11. Mga Pagninilay Pagkatapos Maibukod
Noong Marso 2023, nagdaos ng espesyal na halalan ang aming distrito para pumili ng isang lider ng distrito. Naisip ko sa sarili ko, “Kahit na hindi pinakamaganda ang aking buhay pagpasok, palagi naman akong naging responsable sa gawain ng ebanghelyo, hindi naman maliit ang saklaw ng gawaing pinangangasiwaan ko, at nagbunga rin naman ng ilang resulta ang gawain. Sa halalang ito para sa lider ng distrito, dapat ako ang piliin ng mga kapatid, hindi ba? Kahit na superbisor ako ngayon ng gawain ng ebanghelyo, trabahong may iisang gampanin lang ito, at kakaunti lang ang nakakakilala sa akin. Pero iba na kapag lider ng distrito. Pinangangasiwaan nila ang pangkalahatang gawain, at mas maraming tao ang tumitingala at humahanga sa kanila. Kung ako ang mapipili, tiyak na iisipin ng mga kapatid na hinahangad ko ang katotohanan, at na hindi lang ako may kakayahang mangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, kundi maging isang lider din.” Nang maisip ko ito, tuwang-tuwa ako.
Noong mga araw na iyon, naging sobrang aktibo ako sa mga tungkulin ko, at sa tuwing may nagtatanong sa group chat, agad akong sumasagot, at kung minsan, humihingi ako ng payo sa mga lider tungkol sa mga problema at pribado kong inuulat sa kanila ang mga problemang nakikita ko, para isipin nilang may pagpapahalaga ako sa pasanin at responsable ako, at para iboto nila ako sa halalan. Sa laking gulat ko, isang gabi, nakita ko ang mensahe mula sa mga nakatataas na lider na nag-aanunsyong si Sister Charlotte ang nahalal na lider ng distrito. Nang makita ko ang pangalang iyon, hindi mapalagay ang kalooban ko. Kahit na laging gumagawa ng mga tungkulin sa pamumuno si Charlotte, kararating lang niya sa aming distrito para mangaral ng ebanghelyo at hindi pa siya gaanong pamilyar sa sitwasyon dito. Bakit siya ang nahalal na lider ng distrito? Matagal-tagal ko ring pinangasiwaan ang gawain niya, pero ngayon na bigla siyang nahalal na lider at siya na ang susubaybay sa gawain ko, ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Talaga kayang mas mababa ang tingin sa akin ng mga kapatid? Gusto ko talagang makipagtalo sa mga nakatataas na lider at itanong kung paano ba ako eksaktong naging mas mababa kaysa kay Charlotte. Tutal, kung pag-uusapan ang saklaw ng gawaing pinangasiwaan ko, hindi naman siya nakahihigit sa akin; pagdating naman sa karanasan sa gawain at sa mga prinsipyong napagdalubhasaan, hindi rin siya nakahihigit sa akin; pagdating naman sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, labis din akong nagdusa. Noong panahon ko bilang superbisor ng gawain ng ebanghelyo, kahit anong ipagawa sa akin ng iglesia, ginawa ko, at kapag nakakatagpo ako ng mga problema sa gawain, gaano man kahirap o kasakit, hindi ako kailanman nagrereklamo o dumaraing. Pero sa kabila ng lahat ng pagsisikap ko, bakit si Charlotte ang napili at hindi ako? Baka naman may problema sa akin? Hindi ba ako angkop na maging lider ng distrito? Angkop lang ba ako sa paggawa ng tungkuling may iisang gampanin? Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasama ang loob ko, at hindi na ako nakapagtuon sa mga tungkulin ko.
Noong mga panahong iyon, nakaranas ng ilang paghihirap at problema ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia, at nagkataon namang ang bahaging ito ay ang mismong pangunahing pinangangasiwaan ni Charlotte. Nakikipag-usap si Charlotte sa mga kapatid kung paano lulutasin ang mga problemang ito. Kahit na labas ito sa saklaw ng aking pangangasiwa, mas matagal ko namang pinangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo, kaya nauunawaan ko ang ilan sa mga problema, at dapat ay makipagtulungan ako sa lahat para pag-usapan ang mga solusyon. Pero kapag naiisip ko na labas ito sa saklaw ng gawaing pinangangasiwaan ko, pakiramdam ko, kung talagang malulutas ko ang mga problema, tiyak na iisipin ng mga nakatataas na lider na si Charlotte ang may gawa noon, at sasabihin nilang may kapabilidad siya sa gawain. Nang maisip ko ito, ayoko nang makisali sa talakayan. Kung minsan, kahit tinatanong ako, magalang akong nagdadahilan, sinasabing, “Kayo na ang mag-usap, hindi ko gaanong alam ang tungkol diyan.” Sinasamantala ko pa nga ang mga paghihirap at problema ni Sister Charlotte, at paminsan-minsan, ibinubulalas ko ang aking sama ng loob sa mga sister sa paligid ko, sinasabing, “Hindi talaga puwedeng hindi nauunawaan ang mga prinsipyo. Sa dami ng mga problema sa gawain ngayon, paano niya masusubaybayan ang gawain at malulutas ang mga problema kung hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo?” Makikinig sila at sasang-ayon, na sinasabing, “Oo nga, hindi talaga puwedeng hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo, dahil hindi niya malulutas ang mga problema sa ganitong paraan.” Pagkarinig nito, palihim akong natutuwa sa loob-loob ko, iniisip na, “Dahil mababa ang tingin ninyo sa akin, hayaan ninyong gawin nang maayos ng kung sino mang pinili ninyo ang tungkuling ito. Tingnan ko lang kung gaano niya talaga kagaling na magagawa ang trabaho. Kapag nagkaproblema sa gawain, gagamitin ko ang mga katunayan para patunayang mali ang pinili ninyo, at ipapakita ko sa inyo ang kahihinatnan ng hindi pagpili sa akin.” Ang totoo, noong panahong iyon, napuno ako ng kadiliman at pasakit, at kapag nakikita ko ang mga problemang lumilitaw sa gawain, kung minsan ay nakokonsensiya rin ako, iniisip na dapat ay makipagtulungan ako kay Charlotte para malutas ang mga isyung ito sa lalong madaling panahon. Ilang beses kong gustong magpadala ng mensahe kay Charlotte, pero kapag naiisip ko na hindi ako ang nahalal na lider ng distrito, hindi ko malunok ang aking pride, at iniuurong ko ang mga kamay ko mula sa keyboard. Nahihirapan ang puso ko, hindi makapagpasya; napakasakit nito. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko at dapat ko itong ayusin at baguhin kaagad, pero ayokong humingi ng pagbabahaginan mula sa mga kapatid, lalo na ang isantabi ang pride ko para makipagbahaginan kay Charlotte. Kapag may mga ipinapatupad na gampanin ang mga lider, ayaw kong gawin ang mga iyon. Dahil hindi naaarok ang mga prinsipyo, namumuhay sa paghihirap ang mga kapatid ko nang walang direksyon habang ginagawa ang kanilang tungkulin. Bumaba ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo na pinangangasiwaan ko. Nakipagbahaginan sa akin ang mga nakatataas na lider at nagbigay ng gabay para tulungan akong subaybayan ang gawain ng ebanghelyo, pero lubog ako sa pag-iisip tungkol sa reputasyon at katayuan, at wala sa tungkulin ko ang isip ko. Pagdating sa mga gampaning isinaayos ng mga lider, hindi ko sinusubaybayan o ipinapatupad sa tamang oras ang mga ito. Dahil dito, patuloy na bumaba ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo, hanggang sa halos maparalisa na ito.
Hindi nagtagal, tinanggal ako. Pagkatapos, itinalaga ako ng mga lider na mangasiwa sa gawain ng ebanghelyo ng isang pangkat. Hindi ko lang hindi pinagnilayan kung bakit ako tinanggal, sa halip, nagreklamo pa ako na hindi dapat ako tinanggal ng mga lider, at patuloy akong namuhay na nakararamdam ng paglaban, na walang ganang subaybayan ang gawain. Inilantad at pinungusan ako ng superbisor dahil sa hindi ko paglutas sa mga isyu sa gawain sa tamang oras, at dahil sa napakabagal na pagsubaybay sa gawain, pero talagang hindi ito tumalab sa akin. Makalipas ang mahigit isang buwan, hindi pa rin bumuti ang gawaing pinangangasiwaan ko. Nakita ng superbisor na patuloy akong tumatangging tanggapin ang katotohanan at pagnilayan ang aking sarili, kaya tinanggal niya ako bilang lider ng pangkat. Pagkatapos nito, inilipat ako sa isang ordinaryong iglesia, at lalo pang bumagsak ang kalagayan ko. Ayaw kong makipag-usap kahit kanino, at kahit sa mga pagtitipon ay hindi ako nagsasalita. Ilang beses akong sinubukang tulungan ng mga lider, pero hindi ko sinasagot ang mga tawag nila. Lumalaban din ang kalooban ko sa lider ng pangkat na sumusubaybay sa gawain ko, at sa loob ng ilang buwan, wala akong nakuhang anumang resulta sa aking mga tungkulin. Makalipas ang apat na buwan, bigla akong kinontak at hinimay ng mga lider, sinasabing, “Iniulat ng mga kapatid na pabaya ang saloobin mo sa iyong mga tungkulin, na wala kang nakuhang anumang tunay na resulta, at may mga problema rin ang iyong pagkatao. Mula nang matanggal ka, namumuhay ka na sa isang negatibo at lumalabang kalagayan. Wala kang anumang saloobin na tanggapin ang katotohanan at hindi mo pinagnilayan ang iyong sarili. Ayon sa mga prinsipyo, kailangan kang ibukod para magnilay.” Nang malaman kong ibubukod ako, nablanko ang isip ko. Hindi ko ito naisip kailanman. Napakaraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, tinalikuran ko ang aking pamilya at karera alang-alang sa aking tungkulin, pero sa huli ay nauwi ako sa pagiging ibinukod. Nang mga araw na iyon, madalas kong naiisip ang sinabi ng mga lider noong hinimay nila ako, “Hindi ka isang taong tumatanggap ng katotohanan. May mga problema ka sa iyong pagkatao. Wala kang tunay na pagpapasakop.” Paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko ang mga salitang ito, at paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko: “Talaga kayang ako ang maling tao? Maaari kayang nagtapos na ang paglalakbay ko sa pananalig?” Pakiramdam ko ay hungkag ang puso ko, at gusto kong umiyak, pero walang luhang lumalabas. Pakiramdam ko ay wala na akong kalalabasan, at naisip ko pa ngang bumalik sa mundo. Nang gusto ko na talagang umalis, nakonsensiya nang husto ang puso ko, at naalala ko kung paano ako dating nanumpa sa Diyos, na hindi ko iiwan ang Diyos anuman ang sitwasyong kaharapin ko. Napakaraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, at napakarami ko nang kinain at ininom na salita ng Diyos at natamasang biyaya at pagpapala Niya, kaya kung aalis lang ako nang ganito, talagang wala akong konsensiya. Pero kapag naiisip kong ibinukod na ako ng iglesia, nagiging labis akong negatibo at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Noong mga panahong iyon, ayaw kong makakita ng kahit sino, at para akong isang naglalakad na patay araw-araw.
Isang araw, biglang sumakit nang sobra ang ngipin ko, at hindi tumalab ang anumang gamot na ininom ko. Sa gabi, umiiyak na lang ako mag-isa sa ilalim ng kumot, at puno ang puso ko ng di-maipaliwanag na kalungkutan at kapanglawan. Gusto kong manalangin sa Diyos, pero hiyang-hiya akong humarap sa Kanya. Pakiramdam ko ay hindi ako isang taong ililigtas ng Diyos, at hindi na ako karapat-dapat na manalangin sa Diyos. Habang lalo kong isinasara ang puso ko sa Diyos, lalong lumalala ang sakit ng ngipin ko. Ang tanging nagawa ko ay sumigaw sa puso ko: “O Diyos, O Diyos …” Sa sandaling nagbukas ang puso ko sa Diyos, lumuhod ako sa harap Niya at nanalangin, “O Diyos, sobrang sama po ng pakiramdam ko. Ayaw kong isuko ang pananalig ko sa Iyo, pero sa ngayon, hindi ko po alam kung ano ang gagawin.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). “Anumang mga kamalian ang nagawa mo, anumang mga maling pagliko ang natahak mo o gaano ka man sumalangsang, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad sa kaalaman sa Diyos. Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Naramdaman kong ginagabayan pa rin ako ng Diyos, hinihikayat ako na huwag sumuko at na magpatuloy, at nakaramdam ako ng matinding lakas sa puso ko. Nang maisip ko ito, labis akong nakonsensiya. Malinaw na ako ay naghangad ng reputasyon at katayuan, hindi lumakad sa tamang landas, at gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia. Nang hindi ako makakuha ng reputasyon o katayuan, naging negatibo ako at mapanlaban, pinabayaan ang gawain ng iglesia. Sa asal kong ito, makatwiran lang anuman ang gawin sa akin ng iglesia. Pero pagkatapos maibukod ay nanatili pa rin akong matigas ang kalooban at lumalaban, at ginusto ko pang ipagkanulo ang Diyos, hindi nauunawaan ang Kanyang puso. Nakita ko kung gaano ako kawalang-konsensiya at katwiran. Napakaraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, napakarami ko nang kinain at ininom na mga salita Niya, at alam kong ito ang tunay na daan, kaya dapat akong magpatuloy sa aking pananalig, at kahit pa wala akong magandang kalalabasan, dapat kong sundan ang Diyos hanggang sa huli. Lumapit ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “O Diyos, nagkamali po ako, at naging napakamapaghimagsik ko. Ako mismo ang may kasalanan kaya umabot ako sa puntong ito. O Diyos, handa po akong magnilay nang seryoso sa aking sarili at bumangon mula sa aking pagkakadapa. Pakiusap, huwag Mo po akong talikuran. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako, para maunawaan ko ang aking mga isyu.” Nang mga araw na iyon, paulit-ulit akong tumatawag sa Diyos nang ganito.
Sa isa sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag nadiskubre nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla silang nagiging mapanlaban. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang mailihis na sinuman, lumalabas ang pagkamuhi, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin sila ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang puso, may tendensiya na kamuhian nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; inaasam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinamumuhian din nila ang sinumang naghahangad sa katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magbayad ng halaga. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Nang makita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, labis na nabagabag ang puso ko. Pakiramdam ko, bawat pag-uugaling inilantad ng Diyos ay tila ako ang tinutukoy. Lalo na nang makita kong sinasabi ng mga salita ng Diyos na labis na pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling reputasyon at katayuan higit sa anupaman, at wala silang anumang pagpapasakop o takot sa Diyos. Pinipiga nila ang kanilang utak at gumagamit sila ng anumang paraan para magkamit ng katayuan, at sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang reputasyon at katayuan, o mawala ang suporta at paghanga ng mga tao, agad silang nagiging mapanlaban, nagiging negatibo sila at nagpapabaya sa kanilang gawain, at nagkakaroon sila ng inggit at poot sa kanilang mga puso. Hinihiling nilang magkaproblema ang gawain ng iglesia para pagtawanan ang iglesia. Pagkatapos ay tiningnan ko ang sarili kong pag-uugali—hindi ba’t ganoong-ganoon din ito? Noon, para mahalal bilang lider ng distrito at makuha ang paghanga ng mga kapatid, kapag nakikita kong nagpapadala ng mga mensahe ang mga kapatid para magtanong, nagmamadali akong sumagot, para makuha ang atensyon ng mga lider. Pero nang malaman kong si Charlotte ang nahalal na lider ng distrito, hindi ko pinagnilayan kung saan ako nagkulang. Sa halip, dahil hindi ako ang napili, at dahil hindi ko nakuha ang katayuan o ang paghanga ng mas maraming tao, lumaban ako at nangatwiran ako sa puso ko. Inisip kong mas may karanasan ako at mas matagal kong pinangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo kaysa kay Charlotte, at sa paggamit sa mga ito bilang kapital, hindi ako nasiyahan at hindi ako nakuntento, at ginamit ko ang aking mga tungkulin para ilabas ang aking mga sama ng loob. Nang makita kong nagkaproblema ang gawain ng ebanghelyo na pinangangasiwaan ni Charlotte, hindi lang ako hindi tumulong na lutasin ang mga isyu, kundi ikinatuwa ko pa ang mga kasawiang ito. Hiniling ko pa nga na sana ay hindi malutas ang mga problemang ito para makita ng mga kapatid na talagang hindi ko kasinggaling si Charlotte, at para mapahiya siya sa harap nila. Hindi lang iyon, inilabas ko rin ang aking sama ng loob sa mga sister sa paligid ko. Pinanghawakan ko ang ilang maliliit na isyu sa mga tungkulin ni Charlotte, at sa kanyang likuran, hinusgahan ko na wala siyang mga kapabilidad sa gawain, umaasang papanig sa akin ang mga kapatid at iisipin nilang nagkamali ang iglesia sa pagpili at binalewala nito ang aking mga talento. Nakita ko na wala akong anumang pakundangan sa paghahangad ko ng reputasyon at katayuan, at na ang disposisyon ko ay mapaminsala at malupit. Kahit noong matapos akong tanggalin, hindi ko lang hindi pinagnilayan o kinilala ang aking sarili, kundi patuloy pa rin akong lumaban at tumangging magpasakop, at kapag sinusubukan akong kausapin ng mga lider para makipagbahaginan, ayaw kong tumugon. Talagang wala akong pusong nagpapasakop o may takot sa Diyos, at lalong wala akong anumang saloobin na hangarin o tanggapin ang katotohanan. Sa sandaling iyon, bigla kong napagtanto na ang hindi pagkahalal bilang lider ay isa palang proteksyon para sa akin. Dahil malupit ang disposisyon ko at masyado akong nakatuon sa katayuan, nang hindi ako makakuha ng katayuan, naging mapoot ako, pinagtawanan ko ang iba, at hinusgahan at siniraan ko pa nga sila. Kung talagang nagkaroon ako ng katayuan, ang sinumang hindi makikinig sa akin ay tiyak na susupilin at ibubukod ko, at makakagawa ako ng mas malalaki pang kasamaan. Nang pagnilayan ko ito, saka ko lang napagtanto kung gaano kapanganib ang aking sitwasyon. Pero ganap akong walang kamalay-malay at nanatili akong matigas ang kalooban at ayaw sumuko. Kung hindi dahil sa pagkakabukod sa akin, nanatili sana akong matigas ang ulo at hindi nagsisisi. Lumapit ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “O Diyos, salamat po sa Iyong gabay. Ngayon ay may kaunti na akong pagkaunawa sa aking sarili, at nakikita kong nakatayo ako sa gilid ng isang bangin. Ang hindi ko pagkakatiwalag ay awa Mo na at pagbibigay Mo sa akin ng pagkakataong magsisi. O Diyos, handa po akong tunay na magsisi. Pakiusap, gabayan Mo po ako na makilatis ang diwa at mga kahihinatnan ng paghahangad ng katayuan.”
Sa isa sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nakapaloob sa kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o ang lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay at ang kanilang panghabambuhay na layon. … Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Kung kaya’t para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan; ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang makamit ang katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang kasikatan, pakinabang, o katayuan, na walang tumitingala sa kanila, nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Hindi ba’t wala na akong pag-asa?’ Madalas na kinakalkula nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso. Kinakalkula nila kung paano sila makalilikha ng sariling puwang sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, kung paano nila mapapakinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at mapapasuporta sa kanila kapag kumikilos sila, kung paano nila mapapasunod sa kanila ang mga tao nasaan man sila, at kung paano sila magkakaroon ng maimpluwensiyang tinig sa iglesia, at ng kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang paghahangad ng isang anticristo sa reputasyon at katayuan ay hindi pansamantala, at ito ay isang bagay na nasa kanilang kalikasan at diwa. Ginagawa ng mga anticristo na layon sa buhay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan. Naniniwala sila na sa pagkakamit ng reputasyon at katayuan, nakakamit nila ang lahat, at kapag nawala sa kanila ang reputasyon at katayuan, nawawalan ng kahulugan ang buhay. Napagtanto kong ganoon din pala ako. Mula pagkabata, namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na “Gawing pakay na mamukod-tangi at magpakahusay” at “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Sa eskuwelahan, nagsikap akong maging nangungunang estudyante at pinakamagaling sa klase, at inakala kong dahil dito ay hahangaan ako ng aking mga guro at kaklase. Pagkatapos kong ikasal, nang makita kong mas nakakaangat sa buhay ang maraming kamag-anak at kapitbahay sa panig ng asawa ko, ayaw kong magpahuli. Hindi nagtagal pagkatapos ng kasal, nagbukas ako ng negosyo kasama ang aking asawa, gusto kong maging isang mayaman sa aming nayon, at mamukod-tangi sa karamihan. Matapos kong matagpuan ang Diyos, ginawa ko pa ring layon ng aking paghahangad ang reputasyon at katayuan, iniisip na sa pagiging isang lider, lalawak ang saklaw ng aking mga responsabilidad, at mas maraming tao ang hahanga at titingala sa akin. Naniwala akong ito ang tanging paraan para mamuhay nang makabuluhan at may halaga. Para magkamit ng katayuan at paghanga, piniga ko ang aking utak sa pagsisikap. Pero nang hindi ako nahalal bilang lider at hindi ko nakuha ang paghanga at suporta ng mga kapatid, hindi ako nasiyahan at hindi ako nakuntento, at hinusgahan ko ang bagong halal na lider ayon sa gusto ko. Kahit nang makakita ako ng mga problema sa gawain ng ebanghelyo, binalewala ko ang mga ito, at pinagtawanan ko pa ang iba. Nang matanggal ako bilang superbisor, patuloy akong naging negatibo at mapanlaban, at kapag sinusubaybayan ng iba ang gawain ko, lumalaban din ako. Kahit nang ibukod ako, hindi ko pinagnilayan ang aking sarili, at naisip ko pang ipagkanulo ang Diyos at iwan ang Kanyang sambahayan. Nakita kong lumalakad na pala ako sa landas ng isang anticristo. Sa sandaling iyon, naramdaman ko mula sa kaibuturan ng aking puso na labis akong napinsala ng paghahangad ng reputasyon at katayuan. Sa paghahangad ko ng reputasyon at katayuan, nawalan ako ng pinakapundamental na pagkatao at katwiran. Nagdala ako ng pagkagambala sa gawain ng iglesia at pinsala sa mga taong nasa paligid ko; ang paghahangad ko ng reputasyon at katayuan ay lalo lamang maglalayo sa akin sa Diyos, at magiging dahilan para lalo akong mawalan ng wangis ng tao. Nang maisip ito, nakaramdam ako ng pagnanais na mabilis na maiwaksi ang paghahangad na ito sa reputasyon at katayuan, at nagkaroon ako ng determinasyong hangarin ang katotohanan.
Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas—kabaligtaran mismo ng paghahangad sa katotohanan ang direksyong iyon. Sa kabuuan, anuman ang direksyon o layon ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad ng katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ito, maaapektuhan niyon ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, ganap itong magkakaroon ng kapabilidad na kontrolin at impluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang layon ng paghahangad mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman magawang isuko ang paghahangad mo ng katayuan, maaapektuhan nito ang abilidad mong gawin ang iyong tungkulin sa paraan na pasok sa pamantayan, kaya talagang mahihirapan kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng katiwalian ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay antagonistiko sa Diyos? Hindi inorden ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libo-libong tao. Kung kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para maghangad ng katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano man kalaki ang halagang bayaran mo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kalalabasan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi ka sa walang kahahantungan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas, at ito ang pinakakinamumuhian ng Diyos. Nagbibigay ang Diyos sa mga tao ng mga tungkulin, hindi ng katayuan, at ang Kanyang layunin ay para maging pasok sa pamantayan ang mga tao bilang mga nilikha, hindi para maging mga indibidwal na may katayuan at katanyagan ang mga tao. Kung patuloy na hahangarin ng mga tao ang reputasyon at katayuan, salungat ito sa mga hinihingi ng Diyos, at sa diwa, ito ay pagsalungat sa Diyos, at ang huling kalalabasan nito ay ang mabunyag at maitiwalag ng Diyos. Sa pagninilay sa aking nakaraang pagseserbisyo bilang superbisor ng gawain ng ebanghelyo, nakita kong marami akong responsabilidad, pero hindi ako tumuon sa kung paano gagawin nang maayos ang aking pangunahing gawain. Sa halip, hindi ako nakuntento, gusto kong mahalal bilang lider ng distrito para magkamit ng mas mataas na katayuan, at hangaan ng mas maraming tao. Naisip ko ang arkanghel noong simula. Ginawa ito ng Diyos na pinuno ng mga anghel, pero hindi ito nakuntento at ginusto nitong maging kapantay ng Diyos, at sa huli, ibinagsak ito ng Diyos sa himpapawid. Ang pag-uugali ko ay katulad na katulad ng sa arkanghel; palagi kong gustong magkaroon ng mas mataas na posisyon, para mas maraming tao ang humanga at sumamba sa akin. Sa diwa, nakikipag-agawan ako sa Diyos para sa mga tao, gusto kong magkaroon ng puwang sa kanilang mga puso. Nang hindi ako nahalal bilang lider ng distrito at hindi natupad ang aking mga ambisyon at pagnanais, hindi ako nakuntento at hindi ako nasiyahan, at hindi ako nagpasakop sa sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, at ibinunton ko ang aking mga sama ng loob sa gawain at sinalungat ang Diyos. Inilabas ko ang aking sama ng loob kahit na mapinsala nito ang gawain ng iglesia, at ito ay paglaban sa Diyos! Sa sandaling iyon, nagsimula akong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa sinabi ng Diyos na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay walang patutunguhan. Nang maisip ko ito, labis akong nagpasalamat para sa sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa akin. Kung hindi ako naibukod, hindi ako magigising sa tamang oras, at hindi ko malalaman ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad ng reputasyon at katayuan. Ang hindi pagtitiwalag sa akin ng iglesia at ang pagbukod lamang sa akin ay awa na ng Diyos sa akin.
Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nalaman ko kung paano ko dapat tratuhin ang katotohanang hindi ako nahalal bilang lider ng distrito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung ang tingin mo sa sarili mo ay nababagay kang maging isang lider, nagtataglay ng talento, kakayahan, at pagkatao para sa pamumuno, subalit hindi ka inaangat ng sambahayan ng Diyos at hindi ka inihahalal ng mga kapatid, paano mo dapat harapin ang bagay na ito? May landas ng pagsasagawa rito na maaari mong sundan. Dapat lubusan mong kilalanin ang iyong sarili. Tingnan mo kung ang talagang isyu ay na may problema ka sa iyong pagkatao, o na ang pagbubunyag ng ilang aspekto ng iyong tiwaling disposisyon ay nakakasuklam sa mga tao; o kung hindi mo ba taglay ang katotohanang realidad at hindi ka kapani-paniwala sa iba, o kung hindi ba pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Dapat mong pagnilayan ang lahat ng bagay na ito at tingnan kung saan ka mismo nagkukulang. … Dapat mong hangarin ang buhay pagpasok, lutasin muna ang maluluho mong pagnanais, bukal sa loob na maging tagasunod, at tunay na magpasakop sa Diyos, nang walang salita ng pagrereklamo sa kung anuman ang pinamamatnugutan o isinasaayos Niya. Kapag taglay mo ang ganitong tayog, darating ang oportunidad mo. Isang mabuting bagay na nais mong humawak ng mabigat na pananagutan, at na mayroon ka ng pasaning ito. Ipinapakita nito na mayroon kang maagap na puso na naghahangad na makausad at na gusto mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ito isang ambisyon, kundi isang tunay na pasanin; responsabilidad ito ng mga naghahangad ng katotohanan at ang pakay ng kanilang paghahangad. Wala kang mga makasariling motibo at hindi ka naghahangad para sa sarili mong kapakanan, kundi para magpatotoo sa Diyos at mapalugod Siya—ito ang pinakapinagpapala ng Diyos, at gagawa Siya ng mga angkop na pagsasaayos para sa iyo. … Ang layunin ng Diyos ay ang magkamit pa ng mas maraming tao na maaaring magpatotoo para sa Kanya; ito ay para gawing perpekto ang lahat ng nagmamahal sa Kanya, at para gawing ganap ang isang grupo ng mga taong kaisa Niya sa puso at isip sa lalong madaling panahon. Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, may magagandang kinabukasan ang lahat ng naghahangad sa katotohanan, at ang kinabukasan ng mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos ay walang limitasyon. Dapat maunawaan ng lahat ang layunin ng Diyos. Isang positibong bagay talaga ang magkaroon ng pasaning ito, at ito ay isang bagay na dapat taglayin ng mga may konsensiya at katwiran, pero hindi ibig sabihin na ang lahat ay magagawang humawak ng mabigat na pananagutan. Saan ito nagkakaiba? Anuman ang iyong mga kalakasan o kakayahan, at gaano man kataas ang iyong IQ, ang pinakamahalaga ay ang iyong paghahangad at ang landas na tinatahak mo” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (6)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paghalal ng iglesia ng mga lider ay batay sa mga prinsipyo. Bilang isang lider, dapat ay may kakayahan ang isang tao na makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, at dapat ding pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao. Dapat din ay mayroon siyang ilang kapabilidad sa gawain at hinahangad niya ang katotohanan. Kung hindi hinahangad ng taong ito ang katotohanan at mali ang landas na kanyang tinatahak, kahit na maging lider siya, hindi siya magtatagal. Pero hinusgahan ko kung puwede bang maging lider ang isang tao batay lamang sa saklaw ng mga tungkuling hawak niya, kung gaano karaming pagdurusa ang tiniis niya, at kung gaano katagal siyang nagsanay. Ang mga pamantayan ko ay ganap na hindi naaayon sa mga salita ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, kahit na matagal akong nagsanay sa pangangaral ng ebanghelyo, at may nauunawaan akong ilang prinsipyo sa pangangaral ng ebanghelyo, at bumubuti ang mga resulta ng gawain ko bawat buwan, hindi ko pinagtuunan ang aking buhay pagpasok, at kuntento na ako sa pagiging abala araw-araw. Bihira akong magnilay at bihira kong kilalanin ang aking sarili sa mga bagay na nararanasan ko, at bihira kong pagnilayan ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi talaga ako isang taong nagmamahal o naghahangad sa katotohanan. Ang pangunahing responsabilidad ng isang lider ay akayin ang mga kapatid na maunawaan ang katotohanan, pumasok sa mga salita ng Diyos, at danasin ang gawain ng Diyos. Hindi ako tumuon sa pagninilay at pagkilala sa aking sarili, kundi sa panlabas na gawain lamang, kaya hindi ako kalipikadong maging isang lider. Kung talagang nahalal ako bilang lider pero hindi ko naman kayang gumawa ng aktuwal na gawain, hindi ba’t magiging huwad na lider ako? Bukod pa rito, para maging isang lider, kailangang pangasiwaan ng isang tao ang lahat ng aspekto ng gawain at magkaroon ng ilang kapabilidad sa gawain. Pinangangasiwaan ko lang ang gawain ng ebanghelyo noong panahong iyon, at kung minsan, kapag napakarami nang gampanin, hindi ko na ito kayang asikasuhin. Wala talaga akong kakayahan o kapabilidad sa gawain para maging isang lider. Lider na si Charlotte noon pa man, at mas malinaw siyang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan kaysa sa akin, at kahit na kulang siya sa karanasan sa pangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, mabuti naman ang kanyang intensyon, at handa siyang magsagawa at matuto, at ang paghalal sa kanya bilang lider ay mas angkop na pagpili, at dapat kong suportahan ang gawain ni Charlotte. Matapos pagnilayan ang bagay na ito, mas naging panatag na ang loob ko sa hindi pagkahalal bilang lider.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangang panatilihin ng isang tao ang kanyang sariling posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag hangarin na maging isang dakilang tao, isang superman, o isang engrandeng indibidwal, at huwag hangarin na maging Diyos. Ito ang hindi dapat naisin ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang mahalaga, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging layon na dapat hangarin ng lahat ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). “Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking pagsisikap, ni gumampan ng anumang dakilang gawain. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matatag kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang iyong naunawaan, isakatuparan mo ang iyong naintindihan, tandaan mong mabuti ang iyong narinig, at kapag dumating ang panahon ng pagsasagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. … Kailangang maging malinaw sa inyong lahat kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng gawain ng Diyos, at kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagliligtas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na lumapit sa harapan Niya, makinig sa mga salita Niya, tanggapin ang katotohanan, iwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, at magsagawa ayon sa sinasabi at inaatas ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, sa halip na sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at mga satanikong pilosopiya, o ang maghangad ng ‘kaligayahan’ ng tao. Sinomang hindi nakikinig sa mga salita ng Diyos o hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit namumuhay pa rin, nang walang pagsisisi, ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at nang may satanikong disposisyon, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay hindi maliligtas ng Diyos. Sumusunod ka sa Diyos, pero siyempre, ito ay dahil hinirang ka rin ng Diyos—pero ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang baguhin ka at gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na tunay na sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, at nagagawang sundan ang daan ng Diyos; isang taong iwinaksi ang kanyang satanikong disposisyon, hindi na sumusunod kay Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Kung sumusunod ka sa Diyos at gumaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan, subalit nilalabag mo ang katotohanan sa lahat ng aspekto, at hindi ka nagsasagawa o dumaranas ayon sa Kanyang mga salita, at marahil ay nilalabanan mo pa Siya, matatanggap ka kaya ng Diyos? Siguradong hindi. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa bagay na ito? Hindi talaga mahirap ang gampanan ang iyong tungkulin, ni hindi ito mahirap gawin nang tapat, at sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos nang matapat at matatag, nang hindi idinaragdag ang sarili mong mga ideya o isinasagawa ang sarili mong proyekto, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, halos magkakaroon sila ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at naging matapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Magkakasundong Pagtutulungan). Hinihiling sa atin ng Diyos na umasal tayo nang matapat at matatag, na manatili tayo sa posisyon ng isang nilikha, at panghawakan natin ang ating mga tungkulin. Ito ang mga layong dapat nating hangarin, at ito ang wangis na dapat taglayin ng isang tunay na tao. Kung hindi kailanman hahangarin ng isang tao ang katotohanan at hindi ito kailanman tatanggapin, gaano man kataas ang kanyang maging katayuan o katanyagan, sa mga mata ng Diyos, siya ay mababa at walang halaga, at hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Isa akong buhay na halimbawa nito. Malawak din ang saklaw ng aking mga responsabilidad noon, pero hinangad ko lang ang reputasyon at katayuan para makuha ang paghanga ng mga tao, at hindi ko hinangad ang katotohanan. Nang hindi ako nahalal bilang lider ng distrito at hindi ko nakuha ang paghanga at suporta ng mas maraming tao, hindi ako nakapagpasakop, at ginamit ko ang gawain para ilabas ang aking mga sama ng loob, at hindi ko namalayan, nauwi ako sa paglakad sa landas ng paglaban sa Diyos at natanggal ako. Naisip ko rin kung paanong ang ilang anticristo ay may mataas na katayuan at ang ilan sa kanila ay mga lider, pero hinangad nila ang reputasyon at katayuan, hindi ang katotohanan. Ginawa nila ang kanilang mga tungkulin nang hindi hinahanap ang mga prinsipyo. Lubos silang tumangging tanggapin ang pagpupungos, at sa huli, dahil sa kanilang maraming masasamang gawa, sila ay pinatalsik at itiniwalag ng iglesia. Mula sa mga katunayang ito, mas malinaw kong nakita ang katuwiran ng Diyos. Kung may katayuan ba ang isang tao o kung hinahangaan ba siya ng mga tao ay hindi mahalaga, dahil hindi mapagpapasyahan ng mga bagay na ito ang lahat. Hindi matutulungan ng reputasyon at katayuan ang isang tao na maunawaan ang katotohanan at maligtas, dahil sinusukat at tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa kung makapagkakamit ba ito sa huli ng katotohanan, hindi batay sa kung gaano kataas ang kanyang katayuan. Kung nanampalataya ako sa Diyos para lang hangarin ang paghanga ng iba nang hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi ako tumuon sa paghahanap ng katotohanan para tugunan ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na naranasan ko, kahit pa manampalataya ako hanggang sa huli ay ititiwalag pa rin ako. Sa pamamagitan lamang ng pagtupad sa mga tungkulin at pagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos nagiging mahalaga ang isang tao sa mga mata ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, makatwirang tinutukoy ng iglesia kung anong mga tungkulin ang angkop sa bawat tao at itatalaga sila nang naaayon, batay sa kanilang mga kalakasan at kakayahan. Dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, manatili sa aking tamang posisyon, at gawin ang lahat ng aking makakaya sa kasalukuyan kong tungkulin. Kahit na ako pa ang pinakamaliit sa lahat sa isang sulok, dapat kong panghawakan ang aking tungkulin at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Matapos magkaroon ng ganitong pagkaunawa, mas naging panatag at malaya ang pakiramdam ko, at nagawa kong harapin nang wasto ang sitwasyong ito. Kaya, lumapit ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “O Diyos, handa na po akong magpasakop sa sitwasyong isinaayos Mo. May humanga man sa akin o wala, anuman ang katayuan ko sa gitna ng iba, kahit pa hindi kapansin-pansin ang tungkulin ko, kahit pa ilagay ako sa isang sulok, dapat ko pa ring tuparin ang aking tungkulin at gawin ang lahat ng aking makakaya.” Madalas akong tahimik na nananalangin sa Diyos nang ganito sa puso ko. Dahan-dahan, ang dati kong negatibo, pasibo, at lumalabang mga damdamin ay unti-unting nabawasan, bumuti rin ang kalagayan ko, at unti-unting bumuti ang mga resulta ng mga tungkulin ko.
Hindi nagtagal, hiniling sa akin ng mga lider na maging lider ng pangkat at pangasiwaan ang pagtitipon ng isang maliit na grupo. Labis akong nagpapasalamat, pinasasalamatan ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng isa pang pagkakataong magsanay. Nagkataon na ang isang sister na dati kong pinangasiwaan ay nahalal bilang isang lider ng iglesia, at nakaramdam ako ng kaunting pagkadismaya, iniisip kung paanong isa lang akong lider ng pangkat at wala sa akin ang ningning na kaakibat ng pagiging isang lider ng iglesia, at nag-alala ako kung ano ang magiging tingin sa akin ng iba. Napagtanto kong muling sumusulpot ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangang panatilihin ng isang tao ang kanyang sariling posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). “Hindi inorden ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libo-libong tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, lumiwanag ang puso ko, at napagtanto kong habang nangyayari sa akin ang bagay na ito, sinisiyasat ng Diyos ang aking puso. Noon, palagi kong gustong tingalain ako at mas pinahalagahan ko pa ang reputasyon at katayuan kaysa sa buhay mismo. Nang hindi ako nahalal bilang lider ng distrito, nagawa kong pabayaan ang aking tungkulin at pagtawanan ang aking mga kapatid, na nakaantala sa gawain ng iglesia. Ito ay isang walang hanggang mantsa sa akin at isang permanenteng pasakit sa puso ko. Malinaw kong naunawaan na kumpara sa katayuan, mas mahalaga ang mga responsabilidad. Sa pagkakataong ito, hindi ko na maaaring hangarin ang katayuan tulad ng dati, determinado akong gawin nang maayos ang aking tungkulin. Kahit pa ilagay ako sa pinakahamak na sulok, gagawin ko pa rin nang maayos ang aking tungkulin, magiging isa akong nilikha na totoo at tumutupad sa tungkulin, at babawi ako para sa aking pagkakautang noong nakaraan. Hindi na puwedeng maging katatawanan ako ni Satanas, lalo na ang biguin ko ang Diyos. Mula noon, sa aking tungkulin ay kusa na akong nakipagtulungan sa mga lider. Nagtanong ako kung anong mga problema sa grupo ang nangangailangan ng tulong ko para malutas, at kung minsan, kapag hinihiling sa akin ng mga lider na alamin ang kalagayan ng mga kapatid, maagap ko itong ginagawa. Napanatag ako sa pagsasagawa sa ganitong paraan. Kalaunan, narinig kong ipo-promote ang ilang kapatid sa paligid ko, na ang ilan ay mga indibidwal pa ngang dati kong pinangasiwaan. Bagama’t medyo nabagabag ako, nanalangin ako sa Diyos at hinarap ko nang tama ang bagay na ito. Nang makita ko ang ilang kapatid na nakakaranas ng mga paghihirap, ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para makipagbahaginan at tulungan sila, at lalo pang bumuti nang bumuti ang mga resulta ng gawain namin. Makalipas ang ilang panahon, sinabi sa akin ng lider ng iglesia na tinanggap na akong muli sa iglesia. Pagkarinig ng balitang ito, may di-maipaliwanag na pakiramdam sa puso ko. Sobrang naantig ang damdamin ko, pero higit pa roon, nakonsensiya ako. Inilagay ako ng Diyos sa sitwasyong ito hindi para pahirapan ako o pagtawanan, kundi para tulungan akong makilala ang aking mga problema at itama ang mga ito sa tamang oras. Pero noong una, hindi ko kilala ang aking sarili at muntik ko nang iwan ang Diyos. Nang maisip ko ito, gusto ko na lang sampalin ang sarili ko. Lumapit ako sa harap ng Diyos at taos-pusong inialay sa Kanya ang aking pasasalamat at papuri.
Matapos maranasan ang mga bagay na ito, tunay kong napagtanto na sa anumang mga sitwasyon ilagay ng Diyos ang mga tao, palaging may pag-asa na tunay na magsisisi ang mga tao at lalakad sa tamang landas. Kahit pa tanggalin o ibukod ang isang tao, hindi ito kailanman inaabandona ng Diyos kundi patuloy itong ginagabayan at inaalagaan. Gumagamit Siya ng iba’t ibang paraan upang gisingin ang puso ng mga tao at pabalikin sila. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Nang patuloy akong naghimagsik at lumaban sa Diyos, dumating sa akin ang Kanyang poot. Mahigpit Niya akong pinungusan at dinisiplina sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid ko, at isinantabi ako; sa sandaling handa na akong magsisi sa harap Niya, ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para patuloy akong bigyang-liwanag at gabayan; nang tunay akong bumalik sa Diyos at nagsagawa ayon sa Kanyang mga salita, muli akong tinanggap ng iglesia. Ang disposisyon ng Diyos ay buhay na buhay at tunay, at ang Kanyang puso sa pagliligtas sa mga tao ay taos-puso at mabuti. Salamat sa Diyos!