57. Ang Aking Natamo sa Pagkakatalaga sa Ibang Tungkulin

Ni Caili, Tsina

Noong Enero 2024, sinulatan ako ng lider ng distrito at hiniling niya sa akin na maging lider ng pangkat ng pagdidilig. Nagsimulang magtalo ang kalooban ko, at naisip ko, “Bilang lider ng pangkat ng pagdidilig, magiging responsable ako sa gawain ng pagdidilig sa humigit-kumulang labindalawang iglesia. Siguradong napakaabala at nakakapagod niyan! Ngayon, responsable lang ako sa gawain ng pagdidilig sa dalawang iglesia, kaya hindi masyadong pagod ang laman ko. Ayos na ito. Isa pa, may cervical spondylosis ako. Dati, nagkaroon ako ng cervical disc herniation na umipit sa mga nerve ko at nagdulot ng pamamanhid sa mahigit kalahati ng katawan ko, pagkahilo dahil sa kulang na suplay ng dugo sa utak, hirap matulog sa gabi, at pananakit ng puso. Kahit na medyo maayos na ako ngayon, napakalaking aalalahanin naman ang maging responsable para sa gawain ng pagdidilig sa napakaraming iglesia! Dati, nagkaroon ako ng ilang sakit dahil sa madalas na pagpupuyat. Magiging napakabigat ng workload na ito. Paano kung magkasakit ako dahil sa sobrang pagod? Kapag hindi ko na magawa kahit ang kasalukuyan kong mga tungkulin, maliligtas pa kaya ako sa hinaharap? Hindi, kailangan kong maging matalino. Hindi ako dapat maging masyadong masigasig sa paggawa ng mga tungkulin ko.” Nang maisip ko ito, sinabi ko sa lider, “Mahina ang kapabilidad ko sa gawain, at hindi ko kayang akuin ang ganoon karaming gawain. Mas mabuting humanap na lang kayo ng iba na mas angkop.” Pagkalipas ng ilang araw, sumulat ulit sa akin ang lider para makipagbahaginan, na sinasabing, “Nakikita mo rin naman na hindi maganda ang mga resulta ng ating gawain ng pagdidilig. Maraming tagadilig ang kasisimula pa lang magsanay. Hindi sila pamilyar sa gawain at kailangan pa ng paglilinang. Matagal mo nang ginagawa ang tungkuling ito at may karanasan ka na rito. Sa panahong ito, dapat mong isaalang-alang ang layunin ng Diyos at akuin ang pasaning ito. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa atin. Basta’t ibigay natin ang lahat ng ating makakaya, masisiyahan na Siya.” Pagkabasa ko sa sulat ng sister, labis akong nakonsensiya. Maraming baguhan ang sumasali sa iglesia, at talagang kailangan namin ng mga taong gagawa ng gawain ng pagdidilig. Dapat sana ay binitiwan ko na ang sarili kong mga makalamang interes at tinanggap ang tungkuling ito.

Naisip ko ang pagbabahagi ng Diyos tungkol kay Noe at sa saloobin nito sa atas ng Diyos, kaya hinanap ko ang siping iyon para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Habang binubuo ang arka, ang unang nakaharap ni Noe ay ang kawalan ng pag-unawa ng kanyang pamilya, ang kanilang pangungulit, mga reklamo, at maging ang kanilang pang-aalipusta. Pumapangalawa rito ang paninira, panlalait, at paghusga ng mga nakapaligid sa kanya—ng kanyang mga kamag-anak, ng kanyang mga kaibigan, at ng lahat ng klase ng ibang tao. Ngunit iisa lamang ang naging saloobin ni Noe, ang sumunod sa mga salita ng Diyos, at ipatupad ang mga iyon hanggang sa kahuli-hulihan, at hinding-hindi nag-alinlangan rito. Ano ang napagpasyahan ni Noe? ‘Hangga’t buhay ako, hangga’t nakagagalaw pa ako, hindi ko tatalikuran ang atas ng Diyos.’ Ito ang nagganyak sa kanya nang isagawa niya ang malaking trabaho na buuin ang arka, gayundin ang kanyang saloobin nang ilahad sa kanya ang mga utos ng Diyos, at matapos marinig ang mga salita ng Diyos. Nahaharap sa lahat ng uri ng problema, mahihirap na sitwasyon, at mga hamon, hindi umurong si Noe. Noong madalas na nabigo at nasira ang ilan sa kanyang mas mahihirap na gawaing pang-inhinyero, kahit nahihirapan ang kalooban ni Noe at nababalisa siya sa kanyang puso, nang maisip niya ang mga salita ng Diyos, nang maalala niya ang bawat salitang iniutos sa kanya ng Diyos, at ang pagtataas sa kanya ng Diyos, madalas siyang nakararamdam ng matinding pagganyak: ‘Hindi ako puwedeng sumuko, hindi ko maaaring iwaksi ang iniutos at ipinagkatiwala ng Diyos na gawin ko; atas ito ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito, dahil narinig ko ang mga salitang sinambit ng Diyos at ang tinig ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito mula sa Diyos, dapat akong ganap na magpasakop, na siyang dapat makamit ng isang tao.’ Kaya, anumang uri ng mga hirap ang nakaharap niya, anumang uri ng pangungutya o paninira ang naranasan niya, gaano man kapagod ang kanyang katawan, gaano man kapagal, hindi niya tinalikuran ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at patuloy niyang isinaisip ang bawat isang salita na sinabi at iniutos ng Diyos. Paano man nagbago ang kanyang mga kapaligiran, gaano man kalaking hirap ang kanyang nakaharap, nagtiwala siya na walang alinman dito ang magpapatuloy panghabambuhay, na ang mga salita lamang ng Diyos ang hinding-hindi lilipas, at iyon lamang iniutos ng Diyos na gawin ang siguradong maisasakatuparan. May tunay na pananalig si Noe sa Diyos, at pagpapasakop na nararapat niyang taglayin, at patuloy niyang binuo ang arka na hiningi ng Diyos na buuin niya. Araw-araw, taun-taon, tumanda si Noe, ngunit hindi nabawasan ang kanyang pananalig, at hindi nagbago ang kanyang saloobin at determinasyon na kumpletuhin ang atas ng Diyos. Bagama’t may mga pagkakataon na pagod at pagal na ang kanyang katawan, at nagkasakit siya, at sa kanyang puso ay mahina siya, hindi nabawasan ang kanyang determinasyon at tiyaga na tapusin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Sa mga taon na binuo ni Noe ang arka, isinagawa ni Noe ang pakikinig at pagpapasakop sa mga salitang sinabi ng Diyos, at isinagawa rin niya ang mahalagang katotohanan na ang isang nilikha at ordinaryong tao ay kailangan kumpletuhin ang atas ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus). Talagang naantig ako sa karanasan ni Noe. Nakita ko na noong inutusan ng Diyos si Noe na gumawa ng arka, napakadalisay ng puso ni Noe. Nakinig siya sa mga salita ng Diyos at nagpasakop sa Diyos. Kahit nang maharap sa napakalaking gampanin na gumawa ng arka, hindi siya tumanggi o sumubok na iwasan ito, at hindi niya kailanman sinabi na masyado na siyang matanda para gumawa ng arka. Sa halip, makatwiran niyang binitiwan ang gawaing mayroon siya noon at nagsimula siyang maghanda ng iba’t ibang materyales para gawin ang arka. Marami ring paghihirap na naranasan si Noe habang ginagawa ang arka. At saka, patanda na siya nang patanda. Napapagod at nanghihina ang katawan niya kapag labis siyang nagtatrabaho, at nagdusa rin siya sa sakit at kirot, pero hindi kailanman nabawasan ang determinasyon niyang gawin ang arka. Palagi niyang isinasaisip ang atas ng Diyos, at sa huli, sumandig siya sa Diyos para matapos ang arka. Nang ikumpara ko rito ang sarili ko, talagang hiyang-hiya ako at nakokonsensiya. Napakarami ko nang napakinggang salita ng Diyos, at nilinang ako ng iglesia sa loob ng maraming taon. Hindi magaganda ang resulta ng gawain ng pagdidilig, at hiniling sa akin ng lider na maging responsable para dito, pero ayaw ko itong tanggapin. Nag-aalala ako na hindi kakayanin ng katawan ko ang stress at pagod sa isip dahil sa bigat ng trabaho at na baka lumala ang mga sakit ko, kaya naghanap ako ng iba’t ibang dahilan para tumanggi. Kung mayroon lang sana akong kahit katiting na katwiran, dapat sana ay inako ko na ang tungkuling ito nang walang tinatalakay na mga kondisyon o dahilan. Pero, itinuring kong pasanin ang tungkulin, at ayaw kong mag-alala o pagurin ang aking isip dahil sa takot na mapagod ako nang sobra. Wala talaga akong pusong nagpapasakop sa Diyos, lalo na ng anumang pagsasaalang-alang sa Kanyang layunin. Napakalayo ko talaga kumpara kay Noe! Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, handa na akong matuto kay Noe, magpasakop, bitiwan ang sarili ko, maghimagsik laban sa laman, at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Pagkatapos, sinagot ko ang sulat ng lider at sinabing handa akong gawin ang tungkuling ito.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang aking sarili, nagtanong na: “Bakit ba palagi kong isinasaalang-alang ang aking karamdaman at pananakit ng laman, at tumatanggi pa nga na gawin ang tungkulin ko? Anong tiwaling disposisyon ang kumokontrol sa akin?” Sakto namang nagpadala sa akin ang lider ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay unti-unting sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila kulang sa tibay ng kalooban at determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng madidilim na impluwensiya. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Inilalantad ng Diyos na sa sandaling magawang tiwali ni Satanas ang mga tao, napupuno sila ng iba’t ibang satanikong lason. Umaasa sila sa mga kaisipang itinanim sa kanila ni Satanas sa kanilang mga kilos at asal, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Tratuhin mong mabuti ang sarili mo,” at iba pa. Habang namumuhay ako ayon sa mga satanikong panuntunang ito ng pag-iral, lalo akong nagiging makasarili at kasuklam-suklam, at sarili ko lang na mga interes ang isinasaalang-alang ko sa aking mga salita at gawa. Alam na alam ko na walang angkop na mga tao para linangin ang mga tagadilig, at hindi malutas kaagad ang mga problema ng mga baguhan, na lubhang nakaapekto sa gawain ng pagdidilig. Pero, gusto ko lang pumili ng madadaling gampanin at umiwas sa mabigat na gawain, at ayaw kong akuin ang pasaning ito. Palagi kong gustong mamili ng magagaang tungkulin na gagawin. Pakiramdam ko, bilang isang taong may sakit, kailangan kong bigyang-pansin ang pag-aalaga sa kalusugan ko sa hinaharap at hindi ko na puwedeng pagurin nang sobra ang sarili ko. Nagsisi pa nga ako na hindi ko trinato nang mabuti ang sarili ko noon at nagpuyat ako, na nag-iwan sa akin ng ilang sakit. Naisip ko na ngayon ay kailangan kong maging mas matalino at hindi ako puwedeng maging sobrang masigasig sa paggawa ng mga tungkulin ko. Hindi ko isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, sa halip, ang sarili kong laman ang iniisip ko sa bawat pagkakataon. Naging mapanlinlang pa nga ako, nagbigay ng sandamakmak na dahilan para iwasan ang tungkulin ko at ni katiting ay hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Ang lahat ng naisip ko ay talagang makasarili at kasuklam-suklam, walang anumang pagkatao! Dati, nanalangin pa ako sa Diyos at gumawa ng isang pasya na palagi kong gagawin nang maayos ang tungkulin ko at palulugurin ang Diyos sa lahat ng oras. Pero ngayon, nang dapuan ako ng kaunting sakit at kirot, isinaalang-alang ko ang laman at nawalan ako ng determinasyong gumawa. Napagtanto ko na lahat ng sinabi ko sa Diyos ay mga kasinungalingan at panlilinlang, at hindi nagpakita ng katapatan. Dati, nakipagbahaginan pa nga ako sa mga baguhan tungkol sa kahulugan ng paggawa ng mga tungkulin, at sinabi kong, “Napakahalaga ng paggawa ng iyong tungkulin. Maaari mong matamo ang katotohanan at maliligtas ka. Sulit ang pagdurusa para magawa nang maayos ang iyong tungkulin!” Pero, nang dumating sa akin ang tungkuling ito, isinaalang-alang ko ang laman at ayaw kong magdusa. Hindi ba’t ang pagbabahagi ko sa mga baguhan ay pawang mga salita at doktrina lamang? Para sa isang taong tulad ko, na walang kahit katiting na realidad, ang gustuhin pa ring maligtas ng Diyos at makatanggap ng pagpapala ng Diyos ay lubos na kawalan ng kahihiyan! Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng pagkakautang sa Diyos, kaya nanalangin ako sa Kanya, “Diyos ko, ayaw ko nang saktan pa ang puso Mo. Handa akong ilagay ang mga sakit ko sa Iyong mga kamay, nang hindi isinasaalang-alang kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Handa akong ilagay ang puso ko sa aking tungkulin at akuin ang gawain.”

Pagkatapos, hiniling sa akin ng lider na ibuod ang mga problema at paglihis sa mga tungkulin ng mga tagadilig, at kasabay nito, kolektahin ang mga problema ng mga baguhan at humanap ng mga salita ng Diyos para lutasin ang mga ito. Biglang dumagsa ang mga gawain, at bukod pa roon, kailangan ko pa ring magsulat ng mga sermon na ginagamit sa pangangaral ng ebanghelyo. Palaki nang palaki ang pressure na nararamdaman ko, at araw-araw ay tensyonado ang puso ko. Pagkatapos kong gawin ang isang trabaho, may isa na namang kailangang gawin, at nagsimula akong mag-alala, “Lahat ng trabahong ito ay nangangailangan ng oras at pag-iisip. Kung gagawin ko itong lahat nang maayos, kakaunti na lang ang oras ko para magpahinga. Kung magpapatuloy ito, kakayanin kaya ng katawan ko? Lalala kaya ang mga sakit ko?” Sa pagkakataong ito, napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, at iniisip ko na namang isaalang-alang ang laman at iwasan ang mga tungkulin ko. Hindi ito pagiging tapat sa Diyos! Naisip ko kung paanong hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa atin. Basta’t ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya sa abot ng kanilang pisikal na kapabilidad, ayos na iyon. Hindi hinihiling ng Diyos sa mga tao na magpakapagod o magtrabaho hanggang kamatayan para sa Kanya. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi hiniling ng Diyos sa iyo na maging superhuman o isang kilalang tao, ni hindi ka Niya binigyan ng mga pakpak para lumipad sa kalangitan. Binigyan ka lang Niya ng dalawang kamay at dalawang paa na nagtutulot sa iyo na makalakad sa lupa nang paisa-isang hakbang, at makatakbo kung kinakailangan. Ang mga laman loob na nilikha ng Diyos para sa iyo ang tumutunaw at nag-aabsorb ng pagkain, at nagbibigay ng nutrisyon sa buong katawan mo, kaya dapat sundin mo ang nakagawiang pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Binigyan ka ng Diyos ng malayang pagpapasya, ng talino ng normal na pagkatao, at ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang tao. Kung gagamitin mo nang maayos at tama ang mga bagay na ito, susundin ang mga batas para sa kaligtasan ng pisikal na katawan, pangangalagaan nang tama ang iyong kalusugan, matatag na gagawin kung ano ang hinihiling sa iyo ng Diyos, at kakamtin kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos na makamit, kung gayon ay sapat na iyon, at napakasimple rin nito. Hiniling ba ng Diyos sa iyo na sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan? Hiniling ba Niya sa iyo na pahirapan ang sarili mo? (Hindi.) Hindi hinihingi ng Diyos ang gayong mga bagay. Hindi dapat pahirapan ng mga tao ang sarili nila, ngunit dapat silang magkaroon ng kaunting sentido komun at maayos na tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng katawan. Uminom ng tubig kapag nauuhaw ka, dagdagan ang pagkain mo kapag ikaw ay nagugutom, magpahinga kapag napapagod, mag-ehersisyo pagkatapos maupo nang napakahabang oras, pumunta sa doktor kapag may sakit ka, sundin ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw, at papanatilihin ang buhay ng normal na pagkatao. Siyempre, dapat mo ring ipagpatuloy ang iyong mga normal na tungkulin. Kung naglalaman ang iyong mga tungkulin ng ilang espesyal na kaalaman na hindi mo naiintindihan, dapat mong aralin at isagawa ito. Ito ang normal na buhay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (12)). Sinasabi sa atin ng Diyos na unawain ang sentido kumon sa buhay at tratuhin nang tama ang mga pangangailangan ng ating katawan. Dapat tayong kumain kapag gutom at magpahinga kapag pagod; kapag matagal tayong nakaupo habang ginagawa ang ating tungkulin at hindi na tayo komportable, dapat tayong tumayo at mag-ehersisyo; kapag may sakit tayo, dapat tayong magpatingin sa doktor. Sa pananampalataya sa Diyos, hindi tayo puwedeng maging malabo sa ating pananampalataya, at hindi natin puwedeng labagin ang mga natural na batas ng ating katawan. Dati, palagi akong naniniwala na nagkakaroon ako ng maraming sakit dahil sa bigat ng aking trabaho at sa mga alalahanin sa paggawa ng tungkulin ko. Pero, ang totoo, hindi nais ng Diyos na magpakahirap ang mga tao sa gampanin at magsumikap na gawin ang lahat ng makakaya nila hanggang sa kanilang huling hininga. Sa halip, nais Niyang magkaroon ng balanse sa trabaho at pahinga ang mga tao sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Dati, hindi ako marunong magplano ng iskedyul ko sa trabaho at pahinga nang makatwiran. Palagi akong nagpapaliban at hindi episyente sa aking trabaho, at palagi akong nagpupuyat, na lumalabag sa mga natural na batas ng katawan. Ito ay dahil sa sarili kong kahangalan, at hindi resulta ng pagkapagod sa paggawa ng mga tungkulin ko. Ngayon, kaya ko nang ayusin ang oras ko nang makatwiran. Sa araw, sinisikap kong pagbutihin ang kahusayan ko sa trabaho, at hindi na ako nagpupuyat sa gabi. Pagkatapos niyon, inayos ko ang aking mga gampanin ayon sa kahalagahan ng mga iyon at ginawa ko ang mga iyon nang isa-isa. Pagkalipas ng isang buwan, nakasanayan ko na ang tungkuling ito. Sa isang banda, nilinang ko ang mga tagadilig; sa kabila naman, aktuwal kong diniligan ang ilang baguhan at nilutas ang kanilang mga problema. Sa natitirang oras, nagsulat ako ng mga sermon at mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Minsan, kapag hindi na komportable ang pakiramdam ko matapos kong maupo nang matagal sa harap ng computer, nag-eehersisyo ako nang kaunti. Kahit na medyo nakakapagod gawin ang tungkulin ko sa ganitong paraan, hindi naman lumala ang kondisyon ko, at nagawa ko nang may kakayahan ang tungkuling ito. Naging napakamakabuluhan ang bawat araw at naging payapa at panatag ang puso ko.

Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko sa aking mga debosyonal, at napagtanto ko kung paano ka dapat mamuhay para magkaroon ng kabuluhan ang buhay mo. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Mangyaring ibahagi ang inyong mga saloobin. (Upang matupad ang tungkulin ng isang nilikha, ito man lang ay dapat na makamit ng isang tao sa kanyang buhay.) Tama iyan. Sabihin ninyo sa Akin, kung ang pang-araw-araw na mga kaisipan at kilos ng isang tao sa buong buhay niya ay nakatuon lamang sa pag-iwas sa sakit at kamatayan, sa pagpapanatiling malusog at malaya sa mga sakit ang kanilang katawan, at pagsusumikap na magkaroon ng mahabang buhay, mayroon bang anumang halaga, anumang kabuluhan, sa pamumuhay nang ganito? (Wala.) Walang halaga sa pamumuhay sa ganitong paraan. Kaya, ano ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? Ngayon lang, may nagbanggit ng paggampan sa tungkulin ng isang nilikha, na isang partikular na aspekto. May iba pa ba? Sabihin ninyo sa Akin ang mga pagnanais na karaniwang mayroon kayo habang nananalangin o nagpapasya. (Ang magpasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos para sa amin.) (Ang gampanan nang mabuti ang tungkuling itinalaga ng Diyos para sa amin, at tuparin ang aming misyon at responsabilidad.) May iba pa ba? Sa isang aspekto, ito ay tungkol sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pa, ito ay tungkol sa paggawa ng lahat ng bagay na saklaw ng iyong abilidad at kapasidad sa abot ng iyong makakaya, kahit umabot man lang sa punto kung saan hindi ka inuusig ng iyong konsensiya, kung saan maaaring maging payapa ang konsensiya mo at mapatunayang katanggap-tanggap ka sa paningin ng iba. Sa mas malalim na pagtingin, sa buong buhay mo, saang pamilya ka man isinilang, anuman ang pinag-aralan mo, o ang iyong kakayahan, dapat mong pagbulayan kung ano ang pinakamahahalagang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao sa buhay—halimbawa, anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao, pati na kung paano sila dapat mamuhay para magkaroon ng mga makabuluhang buhay. Kahit papaano ay dapat tuklasin mo nang kaunti ang tunay na halaga ng buhay; hindi mo maaaring ipamuhay ang buhay na ito nang walang saysay, at hindi ka maaaring pumarito sa mundong ito nang walang saysay. Sa isa pang aspekto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pag-uusapan natin, pero kahit papaano, dapat may maisakatuparan ka. … Huwag nating taasahan ang ating ekspektasyon sa mg atao. Isaalang-alang natin ang isang sitwasyon kung saan nahaharap ang isang tao sa isang gampanin na dapat niyang gawin o handa siyang gawin sa kanyang buhay. Matapos mahanap ang kanyang lugar, matatag siyang naninindigan sa kanyang posisyon, pinanghahawakan ang kanyang posisyon, ginugugol ang lahat ng dugo ng puso niya at ang lahat ng enerhiya niya, at isinasakatuparan at tinatapos ang dapat niyang gawin at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na siya sa harap ng Diyos upang magbigay-ulat, medyo nasisiyahan siya, walang paratang o pinagsisisihan sa kanyang puso. Naaalo siya at nararamdaman niyang may nakamit siya, na nakapamuhay siya ng buhay na may halaga(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang halaga at kabuluhan ng buhay ng isang tao ay ang tuparin mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha sa gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan, magpatotoo sa gawain at mga salita ng Diyos sa abot ng iyong makakaya, at magdala ng mas maraming tao sa harap ng Diyos para tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Ito ang bagay na pinakakalugud-lugod sa Diyos. Kahit na ang paggawa mo ng tungkulin mo ay maaaring magdulot minsan ng pagdurusa ng laman, sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan sa loob ng prosesong ito, maaari nating maunawaan ang maraming katotohanang prinsipyo at matarok ang maraming bagay; maaari din nating maunawaan ang sarili nating katiwalian at mga kakulangan. Napakagandang bagay nito! Kung iisipin ko lang kung paano aalagaan ang sarili ko o pananatilihin ang kalusugan ko sa iba’t ibang paraan, tulad ng isang walang pananampalataya, kahit na mapuno ng sigla at maging malusog ang aking katawan, sa huli, mawawalan ng saysay ang lahat kung hindi ko gagawin nang maayos ang tungkulin ko. Hindi ito magkakaroon ng anumang halaga. Naisip ko ang nangyari ilang taon na ang nakalipas, noong nagpunta ako sa ospital sa lungsod para magpagamot. Kasagsagan noon ng pagsiklab ng COVID-19. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga namamatay, at lahat ay namumuhay sa takot. Sa ganitong kapaligiran, nagpatuloy pa rin ang aking mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo. Kahit na natatakot silang mahawaan ng COVID-19, hindi nila kailanman kinalimutan ang kanilang mga responsabilidad at nagpatuloy sila sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga nananabik sa pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay. Naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na madalas kong kantahin, “Dapat Mong Pagsikapang Magkaroon ng Positibong Pag-unlad”: “Ang buong buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung hindi sa kanilang paninindigan sa harap ng Diyos, sino ang magiging handang mamuhay nang walang saysay sa hungkag na mundong ito ng tao? Bakit pa mag-aabala? Nagmamadali papasok at palabas sa mundo, kung hindi sila gagawa ng anuman para sa Diyos, masasayang ba ang kanilang buong buhay? Kahit na hindi itinuturing ng Diyos ang iyong mga kilos na karapat-dapat mabanggit, hindi ka ba ngingiti nang dahil sa kasiyahan sa sandali ng iyong kamatayan? Dapat mong hangarin ang positibong pag-unlad, hindi ang negatibong pag-urong—hindi ba ito mas mahusay na pagsasagawa?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 39). Tama. Dapat may gawin ang mga tao para sa Diyos habang nabubuhay sila. Hindi sila puwedeng mabuhay nang walang kabuluhan. Kung ikaw ay namumuhay sa laman, kumakain, umiinom, at naglilibang, gaano kabuti mo man alagaan ang sarili mo, walang saysay ang lahat. Hindi mo kilala ang Lumikha at hindi mo tinutupad ang tungkulin ng isang nilikha. Walang kabuluhan ang mamuhay nang ganito. Ngayon, palala nang palala ang mga sakuna, at malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Wala na masyadong pagkakataon na natitira para gawin ang tungkulin ko, kaya dapat kong pahalagahan ang pagkakataong gawin ang tungkulin ko ngayon. Dapat kong ibahagi sa mga tagadilig ang mga katotohanang prinsipyo na nauunawaan ko, para maunawaan nila ang katotohanan, maarok ang mga prinsipyo, at mas epektibong madiligan ang mga baguhan. Kailangan kong magsikap na gawin ang lahat ng aking makakaya nang walang anumang pagsisisi. Kahit na lumala pa talaga ang mga sakit ko sa hinaharap, dapat akong matutong magpasakop, at dapat kong ilagay sa mga kamay ng Diyos ang mga sakit ko, nagpapasakop sa Kanyang pamamatnugot at mga pagsasaayos.

Pagkatapos, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na lumutas sa aking mga agam-agam at pag-aalala tungkol sa sakit at kirot. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung tunay kang nananampalataya na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat mong paniwalaan na ang lahat ng bagay na ito—ang malulubhang sakit, malalalang sakit, mga simpleng sakit, o kung kumusta ang pisikal na kondisyon ng isang tao—ay nasasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at na ang paglitaw ng isang malubhang sakit at kung ano ba ang magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao sa isang partikular na edad ay hindi mga bagay na nangyayari nang nagkataon lang. Isa itong uri ng positibo at tumpak na pag-unawa. Ito ba ay naaayon sa katotohanan? (Oo.) Ito ay naaayon sa katotohanan, ito ang katotohanan, dapat mong tanggapin ito, at ang iyong saloobin at mga pananaw sa bagay na ito ay dapat na magbago. At ano ang nalulutas sa sandaling magbago ang mga bagay na ito? Hindi ba’t nalulutas na ang iyong mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? Kahit papaano man lang, ang iyong mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pagkakasakit ay nalulutas sa teorya. Dahil binago na ng iyong pagkaunawa ang iyong mga kaisipan at pananaw, nalulutas na nito ang iyong mga negatibong emosyon. Isang aspekto ito: Hindi mababago ng kalooban ng tao kung magkakasakit ba ang isang tao o hindi, kung anong malubhang sakit ang dadapo sa kanya, at kung ano ang magiging kalagayan ng kalusugan niya sa bawat yugto ng kanyang buhay, kundi ito ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos. … Ang ating pinag-uusapan ay ang pagkakasakit; ito ay isang bagay na mararanasan ng karamihan ng tao sa kanilang buhay. Kaya naman, kung anong uri ng sakit ang dadapo sa katawan ng mga tao sa kung anong oras o edad at kung ano ang magiging kalagayan ng kanilang kalusugan ay pawang mga bagay na isinasaayos ng Diyos at hindi maaaring ang mga tao ang magpasya ng mga bagay na ito; tulad ng kung kailan ipinanganak ang isang tao, hindi sila ang maaaring magpasya nito. Kaya hindi ba’t kahangalan na mabagabag, mabalisa, at mag-alala sa mga bagay na hindi naman ikaw ang makapagpapasya? (Oo.) Dapat ay lutasin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang lutasin, at para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin, dapat nilang hintayin ang Diyos; dapat magpasakop nang tahimik ang mga tao at humingi sa Diyos ng proteksyon—ito ang kaisipang dapat taglayin ng mga tao. Kapag talagang dumating na ang sakit at malapit na ang kamatayan, ang mga tao ay dapat magpasakop at hindi magreklamo o maghimagsik laban sa Diyos o magsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos o ng mga bagay na umaatake sa Kanya. Sa halip, ang mga tao ay dapat na tumindig bilang mga nilikha at danasin at pahalagahan ang lahat ng nagmumula sa Diyos—hindi nila dapat subukan na pumili ng mga bagay para sa kanilang sarili. Maaari itong maging isang espesyal na karanasan na nagpapasagana sa iyong buhay, at hindi naman ito masamang bagay, hindi ba? Kaya naman, pagdating sa pagkakasakit, dapat munang lutasin ng mga tao ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw ukol sa sanhi ng sakit, at pagkatapos ay hindi na sila mag-aalala tungkol dito; bukod dito, ang mga tao ay walang kapangyarihan na kontrolin ang mga bagay na nalalaman o hindi nalalaman, at wala rin silang kakayahang kontrolin ang mga ito, sapagkat lahat ng bagay na ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang saloobin at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mayroon ang mga tao ay ang maghintay at magpasakop. Mula sa pagkaunawa hanggang sa pagsasagawa, ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang paghahangad sa katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagtatakda ng kalusugan ng isang tao sa bawat yugto ng kanyang buhay, kung anong mga sakit ang kanyang makukuha at kung magiging malubha ba ang mga sakit na iyon. Hindi kayang kontrolin ng mga tao ang alinman sa mga ito, at walang silbi ang mga pag-aalala at agam-agam. Kapag dumapo sa iyo ang mga karamdaman, dapat kang matutong tratuhin nang tama ang mga ito, at matutong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Dati, madalas akong mag-alala at mabagabag tungkol sa aking mga sakit, at namumuhay ako sa gitna ng mga negatibong emosyon. Ito ay dahil hindi ko naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naniwala pa nga ako na kung marami akong gagawing tungkulin, kung mabigat ang workload ko, at pagod ako sa pisikal, lalala ang kondisyon ko. Kaya, palagi akong nag-aalala na isang araw ay hindi ko na kakayanin at hindi ko na magagawa kahit ang kasalukuyan kong mga tungkulin. Ang totoo, kung lalala ba ang kondisyon ko o hindi ay nasa sa Diyos. Wala itong kinalaman sa bigat ng trabaho sa aking tungkulin. May ilang kapatid na hindi maganda ang kalusugan, at mas mabigat ang kanilang mga pasanin kaysa sa akin, pero hindi naman sila nagkasakit. Sobrang baluktot ang perspektiba ko sa mga bagay-bagay. Hindi kailangan ang mga pag-aalala at agam-agam na ito at pagpapakita lang ng kahangalan at kamangmangan ang mga ito. Kahit na lumala pa talaga ang kondisyon ko balang araw, may pahintulot ito ng Diyos, at dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Naisip ko kung paanong nang dumating ang mga pagsubok kay Job, at napuno ng masasakit na bukol ang kanyang katawan, nagawa niyang tanggapin ito bilang galing sa Diyos, at hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Nagawa niya itong harapin nang mahinahon at sa huli ay nakapanindigan siya sa kanyang patotoo sa Diyos. Nang maisip ko ito, hiyang-hiya ako, at handa na akong bitiwan ang sarili kong mga pag-aalala at agam-agam, ipagkatiwala ang mga sakit ko sa mga kamay ng Diyos, at ilaan ang puso ko sa aking tungkulin. Kapag kailangan, nagpapagamot ako, at sa aking libreng oras, nag-eehersisyo ako nang angkop. Kapag nagsasagawa ako sa ganitong paraan, mas nagiging payapa at malaya ang puso ko, at hindi na ako masyadong apektado ng aking mga sakit.

Sa pagtatalagang ito sa akin sa ibang tungkulin, marami akong natutuhang aral, at napagtanto ko na bilang isang nilikha, dapat kong panghawakan ang aking mga tungkulin sa lahat ng oras at hindi ko dapat isaalang-alang ang laman. Kasabay nito, naunawaan ko rin na ang halaga ng buhay ng tao ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos at matapat na gawin ang tungkulin. Sa ganitong paraan lamang ng pamumuhay mo mararamdaman na bukas ang puso mo at diretsahan ka at wala kang pagsisisi.

Sinundan:  52. Ano ang Dapat Hangarin ng mga Tao sa Buhay?

Sumunod:  59. Sa Wakas ay Sinalubong Ko Na ang Pagbabalik ng Panginoon

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger