25. Ano ang pagsasagawa ng katotohanan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nasa loob ng mga salita ng Diyos ang mga katotohanang kailangang taglayin ng mga tao, mga bagay na pinakakapaki-pakinabang at pinakanakatutulong sa mga tao. Ang mga ito ang pampalakas at sustansiyang kailangan ng inyong mga katawan, mga bagay na tumutulong sa mga tao na maibalik ang normal na pagkatao nila, at ang mga katotohanang dapat isangkap sa mga tao. Habang mas isinasagawa ninyo ang mga salita ng Diyos, mas mabilis na lalago ang inyong buhay; habang mas isinasagawa ninyo ang mga salita ng Diyos, mas magiging malinaw ang katotohanan sa inyo. Habang lumalago ang inyong tayog, mas malinaw ninyong makikita ang mga bagay ng espirituwal na mundo, at magkakaroon kayo ng mas maraming lakas para mapagtagumpayan si Satanas. Marami sa katotohanang hindi ninyo nauunawaan ang magiging malinaw kapag isinagawa ninyo ang mga salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay kontento na sa pag-unawa lang sa literal na aspekto ng mga salita ng Diyos, at nakatuon sila sa pagsasangkap sa sarili nila ng mga doktrina sa halip na sa pagdanas at pagpapalalim ng pagsasagawa—hindi ba’t iyan ang paraan ng mga Pariseo? Makakamit ba ng isang tao ang realidad ng pariralang “pagkakaroon ng mga salita ng Diyos bilang buhay ng isang tao” sa paggawa nito? Lalago lang ang buhay ng mga tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos; hindi ito lumalago sa pagbabasa lang ng mga ito. Kung naniniwala ka na hangga’t nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos ay magkakaroon ka ng buhay at tayog, kung gayon ay lihis ang iyong pagkaunawa. Ang tunay na pag-unawa sa mga salita ng Diyos ay nakakamit kapag isinasagawa mo ang katotohanan; dapat mong maunawaan na “sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan, saka lang ito mauunawaan.” Ngayon, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, masasabi mo lang na batid mo ang mga salita ng Diyos, pero hindi mo masasabing nauunawaan mo ang mga ito. Sinasabi ng ilan na dapat munang maunawaan ng isang tao ang katotohanan bago niya ito maisagawa, pero bahagya lang itong tama, hindi ganap na tumpak. Bago ka magkaroon ng kaalaman sa isang partikular na katotohanan, iyon ay kapag hindi mo pa nararanasan ang katotohanang iyon. Ang pakiramdam na nauunawaan mo ang katotohanang iyon kapag naririnig mo ito sa isang sermon ay hindi tunay na pagkaunawa rito—ito ay pagtataglay lang sa literal na aspekto ng katotohanang iyon, nang hindi nauunawaan ang tunay na kahulugang nakapaloob doon. Ang pag-alam lang sa ibabaw na suson ng katotohanan ay hindi nangangahulugang aktuwal mong nauunawaan ang katotohanan o may kaalaman ka rito; ang tunay na kahulugan ng katotohanan ay nagmumula sa pagdanas dito. Samakatwid, kapag naranasan mo ang katotohanan, saka mo lang ito mauunawaan, at sa pamamagitan ng karanasan, saka mo lang maaarok ang mga nakatagong parte nito. Ang pagpapalalim sa karanasan mo ang tanging paraan para maarok ang mga konotasyon ng katotohanan, at para maunawaan ang diwa ng katotohanan. Samakatwid, kapag taglay mo ang katotohanan, saka ka lang makakakilos nang malaya sa buong mundo. Kung wala sa iyo ang katotohanan, huwag mo nang isipin na mapasunod sa iyo ang maraming tao sa relihiyon—kahit ang sarili mong mga kapamilya ay hindi susunod sa iyo. Kung wala ang katotohanan, para kang isang natatangay na niyebe, pero kung taglay mo ang katotohanan, maaari kang maging masaya at malaya, at walang sinuman ang makakaatake sa iyo. Gaano man katibay ang isang teorya, hindi nito kayang daigin ang katotohanan. Sa pamamagitan ng katotohanan, kaya mong baligtarin ang langit at lupa at ilipat ang mga bundok at dagat; kung wala ang katotohanan, kahit ang mga uod ay wawasakin ang lungsod mo. Isa itong malinaw na katunayan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Mo ang Katotohanan, Dapat Mo Itong Isagawa
Ang gawain at salita ng Diyos ay nilalayong magdulot ng pagbabago sa inyong disposisyon; ang Kanyang layon ay hindi lang para magkamit kayo ng pagkaunawa o kaalaman at maging sapat na iyon. Ang isang taong may abilidad na umarok ay hindi dapat makatagpo ng mga paghihirap pagdating sa mga salita ng Diyos, dahil karamihan sa mga salita ng Diyos ay ipinapahayag sa wika ng pagkatao, at nagsasalita Siya nang may sukdulang kalinawan. Halimbawa, kaya nilang matutunan kung ano ang gusto ng Diyos na maunawaan at isagawa nila; ito ay isang bagay na dapat magawa ng isang normal na tao na may abilidad na umarok. Sa partikular, ang mga salita ng Diyos ngayon ay mas lalo pang malinaw at bukas; tinukoy ng Diyos ang maraming bagay na hindi naisaalang-alang ng mga tao, gayundin ang lahat ng uri ng kalagayan na mayroon ang mga tao. Ang Kanyang mga salita ay sumasaklaw sa lahat, at kasinglinaw ng liwanag ng kabilugan ng buwan. Kaya ngayon, malinaw sa mga tao at nauunawaan nila ang maraming isyu, ang natitira na lang ay ang isagawa nila ang Kanyang mga salita. Ang lahat ng aspekto ng katotohanan ay dapat maranasan ng mga tao nang detalyado. Kailangang magsiyasat at maghanap ang mga tao nang mas espesipiko, at hindi lang patuloy na maghintay at maibigay sa kanila ang mga bagay-bagay. Kung magpapatuloy ang mga tao sa ganoong paraan, magiging mga palamunin sila. Iyong mga nakakaalam sa salita ng Diyos pero hindi nagsasagawa nito ay mga tao na hindi nagmamahal sa katotohanan, at sa huli ay ititiwalag sila. Ang paghingi sa inyo na buuin ang estilo ni Pedro ng dekada 90 ay nangangahulugan na dapat isagawa ng bawat isa sa inyo ang salita ng Diyos, dapat magkaroon kayo ng tunay na pagpasok sa inyong mga karanasan, at makipagtulungan sa Diyos para magkamit ng mas marami at mas higit pang kaliwanagan, na magiging mas kapaki-pakinabang sa sarili ninyong buhay. Kung nakabasa ka ng maraming salita ng Diyos pero nauunawaan mo lang ang literal na kahulugan at hindi mo sinusubukang danasin ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga totoong karanasan, kung gayon ay hindi mo makikilala ang mga salita ng Diyos, at para sa iyo, ang mga salita ng Diyos ay hindi magiging buhay, kundi mga patay na salita lamang. At kung kumakapit ka lang sa mga patay na salita, hindi mo maaarok ang diwa ng mga salita ng Diyos, ni hindi mo malalaman ang Kanyang mga layunin. Tanging kapag naranasan mo ang Kanyang mga salita sa aktuwal mong mga karanasan kusang magbubukas sa iyo ang espirituwal na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng karanasan mo maaarok ang espirituwal na kahulugan ng maraming katotohanan at mabubuksan ang mga misteryo ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo isasagawa ang mga salita ng Diyos, kung gayon, gaano man kalinaw magsalita ang Diyos, ang tanging hawak mo sa iyong mga kamay ay mga hungkag na salita at doktrina, na nagiging iyong mga regulasyong panrelihiyon. Hindi ba’t ito mismo ang ginawa ng mga Pariseo? Kung isasagawa at daranasin ninyo ang salita ng Diyos, magiging praktikal ito sa inyo; kung hindi ninyo hahangaring isagawa ito, ang salita ng Diyos sa inyo ay parang alamat lamang ng ikatlong langit. Sa katunayan, ang proseso ng pananampalataya sa Diyos para sa inyo ay ang proseso ng pagdanas sa Kanyang mga salita at ng pagkamit Niya sa inyo. Sa mas malinaw na salita, ang manampalataya sa Diyos ay ang makilala at maunawaan ang Kanyang mga salita, at ang maranasan at maisabuhay ang Kanyang mga salita; ito ang realidad ng inyong pananampalataya sa Diyos. Kung nananampalataya kayo sa Diyos nang umaasa lang sa buhay na walang hanggan, nang hindi hinahangad ang pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagpasok sa katotohanang realidad, kung gayon, mga hangal kayong lahat. Katulad ito ng pagpunta sa isang piging at pagtingin lang sa masasarap na pagkain at pagsasaulo sa mga ito, nang hindi talaga tumitikim sa alinman sa mga ito, o kumakain o umiinom sa alinman sa mga ito. Hindi ba’t hangal ang gayong tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Mo ang Katotohanan, Dapat Mo Itong Isagawa
Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat kapitan ng mga tao, ang daan na dapat nilang sundan, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at ang mga ito ang dapat isagawa at kapitan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang layon ng Diyos sa pagpapahayag ng mga salitang ito sa mga tao. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat kapitan ng mga tao, at ang pagkapit sa mga ito ay pagkamit ng buhay. Kung hindi kakapit ang isang tao sa mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos sa buhay niya, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. At kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Kung hindi kaya ng mga tao na palugurin ang Diyos, hindi nila matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at sa gayong kaso, hindi sila magkakaroon ng kinalabasan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Makikilala ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ano ang pinakamahalagang realidad sa pananampalataya sa Diyos? Ito ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang pinakamahalagang bahagi ng pagsasagawa ng katotohanan? Hindi ba’t kailangan munang maarok ng isang tao ang mga prinsipyo? Kung gayon, ano ang mga prinsipyo? Ang mga ito ay ang praktikal na aspekto ng katotohanan, ang pamantayang makapaggagarantiya ng mga resulta. Ganito kasimple ang mga prinsipyo. Kapag literal na inunawa, iisipin mong ang bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan; ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan. Iniisip mo na ang mga salita ng Diyos ay ganap na tama, na katotohanan ang mga ito, ngunit hindi mo alam kung ano ang praktikal na aspekto ng katotohanan, o ang mga kalagayang tinutumbok nito, kung ano ang mga prinsipyong naririto, at kung ano ang landas ng pagsasagawa—hindi mo maarok o maunawaan ito. Pinatutunayan nitong doktrina lamang ang nauunawaan mo at hindi ang katotohanan. Kung talagang nararamdaman mo na doktrina lamang ang nauunawaan mo, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan. Una, magkaroon ka ng tumpak na pagkaarok sa praktikal na aspekto ng katotohanan, tingnan mo kung aling aspekto ng realidad ang pinakanamumukod-tangi, at kung paano ka dapat magsagawa upang makapasok sa realidad na ito. Sa pamamagitan ng paghahanap at masusing pag-uusisa sa ganitong paraan, mahahanap mo ang landas. Kapag naarok mo na ang mga prinsipyo at naisasabuhay ang realidad na ito, makakamit mo ang katotohanan, na nangangahulugan na magtatamo ka na ng mga resulta sa paghahangad sa katotohanan. Kung kaya mong arukin ang mga prinsipyo ng maraming katotohanan at isagawa ang ilan sa mga ito, taglay mo ang katotohanang realidad, at nakakamit mo na ang buhay. Anumang aspekto ng katotohanan ang hinahanap mo, kapag naarok mo kung nasaan ang realidad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga hinihingi, kapag tunay mong naunawaan, at kaya mong magbayad ng halaga at isagawa ito, nakamit mo na ang katotohanang ito. Habang nakakamit mo ang katotohanang ito, unti-unting malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, at gagawa ang katotohanang ito sa loob mo. Kung kaya mong isagawa ang realidad ng katotohanang ito, gawin ang iyong tungkulin, pangasiwaan ang bawat usapin, at umasal ayon sa mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanang ito, hindi ba’t magbabago ka na? Magiging anong klaseng tao ka na? Magiging isa ka nang taong nagtataglay ng katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kailangang mayroong mga prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa o hindi ka makagawa ng mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, kahit pa iniisip mo na gumagawa ka ng mabuti, hindi mo isinasagawa ang katotohanan, at umaasa ka lang sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon at sumusunod sa mga regulasyon. Maraming tao ang sumusunod lamang sa mga regulasyon ng mga salita at doktrina, at walang mga prinsipyo sa kanilang pagsasagawa. Hindi nito naaabot ang mga pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang lahat sa relihiyon ay kumikilos ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at iniisip nila na ito ay pagsasagawa sa katotohanan. Maaaring binibigyang-diin nila ang pagmamahal, halimbawa, o binibigyang-diin ang kababaang-loob, ngunit ang ginagawa lang nila ay ulitin ang pagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan. Ang pagsasagawa nila ay walang mga prinsipyo, at hindi nila maarok ang mga pundamental na bagay. Paano makapapasok ang isang tao sa katotohanang realidad kung ganito siya magsagawa? Ang katotohanan ay ang salita ng Diyos; ang realidad ay isinasabuhay ng tao. Kapag naisasagawa na ng isang tao ang katotohanan at naisasabuhay na niya ang mga salita ng Diyos, saka lang siya nagtataglay ng katotohanang realidad. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, nakakamit ng mga tao ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at ang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos. Saka lang nila mauunawaan ang katotohanan. Ang mga taong talagang nakauunawa sa katotohanan ay kayang tukuyin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag naarok mo na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, magkakaroon ng mga prinsipyo ang iyong pananalita at mga kilos, at magiging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Ito ang pagsasagawa ng katotohanan; ito ang pagkakaroon ng katotohanang realidad. Kapag naisasabuhay mo na ang katotohanang realidad ay saka mo lang naisasagawa ang katotohanan, at kung hindi mo isinasabuhay ang katotohanang realidad, hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi isang usapin ng pagsunod lamang sa mga regulasyon, gaya ng inaakala ng mga tao, at hindi dapat magsagawa ang isang tao sa anumang paraang napagdesisyunan niya. Tinitingnan ng Diyos kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan sa panahon ng iyong pagsasagawa at pagdanas ng Kanyang mga salita, at kung may mga katotohanang prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at naisasagawa mo ito, mayroon kang buhay pagpasok. Anumang kaalaman o pagkaunawang batay sa karanasan ang mayroon ka tungkol sa mga salita ng Diyos, ang mga bagay na ito ay pawang direktang nauugnay sa iyong buhay pagpasok.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Pagsasagawa sa Katotohanan
Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t nauugnay rito ang mga prinsipyo para sa pag-asal, ang mga perspektiba ng isang tao sa mga bagay-bagay, o paggampan sa kanyang mga tungkulin, nahaharap siya sa pagpapasya, at dapat niyang hanapin ang katotohanan, at mahanap ang batayan pati na rin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa at ang isang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong naghahangad ng katotohanan. Kung, gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao, hinahangad niya ang katotohanan sa ganitong paraan, kung gayon ay tinatahak niya ang landas ni Pedro at ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat itaguyod pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Ang orihinal mong pananaw ay na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, para maging madali na makasundo ang iba sa hinaharap. Nalilimitahan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo, hindi sila inilalantad ni pinipigilan. Mas gugustuhin mong ang gawain ng iglesia ang mapinsala kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Sinuman ang nakakasalamuha mo, hinahangad mong makasundo siya. Iniisip mo palagi ang iyong mga ugnayan sa iba at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo pa rin ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa pag-asal sa ganitong paraan? Ito ba ay pagiging mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t napakatuso nito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi ba’t pagiging mababa ang umasal sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, at hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa karami ang mga halagang binayaran mo, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa asal mo, at hindi ka kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin sa harap ng Diyos. Matapos mapagtanto ang problemang ito, nababagabag ka ba? (Oo.) Ano ang pinatutunayan ng pagkabagabag na ito? Pinatutunayan nitong minamahal mo pa rin ang katotohanan, at na may puso kang nagmamahal sa katotohanan at kagustuhang mahalin ang katotohanan. Pinatutunayan nito na may kamalayan pa rin ang iyong konsensiya, at na ang iyong konsensiya ay hindi lubusang patay. Kahit gaano pa kalalim ang iyong katiwalian, o kahit gaano pa karami ang iyong mga tiwaling disposisyon, sa iyong pagkatao ay mayroon ka pa ring diwang nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ipagpalagay na mayroon kang kamalayan, at alam mo ang mga problemang umiiral kaugnay ng iyong pagkatao, disposisyon, paggampan ng iyong tungkulin, at kung paano mo tratuhin ang Diyos—ibig sabihin, kapag ang iyong mga salita at pagkilos ay nauugnay sa mga pananaw, paninindigan, at saloobin, mayroon kang kamalayan, at napagtatanto mo na mali ang iyong mga pananaw, na hindi alinsunod sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos ang mga ito. Gayumpaman, hindi madali para sa iyo na bitiwan ang mga ito, at gusto mong isagawa ang katotohanan subalit hindi mo ito magawa, at ang iyong puso ay nahihirapan, nasasaktan, at nagdurusa, at nakararamdam ka ng pagkakautang sa Diyos. Isa itong pagpapamalas ng pagmamahal sa mga positibong bagay sa loob ng iyong pagkatao. Ito ang kamalayan ng konsensiya. Kapag ang iyong pagkatao ay may kamalayan ng konsensiya, at may bahagi itong nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay, magkakaroon ka ng mga damdaming ito. Ang pagkakaroon ng mga damdaming ito ay nagpapatunay na may kakayahan kang makilatis kung alin ang mga positibo at negatibong bagay, at na wala kang pabaya o walang malasakit na saloobin sa mga bagay na ito; hindi ka manhid o walang kamalayan, sa halip, mayroon kang kamalayan. At dahil mayroon kang kamalayan, nagtataglay ka ng kakayahang makilatis kung alin ang tama at mali, at alin ang mga positibong bagay at negatibong bagay. Kapag mayroon kang kamalayan at kakayahang ito, hindi ba’t magiging madali para sa iyo na kamuhian ang mga negatibong bagay, maling pananaw, at tiwaling disposisyong ito? Medyo magiging madali ito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, tiyak na magagawa mong kamuhian ang mga negatibong bagay at mga bagay ng laman, dahil ikaw ay nagtataglay ng pinakabatayan at pinakapangunahin sa mga bagay: ang kamalayan ng konsensiya. Ang pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya ay napakahalaga, gayundin ang pagkakaroon ng kakayahang makilala kung alin ang tama at mali, at ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan pagdating sa pagmamahal sa mga positibong bagay. Pinakakanais-nais at pinakamahalaga ang tatlong bagay na ito sa normal na pagkatao. Kung tinataglay mo ang tatlong bagay na ito, tiyak na makapagsasagawa ka ng katotohanan. Kahit na mayroon kang isa o dalawa lamang sa mga bagay na ito, makapagsasagawa ka pa rin ng ilang katotohanan. Tingnan natin ang pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya. Halimbawa, kapag nakatagpo ka ng isang masamang tao na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia, matutukoy mo ba ito? Tiyak na matutukoy mo ang gayong malinaw na masasamang gawa. Gumagawa ng masasamang bagay ang masasamang tao, at gumagawa ng mabubuting bagay ang mabubuting tao; nakikita ng isang karaniwang tao sa isang tingin lang ang pagkakaiba. Kung nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya, kapag nakikita mong gumagawa ng masama ang isang masamang tao, hindi ba’t magkakaroon ka ng mga damdamin at pananaw tungkol dito? Kung mayroon kang mga pananaw at damdamin tungkol dito, kung gayon ay tinataglay mo ang pangunahing kondisyon sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung kaya mong makita at maramdaman na ang taong ito ay gumagawa ng masama, at kaya mong kilatisin ito, at pagkatapos ay ilantad ang taong iyon, at bigyang-daan ang hinirang na mga tao ng Diyos na makilatis ang kanyang masasamang gawa, at tanggihan ang masamang taong iyon, hindi ba’t malulutas ang problema? Hindi ba’t ito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagtalima sa mga prinsipyo? Anong mga kaparaanan ang ginagamit sa pagsasagawa rito ng katotohanan? (Ang paglalantad, pag-uulat, at pagpigil sa paggawa ng masama ng masasamang tao.) Tama. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagsasagawa ng katotohanan, at sa pagsasagawa nito, maisasakatuparan mo ang iyong mga responsabilidad. Kung kaya mong kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan kapag nahaharap ka sa ganitong mga sitwasyon, ito ay pagsasagawa sa katotohanan, ito ay pagsasagawa sa mga bagay-bagay nang may prinsipyo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran
Ano ba talaga ang pamantayan para sa pagsasagawa ng katotohanan? Paano sinusukat kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi? Paano tinutukoy ng Diyos kung ikaw ba talaga ay isang tao na nakikinig at tumatanggap sa Kanyang salita? Tinitingnan ng Diyos ang sumusunod: Habang nananampalataya sa Diyos at nakikinig sa mga sermon, pinalitan mo ba ng katotohanan ang iyong mga maling panloob na kalagayan, ang iyong paghihimagsik laban sa Diyos, at ang iyong iba’t ibang tiwaling disposisyon? Nagbago ba ang mga bagay na ito? Panlabas na pag-uugali at kilos lamang ba ang nagbago sa iyo, o nagbago na ba ang buhay disposisyon mo? Sinusuri ka ng Diyos ayon sa mga konsiderasyong ito. Sa pakikinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ang mga pagbabago ba na pinagdaanan mo ay mababaw o ang mga ito ba ay esensiyal? Nagbago ka na ba sa iyong disposisyon? Ang paghihimagsik mo ba sa Diyos ay nabawasan? Kapag nahaharap sa isang isyu at ang iyong paghihimagsik ay naibubunyag, may kakayahan ka bang magnilay-nilay sa iyong sarili? May kakayahan ka bang magpakita ng pagpapasakop sa Diyos? Ang saloobin mo ba sa iyong tungkulin at sa atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay dumaan sa anumang pagbabago? Ang katapatan mo ba ay lumago? May mga karumihan pa ba sa kalooban mo? Ang mga intensyon, plano, ambisyon, at pagnanais na kinikimkim mo bilang isang indibidwal—ang mga ito ba ay nalinis na noong mga panahong nakikinig ka ng mga sermon? Ang lahat ng mga ito ay pamantayan sa pagsusuri. Bilang karagdagan sa nauna, ilan sa mga kuru-kuro at mga maling pagkaunawa mo tungkol sa Diyos ang natanggal? Pinanghahawakan mo pa rin ba iyong mga kongklusyon at mga kathang-isip na kuru-kuro at imahinasyon mula dati? Mayroon ka pa rin bang kinikimkim na reklamo, paglaban, o mga negatibong emosyon sa mga pagsubok at pagpipino? Kung ang mga negatibong elementong ito ay hindi pa tunay na nalulutas, at hindi pa sumailalim sa anumang tunay na pagbabago, pinapatotohanan nito ang isang katunayan—na ikaw ay isang taong hindi nagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon
Sa pagsunod sa Diyos, maraming tao ang nagagawang talikuran ang kanilang pamilya at propesyon at gawin ang kanilang mga tungkulin, na dahil dito naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan. Gayumpaman, hindi nila kailanman nagagawang magbigay ng tunay na patotoong batay sa karanasan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Kung susukatin sila ayon sa mga kuru-kuro ng tao, mukhang isinasagawa nila ang katotohanan, subalit hindi kinikilala ng Diyos ang ginagawa nila bilang pagsasagawa ng katotohanan. Ito ay dahil ang lahat ng ginagawa nila ay hindi para palugdan ang Diyos, kundi para magkamit ng mga pagpapala at gantimpala. Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay narurumihan ng iyong mga personal na motibo, malamang na lumihis ka sa mga prinsipyo, at hindi masasabing nagsasagawa ka ng katotohanan; isa lamang itong uri ng pag-asal. Sa mahigpit na pananalita, malamang na kondenahin ng Diyos ang ganitong klase ng pag-asal mo; hindi Niya ito sasang-ayunan o tatandaan. Kung mas hihimayin pa ang diwa at pinagmulan nito, makikitang nagmumula ito sa kalikasan ni Satanas. Kung gayon, ginagawa ka nitong isang taong gumagawa ng masama, at ang asal mong ito ay bumubuo ng paglaban sa Diyos. Mula sa perspektiba ng tao, marahil ay sasabihin ng ilang tao na walang pagkilatis, “Hindi ito maituturing na paggawa ng kasamaan, ni hindi ito maituturing na pagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at wala itong naidulot na anumang pinsala. Mukhang lohikal at makatwiran din ang sinabi at ginawa.” Ngunit ang hindi makita ng mga tao ay na ang mga karumihan at motibo sa loob nila ay masasamang elemento, kaya ang kanilang mga kilos ay itinuturing na masasamang gawa, at itinuturing na paglaban sa Diyos. Samakatwid, dapat matukoy mo kung mayroon nang pagbabago sa iyong disposisyon at kung isinasagawa mo ang katotohanan gamit ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga motibo sa likod ng iyong mga pagkilos. Hindi iyon nakasalalay sa kung ang mga kilos mo ba ay umaayon sa mga imahinasyon at ideya ng tao, o kung ito ba ay angkop sa iyong panlasa; hindi ito nakasalalay sa mga bagay na ito. Bagkus, nakadepende iyon sa sinasabi ng Diyos kung ikaw ba ay alinsunod o hindi sa Kanyang mga layunin, kung ang iyong mga kilos ay mayroong katotohanang realidad o wala, at kung tumutugon ang mga ito o hindi sa Kanyang mga hinihinging pamantayan. Ang pagsukat lamang ng iyong sarili ayon sa mga hinihingi ng Diyos ang tumpak. Ang pagbabago sa disposisyon at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi kasingpayak at kasindali ng inaakala ng tao. Nauunawaan na ba ninyo ito ngayon? May karanasan ba kayo rito? Pagdating sa diwa ng usaping ito, maaaring hindi ninyo ito maunawaan; labis na mababaw ang inyong pagpasok. Paroo’t parito kayo sa maghapon, mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, bumabangon nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na, subalit hindi pa ninyo nakakamit ang pagbabago sa inyong buhay disposisyon, at hindi ninyo maarok kung ano ang disposisyonal na pagbabago. Ibig sabihin ay napakababaw ng inyong pagpasok, hindi ba? Gaano katagal man kayo nananampalataya sa Diyos, maaaring hindi ninyo madama ang mga esensyal at malalalim na bagay na may kinalaman sa pagbabago sa disposisyon. Masasabi bang nagbago na ang inyong disposisyon? Paano ninyo malalaman kung sinasang-ayunan kayo ng Diyos o hindi? Kahit papaano, makakaramdam ka ng labis na kapanatagan hinggil sa lahat ng iyong ginagawa, at mararamdaman mo na ginagabayan at binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu at gumagawa Siya sa iyo habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos, o sa iyong pang-araw-araw na buhay. Makikita mo kung paano tumutugma sa mga salita ng Diyos ang iyong mga kilos, aayon ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, at kapag nakaranas ka na ng mga bagay-bagay hanggang sa isang partikular na antas, mararamdaman mo na medyo angkop kung paano ka kumilos noon. Gayunman, kung makaraang danasin ang mga bagay sa loob ng ilang panahon, nadarama mo na hindi angkop ang ilan sa mga bagay na ginawa mo dati, at hindi ka nasisiyahan sa mga iyon, at nadarama mo na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, pinatutunayan nito, kung gayon, na ang lahat ng iyong nagawa ay ginawa bilang paglaban sa Diyos. Katunayan ito na ang iyong paglilingkod ay puno ng paghihimagsik, paglaban, at mga paraan ng pagkilos ng tao, at na lubos kang nabigong makamtan ang mga pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon
Karamihan sa mga tao ay hindi nakatutok ang puso sa katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Nasaan ang kanilang puso? Palaging nakatutok sa panlabas na mga bagay ang puso nila, palaging naookupa ng mga isyu ng banidad at pride, sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Hindi nila alam kung aling mga bagay ang nauugnay sa katotohanan at alin ang hindi, at iniisip nila, “Hangga’t may ginagawa ako sa sambahayan ng Diyos, nagpapakaabala at nagtitiis ng paghihirap para magawa ang aking tungkulin, isinasagawa ko ang katotohanan.” Hindi ito tama. Isinasagawa ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos, sa pagpapakaabala at sa pagtitiis ng hirap? May anumang basehan ba sa mga salita ng Diyos para sabihin iyon? Ang pagtitiis ng hirap habang gumagawa ng mga bagay-bagay at ang pagsasagawa ng katotohanan ay dalawang magkaibang bagay. Kung hindi mo alam kung ano ang katotohanan, paano mo ito maisasagawa? Hindi ba’t kalokohan iyon? Ikaw ay kumikilos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ikaw ay nasa isang nalilitong kalagayan, gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga pananaw. Ang puso mo ay nalilito, nang walang anumang mga layon, direksyon, o prinsipyo. Gumagawa ka lang ng mga bagay-bagay, at nagtitiis ng hirap habang ginagawa ang mga ito—ano ang kaugnayan niyon sa pagsasagawa ng katotohanan? Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, anuman ang gawin nila, at anumang mga paghihirap ang tiisin nila, sila ay malayo sa pagsasagawa ng katotohanan. Palaging ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang kagustuhan, at para lang matapos ang mga bagay-bagay; hindi man lang nila isinasaalang-alang kung naaayon ba o hindi ang mga kilos nila sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi mo alam kung naaayon ba sa katotohanan ang ginagawa mo, walang duda na hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Gumagawa ako ng mga bagay-bagay para sa iglesia. Hindi ba iyon pagsasagawa sa katotohanan?” Mali talaga iyon. Ang paggawa ba ng mga bagay-bagay para sa iglesia ay nangangahulugan na isinasagawa ng isang tao ang katotohanan? Hindi tiyak iyon—matutukoy lamang iyon sa pamamagitan ng pag-alam kung may mga prinsipyo sa mga kilos ng taong iyon o wala. Kung walang mga prinsipyo sa kung ano ang ginagawa ng isang tao, para kaninuman niya ito ginagawa, hindi niya isinasagawa ang katotohanan. Kahit pa gumagawa siya ng isang mabuting bagay, dapat itong gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo upang maituring bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi, ang kabutihang ginagawa niya ay mabuting pag-uugali lamang at hindi naaabot ang pagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Pagsasagawa sa Katotohanan
Ang ilang tao ay may napakahinang kakayahan at hindi nila kayang maunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Ang alam lang nila ay ang sumunod sa mga regulasyon, at itinuturing pa nga ang paggampan sa kanilang tungkulin bilang pagsasagawa ng katotohanan. Iniisip nila na sa simpleng paggampan sa kanilang tungkulin, isinasagawa na nila ang katotohanan. Kung tatanungin mo ang gayong tao, “Maisasagawa mo ba ang katotohanan?” sasagot siya, “Hindi ba’t isinasagawa ko ang katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng aking tungkulin?” Tama ba ito? Iyon ang mga salita ng isang taong magulo ang isip. Upang magampanan ang iyong tungkulin, sa pinakamababa, dapat mong ibigay ang iyong buong puso, isip, at lakas dito para epektibong maisagawa ang katotohanan. Dapat kang kumilos nang alinsunod sa mga prinsipyo. Sa paggawa lamang nito mo isinasagawa ang katotohanan. Kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa pabasta-bastang paraan, hindi nagbubunga ng anumang praktikal na resulta, hindi ito katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan, at mailalarawan lamang bilang pagtatrabaho. Malinaw na nagtatrabaho ka lamang, na ganap na ibang bagay mula sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagtatrabaho ay simpleng paggawa ng mga bagay-bagay na nakalulugod sa iyo ayon sa sarili mong kagustuhan, habang binabalewala ang lahat ng bagay na hindi ka nasisiyahang gawin. Anuman ang mga paghihirap na nararanasan mo, hindi mo kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Sa panlabas, maaaring mukhang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pero ang lahat ng ito ay pagtatrabaho lamang. Ang sinumang hindi gumagampan sa kanyang tungkulin sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ay walang anumang nakakamit kundi ang magtrabaho. Sa sambahayan ng Diyos, maraming tao ang nagtatangkang gampanan ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagdepende sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Maraming taon silang nagpapakapagod nang walang anumang nagiging pag-usad; hindi nila maisagawa ang katotohanan o hindi sila makakilos ayon sa mga prinsipyo sa pagganap ng kanilang tungkulin. Samakatwid, kung ang mga tao ay madalas kumikilos ayon sa sarili nilang kagustuhan at gumaganap sa kanilang mga tungkulin ayon sa sarili nilang kagustuhan, kahit na hindi sila gumagawa ng masama, ang ginagawa nila ay hindi rin itinuturing na pagsasagawa ng katotohanan. Sa huli, ang paggawa nila sa loob ng maraming taon ay hindi nagbibigay-daan sa kanila na maunawaan ang anumang katotohanan, at wala silang mga patotoong batay sa karanasan na maibabahagi. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi tama ang mga intensiyong gumagabay sa mga taong ito para magampanan ang kanilang tungkulin. Ang dahilan ng paggampan nila sa kanilang tungkulin ay tiyak na para makatanggap ng mga pagpapala; nais nilang makipagtransaksiyon sa Diyos. Hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin para makamit ang katotohanan. Ginagampanan nila ang kanilang tungkulin dahil wala silang ibang pagpipilian. Sa kadahilanang ito, palaging magulo ang isip nila, iniraraos ang mga bagay at nagiging pabasta-basta. Hindi nila hinahanap ang katotohanan, kaya pawang pagtatrabaho lamang ang mga ito. Gaano man karaming tungkulin ang ginagampanan nila, walang tunay na epekto ang mga kilos nila. Hindi ganito ang mga may takot sa Diyos sa kanilang puso. Palagi silang nagninilay-nilay kung paano kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos at kung paano kumilos para sa ikabubuti ng sambahayan ng Diyos at ng Kanyang mga hinirang na tao. Palagi nilang pinagbubulayan ang mga prinsipyo at resulta. Palagi silang nagsisikap na isagawa ang katotohanan at ipakita ang pagpapasakop sa Diyos. Ang gayong puso lang ang tama. Ito ang mga taong naghahanap sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay. Ang ganitong uri ng tao, kapag ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, ay tinatanggap ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang pagsang-ayon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Maaaring Magkaroon ng Landas na Susundin
Palaging malinaw na inihihiwalay ng mga tao ang paggawa ng mga bagay sa pagsasagawa sa katotohanan, itinuturing na napakasimple ang paggawa ng mga bagay at na napakaabstrakto at napakahirap ng pagsasagawa sa katotohanan. Mali ito. Sa katunayan, kapag gumagawa ng mga bagay ang mga tao, dapat nilang isagawa ang katotohanan. Kung hiwalay sa pagsasagawa sa katotohanan ang kanilang mga kilos, hindi sila magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamakatotohanang isyu, at hindi puwedeng ihiwalay ang tunay na buhay sa pagsasagawa sa katotohanan. Kung hindi isinasagawa ng isang tao ang katotohanan, hindi siya isang sinserong mananampalataya sa Diyos; isa siyang hindi mananampalataya, isang walang pananampalataya sa labas ng mga salita ng Diyos. Iyong mga sinserong nananampalataya sa Diyos ay pawang mga taong nagmamahal sa katotohanan, at na kayang tanggapin ang katotohanan. Kaya nilang lahat na magdasal sa Diyos at umasa sa Diyos kapag isinasagawa ang katotohanan. Lalo na kapag nahaharap sila sa mga suliranin sa paggawa ng tungkulin nila, kaya nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para malutas ang mga problema. Ito ang susi sa pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Kung, kapag ginagawa mo ang tungkulin mo, hindi nag-iisip ang isipan mo tungkol sa pagsasagawa sa katotohanan o hindi nagsasaalang-alang kung paano isasagawa ang katotohanan ayon sa mga prinsipyo, sa halip ay abala ka sa mga usapin ng laman, palagi mong iniisip ang pagkain, pag-inom, at pag-aaliw, hindi mo magagawa nang maayos ang tungkulin mo. Pabasta-basta ang paggawa sa tungkulin mo sa ganitong paraan, at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Kung minamahal ng isang tao ang katotohanan at naniniwala siya na ang pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamahalagang usapin sa kanyang paggampan sa kanyang tungkulin, at anuman ang mga sitwasyong lumitaw sa kanyang tungkulin o gaano man karaming aspekto ng katotohanan ang nasasangkot, ginagamit niya ang puso niya para magnilay-nilay, pinag-iisipan nang mabuti kung paano isasagawa ang katotohanan sa bawat sitwasyon, kung gayon, ang gayong tao ay mayroong gawain at paggabay ng Banal na Espiritu at isa siyang taong tinitingnan ng Diyos nang may pabor. Kapag nagiging negatibo o mahina ang gayong tao, umaako rin ng responsabilidad ang Banal na Espiritu; kapag nahaharap siya sa tukso, binabantayan at pinoprotektahan siya ng Diyos; at kapag lumalabag siya sa mga prinsipyo, sinasaway at dinidisiplina siya ng Diyos. Ang pagkakaiba ng gayong tao sa iba ay na minamahal niya ang katotohanan, pinagsusumikapan niya ang katotohanan, at sobrang dedikado siya. Kung dedikado ka, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo at maiiwasan mong maging pabasta-basta; ito ang pinakapundamental. Gayumpaman, para matupad nang maayos ang tungkulin mo nang buong puso, lakas, at isipan, kailangan mong mas lalong hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga tiwaling disposisyon mo, at dapat mong maunawaan ang katotohanan, umaabot sa punto kung saan mayroon kang lakas at pananalig na maghimagsik laban sa laman at mapagtagumpayan ang mga suliranin mo. Kung magagawa mo ito, magagawa mong isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo. Sa katunayan, hindi mahirap ang pagsasagawa sa ganitong paraan; isa itong bagay na kayang makamit ng mga tao, at hindi ito abstrakto kahit kaunti—napakapraktikal nito. Hinihingi lamang na sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo at pangangasiwa ng mga usapin, isapuso mo ito nang kaunti, gamitin ang isip mo nang kaunti, gumugol ng kaunti pang lakas, at i-organisa nang maayos ang oras mo. Lahat ng oras mo, mga gawi sa pamumuhay, mga personal na kagustuhan, mga personal na gampanin, at mga pang-araw-araw mong nakagawian—ang kinakain at isinusuot mo, ang mga pagsasaayos sa pamumuhay mo, kung paano ka bumibiyahe—ay dapat na nakasentro sa tungkulin mo at maglayong makatulong sa iyo na magawa nang maayos ang tungkulin mo. Kung abala ka sa tungkulin mo sa araw na ito, puwede mong ipagpaliban ang paglalaba hanggang libre ka na. Kapag mayroon ka nang oras, puwede mong basahin ang mga salita ng Diyos, pagbulayan ang mga ito, sangkapan ang sarili mo ng mga ito, at palaguin ang sarili mo. Pagkatapos, kapag abala kang muli sa tungkulin mo, puwede kang tumuon sa tungkulin mo at, habang ginagawa ito, nagbubulay-bulay ka sa mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problema. Sa ganitong paraan, hindi ka mawawalan ng pagkakataong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos kahit kaunti. Umiikot ang lahat sa paggawa ng tungkulin mo nang maayos—ito ang tinatawag na pag-aalay ng buong puso mo. Abala ka man lagi sa tungkulin mo o nagbibigay man ito sa iyo ng sapat na libreng oras, inaayos ang pang-araw-araw mong iskedyul ayon sa tungkulin mo—ito ang tinatawag na pagiging dedikado. Hindi ito mahirap kahit kaunti. Kapag dedikado ka, paano ka pa magiging pabasta-basta? Magiging imposible na para sa iyo na maging pabasta-basta kahit pa gustuhin mo, dahil lahat ng iyong usapin, kabilang na ang mga gawi mo sa pamumuhay at ang pribado mong buhay, ay nakasentro sa paggawa sa tungkulin mo. Sa ganitong paraan, nagiging deboto ka sa tungkulin mo at hindi ka magiging pabasta-basta. Ito ay dahil ganap mong inialay ang puso mo, isinaayos ang lahat ng usapin sa buhay mo nang umiikot sa paggawa sa tungkulin mo, at maingat na pinag-isipan ang pagkakaayos ng mga ito. Kahit pa may kakulangan ka minsan sa ilang aspekto ng propesyonal na kaalaman o tunay na masyado kang abala, kaya hindi mo napapansin ang ilang maliit na isyu at ilang pagkakamali sa pagganap mo sa tungkulin, ayos lang iyon, dahil inialay mo na ang buong puso at lakas mo sa paggawa sa tungkulin mo at maganda ang pangkalahatang resulta ng tungkulin mo—sapat na iyon. Malayo ba ang pagsasagawa ng katotohanan sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao? Hindi, hindi ito hiwalay o malayo; nakaugnay ito sa buhay. Kung tuwing umaga ang unang bagay na iniisip mo pagkatapos mong gumising ay kung saan ka pupunta para magsaya, kung nararamdaman mong nakakasakal ang pananatili sa isang lugar sa lahat ng oras at masyadong nakakainip ang paggawa ng parehong mga bagay, hindi tama ang ganitong kaisipan. Kapag minulat mo ang mga mata mo sa umaga, ang unang bagay na dapat mong isipin ay ang mga gampanin na kailangang matapos agad para sa tungkulin mo sa araw na iyon, itinuturing ang mga gawaing ito bilang pangunahing prayoridad mo. Hindi ba’t pagsasagawa ito sa katotohanan? Minsan, kapag nakakaidlip ka o inaantok at bigla mong naaalala na may hindi ka pa nagagawa, agad mo itong ginagawa bago magpahinga. Hindi ba’t pagsasagawa ito sa katotohanan? Ito ay pagsasagawa sa katotohanan. Napakasimpleng bagay nito, hindi ito mahirap kahit kaunti.
—Pagbabahagi ng Diyos
Kung nananampalataya ang mga tao sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi kailanman tumutuon sa pagsasagawa sa katotohanan, maaari silang manampalataya sa loob ng sampu o dalawampung taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago. At sa bandang huli, iisipin pa nga nila na ganoon ang pananalig sa Diyos; iisipin nila na halos kapareho iyon ng dati nilang paraan ng pamumuhay sa sekular na mundo, at na walang kabuluhan ang mabuhay. Talagang ipinapakita niyon na kung walang katotohanan, hungkag ang buhay. Nagagawa nilang magsabi ng ilang salita at doktrina, ngunit hindi pa rin sila maalo at mapapanatag. Kung may ilang pagkakilala ang mga tao tungkol sa Diyos, alam kung paano mamuhay nang makabuluhan, at kayang gumawa ng ilang bagay upang mapalugod ang Diyos, kung gayon mararamdaman nila na ito ang tunay na buhay, na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan mayroong kabuluhan ang kanilang buhay, at na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan mapalulugod ng mga tao ang Diyos, masusuklian Siya, at mapapanatag ang pakiramdam. Kung kaya nilang may kamalayan na palugurin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, at maghimagsik laban sa kanilang sarili at talikuran ang sarili nilang mga ideya at sa gayon ay maging mapagpasakop at mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos—kung magagawa nilang gawin nang may kamalayan ang lahat ng bagay na ito—kung gayon ay tumpak at tunay nilang isasagawa ang katotohanan. Hindi ito katulad ng dati, na umaasa lang sa mga imahinasyon at sumusunod sa mga patakaran, at iniisip na pagsasagawa ito ng katotohanan. Sa katunayan, ang pinakanakakapagod ay ang pag-asa sa mga imahinasyon at pagsunod sa mga patakaran, at paggawa ng mga bagay nang walang pagkaunawa sa katotohanan at nang walang mga prinsipyo, at mas nakakapagod pa ang bulag na paggawa ng mga bagay nang walang mga layon. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi ka malilimitahan ng sinumang tao, ng mga pangyayari o ng mga bagay-bagay. Kikilos ka nang may mga prinsipyo, at nang may kapanatagan at kagalakan. Hindi mo madarama na gumugugol ka ng napakalaking pagsisikap, ni hindi mo madarama na nagdurusa ka nang husto. Kung may ganitong uri ka ng kalagayan, ikaw ay isang taong mayroong katotohanan at pagkatao, at isang taong nagbago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Ngayon, kritikal na pagkatapos mong malaman ang katotohanan, isagawa mo ito at isangkap mo sa sarili mo ang tunay na kahulugan ng mas maraming katotohanan. Ito ang dapat ninyong tunay na makamit. Sa halip na hangarin lang na mapasunod ang iba sa iyong mga salita, dapat mo silang mapasunod sa iyong pagsasagawa. Ito ang tunay na makabuluhan. Anuman ang mangyari sa iyo, sinuman ang makakasalamuha mo, makapaninindigan ka lang kung taglay mo ang katotohanan. Ang lahat ng salita ng Diyos ay nilalayong buhayin ang mga tao, hindi para mamatay sila. Kung, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi ka nabuhay, bagkus nanatiling patay, kung gayon ay mayroong mali sa iyo. Kung pagkalipas ng ilang panahon ay nakabasa ka na ng maraming salita ng Diyos at nakarinig ng maraming sermon na may realidad, pero hindi pa rin nagbabago ang iyong patay na kondisyon, nagpapatunay ito na hindi ka isang taong nagpapahalaga sa katotohanan, ni hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan. Kung tunay na mayroon kayong puso para hangaring makamit ang Diyos, hindi kayo tutuon sa pagsasangkap sa inyong sarili ng mga doktrina at sa pangangaral sa iba ng matatayog na doktrina, kundi sa halip ay tutuon kayo sa pagdanas sa mga salita ng Diyos at pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang dapat ninyong hangaring pasukin ngayon?
Mayroong limitasyon sa oras ang gawaing ginagawa ng Diyos sa tao—ano ang maaaring maging mga resulta kung hindi ka makikipagtulungan sa Kanya? Bakit palaging hinihingi sa inyo ng Diyos na isagawa ang Kanyang mga salita sa sandaling maunawaan ninyo ang mga ito? Ipinapakita nito na sa sandaling ipamalas ng Diyos ang Kanyang mga salita sa inyo, ang susunod na hakbang ay ang isagawa ninyo ang mga ito. Habang isinasagawa ninyo ang mga salitang ito, gumagawa ang Diyos ng karagdagang hakbang ng gawain, binibigyang-liwanag at ginagabayan kayo. Naisasakatuparan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan. … Ang pinakapangunahing bagay na dapat ninyong hangarin ay ang hayaang magkabisa ang salita ng Diyos sa inyo—sa madaling salita, magkaroon ng tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos sa inyong pagsasagawa nito. Marahil ay wala kayong gaanong abilidad na umarok ng salita ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng pagsasagawa ninyo sa Kanyang salita, maaari Niyang lunasan ang pagkukulang na ito, kaya hindi lamang ninyo kailangang malaman ang maraming katotohanan, kundi mas lalong kailangan ninyong isagawa ang mga ito. Ito ang pinakakritikal na bagay, at hindi ito puwedeng balewalain. Tiniis ni Jesus ang maraming kahihiyan at pagdurusa sa Kanyang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Nagdusa Siya nang husto dahil lamang sa isinagawa Niya ang katotohanan, sumunod sa kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagpakita lamang ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kung nalaman lang Niya ang katotohanan nang hindi iyon isinasagawa, hindi Niya sana dinanas ang pagdurusang ito. Kung sinunod ni Jesus ang mga turo ng mga Hudyo at sinunod ang mga Pariseo, hindi sana Siya nagdusa. Matututuhan mo mula sa mga gawa ni Jesus na ang mga epekto ng gawain ng Diyos sa tao ay nakakamit sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng tao, at ito ay isang bagay na kailangan ninyong kilalanin. Nagdusa kaya si Jesus na tulad ng dinanas Niya sa krus kung hindi Niya isinagawa ang katotohanan? Nanalangin kaya Siya nang ganoon kalungkot kung hindi Siya kumilos alinsunod sa mga pagnanais ng Diyos? Samakatwid, dapat kayong magdusa alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan; ito ang uri ng pagdurusang dapat danasin ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Mo ang Katotohanan, Dapat Mo Itong Isagawa
Kaugnay na mga Himno
Habang Mas Isinasagawa Mo ang Katotohanan, Mas Mabilis Lalago ang Iyong Buhay
Tanging sa Paghihimagsik Laban sa Laman Maisasagawa ng Tao ang Katotohanan