45. Paano mauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, hayagang hinahatulan ang di-mabilang na mga tao, at pineperpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunan. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang paghihimagsik at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao kung ano talaga sila kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang di-mabilang na mga tao ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at ipinapamalas sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at sa gayon, lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi. Samakatwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan. Ang disposisyon ng Diyos ay naipapamalas at nasisiwalat para sa kapakanan ng gawain ng bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na, sa mga huling araw ng pagbubunyag sa mga kalalabasan ng mga tao, mamahalin pa rin ng Diyos ang mga tao nang may walang hanggang awa at mapagmahal na kabaitan, at patuloy na magiging mapagmahal sa kanila, hindi sila isinasailalim sa matuwid na paghatol kundi nagpapakita sa kanila ng kaluwagan, pagtitimpi, at pagpapatawad, at papatawarin sila gaano man kalubha ang mga kasalanan nila, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol. Kung gayon, kailan magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang akayin ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa angkop na hantungan ng sangkatauhan? Maihahalintulad ito sa isang hukom na laging mapagmahal sa mga tao, isang mapagmahal na hukom na may maamong mukha at malambot na puso, na nagmamahal sa mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at nagpapakita sa kanila ng pagmamahal at pagtitiis sinuman sila—kailan makaaabot ang gayong hukom sa isang makatarungang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makakapagbukod-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa mga tao sa isang bagong dako. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay matatapos sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Ako ang natatangi na Diyos Mismo at, higit pa rito, Ako ang kaisa-isang persona ng Diyos. Higit pa roon, Ako, ang kabuuan ng katawang-tao, ang ganap na pagpapamalas ng Diyos. Sinumang nangangahas na hindi matakot sa Akin, sinumang nangangahas na kontrahin Ako sa kanilang mga mata, at sinumang nangangahas na kontrahin Ako sa kanilang mga labi ay tiyak na mamamatay dahil sa Aking mga sumpa at poot. (Magkakaroon ng pagsumpa dahil sa Aking poot.) At sinumang maglalakas-loob na hindi maging tapat o maging mabuting anak sa Akin, at sinumang maglalakas-loob na subukang manlinlang sa Akin, ay tiyak na mamamatay sa Aking pagkamuhi. Ang Aking katuwiran, pagiging maharlika at paghatol ay mananatili magpakailan pa man. Noong una, Ako ay mapagmahal at mahabagin, ngunit hindi ito ang disposisyon ng Aking ganap na pagka-Diyos; tanging ang pagiging matuwid, pagiging maharlika at paghatol ang disposisyon Ko—ang disposisyon ng ganap na Diyos Mismo. Noong Kapanahunan ng Biyaya, Ako ay mapagmahal at mahabagin. Dahil sa gawain na kailangan Kong tapusin, taglay Ko ang mapagmahal na kabaitan at habag; ngunit pagkatapos, wala nang pangangailangan para sa mga ganoong bagay (at hindi na nagkaroon simula noon). Pawang katuwiran, pagiging maharlika, at paghatol, at ito ang ganap na disposisyon ng Aking normal na pagkatao kasama ang Aking ganap na pagka-Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 79
Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, isasagawa Ko ang Aking paghatol, at gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo. Tiyak na ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humusga, dahil sa Akin, lahat ng bagay ay naisakatuparan na; at dito, hayaang makita ng bawat tao ang Aking buong karangalan, at matikman ang Aking buong tagumpay, dahil sa Akin lahat ng bagay ay naipapamalas. Sapat ito para maipakita ang Aking dakilang kapangyarihan at ang Aking awtoridad. Walang mangangahas na gumawa ng mga pagkakasala sa Akin, at walang mangangahas na humadlang sa Akin. Sa Akin, hayag ang lahat—sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko sila palalampasin! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga tampalasang iyon, at kailangang mapuksa mula sa Aking paningin ang mga kasuklam-suklam na taong iyon. Pamamahalaan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, nang wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin, sapagkat Ako ang Diyos Mismo, na maharlika at na walang mga damdamin ng laman at hindi nalalabag. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, para maiwasang hampasin at lipulin Ko sila “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat hahampasin ng Aking tungkod ang lahat ng gumagawa ng mga pagkakasala sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; hindi ito isang bagay na inaalala Ko, dahil ang Aking persona ay hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala mula sa sinuman. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi na Ako ay isang leon; hinahampas Ko ang sinumang Aking nakakatagpo. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may awa at mapagmahal na kabaitan. Sa diwa, hindi Ako isang kordero, kundi isang leon. Walang sinuman ang nangangahas na gumawa ng mga pagkakasala laban sa Akin; ang sinumang gumagawa, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad, nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin kahit kaunti.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120
Ako ay matuwid, Ako ay tapat, at Ako ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang tunay at kung sino ang huwad. Huwag kayong mabalisa, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking panahon. Sino ang taos na nagnanais sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Tumuon lamang kayo sa ganap na pagkain at pag-inom, at lumapit sa Aking presensiya, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na magmadaling makamit ang mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa sa isang iglap lamang. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggagantimpala sa kabutihan. Ako ay lubos na walang pinapanigan sa tao. Ikaw na sinserong nagmamahal sa Akin, sinsero kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi sinserong nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang matandaan nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Huwag kang kumilos sa isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit sa ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita ang lahat ng iyon. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo, at napakahusay sa iyong mumunting kalkulasyon. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi siya makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng bagay at lahat ng kaganapan ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang mambola o magkubli ng katunayan. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na nang hayagan? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang sinsero, agad at walang habag Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay sumapit na sa hangganan nito; wala nang natitira pa. Huwag na kayong maging mga mapagpaimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing arogante at walang pakundangan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44
Upang maunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kailangang maunawaan muna ng isang tao ang kagalakan, galit, hinagpis, at kaligayahan ng Diyos: kung ano ang Kanyang kinamumuhian, kung ano ang Kanyang kinasusuklaman, kung ano ang Kanyang minamahal, kung kanino Siya nagpaparaya at naaawa, at sa anong uri ng tao Niya ipinagkakaloob ang awang iyon. Ito ay isang pangunahing punto. Dapat ding maunawaan ng isang tao na gaano man kamahal ng Diyos ang tao, gaano man kalaki ang awa at mapagmahal na kabaitan ang ipinagkakaloob Niya sa mga tao, hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala mula sa sinumang tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, gayundin ang Kanyang dignidad. Kahit na mahal ng Diyos ang mga tao, hindi Niya sila binibigyang-layaw. Ibinibigay Niya sa mga tao ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagpaparaya, ngunit hindi Niya sila kailanman pinalalayaw. Mayroong Kanyang mga prinsipyo at Kanyang mga hangganan ang Diyos. Gaano man kalaki ang naramdaman mong pagmamahal na ibinigay sa iyo ng Diyos, gaano man kalalim ang pakiramdam ng pagmamahal na iyon para sa iyo, kailanman ay hindi mo dapat tratuhin ang Diyos na parang Siya ay isang tao. Bagaman totoo na itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang Kanyang pinakamamahal, kung itinuturing mo ang Diyos bilang tao, bilang isang tao na katumbas ng isang nilikha, o bilang isang kaibigan o isang pakay ng pagsamba, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at aabandonahin ka. Ito ang Kanyang disposisyon, at walang sinuman ang pinahihintulutang maging walang-ingat tungkol sa isyung ito. Kaya, madalas nating nakikita ang mga salitang tulad nito na sinasabi ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon: Hindi mahalaga kung gaano kalayo na ang inyong nalakbay, gaano karaming gawain ang inyong nagawa, o gaano karaming pagdurusa ang inyong natiis; kung sasalungatin ninyo ang disposisyon ng Diyos, gagantihan Niya ang bawat isa sa inyo batay sa inyong nagawa. Ang ibig sabihin nito ay itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang Kanyang pinakamamahal, ngunit hindi ninyo dapat tratuhin ang Diyos bilang isang kaibigan o isang kamag-anak. Huwag ninyong tratuhin ang Diyos bilang inyong katropa. Gaano mo man nadarama na minamahal ka ng Diyos at mapagparaya Siya sa iyo, kailanman ay hindi mo dapat ituring ang Diyos bilang iyong kaibigan. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII
Ang pagiging hindi nalalabag ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang pagiging maharlika ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagrerepresenta sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa, na hindi nagbabago kahit kaunti sa paglipas ng panahon, at hindi rin ito nagbabago kasabay ng mga pagbabago sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang likas na diwa. Kanino man Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil lumilitaw ang ibang mga elemento sa Kanyang disposisyon, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay sumasalungat sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, nakikipagbuno sa Kanya ang tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag lumalaban ang tao sa Diyos, kapag nakikipagbuno ang tao sa Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos, iyon mismo ang sandali kung kailan laganap ang kasalanan—sa gayong mga pagkakataon, ang poot ng Diyos ay likas na mabubunyag at magpapakita. Samakatwid, ang pagpapakawala ng poot ng Diyos ay isang simbolo na ang lahat ng masamang puwersa ay titigil sa pag-iral, at isa itong simbolo na ang lahat ng mapanlabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ito ang mismong panahon kung kailan pakakawalan ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, ang lahat ng puwersang iyon sa mundo na nakikipagtunggali sa Diyos, antagonistiko sa Kanya, at sumusubok na makipagkompetensiya sa Kanya, ay masama, tiwali, at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula kay Satanas at kay Satanas. Dahil ang Diyos ay makatarungan, sa liwanag, at banal at walang-dungis, ang lahat ng bagay na masama, tiwali, at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Kapag ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang galit, napipigil ang masasamang puwersa at nawawasak ang masasamang bagay, samantalang natatanggap ng mga makatarungan at positibong bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos at ang mga ito ay pinahihintulutang magpatuloy. Ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang mga hindi makatarungan, negatibo at masamang bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layon ng galit ng Diyos ay hindi ang pangalagaan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi pangalagaan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, pangalagaan ang mga batas at tuntunin ng normal na pag-iral ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang galit ng Diyos ay talagang isang nararapat, likas at tunay na pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na motibo sa Kanyang galit, at ni pagkatuso o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, pamiminsala, karahasan, kabuktutan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ibuhos ng Diyos ang Kanyang poot, natalos na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pagtukoy at mga kongklusyon tungkol sa bawat usapin. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip, hindi Siya bulag, mapusok, o arbitraryo, at tiyak na hindi Siya walang prinsipyo. Ito ang praktikal na aspekto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspektong ito ng poot ng Diyos kaya nakakapamuhay nang normal ang sangkatauhan. Kung wala ang poot ng Diyos, malulugmok ang sangkatauhan sa mga delikadong kalagayan ng pamumuhay at ang lahat ng bagay na makatarungan, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikha ay masisira o tuluyang mawawasak pa nga. Mula sa paglikha ng sangkatauhan, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging kapita-pitagan, ang lahat ng masamang tao, bagay at pangyayari, at lahat ng bagay na gumugulo at sumisira sa normal na pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol, at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang hampasin at wasakin ang lahat ng uri ng maruruming espiritu at masasamang espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alipin ni Satanas sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Ibig sabihin, dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamakatarungang layon sa gitna ng sangkatauhan ay hindi kailanman nawasak.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang pakikitungo ng Diyos sa buong sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagtitimpi. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nananatiling nakatago at hindi nalalaman ng tao sa malaking mayorya ng panahon at sa malaking mayorya ng mga kaganapan. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makita ang pagpapahayag ng poot ng Diyos, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag nahaharap ang mga tao sa huling gawain at hakbang ng Diyos ng pagpapakita ng pagtitimpi at pagpapalampas sa tao—ibig sabihin, kapag ang huling pagkakataon ng awa ng Diyos at ang Kanyang huling babala ay dumating sa mga tao—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga pamamaraan upang labanan ang Diyos at hindi sila magsisisi, magbabalik-loob, o hindi nila tatanggapin ang Kanyang awa kahit kaunti, kung gayon, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagtitimpi at pagpapasensiya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ibubuhos na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.
Ginamit ng Diyos ang apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma. Sa mga mata ng Diyos, ito ang pinakamabilis na paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Ang pagsusunog sa mga mamamayan ng Sodoma ay hindi lang para wasakin ang kanilang mga pisikal na katawan, higit pa rito, ito ay para wasakin ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa, at ang kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspekto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na pagbubunyag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa pagbubunyag ng anumang awa o mapagmahal na kabaitan, ni hindi na Siya naglalabas pa ng Kanyang pagpaparaya o pagpapasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging mapagpasensya, na muling ipagkaloob ang Kanyang awa, minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, nang walang pagkaantala kahit isang sandali, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging kapita-pitagan, at ginagawa kung ano ang Kanyang nilalayon, ginagawa ito sa isang mabilis at malinis na paraan, at tinitiyak na makakamit nito ang Kanyang ninanais na kinalabasan. Ito ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot at pagiging kapita-pitagan, na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala, at isa rin itong pagpapamalas ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nakikita ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, hindi nakikita ang Kanyang pagiging maharlika o hindi nadarama ang Kanyang di-pagkunsinti sa anumang pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang palaging maling nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpaparaya at pagmamahal lamang. Gayumpaman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o nakita ang Kanyang pagkamuhi sa isang sangkatauhan, ang Kanyang galit sa paglipol sa sangkatauhan at ang Kanyang pagiging kapita-pitagan ay nagbibigay-daan sa mga tao na makita ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon, na siyang di-pagkunsinti ng Diyos sa anumang pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikha, at sa mga di-nilikha, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; lalong hindi ito kayang pekein o tularan. Sa gayon, ang aspektong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang pinakadapat makilala ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging ang Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil namumuhi Siya sa kabuktutan, kadiliman, paghihimagsik, at iba’t ibang masamang gawa na ginawa ni Satanas sa pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan, sapagkat kinamumuhian Niya ang lahat ng makasalanang gawa na salungat sa Kanya, at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikha na hayagang kumontra o makipagtunggali sa Kanya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili, ay kailangan lamang galitin ang Kanyang disposisyon at sumalungat sa Kanyang mga prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala nang walang kahit katiting na awa o pag-aalinlangan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Kapag hinaharap ang bawat isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya mula sa anumang karumihan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na ito ay banal at walang kapintasan. Kasama sa mga gawang ito ang paghampas, kaparusahan, at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang eksepsiyon, ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay eksaktong ipinapahayag nang alinsunod sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano. Hindi kasama sa mga ito ang kaalaman, tradisyon, at pilosopiya ng sangkatauhan at sa halip ay ganap na mga pagpapahayag ng disposisyon at diwa ng Diyos, walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa kuru-kuro ng tao, tanging ang pagmamahal, awa at pagtitimpi ng Diyos sa tao ang walang-bahid, walang-halo, at banal, at walang nakaaalam na ang galit ng Diyos at ang Kanyang poot ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapag-isip nang mabuti ng mga katanungang tulad ng bakit hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ang Diyos o bakit ang Kanyang galit ay napakatindi. Bagkus, napagkakamalan ng ilan ang poot ng Diyos bilang init ng ulo, gaya ng sa tiwaling sangkatauhan, at nagkakamali ng pagkaunawa sa galit ng Diyos bilang kagaya ng galit ng tiwaling sangkatauhan. Nagkakamali pa nga sila sa pagpapalagay na ang galit ng Diyos ay katulad lamang ng likas na pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Nagkakamali sila ng paniniwala na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling sangkatauhan kapag sila ay nahaharap sa isang nakadidismayang sitwasyon, umaabot pa nga sa puntong nagkakamali sila ng paniniwala na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay isa ring pagpapahayag ng Kanyang lagay ng loob. … Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling tunay na diwa. Hindi ito isang bagay na nilikha o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong relasyon o ugnayan sa mga nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo, at hindi Siya kailanman magiging isang nilikha. Kahit na maging miyembro Siya ng mga nilikha, ang Kanyang likas na disposisyon at ang Kanyang diwa ay hindi magbabago. Samakatwid, ang pagkakilala sa Diyos ay hindi kapareho ng pagkakilala sa isang bagay; hindi ito paghihimay sa isang bagay, ni katulad ng pag-unawa sa isang tao. Kung gagamitin mo ang iyong konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi ka kailanman magkakamit ng pagkakilala sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos ay hindi puwedeng nakasalalay sa karanasan o mga imahinasyon, at samakatwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o mga imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at mga imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan. Higit pa riyan, ang iyong mga imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at hindi kaayon ng tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong mga imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging landas ay ito: Tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at kilalanin ito. Darating ang araw na bibigyang-liwanag ka ng Diyos upang Siya ay tunay mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipagtulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Nang binago ng Diyos ang Kanyang puso sa mga taga-Ninive, isang pagkukunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagtitimpi? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang naipakita ng pagbabago sa pagitan ng dalawang aspektong ito ng disposisyon ng Diyos sa panahon ng pagharap ng Diyos sa isang sitwasyong ito? Ang disposisyon ng Diyos ay isang ganap na buo—hinding-hindi ito nahahati. Nagpapahayag man Siya ng galit o awa at pagtitimpi tungo sa mga tao, ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay puno ng buhay at masigla, at binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya, na hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo—Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kung paanong maaari rin Niyang patawarin ang kanilang nakaraan dahil sa kanilang saloobin; maaari Siyang magpasya na magpadala ng kalamidad sa mga taga-Ninive, at maaari rin Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga regulasyon, at gumamit ng mga regulasyon upang limitahan at bigyang-kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang mga kongkretong ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipan Niya ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspekto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan, at na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng buhay at masigla. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang katotohanan ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal na kabaitan, at Kanyang pagtitimpi. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar alinsunod sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at pagkahabag at pagtitimpi ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi kumukunsinti sa mga pagkukuwestiyon, paglabag, pagbabago, o pamamaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng pangyayari at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos—iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos—ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar. Nagbibigay Siya ng buhay na pagpapahayag sa mga aspektong ito sa bawat sulok ng sangnilikha, at isinasakatuparan Niya ang mga iyon nang may sigla sa bawat paglipas ng sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon o espasyo; sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag nang mekanikal o ibinubunyag ayon sa paglilimita ng mga panahon o espasyo, kundi sa halip, malayang naihahayag at nabubunyag sa anumang oras at lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso, huminto sa paghahayag ng Kanyang poot, at nagpasyang hindi na wasakin ang lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay binubuo ng walang-saysay na mga salita? Kapag nagpapakawala ang Diyos ng matinding poot at binabawi ang Kanyang awa, masasabi mo ba na wala Siyang tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Ipinapahayag ng Diyos ang matinding poot na ito bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig bilang tugon sa pagsisisi ng mga tao, at nagbabago ang Kanyang isip dahil dito. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita Siya ng awa at pagtitimpi sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis, at walang halo. Ang pagtitimpi ng Diyos ay pagtitimpi lamang, at ang Kanyang awa ay awa lamang. Ang Kanyang disposisyon ay nagbubunyag ng poot o nagpapahayag ng awa at pagtitimpi ayon sa iba’t ibang pagpapamalas ng tao at sa pagsisisi nito. Kahit anuman ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; naiiba ito mula sa diwa ng anumang nilikha. Sa loob ng mga prinsipyo ng pagkilos na ipinapahayag ng Diyos, ng Kanyang mga kaisipan at ideya, pati na ng bawat desisyon at bawat kilos na ginagawa Niya—walang anumang kapintasan o dungis. Dahil nakapagpasya na nang gayon ang Diyos at dahil nakakilos na Siya nang gayon, iyon ang Kanyang isinasakatuparan, at ang resultang ito ay tama at walang pagkakamali, dahil ang pinagmulan nito ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagtitimpi ng Diyos ay hindi taglay ng sinuman sa mga nilikha, banal at walang-kapintasan, at kayang tagalan ang maingat na paglilimi at karanasan.
Yamang nalaman na ang kuwento ng Ninive, nakikita na ba ninyo ang kabilang panig ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng ganitong uri ng poot, ang poot ng Diyos? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng awa at pagpaparaya na tinataglay ng Diyos? Sino sa mga nilikha ang makapagpapakawala ng gayon katinding poot at makapagpapasya na wasakin o padalhan ng kalamidad ang sangkatauhan? At sino ang kalipikado na magkaloob ng awa sa sangkatauhan, na magtimpi at magpatawad, at sa gayon ay baguhin ang kanyang naunang pasya na lipulin ang sangkatauhan? Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo, at hindi Siya nagpapasailalim sa kontrol o mga limitasyong ipinataw ng sinumang tao, alinmang mga pangyayari o bagay-bagay. Sa loob ng Kanyang natatanging disposisyon, walang sinuman ang nakapagpapabago sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang nakahihimok sa Kanya at nakapagpapabago ng alinman sa Kanyang mga pagpapasya. Ang lahat ng asal at kaisipan ng mga nilikha ay umiiral sa ilalim ng paghuhukom ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makakakontrol kung magpapakawala man Siya ng poot o magkakaloob ng awa; tanging ang diwa lamang ng Lumikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Lumikha—ang nakapagpapasya rito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Lumikha!
Sa pamamagitan ng pagbibigay-kahulugan sa pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, nagagawa ba ninyong gamitin ang salitang “natatangi” upang ilarawan ang awa na matatagpuan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauna na nating sinabi na ang poot ng Diyos ay isang aspekto ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Bibigyang-kahulugan Ko ngayon ang dalawang aspekto—ang poot ng Diyos at ang awa ng Diyos—bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay hindi nalalabag, ni hindi nito pinapalampas ang makuwestiyon ng sinuman; ito ay isang bagay na hindi taglay ng sinuman sa mga nilikha o di-nilikha. Ito ay kapwa natatangi at para lamang sa Diyos. Ibig sabihin, ang poot ng Diyos ay banal at hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala. Gayundin, ang isa pang aspekto ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal din at hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala. Walang sinuman sa mga nilikha o di-nilikha ang makapapalit o kayang kumatawan sa Diyos sa paggawa ng layon Niyang gawin, ni makapapalit o kayang kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagliligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang habag at pagtitimpi ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang galit ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nalalabag. Kapag ganap na kaya ng tao na sundin ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay puno ng katiwalian, gayunman, at umaapaw sa pagkamapanlaban at pagkapoot sa Kanya, ang Diyos ay lubhang galit. Hanggang sa anong antas Siya nagagalit? Mananatili ang Kanyang galit hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsalungat at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na ang mga ito sa Kanyang paningin. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanyang puso ay naging malayo sa Diyos at tumalikod sa Diyos, at hindi na mababawi, kung gayon, sa panlabas o sa usapin ng kanyang mga personal na pagnanais, paano man niya nais na sumamba at sumunod at magpasakop sa Diyos sa kanyang katawan o sa kanyang pag-iisip, hangga’t tumalikod ang kanyang puso sa Diyos, ang galit ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Magiging ganoon na kapag pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, pagkatapos bigyan ng sapat na mga pagkakataon ang taong iyon, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magtitimpi sa gayong tao. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi dapat malabag. … Siya ay mapagtimpi at maawain sa mga bagay na mabait at maganda at mabuti; sa mga bagay na masama, makasalanan, at buktot, Siya ay lubhang galit kaya’t Siya ay walang tigil sa Kanyang galit. Ang mga ito ay dalawang pangunahing aspekto ng disposisyon ng Diyos na mga pinakamahalaga, pinakaprominente, at, higit pa rito, naibunyag mula sa Diyos nang paulit-ulit mula umpisa hanggang katapusan: saganang habag at malalim na galit.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, kumikilos Siya nang may tamang sukatan. Alam Niya kung ano ang gagawin at kung paano ito gagawin, at tiyak na hindi Niya ipapagawa sa mga tao ang anumang bagay na higit pa sa kanilang likas na mga kapabilidad. Ang pagtrato ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon at konteksto sa panahong iyon, pati na rin sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman inaagrabyado ng Diyos ang sinuman. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Halimbawa, natukso si Eba ng ahas na kumain ng bunga mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama, ngunit hindi siya sinumbatan ni Jehova sa pagsasabing, “Sinabi Ko sa iyo na huwag kainin iyan, kaya bakit ginawa mo pa rin? Dapat ay nagkaroon ka ng pagkilatis; dapat ay nalaman mo na nagsalita lang ang ahas para tuksuhin ka.” Hindi sinumbatan ni Jehova si Eba nang ganoon. Ito ay dahil ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at alam Niya kung ano ang kanilang likas na mga kapabilidad at kung ano ang itinutulot ng mga ito na gawin ng mga tao, kung hanggang saan kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sarili, at kung gaano kalaki ang maaaring makamit ng mga tao. Alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pagtrato ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Ang saloobin ng Diyos sa isang tao—kung gusto Niya ito, tutol dito, o kinasusuklaman ito—ay pangunahing nakabatay sa saloobin ng taong iyon sa katotohanan. Anuman ang sabihin ng isang tao sa anumang konteksto, sinisiyasat at nauunawaan ito ng Diyos, dahil sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging naniniwala ang mga tao, “Taglay ng Diyos ang pagka-Diyos lang. Siya ay matuwid at hindi nalalabag ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa kanilang kalagayan. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.” Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng mga tao sa gawain ng Diyos, sa Kanyang mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, at sa Kanyang pagiging matuwid, isa itong malubhang pagkakamali. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Susuklian Niya ang bawat tao ayon sa kanilang nagawa. Matuwid ang Diyos, at sa malao’t madali, gagawin Niyang lubos na kumbinsido ang lahat ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sinasabi ng mga tao, “Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao?” Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan Ko ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayumpaman, ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay pawang naglalaman ng mga angkop na kondisyon, at na ang Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Hindi mahalaga sa Akin ang iyong senyoridad o kung gaano na karami ang karanasan mo; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw sa katotohanan o hindi. Kung wala kang katotohanan, at sa halip ay nagbibigay-kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi ka kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang alalahanin o malasakit, kung gayon sa panahong iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung sumunod ka sa lahat ng salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at nakasama Siya sa pagdanas ng mga pagkakataong mabubuti at masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip ang tungkol sa pagsasabuhay ng isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang mga nakamit, nagtiis ako ng paghihirap; tiyak na tatandaan Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi sumusunod sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang eksepsiyon! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; sa huli, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Sumunod ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagiging matuwid na iyong sinasabi ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid, na Ako ay patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at magkakamit ng Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas”: Ang mga sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan; sila, na pagkatapos Kong malupig, ang naghahanap ng katotohanan at ginagawang perpekto. Ilang hinihingi ang natugunan mo? Natugunan mo lang ang hinihingi na sumunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay sumunod sa Aking mga salita? Natugunan mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensiyon na tugunan ang natitirang apat. Natagpuan mo lang ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at naghangad ka nang may saloobin na umaasa lamang na suwertehin. Sa gayong tao na katulad mo, ang Aking matuwid na disposisyon ay nangangahulugan lang ng pagkastigo at paghatol, at matuwid na retribusyon; nangangahulugan ito ng matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama. Ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay ipinapahayag sa kaparusahan ng tao, ang tao ay matitigilan, at makadarama ng pagsisisi na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya sumunod sa Kanyang daan. “Noong panahong iyon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi ko sinunod ang daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Ano’t anuman, nakasunod naman ako sa Iyo hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging masyadong matinding pagkastigo, at pagkatapos Mo akong kastiguhin, nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad ng mga masasawi; iyong mga masasawi ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinasabi. Hindi ito sitwasyon kung saan ang mga maayos na umaamin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagiging matuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nalalabag ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng pagkasuklam ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nagbabago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Iyon ang panahon na ang mga hantungan ng sangkatauhan ay mabubunyag; ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi na gagawin, at ang retribusyon ay ilalapat sa bawat isa sa mga gumagawa ng kasamaan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Dapat lubos na maunawaan ng isang tao ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos at dapat niyang maipaliwanag at maarok ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Higit pa riyan, dapat ding pagdaanan ng isang tao ang tunay na karanasan at makamtan ang kaliwanagan ng Diyos para tunay niyang makilala ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos. Hindi dapat sukatin ng isang tao ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos batay sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinaparusahan ang masasama, sinusuklian ng kabutihan ang mabubuting tao at sinusuklian ng kasamaan ang masasamang tao, at ang mga taong hindi gumagawa ng masama ay dapat pagkalooban ng kabutihan at makatanggap ng mga pagpapala. Lumalabas na ang lahat ng tao na hindi masama ay dapat suklian ng kabutihan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kuru-kuro ng mga tao? Kung hindi sila pagkalooban ng kabutihan, sasabihin mo bang hindi matuwid ang Diyos? Halimbawa, noong kapanahunan ni Noe, sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa” (Genesis 6:13). Pagkatapos ay inutusan Niya si Noe na bumuo ng arka. Pagkatapos tanggapin ni Noe ang atas ng Diyos at buuin ang arka, bumuhos sa mundo ang malakas na ulan sa loob ng apatnapung araw at gabi, nalubog ang buong mundo sa baha at, maliban kay Noe at sa pitong miyembro ng kanyang pamilya na sumakay sa arka at nanatiling buhay, nilipol ng Diyos ang lahat ng tao sa kapanahunang iyon. Ano ang tingin mo rito? Masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Para sa tao, gaano man katiwali ang tao, basta’t nililipol siya ng Diyos, ibig sabihin nito ay hindi mapagmahal ang Diyos. Tama ba ito? Hindi ba’t baligho ito? Hindi minahal ng Diyos ang mga taong nilipol Niya, pero masasabi mo ba na hindi Niya minahal iyong mga nakapanatili at iyong mga nakatamo ng Kanyang pagliligtas? Minahal ni Pedro ang Diyos sa pinakamakakaya niya at minahal ng Diyos si Pedro—masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Mahal ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya at kinamumuhian at sinusumpa Niya ang mga taong lumalaban sa Kanya at nagmamatigas na tumatangging magsisi. Ang Diyos ay mayroong pagmamahal at pagkamuhi. Ito ay totoo. Hindi dapat limitahan o husgahan ng mga tao ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ibig sabihin, ang kanilang mga paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, ay walang anumang katotohanan. Dapat makilala ng isang tao ang Diyos batay sa Kanyang saloobin sa sangkatauhan, sa Kanyang disposisyon at diwa. Hinding-hindi dapat subukan ng isang tao na limitahan ang disposisyon ng Diyos at kung anong diwa mayroon ang Diyos batay sa mga anyo ng mga bagay na iyon na ginagawa at tinutugunan ng Diyos. Nagawang tiwali ni Satanas nang husto ang sangkatauhan na talagang hindi nila alam ang kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, lalo na kung ano talaga ang tiwaling sangkatauhan sa harap ng Diyos, o kung paano sila dapat tratuhin ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Gawing halimbawa si Job, siya ay isang matuwid na tao at pinagpala siya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Nakipagpustahan si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa diyos? Hindi ba’t pinalibutan mo siya ng bakod, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakwil ka niya nang harap-harapan” (Job 1:9–11). Sinabi ng Diyos na si Jehova: “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Kaya’t nagpunta si Satanas para atakehin at tuksuhin si Job, at naharap si Job sa mga pagsubok. Ang lahat ng mayroon siya ay kinuha sa kanya—nawala ang kanyang mga anak at pag-aari, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng pigsa. Kumatawan ba sa matuwid na disposisyon ng Diyos ang mga pagsubok kay Job? Hindi ninyo masabi nang malinaw, hindi ba? Kahit na ikaw ay isang matuwid na tao, mayroong karapatan ang Diyos na isailalim ka sa mga pagsubok, at idulot na magpatotoo ka para sa Kanya. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid; pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat. Hindi naman totoo na ang mga taong matuwid ay hindi na kailangang sumailalim sa mga pagsubok dahil kaya nilang tiisin ang mga ito o na dapat protektahan ang mga taong matuwid. Hindi ganoon iyon. May karapatan ang Diyos na isailalim ang matutuwid na tao sa mga pagsubok. Ito ang pagpapamalas ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa huli, matapos na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok at nagpatotoo siya para kay Jehova, pinagpala siya ni Jehova nang higit pa kaysa dati, nang mas mainam pa nga kaysa dati, at dinoble ng Diyos ang mga pagpapalang ibinigay sa kanya. Bukod dito, nagpakita sa kanya si Jehova at kinausap siya mula sa hangin, at nakita ni Job ang Diyos na tila kaharap niya ang Diyos. Isa itong pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Paano kung matapos sumailalim si Job sa mga pagsubok at nakita ni Jehova kung paano nagpatotoo si Job sa Kanya sa presensya ni Satanas at ipinahiya ni Job si Satanas, ay tumalikod na si Jehova at binalewala Niya si Job, at hindi tumanggap si Job ng mga pagpapala pagkatapos—magkakaroon ba ito ng katuwiran ng Diyos? Pinagpala man si Job pagkatapos ng mga pagsubok o hindi, o kung si Jehova ay nagpakita man sa kanya o hindi, naglalaman ito ng mabuting layunin ng Diyos. Ang pagpapakita kay Job ay pagiging matuwid ng Diyos, at ang hindi pagpapakita sa kanya ay pagiging matuwid din ng Diyos. Sa anong batayan ka—na isang nilikha—gumigiit sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggiit sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay hinding-hindi pagiging patas o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo para sa iyong gawain, o pagbabayad sa iyo para sa anumang gawaing natapos mo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang makilala ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay na nilipol ng Diyos si Job matapos magpatotoo para sa Kanya si Job: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanilang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita ang isang bagay bilang naaayon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung nilipol ng Diyos si Job noon, hindi sasabihin ng mga tao na Siya ay matuwid. Ang totoo, hindi alintana kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung malalim man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Dapat bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga kautusan na inorden Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at may tendensiya na lumaban sa Diyos ay walang anumang halaga; paano man siya pangangasiwaan ng Diyos ay magiging angkop, at lahat ito ay ayon sa mga pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugod-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya nilipol ka, ito ba ay pagiging matuwid Niya? Ganoon din ito. Maaaring hindi mo pa ito maunawaan sa ngayon mula sa perspektiba ng mga katunayan, ngunit dapat mo itong maunawaan sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapamalas ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung tinulutan Niyang manatili si Satanas? Hindi na kayo mangangahas na sabihin iyon, tama ba? Ang diwa ng Diyos ay pagiging matuwid. Bagama’t hindi madaling maunawaan ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng tao ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabubuting layunin; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita ninyo na ngayon na ang dahilan kaya hindi winawasak ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan ay para makikita nang malinaw ng sangkatauhan kung paano nagawang tiwali ni Satanas ang tao at ang lawak ng pagtiwali nito sa tao, at kung paano dinadalisay at inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na hitsura ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagkawasak ni Satanas ay naglalaman ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi ito maintindihan ng mga tao, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi makatwiran para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at pagkatapos ay sinasabi nila na hindi Siya matuwid, masyado silang hindi makatwiran. Kita mo, nakita rin ni Pedro ang ilang bagay na hindi maarok, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at nasa mga bagay na iyon ang mabubuting layunin ng Diyos, na hindi maarok ng mga tao ang mga iyon, at na mayroong napakakaunting mga bagay na kaya nilang maarok. Sa gayon, hindi madaling makilala ang disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang awa Ko ay ipinapahayag sa mga nagmamahal sa Akin at tumatalikod sa kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasamang tao ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang sumunod sa Akin sa loob ng maraming taon pero nakagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakikita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng hindi nahahating katapatan sa Akin ay magagalak at papalakpak, pinupuri ang dakilang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang isang di-mailarawang lagay ng loob ng kaligayahang walang inaalala at mamumuhay sila sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa mundo ng tao. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinapopootan ang kanyang masasamang gawa. Mula nang simulan Kong unang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa Ko sa isipan. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa isipan; palagi Ko silang kinamumuhian sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na ikalulugod Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!
Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng destinasyon ng tao. Higit pa rito, ito ay alang-alang sa pagdulot sa lahat ng tao na kilalanin ang mga gawa at mga kilos Ko. Ipapakita Ko sa bawat tao na ang lahat ng nagawa Ko ay tama at isang pagpapahayag ng disposisyon Ko, na hindi ito kagagawan ng tao, at lalong hindi ito kalikasan na nagluwal sa sangkatauhan, at na sa halip ay Ako ang nagtutustos sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa gitna ng lahat ng bagay. Kung wala ang pag-iral Ko, mamamatay lamang ang sangkatauhan at magdurusa sa hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang makakikitang muli kailanman sa napakarikit na araw at buwan, o sa luntiang mundo; tanging madilim at malamig na gabi lamang ang sasapitin ng sangkatauhan at ang di-matatakasang lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang katubusan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, sa Akin Mismo nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan, kung wala Ako, magdurusa lang ng nakasisirang kalamidad at mayuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na masusuklian Ako ng tao ng ilang mabuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang magsukli sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng gawain na malapit nang maganap, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at labis Akong nasisiyahan. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Ano’t anuman, umaasa Akong maghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa hantungan ninyo. Saka lang Ako malulugod; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa daluyong ng sakuna. Nagmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay pinamamatnugutan Ko. Kung hindi kayo magmumukhang mabuti sa paningin Ko, hindi kayo makatatakas mula sa pagdurusa sa sakuna.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Diyos ay Napakamatuwid
Matapos Malaman na Inalis sa Iglesia ang mga Magulang Ko
Kaugnay na mga Himno
Ang Paghatol ng Diyos ay Ganap nang Naihayag
Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos ay Buhay na Buhay at Masigla
Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos ay Natatangi
Ang Diyos ay Sagana sa Awa at Labis na Nagagalit
Ang Disposisyon ng Diyos ay Maawain at Mapagmahal, Ngunit Higit Pa Rito ay Matuwid at Maharlika