2. Mga Aral na Natutuhan Pagkatapos Mailipat ng Tungkulin
Noong katapusan ng 2018, isinaayos ng iglesia na ako ang mamahala sa gawain ng pagdisenyo ng graphics. Sa tuwing sinusuri ko ang mga imahe at nagmumungkahi ng mga pag-eedit sa mga kapatid, matiyaga silang nakikinig, at paminsan-minsan ay sinasabi ng mga tao, “Napakahina ko talaga sa estetika. Ni hindi ko man lang napapansin ang mga problemang ito. Ngayong sinabi mo, naintindihan ko na.” Minsan, nahihinto kami dahil sa magkakaibang opinyon, pero kapag ako na ang nagbigay ng opinyon ko, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Nang makita ko ang lahat ng ito, nag-uumapaw sa tuwa ang puso ko, “Mukhang napakahusay ng kakayahan ko, kung hindi, paano ko nagagawa ang ganito kahalagang tungkulin? At bakit naman sasang-ayunan ako nang ganito ng mga kapatid?” Minsan, dahil sa mga partikular na dahilan, hindi ako makasali sa mga talakayan sa gawain, at babaguhin pa nga ng lider ng pangkat ang oras para lang makasali rin ako. Nang makita ko kung gaano nila ako pinahahalagahan, lalo pa akong nasiyahan sa sarili ko, iniisip na, “Talagang pinapaganda ng tungkuling ito ang imahe ko. Kung mas magsisikap pa akong mag-aral at pagbutihin ang aking mga kasanayan, hindi ba’t mas hahangaan pa ako ng mas maraming kapatid?” Pagkatapos niyon, lalo pa akong ginanahan sa paggawa ng mga tungkulin ko. Kahit na nakaka-stress ang tungkulin, hindi ako kailanman umatras gaano man ako nagdusa o gaano man kahirap ang mga bagay-bagay.
Noong 2022, dahil dumarami ang mga baguhan sa Pilipinas na tumanggap sa tunay na daan, lubhang kinailangan ang mas maraming tagadilig, at napagpasyahan ng mga lider na dahil bumaba na ang dami ng trabaho sa pangkat ng sining, hindi na kailangan ng dalawang superbisor, kaya isinaayos nila na ako ang magdilig sa mga baguhan online. Alam kong makatwiran ang pagsasaayos na ito, pero nag-alala pa rin ako, iniisip, “Ilang taon na akong hindi nakapagdidilig ng mga baguhan. Kung hindi magiging maganda ang mga resulta ng pagdidilig, mataas pa rin kaya ang magiging tingin sa akin ng mga kapatid?” Dahil sa mga iniisipi na ito, medyo nasiraan ako ng loob. Pero nang maisip ko ulit, “Hindi naman ganoon kasama ang kakayahan ko. Basta’t mas magsisikap akong sangkapan ang sarili ko ng katotohanan, siguradong mamumukod-tangi rin ako sa tungkuling ito.” Nang maisip ko ito, medyo gumaan ang pakiramdam ko. Hindi nagtagal, kinausap ako ng superbisor ng gawain ng pagdidilig tungkol sa gawain ko, sinabi niya na hindi ko raw natukoy at nalutas sa tamang oras ang mga problema ng mga baguhan, at na nagkukulang daw ako sa pakikipag-usap sa mga baguhan at sa pagtulong sa mga paghihirap nila. Pagkatapos, binasahan ako ng superbisor ng mga kaugnay na prinsipyo, at napagtanto ko na talagang totoo ang mga problemang tinukoy ng superbisor. Noong una, kaya ko pa itong tanggapin, pero habang dumarami ang mga problemang tinutukoy, nagsimula na akong makaramdam ng bahagyang kirot sa puso ko. Habang nakikinig ako sa pagbabahaginan at gabay ng superbisor, patuloy kong inaalala ang nakaraan ko bilang superbisor sa sining. Ako ang laging gumagabay sa gawain ng iba at tumutukoy sa mga problema sa kanilang mga tungkulin, at palaging mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid at sinusuportahan ako. Pero ngayon, sa tungkulin ko, napakaraming problema ko ang nalantad, at kailangan ko pa ng pakikipagbahaginan at gabay ng iba. Sobrang nakakahiya! Ano na lang ang iisipin sa akin ng superbisor pagkatapos niyang mapagtanto kung gaano karami ang mga problema ko sa tungkulin ko? Ano naman ang iisipin ng mga kapatid ko? Iisipin kaya nila na mahina ang kakayahan ko at hindi ko isinasapuso ang mga tungkulin ko? Pakiramdam ko ay talagang nawalan na ako ng biyaya. Pero pagkatapos, hindi ko sinuri ang kalagayan ko. Sa halip, inaliw ko lang ang sarili ko, iniisip, “Pansamantalang kabiguan lang ito. Hangga’t handa akong magsumikap, malulutas din ang mga problemang ito.”
Makalipas ang ilang araw, magkakasama kaming nagbahaginan, at hiniling sa akin ng superbisor na magbahagi kung paano lulutasin ang problema ng mga baguhan na masyadong abala sa trabaho para makadalo sa mga pagtitipon. Pagkatapos kong magsalita, sinabi ng ilang kapatid na hindi ko raw seryosong tinanong ang mga baguhan tungkol sa kanilang mga paghihirap, kung mayroon ba silang mga aktuwal na problema sa buhay, o kung mayroon silang mga maling pananaw. Sabi naman ng iba, basta diretso na lang daw ako nagkipagbahaginan nang hindi muna nagtatanong nang malinaw, at sa ganitong paraan, hindi ko raw talaga malulutas ang mga problema ng mga baguhan. Pagkatapos marinig ang payo ng mga kapatid, naramdaman kong nag-init ang mukha ko sa hiya, at gusto ko na lang na magbukas ang lupa at lamunin ako. Pakiramdam ko, sobrang nakakahiya talaga ang tungkuling ito. Dati, ako ang responsable sa gawain ng pangkat ng sining, at dinudumog ako ng mga kapatid, madalas akong pinupuri. Pero ngayon na nagdidilig ako ng mga baguhan, palagi akong itinatama at pinupuna. Nakakainis talaga! Naisip kong kausapin ang lider at hilingin na ipagpatuloy ko na lang ang dati kong tungkulin sa pagdisenyo ng graphics. Pakiramdam ko, hindi ko talaga linya ang pagdidilig ng mga baguhan, at kung gagawin ko ang tungkuling ito, patuloy ko lang ipapahiya ang sarili ko. Kung makakabalik ako sa dati kong tungkulin, maipagpapatuloy ko ang pagtamasa ng paghanga at suporta mula sa mga kapatid. Pero nag-alala rin ako na kung hihiling ako na ilipat ng tungkulin, iisipin ng mga kapatid na masyado akong marupok, na gusto kong magpalit ng tungkulin matapos lang mapuna ng ilang problema, at na napakaliit talaga ng tayog ko. Kaya pinilit ko na lang tiisin. Inaliw ko ang sarili ko sa puso ko, iniisip, “Kung mas magsisikap ako at palalakasin ang pagsasanay ko, baka bumuti rin ang mga bagay-bagay paglipas ng ilang panahon.”
Kalaunan, lalo pa akong nagsikap sa aking tungkulin, araw-araw kong sinasangkapan ang sarili ko ng katotohanan batay sa mga problema ng mga baguhan, minsan ay nagpupuyat pa ako hanggang alas-tres ng madaling araw. Ang tanging iniisip ko lang ay kung paano mababago ang sitwasyong ito sa lalong madaling panahon. Pero pagdating ng pagbubuod sa katapusan ng buwan, ang mga resulta ng tungkulin ko pa rin ang pinakamababa sa pangkat. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay gumuho ang nag-iisa kong pag-asa. Noong gabing iyon, hindi ako mapakali sa kama, hindi makatulog. Paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang panahon ko bilang superbisor sa sining, iniisip kung gaano iyon kadakila. Pero ngayon, sa pagdidilig ng mga baguhan, napunta ako sa pinakailalim ng pangkat. Pakiramdam ko, ang paggawa ng tungkuling ito ay talagang kahiya-hiya! Habang mas iniisip ko ito, mas lalong sumasama ang loob ko, at hindi ko mapigilan ang sarili kong umiyak. Naisip kong kausapin ang lider kinabukasan para magpalipat ng tungkulin. Pero kapag naiisip kong magpalit ng tungkulin, nakakaramdam ako ng di-maipaliwanag na pagkakonsensiya at pagkabagabag sa puso ko. Nanalangin ako sa Diyos dati, nangakong mananatili ako sa tungkulin ko. Ngayon, magpapalit ako ng tungkulin—hindi ba’t pag-aabandona iyon sa puwesto ko? Susuko na lang ba ako nang ganito? Pero kung ipagpapatuloy ko ang tungkuling ito, hindi ko alam kung paano ko ito haharapin. Sa gitna ng pasakit, paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, “O Diyos ko, labis po akong nanghihina ngayon, hindi ko po alam kung paano magpapatuloy, pakiusap, gabayan N’yo po ako.” Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung ang tungkuling iyong ginagampanan ay isang bagay na bihasa ka at gusto mo, nararamdaman mo na ito ay responsabilidad at obligasyon mo, at na ang pagsasagawa nito ay isang bagay na ganap na likas at may katwiran. Nadarama mong ikaw ay nagagalak, maligaya at matiwasay. Ito ay isang bagay na handa kang gawin, at isang bagay kung saan kaya mong maging deboto, at nadarama mong binibigyang-kasiyahan mo ang Diyos. Ngunit kung isang araw ay maharap ka sa isang tungkulin na hindi mo gusto o hindi mo pa kailanman nagampanan, magagawa mo bang maging deboto kung gayon? Masusubok nito kung isinasagawa mo ang katotohanan. Halimbawa, kung ang iyong tungkulin ay nasa pangkat ng mga gumagawa ng himno, at kaya mong umawit at isa itong bagay na ikinagagalak mong gawin, maluwag sa kalooban mong gampanan ang tungkuling ito. Kung binigyan ka ng isa pang tungkulin kung saan sinabihan kang ipangaral ang ebanghelyo, at ang gawain ay may kahirapan, magagawa mo bang tumalima? Pinagnilayan mo ito at sinabing ‘Mahilig akong umawit.’ Anong ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay ayaw mong ipangaral ang ebanghelyo. Ito ang malinaw na kahulugan nito. Patuloy mo lang sinasabing ‘Mahilig akong umawit.’ Kung ang isang lider o manggagawa ay mangatwiran sa iyong, ‘Bakit hindi ka magsanay sa pangangaral ng ebanghelyo at sangkapan mo ang iyong sarili ng higit pang katotohanan? Higit itong magiging kapaki-pakinabang sa iyong pag-unlad sa buhay,’ nagpumilit ka pa rin at nagsabing ‘Mahilig akong umawit, at mahilig akong sumayaw.’ Ayaw mong mangaral ng ebanghelyo anuman ang kanyang sabihin. Bakit ayaw mong gawin iyon? (Dahil sa kawalan ng interes.) Wala kang interes kaya’t ayaw mong gawin iyon—ano ang problema rito? Ito ay ang iyong pagpili ng tungkulin batay sa iyong mga kagustuhan at personal na panlasa, at hindi ka nagpapasakop. Wala kang pagpapasakop, at iyon ang problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, samakatuwid ay hindi ka tunay na nagpapakita ng gaanong tunay na pagpapasakop. Ano ang dapat mong gawin sa ganitong sitwasyon upang magpakita ng totoong pagpapasakop? Ano ang magagawa mo upang matugunan ang mga layunin ng Diyos? Ito ang panahon kung kailan mo kailangang magnilay at makipagbahaginan tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Kung nais mong maging deboto sa lahat ng bagay para matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi mo iyon magagawa sa pamamagitan lamang ng pagganap ng isang tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong panlasa o sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo, na hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at magpasakop ka rito. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi kailangan mo ring aktibong makipagtulungan, at matuto tungkol dito, habang dumaranas ka at pumapasok. Kahit pa ikaw ay nahihirapan, napapagod, napapahiya, o ibinubukod, kailangan mo pa ring gawin ito nang may debosyon. Sa pagsasagawa lamang sa ganitong paraan mo magagawang maging deboto sa lahat ng bagay at matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong ituring na tungkuling dapat mong gampanan, hindi bilang personal na gawain” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anuman ang tungkuling isaayos sa akin ng iglesia, maging ito man ay isang bagay na magaling ako at nagbibigay-daan sa aking mamukod-tangi, o isang bagay na hindi ako magaling at hindi ako makakapagpakitang-gilas, lahat ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan at pagtatakda ng Diyos. Dapat kong laging ibigay ang lahat ng aking makakaya, dahil ito ang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Noong ako ang responsable sa gawain ng pangkat ng sining at mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid, hindi nauubos ang gana ko sa tungkulin ko, at gaano man ako nagdusa o gaano man kahirap ang mga bagay-bagay, kailanman ay hindi ako sumuko. Ngayong kailangan kong gawin ang tungkulin ng pagdidilig, maraming problema sa tungkulin ko, na naglalantad ng marami kong pagkukulang at kakapusan, kaya hindi na ako tinitingala o sinasamba ng mga kapatid, at madalas akong nababagabag dahil dito, at kahit na ito ang kinakailangan ng gawain ng iglesia, ilang beses kong naisip na iwanan ang tungkulin ko, palaging gustong bumalik sa dati kong tungkulin at tamasahin ang mataas na pagtingin ng iba. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng tunay na pagpapasakop sa Diyos?
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod-tangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at panlulumo, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging mapagprotekta ka sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na nalilimitahan ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagkahiya. Sa pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang taon, ako ang naging responsable sa gawain sa sining, at nakapag-ipon ako ng ilang karanasan, at nakakita ako ng ilang resulta sa aking mga tungkulin, kaya nagsimulang maging mataas ang tingin ko sa sarili ko, at sa puso ko, pakiramdam ko ay iba ako sa mga ordinaryong tao. Inakala kong mas mahusay ang kakayahan ko kaysa sa iba, kaya saanman ako magpunta, gusto kong ako ang nangunguna, para ako ang pagtuunan ng pansin at paligiran ng iba, at pakiramdam ko ay nararapat lang na tamasahin ko ang mataas na pagtingin ng iba. Noong una akong nagdilig ng mga baguhan, hindi kasing-ganda ng sa iba ang mga resulta, at madalas na tinutukoy ng superbisor ang mga problema ko. Napakanormal lang naman talaga nito, at kayang harapin ito nang tama ng isang taong tunay na makatwiran. Hindi lang nila ito tatanggapin nang mahinahon, kundi sasangkapan din nila ang kanilang sarili ng katotohanan para punan ang kanilang mga pagkukulang sa praktikal na paraan, at para mapabuti ang mga resulta ng kanilang tungkulin. Pero ako, ganap na walang konsensiya at katwiran, at nang tukuyin ng superbisor at ng mga kapatid ang mga problema sa tungkulin ko, ayaw ko itong harapin, lalo na ang ibuod ang mga pagkukulang ko, at sa halip, palihim akong nakipagkompetensiya sa puso ko, gustong makamit agad ang mga resulta sa pamamagitan ng sarili kong pagsisikap, para makita ng mga kapatid na may mahusay akong kakayahan. Dahil mali ang landas at mga perspektiba ko sa paghahangad, itinago ng Diyos ang Kanyang mukha sa akin, matagal akong hindi umusad sa aking tungkulin, at hindi bumuti ang mga resulta ko. Gayumpaman, hindi lang ako hindi nagnilay sa sarili ko, kundi naging negatibo pa ako, nagpabaya, at ayaw ko nang magdilig ng mga baguhan, at naisip ko pa ngang magpalipat ng tungkulin. Talagang napakayabang at napakapalalo ko at talagang walang katwiran!
Nang maglaon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang maging maganda ang tingin ng iba sa kanila, at magkaroon ng mataas na pagpapahalaga ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa isang mataas na katayuan sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. … Ano ang motibo nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para mabigyan sila ng katayuan sa isipan ng gayong mga tao.) Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kung gayon ay kapag kasama ka niya, may pagpipitaganan siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa puso ng isang tao; nais ng mga taong magpakasasa rito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipag-agawan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na mabigyan ng katayuan sa puso ng iba, na hangaan at sambahin sila ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan. Halimbawa, kung wala kang katayuan sa isipan ng isang tao, pakikisamahan ka niya bilang kapantay niya, pakikitunguhan ka niya bilang kapantay niya. Kokontrahin ka niya kapag kinakailangan, hindi siya gumagalang o rumerespeto sa iyo, at maaari pa ngang iwanan ka niya bago ka pa matapos sa pagsasalita. Magagalit ka ba? Hindi mo gusto kapag tinatrato ka nang ganito ng mga tao; gusto mo kapag binobola ka nila, tinitingala ka, at sinasamba ka sa bawat pagkakataon. Gusto mo kapag ikaw ang sentro ng lahat, lahat ng bagay ay umiikot sa iyo, at lahat ng tao ay nakikinig sa iyo, tumitingala sa iyo, at nagpapasakop sa iyong direksiyon. Hindi ba’t ito ay isang pagnanais na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kapangyarihan? Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-unahan, at nakikipagkumpetensiya ka sa iba para dito. Ang layon mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at sumamba sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, paghanga ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Inilalarawan ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Palagi akong lumalaban sa tungkulin ng pagdidilig at inaasam ang dati kong tungkulin. Ito ay dahil masyado kong pinahalagahan ang reputasyon at katayuan ko, at pinag-imbutan ko ang mga pakinabang ng katayuan. Madalas kong ginugunita noong ako ay isang superbisor. Noong panahong iyon, mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid, at madalas silang humihingi ng payo sa akin kapag nakakaranas sila ng mga kahirapan, at kaya kong gabayan ang iba. Kaya pakiramdam ko ay para akong pinaliligiran ng mga tao, at na lahat ay humahanga at nakikinig sa akin. Talagang nasiyahan ako sa pakiramdam na ito. Pero pagkatapos kong malipat sa tungkulin ng pagdidilig, nakita kong kulang na kulang ako sa lahat ng aspekto kumpara sa iba. Wala nang nagtatanong sa akin ng opinyon, at madalas pa akong binibigyan ng payo ng iba. Pakiramdam ko ay mababa ako at nakakahiya. Para mailigtas ang aking reputasyon at katayuan, nagpupuyat ako sa gabi, palihim na nagsisikap, umaasa na balang araw ay magiging bukod-tangi ako sa pangkat. Pero pagkatapos ng ilang panahon ng pagsisikap, nakita kong ang mga resulta ng tungkulin ko pa rin ang pinakamababa, at naramdaman kong mahirap para sa akin na mamukod-tangi sa tungkuling ito. Hindi ako mapakali at lumalaban ang puso ko, at ilang beses kong pinag-isipang humiling sa lider na magpalipat ng tungkulin, dahil gusto kong bumalik sa dati kong tungkulin at patuloy na tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Noon ko lang napagtanto na ang mga intensyon ko sa aking tungkulin ay hindi para palugurin ang Diyos, kundi para sa sarili kong reputasyon at katayuan, para makuha ang paghanga ng iba, para magkaroon ako ng puwang sa puso ng iba at para sa akin umikot ang mundo nila. Hindi ba’t ang landas na tinatahak ko ay mismong landas ng isang anticristo? Dati, hindi pa ako nakakagawa ng tungkulin ng pagdidilig, at hindi ko gaanong naiintindihan ang katotohanan tungkol sa mga pangitain, pero ngayon, isinaayos ng iglesia na gawin ko ang tungkuling ito, binibigyan ako ng pagkakataong sangkapan ang sarili ko ng katotohanan at punan ang aking mga pagkukulang. Pagmamahal ito ng Diyos! Pero hindi ko naisip na suklian ang pagmamahal ng Diyos, at kahit alam kong dahil mas marami nang baguhan, mas maraming tagadilig ang kailangan, gusto kong isuko ang tungkulin ko sa pagdidilig. Mas gugustuhin ko pang mapinsala ang gawain kaysa makitang maapektuhan ang aking reputasyon at katayuan, at mas pinahalagahan ko ang aking reputasyon at katayuan kaysa sa aking tungkulin. Talagang hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos! Noong mga araw na iyon, madalas akong manalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para maunawaan ang ugat ng aking paghahangad ng reputasyon at katayuan.
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging tutol sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, idinudulot sa mga tao na wala nang ibang isipin kundi ang dalawang bagay na ito. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan at nagbubuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na makaalpas. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na palagi akong naghahangad ng reputasyon at katayuan dahil kontrolado ako ng lason ni Satanas. Mula pagkabata, itinuro sa akin ng mga magulang at guro ko na “Kailangang tiisin ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao,” “Mas mabuting maging isang malaking isda sa isang maliit na lawa,” at “Dapat laging magsikap ang mga tao na maging mas magaling kaysa sa kanilang mga kasabayan.” Ginamit ko ang mga satanikong pilosopiya at batas na ito bilang pamantayan sa aking pag-asal. Naniwala ako na sa pamamagitan lamang ng pagkakamit ng reputasyon at katayuan at sa paghanga at pagsamba ng iba, maaaring mamuhay nang may dignidad at halaga ang isang tao, at na kung ordinaryong tao lang ang isang tao nang walang paghanga o pagsamba ng sinuman, kung gayon ang buhay ay walang dignidad, kaawa-awa, at walang kabuluhan. Naisip ko ang mga araw ko sa eskuwela. Sa mga asignaturang magaling ako at mataas ang ranggo, at kung saan tinitingala ako ng aking mga guro at kaklase, handa akong magsikap sa mga asignaturang iyon at mag-aral nang mabuti. Pero pagdating sa mga asignaturang hindi ako magaling, at walang humahanga sa akin, ayaw kong magsikap na mag-aral. Lahat ng ginawa ko ay nakabatay sa kung makabubuti ba ito sa pagpapahalaga ko sa sarili at sa katayuan ko. Kahit matapos kong matagpuan ang Diyos, pinanghawakan ko pa rin ang pananaw na ito. Noong ginagawa ko ang tungkulin ko bilang superbisor ng pangkat ng sining, dahil mayroon akong ilang pangunahing kasanayan sa pagdisenyo ng graphics at kaya kong gabayan ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, hinangaan nila akong lahat, at talagang nasiyahan ako sa pakiramdam na ito. Labis akong ginanahan sa tungkulin ko, at gaano man ako nagdusa at gaano man kahirap ang mga bagay-bagay, hindi ako umatras. Pero pagkatapos kong simulan ang tungkulin ng pagdidilig ng mga baguhan, maraming problema at pagkukulang ko ang nalantad, at hindi na ako pinuri ng mga kapatid, at sa halip ay patuloy nilang tinutukoy ang mga problema ko. Ang mga resulta ng tungkulin ko ang naging pinakamababa sa pangkat, at ang matinding pagbagsak na ito mula sa dati kong katayuan ay sobrang ikinahiya ko, at pinuno ng pasakit at pagkabagabag ang puso ko. Nawalan ako ng gana sa paggawa ng aking tungkulin at naisip ko pa ngang iwanan na ito. Itinuring kong kasinghalaga ng buhay mismo ang reputasyon at katayuan, at palagi akong nababalisa sa pagkawala ng mga ito, na para bang walang kabuluhan ang mabuhay nang walang humahanga. Talagang lubha akong ginawang tiwali ni Satanas! Biniyayaan ako ng Diyos, binigyan ako ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko, umaasang hahangarin ko ang pagbabago sa disposisyon at papasok sa katotohanang realidad sa aking tungkulin, at na magagawa kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at gawin ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo. Pero patuloy akong walang-tigil na naghangad ng reputasyon at katayuan, at kahit matagal na akong nagdidilig ng mga baguhan, hindi ko pa rin alam kung paano ibahagi ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga problema at paghihirap, at ni hindi ko nga kayang maibahagi nang malinaw ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain. Kung magpapatuloy akong magmamatigas sa kamalian, walang-sawang naghahangad ng reputasyon at katayuan, hindi ko lang mabibigong gampanan ang aking tungkulin, kundi mabibigo rin akong magkamit ng anumang katotohanan, at sa huli ay sisirain ko lang ang pagkakataon kong maligtas. Naisip ko ang isang masamang tao na dati kong kilala, nagngangalang Lester, na buong-pusong naghangad ng reputasyon at katayuan. Dahil hindi siya naging lider o manggagawa, nagreklamo siya at lumaban, at nabigo siyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin. Madalas niyang hinuhusgahan ang mga lider at manggagawa sa harap ng mga kapatid, at sinubukang bumuo ng mga paksyon sa iglesia, na nagdulot ng malubhang mga pagkagambala at panggugulo sa buhay iglesia. Sa kabila ng paulit-ulit na pag-aalok ng pakikipagbahaginan at tulong ng mga kapatid, hindi siya kailanman nagbago, at sa huli, pinaalis siya sa iglesia. Bagama’t hindi ako gumawa ng masasamang gawa na tulad niya, katulad pa rin niya ako, buong-pusong naghahangad ng reputasyon at katayuan, at kung patuloy akong hindi magsisisi, sa huli ay ibubunyag at ititiwalag ako ng Diyos na tulad ng isang masamang tao! Dati, akala ko ang paghahangad ng paghanga ng iba ay nagpapakita ng isang mataas na adhikain at ambisyon, na nangangahulugan itong sabik ang isang tao na magsumikap, at na positibo ang gayong paghahangad, pero ngayon napagtanto ko na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas. Dahil sa paghahangad ng reputasyon at katayuan, naging napakarupok ko, at hindi ko makayanan kahit ang pinakamaliit na kabiguan o pagsubok. Lalo akong inilayo nito sa Diyos, ipinagkanulo Siya, at nawalan ako ng konsensiya at katwiran, at sa huli ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Mabuti na lang, ginising ako ng mga salita ng Diyos, at mula noon, nagpasya akong hindi na ako mabubuhay para sa reputasyon at katayuan, at na kailangan kong baguhin ang paraan ng pamumuhay ko.
Makalipas ang ilang araw, ipinapanood sa amin ng superbisor ang isang video ng pagbati mula sa mga baguhan sa Pilipinas. Maraming baguhan ang nagpahayag ng pasasalamat sa mga kapatid mula sa Tsina, at nagpasalamat sila sa mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos sa Pilipinas. Maraming baguhan ang nagpasyang magsumikap na ipangaral ang ebanghelyo at maging tapat sa kanilang mga tungkulin. Lalo na nang marinig ko ang isang baguhan na nagsabing ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang liwanag sa kanyang buhay, labis akong naantig at hindi ko napigilang mapaiyak. Naisip ko kung gaano pa karaming tao ang umaasa sa pagbabalik ng Tagapagligtas, gustong makahanap ng liwanag, gustong matagpuan ang Diyos, pero dahil sa iba’t ibang dahilan, hindi pa sila nakakalapit sa harap ng Diyos. Napakalaking karangalan para sa akin na magawa ang tungkulin kong magdilig ng mga baguhan, at dalhin ang mas maraming tao sa harap ng Diyos at tulungan silang maglatag ng pundasyon sa tunay na daan! Pero dahil hindi ko linya ang tungkuling ito, at hindi ako nito hinayaang mamukod-tangi, gusto ko na lang itong iwasan. Saan paanong paraan ako nagkaroon ng anumang pagkatao? Ganap akong hindi karapat-dapat na tamasahin ang pagmamahal ng Diyos! Naisip ko kung paanong ang ilan sa mga baguhang ito ay isang taon o ilang buwan pa lang nananampalataya sa Diyos. Napakarami nilang kinaharap na paghihirap sa pangangaral ng ebanghelyo, pero mayroon silang mga dalisay na puso at tumangging isuko ang mga tungkulin nila, anuman ang mangyari. Samantalang ako, sampung taon nang nananampalataya sa Diyos, at napakarami ko nang natanggap mula sa Diyos, pero hindi ko pa rin kayang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Talagang hindi ako karapat-dapat na tawaging tao! Sa sandaling iyon, binalot akong nakaramdam ng pagsisisi at pagkakonsensiya. Sa puso ko, sinabi ko sa Diyos, “O Diyos ko, napakamapaghimagsik ko po! Mula ngayon, handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos, at ano man ang tingin sa akin ng iba, handa akong gawin nang maayos ang tungkulin ko nang buong puso.” Mula sa sandaling iyon, kapag tinutukoy ng superbisor at ng mga kapatid ang mga problema ko, hindi na ako gaanong nababagabag tulad ng dati, ni hindi ko ginustong tumakas. Sa halip, nagawa kong tanggapin at aminin ang mga bagay na ito mula sa aking puso, at pagkatapos, nagawa kong sangkapan ang sarili ko ng mga katotohanan at prinsipyo para tugunan ang aking mga pagkukulang. Pagkaraan ng ilang panahon, parami nang parami sa mga baguhang diniligan ko ang nakakadalo na sa mga pagtitipon nang regular, at ang ilan ay nagsimula pang aktibong mangaral ng ebanghelyo at nagdala ng mas marami pang tao sa harap ng Diyos. Sinabi rin ng superbisor na malaki ang naging paglago ko. Taos-puso akong nagpapasalamat sa gabay ng Diyos.
Noong 2024, ayon sa mga pangangailangan ng gawain, hiniling sa akin ng iglesia na bumalik sa pangkat ng sining. Hiniling sa akin ng lider ng pangkat na mag-aral na gumawa ng mga video habang gumagawa ng mga imahe. Dahil hindi pa ako nakakagawa ng mga video noon, napakabagal ng paggawa ko. Sa oras na ginugugol ng iba para makagawa ng tatlong video, isa lang ang nagagawa ko. Mahigit isang buwan akong nagsikap na matutuhan kung paano ito gawin, pero hindi pa rin makahabol ang bilis ko sa ibang mga kapatid, at ang mga natapos kong gawa ay walang dating na artistiko at hindi pasok sa mga kinakailangang pamantayan. Ipinakita sa akin ng lider ng pangkat ang mga video na gawa ng ibang mga kapatid at hinimok akong matuto mula sa kanila. Talagang nabagabag ako. Nagsikap na ako nang husto, pero nasa pinakahuli pa rin ako sa tungkuling ito. Kaysa ipahiya ko ang sarili ko rito, mas mabuti pang kausapin ko na lang ang lider, at hilingin na bumalik na lang ako sa tungkulin ko sa pagdidilig. Mahigit isang taon na ako sa pangkat ng pagdidilig, at unti-unti na akong pamilyar dito. Pakiramdam ko na kung makakabalik ako sa tungkulin ng pagdidilig, hindi sana ako labis na mapapahiya. Sa sandaling iyon, bigla kong napagtanto na mali ang kalagayan ko. Paano ko naiisip ang ganito? Mayroon akong ilang pangunahing kasanayan sa pagdidisenyo ng graphics, kaya basta’t praktikal ko lang itong pag-aralan, unti-unti ko rin itong makakasanayan. Kung aalis ako sa pangkat ng sining ngayon para sa kapakanan ng sarili kong reputasyon at katayuan, hindi ba’t pagtalikod iyon sa aking tungkulin? Sa ganito, hindi ako tunay na nagpapasakop sa Diyos!
Kalaunan, hinanap ko ang katotohanan para tugunan ang sarili kong kalagayan. Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sapagkat nais mong manatili nang mapayapa sa sambahayan ng Diyos bilang isang miyembro, dapat matutunan mo muna kung paano maging isang mabuting nilikha at tuparin ang iyong mga tungkulin ayon sa iyong lugar. Sa sambahayan ng Diyos, tunay ka nang matatawag na isang nilikha. Ang pagiging nilikha ang iyong panlabas na pagkakakilanlan at titulo, at dapat may kasama itong mga partikular na pagpapamalas at diwa. Hindi lang ito tungkol sa pagkakaroon ng titulo; ngunit dahil isa kang nilikha, dapat mong tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Sapagkat isa kang nilikha, dapat mong gampanan ang mga responsabilidad ng pagiging isang nilikha. Kaya, ano ang mga tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha? Malinaw na inilalatag ng salita ng Diyos ang mga tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng mga nilikha, hindi ba? Mula sa araw na ito, isa ka nang tunay na miyembro ng sambahayan ng Diyos, ibig sabihin, kinikilala mo ang iyong sarili bilang isa sa mga nilikha ng Diyos. Dahil dito, mula sa araw na ito, dapat mong muling planuhin ang mga plano mo sa buhay. Hindi mo na dapat hangarin at sa halip ay bitiwan mo na dapat ang mga adhikain, pagnanais, at layon na dati mong itinakda sa buhay mo. Sa halip, dapat mong baguhin ang iyong pagkakakilanlan at perspektiba para makapagplano sa mga layon at direksiyon sa buhay na dapat mayroon ang isang nilikha. Una sa lahat, hindi ang pagiging isang lider ang dapat mong layon at direksiyon, o ang mamuno o mangibabaw sa anumang industriya, o ang maging isang kilalang taong gumagawa ng partikular na gampanin o isang taong bihasa sa partikular na kasanayan. Ang layon mo dapat ay ang tumanggap ng iyong tungkulin mula sa Diyos, ibig sabihin, ang alamin kung ano dapat ang gawain mo ngayon, sa sandaling ito, at unawain kung anong tungkulin ang kailangan mong gampanan. Kailangan mong itanong kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos at kung anong tungkulin ang isinaayos para sa iyo sa Kanyang sambahayan. Dapat kang makaunawa at malinawan sa mga prinsipyong dapat maintindihan, mapanghawakan, at masunod tungkol sa tungkuling iyon. Kung hindi mo maalala ang mga ito, maaari mong isulat ang mga ito sa papel o i-rekord ang mga ito sa iyong computer. Maglaan ka ng oras para suriin at pag-isipan ang mga ito. Bilang miyembro ng mga nilikha, ang dapat na pangunahin mong layon sa buhay ay ang tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kalipikadong nilikha. Ito dapat ang pinakapangunahing layon mo sa buhay. Ang pangalawa at mas partikular ay kung paano gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kalipikadong nilikha. Siyempre, dapat lang na talikuran ang anumang layon o direksyon na nauugnay sa iyong reputasyon, katayuan, banidad, kinabukasan, at iba pa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa at tinulungan akong mahanap ang tamang layon na hahangarin. Dati, noong ginagawa ko ang tungkulin ng pagdidilig, iyon ay nasa ilalim ng pahintulot at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ngayon, ang pagbabalik sa pangkat ng sining at paggawa ng tungkuling ito ay pamamatnugot at pagsasaayos din ng Diyos, at ito ay para sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay hindi kung gaano kadakila ang mga nakamit ko, o kung gaano karaming tao ang humahanga at sumasamba sa akin. Sa halip, ang pinahahalagahan ng Diyos ay ang puso ko, ang saloobin ko sa aking tungkulin, kung ako ba ay talagang masigasig at responsable, kung tunay ko bang ginagawa ang aking tungkulin nang may katapatan, at kung nagpapasakop ba ako sa Kanya. Hindi ko maaaring hangarin lang na gawin ang mga bagay na magaling ako, ni hindi ako maaaring mabuhay para hangarin ang paghanga ng iba. Dapat akong mamuhay para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha at para palugurin ang Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Kinailangan kong ituwid ang aking saloobin sa aking tungkulin. Sa puntong ito, ang kalidad at kahusayan ng paggawa ko ng video ay hindi kasing-ganda ng sa iba, kaya kinailangan kong mas ibuod ang mga paglihis at problema ko, mas magtuon sa pag-aaral para punan ang aking mga kakulangan, at tuparin ang kasalukuyan kong tungkulin sa praktikal na paraan. Ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, hindi ko na inisip kung paano tatakasan ang kasalukuyan kong tungkulin. Sa halip, nagtuon ako sa pag-aaral ng mga pamamaraan sa praktikal na paraan, at kapag may nakakaharap akong mga bagay na hindi ko nauunawaan, kusa akong nagtatanong sa mga kapatid para humingi ng tulong. Bago ko namalayan, kalahating taon na ang lumipas, unti-unti na akong naging pamilyar sa mga teknikal na kasanayang kinakailangan para sa aking tungkulin, at ang mga resulta ng aking tungkulin ay mas maganda kaysa dati.
Sa pagbabalik-tanaw sa paglalakbay na ito, bagama’t nagbunyag ako ng maraming katiwalian sa usapin ng pagpapalipat-lipat sa iba-ibang tungkulin, napunan ko ang marami sa aking mga pagkukulang sa pamamagitan ng paggawa ng magkakaibang tungkulin. Ang pinakamahalagang bagay ay malinaw kong nakita ang mga maling perspektiba ko sa paghahangad. Kung hindi dahil sa pagsasaayos ng Diyos ng mga sitwasyon para ibunyag ang aking tiwaling disposisyon, hahangarin ko pa rin ang reputasyon at katayuan, at hindi ko pa rin malalaman kung paano tatratuhin nang tama ang tungkulin ko. Ngayon, nauunawaan ko na kung ano ang pinakamahalagang hangarin, at kung paano magpasakop sa Diyos at tupsarin ang tungkulin ng isang nilikha, at nararamdaman ko rin na ang mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos ay para lahat sa pagliligtas sa akin. Salamat sa Diyos!