4. Ano ang tunay na pagkilala sa sarili
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa loob ng ilang libong taon ng katiwalian, ang mga tao ay pawang naging manhid at mapurol ang isip; silang lahat ay naging masasamang demonyo na sumasalungat sa Diyos, hanggang sa punto na ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos ay naisulat sa mga talaan ng kasaysayan, at na maging ang mga tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong salaysay ng kanilang mapaghimagsik na pag-uugali—sapagkat sila ay malalim na ginawang tiwali ni Satanas, at iniligaw ni Satanas kung kaya’t hindi na nila alam kung saan babaling. Kahit ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng mga tao ang Diyos. Kapag nakikita nila ang Diyos, ipinagkakanulo nila Siya, at kapag hindi nila nakikita ang Diyos, ipinagkakanulo rin nila Siya. Mayroon pa ngang mga taong, matapos masaksihan ang mga sumpa ng Diyos at ang Kanyang poot, nagkakanulo pa rin sa Kanya. Kaya sinasabi Ko na ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong silbi, at na ang konsensiya ng tao ay nawalan na rin ng orihinal nitong silbi. Sa Aking mga mata, ang mga tao ay pawang mga hayop na nakadamit-tao at makamandag na mga ahas. Gaano man kakaawa-awa nila subukang magpakita sa harap ng Aking mga mata, hindi Ako kailanman magiging mahabagin sa kanila, sapagkat wala silang anumang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, at walang sinuman sa kanila ang nakauunawa sa pagkakaiba ng katotohanan at ng hindi katotohanan. Ang kanilang katwiran ay napakamanhid, ngunit nagnanais pa rin silang magtamo ng mga pagpapala; ang kanilang pagkatao ay napakahamak, ngunit nagnanais pa rin silang humawak ng kapangyarihan bilang mga hari. Sino ang maaari nilang pagharian, nang may gayong katwiran? Paano sila makakaupo sa mga trono nang may gayong pagkatao? Ang mga tao ay tunay na walang kahihiyan! Sila ay mga walang-kwenta na labis ang pagtingin sa sarili! Iminumungkahi Ko na kayong nagnanais na magtamo ng mga pagpapala ay humanap muna ng salamin at tingnan ninyo ang sarili ninyong pangit na repleksiyon. Mayroon ka ba ng kinakailangan para maging isang hari? Mayroon ka ba ng mga katangian ng mukha ng isang makatatanggap ng mga pagpapala? Walang kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo naisagawa ang anumang katotohanan, ngunit nagnanais ka pa rin ng isang napakagandang bukas. Isa itong ganap na kahibangan! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghihimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang nagkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang nagkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong wala ni isang taong nagkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Ang tao, na namumuhay sa kadiliman, ay walang pagnanais na isagawa ang katotohanan kahit kapag naririnig niya ito, at wala siyang tendensiyang maghanap kahit na nakikita niyang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng anumang puwang sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Ang makilala ang sarili mo ay ang makilala ang bawat salita at gawa mo, at ang bawat kilos mo; ito ay ang makilala ang mga kaisipan at ideya mo, ang mga intensiyon at motibasyon mo, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Dapat mo ring malaman kung aling mga pilosopiya ni Satanas at mga lason ng malaking pulang dragon ang isinasabuhay mo, at kung batay sa aling mga aspekto ng kultural na kaalaman ka namumuhay. Dapat mong hanapin ang katotohanan at malinaw na kilatisin ang mga bagay na ito. Sa ganoong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at tunay mong makikilala ang sarili mo. Bagama’t ang isang tao ay maaaring nakapagsagawa ng maraming mabuting pag-uugali buhat nang magsimula siyang manampalataya sa Diyos, hindi pa rin niya makita nang malinaw ang maraming bagay, lalo na ang maunawaan ang katotohanan. Gayunman, dahil sa marami niyang mabuting pag-uugali, ang pakiramdam niya ay isinasagawa na niya ang katotohanan, na nagpasakop na siya sa Diyos, at na natugunan na niya ang mga layunin ng Diyos. Kapag walang nangyayari sa iyo, nagagawa mo ang anumang iutos sa iyo, at walang-atubili mong ginagawa ang iyong tungkulin nang walang anumang pagsuway. Kapag sinabihan kang mangaral ng ebanghelyo, hindi ka nagrereklamo at kaya mong tiisin ang paghihirap na ito, at kapag inutusan kang magparoo’t magparito at gumawa, o gumawa ng isang partikular na gampanin, ginagawa mo iyon. Dahil dito, pakiramdam mo ay isa kang tao na nagpapasakop sa Diyos at tunay na naghahangad sa katotohanan. Ngunit kung isasailalim ka sa seryosong pagsusuri, at tatanungin ka, “Ikaw ba ay isang matapat na tao? Ikaw ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong nagbago na ang disposisyon?”—kung ang bawat tao ay ikukumpara sa katotohanan ng mga salita ng Diyos—maaaring sabihin na walang sinuman ang pasok sa pamantayan, at na walang sinuman ang kayang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ang buong tiwaling sangkatauhan ay dapat na magnilay sa kanilang sarili. Dapat nilang pagnilayan ang mga disposisyon na ipinamumuhay ng lahat ng tao, at ang mga pilosopiya, lohika, at mga erehiya at maling kaisipan ni Satanas na bumubuo ng batayan para sa lahat ng mga kilos at gawa ng mga tao. Dapat nilang pagnilayan ang ugat na dahilan kung bakit nagbubunyag ang mga tao ng mga tiwaling disposisyon, kung ano ang diwa ng pagkilos nang sutil ng mga tao, at kung batay saan at para kanino nabubuhay ang mga tao. Kung ito ay ihahambing sa katotohanan, ang lahat ng tao ay kokondenahin. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil labis nang ginawang tiwali ang tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at lahat sila ay namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Wala sila ni katiting na pagkakilala sa sarili, palagi silang nananampalataya sa Diyos alinsunod sa kanilang mga sariling kuru-kuro at imahinasyon, palagi nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin batay sa sarili nilang mga kagustuhan at pamamaraan, at palagi nilang sinusunod ang mga relihiyosong teorya sa kung paano sila maglingkod sa Diyos. Higit pa riyan, iniisip pa rin nila na punong-puno sila ng kumpiyansa, na ang kanilang mga kilos ay napakamakatwiran, at sa huli, pakiramdam nila ay marami na silang nakamit. Walang kamalayan nilang naiisip na sila ay kumikilos na nang ayon sa mga layunin ng Diyos at na natugunan na nila ang mga ito nang lubos, at na naabot na nila ang mga hinihingi ng Diyos at sila ay sumusunod na sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung iniisip mo na nakaani ka na ng ilang bunga sa ilang taon mo ng pananampalataya sa Diyos, lalo kang dapat manumbalik sa harapan ng Diyos upang suriing mabuti ang sarili mo. Dapat mong tingnan ang iyong paglalakbay sa mga taon na ito ng pananampalataya sa Diyos, at tingnan kung ang iyong mga kilos at gawa ay nakaaayon sa mga katotohanang prinsipyo, gayundin kung alin sa iyong mga pagpapamalas ang sumasalungat sa Diyos, kung alin ang nagpapasakop sa Diyos, kung alin ang nakatutugon sa mga hinihingi ng Diyos, kung alin ang nagpapatotoo sa Diyos, at sa anong mga larangan ka may pagkakautang sa Diyos. Dapat malinaw sa iyo ang lahat ng bagay na ito—doon ka lamang maituturing na may kamalayan sa sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao
Ang ibig sabihin ng pagkakilala sa sarili ay ang malaman kung aling mga bagay sa ating mga kaisipan at pananaw ang hindi nakaaayon sa katotohanan, at nabibilang sa mga tiwaling disposisyon, at mapanlaban sa Diyos. Madaling magkamit ng pagkaunawa sa mga tiwaling disposisyon ng tao, gaya ng kayabangan at pagmamagaling, at pagsisinungaling at panlilinlang. Malalaman mo ang mga ito nang kaunti sa pamamagitan ng pagbabahagi lang tungkol sa katotohanan nang ilang ulit o ng pagtukoy ng iyong mga kapatid sa iyong kalagayan. Bukod pa rito, ang kayabangan at panlilinlang ay matatagpuan sa bawat tao, magkakaiba lamang ang antas, kaya ang mga ito ay medyo madaling malaman. Ngunit ang pagkilatis kung ang mga kaisipan at pananaw ng isang tao ay naaayon ba sa katotohanan ay mahirap, at hindi kasingdali ng pagkilala sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Kapag ang pag-uugali o mga panlabas na pagsasagawa ng isang tao ay bahagyang nagbago, ang pakiramdam ng taong iyon ay na para bang siya ay nagbago na, ngunit ang totoo, ito ay isa lamang pagbabago sa pag-uugali, at hindi ito nangangahulugang ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay tunay nang nagbago. Sa kaibuturan ng puso ng mga tao, marami pa ring kuru-kuro at imahinasyon, at sari-saring mga kaisipan, mga pananaw, at mga lason ng tradisyonal na kultura. Maraming bagay pa rin ang mapanlaban sa Diyos na natatago sa loob ng mga tao, hindi pa nahuhukay. Ang mga ito ang ugat ng mga pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang mga ito ay bahagi ng kalikasang diwa ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag may ginawa ang Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro mo, lalaban ka at kikilos nang may pagsuway. Hindi mo maiintindihan kung bakit gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, at bagama’t alam mong katotohanan ang lahat ng ginagawa ng Diyos at nais mong magpasakop, hindi mo iyon magagawa anuman ang mangyari. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Ano ang dahilan sa iyong paglaban at pagsuway? Ito ay dahil maraming bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao ang mapanlaban sa Diyos, mapanlaban sa mga prinsipyo sa pagkilos ng Diyos at mapanlaban sa Kanyang diwa. Mahirap para sa mga tao ang magkamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao
Ano ang mga aspekto ng pagkakilala sa sarili? Ang una ay ang malaman kung anong mga tiwaling disposisyon ang nabubunyag sa pananalita at mga kilos ng isang tao. Minsan, ito ay pagmamataas, kung minsan naman ito ay pagiging mapanlinlang, o marahil ay kabuktutan, katigasan ng kalooban, o pagkakanulo, at iba pa. Bukod pa roon, kapag may nangyayari sa isang tao, dapat niyang suriin ang kanyang sarili para makita kung mayroon siyang anumang intensyon o motibo na hindi alinsunod sa katotohanan. Dapat din niyang suriin kung mayroong anuman sa kanyang pananalita o mga kilos na lumalaban o naghihimagsik laban sa Diyos. Sa partikular, dapat niyang suriin kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa pasanin at kung deboto ba siya sa tungkulin niya, kung sinsero niyang ginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos, at kung nagiging transaksiyonal o pabasta-basta siya. Ang pagkakilala sa sarili ay nangangahulugan din ng pagkaalam kung ang isang tao ay may mga kuru-kuro at imahinasyon, mga labis-labis na kahilingan, o mga maling pagkaunawa at hinaing tungkol sa Diyos, at kung handa siyang magpasakop. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung kaya ng isang tao na hanapin ang katotohanan, tumanggap mula sa Diyos at magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos kapag humaharap sa mga sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay na Kanyang pinamamatnugutan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran at kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay nagpapasakop o sumusubok na makipagtalo kapag may mga bagay na nangyayari sa kanya, at kung ang isang tao ay umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon o sa paghahanap sa katotohanan sa kanyang pagharap sa mga bagay na ito. Lahat ng ito ay ang saklaw ng pagkakilala sa sarili. Dapat pagnilayan ng isang tao kung minamahal ba niya ang katotohanan at kung mayroon ba siyang tunay na pananalig sa Diyos batay sa kanyang saloobin sa iba’t ibang sitwasyon at tao, pangyayari, at bagay. Kung makikilala ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon at makikita kung gaano katindi ang kanyang paghihimagsik laban sa Diyos, siya ay lumago na. Bukod diyan, pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa pagtrato niya sa Diyos, dapat na pagnilayan ng isang tao kung mayroon siyang mga kuru-kuro, takot, o pagpapasakop sa pagtrato niya sa pangalan ng Diyos at sa pagkakatawang-tao, at lalo na sa kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa katotohanan. Dapat ding malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang tayog, at kung taglay niya ang katotohanang realidad, pati na kung ang kanyang paghahangad at ang landas na kanyang tinatahak ay tama at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat malaman ng mga tao. Sa pagbubuod, ang iba’t ibang aspekto ng pagkakilala sa sarili, sa esensiya, ay binubuo ng mga sumusunod: pagkakilala sa kung mataas o mababa ang kakayahan ng isang tao, pagkakilala sa karakter ng isang tao, pagkakilala sa mga intensyon at motibo sa mga kilos ng isang tao, pagkakilala sa mga tiwaling disposisyon at kalikasang diwa na ibinubunyag ng isang tao, pagkakilala sa mga kagustuhan at paghahangad ng isang tao, pagkakilala sa landas na tinatahak ng isang tao, pagkakilala sa mga opinyon ng isang tao sa mga bagay-bagay, pagkakilala sa pananaw ng isang tao sa buhay at mga pagpapahalaga, at pagkakilala sa saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan. Ang pagkakilala sa sarili ay pangunahing binubuo ng mga aspektong ito.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2)
Para makilala ang iyong sarili, dapat mong makilala ang mga pagbubunyag mo ng katiwalian, ang iyong mga tiwaling disposisyon, ang iyong mga nakamamatay na kahinaan, at ang iyong kalikasang diwa; dapat mong pagnilayan ang iyong sarili batay sa iyong mga pagbubunyag sa bawat bagay na kinakaharap mo sa iyong pang-araw-araw na buhay. Habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, dapat mong suriin ang iyong mga motibo, perspektiba, at saloobin sa bawat isang bagay, at kilalanin ang iyong sarili mula sa iyong mga pagbubunyag sa mga usaping ito. Siyempre, para makilala ang iyong sarili sa mas malalim na antas, dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos; tanging sa pagkilala sa iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos ka magkakamit ng mga resulta.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan at Landas ng Paghahangad sa Katotohanan
Hinangad ni Pedro na kilalanin ang kanyang sarili at suriin kung ano ang nabunyag sa kanya sa pamamagitan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at sa loob ng iba’t ibang pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos. Nang tunay niyang makilala ang sarili niya, natanto ni Pedro kung gaano kalalim ang pagkatiwali ng mga tao, kung gaano sila kawalang halaga at hindi karapat-dapat sa paglilingkod sa Diyos, at na hindi sila nararapat na mabuhay sa harapan ng Diyos. Nang magkagayon ay nagpatirapa si Pedro sa harap ng Diyos. Matapos maraming beses na makaranas sa ganitong paraan, nadama ni Pedro sa huli na, “Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalagang bagay! Kung mamamatay ako bago ko Siya makilala, magiging napakalaking panghihinayang ito. Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalaga, pinakamakahulugang bagay na mayroon. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, hindi siya karapat-dapat na mabuhay, kapareho siya ng isang hayop, at wala siyang buhay.” Nang umabot na sa ganitong punto ang karanasan ni Pedro, nakilala niya ang kanyang sariling kalikasan at naunawaan niya ito sa medyo malinaw na paraan. Bagama’t hindi niya ito kayang ipaliwanag nang kasinglinaw ng nagagawa ng mga tao sa panahon ngayon, sadyang naabot na ni Pedro ang kalagayang ito. Samakatwid, ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng paggawang perpekto ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilala sa sariling kalikasan mula sa loob ng mga salita ng Diyos, gayundin ng pagkilala sa iba’t ibang aspekto ng kalikasan ng isang tao at tumpak na paglalarawan dito sa mga salita, ang pagsasalita nang malinaw at payak. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at tanging sa paraang ito mo matatamo ang resultang hinihingi ng Diyos. Kung ang iyong pagkakilala ay hindi pa umabot sa puntong ito, subalit sinasabi mo na nakikilala mo ang iyong sarili at sinasabing nagtamo ka ng buhay, hindi ba’t nagyayabang ka lamang? Hindi mo kilala ang iyong sarili, ni hindi mo alam kung ano ka sa harap ng Diyos, kung tunay mo mang naabot ang mga pamantayan ng pagiging tao, o gaano karami ang mga satanikong elemento na taglay mo pa rin sa iyong loob. Hindi pa rin malinaw sa iyo ang tungkol sa kung kanino ka nabibilang, at wala ka man lamang anumang kamalayan sa sarili—kaya’t paano ka magtataglay ng katwiran sa harap ng Diyos? Nang naghahangad si Pedro ng buhay, nakatutok siya sa pagkilala sa kanyang sarili at pagbabago ng kanyang disposisyon sa gitna ng mga pagsubok sa kanya, at nagsikap siya na makilala ang Diyos. Sa huli, naisip niya, “Dapat maghangad ang mga tao ng pagkakilala sa Diyos sa buhay; ang makilala Siya ang pinakakritikal na bagay. Kung hindi ko makikilala ang Diyos, kung gayon ay hindi ako makapagpapahinga nang payapa kapag namatay ako. Sa sandaling makilala ko Siya, kung hahayaan ng Diyos na mamatay ako, lubha akong mapapanatag. Hindi ako magrereklamo kahit kaunti, at mararamdaman kong naging makabuluhan ang buong buhay ko.” Hindi nagawa ni Pedro na magkaroon ng pagkakilalang ito o umabot sa puntong ito kaagad pagkatapos niyang magsimulang manampalataya sa Diyos; sa halip ay dumaan siya sa napakaraming pagsubok. Nadama lamang niya ang halaga ng pagkilala sa Diyos pagkatapos makaranas ng mga bagay-bagay sa isang partikular na antas at ganap na makilala ang kanyang sarili. Samakatwid, ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at ang landas ng pagtatamo ng buhay at magawang perpekto. Ito ang aspekto na pangunahing pinagtuunan ng kanyang tiyak na pagsasagawa.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Kung ang iyong pagkakilala sa sarili ay mayroon lamang pahapyaw na pagkakilala sa mabababaw na bagay—kung sasabihin mo lang na mayabang ka at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, na naghihimagsik at lumalaban sa Diyos—kung gayon, hindi ito tunay na pagkakilala, kundi doktrina. Dapat mong isama ang mga katunayan dito: Dapat mong isiwalat kung sa aling mga usapin ka may mga maling intensiyon at pananaw o mga baluktot na opinyon para sa pagbabahaginan at paghihimay. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi mo dapat subukang kilalanin ang iyong sarili batay lamang sa iyong mga kilos; dapat mong maarok kung ano ang susi at lutasin ang ugat ng problema. Sa sandaling lumipas ang isang panahon, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili at balikan kung aling mga problema ang nalutas mo, at kung alin ang nananatili pa rin, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga umiiral na problema. Hindi ka dapat maging pasibo, hindi mo dapat palaging kailangan ang iba na hikayatin o himukin ka na gawin ang mga bagay-bagay, o bulag ka pa ngang kontrolin; dapat kang magkaroon, sa sarili mo, ng isang landas para sa buhay pagpasok. Dapat madalas mong suriin ang iyong sarili para makita kung anong mga bagay na nasabi at nagawa mo ang hindi naaayon sa katotohanan at may mga maling intensiyon, at anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo. Kung palagi kang nagsasagawa at pumapasok sa ganitong paraan—kung mahigpit ang mga hinihingi mo sa iyong sarili—kung gayon, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, at magkakaroon ng buhay pagpasok. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, makikita mo na hindi ka naman talaga mahusay. Sa isang banda, mayroon kang malulubhang tiwaling disposisyon; sa kabilang banda, malaki ang kakulangan mo, at hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanan. Kung darating ang araw na tunay ka nang magtataglay ng gayong pagkilala, hindi ka na magiging mapagmataas, at sa maraming usapin, magtataglay ka ng katwiran, at makakaya mong magpasakop. Ano ang pangunahing isyu ngayon? Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at paghihimay sa diwa ng mga kuru-kuro, naunawaan na ng mga tao ang dahilan kung bakit sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro, at nagagawang lutasin ang ilan sa mga ito, pero hindi ito nangangahulugan na nakikita nila nang malinaw ang diwa ng bawat kuru-kuro; nangangahulugan lamang ito na mayroon silang kaunting pagkakilala sa sarili, pero hindi pa sapat na malalim o malinaw ang kanilang pagkakilala. Sa madaling salita, hindi pa rin nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling kalikasang diwa, ni hindi nila nakikita kung anong mga tiwaling disposisyon ang nag-ugat sa puso nila. Kaya, may limitasyon sa kung gaano kalawak ang makakamit na pagkakilala ng isang tao sa kanyang sarili. Sinasabi ng ilang tao na, “Alam ko na mayroon akong sukdulang mayabang na disposisyon—hindi ba’t nangangahulugan ito na kilala ko ang sarili ko?” Masyadong mababaw ang gayong pagkakilala; hindi nito malulutas ang problema. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili, bakit sinusubukan mo pa rin na umangat, bakit ninanais mo pa rin na magkaroon ng katayuan at mamukod-tangi sa iba? Ibig sabihin, hindi pa napupuksa ang mayabang mong kalikasan. Kaya, dapat magsimula ang pagbabago mula sa mga kaisipan at pananaw mo, at sa mga intensiyon sa likod ng iyong mga salita at kilos. Kinikilala ba ninyo na karamihan sa mga sinasabi ng mga tao ay may tinik at kamandag, at na mayroong elemento ng kayabangan sa tonong ginagamit nila? Nasa kanilang mga salita ang kanilang mga intensiyon at personal na opinyon. Makakakilatis yaong mga may pagtalos kapag naririnig nila ito. Ang ilang tao ay madalas na may partikular na paraan ng pagsasalita at may partikular na mga ekspresyon kapag hindi nabubunyag ang kanilang kayabangan, pero ang kanilang pag-uugali ay ibang-iba kapag nabubunyag ang kanilang kayabangan. Kung minsan ay patuloy silang nagdadaldal tungkol sa kanilang tila mga importanteng ideya, kung minsan ay inilalabas nila ang kanilang mga pangil at kuko at nagmamalaki sila—umaakto sila na parang sila ang hari ng kabundukan, at inilalantad nito ang kanilang mga satanikong pangit na mukha. Lahat ng uri ng intensiyon at tiwaling disposisyon ay nasa loob ng bawat tao. Katulad lang ng kung paanong kumukurap ang mga mapanlinlang na tao kapag nagsasalita sila, at palihim na sumusulyap sa mga tao—may tiwaling disposisyon na nakatago sa mga kilos na ito. Ang ilang tao ay nagpapaligoy-ligoy kapag nagsasalita sila, at talagang hindi malaman ng iba ang ibig nilang sabihin. Palaging may mga nakatagong kahulugan at pakana sa loob ng kanilang mga salita, pero sa panlabas, sila ay napakakalmado at panatag. Ang ganitong mga tao ay mas mapanlinlang at mas lalong mahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Labis silang mahihirapan na mailigtas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan
Kapag nakikipagbahaginan ang ilang tao tungkol sa pagkakilala nila sa kanilang sarili, ibinubulalas nila, “Isa akong diyablo, isang buhay na Satanas, isang taong lumalaban sa Diyos. Naghihimagsik ako laban sa Kanya at nagkakanulo sa Kanya; isa akong ulupong, isang masamang tao. Nararapat akong sumpain.” Tunay ba itong pagkakilala sa sarili? Pangkalahatang ideya lang ang sinasabi nila. Bakit hindi sila nagbibigay ng mga halimbawa? Bakit hindi nila ibinubunyag ang mga kahiya-hiyang bagay na ginawa nila at hindi hinihimay-himay at inilalantad ang mga ito? Naririnig sila ng ilang taong hindi marunong kumilatis at iniisip ng mga ito, “Aba, tunay na pagkakilala iyon sa sarili! Kilala pa nga nila ang kanilang sarili bilang isang diyablo, at isinusumpa nila ang kanilang sarili. Napakataas naman ng naabot nila!” Madaling malihis ng ganitong mga salita ang maraming tao, lalo na ang mga bagong mananampalataya. Akala nila na dalisay at may espirituwal na pang-unawa ang taong nagsasalita, na isa itong tao na nagmamahal sa katotohanan, at maaaring maging isang lider. Gayumpaman, sa sandaling makasalamuha na nila siya nang ilang panahon, natutuklasan nilang hindi pala gaya ng iniisip nila ang taong iyon, kundi lubos na huwad at mapanlinlang ito, mahusay sa pagbabalatkayo at pagkukunwari, na talaga namang nakakadismaya. Sa anong batayan kaya masasabi na talagang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi mo puwedeng isaalang-alang lang ang sinasabi nila—ang susi ay ang tingnan kung nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, at kung kaya ba nila itong isagawa pagkatapos nila itong maunawaan. Para sa mga tunay na nakauunawa sa katotohanan, hindi lamang nila nagagawang magkaroon ng tunay na pagkakilala sa kanilang sarili, ang pinakamahalaga, naisasagawa nila ang katotohanan. Hindi lamang nila sinasabi ang kanilang tunay na pagkaunawa, kundi nagagawa rin talaga nila ang sinasabi nila. Ibig sabihin, ganap na magkaayon ang kanilang mga salita at kilos. Kung maganda at matinong pakinggan ang sinasabi nila, pero hindi nila ito ginagawa, hindi ito isinasabuhay, kung gayon sa bagay na ito ay naging mga Pariseo sila, mapagpaimbabaw sila, at tiyak na hindi mga taong tunay na nakakikilala sa kanilang sarili. Maraming tao ang napakatinong pakinggan kapag nagbabahagi sila tungkol sa katotohanan, pero hindi nila namamalayan kapag nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon. Kilala ba ng mga taong ito ang kanilang sarili? Kung hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, sila ba ay mga taong nakakaunawa sa katotohanan? Ang lahat ng hindi nakakikilala sa sarili ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, at lahat ng nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita ng pagkakilala sa sarili ay may huwad na espirituwalidad, sila ay mga sinungaling. Ang ilang tao ay labis na matinong pakinggan kapag nagsasalita ng mga salita at doktrina, pero pagdating sa kalagayan ng kanilang mga espiritu, sila ay manhid at mapurol ang isip, hindi matalas ang kanilang pakiramdam, at hindi sila tumutugon sa anumang isyu. Masasabi na manhid sila, pero minsan, parang napakatalas ng kanilang espiritu kung pakikinggan sila. Halimbawa, pagkatapos na pagkatapos na mangyari ang isang bagay, nagagawa nilang makilala kaagad ang kanilang sarili, sinasabing, “Ngayon-ngayon lang nabunyag sa akin ang isang ideya. Pinag-isipan ko ito at napagtanto ko na ito ay mapanlinlang, na nililinlang ko ang Diyos.” Naiinggit ang ilang taong hindi marunong kumilatis kapag naririnig nila ito, sinasabing, “Napagtatanto kaagad ng taong ito kapag mayroon siyang pagbubunyag ng katiwalian, at nagagawa niyang ipagtapat at ibahagi ang tungkol dito. Napakabilis ng reaksiyon niya, matalas ang kanyang espiritu, mas mahusay siya kaysa sa atin. Tunay ngang isa itong taong naghahangad ng katotohanan.” Tumpak na paraan ba ito ng pagsukat sa mga tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ba ang dapat na maging batayan sa pagsusuri kung tunay bang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi lang ito dapat kung ano ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Dapat mo ring tingnan kung ano talaga ang naipapamalas sa kanila. Ang pinakasimpleng paraan ay ang tingnan kung naisasagawa ba nila ang katotohanan—ito ang pinakamahalaga. Kung kaya nilang isagawa ang katotohanan, pinatutunayan nito na tunay nilang kilala ang kanilang sarili, dahil ang mga tunay na nakakikilala sa kanilang sarili ay nagpapamalas ng pagsisisi, at kapag nagpapamalas ng pagsisisi ang mga tao saka lamang nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Halimbawa, maaaring alam ng isang tao na siya ay mapanlinlang, na puno siya ng maliliit na pakana at puno ng pagbabalak, at maaari din niyang mahalata kapag nagbubunyag ng panlilinlang ang iba. Kaya dapat mong suriin kung tunay siyang nagsisisi at iwinawaksi niya ang kanyang mapanlinlang na disposisyon pagkatapos niyang aminin na siya ay mapanlinlang. At kung muli siyang magbunyag ng panlilinlang, suriin kung makararamdam ba siya ng pag-usig sa sarili at kahihiyan sa paggawa nito, kung taimtim ba siyang nagsisisi. Kung wala siyang kahihiyan, lalo nang walang pagsisisi, ang kanyang pagkakilala sa sarili niyang panlilinlang ay pahapyaw at basta-basta lang, iniraraos lang ang mga bagay-bagay; hindi ito tunay na pagkakilala. Hindi niya nararamdaman na ang panlilinlang ay napakasamang bagay o na ito ay malademonyo, at lalong hindi niya nararamdaman kung gaano kawalanghiya at kaubod ng sama na pag-uugali ang manlinlang. Iniisip niya, “Mapanlinlang ang lahat ng tao. Tanging ang mga hangal ang hindi mapanlinlang. Hindi ka magiging masamang tao sa kaunting panlilinlang. Wala akong ginawang masama; hindi ako ang pinakamapanlinlang na tao.” Kaya bang tunay na makilala ng gayong tao ang sarili niya? Tiyak na hindi. Ito ay dahil wala siyang kaalaman sa mapanlinlang niyang disposisyon, hindi niya kinapopootan ang panlilinlang, at lahat ng sinasabi niya tungkol sa pagkakilala sa sarili ay isang uri ng pagbabalatkayo, ito ay hungkag na salita. Ang hindi pagkilala sa sariling mga tiwaling disposisyon ay hindi tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi tunay na nakikilala ng mga mapanlinlang na tao ang mga sarili nila, dahil para sa kanila, hindi madaling tanggapin ang katotohanan. Kaya, gaano man karaming mga salita at doktrina ang nasasabi nila, hindi talaga sila magbabago.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagkakilala sa Sarili ay Mahalaga sa Paghahangad ng Katotohanan
Ang pag-alam sa diwa ng iyong mga tiwaling disposisyon ay hindi simpleng gampanin. Ang pagkilala sa sarili mo ay hindi pagsasabi nang pangkalahatan na “Isa akong tiwaling tao; isa akong diyablo; ako ang supling ni Satanas, ang inapo ng malaking pulang dragon; salungat at mapanlaban ako sa Diyos; kaaway Niya ako.” Ang gayong pananalita ay hindi naman nangangahulugan na mayroon kang tunay na pagkakilala tungkol sa iyong sariling katiwalian. Maaaring natutuhan mo ang mga salitang iyon mula sa ibang tao at hindi mo gaanong kilala ang sarili mo. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay hindi batay sa natututunan o mga paghusga ng tao, batay ito sa mga salita ng Diyos—ito ay ang makita nang malinaw ang pagdurusa at mga bunga na idinulot ng mga tiwaling disposisyon, at pagdanas kung paanong hindi lang ikaw ang pinipinsala ng iyong mga tiwaling disposisyon, kundi pati na rin ang ibang tao. Ito ay ang matalos ang katunayan na ang mga tiwaling disposisyon ay nagmumula kay Satanas, na ang mga ito ay mga lason at pilosopiya ni Satanas, at na ganap na antagonistiko ang mga ito sa katotohanan at sa Diyos. Tanging kapag nakilatis mo na ang problemang ito, magkakaroon ka ng pagkakilala sa iyong mga tiwaling disposisyon. Kinikilala ng ilang tao na sila ay mga diyablo at mga Satanas, pero hindi nila tinatanggap ang mapungusan, o hindi nila inaamin na may nagawa silang mali o na nilabag nila ang katotohanan. Ano ang problema rito? Hindi pa rin nila kilala ang sarili nila. Sinasabi ng ilang tao na sila ay mga diyablo at mga Satanas, subalit kung tatanungin mo sila ng, “Bakit mo sinasabi na ikaw ay isang diyablo at isang Satanas?” hindi sila makasasagot. Ipinapakita nito na hindi nila alam ang kanilang mga tiwaling disposisyon, o ang kanilang kalikasang diwa. Kung mapagtatanto nila na ang kanilang kalikasan ay ang kalikasan ng diyablo, na ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay ang mga disposisyon ni Satanas, at dahil dito ay aaminin na sila ay isang diyablo at isang Satanas, saka lang nila makikilala ang sarili nilang kalikasang diwa. Ang tunay na pagkilala sa sarili ay nakakamit sa pamamagitan ng paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas sa mga salita ng Diyos. Nakakamit ito sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Paano man magsalita ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, ang sinasabi nila ay hungkag at hindi praktikal, dahil hindi nila maunawaan ang ugat ng problema o ang sarili nilang kalikasang diwa. Para makilala ang sarili, dapat aminin ng isang tao, sa mga partikular na kaso, kung anong mga tiwaling disposisyon ang ibinunyag niya, anong mga intensyon at halong dumi ang mayroon siya, anong mga katotohanang prinsipyo ang nilabag niya, at bakit hindi niya nagawang isagawa ang katotohanan. Ang isang tao ay mayroon lang pagkilala sa sarili kapag kaya niyang sabihin nang malinaw ang mga bagay na ito. Kapag pinupungusan o ibinubunyag ang ilang tao, ipinapakita nila ang tiwaling disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan, at kasabay nito, nagkakaroon sila ng mga paghihinala, maling pagkaunawa, at pagiging mapagbantay laban sa Diyos. Sa pamamagitan ng paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakikilala nila ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, at inaamin din nila na ang lahat ng salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao ay tunay. Pinatutunayan nito na mayroon silang kaunting pagkilala sa sarili. Ngunit dahil wala silang pagkakilala tungkol sa Diyos o sa Kanyang gawain, dahil hindi nila nauunawaan ang Kanyang mga layunin, lubhang mababaw ang pagkakilala nila sa sarili. Kung kinikilala lamang ng isang tao ang kanyang sariling katiwalian ngunit hindi pa natatagpuan ang ugat ng problema, malulutas ba ang kanyang mga hinala, maling pagkaunawa, at pagbabantay laban sa Diyos? Hindi. Ito ang dahilan kaya ang pagkakilala sa sarili ay higit pa sa basta pagkilala lamang sa katiwalian at mga problema ng isang tao—kailangan niya ring maunawaan ang katotohanan at malutas ang ugat ng problema ng kanyang tiwaling disposisyon. Saka lang makikilatis ng isang tao ang katotohanan ng kanyang katiwalian at tunay siyang makakapagsisi. Kapag iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikilala ang kanilang sarili, nagagawa rin nilang hanapin at unawain ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga problema. Ang ganitong uri lamang ng pagkakilala sa sarili ang nagkakaroon ng mga resulta. Tuwing nababasa ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang isang parirala ng mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tao, bago ang lahat, may pananalig siya na ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao ay totoo at tunay, at na ang mga salita ng Diyos na humahatol sa tao ay ang katotohanan at na kumakatawan ang mga ito sa Kanyang pagiging matuwid. Ito ay isang bagay na nagagawang makilala, kahit papaano, ng mga nagmamahal sa katotohanan. Kung ang isang tao ay hindi man lang naniniwala sa mga salita ng Diyos, at hindi naniniwala na ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa mga tao ay mga katunayan at ang katotohanan, makikilala ba niya ang kanyang sarili batay sa Kanyang mga salita? Siguradong hindi—kahit na gustuhin niya, hindi niya ito magagawa. Kung kaya mong maging matatag sa iyong paniniwala na lahat ng salita ng Diyos ay katotohanan, at maniwala sa mga salita ng Diyos anuman ang sabihin ng Diyos o ang paraan ng pagsasalita Niya, kung nagagawa mong maniwala at tanggapin ang Kanyang mga salita kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, magiging madali para sa iyo na pagnilay-nilayan at kilalanin ang sarili mo batay sa mga ito. Ang pagninilay sa sarili ay kailangang batay sa katotohanan. Walang kaduda-duda iyan. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan—wala ni isa sa mga salita ng tao at wala ni isa sa mga salita ni Satanas ang katotohanan. Ginagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan gamit ang lahat ng uri ng pag-aaral, turo, at teorya sa loob ng libo-libong taon—at naging manhid na ang mga tao at mapurol ang utak, at hindi lamang sila wala ni katiting na pagkakilala tungkol sa kanilang sarili, kundi sinasamba pa nila ang mga maling pananampalataya at maling kaisipan at ayaw nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong katulad nito ay hindi matutubos. Yaong mga sinserong nananampalataya sa Diyos ay may pananalig na ang Kanyang mga salita lamang ang katotohanan, at nagagawa nilang kilalanin ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at sa gayon ay natatamo nila ang tunay na pagsisisi. Ang ilang tao ay hindi naghahangad ng katotohanan; ibinabatay lamang nila ang kanilang pagninilay tungkol sa kanilang sarili sa natutuhan ng tao, at wala silang inaamin kundi ang makasalanang pag-uugali lamang, samantala, hindi nila natatalos ang sarili nilang tiwaling diwa. Ang gayong pagkakilala sa sarili ay isang walang-saysay na pagsisikap at wala itong ibinubunga. Kailangang ibatay ng isang tao ang kanyang pagninilay sa sarili sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos magnilay-nilay, unti-unti niyang malalaman ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita niya. Kailangan masukat at malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang pagkataong diwa, kanyang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, kanyang pananaw at pagpapahalaga sa buhay, batay sa katotohanan, at pagkatapos ay magkaroon ng isang tumpak na pagtatasa at hatol sa lahat ng bagay na ito. Sa ganitong paraan, unti-unti siyang magtatamo ng pagkakilala tungkol sa kanyang sarili. Ngunit mas lumalalim ang pagkakilala sa sarili habang mas dumarami ang kanyang natatamong buhay karanasan, at bago niya matamo ang katotohanan, magiging imposible para sa kanya na ganap na matalos ang kanyang kalikasang diwa. Kung tunay na kilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita niya na ang mga tiwaling tao ay tunay ngang supling at mga pagsasakatawan ni Satanas. Madarama niya na hindi siya nararapat na mabuhay sa harap ng Diyos, na hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, at magagawa niyang ganap na magpatirapa sa harapan ng Diyos. Yaon lamang mga kayang magkaroon ng gayong antas ng kaalaman ang tunay na nakakakilala sa kanilang sarili.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (1)
Mayroon na kayo ngayong kaunting pagkakilatis sa mga tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag. Kapag malinaw na ninyong nakikita kung aling mga tiwaling disposisyon ang may tendensiya pa rin kayong ibunyag sa mga karaniwang sitwasyon, at kung anong mga bagay ang malamang na gagawin pa rin ninyo na hindi alinsunod sa katotohanan, ang paglilinis sa mga tiwaling disposisyon ninyo ay magiging madali. Bakit hindi makontrol ng mga tao ang kanilang mga sarili sa maraming bagay? Dahil sa lahat ng oras, at sa lahat ng aspekto, nakokontrol sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, na naglilimita at nanggugulo sa kanila sa lahat ng bagay. Kapag maayos ang lagay ng lahat ng bagay, at hindi sila nadapa o naging negatibo, palaging nadarama ng ilang tao na mayroon silang tayog, at wala lang sa kanila kapag nakakakita sila ng isang masamang tao, isang huwad na lider, o isang anticristo na nabubunyag at itinitiwalag. Magyayabang pa sila sa harap ng lahat na, “Ang sinumang iba pa ay maaaring madapa, pero hindi ako. Ang sinumang iba pa ay maaaring hindi nagmamahal sa Diyos, pero mahal ko ang Diyos.” Iniisip nila na kaya nilang manindigan sa kanilang patotoo sa anumang sitwasyon o kalagayan. Subalit sa huli, dumarating ang isang araw na sinusubok sila at nagrereklamo at umaangal sila tungkol sa Diyos. Hindi ba’t pagkabigo ito, hindi ba’t pagkadapa ito? Wala nang nakapagbubunyag sa mga tao nang higit pa kaysa sa mga pagsubok. Sinisiyasat ng Diyos ang nasa pinakakaibuturan ng puso ng tao, at hindi dapat nagyayabang ang mga tao anumang oras. Anuman ang kanilang ipinagyayabang, doon sila madarapa balang araw, sa malao’t madali. Kapag nakikita nila na nadarapa o nabibigo ang iba sa ilang partikular na sitwasyon, hindi nila ito iniintindi, at iniisip pa nga nila na sila mismo ay hindi maaaring mabigo, na magagawa nilang manindigan—ngunit sila rin, ay humahantong sa pagkadapa at pagkabigo sa parehong mga sitwasyon. Paano ito nangyari? Ito ay dahil hindi lubos na nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa; kulang pa rin sa lalim ang kanilang kaalaman tungkol sa mga problema sa kanilang sariling kalikasang diwa, kaya napakahirap para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang tao ay lubos na mapanlinlang, at hindi matapat sa kanilang mga salita at gawa, ngunit kung tatanungin mo sila kung sa anong aspekto pinakamatindi ang kanilang tiwaling disposisyon, sasabihin nila, “Bahagya akong mapanlinlang.” Sasabihin lamang nila na sila ay bahagyang mapanlinlang, subalit hindi nila sasabihing ang mismong kalikasan nila ay mapanlinlang, at hindi nila sinasabi na sila ay isang mapanlinlang na tao. Ang kanilang kaalaman tungkol sa sarili nilang tiwaling kalagayan ay hindi gaanong malalim, at hindi nila ito itinuturing na ganoon kalubha, o ganoon kalubos, tulad ng ginagawa ng iba. Mula sa pananaw ng ibang tao, ang taong ito ay napakamapanlinlang at napakabaliko, at may panlalansi sa lahat ng sinasabi niya, at ang kanyang mga salita at kilos ay hindi kailanman matapat—subalit hindi nagagawa ng taong iyon na makilala nang ganoon kalalim ang kanyang sarili. Kahit na mayroon siyang kaunting kaalaman, mababaw lang iyon. Sa tuwing nagsasalita at kumikilos siya, nagbubunyag siya ng ilang bahagi ng kanyang kalikasan, ngunit hindi niya ito namamalayan. Naniniwala siya na ang pagkilos niya nang ganoon ay hindi isang pagbubunyag ng katiwalian, iniisip niya na naisagawa na niya ang katotohanan—pero para sa mga nag-oobserba, ang taong ito ay nananatiling lubhang baliko at mapanlinlang, at ang mga salita at kilos niya ay nananatiling lubhang hindi matapat. Na ibig sabihin, ang mga tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sariling kalikasan, at may napakalaking pagkakaiba sa pagitan nito at ng mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa kanila. Hindi ito isang pagkakamali sa kung ano ang inilalantad ng Diyos, kundi, ang mga tao ay walang sapat na malalim na pagkaunawa sa sarili nilang kalikasan. Ang mga tao ay walang pundamental o esensiyal na pagkaunawa sa kanilang mga sarili; sa halip, itinutuon at inilalaan nila ang kanilang lakas sa pagkilala sa kanilang mga kilos at panlabas na mga pagbubunyag. Kahit na ang ilang tao ay paminsan-minsang nagagawang magsalita nang kaunti tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, hindi ito magiging napakalalim. Walang tao ang nag-isip kailanman na siya ay isang partikular na uri ng tao o na mayroon siyang partikular na uri ng kalikasan dahil gumawa siya ng isang partikular na uri ng bagay o nagbunyag ng isang partikular na bagay. Nailantad na ng Diyos ang kalikasan at diwa ng tao, subalit ang nauunawaan ng mga tao ay na ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay at kanilang mga paraan ng pananalita ay may kapintasan at depektibo; bilang resulta, lubhang mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Iniisip ng mga tao na ang kanilang mga pagkakamali ay pansamantalang mga pagpapamalas lamang na nabubunyag nang walang ingat, sa halip na mga pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Kapag ganito mag-isip ang mga tao, napakahirap para sa kanila na talagang makilala ang mga sarili nila, at napakahirap para sa kanila na maunawaan at maisagawa ang katotohanan. Dahil hindi nila alam ang katotohanan at hindi sila nauuhaw para dito, kapag isinasagawa ang katotohanan, sumusunod lamang sila sa mga regulasyon sa pabasta-bastang paraan. Hindi itinuturing ng mga tao ang kanilang sariling kalikasan na napakasama, at naniniwala sila na hindi sila ganoon kasama na aabot sila sa puntong mamatay o maparusahan. Ngunit ayon sa mga pamantayan ng Diyos, lubhang malalim na natiwali ang mga tao, malayo pa sila sa mga pamantayan para sa kaligtasan, dahil nagtataglay lamang sila ng ilang pamamaraan na sa panlabas ay hindi mukhang lumalabag sa katotohanan, at sa katunayan, hindi sila nagsasagawa ng katotohanan at hindi mapagpasakop sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kung masyadong mababaw ang pagkakilala ng isang tao sa kanyang sarili, hindi nito malulutas ang anumang problema, at tiyak na hindi magbabago ang kanyang buhay disposisyon. Dapat mong kilalanin ang iyong sarili sa isang malalim na antas. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa iyong kalikasan, at pag-alam kung anong mga elemento ang nilalaman nito, kung saan nagmumula ang mga bagay na ito, at kung saan nanggagaling ang mga ito. Dagdag pa rito, kaya mo ba talagang kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at ang iyong buktot na kalikasan? Kung tunay mong makikita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay sinusubukan mong isagawa ang mga salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkamit ng lakas para isagawa ang katotohanan, at hindi na ito magiging parang isang pagsisikap nang husto. Bakit maraming tao ang kumikilos ayon sa mga kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nilang napakabuti ng kanilang sarili, at pakiramdam nila na ang kanilang mga kilos ay labis na angkop at makatwiran, na walang anumang pagkakamali, at ganap na tama pa nga, kaya kumikilos sila nang may tiwala sa sarili. Kapag tunay na nilang nakilala kung ano talaga ang kanilang kalikasan—kung gaano ito kapangit, kakasuklam-suklam, at kakaawa-awa—hindi na magiging masyadong mataas ang tingin nila sa sarili at hindi na sila magiging sobrang mayabang, at hindi na sila gaanong matutuwa sa kanilang sarili. Iisipin nila, “Kailangan kong isagawa ang ilang salita ng Diyos nang praktikal. Kung hindi, hindi ako aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiya akong mabuhay sa presensya ng Diyos.” Tunay nilang makikita ang kanilang sarili bilang maliit at tunay na walang-halaga. Sa puntong ito, magiging madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan, at magmumukha silang medyo tulad ng isang tunay na tao. Tanging kapag tunay na kinamumuhian ng isang tao ang kanyang sarili saka niya kayang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi niya kinamumuhian ang kanyang sarili, hindi niya kayang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Hinihingi nito sa isang tao na maunawaan ang ilang katotohanan: Una, dapat magtaglay siya ng pagkakilala tungkol sa kanyang kalikasan. Pangalawa, dapat niyang makita na siya ay dukha at kaawa-awa, na siya ay napakaliit at labis na walang-halaga, at dapat niyang makita ang kanyang kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubusan na niyang nakita kung ano talaga siya—kapag nakamit na ang resultang ito—tunay siyang nagkakamit ng pagkakilala tungkol sa kanyang sarili, at masasabing tumpak na tumpak ang pagkakilala niya sa kanyang sarili. Tanging sa puntong ito niya magagawang kamuhian ang kanyang sarili, at magagawang sumpain pa nga ang kanyang sarili, tunay na nararamdaman na ang mga tao ay lubhang ginawang tiwali ni Satanas kaya’t wala na silang anumang wangis ng tao. Isang araw, kung tunay siyang maharap sa banta ng kamatayan, iisipin niya, “Ito ang matuwid na kaparusahan ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos. Nararapat akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magpapahayag ng kanyang mga hinaing, lalong hindi siya magrereklamo tungkol sa Diyos—mararamdaman lamang niya na siya ay lubhang dukha, kaawa-awa, marumi, at tiwali, at na dapat siyang itiwalag at lipulin ng Diyos, at mararamdaman niya na ang isang kaluluwang tulad ng sa kanya ay hindi karapat-dapat na mabuhay sa lupa. Samakatwid, hindi siya magrereklamo o lalaban sa Diyos, lalong hindi niya ipagkakanulo ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Tinatawag na Pagkakilala sa Sarili
Kaugnay na mga Himno
Dapat Makilala ng mga Tao ang Kanilang Sarili Ayon sa mga Salita ng Diyos