K. Tungkol sa Paano Matamo ang Kaalaman sa Diyos
453. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kabuuan ng gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kailangang malaman ng tao ang gawain ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos sa gawain ng pagliligtas; kung wala ang katunayang ito, ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay mga hungkag na salita lamang, walang iba kundi teoryang walang basehan. Ang gayong kaalaman ay hindi makakakumbinsi ni makakalupig sa tao; taliwas ito sa realidad, at hindi ito ang katotohanan. Maaaring napakarami nito at kaiga-igayang pakinggan, ngunit kung taliwas ito sa likas na disposisyon ng Diyos, hindi ka palalampasin ng Diyos. Hindi lamang Niya hindi pupurihin ang iyong kaalaman, kundi gagantihan ka rin Niya sa iyong pagiging isang makasalanan na lumapastangan sa Kanya. Ang mga salita ng pagkakilala sa Diyos ay hindi binibigkas nang basta-basta. Bagama’t maaaring matabil ka at makatang magsalita, at bagama’t napakatuso ng iyong mga salita kaya nakakaya mong mangumbinsi na ang itim ay puti at ang puti ay itim, nahihirapan ka pa ring makaunawa pagdating sa kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos ay hindi isang taong mahuhusgahan mo nang padalus-dalos o mapupuri nang basta-basta, o maliitin na parang balewala. Pinupuri mo ang kahit sino at lahat, subalit nahihirapan kang hanapin ang tamang mga salita upang ilarawan ang kataas-taasang biyaya ng Diyos—ito ang natatanto ng bawat talunan. Kahit maraming dalubhasa sa wika na may kakayahang ilarawan ang Diyos, ang katumpakan ng kanilang paglalarawan ay ikasandaang bahagi lamang ng katotohanang sinasabi ng mga taong nabibilang sa Diyos, mga taong kahit limitado lamang ang bokabularyo, ay maraming karanasang mapagpupulutan. Sa gayon ay makikita na ang kaalaman tungkol sa Diyos ay nakasalalay sa katumpakan at praktikalidad, at hindi sa tusong paggamit ng mga salita o mayamang bokabularyo, at ang kaalaman ng taong iyon at ang kaalaman tungkol sa Diyos ay ganap na walang kaugnayan. Ang aral sa pagkilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga sangay na siyensya ng sangkatauhan patungkol sa pisikal na mundo. Ito ay isang aral na makakamtan lamang ng lubhang kakaunting bilang ng mga naghahangad na makilala ang Diyos, at hindi makakamtan ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa pagkakilala sa Diyos, halos walang isa mang umaabot sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkilala sa Diyos, o kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao upang makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang mayroong kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana’y gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap. Sila yaong mga magpapatotoo sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain, at, siyempre pa, sila rin ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao na personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilikha? May iba pa bang nilikha sa sangkatauhan na mas pupurihin ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay magbubunga pa rin ito ng mga resulta. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos ay tatanggap, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang iba’t ibang ranggo ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala ng Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay walang kakayahan sa anumang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na magkamit sa huli ng kaalaman tungkol sa Diyos, at nang sa gayon ay magpasakop ang tao sa Diyos. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
454. Ang mga pag-aari at katauhan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos—lahat ay naipaalam sa Kanyang mga salita sa sangkatauhan. Kapag naranasan niya ang mga salita ng Diyos, habang ang tao ay nasa proseso ng pagsasagawa ng mga ito, mauunawaan nila ang layunin sa likod ng mga salitang sinasambit ng Diyos, at mauunawaan ang pinagmumulan at pinanggalingan ng mga salita ng Diyos, at mauunawaan at mapapahalagahan ang epektong layon ng mga salita ng Diyos. Para sa sangkatauhan, lahat ng ito ay mga bagay na kailangang maranasan, maintindihan, at matamo ng tao upang makamit ang katotohanan at buhay, maintindihan ang mga layon ng Diyos, mabago ang kanyang disposisyon, at magawang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kasabay ng pagdanas, pag-intindi, at pagtatamo ng tao ng mga bagay na ito, unti-unti siyang magkakaroon ng pag-unawa sa Diyos, at sa panahong ito ay magtatamo rin siya ng iba’t ibang antas ng kaalaman tungkol sa Kanya. Ang pagkaunawa at kaalamang ito ay hindi nanggagaling sa isang bagay na nawari o nabuo ng tao, kundi sa halip ay mula sa pinahahalagahan, nararanasan, nadarama, at napagtitibay niya sa kanyang kalooban. Matapos mapahalagahan, maranasan, madama, at mapagtibay ang mga bagay na ito, saka lamang nagkakaroon ng laman ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos; tanging ang kaalamang natatamo ng tao sa panahong ito ang tunay, totoo, at tumpak, at ang prosesong ito—ng pagkamit ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahalaga, pagdanas, pagdama, at pagpapatibay sa Kanyang mga salita—ay walang iba kundi ang tunay na pagniniig sa pagitan ng tao at ng Diyos. Sa gitna ng ganitong klaseng pagniig, tunay na nauunawaan at naiintindihan ng tao ang mga layon ng Diyos, tunay na nauunawaan at nalalaman ang mga pag-aari at katauhan ng Diyos, tunay na nauunawaan at nalalaman ang diwa ng Diyos, unti-unting nauunawaan at nalalaman ang disposisyon ng Diyos, nararating ang tunay na katiyakan, at tamang pakahulugan, sa katunayan ng kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng nilikha, at nagkakamit ng tunay na kaugnayan at kaalaman tungkol sa identidad at posisyon ng Diyos. Sa gitna ng ganitong klaseng pagniniig, unti-unting binabago ng tao ang kanyang mga ideya tungkol sa Diyos, na hindi na iniisip na Siya ay nagmula sa kawalan, o pinalalakas ang sarili niyang mga hinala tungkol sa Kanya, o nagkakamali sa pag-unawa sa Kanya, o isinusumpa Siya, o hinuhusgahan Siya, o pinagdududahan Siya. Sa gayon, mababawasan ang mga pakikipagtalo ng tao sa Diyos, at mababawasan ang pakikipaghidwaan niya sa Diyos, at mababawasan ang mga pagkakataon na naghihimagsik ang tao laban sa Diyos. Bagkus, madaragdagan ang pagmamalasakit at pagpapasakop ng tao sa Diyos, at magiging mas tunay at malalim ang takot niya sa Diyos. Sa gitna ng gayong pagniniig, hindi lamang makakamit ng tao ang pagtustos ng katotohanan at ang pagbabago ng buhay, kundi kasabay nito ay magkakamit din siya ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa gitna ng gayong pagniniig, hindi lamang mababago ng tao ang kanyang disposisyon at matatanggap ang kaligtasan, kundi kasabay nito ay magkakaroon din siya ng tunay na pagkatakot at pagsamba ng isang nilikha sa Diyos. Sa pagkakaroon ng ganitong klaseng pagniniig, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi na magiging isang blangkong piraso ng papel, o isang pangako sa salita lamang, o isang anyo ng bulag na paghahangad at pag-idolo; sa ganitong klaseng pagniniig lamang lalago ang buhay ng tao tungo sa pagyabong araw-araw, at ngayon lamang unti-unting mababago ang kanyang disposisyon, at ang kanyang pananampalataya sa Diyos, mula sa pagiging malabo at walang-katiyakang paniniwala, ay unti-unting magiging tunay na pagpapasakop at pagmamalasakit, tunay na pagkatakot, at ang tao, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, ay unti-unti ring susulong mula sa pagiging walang-kibo tungo sa pagiging aktibo, mula sa pagiging negatibo tungo sa pagiging positibo; sa ganitong klaseng pagniniig lamang makakarating ang tao sa tunay na pagkaunawa at pagkaintindi sa Diyos, sa tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
455. Ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos, kapangyarihan ng Diyos, sariling pagkakakilanlan ng Diyos, at diwa ng Diyos ay hindi makakamit sa pamamagitan ng pag-asa sa iyong imahinasyon. Dahil hindi ka makakaasa sa imahinasyon para malaman ang awtoridad ng Diyos, kung gayon, sa anong paraan mo makakamit ang tunay na kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos? Ang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at sa pamamagitan ng pagdanas sa mga salita ng Diyos. Samakatuwid, magkakaroon ka ng unti-unting karanasan at pagpapatunay sa awtoridad ng Diyos at magtatamo ka ng paunti-unting pagkaunawa at nadaragdagang kaalaman tungkol dito. Ito lamang ang tanging paraan para makamit ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos; walang mga madaliang paraan. Ang paghingi sa inyo na huwag itong ilarawan sa isip ay hindi katulad ng pagpapaubaya sa inyo na maupong walang ginagawa at maghintay ng pagkawasak, o pagpigil sa inyo sa paggawa ng anumang bagay. Ang hindi paggamit ng utak ninyo para mag-isip at maglarawan sa isip ay nangangahulugang hindi paggamit ng pangangatwiran para maghinuha, hindi paggamit ng kaalaman para magsuri, hindi paggamit sa siyensya bilang basehan, bagkus ay pagpapahalaga, pagpapatunay, at pagkumpirma na ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay may awtoridad, kinukumpirma na hawak Niya ng kataas-taasang kapangyarihan sa iyong kapalaran, at ang Kanyang kapangyarihan ay nagpapatunay sa lahat ng sandali na Siya ang tunay na Diyos Mismo, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng katotohanan, sa pamamagitan ng lahat ng bagay na hinaharap mo sa buhay. Ito ang tanging paraan para magkamit ang sinuman ng pagkaunawa sa Diyos. May mga nagsasabi na ninanais nila na makahanap ng simpleng paraan para makamit ang layuning ito, ngunit may naiisip ba kayong gayong paraan? Sinasabi Ko sa iyo, hindi na kailangang mag-isip: Wala nang ibang paraan! Ang tanging paraan ay matapat at matiyagang alamin at patunayan kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos sa pamamagitan ng bawat salita na Kanyang ipinahahayag at sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ito ang tanging paraan para makilala ang Diyos. Dahil kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at ang lahat ng bagay na tungkol sa Diyos, ay hindi hungkag at walang-kabuluhan, kundi praktikal.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
456. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at patotoo sa Kanya—kailangan nilang malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, magpasakop sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangan nilang magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
457. Ang malaman ang diwa ng Diyos ay hindi biru-birong bagay. Dapat mong maunawaan ang disposisyon Niya. Sa ganitong paraan, unti-unti at hindi mo namamalayan na nalalaman mo na ang diwa ng Diyos. Kapag nakapasok ka sa ganitong kaaalaman, matatagpuan mo ang sarili mong tumatapak sa mas mataas at mas magandang kalagayan. Sa huli, makararamdam ka ng hiya sa nakapanghihilakbot mong kaluluwa, at, bukod dito, ay mararamdaman mong hindi ka na makakapagtago kahit saan pa man mula sa iyong kahihiyan. Sa panahong iyon, mababawasan nang mababawasan ang mga ginagawa mong lumalabag sa disposisyon ng Diyos, lalapit at lalapit sa Diyos ang puso mo, at ang pagmamahal sa Kanya ay unti-unting lalago sa puso mo. Isa itong tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang magandang kalagayan. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa ninyo natatamo ito. Habang nagmamadali kayong lahat para sa kapakanan ng tadhana ninyo, sino ang mayroong anumang interes na sumubok na alamin ang diwa ng Diyos? Kung magpapatuloy ito, makalalabag kayo nang hindi ninyo namamalayan laban sa mga atas administratibo, dahil lubhang napakakakaunti ng naiintindihan ninyo sa disposisyon ng Diyos. Kaya hindi ba ang ginagawa ninyo ngayon ay paglalatag ng saligan para sa mga paglabag ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Ang paghingi Ko sa inyo na unawain ang disposisyon ng Diyos ay hindi hiwalay sa gawain Ko. Dahil kung lumalabag kayo nang madalas sa mga atas administratibo, sino sa inyo ang makatatakas sa kaparusahan? Ang gawain Ko ba kung gayon ay hindi naging lubusang walang katuturan? Samakatuwid, hinihiling Ko pa rin, bilang karagdagan sa pagsusuring mabuti sa sarili ninyong asal, na maging maingat sa mga hakbang na tinatahak ninyo. Ito ang mas malaking hihingin Ko sa inyo, at umaasa Akong maingat ninyong isasaalang-alang ito at bibigyan ito ng maalab ninyong pagturing. Kung darating man ang araw na pupukawin ng mga kilos ninyo ang Aking masidhing galit, kung gayon ay kayo lamang ang magsasaalang-alang ng mga kahihinatnan, at wala nang iba pang hahalili sa pagbabata ng kaparusahan ninyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos
458. Ano ang ibig sabihin ng makilala ang Diyos? Ibig sabihin nito ay ang maintindihan ang Kanyang galak, galit, lungkot, at tuwa, at sa gayon ay makilala ang Kanyang disposisyon—ito ang talagang pagkakilala sa Diyos. Inaangkin mong nakita mo na ang Diyos, ngunit hindi mo nauunawaan ang galak, galit, lungkot, at tuwa ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang Kanyang disposisyon. Ni hindi mo rin nauunawaan ang Kanyang pagiging matuwid, ni ang Kanyang awa, ni hindi mo alam kung ano ang gusto o kinapopootan Niya. Hindi ito pagkakilala sa Diyos. Nagagawang sundan ng ilang tao ang Diyos, pero hindi iyan nangangahulugan na tunay silang nananalig sa Diyos. Ang tunay na pananalig sa Diyos ay pagpapasakop sa Diyos. Ang mga hindi tunay na nagpapasakop sa Diyos ay hindi tunay na nananalig sa Diyos—dito nagkakaroon ng pagkakaiba. Kapag nasunod mo ang Diyos nang ilang taon, at may kaalaman at pagkaunawa ka tungkol sa Diyos, kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa at pagkaarok sa mga layunin ng Diyos, kapag batid mo ang masisidhing layunin ng Diyos sa pagliligtas sa tao, noon ka tunay na nananalig sa Diyos, tunay na nagpapasakop sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, at tunay na sumasamba sa Diyos. Kung nananampalataya ka sa Diyos pero hindi mo hinahangad na makilala ang Diyos, at wala kang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at gawain ng Diyos, isa ka lamang tagasunod na nagpaparoon at parito para sa Diyos at sumusunod sa anumang ginagawa ng nakararami. Hindi iyan matatawag na tunay na pagpapasakop, lalong hindi tunay na pagsamba. Paano ba nangyayari ang tunay na pagsamba? Walang natatangi, lahat ng nakakakita sa Diyos at talagang kilala ang Diyos ay sinasamba at kinatatakutan Siya; silang lahat ay nauudyukang yumukod at sumamba sa Kanya. Sa kasalukuyan, habang ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumagawa, mas higit ang pagkaunawa na mayroon ang mga tao tungkol sa Kanyang disposisyon at sa mga tinataglay ng Diyos at sa Kanyang pagiging Diyos, mas higit na pahahalagahan nila ang mga ito at mas higit nilang katatakutan Siya. Sa pangkalahatan, kapag mas hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos, mas lalo silang pabaya, kung kaya itinuturing nilang tao ang Diyos. Kung talagang kilala at nakikita ng mga tao ang Diyos, mangangatog sila sa takot at yuyukod sa lupa. “Siya na dumarating kasunod ko ay lalong makapangyarihan kaysa sa akin, na hindi ako karapat-dapat magdala ng Kanyang pangyapak” (Mateo 3:11)—bakit sinabi ito ni Juan? Bagama’t sa kaibuturan wala siyang napakalalim na kaalaman sa Diyos, alam niyang dapat katakutan ang Diyos. Ilang tao sa panahon ngayon ang kayang matakot sa Diyos? Kung hindi nila alam ang Kanyang disposisyon, paano sila matatakot sa Diyos? Kung hindi alam ng mga tao ang diwa ni Cristo ni hindi nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, mas lalong hindi nila makakayang tunay na sambahin ang praktikal na Diyos. Kung nakikita lamang nila ang ordinaryo at normal na panlabas na anyo ni Cristo, subalit hindi alam ang diwa Niya, kung gayon madali para sa kanila na ituring si Cristo bilang isang ordinaryong tao lamang. Maaaring magtaglay sila ng walang-paggalang na saloobin sa Kanya, at dayain Siya, labanan Siya, maghimagsik laban sa Kanya, at husgahan Siya. Maaaring nag-aakala silang mas matuwid sila kaysa sa iba at hindi nila seryosohin ang Kanyang mga salita, maaari pa ngang pagmulan sila ng mga kuru-kuro, mga pagkondena at paglapastangan laban sa Diyos. Para malutas ang mga usaping ito, dapat malaman ng isang tao ang diwa at ang pagka-Diyos ni Cristo. Ito ang pangunahing aspeto ng pagkilala sa Diyos; ito ang kailangang pasukin at tamuhin ng lahat ng mananampalataya sa praktikal na Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
459. Ang maniwala sa Diyos at makilala ang Diyos ay ganap na likas at may katwiran, at ngayon—sa isang kapanahunan kung kailan personal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—ay isang napakagandang pagkakataon para makilala ang Diyos. Ang pagpapalugod sa Diyos ay isang bagay na nakakamit sa pamamagitan ng pagbubuo ng pundasyon ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangang magkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Ang kaalamang ito tungkol sa Diyos ang pangitain na kailangang taglayin ng isang naniniwala sa Diyos; ito ang batayan ng paniniwala ng tao sa Diyos. Kapag wala ang kaalamang ito, malabo ang pag-iral ng paniniwala ng tao sa Diyos, sa gitna ng hungkag na teorya. Kahit matibay ang pagpapasiya ng mga taong tulad nito na sundin ang Diyos, wala silang mapapala. Ang mga walang napapala sa daloy na ito ang mga ititiwalag—silang lahat ay mga mapagsamantala. … Kung hindi mauunawaan ng tao ang mga pangitain, hindi niya mauunawaan ang bagong gawain ng Diyos, at kung hindi makapagpapasakop ang tao sa bagong gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng tao ang mga layuninn ng Diyos, kaya nga ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay mawawalan ng halaga. Bago isakatuparan ng tao ang salita ng Diyos, kailangan niyang malaman ang salita ng Diyos; ibig sabihin, kailangan niyang maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang salita ng Diyos nang tumpak at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ito ay isang bagay na kailangang taglayin ng lahat ng naghahanap sa katotohanan, at ito rin ang prosesong kailangang pagdaanan ng lahat ng nagsisikap na makilala ang Diyos. Ang proseso ng pag-alam sa salita ng Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos at pag-alam sa gawain ng Diyos. Kaya, ang pag-alam sa mga pangitain ay hindi lamang tumutukoy sa pagkilala sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi kabilang din ang pag-alam sa salita at gawain ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at mula sa gawain ng Diyos nalalaman nila ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos. Paniniwala sa Diyos ang unang hakbang sa pagkilala sa Diyos. Ang proseso ng pagsulong mula sa paunang paniniwalang ito sa Diyos tungo sa pinakamalalim na paniniwala sa Kanya ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, ang proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos para maniwala sa Diyos, at hindi para makilala Siya, walang realidad sa iyong pananalig, at hindi maaaring maging dalisay ang iyong pananalig—walang duda ito. Kung, sa proseso kung saan nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, unti-unti niyang nakikilala ang Diyos, kung gayon ay unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon, at lalong magiging totoo ang kanyang paniniwala. Sa ganitong paraan, kapag nagtatagumpay ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos, ganap na niyang makakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat para maging tao sa ikalawang pagkakataon upang personal na gawin ang Kanyang gawain ay upang makilala at makita Siya ng tao. Pagkilala sa Diyos[a] ang huling epektong makakamtan sa katapusan ng gawain ng Diyos; ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagawa Niya ito alang-alang sa Kanyang huling patotoo; ginagawa Niya ang gawaing ito upang sa wakas ay ganap na bumaling ang tao sa Kanya. Magagawa lamang ng tao na mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos, at para mahalin ang Diyos kailangan niyang makilala ang Diyos. Paano man siya naghahangad, o ano man ang kanyang hangad na matamo, kailangang magawa niyang makamit ang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa paraang ito lamang mapapalugod ng tao ang puso ng Diyos. Sa pagkilala lamang sa Diyos magkakaroon ang tao ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at sa pagkilala lamang sa Diyos siya tunay na matatakot at makapagpapasakop sa Diyos. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kailanman tunay na makapagpapasakop at matatakot sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay kinabibilangan ng pag-alam sa Kanyang disposisyon, pag-unawa sa Kanyang mga layunin, at pag-alam kung ano Siya. Subalit alinmang aspekto ang malaman ng isang tao, bawat isa ay nangangailangan na magbayad ng halaga at maging handang magpasakop ang tao, kung hindi ay walang sinumang patuloy na makakasunod hanggang wakas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang gawain ng pagkilala sa Diyos.”
460. Hindi makakamit ang mga epekto ng aral ng pagkilala sa Diyos sa loob ng isa o dalawang araw: Kailangang mag-ipon ng mga karanasan, magdaan sa pagdurusa, at tunay na makapagpasakop ang tao. Una sa lahat, magsimula sa gawain at mga salita ng Diyos. Kailangan mong maunawaan kung ano ang kabilang sa kaalaman tungkol sa Diyos, paano makamit ang kaalamang ito, at paano makita ang Diyos sa iyong mga karanasan. Ito ang kailangang gawin ng lahat kapag kailangan pa nilang kilalanin ang Diyos. Walang sinumang maaaring makaunawa sa gawain at mga salita ng Diyos sa isang bagsakan, at walang sinumang maaaring magkamit ng kaalaman tungkol sa kabuuan ng Diyos sa loob ng maikling panahon. May kinakailangang proseso ng karanasan, na kung wala ay walang sinumang magagawang kilalanin ang Diyos o tapat Siyang sundin. Kapag mas maraming gawaing ginagawa ang Diyos, mas nakikilala Siya ng tao. Kapag mas salungat ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, mas napapanibago at lumalalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Kung mananatiling pirmihan at hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, walang gaanong malalaman ang tao tungkol sa Kanya. Sa pagitan ng panahon ng paglikha at ng kasalukuyan, ang ginawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, ang Kanyang ginawa noong Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kanyang ginagawa sa Kapanahunan ng Kaharian—kailangan ninyong malinawan nang husto ang mga pangitaing ito. Kailangan ninyong malaman ang gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
461. Noong panahong sinusundan niya si Jesus, nagbuo ng maraming opinyon si Pedro tungkol kay Jesus at palagi niyang hinusgahan si Jesus mula sa sarili niyang pananaw. Bagama’t may kaunting pagkaunawa tungkol sa Espiritu, medyo malabo ang kanyang pagkaunawa, kaya sinabi niya: “Kailangan kong sundan siya na isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu.” Hindi niya naunawaan ang mga bagay na ginawa ni Jesus at hindi niya naliwanagan ang mga iyon. Matapos sundan si Jesus nang ilang panahon, lumago ang interes ni Pedro sa ginawa ni Jesus at sinabi, at kay Jesus Mismo. Nadama niya na naghikayat si Jesus kapwa ng pagmamahal at paggalang; ginusto niyang makasama Siya at manatili sa Kanyang tabi, at ang pakikinig sa mga salita ni Jesus ay nagbigay sa kanya ng panustos at tulong. Sa panahong sinundan niya si Jesus, minasdan at isinapuso ni Pedro ang lahat tungkol sa buhay ni Jesus: ang mga kilos, salita, galaw, at pagpapahayag ni Jesus. Nagtamo siya ng malalim na pagkaunawa na si Jesus ay hindi katulad ng ordinaryong mga tao. Bagama’t ang Kanyang hitsura ay lubhang normal, puno Siya ng pagmamahal, awa, at pagpaparaya sa tao. Lahat ng Kanyang ginawa o sinabi ay malaking tulong sa iba, at nakita at natamo ni Pedro ang mga bagay na hindi pa niya nakita o nakamtan kailanman mula kay Jesus. Nakita niya na bagama’t walang mataas na tayog ni ng pambihirang pagkatao si Jesus, mayroon Siyang ere na talagang pambihira at di-pangkaraniwan. Bagama’t hindi ito lubos na maipaliwanag ni Pedro, nakita niya na iba ang kilos ni Jesus sa lahat ng iba pa, sapagkat ang mga bagay na ginawa ni Jesus ay ibang-iba sa normal na mga tao. Mula sa panahon ng kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus, nakita rin ni Pedro na ang personalidad ni Jesus ay iba sa isang ordinaryong tao. Palaging matatag si Jesus at hindi nagmamadali kailanman kung kumilos, hindi labis ni kulang sa isang paksa kailanman, at namuhay si Jesus sa isang paraan na nagbunyag ng isang personalidad na kapwa normal at kahanga-hanga. Sa pakikipag-usap, simple at kaaya-ayang magsalita si Jesus, na palaging nakikipag-ugnayan sa masaya subalit mahinahong paraan—subalit hindi nawala kailanman ang Kanyang dignidad samantalang isinasagawa ang Kanyang gawain. Nakita ni Pedro na kung minsan ay walang imik si Jesus, samantalang sa ibang mga pagkakataon naman ay wala Siyang tigil sa pagsasalita. Kung minsan ay napakasaya Niya na para lang Siyang isang kalapati, maliksi at masiglang lumulukso-lukso, at sa ibang mga pagkakataon naman ay napakalungkot Niya kaya hindi man lamang Siya talaga nagsasalita, na mukhang puno ng dalamhati na para Siyang isang ina na nagtiis ng napakaraming paghihirap. Kung minsan galit na galit Siya na parang isang matapang na sundalo na lumulusob para patayin ang isang kaaway o, sa ilang pagkakataon, mukha pa nga Siyang isang umuungol na leon. Kung minsan tumatawa Siya; kung minsan naman nagdarasal Siya at umiiyak. Paano man kumilos si Jesus, lumago ang walang-hanggang pagmamahal at paggalang ni Pedro para sa Kanya. Ang pagtawa ni Jesus ay pinuspos si Pedro ng kaligayahan, ang kalungkutan ni Jesus ay isinadlak siya sa pighati, ang galit ni Jesus ay tumakot sa kanya, samantalang ang habag, pagpapatawad, at mahihigpit na kahilingan ni Jesus sa mga tao ay naging dahilan para tunay niyang mahalin si Jesus at magkaroon ng tunay na takot at pananabik kay Jesus. Siyempre pa, unti-unti lamang natanto ni Pedro ang lahat ng ito nang namuhay siyang kasama ni Jesus sa loob ng ilang taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
462. Kung gusto mong makilala ang Diyos, upang tunay na makilala Siya, upang tunay na maunawaan Siya, huwag limitahan ang sarili sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, o sa mga kuwento ng gawaing ipinamalas Niya sa nakalipas. Kung iyong subukang makilala Siya sa ganoong paraan, naglalagak ka ng mga limitasyon sa Diyos, at ikinukulong Siya. Nakikita mo ang Diyos bilang isang bagay na napakaliit. Paano nakaaapekto sa mga tao ang paggawa nito? Hindi mo kailanman makikilala ang pagiging-kahanga-hanga at pagiging-kataas-taasan ng Diyos, ni ang Kanyang lakas at walang hanggang kapangyarihan at ang saklaw ng Kanyang awtoridad. Makaaapekto ang gayong pagkaunawa sa iyong kakayahang tanggapin ang katotohanan na ang Diyos ay ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, pati na rin ang iyong kaalaman ng tunay na pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa madaling salita, kung limitado ang saklaw ng iyong pagkaunawa sa Diyos, limitado rin ang iyong matatanggap. Ito ang dahilan kung bakit dapat mong palawakin ang iyong saklaw at palawakin ang iyong abot-tanaw. Dapat mong sikaping maunawaan ang lahat ng ito—ang saklaw ng gawain ng Diyos, ang Kanyang pamamahala, ang Kanyang pamumuno, at lahat ng bagay na pinamamahalaan at pinamumunuan Niya. Mauunawaan mo ang mga pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito. Sa gayong pagkaunawa, mararamdaman mo, nang di-namamalayan, na namumuno, namamahala, at nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay na kabilang sa mga ito, at tunay mo ring mararamdaman na ikaw ay isang bahagi at isang miyembro ng lahat ng bagay. Habang nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay, tinatanggap mo rin ang pamumuno at pagtutustos ng Diyos. Ito ay isang katotohanan na walang sinuman ang makapagkakaila.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII
463. Kung gaano karaming pagkaunawa ukol sa Diyos ang mayroon sa puso ng mga tao, iyon rin ang lawak ng posisyon na Kanyang inookupa sa kanilang mga puso. Kung gaano kalaki ang antas ng kaalaman ukol sa Diyos na nasa kanilang mga puso ay ganoon kadakila ang Diyos sa kanilang mga puso. Kung ang Diyos na kilala mo ay walang laman at malabo, kung gayon ang Diyos na pinaniniwalaan mo ay wala ring laman at malabo. Ang Diyos na kilala mo ay limitado lang sa saklaw ng iyong sariling personal na buhay, at walang kinalaman sa tunay na Diyos Mismo. Kaya, ang pagkilala sa praktikal na mga pagkilos ng Diyos, ang pagkilala sa pagiging praktikal ng Diyos at Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang pagkilala sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, ang pagkilala sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang pagkilala sa mga gawa na ipinamalas Niya sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha—ang mga bagay na ito ay napakahalaga sa bawat isang tao na naghahangad ng kaalaman ukol sa Diyos. Ang mga ito ay may direktang kaugnayan kung makapapasok o hindi ang mga tao sa katotohanang realidad. Kung iyong lilimitahan ang iyong pagkaunawa sa Diyos sa mga salita lamang, kung lilimitahan mo ito sa kakaunti mong karanasan, sa biyaya ng Diyos na inililista mo, o sa iyong mga munting patotoo sa Diyos, kung gayon sasabihin Ko na ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay tiyak na hindi ang tunay na Diyos Mismo. Hindi lamang iyon, ngunit maaari ring sabihin na ang Diyos na pinaniniwalaan mo ay isang likhang-isip na Diyos, hindi ang tunay na Diyos. Ito ay dahil sa ang tunay na Diyos ay ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, na lumalakad sa gitna ng lahat, na namamahala sa lahat. Siya ang humahawak sa kapalaran ng buong sangkatauhan at ng lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay. Ang mga gawain at mga gawa ng Diyos na binabanggit Ko ay hindi limitado lamang sa maliit na bahagi ng mga tao. Ibig sabihin, hindi ito limitado lamang sa mga tao na sumusunod sa Kanya sa kasalukuyan. Ang Kanyang mga gawa ay ipinamamalas sa lahat ng bagay, sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at sa mga batas ng pagbabago sa lahat ng bagay. Kung hindi mo makikita o makikilala ang alinman sa mga gawa ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, kung gayon ay hindi ka maaaring magpatotoo sa alinman sa Kanyang mga gawa. Kung hindi ka maaaring magpatotoo para sa Diyos, kung patuloy kang nagsasalita tungkol sa maliit na kung tawagin ay “Diyos” na kilala mo, ang Diyos na iyon na limitado sa iyong sariling mga palagay at umiiral lamang sa loob ng iyong makitid na pag-iisip, kung nagpapatuloy kang magsalita tungkol sa gayong uri ng Diyos, kung gayon hindi kailanman pupurihin ng Diyos ang iyong pananalig. Kapag magpatotoo ka para sa Diyos, kung ginagawa mo lamang ito ayon sa kung paano mo tinatamasa ang biyaya ng Diyos, kung paano mo tinatanggap ang disiplina ng Diyos at ang Kanyang pagtutuwid, at kung paano mo tinatamasa ang Kanyang mga pagpapala sa iyong pagpapatotoo para sa Kanya, kung gayon ay lubhang hindi sapat iyon at malayo pa nga sa pagbibigay ng kasiyahan sa Kanya. Kung gusto mong magpatotoo sa Diyos sa paraan na nakaayon sa Kanyang mga layunin, na magpatotoo para sa tunay na Diyos Mismo, kung gayon kailangan mong makita kung ano ang tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos sa Kanyang mga pagkilos. Kailangan mong makita ang awtoridad ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat, at makita ang katotohanan kung paano Siya nagtutustos para sa buong sangkatauhan. Kung kinikilala mo lamang na ang iyong pang-araw-araw na ikinabubuhay at ang iyong mga pangangailangan sa buhay ay nagmumula sa Diyos, ngunit hindi mo nakikita ang katotohanang ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha para tustusan ang buong sangkatauhan, at na sa pamamahala sa lahat ng bagay ay pinangungunahan Niya ang buong sangkatauhan, kung gayon hindi mo kailanman magagawang magpatotoo para sa Diyos. Ano ang Aking layunin sa pagsasabi ng lahat ng ito? Ito ay upang huwag ninyo itong balewalain, upang hindi kayo magkamali na maniwala na ang mga paksang ito na Aking tinalakay ay walang kinalaman sa inyong personal na buhay pagpasok, at upang huwag ninyong ituring ang mga paksang ito bilang isang uri lamang ng kaalaman o doktrina. Kung pinakikinggan ninyo ang sinasabi Ko nang may ganyang uri ng saloobin, kung gayon ay hindi kayo magtatamo ng anumang bagay. Mawawala ninyo ang malaking oportunidad na ito na makilala ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX
464. Bagaman maaaring malalim na magsaliksik ang tao sa agham at sa mga batas na namamahala sa lahat ng bagay, limitado ang saklaw ng pagsasaliksik na iyon, samantalang kinokontrol ng Diyos ang lahat, na para sa tao, ay isang walang hanggang kontrol. Maaaring gugulin ng tao ang buong buhay niya sa pagsasaliksik sa pinakamaliit na gawa ng Diyos nang walang nakakamtang anumang totoong mga resulta. Ito ang dahilan, kung gamit mo lang ay kaalaman at kung ano ang iyong natutuhan upang pag-aralan ang Diyos, hindi mo kailanman makikilala ang Diyos o mauunawaan Siya. Subali’t kung piliin mo ang daan ng paghahanap sa katotohanan at paghahanap sa Diyos, at tingnan ang Diyos mula sa pananaw ng pagkilala sa Kanya, isang araw, makikilala mo na ang mga gawa at karunungan ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at malalaman mo kung bakit tinatawag ang Diyos na ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay at ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Habang mas nagkakamit ka ng gayong pagkaunawa, mas mauunawaan mo rin kung bakit tinatawag ang Diyos na ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng bagay at ang lahat-lahat, kabilang ka, ay patuloy na tumatanggap ng walang-humpay na pagtustos ng Diyos. Magagawa mo ring maramdaman nang malinaw na sa mundong ito, at sa sangkatauhang ito, walang sinuman maliban sa Diyos ang maaaring magkaroon ng kakayahan at ng diwa Niya na mamuno, mamahala, at magpanatili ng pag-iral ng lahat ng bagay. Kapag dumating ka sa pagkaunawang ito, tunay mong kikilalanin na ang Diyos ay ang iyong Diyos. Kapag narating mo ang puntong ito, tunay mong tatanggapin ang Diyos at hahayaan Siyang maging iyong Diyos at iyong May Kataas-taasang Kapangyarihan. Kapag natamo mo na ang gayong pagkaunawa at sumapit na ang iyong buhay sa gayong punto, hindi ka na susubukin at hahatulan pa ng Diyos, ni hihingi Siya ng anuman mula sa iyo, dahil mauunawaan mo ang Diyos, makikilala ang Kanyang puso, at tunay na tatanggapin ang Diyos sa iyong puso.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII
465. Madalas na sinasabi ng mga tao na hindi madaling bagay ang makilala ang Diyos. Ngunit sinasabi Ko na ang pagkilala sa Diyos ay hindi talaga isang mahirap na bagay, sapagkat madalas na ipinapakita ng Diyos sa tao ang Kanyang mga gawa. Hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa sangkatauhan, at hindi Niya kailanman ikinubli, ni itinago ang sarili Niya mula sa tao. Ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga ideya, ang Kanyang mga salita at ang Kanyang mga gawa ay ibinubunyag na lahat sa sangkatauhan. Samakatuwid, hangga’t nais ng tao na kilalanin ang Diyos, maaari niyang unawain at kilalanin Siya sa pamamagitan ng lahat ng uri ng mga paraan at pamamaraan. Ang dahilan kung bakit bulag na iniisip ng tao na sinasadyang iwasan siya ng Diyos, na sinasadyang itago ng Diyos ang Kanyang sarili mula sa sangkatauhan, na ang Diyos ay walang intensyon na pahintulutan ang tao na unawain at kilalanin Siya, ay dahil hindi niya alam kung sino ang Diyos at ni hindi niya ninanais na maunawaan ang Diyos. Lalong higit pa riyan, walang pakialam ang tao sa mga kaisipan, mga salita o mga gawa ng Lumikha…. Sa totoo lang, kung ginagamit lamang ng isang tao ang kanyang bakanteng oras upang pagtuunan ng pansin at unawain ang mga salita o gawa ng Lumikha, at kung magbibigay siya ng kaunti man lang na pansin sa mga kaisipan ng Lumikha at sa tinig ng Kanyang puso, hindi magiging mahirap para sa taong iyon na mapagtanto na bukas at malinaw ang mga kaisipan, mga salita at mga gawa ng Lumikha. Gayundin, kakailanganin ang kaunting pagsisikap upang mapagtanto na ang Lumikha ay kasama ng tao sa lahat ng pagkakataon, na lagi Siyang nakikipag-usap sa tao at sa lahat ng bagay, at gumagawa Siya ng mga bagong gawa sa araw-araw. Ang Kanyang diwa at disposisyon ay ipinahahayag sa Kanyang pakikipag-usap sa tao; ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay ganap na ibinubunyag sa Kanyang mga gawa; Sinasamahan Niya at inoobserbahan ang sangkatauhan sa lahat ng pagkakataon. Tahimik Siyang nakikipag-usap sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay gamit ang Kanyang tahimik na mga salita: “Ako ay nasa kalangitan, at Ako ay kasama ng lahat ng bagay. Ako ay patuloy na nagmamasid; Ako ay naghihintay; Ako ay nasa iyong tabi….” Ang Kanyang mga kamay ay mainit-init at malakas; ang Kanyang mga yapak ay magaan; ang Kanyang tinig ay mahina at kaaya-aya; ang Kanyang anyo ay pabalik-balik, niyayakap ang buong sangkatauhan; ang Kanyang mukha ay maganda at magiliw. Hindi Siya kailanman lumisan, ni naglaho man. Araw at gabi, Siya ang palaging kasama ng sangkatauhan, hindi umaalis sa kanilang tabi kailanman.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
466. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nalalaman ang Kanyang disposisyon, hindi kailanman tunay na magbubukas sa Kanya ang kanilang mga puso. Sa sandaling maunawaan na nila ang Diyos, magkakaroon sila ng interes at pananalig na maki-empatiya at namnamin ang Kanyang puso. Kapag nakiki-empatiya ka at ninanamnam mo ang puso ng Diyos, ang iyong puso ay dahan-dahan, unti-unting, magbubukas sa Kanya. Kapag nagbubukas ang iyong puso sa Kanya, madarama mo kung gaano kahiya-hiya at kahamak-hamak ang iyong mga pagtatangka na makipagtransaksiyon sa Diyos, ang iyong mga hinihingi sa Diyos, at ang iyong sariling labis-labis na mga pagnanais. Kapag tunay na nagbubukas sa Diyos ang iyong puso, makikita mo na ang Kanyang puso ay isang di-masukat na mundo, at kasabay nito, papasok ka sa isang mundo na hindi mo pa naranasan kailanman. Sa mundong ito ay walang pandaraya, walang panlilinlang, walang kadiliman, at walang kasamaan. Mayroon lang sinseridad at katapatan; tanging liwanag at integridad; tanging pagiging matuwid at kabaitan. Puno ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, puno ng habag at pagpapaubaya, at sa pamamagitan nito ay nararamdaman mo ang kaligayahan at kagalakan ng pagiging buhay. Ang mga bagay na ito ang ibubunyag sa iyo ng Diyos kapag binuksan mo ang iyong puso sa Kanya. Ang di-masukat na mundong ito ay puno ng karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; puno rin ito ng Kanyang pag-ibig at ng Kanyang awtoridad. Makikita mo rito ang bawat aspekto ng mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, kung ano ang nagbibigay sa Kanya ng kagalakan, kung bakit Siya nag-aalala at kung bakit Siya nalulungkot, kung bakit Siya nagagalit…. Ito ang makikita ng bawat tao na nagbubukas ng kanyang puso at tinutulutang makapasok ang Diyos. Makapapasok lang sa iyong puso ang Diyos kung bubuksan mo ito sa Kanya. Makikita mo lang ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at makikita mo lang ang Kanyang mga layunin para sa iyo, kung nakapasok na Siya sa iyong puso. Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Kumpara doon, ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay labis na hindi karapat-dapat na mabanggit, napakaliit, at napakababa sa iyo. Madarama mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o makaaakit sa iyo na magbayad ng anumang halaga para dito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpaparaya sa ilang gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, pati na ang pagtitiyaga, pagtitimpi, at pag-unawa na ipinapakita Niya sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya. Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang sangkatauhan sa isang napakaruming mundo, at na, ito man ay ang mga taong nasa tabi mo o ang mga bagay na nangyayari sa iyong paligid, o maging yaong iyong iniibig, at ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo, ay pawang hindi man lang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong pinakaminamahal, at ang pinakamahalaga mong yaman. Kapag dumating ang araw na iyon, naniniwala Ako na magkakaroon ng ilang tao na nagsasabing: Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa—sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging pagiging matuwid at pagiging tunay; ang lahat ng mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao, at dapat din itong hangarin at asamin ng mga tao. Sa anong batayan nakatayo ang kakayahan ng mga tao na makamtam ito? Nakatayo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawat tao; isang panghabang-buhay na layon na hinahangad ng bawat tao na nagsisikap na mabago ang kanilang disposisyon, at nagsisikap na makilala ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
467. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging isang nilikha, at kahit na maging miyembro Siya ng mga nilikha, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatwid, ang pagkakilala sa Diyos ay hindi pagkakilala sa isang bagay; hindi ito paghihimay sa isang bagay, ni katulad ng pag-unawa sa isang tao. Kung ginagamit ng tao ang kanyang konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi siya kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan. Higit pa riyan, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi kaayon ng tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging landas ay ito: Tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na bibigyang-liwanag ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipagtulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
468. Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay di-mapaghihiwalay na konektado sa napakaraming paraan, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais mong matamo ang pag-iwas sa kasamaan, kailangan mo munang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais mong matamo ang tunay na takot sa Diyos, kailangan mo munang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos; kung nais mong magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, kailangan mo munang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais mong maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan mo munang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at hilingin sa Diyos na magtakda ng mga tao, pangyayari, at bagay, pati na ng lahat ng uri ng kapaligiran, para magkaroon ka ng mga oportunidad na maranasan ang Kanyang mga salita; kung nais mong makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan mo munang magtaglay ng simple at matapat na puso, ng saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, ng kapasyahang tiisin ang pagdurusa, ng determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ang hangaring maging isang tunay na nilalang…. Sa ganitong paraan, sa hakbang-hakbang na pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, habang nakikilala mo ang Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha mula sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha mula sa iyo, na hindi malayo ang Lumikha sa iyo, na hindi na ang Lumikha ang pinananabikan mo lang sa araw at gabi pero hindi nadarama ng iyong mga pandama, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong tabi, at na tinutustusan Niya ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Madarama mo na wala Siya sa malayong abot-tanaw, ni hindi Niya itinago ang Sarili Niya sa mga ulap sa itaas, na Siya ay nasa tabi mo mismo, may kataas-taasang kapangyarihan sa inyong lahat, at na Siya ang lahat-lahat sa iyo at ang natatangi mo. Ang gayong Diyos ay tinutulutan kang magmahal at sumamba sa Kanya mula sa puso, makaramdam ng pagiging malapit sa Kanya, mapalapit sa Kanya, humanga sa Kanya, matakot na mawala Siya, at hindi mo na nanaising talikuran pa Siya, maghimagsik pa laban sa Kanya, o iwasan pa Siya o palayuin. Ang tanging gusto mo ay maging mapagsaalang-alang sa Kanya, ninanais mo lang na magpasakop sa Kanya, suklian ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasailalim sa Kanyang kapangyarihan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maprotektahan Niya, hindi mo na nilalabanan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sumunod sa Kanya, samahan Siya, ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang buhay, tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang Panginoon, iyong kaisa-isang Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita