39. Paano hangaring matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay di-mapaghihiwalay na konektado sa napakaraming paraan, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais mong matamo ang pag-iwas sa kasamaan, kailangan mo munang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais mong matamo ang tunay na takot sa Diyos, kailangan mo munang magtamo ng tunay na pagkakilala sa Diyos; kung nais mong magtamo ng pagkakilala sa Diyos, kailangan mo munang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais mong maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan mo munang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at hilingin sa Diyos na maghanda ng mga tao, pangyayari, at bagay, pati na ng lahat ng uri ng kapaligiran, para magkaroon ka ng mga oportunidad na maranasan ang Kanyang mga salita; kung nais mong makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan mo munang magtaglay ng simple at matapat na puso, ng saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, ng kapasyahang tiisin ang pagdurusa, ng determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ng pagnanais na maging isang tunay na nilikha…. Sa ganitong paraan, sa hakbang-hakbang na pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, habang nakikilala mo ang Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha sa iyo, na hindi malayo ang Lumikha sa iyo, na ang Lumikha ay hindi na ang Siyang maaari mo lamang na panabikan sa araw at gabi pero hindi madama ng iyong mga pandama, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong tabi, at na tinutustusan Niya ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Madarama mo na wala Siya sa malayong abot-tanaw, ni hindi Niya itinago ang Kanyang Sarili sa mga ulap sa itaas, na Siya ay nasa tabi mo mismo, may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng sa iyo, at na Siya ang iyong lahat-lahat at ang iyong nag-iisa at natatangi. Ang gayong Diyos ay nagbibigay-daan sa iyo na magmahal at sumamba sa Kanya mula sa puso, makaramdam ng pagiging magiliw sa Kanya, mapalapit sa Kanya, humanga sa Kanya, matakot na mawala Siya, at hindi mo na gustuhing talikuran pa Siya, maghimagsik pa laban sa Kanya, o iwasan o palayuin pa Siya. Ang tanging gusto mo ay maging mapagsaalang-alang sa Kanya, ninanais mo lang na magpasakop sa Kanya, suklian ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maprotektahan Niya, hindi mo na nilalabanan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sumunod sa Kanya, samahan Siya; ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong nag-iisa at natatanging buhay, tanggapin Siya bilang iyong nag-iisa at natatanging Panginoon, iyong nag-iisa at natatanging Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Ang “pagkatakot sa Diyos” ay hindi nangangahulugan ng di-maipaliwanag na sindak at pangamba, ni pag-iwas, ni paglayo, ni pag-iidolo, ni pamahiin. Sa halip, ito ay nangangahulugan ng paghanga, pagpipitagan, pagtitiwala, pag-arok, pagsasaalang-alang, pagpapasakop, dedikasyon, pagmamahal, at walang-kondisyon at walang-reklamong pagsamba, pagsukli, at pagpapasailalim. Kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na pag-arok, tunay na pagsasaalang-alang o pagpapasakop ang mga tao, kundi ng kilabot at pagkabalisa, tanging pagdududa, maling pagkaunawa, pag-iwas, at paglayo lamang; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang mga tao ay hindi magkakaroon ng tunay na dedikasyon at pagsukli; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagpapasailalim ang mga tao, kundi bulag na pag-iidolo at pamahiin lamang; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, imposibleng makasunod ang mga tao sa daan ng Diyos, o magkaroon ng takot sa Diyos, o umiwas sa kasamaan. Sa kabaligtaran, bawat aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos, na may kasamang mga paninira at mga paghusga tungkol sa Kanya, at masasamang gawa na taliwas sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.
Kapag nagkaroon na ng tunay na pagtitiwala sa Diyos ang mga tao, talagang susunod at sasandal sila sa Kanya; sa tunay na pagsandig sa Diyos lamang maaaring tunay na maunawaan at maarok Siya ng mga tao; kasama sa tunay na pag-arok sa Diyos ang tunay na pagsasaalang-alang sa Kanya; tanging sa tunay na pagsasaalang-alang para sa Diyos maaaring tunay na makapagpasakop ang mga tao; sa tunay na pagpapasakop lamang sa Diyos magkakaroon ng tunay na dedikasyon ang mga tao; sa tunay na dedikasyon lamang sa Diyos maaaring magkaroon ang mga tao ng walang-kondisyon at walang-reklamong pagsukli; sa tunay na pagsandig, tunay na pagkaarok at pagsasaalang-alang, tunay na pagpapasakop, tunay na dedikasyon at pagsukli, saka lang tunay na makikilala ng mga tao ang disposisyon at diwa ng Diyos, at ang pagkakakilanlan ng Lumikha; kapag tunay na nilang nakilala ang Lumikha, saka lamang lilitaw sa loob nila ang tunay na pagsamba at pagpapasailalim; kapag may tunay na silang pagsamba at pagpapasailalim sa Lumikha, saka lamang sila tunay na makakalaya mula sa masasamang gawa—ibig sabihin, ang makaiwas sa kasamaan.
Ito ang buong proseso ng “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” at ito rin ang buong nilalaman ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ito ang daan na kailangang bagtasin upang magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay pagiging kapita-pitagan at poot; hindi Siya isang tupang hinayaang makatay ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang hinayaang mamanipula ng tao paano man nito gusto. Hindi rin Siya isang hangin lang na ipinapatawag at pinapaalis kung gugustuhin. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi dapat galitin. Ang pagpapagalit na ito ay maaaring idinulot ng isang salita, o marahil ay sa isang kaisipan, o marahil ay sa isang uri ng ubod ng samang pag-uugali, o marahil ay sa isang uri ng banayad na pag-uugali, pag-uugaling katanggap-tanggap sa mga mata at etika ng tao o isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Kakila-kilabot na bagay ito! Kung hindi mo nauunawaan na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ang Diyos, kung gayon, marahil ay hindi ka natatakot sa Kanya, at marahil ay madalas kang gumagawa ng pagkakasala laban sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, kung gayon, hindi posibleng matakot ka sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano magsimulang pumasok sa pagsunod sa daan ng Diyos—pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ang Diyos, malalaman mo kung ano ang gagawin para matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Makikilala ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ang Diyos ay isang buhay na Diyos. Iba-iba ang asal ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon, at iba’t iba ang saloobin ng Diyos ukol sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya di-nakikitang hangin. Sulit na kilalanin ng mga tao ang saloobin ng Diyos. Dapat matutunan ng mga tao na kilalanin ang disposisyon ng Diyos at unawain ang Kanyang puso, nang paunti-unti, sa pamamagitan ng pagkilala sa Kanyang saloobin. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na napakahirap isakatuparan ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang na hindi mo Siya limitahan. Kapag tumigil ka na sa paglilimita sa Diyos, mas malamang na hindi ka makakagawa ng pagkakasala laban sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng pagkakilala sa Kanya, at kaya magkakaroon ka ng takot sa Kanya sa puso mo. Sa gayon ay titigil ka sa pagbibigay-kahulugan sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at doktrina o mga teoryang nakabisado mo na, at sa halip ay palagi mong hahanapin ang mga pagnanais ng Diyos sa lahat ng bagay. Sa ganitong paraan, bago mo pa mamalayan, magiging isa kang tao na naaayon sa mga layunin ng Diyos.
Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nahahawakan ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga kilos ng bawat isang tao—pati na ang kanilang saloobin sa Kanya—ay hindi lamang nahihiwatigan ng Diyos, kundi nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat malaman ng lahat at maging malinaw sa lahat. Maaaring lagi mong iniisip sa loob-loob mo, “Alam ba ng Diyos kung ano ang ginagawa ko rito? Alam ba Niya kung ano ang iniisip ko? Siguro ay alam Niya, at siguro ay hindi Niya alam.” Kung pinanghahawakan mo ang pananaw na ito habang nananampalataya at sumusunod sa Diyos, at nagdududa ka rin sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral nang tulad nito, sa malao’t madali ay darating ang araw na mapupukaw mo ang galit Niya, sapagkat nasa bingit ka na ng isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi pa rin nila nakakamit ang katotohanang realidad, lalong hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Hindi umuusad ang mga taong ito sa kanilang buhay at tayog, kumakapit lamang sa pinakamabababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman tinanggap ng gayong mga tao ang mga salita mula sa bibig ng Diyos bilang buhay nila, at hindi pa nila kailanman hinarap at tinanggap ang Kanyang pag-iral. Sabihin mo sa Akin, kapag nakikita ng Diyos ang gayong mga tao, nagdudulot ba ito sa Kanya ng kasiyahan? Nakakaramdam ba ng kaaliwan ang Kanyang puso? Kung gayon, ang paraan ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos ang nagpapasya sa kanilang kapalaran. Tungkol sa kung paano naghahangad at kung paano hinaharap ng mga tao ang Diyos, pinakamahalaga ang saloobin ng mga tao. Huwag isantabi ang Diyos sa iyong isipan na parang hangin lamang Siya; sa halip, dapat palagi mong isipin na ang Diyos na iyong sinasampalatayanan ay isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya umuupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Niyang sinisiyasat ang puso ng lahat, sinisiyasat ang mga kilos ng lahat, sinisiyasat ang bawat salita at bawat gawa mo, sinisiyasat kung paano ka kumilos at kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Handa ka mang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, ang lahat ng iyong pag-uugali at ang iyong mga iniisip at ideya ay nakalatag sa Kanyang harapan at sinisiyasat Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo ay patuloy na nagbabago. Gayunman, kailangan Kong magbigay ng payo sa ilan sa inyo: Huwag mong ituring ang iyong sarili na parang isang sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang labis ka Niyang kinagigiliwan, na parang hindi Niya kaya kung wala ka, at na parang permanente ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman—tigilan na ang pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at seryoso Niyang isinasagawa ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat tao; hindi Niya sila tinatrato na parang isang alagang hayop, at hindi Niya sila sinusuyo at pinaglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi maluwag o mapagsawalang-bahala ang Kanyang awa at pagpaparaya sa mga tao. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagpapahalaga sa kanila, pagkaawa sa kanila, at paggalang sa buhay; nasa loob ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa mga tao, at ang awa at pagpaparaya ay ang pundasyong kinakailangan para sa pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa mga tao ay may prinsipyo, hindi talaga ito isang uri ng regulasyon, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga sitwasyon, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na ipapahayag ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hinding-hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, at hinding-hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at maging mapanuri sa pakikitungo mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano magsagawa nang ayon sa prinsipyo ng “pagsunod sa daan ng Diyos—pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” sa lahat ng bagay. Kailangan mong makatiyak tungkol sa mga usapin ng mga layunin at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong nabigyang-liwanag para makipagbahaginan tungkol sa mga usaping ito, at kailangan mong taimtim na maghanap. Huwag mong ituring ang Diyos na sinasampalatayanan mo na isang tau-tauhan—hinuhusgahan Siya nang arbitraryo, nagbubuo ng arbitraryong mga kongklusyon tungkol sa Kanya, at tinatrato Siya nang may saloobin na walang paggalang. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at itinatakda ang iyong kinalabasan, maaari ka Niyang pakitaan ng awa at pagpaparaya, o patawan ng paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya. Huwag mong limitahan ang Diyos nang tuluyan dahil lamang mayroon kang ilang pagkakilala o pagkaunawa sa isang aspekto Niya. Huwag kang manampalataya sa isang patay na Diyos; manampalataya ka sa buhay na Diyos. Tandaan mo ito!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Makikilala ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Hinihikayat Ko kayong gumugol ng totoong pagsisikap na maunawaan ang nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap na kilalanin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong walang pakundangan magsasalita, at maglilitanya kayo ng matatayog-pakinggan na salita, hindi namamalayang nalalapastangan ninyo ang disposisyon ng Diyos at nasasadlak kayo sa kadiliman, nawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, ginagawa at sinasabi ninyo ang hindi dapat, matatanggap mo ang retribusyong nararapat sa iyo. Dapat mong malaman na kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Ang dahilan kaya nakatatanggap ka ng retribusyon ay dahil nagkasala ka sa Diyos, hindi isang tao. Kung sa buhay mo ay maraming beses kang lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang hindi alinsunod sa katotohanan, at wala nang iba. Gayumpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, wala kang ipinakitang tanda ng pagsisisi o pagbabalik-loob, wala nang ibang pagpipilian kundi ang masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. Maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sila sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mananatiling buhay hanggang sa huli. Gayumpaman, ang matatapat ang gusto Ko; kung isa kang matapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging katapatang-loob ng Diyos. Kung sa mga kilos mo ay hindi mo nilalapastangan ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay pasok sa pamantayan ang pananalig mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa takot ay malamang na malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga ipinapahiwatig ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting intensiyon, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinapatalsik sila mula sa sambahayan ng Diyos, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay natapos na. Ginagawa ng mga taong ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting intensiyon, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, delusyonal na iniisip na magagamit ang mga ito rito nang napakadali. Hindi nila kailanman naipagpapalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa pagiging katapatang-loob ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na gawin ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo nakikilala ang diwa ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng takot at pangingilabot sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng pabasta-bastang pagpapabaya at pagpapalusot, at higit pa nga roon, ng hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagama’t talagang mahalagang maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at ang pagkilala sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman ang kailanman ay seryosong nagsuri o nagsaliksik sa mga isyung ito. Malinaw na makikita na binalewala ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, napakalaki ng posibilidad na malapastangan ninyo ang disposisyon Niya. Ang paglapastangan sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong kaso, ang magiging kahuli-hulihang bunga ng mga kilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon ay dapat mong mapagtanto na kapag nakikilala mo ang diwa ng Diyos ay mauunawaan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag nauunawaan mo ang Kanyang disposisyon, mauunawaan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na ang karamihan ng napapaloob sa mga atas administratibo ay may kaugnayan sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinapahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maunawaan ang Disposisyon ng Diyos
Ang bawat pangungusap na sinabi Ko ay naglalaman ng disposisyon ng Diyos. Makabubuti sa inyo na suriin nang maigi ang mga salita Ko, at tiyak na labis kayong makikinabang mula sa mga ito. Napakahirap maarok ang diwa ng Diyos, ngunit nagtitiwala Akong kayong lahat ay may kaunting ideya man lamang tungkol sa disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako, kung gayon, na mas marami kayong ipakikita sa Akin na mga bagay na nagawa ninyo na hindi lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos. Saka Ako mapapanatag. Halimbawa, panatilihin mo ang Diyos sa puso mo sa lahat ng oras. Kapag kumikilos ka, gawin mo ito ayon sa mga salita Niya. Hanapin mo ang mga ninanais Niya sa lahat ng bagay, at iwasan mong gumawa ng bagay na hindi gumagalang sa Diyos at sinisira ang dangal ng Diyos. Lalo nang hindi mo dapat isantabi ang Diyos upang punan ang kahungkagan sa puso mo sa hinaharap. Kung gagawin mo ito, nalapastangan mo na ang disposisyon ng Diyos. At bilang isa pang halimbawa, kung hindi ka kailanman gumawa ng lapastangang mga pahayag o mga reklamo laban sa Diyos sa buong buhay mo, o kaya mong gampanan nang wasto ang lahat ng ipinagkatiwala Niya sa iyo at magpasakop din sa lahat ng salita Niya sa buong buhay mo, kung gayon ay naiwasan mong lumabag sa mga atas administratibo. Halimbawa, kung nasabi mo kailanman, “Bakit hindi ko iniisip na siya ang diyos?” “Sa tingin ko, ang mga salitang ito ay wala nang iba pa kundi ilang kaliwanagan ng banal na espiritu,” “Sa palagay ko, hindi lahat ng ginagawa ng diyos ay palaging tama,” “Hindi nakahihigit sa pagkatao ko ang pagkatao ng diyos,” “Ang mga salita ng diyos ay sadyang hindi kapani-paniwala,” o iba pang gayong mga mapanghusgang pahayag, kung gayon ay hinihikayat Kong mas madalas kang magtapat ng iyong mga kasalanan at magsisi. Kung hindi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong mapatawad, dahil hindi ka sa isang tao nagkakasala, kundi sa Diyos Mismo. Maaaring naniniwala kang ang hinuhusgahan mo ay isang tao, ngunit hindi ganoon ang tingin ng Espiritu ng Diyos. Ang kawalang-galang mo sa katawang-tao Niya ay katumbas ng kawalang-galang sa Kanya. Dahil ganito, hindi ba’t lumapastangan ka sa disposisyon ng Diyos sa iyong nagawa? Dapat mong tandaan na ang lahat ng ginagawa ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa upang ingatan ang gawain Niya sa katawang-tao at upang magawa nang mahusay ang gawaing ito. Kung makakaligtaan mo ito, sinasabi Ko na isa kang taong hindi kailanman magtatagumpay sa pananampalataya sa Diyos. Dahil pinukaw mo ang galit ng Diyos, kaya gagamit Siya ng nababagay na kaparusahan upang turuan ka ng aral.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maunawaan ang Disposisyon ng Diyos
Bagaman ang diwa ng Diyos ay naglalaman ng elemento ng pagmamahal, at Siya ay maawain sa bawat isang tao, nakaligtaan at nakalimutan ng tao ang katunayan na ang Kanyang diwa ay nagtataglay ng dignidad. Ang pagkakaroon Niya ng pagmamahal ay hindi nangangahulugan na maaaring gumawa ng pagkakasala laban sa Kanya ang tao kung nanaisin nito, nang wala Siyang nararamdaman o reaksyon sa anumang paraan; ang pagkakaroon Niya ng awa ay hindi nangangahulugan na wala Siyang mga prinsipyo sa kung paano Niya tinatrato ang tao. Ang Diyos ay isang buhay na Diyos; ang Kanyang pag-iral ay totoong-totoo. Hindi Siya isang papet na nasa imahinasyon lang o anumang iba pang bagay. Yamang Siya ay umiiral, sa lahat ng oras ay dapat tayong makinig nang mabuti sa tinig ng Kanyang puso, magbigay ng masusing pansin sa Kanyang saloobin, at subukang unawain ang Kanyang mga damdamin. Huwag gumamit ng mga imahinasyon ng tao upang limitahan ang Diyos, at huwag ipilit sa Kanya ang mga kaisipan ng isip ng tao o ang mga nais ng kalooban ng tao, hinihiling sa Diyos na tratuhin ang tao gamit ang mga pamamaraan ng tao at batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, ginagalit mo ang Diyos, sinusubok ang Kanyang galit, at hinahamon ang Kanyang dignidad! Kaya, sa sandaling maunawaan ninyo kung gaano kalubha ang usaping ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mapanuri sa inyong mga kilos at sa inyong pananalita, at magpakita ng sukdulang pag-iingat at pagiging mapanuri sa kung paano ninyo tinatrato ang mga usaping may kinalaman sa Diyos! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, huwag kang magsalita nang walang pakundangan, kumilos nang walang pakundangan, o magbansag nang walang pakundangan; higit pa rito, huwag kang basta-basta bumuo ng mga kongklusyon. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung makakamit mo ito at matataglay ang saloobing ito bago ang lahat, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kakulangan ng katinuan; sa halip, dahil sa iyong saloobin—ang iyong takot na magkasala sa Diyos, ang iyong paggalang sa Kanyang mga layunin, at ang iyong kahandaang magpasakop sa Kanya—tatandaan ka ng Diyos, gagabayan at bibigyang-liwanag ka, o magiging mapagparaya sa iyong kawalang-gulang at kamangmangan. Kung hindi, bilang resulta ng walang-galang na saloobin mo sa Kanya—ang paghusga sa Kanya ayon sa gusto mo o ang basta-bastang paggawa ng haka-haka at pagtukoy sa Kanyang mga nais—kokondenahin ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa nga; o, mayroon Siyang sasabihin tungkol sa iyo, at marahil ang sasabihin Niya ay may kinalaman sa iyong kalalabasan. Samakatwid, bibigyang-diin Ko muli: Ang bawat isa sa inyo ay dapat maging maingat at mapanuri tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag magsalita nang walang pakundangan o kumilos nang walang pakundangan. Bago ka magsabi ng anumang bagay, dapat mong isaalang-alang, “Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Kung gagawin ko ito, kinatatakutan ko ba ang Diyos?” Kahit sa mga simpleng usapin, dapat mong mas pagbulayan ang mga tanong na ito, at mas isaalang-alang ang mga ito. Kung tunay mong maisasagawa ang mga ito ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspekto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkakaroon ng gayong saloobin lalo na kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, palagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ng landas na susundin.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Makikilala ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat kapitan ng mga tao, ang daan na dapat nilang sundan, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at ang mga ito ang dapat isagawa at kapitan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang layon ng Diyos sa pagpapahayag ng mga salitang ito sa mga tao. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat kapitan ng mga tao, at ang pagkapit sa mga ito ay pagkamit ng buhay. Kung hindi kakapit ang isang tao sa mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos sa buhay niya, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. At kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Kung hindi kaya ng mga tao na palugurin ang Diyos, hindi nila matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at sa gayong kaso, hindi sila magkakaroon ng kinalabasan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Makikilala ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mga regulasyon nang mababaw; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos, isang responsabilidad na ibinigay Niya sa iyo, o isang gampaning naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo pa ngang ituring ito bilang isang pagsubok na kung saan ay isinasailalim ka ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, at kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo kailangang kumilos para matupad mo ang iyong responsabilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o nilalapastangan ang Kanyang disposisyon. … Ito ay dahil para sumunod sa daan ng Diyos, hindi natin maaaring balewalain ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; hangga’t may anumang bagay na nangyayari sa atin, iniisip man natin na dapat natin itong bigyang-pansin o hindi, hindi natin ito dapat balewalain, kundi dapat itong ituring bilang isang pagsubok na ibinigay sa atin ng Diyos. Ano ang palagay mo sa ganitong saloobin? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Ang iyong puso ay isang pusong may takot sa Diyos, at ang iyong puso ay isang pusong nagnanais na umiwas sa kasamaan. Kung mayroon kang ganitong pagnanais na palugurin ang Diyos, hindi magiging malayo ang isinasagawa mo sa pagtugon sa pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.
Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang at walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganito mismong isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga taong ito, at hinahayaan lamang nila ito. Sa katunayan, kapag naranasan mo ang isyung ito, ito mismo ang panahon na dapat mong matutunan ang aral ng kung paano matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at lalong dapat mong malaman kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag naranasan mo ito. Nasa tabi mo mismo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung gayon, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi mo itinuring ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang ang pinakamahalagang daan na kakapitan. Kaya hindi mo maramdaman ang di-namamalayang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao ayon sa kanilang iba’t ibang kaisipan at mga pagpapamalas. Isa kang taong lutang ang isip! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa malalaki o maliliit, lahat ng ito ay malalaking bagay—magagawa ba ninyong maunawaan iyon? (Magagawa naming maunawaan iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, sa gitna ng malalaking pangyayaring ito, dahil sa mababang tayog ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay nagkukulang ang mga tao sa mga layunin ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na pagkakilala na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri at masubok sa harap ng Diyos. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang paggabay. Tuwing namamatnugot ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nag-oobserba, sinisiyasat ang iyong puso at mga kaisipan at ideya, minamasdan kung paano ka mag-isip at kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—kung gayon, hindi ka magiging mapag-isip o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na maisakatuparan o ang hinihingi Niya sa iyo sa mga kapaligirang inihahanda Niya para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya kikilos? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni sineryoso ang mga sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, ni itinuring ang mga ito bilang mga pagsubok o pagsusuri mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang itinulak palayo ang mga oportunidad na ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagrerebelde ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Mali, hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Maaaring iniisip ninyo, “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan Siya nasasaktan?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag itinutulak ng mga tao palayo ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Itinataboy ng Diyos ang ganitong uri ng tao mula sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “itaboy.” Paano Ko ipapaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Ang salitang “itaboy” ay nangangahulugan ng malalim na pagkasuklam at pagkamuhi. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagbitiw sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagbitiw,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “itaboy” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksiyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkasuklam at pag-ayaw sa kanila, at kaya nagreresulta ito sa desisyon na bitiwan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman sumunod sa daan ng Diyos at hindi kailanman natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Makikilala ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Bakit nagawa ni Job na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan? Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? Paano niya nagawang hindi gawin ang mga masasamang bagay na ito? Mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso? Nangangahulugan ito na sa kanyang puso ay natakot siya sa Diyos at kaya niyang dakilain ang Diyos, at na may lugar sa kanyang puso para sa Diyos. Umiwas siya sa paggawa ng masasamang bagay na iyon hindi dahil natakot siyang makikita ito ng Diyos o na magagalit ang Diyos dahil dito. Sa halip, sa kanyang puso ay dinakila niya ang Diyos, handa siyang palugurin ang Diyos, at handa niyang panghawakan ang mga salita ng Diyos. Kaya nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Masasabi na ng lahat ngayon ang katagang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” ngunit hindi nila alam kung paano ito nagawa ni Job. Sa katunayan, itinuring ni Job ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” bilang pinakapangunahin at mahalagang bagay sa pananampalataya sa Diyos. Samakatwid, nagawa niyang panghawakan ang mga salitang ito, na para bang pinanghahawakan niya ang isang utos. Nakinig siya sa mga salita ng Diyos dahil sa puso niya ay dinakila niya ang Diyos. Gaano man kahindi kapansin-pansin ang mga salita ng Diyos sa mga mata ng tao, kahit na mga ordinaryong salita lamang ang mga ito, sa puso ni Job, ang mga salitang ito ay mula sa kataas-taasang Diyos; ang mga ito ang pinakadakila, pinakamahalagang mga salita. Kahit na ang mga ito ang mga salitang hinahamak ng mga tao, hangga’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat sundin ng mga tao ang mga ito. Kahit pa sila ay kutyain o siraan, dapat nilang sundin ang Kanyang mga salita. Kahit pa makaranas sila ng kapighatian o sila ay usigin, dapat nilang matatag na panghawakan ang Kanyang mga salita hanggang sa huli, at hindi nila maaaring sukuan ang mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Dapat mong matatag na panghawakan ang bawat salitang iniaatas ng Diyos sa tao. Tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos, o sa mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, kung hindi mo alam ang mga ito, hindi bale na, ngunit sa sandaling malaman mo ang mga ito, kung gayon ay dapat na magawa mong lubos na iwasang gawin ang mga bagay na iyon. Dapat ay kaya mong humawak nang matatag, kahit pa tanggihan ka ng iyong pamilya, kutyain ka ng mga walang pananampalataya, o tuyain at pagtawanan ka ng mga malapit sa iyo. Bakit kailangan mong matatag na humawak? Ano ang iyong motibasyon? Ano ang iyong mga prinsipyo? Ito ay: “Dapat kong matatag na panghawakan ang mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang mga pagnanais. Magiging matatag ako sa paggawa ng mga bagay na gusto ng Diyos, at magiging determinado akong iwanan ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kung hindi ko alam ang layunin ng Diyos, hindi bale na, ngunit kung alam ko at nauunawaan ko ang Kanyang layunin, kung gayon ay magiging determinado akong makinig at magpasakop sa Kanyang mga salita. Walang makakahadlang sa akin. Panghahawakan ko ang mga salita ng Diyos, at hindi ako matitinag kahit hanggang sa pagtatapos ng panahon.” Ito ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Ang paunang kondisyon para makaiwas ang mga tao sa kasamaan ay ang pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Paano nabubuo ang isang may-takot-sa-Diyos na puso? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos? Nangangahulugan ito na nagagawa ng isang tao na tasahin ang lahat ng bagay gamit ang mga salita ng Diyos, at na gamitin ang mga salita ng Diyos bilang kanyang pamantayan at sukatan dahil alam niya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at may takot siya sa Diyos sa kanyang puso. Ito ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso, ang pagsasaisip sa Diyos, na hindi ka mawala sa lugar sa mga bagay na iyong ginagawa, at hindi subukang maging bida, kundi sa halip ay hayaan ang Diyos na mamahala. Sa lahat ng bagay, iniisip mo, “Nananampalataya ako sa Diyos at sumusunod ako sa Diyos. Ako ay isa lamang munting nilikha na hinirang ng Diyos. Dapat kong bitiwan ang mga pananaw, mungkahi, at desisyon na nagmumula sa sarili kong kalooban, at hayaan ang Diyos na mangasiwa. Ang Diyos ang aking Panginoon, ang aking bato, at ang maliwanag na ilaw na gumagabay sa aking daan sa lahat ng aking ginagawa. Dapat kong gawin ang mga bagay ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, hindi ang unahin ang aking sarili.” Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso. Kapag gusto mong gawin ang isang bagay, huwag kang kumilos nang padalos-dalos o walang pakundangan. Isipin mo muna kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at kung ang iyong mga kilos ay alinsunod sa Kanyang mga layunin at kung kinasusuklaman Niya ang mga ito. Sa iyong puso, tanungin mo muna ang iyong sarili, mag-isip ka, at magnilay-nilay; huwag kang padalus-dalos. Ang pagiging padalus-dalos ay pagiging mapusok, at ang maudyukan ng pagkamainitin ng ulo at ng kalooban ng tao. Kung ikaw ay palaging padalus-dalos at mapusok, ipinapakita nito na ang Diyos ay wala sa iyong puso. Kung gayon, kapag sinasabi mong dinadakila mo ang Diyos, hindi ba’t hungkag na mga salita ito? Nasaan ang iyong realidad? Wala kang realidad, at hindi mo kayang dakilain ang Diyos. Ikaw mismo ang nangangasiwa sa lahat ng bagay, ginagawa kung ano ang maibigan mo sa bawat pagkakataon. Sa ganitong kaso, kung sasabihin mo na mayroon kang isang may-takot-sa-Diyos na puso, hindi ba’t wala itong katuturan? Niloloko mo ang mga tao sa mga salitang ito. Ano ang konkretong pagpapamalas ng isang taong mayroong may-takot-sa-Diyos na puso? Iyon ay ang pagdakila sa Diyos. Ang konkretong pagpapamalas ng pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos ng lugar sa puso ng isang tao—ng pangunahing lugar. Pinahihintulutan niya ang Diyos na maging kanyang Amo at na maghari sa kanyang puso. Kaya kapag may nangyayari, mayroon siyang pusong nagpapasakop sa Diyos. Hindi siya padalos-dalos, ni mapusok, at hindi siya kumikilos nang mainitin ang ulo; sa halip, nagagawa niyang harapin ito nang mahinahon, at payapain ang kanyang sarili sa harap ng Diyos upang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ginagawa mo ang mga bagay ayon sa salita ng Diyos o ayon sa sarili mong kalooban, at kung pinahihintulutan mong masunod ang iyong sariling kalooban o ang salita ng Diyos, ay nakadepende sa kung ang Diyos ay nasa iyong puso. Sinasabi mong nasa iyong puso ang Diyos, ngunit kapag may nangyayari, kumikilos ka nang pikit-mata, hinahayaan mong ang sarili mo ang masunod, at isinasantabi mo ang Diyos. Ito ba ang pagpapamalas na nasa puso mo ang Diyos? May ilang tao na nagagawang manalangin sa Diyos kapag may nangyayari, ngunit pagkatapos manalangin, pinag-iisipan nila ang mga bagay-bagay, at iniisip, “Sa tingin ko ito ang dapat kong gawin. Sa tingin ko iyon ang dapat kong gawin.” Palagi mong sinusunod ang iyong sariling kalooban, at hindi ka nakikinig kahit sino pa ang nakikipagbahaginan sa iyo. Hindi ba ito ang pagpapamalas ng kawalan ng may-takot-sa-Diyos na puso? Dahil hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at hindi mo isinasagawa ang katotohanan, kapag sinabi mong dinadakila mo ang Diyos, at ikaw ay may may-takot-sa-Diyos na puso, ang mga ito ay mga salitang hungkag. Ang mga taong wala ang Diyos at hindi kayang dakilain ang Diyos sa kanilang puso ay mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang mga taong hindi kayang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ay pawang mga taong walang konsensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay tunay na may konsensiya at katwiran, kapag may nangyayari, likas niyang magagawang hanapin ang katotohanan. Dapat muna niyang isipin, “Nananampalataya ako sa Diyos. Naparito ako upang hangarin ang pagliligtas ng Diyos. Dahil ako ay may tiwaling disposisyon, at palagi kong itinuturing ang aking sarili bilang ang tanging awtoridad sa anumang ginagawa ko at lagi akong sumasalungat sa mga layunin ng Diyos, dapat akong magsisi. Hindi ako maaaring magpatuloy sa paghihimagsik laban sa Diyos sa ganitong paraan. Kailangan kong matutunan na maging mapagpasakop sa Diyos. Kailangan kong hanapin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ang mga ito ang mga kaisipan at determinasyon na lumilitaw sa loob ng mga may katwiran ng isang normal na pagkatao, at ang mga ito ang mga prinsipyo at saloobin sa likod ng kanilang mga kilos. Kapag nagtataglay ka ng katwiran ng normal na pagkatao, nagtataglay ka ng saloobing ito; kapag hindi ka nagtataglay ng katwiran ng normal na pagkatao, kung gayon, hindi ka nagtataglay ng ganitong saloobin. Kaya naman ang pagkakaroon ng katwiran ng normal na pagkatao ay kritikal at labis na mahalaga. Ito ay direktang nauugnay sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang takot at pagpapasakop ni Job sa Diyos ay isang halimbawa sa sangkatauhan, at ang kanyang pagiging perpekto at matuwid ay ang rurok ng pagkatao na dapat taglayin ng tao. Kahit hindi niya nakita ang Diyos, nakilala niya na tunay na umiiral ang Diyos, at dahil sa pagkakilalang ito ay nagkaroon siya ng takot sa Diyos, at dahil sa takot niya sa Diyos, nagawa niyang magpasakop sa Diyos. Binigyan niya ang Diyos ng kalayaan na kunin ang lahat ng mayroon siya, subalit hindi siya nagreklamo, at nagpatirapa siya sa sahig at sinabi niya sa Diyos na, sa mismong oras na ito, kahit na kunin ng Diyos ang kanyang laman, masaya niyang hahayaan na gawin ito ng Diyos, nang walang reklamo. Ang kanyang buong asal ay dahil sa kanyang perpekto at matuwid na pagkatao. Ibig sabihin nito, bunga ng kanyang kawalang-sala, pagkamatapat, at kabaitan, mariing nanampalataya si Job sa pag-iral ng Diyos na nakilala at nadama niya. Mula sa saligang ito gumawa siya ng mga hinihingi sa kanyang sarili at gumawa ng pamantayan sa kanyang pag-iisip, pag-uugali, asal, at mga prinsipyo sa pagkilos sa harap ng Diyos na naaayon sa patnubay ng Diyos sa kanya at sa mga gawa ng Diyos na nakita niya sa lahat ng bagay. Sa paglipas ng panahon, ang kanyang mga karanasan ay nagdulot sa kanya ng tunay at aktuwal na takot sa Diyos at idinulot na iwasan niya ang kasamaan. Ito ang pinagmulan ng integridad na mahigpit na pinanghawakan ni Job. Si Job ay may isang matapat, inosente, at mabait na pagkatao, at mayroon siyang praktikal na karanasan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pag-iwas sa kasamaan, pati na rin ang kaalaman na “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Dahil sa mga bagay na ito lamang niya nagawang manindigan sa kanyang patotoo sa gitna ng gayong mga mapaminsalang pag-atake ni Satanas, at dahil sa mga ito lamang niya nagawang hindi biguin ang Diyos at magbigay ng kasiya-siyang sagot sa Diyos nang dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa kanya.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Si Job ay nagtaglay at naghangad ng mga bagay na ito kahit hindi pa niya nakikita ang Diyos o hindi pa niya naririnig na magsalita ang Diyos; bagaman hindi niya kailanman nakita ang Diyos, naintindihan niya ang mga paraan na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, at nagkamit siya ng pagpapahalaga sa karunungang ginagamit ng Diyos sa paggawa nito. Kahit hindi niya kailanman narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, alam ni Job na ang mga gawa ng paggantimpala sa tao at pagbawi mula sa tao ay nanggagaling lahat sa Diyos. Bagama’t ang mga taon ng kanyang buhay ay hindi naiiba sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, hindi niya hinayaan ang pagiging pangkaraniwan ng kanyang buhay na maapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o maapektuhan ang kanyang pagtahak sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa kanyang mga mata, ang mga batas na namamahala sa operasyon ng lahat ng bagay ay puno ng mga gawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makita sa anumang bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi niya nakita ang Diyos, ngunit nagawa niyang maranasan ang pagiging nasa lahat ng dako ng mga gawa ng Diyos, at sa mga araw ng kanyang ordinaryong buhay, sa bawat sulok ng kanyang buhay, nagawa niyang makita at matanto ang pambihira at kahanga-hangang mga gawa ng Diyos, at nagawa niyang makita ang nakamamanghang mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagiging tago at katahimikan ng Diyos ay hindi humadlang sa pagkatanto ni Job sa mga gawa ng Diyos, at hindi rin nito naapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang kanyang buhay ang personal na karanasan, sa kanyang ordinaryong buhay, ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na nakatago sa gitna ng lahat ng bagay. Higit pa rito, sa panahon ng kanyang pangkaraniwang buhay, pinakinggan niyang mabuti at inunawa ang tinig ng puso ng Diyos at ang mga salita ng Diyos—na, bagaman nanatiling tahimik ang Diyos sa gitna ng lahat ng bagay, ay ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga batas na namamahala sa operasyon ng lahat ng bagay. Kung gayon, nakikita mo na kung ang mga tao ay may pagkatao at paghahangad na katulad ng kay Job, maaari nilang makamit ang pagkatanto at kaalaman na tulad ng kay Job, at maaari nilang makuha ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, gaya ng nakuha ni Job. Ang Diyos ay hindi nagpakita kay Job o nagsalita sa kanya, ngunit nagawa ni Job na maging perpekto, at matuwid, at magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa madaling salita, kahit na hindi nagpakita o nangusap sa mga tao ang Diyos, ang mga gawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay sapat na upang maranasan ng tao ang pag-iral, dakilang kapangyarihan, at awtoridad ng Diyos, at ang dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay sapat na upang ang tao ay tumahak sa daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Dapat kang tumuon sa pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan, at sa paggamit ng mga salita ng Diyos para gumawa ng paghahambing sa mga kalagayan mo at suriin ang mga ito, at pagkatapos ay dapat mong baguhin ang mga maling pananaw at saloobin mo sa pagtrato sa bawat uri ng bagay. Sa huli, dapat kang magtaglay ng isang may-takot-sa-Diyos na puso sa bawat sitwasyon, at hindi sumunod sa sarili mong kalooban, walang pakundangang gumawa ng mga maling gawa, gumawa ng mga bagay ayon sa mga pagnanais mo, o mamuhay sa loob ng mga tiwaling disposisyon. Sa halip, lahat ng kilos at salita mo ay dapat nakabatay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa paraang ito, unti-unti kang makakabuo ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso ay lumilitaw habang hinahangad ng tao ang katotohanan; hindi ito nanggagaling sa pagpipigil. Ang idinudulot lang ng pagpipigil ay isang uri ng pag-asal; ito ay isang uri ng panlabas na limitasyon. Ang tunay na may-takot-sa-Diyos na puso ay nakakamit sa pamamagitan ng laging pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at pagtanggap ng pagpupungos habang nararanasan ang Kanyang gawain. Sa sandaling makita ng tao ang tunay na mukha ng sarili niyang katiwalian, malalaman niya ang kahalagahan ng katotohanan, at magagawa niyang magsikap tungo sa katotohanan. Ang mga pagbubunyag ng kanyang mga tiwaling disposisyon ay magiging paunti nang paunti, at magagawa niyang mamuhay nang normal sa harap ng Diyos, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos araw-araw, at gumagawa sa tungkulin ng isang nilikha. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso at pusong nagpapasakop sa Diyos ay lumilitaw sa prosesong ito. Ang lahat ng laging naghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema habang ginagawa ang mga tungkulin nila ay ang mga mayroong may-takot-sa-Diyos na puso. Alam ng lahat ng tumanggap ng disiplina at dumanas ng maraming pagpupungos kung ano ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Kapag nabunyag ang kanilang katiwalian, hindi lang sila nakakaramdam ng takot at pangamba sa puso nila, ngunit nararamdaman din nila ang poot at pagiging maharlika ng Diyos. Sa gayong mga sitwasyon, natural na lumilitaw ang isang may-takot-sa-Diyos na puso.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa isang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng saloobing naghahanap at nagpapasakop. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang kaunting may-takot-sa-Diyos na puso. Ang magawang hanapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan ay ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung wala kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, at sa halip ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya, ikaw ay matigas na mapanlaban, at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, at tutol ka sa katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng maraming kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! Kung hindi mo kailanman hahanapin ang katotohanan upang lutasin ito, ang kalalabasan nito sa huli ay gaano man karami ang iyong maranasan, gaano man karaming sitwasyon ang makaharap mo, at gaano man karaming aral ang ihanda ng Diyos para sa iyo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, at sa huli ay mananatili kang walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi mo taglay ang katotohanang realidad, hindi mo makakayang sumunod sa daan ng Diyos, at kung hindi ka kailanman makasusunod sa daan ng Diyos, kung gayon ay hindi ka isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Palaging sinasabi ng mga tao na gusto nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at sumunod sa Diyos. Ang mga ito ba ay mga simpleng bagay? Talagang hindi. Ang mga bagay na ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng mga tao! Hindi madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao para bigyang-kasiyahan ang Diyos, o ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Subalit sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung mayroon kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop kapag may nangyayari sa iyo, poprotektahan ka nito. Ang layon sa huli ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang bigyang-kakayahan kang maunawaan ang katotohanan, makapasok sa katotohanang realidad, at magtamo ng kaligtasan ng Diyos. Ito ang layon sa huli. Kung daranasin mo ang lahat ng bagay nang may ganitong saloobin, hindi mo na madarama na ang paggampan sa iyong tungkulin para matugunan ang mga layunin ng Diyos ay isang hungkag na parirala at isang islogan. Hindi na ito magiging napakahirap sa pakiramdam mo. Bukod pa rito, bago mo pa matanto, mauunawaan mo na ang marami-raming katotohanan. Kung susubukan mong dumanas ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan, tiyak na aani ka ng mga gantimpala. Hindi mahalaga kung sino ang isang tao, at anuman ang kanyang edad, edukasyon, kung gaano na siya katagal na nananampalataya sa Diyos, o kung anong mga tungkulin ang ginagampanan niya, hangga’t mayroon siyang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop—hangga’t dinaranas niya ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan—sa huli, tiyak na mauunawaan niya ang katotohanan at makakapasok siya sa katotohanang realidad. Gayumpaman, kung wala kang saloobin ng paghahanap o pagpapasakop sa lahat ng nangyayari sa iyo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo magagawang pumasok sa katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Dapat madalas kayong humarap sa Diyos, kumain at uminom at magnilay-nilay sa Kanyang mga salita, at dapat ninyong tanggapin ang Kanyang disiplina at pagpupungos, at matutong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, kumukuha ng mga aral mula sa lahat ng nangyayari—napakamahalaga nito. Dapat kang makapagpasakop sa lahat ng kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na inihanda ng Diyos para sa iyo, at pagdating sa mga bagay na hindi mo lubos maarok, dapat kang madalas na manalangin at maghanap ng katotohanan; sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos ka makahahanap ng isang daan pasulong. Dapat kang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Gawin ang dapat mong gawin nang maingat at nang may pag-iingat, at mamuhay sa harap ng Diyos nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Madalas na patahimikin ang sarili mo sa harap Niya, at huwag maging mapagpalayaw. Kahit papaano man lang, kapag may nangyayari sa iyo, patahimikin muna ang iyong sarili, pagkatapos ay magmadaling manalangin, at sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap at paghihintay, mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos. Hindi ba’t isa itong saloobin ng pagkatakot sa Diyos? Kung natatakot at nagpapasakop ka sa Diyos sa puso mo, at napatatahimik mo ang iyong sarili sa harap Niya at sinusubukan mong arukin ang Kanyang mga layunin, kung gayon, sa ganitong uri ng pakikipagtulungan at pagsasagawa, mapoprotektahan ka, at hindi ka matutukso, ni hindi ka gagawa ng anumang bagay na makagagambala o makagugulo sa gawain ng iglesia. Hanapin ang katotohanan sa mga bagay na hindi mo malinaw na nakikita. Huwag bulag na manghusga o maglabas ng mga pagkondena. Sa ganitong paraan, hindi ka kamumuhian ng Diyos, o itataboy Niya. Kung mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, matatakot kang magkasala sa Kanya, at kung may isang bagay na tumutukso sa iyo, mamumuhay ka sa harap ng Diyos nang may kilabot at pangamba, at mananabik kang magpasakop sa Kanya at palugurin Siya sa lahat ng bagay. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong pagsasagawa at magawa mong mamuhay nang madalas sa gayong kalagayan, madalas na lumalapit sa harap ng Diyos at madalas na pinapatahimik ang iyong sarili sa harap Niya, saka mo lang hindi namamalayang maiiwasan ang tukso at masasamang bagay. Kung walang may-takot-sa-Diyos na puso, o may pusong wala sa harapan Niya, may ilang kasamaan na makakaya mong gawin. Mayroon kang mga tiwaling disposisyon, at hindi mo makontrol ang mga ito, kaya’t kaya mong gumawa ng kasamaan kahit na ayaw mo. Hindi ba’t magiging malubha ang mga kahihinatnan kung sakaling gagawa ka ng gayong kasamaan na bumubuo ng pagkagambala at kaguluhan? Sa mga banayad na kaso, pupungusan ka, at sa malulubhang kaso, itataboy ka ng Diyos, at patatalsikin ka sa iglesia. Gayumpaman, kung mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, at madalas na napatatahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kung natatakot at nangangamba ka sa Diyos, hindi ba’t magagawa mong manatiling malayo sa maraming masamang bagay? Kung natatakot ka sa Diyos at sinasabing, “Nangangamba ako sa Diyos; natatakot akong masalungat Siya, magambala ko ang Kanyang gawain at maudyukan ko ang Kanyang pagkasuklam,” hindi ba’t isa itong normal na saloobin at isang normal na kalagayan na dapat taglay mo? Ano ang makapagdudulot ng iyong pangamba? Ang iyong pangamba ay magmumula sa isang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung may puso kang nangangamba sa Diyos, iiwas at lalayo ka sa masasamang bagay kapag nakita mo ang mga ito, at sa gayon ay mapoprotektahan ka. Maaari bang matakot sa Diyos ang isang taong walang pusong nangangamba sa Diyos? Maiiwasan ba nito ang kasamaan? (Hindi.) Hindi ba’t walang-takot na mapangahas sila, ang mga hindi natatakot sa Diyos at hindi nangangamba sa Kanya? Maaari bang pigilan ang mga walang-takot na mapangahas na tao? (Hindi.) At hindi ba’t gagawin ng mga taong hindi mapigilan ang anumang naiisip nila nang padalos-dalos? Ano ang mga bagay na ginagawa ng mga tao kapag kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan, sa kanilang kasigasigan, sa kanilang mga tiwaling disposisyon? Sa nakikita ng Diyos, masasamang bagay ang mga ito. Kaya, dapat malinaw ninyong makita na mabuting bagay para sa tao na magkaroon ng pusong nangangamba sa Diyos—kung mayroon nito, matatakot ang isang tao sa Diyos. Kapag ang isang tao ay may Diyos sa puso niya at kayang matakot sa Diyos, magagawa niyang manatiling malayo sa masasamang bagay. Ang ganitong mga tao lang ang may pag-asang mailigtas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Kaugnay na mga Himno
Ang mga Salita ng Diyos ay ang Daan na Dapat Sundin ng Tao
Sa Pagsunod sa Daan ng Diyos, Walang Pagkakaiba ang Malalaki o Maliliit na Bagay
Dapat Magkaroon ang Tao ng Pusong May Takot sa Diyos