22. Paano tingnan ang buhay at kamatayan
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28).
“Ang nakasusumpong ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39).
“At siya ay kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa daan ng kanilang patotoo; at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan” (Pahayag 12:11).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang nabubuhay at nagpaparami, na sumusunod sa batas ng buhay sa isang walang katapusang siklo, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay dala-dala ang mga kuwento ng mga buhay na tao, at yaong mga buhay na tao ay inuulit ang parehong kalunos-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang naghahari sa mundong ito? At sino ang lumikha ng sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng kalikasan ang sangkatauhan? Kaya ba talagang kontrolin ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nahuhumaling ang sangkatauhan sa mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi nito kayang palayain ang sangkatauhan mula sa pag-iisa, pagkalumbay, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Ganap na hindi alam ng sangkatauhan kung sino ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa gitna ng lahat ng bagay at sa taas ng sansinukob ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng sangkatauhan kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na ang pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na ang sangkatauhan ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Higit pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa pananatiling buhay. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Pinamamahalaan Niya ang apat na panahon, at Siya ang kumokontrol sa mga pagbabago ng hangin, nagyeyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng langit at lupa, na nagbibigay sa sangkatauhan ng mga kabundukan, lawa, at ilog, at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay kongkretong pagpapamalas ng Kanyang mga gawa, isang pagbubunyag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang makatatakas mula sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang makatatakas mula sa Kanyang mga pagsasaayos? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang paningin, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin na Siya ay totoong umiiral, pati na ang katunayan na nagtataglay Siya ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapaghahari sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at nagagawa mo mang maniwala sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nag-orden sa iyong kapalaran, at walang duda na ang Diyos ang Siyang palaging may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung ang mga ito ay kinikilala at naiintindihan ng sangkatauhan o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng sangkatauhan, at Siya lamang ang maaaring magpasya sa kapalaran ng sangkatauhan. Nagagawa mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isakatuparan ng Diyos. Ang mga tao ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Sila ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at ipinipikit ang kanilang mga mata sa pinakahuling pagkakataon para sa pamamahalang ito—dumarating at umaalis sila nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang pagsasaayos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang naghanda ng isang itinakdang sirkumstansiya para sa bawat kapanganakan ng isang tao, tiyak na nagsaayos din Siya ng isang itinakdang sirkumstansiya para sa kamatayan nito. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak nang nagkataon lang, walang kamatayan ang biglaan, at ang kapanganakan at kamatayan ay kapwa tiyak na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Kung ano ang mga sirkumstansiya sa kapanganakan ng isang tao, at kung ano ang sirkumstansiya sa kanyang kamatayan, ay nauugnay sa paunang inorden ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Yamang marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, tiyak na mayroon ding iba’t ibang espesyal na sirkumstansiya para sa kamatayan ng isang tao. Kaya, umiiral ang magkakaibang haba ng buhay at magkakaibang paraan at oras ng mga kamatayan ng mga tao sa gitna ng sangkatauhan. May ilang tao na malakas at malusog, ngunit namamatay nang maaga; ang iba ay mahina at sakitin, ngunit nabubuhay hanggang sa pagtanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba ay sa natural na paraan. Namamatay ang ilan nang malayo sa kanilang tahanan, ang iba ay ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay nalulunod sa tubig, ang iba ay namamatay sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakalampas sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang kayang makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring magplano ng kung ano-ano ang mga tao para sa kanilang kinabukasan, subalit walang sinuman ang makakapagplano kung paano siya isisilang o kung ano ang paraan at panahon ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagama’t ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at labanan ang pagdating ng kamatayan, tahimik pa ring lumalapit ang kamatayan nang hindi nila namamalayan. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano siya mamamatay, o lalong hindi niya alam kung saan ito magaganap. Malinaw na hindi ang sangkatauhan ang may hawak ng pinakamataas na kapangyarihan sa buhay at kamatayan, ni sinumang buhay na nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na nagtataglay ng natatanging awtoridad. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng kung anong batas ng natural na mundo, kundi resulta ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Habang mas papalapit ang isang tao sa kamatayan, mas ninanais niyang maunawaan kung tungkol talaga saan ang buhay; habang mas papalapit siya sa kamatayan, tila nagiging mas hungkag ang puso niya; habang mas papalapit siya sa kamatayan, mas nararamdaman niya ang kawalan ng masasandalan; kaya lumalaki ang takot niya sa kamatayan sa bawat araw. May dalawang dahilan kung bakit ipinamamalas ng mga tao ang gayong mga pagtugon habang papalapit sila sa kamatayan: Una, malapit nang mawala sa kanila ang kasikatan o pakinabang kung saan nila iniasa ang kanilang buhay, malapit nang magpaalam sa lahat ng nakikita ng mata sa mundo; at ikalawa, kakaharapin na nila, nang mag-isa, ang isang hindi pamilyar na mundo, isang misteryoso at di-kilalang mundo na natatakot silang puntahan, kung saan ay wala silang mga mahal sa buhay at walang masasandalan. Dahil sa dalawang dahilang ito, lahat ng humaharap sa kamatayan ay di-mapalagay, at natataranta at lubos na nalilito sa paraang hindi nila kailanman naranasan noon. Kapag ang isang tao ay talagang nakarating na sa puntong ito ay saka pa lamang niya matatanto na kapag ang isang tao ay pumapasok sa mundong ito, dapat muna niyang maunawaan kung saan nanggagaling ang tao, bakit nabubuhay ang tao, sino ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, at sino ang nagtutustos at may kataas-taasang kapangyarihan sa pag-iral ng tao—ang pagkaunawang ito ang kapital sa buhay ng isang tao, at ito ang kinakailangang pundasyon para patuloy na mabuhay ang tao. Hindi niya dapat unang matutunan kung paano tustusan ang kanyang pamilya o kung paano hangarin ang kasikatan at pakinabang, o kung paano mamumukod-tangi sa isang grupo o kung paano mamuhay nang mas marangya, mas lalong hindi kung paano ungusan ang iba o kung paano makipagkompetensiya nang madali sa iba’t ibang uri ng paligsahan. Bagaman ang iba’t ibang kasanayan sa pananatiling buhay kung saan nagpapakadalubhasa ang mga tao sa buong buhay nila ay nagpapahintulot sa kanila na magkaroon ng kasaganaan sa mga materyal na kaginhawahan, ang mga kasanayang iyon ay di-kailanman nakapagdadala ng tunay na kaaliwan at kapanatagan sa puso nila. Sa halip ay patuloy na nagiging dahilan ang mga ito para ang mga tao ay mawalan ng direksiyon, mahirapang kontrolin ang kanilang mga sarili, at mapalampas ang sunod-sunod na pagkakataon na matutuhan ang kabuluhan ng buhay, at nagdudulot ang mga ito ng mga panloob na pagkabalisa sa mga tao hinggil sa kung paano tamang haharapin ang kamatayan—nasisira ang buhay ng mga tao sa ganitong paraan. Tinatrato ng Lumikha ang lahat nang patas, binibigyan ang bawat isa ng panghabambuhay na mga pagkakataon na maranasan at makilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, subalit tanging kapag papalapit na ang kamatayan, kapag nakaamba na sa isang tao ang kawit ni kamatayan, ay saka pa lamang magsisimulang makita ng tao ang liwanag—at kapag nagkagayon ay huling-huli na ang lahat!
Ginugugol ng tao ang kanyang buong buhay sa paghahabol ng salapi, at kasikatan at pakinabang; itinuturing niya ang mga bagay na ito bilang tanging pag-asa niya para mabuhay, bilang kanyang tanging suporta—na para bang ang pagtataglay ng mga ito ay mangangahulugan na maaari siyang patuloy na mabuhay at makatakas sa kamatayan. Subalit kapag papalapit na ang kanyang kamatayan ay doon lamang niya natatanto kung gaano kalayo sa kanya ang pera, kasikatan, at pakinabang, at sa harap ng kamatayan, kung gaano siya kahina at kawalang-kapangyarihan, kung gaano siya kabulnerable, at kung gaano siya nag-iisa at walang maaasahan, at kung gaano siya kawalang-magawa. Natatanto niya na ang salapi o kasikatan at pakinabang ay hindi maipagpapalit sa buhay, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang katayuan, lahat ay pawang mahihirap at hamak sa harap ng kamatayan. Natatanto niya na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi kayang bigyang-kakayahan ng kasikatan at pakinabang ang isang tao na makatakas sa kamatayan, na alinman sa pera o kasikatan at pakinabang ay hindi nakapagpapahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto, iisang segundo. Habang mas lalong ganito ang nararamdaman ng tao, lalo siyang nananabik na patuloy na mabuhay; habang mas lalong ganito ang nararamdaman ng tao, mas kinatatakutan niya ang pagsapit ng kamatayan. Tanging sa puntong ito niya tunay na napagtatanto na ang kanyang buhay ay hindi kanya at wala sa kanyang kontrol, at tunay na napagtatanto na walang sinuman ang may huling salita kung ang isang tao ba ay mabubuhay o mamamatay—ito ay wala sa kontrol ng sinuman.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Sa sandaling ipanganak ang isang tao, sinisimulan ng isang kaluluwa na danasin ang buhay sa mundo nang nag-iisa, at danasin ang awtoridad ng Lumikha na isinaayos ng Lumikha para sa kanya. Hindi man kailangang sabihin, para sa tao—sa kaluluwa—ito ay isang napakagandang pagkakataon upang magkaroon ng pagkakilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na makilala ang Kanyang awtoridad, at personal na maranasan ito. Nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng mga batas ng kapalaran na inilatag para sa kanila ng Lumikha, at para sa sinumang tao na may konsensiya at katwiran, ang pagkilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at pagkilala sa Kanyang awtoridad sa loob ng ilang dekada ng kanilang buhay ay isang bagay na hindi mahirap gawin. Kaya napakadali dapat para sa bawat tao na makilala, sa pamamagitan ng kanyang sariling mga karanasan sa buhay sa loob ng ilang dekada, na ang lahat ng kapalaran ng tao ay paunang inorden, at dapat ay napakadali na madama o mahinuha kung ano ang kahulugan ng mabuhay. Habang kinukumpirma ng isang tao ang karanasang ito sa buhay, unti-unti niyang mauunawaan kung saan nanggagaling ang buhay at maaarok kung ano ang tunay na kinakailangan ng puso, kung ano ang makapagdadala sa kanya sa tunay na landas ng buhay, at kung ano dapat ang misyon at layon sa buhay ng tao. Unti-unting mapagtatanto ng tao na kung hindi niya sasambahin ang Lumikha, kung hindi siya magpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan, kung gayon kapag dumating na ang panahon na haharapin na niya ang kamatayan—kapag ang isang kaluluwa ay haharap nang muli sa Lumikha—mapupuno ang kanyang puso ng walang hanggang takot at pagkabalisa. Kapag ilang dekada nang nabubuhay ang isang tao sa mundo subalit hindi pa rin niya nauunawaan kung saan nanggagaling ang buhay ng tao at hindi pa rin niya nakikilala kung kaninong palad nakalagay ang kapalaran ng tao, kung gayon ay hindi nakapagtataka na hindi niya kayang harapin ang kamatayan nang mahinahon. Ang isang tao na nagkamit, sa kanyang mga dekada ng karanasan sa buhay ng tao, ng pagkakilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay isang tao na may dalisay na pagkaarok sa kahulugan at halaga ng buhay. Ang taong ito ay may malalim na kaalaman sa layunin ng buhay, may tunay na pagkaunawa at karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at higit pa riyan ay may kakayahan na magpasakop sa awtoridad ng Lumikha. Ang gayong tao ay nakakaunawa sa kahulugan ng paglikha ng Lumikha sa tao, nakakaunawa na dapat sambahin ng tao ang Lumikha, na ang lahat ng pag-aari ng tao ay nagmumula sa Lumikha at babalik sa Kanya balang-araw sa hindi malayong hinaharap. Nauunawaan ng ganoong tao na ang Lumikha ang nagsasaayos ng kapanganakan ng tao at may kataas-taasang kapangyarihan sa kamatayan ng tao, at ang kapwa buhay at kamatayan ay paunang inorden ng awtoridad ng Lumikha. Kaya, kapag tunay na naaarok ng isang tao ang mga bagay na ito, siya ay natural na makakaharap sa kamatayan nang mahinahon, bibitiwan ang lahat ng panlabas na bagay niya nang mahinahon, nakahandang tatanggap at magpapasakop sa lahat ng kasunod, at malugod na tatanggapin ang huling sugpungan ng buhay na isinaayos ng Lumikha sa halip na palagiang katakutan at labanan ito. Kung tinitingnan ng isang tao ang sariling buhay bilang isang pagkakataon para maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at makilala ang Kanyang awtoridad, kung ang tingin niya sa kanyang buhay ay isang pambihirang pagkakataon upang tuparin nang maayos ang sariling tungkulin bilang isang nilikhang tao at kompletuhin ang kanyang misyon, kung gayon ay tiyak na magkakaroon siya ng wastong pananaw sa buhay, tiyak na mamumuhay sa ilalim ng mga pagpapala at paggabay ng Lumikha, tiyak na lalakad sa liwanag ng Lumikha, tiyak na kikilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, tiyak na magpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan, tiyak na magiging isang saksi sa Kanyang kamangha-manghang mga gawa, isang saksi sa Kanyang awtoridad. Hindi na kailangang sabihin na ang ganoong tao ay tiyak na mamahalin at tatanggapin ng Lumikha, at tanging ang ganoong tao ang maaaring magkaroon ng kalmadong saloobin sa kamatayan at malugod na sumalubong sa huling sugpungan ng buhay. Malinaw na taglay ni Job ang ganitong uri ng saloobin sa kamatayan. Natugunan niya ang mga kondisyon na nagbigay-kakayahan sa kanya na malugod na tanggapin ang huling sugpungan ng buhay. Dinala niya ang kanyang paglalakbay sa buhay sa isang maayos na katapusan at kinompleto ang kanyang misyon sa buhay, at pagkatapos ay bumalik sa tabi ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Sa mga Kasulatan, nakasulat ang tungkol kay Job: “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). Ito ay nangangahulugan na nang namatay si Job, wala siyang mga panghihinayang at hindi siya nakaramdam ng sakit, bagkus ay natural siyang lumisan sa mundong ito. Gaya ng nababatid ng lahat, si Job ay isang tao na natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan noong siya ay nabubuhay pa. Ang kanyang matutuwid na gawa ay sinang-ayunan ng Diyos at tinandaan ng iba, at ang kanyang buhay ay maaaring sabihin na may pinakamalaking halaga at kabuluhan sa buong sangkatauhan. Natanggap ni Job ang mga pagpapala ng Diyos at tinawag siya ng Diyos na matuwid sa lupa, at siya ay sinubok din ng Diyos at tinukso ni Satanas. Nanindigan siya sa kanyang patotoo para sa Diyos at naging karapat-dapat na matawag Niyang isang “matuwid na tao.” Ilang dekada matapos siyang subukin ng Diyos, namuhay siya sa paraang higit na mahalaga, makabuluhan, panatag, at kalmado kaysa dati. Dahil sa kanyang matuwid na mga gawa, sinubok siya ng Diyos, at dahil sa kanyang matuwid na mga gawa, nagpakita sa kanya ang Diyos at personal na nakipag-usap sa kanya. Kaya sa mga taon matapos siyang subukin, naramdaman at naunawaan ni Job ang halaga ng buhay sa isang mas praktikal na paraan, nagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nagtamo ng mas tumpak at tiyak na pagkakilala sa kung paano nagbibigay at nag-aalis ng Kanyang mga pagpapala ang Lumikha. Itinatala ng Aklat ni Job na nagkaloob ang Diyos na si Jehova ng mas maraming mga pagpapala kay Job kaysa sa ibinigay Niya sa kanya noon, na naglagay kay Job sa mas mainam pang posisyon upang kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at harapin ang kamatayan nang mahinahon. Kaya nang tumanda na at naharap na si Job sa kamatayan, tiyak na hindi siya nangamba tungkol sa kanyang mga ari-arian. Wala siyang mga alalahanin, walang pinanghihinayangan, at siyempre hindi siya natakot sa kamatayan. Dahil ginugol niya ang buong buhay niya sa paghahanap na matahak ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, hindi siya nag-alala tungkol sa sarili niyang kalalabasan. Ilang tao ngayon ang makakayang kumilos tulad ng ginawa ni Job nang maharap siya sa sarili niyang kamatayan? Bakit walang sinuman ang may kakayahang makamit ang ganoong kasimpleng panlabas na saloobin? Mayroon lamang iisang dahilan: Ipinamuhay ni Job ang kanyang buhay sa subhetibong paghahangad sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at taglay ang paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop na ito kaya siya nakalampas sa mahahalagang sugpungan sa buhay, ginugol ang kanyang mga huling taon, at sinalubong ang panghuling sugpungan ng kanyang buhay. Anuman ang naranasan ni Job sa kanyang buhay, ang mga paghahangad at layon niya sa buhay ay hindi masasakit, kundi masasaya para sa kanya. Naging masaya siya hindi lamang dahil sa mga pagpapala o pagsang-ayon ng Lumikha, kundi ang mas mahalaga, dahil sa kanyang mga paghahangad at layon sa buhay, at dahil sa lumalagong pagkakilala at tunay na karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha na kanyang natamo sa pamamagitan ng kanyang paghahangad na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Higit pa rito, naging masaya siya dahil, habang nararanasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, personal niyang naranasan ang mga nakamamanghang gawa ng Lumikha, gayundin ang bawat magiliw ngunit di-malilimutang karanasan at alaala ng pakikisalamuha sa Diyos, at ng pagiging pamilyar at pagkilala sa Diyos. Si Job ay masaya dahil sa pag-alo at kagalakan na nagmula sa pagkakilala sa mga layunin ng Lumikha, at dahil lumitaw sa kanya ang pusong may takot sa Lumikha matapos niyang makita ang kadakilaan, pagiging kamangha-mangha, pagiging kaibig-ibig, at pagiging tapat ng Lumikha. Ang dahilan kung bakit nakayang harapin ni Job ang kamatayan nang walang anumang paghihirap ay dahil batid niya na sa kanyang pagkamatay, siya ay babalik sa tabi ng Lumikha. Ang mga paghahangad at natamo niya sa buhay ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang kamatayan nang mahinahon, ang nagpahintulot sa kanya na harapin nang mahinahon ang pagbawi ng Lumikha sa kanyang buhay, at dagdag pa rito, ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang Lumikha nang walang dungis at walang inaalala. Maaari kayang matamo ng mga tao sa kasalukuyan ang ganitong uri ng kaligayahan na tinaglay ni Job? Mayroon ba kayo ng mga kondisyon para matamo ang ganitong kaligayahan? Yamang may ganito ngang mga kondisyon ang mga tao sa kasalukuyan, bakit hindi nila nagagawang mamuhay nang maligaya tulad ni Job? Bakit hindi nila matakasan ang paghihirap mula sa takot sa kamatayan? Kapag nahaharap sa kamatayan, may ilang tao na hindi mapigilang mapaihi; ang ilan ay nanginginig, o nahihimatay, o nagagalit sa Langit at pati na sa tao; ang ilan ay humahagulgol pa nga at umiiyak. Ang mga ito ay hindi talaga biglaang mga reaksyon na mayroon ang mga tao kapag papalapit na ang kamatayan. Ang pangunahing sanhi kaya kumikilos ang mga tao sa ganitong nakakahiyang mga paraan kapag nahaharap sa kamatayan ay sapagkat sa kaibuturan ng kanilang mga puso, takot sila sa kamatayan, sapagkat wala silang malinaw na pagkakilala at pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, at lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa mga iyon. Ang mga tao ay tumutugon sa ganitong paraan sapagkat wala silang ibang gusto kundi ang isaayos at pamahalaan nila mismo ang lahat ng bagay, ang kontrolin ang sarili nilang kapalaran, ang sarili nilang mga buhay at kamatayan. Hindi kataka-taka, samakatwid, na kailanman ay hindi magawang takasan ng mga tao ang takot sa kamatayan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Kapag ang isang tao ay walang malinaw na kaalaman at karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, tiyak na magulo ang kaalaman niya tungkol sa kapalaran at sa kamatayan. Hindi makita ng tao nang malinaw na ang lahat ng bagay ay nasa palad ng Diyos, hindi napagtatanto na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi nakikilala na hindi maiwaksi o matakasan ng tao ang ganoong kataas-taasang kapangyarihan. Dahil dito, kapag panahon na niya para humarap sa kamatayan, palagi siyang mayroong walang katapusang mga huling salita, palagi siyang may mga pag-aalala, at palagi siyang may mga panghihinayang. Nabibigatan siya sa napakaraming pasanin, sa labis na pag-aatubili, at sa labis na pagkalito. Nagiging sanhi ito para matakot siya sa kamatayan. Para sa sinumang isinilang sa mundong ito, ang kanyang kapanganakan ay kinakailangan at ang kanyang kamatayan ay hindi maiiwasan; walang sinumang makakalampas sa prosesong ito ng mga bagay. Kung nais ng isang tao na lisanin ang mundong ito nang walang pasakit, kung nais niyang magawang harapin ang huling yugto ng buhay nang walang pag-aatubiling umalis o mga pag-aalala, ang tanging paraan ay huwag mag-iwan ng mga panghihinayang. At ang tanging paraan para lumisan nang walang anumang mga panghihinayang ay ang makilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang makilala ang Kanyang awtoridad, at ang magpasakop sa mga ito. Tanging sa ganitong paraan maaaring manatiling malayo ang tao mula sa mga alitan ng tao, mula sa kasamaan, mula sa gapos ni Satanas, at tanging sa ganitong paraan siya makakapamuhay nang tulad ni Job, na ginagabayan at pinagpapala ng Lumikha, isang buhay na malaya at hindi nakagapos, isang buhay na may halaga at kahulugan, isang buhay na matuwid at walang itinatago. Tanging sa ganitong paraan siya makakapagpasakop, tulad ni Job, sa mga pagsubok at pagbawi ng Lumikha at sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha. Tanging sa ganitong paraan niya magagawa, gaya ni Job, na sumamba sa Lumikha sa buong buhay niya at kamtin ang Kanyang pagsang-ayon, marinig ang Kanyang tinig at makita Siyang magpakita. Tanging sa ganitong paraan siya makapamumuhay at mamamatay nang maligaya, tulad ni Job, na walang pasakit, walang inaalala, walang mga panghihinayang. Tanging sa ganitong paraan niya magagawa, gaya ni Job, na mamuhay sa liwanag, dumaan sa bawat yugto ng buhay sa liwanag, maayos na matapos ang kanyang paglalakbay sa liwanag, matagumpay na matapos ang kanyang misyon—upang maranasan at makilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha bilang isang nilikha—at sumakabilang-buhay sa liwanag, at pagkatapos ay manatili sa tabi ng Lumikha bilang isang taong nilikha, na sinasang-ayunan Niya.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Anuman ang usaping kinakaharap ng mga tao, dapat lagi nila itong harapin nang may positibong saloobin, at lalo nang mas totoo ito pagdating sa usapin ng kamatayan. Ang pagkakaroon ng positibong saloobin ay hindi nangangahulugan ng paghihintay sa kamatayan, pasibong pagtanggap sa kamatayan, o aktibong paghahangad sa kamatayan. Kung gayon, ano ang ibig sabihin nito? (Pagpapasakop.) Ang pagpapasakop ay isang saloobin sa usapin ng kamatayan, at ang pagbitiw sa usaping ito at ang hindi pag-iisip dito ang pinakamainam na paraan. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi ko dapat isipin ito? Kung hindi ko pag-iisipang mabuti ang usaping ito, malalampasan ko ba ito? Mabibitawan ko ba ito?” Oo. At bakit Ko ito sinasabi? Sabihin mo sa Akin, ang oras ba ng iyong kapanganakan ay isang bagay na naisip mo? Ang iyong hitsura, ang iyong edad, ang uri ng trabahong ginagawa mo, at ang katunayang kaya mong manampalataya sa Diyos at maupo rito nang nakikinig sa isang sermon—lahat ba ito ay mga bagay na naisip mo? Hindi; nakarating ka sa kinaroroonan mo ngayon sa paglipas ng mga araw at buwan, sa pamamagitan ng pamumuhay nang normal. Napakanatural nito. Ganoon din ang kamatayan. Ang isang tao ay namumuhay nang hindi namamalayan hanggang sa hustong gulang, hanggang sa katanghalian ng edad at katandaan, at sa wakas ay dumarating ang kamatayan. Hindi ito darating nang maaga dahil palagi mo itong iniisip, ni hindi ito maiiwasan dahil hindi mo ito iniisip. Hindi ito nagbabago ayon sa kalooban ng tao, kaya hindi mo na kailangang isipin ito. Kung haharapin mo ang kamatayan sa malapit na hinaharap, ang palagiang pag-iisip tungkol dito ay maglalagay ng isang di-nakikitang presyur sa iyo. Ang presyur na ito ay pupuno sa iyo ng pangamba tungkol sa buhay at pamumuhay, nagdudulot sa iyo na hindi magkaroon ng positibong saloobin, at sa halip ay lalo ka pang nasisiraan ng loob. Ang isang taong humaharap sa kamatayan ay walang interes o positibong saloobin sa anumang bagay; pagkasira ng loob na lang ang natitira sa kanya. Kapag iniisip niyang malapit na siyang mamatay, na tapos na ang lahat para sa kanya, at na anuman ang kanyang hangarin o gawin, hindi niya mababago ang katunayang mamamatay siya, nararamdaman niyang wala na siyang anumang aasahan o anumang motibasyon, at na walang kabuluhan ang kanyang paghahangad o paggawa ng anuman. Dahil dito, lahat ng kanyang ginagawa ay may bahid ng pagkanegatibo at kamatayan. Kaya, madali bang hindi makaramdam ng pagkabagabag o pagkabalisa tungkol sa usapin ng kamatayan? Kung ang usaping ito ay resulta lamang ng iyong sariling pangangatwiran at imahinasyon, kung gayon ito ay isang maling alarma, at tinatakot mo lang ang iyong sarili—sadyang hindi mangyayari ang iyong kamatayan sa nalalapit na hinaharap, kaya ano ang saysay ng pag-iisip mo tungkol dito? Dahil dito, lalo itong hindi kinakailangan. Kung ano ang dapat mangyari ay palaging mangyayari; kung ano ang hindi dapat mangyari ay hindi mangyayari gaano mo man ito isipin. Walang silbi ang katakutan ito, gayundin ang pag-aalala tungkol dito. Hindi maiiwasan ang kamatayan sa pamamagitan ng pag-aalala tungkol dito, ni hindi ka nito lalampasan dahil lang sa takot mo rito. Samakatwid, kung nakakaramdam ka ng paglilimita sa iyong puso pagdating sa kamatayan, dapat mong ipagkatiwala ang usaping ito sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Hangga’t nagpapasakop tayo sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, makakalaya tayo mula sa pakiramdam na nililimitahan ng kamatayan. Kung kailan tayo mamamatay ay isang bagay na isinaayos ng Diyos. Kailangan lang nating magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa ating puso, at iyon na ang lahat. Hindi ba’t mas simple ang magsagawa sa ganitong paraan? Ang isa pang aspekto ay na dapat kang magkaroon ng positibong saloobin sa kamatayan. Sabihin ninyo sa Akin, sino sa bilyon-bilyong tao sa buong mundo ang may pagpapalang makarinig ng napakaraming salita ng Diyos, makaunawa ng napakaraming katotohanan ng buhay, at makaunawa ng napakaraming misteryo? Sino ang makakatanggap ng personal na patnubay, panustos, pangangalaga, at proteksyon ng Diyos? Sino ang may mga pagpapalang ito? Napakakaunting tao. Kaya, para sa inyong lahat—kayo na kasalukuyang namumuhay sa sambahayan ng Diyos at nakakatanggap ng Kanyang pagliligtas at panustos, at nagtamasa ng napakaraming pagpapala—kahit na mamatay kayo ngayon din, magiging sulit ito. Batay sa puntong ito lamang, hindi kayo dapat masindak sa kamatayan, ni hindi kayo dapat limitahan ng usapin ng kamatayan. Kahit na hindi mo pa natatamasa ang anuman sa kaluwalhatian at kayamanan ng mundo, natanggap mo naman ang habag ng Lumikha at narinig ang napakaraming salita ng Diyos—hindi ba’t kasiya-siya ito? (Oo.) Ilang taon ka mang mabuhay sa buhay na ito, lahat ito ay sulit at wala kang pagsisisihan, dahil palagi mong ginagawa ang iyong tungkulin sa gawain ng Diyos, naunawaan mo ang katotohanan, naunawaan mo ang mga misteryo ng buhay, at naunawaan mo ang landas at mga layon na dapat mong hangarin sa buhay—napakarami mo nang natamo! Namuhay ka nang makabuluhan! Kahit pa hindi mo ito maipaliwanag nang napakalinaw, nakapagsasagawa ka ng ilang katotohanan at nagtataglay ka ng kaunting realidad, at iyon ay nagpapatunay na mayroon ka nang natamong ilang panustos sa buhay at naunawaang ilang katotohanan mula sa gawain ng Diyos. Napakarami mo nang natamo—napakasagana nito—at iyon ay isang napakalaking pagpapala! Simula nang umiral ang sangkatauhan, walang sinuman sa lahat ng kapanahunan ang nakatamasa ng pagpapalang ito, ngunit natatamasa ninyo ito. Kaya, kahit na mamatay kayo ngayon din, hindi ba’t gagawin ninyo ito nang bukal sa loob? (Oo.) Kung mayroon kayong ganitong kahandaan, mayroong tunay na pagpapasakop sa loob ng inyong saloobin sa kamatayan. Kung, sa isang banda, ang mga tao ay may tunay na pagkaunawa sa kamatayan, at bukod dito, sila ay aktibong nakikipagtulungan at tunay na nagpapasakop, at mayroon silang tamang saloobin sa kamatayan na nararapat na nasa kanila, hindi ba’t lubos na nababawasan ang kanilang mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa kamatayan? (Oo.) Lubos ngang nababawasan ang mga ito. …
Ang kamatayan ay isang problemang hindi madaling lutasin, at ito ang pinakamalaking suliranin ng tao. Kapag may nagsabi sa iyo, “Napakalubha ng mga tiwali mong disposisyon, at masama rin ang iyong pagkatao. Kung hindi mo taimtim na hahangarin ang katotohanan at dahil dito ay gagawa ka ng maraming masamang bagay sa hinaharap, kung gayon ay mapupunta ka sa impiyerno at mapaparusahan!” maaaring makaramdam ka ng pagkabagabag nang sandali pagkatapos marinig ito. Pagkatapos, maaari mong isipin, “Dapat kong taimtim na hangarin ang katotohanan, at dapat akong magsisi!” at pagkatapos matulog nang isang gabi, hindi ka na makakaramdam ng labis na pagkabagabag. Gayumpaman, kung magkaroon ka ng posibleng nakamamatay na karamdaman at maaaring hindi ka na magtagal, hindi iyon isang bagay na malulutas sa isang gabing pagtulog, at hindi ito basta-basta mabibitawan. Kinakailangan ang isang panahon ng pagpapanday. Iyong mga tunay na naghahangad sa katotohanan ay maaaring makaahon mula sa pagkabagabag at pagkabalisa ng pagkatakot sa kamatayan, at maaari nilang pawiin ang pangamba sa kanilang puso sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—hangga’t hinahanap ng mga tao ang katotohanan, walang problemang hindi nila kayang lutasin. Kung hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan at sinusubukan nilang gamitin ang mga pamamaraan ng tao para lutasin ang problemang ito, kung gayon ay maaari lamang silang makaramdam ng patuloy na pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol dito. Kapag hindi malulutas ang mga bagay-bagay, gumagawa sila ng mga sukdulang hakbang para subukang lutasin ang mga ito. Mayroon ding ilang tao na nagkakaroon ng saloobin ng pagkasira ng loob at pagkanegatibo, sinasabi nila, “Kung mamatay ako, mamamatay ako. Sino ang takot sa kamatayan? Pagkatapos ng kamatayan, magrereinkarnasyon lang ako at mabubuhay muli!” Makatitiyak ka ba tungkol diyan? Sinusubukan mo lang na aluin ang iyong sarili, at hindi nito nalulutas ang problema. Ang dahilan nito ay na ang lahat ng bagay at bawat bagay, nakikita man o hindi, materyal man o hindi, ay kinokontrol at nasa kataas-taasang kapangyarihan ng mga kamay ng Lumikha, at walang sinuman ang makakakontrol sa sarili niyang tadhana. Maging sa pagkakasakit man o sa kamatayan, ang tanging saloobin na dapat taglayin ng mga tao ay ang pag-unawa, pagtanggap, at pagpapasakop; hindi dapat harapin ng mga tao ang mga bagay na ito ayon sa kanilang mga imahinasyon o kuru-kuro, o maghanap ng paraan para makalabas, lalo nang hindi nila dapat tanggihan o labanan ang mga ito. Kung patuloy mong susubukang lutasin ang mga isyu ng pagkakasakit at kamatayan gamit ang iyong sariling mga pamamaraan, kung gayon, habang lalo kang nabubuhay, lalo kang magdurusa, lalo kang malulumbay, at lalo kang maiipit. Sa huli, kailangan mo pa ring tahakin ang landas ng kamatayan, at ang iyong kalalabasan ay tunay na magiging kapareho ng iyong kamatayan—ganap kang mamamatay. Nahaharap ka man sa isang sakit na inihanda ng Diyos para sa iyo o nahaharap sa kamatayan, kung kaya mong aktibong hanapin ang katotohanan, at kilalanin na bilang isang nilikha ay dapat kang magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, kabilang ang malalaking pangyayari tulad ng pagkakasakit at kamatayan, at kaya mong magpasakop sa Diyos nang walang reklamo kahit na mamatay ka, kung gayon ito ay pagiging kayang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at ito ay ayon sa mga layunin ng Diyos. Kung aasa ka sa lakas at mga pamamaraan ng tao upang harapin ang lahat ng bagay na ito, at sisikapin mong malutas ang mga ito o matakasan ang mga ito, kahit hindi ka mamatay sa huli at pansamantala mong maiwasan ang sugpungan na siyang kamatayan, dahil wala kang tunay na pag-unawa, pagtanggap, at pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan, kaya hindi ka makapagbigay ng patotoo sa usaping ito, kapag muli kang naharap sa parehong isyu, magiging malaking pagsubok pa rin ito para sa iyo. Posible pa ring ipagkanulo mo ang Diyos at ikaw ay bumagsak, at walang duda na ito ay magiging isang mapanganib na bagay para sa iyo. Samakatwid, kung talagang nahaharap ka ngayon sa karamdaman o kamatayan, kung gayon ay hayaan mong sabihin Ko sa iyo, mas mabuting samantalahin ang tunay na sitwasyong ito ngayon para hanapin ang katotohanan at lutasin ang usaping ito mula sa ugat, sa halip na maghintay na tunay na dumating ang kamatayan, para lamang mabigla, makaramdam ng pagkaligaw, pagkalito, at kawalan ng masasandalan, at dahil dito ay gumawa ng mga bagay na pagsisisihan mo habambuhay at hindi mo na kailanman mareremedyuhan. Kung gagawin mo ang gayong mga bagay, maaari itong humantong sa isang kalalabasan ng pagwasak para sa iyo. Samakatwid, anuman ang iyong makaharap, dapat mo munang harapin ito at hanapin ang katotohanan, at simulan ang iyong pagpasok sa mga katotohanang dapat mong maunawaan at sa kaalamang dapat mong taglayin. Kung palagi kang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa mga bagay tulad ng karamdaman at ikaw ay namumuhay nang nababalot ng mga ganitong uri ng negatibong emosyon, kailangan mo nang magsimula ngayon na hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (4)
Hindi alam ng mga tao kung paano haharapin ang kanilang kamatayan, o kung paano mamuhay nang makabuluhan. Tingnan natin, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa pagharap sa kamatayan ng mga tao. Anuman ang aspekto ng tungkuling ginagampanan, sa proseso ng paggawa ng mga tao sa kanilang tungkulin, ang pakay ng Diyos ay ang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maisagawa ito, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at maisabuhay ang wangis ng normal na tao, at maabot ang pamantayan sa pagkamit ng kaligtasan, sa halip na tumungo sa kamatayan. May mga taong nagkakaroon ng malubhang karamdaman o kanser at iniisip na, “Hinihiling sa akin ng Diyos na mamatay ako at ialay ko ang buhay ko, kaya susunod ako!” Sa katunayan, hindi iyon sinabi ng Diyos, at hindi rin sumagi sa Kanya ang gayong ideya. Ito ay walang iba kundi maling pagkaunawa lang ng mga tao. Kaya ano ang ibig sabihin ng Diyos? Ang bawat tao ay may itinakdang haba ng buhay, ngunit ang mga haba ng buhay na ito ay nagkakaiba. Ang kamatayan ng bawat tao ay nangyayari sa itinakdang panahon ng Diyos, at ito ay paunang inorden ng Diyos. Pinangyayari Niya ang kamatayan ng isang tao ayon sa haba ng buhay at oras, lugar, at paraan ng pagkamatay na pauna Niyang inorden para sa taong iyon, sa halip na hayaan ang sinuman na mamatay nang basta-basta dahil sa isang usapin. Itinuturing ng Diyos ang buhay ng isang tao bilang napakahalaga, at itinuturing din Niya ang kamatayan ng isang tao at ang pagwawakas ng pisikal na buhay nito bilang napakahalaga. Ang lahat ng ito ay inorden ng Diyos. Kung titingnan ito mula sa pananaw na ito, hinihingi man ng Diyos sa mga tao na gawin ang kanilang mga tungkulin o sumunod sa Kanya, hindi Niya hinihiling sa mga tao na tunguhin ang kamatayan. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na hindi hinihingi ng Diyos sa iyo na maging handang ialay ang iyong buhay anumang oras alang-alang sa paggawa ng iyong tungkulin o paggugol para sa Diyos, o alang-alang sa Kanyang atas. Hindi mo kailangang gumawa ng gayong mga paghahanda, hindi mo kailangang magkaroon ng gayong pag-iisip, at tiyak na hindi mo kailangang magplano o mag-isip nang ganoon, dahil hindi kailangan ng Diyos ang buhay mo. Bakit Ko ba sinasabi iyon? Likas na nabibilang sa Diyos ang buhay mo, Siya ang nagkaloob nito, kaya bakit Niya gugustuhin ito? Mahalaga ba ang buhay mo? Sa perspektiba ng Diyos, ang usapin ay hindi kung mahalaga ba ito—ito lang ang papel na ginagampanan mo sa plano ng pamamahala ng Diyos. Pagdating sa buhay mo, kung nais ng Diyos na kuhain ito, magagawa Niya ito anumang oras, saan mang lugar at anumang minuto. Samakatuwid, ang buhay ng sinumang tao ay mahalaga sa kanyang sarili, at mahalaga sa kanyang mga tungkulin, obligasyon at responsabilidad, at gayundin sa atas ng Diyos. Siyempre, mahalaga rin ito sa kanyang papel sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos. Bagama’t mahalaga ito, hindi kailangang kuhain ng Diyos ang buhay mo. Bakit? Kapag kinuha ang buhay mo, magiging isa kang patay na tao, at wala ka nang magiging pakinabang. Kapag buhay ka, namumuhay kasama ng sangkatauhan na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos, saka mo lang magagampanan ang papel na dapat mong gampanan sa buhay na ito, at matutupad ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin, at ang mga tungkuling hinihingi ng Diyos na gawin mo sa buhay na ito. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng halaga ang iyong buhay. Kaya, huwag basta-bastang bigkasin ang mga salitang “mamatay para sa Diyos” o “ihandog ang aking buhay para sa gawain ng Diyos,” at huwag patuloy na sabihin ang mga ito o kimkimin ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso; hindi iyon kinakailangan. Kapag palaging gusto ng isang tao na mamatay para sa Diyos, at ihandog ang kanyang sarili at ihandog ang kanyang buhay para sa kanyang tungkulin, ito ang pinakahamak, pinakahindi karapat-dapat, at pinakakasuklam-suklam at pinakanakakababa ng pagkatao na bagay. Bakit Ko sinasabi ito? Kung tapos na ang buhay mo, at hindi ka na namumuhay sa ganitong anyo ng laman, paano mo matutupad ang iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung patay na ang lahat, sino ang maiiwan para iligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain? Kung walang mga taong kailangang iligtas, paano maisasakatuparan ang plano ng pamamahala ng Diyos? Mananatili pa ba ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan? Maaari pa ba itong magpatuloy? Kung titingnan ito mula sa mga aspektong ito, hindi ba’t isang mahalagang bagay para sa mga tao na alagaang mabuti ang kanilang katawan at mamuhay nang may mainam na kalusugan? Hindi ba’t sulit ito? Tiyak na sulit ito, at dapat gawin ito ng mga tao. Tungkol naman sa mga hangal na taong basta-bastang nagsasabi na gusto nilang mamatay para sa Diyos at kayang basta-bastang isuko ang kanilang buhay, at inaabuso ang kanilang katawan, anong uri ng tao ang mga ito? Sila ba ay mga mapaghimagsik na tao? (Oo.) Sila ang mga taong pinakamapaghimagsik, at dapat silang kasuklaman at itaboy. Kapag ang isang tao ay basta-bastang nakakapagsabi na mamamatay siya para sa Diyos, maaaring ipagpalagay na basta-basta lamang niyang naiisip na wakasan ang kanyang sariling buhay, bitiwan ang kanyang tungkulin, at bitiwan ang atas na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at sa gayon ay hindi tulutan ang mga salita ng Diyos na matupad sa kanya. Hindi ba’t isa itong hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? Maaari mong basta-basta at madaling sabihin na gusto mong ihandog ang iyong buhay sa Diyos, ngunit kailangan ba ng Diyos na gawin mo iyon? Ang iyong buhay ay likas na pag-aari ng Diyos, at kung gusto itong bawiin ng Diyos, magagawa Niya ito anumang oras. Kahit na hindi mo ihandog ang iyong buhay, magalang ba itong hihingin sa iyo ng Diyos kung kailangan Niya itong bawiin? Kakailanganin ka ba Niyang kausapin tungkol dito upang magawa ito? Hindi, hindi Niya gagawin iyon. Ngunit para saan kakailanganin ng Diyos ang iyong buhay? Hindi pa nagtatapos ang gawain ng Diyos—kung babawiin ng Diyos ang iyong buhay at hindi mo na magagawang gampanan ang iyong tungkulin, isang tao na gumagampan ng kanyang tungkulin ang mawawala sa gawain ng Diyos. Masisiyahan ba Siya roon? Hindi, hindi Siya masisiyahan. Sino ang magiging masaya tungkol dito? (Si Satanas.) Kung ihahandog mo ang buhay mo, ano ang mapapala mo sa paggawa niyon? At ano ang makakamit ng Diyos sa pagkuha ng iyong buhay? Kung mapapalampas mo ang pagkakataong maligtas, isa ba itong pakinabang o kawalan para sa Diyos? (Isang kawalan.) Para sa Diyos, hindi ito isang pakinabang, kundi isang kawalan. Tinutulutan ka ng Diyos, bilang isang nilikha, na magkaroon ng buhay ng isang nilikha, at akuin ang posisyon ng isang nilikha at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at, sa pamamagitan ng paggampan sa tungkuling ito, makapasok sa katotohanang realidad, magpasakop sa Diyos, maunawaan ang Kanyang mga layunin at makilala Siya, masunod ang Kanyang kalooban, gawin ang parte mo sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at sundin Siya hanggang sa pinakawakas. Ito lang ang pagiging matuwid, at ito lang ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay mo. Kung umiiral ang buhay mo para dito, at namumuhay ka nang mainam sa kalusugan para dito, kung gayon, ito ang pinakamakabuluhang bagay, at kung Diyos ang tatanungin, ito ay tunay na dedikasyon at pakikipagtulungan—para sa Kanya, ito ang pinakakasiya-siyang bagay. Ang nais makita ng Diyos ay isang nilikha na namumuhay sa laman na nagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon nito sa gitna ng Kanyang pagkastigo at paghatol, tumatalikod sa napakaraming walang-katotohanang ideya na itinanim ni Satanas dito, at nagagawang tanggapin ang mga katotohanan at mga hinihingi mula sa Diyos, ganap na nagpapasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, tumutupad nang maayos sa tungkulin na dapat tuparin ng isang nilikha, at nagagawang maging isang tunay na nilikha. Ito ang nais makita ng Diyos, at ito ang halaga at kabuluhan ng pagkakaroon ng buhay ng tao. Samakatuwid, para sa sinumang nilikha, hindi kamatayan ang pinakahuling hantungan. Ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay ng isang tao ay hindi nakasalalay sa pagkamatay. Sa halip, ito ay ang pamumuhay para sa Diyos, pamumuhay para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at pamumuhay para sumunod sa kalooban ng Diyos at hiyain si Satanas, iyon ang halaga ng pag-iral ng isang nilikha, gayundin ang kabuluhan ng pag-iral ng kanyang buhay.
Tungkol naman sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa buhay at kamatayan ng mga tao ay ganap na naiiba sa inilarawan ng kasabihang “Ganap na ilaan ang sarili sa isang gampanin at sikaping gawin ang makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan” sa tradisyonal na kultura. Laging gusto ni Satanas na mamatay ang mga tao. Hindi ito komportable na makitang buhay ang mga tao, at patuloy itong nag-iisip kung paano kukuhain ang buhay ng mga tao. Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang mga walang-katotohanang ideya ng tradisyonal na kultura mula kay Satanas at mga diyablong hari, palagi nilang gustong isakripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang bansa at bayan, o para sa kanilang propesyon, para sa pag-ibig, o para sa kanilang pamilya. Palagi nilang hinahamak ang sarili nilang buhay, handang mamatay at ialay ang kanilang buhay saanman at anumang oras, at hindi itinuturing ang buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay at pinapahalagahan ito bilang gayon. Dahil hindi magampanan ang kanilang mga tungkulin at obligasyon habang sila ay nabubuhay, habang taglay pa nila ang buhay na ibinigay sa kanila ng Diyos, tinatanggap nila sa halip ang mga maling paniniwala at mga maladiyablong salita ni Satanas, na laging naglalayong ganap na ilaan ang kanilang sarili sa gampanin nila at sikaping gawin ang makakaya nila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at inihahanda ang kanilang sarili na mamatay para sa Diyos anumang oras. Ang totoo ay na kung talagang mamamatay ka, kung gayon, ginagawa mo ito hindi para sa Diyos, kundi para kay Satanas, at hindi ito tatandaan ng Diyos. Sapagkat ang mga buhay lamang ang makapagluluwalhati sa Diyos at makapagpapatotoo sa Kanya, at tanging ang mga buhay lamang ang maaaring umako sa nararapat na posisyon ng mga nilikha at gumanap sa kanilang mga tungkulin, at sa gayon ay walang maiiwang mga pagsisisi, at maipapahiya nila si Satanas, at makapagpapatotoo sila sa mga kamangha-manghang gawa at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha—ang mga buhay lamang ang makagagawa ng mga bagay na ito. Kung wala ka man lang buhay, ang lahat ng ito ay titigil na sa pag-iral. Hindi ba’t tama ito? (Oo.) Kaya naman, sa paghain ng kasabihang tungkol sa wastong asal na, “Ganap na ilaan ang sarili sa isang gampanin at sikaping gawin ang makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” tiyak na pinaglalaruan at niyuyurakan ni Satanas ang buhay ng tao. Hindi nirerespeto ni Satanas ang buhay ng tao, kundi sa halip ay pinaglalaruan ito, hinihimok ang mga tao na tanggapin ang ideya ng “Ganap na ilaan ang sarili sa isang gampanin at sikaping gawin ang makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Namumuhay sila sa ideyang ito, at hindi pinahahalagahan ang buhay o itinuturing ang kanilang sariling buhay bilang mahalaga, at kaya may kapabilidad silang basta-bastang isuko ang kanilang buhay, ang pinakamahalaga sa mga bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao. Ito ay sukdulang mapaghimagsik. Kahit kailan, hangga’t hindi pa naaabot ang pangwakas na petsa na inorden ng Diyos para sa iyo, hindi ka dapat magsalita nang basta-basta tungkol sa pagsuko ng iyong buhay. Hangga’t mayroon ka pang isang hiningang natitira sa loob mo, huwag kang sumuko, huwag talikuran ang iyong tungkulin, at huwag abandonahin ang atas ng Lumikha sa iyo o ang ipinagkatiwala Niya sa iyo. Ito ay dahil ang buhay ng sinumang nilikha ay umiiral lamang para sa Lumikha, at para lamang sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at mga pagsasaayos, at umiiral at napagtatanto rin ang halaga nito para lang sa patotoo ng Lumikha at sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Makikita mo na may ganitong pananaw ang Diyos sa buhay ng tao, na ganap na naiiba sa pananaw ni Satanas. Kaya, sino ang tunay na nagpapahalaga sa buhay ng tao? (Ang Diyos.) Tanging ang Diyos, samantalang ang mga tao mismo ay hindi alam kung paano pahalagahan ang sarili nilang buhay. Tanging ang Diyos ang nagpapahalaga sa buhay ng tao. Bagamat ang mga tao ay hindi kaibig-ibig o karapat-dapat sa pagmamahal, at puno sila ng karumihan, paghihimagsik, at ng maraming uri ng kakatwang ideya at pananaw na ikinintal ni Satanas, at bagamat iniidolo at sinusunod nila si Satanas, at nagiging antagonistiko pa nga sa Diyos, gayumpaman, sapagkat ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at taglay nila ang hininga at buhay na ipinagkaloob ng Diyos, Siya lamang ang nagpapahalaga sa buhay ng tao, Siya lamang ang nagmamahal sa mga tao, at Siya lamang ang patuloy na nagmamalasakit at nagpapahalaga sa sangkatauhan. Pinahahalagahan ng Diyos ang mga tao—hindi ang kanilang pisikal na katawan, kundi ang buhay nila, dahil ang mga tao lamang na binigyan ng buhay ng Diyos ang sa huli ay maaaring maging mga nilikhang tunay na sumasamba sa Kanya at nagpapatotoo sa Kanya. Ang Diyos ay may gawain, mga atas, at mga ekspektasyon para sa mga tao, sa mga nilikhang ito. Samakatuwid, pinahahalagahan at pinagkakaingat-ingatan ng Diyos ang kanilang buhay. Ito ay totoo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kaya, sa sandaling maunawaan ng mga tao ang layunin ng Diyos na Lumikha, hindi ba’t dapat na may mga prinsipyo kung paano nila dapat tratuhin ang buhay ng kanilang pisikal na katawan, at harapin ang mga sistema at pangangailangan nito para mabuhay? Ano ang batayan ng mga prinsipyong ito? Nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa? Sa negatibong banda, dapat talikuran ng mga tao ang maraming uri ng walang-katotohanang pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ilantad at kilalanin ang pagiging walang-katotohanan ng mga pananaw ni Satanas—tulad ng kasabihang “Ganap na ilaan ang sarili sa isang gampanin at sikaping gawin ang makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan”—na nagpapamanhid, pumipinsala, at kumukulong sa mga tao, at abandonahin ang mga pananaw na ito; dagdag pa rito, sa positibong banda, dapat nilang tumpak na maunawaan kung ano ang mga hinihingi ng Diyos na Lumikha para sa sangkatauhan, at gawing pundasyon ang mga salita ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa. Sa ganitong paraan, maiiwasan ng mga tao na lumihis papunta sa isang daan o sa isa pa, makapagsasagawa nang tama, at tunay nilang hahangarin ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (12)
Kung nais ng isang tao na mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, dapat niyang hangarin ang katotohanan. Una, tungkol sa lahat ng malaki at maliit na bagay na kinakaharap mo sa buhay, dapat kang magkaroon ng tamang pagtingin, pati na rin ng mga tamang kaisipan at pananaw. Dapat mong tingnan ang lahat ng bagay na ito mula sa tamang perspektiba at paninindigan, sa halip na tingnan ang iba’t ibang problemang kinakaharap mo sa buhay gamit ang mga tradisyonal na kaisipan at pananaw, at mga radikal at katawa-tawang kaisipan at pananaw. Siyempre, hindi mo rin dapat tingnan ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga mata ng mga makamundong tao. Sa halip, dapat mong bitiwan ang mga negatibo at maling kaisipan at pananaw na ito. … Para magbigay ng isa pang halimbawa, sabihin nating may isang taong nagkaroon ng kanser, at natatakot siyang mamatay. Tumatanggi siyang tanggapin ang katunayan na mayroon siyang kanser, at palaging nagdarasal sa Diyos na protektahan at pagalingin siya para makapamuhay pa siya nang ilang taon. Dala-dala niya ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala habang nagtitiis siya sa paglipas ng mga araw. Sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi siya namatay, at tinamasa niya ang kaligayahan ng pagkaligtas mula sa kamatayan. Pakiramdam niya ay napakabuti ng Diyos, at na Siya ay tunay na dakila. Sa pamamagitan ng sarili niyang mga pagsisikap at paulit-ulit na pagsusumamo, napanatili niya ang sarili niyang buhay at naiwasan ang kamatayan, at sa huli ay nagpatuloy siya sa pamumuhay, gaya ng ninais niya. Kaya, nagpapasalamat siya sa Diyos para sa Kanyang proteksiyon at biyaya, para sa Kanyang awa at pagmamahal. Araw-araw siyang nag-aalay ng pasasalamat at papuri sa Diyos, madalas na umiiyak habang kumakanta ng mga himno bilang papuri sa Diyos, at naaantig hanggang sa mapaluha habang pinagninilayan ang Kanyang mga salita. Pakiramdam niya ay napakakamangha-mangha ng Diyos, na tunay na may kontrol Siya sa buhay at kamatayan ng tao, at na ang Diyos ang nagbigay sa kanya ng pangalawang buhay. Habang ginagawa ang kanyang tungkulin araw-araw, madalas niyang isinasaalang-alang kung paano uunahin ang pagdurusa at ihuhuli ang kaginhawahan para suklian ang pagmamahal ng Diyos, nagsusumikap na gumawa nang mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng bagay. Bilang resulta, nakapamuhay pa siya nang ilang taon, at nakakaramdam ng pagkakontento sa loob-loob niya. Pero hindi nagtatagal ang magagandang panahon. Isang araw, lumala ang kanyang sakit, at binigyan siya ng doktor ng taning sa buhay, sinasabihan siyang gawin na ang kanyang mga huling paghahanda. Muli, nahaharap siya sa kamatayan, pakiramdam niya ay tunay na itong nalalapit ngayon—ang bagay na pinakakinatatakutan niya ay mangyayari na sa wakas. Labis na nanlulumo ang kanyang puso. Wala na siyang ganang gawin ang kanyang tungkulin, wala nang masabi sa pagdarasal sa Diyos, at ayaw na niyang papurihan ang Diyos, o marinig Siyang magsalita ng anumang mga salita o magtustos ng anumang mga katotohanan. Hindi na siya naniniwala na ang Diyos ay pag-ibig, at na ang Diyos ay katuwiran, awa, at mapagmahal na kabaitan. Pinagsisisihan din niya na sa paglipas ng mga taon ay labis siyang nagdusa, at hindi kailanman nakakain ng anumang masarap na pagkain, nakapagsuot ng anumang magandang damit, o nakapaglakbay saanman para palawakin ang kanyang pananaw—na lahat ay mga bagay na wala na siyang pagkakataong gawin ngayon. Napupuno ng pasakit ang kanyang puso, pati na rin ng mga reklamo at hinanakit sa Diyos. Nagsisimula siyang pagdudahan at itanggi ang Diyos, at pagkatapos, nang may pagsisisi, nililisan niya ang mundong ito. Bago siya lumisan, nasa puso pa ba niya ang Diyos? Naniniwala pa ba siya sa pag-iral ng Diyos? (Hindi na siya naniniwala.) Paano nangyari ang kinalabasang ito? Hindi ba’t nagsimula ito sa mga maling pananaw na pinanghawakan niya tungkol sa buhay at kamatayan mula pa sa pinakasimula? (Oo.) Hindi lang niya pinanghawakan ang mga maling kaisipan at pananaw mula pa sa pinakasimula, kundi ang mas malala pa, nagpatuloy siya sa paghahangad nang naaayon sa sarili niyang mga kaisipan at pananaw, nang hindi kailanman isinusuko ang mga ito. Dire-diretso siyang sumulong sa maling landas nang walang anumang pag-aatubili. Bilang resulta, humantong siya sa pagtanggi sa Diyos at pagkawala ng kanyang pananalig sa Diyos. Kaya nagwakas ang kanyang paglalakbay sa pananalig, at natapos ang kanyang buhay sa ganitong paraan. Nakamit ba niya ang katotohanan? Nakamit ba siya ng Diyos? (Hindi.) Nang sa wakas ay mamatay siya, nagbago ba ang mga perspektiba at saloobin sa kamatayan na kinapitan niya? (Hindi.) Namatay ba siya nang may kaaliwan, kagalakan, at kapayapaan, o nang may pagsisisi, pag-ayaw, at hinanakit? (Namatay siya nang may pag-ayaw at hinanakit.) Wala siyang nakamit na anuman. Hindi niya nakamit ang katotohanan, at hindi rin siya nakamit ng Diyos. Kaya, nailigtas ba ang gayong tao? (Hindi.) Hindi siya nailigtas. Sa kanyang pananampalataya sa Diyos, labis siyang nagpakaabala at labis na gumugol ng pagsisikap. Tulad ng iba, ginawa niya ang kanyang tungkulin; sa panlabas ay tila walang pagkakaiba sa pagitan niya at ng sinuman. Nang makaranas siya ng sakit at kamatayan, nagdasal din siya sa Diyos at hindi pa rin inabandona ang kanyang tungkulin. Gayumpaman, mayroong isang bagay na dapat maunawaan at makilatis ng mga tao rito: Ang kaisipan at ang pananaw sa likod ng pananampalataya sa Diyos ng taong ito ay palaging mali, at palagi siyang pinamamahalaan ng kanyang intensyon na magkamit ng mga pagpapala. Gaano man siya nagdusa o gaano man kalaking halaga ang ibinayad niya habang ginagawa ang kanyang tungkulin, palagi siyang pinamamahalaan ng kaisipan at pananaw na naglalayong magkamit ng mga pagpapala. Inaasahan niyang gamitin ang kanyang pagdurusa at ang halagang ibinayad niya kapalit ng mga pagpapala ng kaharian ng langit, para makamit ang kanyang layon na hindi mamatay. Ang layon na hinangad niya ay hindi ang makamit ang katotohanan, makamit ang pagbabago sa kanyang disposisyon, magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at mamuhay ng isang makabuluhang buhay. Ang layon na hinangad niya ay ang mismong kabaligtaran nito. Ito ay para magkamit ng mga pagpapala, matugunan ang kanyang pagnanais na makapasok sa kaharian ng langit, at makatakas sa sakuna at pagdurusa, upang ang pinaka-inaalala niya—ang isyu ng kanyang panghuling kapalaran at kalalabasan—ay ganap na malutas. At kaya, nang makarating siya sa dulo ng landas, wala siyang nakamit na anuman. Hindi lang niya hindi nakamit ang katotohanan, kundi sa huli ay itinanggi niya ang Diyos at nawalan siya ng pananalig sa Kanya. Kahit nang nalalapit na ang kamatayan, nabigo pa rin siyang maunawaan kung paano dapat mamuhay ang mga tao at kung paano dapat tratuhin ng isang nilikha ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha. Iyan ang pinakakaawa-awa at kalunos-lunos na bagay tungkol sa kanya. Kahit noong nagbabadya na ang kamatayan, hindi pa rin niya naunawaan na sa buong buhay ng isang tao, ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Kung gusto ng Lumikha na mabuhay ka, kahit pa magkaroon ka ng kanser, hindi ka mamamatay; pero kung gusto ng Lumikha na mamatay ka, kahit pa bata at malakas ka, at walang sakit, maaari ka pa ring mamatay nang biglaan. Ang lahat ng ito ay napapailalim sa kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos—ito ang awtoridad ng Diyos, at walang sinuman ang makakahigit dito. Isang napakasimpleng katunayan, gayunma’y nabigo siyang maunawaan ito—hindi ba’t kaawa-awa iyon? (Oo.) Kahit na naniwala siya sa pag-iral ng Diyos at madalas na dumalo sa mga pagtitipon at makinig sa mga sermon, nagkakamit ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan, hindi niya kailanman ganap na kinilala na ang tadhana ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, hindi itinatakda ng kalooban ng tao. Walang sinuman ang namamatay dahil gusto nilang mamatay, at walang sinuman ang patuloy na nabubuhay dahil natatakot silang mamatay at nananabik na manatiling buhay. Nabigo siyang maarok ang gayon kasimpleng katunayan. Kahit nang maharap sa napipintong kamatayan, nabigo siyang makilatis ito, at hindi niya alam na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay hindi itinatakda ng kanilang sarili kundi sa halip ay nakadepende sa paunang pag-orden ng Lumikha. Hindi ba’t kalunos-lunos ito? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (6)
Kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipangaral ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdanas ng mga pang-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga kapighatian na pinagdaraanan ng isang tao kapag nangangaral ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mainsulto, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nangangaral sa ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw na nagkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos. Dapat kayong maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katunayan. Ngayong nailinaw at nabigyang-linaw Ko na ito, kung taglay pa rin ninyo ang determinasyong ito at siguradong hindi ito magbabago, at mananatili kayong tapat hanggang sa kamatayan, nagpapatunay ito na taglay ninyo ang isang tiyak na tayog. Huwag ipagpalagay na magiging ligtas sa panganib ang pangangaral ng ebanghelyo sa ibayong mga bansang ito na may mga kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao at magiging maayos ang lahat ng gagawin mo, na lahat ito ay magkakaroon ng mga pagpapala ng Diyos at kalakip ang Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad. Ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Nanampalataya rin sa Diyos ang mga Pariseo, ngunit kinuha nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako nila sa krus ang Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, anong mga bagay ang kayang gawin ng kasalukuyang relihiyosong mundo sa Diyos na nagkatawang-tao? Napakaraming masamang bagay ang kaya nilang gawin—ang husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, siraan ang Diyos, lapastanganin ang Diyos—walang masamang bagay na hindi nila kayang gawin. Anuman ang mangyari, huwag kalimutan na ang mga kumuha sa Panginoong Jesus at nagpako sa Kanya sa krus ay mga mananampalataya. Tanging mga mananampalataya ang may pagkakataon na gumawa ng marami sa mga bagay na lumalaban sa Diyos—hindi pinakikialaman ng mga walang pananampalataya ang mga gayong usapin. Ang mga mananampalatayang ito ang nakipagsabwatan sa pamahalaan upang kunin ang Panginoong Jesus at ipako Siya sa krus. Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—iba’t ibang uri ng kamatayan ang sumapit sa kanila. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Ito ba ay dahil may ginawa silang masamang gawa at pagkatapos ay pinarusahan ng batas? Hindi. Ipinakalat nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at ininsulto sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagbibigay-hatol ng Diyos sa kanilang mga gawa, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit ang mga martir na iyon sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagtatapos ng kanilang mga buhay? (Hindi, hindi umayon ang mga ito.) Mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad ang mga martir na iyon ng gayon kalaking halaga upang ipakalat ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay labis silang pininsala ni Satanas hanggang sa mamatay sila. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Gayumpaman, ang mga bagay na iyon ang mismong sumapit sa kanila—ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang maaaring hanapin dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang pagsasaayos at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Nagdudulot ng pighati sa mga tao ang pag-iisip sa mga pagkamatay ng mga martir na iyon, ngunit ang mga ito ay talagang mga katunayan. Anong paliwanag ang dapat ibigay tungkol sa mga mananampalataya sa Diyos na namamatay sa ganitong paraan? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang inyong sarili sa kanilang kalagayan, kaya sa inyong puso, nakakaramdam ba kayo ng bigat ng kalooban at ng kaunting nakatagong kirot? Iniisip ninyo, “Ginawa ng mga taong ito ang kanilang tungkulin na maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?” Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang pagkamatay at paglisan o kung paano man ito nangyari, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtakda sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ito mismo ang paraan ng pagkondena nila sa mundong ito at pagpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang pinakamahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay—upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang iproklama sa mundo, upang patunayan sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Hanggang sa anong antas ginampanan ng mga naging martir sa pagpapakalat ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakasukdulan ba? Paano naipamalas ang pinakasukdulan? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa kanilang kamatayan, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang responsabilidad. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulan. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipakalat ang Kanyang ebanghelyo? Hindi tiyak na kailangan mong gawin ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong responsabilidad, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang isang tungkuling obligasyon mo. May takot at pag-aalala sa kalooban ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng pag-aalalang ito? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, mag-alala ka man o hindi ay walang halaga. Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi mo dapat iwasan ang responsabilidad na ito o tanggihan ito; dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin mo ito—walang silbi ang pag-aalala rito. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa presensya ni Satanas, hindi siya dapat mamatay sa mga kamay nito. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha. Ito ang panghuling katotohanan na dapat maunawaan ng isang tao sa pangangaral sa ebanghelyo at paggampan sa kanyang tungkulin—dapat ibayad ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay upang maipakalat at mapatotohanan ang ebanghelyo ng paggampan ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang gawain at pagliligtas sa tao. Kung mayroon kang ganitong determinasyon, kung makakapagpatotoo ka sa ganitong paraan, kahanga-hanga iyon. Kung hindi ka nagtataglay ng ganitong uri ng determinasyon, sa pinakamababa, dapat mong tuparin ang responsabilidad at tungkuling nasa harapan mo, ipagkatiwala na sa Diyos ang iba, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa gayon marahil, habang lumilipas ang mga buwan at mga taon at dumarami ang iyong karanasan at ikaw ay tumatanda, at lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, matatanto mo na mayroon kang obligasyon at responsabilidad na ialay ang iyong buhay sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos, maging hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
Ito na ang tamang panahon para simulang pag-usapan ang tungkol sa mga paksang ito dahil nagsimula na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Dati, noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ibinuwis ng ilang sinaunang propeta at banal ang kanilang mga buhay sa pangangaral sa ebanghelyo, kaya para ibigay ng mga ipinanganak sa mga huling araw ang kanilang buhay para sa adhikaing ito ay hindi bago o biglaan, lalong hindi ito isang malabis na hinihingi. Ito ang marapat gawin ng mga nilikha at ang tungkuling nararapat nilang gampanan. Ito ang katotohanan; ito ang pinakamataas na katotohanan. Kung ang ginagawa mo lang ay sumigaw ng mga islogan tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin para sa Diyos, kung paanong gusto mong tuparin nang maayos ang iyong tungkulin, at kung gaano karami ang gusto mong gugulin at pagsikapan para sa Diyos, wala itong silbi. Kapag dumating na ang realidad at kailangan mong isakripisyo ang iyong buhay, kung mayroon kang anumang mga reklamo, kahandaan, o tunay na pagpapasakop sa huling sandaling iyon—ito ang magiging pagsubok sa iyong tayog. Kung sa sandaling babawiin na ang iyong buhay, panatag ka, bukal ito sa loob mo, at nagpapasakop nang walang anumang reklamo, pakiramdam mo ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin hanggang sa huli, at nagagalak at payapa ang iyong puso—kung papanaw ka nang ganito—kung gayon, para sa Diyos, hindi ka talaga pumanaw. Sa halip, nabubuhay ka sa ibang dimensyon at sa ibang anyo. Ang tanging nangyari ay nagbago ang kalagayan ng iyong pag-iral—hindi ka tunay na patay. Sa paningin ng tao, “Napakabata pang namatay ng taong ito, nakakaawa naman!” Pero sa mga mata ng Diyos, hindi ka namatay o humayo para magdusa; sa halip, humayo ka para tamasahin ang mga pagpapala at lalo kang napalapit sa Diyos. Ito ay dahil, bilang isang nilikha, pasok ka na sa pamantayan ng paggampan ng iyong tungkulin sa paningin ng Diyos, natapos mo na ang iyong tungkulin, at hindi na kailangan ng Diyos na gampanan mo pa ang tungkuling ito sa hanay ng mga nilikha. Para sa Diyos, ang “pagpanaw” mo ay hindi tinatawag na “pagpanaw,” ikaw ay “kinuha,” “dinala palayo,” o “inakay,” at isa itong mabuting bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Hindi Mahihindian ng Lahat ng Mananampalataya
Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinaparusahan ang masasama, sinusuklian ng kabutihan ang mabubuting tao at sinusuklian ng kasamaan ang masasamang tao, at ang mga taong hindi gumagawa ng masama ay dapat pagkalooban ng kabutihan at makatanggap ng mga pagpapala. Lumalabas na ang lahat ng tao na hindi masama ay dapat suklian ng kabutihan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kuru-kuro ng mga tao? Kung hindi sila pagkalooban ng kabutihan, sasabihin mo bang hindi matuwid ang Diyos? Halimbawa, noong kapanahunan ni Noe, sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa” (Genesis 6:13). Pagkatapos ay inutusan Niya si Noe na bumuo ng arka. Pagkatapos tanggapin ni Noe ang atas ng Diyos at buuin ang arka, bumuhos sa mundo ang malakas na ulan sa loob ng apatnapung araw at gabi, nalubog ang buong mundo sa baha at, maliban kay Noe at sa pitong miyembro ng kanyang pamilya na sumakay sa arka at nanatiling buhay, nilipol ng Diyos ang lahat ng tao sa kapanahunang iyon. Ano ang tingin mo rito? Masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Para sa tao, gaano man katiwali ang tao, basta’t nililipol siya ng Diyos, ibig sabihin nito ay hindi mapagmahal ang Diyos. Tama ba ito? Hindi ba’t baligho ito? Hindi minahal ng Diyos ang mga taong nilipol Niya, pero masasabi mo ba na hindi Niya minahal iyong mga nakapanatili at iyong mga nakatamo ng Kanyang pagliligtas? Minahal ni Pedro ang Diyos sa pinakamakakaya niya at minahal ng Diyos si Pedro—masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Mahal ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya at kinamumuhian at sinusumpa Niya ang mga taong lumalaban sa Kanya at nagmamatigas na tumatangging magsisi. Ang Diyos ay mayroong pagmamahal at pagkamuhi. Ito ay totoo. Hindi dapat limitahan o husgahan ng mga tao ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ibig sabihin, ang kanilang mga paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, ay walang anumang katotohanan. Dapat makilala ng isang tao ang Diyos batay sa Kanyang saloobin sa sangkatauhan, sa Kanyang disposisyon at diwa. Hinding-hindi dapat subukan ng isang tao na limitahan ang disposisyon ng Diyos at kung anong diwa mayroon ang Diyos batay sa mga anyo ng mga bagay na iyon na ginagawa at tinutugunan ng Diyos. Nagawang tiwali ni Satanas nang husto ang sangkatauhan na talagang hindi nila alam ang kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, lalo na kung ano talaga ang tiwaling sangkatauhan sa harap ng Diyos, o kung paano sila dapat tratuhin ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Gawing halimbawa si Job, siya ay isang matuwid na tao at pinagpala siya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Nakipagpustahan si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa diyos? Hindi ba’t pinalibutan mo siya ng bakod, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakwil ka niya nang harap-harapan” (Job 1:9–11). Sinabi ng Diyos na si Jehova: “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Kaya’t nagpunta si Satanas para atakehin at tuksuhin si Job, at naharap si Job sa mga pagsubok. Ang lahat ng mayroon siya ay kinuha sa kanya—nawala ang kanyang mga anak at pag-aari, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng pigsa. Kumatawan ba sa matuwid na disposisyon ng Diyos ang mga pagsubok kay Job? Hindi ninyo masabi nang malinaw, hindi ba? Kahit na ikaw ay isang matuwid na tao, mayroong karapatan ang Diyos na isailalim ka sa mga pagsubok, at idulot na magpatotoo ka para sa Kanya. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid; pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat. Hindi naman totoo na ang mga taong matuwid ay hindi na kailangang sumailalim sa mga pagsubok dahil kaya nilang tiisin ang mga ito o na dapat protektahan ang mga taong matuwid. Hindi ganoon iyon. May karapatan ang Diyos na isailalim ang matutuwid na tao sa mga pagsubok. Ito ang pagpapamalas ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa huli, matapos na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok at nagpatotoo siya para kay Jehova, pinagpala siya ni Jehova nang higit pa kaysa dati, nang mas mainam pa nga kaysa dati, at dinoble ng Diyos ang mga pagpapalang ibinigay sa kanya. Bukod dito, nagpakita sa kanya si Jehova at kinausap siya mula sa hangin, at nakita ni Job ang Diyos na tila kaharap niya ang Diyos. Isa itong pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Paano kung matapos sumailalim si Job sa mga pagsubok at nakita ni Jehova kung paano nagpatotoo si Job sa Kanya sa presensya ni Satanas at ipinahiya ni Job si Satanas, ay tumalikod na si Jehova at binalewala Niya si Job, at hindi tumanggap si Job ng mga pagpapala pagkatapos—magkakaroon ba ito ng katuwiran ng Diyos? Pinagpala man si Job pagkatapos ng mga pagsubok o hindi, o kung si Jehova ay nagpakita man sa kanya o hindi, naglalaman ito ng mabuting layunin ng Diyos. Ang pagpapakita kay Job ay pagiging matuwid ng Diyos, at ang hindi pagpapakita sa kanya ay pagiging matuwid din ng Diyos. Sa anong batayan ka—na isang nilikha—gumigiit sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggiit sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay hinding-hindi pagiging patas o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo para sa iyong gawain, o pagbabayad sa iyo para sa anumang gawaing natapos mo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang makilala ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay na nilipol ng Diyos si Job matapos magpatotoo para sa Kanya si Job: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanilang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita ang isang bagay bilang naaayon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung nilipol ng Diyos si Job noon, hindi sasabihin ng mga tao na Siya ay matuwid. Ang totoo, hindi alintana kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung malalim man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Dapat bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga kautusan na inorden Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at may tendensiya na lumaban sa Diyos ay walang anumang halaga; paano man siya pangangasiwaan ng Diyos ay magiging angkop, at lahat ito ay ayon sa mga pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugod-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya nilipol ka, ito ba ay pagiging matuwid Niya? Ganoon din ito. Maaaring hindi mo pa ito maunawaan sa ngayon mula sa perspektiba ng mga katunayan, ngunit dapat mo itong maunawaan sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapamalas ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung tinulutan Niyang manatili si Satanas? Hindi na kayo mangangahas na sabihin iyon, tama ba? Ang diwa ng Diyos ay pagiging matuwid. Bagama’t hindi madaling maunawaan ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng tao ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabubuting layunin; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita ninyo na ngayon na ang dahilan kaya hindi winawasak ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan ay para makikita nang malinaw ng sangkatauhan kung paano nagawang tiwali ni Satanas ang tao at ang lawak ng pagtiwali nito sa tao, at kung paano dinadalisay at inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na hitsura ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagkawasak ni Satanas ay naglalaman ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi ito maintindihan ng mga tao, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi makatwiran para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at pagkatapos ay sinasabi nila na hindi Siya matuwid, masyado silang hindi makatwiran. Kita mo, nakita rin ni Pedro ang ilang bagay na hindi maarok, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at nasa mga bagay na iyon ang mabubuting layunin ng Diyos, na hindi maarok ng mga tao ang mga iyon, at na mayroong napakakaunting mga bagay na kaya nilang maarok. Sa gayon, hindi madaling makilala ang disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Isang Kahihiyan Mula sa Aking Nakaraan
Mga Pagninilay-nilay ng Isang Pasyenteng May Nakamamatay na Sakit
Ang mga Araw ng Pangangaral Ko sa Unang Hanay
Kaugnay na mga Himno
Ang Siyang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Lahat ng Bagay
Sa Pagsunod kay Cristo, Hinding-hindi Ako Tatalikod, Kahit Hanggang Kamatayan
Ang Haba ng Buhay ng Tao ay Paunang Inorden ng Diyos
Tanging sa Pag-alam sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha Mahinahong Mahaharap ng Tao ang Kamatayan