14. Ang ugnayan sa pagitan ng paggampan ng tungkulin at pagpapatotoo sa Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa naranasan at nakita ng mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo sa Akin na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkakaloob Ko sa inyo ngayon ay mas mataas kaysa sa natanggap ni Moises at higit pa sa natanggap ni David, kaya’t gayundin ay hinihingi Ko na ang inyong patotoo ay humigit pa sa kay Moises at ang inyong mga salita ay humigit pa sa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t gayundin ay hinihingi Ko sa inyo na suklian Ako ng sandaang beses. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking itinatalaga sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na mga tao ng Israel. Dapat kayong magpatotoo para sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo at mag-alay ng kanyang buhay para sa Akin—matagal Ko na itong paunang inorden. Isang pagpapala na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at tungkulin ninyo na magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung mananampalataya kayo sa Akin alang-alang lamang sa mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo gagawin ang inyong tungkulin. … Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi mga pangitain at paghahayag na higit pa sa natanggap ni Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nakita na rin ang Aking tunay na mukha; mas marami ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nakilala ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, nauunawaan ninyo ang mga bagay na nauna at ang mga bagay sa nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, na personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at napakarami na ninyong nakita sa Akin. Samakatwid, hinihingi Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa “Pananampalataya,” Ano ang Iyong Pagkaunawa?
Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at igugol ang kanyang sarili para sa Diyos. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong nakatuon sa iisang panig; ang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos, sa halip, ito ay higit na ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatid, kahit pagkaraan nitong lahat ng taon ng karanasan, ang hindi kailanman nakaisip na gumawa para sa Diyos, dahil ang gawaing iniisip ng tao ay hindi tumutugma sa hinihingi ng Diyos. Samakatwid, walang anumang interes ang tao patungkol sa gawain, at ito mismo ang dahilan kung bakit labis na maka-isang panig din ang pagpasok ng tao. Ang pagpasok ninyong lahat ay dapat magsimula sa paggawa para sa Diyos, upang mas mainam kayong sumailalim sa lahat ng aspekto ng karanasan. Ito ang dapat ninyong pasukin. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagparoo’t parito para sa Diyos, kundi sa kung ang buhay ng tao at ang isinasabuhay ng tao ay nagagawang magbigay ng kasiyahan sa Diyos. Ang gawain ay tumutukoy sa paggamit ng mga tao ng kanilang katapatan sa Diyos at ng kanilang pagkakilala sa Diyos upang magpatotoo sa Diyos, at magministeryo sa tao. Ito ang responsabilidad ng tao at ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Maaaring sabihin na ang pagpasok ninyo ang inyong gawain, at na naghahangad kayong pumasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan na marunong kayong kumain at uminom ng Kanyang salita; ang mas mahalaga, kailangan ninyong malaman kung paano magpatotoo sa Diyos at makapaglingkod sa Diyos at makapagministeryo at makapaglaan sa tao. Ito ang gawain, at ito rin ang inyong pagpasok; ito ang dapat isakatuparan ng bawat tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (2)
Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; huwag kang mabigo sa huli na gampanan ang papel na nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong pagkakilala, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat maabot ng isang nilikha. Ano mismo ang kahalagahan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano karami nito ang naisakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag kaya ninyong lubusang ipaliwanag ang lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao simula nang pumarito sa lupa, magiging kompleto ang inyong patotoo. Kapag kaya mong lubusang ipaliwanag ang limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng pagkakilala. Ang Aking mga hinihingi sa inyo ay hindi napakataas, at maaabot ng lahat ng naghahangad nang may tunay na puso. Kung mayroon kang determinasyon na maging isa sa mga tagapagpatotoo ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong makilala ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan, at gamitin ang pagkakilalang ito upang magpatotoo sa Kanya at tuparin ang iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)
Ang unang priyoridad ng bawat nilikha ay ang ipangaral ang ebanghelyo, magpatotoo sa pagpapakita at gawain ng Diyos, at ipakalat ang mga salita ng Diyos hanggang sa kadulu-duluhan ng daigdig. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng lahat ng tumatanggap sa ebanghelyo ng Diyos. Isa itong bagay na obligasyon nila. Maaaring sa kasalukuyan ay hindi mo pa ginagampanan ang tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo, o na ang tungkuling ito ay isang bagay na malayong-malayo sa iyo, o na hindi mo kailanman naisip na isa itong tungkuling dapat mong gampanan. Gayunman, dapat maging malinaw ang puso mo tungkol dito: Ang tungkuling ito ay nabibilang sa lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos; lahat sila ay may pananagutan para dito. Hindi lang ito isang responsabilidad para sa iba, responsabilidad at tungkulin mo rin ito. Hindi porket hindi mo pa ginagampanan ang tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo ay wala nang kinalaman sa iyo ang tungkuling ito, na hindi ikaw ang dapat gumanap ng tungkuling ito, o na hindi ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos na gampanan ang tungkuling ito. Kung kaya mo itong maarok, hindi ba’t nangangahulugan ito na ang perspektiba tungkol sa tungkulin ng pangangaral sa ebanghelyo na pinanghahawakan mo sa puso mo ay alinsunod sa katotohanan at sa layunin ng Diyos? Kapag naunawaan ninyo ito, at dumating ang araw na, kapag halos natapos na ninyo ang lahat ng gawaing hawak ninyo, magbigay ang Diyos ng utos na maghiwa-hiwalay kayo at magtungo sa iba’t ibang lugar para mangaral ng ebanghelyo—kahit pa sa ilang lugar na pinakahindi pamilyar sa inyo, na pinakaayaw ninyo, at na pinakamahirap para sa inyo—ano ang gagawin ninyo? (Obligasyon namin na tanggapin ito.) Iyan ang sinasabi ninyo ngayon, pero pagdating ng araw, baka mapuno ng luha ang inyong mga mata. Dapat ninyong ihanda ang sarili ninyo ngayon sa ganitong paraan—dapat magkaroon kayo ng ganitong kamalayan: “Nabubuhay ako sa kapanahunang ito. Mapalad ako na tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at mapalad na magkaroon ng bahagi sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Samakatwid, ang halaga at kabuluhan ng buhay ko ay ang ilaan ang buong lakas ng buhay ko sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo ng Diyos. Wala na akong iisipin pang iba.” May ganito ba kayong determinasyon? (Mayroon.) Dapat kayong magkaroon ng ganitong determinasyon; ganito kayo dapat maghanda ng sarili ninyo at magplano ng mga bagay. Sa ganitong paraan lamang kayo maaaring maging mga tunay na nilikha, mga nilikha na minamahal ng Diyos at pasok sa pamantayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Hindi Mahihindian ng Lahat ng Mananampalataya
Kayong lahat ay abala ngayon sa paggampan ng inyong mga tungkulin, nagsasanay na magpalaganap at magpatotoo sa salita ng Diyos, at sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Maging paggawa man ito ng mga pelikula o pag-awit ng mga himno upang magpatotoo sa Diyos, ang mga tungkulin bang ginagampanan ninyo ay may halaga sa tiwaling sangkatauhan? (Oo.) Nasaan ang halaga ng mga ito? Ang halaga ng mga ito ay nasa pagtulong sa mga tao na makita na tanging ang mga salitang ito na ipinahayag ng Diyos ang katotohanan, at na sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa mga katotohanang ito nila matatamo ang kaligtasan. Tumutulong ang inyong mga tungkulin na makita ng mga tao na nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan upang iligtas ang mga tao, at na tanging ang mga tumatanggap sa katotohanan ang magagawang lumapit sa harapan ng Lumikha. Maraming tao ang hindi nakatatalos o nakaaarok sa maraming bagay na kanilang hinaharap. Pakiramdam nila ay wala silang magawa at na ang buhay ay walang kabuluhan at hungkag, at na wala silang suportang espirituwal. Ano ang pinagmumulan ng lahat ng ito? Ang sagot sa lahat ng ito ay nasa salita ng Diyos. Sa paglipas ng mga taon ng pananampalataya ninyo sa Diyos, nabasa na ninyong lahat ang marami sa Kanyang salita at naunawaan na ninyo ang ilang katotohanan, kaya nga ang tungkuling dapat ninyong gampanan ay ang gamitin ang salita ng Diyos upang mabigyan sila ng kaliwanagan at maitama ang mga mali nilang kaisipan at pananaw, na magbibigay-kakayahan sa kanila na maunawaan ang katotohanang nasa salita ng Diyos at makilatis ang kadiliman at kasamaan ng mundo, at tutulong sa kanilang hanapin ang tunay na daan, mahanap ang Lumikha, marinig ang tinig ng Diyos, at magawang basahin ang Kanyang mga salita. Hahayaan sila nitong maunawaan ang ilang katotohanan at makita ang gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos, upang maaari silang bumaling sa Kanya at tanggapin ang Kanyang gawain. Iyon ang mismong tungkulin na dapat ninyong gampanan. Mula nang manampalataya sa Diyos, naunawaan na ninyo ang maraming katotohanan at nalutas na ninyo ang maraming problema, at sa wakas ay isinasabuhay na ninyo ang kaunting wangis ng tao. Ang lahat ng ito ay biyaya ng Diyos, at ito ang nakamit ninyo mula sa pagdanas ng gawain ng Diyos. Sa kasalukuyan, maraming tao, kapwa mga relihiyosong tao at mga walang pananampalataya, ang naghahanap sa tunay na daan at naghahanap sa Tagapagligtas. Hindi nila alam ang mga sagot sa mga partikular na katanungan katulad ng kung bakit nabubuhay at namamatay ang mga tao, kung ano ang halaga at kabuluhan ng buhay ng isang tao, o kung saan nanggaling ang mga tao at saan sila patungo. Hinihintay nila kayong mangaral ng ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, at na akayin sila sa harapan ng Lumikha. Kaya nga ang mga tungkuling ginagampanan ninyo ngayon ay napakamakabuluhan! Sa isang banda, nararanasan ninyo mismo ang gawain ng Diyos, at sa kabilang banda naman, nagpapatotoo rin kayo sa iba tungkol sa gawain ng Diyos. Habang mas nararanasan ninyo ito, mas maraming katotohanan ang kailangan ninyong maunawaan at maisangkap, at mas maraming gawain ang kailangan ninyong gawin. Ito ay isang napakagandang pagkakataon para maperpekto ng Diyos ang mga tao. Anumang mga paghihirap ang makatagpo ninyo sa inyong mga tungkulin, dapat kayong manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos, at nang magkakasama, dapat mas basahin ng lahat ang salita ng Diyos at mas hanapin ang katotohanan. Sa paggawa ng mga bagay na ito, walang problema na hindi kayang malutas. Maraming katotohanan sa salita ng Diyos na kailangan ninyong maunawaan, kaya dapat ninyong mas madalas na pagnilayan at pagbahaginan ang tungkol sa mga ito, at pagkatapos ay magkakaroon kayo ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Walang suliranin ang hindi kayang lutasin sa pamamagitan ng pagsandig sa Diyos, dapat kayong magkaroon ng pananalig dito.
Pagkatapos likhain ng Diyos ang sangkatauhang ito, bumuo Siya ng isang plano ng pamamahala. Sa nakalipas na ilang libong taon, ang gawaing ginawa ng Diyos sa gitna ng sangkatauhan ay medyo tago at simple, at ang sangkatauhang ito ay hindi nagpasan ng anumang malaking responsabilidad o atas na magpatotoo sa Lumikha. Gayumpaman, sa mga huling araw, ang mga bagay-bagay ay hindi na katulad ng dati. Nagsimula nang bumigkas ng mga salita ang Lumikha. Nagpahayag na Siya ng napakaraming katotohanan, at isiniwalat na Niya ang lahat ng misteryo ng plano ng pamamahala ng Diyos, ngunit ang tiwaling sangkatauhan ay mapurol ang utak at manhid: Nakakakita sila ngunit hindi nakakaalam, at nakakarinig ngunit hindi nakakaunawa, na para bang ang puso nila ay tumigas na. Samakatwid, kayong lahat ay may napakalaking responsabilidad! Ano ang napakalaki tungkol dito? Bukod sa pagpapalaganap sa mga salita at katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos, mas mahalaga pa rin na magpatotoo kayo sa bawat nilikhang tao tungkol sa Lumikha, at na dalhin din ninyo ang lahat ng nilikhang taong iyon na nakarinig na sa ebanghelyo ng Diyos sa harapan ng Lumikha, at tulungan silang maunawaan ang kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, at maintindihan na bilang mga nilikhang tao, dapat silang bumalik sa harapan ng Lumikha, makinig sa Kanyang mga pagbigkas, at tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag Niya. Sa ganitong paraan, lahat ng tao ay magagawang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Posible bang makamit ang mga resultang ito sa pamamagitan lamang ng pagbabasa sa kanila ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos? O sa pamamagitan lang ng pagtuturo sa kanila na umawit ng ilang himno? O sa pamamagitan lang ng pagbabahagi tungkol sa isang aspekto ng katotohanan? Hindi. Kaya nga, kung gusto ninyong maayos na magampanan ang mga tungkulin ninyo, kailangan ninyong patotohanan ang mga pagkilos ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos gamit ang iba’t ibang pamamaraan at magkakaibang kaanyuan. Sa ganitong paraan, makapagdadala kayo ng mas maraming tao sa harapan ng Lumikha para magawa nilang tumanggap at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Hindi ba’t isa itong napakalaking responsabilidad? (Oo.) Kung ganoon, ano dapat ang inyong maging saloobin sa inyong mga tungkulin? Ayos lang bang maging magulo ang isip? Ayos lang ba na ipagsawalang-bahala ang mga bagay-bagay? Ayos lang ba na gamitin lang ang 50% ng inyong enerhiya at maging pabasta-basta? Ang magpaliban at gawin nang kaswal lang ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Ano ang dapat ninyong gawin kung gayon? (Buong-pusong ilaan ang sarili.) Dapat ninyong buong-pusong ilaan ang inyong sarili gamit ang anumang kaliit-liitang enerhiya, karanasan, at kabatirang mayroon kayo. Hindi nauunawaan ng mga walang pananampalataya kung ano ang pinakamakabuluhang bagay na magagawa ng tao sa kanyang buhay, ngunit may naiintindihan kayo tungkol dito, hindi ba? (Oo.) Ang pagtanggap sa atas ng Diyos at ang pagtupad sa inyong sariling misyon—ito ang pinakaimportanteng bagay. Ang mga tungkuling ginagampanan ninyo ngayon ay mahalaga! Maaaring hindi mo nakikita ang mga resulta sa ngayon, at maaaring hindi ka nakatatanggap ng magagandang epekto mula sa mga ito sa ngayon, ngunit hindi magtatagal ay magbubunga ang mga ito. Sa katagalan, kapag maayos na ginawa ang gawaing ito, ang kontribusyon na magagawa nito sa sangkatauhan ay hindi masusukat gamit ang pera. Ang ganoong mga tunay na patotoo ay mas katangi-tangi at mahalaga pa kaysa anumang bagay, at ang mga ito ay mananatili magpasawalang hanggan. Ito ang mabubuting gawa na dapat taglayin ng mga tagasunod ng Diyos, at ang mga ito ay mga bagay na karapat-dapat tandaan. Bukod sa pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, at pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha, lahat ng iba pa na ginagawa ng isang tao sa buhay ay hungkag at hindi karapat-dapat na gunitain. Kahit na nakagawa ka ng isang gawaing yayanig sa mundo, nakapaglakbay sa kalawakan at sa Buwan, walang kabuluhan ito; kahit na nakagawa ka ng mga siyentipikong pagsulong na may kaunting pakinabang o tulong sa sangkatauhan, walang kabuluhan ito. Ang lahat ng ito ay lilipas. Ano ang tanging bagay na hindi lilipas? (Ang salita ng Diyos.) Tanging ang salita ng Diyos, tanging mga patotoo sa Diyos, lahat ng patotoo at gawaing nagpapatotoo sa Lumikha, at ang mabubuting gawa ng mga tao ang hindi lilipas. Ang mga ito ay mananatili magpakailanman, at ang mga ito ay napakahalaga. Kaya, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya rito, at sulitin ang inyong mga abilidad. Huwag magpalimita sa mga tao, pangyayari, o bagay; sinsero ninyong igugol ang inyong sarili para sa Diyos, at ibuhos ang lahat ng inyong enerhiya at dugo ng puso sa paggampan ng inyong mga tungkulin. Ito ang bagay na pinakapinagpapala ng Diyos sa lahat, at sulit ito gaano man karami ang paghihirap!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paggampan Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilikha Mayroong Halaga ang Pamumuhay
Kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipangaral ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdanas ng mga pang-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga kapighatian na pinagdaraanan ng isang tao kapag nangangaral ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mainsulto, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nangangaral sa ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw na nagkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos. Dapat kayong maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katunayan. Ngayong nailinaw at nabigyang-linaw Ko na ito, kung taglay pa rin ninyo ang determinasyong ito at siguradong hindi ito magbabago, at mananatili kayong tapat hanggang sa kamatayan, nagpapatunay ito na taglay ninyo ang isang tiyak na tayog. Huwag ipagpalagay na magiging ligtas sa panganib ang pangangaral ng ebanghelyo sa ibayong mga bansang ito na may mga kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao at magiging maayos ang lahat ng gagawin mo, na lahat ito ay magkakaroon ng mga pagpapala ng Diyos at kalakip ang Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad. Ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Nanampalataya rin sa Diyos ang mga Pariseo, ngunit kinuha nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako nila sa krus ang Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, anong mga bagay ang kayang gawin ng kasalukuyang relihiyosong mundo sa Diyos na nagkatawang-tao? Napakaraming masamang bagay ang kaya nilang gawin—ang husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, siraan ang Diyos, lapastanganin ang Diyos—walang masamang bagay na hindi nila kayang gawin. Anuman ang mangyari, huwag kalimutan na ang mga kumuha sa Panginoong Jesus at nagpako sa Kanya sa krus ay mga mananampalataya. Tanging mga mananampalataya ang may pagkakataon na gumawa ng marami sa mga bagay na lumalaban sa Diyos—hindi pinakikialaman ng mga walang pananampalataya ang mga gayong usapin. Ang mga mananampalatayang ito ang nakipagsabwatan sa pamahalaan upang kunin ang Panginoong Jesus at ipako Siya sa krus. Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—iba’t ibang uri ng kamatayan ang sumapit sa kanila. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Ito ba ay dahil may ginawa silang masamang gawa at pagkatapos ay pinarusahan ng batas? Hindi. Ipinakalat nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at ininsulto sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagbibigay-hatol ng Diyos sa kanilang mga gawa, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit ang mga martir na iyon sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagtatapos ng kanilang mga buhay? (Hindi, hindi umayon ang mga ito.) Mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad ang mga martir na iyon ng gayon kalaking halaga upang ipakalat ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay labis silang pininsala ni Satanas hanggang sa mamatay sila. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Gayumpaman, ang mga bagay na iyon ang mismong sumapit sa kanila—ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang maaaring hanapin dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang pagsasaayos at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Nagdudulot ng pighati sa mga tao ang pag-iisip sa mga pagkamatay ng mga martir na iyon, ngunit ang mga ito ay talagang mga katunayan. Anong paliwanag ang dapat ibigay tungkol sa mga mananampalataya sa Diyos na namamatay sa ganitong paraan? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang inyong sarili sa kanilang kalagayan, kaya sa inyong puso, nakakaramdam ba kayo ng bigat ng kalooban at ng kaunting nakatagong kirot? Iniisip ninyo, “Ginawa ng mga taong ito ang kanilang tungkulin na maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?” Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang pagkamatay at paglisan o kung paano man ito nangyari, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtakda sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ito mismo ang paraan ng pagkondena nila sa mundong ito at pagpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang pinakamahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay—upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang iproklama sa mundo, upang patunayan sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Hanggang sa anong antas ginampanan ng mga naging martir sa pagpapakalat ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakasukdulan ba? Paano naipamalas ang pinakasukdulan? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa kanilang kamatayan, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang responsabilidad. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulan. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipakalat ang Kanyang ebanghelyo? Hindi tiyak na kailangan mong gawin ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong responsabilidad, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang isang tungkuling obligasyon mo. May takot at pag-aalala sa kalooban ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng pag-aalalang ito? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, mag-alala ka man o hindi ay walang halaga. Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi mo dapat iwasan ang responsabilidad na ito o tanggihan ito; dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin mo ito—walang silbi ang pag-aalala rito. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa presensya ni Satanas, hindi siya dapat mamatay sa mga kamay nito. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha. Ito ang panghuling katotohanan na dapat maunawaan ng isang tao sa pangangaral sa ebanghelyo at paggampan sa kanyang tungkulin—dapat ibayad ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay upang maipakalat at mapatotohanan ang ebanghelyo ng paggampan ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang gawain at pagliligtas sa tao. Kung mayroon kang ganitong determinasyon, kung makakapagpatotoo ka sa ganitong paraan, kahanga-hanga iyon. Kung hindi ka nagtataglay ng ganitong uri ng determinasyon, sa pinakamababa, dapat mong tuparin ang responsabilidad at tungkuling nasa harapan mo, ipagkatiwala na sa Diyos ang iba, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa gayon marahil, habang lumilipas ang mga buwan at mga taon at dumarami ang iyong karanasan at ikaw ay tumatanda, at lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, matatanto mo na mayroon kang obligasyon at responsabilidad na ialay ang iyong buhay sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos, maging hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Hindi Mahihindian ng Lahat ng Mananampalataya
Ang isang taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon nang walang anumang buhay pagpasok, hindi nakapagsasalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan, lalong hindi nakapagpapatotoo sa Diyos, na hindi nakapagkakamit ng sinumang mabuting tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo—hindi siya karapat-dapat na tawaging isang taong nagpapatotoo sa Diyos. Kaya, ang isang taong wala pang sapat na gulang ang tayog at walang buhay pagpasok ay hinding-hindi makapagpapatotoo sa Diyos. Ang hindi binabanggit na ipinapahiwatig dito ay na ang ganitong uri ng tao ay hindi namumuhay sa presensiya ng Diyos. Kung hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos, wala kang buhay pagpasok, at hindi ka isang saksi ng Diyos, kung gayon, kikilalanin ka ba Niya bilang isa sa Kanyang mga tagasunod? Hindi ka Niya kikilalanin. Binigyan ka ng Diyos ng pagkakataong gampanan ang iyong tungkulin, at handa kang gawin ito, pero sa pamamagitan ng mga pagpapamalas mo ay nakita Niyang hindi mo kayang magpatotoo sa Kanya, kahit pagkatapos manampalataya sa Kanya nang napakahabang panahon. Bukod sa wala kang tunay na kaalamang batay sa karanasan, namumuhay ka rin ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon; wala kang anumang katotohanang realidad, at sadyang hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos. … Kung gusto mong kilalanin ka ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga tagasunod, kung gayon, una sa lahat, dapat kang tumuon sa buhay pagpasok—nangangahulugan ito ng pagsisimula sa pagkilala sa iyong sarili. Habang mas nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, mas matatalos niya ang diwa at katunayan ng kanyang katiwalian, at mas mauuhaw siyang hangarin ang katotohanan sa kanyang kalooban; sa paggampan ng kanyang tungkulin, partikular niyang pahahalagahan ang paghahanap sa katotohanan, pagsasagawa ng katotohanan, at pagwawaksi sa kanyang mga tiwaling disposisyon, kaya magagawa niyang itaguyod ang kanyang tungkulin, at tuparin nang maayos ang kanyang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Iyon ang dapat na maging pangunahing priyoridad mo. Ang layunin ng pagtuon sa buhay pagpasok ay ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin; sa esensya, ang lahat ng ito ay tungkol sa paggampan ng iyong tungkulin. Dapat mong simulan ang paghahangad sa buhay pagpasok sa pamamagitan ng paggampan ng iyong tungkulin, at sa pamamagitan ng buhay pagpasok, dapat mong maunawaan at makamit ang katotohanan nang unti-unti, upang umabot ka sa punto na mayroon kang tayog, kung saan unti-unting lumalago ang iyong buhay at mayroon kang mga praktikal na karanasan sa katotohanan. Pagkatapos ay kailangan mong maging dalubhasa sa lahat ng uri ng prinsipyo ng pagsasagawa, upang magampanan mo ang tungkulin mo nang hindi nalilimitahan o nagugulo ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Sa ganitong paraan, unti-unti kang mamumuhay sa presensya ng Diyos. Hindi ka magugulo ng anumang uri ng tao, pangyayari, o bagay, at magkakaroon ka ng karanasan sa katotohanan. Habang mas dumarami ang karanasan mo, mas magagawa mong magpatotoo sa Diyos, at habang mas nakapagpapatotoo ka sa Diyos, unti-unti kang magiging isang kapaki-pakinabang na tao. Kapag naging isa kang kapaki-pakinabang na tao, magagampanan mo ang iyong tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan sa sambahayan ng Diyos, magagawa mong akuin nang wasto ang iyong posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, at magagawa mong manindigan. Tanging ang ganitong uri ng tao ang nilikhang pasok sa pamantayan at isang taong taglay ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung gayon, magiging karapat-dapat ka sa lahat ng ipinagkaloob sa iyo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Bagama’t ang inyong pananalig ay lubhang taos-puso, walang sinuman sa inyo ang kayang lubusang ipaliwanag Ako, walang sinumang makakapagbigay ng patotoo sa lahat ng katunayang nakikita ninyo. Pag-isipan ninyo ito: Ngayon, karamihan sa inyo ay hindi nag-aasikaso ng mga wastong gampanin, sa halip ay hinahangad ninyo ang laman, binibigyang-kasiyahan ang laman, at nagpapakasasa sa laman. Kakaunti ang taglay ninyong katotohanan. Kung gayon, paano kayo magpapatotoo sa lahat ng nakita ninyo? Talaga bang may kumpiyansa kayo na kaya ninyong maging mga saksi Ko? Kung dumating ang isang araw na hindi mo mapatotohanan ang lahat ng nakita mo ngayon, kung gayon ay mawawalan ka na ng papel ng isang nilikha, at mawawalan na ng anumang kahulugan ang iyong pananatiling buhay. Hindi ka magiging karapat-dapat na maging tao. Masasabi pa na hindi ka tao! Napakarami na ng nagawa Kong di-masukat na gawain sa inyo, ngunit dahil sa kasalukuyan ay hindi mo kailanman sinusubukan na matutuhan ang anumang bagay at nananatili kang mangmang sa lahat ng bagay, at nagtatrabaho ka nang walang saysay, kapag panahon na para ipalaganap ang Aking gawain, tititig ka lamang sa kawalan, walang imik at lubos na walang-silbi. Kung gayon, hindi ba’t maaalala ka sa kasaysayan bilang isang makasalanan? Pagdating ng panahong iyon, hindi mo ba madarama ang pinakamatinding pagsisisi? Hindi ka ba manlulumo? Hindi Ko ginagawa ang lahat ng Aking gawain ngayon nang dahil sa kawalang-gawain at pagkainip, kundi upang maglatag ng isang pundasyon para sa Aking gawain sa hinaharap. Hindi naman sa wala na Akong patutunguhan at kailangan Kong makabuo ng isang bagay na bago. Dapat mong maunawaan ang gawaing ginagawa Ko; hindi ito isang bagay na ginagawa ng isang batang naglalaro sa kalye, kundi isang gawaing ginagawa bilang kinatawan ng Aking Ama. Dapat ninyong malaman na hindi Ako Mismo ang gumagawa ng lahat ng ito; sa halip, kinakatawan Ko ang Aking Ama. Samantala, ang papel lang ninyo ay ang sumunod, magpasakop, magbago, at magbigay ng patotoo. Ang dapat ninyong maunawaan ay kung bakit kayo dapat manampalataya sa Akin; ito ang pinakamahalagang tanong na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Ang Aking Ama, alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian, ay paunang itinadhana kayong lahat para sa Akin mula sa sandaling nilikha Niya ang mundo. Para iyon sa kapakanan ng Aking gawain, at para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian, kaya Niya kayo paunang itinadhana. Dahil sa Aking Ama kaya kayo nananampalataya sa Akin; dahil sa paunang pagtatadhana ng Aking Ama kaya kayo sumusunod sa Akin. Wala sa mga ito ang nagmula sa sarili ninyong pagpapasya. Ang mas mahalaga pa ay dapat maunawaan ninyo na kayo ang siyang ipinagkaloob sa Akin ng Aking Ama para sa layon ng pagpapatotoo sa Akin. Dahil ipinagkaloob Niya kayo sa Akin, dapat kayong sumunod sa daan na ipinagkakaloob Ko sa inyo, gayundin sa daan at sa mga salitang itinuturo Ko sa inyo, sapagkat tungkulin ninyong sumunod sa Aking daan, at ito ang orihinal na layunin ng inyong pananalig sa Akin. Samakatwid, sinasabi Ko sa inyo ito: Kayo ay mga tao lamang na ipinagkaloob ng Aking Ama sa Akin upang sumunod sa Aking daan. Gayumpaman, nananampalataya lamang kayo sa Akin, pero hindi kayo nabibilang sa Akin, sapagkat hindi kayo nanggaling sa pamilyang Israelita, at sa halip ay kauri kayo ng sinaunang ahas. Ang hinihiling Ko lamang na gawin ninyo ay magpatotoo para sa Akin, ngunit ngayon ay kailangan ninyong sumunod sa Aking daan. Lahat ng ito ay alang-alang sa patotoo sa hinaharap. Kung nakikinig lamang kayo sa Aking daan, walang saysay iyon, at ang kabuluhan ng pagkakaloob sa inyo ng Aking Ama sa Akin ay mawawala. Ang nais Ko pa ring sabihin sa inyo ay ito: Dapat kayong sumunod sa Aking daan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkakilala Mo sa Diyos?
Alam mo ba talaga ngayon kung bakit ka dapat manampalataya sa Akin? Alam mo ba talaga ang layunin at kabuluhan ng Aking gawain? Alam mo ba talaga ang iyong tungkulin? Alam mo ba talaga kung ano ang Aking patotoo? Kung nananampalataya ka lamang sa Akin, ngunit walang tanda ng Aking kaluwalhatian o patotoo sa iyo, isa kang tao na matagal Ko nang itiniwalag. Para sa mga nakakaunawa sa lahat ng bagay, sila ay lalo pang mga tinik sa Aking mata, at sa Aking sambahayan, mga balakid lamang sila sa Aking daan, sila ay mga panirang damo na ganap na tatahipin paalis sa Aking gawain, at wala silang anumang silbi, walang anumang halaga, at matagal Ko na silang kinasusuklaman. Tungkol naman sa lahat ng walang anumang patotoo, ang Aking galit ay palaging nasa kanila, at hindi sila kailanman iniiwan ng Aking pamalo. Matagal Ko na silang ibinigay sa mga kamay ng masama; ganap silang pinagkaitan ng Aking mga pagpapala. Kapag dumating ang araw, ang kanilang pagkastigo ay magiging mas mabigat pa kaysa sa pagkastigo sa mga hangal at matitigas ang ulong babae. Ngayon, ginagawa Ko lang ang gawaing tungkulin Kong gawin, pinagbubungkos-bungkos ang lahat ng trigo, kasama ang mga panirang damo na iyon. Ito ang Aking gawain ngayon. Kapag nagtatahip Ako, tatahipin Ko ang lahat ng panirang damong ito; pagkatapos, iipunin Ko ang mga butil ng trigo sa kamalig at ilalagay sa apoy ang mga panirang damo na natahip na upang sunugin hanggang maging abo. Ang Aking gawain ngayon ay bigkisin lamang ang lahat ng tao nang tungkos-tungkos; ibig sabihin, ganap na lupigin sila. Saka Ko sisimulan ang pagtatahip upang ibunyag ang mga kinalabasan ng lahat ng tao. At kaya’t dapat mong malaman kung paano mo Ako dapat palugurin ngayon, at kung paano mo dapat tahakin ang tamang landas sa iyong pananampalataya sa Akin. Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pagmamahal at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pagmamahal, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ipagkatiwala sa Akin ang tanging mga kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo sa Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananampalataya sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin at wala nang iba, at maging mapagpasakop hanggang sa huli.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa “Pananampalataya,” Ano ang Iyong Pagkaunawa?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Pagpapatotoo sa Diyos ay Tunay na Paggawa ng Tungkulin
Kaugnay na mga Himno
Tungkulin ng Tao ang Magpatotoo para sa Diyos
Ang Iyong Tungkulin Bilang Mananampalataya ay Magpatotoo para sa Diyos