J. Tungkol sa Kung Paano Magsikap na Mahalin ang Diyos

436. Ang diwa ng Diyos ay hindi lamang upang paniwalaan ito ng tao; higit pa rito, ito ay para mahalin ito ng tao. Subalit marami sa mga naniniwala sa Diyos ang hindi kayang tuklasin ang “lihim” na ito. Hindi nangangahas ang mga tao na mahalin ang Diyos, o sumusubok na mahalin Siya. Hindi nila kailanman natuklasan na marami ang kaibig-ibig sa Diyos; hindi nila kailanman natuklasan na ang Diyos ay ang Diyos na nagmamahal sa tao, at Siya ang Diyos na dapat mahalin ng tao. Ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos ay ipinahahayag sa Kanyang gawain: Sa pagdanas lamang sa Kanyang gawain maaaring matuklasan ng mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig; sa realidad lamang nila maaaring mapahalagahan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; at kung hindi ito mararanasan at maisasagawa sa tunay na buhay, walang sinuman ang makatutuklas sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Napakaraming kaibig-ibig sa Diyos, ngunit kung walang tunay na pakikipag-ugnayan sa Kanya, walang kakayahan ang mga tao na tuklasin ito. Ibig sabihin, kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, hindi makakaya ng mga tao ang aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, at kung hindi nila magawang aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, hindi rin nila magagawang maranasan ang Kanyang gawain—kaya mababahiran ang kanilang pagmamahal sa Diyos ng maraming kasinungalingan at imahinasyon. Ang pagmamahal sa Diyos sa langit ay hindi kasing tunay ng pagmamahal sa Diyos sa lupa, dahil ang kaalaman ng mga tao sa Diyos sa langit ay nabuo sa kanilang mga imahinasyon, sa halip na sa kung ano ang nakita ng sarili nilang mga mata, at kung ano ang kanilang naging personal na naranasan. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, napagmamasdan ng mga tao ang Kanyang praktikal na mga gawa at ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at nakikita nila ang lahat ng Kanyang praktikal at normal na disposisyon, at ang lahat ng ito ay ilang libong ulit na higit na tunay kaysa sa kabatiran sa Diyos sa langit. Gaano man kamahal ng mga tao ang Diyos sa langit, walang anumang tunay sa pag-ibig na ito, at puno ito ng mga ideya ng tao. Gaano man kaliit ang kanilang pagmamahal para sa Diyos sa lupa, ang pagmamahal na ito ay tunay; kahit ito ay kakaunti lamang, ito ay tunay pa rin. Idinudulot ng Diyos na kilalanin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng praktikal na gawain, at sa pamamagitan ng kaalamang ito, nakakamit Niya ang kanilang pagmamahal. Katulad ito ni Pedro: Kung hindi siya namuhay na kasama si Jesus, magiging imposible para sa kanya na mahalin si Jesus. Ang kanyang katapatan kay Jesus ay nabuo rin sa kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus. Upang mahalin Siya ng tao, ang Diyos ay pumarito sa mga tao at namumuhay na kasama ng tao, at ang lahat ng Kanyang ipinakikita at ipinararanas sa tao ay ang pagiging praktikal ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

437. Ang “pagmamahal,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging mapagsaalang-alang. Sa pagmamahal walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang distansiya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal, walang anumang palitan o karumihan. Kung mayroon kang pagmamahal, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magtataksil, maghihimagsik, gigiit, o maghahangad na magtamo ng isang bagay o ng isang partikular na halaga. Kung mayroon kang pagmamahal, masaya mong ilalaan ang iyong sarili, masaya mong titiisin ang hirap, makakasundo mo Ako, tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tatalikdan mo ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagtataksil! Anong klaseng pagmamahal ang sa iyo? Tunay na pagmamahal ba iyon? O huwad? Gaano na ang natalikdan mo? Gaano na ang iyong naisakripisyo? Gaanong pagmamahal na ang natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagtataksil, at panlilinlang—kaya gaano karami bang dumi ang nasa pagmamahal ninyo? Iniisip ninyo na sapat na ang natalikdan ninyo para sa Akin; iniisip ninyo na sapat na ang pagmamahal ninyo sa Akin. Pero kung gayon ay bakit palaging nagtataglay ng paghihimagsik at panlilinlang ang inyong mga salita at kilos? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit pagkatapos ay tinatanggihan naman ninyo Ako. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Itinuturing ba ng pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo Ako tinatrato nang angkop sa Akin, at pinahihirapan ninyo Ako palagi. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit sinusubukan ninyong lokohin at linlangin Ako sa lahat ng bagay. Itinuturing bang pagmamahal ito? Pinaglilingkuran ninyo Ako, subalit hindi kayo nangangamba sa Akin. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sinasalungat ninyo Ako sa lahat ng aspeto at sa lahat ng bagay. Itinuturing bang pagmamahal ang lahat ng ito? Totoo, malaki na ang naialay ninyo, subalit hindi ninyo naisagawa kailanman ang ipinagagawa Ko sa inyo. Maituturing bang pagmamahal ito? Ang maingat na pagbubuod ay nagpapakita na wala ni katiting na pahiwatig ng pagmamahal sa Akin sa inyong kalooban. Pagkaraan ng napakaraming taon ng gawain at lahat ng maraming salitang naibigay Ko, gaano karami ba talaga ang inyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

438. Walang aral ang mas malalim pa kaysa sa aral na ibigin ang Diyos, at masasabing ang aral na natututunan ng mga tao sa habambuhay na paniniwala ay kung paano mahalin ang Diyos. Na ang ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Diyos, dapat mong mahalin ang Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos ngunit hindi mo Siya minamahal at hindi mo pa nakamtan ang pagkilala sa Diyos, at hindi mo pa kailanman minahal ang Diyos nang tunay na pagmamahal na mula sa puso mo, ang paniniwala mo sa Diyos ay walang saysay; kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, ay hindi mo mahal ang Diyos, nabubuhay ka nang walang kabuluhan, at ang buong buhay mo ang pinakamababa sa lahat ng buhay. Kung, sa buong buhay mo, hindi mo pa kailanman inibig o binigyang-kasiyahan ang Diyos, ano ang saysay ng iyong pamumuhay? At ano ang saysay ng iyong paniniwala sa Diyos? Hindi ba iyon pag-aaksaya lang ng pagsisikap? Na ang ibig sabihin, kung maniniwala at iibigin ng mga tao ang Diyos, dapat silang magbayad ng halaga. Sa halip na hangaring kumilos sa isang partikular na paraan sa panlabas, dapat silang maghanap ng tunay na kabatiran sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kung masigasig ka sa pag-awit at pagsayaw, ngunit hindi kayang isagawa ang katotohanan, masasabi bang iniibig mo ang Diyos? Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangailangan ng paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, at na sumisid ka nang malalim kapag may anumang nangyayari sa iyo, sinusubukang maarok ang mga layunin ng Diyos, at sinusubukang makita kung ano ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na ito, kung ano ang hinihingi Niyang makamit mo, at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Halimbawa: May nangyari na kinakailangan kang magtiis ng hirap, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Pagkaitan mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa laman. Kailangan mong sikapin na mabigyan-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Dahil sa gayong mga kaisipan, dadalhan ka ng Diyos ng natatanging kaliwanagan sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

439. Ngayon, alam na ninyong lahat na ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi lamang para sa kaligtasan ng kaluluwa at kapakanan ng laman, ni hindi ito upang pagyamanin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos, at iba pa. Sa ngayon, kung mahal mo ang Diyos alang-alang sa kapakanan ng laman o panandaliang kasiyahan, kahit sa bandang huli ay umabot sa sukdulan ang pagmamahal mo sa Diyos at wala ka nang hinihiling pa, hindi pa rin puro ang pagmamahal na ito na hinahangad mo at hindi kalugud-lugod sa Diyos. Ang mga gumagamit ng pagmamahal sa Diyos upang pagyamanin ang nakababagot nilang buhay at punan ang kahungkagan sa kanilang puso ay ang uri ng mga tao na nagnanasa sa madaling buhay, hindi sila tunay na naghahangad na mahalin ang Diyos. Ang ganitong uri ng pagmamahal ay sapilitan, ito ay paghahangad ng kasiyahang pangkaisipan, at hindi ito kailangan ng Diyos. Kung gayon, anong klase ang pagmamahal mo? Para saan ang pagmamahal mo sa Diyos? Gaano kalaki ang tunay na pagmamahal sa Diyos na nasa iyong kalooban ngayon? Ang pagmamahal ng karamihan sa inyo ay katulad ng nabanggit. Mapapanatili lamang ng gayong pagmamahal ang kasalukuyang estado ng mga bagay-bagay; hindi nito makakamit ang kawalan ng pagbabago, ni hindi ito mag-uugat sa tao. Ang ganitong klaseng pagmamahal ay katulad lamang ng isang bulaklak na namumukadkad at nalalanta nang hindi namumunga. Sa madaling salita, matapos mong mahaling minsan ang Diyos sa gayong paraan, kung walang sinumang aakay sa iyo sa landas sa unahan, malulugmok ka. Kung kaya mo lamang mahalin ang Diyos sa oras ng pagmamahal sa Diyos ngunit pagkatapos ay hindi pa rin nagbabago ang iyong disposisyon sa buhay, hindi ka pa rin makakatakas sa pagkabalot ng impluwensya ng kadiliman, hindi ka pa rin makakalaya mula sa mga gapos ni Satanas at sa pandaraya nito. Walang sinumang tulad nito ang ganap na makakamit ng Diyos; sa huli, pag-aari pa rin ni Satanas ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan. Walang alinlangan iyan. Lahat ng hindi ganap na makakamit ng Diyos ay babalik sa kanilang orihinal na lugar, ibig sabihin, babalik sila kay Satanas, at bababa sa lawa ng apoy at asupre upang tanggapin ang susunod na hakbang ng kaparusahan mula sa Diyos. Yaong mga nakamit ng Diyos ay yaong mga naghihimagsik laban kay Satanas at tumatakas mula sa kapangyarihan nito. Sila ay opisyal na kabilang sa mga tao ng kaharian. Ganito kung paano nagiging mga tao ng kaharian. Handa ka bang maging ganitong klaseng tao? Handa ka bang makamit ng Diyos? Handa ka bang tumakas mula sa kapangyarihan ni Satanas at bumalik sa Diyos? Pag-aari ka na ba ngayon ni Satanas o kabilang ka sa mga tao ng kaharian?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pananaw na Dapat Panghawakan ng mga Mananampalataya

440. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng pagkakabalot ng impluwensya ng kadiliman, nakagapos sa impluwensya ni Satanas nang hindi makakatakas. At ang disposisyon niya, pagkatapos itong maproseso ni Satanas, ay nagiging lalo at lalo pang tiwali. Maaaring masabi na ang tao ay noon pa namumuhay kasama ang kanyang tiwali at malasatanas na disposisyon, at walang kakayahang tunay na ibigin ang Diyos. Yamang ganito, kung nais ng tao na ibigin ang Diyos, kailangan niyang matanggalan ng kanyang pagmamagaling, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagmamataas, kapalaluan, at iba pang gaya nito—lahat ng mula sa disposisyon ni Satanas. Kung hindi, ang pag-ibig ng tao ay isang hindi dalisay na pag-ibig, isang satanikong pag-ibig, at isa na siguradong hindi makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Kung hindi direktang ginagawang perpekto, binabasag, pinupungusan, dinidisiplina, itinutuwid, at pinipino ng Banal na Espiritu, hindi magagawa ng sinuman na tunay na mahalin ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tiwaling Tao ay Walang Kakayahang Kumatawan sa Diyos

441. Kapag kinakausap ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga puso, kapag nagagawa ng kanilang mga puso na ganap na bumaling sa Kanya, ito ang unang hakbang sa pag-ibig ng tao para sa Diyos. Kung nais mong ibigin ang Diyos, kailangan mo munang magawang ibaling ang iyong puso sa Kanya. Ano ang pagbaling ng iyong puso sa Diyos? Ito ay kapag ang lahat ng iyong hinahangad sa iyong puso ay para sa kapakanan ng pag-ibig at pagkakamit sa Diyos. Ipinakikita nito na ganap mo nang naibaling ang iyong puso sa Diyos. Maliban sa Diyos at sa Kanyang mga salita, halos wala nang ibang nasa iyong puso (pamilya, kayamanan, asawang lalaki, asawang babae, mga anak, atbp.). Kung mayroon man, hindi makakapanahan ang gayong mga bagay sa iyong puso, at hindi mo iniisip ang mga inaasahan mo sa iyong hinaharap kundi hinahangad lamang ang pag-ibig sa Diyos. Sa gayong pagkakataon ay naibaling mo na nang ganap ang iyong puso sa Diyos. Ipagpalagay mong gumagawa ka pa rin ng mga plano para sa iyong sarili sa iyong puso at palaging hinahangad ang pansariling pakinabang, palaging iniisip: “Kailan kaya ako makagagawa ng munting kahilingan sa Diyos? Kailan kaya yayaman ang aking pamilya? Paano kaya ako makakakuha ng ilang magagandang damit? …” Kung ikaw ay nabubuhay sa gayong kalagayan, ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pa ganap na nakabaling sa Diyos. Kung taglay mo lamang ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at nagagawa mong manalangin sa Diyos at maging malapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon—na parang napakalapit Niya sa iyo, na parang ang Diyos ay nasa loob mo at ikaw ay nasa loob Niya—kung ikaw ay nasa gayong uri kalagayan, nangangahulugan ito na ang iyong puso ay nasa presensya na ng Diyos. Kung ikaw ay nananalangin sa Diyos at kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita araw-araw, palaging iniisip ang gawain ng iglesia, at kung nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ginagamit ang iyong puso upang ibigin Siya nang tunay at bigyang-kaluguran ang Kanyang puso, ang iyong puso ay magiging pag-aari ng Diyos. Kung ang iyong puso ay pinananahanan ng maraming ibang bagay, ito ay pinananahanan pa rin ni Satanas at ito ay hindi pa tunay na nakabaling sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay tunay na nakabaling na sa Diyos, magkakaroon sila ng tunay at kusang pag-ibig sa Kanya at magagawang isaalang-alang ang gawain ng Diyos. Bagama’t maaari pa rin silang magkaroon ng mga sandali ng kahangalan at kawalan ng katwiran, nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bahay ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa sarili nilang pagbabago ng disposisyon, at malinis ang intensyon nila. May mga taong palaging sinasabi na lahat ng ginagawa nila ay para sa iglesia gayong, ang totoo, gumagawa sila para sa sariling pakinabang. Ang mga taong tulad nito ay nagtataglay ng maling uri ng layunin. Sila ay buktot at mapanlinlang at karamihan sa mga bagay na kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang pagmamahal sa Diyos; ang kanilang puso ay pag-aari pa rin ni Satanas at hindi makakabaling sa Diyos. Sa gayon, walang paraan ang Diyos upang matamo ang ganitong uri ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa

442. Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao sa panlabas ay mukhang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan. Halimbawa, kung ikaw ay may pagkiling tungo sa iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mga salita na nais mong sabihin—mga salita na sa pakiramdam mo ay maaaring hindi ikatuwa ng Diyos—ngunit kung hindi mo sasabihin ang mga ito, makararamdam ka ng paghihirap sa kalooban mo, at sa sandaling ito, magsisimula ang isang paglalaban sa kalooban mo: “Magsasalita ba ako o hindi?” Ito ang paglalaban. Kaya, sa lahat ng bagay na makatagpo mo ay may labanan, at kapag may labanan sa iyong kalooban, dahil sa iyong aktuwal na pakikipagtulungan at aktuwal na pagdurusa, gumagawa ang Diyos sa iyong kalooban. Sa huli, nagagawa mong isantabi sa kalooban mo ang pangyayari at ang galit ay likas na nawawala. Ganito ang epekto ng iyong pakikipagtulungan sa Diyos. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao, kinakailangan ng partikular na dami ng dugo ng kanilang puso. Kung walang aktuwal na paghihirap, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos; hindi man lamang sila nakakaabot sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at naglilitanya lamang sila ng mga hungkag na islogan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na islogang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pagmamahal sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao, kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang lahat ng detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay nauugnay sa patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga walang pananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamabababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang tapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may tapang kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuru-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktuwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktuwal na tayog at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng matunog na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktuwal na pagmamahal sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

443. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay ang mga nagmamahal sa katotohanan, at habang lalo itong isinasagawa ng mga nagmamahal sa katotohanan, mas nagkakaroon sila ng marami nito; habang mas isinasagawa nila ito, mas nagkakaroon sila ng higit pang pagmamahal ng Diyos; at habang mas isinasagawa nila ito, mas pinagpapala sila ng Diyos. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, ang pag-ibig ng Diyos ay unti-unti kang bibigyang-kakayahan na makakilatis, tulad nang makilala ni Pedro ang Diyos: Sinabi ni Pedro na ang Diyos ay hindi lamang nagtataglay ng karunungang likhain ang langit at lupa at lahat ng bagay, kundi higit pa rito ay may karunungan din Siya na gawin ang praktikal na gawain sa mga tao. Sinabi ni Pedro na hindi lamang Siya karapat-dapat sa pag-ibig ng mga tao dahil sa Kanyang paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ngunit, higit pa rito, dahil sa Kanyang kakayahang likhain ang tao, iligtas ang tao, gawing perpekto ang tao, at ipagkaloob ang Kanyang pag-ibig sa tao. Kaya sinabi rin ni Pedro na maraming bagay na taglay ng Diyos ang karapat-dapat sa pag-ibig ng tao. Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Ang paglikha ba ng langit at lupa at lahat ng bagay ang tanging dahilan upang maging karapat-dapat Ka sa pag-ibig ng mga tao? Marami Ka pang tinataglay na kaibig-ibig. Gumaganap at kumikilos Ka sa tunay na buhay, inaantig ng Iyong Espiritu ang kalooban ko, dinidisiplina Mo ako, sinasaway Mo ako—higit pang karapat-dapat ang mga bagay na ito sa pag-ibig ng mga tao.” Kung nais mong makita at maranasan ang pag-ibig ng Diyos, kung gayon ay dapat kang tumuklas at maghanap sa tunay na buhay at dapat maging handang isantabi ang iyong sariling laman. Dapat mong gawin ang kapasyahang ito. Dapat kang maging isang taong may determinasyon na magagawang magbigay-lugod sa Diyos sa lahat ng bagay, nang hindi nagiging tamad o nag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, nang hindi nabubuhay para sa laman kundi nabubuhay para sa Diyos. Marahil ay hindi mo nabibigyang-lugod ang Diyos sa pagkakataong ito. Iyon ay dahil sa hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos; sa susunod, mangailangan man ito ng higit pang pagsisikap, dapat mo Siyang bigyang-kaluguran at hindi dapat bigyang-kasiyahan ang laman. Kapag naranasan mo ito sa ganitong paraan, makikilala mo na ang Diyos. Makikita mo na kayang likhain ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, na Siya ay nagkatawang-tao upang tunay Siyang makita ng mga tao at tunay na makisalamuha sa Kanya; makikita mo na nagagawa Niyang lumakad sa gitna ng mga tao, na makakaya ng Kanyang Espiritu na gawing perpekto ang mga tao sa tunay na buhay, na nagtutulot sa kanila na makita ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at danasin ang Kanyang pagdidisiplina, ang Kanyang pagtutuwid, at ang Kanyang mga biyaya. Kung lagi kang nakadaranas sa ganitong paraan, hindi ka mawawalay sa Diyos sa tunay na buhay, at kung isang araw ay naging hindi na normal ang ugnayan mo sa Diyos, magagawa mong sumailalim sa paninisi at makaramdam ng pagsisisi. Kung may normal kang relasyon sa Diyos, hindi mo na nanaisin kailanman na iwan ang Diyos, at kung dumating ang araw na sabihin ng Diyos na iiwan ka Niya, matatakot ka, at sasabihin na nanaisin mo pang mamatay kaysa iwan ng Diyos. Sa sandaling may ganito ka nang mga damdamin, mararamdaman mo na hindi mo kayang lisanin ang Diyos, at sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng isang pundasyon, at tunay na matatamasa ang pag-ibig ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

444. Gaano mo kamahal ang Diyos sa ngayon? At gaano ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga aral na dapat mong matutunan. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, lahat ng Kanyang ginagawa sa tao at itinutulot na makita ng tao ay upang mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; lalo pa, dahil ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na naisagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na mamahalin ang Diyos. Kapag mas malaki ang gawain ng Diyos sa tao, kapag mas nagdurusa ang tao, mas lalo nitong naipakikita kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano natatamo ang aral ng pagmamahal sa Diyos? Kung walang pagdurusa at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa—makaaabot ka ba sa punto ng tunay na pagmamahal sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng mga pagsubok, naghahanda ang Diyos ng ilang kapaligiran para sa tao upang sa loob ng mga ito, mas mararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng malubhang pagdadalamhati—nang naranasan na ito, nakikita ng tao kung gaano kakaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

445. Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatanggihan sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at mapanglaw ang kinabukasan nila. Nagdurusa ang ilang tao hanggang sa isang partikular na antas, gusto pa ngang mamatay. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang kakayahan! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin; bukod dito, hindi ka magkakaroon ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakataas ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang nasa iyo na hindi kayang mapalugod ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong titindi ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananalig at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kailangan lang mahalin ng tao ang Diyos para hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong problema, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, kung gayon, sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaluin, makadarama ka ng kapanatagan, at magkakaroon ka ng isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo. Sa halip, gugustuhin mong umawit, sumayaw, at magdasal, makipagtipon at makipagbahaginan, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo at walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu bagkus ay napipigilan, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay nangangahulugan ng paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa loob mo ay mayroon pa ring isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at sa kaibuturan mo, nananabik at nangungulila ka sa Diyos. Ito ay tunay na tayog.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

446. Sa panahon ng mapait na pagpipino, pinakamadaling mahulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong pukawin ang iyong kalooban, ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong natitirang sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hangaring makipagbahaginan. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang walang kibo, lalo kang magiging mas negatibo at magiging mas madali para sa iyo na umurong. Kapag kinakailangan mo nang gampanan ang iyong tungkulin, bagama’t hindi mo ito nagagampanan nang maayos, ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya, at ginagawa ito gamit lamang ang walang iba kundi ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso; anuman ang sinasabi ng iba—sinasabi man nilang mahusay ang paggawa mo, o na hindi maganda ang paggawa mo—sa kabuuan, ang iyong mga intensyon ay tama, at hindi ka mapagmagaling, sapagkat ikaw ay kumikilos alang-alang sa Diyos. Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at magsabi ng: “O Diyos! Hindi ko hinihiling na pagtiisan ako ng iba o tratuhin nila ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsensiya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso; ginagawa ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at bagaman ako ay hangal, mangmang, may mahinang kakayahan at bulag, nalalaman ko na Ikaw ay kaibig-ibig, at nakahanda akong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo.” Sa sandaling manalangin ka sa ganitong paraan, lilitaw ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong giginhawa ang iyong pakiramdam sa puso mo. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

447. Paano dapat ibigin ng tao ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pamamagitan ng determinasyon na ibigin ang Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagpipino: Sa panahon ng pagpipino ikaw ay nagdurusa sa loob, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa iyong puso, ngunit nakahanda kang mapalugod ang Diyos gamit ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ayaw mong bigyang-layaw ang laman. Ito ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Nasasaktan ka sa loob, at ang iyong pagdurusa ay nakarating na sa isang partikular na punto, ngunit nakahanda ka pa ring lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing: “O Diyos! Hindi Kita maaaring iwan. Bagama’t mayroong kadiliman sa loob ko, nais kong mapalugod Ka; kilala Mo ang puso ko, at hinihiling kong magbuhos Ka ng mas maraming pag-ibig Mo sa loob ko.” Ito ang pagsasagawa sa panahon ng pagpipino. Kung gagamitin mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso bilang pundasyon, maaari kang mas mailapit ng pagpipino sa Diyos at gagawin ka nitong mas matalik sa Diyos. Yamang nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay magiging imposible para sa iyo na ikaila ang Diyos, o iwan ang Diyos. Sa ganitong paraan ang iyong relasyon sa Diyos ay magiging lalong mas malapit, at lalong mas normal, at ang iyong pakikipagbahaginan sa Diyos ay magiging lalong mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos, at ng mas maraming panahon sa ilalim ng gabay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng higit pang mas maraming pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, ngunit magagawa mo ring magpatotoo sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job, at ni Pedro. Sa pagpapatotoo sa Diyos iibigin mo Siya nang tunay, at magiging handa kang ialay ang iyong buhay para sa Kanya; ikaw ay magiging saksi ng Diyos, at ang siyang iniibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi marupok. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong isantabi ang iyong mga pag-aalala kung mabubuhay ka ba o mamamatay, handang isantabi ang lahat para sa Diyos, at nagagalak na tiisin ang anuman para sa Diyos—sa ganitong paraan, magiging dalisay ang pag-ibig mo, at magkakaroon ng realidad ang iyong pananalig. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

448. Kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao dahil kinakailangan ito ng Kanyang gawain, at, higit pa rito, dahil kailangan ito ng tao. Kailangan ng tao na makastigo at mahatulan, at saka lamang niya makakamit ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngayon, kayo ay lubos na kumbinsido, ngunit kapag kayo ay napaharap sa kahit napakaliit na hadlang ay nahihirapan na kayo. Ang inyong tayog ay napakaliit pa rin, at kailangan pa rin ninyong makaranas ng higit pang pagkastigo at paghatol para matamo ang mas malalim na kaalaman. Ngayon, kayo ay medyo may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, at natatakot kayo sa Diyos, at batid ninyong Siya ang tunay na Diyos, ngunit wala kayong dakilang pag-ibig sa Kanya, lalong hindi pa ninyo natamo ang dalisay na pag-ibig; ang inyong kaalaman ay napakababaw, at ang inyong tayog ay hindi sapat. Kapag kayo ay tunay na nakaranas ng isang kapaligiran, hindi pa kayo nagpapatotoo, napakaliit sa inyong pagpasok ang maagap, at wala kayong ideya kung paano magsagawa. Karamihan ng mga tao ay negatibo at pasibo. Iniibig lamang nila nang palihim ang Diyos sa kanilang mga puso, ngunit walang paraan ng pagsasagawa, at hindi malinaw kung ano ang kanilang mga layon. Ang mga taong nagawang perpekto ay hindi lamang may normal na pagkatao, kundi nagtataglay ng mga katotohanang nakahihigit sa mga sukat ng konsensiya, na mas mataas pa sa mga pamantayan ng konsensiya. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang konsensiya upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit, higit pa rito, nakilala nila ang Diyos, at nakita nila na ang Diyos ay kaibig-ibig, at karapat-dapat ibigin ng tao, at napakaraming bagay ang kaibig-ibig tungkol sa Diyos. Hindi maiiwasan ng tao na ibigin Siya! Ang pag-ibig para sa Diyos ng mga nagawang perpekto ay upang tuparin nila ang kanilang sariling personal na determinasyon. Ang kanila ay pag-ibig na kusang-loob, isang pag-ibig na hindi humihiling ng kapalit, at hindi isang transaksyon. Iniibig nila ang Diyos dahil lamang sa kanilang pagkakilala sa Kanya at wala nang iba pa. Hindi iniisip ng mga taong ito kung pagkakalooban sila ng Diyos ng mga biyaya, sapat na sa kanila ang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi sila nakikipagtawaran sa Diyos, o kaya ay nagsusukat ng kanilang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng konsensiya: “Nakapagbigay Ka sa akin, kaya minamahal Kita bilang kapalit. Kung hindi Ka nagbibigay sa akin, wala rin akong anumang maibibigay na kapalit sa Iyo.” Ang mga nagawang perpekto ay laging naniniwala na: “Ang Diyos ang Lumikha, at isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa atin. Dahil ako ay may ganitong pagkakataon, kondisyon, at kalipikasyon upang gawing perpekto, dapat kong hangaring isabuhay ang makabuluhang buhay, at dapat ko Siyang matugunan.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

449. Sa buong buhay niya, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masakit na pagpapanday. Ang pagpipinong ito ang naging pundasyon ng kanyang sukdulang pagmamahal sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa buong buhay niya. Sa isang banda, nagawa niyang taglayin ang isang sukdulang pagmamahal sa Diyos dahil sa kanyang determinasyong ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayumpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakahindi malilimutang bagay para sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino sa pag-ibig sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagkakaroon ng determinasyon na ibigin ang Diyos ay hindi kagaya ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bagama’t lahat ng kanilang iniisip sa kanilang puso ay alang-alang sa pag-ibig at pagpapalugod sa Diyos, at tila alang-alang sa Diyos at walang anumang mga ideya ng tao, kapag dinadala sa harap Niya ang gayong pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos, hindi Niya ito sinasang-ayunan o pinagpapala. Kahit na ganap na maunawaan at malaman ng mga tao ang lahat ng katotohanan, hindi masasabi na isa itong tanda ng pagmamahal sa Diyos, hindi masasabi na ang mga taong ito ay may realidad ng pagmamahal sa Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang mas malalim na kahulugan ng mga ito. Sa panahong iyon, kapag muli nilang isinagawa ang mga katotohanang ito, nagagawa na nila ito nang tumpak, at nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; sa pagsasagawa nila noong panahong iyon, nababawasan ang sarili nilang mga ideya, ang kanilang katiwaliang pantao ay nababawasan, at ang kanilang mga damdaming pantao ay nababawasan; sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos ang kanilang pagsasagawa. Ang epekto ng katotohanan ng pagmamahal sa Diyos ay hindi natatamo sa pamamagitan ng binigkas na kaalaman o kahandaan ng isipan, at ni hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pag-unawa lamang sa katotohanang iyon. Hinihingi nitong magbayad ng halaga ang mga tao, na sila ay sumailalim sa maraming pasakit sa panahon ng pagpipino, at sa gayon lamang magiging dalisay ang kanilang pag-ibig at naaayon sa mga layunin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

450. Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkamit ng mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon; ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga hinihingi, at na ito ay mas magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay ng kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at upang maibigay ang aking sarili sa Iyo, upang maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubukan dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa kong ibigin Ka nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas nagkakaroon ako ng kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang buhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus dahil sa Iyo, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang isinukli ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibalik ang buong sarili ko sa Iyo. Malayo pa ako roon. Habang nagbabalik-tanaw ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

451. Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang wangis ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may halaga at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. Dapat kang tumuon sa kusang pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging pasibo at hayaan ang iyong sarili na umurong para lang sa pagkakaroon ng pansamantalang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga duwag na walang gulugod. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat magawa mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

452. Kung nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, dapat nilang matikman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; sa gayon lamang makakayang gisingin sa kanila ang isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at isang pusong tapat na ginugugol ang mga sarili nila sa Diyos. Hindi ginagawa ng Diyos na mahalin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita o kanilang imahinasyon, at hindi Niya pinipilit ang mga tao na mahalin Siya. Sa halip, hinahayaan Niyang kusang-loob na ibigin nila Siya, at hinahayaan Niya na makita nila sa Kanyang gawain at mga pagbigkas ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at matapos nito ay sumisibol sa kanila ang pagmamahal sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan maaaring tunay na magpatotoo ang mga tao sa Diyos. Hindi minamahal ng mga tao ang Diyos dahil nahimok sila ng iba na gawin ito, at hindi rin ito panandaliang bugso ng damdamin. Minamahal nila ang Diyos sapagkat nakita na nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, nakita nila na marami sa Kanya ang karapat-dapat na mahalin ng mga tao, sapagkat nakita na nila ang pagliligtas, karunungan, at mga kamangha-manghang gawa ng Diyos—at bunga nito, sila ay tunay na nagbibigay-papuri sa Diyos at tunay na nananabik sa Kanya, at may ganoong maalab na damdamin na napupukaw sa kanila na hindi sila mabubuhay nang hindi nakakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit nagagawang magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos ang mga taong tunay na nagpapatotoo sa Kanya ay dahil ang kanilang patotoo ay nakasandig sa pundasyon ng tunay na pagkilala at tunay na paghahangad para sa Diyos. Ang ganoong patotoo ay hindi inihahandog sa isang bugso ng damdamin, ngunit ayon sa kanilang pagkakilala sa Diyos at sa Kanyang disposisyon. Dahil nakilala na nila ang Diyos, sa pakiramdam nila ay tiyak na dapat silang magpatotoo sa Diyos, at gawin ang lahat ng nananabik sa Diyos na makilala ang Diyos, at malaman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ang Kanyang pagiging praktikal. Tulad ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos, ang kanilang patotoo ay likas, ito ay tunay, at may tunay na kabuluhan at halaga. Hindi ito pasibo o hungkag at walang-kabuluhan. Ang dahilan kung bakit ang mga tunay na umiibig lamang sa Diyos ang may pinakamataas na halaga at kahulugan sa kanilang mga buhay, at sila lamang ang tunay na nananampalataya sa Diyos, ay dahil nagagawa ng mga taong ito na mamuhay sa liwanag ng Diyos at nagagawa nilang mamuhay para sa gawain at pamamahala ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila namumuhay sa kadiliman, kundi namumuhay sila sa liwanag; hindi sila namumuhay nang walang-kahulugang mga buhay, bagkus ay mga buhay na pinagpala ng Diyos. Tanging ang mga nagmamahal sa Diyos ang makakapagpatotoo sa Diyos, sila lamang ang mga saksi ng Diyos, sila lamang ang pinagpala ng Diyos, at sila lamang ang nagagawang tumanggap ng mga pangako ng Diyos. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay mga kapalagayang-loob ng Diyos; sila ang mga tao na minamahal ng Diyos, at matatamasa nila ang mga pagpapala kasama ng Diyos. Ang mga taong tulad lamang nito ang mabubuhay hanggang sa kawalang-hanggan, at sila lamang ang mabubuhay magpakailanman sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ang Diyos ay para mahalin ng tao, at karapat-dapat Siya sa pagmamahal ng lahat ng tao, ngunit hindi lahat ng tao ay may kakayahang mahalin ang Diyos, at hindi lahat ng tao ay makakayang magpatotoo sa Diyos at humawak ng kapangyarihan kasama ng Diyos. Dahil nagagawa nilang magpatotoo sa Diyos, at maglaan ng lahat ng kanilang mga pagsisikap sa gawain ng Diyos, ang mga taong tunay na umiibig sa Diyos ay maaaring maglakad saanman sa ilalim ng mga kalangitan nang walang sinumang mangangahas na labanan sila, at makakaya nilang humawak ng kapangyarihan sa lupa at pamunuan ang lahat ng tao ng Diyos. Nagsasama-sama ang mga taong ito mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Sila ay mga tao mula sa buong daigdig na nagsasalita ng iba’t ibang wika at may iba’t ibang kulay ng balat, ngunit ang kahalagahan ng kanilang pag-iral ay pareho; silang lahat ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso, silang lahat ay nagtataglay ng magkakatulad na patotoo, at may magkakatulad na determinasyon, at magkakatulad na minimithi. Makapaglalakad nang malaya sa buong mundo ang mga umiibig sa Diyos, at makapaglalakbay sa buong sansinukob ang mga taong nagpapatotoo sa Diyos. Minamahal ng Diyos ang mga taong ito, pinagpapala sila ng Diyos, at mabubuhay sila magpakailanman sa Kanyang liwanag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Sinundan:  I. Tungkol sa Kung Paano Pumili ang Isang Tao ng Landas sa Pananampalataya

Sumunod:  K. Tungkol sa Paano Matamo ang Kaalaman sa Diyos

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger