46. Tanging ang mga nakakakilala sa Diyos ang makapaglilingkod sa Kanya at makakapagpatotoo sa Kanya
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan sa ganap na katapatan sa Diyos. Pribado man o publiko, sa presensiya ng Diyos, dapat nagagawa ng mga kilos mo na palugurin Siya, at dapat nagagawa ng lahat ng ito na manatiling matatag sa harap ng Diyos; paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, dapat palagi mong tahakin ang landas na dapat mong tahakin para magpakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nagagawa ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang atas ng Diyos at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang ituring ang puso ng Diyos bilang kanila, at akuin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang pakinabang o kawalan ng kanilang kinabukasan sa hinaharap—kahit na ang kinabukasan nila ay na wala silang makakamit, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging mananampalataya sa Diyos nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga kapalagayang-loob; ang mga kapalagayang-loob lamang ng Diyos ang maaaring makibahagi sa Kanyang pagkaapurahan, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay masakit at mahina, natitiis nila ang pasakit at tinatalikdan ang minamahal nila upang mapalugod ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan sa patotoo ng ganoong mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga taong naglilingkod sa Diyos na naaayon sa Kanyang mga layunin, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring gumamit ng kapangyarihan bilang mga hari kasama ng Diyos. Ang panahon kung kailan ka tunay na naging kaniig ng Diyos ay ang mismong panahon na ikaw ay gagamit ng kapangyarihan bilang isang hari kasama ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos
Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng makilala ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi dapat lapastanganin, ni hindi magagawang baguhin ng tao ang dati nitong pagkakilala sa Diyos tungo sa isang bagong pagkakilala. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng pagkakilala tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang makilala ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya iniligtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang bigyang-kahihiyan ang Kanyang pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, nakatuon lang sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang diwa nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang mentalidad, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang mental na pananaw, at ang dati nilang kalikasan ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na pagkakilala tungkol sa kanilang sarili. Ang wangis ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyonal na imahe ng isang kathang-isip na diyos. Ang determinasyon nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting personalidad ng kanilang pagkatao. Kahit nananampalataya sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagkilatis, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng pagkakilala tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang likas na wangis, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang hindi tumpak ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano man sila kahandang magdusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang wangis ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila sumasailalim sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit nananampalataya sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng arbitraryong paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa kabuuan; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano na lang kaya ang masasabi tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya ng sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba’t lahat sila ay yaong hindi pa ganap na nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong mentalidad, iyong pagkakilala tungkol sa buhay, at iyong pagkakilala tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng bagong pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang resulta sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang pagsunod mo sa Diyos, kung gayon, ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa walang patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay nagdurusa at gumugugol ng oras sa bilangguan sa buong buhay nila, lagi silang matiisin, mapagmahal, nagpapasan ng krus, at sinisiraan sila at itinatakwil ng mundo—nagdaranas ng lahat ng hirap. Bagama’t masunurin sila hanggang sa pinakahuli, hindi pa rin sila nalupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating mentalidad, mga dating kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at pag-iisip ng tao ang napungusan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang pagkakilala tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa mga layunin ng Diyos. Paglilingkod ba ito sa Diyos? Anuman ang pagkakilala mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong pagkakilala sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at pag-iisip anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na pagkakilala tungkol sa Diyos at kung nabigo kang makilala ang likas na wangis at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong pagkakilala sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at mga imahinasyon at kuru-kuro pa rin ng tao, hindi ka pa nalupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para ipaalam sa iyo, para akayin ka ng kaalamang ito sa isang mas bago at tumpak na pagkakilala; ang mga ito ay para pungusan din ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong mapagpasakop, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay lalong magiging tumpak, lalong magagawang tugunan ang mga layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (3)
Ang lahat ng tao na may determinasyon ay maaaring maglingkod sa Diyos—subalit ang mga tao lamang na nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos ang kalipikado at may karapatang maglingkod sa Diyos. Natuklasan Ko ito sa gitna ninyo: Karamihan ng tao ay naniniwala na hangga’t masigasig nilang ipinapangaral ang daan para sa Diyos, humahayo sila para sa Diyos, gumugugol ng kanilang mga sarili at isinusuko ang mga bagay-bagay para sa Diyos, at iba pa, ito ay paglilingkod sa Diyos. Ang karamihan sa mga relihiyosong tao ay naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibitbit ng Bibliya habang paroo’t parito, pangangaral sa ebanghelyo ng kaharian ng langit at pagliligtas sa mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanila na magsisi at magtapat. Marami ring opisyal ng relihiyon ang nag-iisip na ang paglilingkod sa Diyos ay binubuo ng pangangaral sa mga kapilya matapos makakuha ng mataas na edukasyon at magsanay sa seminaryo, at pagtuturo sa mga tao sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga talata ng Bibliya. Higit pa rito, may mga tao sa “naghihirap na mga rehiyon” na naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo sa gitna ng kanilang mga kapatid, pananalangin para sa kanila, at paglilingkod sa kanila. Sa gitna ninyo, marami ang naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pananalangin sa Diyos araw-araw, pati na ang pagbisita at paggawa ng mga gawain sa mga iglesia saanman. May ibang mga kapatid na naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng hindi pag-aasawa kailanman o pagsisimula ng isang pamilya at paglalaan ng kanilang buong sarili sa Diyos. Ngunit iilang tao ang nakakaalam kung ano talaga ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos. Bagaman ang mga naglilingkod sa Diyos ay kasingdami ng mga bituin sa kalangitan, ang bilang ng mga direktang nakakapaglingkod, at mga may kakayahang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ay kakaunti—hamak na kakaunti. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil hindi ninyo nauunawaan ang diwa ng pariralang “paglilingkod sa Diyos,” at labis na kakaunti ang nauunawaan ninyo sa kung paano maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos. May agarang pangangailangan na maunawaan ng mga tao kung anong uri talaga ng paglilingkod sa Diyos ang alinsunod sa Kanyang mga layunin.
Kung nais ninyong maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, kailangan muna ninyong maunawaan kung anong uri ng mga tao ang nakalulugod sa Diyos, kung anong uri ng mga tao ang kinamumuhian ng Diyos, kung anong uri ng mga tao ang ginagawang perpekto ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang kalipikadong maglingkod sa Diyos. Kahit paano, dapat kayong masangkapan ng kaalamang ito. Ang mas mahalaga, dapat ninyong malaman ang layon ng gawain ng Diyos, at ang gawain na gagawin ng Diyos sa kasalukuyan. Matapos maunawaan ito, at sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, dapat muna kayong magkaroon ng pagpasok, at tanggapin muna ninyo ang atas ng Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos, at kapag tunay na ninyong nakikilala ang gawain ng Diyos, kayo ay magiging kalipikadong maglingkod sa Diyos. At bubuksan ng Diyos ang inyong espirituwal na mga mata kapag pinaglilingkuran ninyo Siya at tutulutan Niya kayong magkaroon ng higit na pagkaunawa sa Kanyang gawain at makita ito nang mas malinaw. Kapag pumasok ka sa realidad na ito, ang iyong mga karanasan ay magiging mas malalim at praktikal, at ang lahat sa inyo na nagkaroon na ng ganoong mga karanasan ay magagawang lumakad sa gitna ng mga iglesia at magtustos sa inyong mga kapatid, upang ang bawat isa sa inyo ay makahugot ng kalakasan sa isa’t isa upang mapunan ang inyong sariling mga pagkukulang, at makapagtamo ng mas mayamang pagkakilala sa inyong mga espiritu. Matapos makamit ang epektong ito, saka lamang ninyo makakayang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos at magagawang perpekto ng Diyos sa panahon ng inyong paglilingkod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos
Maaaring magkaroon ng positibong epekto sa mga tao ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos at sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Makatutulong ito sa kanila na magkaroon ng higit na pananalig sa Diyos at makatutulong sa kanila na magkaroon ng tunay na pagpapasakop at tunay na takot sa Kanya. Kung gayon, hindi na sila bulag na susunod o sasamba sa Kanya. Hindi nais ng Diyos ang mga taong magulo ang isip o yaong bulag na sumusunod sa karamihan, kundi sa halip ay ang isang grupo ng mga tao na mayroong malinaw na pagkaunawa at kaalaman sa disposisyon ng Diyos sa kanilang mga puso at maaaring magpatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga tao na, dahil sa Kanyang pagiging kaibig-ibig, dahil sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon, ay hindi kailanman lilisanin o tatalikuran ang Diyos. Bilang isang tagasunod ng Diyos, kung sa iyong puso ay nakikita mo pa rin ang tunay na pag-iral ng Diyos, ang Kanyang disposisyon, ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, at ang Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan bilang napakalabo, hindi malinaw, at nakalilito, hindi makakamit ng iyong pananampalataya ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi nakalulugod sa Diyos na sumunod sa Kanya ang ganitong uri ng tao, at hindi Niya gusto na humarap sa Kanya ang ganitong uri ng tao. Sapagkat hindi nauunawaan ng ganitong uri ng tao ang Diyos, hindi niya kayang ibigay ang kanyang puso sa Diyos, at sarado ang kanyang puso sa Kanya, ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay puno ng mga karumihan at ang kanyang pagsunod sa Diyos ay matatawag lamang na bulag. Tanging kapag mayroong tunay na pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos ang mga tao sila makakakuha ng tunay na pananampalataya at magiging tunay na mga tagasunod, habang kasabay nito ay nagkakaroon ng tunay na pagpapasakop at tunay na takot sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang nila maibibigay ang kanilang puso sa Diyos at mabubuksan ang mga ito sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, sapagkat ang lahat ng kanilang ginagawa at iniisip ay makatatagal sa pagsubok ng Diyos at makapagpapatotoo para sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Kung gaano karaming pagkaunawa ukol sa Diyos ang mayroon sa puso ng mga tao, iyon din ang lawak ng posisyon na Kanyang inookupa sa kanilang mga puso. Kung gaano kalaki ang antas ng pagkakilala sa Diyos na nasa kanilang mga puso ay ganoon kadakila ang Diyos sa kanilang mga puso. Kung ang diyos na kilala mo ay hungkag at kathang-isip, kung gayon, ang diyos na sinasampalatayanan mo ay hungkag at kathang-isip din, at ang diyos na kilala mo ay limitado sa sarili mong saklaw, at walang kinalaman sa tunay na Diyos Mismo. Kaya, ang pagkilala sa praktikal na mga gawa ng Diyos, ang pagkilala sa pagiging praktikal ng Diyos at Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang pagkilala sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, ang pagkilala sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang pagkilala sa mga gawa na ipinamalas Niya sa gitna ng lahat ng bagay—ang mga ito ay napakahalaga sa bawat isang tao na naghahangad ng pagkilala sa Diyos. Ang mga ito ay may direktang kaugnayan sa kung makapapasok o hindi ang mga tao sa katotohanang realidad. Kung iyong lilimitahan ang iyong pagkaunawa sa Diyos sa mga salita lamang, kung lilimitahan mo ito sa maliliit mong karanasan, sa biyaya ng Diyos na inililista mo, o sa iyong mga munting patotoo sa Diyos, kung gayon sasabihin Ko na ang diyos na iyong sinasampalatayanan ay tiyak na hindi ang tunay na Diyos Mismo. Masasabi rin na ang diyos na sinasampalatayanan mo ay isang kathang-isip na diyos, hindi ang tunay na Diyos. Ito ay dahil ang tunay na Diyos ay ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, na lumalakad sa gitna ng lahat, na namamahala sa lahat. Siya ang humahawak sa kapalaran ng buong sangkatauhan at ng lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay. Ang gawain at mga gawa ng Diyos na binabanggit Ko ay hindi limitado lamang sa maliit na bahagi ng mga tao. Ibig sabihin, ang mga ito ay hindi limitado lamang sa mga tao na sumusunod sa Kanya sa kasalukuyan. Sa halip, ang Kanyang mga gawa ay ipinamamalas sa lahat ng bagay, sa pag-iral ng lahat ng bagay, at sa mga batas ng pagbabago ng lahat ng bagay. Kung hindi mo makikita o makikilala ang alinman sa mga gawa ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, kung gayon ay hindi mo kayang magpatotoo sa alinman sa Kanyang mga gawa. Kung hindi mo kayang magbigay ng anumang patotoo sa Diyos, kung patuloy kang nagsasalita gaya ng dati tungkol sa maliit na kung tawagin ay diyos na kilala mo, ang diyos na iyon na limitado sa iyong sariling mga ideya at umiiral lamang sa loob ng iyong makitid na isipan, kung nagpapatuloy kang magsalita tungkol sa gayong uri ng diyos, kung gayon, hindi kailanman sasang-ayunan ng Diyos ang iyong pananalig. Kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, kung ginagawa mo lamang ito sa mga paraan kung paano mo tinatamasa ang biyaya ng Diyos, kung paano mo tinatanggap ang disiplina ng Diyos at ang Kanyang pagtutuwid, at kung paano mo tinatamasa ang Kanyang mga pagpapala, kung gayon ay lubhang hindi sapat iyon at malayo pa nga sa pagbibigay ng kasiyahan sa Kanya. Kung gusto mong magpatotoo sa Diyos sa paraan na naaayon sa Kanyang mga layunin, na magpatotoo sa tunay na Diyos Mismo, kung gayon, kailangan mong makita ang tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos sa Kanyang mga gawa. Kailangan mong makita ang awtoridad ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay, at makita ang katunayan ng kung paano Siya nagtutustos para sa buong sangkatauhan. Kung kinikilala mo lamang na ang iyong pang-araw-araw na pagkain at inumin at ang iyong mga pangangailangan sa buhay ay nagmumula sa Diyos, ngunit hindi mo nakikita ang katunayan na ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha para magtustos sa buong sangkatauhan, at na, sa pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay inaakay Niya ang buong sangkatauhan, kung gayon, hindi mo kailanman magagawang magpatotoo sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX
Bilang isang nilikha, kung nais mong tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos para sa mga nilikha, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi pasok sa pamantayan bilang mga nilikha! Bilang isang nilikha, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, higit pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang sangkatauhan hanggang sa ngayon, at hindi mo alam kung sino ang namumuno sa buong sangkatauhan, ang paggampan mo ng iyong tungkulin ay imposible. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa, hindi na Niya nilisan ang tao. Hindi tumitigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa tao, at hindi iniwan kailanman ang tao. Ngunit hindi natatanto ng tao na may Diyos, lalong hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilikha? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilikha, subalit hindi mo alam ang iyong sariling kasaysayan, hindi alam kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, at hindi mo alam ang mga gawaing ginawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ang mga bagay na ito, hindi ka magiging kalipikado kailanman na maging tagapagpatotoo ng Diyos. Ngayon, muling personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at idinudulot na mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—kung gayon, hindi ba’t ikaw ang hindi tatanggap ng biyayang nagliligtas? Yaong mga kay Satanas ay hindi nakauunawa sa mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga hinirang ng Diyos ay nakaririnig sa tinig ng Diyos. Lahat ng nakakaalam at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at makapagpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong ititiwalag. Yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos at hindi nakatatanto sa gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng pagkakilala sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi kayang magpatotoo sa Diyos. Kung nais mong maging tagapagpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang pagkakilala sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa huli, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong makilala ang gawain ng Diyos: Ang pagkakilala sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, bubuo ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakikilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos. Maisasagawa nila ang katotohanan, at magtataglay sila ng pagkatao at katwiran. Malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang kristalisasyon ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos
Hinihikayat Ko kayong gumugol ng totoong pagsisikap na maunawaan ang nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap na kilalanin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong walang pakundangan magsasalita, at maglilitanya kayo ng matatayog-pakinggan na salita, hindi namamalayang nalalapastangan ninyo ang disposisyon ng Diyos at nasasadlak kayo sa kadiliman, nawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, ginagawa at sinasabi ninyo ang hindi dapat, matatanggap mo ang retribusyong nararapat sa iyo. Dapat mong malaman na kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Ang dahilan kaya nakatatanggap ka ng retribusyon ay dahil nagkasala ka sa Diyos, hindi isang tao. Kung sa buhay mo ay maraming beses kang lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang hindi alinsunod sa katotohanan, at wala nang iba. Gayumpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, wala kang ipinakitang tanda ng pagsisisi o pagbabalik-loob, wala nang ibang pagpipilian kundi ang masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. Maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sila sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mananatiling buhay hanggang sa huli. Gayumpaman, ang matatapat ang gusto Ko; kung isa kang matapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging katapatang-loob ng Diyos. Kung sa mga kilos mo ay hindi mo nilalapastangan ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay pasok sa pamantayan ang pananalig mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa takot ay malamang na malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga ipinapahiwatig ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting intensiyon, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinapatalsik sila mula sa sambahayan ng Diyos, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay natapos na. Ginagawa ng mga taong ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting intensiyon, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, delusyonal na iniisip na magagamit ang mga ito rito nang napakadali. Hindi nila kailanman naipagpapalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa pagiging katapatang-loob ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Kaugnay na mga Himno
Tanging sa Pagkilala sa mga Gawa ng Diyos Tunay na Makapagpapatotoo ang Isang Tao sa Kanya
Yaon Lamang mga Nakakakilala sa Diyos ang Makapagpapatotoo sa Kanya
Ang Pagkilala sa Diyos ang Dapat Maging Paghahangad ng mga Mananampalataya