na matumal, nagawa kong isaayos ang trabaho ko para makadalo ako sa mga pagtitipon, pero sa panahon ng kasagsagan, kapag abala sa trabaho, kinailangan kong madalas humingi ng leave, na hindi ikinatuwa ng boss ko. Pakiramdam ko, hindi solusyon ang palaging paghahanap ng kung anu-anong dahilan para humingi ng leave, pero kung lilipat ako ng trabaho, mawawala na ang pagkakataon kong matupad ang pangarap kong mangibabaw sa sa karamihan. Sa sandaling naisip kong iwanan ang trabaho ko, hindi ko ito kayang gawin. Pero kung magpapatuloy ako nang ganito, lalo lang akong mapapalayo sa Diyos, at sa huli ay mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Araw-araw, pakiramdam ko ay parang nahahati sa dalawa ang puso ko. Nahihirapan ako at nagdurusa, at hindi ko alam kung paano pumili. Matapos malaman ng nanay ko ang tungkol sa kalagayan ko, binasahan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais ninyong matamo ang katotohanan at buhay, kailangan kayong maglatag ng pundasyon sa mga salita ng Diyos. Tutulutan kayo nitong magsimula sa landas ng paghahangad sa katotohanan, na siyang nag-iisang mithiin at direksyon sa buhay. Talagang isa ka lamang sa mga hinirang ng Diyos at paunang itinalaga kung tutulutan mo ang Kanyang mga salita at ang katotohanan na maglatag ng pundasyon sa puso mo. Sa ngayon, hindi pa matatag ang inyong mga pundasyon. Kung sapitan kayo ng kahit isang maliit na tukso mula kay Satanas, maliban pa sa isang malaking sakuna o pagsubok, maaari kayong manginig at madapa. Ito ay kawalan ng pundasyon, na napakamapanganib! Maraming tao ang nadarapa at nagtataksil sa Diyos kapag sumapit sa kanila ang pang-uusig o paghihirap. Ang ilang tao ay nagsisimulang kumilos nang walang-ingat matapos silang magtamo ng kaunting katayuan, at pagkatapos ay ibinubunyag sila at itinitiwalag. Nakikita ninyong lahat ang mga bagay na ito nang napakalinaw. Kaya, dapat muna ninyong tukuyin ngayon ang direksiyon at mithiin na dapat ninyong hangarin sa buhay, gayundin ang landas na dapat ninyong tahakin, at pagkatapos ay pakalmahin ang inyong isipan at magsipag kayo, gugulin ang inyong sarili, magsikap, at magbayad ng halaga para sa mithiing iyan. Isantabi muna ang iba pang mga bagay—kung patuloy mong pagninilayan ang mga ito, makaaapekto ito sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at makaaapekto ito sa mahalagang bagay na paghahangad sa katotohanan at sa iyong kaligtasan. Kung kailangan mong pag-isipang makahanap ng trabaho, kumita nang malaki, at yumaman, at magkaroon ng isang matatag na katayuan sa lipunan, at mahanap ang iyong lugar, kung kailangan mong pag-isipan ang pag-aasawa at paghahanap ng makakatuwang, at ang pagtanggap ng responsabilidad na suportahan ang isang pamilya at pagbibigay sa kanila ng magandang buhay, at kung nais mo ring matuto ng ilang bagong kasanayan, magpakahusay at maging mas magaling sa ibang mga tao—hindi ba’t nakapapagod ang pag-iisip sa lahat ng bagay na ito? Ilang bagay ba ang magkakasya sa iyong isipan? Gaano karaming enerhiya ba ang taglay ng isang tao sa buhay nito? Gaano karami ba ang maiinam na taon sa buhay ng isang tao? Sa buhay na ito, pinakamalakas ang enerhiya ng mga tao kapag sila ay nasa edad dalawampu hanggang apatnapung taong gulang. Sa panahong ito, kailangan ninyong magpakadalubhasa sa mga katotohanang kailangang maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos, at pagkatapos ay pumasok sa katotohanang realidad, at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, gayundin ang Kanyang pagpipino at mga pagsubok, at marating ang punto kung saan hindi ninyo itinatanggi ang Diyos, anuman ang sitwasyon. Ito ang pinakapangunahing bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagbabayad ng Halaga Para Makamit ang Katotohanan ay Mayroong Malaking Kabuluhan). Nakipagbahaginan sa akin ang nanay ko, “Nais ng Diyos na magkaroon ng halaga at kabuluhan ang ating buhay. Bata ka pa at puno ng lakas, at hindi ako umaasa sa iyo na ikaw ang bubuhay sa pamilya. Umaasa lang ako na mananampalataya ka nang maayos sa Diyos, at gamitin mo ang iyong pinakamagagandang taon sa pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Ito ang pinakamahahalagang bagay sa iyong buhay! Lahat ng bagay, maliban sa pananampalataya sa Diyos, ay walang kabuluhan. Kung hindi ka naniniwala sa akin, subukan mo at tingnan: Kahit ibuhos mo pa ang lahat ng lakas mo sa iyong trabaho, pagdating ng araw na makamit mo ang tagumpay at kasikatan, hindi ka magiging masaya. Sa panahon ngayon, maraming tao ang mayaman at sikat, pero tunay ba silang masaya? Hindi kailanman mabibigyang kasiyahan ang mga pagnanais ng tao. Ang mga salita lang ng Diyos ang makapagtuturo ng daan sa mga tao, at gagawing magaan at masaya ang kanilang buhay araw-araw.” Naisip ko, “Talagang walang katapusan ang mga pagnanais ng mga tao. Katulad lang noong una akong nagsimulang magtrabaho. Wala akong karanasan, mababa ang sahod ko, at hindi ako pinapahalagahan. Pero pagkatapos ng patuloy na pagsisikap, sa wakas ay naging sandigan ako ng aking departamento. Nakuha ko ang pagpapahalaga ng lahat, at gumanda rin nang gumanda ang sahod ko, pero hindi pa rin ako kuntento. Patuloy akong nagpaplano kung paano mapapahusay ang mga kasanayan ko at makapag-iipon ng mga koneksyon para magkaroon ako ng sarili kong karera at makuha ang pagpapahalaga ng mas marami pang tao. Palagi kong ginugugol ang oras at pagsisikap ko para sa kasikatan at pakinabang. Pero kahit matapos kong makamit ang mga bagay na ito, gusto ko pa rin ng higit pa, at palaki lang ng palaki ang mga pagnanais ko. Dahil dito, hindi lang sa hindi ako naging masaya sa pagkakamit ng mga bagay na ito, bagkus, nagdulot pa ito sa akin ng higit na pasakit.” Naisip ko pa nang kaunti at napagtanto kong ang pakiramdam ng kapanatagan at kapayapaan sa puso ko matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang kaunting katotohanan ay hindi mabibili ng anumang halaga ng pera, kasikatan, o pakinabang. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ating tungkulin tayo magkakaroon ng mas maraming pagkakataong maranasan ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng patuloy na paglapit sa harap ng Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at pananalangin sa Diyos habang ginagawa ang ating tungkulin, mas magiging mabilis ang ating paglagong espirituwal. Ang mga sister ko na kasabay kong nanampalataya sa Diyos ay gumagawa na ngayong lahat ng mga tungkulin, at napakabilis ng kanilang paglagong espirituwal. Mas lalo rin nilang naunawaan nang malinaw ang katotohanan. Pero nang tingnan ko ang sarili ko, nakita ko kung paano ako abala sa trabaho araw-araw. Hindi ako dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, o gumagawa ng mga tungkulin ko. Walang gaanong pagkakaiba sa pagitan ko at ng mga hindi mananampalataya. Kung magpapatuloy ako nang ganito, hindi ko kailanman makakamit ang katotohanan! Gaano ba karami ang lakas na puwedeng taglayin ng isang tao? Kung gusto nila ang isang bagay, pero ayaw nilang bitiwan ang isa pa, para silang sumusubok na tumayo sa dalawang bangka nang sabay; sa huli, wala silang mapapala. Kung hindi ako makakagawa ng tamang pagpili, tunay ngang mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas.

Matapos akong makipagbuno sa sarili ko sa puso ko nang ilang panahon, nagsumite ako ng aking resignasyon sa kumpanya. Ilang beses ko itong isinumite pero tinatanggihan ito sa bawat pagkakataon. Ilang beses din akong kinausap ng boss, “Ayaw ng kumpanyang mawala ang isang napakahusay na empleyadong tulad mo. Kung mayroon kang anumang mga kahilingan, sabihin mo lang, at gagawin namin ang lahat para matugunan ka. Talagang hindi biro ang iyong pagtitiyaga para makapanatili hanggang ngayon!” Sinabi rin niyang tataasan niya ang sahod ko, iaangat ako sa pagiging technical director, at bibigyan pa ako ng 1,000 yuan na subsidyo dagdag sa dati kong sahod. Bagama’t tumanggi ako, nahirapan pa ring bumitaw ang puso ko. Kung mananatili ako at magpapatuloy sa pagtatrabaho, hindi lang mas mataas na sahod ang makukuha ko, kundi maaangat din ako sa pagiging technical director. Hindi ba’t mas mapapalapit ako noon sa pangarap kong mangibabaw sa nakararami? Ito ang nakapagpasimulang magpahina sa determinasyon ko na hindi naman talaga ganoon katibay sa simula pa lang. Sa panahong ito, madalas ding sabihin ng mga katrabaho ko, “Ang tagal mo na sa trabahong ito; bakit mo gustong umalis? Kung ako ikaw, hinding-hindi ako aalis anuman ang mangyari. Talagang pinapahalagahan ka ng kumpanya, at napakaraming kliyente ang may gusto sa iyo. Paanong basta mo na lang aabandonahin ang lahat?” Nang marinig ko ito, nag-atubili at nagpapaurong-sulong ang puso ko. Gusto kong manatili at magpatuloy sa pagtatrabaho, pero naisip ko na ang pagpili sa ganoong buhay ay nangangahulugang wala talagang magiging pagkakataon para sa pagtitipon o paggawa ng tungkulin. Naisip ko ang mga pagtitipon kasama ang mga kapatid. Lahat ay nagbubukas ng kanilang puso at nakikipagbahaginan, kung nakakaramdam man sila ng pasakit, pagdurusa o kagalakan. Ang ganoong uri ng pagpapalaya ng espiritu ay sa sambahayan lang ng Diyos matatagpuan!

Kalaunan, isang sister ang pumunta para kausapin ako, at magkasama naming binasa ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi lamang basta nagbabayad ng halaga ang Diyos para sa bawat tao sa mga dekada mula sa kanilang pagsilang hanggang sa kasalukuyan. Tulad ng pagtingin dito ng Diyos, nakarating ka na sa mundong ito nang maraming beses, at muling nabuhay nang maraming beses. Sino ang namamahala rito? Ang Diyos ang namamahala rito. Hindi mo malalaman ang mga bagay na ito. Tuwing dumarating ka sa mundong ito, personal na gumagawa ng mga pagsasaayos ang Diyos para sa iyo: Isinasaayos Niya kung ilang taon ka mabubuhay, ang uri ng pamilya kung saan ka isisilang, kung kailan ka magkakaroon ng pamilya at propesyon, gayundin kung ano ang gagawin mo sa mundong ito at kung paano ka maghahanapbuhay. Nagsasaayos ang Diyos ng paraan para makapaghanapbuhay ka, upang maisakatuparan mo ang iyong misyon sa buhay na ito nang walang hadlang. At patungkol naman sa dapat mong gawin sa iyong susunod na reengkarnasyon, isinasaayos at ibinibigay ng Diyos ang buhay na iyon sa iyo ayon sa nararapat na mapasaiyo at ano ang nararapat na ibigay sa iyo…. Nagawa na ng Diyos ang mga pagsasaayos na ito para sa iyo nang maraming beses, at, sa wakas, isinilang ka na sa kapanahunan ng mga huling araw, sa iyong kasalukuyang pamilya. Nagsaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo kung saan maaari kang maniwala sa Kanya, tinulutan ka Niyang marinig ang Kanyang tinig at bumalik sa Kanyang harapan, upang masundan mo Siya at makagampan ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan. Dahil lamang sa gayong patnubay ng Diyos kaya ka nabubuhay hanggang sa ngayon. Hindi mo alam kung ilang beses ka na naisilang sa piling ng tao, ni kung ilang beses nang nagbago ang iyong hitsura, ni kung nakailang pamilya ka na, ni kung ilang kapanahunan at dinastiya ka na nabuhay—ngunit laging nakasuporta sa iyo ang mga kamay ng Diyos, at lagi Siyang nakasubaybay sa iyo. Kaylaki ng pagpapagal ng Diyos para sa kapakanan ng tao! Sabi ng ilang tao, ‘Animnapung taong gulang na ako. Sa loob ng animnapung taon, binabantayan ako ng Diyos, pinoprotektahan ako, at ginagabayan ako. Kung, kapag matanda na ako, hindi ko magampanan ang isang tungkulin at wala akong magawang anuman—pangangalagaan pa rin ba ako ng Diyos?’ Hindi ba’t katawa-tawang sabihin ito? Hindi lang sa iisang haba ng buhay may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kapalaran ng isang tao, at nagbabantay at nagpoprotekta dito. Kung tungkol lamang ito sa iisang haba ng buhay, iisang pagkabuhay, mabibigo iyang ipamalas na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang tinatrabaho ng Diyos at ang halagang ibinabayad Niya para sa isang tao ay hindi lamang para isaayos ang gagawin nito sa buhay na ito, kundi ang isaayos para sa mga ito ang napakaraming pagkabuhay. Inaako ng Diyos ang buong responsabilidad para sa bawat kaluluwang reinkarnado. Alisto Siyang gumagawa, ibinabayad ang halaga ng Kanyang buhay, ginagabayan ang bawat tao at isinasaayos ang bawat buhay nila. Nagpapagal at nagbabayad ng halaga ang Diyos sa ganitong paraan para sa kapakanan ng tao, at ipinagkakaloob Niya sa tao ang lahat ng katotohanang ito at ang buhay na ito. Kung hindi gagampanan ng mga tao ang tungkulin ng mga nilikha sa mga huling araw na ito, at hindi sila babalik sa harap ng Lumikha—kung, sa bandang huli, ilang buhay at henerasyon man ang kanilang isinabuhay, hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin at nabibigo silang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t magiging napakalaki ng kanilang pagkakautang sa Diyos? Hindi ba’t hindi sila magiging karapatdapat sa lahat ng ibinayad na halaga ng Diyos? Magiging masyado silang walang konsensiya, hindi sila magiging karapatdapat na tawaging mga tao, dahil magiging napakalaki ng pagkakautang nila sa Diyos. Samakatwid, sa buhay na ito—hindi Ko tinutukoy ang dati ninyong buhay, kundi ang buhay na ito—kung hindi ninyo nagagawang isuko ang mga bagay na minamahal ninyo o ang mga panlabas na bagay para sa kapakanan ng inyong misyon—tulad ng mga materyal na kasiyahan at pagmamahal at kagalakan ng pamilya—kung hindi ninyo isusuko ang mga kasiyahan ng laman para sa kapakanan ng mga halagang ibinayad ng Diyos para sa iyo o para suklian ang pagmamahal ng Diyos, ikaw ay talagang buktot! Ang totoo, sulit ang anumang halagang ibayad mo para sa Diyos. Kumpara sa halagang ibinayad ng Diyos alang-alang sa iyo, ano ba ang halaga ng kakatiting na inihahandog o ginugugol mo? Ano ba ang halaga ng katiting na pagdurusa mo? Alam mo ba kung gaano nagdusa ang Diyos? Ang katiting na pinagdusahan mo ay ni hindi nararapat banggitin kapag ikinumpara sa napagdusahan ng Diyos. Bukod pa riyan, sa paggawa ng iyong tungkulin ngayon, natatamo mo ang katotohanan at ang buhay, at sa huli, makaliligtas ka at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Napakalaking pagpapala niyan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagbabayad ng Halaga Para Makamit ang Katotohanan ay Mayroong Malaking Kabuluhan). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong napakalaking halaga ang ibinayad ng Diyos para sa bawat isa sa mga hinirang at pauna na Niyang itinakda, tinitiyak ang kanilang kaligtasan at pinoprotektahan sila para hindi sila malamon ng iba’t ibang masasamang kalakaran. Kung hindi natin magagawa ang ating tungkulin habang tayo’y nabubuhay, tunay ngang may malaki tayong pagkakautang sa Diyos! Ibinuhos ng Diyos ang dugo ng Kanyang puso para sa akin. Mula pa noong bata ako, nakikinig na ako sa nanay ko na nagsasalita tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Isinaayos ng Diyos ang pamilyang ito para sa akin at palagi Niya akong binabantayan at pinoprotektahan. Nang lumubog ako sa pera, kasikatan, at pakinabang at hindi ko na maiahon ang sarili ko, nagdurusa at nakakaramdam ng kawalan ng magawa, kamay ng Diyos ang nagligtas sa akin, at ginamit Niya ang mga kapatid ko para dalhin ako sa harap ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutuhan kong tanggapin ang mga bagay-bagay mula sa Diyos kapag nahaharap ako sa iba’t ibang problema, at huminto sa hindi pagkakakuntento sa tadhana ko gaya ng dati. Namuhay ako sa paraang napakagaan at napakalaya. Noong hindi ako makadalo nang normal sa mga pagtitipon, gaano man kalalim ang gabi, paulit-ulit na hinihintay ako ng sister na matapos sa trabaho at ibinabahagi sa akin ang mga layunin ng Diyos. Minsan, sumusulat pa nga siya ng mga liham para ibahagi sa akin ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t lahat ng ito ay pinamahalaan at isinaayos ng Diyos? Hindi matiis ng Diyos na makita akong nawawala ang sarili habang hinahangad ko ang kasikatan at pakinabang, at sa huli ay malamon ni Satanas. Paulit-ulit, nagbangon Siya ng mga tao, pangyayari, at bagay para suportahan at tulungan ako, tahimik na naghihintay sa aking pagbabalik-loob. Kung magpapatuloy akong hindi suklian ang pagmamahal ng Diyos, masyado na akong magiging kulang sa pagkatao. Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, at nakikita nating palala nang palala ang mga sakuna. Kung nagpatuloy akong matigas na tumangging matauhan, ano pa ang silbi ng pera, gaano man karami ang kitain ko? Maililigtas ba nito ang buhay ko? Kahit pa maging isang makapangyarihang babae ako sa mata ng iba, ano naman? Maililigtas ba ako niyan? Naisip ko ang isang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?(Mateo 16:26). Sa pagbabalik-tanaw sa mga taon na iyon kung saan ibinuhos ko ang lahat ng aking lakas sa aking trabaho, nawalan ako ng maraming pagkakataon na gawin ang aking tungkulin at makamit ang katotohanan. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang masisidhing layunin ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng aking tungkulin at lubusang pagwawaksi sa paggapos at pagpapahirap na idinulot sa akin ni Satanas, magkakaroon ako ng pagkakataong maligtas at mabuhay. Pagkatapos, araw-araw akong nanalangin sa Diyos tungkol sa resignasyon, hinihiling sa Kanya na protektahan ang aking puso at huwag itong hayaang mag-alinlangan.

Kalaunan, muli akong nagsumite ng aking resignasyon, at sinabi ng boss, “Talaga bang nakapagdesisyon ka na? Naghahanda kaming magbukas ng isa pang studio, at gusto naming ang aming pinakamahuhusay na empleyado ang magtrabaho roon. Ikaw ang unang taong naisip namin. Kung iba ang gagawa, hindi kami mapapanatag. Matagal ka na sa kumpanya, at kalipikado ka para sa mga share sa bagong studio. Isipin mo na lang kung gaano kaganda na magkaroon ng sarili mong negosyo sa ganyang kabatang edad sa hinaharap. Bakit hindi mo muling pag-isipan? Ang mahalaga, maraming taon na tayong magkasama, at mayroon na tayong emosyonal na ugnayan.” Habang nagsasalita siya, humikbi siya at nagsimulang umiyak. Ang mga kondisyong iminungkahi niya ay eksakto sa hinahangad ko sa buong panahong ito, at sapat lang ang pera ko para sa investment. Kung magtitiyaga lang ako nang kaunti pa, makakamit ko ang tagumpay at kasikatan, at kaiinggitan ako ng mas marami pang tao. Magiging napakaganda ng imahe ko noon sa harap ng mga kamag-anak at kaibigan ko! Habang nagpapantasya ako sa aking isipan tungkol sa aking magandang kinabukasan, bigla kong napagtanto na ang mga ideya ko ay hindi naaayon sa layunin ng Diyos. Dali-dali akong nanalangin sa Diyos nang tahimik, “Mahal kong Diyos, alam kong isa na namang tukso ito na dumating sa akin. Muling ginagamit ni Satanas ang sinabi ng boss para guluhin ang puso ko at hikayatin akong hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Pero sa pagkakataong ito, anuman ang mangyari, tuluyan na akong hihiwalay kay Satanas, at maninindigan sa aking patotoo para bigyang-kaluwagan ang Iyong puso.” Habang nananalangin, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layon sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa mga ito ay hindi akma sa orihinal na layunin ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para hangarin lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumagawa ng indibidwal na pagpili, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Ginagamit ni Satanas ang lahat ng uri ng kaisipan at ideya para paralisahin ang mga tao, tinutukso silang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, ibinabaon sila nang malalim, para itanggi nila ang Diyos, ipagkanulo ang Diyos, at tuluyang mawalan ng anumang pagkakataong maligtas. Ito ang masasamang motibo ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t ang mga kondisyong ito na iminungkahi ng boss para akitin ako ay isang patibong, na inaakit ako sa pagkabulok? Paano pa akong magmamatigas na tumangging matauhan? Nais ng Diyos na magpasakop tayo sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at gawin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Sa ganitong paraan lamang natin mauunawaan ang katotohanan, maipapamuhay ang wangis ng tao, at sa huli ay maliligtas ng Diyos. Kaya determinado kong sinabi sa boss ko, “Lahat ng tao ay may kanya-kanyang ambisyon, at gusto ko ng bagong kapaligiran.” Sumang-ayon ang boss ko. Pagkaalis ko sa kumpanya, mas gumaan ang pakiramdam ko sa puso. Mula noon, maaari na akong maayos na maghangad ng katotohanan tulad ng mga kapatid ko.

Pagkatapos ng karanasang ito, malinaw kong nakita ang masasamang motibo ni Satanas. Inuudyukan ni Satanas ang mga tao na hangarin ang kasikatan at pakinabang, na ang layunin ay iwasan ng mga tao ang Diyos at ipagkanulo Siya, mapasailalim nang lubusan sa kapangyarihan nito, at sa huli ay bumaba kasama nito sa impiyerno. Kung aasa ang mga tao sa kanilang sarili, wala talaga silang paraan para madaig ang mga pakana ni Satanas. Sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan makikilatis ng mga tao ang mga bagay-bagay at makakapagpaalam sa mga maling paraan ng pamumuhay nila noon. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan natin makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Matapos kong iwanan ang aking trabaho, bagama’t hindi na ako pinahahalagahan ng mas maraming tao at medyo nagkukulang ang materyal kong buhay, ang kapanatagan at kapayapaan sa aking espiritu ay hindi maipagpapalit sa anumang halaga ng pera, kasikatan, o pakinabang. Sa wakas ay naiwaksi ko na ang pagkakagapos sa kasikatan at pakinabang, at natupad ko na ang tungkulin ko sa iglesia. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!

Sinundan:  91. Ang Paghahangad ba ng Isang Perpektong Pag-aasawa ay Humahantong sa Kaligayahan?

Sumunod:  93. Ang Paghahangad sa Katotohanan ay Hindi Nakadepende sa Edad

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger