80. Matapos Magkasakit ang Asawa Ko
Noong Agosto 2001, isang sister ang nagpatotoo sa akin na ang Diyos ay nagkatawang-tao na sa pangalawang pagkakataon para gawin ang Kanyang gawain ng paghatol, dinadalisay at binabago ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at sa huli ay dadalhin ang mga tao sa napakagandang kaharian. Labis akong natuwa pagkatapos itong marinig. Pagkatapos ng isang panahon ng pagsisiyasat, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos niyon, naging aktibo ako sa pagdalo sa mga pagtitipon at paggawa ng aking mga tungkulin. Kalaunan, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Noong panahong iyon, madalas akong sinusubukang pigilan ng asawa ko sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin, pero hindi nito kailanman nahadlangan ang mga tungkulin ko. Buong araw akong abala sa iglesia. Sa umaga, pumupunta ako sa bawat pangkat para makipagbahaginan sa mga kapatid at lutasin ang mga problema nila sa buhay pagpasok. Sa gabi naman, sinusuportahan at tinutulungan ko ang mga kapatid na negatibo at mahihina. Dati, hindi gaanong kumikita ang asawa ko, pero noong panahong iyon ay naging maganda ang kita niya at hindi nagtagal ay nakaipon kami ng pera. Tuwang-tuwa ako, at naisip ko, “Sa paggawa ko ng tungkulin ngayon, mayroon akong biyaya at pagpapala ng Diyos, at makakapasok pa ako sa kaharian sa hinaharap. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko sa hinaharap, at tatratuhin ako nang patas ng Diyos; pagpapalain Niya ang buhay ng pamilya ko para lalo pa itong bumuti.” Pero habang nagpaplano ako, may hindi inaasahang nangyari.
Pagkalipas ng ilang panahon, palaging nagrereklamo ang asawa ko ng pananakit ng ibabang bahagi ng likod, kaya nagpa-X-ray siya. Sabi ng doktor, “May slipped disc siya at bone spurs sa kanyang gulugod. Kung lumala ito, maiipit ang mga ugat niya at magdudulot ito ng pagkaparalisa. Hindi na siya dapat magtrabaho at kailangan niya ng agarang gamutan.” Nagulat ako nang marinig ko ito. Naisip ko, “Malaki ang utang namin sa bagong tayong bahay, at hindi pa naikakabit ang mga pinto at bintana. Nasa unibersidad ang anak naming babae at kailangan din niya ng pera. Sobrang abala ako bilang lider ng iglesia at wala akong oras para kumita ng pera. Tanging ang 14-anyos naming anak na lalaki lang ang nag-aaral ng pagdedekorasyon, pero bata pa siya at isa pa lang apprentice, kaya napakaliit ng kinikita niya kada buwan. Paano namin matutustusan ang mga gastusin ng pamilya sa hinaharap?” Medyo nabahala ako. Pero nang maisip ko kung gaano ako kaabala sa paggawa ng tungkulin ko sa iglesia buong araw, naisip ko na hindi pababayaan ng Diyos ang mga problema sa pamilya ko, at baka gumaling din ang sakit ng asawa ko pagkatapos ng panahon ng pagpapagaling. Nang maisip ko ito, nabawasan nang malaki ang mga alalahanin ko.
Mabilis na lumipas ang mahigit isang taon. Patuloy na naglalagay ng mga gamot na plaster ang asawa ko para sa paggamot, pero hindi pa rin bumubuti ang kanyang karamdaman, at wala ring magandang paraan ng paggamot ang mga doktor. Sobrang balisa na ako, hindi ko maiwasang isipin, “Kailan kaya bubuti ang sakit ng asawa ko? Kung hindi lang ako masyadong abala sa tungkulin ko, puwede sana akong kumita ng pera para masuportahan ang pamilya. Pero abala ako sa mga gawain ng iglesia buong araw at wala akong oras para kumita ng pera. Bakit hindi pinoprotektahan ng Diyos ang pamilya ko? Bakit hindi bumubuti ang sakit ng asawa ko? Sa lahat ng mga problemang ito sa bahay na nasa harapan ko, paano ko lubusang mailalaan ang puso ko sa aking tungkulin?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nababalisa. Parang buhay na kawad ng kuryente ang mga ugat ko, nanginginig sa pagkabalisa. Minsan, hindi ko na talaga matiis at palihim na lang akong umiiyak. Alam kong hindi ako dapat magreklamo sa Diyos, pero hindi ko lang talaga makontrol ang aking mga emosyon at namuhay ako sa gitna ng pasakit at pagdurusa buong araw. Nakita ko na ang asawa ng sister na katuwang ko ay napakagaling kumita ng pera, at namumuhay siya nang kumportable at hindi nalilimitahan ng pera, kaya nakaramdam ako ng sama ng loob. Naisip ko, “Mas aktibo pa ako sa paggawa ng tungkulin kaysa sa kanya, kaya bakit ganito ang kalagayan ng pamilya ko? Bakit sila pinagpapala ng Diyos pero ako hindi? Ayaw ba sa akin ng Diyos? Hindi pinagpapala ng Diyos ang pamilya ko kahit nagbabayad ako ng halaga at ginugugol ang sarili ko nang ganito, kaya bakit pa ako magiging ganito ka-aktibo?” Pero naisip ko rin, “Sinusubok kaya ako ng Diyos? Kung magpapatuloy akong maging aktibo sa aking mga tungkulin, baka pagpalain ng Diyos ang pamilya ko kapag nakita Niya ang katapatan ko. Kung gagawin ko ang tungkulin ko nang pabasta-basta, ano ang gagawin ko kung hindi ako pansinin ng Diyos sa hinaharap?” Kaya sinabi ko sa sarili ko na hindi ako puwedeng maging pabasta-basta at kailangan kong gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kaya naman, nagpatuloy pa rin akong maging abala sa paggawa ng aking tungkulin buong araw. Pero pagkalipas ng ilang panahon, hindi pa rin bumubuti ang kalagayan ng asawa ko, at hindi pa rin nalulutas ang mga problema ng pamilya ko. Mas lalo pang nalito at nahirapan ang puso ko, at pakiramdam ko ay wala na talaga akong mapuntahan. Ang puso ko’y singpait ng apdo. Sa isang pagtitipon, nabanggit ko ang mga problema namin sa bahay. Puno ng pighati ang mukha ko habang nagrereklamo: “Parang nasa langit kayong lahat, pero ako, parang sa sobrang pagdurusa, pakiramdam ko ay nasa impiyerno ako.” Mahigpit akong pinungusan ng sister ko, sabi niya, “Hindi ba’t nagrereklamo ka na hindi matuwid ang Diyos?” Labis kong ikinagulat ang mga salita ng sister ko. Hindi ba’t nagrereklamo na naman ako sa Diyos? Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang bawat pagrereklamo mo ay nag-iiwan ng mantsa, at isa iyong kasalanang hindi mabubura!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan). Nang mapagtanto ko ang kabigatan ng problema, mabilis akong yumuko at hindi na nagsalita. Pag-uwi ko, lumuhod ako sa harap ng Diyos at humagulgol sa panalangin, “Diyos ko, alam kong hindi ako dapat magreklamo kapag dumarating ang mga problema sa pamilya ko, pero hindi ko po alam kung ano ang Iyong layunin o kung paano ito dadanasin. Diyos ko, nawa’y bigyang-liwanag Mo ako at akayin Mo ako para makilala ko ang Iyong gawain at maunawaan ang Iyong layunin.”
Isang araw, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Ang Layunin ng Gawain ng Pagpipino ng Diyos”:
1 Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino.
2 Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang praktikal na pagsubok sa tao, at isang uri ng praktikal na pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Habang pinakikinggan ko ang himnong ito, biglang nagliwanag ang puso ko, at pinakinggan ko ito nang maraming beses. Lalo na noong sinabi ng Diyos: “Ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anuman ang mga hindi kasiya-siyang kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa iyo, ang layunin Niya ay hindi para itiwalag ka, kundi para dalisayin at baguhin ang iyong tiwaling disposisyon, at tulungan kang maunawaan ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang gawain. Kapag nakilala mo ang Diyos, makakapagpasakop ka sa Kanyang gawain. Noon ko napagtanto na ang layunin ng Diyos sa likod ng matagal na pagkakaroon ng sakit sa likod ng asawa ko ay para hanapin ko ang katotohanan at matuto ng mga aral sa kapaligirang iyon, para linisin at baguhin ang tiwaling disposisyon ko. Naisip ko noong una kong tinanggap ang bagong gawain ng Diyos. Alam ko na sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagdadalisay, pero hinangad ko pa ring magtamo ng biyaya at mga pagpapala tulad ng sa Kapanahunan ng Biyaya, gusto kong pagalingin ng Diyos ang sakit ng asawa ko. Nang hindi pa rin ito bumuti, nagreklamo ako sa Diyos at namuhay sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa. Ako mismo ang nagdulot ng lahat ng pagdurusa kong ito. Lahat ng ito ay dahil sa kakulangan ko ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos, at dahil mali ang landas na tinatahak ko sa aking pananampalataya sa Diyos. Nang maunawaan ko ito, nabawasan nang malaki ang pasakit sa puso ko.
Kalaunan, naisip ko ang paglalantad ng Diyos sa pagtrato ng mga tao sa Kanya bilang isang masaganang sisidlan, isang Swiss Army knife na isang gamit na maraming silbi, at hinanap ko ang mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Diyos: “Dahil ang mga tao sa ngayon ay hindi nagtataglay ng pagkatao na gaya ng kay Job, ano ang kanilang kalikasang diwa, at ang kanilang saloobin sa Diyos? Natatakot ba sila sa Diyos? Lumalayo ba sila sa kasamaan? Ang mga walang takot sa Diyos o hindi lumalayo sa kasamaan ay maaari lamang na ilarawan sa tatlong salita: ‘kaaway ng Diyos.’ Madalas ninyong sabihin ang tatlong salitang ito, ngunit hindi ninyo kailanman nalaman ang kanilang tunay na kahulugan. Ang mga salitang ‘kaaway ng Diyos’ ay may ganitong diwa: Ang mga ito ay hindi nagsasabi na nakikita ng Diyos ang tao bilang kaaway, kundi ang tao ay nakikita ang Diyos bilang kaaway. Una, kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga pakay, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pinakapakay sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. Sa mga karanasan ng mga tao sa kanilang buhay, madalas nilang naiisip sa kanilang sarili: ‘Tinalikuran ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong kuwentahin ito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa panahong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging hantungan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? …’ Ang bawat tao ay patuloy na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at naglalatag sila ng mga hinihingi sa Diyos na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling indibidwal na kalalabasan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, at tingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Diyos, at pinipilit pa ang Diyos sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Diyos, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, negatibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula nang ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang pagpoprotekta, pangangalaga, at pagtutustos sa tao ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng Diyos. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘pananampalataya sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng pananampalataya sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). “Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nang mabasa ko ang inilantad ng mga salita ng Diyos, parang tinusok ang puso ko. Napagtanto ko na sa pananampalataya ko sa Diyos at pagganap sa tungkulin ko, hindi ko talaga taos-pusong sinusunod ang Diyos. Ang akala ko, sa pananampalataya sa Diyos, hindi ko lang matatamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, kundi ipinapangako rin Niya na maaaring maligtas ang mga tao at makapasok sa kaharian. Kaya, naniwala ako na hangga’t ginagawa ko nang maayos ang tungkulin ko, tatratuhin ako ng Diyos nang patas, at pagkakalooban ako ng saganang mga pagpapala at biyaya, poprotektahan ako mula sa mga sakuna at kasawian, at pananatilihing ligtas at maayos ang pamilya ko. Ginagawa ko ang aking tungkulin nang may ganitong mga maling layunin. Sa simula, noong magkaroon ng slipped disc ang asawa ko at sinabi ng doktor na kung lumala ito, mapaparalisa siya, naniwala ako na hangga’t aktibo kong ginagawa ang mga tungkulin ko, tatratuhin ako nang patas ng Diyos at hindi magtatagal ay gagaling ang sakit ng asawa ko. Kaya, hindi nabawasan ang sigasig ko sa paggawa ng aking mga tungkulin. Gayumpaman, nang hindi pa rin gumagaling ang asawa ko at nagsimulang mahirapan sa pera ang aming pamilya, habang ang mga kapatid sa paligid ko ay nagtatamasa ng masagana at kumportableng buhay, nakaramdam ako ng sama ng loob at nagreklamo na hindi ako pinagpapala ng Diyos, at hindi na ako naging kasing-aktibo sa paggawa ng aking tungkulin gaya ng dati. Pero, nag-alala ako na baka sinusubok ng Diyos ang katapatan ko sa Kanya, at na kung magiging pabasta-basta ako sa gawain, hindi ko matatanggap ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, kaya kinailangan ko na lang ipagpatuloy ang paggawa ng aking tungkulin. Pagkalipas ng ilang panahon, hindi pa rin bumubuti ang kalagayan ng asawa ko, at hindi pa rin nalulutas ang mga problema sa buhay ko. Mas lalo pa akong nagreklamo sa Diyos sa puso ko, at nagbulalas pa nga ako ng sama ng loob sa Diyos sa harap ng mga sister ko, nagrereklamo tungkol sa Kanyang di-umano’y kawalan ng katuwiran sa akin. Ang kapangitan ng pagtatangka kong makipagtawaran sa Diyos ay ganap na nalantad, at lubos akong nabunyag! Sa mga taon na may sakit ang asawa ko, hindi ako naghanap ng katotohanan o natuto ng mga aral. Sa halip, palagi akong namuhay sa pagkanegatibo, nagrereklamo at hindi nauunawaan ang Diyos. Kahit na ginagawa ko ang aking tungkulin, sinusubukan ko lang makipagtawaran sa Diyos kapalit ng Kanyang mga pagpapala, tinatrato Siya bilang isang masaganang sisidlan at isang Swiss Army knife, na isang gamit na maraming silbi. Dati, akala ko ay medyo aktibo ako sa paggawa ng aking mga tungkulin. Kahit na yayain ako ng asawa kong kumita ng pera o noong may sakit siya, hindi ko kailanman pinabayaan ang mga tungkulin ko, at nakamit ko ang ilang resulta sa aking gawain. Dahil dito, binansagan ko ang aking sarili bilang isang taong tapat sa Diyos at tunay na nananampalataya sa Kanya. Talagang wala akong kamalayan sa sarili! Ang mga tapat sa Diyos ay iyong mga gumagawa ng kanilang tungkulin nang buong puso at isipan, at hindi nagrereklamo kahit kaunti, pagpalain man sila ng Diyos o hindi. Gaya na lang ni Job. Nagbigay man ang Diyos o kumuha, nagawa ni Job na magpasakop sa Diyos at palaging purihin ang Kanyang pangalan. Paano man siya tratuhin ng Diyos, walang sariling mga kahilingan si Job. Ito ang tunay na kahulugan ng pagiging isang taong tapat sa Diyos. Naniwala ako sa Diyos at ginawa ang aking tungkulin para lamang makakuha ng mga pakinabang mula sa Diyos. Wala akong katapatan o anumang sinseridad. Isa lang akong mapagpaimbabaw na oportunista. Huwad ang aking pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya, at tanging ang aking paghingi ng biyaya at mga pagpapala ang tunay. Pinahalagahan ko ang mga materyal na bagay na ito higit sa lahat, at palaging humihingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi talaga ako isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos, at talagang nagdulot ng Kanyang pagkasuklam at pagkamuhi. Kung hindi ako inilantad ng Diyos sa ganitong paraan, hindi ko kailanman makikita nang malinaw ang aking tunay na pagkatao.
Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay unti-unting sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila kulang sa tibay ng kalooban at determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng madidilim na impluwensiya. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). “Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos yaong isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katinuan at kaunawaan. Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pininsala ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging abnormal ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na si Satanas ang naggagawang tiwali at sumisira sa isipan ng mga tao. Lahat ay namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Pakinabang ang nauuna,” at “Makakuha ng benepisyo nang walang pagdurusa o pagkalugi,” na nagiging dahilan para maging makasarili at kasuklam-suklam sila, at ganap na binabalewala ang konsensiya. Sa lahat ng kanilang ginagawa, iniisip muna nila kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa kanila. Kung kapaki-pakinabang ito, gagawin nila; kung hindi, hindi nila ito gagawin. Lubha rin akong ginawang tiwali ng mga satanikong kaisipan at ideyang ito. Nang makita ko na mayroon akong pangangalaga at proteksyon ng Diyos mula sa pananampalataya sa Kanya at paggawa ng aking tungkulin, at tila bumubuti ang buhay ng aking pamilya, naniwala ako na ang mga ito ay mga pagpapala mula sa Diyos na natamo ko dahil naging tapat ako sa paggawa ng aking tungkulin, at hangga’t patuloy akong aktibong gumagawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan, matatanggap ko rin ang kaligtasan at makakapasok sa kaharian sa hinaharap. Nang magkasakit ang asawa ko at naghirap sa pera ang aming pamilya, hindi ko naunawaan ang Diyos at nagreklamo ako sa Kanya, at ginusto kong maging pabasta-basta sa paggawa ng aking tungkulin. Nabunyag ng mga pangyayari na wala akong anumang sinseridad sa paggawa ng tungkulin ko. Ang lahat ng ginagawa ko ay pagtatangkang linlangin ang Diyos at gumawa ng mga plano laban sa Kanya, walang saysay na sinusubukang dayain ang Diyos para sa mga pagpapala sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin ko. Ang Diyos Mismo ay nagkatawang-tao at nagpapahayag ng katotohanan upang iligtas tayo. Ibinubuhos Niya ang lahat para sa atin, at hindi Niya kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang sariling mga interes. Ang diwa ng Diyos ay tapat; ito ay hindi makasarili, at ito ay maganda at mabuti. Sa kabaliktaran, may mga tawaran, kahilingan, at panlilinlang na nakatago sa kaunting tungkulin na ginawa ko, at hindi ko talaga itinuturing na Diyos ang Diyos. Isa akong makasarili at kasuklam-suklam na tao na nawalan ng lahat ng pagkatao at katwiran. Kung hindi isinaayos ng Diyos ang kapaligirang ito, hindi ko kailanman makikita nang malinaw kung anong klaseng nilalang talaga ako. Noon ko lang naunawaan na ang pagkakasakit ng aking asawa at ang mga problema sa pera ng aking pamilya ay hindi sinadya ng Diyos para pahirapan ako. Sa halip, ang layunin ay upang malinaw kong makita ang aking sariling makasarili at kasuklam-suklam na pangit na mukha, pukawin ang aking puso, at ipakita sa akin kung paano umasal. Ito ang dakilang pagliligtas ng Diyos sa akin, na may pagmamahal Niya sa loob nito, pero naging masyado akong bulag para maunawaan ang Kanyang layunin, at palagi ko Siyang hindi nauunawaan at nagrereklamo tungkol sa Kanya. Nang maunawaan ko ito, napuno ako ng pagsisisi, at kinamuhian ko ang aking sarili. Naging handa akong magpasakop sa Diyos at danasin ang Kanyang gawain.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Si Job ay hindi nakipagpalitan sa Diyos, at hindi humiling o humingi sa Diyos. Ang kanyang pagpupuri sa pangalan ng Diyos ay dahil sa dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamumuno sa lahat ng bagay, at hindi nakasalalay sa kung siya ay nagkamit ng pagpapala o hinagupit ng kapahamakan. Naniwala siya na kung magbibigay man ng pagpapala ang Diyos sa mga tao o kaya ay magdudulot ng kapahamakan sa kanila, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi magbabago, at dahil dito, anuman ang kalagayan ng isang tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na purihin. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinagpala ang tao, at kapag dumating ang sakuna sa tao, ito ay dahil din sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay namamahala at nagsasaayos ng lahat tungkol sa tao; ang pabago-bagong kapalaran ng tao ay pagpapamalas ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at sa ano mang perspektiba mo ito tinitingnan, ang pangalan ng Diyos ay dapat na papurihan. Ito ang naranasan at nalaman ni Job sa mga taon ng kanyang buhay. Ang lahat ng mga inisip at ikinilos ni Job ay umabot sa mga tainga ng Diyos, at dumating sa harap ng Diyos, at itinuring na mahalaga ng Diyos. Itinangi ng Diyos ang kaalamang ito ni Job, at pinahalagahan Niya si Job sa pagkakaroon ng ganitong puso. Ang pusong ito ay palaging naghihintay sa utos ng Diyos, at sa lahat ng lugar, at kahit ano pa ang oras o lugar, tinanggap nito ang anumang dumating sa kanya. Walang hiningi si Job sa Diyos. Ang hiningi niya sa sarili niya ay ang maghintay, tumanggap, humarap at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos na nanggaling sa Diyos; naniwala si Job na ito ang kanyang tungkulin, at ito mismo ang nais ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Nang mawala kay Job ang lahat ng kanyang tupa at baka at ang lahat ng kanyang kayamanan, bagama’t labis siyang nahihirapan sa kalooban, nanatili siyang makatwiran. Hindi siya agad gumawa ng kongklusyon noong hindi niya naunawaan ang layunin ng Diyos, at hindi siya kailanman nagsabi ng kahit isang salita ng reklamo o paghihimagsik laban sa Diyos. Alam niya na ang Diyos ang nag-iisa at tanging tunay na Diyos, na lumikha ng lahat ng bagay at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Nagbigay man ang Diyos o kumuha, ang Kanyang pangalan ay dapat laging purihin at dakilain. Nagawa ni Job na tumanggap mula sa Diyos at magpasakop sa lahat ng kapaligirang isinaayos ng Diyos. Sa kabaliktaran, nang tingnan ko ang aking sarili, nakita ko na kapag pinagkakalooban ako ng Diyos ng mga biyaya at pagpapala, tuwang-tuwa akong pinupuri ang Kanyang pangalan, pero nang magkasakit ang asawa ko at naghirap ang aming pamilya, hindi ako lumapit sa Diyos sa panalangin para hanapin at arukin ang Kanyang layunin. Sa halip, ginusto kong gamitin ang paggawa ng aking tungkulin para subukang makuha ang tiwala ng Diyos sa mapanlinlang na paraan, at para tulungan Niya akong lutasin ang mga problema ng aking pamilya. Kapag hindi naaayon sa kagustuhan ko ang ginawa ng Diyos, nagrereklamo ako na hindi Siya matuwid sa akin. Ang aking pagpapasakop ay ganap na nakabatay sa kung makakakuha ako ng anumang personal na pakinabang mula rito. Napakalaki ng pagkakaiba namin ni Job. Napakasama ng aking pagkatao!
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o katwiran. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay ng tao ay kaloob ng Diyos, at lahat ng tinatamasa ng tao ay ibinibigay ng Diyos. Dapat gawin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang walang kondisyon. Ito ay talagang nararapat at tama lang. Hindi dapat magbigay ng mga kondisyon o kahilingan ang mga tao; lalong hindi sila dapat gumawa ng kanilang mga tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala at biyaya. Ito ang pinakawalang-katwirang bagay na magagawa nila. Tulad ng kung paano nagdurusa ang mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang mga anak, dapat suportahan ng mga anak ang kanilang mga magulang. Ito ay talagang nararapat at tama lang. Hindi dapat suportahan ng mga tao ang kanilang mga magulang dahil lang sa makakatanggap sila ng mana, at palayasin ang kanilang mga magulang kung wala silang matatanggap. Ang gayong mga tao ay mga mapaghimagsik na anak; sila ay mga hayop. Walang pagkatao sa pagkilos sa ganitong paraan. Ang paggawa ng tungkulin ko ay bokasyon ko na galing langit bilang isang nilikha, at hindi ako dapat magdala ng anumang mga layunin o hangarin sa paggawa nito. Pagpalain man ako ng Diyos o hindi, dapat kong tuparin ang aking tungkulin nang walang kondisyon. Bukod pa rito, sinubukan akong pigilan ng asawa ko sa pananampalataya sa Diyos. Kasalanan niya na hindi gumaling ang kanyang sakit. Hindi siya karapat-dapat na kaawaan. Isa siyang taong lumalaban sa Diyos, pero hiniling ko pa sa Diyos na pagalingin ang kanyang sakit at nagreklamo pa ako sa Kanya. Talagang hindi ito makatwiran, at nagdulot ito ng pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos. Ngayon, gumaling man ang asawa ko sa kanyang sakit o hindi, handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, itama ang aking saloobin, gawin ang aking tungkulin nang buong puso at isipan, ipagkatiwala ang mga problema ng aking pamilya sa Diyos, at magpasakop sa Kanyang pamamatnugot at mga pagsasaayos. Nang maunawaan ko ito, nabawasan ang pait sa puso ko, at alam kong kailangan ko ang kapaligirang ito para magbago. Ito ang kayamanan ng buhay, na ibinigay sa akin ng Diyos. Pagkatapos ay naisip ko ang sinasabi sa Bibliya: “Masdan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: sapagkat ang mga ito’y hindi naghahasik, ni umaani, ni nagtitipon man sa mga kamalig; ngunit ang mga ito’y pinakakain ng inyong Ama sa langit. Hindi ba lalong higit ang halaga ninyo kaysa sa mga ito?” (Mateo 6:26). Sinabi ng Diyos na ang mga ibon sa himpapawid ay hindi naghahasik o nag-aani, ngunit pinapakain pa rin Niya ang mga ito, paano pa kaya ang mga tao? Ayaw ng Diyos na maghanda, magplano, o isipin ko ang mga mangyayari sa hinaharap, kundi nais Niyang hayaan ko na lang ang mga bagay na mangyari nang natural. Ang pag-iisip ng napakalayong hinaharap sa sarili kong paraan ay paghahanap lang ng gulo; dapat ay makuntento na ako sa pagkakaroon lang ng pagkain at damit. Bagama’t may mga problema sa pera ang aming pamilya, nakakaraos pa rin kami, at handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos sa kapaligirang ito, hindi na nagdurusa sa pighati at pagkabalisa para sa kinabukasan.
Kalaunan, ang tiyuhin ng kaibigan ng asawa ko ay dumating para magbakasyon. Itinuro niya sa asawa ko ang paggamit ng mga gamot na plaster at iba pang paraan ng paggamot sa pananakit ng likod at binti, at ginamot pa siya nang libre. Pagkaraan ng ilang panahon, bumuti nang malaki ang kalagayan ng asawa ko, at nagbukas din siya ng isang klinika sa palengke para gamutin ang pananakit ng likod at binti, kumikita ng kaunting pera para madagdagan ang kita ng pamilya. Matapos maranasan ang mga bagay na ito, hindi na ako gaanong hinahadlangan ng asawa ko sa pananampalataya sa Diyos, at hindi na ako gaanong napipigilan gaya ng dati kapag lumalabas ako para gawin ang aking tungkulin. Pagkatapos, ilang beses na bumalik ang sakit ng asawa ko, pero hindi na ako nagrereklamo sa Diyos dahil sa sakit ng aking asawa. Alam kong anuman ang ipinapamatnugot ng Diyos ay mabuti, at dapat akong magpasakop sa Diyos at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Ang magawa kong magbago sa ganitong paraan ay bunga ng pagmumuno ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!