93. Ang Paghahangad sa Katotohanan ay Hindi Nakadepende sa Edad
Noong 2003, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, ginampanan ko ang tungkulin ng isang lider. Noong panahong iyon, kalalampas ko lang ng singkuwenta anyos at wala naman akong sakit. Sa araw, dumadalo ako sa mga pagtitipon at nangangaral ng ebanghelyo, at gaano man ako kagabi umuwi, sinasangkapan ko ang sarili ko ng mga salita ng Diyos na angkop sa mga kalagayan ng mga kapatid. Bagama’t medyo abala at nakakapagod, ang isipin lang na nagagawa ko ang aking tungkulin at maliligtas ako ng Diyos sa hinaharap ay nagbigay sa akin ng walang katapusang lakas. Makalipas ang mahigit nang kaunti sa sampung taon, nagsimulang humina ang kalusugan ko. Una, nagkaproblema ang apdo ko at kinailangang operahan para tanggalin ito, pagkatapos ay nadulas ang aking lumbar spine at kinailangan ng operasyon para ayusin ito, at pagkatapos ng dalawang operasyon, malinaw sa akin na mas masama na ang kondisyon ng katawan ko ngayon. Dinapuan din ako ng mga sakit na matagal gumaling at paulit-ulit tulad ng uterine fibroids at atrophic erosive gastritis, at nanghina ako at nawalan ng sigla. Hindi na rin ako gaanong maliksi, at kailangan ko nang magpahinga nang ilang beses habang umaakyat ng hagdan. Humina na rin ang memorya ko, at minsan kapag gusto kong magbasa tungkol sa isang partikular na aspekto ng mga salita ng Diyos, sa sandaling subukan kong hanapin ito, hindi ko na maalala kung ano ang gusto kong basahin. Isinaayos ng iglesia na pamunuan ko nang ako lang ang isang pagtitipon ng grupo ayon sa pisikal kong kondisyon, at kapag may anumang kalagayan ang mga kapatid, tinutulungan ko silang lutasin ang mga iyon, at minsan kapag kulang sa mga tahanang matutuluyan ang iglesia, ako ang responsable sa pagho-host. Bagama’t hindi na kasing-inam tulad ng dati ang kalusugan ko, kaya ko pa ring gumawa ng ilang tungkulin at masigla pa rin ang pakiramdam ko.
Minsan, pagkatapos ng isang pagtitipon, habang pauwi ako, umatake ang dati kong mga problema sa tiyan at bituka, at sunud-sunod na pananakit ang dumaan sa tiyan ko. Pinilit kong manatiling tuwid at makauwi, at pagkatapos lang humiga nang sandali ay saka medyo gumaan na ang pakiramdam ko. Nang makitang mahina ang kalusugan ko, hiniling sa akin ng lider na paminsan-minsan ay mag-host ng mga kapatid para sa mga pagtitipon sa bahay. Nang marinig ko ang ganitong pagsasaayos, naisip ko, “Ito na iyon. Ngayon, sa bahay na lang ako puwedeng mag-host. Habang tumatanda ako, lalo lang lalala ang kalusugan ko. Kapag dumating ang araw na hindi ko na magawa kahit ang tungkulin ng pagpapatuloy, hindi na ako makakagawa ng anumang tungkulin, anong pag-asa pa ang matitira sa akin para maligtas?” Dahil sa mga iniisip na ito, nawala ang lahat ng lakas ko at talagang nasiraan ako ng loob, at naisip ko, “Tumatanda na ako, humihina na ang memorya ko, hindi ko na nga maalala ang mga salita ng Diyos, at nalilimutan ko na ang kababasa ko pa lang. Paano ko mauunawaan ang katotohanan? Kahit gaano pa kasigasig maghangad ang mga taong ka-edad ko, hindi nila kayang makausad. Siguro, susubukan ko na lang na iraos ang bawat araw.” Minsan, kapag nagluluto ako ng pagkain, sobrang sumasakit ang likod ko na hindi ako makatayo, at kailangan ko pang maupo sa isang bangkito sa malapit para magpahinga. Lalo na noong umatake ang pulikat sa tiyan ko, sobrang tindi ng sakit na hindi ko na alam kung mabubuhay pa ba ako o mamamatay na. Nag-alala ako na baka isang araw ay bigla na lang akong bumagsak at hindi na makadalo pa sa mga pagtitipon. Kapag nakikita ko ang mga kabataan, na may magandang kalusugan, kayang tumakbo at tumalon, naiinggit ako, at naiisip ko, “Napakasarap maging bata! Nakakapunta sila kahit saan at nagagawa ang anumang tungkulin, at mas malaki ang tsansa nilang maligtas. Samantala, palala nang palala ang kalusugan ko sa bawat araw, at kung hindi na ako makakagawa ng anumang tungkulin sa hinaharap, mauuwi ako sa pagiging inutil, at tiyak na aabandonahn na ako ng Diyos!” Naisip ko noong mga nakaraang taon na wala akong problema sa kalusugan habang ginagawa ang mga tungkulin ko, pero sa puntong ito, 72 taong gulang na ako, at ibang-iba na ang katawan ko sa dati. Naku, sana maibalik ko ang oras nang 20 taon! Dahil dito, madalas akong malungkot at namumuhay sa negatibong kalagayan, at ayaw ko nang magsumikap para sa katotohanan. Minsan, nanonood ako ng mga palabas sa TV para magpalipas ng oras, at kapag may mga nangyayari sa akin at nagbubunyag ako ng katiwalian, hindi ako naghahanap ng katotohanan para lutasin ang mga iyon, at saglit ko lang iisipin ang mga bagay-bagay tapos ay hinahayaan ko na lang. Kahit ang mga dasal ko ay ilang tuyot na salita lang, at pakiramdam ko ay palayo nang palayo ang puso ko sa Diyos. Alam ko sa kaibuturan ko na mapanganib ang magpatuloy nang ganito, at gusto kong lutasin ang ganitong kalagayan ng pagkasira ng loob. Gayunmpaman, wala akong partikular na landas pasulong.
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad tungkol sa mga kalagayan ng mga matatanda, at agad kong naramdaman na ako ang tinutukoy sa mga salitang iyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mayroon ding mga kapatid na matatanda na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, ‘Hindi na masyadong mabuti ang kalusugan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking magagampanan. Kung gagampanan ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na naaalala ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ang mga ito at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi lohikal ang pagsasalita ko, at wala akong anumang karanasan na karapat-dapat na ibahagi. Matanda na ako at hindi na sapat ang enerhiya ko, malabo na ang aking paningin at hindi na ako malakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Hindi lang sa hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kundi madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Gusto kong makamtan ang kaligtasan at hangarin ang katotohanan ngunit napakahirap nito. Ano ang puwede kong gawin?’ Kapag iniisip nila ang mga ito, nagsisimula silang mabahala, iniisip na, ‘Bakit ba kung kailan matanda na ako ay saka lang ako sumampalataya sa Diyos? Bakit ba hindi ako katulad niyong mga nasa edad 20 at 30, o maging niyong mga nasa edad 40 at 50? Bakit ba natagpuan ko lang ang gawain ng Diyos kung kailan napakatanda ko na? Hindi naman sa masama ang aking kapalaran; kahit papaano ngayon ay natagpuan ko na ang gawain ng Diyos. Maganda ang kapalaran ko, at naging mabuti ang Diyos sa akin! May isang bagay lang na hindi ako nasisiyahan, at iyon ay ang masyado na akong matanda. Hindi na matalas ang aking memorya, at hindi na rin gaanong mabuti ang kalusugan ko, ngunit matatag ang kalooban ko. Kaya lang ay hindi na ako sinusunod ng katawan ko, at inaantok ako pagkatapos kong makinig nang matagal-tagal sa mga pagtitipon. Minsan ay pumipikit ako upang magdasal at nakakatulog ako, at lumilipad ang isip ko kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Matapos magbasa nang kaunti, inaantok ako at nakakatulog, at hindi tumatatak sa isip ko ang mga salita. Ano ang magagawa ko? Nang may ganitong mga praktikal na suliranin, mahahangad at mauunawaan ko pa ba ang katotohanan? Kung hindi, at kung hindi ako makapagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng aking pananalig? Hindi ba’t mabibigo akong makamtan ang kaligtasan? Ano ang puwede kong gawin? Nag-aalala ako nang husto! Sa ganitong edad, wala nang mahalaga pa. Ngayong nananampalataya na ako sa Diyos, wala na akong mga inaalala o ikinababalisa, at malalaki na ang aking mga anak at hindi na nila ako kailangan para alagaan o itaguyod sila, ang pinakadakilang mithiin ko sa buhay ay ang hangarin ang katotohanan, gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at sa huli ay kamtin ang kaligtasan sa mga taon na natitira sa akin. Gayumpaman, kung titingnan ngayon ang aking aktuwal na sitwasyon, malabo ang mata dahil sa katandaan at magulo ang isip, mahina ang kalusugan, hindi magampanan nang maayos ang aking tungkulin, at minsan ay nagdudulot ng mga problema kapag sinusubukan kong gawin ang lahat ng aking makakaya, tila ba hindi magiging madali para sa akin na makamit ang kaligtasan.’ Paulit-ulit nilang iniisip ang mga bagay na ito at nababalisa sila, at pagkatapos ay iniisip nila, ‘Tila ba ang magagandang bagay ay nangyayari lamang sa mga kabataan at hindi sa matatanda. Mukhang kahit gaano pa kaganda ang mga bagay, hindi ko na matatamasa pa ang mga ito.’ Habang lalo nilang iniisip ang mga bagay na ito, lalo silang nababahala at lalo silang nababalisa. Hindi lamang nila inaalala ang kanilang sarili, kundi nasasaktan din sila. … Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan? (Kaya nila.) Kaya bang unawain ng matatanda ang katotohanan? Maaari nilang maunawaan ang ilan, at maging ang mga kabataan ay hindi rin naman maunawaan ang lahat ng ito. Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Tama ba sila? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaintindi, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, may karamdaman, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin na walang pagkakaiba? Bata man o matanda ang isang tao, pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho ang kanilang mga saloobin at opinyon sa lahat ng bagay, at pare-pareho ang kanilang mga perspektiba at pananaw sa lahat ng bagay. Kaya hindi dapat isipin ng matatanda na dahil matanda na sila, mas kaunti ang kanilang maluluhong kagustuhan kaysa sa mga kabataan, at mas matatag sila, wala na silang malalaking pangarap o ninanasa, at mas kaunti na ang kanilang mga tiwaling disposisyon—ito ay isang maling paniniwala. Maaaring makipagkumpetensya para sa puwesto ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? Ang mga kabataan ay maaaring gumawa ng mga bagay na labag sa mga prinsipyo at kumilos nang pabasta-basta, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? (Oo, maaari.) Maaaring maging mayabang ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari ding maging mayabang ang matatanda? Gayumpaman, kapag mayabang ang matatanda, dahil sa kanilang edad ay hindi sila ganoon kaagresibo, at hindi masyadong matindi ang kanilang pagiging mayabang. Mas malinaw ang pagpapamalas ng mga kabataan ng kayabangan dahil sa kanilang maliliksing katawan at isipan, samantalang mas hindi halata ang mga pagpapamalas ng kayabangan ng mga nakatatanda dahil sa kanilang mahihinang kasukasuan at saradong isipan. Subalit iisa ang diwa ng kanilang kayabangan at iisa ang kanilang mga tiwaling disposisyon. … Kaya, hindi totoo na wala nang magagawa ang matatanda, o hindi na nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at lalong hindi totoo na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—marami silang puwedeng gawin. Ang iba’t ibang heresiya at kamalian na naipon mo sa buong buhay mo, pati na rin ang iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga kamangmangan at katigasan ng ulo, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na baluktot na naipon mo ay nagkapatong-patong na sa puso mo, at dapat kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa mga kabataan upang alisin, himayin, at kilalanin ang mga bagay na ito. Hindi totoo na wala kang magagawa, o na dapat kang mabagabag, mabalisa, at mag-alala kapag wala kang ginagawa—hindi ito ang iyong gampanin o responsabilidad” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Inilantad ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Nitong mga huling araw, namumuhay ako sa pagkabagabag at pagkabalisa, palaging nararamdaman na tumatanda na ako, na mahina ang kalusugan ko, at palagi akong nakakalimot, kaya paminsan-minsan lang akong nakakapag-asikaso ng tungkulin ng tungkulin pagpapatuloy. Nag-alala ako na habang lalo akong tumatanda at humihina ang kalusugan ko, hindi ko na magagawa ang mga tungkulin ko at sa gayon ay hindi ako maliligtas. Gaano man ako maghangad, parang walang silbi ang lahat. Nalulugmok sa ganitong kalagayan ng pagkasira ng loob, wala akong ganang magbasa ng mga salita ng Diyos o maghanap ng katotohanan, at basta na lang akong sumusunod nang walang-sigla. Ngayon ko lang napagtanto na mga nakalilinlang na pananaw ko pala ang mga ito. Sa katotohanan, bagama’t ang mga matatanda ay maaaring pisikal na mas mahina, mas kaunti ang lakas at mas mabagal ang reaksyon kaysa sa mga kabataan, ang kanilang abilidad na umarok sa katotohanan at ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay pareho lang sa mga kabataan. Basta’t hinahangad nila ang katotohanan at nilulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maliligtas din sila. Dahil sa katandaan, mas matindi ang impluwensya ng lipunan, mas mabigat at mas mahirap alisin ang mga satanikong lason sa loob kaysa sa mga kabataan, at ang iba’t ibang tradisyonal na kuru-kuro at mga tiwaling disposisyon ay nangangailangan ng mas maraming oras para unawain at himayin. Halimbawa, kapag nakikita kong nagbubunyag ng katiwalian ang ilang kapatid, minamaliit ko sila, at sa puso ko, hinuhusgahan at minamaliit ko sila. Isa itong mapagmataas na disposisyon. Hindi ba ito isang bagay na dapat kong pagnilayan at maunawaan? Pero hindi ko naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Nalugmok ako sa kalagayan ng pagkabagabag at pagkabalisa, at matamlay ako sa paghahangad ko sa katotohanan. Hindi ba’t nagkakamali ako ng pagkaunawa sa Diyos dito? Ngayon, napagtanto ko na bata man o matanda ang isang tao, hangga’t uhaw sila at hinahangad ang katotohanan, bibigyang-liwanag sila at gagabayan ng Diyos. Dinidiligan at tinutustusan tayo ng Diyos ng katotohanan, anuman ang edad, at ang mahalaga ay kung naghahanap ba tayo at handa ba tayong pagsikapan ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Partikular na tinukoy ng Diyos ang mga kalagayan ng mga matatanda sa mga salitang ito, umaasang mabibitawan ng matatanda ang kanilang mga pagkabagabag at pagkabalisa, makapagtutuon sa paghahanap ng katotohanan, at hindi mamuhay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at sukuan ang kanilang sarili. Pero palagi kong ginagamit ang katandaan at mahinang memorya ko bilang mga palusot para hindi hangarin ang katotohanan at para magpasasa ako, at kung magpapatuloy ako nang ganito, ako ang siyang talo. Matapos kong maunawaan ang mga layunin ng Diyos saka lang ako nagising, at napagtanto ko na kung magpapatuloy ako sa ganitong naguguluhang kalagayan, nakagapos sa mga nakalilinlang at sukdulang mga kuru-kuro ko, sa huli ay mabibigo akong makamit ang katotohanan at wala nang matitira sa akin kundi pagkawasak. Nagpasalamat ako sa Diyos para sa Kanyang mga salitang nakagagaan ng loob at nakapagpapalakas ng loob sa aming matatanda, at sa pagtuturo sa amin ng landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang pagmamahal ng Diyos para sa amin. Hindi puwedeng mawala ang determinasyon kong hangarin ang katotohanan, kailangan kong itrato nang tama ang sarili ko, matuto ng mga aral sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa akin, magtuon sa paghahanap ng katotohanan at pagkilala sa aking sarili, at makamit ang disposisyonal na pagbabago. Ito ang mga bagay na dapat kong gawin.
Nang mapagtanto ko ito, nagsimula akong mag-isip-isip, “Bakit dati, kapag ginagawa ko ang mga tungkulin ko, walang katapusan ang lakas ko araw-araw, pero ngayong matanda na ako at pahina na nang pahina ang katawan ko sa bawat araw, puno ng pagiging negatibo at pagkabagabag ang puso ko, at ayaw ko nang magsumikap pang umangat? Ano ang kumokontrol sa akin?” Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay kailanman ay hindi matinag-tinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon tungkol sa kanilang motibasyon na tumanggap ng mga pagpapala, at naisantabi na nila ang motibasyong ito, at hindi na sila napamumunuan o napipigilan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang motibasyon pa na mapagpala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na personal na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay nadadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nakakamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayumpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kalalabasan ng mga tao, paano sila umaasal? Nahahayag ang katotohanan sa kabuuan nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay napagtanto ko na ang dahilan kung bakit ako naipit sa pagkabagabag at sinukuan ang sarili ko ay dahil naramdaman kong tumatanda na ako at hindi ko na magagawa ang anumang tungkulin sa hinaharap, at mawawalan na ako ng pag-asang maligtas o makatanggap ng mga pagpapala. Kaya, namuhay ako sa pagiging negatibo at nilabanan ko ang Diyos. Dati, kaya kong magsakripisyo, gugulin ang sarili ko, at maging abala sa aking mga tungkulin, at kahit may sakit ako, masaya kong ginagawa ang mga tungkulin ko. Akala ko, hangga’t nagagawa ko ang mga tungkulin ko, may pag-asa akong maligtas ng Diyos. Pero kalaunan, lumala ang mga sakit ko, at pahina nang pahina ang kalusugan ko sa bawat araw, at naging posible na baka hindi ko na magawa kahit ang tungkulin ng pagpapatuloy. Naramdaman kong wala na akong pag-asa para sa mga pagpapala, na parang walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos, at mas mabuti pang magpakasaya na lang ako sa buhay. Kaya nagpalipas ako ng mga araw sa panonood ng TV, huminto ako sa pagsusumikap para sa katotohanan, at naging matamlay ang saloobin ko sa aking pananalig. Sa paanong paraan ako taimtim na nanampalataya sa Diyos? Hindi ko ginagawa ang aking mga tungkulin para hangarin ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa halip, ginamit ko ang pagganap ko sa mga tungkulin ko para subukang makipagtawaran sa Diyos para matiyak ang mabuting kalalabasan at hantungan, at nang maniwala akong hindi ako makakatanggap ng mga pagpapala, sinukuan ko ang sarili ko. Dulot ito ng mga maling intensyon at pananaw sa pananalig ko. Naisip ko ang mga taong taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos at hinahangad ang katotohanan. Kapag nahaharap sila sa masasakit na pagsubok, maaari din silang mag-alala tungkol sa kanilang kalalabasan at hantungan, pero nagagawa nilang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas ang kanilang mga problema, at masaya nilang ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos nang hindi humihingi ng anumang gantimpala. Tinutupad lang nila ang kanilang mga tungkulin para magpatotoo at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Pero ako naman? Bagama’t maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, hindi ko hinanap ang disposisyonal na pagbabago o pinagnilayan kung gaano karaming katotohanan ang naisagawa ko, hindi ko isinaalang-alang kung natupad ko ba ang aking mga tungkulin at responsabilidad, at nakatuon lang ako sa paghahangad ng mga pagpapala. Nang lumala ang sakit ko at naisip kong hindi ako makakatanggap ng mga pagpapala, naging desperado ako. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng anumang tunay na sinseridad sa Diyos? Ang mga dati kong sakripisyo at paggugol ay para lamang magkamit ng mga pagpapala at pakinabang, mga pagtatangka lamang na makipagtawaran at lokohin ang Diyos. Talagang kasuklam-suklam ako! Naisip ko si Pablo, na naglakbay sa mga karagatan at lupain para ipangaral ang ebanghelyo, at gumawa ng dakilang gawain. Gayumpaman, ang kanyang mga intensyon sa mga tungkulin niya ay para makatanggap ng mga pagpapala at isang korona, at sa huli, hindi nagbago ang kanyang disposisyon. Hayagan pa nga siyang sumigaw ng pagtutol sa Diyos, hinihingi ang isang korona ng katuwiran. Sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos at itiniwalag siya at pinarusahan ng Diyos. Sa pagtingin ko sa sarili ko ayon dito, nakita kong ang layunin ko sa aking mga tungkulin ay para magkaroon ng mabuting kalalabasan at hantungan, at na mali ang mga intensyon ko sa aking mga tungkulin. Gaano man karaming tungkulin ang nagawa ko, ang katotohanang nananatiling hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ko ay magiging dahilan pa rin para kamuhian ako ng Diyos. Naisip ko kung paanong napakaraming sinabi ng Diyos para iligtas tayo mula sa pinsala ni Satanas, nagsasalita nang may labis na pagtitiyaga at pagiging taimtim, lahat sa pag-asang tatahakin natin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Pero wala akong katapatan sa Diyos kahit kaunti. Lubos akong walang konsensiya at katwiran! Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko! Mahigit dalawampung taon na akong nananampalataya sa Iyo, pero hindi ako taos-pusong gumugol ng sarili para sa Iyo. Makasarili ako, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Sobra akong tiwali, pero hindi Mo ako hinamak, at inililigtas Mo pa rin ako. Handa akong isuko ang mga maling intensyon ko at tuparin ang mga tungkulin ko!”
Pagkatapos nito, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang nais ng Diyos ay magawang perpekto ang bawat tao, sa kahuli-hulihan ay makamit Niya, ganap na malinis Niya, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Sinasabi Ko man na kayo ay paurong o may mahinang kakayahan, pawang totoo ang mga ito. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong talikuran kayo, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang naghahangad, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang matatalikuran. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahinang kakayahan; kung magaling ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong magaling na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong kamangmangan; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa katunayan na ikaw ay may pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang magbigay ng kagandahang-loob, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod sa kakayahang ito; kung sinasabi mong hindi ka makapagbibigay ng kagandahang-loob, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, maging ito man ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pag-aasikaso sa iba’t ibang mga pangkalahatang usapin, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, dami ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao. Samakatwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganting-parusa sa kanilang maraming masasamang gawa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang gawain ng Diyos ay hindi gumagamit ng isang sukatan na angkop para sa lahat, ni hindi rin Niya pinipilit ang sinuman nang higit sa kanilang kakayahan. Sa halip, ang mga hinihingi ng Diyos ay naaayon sa aktuwal na sitwasyon at pinagmulan ng bawat tao. Kung mas matanda ang isang tao, humihingi Siya ng naaayon sa kanilang edad, at kung mahina ang kakayahan ng isang tao, humihingi Siya ng naaayon sa kanilang kakayahan. Hangga’t kaya nating hangarin ang katotohanan at gawin nang maayos ang ating mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, lahat tayo ay may pagkakataong maligtas. Kasabay nito, naunawaan ko rin na ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng isang tao ay hindi nakabatay sa kanilang edad o sa abilidad nilang magsakripisyo, at ang mahalaga ay kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan at dumaranas ng pagbabago sa kanyang disposisyon. Bagama’t hindi na kasing-tibay ng dati ang kalusugan ko, hindi ako inabandona ng Diyos, at isinasaayos pa rin ng iglesia na gawin ko ang mga tungkulin sa abot ng aking makakaya ayon sa aking pisikal na kondisyon. Marahil ay lalo pang hihina ang kalusugan ko, at hindi ko na magagawa ang anumang mahahalagang tungkulin, pero kaya kong hanapin ang katotohanan para malutas ang aking mga tiwaling disposisyon, at kung nasa masamang kalagayan ang mga kapatid, maaari ko ring hanapin ang mga salita ng Diyos para bigyan sila ng suporta at makipagbahaginan. Maaari ko ring ipangaral ang ebanghelyo sa mga tao sa paligid ko. Hindi naman sa wala akong mga tungkuling magagawa. At saka, kahit na matanda na ako at mahina ang kalusugan, malinaw pa rin ang isip ko, nakakarinig pa rin ang mga tainga ko at kaya kong makinig sa mga salita ng Diyos, nakakabasa pa rin ang mga mata ko ng mga salita ng Diyos, at kaya pa ring magsalita at makipagbahaginan ng bibig ko. Hangga’t hinahangad ko ang katotohanan, may pag-asa akong maligtas ng Diyos. Dati, hindi ako naghahanap ng katotohanan, at palagi akong lugmok sa pagkabagabag at pagkabalisa dahil sa kagustuhang magkamit ng mga pagpapala, at sinayang ko ang oras na sana’y nailaan sa paghahangad ng katotohanan. Napakawalang-kuwenta talaga!
Kalaunan, salamat sa paalala ng mga kapatid, sa wakas ay napagtanto ko na ang “Hangga’t ginagawa ko ang aking tungkulin, makakatanggap ako ng mga pagpapala at maliligtas” ay isang nakalilinlang na pananaw. Sabi ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang paggawa ng aking tungkulin ay walang kinalaman sa pagtanggap ko ng mga pagpapala. Hindi sa makakatanggap ako ng mga pagpapala sa pamamagitan ng paggawa ng aking tungkulin, paggawa ng mas maraming tungkulin, o sa pagtitiis ng mas maraming pagdurusa. Ito ay nakalilinlang kong pananaw. Isa akong nilikha, ang Diyos ay ang Lumikha, at ang tungkulin ko ay dapat kong gawin. Kaya, dapat akong makinig sa mga salita ng Diyos at tuparin ang aking tungkulin. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng aking tungkulin mabubunyag ang aking katiwalian, at saka lamang ako magkakaroon ng pagkakataong makilala ang aking sarili, iwaksi ang aking katiwalian, at maligtas ng Diyos. Gaano man karaming tungkulin ang gawin ko, kung hindi ko hinahangad ang katotohanan at hindi nagbabago ang aking buhay disposisyon kahit kaunti, matitiwalag pa rin ako ng Diyos. Naisip ko si Pedro, na hinangad ang katotohanan habang ginagawa ang kanyang tungkulin at nagtuon sa pagbabago sa disposisyon. Ginawa niya ang kanyang tungkulin para lamang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Wala siyang mga karumihan o personal na intensyon at hindi siya nakikipagtawaran sa Diyos, at paano man siya sinubok o pinino ng Diyos, nagpasakop siya hanggang kamatayan. Dahil tinahak niya ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa huli ay natamo niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Kinailangan kong tularan ang halimbawa ni Pedro at hangarin ang disposisyonal pagbabago. Ngayon, dahil kaya kong mag-host ng mga pagtitipon, gagawin ko ito sa abot ng aking makakaya. Kung isang araw ay magkasakit ako nang malubha at hindi na makadalo sa mga pagtitipon o magawa ang aking mga tungkulin, magpapasakop pa rin ako sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at hindi magrereklamo o sisisihin ang Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, nakita kong nagawa kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, maunawaan ang napakaraming katotohanan at hiwaga, tamasahin ang napakaraming pagtutustos ng salita ng Diyos, at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos para makilala ang aking tiwaling disposisyon. Ipinakita sa akin ng mga bagay na ito na ang Diyos ang umakay sa akin nang hakbang-hakbang hanggang sa narating ko ang kinalalagyan ko, at na natanggap ko ang napakaraming pagmamahal at biyaya ng Diyos! Sa pagkakaunawang ito, hindi ko na nararamdamang napipigilan o nagagapos ako ng negatibo kong kalagayan.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto kong matuwid ang Diyos, at hindi mahalaga kung bata man o matanda ang isang tao, pantay-pantay silang pinagkakalooban ng biyaya ng Diyos, at basta’t hinahangad natin ang katotohanan, matatanggap natin ang pagliligtas ng Diyos. Dati, palagi kong nararamdaman na dahil sa aking edad at maraming karamdaman, hindi ako tatanggapin ng Diyos kung hindi ko magagawa ang aking mga tungkulin. Pero mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang pala ang mga ito, at hindi ayon sa mga layunin ng Diyos. Mula ngayon, anuman ang kalagayan ng aking kalusugan, magtutuon ako sa paghahangad sa katotohanan, masunuring magpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at gagawin ang aking mga tungkulin sa abot ng aking makakaya para suklian ang pagmamahal ng Diyos.