35. Ang ugnayan sa pagitan ng pagpapasakop sa Diyos at kaligtasan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nilikha ng Diyos ang mga tao, inilagay Niya sila sa lupa at inaakay sila magmula noon, kalaunan, iniligtas Niya sila at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, at sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang sangkatauhan, at ibalik ang tao sa kanyang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa wakas—ang pagpapanumbalik sa tao sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha. Lahat sila ay naging mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos, nabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at napailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit ang totoo ay tinalikuran niya ang Diyos at sa halip ay sumamba siya kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanyang puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng lugar sa kanyang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha ng Diyos sa tao. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa tao, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal niyang wangis at tanggalin sa tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang tao mula kay Satanas, dapat siyang iligtas ng Diyos mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan unti-unting maipapanumbalik ng Diyos ang orihinal niyang wangis at papel, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian ng Diyos. Ang ganap na pagkalipol ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay magiging para din sa kapakanan ng pagtutulot sa tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mabuhay sa lupa nang mas maayos. Yamang nilikha ng Diyos ang mga tao, idudulot Niya na sumamba sila sa Kanya; yamang ninanais Niyang mapanumbalik ang orihinal na papel ng tao, ganap Niya itong panunumbalikin, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagdulot na sumamba at magpasakop ang tao sa Kanya; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang tao nang dahil sa Kanya at magdulot na malipol ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na idudulot ng Diyos na mamalagi sa gitna ng mga tao ang lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya at nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa tao; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ang kaharian Niya. Kung hindi lilipulin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang makamit ang ganap Niyang kaluwalhatian, at hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang ganap na lipulin iyong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap—ang mga ito ang magiging mga tanda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng dakilang tagumpay Niya. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Ganap na likas at may katwiran para sa mga nilikha na magpasakop sa Lumikha—ito ang mismong nararapat nilang gawin. Hindi kailanman magbabago ang katotohanang ito, anuman ang oras, lugar, taon, o buwan, sa anumang espasyo o heograpikal na kapaligiran. Kahit na maglaho ang mundong ito at ang sangkatauhang ito, at lahat ng bagay kasama ng mga ito, hindi kailanman magbabago ang pahayag na “Ang mga nilikha ay dapat magpasakop sa Lumikha.” Ito ay isang bagay na dapat taglayin ng pagkamakatwiran mo; ito ang unang katotohanan na dapat mong taglayin bilang isang taong nananampalataya sa Diyos. Kung may mga taong nagsasabi na hindi nila nauunawaan ang mga salitang ito, napakakahina-hinala niyon—nagpapakita ito na kwestyonable kung mayroon ba silang espiritu ng tao at kung may taglay ba silang konsensiya at katwiran. May ilang tao na talagang nakakaunawa pero sadyang hindi nila mahal ang katotohanan sa kanilang puso at ayaw nilang tanggapin ang katotohanan. Ang implikasyon ng hindi pagnanais na tanggapin ang katotohanan ay na hindi nila kinikilala na ang Diyos ang Lumikha, ni hindi nila kinikilala na mga nilikha sila. Kung kinikilala nila ang sarili nila bilang mga nilikha, kakailanganin nilang magpasakop sa Lumikha. Pero dahil ayaw nilang magpasakop, tumatanggi silang kilalanin ito. Hindi ba’t labis na mapaghimagsik ang ganoong mga tao? Sa karaniwang termino, basura sila. Ngayon, pumarito ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Ang hinihingi Niya sa mga tao ay dapat silang magpasakop sa Kanya; sa ganitong paraan lamang makakamit ng mga tao ang kaligtasan. Kaya, ano ang unang bagay na dapat gawin ng isang taong nananampalataya sa Diyos? (Magpasakop sa Diyos.) Tama iyan; ang paggawa nito ay alinsunod sa mga layunin ng Diyos, ganap itong may katuturan at may katwiran. Sabihin ninyo sa Akin, kung nauunawaan ng mga tao na ang pagpapasakop sa Diyos ang pinakamataas na katotohanan, nakakatulong ba ito sa kanila sa pagsasagawa sa katotohanan, sa paglalakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at pagtatama sa kanilang saloobin sa Diyos? (Oo.) Kung nakakapagpasakop sa Diyos ang isang tao, lumulugar siya sa tamang posisyon, at mayroon siyang katwiran. … Dahil hindi ka nagpapasakop sa katotohanan o sa Diyos at sumasalungat ka sa Kanya, kinikilala ka pa rin ba ng Diyos bilang Kanyang nilikha? Ayaw ng Diyos sa isang nilikha na tulad mo. Kauri ka ni Satanas at ng ulupong, at napakamapanganib nito dahil hindi inililigtas ng Diyos si Satanas, ni hindi Niya inililigtas ang kauri ng ulupong.
—Pagbabahagi ng Diyos
Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag nananampalataya sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba silang may-takot-sa-Diyos na puso o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, at kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging mapagpasakop sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang kaugnayan sa Diyos, tumatahak ka sa isang landas na tiyak na ikakapahamak mo. Kung wala ang Diyos sa iyong puso, ang sabihin lang na mayroon kang pananalig at ang pananampalataya sa Diyos sa pangalan lang ay walang silbi. Gaano man kahusay ang kaloob mo, gaano man karaming salita at doktrina ang kaya mong ipangaral, o gaano man karami ang ipinagdusa mo dahil sa iyong pananampalataya sa Diyos, walang silbi ito. Hangga’t walang puwang ang Diyos sa iyong puso, at wala kang takot sa Diyos, at hindi mo kayang isagawa kahit ang pinakakatiting na katotohanan, paano ka man manampalataya sa Diyos, walang silbi ito, at sinasabi ng Diyos, “Lumayo ka sa Akin, ikaw na taong gumagawa ng masama.” Ang gayong tao ay inuuri bilang isang taong gumagawa ng masama dahil hindi niya kayang isagawa ang katotohanan at wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso. At kaya, kahit na maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, wala kang kinalaman sa Diyos; sinasabi ng Diyos na isa kang walang pananampalataya at isang masamang tao, at hindi Siya ang iyong Panginoon o ang iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at kinikilala mo na Siya ang Lumikha, hindi mo Siya sinasamba, at hindi ka nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sinusunod mo si Satanas at mga diyablo; tanging si Satanas at mga diyablo ang mga panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa sarili mong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo. Kahit na sinasabi mong sinasampalatayanan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos. Wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang itaboy Niya, parusahan Niya, at itiwalag Niya; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay ang mga tumatanggap sa Kanya bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at kayang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Kanya at gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Ang nararanasan nila ay ang gawain ng Diyos; ang isinasagawa nila ay ang Kanyang mga salita at ang katotohanan; at ang landas na tinatahak nila ay ang paghahangad ng katotohanan. Sila ay mga tao na nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang kalooban. Tanging sa pananampalataya sa Diyos nang ganito maliligtas ang isang tao; kung hindi, kokondenahin siya. Kung, sa kanilang pananampalataya sa Diyos, nagkikimkim ang mga tao ng mapangaraping pag-iisip at palaging kumakapit sa sarili nilang mga kuru-kuro at mga kathang-isip na imahinasyon, makakamit ba nila ang katotohanan? Makakamit ba nila ang kaligtasan sa huli? Talagang hindi. Kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos, dapat silang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, manampalataya sa Kanya ayon sa Kanyang mga hinihingi, at magawang maranasan ang gawain ng Diyos, nagkakamit ng pagpapasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at mga pagsasaayos; saka lang nila makakamit ang kaligtasan. Anuman ang gawin mo, hindi ka dapat magkimkim ng mapangaraping pag-iisip at manampalataya sa Diyos para lang magkamit ng mga pagpapala; iyon ay panlilinlang sa Diyos at pakikipagtransaksyon sa Kanya, at wawasakin ka lang nito. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong babala para sa inyo.
Ngayong narinig na ninyo ang mga sermong ito, dapat maunawaan ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Anuman ang gusto ng mga tao, anuman ang hinahangad nila, o anuman ang pinakagusto nilang gawin, wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, ang pananalig mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Sinasabi mong sinasampalatayanan at pasalita mong kinikilala ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi ang Panginoon mo, hindi Siya ang Diyos mo; hindi mo tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng ipinamamatnugot ng Diyos para sa iyo, at hindi mo kinikilala ang katunayan na ang Diyos ang katotohanan. Sa kasong ito, ang pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak na. Kung hindi ka tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may tumitindi kang pakiramdam na ikaw ay nagpapasakop sa Lumikha at sumasamba sa Lumikha, at nadarama na ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung lalo ka pang nagagalak na magpasakop sa lahat ng ipinamamatnugot at isinasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas lalong normal, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas lalong dalisay at totoo, kung gayon, ang iyong mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong labis-labis na hinihingi sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan. Bagama’t ang pagtahak sa landas ng kaligtasan ay may kasamang disiplina, pagpupungos, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at nagsasanhi ang mga ito na magdusa ka ng labis na pasakit, ito ang pag-ibig ng Diyos na dumarating sa iyo. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, hinahangad mo lang ang mga pagpapala, katayuan, kasikatan, at pakinabang, at hindi ka kailanman dinidisiplina, pinupungusan, o hinahatulan at kinakastigo—sa kabila ng pamumuhay ng isang maginhawang buhay, ang iyong puso ay lalong napapalayo sa Diyos, naiwawala mo ang normal na ugnayan na mayroon ka sa Diyos, at ayaw mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, nais mong maging panginoon ng iyong sarili—pinatutunayan ng lahat ng ito na ang landas na tinatahak mo ay hindi ang tamang landas. Kung nararanasan mo na ang gawain ng Diyos nang ilang panahon at may tumitinding pakiramdam ng kung paanong ang sangkatauhan ay napakalalim na nagawang tiwali, at malamang talaga na lumaban sa Diyos, at kung natatakot ka na darating ang araw na gagawa ka ng isang bagay na lumalaban sa Diyos, at sasalungatin mo ang Diyos at aabandonahin ka Niya, kung kaya nadarama mo na wala nang mas nakakatakot pa kaysa ang labanan ang Diyos, kung gayon ay magkakaroon ka ng may-takot-sa-Diyos na puso. Madarama mo na kapag ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos, hindi sila dapat malihis palayo sa Diyos; kung malihis sila palayo sa Kanya, kung malihis sila palayo sa pagdisiplina Niya, at sa Kanyang paghatol at pagkastigo, ito ay katumbas ng pagkawala ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, ng pagkawala ng mga pagpapala ng Diyos, at katapusan na ito ng mga tao; maaari na lamang silang mas lalong maging ubod ng sama, at magagawa nilang labanan ang Diyos habang patuloy silang nananampalataya sa Kanya, tulad ng mga tao sa mundo ng relihiyon—at kung ganito, sila ay magiging mga anticristo. Kung mapagtatanto mo ito, mananalangin ka sa Diyos, “Diyos! Pakiusap, hatulan at kastiguhin Mo po ako. Sa lahat ng bagay na ginagawa ko, nagsusumamo po ako na siyasatin Mo ako. Kung gumagawa ako ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan at kumokontra sa Iyong mga layunin, nawa ay hatulan Mo po ako at kastiguhin nang husto—hindi maaaring wala po sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo.” Ito ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Ang gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos ngayon ay ang kunin ang mga naglalakad na bangkay na namumuhay ayon sa mga tiwaling disposisyon ni Satanas at sa tiwaling diwa nito—ang mga patay—at gawin silang mga taong buhay. Iyan ang kahalagahan ng pagiging naligtas. Nananampalataya sa Diyos ang isang tao upang maligtas—ano ang ibig sabihin ng maligtas? Ang pagtamo sa pagliligtas ng Diyos ay nangangahulugan na ang patay na tao ay nagiging isang buhay na tao. Samantalang dati siyang kay Satanas, na nakatakdang mamatay, ngayon ay nabuhay na siya bilang isang taong nasa panig ng Diyos. Kung kaya ng mga taong magpasakop sa Diyos, makilala Siya, at yumukod sa Kanya sa pagsamba kapag nananampalataya at sumusunod sila sa Diyos, kung wala na silang paglaban at paghihimagsik laban sa Diyos sa kanilang puso, at Siya ay hindi na nila tututulan o tutuligsain, at kaya na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, kung gayon, sa paningin ng Diyos, sila ay tunay na mga taong buhay. Ang isang tao ba na kumikilala lang sa Diyos sa salita ay isang taong buhay? (Hindi.) Anong uri ng tao ang isang taong buhay, kung gayon? Ano-ano ang mga totoong pagpapamalas ng mga taong buhay? Ano ang dapat na taglay ng mga taong buhay? Sabihin ninyo sa Akin ang inyong mga opinyon. (Ang mga kayang tumanggap ng katotohanan ay mga taong buhay. Kapag ang mga kaisipan at mga pananaw at mga perspektiba ng mga tao ukol sa mga bagay-bagay ay nagbago at umayon sa salita ng Diyos, sila ay mga taong buhay.) (Ang mga taong buhay ay ang mga nakauunawa sa katotohanan at kayang isagawa ang katotohanan.) (Ang isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan gaya ni Job ay isang taong buhay.) (Ang mga taong nakakikilala sa Diyos, kayang mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos, at kayang isabuhay ang katotohanang realidad—sila ang mga taong buhay.) Ang bawat isa sa inyo ay nagsabi ng isang uri ng pagpapamalas. Para sa huli ay maligtas at maging isang taong buhay ang isang tao, dapat na kahit paano ay magagawa niyang pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magawang magsabi ng mga salita ng konsensiya at katwiran, at dapat nag-iisip siya at kumikilatis, kayang maunawaan ang katotohanan at isagawa ito, kayang magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Ganyan ang isang tunay na taong buhay. Ano ang madalas na iniisip at ginagawa ng mga taong buhay? Kaya nilang gawin ang ilang bagay na dapat na ginagawa ng mga normal na tao. Pangunahin, ginagawa nila nang maayos ang mga tungkulin nila, at natatakot sila sa Diyos at umiiwas sa kasamaan sa kanilang iniisip at sa ibinubunyag sa kanilang isipan, at sa karaniwang sinasabi at ginagawa nila. Iyan ang kalikasan ng madalas nilang iniisip at ginagawa. Para mas tiyak, ang sinasabi nila at ginagawa sa kabuuan ay naaayon sa katotohanan, kahit paano. Hindi ito kinokondena ng Diyos o itinataboy Niya, bagkus ay kinikilala at sinasang-ayunan Niya. Ito ang ginagawa ng mga taong buhay, at ito ang dapat nilang gawin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao
Bakit ka nga ba nananampalataya sa Diyos? Karamihan sa mga tao ay magulo pa rin ang isip tungkol sa tanong na ito, at palagi silang mayroong dalawang lubos na magkaibang pananaw tungkol sa praktikal na Diyos at sa Diyos na nasa langit. Ipinapakita nito na nananampalataya ang tao sa Diyos hindi para magpasakop sa Kanya, kundi para makatanggap ng ilang pakinabang, o para makatakas sa pagdurusa na dala ng sakuna; saka lamang siya medyo mapagpasakop. May kondisyon ang ganitong uri ng pagpapasakop—ang kanyang personal na kinabukasan ang paunang kondisyon ng kanyang pagpapasakop; nagpapasakop siya dahil wala siyang ibang pagpipilian. Kaya, bakit ka nga ba nananampalataya sa Diyos? Kung para lamang ito sa kinabukasan at kapalaran mo, mas makabubuti pang huwag ka nang manampalataya sa Kanya. Ang ganitong pananampalataya ay panloloko sa sarili mo, pagpapanatag sa sarili mo, at paghanga sa sarili mo. Kung hindi nakabatay ang pananalig mo sa pundasyon ng pagpapasakop sa Diyos, parurusahan ka sa huli dahil sa paglaban sa Kanya. Lahat ng mga hindi naghahanap ng pagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila ay mga taong lumalaban sa Diyos. Hinihingi ng Diyos na hanapin ng tao ang katotohanan, mauhaw sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, lahat ito ay upang makamit niya ang pagpapasakop sa Diyos. Kung iyon ang tunay mong intensiyon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya Siya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang intensiyon mo ay hindi magpasakop sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—maging ang mga panalangin mo sa harap ng Diyos, at higit pa nga rito, ang bawat kilos mo—ay magiging paglaban sa Kanya. Kahit na ang mga salita mo ay malumanay at ikaw ay banayad, kahit na ang bawat kilos at ekspresyon mo ay tila wasto para sa iba, na para bang isa kang mapagpasakop na tao, pagdating sa mga intensiyon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananalig sa Diyos, ang bawat kilos mo ay paglaban sa Diyos, ito ay paggawa ng kasamaan. Ang mga taong mukhang masunurin na parang mga tupa, ngunit may masasamang intensiyon sa puso, ay mga lobong nakadamit-tupa, at ang mga tuwirang gumagawa ng pagkakasala laban sa Diyos. Hindi palalampasin ng Diyos ang kahit isa sa kanila, at ihahayag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila. Makikita ng lahat na ang lahat ng mapagpaimbabaw ay tiyak na itataboy ng Banal na Espiritu. Huwag mainip: Papanagutin at iwawaksi ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunod-sunod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananalig Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos
Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinahanap ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung kaya ba nilang magpasakop sa nakikitang Diyos. Hindi nagtataglay ng katotohanan yaong mga nagtrabaho, subalit hindi nila nakikilala ang nakikitang Diyos o hindi sila nagpapasakop sa Kanya. Mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga taong gumagawa ng masama; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang masasamang gawa. Ang Diyos ay para sampalatayaan ng mga tao, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagpapasakop. Ang mga may pananalig lang sa kathang-isip at di-nakikitang diyos ay mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at hindi magawang magpasakop sa Diyos. Kung hindi pa rin magagawang manampalataya ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na matapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy pa rin sila sa paghihimagsik at paglaban sa nakikitang Diyos na nasa katawang-tao, walang alinlangan na ang “mga tagasunod ng malabong diyos” na ito ay magiging mga pakay ng paglipol. Katulad din ito sa inyo—ang lahat ng pasalitang kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, ay ititiwalag at lilipulin sa huli. At ang lahat ng pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos at kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya, pero naghahangad sa kathang-isip at di-nakikitang diyos, ay lalong magiging mga pakay ng paglipol. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi rin makakapanatili ang isang indibidwal na gaya nito hanggang sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang mga tao na sa mga demonyo ay hindi nagsasagawa ng katotohanan; diwa ng paglaban at paghihimagsik sa Diyos ang diwa nila, at wala silang ni katiting na intensyon na magpasakop sa Kanya. Lilipulin ang lahat ng gayong tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao sa paghusga ng ibang mga tao; iyong may mabubuting pag-uugali ay matutuwid, samantalang iyong mga may karumal-dumal na pag-uugali ay masasama. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba sa Kanya o hindi ang kanilang diwa; ang nagpapasakop sa Diyos ay matuwid na tao, samantalang ang hindi nagpapasakop ay isang kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa para magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang tao na gumamit ng magagandang salita upang makakuha ng magandang hantungan. Maling naniniwala ang lahat na itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang pag-uugali o sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais na samantalahin ito upang makakuha ng panandaliang biyaya sa pamamagitan ng panlilinlang para sa kanilang sarili. Ang mga taong mananatiling buhay sa darating na panahon ng kapahingahan ay lahat nakapagtiis na sa araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tumupad nang maayos sa kanilang mga tungkulin at na sadyang nagpasakop sa Diyos. Iyong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na makapagserbisyo para maiwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi mananatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pagsasaayos ng kalalabasan ng bawat indibidwal; hindi Siya basta lang gumagawa ng mga kapasyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, at hindi rin Niya ginagawa ang mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang yugto ng panahon. Hinding-hindi Siya magiging maluwag pagdating sa lahat ng masamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang pagseserbisyo nito sa Kanya, at hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil iginugol nito ang sarili nito para sa Kanya sa ilang panahon. Walang sinuman ang makaiiwas sa retribusyon para sa kanyang kasamaan, at walang sinuman ang makakapagkubli ng kanyang masasamang gawa at sa gayon ay makaiiwas sa pagdurusa ng pagkasawi. Kung tunay na kayang tuparin nang maayos ng mga tao ang sarili nilang mga tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggan silang tapat sa Diyos at hindi sila naghahanap ng mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakakakita sila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi sila nakakakita ng anumang pagpapala, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat para sa Diyos—ay hindi pa rin makapagpatotoo sa Diyos o makatupad nang maayos ng mga tungkuling nakaatang sa kanila sa huli, kung gayon, masasawi pa rin ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi makakapanatiling buhay magpakailanman ang masasamang tao, at hindi rin sila makapapasok sa kapahingahan; tanging ang matutuwid ang magiging mga panginoon sa kapahingahan. Sa sandaling nasa tamang landas na ang sangkatauhan, ang mga tao ay magkakaroon ng normal na buhay ng tao. Makakaya nilang lahat na gawin ang sarili nilang mga tungkulin at maging ganap na tapat sa Diyos. Lubusan nilang iwawaksi ang kanilang paghihimagsik at ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at mabubuhay sila para sa Diyos at dahil sa Diyos, nang walang paghihimagsik at paglaban. Magagawa nilang lahat na lubusang magpasakop sa Diyos. Ito ang magiging buhay ng Diyos at ng mga tao; ito ang magiging buhay ng kaharian, at ito ang magiging buhay ng kapahingahan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga