89. Sa Likod ng Takot na Mag-ulat ng mga Problema
Noong 2014, gumagawa ako ng mga video sa iglesia. Noong panahong iyon, si Yang Min ang superbisor. Isang beses, napansin kong hindi masyadong angkop ang mungkahi ni Yang Min para sa isang video. Kaya nagpahayag ako ng ibang pananaw, pero ipinilit niya ang sarili niyang opinyon. Sabi ko, puwede kaming dumulog at humingi ng payo sa mga lider, pero hindi ko inaasahan na direkta at di-direkta akong aakusahan ni Yang Min na mapagmataas at hindi tumatanggap sa mga mungkahi niya. Sobra akong naguluhan noon, “Layunin ng pagsangguni sa mga lider na hanapin at linawin ang mga prinsipyo para magawa nang maayos ang video. Paano mo nasabing mapagmataas ako?” Kalaunan, inangat ni Yang Min si Li Ping para maging lider ng pangkat na responsable sa gawain namin. Noong panahong iyon, nagpaplano kaming gumawa ng isang medyo mahirap na video, at umaasa kaming makikipagbahaginan sa amin si Li Ping nang higit pa tungkol mga prinsipyo at ideya sa paggawa nito. Pero matapos ko siyang makasalamuha, natuklasan kong hindi talaga gumagawa ng praktikal na gawain si Li Ping. Bihira niyang kumustahin ang gawain namin, at saka, kadalasan, ginagabayan niya kami sa paggawa ng mga video batay lang sa pakiramdam niya, nang walang anumang prinsipyo. Paulit-ulit naming binago ang mga video ayon sa mga mungkahi niya, na lubhang nakasagabal sa pag-usad. Kaya nagbigay ako ng mungkahi kay Li Ping, hiniling ko sa kanyang isama sa kanyang pakikipagbahaginan ang mga kaugnay na prinsipyo dahil sa ganoong paraan lang magiging mas madaling makamit ang mga resulta at maiwasan ang mga pag-uulit ng mga bagay-bagay. Pero hindi lang tumangging tanggapin ni Li Ping ang mungkahi, nakipagtalo pa siya laban dito. Pinungusan pa nga niya ako sa pagiging mapagmataas at pagkapit sa sarili kong mga ideya. Naisip ko: “Nagkakaroon ng mga problema at paglihis sa gawain, pero hindi niya kami pinangungunahan na ibuod ang mga ito at baliktarin ang sitwasyon, ni hindi siya nagtuturo ng landas ng pagsasagawa. Pinagsasabihan at pinagagalitan lang niya kami, at kapag nagbibigay sa kanya ng mga makatwirang mungkahi ang mga kapatid, hindi niya tinatanggap ang mga ito. Hindi niya talaga tinutupad ang mga responsabilidad niya bilang lider ng pangkat.” Gusto kong sabihin ang problemang ito kay Li Ping, pero naramdaman ko ring napaka-dominante ni Li Ping, at naisip ko, “Kung tutukuyin ko ang problema niya, iisipin kaya niyang masyado akong mapagmataas at hindi sumusunod sa kanya?” Sa huli, pinigilan ko na lang ang sasabihin ko. Hindi ko inaasahan, kalaunan ay isinisi ni Li Ping sa amin ang lahat ng responsabilidad para sa hindi magandang resulta ng gawaing pangvideo, at madalas niya kaming pinagagalitan at pinupungusan. Lahat ay nasa masamang kalagayan.
Isang araw, ikinumpara ni Li Ping ang video namin sa ginawa ng isa pang grupo, at pinagbuntunan niya kami ng panunuya at pangungutya. Pakiramdam ko ay may hindi matuwid na palagay si Li Ping sa amin, at palagi siyang naghahanap ng maliliit na isyu para pagalitan kami. Sobrang napresyur ang lahat sa mga atake ni Li Ping, at isang sister ang naging sobrang negatibo na ayaw na niyang gawin ang tungkulin niya rito. Sobrang sama ng loob ko, at galit na galit din ako. Naisip ko na hindi gumagawa ng tunay na gawain si Li Ping, pero basta-basta na lang niyang pinupungusan at pinupuna ang mga tao; hindi na ako puwedeng magbulag-bulagan pa. Kinabukasan, tinukoy ko kay Li Ping ang problema niya sa basta-basta na lang na pagpupungos sa mga tao. Hindi ko inaasahan na patuloy na ipaglalaban ni Li Ping ang katwiran niya, at sinabi pa niyang problema iyon ng ibang tao. Kaya tinukoy ko ang problema niya gamit ang mga prinsipyo ng pagiging mga lider at manggagawa, sinasabi na, “Dapat kang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema ng mga kapatid mo. Ang basta-basta na lang na pagpupungos at panenermon sa mga tao ay hindi lang mabibigong lutasin ang problema, kundi magpaparamdam din sa mga tao na nalilimitahan sila. Bukod pa riyan, dapat kang makinig sa mga mungkahing ibinibigay ng mga kapatid mo.” Noong oras na iyon, sumang-ayon siya nang nakasimangot ang mukha. Pero ang hindi ko inaasahan, pagkatapos noon, nakahanap siya ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para basahin namin na naglalantad ng kayabangan at kapalaluan. Sa puso ko, medyo naramdam kong mayroong mali: Hindi niya nilulutas ang mga aktuwal na problema at sa halip ay palagi niya kaming pinapagnilay-nilay sa aming sarili, na nangangahulugang walang sinuman ang makakakilatis sa kanya. Gustung-gusto kong ilantad ang mga problema niya, pero naisip ko kung paanong ni minsan ay hindi mapagpakumbabang tinanggap ni Li Ping ang mga mungkahi ng ibang tao, at masama rin ang kanyang pagkatao. Minsan, nagkaroon siya ng pagkiling laban sa isang host sister, at palagi niya itong hinuhusgahan sa harap namin. Naisip ko, “Kung direktang tutukuyin ko ang mga problema niya, magkakaroon kaya siya ng pagkiling laban sa akin at huhusgahan niya ako saanman siya magpunta? Hindi ba’t masisira ako noon, at madudungisan ang reputasyon ko?” Nang maisip ko ito, natakot ako at hindi ko nangahas na tukuyin ang mga problema ni Li Ping. Sumang-ayon pa nga ako sa pagninilay sa sarili ko. Pagkatapos, sinisi ko ang sarili ko, at napaisip ako kung bakit ako labis na nagdamdam. Kalaunan, sa mga pagtitipon, hindi nagbahagi si Li Ping tungkol sa kung paano niya pinagnilayan at naunawaan ang kanyang sarili. Sa halip, sinabi niya na nakamit niya ang magagandang resulta noong ginagabayan niya ang gawainng pangvideo sa ibang mga grupo, at na malugod siyang tinanggap ng lahat ng kapatid. Ang ipinahihiwatig niya ay palagi kaming hindi sumasang-ayon sa kanya, dahil masyado kaming mapagmataas para tanggapin ang payo niya. Gustung-gusto kong tukuyin ang mga problema niya, pero natakot akong kung babanggitin ko ang mga iyon, mapapahiya siya at susupilin niya ako, kaya wala akong sinabi.
Pagkatapos, natuklasan kong sa bawat pagkakataon ay pinupuntirya at ibinubukod ako ni Li Ping. Isang beses, nang pauwi ako mula sa isang pagtitipon, bumili ako ng ilang gamit para sa mga sister ko, kaya medyo nahuli ako sa pag-uwi. Pagkatapos ay hinimay ako ni Li Ping sa harap ng mga kapatid sa isang pagtitipon, sinasabing sinasamantala ko ang pagkakataong lumabas para sa isang pagtitipon para pagbigyan ang aking laman. Madalas akong himayin at pungusan ni Li Ping sa pamamagitan ng sadyang paghahanap ng mali at labis na pagpapalaki sa mga bagay-bagay, at nakaramdam ako ng sobrang pagkalungkot at pagkasupil. Ayaw ko na ngang gawin ang tungkulin ko rito. Gayumpaman, kapag naiisip ko kung paanong ang pag-abandona sa aking tungkulin ay pagkakanulo sa Diyos, hindi ako mapalagay, kaya, sa pamamagitan ng panalangin, hindi ko inabandona ang aking tungkulin. Binalikan ko ang ilang buwang pakikisalamuha ko kay Li Ping. Iniraraos lang niya ang kanyang tungkulin at hindi niya nilulutas ang mga tunay na problema, at sukdulan ang pagiging mapagmataas ng kanyang disposisyon; hindi niya tinatanggap ang mga mungkahi ng ibang tao. Kung ang isang taong tulad nito ay magpapatuloy na maging responsable sa gawaing pangvideo, magdudulot lamang siya ng mas malalaking hadlang sa gawain at magdudulot ng kaguluhan sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Alam kong dapat kong iulat ang mga problema ni Li Ping sa mga lider, pero naisip ko kung paanong pinupuntirya niya ako sa mga panahong ito. Kung iuulat kong muli ang mga problema niya at malaman niya, sino ang nakakaalam kung paano niya ako pahihirapan? Saka, nakikita naman ng lahat ang mga problema ni Li Ping, at wala namang ibinibigay na anumang mungkahi sa kanya ang ibang mga sister, kaya naisip kong mas mabuti pang huwag na akong makialam. Bukod pa riyan, si Yang Min ang superbisor ng gawaing pangvideo, at mag-isa niyang iniangat si Li Ping. Kung susulat ako ng liham para iulat ang mga problema ni Li Ping, pangangasiwaan kaya ni Yang Min ang usapin nang patas kapag nabasa niya ito? Tatanggalin kaya nila ako, at sasabihing mapagmataas ako at palalo, palaging naghahanap ng mali sa iba para guluhin ang gawaing pangvideo? Paano kung tuluyan nila akong paalisin sa iglesia? Hindi ba’t masisira niyon ang buhay ko ng pananampalataya sa Diyos? Inalo ko pa ang sarili ko sa pag-iisip na kapag natuklasan ng mga lider ang mga problema ni Li Ping, siya ay haharapin ng mga ito.
Hindi ko inaasahan, nagsimula akong ihiwalay at layuan ng mga sister sa grupo. Maging si Xia Yu, na madalas kong kasalamuha, ay naging malayo sa akin. Hindi ko maintindihan kahit gaano ko pa ito pag-isipan, at araw-araw, pakiramdam ko ay dinadaganan ng malaking bato ang puso ko, na nagpapahirap sa aking huminga. Maraming beses akong palihim na umiyak nang mag-isa, nakakaramdam ako ng matinding pagkalungkot at kawalan ng magawa. Isang gabi, palihim na sinabi sa akin ni Xia Yu na sinamantala ni Li Ping ang pag-alis ko para sa isang pagtitipon para magsabi ng mga mapanirang bagay tungkol sa akin sa harap ng mga sister. Isinisi rin niya sa akin ang lahat ng responsabilidad para sa hindi pagkakamit ng anumang resulta ng gawaing pangvideo, hinihiling sa mga kapatid na kilatisin ako. Matapos sulsulan ni Li Ping, nagsimulang mag-ingat sa akin ang lahat. Pagkatapos kong marinig ang mga salita ni Xia Yu, matagal na hindi mapanatag ang puso ko. “Dahil lang nagbigay ako ng ilang mungkahi kay Li Ping, sinupil at ibinukod niya ako. Ngayon ay bumubuo pa siya ng isang grupo sa likuran ko para ibukod ako. Hindi ba’t pinahihirapan niya lang ako? Napakasama ng taong ito!” Sobrang negatibo ko noon, at napakasama talaga ng kalagayan ko. Talagang natakot ako na kung magpapatuloy ito, baka tanggalin at patalsikin talaga ako. Naisip ko na, sa halip na pahirapan niya ako, mas mabuti pang ako na lang ang magbitiw at kumuha ng ibang tungkulin, para hindi ko na kailangang harapin pa ang ganitong kapaligiran. Gayumpaman, naisip ko ang pasyang ginawa ko sa harap ng Diyos, na tiyak na gagawa ako ng magagandang video para magpatotoo sa Diyos. “Talaga bang isusuko ko na ang tungkuling ito?” Hindi ko iyon matanggap. Masyadong nakakasakit sa puso ng Diyos kung gagawin ko iyon, at hindi iyon magpapakita ng anumang katapatan sa Kanya. Pakiramdam ko ay litung-lito ako at hindi ko alam kung paano dadanasin ang ganitong kapaligiran. Sa gitna ng pasakit at kawalan ng magawa, nanalangin ako sa Diyos, na nawa’y akayin Niya ako na maunawaan ang katotohanan at makahanap ng landas ng pagsasagawa.
Noong Mayo 2015, naglabas ang sambahayan ng Diyos ng mga pagsasaayos ng gawain kung paano kikilatisin ang mga anticristo at huwad na lider. Nang mabasa ko ito kasabay ng pag-uugali ni Li Ping, napagtanto kong isa siyang huwad na manggagawa at tinatahak niya ang landas ng mga anticristo. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Lahat kayo ay nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba ay isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Maisasagawa mo ba ang pagiging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba ay may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapahihintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matugunan sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba ay taong sumusunod sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Bukod pa rito, sa “Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian,” sabi ng Diyos: “Gawin mo ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng Diyos at hindi ang anumang nakasasama sa mga interes ng gawain ng Diyos. Ipagtanggol mo ang pangalan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, at ang gawain ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagprotekta sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng iglesia ang hinihingi sa atin ng Diyos, at isa itong responsabilidad na dapat tuparin ng bawat mananampalataya sa Diyos. Sa panahong ito, nakita ko na hindi talaga gumagawa ng anumang tunay na gawain si Li Ping, at sinusupil at pinahihirapan din niya ang mga tao, at masama ang kanyang pagkatao. Natatakot akong pahirapan at tanggalin niya, kaya hindi ako kailanman nangahas na ilantad at iulat ang mga problema niya, at hindi ako nangahas na labanan ang mga puwersa ng kadiliman. Paano masasabing isa akong taong nagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Hindi ko pinrotektahan nang kahit kaunti ang mga bagay na may kinalaman sa gawain ng iglesia o sa mga interes ng iglesia, at ang sarili ko lang na mga interes ang isinaalang-alang ko. Napakamakasarili ko! Ngayon, naglabas ang sambahayan ng Diyos ng mga pagsasaayos ng gawain para makilatis namin ang mga anticristo at huwad na lider. Napapaloob dito ang layunin ng Diyos, at isa rin itong pagkakataong ibinibigay sa akin ng Diyos para isagawa ang katotohanan. Hindi na ako puwedeng mapigilan pa ng mga puwersa ng kadiliman. Kaya, nanalangin ako sa Diyos: “Mahal kong Diyos, palagi akong nagdurusa dahil sa panggigipit ni Li Ping. Malinaw na may pagkilatis ako kay Li Ping, pero hindi ako nangangahas na ilantad at iulat ang mga problema niya. Masyado akong duwag at wala ni katiting na pagpapahalaga sa katarungan. Nagdudulot ako ng Iyong pagkasuklam! Ngayon ay hiniling sa amin ng sambahayan ng Diyos na kilatisin at iulat ang mga anticristo at huwad na lider. Alam kong napapaloob dito ang Iyong layunin, at handa akong umasa sa Iyo para isagawa ang katotohanan at hindi na mapigilan pa ng mga puwersa ng kadiliman.” Pagkatapos manalangin, mas napanatag ako, at nagkaroon ako ng determinasyong isagawa ang katotohanan.
Isang araw, inanyayahan ako ni Sister Zhuo Yue, na responsable sa gawain ni Li Ping, na lumabas para sa isang pagtitipon. Sobrang nasabik ako, at naramdaman kong isa itong pagkakataong inihanda ng Diyos para sa akin. Kailangan kong iulat ang mga problema ni Li Ping. Bago pa man ako makapagsalita, tinanong kami ni Zhuo Yue, “Kumusta si Li Ping bilang lider ng pangkat ng video?” Ikinuwento ko ang tungkol sa pagganap ni Li Ping. Hiniling niya sa akin na isulat ang lahat ng iyon, at hiniling din sa mga miyembro ng pangkat na isulat ang kanilang mga ebalwasyon kay Li Ping. Nang sandaling iyon, sa sobrang kasabikan ko ay halos maiyak na ako. Naramdaman kong dininig ng Diyos ang mga panalangin ko at binuksan Niya ang isang daan para sa akin. Ang mas hindi ko pa inaasahan, matapos basahin ng mga sister sa pangkat ang mga kaugnay na prinsipyo sa pagkilatis sa mga huwad na lider at anticristo, napagtanto rin nilang mayroong mali kay Li Ping. Kalaunan, sama-sama kaming nagbahaginan at kumilatis, at isinulat namin ang pagganap ni Li Ping—ang kanyang pagkabigong gumawa ng tunay na gawain at kung paano niya ginambala at ginulo ang gawaing pangvideo—at ipinasa ito sa mga lider. Hindi nagtagal, tinanggal ng mga nakatataas na lider si Li Ping matapos malaman at maberipika ang sitwasyon. Pagkaraan ng ilang panahon, tinanggal din si Yang Min. Sobra kaming nasabik lahat at pinuri namin ang Diyos mula sa kaibuturan ng aming mga puso sa pagiging napakamatuwid Niya.
Kalaunan, si Sister Ye Xin ang namahala sa gawaing pangvideo. Madalas niyang talakayin sa amin ang mga ideya sa paggawa ng video, at hinikayat niya kaming aktibong makipagbahaginan, makipagtalakayan, at malayang sabihin kung ano ang nasa isip namin. Minsan ay naglalatag kami ng iba’t ibang opinyon, at bata’t angkop ang mga ito, malugod niya itong tinatanggap. Naramdaman naming nakakarelaks at nakapagpapalaya ang paggawa ng aming mga tungkulin sa ganitong paraan, at lalo akong natuwa na paganda nang paganda ang mga resultang nakakamit namin sa paggawa ng video. Pagkatapos, madalas kong isipin kung paanong matagal ko nang nakilatis na hindi angkop na tao si Li Ping para maging responsable sa gawaing pangvideo, pero hindi ako nangahas na iulat ang problema niya. Anong tiwaling disposisyon ang gumapos sa akin? Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag nagsisilabasan at gumaganap ng iba’t ibang papel bilang mga diyablo at Satanas ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga hindi mananampalataya, lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain at gumagawa ng isang bagay na ganap na naiiba, nagsisinungaling at nililinlang ang sambahayan ng Diyos; kapag ginugulo at ginagambala nila ang gawain ng Diyos, gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos at dumudungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, wala kang ginagawa kundi magalit kapag nakikita mo ito, subalit hindi mo kayang tumindig para itaguyod ang katarungan, ilantad ang masasamang tao, itaguyod ang gawain ng iglesia, harapin at pangasiwaan ang masasamang taong ito, at pigilan sila sa panggugulo sa gawain ng iglesia at pagdungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia. Sa hindi paggawa ng mga bagay na ito, nabigo kang magpatotoo. … Kung gayon, ano nga ba ang ugat ng inyong kawalan ng kakayahang mangasiwa at humarap sa masasamang tao? Ito ba ay dahil likas kang duwag, mahina ang loob, at matatakutin sa gulo? Hindi ito ang ugat o ang diwa ng problema. Ang diwa ng problema ay na ang mga tao ay hindi tapat sa Diyos; pinoprotektahan nila ang kanilang sarili, ang kanilang personal na seguridad, reputasyon, katayuan, at ang kanilang malalabasan. Ang kanilang kawalan ng katapatan ay naipapamalas sa kung paano nila palaging pinoprotektahan ang kanilang sarili, umaatras tulad ng isang pagong papasok sa bahay nito kapag nahaharap ito sa anumang bagay, at naghihintay na makalampas muna iyon bago nito muling ilabas ang ulo. Anuman ang kanilang nakakatagpo, palagi silang nag-iingat nang husto, sobrang nababalisa, nag-aalala, at nangangamba, at hindi nila kayang tumayo at ipagtanggol ang gawain ng iglesia. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng pananalig? Wala kang tunay na pananalig sa Diyos, hindi ka naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at hindi ka naniniwala na ang buhay mo, ang lahat ng sa iyo ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos na, ‘Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na galawin ni isang buhok sa iyong katawan.’ Umaasa ka sa sarili mong mga mata at hinuhusgahan mo ang mga katunayan, hinuhusgahan mo ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga pagtataya, palaging pinoprotektahan ang iyong sarili. Hindi ka naniniwala na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos; natatakot ka kay Satanas, natatakot ka sa masasamang puwersa at masasamang tao. Hindi ba’t ito ay kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos? (Oo.) Bakit walang tunay na pananalig sa Diyos? Ito ba ay dahil masyadong mababaw ang mga karanasan ng mga tao at masyadong kakarampot ang pagkaunawa nila sa katotohanan para makilatis ang mga bagay na ito, o ano? May kinalaman ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Ito ba ay dahil masyadong tuso ang mga tao? (Oo.) Gaano man karaming bagay ang nararanasan nila, gaano man karaming katunayan ang inilalatag sa harap nila, hindi sila naniniwala na ito ay gawain ng Diyos, o na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang malubhang isyu ay ang sobrang pag-aalala ng mga tao sa kanilang sarili. Hindi sila handang magbayad ng anumang halaga o magsakripisyo para sa Diyos, para sa Kanyang gawain, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, para sa Kanyang pangalan, o para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi sila handang gawin ang anumang bagay na may kalakip na kahit pinakakatiting na panganib. Masyadong nag-aalala ang mga tao sa kanilang sarili! Dahil sa kanilang takot na mamatay, na mapahiya, na mabitag ng masasamang tao, at na masadlak sa anumang uri ng suliranin, ginagawa ng mga tao ang lahat para mapangalagaan ang kanilang sariling laman, sinisikap na hindi sila mapasok sa anumang delikadong sitwasyon. Sa isang aspekto, ipinapakita ng ganitong pag-uugali na masyadong tuso ang lahat ng tao, habang sa isa pang aspekto, ibinubunyag nito ang kanilang pangangalaga sa sarili at kasakiman. Hindi ka handang ialay ang iyong sarili sa Diyos, at gayumpaman, sinasabi mo na handa kang igugol ang iyong sarili para sa Diyos, na isang pagnanais lamang. Kapag tunay na dumating ang panahon para tumindig at lumaban ka kay Satanas para magpatotoo sa Diyos, at kapag kailangan mong humarap sa panganib, kamatayan, at iba’t ibang suliranin at paghihirap, ayaw mo na. Gumuguho ang iyong munting hangarin, at ginagawa mo ang lahat ng posibleng paraan para protektahan muna ang iyong sarili, at pagkatapos ay gumagawa ka ng mababaw na gawain na kinakailangan mong gawin, isang gawain na nakikita ng lahat. Ang isipan ng tao ay mas mabilis pa rin kaysa sa isang makina: Alam ng mga tao kung paano makiangkop, alam nila kung aling mga kilos ang nakakatulong sa kanilang mga pansariling interes at kung alin ang hindi kapag nakakatagpo sila ng mga sitwasyon, at mabilis nilang nagagamit ang bawat pamamaraan na abot-kamay nila. Bilang resulta, sa tuwing kinakaharap mo ang mga bagay-bagay, hindi nakakapanindigan ang iyong maliit na tiwala sa Diyos. … Gaano man karaming usapin ang kinakaharap mo, nabibigo kang tuparin ang iyong katapatan at responsabilidad sa pamamagitan ng iyong pananalig sa Diyos. Kaya’t ang pinakaresulta, wala kang nakakamit. Sa bawat sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, at kapag nakikipaglaban ka kay Satanas, palagi mong pinipiling umatras at tumakas. Hindi mo nagawang sundan ang landas na itinuro o isinaayos ng Diyos na danasin mo. Kaya, sa gitna ng labang ito, napapalagpas mo ang katotohanan, pagkaunawa, at mga karanasang dapat sana ay nakamit mo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, para akong sinaksak sa puso. Isa ako sa mga makasarili at mapanlinlang na taong inilantad ng Diyos. Hindi ako naniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Nang ginulo ng isang masamang tao ang gawain ng iglesia, ang mga sariling interes ko lang ang isinasaalang-alang ko, at wala akong ipinakitang katapatan sa Diyos kahit katiting. Malinaw kong nakita na ginagabayan ni Li Ping ang gawainng pangvideo sa paraang lumalabag sa mga prinsipyo. Bukod pa riyan, siya ay mapagmataas, palalo, at nakakapit sa sarili niyang mga ideya, hindi kailanman tumatanggap ng mga makatwirang mungkahi mula sa kanyang mga kapatid at palaging pinagsasabihan ang mga tao mula sa mataas na posisyon, na nagpaparamdam sa kanila na sila ay nalilimitahan. Lubha niyang naantala ang pag-usad ng gawain sa paggawa ng video. Nakikita ko ang mga problema niya, pero natakot akong salungatin siya at atakihin at ibukod niya ako, kaya hindi ako nangahas na ilantad ang mga iyon. Pinahintulutan ng Diyos na dumating sa akin ang kapaligirang ito. Ang layunin Niya ay matuto ako ng pagkilatis, at na, kapag ginugulo at ginagambala ng isang masamang tao ang gawain ng iglesia, magagawa kong isagawa ang katotohanan, at manindigan para ilantad at pigilan sila. Gayumpaman, bagama’t natamasa ko ang pagdidilig at pagtutustos ng napakaraming salita ng Diyos, nang makita kong ginugulo ng isang masamang tao ang gawain ng iglesia, nagtago ako sa aking lungga at ang pag-iingat lang sa aking sarili ang inisip ko. Bagama’t gusto kong iulat ang mga problema ni Li Ping sa mga lider, nag-alala ako na kung haharangin ni Yang Min ang liham ng ulat o kung malaman ito ni Li Ping, mas lalo pa niya akong marahas na pahirapan at baka patalsikin pa nga niya ako sa iglesia. Kung magkagayon, ang pag-asa kong maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos ay tuluyan nang mawawala. Nang maisip ko ito, natakot ako sa lahat ng bagay, at napuno ako ng mga pag-aalinlangan. Ang mga pag-uugaling ito ay hindi lang dahil sa kaduwagan, pagkamahiyain, at pagiging takot, kundi resulta ng pagiging masyadong makasarili at mapanlinlang ng aking kalikasan. Masyado kong pinoprotektahan ang sarili ko! Natakot akong pahirapan at patalsikin, kaya sinikap ko lang na iligtas ang sarili ko at nagbulag-bulagan ako. Naisip ko pa nga, “Nabanggit ko na sa kanya ang mga problema niya, pero hindi niya tinanggap. Ginawa ko na ang lahat ng makakaya ko. Hihintayin ko na lang na malaman ito ng mga lider at sila na ang haharap sa kanya. Sa ganitong paraan, mapoprotektahan ko ang sarili ko mula sa pagpapahirap ng masamang taong ito.” Sa katunayan, hindi gumawa ng tunay na gawain si Li Ping, pinagsabihan niya ang iba mula sa mataas na posisyon, at inapi niya ang kanyang mga kapatid. Hindi ko kailanman inilantad ang masasamang gawang ito, at hindi ako nangahas na iulat ang mga ito sa mga nakatataas na lider, kaya hindi talaga nalutas ang problema. Paano ko masasabing ginawa ko ang lahat ng aking makakaya? Sinunod ko ang mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” kaya namuhay ako sa isang napakamakasarili, tuso, at mapanlinlang na paraan. Nakatayo lang ako at pinanood nang dilat ang mga mata habang ginugulo ni Li Ping ang gawaing pangvideo sa loob nang mahigit anim na buwan. Hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia sa mahalagang sandali, at iningatan ko pa ang sarili ko sa pamamagitan ng pagkukunsinti sa isang masamang tao na patuloy na manira at manggulo sa gawain ng iglesia. Wala akong anumang katapatan sa Diyos kahit katiting, at nag-iwan ako ng isang malubhang pagsalangsang. Nang mapagnilayan ko ang mga bagay na ito, labis akong nagsisi. Nahiya akong humarap sa Diyos, at ang tanging nagawa ko lang ay lumuha dahil sa pagkakonsensiya at paninisi sa sarili. Ayaw ko nang mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang lider o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ilantad, salungatin at maaari kang maghayag ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng aktuwal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag; natatakot silang masupil at mapahirapan ng mga huwad na lider at anticristo, kaya hindi sila nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo. Sinasabi nila, ‘Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ilantad o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang manampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ako sa iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. At hindi ba’t mawawalan ng saysay ang aking pananalig?’ Hindi ba katawa-tawa ang gayong pag-iisip? May tunay bang pananalig sa Diyos ang gayong mga tao? Kakatawanin ba ng isang huwad na lider o anticristo ang Diyos kapag pinatalsik ka niya? Kapag pinahirapan at pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, kagagawan ito ni Satanas, at wala itong kinalaman sa Diyos; kapag inaalis o pinatatalsik ang mga tao mula sa iglesia, nakaayon lamang ito sa mga layunin ng Diyos kapag magkasamang nagdesisyon ang iglesia at ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at kapag ang pag-aalis o pagpapatalsik ay lubos na nakaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Paanong ang mapatalsik ng isang huwad na lider o anticristo ay mangangahulugan na hindi ka maliligtas? Pang-uusig ito ni Satanas at ng anticristo, at hindi nangangahulugan na hindi ka maililigtas ng Diyos. Maliligtas ka man o hindi ay depende na sa Diyos. Walang taong kalipikadong magdesisyon kung maaari ka bang iligtas ng Diyos. Dapat malinaw ito sa iyo. At para tratuhin ang pagpapatalsik sa iyo ng isang huwad na lider o anticristo bilang pagpapatalsik ng Diyos—hindi ba ito maling pag-unawa sa Diyos? Maling pag-unawa ito. At hindi lamang ito maling pag-unawa sa Diyos, kundi paghihimagsik din laban sa Diyos. Medyo paglapastangan din ito sa Diyos. At hindi ba’t kamangmangan at kahangalan ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganitong paraan? Kapag pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, bakit hindi mo hanapin ang katotohanan? Bakit hindi ka maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan upang magkamit ka ng kaunting pagkakilala? At bakit hindi mo ito ipinaaalam sa mga nakatataas? Pinatutunayan nito na hindi ka naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, ipinapakita nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos, na hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kung nagtitiwala ka sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, bakit ka natatakot sa pagganti ng isang huwad na lider o anticristo? Mapagpapasyahan ba niya ang iyong kapalaran? Kung may kakayahan kang makakilala, at natukoy mong salungat ang kanilang mga ikinikilos sa katotohanan, bakit hindi ka makipagbahaginan sa mga taong hinirang ng Diyos na nakauunawa sa katotohanan? May bibig ka naman, kaya bakit hindi ka naglalakas-loob na magsalita? Bakit takot na takot ka sa isang huwad na lider o anticristo? Pinatutunayan nitong duwag ka, walang silbi, isang kampon ni Satanas” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong may isa pang dahilan kung bakit palagi akong nag-aatubili, at hindi nangangahas na iulat ang mga problema ni Li Ping. Ito ay dahil wala akong pananalig sa Diyos at hindi ako naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Masyadong mataas ang tingin ko sa katayuan ng mga lider at manggagawa, at inakala kong ang mga lider, manggagawa, at superbisor ang nagpapasya kung maipagpapatuloy ko ang aking mga tungkulin at matatanggap ang kaligtasan. Kaya, nang makita kong ginugulo ng superbisor at lider ng pangkat ang gawaing pangvideo, nagbulag-bulagan ako, at maingat kong sinubukang protektahan ang aking sarili. Natakot ako na kung sasalungatin ko sila, pag-iinitan nila ako, at pahihirapan at tatanggalin ako. Nang sinusupil ako ni Li Ping, nakaramdam ako ng matinding presyur sa loob ko, at kinailangan kong tahimik na tiisin ito araw-araw, pero hindi pa rin ako nangahas na iulat ang mga problema ni Li Ping. Natakot ako na makahanap ng mali sa akin sina Li Ping at Yang Min at pahirapan at patalsikin ako, para hindi ako maliligtas. Para bang kung magpapatuloy ako sa tungkulin ko o hindi, ang kinabukasan ko, at ang tadhana ko ay nasa kanilang mga kamay lahat. Sa katunayan, kahit na tanggalin at patalsikin talaga nila ako, maaari sana akong makahanap ng mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan, at iulat at ilantad ang kanilang masasamang gawa sa mga nakatataas na lider. Tiyak na pangangasiwaan ito ng sambahayan ng Diyos nang patas. Gayumpaman, kahit hindi pa ako tinatanggal at pinapatalsik, nangatog pa rin ang tuhod ko sa takot, at hindi ako nangahas na magsalita o iulat ang kanilang mga problema. Wala akong tunay na pananalig sa Diyos kahit katiting. Hindi ba’t ako ang tinatawag ng Diyos na duwag, walang kuwenta, isang alipores ni Satanas? Malinaw na nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa mga prinsipyo kung paano tratuhin ang mga lider at manggagawa. Kapag ginagawa ng mga lider at manggagawa ang tama at naaayon sa katotohanan, dapat akong sumang-ayon at tumanggap; kung gumagawa sila ng mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan at lumalabag sa mga prinsipyo, maaari tayong makipagbahaginan at tukuyin ito, na siyang pagtulong sa kanila. Kung hindi ito tinatanggap ng mga lider at manggagawa at patuloy nilang ginugulo ang gawain ng iglesia at sinusupil ang mga tao, dapat nating ilantad ang kanilang masasamang gawa alinsunod sa mga salita ng Diyos. Maaari din natin silang iulat sa mga nakatataas na lider hanggang sa malutas ang problema. Ito ang responsabilidad na dapat nating tuparin. Dati, naniniwala ako na kapag ang mga lider o superbisor ay nagbigay ng mga mungkahi o pinungusan kami, tama man o mali, dapat naming tanggapin ang mga iyon mula sa Diyos at magpasakop, at kung hindi namin tinanggap ang mga iyon at sinubukan pang pabulaanan ang mga ito, magmumukha kaming mapagmataas at hindi makatwiran. Nakita kong napakakabalbalan pala ng pagkaunawa kong iyon! Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang pagsunod sa mga lider o superbisor ay pagpapasakop sa katotohanan. Sinasabi sa atin ng Diyos na tingnan at tratuhin ang mga tao at bagay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Ito lamang ang naaayon sa katotohanan. Sa paggigiit sa mga katotohanang prinsipyo, maaari kang supilin at pahirapan ng mga anticristo at masasamang tao, o patalsikin pa nga nila, pero hindi ito nangangahulugan na ikaw ay pinatalsik ng iglesia o itiniwalag ng Diyos, ni hindi ito nangangahulugan na wala ka nang pagkakataong matanggap ang kaligtasan. Kapag gumagawa ng masama ang mga anticristo at masasamang tao, mabubunyag at haharapin din sila sa malao’t madali. Bukod dito, nag-aangat o nagtatanggal ang iglesia ng mga tao batay sa kanilang palagiang pag-uugali, at ang desisyon ay ginagawa matapos ang isang komprehensibong pagtatasa sa mga ebalwasyon ng karamihan sa mga kapatid. Hindi ito nakasalalay sa desisyon ng sinumang lider o manggagawa. Kumikilos ang sambahayan ng Diyos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Narinig ko mula kay Sister Ye Xin, ang superbisor, na palaging sinusubukan ni Li Ping na tanggalin ako. Gayumpaman, natuklasan nila sa pamamagitan ng aktuwal na imbestigasyon na hindi totoo ang sinabi ni Li Ping, at natuklasan na hindi gumagawa ng tunay na gawain si Li Ping, bukod sa iba pang mga problema. Nakita kong sa sambahayan ng Diyos, naghahari ang katotohanan, at naghahari ang katuwiran. Ipinaranas nito sa akin na walang magagawa sa akin ang mga anticristo o masasamang tao kung walang pahintulot ng Diyos. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, pero hindi ko tiningnan ang mga tao o bagay batay sa mga salita ng Diyos, at hindi ako kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kapag ginugulo ng masasamang puwersa ang gawain ng iglesia at pinipinsala ang aking mga kapatid, hindi ko isinagawa ang katotohanan para protektahan ang gawain ng iglesia. Sa halip, kinunsinti ko ang mga huwad na lider na nagsasagawa ng masasamang gawa at pumipinsala sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kumikilos ako bilang kasabwat ni Satanas? Kung mananatili akong hindi nagsisisi, sa huli ay ititiwalag ako ng Diyos, at ito ay pagpapasyahan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Habang pinagninilayan ko ang mga karanasang ito, naunawaan ko ang masidhing pangangalaga ng Diyos sa pag-aayos ng mga kapaligirang ito. Talagang napakalaki ng pakinabang ng mga ito sa aking buhay pagpasok, at napuno ng pasasalamat sa Diyos ang puso ko. Nakaramdam din ako ng pagkakonsensiya sa sarili at pagkakautang para sa mga pagsalangsang na nagawa ko sa hindi pagsasagawa ng katotohanan. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Mahal kong Diyos, nagpapasalamat ako sa Iyo para sa mga kapaligirang isinaayos Mo para sa akin. Dati, pinalampas ko ang maraming pagkakataong isagawa ang katotohanan. Handa akong magsisi, at hangaring maging isang taong may pagpapahalaga sa katarungan na nagsasagawa ng katotohanan at nagpoprotekta sa gawain ng iglesia.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at labis akong naantig. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. … Kung isa kang taong tunay na nananampalataya sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano ay magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ilantad ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong pigilan ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay iglesia.’ Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang responsabilidad na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang puso ng isang taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay nakabaling sa Diyos. Kapag may mga dumarating na bagay sa kanila, kaya nilang pumanig sa Diyos at pumanig sa katotohanan. Kapag nakikita nilang ginagambala at ginugulo ng iba ang gawain ng iglesia, hindi nila ito ipinagwawalang-bahala, kundi binibitiwan nila ang mga personal na interes at kumikilos ayon sa mga prinsipyo para protektahan ang gawain ng iglesia. Tungkol naman sa mga bagay na nakapipinsala sa mga interes ng iglesia, kaya nilang isagawa ang katotohanan para ilantad at pigilan ang mga ito. Matapang silang lumaban sa masasamang puwersa, at kayang tuparin ang kanilang mga responsabilidad para protektahan ang mga interes ng iglesia. Ito lamang ang mga taong naghahangad sa katotohanan at may konsensiya at katwiran. Binalaan ko ang sarili ko sa puso ko na kung muli akong makapansin ng mga huwad na lider at huwad na manggagawa sa iglesia na hindi gumagawa ng tunay na gawain, o ng mga taong gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo na nakapipinsala sa gawain ng iglesia, tiyak na hindi ako magiging isang mapagpalugod ng mga tao para subukang protektahan ang aking sarili. Sa halip, tutukuyin ko ang kanilang mga problema, at kung hindi nila ito tatanggapin, dapat akong magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan para iulat ito sa mga nakatataas na lider hanggang sa malutas ang mga problema. Sa ganitong paraan ko lamang matutupad ang aking responsabilidad. Isang beses, nagkataong narinig kong isa pang sister sa iglesia ang sinupil din ni Li Ping. Matapos malaman ang tungkol sa pagsupil kay sister ni Li Ping, nakita kong hindi talaga nagbago ang tiwaling disposisyon ni Li Ping sa kabila ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, at na susupilin at pahihirapan niya ang sinumang sumaling sa kanyang mga interes. Bukod dito, mayroon siyang mapaminsalang pagkatao, namumuhi sa katotohanan, at may napakalubhang disposisyon ng anticristo. Kung mananatili sa iglesia ang isang taong tulad nito, guguluhin niya lang ang gawain at pipinsalain ang kanyang mga kapatid. Kaya, nagsumite ako ng isang detalyadong ulat sa mga lider tungkol sa pag-uugali ni Li Ping na panunupil at pagtatarato sa mga tao, at sa mga katunayan ng kanyang paggawa ng masama. Umaasa akong haharaphin siya ng mga ito ayon sa mga prinsipyo. Hindi nagtagal, sumulat pabalik sa akin ang mga lider at sinabing inaresto ng mga pulis si Li Ping. Bagama’t nakalaya na siya, nasa ilalim pa rin siya ng pagbabantay ng pulisya. Nakakolekta na sila ng ebidensya ng masasamang gawa ni Li Ping at aasikasuhin nila siya ayon sa mga prinsipyo. Nang mabasa ko ang tugon mula sa mga lider, napanatag ako nang husto. Pagkatapos, sa tuwing nakikita ko ang mga lider o manggagawa na gumagawa ng mga bagay na hindi angkop o lumalabag sa mga prinsipyo, hindi na ako duwag at bulag na sumusunod. Sa halip, binabanggit ko ito sa kanila alinsunod sa mga salita ng Diyos.
Bagama’t nagdanas ako ng ilang paghihirap sa karanasan ko na pahirapan at supilin ng isang masamang tao, nagkamit ako ng kaunting pagkilatis sa diwa ng pagkamuhi sa katotohanan ng mga anticristo at masasamang tao. Nakita ko rin talaga na kontrolado ng Diyos ang lahat ng bagay, at na ang aking kinabukasan at tadhana ay nasa mga kamay din ng Diyos. Naranasan ko rin talaga na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, at lahat ng negatibong tauhan na gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng iglesia ay pangangasiwaan nang patas. Na nagawa kong magkamit ng mga pakinabang at pagkanaunawang ito ay bunga ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!