40. Ano ang ibig sabihin ng pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa naranasan at nakita ng mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo sa Akin na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkakaloob Ko sa inyo ngayon ay mas mataas kaysa sa natanggap ni Moises at higit pa sa natanggap ni David, kaya’t gayundin ay hinihingi Ko na ang inyong patotoo ay humigit pa sa kay Moises at ang inyong mga salita ay humigit pa sa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t gayundin ay hinihingi Ko sa inyo na suklian Ako ng sandaang beses. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking itinatalaga sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na mga tao ng Israel. Dapat kayong magpatotoo para sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo at mag-alay ng kanyang buhay para sa Akin—matagal Ko na itong paunang inorden. Isang pagpapala na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at tungkulin ninyo na magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung mananampalataya kayo sa Akin alang-alang lamang sa mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo gagawin ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, mapagmahal na kabaitan, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Hudyo ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; at ang nangyari pa nga ay ang naunawaan nila ay katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Ang nakita ninyo ay higit pa maging sa nakita ng mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa nauunawaan nila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang kautusan ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Hudyo ay ang pagtubos ni Jesus, ang natanggap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang wangis lamang ni Jesus sa loob ng sambahayan ng mga Hudyo. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng gawang ginagawa Ko ngayon. Naririnig din ng sarili ninyong mga tainga ang mga salita ng Aking Espiritu, at nagkamit kayo ng pagpapahalaga sa Aking karunungan, nakilala ninyo ang Aking pagiging kamangha-mangha, at nalaman ang Aking disposisyon. Ang lahat ng Aking plano ng pamamahala ay sinabi Ko rin sa inyo. Ang nakita ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at mahabaging Diyos, kundi isang Diyos na puno ng katuwiran. Nakita ninyo ang pagiging kamangha-mangha ng Aking gawain at nakilala ninyo na Ako ay nag-uumapaw sa pagiging maharlika at poot; lalong nababatid ninyo na minsan Ko nang ibinuhos ang Aking nagpupuyos na galit sa sambahayan ng Israel, at na sumapit na ito ngayon sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa sa naunawaan nina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa nalalaman ng lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi mga pangitain at paghahayag na higit pa sa natanggap ni Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nakita na rin ang Aking tunay na mukha; mas marami ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nakilala ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, nauunawaan ninyo ang mga bagay na nauna at ang mga bagay sa nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, na personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at napakarami na ninyong nakita sa Akin. Samakatwid, hinihingi Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa “Pananampalataya,” Ano ang Iyong Pagkaunawa?
Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng makilala ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi dapat lapastanganin, ni hindi magagawang baguhin ng tao ang dati nitong pagkakilala sa Diyos tungo sa isang bagong pagkakilala. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng pagkakilala tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang makilala ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya iniligtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang bigyang-kahihiyan ang Kanyang pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
Ang pagpapatotoo sa Diyos, sa pangunahin, ay patungkol sa pagsasalita hinggil sa iyong pagkakilala sa gawain ng Diyos, kung paano nilulupig ng Diyos ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tao; patungkol ito sa pagsasalita kung paano Niya ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad, na nagtutulot sa kanila na malupig, maperpekto, at mailigtas Niya. Ang pagpapatotoo ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa Kanyang gawain at lahat ng naranasan mo. Tanging ang Kanyang gawain ang kayang kumatawan sa Kanya, at tanging ang Kanyang gawain ang kayang magbunyag sa Kanya sa publiko, sa Kanyang kabuuan; ang Kanyang gawain ay nagpapatotoo sa Kanya. Ang Kanyang gawain at mga pagbigkas ay direktang kumakatawan sa Espiritu; ang gawaing ginagawa Niya ay isinasakatuparan ng Espiritu, at ang mga salitang sinasambit Niya ay sinasalita ng Espiritu. Sadya lamang na ang mga bagay na ito ay ipinapahayag sa pamamagitan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Sa realidad, mga pagpapahayag ito ng Espiritu. Lahat ng gawaing ginagawa Niya at lahat ng salitang sinasambit Niya ay kumakatawan sa Kanyang diwa. Kung, matapos bihisan ang Kanyang sarili ng laman at pumarito sa gitna ng tao, hindi nagsalita o gumawa ang Diyos, at pagkatapos ay inutusan kayong kilalanin ang Kanyang pagiging praktikal, Kanyang pagiging normal, at Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, magagawa mo ba? Magagawa mo bang kilalanin kung ano ang diwa ng Espiritu? Magagawa mo bang kilalanin kung ano ang kalikasan ng Kanyang katawang-tao? Dahil lamang sa naranasan ninyo ang bawat hakbang ng Kanyang gawain kaya Niya kayo hinihingan na magpatotoo para sa Kanya. Kung wala kayong gayong karanasan, hindi Niya kayo pipiliting magpatotoo. Sa gayon, kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, hindi mo lamang patototohanan ang Kanyang panlabas na anyo ng normal na pagkatao, sa halip patototohanan mo ang gawaing Kanyang ginagawa at ang landas na pinangungunahan Niya; patototohanan mo kung paano ka Niya nalupig at sa anong mga aspekto ka nagawang perpekto. Ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. Ipagpalagay na, saan ka man magtungo, humihiyaw ka ng: “Naparito ang aming Diyos upang gumawa, at ang Kanyang gawain ay talagang praktikal! Nakamit na Niya kami nang walang mga kilos na higit sa karaniwan, nang wala man lang anumang mga himala at kababalaghan!” Itatanong ng iba: “Ano ang ibig mong sabihin kapag sinasabi mo na hindi Siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan? Paano ka Niya nalupig nang hindi gumagawa ng mga himala at kababalaghan?” At sasabihin mo: “Siya ay nagsasalita, at, kahit hindi nagpapakita ng anumang mga kababalaghan o himala, nalupig Niya kami. Nalupig kami ng Kanyang gawain.” Sa kahuli-hulihan, wala kang masabing anuman na may diwa, at hindi mo nasasabi ang mga detalye. Ito ba ay patotoo? Kapag nilulupig ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga tao, ang pagsasalita Niya nang mula sa pagka-Diyos ang lumulupig sa kanila. Hindi ito maisakatuparan ng Kanyang pagkatao; hindi ito isang bagay na nakakamit ng sinumang mortal, at kahit iyong mga may pinakamahusay na kakayahan sa normal na mga tao ay hindi ito kaya, sapagkat ang Kanyang pagka-Diyos ay mas mataas kaysa sinumang nilikha. Hindi ito pangkaraniwan sa mga tao; ang Lumikha, matapos ang lahat, ay mas mataas kaysa sinumang nilikha. Ang mga nilikha ay hindi kayang maging mas mataas kaysa sa Lumikha; kung mas mataas ka kaysa sa Kanya, hindi Niya magagawang lupigin ka, at nalulupig ka lang Niya dahil mas mataas Siya kaysa sa iyo. Siya na nakakayang lupigin ang buong sangkatauhan ay ang Lumikha, at walang sinuman kundi Siya ang nakakagawa ng gawaing ito. Ito ay patotoo—ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. Nakaranas ka ng sunod-sunod na hakbang ng pagkastigo, paghatol, pagpipino, mga pagsubok, mga pagkabigo, at mga kapighatian, at nalupig ka na; nabitiwan mo na ang kinabukasan ng laman, ang iyong mga personal na motibo, at ang mga personal na interes ng laman. Sa madaling salita, lubos nang nalupig ng mga salita ng Diyos ang iyong puso. Bagama’t hindi ka lumago sa iyong buhay na katulad ng hinihingi Niya, kilala mo ang lahat ng bagay na ito at lubos kang kumbinsido sa ginagawa Niya. Ito ay patotoo—praktikal na patotoo! Pumarito Siya para gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang lupigin ang tao; ngunit pumarito din Siya para tapusin ang Kanyang gawain, para wakasan ang kapanahunan, at isakatuparan ang gawain ng pagtatapos—para wakasan ang buong kapanahunan, iligtas ang buong sangkatauhan, lubusang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, at lubos na kamtin ang sangkatauhang Kanyang nilikha. Dapat mong patotohanan ang lahat ng ito. Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; huwag kang mabigo sa huli na gampanan ang papel na nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong pagkakilala, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat maabot ng isang nilikha. Ano mismo ang kahalagahan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano karami nito ang naisakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag kaya ninyong lubusang ipaliwanag ang lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao simula nang pumarito sa lupa, magiging kompleto ang inyong patotoo. Kapag kaya mong lubusang ipaliwanag ang limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng pagkakilala. Ang Aking mga hinihingi sa inyo ay hindi napakataas, at maaabot ng lahat ng naghahangad nang may tunay na puso. Kung mayroon kang determinasyon na maging isa sa mga tagapagpatotoo ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong makilala ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan, at gamitin ang pagkakilalang ito upang magpatotoo sa Kanya at tuparin ang iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)
Kapag nagpapatotoo sa Diyos, dapat pangunahin kayong magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano karaming katiwalian ang naibunyag ninyo, anong mga kuru-kuro ang nabuo ninyo tungkol sa Diyos, at anong mga bagay ang ginawa ninyo para labanan ang Diyos sa buong karanasan ninyo, pati na kung paano kayo tuluyang nalupig ng Diyos, anong tunay na kaalaman ang nakamit ninyo sa gawain ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos para suklian Siya dahil sa Kanyang pagmamahal. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang mga salitang ito, habang nagsasalita sa mga payak na termino. Huwag pag-usapan ang mga hungkag na teorya. Magsabi kayo ng isang bagay na totoo, isang bagay na taos-puso. Ang pagpapatotoo lang sa Diyos sa ganitong paraan ang nararapat. Huwag kayong maghanda ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong labis na mapagmataas at walang-katwiran. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ang pinakakapaki-pakinabang sa iba, at ang nakikita nilang pinakanararapat din. Dati ay mga tao kayong pinakalumalaban sa Diyos, mga pinakamalabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ninyo ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo, kung hindi, malamang na makagawa sila ng kahiya-hiyang mga kilos na walang katwiran, na hindi nagpapatotoo sa Diyos, kundi sa halip ay nagbibigay ng kahihiyan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Balang araw, habang nangangaral ka sa ibang bansa at may nagtanong sa iyo: “Kumusta ang pananalig mo sa Diyos?” masasabi mong, “Ang mga gawa ng Diyos ay lubhang kagila-gilalas!” Madarama nila na ang iyong mga salita ay nagpapahayag ng mga praktikal na karanasan. Ito aytunay na patotoo. Sasabihin mo na puno ng karunungan ang gawain ng Diyos, na ang Kanyang gawain sa iyo ay tunay na nakakumbinsi sa iyo at nakalupig sa puso mo, at na palagi mo Siyang mamahalin dahil Siya ay higit pa sa karapat-dapat sa pagmamahal ng tao! Kung masasabi mo ang mga bagay na ito, maaantig mo ang puso ng mga tao. Ang lahat ng ito ay patotoo. Kung nagagawa mong matunog na magbigay ng patotoong ito, na maantig ang mga tao hanggang sa maluha sila, ipinakikita nito na isa kang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, sapagkat nagagawa mong magpatotoo sa pagmamahal mo sa Diyos, at sa pamamagitan mo, mapapatotohanan ang mga gawa ng Diyos. Kung ang iyong patotoo ay nagbibigay-daan para hanapin ng iba ang gawain ng Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, at makapanindigan sa anumang sitwasyong nararanasan nila, ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tunay na patotoo, at ito mismo ang hinihingi sa iyo ngayon. Dapat mong makita na lubhang mahalaga ang gawain ng Diyos at karapat-dapat itong pahalagahan ng mga tao, na ang Diyos ay lubhang mahalaga at sagana; hindi lamang Siya nakapagsasalita, kundi nahahatulan din Niya ang mga tao, napipino ang kanilang puso, nadudulutan sila ng pagtatamasa, nakakamit sila, nalulupig sila, at nagagawa silang perpekto. Mula sa iyong karanasan makikita mo na ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig. Kaya gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? Masasabi mo ba talaga ang mga bagay na ito nang taos-puso? Kapag nagagawa mong ipahayag ang mga salitang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, magkakaroon ka na ng patotoo. Sa sandaling umabot sa antas na ito ang iyong karanasan, makakaya mo nang magpatotoo para sa Diyos, at magiging kalipikado ka na gawin iyon. Kung hindi ka umaabot sa antas na ito sa iyong karanasan, napakalayo mo pa rin. Normal para sa mga tao na magpakita ng mga kahinaan sa proseso ng pagpipino, ngunit pagkatapos ng pagpipino dapat mong masabi na: “Napakarunong ng Diyos sa Kanyang gawain!” Kung tunay na nagagawa mong magtamo ng praktikal na pagkaunawa sa mga salitang ito, magiging mahalaga iyon, at ang iyong karanasan ay magkakaroon ng halaga.
Ano ang dapat mong hangarin ngayon? Kung kaya mo mang magpatotoo sa gawain ng Diyos o hindi, kung nagagawa mo man o hindi na maging isang patotoo sa Diyos at isang pagpapamalas ng Diyos, at kung angkop ka mang gamitin Niya o hindi—ang mga ito ang mga bagay na dapat mong hangarin. Gaano karaming gawain ba ang talagang nagawa sa iyo ng Diyos? Gaano karami ba ang iyong nakita, gaano karami ang iyong naarok? Gaano karami ang iyong naranasan, at natikman? Ikaw man ay nasubok, napungusan, o nadisiplina ng Diyos, ang Kanyang mga gawa at ang Kanyang gawain ay naisagawa na sa iyo. Ngunit bilang isang mananampalataya sa Diyos at bilang isang taong handang hangarin na magawa Niyang perpekto, nagagawa mo bang magpatotoo sa gawain ng Diyos batay sa iyong praktikal na karanasan? Maisasabuhay mo ba ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng iyong praktikal na karanasan? Nagagawa mo bang magtustos para sa iba sa pamamagitan ng iyong sariling praktikal na karanasan, at gugulin ang iyong buong buhay sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, pagkilala, at halagang ibinayad mo. Saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga layunin. Ikaw ba ay isang taong nagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Mayroon ka ba ng ganitong kapasyahan? Kung nagagawa mong magpatotoo sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang gawain, at kung naisasabuhay mo ang wangis ng Kanyang mga tao na hinihingi Niya, isa kang saksi para sa Diyos! Paano ka nga ba nagpapatotoo sa Diyos? Kung hinahangad at kinasasabikan mong isabuhay ang salita ng Diyos, at magpatotoo gamit ang sarili mong bibig, upang malaman ng mga tao ang Kanyang gawain at makita nila ang Kanyang mga gawa—kung tunay mong hinahangad ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at pagpalain sa pinakahuli, hindi dalisay ang perspektiba ng iyong pananalig sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ipinamamalas Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo sa kung paano ka Niya dinidisiplina at pinupungusan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang mapagmahal-sa-Diyos na puso mo ay para lamang makapagkamit ka ng kaluwalhatian kasama ang Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo sa gawain ng Diyos, matugunan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawaing Kanyang ginagawa sa mga tao sa isang praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o pighati, kailangan mong praktikal na maranasan ang lahat ng bagay na ito. Layon ng mga ito na gawin kang perpekto bilang isang saksi ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Anong patotoo ang ibinibigay ng tao sa Diyos sa bandang huli? Nagpapatotoo ang tao na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, na ang Kanyang disposisyon ay katuwiran, poot, pagkastigo, at paghatol; nagpapatotoo ang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, minahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, pagiging maharlika, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang hanggang hukay, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananalig ng tao; hindi Niya inilagay ang tao sa nakamamatay na sitwasyon, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay iyong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katunayang isinasagawa ng Diyos ay hindi isinasakatuparan ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang makilala mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang pagiging hamak at pagiging hindi karapat-dapat ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagiging maharlika at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na ibinubunyag Niya sa inyo—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
Ngayon, maaari kang maghangad na magawang perpekto o maghangad ng mga pagbabago sa iyong panlabas na pagkatao at mapahusay ang iyong kakayahan, ngunit ang pinakamahalaga ay na kaya mong maunawaan na ang lahat ng ginagawa ngayon ng Diyos ay may kahulugan at kapaki-pakinabang: Ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay binibigyan nito ng kakayahang maiwaksi sa iyong sarili ang karumihan at matanggal ito, binibigyan ka nito ng kakayahang madaig ang impluwensiya ni Satanas, at makawala sa madilim na impluwensiya ni Satanas, at sa pagpapatuon sa iyo sa mga bagay na ito, binibigyan ka nito ng proteksyon sa lupaing ito ng karumihan. Sa huli, anong patotoo ang hihilinging ibigay mo? Ito ay na ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay magawang maging pinabanal, na hindi na muling mabahiran ng dumi kailanman, at na ikaw na namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay makawala sa impluwensiya ni Satanas, na hindi maangkin ni maligalig ni Satanas, at sa gayon ay mamuhay sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ang patotoo, at ang katibayan ng tagumpay sa pakikipaglaban kay Satanas. Nagagawa mong maghimagsik laban kay Satanas, hindi ka na nagpapakita ng mga satanikong disposisyon sa iyong pagsasabuhay, kundi sa halip ay isinasabuhay mo yaong hiningi ng Diyos na makamit ng tao nang likhain Niya ang tao: normal na pagkatao, normal na katwiran, normal na kabatiran, normal na matibay na pagpapasiyang mahalin ang Diyos, at katapatan sa Diyos. Ganyan ang patotoong dapat ibigay ng isang nilikha. Sabi mo, “Kami ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, ngunit dahil sa proteksyon ng Diyos, dahil sa Kanyang pamumuno, at dahil nalupig Niya kami, nakawala na kami sa impluwensiya ni Satanas. Na kaya naming magpasakop ngayon ay epekto rin ng paglupig ng Diyos, at hindi ito dahil sa mabuti kami, o dahil likas naming minamahal ang Diyos. Iyon ay dahil hinirang kami ng Diyos, at pauna kaming itinadhana, kaya kami nalupig ngayon, nakagagawang magpatotoo para sa Kanya, at maglingkod sa Kanya; gayundin, dahil hinirang Niya kami at pinrotektahan Niya kami kung kaya’t nagkamit kami ng kaligtasan, at nailigtas kami mula sa kapangyarihan ni Satanas, at naiwaksi namin sa aming sarili ang karumihan at napadalisay kami sa bansa ng malaking pulang dragon.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (2)
Para sa mga gagawing perpekto, ang hakbang na ito ng gawain ng pagiging nalupig ay kailangang-kailangan; sa sandaling nalupig ang tao ay saka pa lamang siya makararanas ng gawain ng pagpeperpekto. Walang malaking kahalagahan sa paggampan lamang ng papel ng pagiging nalupig, hindi ito magtutulot sa iyo na maging angkop na gamitin ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng paraan na gampanan ang iyong bahagi kapag lumaganap ang ebanghelyo, sapagkat hindi mo hinahangad ang buhay, at hindi mo hinahangad ang mga pagbabago at pagpapanibago ng iyong sarili, kung kaya’t wala kang praktikal na karanasan sa buhay. Sa panahon ng gawaing ito nang paisa-isang hakbang, gumanap ka nang minsan bilang tagapagserbisyo at bilang isang hambingan, ngunit kung sa huli ay hindi mo hinahangad ang pagiging Pedro, at ang iyong paghahangad ay hindi kaayon sa landas kung saan si Pedro ay ginawang perpekto, kung gayon, natural, hindi ka makararanas ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. Kung ikaw ay isang taong naghahangad na magawang perpekto, nagpatotoo ka na, at sasabihin mo, “Sa hakbang-hakbang na gawaing ito ng Diyos, natanggap ko ang gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, at bagaman nakapagtiis ako ng matinding pagdurusa, nakilala ko kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, nakamit ko ang gawaing ginawa ng Diyos, nagkaroon ako ng pagkakilala sa pagiging matuwid ng Diyos, at ang Kanyang pagkastigo ay nagligtas sa akin. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay dumating sa akin, at nagdala sa akin ng mga pagpapala at biyaya; ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang nagprotekta at naglinis sa akin. Kung hindi ako nakastigo at nahatulan ng Diyos, at kung ang Kanyang mahihigpit na salita ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana nakilala ang Diyos, at ni hindi sana ako naligtas. Nakikita ko ngayon: Bilang isang nilikha, hindi lamang tinatamasa ng isang tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, ngunit, mas mahalaga, na lahat ng nilikha ay dapat magtamasa ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang matuwid na paghatol, sapagkat ang disposisyon ng Diyos ay karapat-dapat sa pagtatamasa ng tao. Bilang isang nilikhang nagawang tiwali ni Satanas, dapat tamasahin ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang matuwid na disposisyon ay mayroong pagkastigo at paghatol, at, higit pa riyan, mayroong dakilang pag-ibig. Bagaman hindi ko kayang lubos na matamo ang pag-ibig ng Diyos sa ngayon, nagkaroon naman ako ng mabuting kapalarang makita ito, at dahil dito ako ay pinagpala.” Ito ang landas na nilakaran niyaong mga nakakaranas na magawang perpekto at ito ang pagkakilala na sinasabi nila. Ang gayong mga tao ay pareho kay Pedro; mayroon silang mga karanasan na pareho sa mga karanasan ni Pedro. Ang gayong mga tao ay ang mga nakatamo rin ng buhay, at nagtataglay ng katotohanan. Kapag nararanasan nila hanggang sa katapus-tapusan, magagawa nilang ganap na iwaksi sa kanilang sarili ang impluwensiya ni Satanas sa gitna ng paghatol ng Diyos, at makamit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Ngayon, ang mahalaga ay na kailangan ninyong malaman ang diwa ng tao, at kailangan ninyong malaman kung ano ang dapat ninyong pasukin; kailangan ninyong pag-usapan ang buhay pagpasok, at mga pagbabago sa disposisyon, kung paano talaga malupig, at paano ganap na magpasakop sa Diyos, paano magbigay ng huling patotoo para sa Diyos, at paano makakapagpasakop hanggang sa kamatayan. Kailangan mong tumuon sa mga bagay na ito, at yaong hindi praktikal o mahalaga ay kailangan munang bitiwan at balewalain. Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung ano ang mga pagpapamalas ng mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakapagpasakop ka ba hanggang sa kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon ka man o walang anumang kinabukasan, at hindi ka dapat mawalan ng pananalig sa Diyos anuman ang kapaligiran. Sa huli, kailangan mong makamit ang dalawang aspekto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagpapasakop hanggang sa kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: Nawala ang lahat ng kanyang materyal na ari-arian, at naharap siya sa karamdaman ng laman, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan—nang hinarap niya ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos, nang siya ay ipinako sa krus, minahal pa rin niya ang Diyos. Hindi niya inisip ang sarili niyang kinabukasan o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Ganyan ang pamantayang kailangan mong maabot bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (2)
Kung nananampalataya ang mga tao sa Diyos, at nararanasan ang mga salita ng Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay makikita sa ganoong mga tao ang pagliligtas ng Diyos at ang pag-ibig ng Diyos. Nagagawa ng mga taong ito na magpatotoo sa Diyos; isinasabuhay nila ang katotohanan, at ang kanilang pinatototohanan ay ang katotohanan din, kung ano ang Diyos, at ang disposisyon ng Diyos. Namumuhay sila sa gitna ng pagmamahal ng Diyos at nakita nila ang pagmamahal ng Diyos. Kung nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, dapat nilang danasin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; sa gayon lamang makakayang pukawin sa kanila ang isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at isang pusong debotong gumugugol ng sarili nila para sa Diyos. Hindi ginagawa ng Diyos na mahalin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita o ng kanilang mga imahinasyon, at hindi Niya pinipilit ang mga tao na mahalin Siya. Sa halip, hinahayaan Niyang kusang-loob na mahalin nila Siya, at hinahayaan Niya na makita nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig sa Kanyang gawain at mga salita, at matapos nito ay isinisilang sa kanila ang pagmamahal sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan tunay na makakapagpatotoo ang mga tao sa Diyos. Hindi minamahal ng mga tao ang Diyos dahil nahimok sila ng iba na gawin ito, at hindi rin ito panandaliang bugso ng damdamin. Minamahal nila ang Diyos sapagkat nakita na nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, nakita nila na marami sa Kanya ang karapat-dapat na mahalin ng mga tao, sapagkat nakita na nila ang pagliligtas, karunungan, at mga kamangha-manghang gawa ng Diyos—at bunga nito, sila ay tunay na nagbibigay-papuri sa Diyos at tunay na nananabik sa Kanya, at may ganoong maalab na damdamin na napupukaw sa kanila na hindi sila mabubuhay nang hindi nakakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit ang mga taong tunay na nagpapatotoo sa Diyos ay nakakagawa niyon nang napakamatunog ay dahil ang kanilang patotoo ay nakasalalay sa pundasyon ng tunay na pagkakilala at tunay na pananabik para sa Diyos. Ang ganoong patotoo ay hindi ibinigay ayon sa isang bugso ng damdamin, kundi ayon sa kanilang pagkakilala sa Diyos at sa Kanyang disposisyon. Dahil nakilala na nila ang Diyos, sa pakiramdam nila ay tiyak na dapat silang magpatotoo sa Diyos, at idulot na ang lahat ng nananabik sa Diyos ay makakilala sa Diyos, at malaman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ang Kanyang pagiging praktikal. Tulad ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos, ang kanilang patotoo ay kusang-loob; ito ay may taglay na realidad at may tunay na kabuluhan at halaga. Hindi ito pasibo o hungkag at walang-kabuluhan. Ang dahilan kung bakit sinasabi na ang mga tunay lamang na nagmamahal sa Diyos ang may pinakamataas na halaga at kahulugan sa kanilang buhay, at tunay na nananampalataya sa Diyos, ay dahil nagagawa ng mga taong ito na mamuhay sa liwanag ng Diyos at nagagawa nilang mamuhay para sa gawain at pamamahala ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila namumuhay sa kadiliman, kundi namumuhay sila sa liwanag; hindi sila namumuhay nang walang-kahulugang mga buhay, bagkus ay mga buhay na pinagpala ng Diyos. Tanging ang mga nagmamahal sa Diyos ang nakakapagpatotoo sa Diyos, sila lamang ang mga saksi ng Diyos, sila lamang ang pinagpala ng Diyos, at sila lamang ang makapagmamana ng mga pangako ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Kung Paano Ko Natutunan na Magpatotoo sa Diyos
Ang Nagagawang Pinsala ng Pagpapasikat
Kaugnay na mga Himno
Sa Pagsasabuhay Lamang ng Realidad Ka Makapagpapatotoo