6. Ang mga tiwaling disposisyon na taglay ng sangkatauhan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, pagtitiwali, at panlalason ni Satanas. Ang tao ay iginapos at kinontrol ni Satanas, at ang kanyang pag-iisip, moralidad, kabatiran, at katwiran ay pawang labis na pininsala ni Satanas. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pundamental na bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, para magkaroon ng mga pagbabago sa disposisyon ng tao, ang unang dapat gawin ay baguhin ang kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan sa usapin ng kanyang pag-iisip, kabatiran, at katwiran. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos ang mga isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katwiran at kabatiran. Ang ugat na dahilan ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa pagtitiwali ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao, siya ay tiwali sa moral, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, dating nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay dating may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang dating katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay pawang naging manhid at sinira ni Satanas. Sa gayon, nawala sa kanya ang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging abnormal ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya. Dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang pagiging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging buong puso at isip tungo sa Diyos, at hindi sadyang paglaban sa Diyos. Hindi katulad nito ang pagkakaroon ng abnormal na katwiran. Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang tao, nagkaroon na ang tao ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, binabato Siya ng mga pang-iinsulto ng tao sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, lubos na alam na Siya ang Diyos; ganap na walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, pero palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may abnormal na katwiran—ay wala pa ring kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya na nilang nabawi ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos

Walang ibang ugat ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang manhid niyang konsensiya, ang mapaminsala niyang kalikasan, at ang katwiran niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katwiran ng tao, magiging angkop siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katwiran ng tao ay hindi kailanman naging maayos at patuloy na mas nagiging manhid, kaya ang mga kilos ng paghihimagsik ng tao laban sa Diyos ay dumarami, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at pinagsasarhan niya ng pinto ang nagkatawang-taong laman ng Diyos sa mga huling araw, at kinokondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging walang-awa sa kanyang pagtrato sa nagkatawang-taong laman ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katwiran, hindi siya magiging masyadong malupit sa kanyang pagtrato sa nagkatawang-taong laman ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ngunit hindi siya nagpapasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, mukha siyang salungat dito at tutol dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, palaging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain noon pa man nang hindi kailanman napapagod dito—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at palaging humihiling sa Kanya. Naging sukdulang mapaminsala na ang disposisyon ng tao, naging lubos na manhid ang kanyang katwiran, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal na itong tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay may pagkasuklam pa nga siya sa Diyos dahil sa katotohanang ipinagkakaloob ng Diyos sa kanya; dahil hindi interesado ang tao sa katotohanan, may pagkasuklam siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Diyos, at gumigiit ng kabayaran na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Ganito ang konsensiya at katwiran ng tao, pero iniisip pa rin niya na hindi ito malaking usapin, naniniwala pa rin siya na napakarami na niyang iginugol para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, gumigiit na magbayad Ako ng renta na ilang ulit ang laki. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na mga buhong kayo!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos

Ang mapagmataas at palalong mga kalikasan ninyo ang nagtutulak sa inyo na ipagkanulo ang sarili ninyong mga konsensiya, na maghimagsik laban kay Cristo at lumaban sa Kanya, at ibunyag ang inyong mga pangit na mukha, sa gayon ay inilalantad ang inyong mga intensiyon, mga kuru-kuro, mga labis-labis na pagnanais, at mga matang puno ng kasakiman. Gayumpaman ay patuloy kayong nagdedeklara ng inyong habambuhay na sigasig para sa gawain ni Cristo, at patuloy na nagsasabi at nag-uulit ng mga katotohanang matagal nang sinabi ni Cristo. Ito ang “pananalig” ninyo—ang inyong “pananalig na walang karumihan.” Iginiit Ko ang mahigpit na pamantayan sa tao mula pa man noon. Kung may kaakibat na mga intensiyon at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat kinapopootan Ko ang mga taong nanlilinlang sa Akin gamit ang kanilang mga intensiyon at nangingikil sa Akin gamit ang mga kondisyon. Nais Ko lamang na ang tao ay magkaroon ng hindi nahahating katapatan sa Akin, at gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa isang salita at para patunayan ito: pananalig. Kinasusuklaman Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakikitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananalig. Pagdating sa pananalig, maaaring iniisip ng marami na sumusunod sila sa Diyos sapagkat may pananalig sila, kung hindi ay hindi sila magtitiis ng gayong pagdurusa. Kaya ito ang tanong Ko sa iyo: Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit hindi mo Siya kailanman kinatatakutan? Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit wala ka ni katiting na pagkasindak sa Kanya sa puso mo? Kung kinikilala mong si Cristo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, bakit hinahamak mo Siya? Bakit ka lapastangang umaasal sa Kanya? Bakit lantaran mo Siyang hinuhusgahan? Bakit palagi mong minamanmanan ang Kanyang mga pagkilos? Bakit hindi ka nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos? Bakit hindi mo itinuturing ang Kanyang salita bilang pamantayan ng iyong mga kilos? Bakit ka nangingikil at nagnanakaw ng mga handog para sa Kanya? Bakit sinusubukan mong magsalita mula sa posisyon ni Cristo? Bakit mo sinusuri kung tama ba ang gawain at salita Niya? Bakit ka nangangahas na lapastanganin Siya sa Kanyang likuran? Ang mga ito ba at ang iba pa ang bumubuo sa pananalig ninyo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka Ba Talagang Mananampalataya sa Diyos?

Ang inyong paglaban sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko, hinuhusgahan ang mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, nagkokomento at gumagawa ng mga walang galang na pahayag; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katwiran sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan nila ang Kanyang gawain, at sinusubukan din nilang turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paanong makikilala ng gayong mga taong walang katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang nasa proseso ng paghahanap at pagdanas; ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa Diyos, mas nababawasan ang paglaban nila sa Kanya. Sa kabaligtaran, kapag mas kakaunti ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos, mas malamang na labanan nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong kalikasan, at ang iyong pagkatao, karakter, at moral na pananaw ang puhunan ng paglaban mo sa Diyos, at kapag mas tiwali ang iyong moralidad, lalong ubod ng sama ang iyong karakter, at kapag mas mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may disposisyong nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay mas lalo pang kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ay mga anticristo. Kung hindi naitatama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang mahihiwalay sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos

Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalong hindi sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ilaan ang buong katawan at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi man lang sinusulyapan si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoong kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang gawing perpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na nasa gitna ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay sasakit ang tiyan sa kakatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang pigurang iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng di-paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, prestihiyo, at kapangyarihan, at pinahahalagahan nila ang malalaking grupo at denominasyon, at hinahamak nila ang mga pinamumunuan ni Cristo. Sila ay sadyang mga nagkakanulo na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Tinutuya mo lang ang pasakit ni Cristo dahil wala Siyang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na nagnanakaw ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa kasama ni Cristo, ngunit kusang-loob mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumusunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nagtataasan sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, hindi Siya mahalaga magpakailanman, isa Siyang tao magpakailanman na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka Ba Talagang Mananampalataya sa Diyos?

Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling mabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong nakababagot na mga isyu ay hindi makakatulong sa paglago ng kanilang buhay o makakapagbigay ng anumang pakinabang. Dahil dito, bagaman nakarinig sila ng impormasyon tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila ito sineseryoso. Hindi nila ito nakikita bilang isang mahalagang bagay na dapat tanggapin, lalong hindi nila ito naaarok sa pamamagitan ng pagturing dito bilang isang bahagi ng kanilang buhay. Ang pakay ng mga taong ito sa pagsunod sa Diyos ay napakasimple, at ito ay para sa iisang layon: ang mapagpala. Hindi man lang nag-aabala ang mga taong ito na bigyang-pansin ang iba pang bagay na walang kinalaman sa layong ito. Para sa kanila, ang pagkakamit ng mga pagpapala ang pinakalehitimong layon sa pananampalataya sa Diyos—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong para makamit ang layong ito, anuman ito, nananatili silang hindi naaantig nito. Ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ngayon. Ang kanilang layon at intensiyon ay mukhang lehitimo, dahil habang nananampalataya sila sa Diyos, gumugugol din sila ng kanilang sarili para sa Diyos, nag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos, at ginagawa ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan nang nagpapakaabala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahangad; subalit hindi nila mabago ang layon ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Nagpaparoo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga adhikain; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga paghihirap, panganib, at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsensiya? Ang kanila bang dakila at marangal na karakter? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang pananalig ba na taglay nila para magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng gantimpala? Ang kanila bang debosyon ng pagiging handang isuko ang lahat upang tuparin ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang dedikadong diwa ng palaging pagtalikod sa personal na maluluhong kahilingan? Ang magawa ng isang tao na gugulin ang labis na dugo ng puso kahit hindi niya kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa napakapayak na pananalita, ay isang napakalaking himala! Sa ngayon, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Gayumpaman, ang kanilang pag-uugali ay lubos na karapat-dapat nating himayin. Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kung bakit ang mga taong hindi kailanman nakakaunawa sa Diyos ay magbabayad ng gayong malaking halaga para sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang problema na dating hindi natukoy ng tao: Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isang ugnayan lamang ng hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang sa magkapamilya sa ganitong uri ng ugnayan na nakabatay sa pansariling interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang paglunok sa galit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang malaking agwat lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong kalakaran? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang ugnayang ito? Naniniwala Ako na kapag ibinababad ng tao ang kanyang sarili sa masayang kapaligiran ng pagiging pinagpala, walang sinuman ang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at kapangit tingnan ang gayong ugnayan sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Napakarami ng Aking mga gawa, ang mga ito ay mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat, at ang Aking karunungan ay napakadakila, mas mataas ito kaysa sa karunungan ng lahat ng anak ni Solomon, ngunit sumasampalataya lang sa Akin ang tao na para bang isa Akong hamak na manggagamot at isang hindi kilalang guro ng tao! Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa kabilang buhay. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa kabilang buhay. Kapag ibinuhos Ko ang Aking galit sa tao at sinamsam Ko ang lahat ng kagalakan at kapayapaan na dati niyang taglay, napupuno siya ng pagdududa. Kapag ibinibigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit siya nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng tao na pagalingin Ko siya, at hindi Ko siya pinapansin at nakadarama Ako ng pagkasuklam sa kanya, nililisan niya Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng malademonyong panggagamot at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglalaho siya nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang tao ay nananampalataya sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko. Ang tao ay nananampalataya sa Akin sapagkat masyadong maraming pakinabang na makakamit.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa “Pananampalataya,” Ano ang Iyong Pagkaunawa?

Sa tuwing binabanggit ang hantungan, hinaharap ninyo ito nang may espesyal na kaseryosohan; higit pa riyan, kayong lahat ay partikular na sensitibo tungkol sa bagay na ito. May ilang taong hindi makapaghintay na iyukod ang kanilang mga ulo hanggang lupa, nagpapatirapa sa harap ng Diyos para makakuha ng magandang hantungan. Nakikita Ko ang inyong pananabik, na hindi na kailangang ilahad pa sa pamamagitan ng mga salita. Ito’y dahil lamang ayaw ninyong masadlak ang inyong laman sa sakuna, at lalong ayaw ninyong mahulog sa walang hanggang kaparusahan sa hinaharap. Kayo ay umaasa lamang na tulutan ang inyong sarili na mamuhay nang mas malaya nang kaunti, at mas maalwan nang kaunti. Kaya kayo ay lalong nababalisa sa tuwing nababanggit ang hantungan, lubos na nangangamba na kapag hindi kayo naging sapat na maingat, maaaring magkasala kayo sa Diyos at sa gayon ay makatatanggap ng nararapat na ganting parusa. Hindi kayo nag-alinlangan na makipagkompromiso para lamang sa inyong hantungan, at maging ang marami sa inyo na dating mapanlinlang at walang kaseryosohan ay bigla na lamang naging labis na malumanay at sinsero; ang anyo ng inyong sinseridad ay labis na nakakapangilabot. Gayon pa man, lahat kayo’y may “matatapat” na puso, at patuloy ninyong ibinabahagi sa Akin ang mga lihim ng inyong mga puso nang walang anumang itinatago, maging ito man ay reklamo, panlilinlang, o katapatan. Sa kabuuan, napakamatapat ninyong “ikinumpisal” sa Akin ang diwa ng mga bagay na nasa kaibuturan ng inyong pagkatao. Mangyari pa, hindi Ko iniwasan kailanman ang gayong mga bagay, dahil naging napakapamilyar na ang mga ito sa Akin. Mas nanaisin pa ninyong pumasok sa dagat ng apoy alang-alang sa inyong huling hantungan kaysa mawalan ng isa mang hibla ng buhok para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi sa Ako ay nagiging masyadong dogmatiko sa inyo; sadyang kayo ay labis na nagkukulang ng isang pusong may katapatan para harapin ang lahat ng Aking ginagawa. Maaaring hindi ninyo naiintindihan kung ano ang kapapahayag Ko lamang, kaya hayaan ninyo Akong magbigay sa inyo ng payak na paliwanag: Ang kailangan ninyo ay hindi ang katotohanan at buhay, ni ang mga prinsipyo kung paano kayo aasal, lalong hindi ang Aking masidhing paggawa. Sa halip, ang kailangan ninyo ay ang lahat ng taglay ng inyong laman—kayamanan, katayuan, pamilya, buhay may-asawa, at iba pa. Lubos ninyong ipinagwawalang-bahala ang Aking mga salita at gawain, kung kaya’t malalagom Ko ang inyong pananalig sa iisang salita: pabasta-basta. Gagawin ninyo ang kahit ano upang matamo lamang ang mga bagay na kung saan lubos kayong tapat, ngunit natuklasan Kong hindi ninyo ito gagawin alang-alang sa mga bagay na tungkol sa inyong pananampalataya sa Diyos. Sa halip, kayo ay relatibong tapat, at relatibong masigasig. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang mga taong walang pusong may sukdulang sinseridad ay mga bigo sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Pag-isipan ninyong mabuti—marami bang mga bigo sa inyong hanay?

Dapat ninyong malaman na natatamo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos bilang resulta ng sariling mga kilos ng mga tao; kapag hindi nagtatagumpay ang mga tao bagkus ay nabibigo, iyon din ay dahil sa sarili nilang mga kilos, at walang papel na ginagampanan ang anupamang salik. Naniniwala Ako na susubukan ninyo ang lahat ng posibleng paraan para makamit ang isang bagay na mas mahirap at nangangailangan ng higit na pagdurusa kaysa sa pananampalataya sa Diyos, at labis ninyo itong seseryosohin, hanggang sa puntong ayaw ninyong pahintulutan ang anumang pagkakamali; ito ang mga uri ng walang-humpay na pagsisikap na ibinubuhos ninyong lahat sa sarili ninyong mga pamumuhay. Kaya pa nga ninyong linlangin ang Aking katawang-tao sa mga pagkakataon na ni hindi ninyo lilinlangin ang sinumang miyembro ng inyong pamilya. Ito ang inyong palagiang pag-uugali at ang prinsipyong sinusunod ninyo sa pakikitungo sa mundo. Hindi ba’t lumilikha pa rin kayo ng huwad na anyo para linlangin Ako alang-alang sa inyong hantungan, upang ang inyong hantungan ay maging kahanga-hanga at ayon sa lahat ng inyong hinahangad? Alam Ko na pansamantala lang ang katapatan ninyo, gayundin ang sinseridad ninyo. Hindi ba’t totoo na ang inyong determinasyon at ang halagang ibinabayad ninyo ay umiiral lamang ngayon pero wala na sa hinaharap? Nais lamang ninyong magbuhos ng huling pagsisikap para pagsikapang matiyak ang isang magandang hantungan. Ang tanging pakay ninyo ay makipagpalitan, hindi ang maiwasan ang pagkakautang sa katotohanan, lalong hindi upang suklian Ako sa halagang ibinayad Ko. Sa madaling salita, handa lamang kayong gumamit ng mga tusong pakana upang makamit ang inyong gusto, pero hindi ang hayagang makipaglaban para dito. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kaloob-loobang kaisipan ninyo? Hindi kayo dapat magbalatkayo, lalong hindi ninyo dapat pigain ang utak ninyo tungkol sa inyong hantungan hanggang sa puntong wala na kayong ganang kumain o uminom sa araw, at hindi na makatulog nang payapa sa gabi. Hindi ba’t totoo na ang kalalabasan ninyo ay naitakda na sa huli?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

Sa bawat araw, ang mga gawa at saloobin ng bawat isang tao ay nakikita ng mga mata ng Iisa, at, kasabay nito, ay naghahanda para sa kanilang sariling kinabukasan. Ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng nabubuhay; at ito ang Aking paunang itinadhana para sa lahat. Walang sinumang makatatakas dito at walang palalampasin. Walang bilang ang mga salitang Aking binanggit, at ang gawaing Aking ginawa ay lalong hindi masusukat. Araw-araw, Ako ay nagmamatyag habang ang bawat tao ay natural na tinutupad ang lahat ng dapat niyang gawin alinsunod sa kanyang angking kalikasan at sa paglago ng kanyang kalikasan. Nang hindi namamalayan, marami nang tumahak sa “tamang landas,” na Aking inilatag para ibunyag ang iba’t ibang uri ng mga tao. Matagal Ko nang nailagay ang bawat uri ng tao sa iba’t ibang mga kapaligiran, at sa kani-kanilang mga lugar, ang bawat isa ay nagpapakita ng kanyang likas na katangian. Walang sinuman ang gumagapos sa kanila, wala ni isa mang umaakit sa kanila. Sila ay malaya sa kanilang kabuuan at ang kanilang ibinubunyag ay natural na nagaganap. Mayroon lamang isang bagay na pumipigil sa kanila, at iyon ang Aking mga salita. Sa gayon, ang ilang tao ay binabasa ang Aking mga salita nang may bigat sa loob, hindi kailanman isinasagawa ang mga ito, ginagawa iyon para lamang makaraos nang may kalalabasan na makaiwas sa kamatayan; samantalang ang iba ay nahihirapang tiisin ang mga araw na wala ang Aking mga salita para gabayan at matustusan sila, kaya natural nilang pinanghahawakan ang Aking mga salita sa lahat ng oras. Sa paglipas ng panahon, natutuklasan nila ang lihim ng buhay ng tao, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang halaga ng pagiging tao. Sadyang ganito ang sangkatauhan sa presensiya ng Aking mga salita, at hinahayaan Ko lang ang mga pangyayari na tahakin ang natural nitong landas. Wala Akong ginagawang anumang gawain upang pilitin ang tao na gawing pundasyon ng kanilang pag-iral ang Aking mga salita. Kung kaya’t ang mga taong hindi kailanman nagkaroon ng konsensiya at na ang pag-iral ay hindi kailanman nagkaroon ng halaga, ay buong tapang na isinasantabi ang Aking mga salita at gumagawa ng anumang naisin nila matapos ang tahimik na pagmamasid sa mga nangyayari. Nagsisimula silang maging tutol sa katotohanan at sa lahat ng nagmumula sa Akin, at mas lalo silang tutol sa pamamalagi sa Aking sambahayan. Ang mga taong ito ay pansamantalang nanunuluyan sa loob ng Aking sambahayan para sa kapakanan ng kanilang hantungan at upang makatakas sa kaparusahan, kahit na sila ay nagtatrabaho. Ngunit hindi kailanman nagbabago ang kanilang mga intensyon, maging ang kanilang mga pagkilos. Higit pa nitong pinatitindi ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at pinalalakas ang kanilang pagnanais na makapasok sa kaharian nang isang beses at manatili rito nang walang hanggan—kahit na ang makapasok sa langit na walang hanggan. Habang lalo pa nilang hinahangad na mas mapabilis ang pagdating ng Aking araw, mas lalo nilang nararamdaman na naging isang balakid ang katotohanan, isang katitisuran sa kanilang daan. Hindi na sila makapaghintay na tumapak sa kaharian upang matamasa magpakailanman ang mga biyaya ng kaharian ng langit, nang hindi nangangailangang hangarin ang katotohanan o tanggapin ang paghatol at pagkastigo, at higit sa lahat, nang hindi nangangailangang gumapang sa loob ng Aking sambahayan at sumunod sa Aking mga utos. Ang mga taong ito ay pumapasok sa Aking sambahayan hindi upang tuparin ang pagnanais ng kanilang puso na hanapin ang katotohanan o kaya ay makipagtulungan sa Aking pamamahala. Naglalayon lamang silang maging isa sa mga taong hindi lilipulin sa susunod na kapanahunan. Kung kaya’t hindi kailanman nalaman ng kanilang mga puso kung ano ang katotohanan o kung paano tanggapin ang katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman isinagawa ang katotohanan o napagtanto ang matinding lalim ng kanilang katiwalian, at sa kabila nito ay nakatira sa Aking sambahayan bilang “tagapaglingkod” hanggang sa wakas. Sila ay “matiyagang” naghihintay sa pagdating ng Aking araw, at walang kapaguran habang inihahagis-hagis ng paraan ng Aking gawain. Subalit gaano man katindi ang kanilang naging pagsisikap o anuman ang halaga na kanilang ibinayad, walang sinumang nakakita na sila ay nagdusa para sa katotohanan o nagbigay ng anuman para sa Akin. Sa kanilang mga puso, hindi nila kayang hintayin na makita ang araw na wawakasan Ko ang lumang kapanahunan, at bukod pa rito, hindi sila makapaghintay na malaman kung gaano kadakila ang Aking kapangyarihan at awtoridad. Ang hindi nila minadaling gawin kailanman ay ang baguhin ang kanilang sarili at hangarin ang katotohanan. Mahal nila ang tinututulan Ko, at tutol sila sa minamahal Ko. Kinasasabikan nila ang bagay na kinamumuhian Ko, ngunit natatakot silang mawala ang mga bagay na Aking kinasusuklaman. Nakatira sila sa masamang mundong ito, hindi kailanman namumuhi rito, gayunman ay natatakot nang masidhi na ito ay Aking wawasakin. Sa gitna ng kanilang nagsasalungat na intensyon, mahal nila ang mundong ito na Aking kinapopootan, ngunit hinahangad din nila na wasakin Ko ito sa lalong madaling panahon, upang sila ay makaiwas sa kalamidad ng pagkawasak at maging mga panginoon sa susunod na kapanahunan, bago pa sila umalis mula sa tunay na daan. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at tutol sila sa lahat ng nanggagaling sa Akin. Marahil sila ay magiging “masunuring tao” sa maikling panahon para lamang hindi mawalan ng mga pagpapala, ngunit ang kanilang pagkasabik na makatanggap ng pagpapala at ang kanilang motibasyon na matakot na malipol at pumasok sa lawa ng nagniningas na apoy ay hindi kailanman maitatago. Habang papalapit ang Aking araw, lalong tumitindi ang kanilang pagnanais. At habang lumalaki ang kalamidad, mas lalo silang walang magawa, hindi alam kung saan magsisimula upang mapasaya Ako at upang maiwasang mawalan ng mga pagpapala na matagal nilang inasam-asam. Sa sandaling mag-umpisa ang kamay Ko na gawin ang gawain nito, ang mga taong ito ay sabik kumilos upang magsilbing ang nangunguna. Ang iniisip lamang nila ay ang sumugod sa pinakaunahang linya ng mga hukbo, sa labis na takot na hindi Ko sila makikita. Ginagawa at sinasabi nila ang sa palagay nila ay tama, nang hindi kailanman nalalaman na ang kanilang mga gawa at kilos ay hindi kailanman nauugnay sa katotohanan, at ang kanilang ginagawa ay sumisira at gumugulo lamang sa Aking plano. Maaaring gumawa sila ng malaking pagsisikap at maaaring naging tunay sa kanilang determinasyon at intensyon na tiisin ang mga paghihirap, ngunit wala sa ginagawa nila ang may kinalaman sa Akin, dahil hindi Ko kailanman nakitang ang kanilang mga gawa ay ginagawa nang may mabubuting intensyon, at mas lalo Ko silang hindi nakitang naglagay ng anumang bagay sa Aking altar. Ganyan ang kanilang mga gawa sa Aking harapan sa loob ng maraming taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Sa loob ng maraming taon Ko ng paggawa, maraming nakamit ang tao, at maraming tinalikdan, subalit sinasabi Ko pa rin na hindi siya tunay na nananampalataya sa Akin. Sapagkat kinikilala lamang ng tao na Ako ang Diyos gamit ang kanyang bibig, ngunit hindi siya sumasang-ayon sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, at, dagdag pa riyan, hindi niya isinasagawa ang mga katotohanang hinihingi Ko sa kanya. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang pag-iral ng katotohanan; kinikilala lamang ng tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang pag-iral ng buhay; kinikilala lamang ng tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang diwa ng Diyos. Kinamumuhian Ko siya dahil sa kanyang kasigasigan, sapagkat gumagamit lamang siya ng mga salitang masarap pakinggan para linlangin Ako, at walang sinumang sumasamba sa Akin nang may tunay na puso. Ang inyong mga salita ay naglalaman ng pang-aakit ng ahas; at sukdulan sa pagmamataas ang mga ito, isang tunay na pagpapahayag ng arkanghel. Higit pa riyan, ang inyong mga gawa ay sira-sira at gutay-gutay hanggang sa kahiya-hiyang antas, at ang inyong labis-labis na mga pagnanais at mapag-imbot na mga intensyon ay kasuklam-suklam pakinggan. Lahat kayo ay naging mga gamugamo sa Aking sambahayan, mga pakay na Aking itataboy. Sapagkat walang isa man sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, nais ninyong mapagpala, makaakyat sa langit, mamasdan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kailanman kung paanong ang katulad ninyo, na napakatiwali, na walang ideya kung ano ang Diyos, ay maaaring maging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Paano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat na mamasdan ang magandang tagpo ng hindi pa nararanasang maringal na pangitaing iyon? Ang inyong bibig ay puno ng mga salita na nanlilinlang sa Akin, mga salita ng karumihan, ng pagkakanulo sa Akin, at mga salita ng kayabangan. Kailanma’y hindi kayo nangusap ng mga salita ng sinseridad sa Akin, walang mga pinabanal na salita, walang mga salita ng pagdanas sa Aking salita at pagpapasakop sa Akin. Sa huli, ano ba talaga ang inyong pananalig? Walang anuman kundi pagnanasa at salapi ang nasa inyong puso, at wala kundi mga materyal na bagay ang nasa inyong isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong dumating sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo ang mas marami, mas mataas na mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng mas mainam at mas mataas pang pagtatamasa. Ngunit kahit magpakabusog kayo nang husto, hindi ba’t isa pa rin kayong bangkay? Kahit magbihis kayo ng napakagandang damit, hindi ba’t isa pa rin kayong naglalakad na bangkay na walang kabuhay-buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa puntong tinutubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong nagpaparoo’t parito, pinapagod ninyo ang inyong katawan at pinipiga ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Sumunod na kayo sa Akin sa mga taong ito, ngunit hindi ninyo Ako nabigyan ni katiting na katapatan kailanman. Sa halip, nakaikot kayo sa mga tao at mga bagay na gusto ninyo—sobra-sobra kaya sa tuwina, at saanman kayo magpunta, pinananatili ninyo silang malapit sa puso ninyo at hindi tinalikuran ang mga ito kailanman. Tuwing nasasabik at maalab kayo tungkol sa anumang bagay na gustung-gusto ninyo, ginagawa ninyo ito kasabay ng pagsunod ninyo sa Akin, o kasabay pa nga ng pakikinig sa Aking mga salita. Kaya nga, sinasabi Ko na ginagamit ninyo ang katapatang hinihingi Ko sa inyo upang sa halip ay maging tapat sa inyong mga “alaga” at itangi ang mga ito. Magsakripisyo man kayo ng isa o dalawang bagay para sa Akin, hindi ito kumakatawan sa kabuuan ninyo, at hindi nagpapakita na sa Akin kayo talaga tapat. Nakikibahagi kayo sa mga gawaing gustung-gusto ninyo: Tapat ang ilan sa inyo sa inyong mga anak na lalaki at babae, ang iba naman sa inyong asawa, misis, kayamanan, trabaho, nakatataas, katayuan, o sa kababaihan. Hindi kayo napapagod o nayayamot kailanman sa mga bagay na tapat kayo; sa halip, lalo pa kayong nasasabik na magkaroon ng mas maraming ganitong bagay, at taglayin ang mga ito sa mas mabuting paraan, at hindi kayo sumusuko kailanman. Ang Aking mga salita at Ako ay palaging inilalagay sa huli ng mga bagay na gustung-gusto ninyo, at wala kayong magawa kundi ihuli ang mga ito. Mayroon pa ngang mga tao na inirereserba ang huling puwesto na ito para sa mga bagay na tapat sila pero hindi pa nila natutuklasan. Kailanma’y wala ni katiting na bakas Ko sa puso nila. Maaari ninyong isipin na napakarami Kong hinihingi sa inyo o mali Ako sa pag-akusa sa inyo—ngunit naisip na ba ninyo kahit kailan ang katunayan na habang masaya kayong gumugugol ng oras sa piling ng inyong pamilya, ni minsan ay hindi kayo naging tapat sa Akin? Sa ganitong pagkakataon, hindi ba kayo nasasaktan nito? Kapag puspos ng kagalakan ang inyong puso dahil binabayaran kayo para sa inyong mga pagtatrabaho, hindi ba kayo pinanghihinaan ng loob na hindi ninyo nasangkapan ang inyong sarili ng sapat na mga katotohanan? Kailan kayo naiyak dahil hindi ninyo natanggap ang Aking pagsang-ayon? Pinipiga ninyo ang inyong utak at lubha kayong nagpapakasakit alang-alang sa inyong mga anak na lalaki at babae, ngunit hindi pa rin kayo nasisiyahan; naniniwala pa rin kayo na hindi kayo nagpakasipag para sa kanila, na hindi pa ninyo nagagawa ang lahat ng kaya ninyo para sa kanila. Gayunman, sa Akin, lagi kayong nagpapabaya at walang-ingat; nasa alaala lamang ninyo Ako, ngunit hindi Ako nananatili sa puso ninyo. Hindi ninyo kailanman sinusubukang unawain ang Aking masisidhing layunin, o magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga ito. Nagninilay-nilay lamang kayo sandali at naniniwala na sasapat na ito. Hindi ganito ang “katapatan” na matagal Ko nang pinananabikan, kundi ito iyong matagal Ko nang kinamumuhian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Ba Talaga Tapat?

Nakapagpahayag na Ako ng maraming salita, at naipahayag Ko na rin ang mga layunin at disposisyon Ko, ngunit kahit ganoon, hindi pa rin kaya ng tao na kilalanin Ako at hindi pa rin kayang sumampalataya sa Akin. O, maaaring sabihin, wala pa ring kakayahan ang tao na magpasakop sa Akin. Yaong mga nabubuhay sa loob ng Bibliya, yaong mga nabubuhay sa saklaw ng kautusan, yaong mga nabubuhay sa krus, yaong mga nabubuhay sa loob ng mga regulasyon, yaong mga nabubuhay sa gitna ng gawaing ginagawa Ko ngayon—sino sa kanila ang kaayon Ko? Iniisip lamang ninyo na tumanggap ng ilang mga pagpapala, iniisip lamang ninyo na tumanggap ng ilang gantimpala, ngunit hindi pa ninyo kailanman inisip kung paano mismo maging kaayon Ko, o kung paano mismo mapigilan ang mga sarili ninyo na maging kaaway Ko. Sobra Akong dismayado sa inyo, dahil napakarami Ko nang naipagkaloob sa inyo, ngunit napakakaunti ng nakamit Ko mula sa inyo. Ang inyong panlilinlang, kayabangan, kasakiman, labis-labis na mga pagnanais, pagkakanulo, at pagsuway—alin sa mga ito ang makakatakas sa paningin Ko? Tinatrato ninyo Ako sa pabasta-bastang paraan, niloloko ninyo Ako, sinisira ninyo ang dangal Ko, binobola ninyo Ako, kinikikilan ninyo Ako at sapilitan ninyong kinukuha ang mga handog sa Akin—paano makaiiwas sa kaparusahan Ko ang gayong masasamang gawa? Ang lahat ng masamang gawang ito ay patunay na kaaway Ko kayo at patunay ng inyong pagiging di-kaayon Ko. Ang bawat isa sa inyo ay naniniwalang ang sarili ninyo ay sobrang kaayon Ko, ngunit kung gayon, kanino mailalapat ang gayong hindi mapabubulaanang patunay? Naniniwala kayong nagtataglay kayo ng sukdulang sinseridad sa Akin, at naniniwala kayong nagtataglay kayo ng katapatan sa Akin. Naniniwala kayong lahat na kayo ay napakabait, napakamahabagin, at naniniwala kayong naglaan na kayo nang sobra para sa Akin. Iniisip ninyong higit sa sapat na ang nagawa ninyo para sa Akin. Ngunit sinuri na ba ninyo ito kailanman kumpara sa sarili ninyong mga kilos? Sinasabi Kong kayo ay napakamapagmataas, napakasakim, napakapabasta-basta; ang mga panlalansing sinusubukan ninyong gamitin upang lokohin Ako ay napakatuso, at napakarami ninyong kasuklam-suklam na intensiyon at kasuklam-suklam na pamamaraan. Sa kabaligtaran, masyadong katiting ang katapatan ninyo, masyadong kaunti ang inyong sinseridad, at lalong wala kayong konsensiya. Masyadong mapaminsala ang inyong puso, at wala kayong pinalalampas, kahit pa Ako. Pinagsasarhan ninyo Ako para sa kapakanan ng inyong mga anak, o ng inyong mister, o para mapangalagaan ninyo ang inyong sarili. Ang pinahahalagahan ninyo ay hindi Ako—kundi ang pamilya ninyo, ang mga anak ninyo, ang katayuan ninyo, ang mga kinabukasan ninyo, at ang sarili ninyong kasiyahan. Kailan ninyo Ako naisip habang nagsasalita kayo o naisip habang kumikilos kayo? Sa napakalalamig na araw, bumabaling ang isip ninyo sa inyong mga anak, sa inyong mister, sa inyong misis, o sa inyong mga magulang. Sa napakaiinit na araw, wala rin Akong lugar sa isip ninyo. Kapag ginagawa mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang sarili mong kapakanan, ang sarili mong seguridad, ang mga kapamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na kailanman para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nagawa ang anumang kinakailangan para sa kapakanan Ko at para sa kapakanan ng gawain Ko? Nasaan ang katibayan ng pagiging kaayon mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng katapatan mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagpapasakop mo sa Akin? Nasaan ang iyong intensiyon na hindi maghanap ng mga pagpapala? Sinusubukan ninyong lahat na lokohin Ako. Lahat kayo ay nililinlang Ako. Pinaglalaruan ninyong lahat ang katotohanan, itinatago ninyong lahat ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ninyong lahat ang diwa ng katotohanan. Yamang kayo ay kaaway Ko tulad nito, ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap? Naghahangad lamang kayo ng pagiging magkaayon ng isang kathang-isip na diyos, at naghahangad lamang ng isang kathang-isip na pananampalataya, ngunit hindi kayo kaayon ni Cristo. Sa gayong masasamang gawa, hindi ba’t magdurusa kayo ng nararapat na retribusyon kasama ang masasamang tao? Sa oras na iyon, mapagtatanto ninyo na walang sinumang di-kaayon ni Cristo ang makatatakas sa araw ng galit, at matutuklasan ninyo kung anong uri ng retribusyon ang isasagawa sa yaong mga salungat kay Cristo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hanapin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo

Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong personal na mga kuru-kuro, pag-asam, at mga kinabukasan. Ang gawain ay ginagampanan na ngayon sa ganitong paraan para pungusan ang inyong pagnanais para sa katayuan at ang inyong maluluhong pagnanais. Ang mga pag-aasam na ito, ang pagnanais na ito para sa katayuan, at ang mga kuru-kurong ito ay pawang mga tipikal na halimbawa ng mga satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao ganap na dahil palaging unti-unting sinisira ng mga lason ni Satanas ang kaisipan ng mga tao. Hindi kailanman makawala ang mga tao mula sa mga tuksong ito ni Satanas, at namumuhay sila sa gitna ng kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan ito. Dagdag pa rito, iniisip nila, “Nananampalataya kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Nananampalataya kami sa Diyos, kaya kailangang maging superyor kami sa iba, at kailangan naming magkaroon ng mas mataas na katayuan at mas magagandang kinabukasan kaysa sa sinumang iba. Dahil nananampalataya kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na pananampalataya sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay unti-unting sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging tuso, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila hindi nagtataglay ng pagtitiyaga o determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala sila ng anumang determinasyon na lampasan ang kanilang sarili, at higit pa riyan, wala sila ni katiting na lakas ng loob na iwaksi ang mga paglilimita ng madidilim na impluwensiyang ito. Ang buhay at mga kaisipan ng mga tao ay napakabulok na ang kanilang mga perspektiba sa likod ng pananampalataya sa Diyos ay napakapangit pa rin, at lubos na kasuklam-suklam pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kapangyarihan, kasuklam-suklam, at marupok. Hindi sila nasusuklam sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito. Hindi ba’t ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? Ibig sabihin, dahil nananampalataya kayo sa Diyos, samakatwid ay dapat kayong magkamit ng mga pagpapala, at dapat matiyak na ang inyong katayuan ay hindi bababa kailanman, na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya—hindi kayo nagkikimkim ng ganitong klase ng perspektiba sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang inyong transaksyonal na paraan ng pag-iisip. Bagama’t nakarating na kayo sa hakbang na ito ngayon, hindi pa rin kayo mapanatag pagdating sa katayuan; patuloy kayong humahanap ng paraan para usisain ito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang inyong katayuan at masira ang inyong pangalan. Hindi kailanman binitiwan ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Hambingan?

Maraming tao—sa Aking likuran—ang nagiging sakim sa mga pakinabang ng katayuan; nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog, at lubos nilang inaalagaan ang laman, palaging natatakot na walang landas pasulong para sa laman. Hindi nila tinutupad nang maayos ang kanilang papel sa iglesia, bagkus ay nagiging palamunin sa iglesia, o kaya ay pinangangaralan nila ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, nililimitahan ang iba mula sa mataas na posisyon. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sila ay mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba’t baligho ito? Kung ikaw ay may mga tamang intensiyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay hangal; ngunit kung ang iyong intensiyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay isang taong naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa ganoong mga tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagiging palamunin sila, palaging nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi silang naghahanap ng personal na pakinabang, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila matanggap ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi nilang dinadaya ang mga kapatid sa pamamagitan ng pagiging baliko at mapanlinlang, at sila ay mga doble-kara. Katulad na katulad sila sa isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at sinisira ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay nararapat na magmana ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay nararapat na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gampanin? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos

Pinahahalagahan Ko talaga ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko talaga ang mga handang tanggapin ang katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uring ito ng mga tao, dahil matatapat silang tao sa Aking paningin. Kung masyado kang mapanlinlang, magiging mapagbantay at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananalig mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananalig. Sa kakulangan ng tunay na pananalig, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung kaya mo pa ngang pagdudahan ang Diyos at maghaka-haka tungkol sa Kanya nang basta-basta, walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Naghahaka-haka ka kung maaari bang maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang pag-iisip, salat sa pagiging makatarungan at pagiging makatwiran, walang pagpapahalaga sa katarungan, gumagamit ng malulupit na kaparaanan, lihim na mapanira at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong mga kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni katiting na pagkakilala sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananalig! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagugustuhan Ko ay iyon lamang marurunong mambola at sumipsip, at na iyong hindi marurunong gumawa niyon ay hindi tatanggapin sa sambahayan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang pagkakilala ninyo sa Akin; ang mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at paninirang-puri ninyo sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pakikipag-alitan sa Akin ang pananalig na tulad ng sa inyo. Sa loob ng maraming taon ng gawain, marami na kayong nakitang katotohanan, ngunit alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa kayong magbayad ng halaga para sa katotohanan, ngunit ilan sa inyo ang tunay na nagdusa para sa katotohanan? Walang iba kundi pagiging hindi matuwid ang nasa puso ninyo, na nagpapaisip sa inyo na ang lahat, maging sinuman sila, ay parehong mapanlinlang at baliko—hanggang sa puntong naniniwala pa nga kayo na ang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng normal na tao, ay maaaring walang mabuting puso o mapagmalasakit na pagmamahal. Higit pa riyan, naniniwala kayo na sa Diyos na nasa langit lamang umiiral ang isang marangal na birtud at isang mahabagin at mapagmalasakit na kalikasan. Naniniwala kayong hindi umiiral ang isang banal na taong gaya nito, na tanging kadiliman at kasamaan lamang ang naghahari sa lupa, samantalang ang Diyos ay isang bagay na pinagkakatiwalaan ng tao ng kanyang pag-aasam sa mabuti at maganda, isang maalamat na tauhan na gawa-gawa lamang niya. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay lubhang marangal, matuwid, at dakila, karapat-dapat na sambahin at hangaan; samantalang itong Diyos na nasa lupa ay panghalili lamang, at isang kasangkapan, ng Diyos na nasa langit. Naniniwala kayo na hindi magiging kapantay ng Diyos na nasa langit ang Diyos na ito, at lalong hindi man lang maikukumpara sa Kanya. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, ang mga ito ay kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, ngunit pagdating sa kalikasan at katiwalian ng tao, mga bagay ito na may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Walang-hanggang matayog ang Diyos na nasa langit, samantalang magpakailanmang hamak, mahina, at walang kakayahan ang Diyos na nasa lupa. Walang mga damdamin ng laman ang Diyos na nasa langit, kundi mayroon lamang pagiging matuwid, samantalang may makasariling mga motibo lamang at walang anumang pagkamakatarungan o pagiging makatwiran ang Diyos na nasa lupa. Wala kahit katiting na pagkabaliko ang Diyos na nasa langit at tapat Siya magpakailanman, samantalang laging may bahaging hindi matapat ang Diyos na nasa lupa. Mahal na mahal ng Diyos na nasa langit ang tao, samantalang nagpapakita ng hindi sapat na pag-aaruga sa tao ang Diyos na nasa lupa, at lubos pa nga itong pinababayaan. Matagal na sa puso ninyo ang walang-katotohanang kaalamang ito; mali ito, at baka ipagpatuloy ninyo sa hinaharap. Tinitingnan ninyo ang lahat ng gawa ni Cristo mula sa pananaw ng mga hindi matuwid at sinusuri ninyo ang lahat ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa pananaw ng masasama. Nakagawa kayo ng matinding pagkakamali at nagawa ninyo ang hindi pa kailanman nagawa ng mga nauna sa inyo. Ibig sabihin, napaglingkuran lamang ninyo ang matayog na diyos na nasa langit na may korona sa kanyang ulo, samantalang hindi kailanman kayo “nagseserbisyo” sa Diyos na itinuturing ninyo na napakahamak na Siya ay sadyang hindi ninyo nakikita. Hindi ba’t ito ay inyong kasalanan? Hindi ba’t isa itong tipikal na halimbawa ng pagkakasala ninyo sa disposisyon ng Diyos? Masigasig ninyong sinasamba ang diyos na nasa langit. Lubos ninyong iginagalang ang matatayog na larawan at labis na hinahangaan ang mga taong may pambihirang kahusayan sa pagsasalita. Handang-handa kang mautusan ng diyos na pumupuno sa iyong mga kamay ng mga kayamanan, at labis mong inaasam ang diyos na makatutupad ng bawat pagnanais mo. Ang Siyang nag-iisang hindi mo sinasamba ay ang Diyos na ito na hindi matayog; ang nag-iisang bagay na kinasusuklaman mo ay ang pakikisama sa Diyos na ito na hindi kayang tingalain ng sinuman. Ang tanging bagay na ayaw mong gawin ay ang gumawa para sa Diyos na ito na hindi kailanman nagbigay sa iyo ng kahit isang sentimo, at ang nag-iisang Siya na hindi ka magawang manabik sa Kanya ay ang hindi kaibig-ibig na Diyos na ito. Walang kakayahan ang Diyos na ito na mapalawak ang mga pananaw mo, na maiparamdam sa iyo na tila ba may natagpuan kang kayamanan, at lalo na ang matupad ang nais mo. Kung gayon, bakit mo Siya sinusunod? Napag-isipan mo na ba ang mga katanungang tulad nito? Sa ginagawa mo ay hindi ka lamang sumasalungat sa Cristong ito; ang mas mahalaga, sumasalungat ka sa Diyos na nasa langit. Sa palagay Ko, hindi ito ang layunin ng pananalig ninyo sa Diyos!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Talaga Makikilala ang Diyos na Nasa Lupa

Maraming tao ang mas nanaisin pang maitapon sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo na maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamautak” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong mababang uri na pag-iisip, ginagawa nitong mas simple ang gawain Ko. At yamang mahigpit na itinatago ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa sakuna upang “mabigyang-leksyon” ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maging determinado kayong maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay tapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi kayo madadala ng pagmamalaki tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging “kasinglalim at kasinghirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maayos at wastong kumikilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalabas nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang gayong mga tao sa hanay ng mga matapat? Kung isa kang mapagpaimbabaw, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong nagtatangkang paglaruan ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw na ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na nahihiya kang talakayin, kung tutol na tutol kang magtapat tungkol sa mga lihim mo—ang mga suliranin mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Hinahanap Ako ng lahat ng tao sa gitna ng pasakit, at bumabaling sila sa Akin sa gitna ng mga pagsubok; sa mga panahon ng kapayapaan ay tinatamasa nila Ako, kapag nasa panganib ay itinatatwa nila Ako, kapag abala sila ay kinakalimutan nila Ako, at sa kanilang mga libreng oras ay gumagawa sila ng ilang pabasta-bastang pagsisikap upang harapin Ako. Gayumpaman, wala pang sinuman ang nagmahal sa Akin sa buong buhay nila. Nais Ko sanang maging taimtim ang mga tao sa Aking harapan. Hindi Ko hinihiling na bigyan nila Ako ng anumang bagay, kundi na seryosohin lamang nila Akong lahat, na, sa halip na bolahin Ako, tulutan nila Akong matamo ang kanilang sinseridad bilang sukli. Laganap sa lahat ng tao ang Aking kaliwanagan, pagtanglaw, at dugo ng puso, subalit laganap din sa lahat ng tao ang tunay na katunayan ng bawat kilos ng tao, gayundin ang kanilang panlilinlang sa Akin. Para bang ang mga sangkap ng panlilinlang ng tao ay nasa kanya na mula pa sa sinapupunan, na parang may taglay siyang mga natatanging kasanayan sa panlalansi mula nang isilang siya. Bukod pa riyan, hindi niya kailanman naisiwalat ang lihim; walang sinumang nakakilatis sa pinagmumulan ng mga kasanayang ito sa panlalansi. Dahil dito, nabubuhay ang tao sa gitna ng panlilinlang nang hindi ito namamalayan, at parang pinatatawad niya ang kanyang sarili, parang ito ang mga pagsasaayos ng Diyos sa halip na kanyang sadyang panlilinlang sa Akin. Hindi ba’t ito mismo ang pinagmulan ng panlilinlang ng tao sa Akin? Hindi ba’t ito ang kanyang pakana? Hindi Ako nalito ng huwad na matatamis na salita ng tao kailanman, sapagkat matagal Ko nang napagtanto ang kanyang diwa. Sino ang nakakaalam kung gaano kadami ang karumihang nasa kanyang dugo, at kung gaano karami ang lason ni Satanas na nasa utak ng kanyang buto? Naiipon ito sa bawat araw na lumilipas, at nakakasanayan ito ng tao, hindi nadarama ang pagpapahirap ni Satanas kahit kaunti, at sa gayon ay wala siyang intensiyon na alamin ang “sining ng malusog na pag-iral.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 21

Napakaganda ng pananalig ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo para sa kapakanan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katunayan na miserable ang aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit mababang-mababa roon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga reputasyon nila. Nawasak na ang mga reputasyon ninyo, mababang-uri ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga pamumuhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay napakababa ang kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtawaran kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na hanggang sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy Ko na makasalanan kayo. Ang mga saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay sapat na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng disposisyon ninyo ay sapat na upang matukoy na kayo ay maruruming kaluluwa na puno ng mga karumal-dumal na bagay. Ang mga pagpapamalas ninyo at ang ibinubunyag ninyo ay sapat na upang sabihing kayo ay mga taong nagpakasawang uminom ng dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian ng langit, hindi ninyo ipinapakita ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayo na kung paano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok ng tarangkahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakakuha kayo ng permiso na makapasok sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna sinusubok ang sarili ninyong mga salita at gawa? Sino ang kayang manlansi sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Tinukoy Ko ang buhay ninyo bilang pamumuhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman ng maruruming espiritu na iyon sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, naging partikular na masama at mababa ang pag-uugali ninyo, kaya paanong hindi Ko kayo maituturing na kasuklam-suklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanunuyo, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya ng mga nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya ng mga nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Lubhang hindi matuwid ang lahat ng pagpapamalas ng tao, kaya paanong mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang matutuwid? Iniisip mo bang maitatalaga ka ng iyong kasuklam-suklam na pag-uugali bilang banal mula sa mga hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at nagsasagawa ng mga karumal-dumal na bagay, at ang mga kamay mong iyan na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din papuntang impiyerno ang kaluluwa mo kalaunan. Kung gayon, bakit hindi mo sinusunggaban ang pagkakataong ito para linisin ang mga kamay mong nababalot ng karumihan? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito para putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng mga hindi matuwid na salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Sinisiyasat Ko nang may dalawang mata ang puso ng di-mabilang na mga tao, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang puso ng mga tao sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang nakilatis ang kanilang puso, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli para matakasan nila ang pagsunog sa kanila ng Espiritu Ko?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!

Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas lihim na mapanira kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasingganda ng sa mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, pero hindi mas mabait ang puso mo kaysa sa kanila, at lalo nang hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay lamang na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas kaysa sa mga banal na tao; nakararamdam lang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawa ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang iwaksi ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang mahirap na sitwasyon upang makahiwalay sila mula sa mga hindi matuwid at makapamuhay at maging banal kasama ng mga matuwid. Kayo ay nasa sitwasyong kapareho ng sa Akin, pero kayo ay nababalot ng karumihan; ni wala man lang kayong katiting na orihinal na wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod pa rito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang wangis ng maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng parte ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang parte ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong nakakadurog ng puso! Namumuhay kayo sa ganitong mundo ng mga kabayo at baka, pero sa totoo lang ay hindi kayo nakararamdam ng pagkabagabag; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa mabahong tubig na iyon, pero hindi ninyo talaga napagtatantong nahulog na kayo sa ganoong suliranin. Bawat araw, nakikisama kayo sa maruruming espiritu at nakikisalamuha sa “dumi,” at talagang bulgar ang mga pamumuhay ninyo; hindi mo talaga namamalayan na talagang hindi ka nabubuhay sa mundo ng tao at na hindi ikaw ang may kontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang karakter mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa isang paraiso sa lupa, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na buong buhay kang namuhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na umiral ka kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kabuluhan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, pero wala ka talagang ideya na ang mga pumipinsala sa iyo ay iyong mga magulang na maruruming espiritu, na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod pa rito, wala kang malay na ang lahat ng karumihan mo ay sa katunayan ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lang ay na maaari ka nilang bigyan ng “kasiyahan,” hindi ka nila kinakastigo, ni hinahatulan, at lalong hindi ka nila isinusumpa. Hindi pa sila kailanman pumutok sa galit sa iyo, kundi tinatrato ka nila nang kaaya-aya at mabait. Ang mga salita nila ay tumutustos sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa maligaw ka at, nang hindi ito namamalayan, ikaw ay naengganyo at handa nang magserbisyo sa kanila, nagiging tagapagsalita at alipin nila. Wala kang anumang reklamo, kundi handa kang gumawa para sa kanila tulad ng mga aso, tulad ng mga kabayo; nailihis ka nila. Sa kadahilanang ito, ganap na wala kang mga reaksiyon sa gawaing ginagawa Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na makakuha ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Nakikita mo nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan sa lahat, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang ideya kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay ang dayain Ako—pero hindi mo alam na hindi Ko palalampasin ang anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon para paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa tao. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa altar, hindi Ko papayagan ang pagtakas mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko papayagan na maglingkod ka sa dalawang amo. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang minamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa altar Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na lokohin Ako sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-bastang gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakapanunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring lumipas ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa huli, kokondenahin Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayumpaman, naniniwala kayo na magagawa ninyong pabasta-bastang humarap sa Akin sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa marurumi at masasamang espiritu ang puso ninyo. Paano mapalalampas ng galit Ko ang panlilinlang ng mga taong iyon na gaya ng mga aso at mga baboy? Dapat Kong isagawa ang mga atas administratibo Ko, at bawiin mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “maka-Diyos” na mayroong pananalig sa Akin upang maaari silang “magsilbi” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking mga baka, maging Aking mga kabayo, at ganap na sumailalim sa Aking pagkakatay. Pagpupulutin kita ng iyong mga dating resolusyon at muling paglilingkurin sa Akin. Hindi Ko papayagan ang anumang nilikhang nandaraya sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang pakundangang gumawa ng mga kahingian at magsinungaling sa harap Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paanong mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko kailanman pahihintulutan ang mga tao na dayain Ako nang ganoon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!

Gunitain ninyo ang nakaraan: Kailan Ko kayo tiningnan nang galit, kailan naging mahigpit ang tinig Ko sa inyo? Kailan Ako nakipagtalo sa inyo tungkol sa maliliit na detalye? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang wala sa katuwiran? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang harap-harapan? Hindi ba ito para sa kapakanan ng Aking gawain kaya Ako ay tumatawag sa Aking Ama na ilayo kayo mula sa lahat ng tukso? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Kahit kailan ba ay ginamit Ko ang Aking awtoridad upang hampasin ang inyong laman? Bakit ninyo Ako sinusuklian nang ganito? Matapos magpabago-bago ang inyong saloobin sa Akin, hindi kayo mainit ni malamig, at pagkatapos ay tinatangka ninyong utuin Ako at pagtaguan Ako ng mga bagay-bagay, at ang inyong mga bibig ay puno ng dura ng mga walang katuwiran. Sa tingin ba ninyo ay madadaya ng inyong mga dila ang Aking Espiritu? Sa tingin ba ninyo ay matatakasan ng inyong mga dila ang Aking galit? Sa tingin ba ninyo ay makakapagbigay ng paghusga ang inyong mga dila sa mga gawa Ko, si Jehova, paano man ng mga ito naisin? Ako ba ang Diyos na hinuhusgahan ng tao? Mapapayagan Ko ba na ang isang maliit na uod ay lumapastangan sa Akin nang gayon? Paano Ko mailalagay ang ganoong mga anak ng paghihimagsik sa gitna ng Aking mga walang hanggang pagpapala? Ang inyong mga salita at gawa ay matagal nang naglantad at nagkondena sa inyo. Nang Aking iniunat ang mga kalangitan at nilikha ang lahat ng bagay, hindi Ko tinulutan ang kahit anong nilalang maliban sa Aking sarili na lumahok ayon sa kanilang kagustuhan, lalong hindi Ko tinutulutan ang kahit na anong bagay na makagambala sa Aking gawain at Aking pamamahala sa anumang paraan nito gusto. Wala Akong kinukunsinting tao o bagay; paano Ko palalagpasin yaong mga malupit at hindi-makatao tungo sa Akin? Paano Ko mapapatawad yaong mga ipinagkakanulo ang Aking mga salita? Paano Ko palalagpasin yaong mga naghihimagsik laban sa Akin? Ang kapalaran ba ng tao ay wala sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko maituturing na banal ang iyong kawalan ng katuwiran at paghihimagsik? Paano madudungisan ng iyong mga kasalanan ang Aking kabanalan? Ako ay hindi nababahiran ng karumihan ng mga hindi matuwid, ni hindi Ko tinatamasa ang mga alay ng mga hindi matuwid. Kung ikaw ay tapat sa Akin, si Jehova, makukuha mo ba para sa sarili mo ang mga alay sa Aking altar? Magagamit mo ba ang iyong makamandag na dila upang lapastanganin ang Aking banal na pangalan? Maipagkakanulo mo ba ang Aking mga salita sa ganitong paraan? Maituturing mo ba ang Aking kaluwalhatian at banal na pangalan bilang isang kasangkapan upang magserbisyo kay Satanas, ang masama? Ang Aking buhay ay inilalaan para sa pagtatamasa ng mga banal. Paanong hahayaan kitang ituring ang Aking buhay bilang isang laruan ayon sa iyong kagustuhan, at gamitin ito bilang isang kasangkapan sa alitan ninyo? Paano kayo nagiging napakawalang puso, at ganap na walang daan ng kabutihan, sa kung paano kayo nakikitungo sa Akin? Hindi ba ninyo alam na matagal Ko nang naitala ang inyong masasamang gawa sa mga salitang ito ng buhay? Paano ninyo matatakasan ang araw ng poot kapag kinastigo Ko ang Ehipto? Paano Ko kayo mahahayaang lumaban at maghimagsik laban sa Akin sa ganitong paraan, nang paulit-ulit? Sinasabi Ko sa inyo nang malinaw, pagdating ng araw, ang inyong pagkastigo ay magiging higit na di-matitiis kaysa roon sa Ehipto! Paano ninyo matatakasan ang Aking araw ng galit?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang sa Laman ang Makakatakas sa Araw ng Galit

Iyong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; iyong mga mukhang nananampalataya ngunit hindi talaga nananampalataya; iyong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; iyong mahahalay, at bagsak ang pagkatao; iyong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; iyong mga mahilig sa mga suhol; iyong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; iyong mga hambog at palalo, na nakikipagkompetensiya lamang para sa personal na kasikatan at pakinabang; iyong mga nagkakalat ng mga salitang walang paggalang; iyong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; iyong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; iyong mga naggugrupo-grupo at naghahangad na magsarili; iyong mga nagtataas ng kanilang sarili nang higit pa sa pagdadakila nila sa Diyos; iyong mga walang delikadesang kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; iyong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na kasikatan at pakinabang at naghahangad ng personal na katayuan sa gitna ng iba; iyong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, lapastangang mga salita, at walang-paggalang na mga salita ay lahat talamak sa inyo; ang katotohanan at ang mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang mga banal na salita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Hentil, na sobra sa karumihan at paghihimagsik! Ano ang magiging kinalabasan ninyo? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—maliligtas pa ba ang gayong mga tao? Iyong mga hindi minamahal ang daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas ng kanilang sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano kataas ang senyoridad mo o ilang taon ka nang gumagawa, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahangad. Kailangan mong malaman na iyong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subalit hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa pagpapagala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Mas higit na kaunti ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at nahuhumaling sa iyong mahahalay na pagnanais—hindi ba’t bulok ang ganitong klase ng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakalaki ng paghihimagsik na iyong taglay, wala ka nang pag-asang matubos! Hindi ba’t ang gayong mga tao ang ititiwalag? Hindi ba’t ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Nakapagpasakop na kayo sa gaano karami nito? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako ay gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo ay isang grupo ng mga soro at mga aso, walang ginagawa kundi kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin iyong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagpapasakop o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga lalaking seksuwal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Lubos Kong kinamumuhian kayong malalaswang demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging makiri ang magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Kasuklam-suklam kayong malalaswang demonyo at masasamang espiritu! Karima-rimarim kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang inyong puso ay hindi naaakit sa katotohanang ito, sa daang ito, at sa buhay na ito. Sa halip, naaakit ito sa pagkakasala, at sa pera, katayuan, kasikatan, pakinabang, mga kasiyahan ng laman, at sa kaguwapuhan ng mga lalaki at sa pagiging mapang-akit ng mga babae. Paano kayo ginagawang kalipikado niyon na pumasok sa Aking kaharian? Ang inyong mga imahe ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, huwag nang banggitin pa ang inyong prestihiyo sa gitna ng mga tao—sa katunayan, naging mga idolo kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba’t naging arkanghel ang bawat isa sa inyo? Kapag naihayag na ang mga kinalabasan ng mga tao, na kung kailan din malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang itiwalag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)

Bago danasin ng tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanya mula sa loob-loob niya. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka lubhang naiimpluwensiyahan ng iyong mga damdamin? Bakit gusto mo ang mga di-matuwid na bagay na iyon at ang masasamang bagay na iyon? Ano ang batayan ng pagkagusto mo sa ganoong mga bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit mo gusto at tinatanggap ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat: Ang pangunahing dahilan ay nasa kalooban ng tao ang mga lason ni Satanas. Kaya, ano ang mga lason ni Satanas? Paano maipapahayag ang mga ito? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang tao?” sasagot ang lahat ng tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang parirala lang na ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng tao. Anuman ang hinahangad ng tao, ang totoo ay ginagawa niya ito para sa sarili niya—at kaya, namumuhay ang tao para sa kanyang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito ang ganap na naging pundasyon para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namumuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga pakay. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala mula sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao hanggang sa ganitong antas. May satanikong kalikasan silang lahat, lahat sila ay may tendensiyang itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang hawakan ang sarili nilang mga kapalaran at subukang labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho na ng kay Satanas. Samakatwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang lumala ang kanilang kalikasan, at unti-unting nawala ang katwirang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos ngayon bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding ambisyon; nalampasan na nila ang posisyon ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas pa. Ano ang tinutukoy ng “mas mataas” na ito? Nais nilang lampasan ang Diyos, lampasan ang kalangitan, at lampasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagbubunyag ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Sa pinakakaibuturan, ito ay dahil masyadong mayabang ang disposisyon ng tao. Nauunawaan ng karamihan ng tao ang kahulugan ng salitang “kayabangan.” Isa itong termino na may negatibong kahulugan. Kung ang isang tao ay nagbubunyag ng kayabangan, iniisip ng iba na hindi siya isang mabuting tao. Kapag may isang taong masyadong mayabang, inaakala palagi ng iba na isa siyang masamang tao. Walang sinumang gustong mabansagan ng ganito. Gayunman, ang totoo, lahat ay mayabang, at lahat ng tiwaling tao ay may ganitong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mayabang kahit kaunti. Hindi ko ginusto kailanman na maging arkanghel, ni hindi ko ginusto kailanman na higitan ang Diyos, o higitan ang lahat ng iba pa. Noon pa man ay isa na akong taong partikular na mabait at alam ang posisyon ko.” Hindi ganoon palagi; hindi tama ang mga salitang ito. Ang mga tao ay may mayabang na kalikasan at diwa, kaya nagagawa nilang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagkakanulo sa Kanya, at gumawa ng mga bagay na nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na ipinagkatiwala sa iyo ang isang iglesia para pamunuan mo, at hindi kita pinungusan, at walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo. Matapos mo itong pamunuan sa loob ng ilang panahon, dadalhin mo ang mga tao sa iyong paanan, at pasusunurin mo ang lahat sa iyo, maging hanggang sa puntong mataas ang magiging tingin nila sa iyo at titingalain ka nila. Paanong nangyari ito? Itinatakda ito ng iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na pagbubunyag. Hindi mo kailangang sadyang matutunan ito mula sa iba, ni hindi kailangang sadyang ituro ito sa iyo ng iba, o utusan o pilitin kang gawin ito—likas na nangyayari ang ganitong klase ng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay naglalayong itaas ka ng mga tao, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Kapag inilalagay ka sa isang posisyon ng pamumuno, likas mong ibinubunga ang sitwasyong ito, at hindi mo ito mababago kahit pa gusto mo. At paano nabuo ang sitwasyong ito? Itinatakda ito ng mayabang na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Ang mga tao ay mayabang, palalo, at mapagmagaling, kaya may kakayahan silang magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan. May kakayahan din silang hilahin ang mga tao sa kanilang kontrol at isailalim ang mga ito sa kanilang impluwensiya. Ang katunayan na ang mga tao ay napakayabang na may kakayahan silang magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian ay nagpapatunay na ang kanilang kalikasang diwa ay Satanas, na ito ay ang arkanghel. Kung ang mga tao ay mayabang at palalo hanggang sa isang partikular na antas, hindi magkakaroon ng Diyos sa puso nila, isasantabi nila ang Diyos, at nanaisin nilang maging Diyos, at pasusunurin ang lahat sa kanila. Kung gayon, magiging mga arkanghel na sila. Kung taglay mo ang mayabang na kalikasan ni Satanas, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos, at ititiwalag ka Niya bilang isang masamang tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos

Anong uri ng kalagayan ang nasa loob ng mga tao kapag mayroon silang matigas ang kalooban na disposisyon? Pangunahing matigas ang kanilang ulo at inaakala nilang mas matuwid sila kaysa sa iba. Palagi silang naninindigan sa sarili nilang mga ideya, palagi nilang iniisip na tama ang sinasabi nila, palagi silang naninindigan sa sarili nilang mga opinyon, at palagi nilang iniisip na tama sila. Ito ang saloobin ng pagkamatigas ng kalooban. Nakatuon lang sila sa isang hakbangin, at hindi makikinig sa sinuman—kahit sampung mailap na kabayo ay hindi sila maililihis ng landas—tama man ito o mali, ipinipilit nilang ituloy ito. Mayroong bakas ng kawalan ng pagsisisi rito. Gaya nga ng kasabihan, “Hindi takot sa kumukulong tubig ang mga patay na baboy.” Alam na alam ng mga tao kung ano ang tamang gawin, pero hindi nila ito ginagawa, matatag nilang tinatanggihang tanggapin ang katotohanan. Isa itong uri ng disposisyon: ang katigasan ng kalooban. Sa ano-anong uri ng sitwasyon kayo nagbubunyag ng matigas ang kalooban na disposisyon? Madalas ba kayong matigas ang kalooban? (Oo.) Napakadalas! At dahil disposisyon mo ang katigasan ng kalooban, kasama mo ito sa bawat segundo ng bawat araw ng iyong pamumuhay. Pinipigilan ng katigasan ng kalooban ang mga tao na magawang lumapit sa harapan ng Diyos, pinipigilan sila nito na magawang tanggapin ang katotohanan, at pinipigilan sila nito na makapasok sa katotohanang realidad. At kung hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, magkakaroon ba ng pagbabago sa aspektong ito ng iyong disposisyon? Sobrang mahirap ito. Mayroon na ba ngayong anumang pagbabago sa aspektong ito ng inyong matigas ang kalooban na disposisyon? At gaano kalaking pagbabago na ang nangyari? Sabihin, halimbawa, na dati ay matigas ang kalooban mo hanggang sa punto na kahit ang sampung mailap na kabayo ay hindi ka mailihis, pero may kaunti nang pagbabago sa iyo ngayon: Kapag nahaharap ka sa isang isyu, may kaunti kang pagkaramdam ng konsensiya sa iyong puso, at sinasabi mo sa iyong sarili, “Kailangan kong isagawa ang kaunting katotohanan sa bagay na ito. Inilantad na ng Diyos ang matigas ang kalooban na disposisyong ito—narinig ko na ang Kanyang mga salita at ngayon ay may kaalaman na ako tungkol dito, kaya kailangan ko nang magbago. Nang ilang beses akong maharap sa ganitong mga uri ng mga bagay noon, pinagbigyan ko ang aking laman at nabigo ako, at hindi ako kontento rito. Sa pagkakataong ito, kailangan kong isagawa ang katotohanan.” Kapag may ganitong determinasyon, kaya mong isagawa ang katotohanan, at ito ay pagbabago. Kapag dumanas ka na sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, at kaya mong isagawa ang mas marami pang katotohanan, at nagdudulot ito ng mas malalaking pagbabago, at nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag ng iyong mapaghimagsik at matigas ang kalooban na mga disposisyon, hindi ba’t nagkaroon na ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon? Kung nakikitang mas nababawasan ang iyong mapaghimagsik na disposisyon, at nagiging mas mapagpasakop ka na sa Diyos, nagkaroon na ng totoong pagbabago.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Ang pagiging tutol sa katotohanan ay pangunahing tumutukoy sa kawalan ng interes at pagkasuklam sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ang pagiging tutol sa katotohanan ay kapag kaya ng mga taong maunawaan ang katotohanan at malaman kung ano ang mga positibong bagay, pero tinatrato pa rin nila ang katotohanan at ang mga positibong bagay nang may saloobin at kalagayan na lumalaban, pabasta-basta, nasusuklam, umiiwas, at walang pakialam. Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Umiiral ba ang ganitong uri ng disposisyon sa lahat ng tao? Sinasabi ng ilang tao, “Bagama’t alam kong ang salita ng Diyos ang katotohanan, hindi ko pa rin ito gusto. Hindi ko nararamdamang interesado ako sa katotohanan. Ang hilingin sa akin na tanggapin ang katotohanan ay talagang maglalagay sa akin sa mahirap na posisyon.” Anong disposisyon ito? Ito ay isang disposisyon na tutol sa katotohanan. Mayroong satanikong disposisyon sa loob nila na hindi nagtutulot sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Ano-anong partikular na pagpapamalas ang nasa hindi pagtanggap sa katotohanan? Sinasabi ng ilan, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko lang talaga maisagawa ang mga ito.” Ibinubunyag sila nito bilang mga taong tutol sa katotohanan. Hindi nila minamahal ang katotohanan, kaya hindi nila maisagawa ang anumang mga katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos kung kaya’t nagawa kong kumita ng napakaraming pera. Ito ay pagpapala Niya. Naging napakabuti sa akin ng Diyos, binigyan ako ng Diyos ng malaking kayamanan. Nakapagbibihis at nakakakain nang sapat ang aking buong pamilya, at hindi kami kinakapos sa mga damit o pagkain.” Nang makitang pinagpala sila ng Diyos, pinasasalamatan ng mga taong ito ang Diyos sa puso nila, alam nila na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito, at na kung hindi sila pinagpala ng Diyos—kung umasa sila sa sarili nilang kasanayan—hinding-hindi nila kikitain ang lahat ng perang ito. Ito ang talagang iniisip nila sa puso nila, ang talagang nalalaman nila, at talagang nagpapasalamat sila sa Diyos. Pero darating ang araw na babagsak ang negosyo nila, mahihirapan sila, at daranasin nila ang kahirapan. Bakit ganito? Dahil nagpapasasa sila sa kaginhawahan, hindi nila iniisip kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin, at iginugugol nila ang lahat ng kanilang oras sa pag-iisip tungkol sa paghahabol ng mga kayamanan, pagiging alipin ng pera, na nakaaapekto sa paggampan nila ng kanilang tungkulin, kung kaya’t inaalis ito sa kanila ng Diyos. Sa puso nila, alam nilang labis silang pinagpala ng Diyos, at marami nang ibinigay sa kanila ang Diyos, pero wala silang pagnanais na suklian ang pagmamahal ng Diyos, ayaw nilang lumabas at gumawa ng kanilang tungkulin, at takot sila at palaging nangangamba na maaresto, at natatakot silang mawala ang lahat ng kayamanan at kasiyahang ito, at bilang resulta, inaalis sa kanila ng Diyos ang mga ito. Kasinglinaw ng salamin ang kanilang puso, alam nilang kinuha sa kanila ng Diyos ang mga bagay na ito, at na dinidisiplina sila ng Diyos, kaya nagdarasal sila sa Diyos at sinasabing, “O, Diyos! Pinagpala Mo ako nang minsan, kaya magagawa Mo akong pagpalain nang ikalawang beses. Umiiral Ka mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan, at kaya ang Iyong mga pagpapala ay nasa sangkatauhan din. Nagpapasalamat ako sa Iyo! Anuman ang mangyari, hindi magbabago ang Iyong mga pagpapala at ang Iyong pangako. Kung may kukunin Ka sa akin, magpapasakop pa rin ako.” Pero ang salitang “magpasakop” ay walang paninindigan kapag sinasabi nila ito. Sinasabi nila na kaya nilang magpasakop, pero pagkatapos, nagninilay sila, at patuloy na nakakaramdam ng hindi kanais-nais sa puso nila: “Ang sarap ng buhay noon. Bakit kinuha ng Diyos ang lahat ng iyon? Hindi ba’t pareho lang naman ang paglalagi sa bahay habang ginagawa ang aking tungkulin at ang paglabas para gawin ang aking tungkulin? Ano ang inaantala ko?” Palagi nilang binabalik-balikan ang nakaraan. Mayroon silang reklamo at pagkadismaya sa Diyos, at palagi silang lugmok sa depresyon. Nasa puso pa ba nila ang Diyos? Ang nasa puso nila ay pera, kaginhawahan at paglilibang, at ang masasayang panahong iyon. Walang anumang puwang ang Diyos sa puso nila, hindi na Siya ang Diyos nila. Bagama’t alam nilang isang katotohanan na “Ang Diyos ang nagbibigay, at ang Diyos ang nag-aalis,” gusto nila ang mga salitang “Ang Diyos ang nagbibigay,” at tutol sila sa mga salitang “ang Diyos ang nag-aalis.” Malinaw na may pinipili ang pagtanggap nila sa katotohanan. Kapag pinagpapala sila ng Diyos, tinatanggap nila ito bilang ang katotohanan—pero sa sandaling may kunin sa kanila ang Diyos, hindi nila ito matanggap. Hindi nila matanggap ang gayong kataas-taasang kapangyarihan mula sa Diyos, at sa halip ay kumokontra sila sa Diyos at sumasama ang loob nila. Kapag hinihingi sa kanila na gawin nila ang tungkulin nila, sinasabi nila, “Gagawin ko iyan kung pagpapalain at bibiyayaan ako ng Diyos. Kung walang mga pagpapala ng Diyos at kung nasa ganitong lagay ng kahirapan ang pamilya ko, paano ko magagawa ang aking tungkulin? Ayaw ko nga!” Anong disposisyon ito? Bagama’t sa puso nila, personal nilang nararanasan ang mga pagpapala ng Diyos, at kung paanong napakarami na Niyang ibinigay sa kanila, hindi nila matanggap kapag may kinukuha ang Diyos sa kanila. Bakit ganito? Dahil hindi nila kayang bitiwan ang kayamanan at ang maginhawa nilang buhay. Bagama’t maaaring hindi sila nag-ingay tungkol doon, maaaring hindi nila inilabas ang kanilang kamay sa panghihingi sa Diyos, at maaaring hindi nila sinubukang bawiin ang dati nilang mga pag-aari sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap, pinanghinaan na sila ng loob sa mga ikinilos ng Diyos, ganap nilang hindi kayang tumanggap, at sinasabi nila, “Talagang walang konsiderasyon ang Diyos sa pagkilos Niya nang ganito. Hindi ito maarok. Paano ako makapagpapatuloy na manampalataya sa Diyos? Ayaw ko nang kilalanin na Siya ang Diyos. Kung hindi ko Siya kikilalanin na Diyos, hindi Siya ang Diyos.” Isang uri ba ito ng disposisyon? (Oo.) May ganitong uri ng disposisyon si Satanas, ganito itinatanggi ni Satanas ang Diyos. Ang ganitong uri ng disposisyon ay pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi sa katotohanan. Kapag umabot na sa ganito ang pagtutol ng mga tao sa katotohanan, saan sila nito dadalhin? Dahil dito ay kinokontra nila ang Diyos, ginagawa ito nang may katigasan ng ulo hanggang sa pinakahuli—na nangangahulugang tapos na ang lahat para sa kanila.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili

May malupit na disposisyon ang mga tao, kaya palagi nilang gustong kontrolin ang iba. Ano ang ibig sabihin ng kontrolin ang mga tao? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na banggitin ang ilang salita? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na mag-isip sa isang partikular na paraan? Tiyak na hindi—ito ay hindi problema ng isang salita o isang kaisipan, kundi na ang disposisyon nilang ito ay malupit. Batay sa salitang “malupit,” ano ang mga bagay na maaaring gawin ng isang tao kapag nagbubunyag siya ng ganitong disposisyon? Una sa lahat, nanaisin niyang manipulahin ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng manipulahin? Ang ibig sabihin nito ay na sa kahit anong usapin sa iglesia, nanaisin niyang manghimasok, makialam, at magsaayos. Magtatakda siya ng isang panuntunan para sa iyo, at pagkatapos ay dapat mo itong sundin. Kung hindi, magagalit siya. Nais niyang manipulahin ka: Kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa silangan, kailangan mong magtungo sa silangan, at kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa kanluran, kailangan mong magtungo sa kanluran. Taglay niya ang pagnanais na ito, at pagkatapos ay kumikilos siya sa ganitong paraan—ang tawag dito ay pagmamanipula. Nais ng mga taong ito na pamahalaan ang tadhana ng isang tao, na pamahalaan ang isipan, mga kagustuhan, pag-uugali, at buhay ng isang tao, nang sa gayon ang isipan, mga ideya, mga kagustuhan, mga pagnanais, pag-uugali, at mga kilos ng taong ito ay umayon sa kung ano ang sinasabi nila at sa kung ano ang gusto nila, sa halip na umayon sa sinasabi ng Diyos—ang tawag dito ay pagmamanipula. Palagi nilang gusto na isaayos para sa mga tao na gawin ang ganito o ang ganyan alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi sila kumikilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, kundi batay sa mga sarili nilang intensiyon at kagustuhan. Wala silang pakialam kung ano ang nararamdaman mo, sapilitan ka nilang inuutusan, at kailangan mong gawin kung anuman ang sabihin nila sa iyo; kung hindi ka kikilos ayon sa sarili nilang kalooban, pangangasiwaan ka nila at ipararamdam nila sa iyo na wala ka talagang pagpipilian at walang anumang magagawa pa. Alam mo sa puso mo na ikaw ay niloloko at kinokontrol, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ito kikilatisin, lalong hindi ang maglakas-loob na lumaban. Hindi ba’t ang kanilang mga kilos ay pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ito ay pag-uugali ni Satanas. Niloloko ni Satanas ang mga tao sa ganitong paraan at kinokontrol ang mga tao sa ganitong paraan, kaya naipamamalas sa mga tao ang isang satanikong disposisyon bilang palaging pagtatangkang kontrolin at manipulahin ang iba. Matupad man nila o hindi ang intensiyong ito ng pagkokontrol at pagmamanipula ng iba, ang lahat ng tao ay may ganitong uri ng disposisyon. Ano ang disposisyong ito? (Pagiging malupit.) Ito ay pagiging malupit. Bakit ito tinatawag na pagiging malupit? Ano ang mga malinaw na pagbubunyag ng disposisyong ito? Ito ba ay may kalakip na diwa ng pamimilit? (Oo.) Ito ay may kalakip na diwa ng pamimilit, na nangangahulugan na kung ikaw man ay makinig o hindi, kung anuman ang nararamdaman mo, kung nasisiyahan ka man dito o nauunawaan mo ito, sapilitan nilang hihingin na makinig ka sa kanila at gawin mo ang sinasabi nila, nang wala nang anumang usapan pa, nang hindi ka binibigyan ng pagkakataong magsalita, at nang hindi ka binibigyan ng anumang kalayaan—hindi ba’t mayroon itong ganitong suson ng kahulugan? (Oo.) Tinatawag itong “kabagsikan,” na isang aspekto ng kalupitan.[a] Ang isa pang aspekto ng pagiging malupit ay “kasamaan,”[b] ano ba ang tinutukoy ng “kasamaan”? Tumutukoy ito sa mga tao na gumagamit ng mga pamamaraan ng sapilitang pag-iindoktrina at paniniil upang matamo ang resulta na makontrol ka at mapilit kang sumunod sa kanilang pagmamanipula, at sa ganitong paraan ay mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang tawag dito ay “kasamaan.” Sa mga kilos nito, nais ni Satanas na pigilan kang magkaroon ng malayang kalooban, na matutong magmuni-muni at kumilatis, at na makaunawa sa katotohanan upang ang iyong buhay ay unti-unting gumulang. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, at nais nitong kontrolin ka. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos, at hindi ka nito dinadala sa harap ng Diyos, sa halip ay dinadala ka nito sa harap nito at pinipilit kang makinig dito, na animo’y ito ang katotohanan, at anumang sabihin nito ay tama, at animo’y ito ang sentro ng lahat ng bagay, kaya kailangan mong makinig dito; huwag mong subukang suriin kung tama ba o mali ang mga salita nito. Ang disposisyon ng pagmamanipula at pagkontrol sa pag-uugali at pag-iisip ng mga tao sa isang paraang sapilitan, at na mayroong marahas na katangian, ay tinatawag na pagiging malupit.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito

Mga Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na isang aspekto ng kalupitan.”

b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Ang isa pang aspekto ng pagiging malupit ay ‘kasamaan.’”


Pinakamahirap matukoy ang kabuktutan, sapagkat ito ay naging kalikasan na ng mga tao at nagsimula na silang sumamba rito, at kahit gaano silang maging buktot, hindi nila iisiping buktot sila. Kaya, mas mahirap matukoy ang buktot na disposisyon kaysa sa matigas na kalooban na disposisyon. May ilang taong nagsasabi, “Paanong hindi ito madaling matukoy? Ang lahat ng tao ay may mga buktot na pagnanasa. Hindi ba’t iyon ay kabuktutan?” Mababaw iyon. Ano ang tunay na kabuktutan? Anong mga kalagayan ang buktot kapag namamalas ang mga iyon? Buktot na disposisyon ba kapag gumagamit ang mga tao ng tila mahahalagang pahayag para itago ang mga buktot at kahiya-hiyang intensiyon na nasa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos ay paniwalain ang iba na napakabuti, malinaw, at lehitimo ang mga pahayag na ito, at sa huli ay makamtan ang kanilang mga lihim na motibo? Bakit ito tinatawag na pagiging buktot at hindi pagiging mapanlinlang? Pagdating sa disposisyon at diwa, hindi ganoon kasama ang pagkamapanlinlang. Ang pagiging buktot ay mas mabigat kaysa sa pagiging mapanlinlang, ito ay isang pagpapamalas na mas lihim na mapanira at ubod ng sama kaysa pagiging mapanlinlang, at mahirap para sa karaniwang tao na makilatis ito. Halimbawa, anong klaseng mga salita ang ginamit ng ahas para akitin si Eba? Nakakalinlang na mga salita, na tama sa pandinig at tila sinambit para sa kabutihan mo. Wala kang malay na may anumang mali sa mga salitang ito o anumang masamang intensiyon sa likod ng mga ito, at kasabay nito, hindi mo mabitiwan ang mga mungkahing ito ni Satanas. Ibig sabihin nito ay natukso ka. Kapag natutukso ka at nakikinig sa ganitong klaseng mga salita, hindi mo mapipigilang maakit at malamang na mahulog ka sa bitag, at sa gayon ay nakakamit ni Satanas ang motibo nito. Ang tawag dito ay kabuktutan. Ginamit ng ahas ang pamamaraang ito para akitin si Eba. Ito ba ay isang uri ng disposisyon? (Oo.) Saan nanggagaling ang ganitong uri ng disposisyon? Nanggagaling ito sa ahas, kay Satanas. Ang buktot na disposisyong ito ay umiiral sa kalikasan ng tao. Hindi ba’t iba ang kabuktutang ito sa mga buktot na pagnanasa ng mga tao? Paano nagsisimula ang mga buktot na pagnanasa? Ito ay may kaugnayan sa laman. Ang tunay na kabuktutan ay isang uri ng disposisyong malalim na nakatago, na talagang hindi makilatis ng mga taong walang karanasan o pag-unawa sa katotohanan. Dahil dito, ito ang pinakamahirap matukoy sa mga disposisyon ng tao. Sa aling uri ng tao pinakamalubha ang buktot na disposisyon? Sa mga taong mahilig magsamantala sa iba. Napakagaling nilang magmanipula na hindi man lang nalalaman ng mga namanipula nila kung ano ang nangyari pagkatapos. Ang ganitong uri ng tao ay may buktot na disposisyon. Batay sa panlilinlang, gumagamit ang mga buktot na tao ng ibang paraan upang pagtakpan ang panlilinlang nila, ikubli ang mga kasalanan nila, at itago ang mga lihim nilang intensiyon, layon, at makasariling pagnanais. Ito ay kabuktutan. Higit pa rito, iba’t ibang paraan ang gagamitin nila upang mang-udyok, manukso, at mang-akit, pasusunurin ka sa mga nais nila at ipapatugon sa iyo ang mga makasariling hangarin nila upang makamit ang mga layon nila. Lahat ito ay buktot. Ito ay tunay na disposisyon ni Satanas. Nagpakita na ba kayo ng anuman sa mga pagpapamalas na ito? Sa mga aspekto ng buktot na disposisyon, alin ang mas ipinamalas ninyo: tukso, pang-uudyok, o paggamit ng mga kasinungalingan upang pagtakpan ang iba pang kasinungalingan? (Pakiramdam ko ay ipinapakita ko ang kaunti sa lahat ng ito.) Tingin mo ay ipinapakita mo ang kaunti sa lahat ng ito. Ibig sabihin, sa antas ng emosyon, nararamdaman mong pareho mo nang ipinakita at hindi pa ipinakita ang mga kilos na ito. Wala kang mahanap na anumang ebidensiya. Kung gayon, sa pang-araw-araw mong buhay, napagtatanto mo ba kung nagpapakita ka ng buktot na disposisyon kapag may kinakaharap kang bagay? Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay umiiral sa loob ng disposisyon ng lahat ng tao. Halimbawa, may isang bagay na hindi mo nauunawaan, pero ayaw mong malaman ng iba na hindi mo ito nauunawaan, kaya’t kung anu-ano ang ginagawa mo upang ilihis sila na isipin nilang nauunawaan mo ito. Ito ay pandaraya. Ang ganitong uri ng pandaraya ay pagpapamalas ng kabuktutan. Nariyan din ang tukso at pang-aakit, lahat ito ay pagpapamalas ng kabuktutan. Madalas ba ninyong tuksuhin ang iba? Kung lehitimo kang nagsisikap na maunawaan ang isang tao, na nais mong makipagbahaginan sa kanya, at kailangan ito para sa iyong trabaho at ito ay wastong pakikisalamuha, hindi ito maituturing na tukso. Ngunit kung may personal kang intensiyon at motibo, at hindi mo talaga nais maunawaan ang disposisyon, mga paghahangad, at pagkatanto ng taong ito, at sa halip ay nais mong hugutin ang kanyang mga iniisip sa kanyang kaibuturan at kung ano ang talagang nasa isip niya, ito ay tinatawag na pagtukso at pang-aakit. Kung ginagawa mo ito, may buktot kang disposisyon; hindi ba’t ito ay isang bagay na nakatago? Madali bang baguhin ang ganitong disposisyon? Kung makikilatis mo ang mga pagpapamalas ng bawat aspekto ng disposisyon mo, kung anong mga kalagayan ang kadalasang sinasanhi ng bawat aspekto, at maitutugma mo ang mga ito sa sarili mo, na nararamdaman mo kung gaano kanakakatakot at kapanganib ang ganoong uri ng disposisyon, makadarama ka ng pasanin na magbago sa aspektong ito, at magagawa mong mauhaw sa mga salita ng Diyos, matanggap ang katotohanan, maghimagsik laban sa laman, at maisagawa ang katotohanan. Sa gayon ay makakapagkamit ka ng pagbabago sa disposisyon at makakapagtamo ng kaligtasan. Ngunit kung, matapos itugma ang mga ito sa sarili mo, wala kang nararamdamang pagkakautang o pag-aakusa sa sarili—lalong walang anumang pagsisisi—wala kang pagnanais na mauhaw sa katotohanan, at hindi mo tinatanggap ni isinasagawa ang katotohanan, magiging mahirap na magbago ang iyong tiwaling disposisyon. Gaano man karami ang nauunawaan mo, magiging mga doktrina lamang ito at walang silbi. Anumang aspekto ito ng katotohanan, kung ang pag-unawa mo ay natitigil sa antas ng doktrina at hindi mo ito isinasagawa at hindi ka pumapasok dito, kung gayon, ang mga doktrinang nauunawaan mo ay mawawalan talaga ng silbi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagkakilala sa Sarili ay Mahalaga sa Paghahangad ng Katotohanan

Bilang mga tao, naaalala man ninyo na may nagawa kayo na nagkakanulo sa ibang tao, o kung naipagkanulo ninyo ang iba nang maraming beses noon, yamang isinilang sa mundong ito, lahat kayo ay nakagawa na ng isang bagay na paglabag sa katotohanan. Dahil ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iba, at higit pa rito, ikaw ay lalo pang may kakayahang magkanulo sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinasusuklaman Ko. Sa ibang salita, ang pagkakanulo ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit higit pa roon, isang bagay na sumasalungat sa katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng tao. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagkakanulo ay katutubong kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang likas na kaaway ng pagkakamit ng bawat tao na maging kaayon Ko.

Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagkakanulo. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagkakanulo. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagkakanulo. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagkakanulo. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo. Ang lahat ng ito ay mga gawa ng pagkakanulo na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagkakanulo sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Kahit ngayon, habang Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang isang araw na walang sinuman ang magbabantay sa inyo, hindi ba kayo magiging kagaya ng mga bandido na nagdeklarang hari sila ng kanilang mga munting teritoryo? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking kalamidad, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Kung iniisip ninyo na ang ilang kilos ng pagkakanulo ay mga paminsan-minsang pagkilos lang sa halip na inyong namimihasang pag-uugali, na hindi dapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, na nagiging dahilan upang masaktan ang inyong pride, at kung ito ang tunay ninyong pinaniniwalaan, kung gayon ay lubos kayong walang katinuan. Kapag mas nag-iisip nang ganito ang isang tao, lalo siyang nagiging isang tipikal na halimbawa at huwaran ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagkakanulo. Kung kaya mong gumawa ng mga bagay na pagkakanulo sa sinuman sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. …

Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanyang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanyang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanyang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang balikong paraan, ikaw ay may isang balikong kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay mapanlinlang, kumikilos ka sa tusong paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi at maloko mo. Kung ang iyong kalikasan ay mapaminsala, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga mapaminsalang panlalansi. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, kung gayon, sa lahat ng bagay na iyong sinasabi, susubukan mong ipawalang-sala ang iyong sarili sa pagiging pabasta-basta at tamad, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at pabasta-basta, at napakahusay sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay magiging kaayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay ang maging tapat sa lahat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at hindi mamamalayang gagawa ka ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagkakanulo, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag magtaglay ng isang mentalidad kung saan sinusubok mo ang iyong suwerte, ipinagpapalagay na dahil hindi mo ginawan ng mali ang iba, wala kang kalikasan ng pagkakanulo. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Sa tuwing nagsasalita Ako, nakatuon sa lahat ng tao ang mga salita Ko, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Ang katunayan na hindi mo pa Ako ipinagkanulo sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako ipagkakanulo sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ilang tao ng kanilang pananalig sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ilang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Tinatalikuran Ako ng ilang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ilang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mamuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ilang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ilang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay labag sa loob na naglalaan lang nang kaunti sa Akin sapagkat kumakapit sila sa buhay at natatakot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang gayong mga pagkilos, na mga imoral, at higit pa rito, walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na nagpapakita na matagal na Akong ipinagkanulo ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang ipagkanulo Ako, pero ang pagkakanulo nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na ipagkanulo Ako, lalong walang sinuman ang masaya dahil nakagawa sila ng isang akto ng pagkakanulo laban sa Akin. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano makababawi sa mga pagkakanulong ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)

Na ang mga tao ay malimit na nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ay nagpapatunay na ang kanilang buhay ay pinangingibabawan ng tiwaling mga disposisyon ni Satanas, at na ang kanilang diwa ay ang diwa ni Satanas. Dapat na kilalanin at tanggapin ng mga tao ang katunayang ito. Mayroong pagkakaiba sa pagitan ng kalikasang diwa ng tao at diwa ng Diyos. Ano ang dapat nilang gawin matapos kilalanin ang katunayang ito? Kapag nagbubunyag ang mga tao ng tiwaling disposisyon, kapag nagpapasasa sila sa mga kalayawan ng laman at napapalayo sa Diyos, o kapag ang gawain ng Diyos ay hindi tugma sa sarili nilang mga ideya, at umuusbong ang mga reklamo sa loob nila, dapat nilang maagap na mapagtanto na isa itong pagpapamalas ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos, at na hindi ito katugma ng katotohanan at kinasusuklaman ito ng Diyos. Kapag napagtatanto ng mga tao ang mga bagay na ito, hindi sila dapat magreklamo, o maging negatibo at magpakatamad, at lalong hindi dapat sumama ang kanilang loob. Sa halip, dapat ay magawa nilang makilala ang kanilang sarili nang mas malalim; bukod pa rito, dapat ay magawa nilang aktibong lumapit sa harap ng Diyos at tanggapin ang pagsaway at pagdidisiplina ng Diyos, at maagap na baguhin ang kanilang kalagayan, nang sa gayon ay makapagsagawa sila ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at makakilos ayon sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos, at gayundin ang kalagayan sa loob mo. Palinaw nang palinaw mo ring makikita ang sarili mong mga tiwaling disposisyon at ang diwa at katunayan ng sarili mong katiwalian, at makikilala mo na ikaw ay isang pagsasakatawan ng diyablong si Satanas—ito ang ibig sabihin ng tunay na pagkilala sa iyong sarili. Anumang tiwaling disposisyon ang ibunyag mo, hindi mo na sasabihin ang gayong mga hangal at isip-batang salita tulad ng “si Satanas ang nanggugulo sa akin,” o “si Satanas ang nagbibigay sa akin ng mga ideya.” Sa halip, magkakaroon ka ng tumpak na kaalaman sa mga tiwaling disposisyon, sa diwa ng tao na lumalaban sa Diyos, at sa diwa ni Satanas, magkakaroon ka ng tumpak na paraan ng pagtrato sa mga bagay na ito, at hindi mo na mararamdamang nalilimitahan ka ng mga satanikong disposisyon. Hindi ka rin magiging mahina o mawawalan ng pananalig sa Diyos at sa pagtamo ng kaligtasan dahil nagbubunyag ka ng ilan sa iyong mga tiwaling disposisyon, o dahil dati ay sumalangsang ka o ginampanan mo ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, o dahil madalas kang namumuhay sa isang pasibo at negatibong kalagayan. Hindi ka mamumuhay sa gayong mga kalagayan, kundi magagawa mong harapin nang tama ang sarili mong mga tiwaling disposisyon at mamuhay ng isang normal na espirituwal na buhay. Kapag nagbubunyag ka ng mga tiwaling disposisyon, kaya mong pagnilayan ang iyong sarili, lumapit sa harap ng Diyos para manalangin at hanapin ang katotohanan, at kilatisin at himayin ang diwa ng iyong mga tiwaling disposisyon, nang sa gayon ay hindi ka na malilimitahan o makokontrol ng mga ito, kundi maisasagawa mo ang katotohanan. Sa gayon, tatahak ka na sa landas ng kaligtasan. Sa ganitong uri ng pagsasagawa at karanasan, magagawa mong iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon at makawala ka mula sa impluwensiya ni Satanas. Sa ganitong paraan, hindi ba’t makakapamuhay ka na sa harap ng Diyos at magkakamit ng kalayaan at paglaya? Ito ang landas ng pagsasagawa at pagkakamit ng katotohanan, pati na ang landas ng pagtamo ng kaligtasan. Malalim na nakaugat sa mga tao ang mga tiwaling disposisyon; kinokontrol ng diwa ni Satanas at ng kalikasan nito ang mga isip, kaisipan, at pag-uugali ng mga tao. Gayumpaman, sa harap ng katotohanan, sa harap ng gawain ng Diyos, at sa harap ng pagliligtas ng Diyos, ang lahat ng ito ay madaling lutasin at hindi nagiging hadlang. Anuman ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, anumang mga paghihirap ang kinakaharap niya, o anuman ang naglilimita sa kanya, may isang landas na maaaring tahakin, isang pamamaraan para lutasin ang mga ito, at mga kaukulang katotohanan para lutasin ang mga ito. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na may pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao? Oo, may pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sinundan:  5. Paano kilalanin ang sarili at iwaksi ang mga tiwaling disposisyon

Sumunod:  7. Paano makilatis ang kalikasang diwa ng mga tiwaling tao

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 3: Simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, Kapatid na Zhang, Kapatid na Xu, simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, mas lalong kinokondena ng mga pastor at elder ng relihiyon ang Makapangyarihang Diyos, ginagawa nila ang lahat para hadlangan tayo sa pag-aaral ng totoong daan. Hindi ito naiba sa pagkalaban at pagkondena noon ng mga Judiong Fariseo sa Panginoong Jesus! Nag-iisip-isip ako nitong, bakit dalawang beses na nagpakita ang Diyos sa katawang-tao para gumawa at makalawang nakaharap ang pagkondena at pang-uusig ng lahat ng relihiyon at ng gobyernong ateista? Sa mga huling araw, nagpapakita at gumagawa ang Makapangyarihang Diyos para lamang ipahayag ang katotohanan, sa pagsasalita at paggawa para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Bakit matindi ang galit kay Cristo ng mga relihiyon at ng gobyernong Komunista ng Tsina? na pinakikilos pa nila ang media corp at sandatahang puwersa ng pulisya para ikondena, lapastanganin, hulihin at patayin si Cristo? Dahil dito naaalala ko noong narinig ni Haring Herodes na ang Hari ng mga Judio, o ang Panginoong Jesus ay isinilang, ipinapatay niya ang lahat ng lalaking sanggol sa Bet-lehem na wala pang dalawang taong gulang. Mas gugustuhin niyang ipapatay ang libu-libong inosenteng mga sanggol kaysa hayaang mabuhay si Cristo. Noong dumating ang Diyos sa katawang-tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan, bakit hindi tinanggap ng mga relihiyon at gobyerno ang Kanyang pagdating kundi galit na galit na kinondena at nilapastangan ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Bakit inubos niya ang kabuhayan ng buong bansa para lang maipako sa krus si Cristo? Bakit napakasama ng sangkatauhan at matindi ang galit laban sa Diyos?

Sagot: Ang tanong na ito ay napakahalaga, at iilan lamang sa buong sangkatauhan ang makauunawa dito nang lubusan! Ang dahilan ng matinding...

Tanong 15: Tinawag ng mga pambansang lider ang Kristiyanismo at Katolisismo bilang mga kulto, at ang Banal na Biblia ay tinawag nilang aklat ng kulto. Kinikilala ng lahat ang mga katotohanang ito. Kung bakit naman binansagan ng sentrong gobyerno ang mga Kristiyanong bahay-iglesia, at sa partikular Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos bilang mga kulto, sa pagkaintindi ko at ayon sa pagsisiyasat, ganito ang pakiwari ko dyan: Lahat ng magpatunay na ang Diyos ang lumikha sa lahat, ang magsabing ang Diyos ang Tagapaglikha, na Siya ang lumikha sa sangkatauhan, ang magpatotoong Siya ang naghahari sa lahat ng bagay, ang magsabing ang Diyos ang Panginoon ng sansinukob, at nagkokontrol sa sanlibutan, at sinumang magsasabi sa sangkatauhan na ang Diyos lamang ang tingalain, sa Diyos lamang magpailalim, at Diyos lamang ang sambahin, ang lahat ng ito ay mga kulto. Lahat ng nagpapatunay na ang Diyos ay makatwiran, banal at dakila, at sumasaksi sa pag-ibig at pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kumukondena kay Satanas bilang demonyong nagpapasama sa mga tao, at bilang masamang pwersa na naghahari sa mundo, lalo na yung direktang umaatake at bumabatikos sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagsasabing nagbalik na ang Panginoong Jesus, at sumasaksi para kay Cristong nagkatawang-tao, at nagsasabi ng mga salita at gawain ng ordinaryong tao na parang yun ang pagpapakita at gawain ng Tagapagligtas, at nagpapakalat, at nagpapatunay na ang mga salitang inihayag ni Cristo ang katotohanan, yung tumatawag sa mga, tao para tanggapin ang Diyos, para lumapit sa Kanya, at magpaubaya, at yung hindi sumusunod sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagpapatunay na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at pinakamataas sa lahat, at nagsasabing, ang Banal na Bibilia, ang salita ng Diyos at Ang, Salita ay Nagpakita sa Katawang-tao ang katotohanan, at yung kumikilos para kalabanin ang Marxismo-Leninismo at ang ideyolohiya at teorya ng Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagtuturo at sumasaksi para kay Cristo ng mga huling araw, lahat ng nangangaral na nagbalik na ang Diyos, na dahilan para tanggapin ng tao ang pagliligtas ng Diyos, at yung tumatawag sa tao para iwan ang lahat at sumunod sa Kanya bilang tanging daan para makapasok sa kaharian ng langit, kulto ang lahat ng ito. Ito ang aking pagkaunawa sa pagbabansag ng sentrong gobyerno sa lahat ng Kristiyanong bahay-iglesia, partikular na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, bilang mga kulto. Sa Tsina, ang Partido Komunista ang may kontrol. Ang Partido Komunista ay Marxista-Leninista, at ateistang partido politikal na sumasalungat sa lahat ng teismo. Dinedeklara ng Partido Komunista na mga kulto ang lahat ng relihiyosong grupo na naniniwala sa Diyos. Ipinakikita nito ang ganap na awtoridad ng Partido Komunista. Ang Partido Komunista lang ang dakila, kapuri-puri, at ang tama. Ang kahit na anong kumakalaban o sumasalungat sa Marxismo-Leninismo ay maituturing na mali; Yun ang isang bagay na gustong ipagbawal ng Partido Komunista. Sa bansang Tsina, dapat kilalanin ang Marxismo-Leninismo at ang Partido Komunista bilang dakila. Meron bang hindi tama sa sinasabi kong ito? Kayong mga taga-Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, ay lantarang nagkakalat na nagbalik na ang Diyos, ang Diyos ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos. Pinatutunayan n’yo rin na naghahayag ng katotohanan ang Makapangyarihang Diyos para dalisayin ang tao, para iligtas ang tao, na dumating na sa lupa ang kaharian ng langit. Nagresulta ito ng pagkakagulo at paghihiwalay ng mga relihiyosong grupo, at pinamumunuan ang maraming tao, para mapalapit sa Makapangyarihang Diyos. Nagdulot ito ng pambihirang sensasyon sa Tsina, at nagdala ng matinding kalituhan at pagkabalisa sa lipunan. Sa ginagawa n’yo, ginugulo n’yo ang publiko hindi ba? Kaya idineklara ng sentrong gobyerno, na may sala Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa pagiging isang kulto, at nagsasagawa ng pag-atake at panunupil. Naloko kayong lahat at naligaw ng landas. Umaasa ang gobyerno na wala kayong sasayanging oras, sa pagsisisi, sa paglayo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at pagsali sa Iglesia ng Three-Self. Sa ganitong paraan, hindi na kayo ituturing na mga kriminal ng gobyerno.

Sagot: Malinaw n’yong naipaliwanag ang basehan ng Partido Komunista sa pagbabansag sa mga kulto. Pero nadarama ko na ang pagkalaban ng...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger