7. Paano makilatis ang kalikasang diwa ng mga tiwaling tao
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa loob ng ilang libong taon ng katiwalian, ang mga tao ay pawang naging manhid at mapurol ang isip; silang lahat ay naging masasamang demonyo na sumasalungat sa Diyos, hanggang sa punto na ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos ay naisulat sa mga talaan ng kasaysayan, at na maging ang mga tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong salaysay ng kanilang mapaghimagsik na pag-uugali—sapagkat sila ay malalim na ginawang tiwali ni Satanas, at iniligaw ni Satanas kung kaya’t hindi na nila alam kung saan babaling. Kahit ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng mga tao ang Diyos. Kapag nakikita nila ang Diyos, ipinagkakanulo nila Siya, at kapag hindi nila nakikita ang Diyos, ipinagkakanulo rin nila Siya. Mayroon pa ngang mga taong, matapos masaksihan ang mga sumpa ng Diyos at ang Kanyang poot, nagkakanulo pa rin sa Kanya. Kaya sinasabi Ko na ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong silbi, at na ang konsensiya ng tao ay nawalan na rin ng orihinal nitong silbi. Sa Aking mga mata, ang mga tao ay pawang mga hayop na nakadamit-tao at makamandag na mga ahas. Gaano man kakaawa-awa nila subukang magpakita sa harap ng Aking mga mata, hindi Ako kailanman magiging mahabagin sa kanila, sapagkat wala silang anumang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, at walang sinuman sa kanila ang nakauunawa sa pagkakaiba ng katotohanan at ng hindi katotohanan. Ang kanilang katwiran ay napakamanhid, ngunit nagnanais pa rin silang magtamo ng mga pagpapala; ang kanilang pagkatao ay napakahamak, ngunit nagnanais pa rin silang humawak ng kapangyarihan bilang mga hari. Sino ang maaari nilang pagharian, nang may gayong katwiran? Paano sila makakaupo sa mga trono nang may gayong pagkatao? Ang mga tao ay tunay na walang kahihiyan! Sila ay mga walang-kwenta na labis ang pagtingin sa sarili! Iminumungkahi Ko na kayong nagnanais na magtamo ng mga pagpapala ay humanap muna ng salamin at tingnan ninyo ang sarili ninyong pangit na repleksiyon. Mayroon ka ba ng kinakailangan para maging isang hari? Mayroon ka ba ng mga katangian ng mukha ng isang makatatanggap ng mga pagpapala? Walang kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo naisagawa ang anumang katotohanan, ngunit nagnanais ka pa rin ng isang napakagandang bukas. Isa itong ganap na kahibangan! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghihimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang nagkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang nagkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong wala ni isang taong nagkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Ang tao, na namumuhay sa kadiliman, ay walang pagnanais na isagawa ang katotohanan kahit kapag naririnig niya ito, at wala siyang tendensiyang maghanap kahit na nakikita niyang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng anumang puwang sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Ang ugat na dahilan ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa pagtitiwali ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao, siya ay tiwali sa moral, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, dating nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay dating may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang dating katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay pawang naging manhid at sinira ni Satanas. Sa gayon, nawala sa kanya ang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging abnormal ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya. Dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang pagiging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging buong puso at isip tungo sa Diyos, at hindi sadyang paglaban sa Diyos. Hindi katulad nito ang pagkakaroon ng abnormal na katwiran. Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang tao, nagkaroon na ang tao ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, binabato Siya ng mga pang-iinsulto ng tao sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, lubos na alam na Siya ang Diyos; ganap na walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, pero palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may abnormal na katwiran—ay wala pa ring kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya na nilang nabawi ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ang masasama na sumasalungat at naghihimagsik laban sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng masamang diyablo na noon pa man ay itinaboy Ko na at direktang kaaway Ko. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng isang nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at nasa lilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. Sa lahat ng dako, kawan-kawan na pumaparoo’t parito ang mga demonyo sa gitna ng mga tao. Ang mga inapo ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga panahon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, ay isang tagapagtanghal na gumaganap sa imahe ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang pagsasakatawan ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na “matunog na nagpapatotoo” kay Satanas. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, ang gayong pangkat ng masamang latak, ang gayong supling ng isang tiwaling pamilya ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Mayroon bang anumang patotoo sa Akin na mababanggit? Sapagkat ang kaaway na kumakalaban sa Akin, at na ginawang tiwali ang sangkatauhan, ay naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensiya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanyang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at nagpapasakop sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang sumasalungat sa Diyos, naghihimagsik laban sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagkakanulo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
Walang ibang ugat ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang manhid niyang konsensiya, ang mapaminsala niyang kalikasan, at ang katwiran niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katwiran ng tao, magiging angkop siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katwiran ng tao ay hindi kailanman naging maayos at patuloy na mas nagiging manhid, kaya ang mga kilos ng paghihimagsik ng tao laban sa Diyos ay dumarami, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at pinagsasarhan niya ng pinto ang nagkatawang-taong laman ng Diyos sa mga huling araw, at kinokondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging walang-awa sa kanyang pagtrato sa nagkatawang-taong laman ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katwiran, hindi siya magiging masyadong malupit sa kanyang pagtrato sa nagkatawang-taong laman ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ngunit hindi siya nagpapasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, mukha siyang salungat dito at tutol dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, palaging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain noon pa man nang hindi kailanman napapagod dito—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at palaging humihiling sa Kanya. Naging sukdulang mapaminsala na ang disposisyon ng tao, naging lubos na manhid ang kanyang katwiran, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal na itong tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay may pagkasuklam pa nga siya sa Diyos dahil sa katotohanang ipinagkakaloob ng Diyos sa kanya; dahil hindi interesado ang tao sa katotohanan, may pagkasuklam siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Diyos, at gumigiit ng kabayaran na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Ganito ang konsensiya at katwiran ng tao, pero iniisip pa rin niya na hindi ito malaking usapin, naniniwala pa rin siya na napakarami na niyang iginugol para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, gumigiit na magbayad Ako ng renta na ilang ulit ang laki. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na mga buhong kayo! Ang ganitong uri ng pagkatao sa tao at ganitong uri ng konsensiya sa tao ang dahilan kung bakit nagpapagala-gala sa buong lupain ang nagkatawang-taong Diyos, na walang mahanap na lugar para masilungan. Kahit isantabi ang katunayan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumawa na ng napakaraming gawain, kahit na wala Siyang gawing gawain kahit kaunti, ang mga tunay na nagtataglay ng konsensiya at pagkatao ay dapat sumamba at buong pusong maglingkod sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng mga may maayos na katwiran, at ito ang tungkulin ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Kung ginagamit ninyo ang mga kuru-kuro ninyo upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, ganap na nililimitahan ang Diyos sa Bibliya at ipinipirmi Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na kinondena na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng mga tao ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, sinesentensiyahan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Inosente ang Diyos, ngunit tumanggi ang tao na hayaan Siyang mabuhay, at nagpumilit na sentensiyahan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at nililimitahan Siya batay lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may lubos na pagkaarok ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang sangkatauhan ay sukdulan ang pagiging baligho, sukdulan ang pagmamataas, at lahat ng tao ay may likas na talento sa pagyayabang. Gaano man katayog ang pagkakilala mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isang taong pinakalumalaban sa Diyos, at na kinondena mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at makalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Ito ay dahil hindi kailanman kilala ng tao ang Diyos, napakarami niyang kuru-kuro, at ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa realidad kahit kaunti, kundi batay sa pormula at paulit-ulit lang, at mekanikal na kinopya at mahigpit na inilapat. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus. Malupit na sangkatauhan! Ang pang-iintriga at pagpapakana, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa kasikatan at pakinabang, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, kinabukasan, katayuan, hungkag na banidad, at pera, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi o nagtatakwil ng iba para maprotektahan ang kanilang sariling katayuan? Kaya, ang Diyos ay sapilitang hinatulan na ng kamatayan nang hindi mabilang na beses, at di-mabilang na malulupit na hukom ang kumondena na sa Diyos at minsan pang ipinako Siya sa krus. Gaano karami ang matatawag na matuwid na mga tao dahil talagang kumikilos sila para sa kapakanan ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan
Dapat ninyong malaman na nilalabanan ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalos-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong paglaban sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko, hinuhusgahan ang mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, nagkokomento at gumagawa ng mga walang galang na pahayag; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katwiran sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan nila ang Kanyang gawain, at sinusubukan din nilang turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paanong makikilala ng gayong mga taong walang katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang nasa proseso ng paghahanap at pagdanas; ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa Diyos, mas nababawasan ang paglaban nila sa Kanya. Sa kabaligtaran, kapag mas kakaunti ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos, mas malamang na labanan nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong kalikasan, at ang iyong pagkatao, karakter, at moral na pananaw ang puhunan ng paglaban mo sa Diyos, at kapag mas tiwali ang iyong moralidad, lalong ubod ng sama ang iyong karakter, at kapag mas mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may disposisyong nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay mas lalo pang kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ay mga anticristo. Kung hindi naitatama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang mahihiwalay sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos
Ang mga hindi nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay mga taong lumalaban sa Diyos. Lalo itong totoo para sa mga nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos pero hindi hinahangad na palugdan Siya. May mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagbibigkas ng mga sipi buong araw, pero wala ni isa man sa kanila ang nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, ni wala rin sa kanila ang nakakakilala sa Diyos—lalong walang sinumang makaaayon sa mga layunin ng Diyos. Silang lahat ay mga walang kuwenta at ubod ng samang tao, na nagmamataas para pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong kumikilos sa ilalim ng bandera ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng tatak ng pananampalataya sa Diyos habang kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablo na lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga punong demonyo na sadyang nanggugulo sa mga tao sa pagtahak sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa mga tao sa paghahanap sa Diyos. Maaaring mukhang “matipuno ang pangangatawan” nila, pero paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga anticristo na umaakay sa mga tao para lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon sa kaluluwa ng tao? Ang mga naniniwalang marangal sila sa presensya ng Diyos ay ang pinakahamak sa lahat, samantalang ang mga nag-iisip na hamak sila ay ang pinakamararangal. At ang mga nag-aakalang alam nila ang gawain ng Diyos at na kaya nilang iproklama ang Kanyang gawain sa iba nang walang pagpipigil habang nakatingin sila sa Kanya ay ang mga pinakamangmang sa lahat. Ang gayong mga tao ay walang patotoo sa Diyos, at pawang mapagmataas at palalo. Ang mga naniniwalang napakakaunti ng pagkakilala nila sa Diyos pero sa katunayan ay mayroong praktikal na karanasan at praktikal na pagkakilala sa Diyos ay ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang gayong mga tao ang tunay na may patotoo at tunay na may kakayahang maperpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos pero hindi isinasagawa ang katotohanan ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, pero sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga may kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, at bukod pa roon ay sadyang gumagawa ng paghihimagsik, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga humuhusga sa Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. At sinumang walang kakayahang makilala ang Diyos at hindi makapagpatotoo sa Kanya ay isang taong lumalaban sa Diyos. Kaya, hinihikayat Ko kayo: Kung talagang mayroon kayong pananalig na tahakin ang landas na ito, patuloy kayong sumunod. Pero kung hindi ninyo kayang pigilan ang paglaban sa Diyos, mas mabuti pang lumayo na kayo bago pa maging huli ang lahat, kung hindi ay talagang hindi magiging maganda ang kahihinatnan ninyo, dahil sadyang napakatiwali ng inyong kalikasan. Wala kayong katapatan, walang pagpapasakop, walang pusong nauuhaw sa katuwiran at katotohanan, at walang pagmamahal sa Diyos. Masasabing ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay, sa diwa, napakagulo. Hindi ninyo kayang sundin ang dapat ninyong sundin, hindi kayang sabihin ang dapat ninyong sabihin, hindi kayang isagawa ang dapat ninyong isagawa, at hindi kayang gampanan ang tungkuling dapat ninyong gampanan; wala kayong katapatang dapat na mayroon kayo, ng konsensiyang dapat na mayroon kayo, ng pagpapasakop na dapat na mayroon kayo, o ng determinasyong dapat na mayroon kayo; hindi ninyo tiniis ang pagdurusang dapat ay tiniis ninyo, at wala rin kayong pananalig na dapat ay mayroon kayo. Halos wala na kayong anumang merito. Hindi ba kayo nahihiyang patuloy na mabuhay? Pinapayuhan Ko kayo na mas mabuti pang ipikit na ninyo ang inyong mga mata sa walang-hanggang pamamahinga sa lalong madaling panahon, at sa gayon ay hindi na mag-alala ang Diyos dahil sa inyo at magdusa alang-alang sa inyo. Nananampalataya kayo sa Diyos pero hindi ninyo nauunawaan ang Kanyang mga layunin; kumakain at umiinom kayo ng mga salita ng Diyos pero hindi ninyo kayang sumunod sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Nananampalataya kayo sa Diyos pero hindi ninyo Siya kilala, at nabubuhay kayo nang walang layong pagsusumikapan, nang walang anumang halaga o anumang kabuluhan. Tao kayo pero wala kayong konsensiya, integridad, o kredibilidad kahit katiting—matatawag pa ba ninyong tao ang inyong mga sarili? Nananampalataya kayo sa Diyos pero nililinlang ninyo Siya; nag-iimbot pa nga kayo sa pera ng Diyos at kinakain ang mga handog na iniaalay sa Kanya. Pero sa huli ay nabibigo pa rin kayong magpakita ng kahit katiting na pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng Diyos o ng kahit kaunting konsensiya sa Kanya. Hindi man lang ninyo kayang tugunan ang isang maliit na hinihingi ng Diyos. Matatawag pa ba ninyong tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ibinibigay sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang oksihenong ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, pero sa huli ay wala kayong kahit katiting na pagkakilala sa Diyos. Sa kabaligtaran, naging mga walang silbi kayo na lumalaban sa Diyos. Hindi ba’t ginagawa kayo nitong mga hayop na hindi man lang maikukumpara sa isang aso? Sa mga hayop, mayroon pa bang mas mapaminsala kaysa sa inyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Ang pinakamalaking suliranin sa tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi niya nakikita o nahahawakan, ang mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha, at hindi mahinagap ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga bagay, lalong sinusuri ng mga tao ang mga ito, at hinahangad pa nga ng mga tao ang mga ito nang walang pakialam sa lahat ng ibang mga bagay, walang saysay na umaasang makamtan ang mga ito. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga ito, lalong mahigpit na sinisiyasat at sinusuri ng mga tao ang mga ito, na umaabot pa nga sa pag-iimbento ng sarili nilang mga napakadetalyadong ideya tungkol sa mga ito. Sa kabaligtaran, habang lalong makatotohanan ang mga bagay, lalong binabalewala ng mga tao ang mga ito; minamaliit lamang nila ang mga ito, at hinahamak pa nga ang mga ito. Hindi ba’t ito ang mismong saloobin ninyo sa makatotohanang gawaing ginagawa Ko ngayon? Habang lalong makatotohanan ang gayong mga bagay, lalo kayong kumikiling laban sa mga ito. Hindi nga ninyo tinutulutan ang kahit kaunting pagkakataon na masuri ang mga iyon, sa halip ay hindi na lamang ninyo pinapansin ang mga iyon; hinahamak ninyo ang ganitong mga hinihingi na makatotohanan at may mababang pamantayan, at nagkikimkim pa nga kayo ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos na ito na pinakapraktikal, at talagang wala kayong kakayahang tanggapin ang Kanyang pagiging praktikal at normal. Sa ganitong paraan, hindi ba’t isang kathang-isip na pananampalataya ang inyong pinanghahawakan? Mayroon kayong hindi natitinag na pananampalataya sa kathang-isip na diyos ng nakalipas na panahon, at wala kayong interes sa praktikal na Diyos ng kasalukuyan. Hindi ba’t ito ay dahil ang diyos ng kahapon at ang diyos ng kasalukuyan ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi ba’t ito rin ay dahil ang diyos ng kahapon ay ang dakila at matayog na diyos ng kalangitan, samantalang ang diyos ng kasalukuyan ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Dagdag pa, hindi ba’t ito ay dahil ang diyos na sinasamba ng tao ay ang diyos na kinatha ng mga kuru-kuro nito, samantalang ang diyos ng kasalukuyan ay ang nahahawakang katawang-tao na nagpapakita sa lupa? Sa huli, hindi ba’t ito ay dahil ang Diyos ng kasalukuyan ay masyadong makatotohanan kung kaya’t hindi Siya hinahangad ng tao? Sapagkat ang hinihingi ng Diyos ng kasalukuyan sa mga tao ay ang mismong pinakaayaw gawin ng mga tao, at ang nakapagpaparamdam sa kanila ng kahihiyan. Hindi ba’t ginagawa lamang nitong mahirap para sa mga tao ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t inilalantad nito ang mga pilat ng mga tao? Bilang bunga, maraming tao ang hindi naghahangad ng makatotohanang Diyos, ng praktikal na Diyos, at nagiging kaaway ng nagkatawang-taong Diyos, na ang ibig sabihin, ay mga anticristo sila. Hindi ba’t ito ay isang malinaw na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos, ikaw marahil ay naging isang relihiyosong tao o isang debotong mananampalataya. Pagkaraang magkatawang-tao ang Diyos, marami sa gayong mga debotong mananampalataya ang naging mga anticristo nang hindi nila namamalayan. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nakatuon ka sa mga di-tunay na bagay—hindi ba’t ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong pagiging kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakakaunawa sa Kanyang Gawain ang mga Nagpapalugod sa Diyos
Ayaw ng taong hangarin ang Diyos, ayaw gugulin ang kanyang mga ari-arian para sa Diyos, at ayaw maglaan ng habambuhay na pagsisikap para sa Diyos; sa halip, sinasabi niyang sumobra na ang Diyos, na napakaraming tungkol sa Diyos ang salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Sa ganitong uri ng pagkatao, hindi pa rin ninyo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos kahit na ibigay ninyo ang lahat ng pagsisikap ninyo, bukod pa sa katunayan na hindi ninyo hinahanap ang Diyos. Hindi ba ninyo alam na kayo ang mga depektibong produkto ng sangkatauhan? Hindi ba ninyo alam na walang pagkatao ang mas mababa pa kaysa sa inyo? Hindi ba ninyo alam kung ano ang bansag sa inyo ng iba upang “parangalan” kayo? Tinatawag kayo ng mga tunay na umiibig sa Diyos na ama ng lobo, ina ng lobo, anak ng lobo, at apo ng lobo; kayo ang mga inapo ng lobo, ang mga tao ng lobo, at dapat ninyong malaman ang sarili ninyong pagkakakilanlan at huwag itong kalimutan kailanman. Huwag ninyong isiping kayo ay kung sinong nakahihigit na tao: Kayo ang pinakamalupit na pangkat ng mga hindi-tao sa gitna ng sangkatauhan. Hindi ba ninyo alam ang alinman dito? Alam ba ninyo kung gaano kalaking panganib ang sinuong Ko na sa paggawa sa gitna ninyo? Kung hindi muling makababalik sa normal ang inyong katwiran, at hindi magawang gumana nang normal ang inyong konsensiya, hindi kayo kailanman makakalaya sa bansag na “lobo,” hindi ninyo kailanman matatakasan ang araw ng sumpa at hindi kailanman matatakasan ang araw ng inyong kaparusahan. Isinilang kayong mas mababa, isang bagay na walang anumang halaga. Kayo ay likas na pangkat ng gutom na mga lobo, isang tumpok ng latak at basura, at, hindi kagaya ninyo, hindi Ako gumagawa sa inyo alang-alang sa personal na pakinabang, kundi dahil sa pangangailangan ng gawain. Kung magpapatuloy kayo sa pagiging mapaghimagsik sa ganitong paraan, ititigil Ko ang Aking gawain, at hindi na kailanman gagawang muli sa inyo; sa kabaligtaran, ililipat Ko ang Aking gawain sa isang grupo na gusto Ko, at sa ganitong paraan ay iiwan kayo magpakailanman, sapagkat ayaw Kong makita ang mga kaaway Ko.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos
Napakaganda ng pananalig ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo para sa kapakanan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katunayan na miserable ang aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit mababang-mababa roon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga reputasyon nila. Nawasak na ang mga reputasyon ninyo, mababang-uri ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga pamumuhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay napakababa ang kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtawaran kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na hanggang sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy Ko na makasalanan kayo. Ang mga saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay sapat na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng disposisyon ninyo ay sapat na upang matukoy na kayo ay maruruming kaluluwa na puno ng mga karumal-dumal na bagay. Ang mga pagpapamalas ninyo at ang ibinubunyag ninyo ay sapat na upang sabihing kayo ay mga taong nagpakasawang uminom ng dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian ng langit, hindi ninyo ipinapakita ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayo na kung paano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok ng tarangkahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakakuha kayo ng permiso na makapasok sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna sinusubok ang sarili ninyong mga salita at gawa? Sino ang kayang manlansi sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Tinukoy Ko ang buhay ninyo bilang pamumuhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman ng maruruming espiritu na iyon sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, naging partikular na masama at mababa ang pag-uugali ninyo, kaya paanong hindi Ko kayo maituturing na kasuklam-suklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanunuyo, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya ng mga nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya ng mga nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Lubhang hindi matuwid ang lahat ng pagpapamalas ng tao, kaya paanong mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang matutuwid? Iniisip mo bang maitatalaga ka ng iyong kasuklam-suklam na pag-uugali bilang banal mula sa mga hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at nagsasagawa ng mga karumal-dumal na bagay, at ang mga kamay mong iyan na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din papuntang impiyerno ang kaluluwa mo kalaunan. Kung gayon, bakit hindi mo sinusunggaban ang pagkakataong ito para linisin ang mga kamay mong nababalot ng karumihan? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito para putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng mga hindi matuwid na salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Sinisiyasat Ko nang may dalawang mata ang puso ng di-mabilang na mga tao, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang puso ng mga tao sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang nakilatis ang kanilang puso, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli para matakasan nila ang pagsunog sa kanila ng Espiritu Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!
Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas lihim na mapanira kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasingganda ng sa mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, pero hindi mas mabait ang puso mo kaysa sa kanila, at lalo nang hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay lamang na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas kaysa sa mga banal na tao; nakararamdam lang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawa ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang iwaksi ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang mahirap na sitwasyon upang makahiwalay sila mula sa mga hindi matuwid at makapamuhay at maging banal kasama ng mga matuwid. Kayo ay nasa sitwasyong kapareho ng sa Akin, pero kayo ay nababalot ng karumihan; ni wala man lang kayong katiting na orihinal na wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod pa rito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang wangis ng maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng parte ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang parte ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong nakakadurog ng puso! Namumuhay kayo sa ganitong mundo ng mga kabayo at baka, pero sa totoo lang ay hindi kayo nakararamdam ng pagkabagabag; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa mabahong tubig na iyon, pero hindi ninyo talaga napagtatantong nahulog na kayo sa ganoong suliranin. Bawat araw, nakikisama kayo sa maruruming espiritu at nakikisalamuha sa “dumi,” at talagang bulgar ang mga pamumuhay ninyo; hindi mo talaga namamalayan na talagang hindi ka nabubuhay sa mundo ng tao at na hindi ikaw ang may kontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang karakter mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa isang paraiso sa lupa, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na buong buhay kang namuhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na umiral ka kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kabuluhan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, pero wala ka talagang ideya na ang mga pumipinsala sa iyo ay iyong mga magulang na maruruming espiritu, na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod pa rito, wala kang malay na ang lahat ng karumihan mo ay sa katunayan ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lang ay na maaari ka nilang bigyan ng “kasiyahan,” hindi ka nila kinakastigo, ni hinahatulan, at lalong hindi ka nila isinusumpa. Hindi pa sila kailanman pumutok sa galit sa iyo, kundi tinatrato ka nila nang kaaya-aya at mabait. Ang mga salita nila ay tumutustos sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa maligaw ka at, nang hindi ito namamalayan, ikaw ay naengganyo at handa nang magserbisyo sa kanila, nagiging tagapagsalita at alipin nila. Wala kang anumang reklamo, kundi handa kang gumawa para sa kanila tulad ng mga aso, tulad ng mga kabayo; nailihis ka nila. Sa kadahilanang ito, ganap na wala kang mga reaksiyon sa gawaing ginagawa Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na makakuha ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Nakikita mo nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan sa lahat, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang ideya kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay ang dayain Ako—pero hindi mo alam na hindi Ko palalampasin ang anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon para paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa tao. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa altar, hindi Ko papayagan ang pagtakas mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko papayagan na maglingkod ka sa dalawang amo. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang minamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa altar Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na lokohin Ako sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-bastang gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakapanunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring lumipas ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa huli, kokondenahin Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayumpaman, naniniwala kayo na magagawa ninyong pabasta-bastang humarap sa Akin sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa marurumi at masasamang espiritu ang puso ninyo. Paano mapalalampas ng galit Ko ang panlilinlang ng mga taong iyon na gaya ng mga aso at mga baboy? Dapat Kong isagawa ang mga atas administratibo Ko, at bawiin mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “maka-Diyos” na mayroong pananalig sa Akin upang maaari silang “magsilbi” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking mga baka, maging Aking mga kabayo, at ganap na sumailalim sa Aking pagkakatay. Pagpupulutin kita ng iyong mga dating resolusyon at muling paglilingkurin sa Akin. Hindi Ko papayagan ang anumang nilikhang nandaraya sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang pakundangang gumawa ng mga kahingian at magsinungaling sa harap Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paanong mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko kailanman pahihintulutan ang mga tao na dayain Ako nang ganoon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!
Magtatanong ang ilang tao, “Ano ba talaga ang isang tao?” Hindi tao ang sinuman sa mga tao ngayon. Kung hindi sila mga tao, ano sila? Masasabi mong sila ay mga hayop, halimaw, mga Satanas, o mga diyablo; sa anumang kaso, nakasuot lamang sila ng balat ng tao, ngunit hindi sila matatawag na mga tao, dahil hindi nila taglay ang normal na pagkatao. Ang tawagin silang mga hayop ay medyo malapit-lapit, ngunit nagtataglay ang mga tao ng wika, isip at mga kaisipan, at kaya ng mga tao na lumahok sa agham at manupaktura, kaya maaari lamang silang maituring na mga mas mataas na hayop. Gayumpaman, ang mga tao ay masyado nang malalim na natiwali ni Satanas, matagal na silang nawalan ng konsensiya at katwiran, at hindi man lamang sila nagpapasakop o natatakot sa Diyos. Ganap na naaangkop na tawagin silang mga diyablo at mga Satanas. Dahil ang kanilang kalikasan ay kay Satanas, at ang kanilang ibinubunyag ay ang disposisyon ni Satanas, at ang kanilang ipinapahayag ay ang mga pananaw ni Satanas, mas nababagay na tawagin silang mga diyablo at mga Satanas. Masyado nang malalim ang pagkatiwali ng mga tao, at wala na silang gaanong wangis ng tao. Tulad sila ng mga halimaw at hayop, sila ay mga diyablo. Sa ngayon, ang mga tao ay walang tiyak na anyo, hindi sila kaanyo ng mga tao o demonyo, at wala silang tunay na wangis ng tao. Pagkatapos ng maraming taon ng pagdanas sa gawain ng Diyos, ang ilang matatagal nang nananampalataya ay nakakaunawa ng ilang katotohanan at nagkakamit ng kaunting pagkaunawa sa puso ng Diyos, at humigit-kumulang ay nauunawaan nang kaunti ang mga layunin ng Diyos, at humigit-kumulang ay inaalala ang mga bagay na inaalala ng Diyos at iniisip ang mga bagay na iniisip ng Diyos—ibig sabihin nito ay mayroon silang kaunting wangis ng tao at sila ay kalahating nabuo. Hindi pa nararanasan ng mga bagong mananampalataya ang makastigo at mahatulan o ang maraming pagpupungos. Hindi pa rin sila nakarinig ng maraming katotohanan. Nakabasa pa lamang sila ng kaunting salita ng Diyos, ngunit wala pa silang tunay na karanasan. Kung gayon, malayo pa ang lalakbayin ng kanilang tayog. Ang lalim ng karanasan ng isang tao ang tumutukoy kung gaano kalaki ang kanyang pagbabago. Habang mas kaunti ang karanasan mo sa mga salita ng Diyos, mas kaunti ang mauunawaan mong katotohanan. Kung wala ka man lamang karanasan, ikaw ay isang buo at buhay na Satanas, at ikaw ay isang ganap na diyablo. Naniniwala ka ba rito? Isang araw ay mauunawaan mo ang mga salitang iyon. Mayroon bang sinumang mabubuting tao sa ngayon? Kung walang wangis ng tao ang mga tao, paano natin sila matatawag na mga tao? Lalong hindi sila matatawag na mabubuting tao. Mayroon lamang silang panlabas na anyo ng tao, ngunit wala silang diwa ng tao, kaya hindi pagmamalabis kung tatawagin silang mga halimaw na nakadamit ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Bago danasin ng tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanya mula sa loob-loob niya. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka lubhang naiimpluwensiyahan ng iyong mga damdamin? Bakit gusto mo ang mga di-matuwid na bagay na iyon at ang masasamang bagay na iyon? Ano ang batayan ng pagkagusto mo sa ganoong mga bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit mo gusto at tinatanggap ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat: Ang pangunahing dahilan ay nasa kalooban ng tao ang mga lason ni Satanas. Kaya, ano ang mga lason ni Satanas? Paano maipapahayag ang mga ito? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang tao?” sasagot ang lahat ng tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang parirala lang na ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng tao. Anuman ang hinahangad ng tao, ang totoo ay ginagawa niya ito para sa sarili niya—at kaya, namumuhay ang tao para sa kanyang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito ang ganap na naging pundasyon para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namumuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga pakay. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala mula sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao hanggang sa ganitong antas. May satanikong kalikasan silang lahat, lahat sila ay may tendensiyang itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang hawakan ang sarili nilang mga kapalaran at subukang labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho na ng kay Satanas. Samakatwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas. Sa katunayan, maraming motto at kasabihang pinanghahawakan ng mga tao ang kumakatawan sa kalikasan ng tao at sumasalamin sa tiwaling diwa ng tao. Ang mga bagay na pinipili ng mga tao ay sumasalamin sa sarili nilang mga kagustuhan, at kumakatawan ang lahat ng iyon sa mga disposisyon at hinahangad ng mga tao. Sa bawat salitang sinasabi ng isang tao, at sa lahat ng ginagawa niya, gaano man iyon ibalatkayo, hindi matatakpan ng pagbabalatkayong ito ang kanyang kalikasan. Halimbawa, karaniwang maganda ang pangangaral ng mga Pariseo, pero nang marinig nila ang mga sermon at katotohanang ipinahayag ni Jesus, sa halip na tanggapin ang mga iyon, kinondena nila ang mga iyon. Inilantad nito ang kalikasang diwa ng mga Pariseo na pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan. Ang ilang tao ay labis na magandang magsalita at mahusay magpanggap, pero matapos silang makahalubilo sandali ng iba, nakikita ng iba na labis na mapanlinlang ang kalikasan nila, at hindi matapat kahit kaunti. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pakikihalubilo sa kanila, natutuklasan ng iba ang kanilang kalikasang diwa. Sa huli, nabubuo ng iba ang sumusunod na kongklusyon: Hindi sila kailanman nagsasabi ng totoong salita, at sila ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang kalikasan ng gayong mga tao at ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasang diwa. Ang pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo ay ang huwag magsabi ng totoo sa kaninuman, at huwag ding magtiwala kaninuman. Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming pilosopiya at lason ni Satanas. Minsan, hindi mo mismo namamalayan ang mga ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo kayang kilatisin ang disposisyon ni Satanas. Gayumpaman, namumuhay ka ayon sa disposisyon ni Satanas sa bawat minuto ng bawat araw, at inaakala mong ito ay lubos na tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na itong nagpapakita na kapag namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, namumuhay ka ayon sa disposisyon ni Satanas, at na ang mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas ay naging iyong kalikasan. Kadalasan, namumuhay ang mga tao ayon sa mga pilosopiya ni Satanas ngunit iniisip pa rin nilang mabuti ito, at wala silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Samakatwid, patuloy nilang ibinubunyag ang kanilang satanikong kalikasan sa bawat pagkakataon, at patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas sa bawat pagkakataon. Ang kalikasan ni Satanas ang buhay ng tao, at ito ang kalikasang diwa ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Bilang mga tao, naaalala man ninyo na may nagawa kayo na nagkakanulo sa ibang tao, o kung naipagkanulo ninyo ang iba nang maraming beses noon, yamang isinilang sa mundong ito, lahat kayo ay nakagawa na ng isang bagay na paglabag sa katotohanan. Dahil ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iba, at higit pa rito, ikaw ay lalo pang may kakayahang magkanulo sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinasusuklaman Ko. Sa ibang salita, ang pagkakanulo ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit higit pa roon, isang bagay na sumasalungat sa katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng tao. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagkakanulo ay katutubong kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang likas na kaaway ng pagkakamit ng bawat tao na maging kaayon Ko.
Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagkakanulo. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagkakanulo. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagkakanulo. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagkakanulo. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo. Ang lahat ng ito ay mga gawa ng pagkakanulo na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagkakanulo sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Kahit ngayon, habang Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang isang araw na walang sinuman ang magbabantay sa inyo, hindi ba kayo magiging kagaya ng mga bandido na nagdeklarang hari sila ng kanilang mga munting teritoryo? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking kalamidad, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Kung iniisip ninyo na ang ilang kilos ng pagkakanulo ay mga paminsan-minsang pagkilos lang sa halip na inyong namimihasang pag-uugali, na hindi dapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, na nagiging dahilan upang masaktan ang inyong pride, at kung ito ang tunay ninyong pinaniniwalaan, kung gayon ay lubos kayong walang katinuan. Kapag mas nag-iisip nang ganito ang isang tao, lalo siyang nagiging isang tipikal na halimbawa at huwaran ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagkakanulo. Kung kaya mong gumawa ng mga bagay na pagkakanulo sa sinuman sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa kapangyarihan ni Satanas. Iyon lamang mga nananampalataya kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na namumuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Gayumpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na ipagkakanulo ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay hindi mayayanig. Lahat kayo ngayon ay nagdaraan sa mga paghihirap sa abot ng inyong makakaya habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit ang hindi maitatatwang katunayan ay na bawat isa sa inyo ay may kakayahang ipagkanulo Ako at bumalik sa kapangyarihan ni Satanas, bumalik sa kampo nito at bumalik sa dati ninyong buhay. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagiging tao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay masasawi at, higit pa riyan, masasadlak kayo sa walang hanggang pagkapahamak, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magreinkarnasyon. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang pinakapangunahing problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mamuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mamumuhay nang payapa ang iyong laman. Kung pinoprotektahan Ko ang iyong laman, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong laman at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang kalagayan mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw, walang epekto sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, at hahayaan ito na pag-ibayuhin ang pagpapahirap na ipinapataw sa inyo hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagkakanulo sa Akin ay hindi na nagbago kailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at ng tunay na Diyos?” Ang dugo ng pusong ibinuhos Ko para sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang mga kilos at gawa ng tao sa Aking harapan ay nagpapatunay sa diwa nito ng pagkamuhi sa katotohanan at pagiging kaaway Ko. Sa lahat ng panahon, Ako ay nagmamalasakit sa lahat ng sumunod sa Akin, ngunit sa anumang sandali, hindi kayang tanggapin ng mga sumusunod sa Akin ang Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila kayang tanggapin. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinumang nakaunawa sa Akin kahit kailan, lalong walang sinuman ang nagawang tumanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay taos-puso at ang Aking mga salita ay malumanay. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanya alinsunod sa sarili niyang mga intensyon, hindi hinahanap ang Aking mga layunin, lalong hindi itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanya. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang kasabay nito ay naghihimagsik sila laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na itinatatwa at tinatanggihan. Kasabay nito, Ako ay nagiging tagalabas na kinikilala ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit hindi itinuturing na ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman; Ako ang pagtustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan; ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda batay sa kung kinikilala at tinatanggap ba ng sangkatauhan ang mga ito, kundi batay sa diwa ng mismong mga salita; at kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay lagpas sa pagsukat ng sinumang tao. Samakatwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapasinungaling, o lubos na nanghahamak sa Aking mga salita, ang Aking saloobin ay ito lamang: Hayaan ang panahon at mga katunayan ang maging patotoo Ko at magpatunay na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang patunayan ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at na ito ang dapat na taglayin ng tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Ipapaalam Ko sa lahat ng sumusunod sa Akin ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layon sa Aking mga salita, at ang mga hindi makatanggap ng biyayang nagliligtas sa pamamagitan ng Aking mga salita, ay ang mga kinokondena ng Aking mga salita; higit pa rito, ang mga ito ang nawalan ng biyaya ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman hihiwalay ang Aking tungkod sa kanila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa