8. Paano makilatis ang mga pilosopiya ni Satanas at iba’t ibang maling pananampalataya at maling kaisipan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Diyos Mismo ang katotohanan, at tinataglay Niya ang lahat ng mga katotohanan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan. Bawat positibong bagay at bawat katotohanan ay nagmumula sa Diyos. Maaari Siyang humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay at pangyayari; maaari Siyang humatol sa mga bagay na nangyari, mga bagay na nangyayari ngayon, at mga bagay sa hinaharap na hindi pa alam ng sangkatauhan. Ang Diyos ang tanging Hukom na maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay, at ang ibig sabihin niyan ay Diyos lamang ang maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay. Alam Niya ang pamantayan para sa lahat ng bagay. Kaya Niyang ipahayag ang mga katotohanan sa anumang oras at lugar. Ang Diyos ang pagsasakatawan ng katotohanan, na nangangahulugang Siya Mismo ay nagtataglay ng diwa ng katotohanan. Kahit pa nauunawaan ng tao ang maraming katotohanan at ginawa siyang perpekto ng Diyos, magkakaroon ba siya kung gayon ng kinalaman sa pagsasakatawan ng katotohanan? Hindi. Tiyak ito. Kapag ginawang perpekto ang tao, kaugnay ng kasalukuyang gawain ng Diyos at ng iba’t ibang pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, magkakaroon siya ng tumpak na paghuhusga at mga pamamaraan ng pagsasagawa, at ganap niyang mauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Matutukoy niya ang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang galing sa Diyos at kung ano ang galing sa tao, at ng kung ano ang tama at ano ang mali. Subalit may ilang bagay na nananatiling hindi maabot at hindi malinaw sa tao, mga bagay na malalaman lamang niya matapos sabihin ng Diyos sa kanya. Maaari bang malaman o mahulaan ng tao ang mga bagay na hindi pa nalalaman, mga bagay na hindi pa nasasabi ng Diyos sa kanya? Talagang hindi. Bukod pa riyan, kahit nakamit ng tao ang katotohanan mula sa Diyos, at nagtaglay ng katotohanang realidad, at nalaman ang diwa ng maraming katotohanan, at nagkaroon ng kakayahang matukoy ang tama sa mali, magkakaroon ba siya ng kakayahang kontrolin at pamahalaan ang lahat ng bagay? Hindi siya magkakaroon ng ganitong kakayahan. Iyan ang kaibahan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Makakamit lamang ng mga nilikha ang katotohanan mula sa pinagmumulan ng katotohanan. Makakamit ba nila ang katotohanan mula sa tao? Ang tao ba ang katotohanan? Makapagbibigay ba ang tao ng katotohanan? Hindi, at naroon ang kaibahan. Maaari ka lamang tumanggap ng katotohanan, hindi magbigay nito—matatawag ka bang isang taong nagtataglay ng katotohanan, kung gayon? Matatawag ka bang pagsasakatawan ng katotohanan? Talagang hindi! Ano ba talaga ang diwa ng pagsasakatawan ng katotohanan? Ito ang pinagmumulan na nagtutustos ng katotohanan, ang pinagmumulan ng pamamahala at kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ito rin ang tanging batayan at pamantayan ng paghatol sa lahat ng bagay at pangyayari. Ito ang pagsasakatawan ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)

Sa Kanyang pagpapahayag ng katotohanan, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at diwa; ang Kanyang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi nababatay sa iba’t ibang mga positibong bagay at pahayag na pinaniniwalaan ng mga tao na ibinuod ng sangkatauhan. Ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Ang mga ito ang tanging pundasyon at batas na pinagbabatayan ng pag-iral ng sangkatauhan. Ang lahat ng tinaguriang doktrinang nagmumula sa tao ay mali, baligho, at kinokondena ng Diyos. Hindi nakakamit ng mga ito ang Kanyang pagkilala, at lalo nang hindi ang mga ito ang pinagmulan o batayan ng Kanyang mga pagbigkas. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Lahat ng salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, dahil taglay Niya ang diwa ng Diyos, at Siya ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Paano man itinuturing o binibigyang-depinisyon ng tiwaling sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, o paano man nila tinitingnan o inuunawa ang mga ito, ang mga salita ng Diyos ay walang hanggang katotohanan, at ito ay isang katunayan na hindi kailanman nagbabago. Gaano man karaming salita ang nasambit na ng Diyos, at paano man kinokondena at tinatanggihan nitong tiwali at buktot na sangkatauhan ang mga ito, nananatili ang isang katunayan na hindi nagbabago magpakailanman: Ang mga salita ng Diyos ay palaging ang katotohanan. Hindi ito mababago ng tao kailanman. Sa huli, kikilalanin ng buong sangkatauhan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at na ang iginagalang na tradisyonal na kultura at kaalamang siyentipiko ng sangkatauhan ay hinding-hindi maaaring maging mga positibong bagay, at hinding-hindi maaaring maging katotohanan. Tiyak iyan. Ang tradisyonal na kultura at mga paraan ng pananatiling buhay ng sangkatauhan ay hindi magiging ang katotohanan habang lumilipas ang panahon o pagkaraan ng mahabang panahon, at hindi rin magiging mga salita ng tao ang mga salita ng Diyos dahil sa pagkondena o pagkalimot ng sangkatauhan. Ang katotohanan ay palaging magiging ang katotohanan; hindi magbabago ang diwang ito kailanman. Anong katunayan ang umiiral dito? Ito ay na ang mga karaniwang kasabihang ito na ibinuod ng sangkatauhan ay nanggagaling kay Satanas at sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, o lumilitaw ang mga ito sa pagiging mainitin ng ulo ng tao at sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at wala talagang kinalaman ang mga ito sa mga positibong bagay. Ang mga salita ng Diyos, sa kabilang banda, ay mga pagpapahayag ng diwa at pagkakakilanlan ng Diyos. Para sa anong dahilan ang Kanyang pagpapahayag ng mga salitang ito? Bakit Ko sinasabing ang mga ito ay ang katotohanan? Ito ay dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at humahawak sa Kanyang mga kamay sa lahat ng batas, panuntunan, ugat, diwa, aktuwal na kalagayan, at hiwaga ng lahat ng bagay. Samakatwid, ang Diyos lamang ang nakakaalam ng mga tuntunin, mga aktuwal na pangyayari, mga katunayan, at mga hiwaga ng lahat ng bagay. Alam ng Diyos ang pinagmulan ng lahat ng bagay, at alam ng Diyos kung ano mismo ang pinag-ugatan ng lahat ng bagay. Tanging ang mga depinisyon sa lahat ng bagay na ipinipresenta sa mga salita ng Diyos ang pinakatumpak, at tanging ang mga salita ng Diyos ang mga pamantayan at prinsipyo para sa buhay ng sangkatauhan at ang mga katotohanan at sukatan ng sangkatauhan para mabuhay, samantalang ang mga batas at teorya ni Satanas na sinasandigan ng sangkatauhan para mabuhay mula nang gawing tiwali ni Satanas ay taliwas sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at sa katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga batas at panuntunan ng lahat ng bagay. Ang iba’t ibang satanikong teorya ng tao ay nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ang mga ito ay mula kay Satanas. Anong uri ng papel ang ginagampanan ni Satanas? Una, ipinipresenta nito ang sarili bilang ang katotohanan; pagkatapos, ginugulo, sinisira, at niyuyurakan nito ang lahat ng batas at panuntunan ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Kaya, ang anumang nagmumula kay Satanas ay lubos na tumutugma sa diwa ni Satanas, at puno ito ng buktot na pakay ni Satanas, ng mga pekeng bagay at pagkukunwari, at ng hindi kailanman nagbabagong ambisyon ni Satanas. Hindi mahalaga kung kayang kilatisin ng mga tiwaling tao ang mga pilosopiya at teoryang ito na mula kay Satanas, at kahit gaano karaming tao ang nagtataguyod, nagsusulong, at sumusunod sa mga bagay na ito, at kahit ilang panahon man hinangaan, sinamba, at ipinangaral ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito, hindi magiging katotohanan ang mga ito. Dahil ang diwa, ugat, at pinanggagalingan ng mga ito ay si Satanas, na mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan, ang mga bagay na ito ay hindi kailanman magiging katotohanan—ang mga ito ay palaging magiging mga negatibong bagay. Kapag walang katotohanan na maihahambing, maaaring palabasing mabuti at positibong bagay ang mga ito, ngunit kapag ginamit ang katotohanan para ilantad at himayin ang mga ito, ang mga ito ay hindi walang kapintasan at hindi makapapasa sa masusing pagsisiyasat, at mga bagay na mabilis na kinokondena at tinatanggihan. Ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ay tumpak na umaayon sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng sangkatauhang nilikha ng Diyos, samantalang ang mga bagay na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay tumpak na salungat sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng sangkatauhan. Ginagawa ng mga ito na hindi normal, at maging labis-labis, makitid ang isip, mayabang, hangal, buktot, matigas ang kalooban, malupit, at maging lubhang mapagmataas pa nga ang isang normal na tao. May isang punto kung saan labis itong nagiging malubha na nasisiraan na ng bait ang mga tao at ni hindi na nila alam kung sino sila. Ayaw nilang maging normal o ordinaryong tao, at sa halip ay iginigiit nilang maging superhuman, mga tao na may espesyal na kapangyarihan, o mga tao na nasa mataas na antas—ang mga bagay na ito ang bumaluktot sa pagkatao at sa instinto ng mga tao. Ang katotohanan ay nagpapahintulot sa mga tao na mamuhay nang mas likas ayon sa mga panuntunan at batas ng normal na pagkatao at sa lahat ng panuntunang ito na itinatag ng Diyos, samantalang ang mga di umano’y karaniwang kasabihan at mga mapanlihis na pahayag na ito ang mismong nagdudulot sa mga tao na sumalungat sa kanilang instinto bilang tao at iwasan ang mga batas na inorden at binuo ng Diyos, na humihimok pa nga sa mga tao na lumihis mula sa landas ng normal na pagkatao at gumawa ng ilang labis-labis na bagay na hindi dapat ginagawa o iniisip ng mga normal na tao. Ang mga batas na ito ni Satanas ay hindi lamang bumabaluktot sa pagkatao ng mga tao, ang mas malala ay nagsasanhi ang mga ito na mawalan ang mga tao ng kanilang normal na pagkatao at ng mga instinto ng normal na pagkatao.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)

Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, inokupa ng agham at kaalaman ang puso ng mga tao. Pagkatapos, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa mga tao, nagdudulot na mawalan sila ng sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na mawalan ng mas kakaunting mga kondisyon na paborable para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng lahat ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanilang puso, ang panloob na mundo ng mga tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, upang punuin ang puso at isip ng mga tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Ang dignidad ng Diyos at ang kadakilaan ng Diyos ay kumupas na sa puso ng mga tao, at ang pag-iral ng Diyos at ang doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay kumupas na sa puso ng mga tao. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang sangkatauhan sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng sangkatauhan. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam sa halip na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa mga puso ng mga tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng sangkatauhan na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng sangkatauhan na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng sangkatauhan ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdulot na ang tao ay palagiang malagay sa pangamba, nang hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang sangkatauhan ay natatakot pa nga sa agham, natatakot sa kaalaman, at lalong natatakot sa pakiramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalo nang wala kang kakayahang takasan ang di-maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao ang maaaring lumitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinuman. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng sangkatauhan ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos, saka lamang malulutas ang kanilang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa mga puso nila. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang bayan ay hindi makatanggap ng pagliligtas at pagbabantay ng Diyos, ang gayong bansa o bayan ay uusad patungo sa paglubog, patungo sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay patagong ninakaw ang tao mula sa presensiya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga supling nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang mga kaisipan at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa siyang sumamba kaysa dati sa mga nagtipon ng Apat na Aklat at Limang Klasiko na ito, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay nito mismong inokupa ang kanyang puso. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit na kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng pagkamuhi sa Diyos ang kanyang dibdib, at kumalat ang pagiging mapaminsala ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos na siyang nalamon nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga gusot ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi ang mabihag sa mismong lugar na iyon, sumuko at magpasakop sa presensiya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga maling kaisipan gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; isakatuparan ang Apat na Modernisasyon; at wala talagang Diyos.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula pagkabata na makapagserbisyo para sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensiya nito, at walang pag-aatubiling kinakamkam nito ang buong kredito (ibig sabihin ay ang kreditong nauukol sa Diyos sa paghawak sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Wala itong anumang pakiramdam ng kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, walang kahihiyan nitong sinusunggaban ang mga tao ng Diyos at hinihila sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumatalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasasamba ang tao rito bilang “Diyos.” Napakasalbahe nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Wala talagang Diyos. Ang hangin ay nililikha ng mga pagbabago na pinamamahalaan ng mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag ang singaw ng tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, ay sumasailalim sa kondensasyon at bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga heolohikal na pagbabago; ang tagtuyot ay sanhi ng pagkatuyo sa hangin na dulot ng pagkakahati ng mga nucleon particle sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga natural na penomenon. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawa ng Diyos?” Mayroon pa nga iyong mga sumisigaw ng mga kahiya-hiyang pahayag na gaya ng sumusunod: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Palihim nitong ipinagagawa sa tao na isabit ito sa dingding o ipatong ito sa mesa upang sambahin ito at magbigay-handog dito. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi talaga makatwiran! …

Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginugulo na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na dinala ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na pinagdurusa ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin[1] nang buo ang tao. Ang paghahatid ng mga turo ng pyudal na etika at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nakahawa sa lahat ng tao, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at iilan lamang ang buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mga mukha ng lahat ng tao ay puno ng intensyong pumatay, at sa lahat ng lugar, bumabalot sa paligid ang nakamamatay na awra. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)

Mga Talababa:

1. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.

a. Ang Apat na Aklat at Limang Klasiko ay mapagkakatiwalaang tumpak na mga aklat ng Confucianism sa China.


Gaano man kataas ang antas ng iyong kaalaman, o gaano man kataas ang iyong mga titulo at akademikong kalipikasyon, nagsasalita Ako ngayon tungkol sa mga pananaw ng tao sa kaalaman at sa Aking mga pananaw sa kaalaman. Alam ba ninyo kung ano ang tingin ng Diyos sa kaalaman? Maaaring sabihin ng isang tao na ninanais ng Diyos na magkaroon ng maunlad na siyensiya ang sangkatauhan, at na makaunawa sila ng mas maraming siyentipikong kaalaman, at na ayaw Niyang maging masyadong paurong, mangmang at di-nakaaarok ang tao. Tama ang mga salitang ito, pero kinamumuhian ng Diyos ang mga bagay na tulad ng siyentipikong kaalaman. Ang ilang positibong siyentipikong kaalaman—bagama’t hindi ito ang katotohanan—ay medyo kapaki-pakinabang pa rin sa mga tao; kahit papaano man lang, makakapagbigay ito ng kaunting serbisyo. Gaano man kabuti ang siyentipikong kaalaman sa paningin ng tao, hindi ito ang katotohanan, ni hindi ito pamalit sa katotohanan. Hindi maililigtas ng siyentipikong kaalaman ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas; tanging ang katotohanan ang makapagbibigay-kakayahan sa mga tao na iwaksi ang kanilang mga satanikong disposisyon at malinaw na makita ang mukha ni Satanas. Samakatwid, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para dalisayin at baguhin ang mga tao, at para baguhin ang kanilang mga disposisyon. Bagama’t paminsan-minsan ay maaaring tumutukoy ang mga salita ng Diyos sa mga perspektiba o pananaw tungkol sa kaalaman tulad ng Confucianismo o siyensiyang panlipunan, ang mga ito ay mga tipikal na halimbawa lamang. Sa pagtukoy sa ipinahihiwatig ng mga salita ng Diyos, dapat nating makita na namumuhi Siya sa kaalaman ng tao. Ang kaalaman ng tao ay hindi lang binubuo ng mga simpleng pahayag at prinsipyo, naglalaman ito ng ilang kaisipan at pananaw, pati na ng pagiging baligho ng tao, mga pagkiling, at mga lason ni Satanas, at may ilang kaalaman pa ngang nakapanlilihis at nagtitiwali sa mga tao. Ito ang lason ni Satanas. Sa sandaling matanggap ng isang tao ang lasong ito at maging dalubhasa siya rito, magiging tumor ito sa kanyang puso. Kakalat ang tumor na ito sa buong katawan niya, na tiyak na magdudulot ng kamatayan kung hindi siya mapagagaling ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan. Kaya, habang mas maraming kaalaman ang nakakamit at naaarok ng mga tao, mas malamang na hindi sila maniwala sa pag-iral ng Diyos, at sa halip ay itatatwa at lalabanan nila ang Diyos. Ito ay dahil ang kaalaman ay isang bagay na kanilang nakikita at nakukuha, at direkta itong nauugnay sa kanilang mga buhay, kinabukasan, at tadhana. Ang mga tao ay maaaring magtamo ng maraming kaalaman sa paaralan, pero bulag sila sa pinagmumulan ng kaalaman at sa kaugnayan nito sa espirituwal na mundo. Karamihan sa kaalamang natututunan at naaarok ng mga tao ay sumasalungat sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Sa partikular, ang pilosopikal na materyalismo at ebolusyon ay nasa ilalim ng mga maling pananampalataya at maling kaisipan ng ateismo, at walang dudang mga maling kaisipan na lumalaban sa Diyos. Ano ba ang makakamit mo kung magbabasa ka ng mga aklat ng kasaysayan, mga akda ng mga kilalang manunulat, o mga talambuhay ng mga dakilang tao, o kung marahil ay mag-aaral ng mga partikular na siyentipiko o teknolohikal na aspekto? Halimbawa, kung mag-aaral ka ng pisika, magiging dalubhasa ka sa ilang pisikal na prinsipyo, teoryang Newtonian o iba pang doktrina pero, kapag natutunan at naisapuso, mapangingibabawan ng mga bagay na ito ang iyong isip at kokontrolin ang iyong pag-iisip. Kapag binasa mo ang mga salita ng Diyos, iisipin mo, “Bakit hindi binabanggit ng Diyos ang grabidad? Bakit hindi natatalakay ang kalawakan? Bakit hindi tinatalakay ng Diyos kung may atmospera ang buwan, o kung gaano karaming oxygen ang nasa mundo? Dapat ihayag ng Diyos ang mga bagay na ito, dahil ang mga ito ang mga bagay na kailangang-kailangang maipaalam at masabi sa sangkatauhan.” Kung nagkikimkim ka ng ganitong mga kaisipan sa iyong puso, pahahalagahan mo nang higit sa lahat ang kaalaman at mga teoryang pinag-aralan mo, habang itinuturing na pangalawa lang ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Ganito mo tatratuhin ang salita ng Diyos. Ano’t anuman, ang mga bagay na ito na may kinalaman sa kaalaman ay naglilihis at nagtitiwali sa mga tao, idinudulot na sila ay lumayo sa Diyos, magtatwa sa Diyos, lumaban sa Diyos, at maging mapanlaban pa nga sa Kanya. Hindi mahalaga kung pinaniniwalaan ninyo ito o hindi, o kung kaya ninyo itong tanggapin ngayon—darating ang araw kung kailan aaminin ninyo ang katunayang ito. Kayang dalhin ng kaalaman ang mga tao tungo sa pagkawasak, sa impiyerno—nakikilatis ba ninyo ito? Maaaring may ilan na hindi handang tanggapin ito, dahil may ilan sa inyo na mataas ang pinag-aralan at may napakalawak na kaalaman. Hindi Ko kayo kinukutya o tinutuya, nagsasabi lang Ako ng totoo. Hindi Ko hinihiling sa inyong tanggapin ito dito at ngayon mismo, bagkus ay unti-unti kayong magkaroon ng pagkaunawa sa aspektong ito. Idinudulot sa iyo ng kaalamang gamitin ang iyong isip at talino para suriin at harapin ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos. Magiging hadlang at balakid ito sa pagkilala mo sa Diyos at pagdanas mo sa gawain Niya, at magdudulot sa iyong lumihis at lumaban sa Diyos. Pero may kaalaman ka naman ngayon, kaya ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong tukuyin ang pagkakaiba ng kaalamang praktikal sa kaalamang nanggagaling kay Satanas at nabibilang sa maling pananampalataya at maling kaisipan. Kung ang tinatanggap mo lang ay ateistiko at balighong kaalaman, mahahadlangan nito ang iyong pananampalataya sa Diyos, magugulo ang normal na kaugnayan mo sa Kanya at ang pagtanggap mo sa katotohanan, at makasasagabal sa buhay pagpasok mo. Ganito mo ito dapat tingnan—tama ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Kaalaman, karanasan, mga aral—ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan; wala talagang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Sumasalungat pa nga ang mga bagay na ito sa katotohanan at kinokondena ng Diyos. Tingnan ang kaalaman, halimbawa, maituturing bang isang anyo ng kaalaman ang kasaysayan? (Oo.) Paano nabuo ang kaalaman at mga aklat-pangkasaysayan tungkol sa kasaysayan ng tao, kasaysayan ng ilang bansa o etnikong grupo, modernong kasaysayan, sinaunang kasaysayan, o maging ng ilang hindi opisyal na kasaysayan? (Isinulat ang mga ito ng mga tao.) Kaya, ang mga bagay ba na isinulat ng mga tao ay nakaayon sa tunay na kasaysayan? Hindi ba’t salungat ang mga ideya at pananaw ng mga tao sa mga prinsipyo, paraan, at pamamaraan ng mga pagkilos ng Diyos? Nauugnay ba sa tunay na kasaysayan ang mga salitang ito na binigkas ng tao? (Hindi.) Walang kaugnayan. Samakatwid, gaano man katumpak ang mga tala na nasa mga aklat-pangkasaysayan, kaalaman lang ang mga ito. Kahit gaano kahusay magsalita ang mga historyador na iyon, at gaano kalohikal at kalinaw nilang isinalaysay ang mga kasaysayang ito, ano ang kongklusyong makukuha mo pagkatapos makinig sa mga ito? (Malalaman namin ang mga pangyayaring iyon.) Oo, malalaman mo ang mga pangyayaring iyon. Pero isinasalaysay ba nila ang mga kasaysayang ito para lang ipaalam sa iyo ang tungkol sa mga pangyayaring iyon? May partikular silang ideya na gusto nilang iindoktrina sa iyo. At ano ang pokus ng kanilang indoktrinasyon? Ito ang kailangan nating suriin at himayin. Hayaan ninyo Akong magbigay ng isang halimbawa para maunawaan ninyo kung ano ang gusto nilang iindoktrina sa mga tao. Pagkatapos balik-aralan ang kasaysayan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, nakabuo ang mga tao sa huli ng isang kasabihan; naobserbahan nila ang isang katotohanan mula sa kasaysayan ng tao, na: “Ang mga nagwagi ay pinupuri bilang mga hari, habang ang mga talunan ay binabansagan bilang mga tulisan.” Kaalaman ba ito? (Oo.) Nagmula ang kaalamang ito sa mga katunayang pangkasaysayan. May kinalaman ba ang kasabihang ito sa mga paraan at pamamaraan kung paano pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Wala.) Sa katunayan, kabaligtaran ito; sumasalungat at tumataliwas ito sa mga ito. Kaya, naindoktrinahan ka na ng kasabihang ito, at kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o kung ikaw ay isang walang pananampalataya, ano marahil ang maiisip mo pagkatapos marinig ito? Paano mo maiintindihan ang kasabihang ito? Una sa lahat, inililista ng mga historyador o aklat-pangkasaysayan na ito ang lahat ng ganitong uri ng pangyayari, gamit ang sapat na ebidensya at mga pangyayaring pangkasaysayan para patunayan ang katumpakan ng kasabihan. Sa simula, puwedeng natutunan mo lang ang kasabihang ito mula sa isang libro, at alam mo lang ang mismong kasabihan. Puwedeng nauunawaan mo lang ito sa isang antas o sa isang partikular na lawak hanggang sa mabatid mo ang mga pangyayaring ito. Pero sa sandaling marinig mo ang mga makasaysayang katunayang ito, lalalim ang iyong pagkilala at pagtanggap sa kasabihan. Talagang hindi mo sasabihing, “May mga bagay na hindi ganoon.” Sa halip, sasabihin mong, “Ganyan iyan; sa pagtingin sa kasaysayan mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan—ang mga nagwagi ay pinupuri bilang mga hari, habang ang mga talunan ay binabansagan bilang mga tulisan!” Kapag nakikita mo ang usapin sa gayong paraan, anong mga pananaw at saloobin ang panghahawakan mo sa iyong sariling asal, sa iyong propesyon, at sa iyong pang-araw-araw na buhay, gayundin sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa paligid mo? Mababago ba ng gayong pagkakaintindi ang iyong saloobin? (Oo.) Higit sa lahat, mababago ito. Kaya, paano nito mababago ang iyong saloobin? Gagabayan at babaguhin ba nito ang direksiyon ng iyong buhay at ang iyong mga pamamaraan para sa mga makamundong pakikitungo? Marahil pinaniwalaan mo dati na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan” at “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Ngayon, iisipin mo na, “Dahil ‘ang mga nagwagi ay pinupuri bilang mga hari, habang ang mga talunan ay binabansagan bilang mga tulisan,’ kung gusto kong maging isang opisyal, kailangan kong isaalang-alang nang mabuti si Ganito-at-ganyan. Wala siya sa panig ko, kaya hindi ko siya maiangat—kahit na karapat-dapat siyang iangat.” Habang iniisip mo ang mga bagay sa ganitong paraan, magbabago ang iyong saloobin—at mabilis itong magbabago. Paano mangyayari ang pagbabagong ito? Ito ay dahil tinanggap mo ang ideya at pananaw na “Ang mga nagwagi ay pinupuri bilang mga hari, habang ang mga talunan ay binabansagan bilang mga tulisan.” Ang pagdinig ng maraming katunayan ay lalo lang, para sa iyo, na magpapatibay sa pagiging tama ng pananaw na ito sa totoong buhay ng tao. Lubos kang maniniwala na dapat mong ilapat ang pananaw na ito sa iyong sariling mga pagkilos at pag-asal para hangarin ang iyong buhay sa hinaharap at kinabukasan. Hindi ka ba mababago ng ideya at pananaw na ito? (Oo.) At habang binabago ka nito, gagawin ka ring tiwali nito. Ganyan ito. Binabago at ginagawa kang tiwali ng gayong kaalaman. Kaya, kapag tinitingnan ang ugat ng usaping ito, gaano man katumpak ang pagkakalatag ng mga kasaysayang ito, sa huli ay nabubuod ang mga ito sa kasabihang ito, at ikaw ay naiindoktrinahan ng ideyang ito. Ang kaalaman bang ito ay ang pagsasakatawan ng katotohanan o ang lohika ni Satanas? (Ang lohika ni Satanas.) Tama iyan. Naipaliwanag Ko ba ito nang may sapat na detalye? (Oo.) Ngayon ay malinaw na ito. Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, hindi mo pa rin ito mauunawaan kahit na pagkatapos ng dalawang buhay—mas matagal kang nabubuhay, mas mararamdaman mo na hangal ka, at iisipin na hindi ka sapat na malupit, at dapat kang maging mas malupit, mas tuso, mas lihim na mapanira, at mas malala at mas masamang tao. Iisipin mo sa sarili mo na: “Kung kaya niyang pumatay, dapat akong magsindi ng mga apoy. Kung papatay siya ng isang tao, kailangan kong pumatay ng 10. Kung papatay siya nang hindi nag-iiwan ng bakas, mananakit ako ng mga tao nang hindi nila nalalaman—gagawin ko pang pasalamatan ako ng kanilang mga inapo sa loob ng tatlong henerasyon!” Ito ang impluwensiyang naidulot ng pilosopiya, kaalaman, karanasan, at mga aral ni Satanas sa sangkatauhan. Sa realidad, ito ay pang-aabuso at katiwalian lang. Samakatwid, anumang uri ng kaalaman ang ipinangangaral o ipinapalaganap sa mundong ito, iindoktrinahan ka nito ng isang ideya o pananaw. Kung hindi mo ito makikilatis, malalason ka. Sa kabuuan, isang bagay ang tiyak ngayon: Hindi mahalaga kung ang kaalamang ito ay nagmula sa mga karaniwang tao o mula sa mga opisyal na mapagkukunan, kung iginagalang ito ng isang minorya o iginagalang ng mayorya—wala sa mga ito ang nauugnay sa katotohanan. Ang katotohanan ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang pagiging tama nito ay hindi natutukoy sa bilang ng mga taong kumikilala rito. Ang realidad ng mga positibong bagay ay mismong ang katotohanan. Walang sinumang makapagpapabago nito, ni sinumang makapagkakaila nito. Ang katotohanan ay palaging magiging ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)

Yaong sa mga diyablo ay pawang nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang pananaw nila sa buhay at mga salawikain ay pangunahing nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain,” at iba pang gayong mga maling kaisipan. Ang mga salitang sinambit ng yaong mga diyablong hari, mga dakilang personalidad, at mga pilosopo ay ang naging mismong buhay ng tao. Lalo na, karamihan sa mga salita ni Confucius, na itinataas ng mga Tsino bilang isang “pantas,” ay naging buhay na ng tao. Mayroon ding mga bantog na kasabihan ng Budismo at Taoismo, at ang mga klasikong kasabihan na madalas ulitin ng iba’t ibang tanyag na tao. Lahat ng ito ay mga pagbubuod ng mga pilosopiya ni Satanas at kalikasan ni Satanas. Ang mga ito rin ang pinakamahusay na paglalarawan at paliwanag tungkol sa kalikasan ni Satanas. Ang mga lason na ito na naikintal sa mga puso ng sangkatauhan ay pawang nagmumula kay Satanas, at wala sa mga ito ang nagmumula sa Diyos. Ang mga maladiyablong salita na iyon ay diretsahan ding kumokontra sa salita ng Diyos. Napakalinaw na ang mga realidad ng lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng negatibong bagay na lumalason sa tao ay nagmumula kay Satanas. Samakatwid, makikilatis mo ang kalikasan ng isang tao at kung kanino siya kabilang sa pamamagitan ng pagtingin sa pananaw niya sa buhay at mga pinahahalagahan. Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa pamamagitan ng edukasyon at pagkokondisyon ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga maladiyablong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na nanuot na sa lahat ng tao at naging pinakabuhay nila. May iba pang mga salita ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na katulad nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyonal na kultura ng bawat bayan para turuan, iligaw, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, malipol ng Diyos dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan nila ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Ipagpalagay na itatanong sa kanila ang sumusunod na tanong: “Yamang nagawa mong maging isang opisyal at magkaroon ng napakamaayos na karera, ano ang mga pangunahing bantog na kasabihang tumulong sa iyong makamit ito?” Maaaring sabihin nila, “Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: ‘Hindi pinapahirapan ng mga opisyal ang mga may dalang regalo para sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Umasa sila sa satanikong pilosopiyang ito upang maging isang opisyal. Hindi ba’t kumakatawan ang mga salitang ito sa kalikasan ng gayong mga tao? Ang paggamit ng mga walang-konsensiyang paraan para makakuha ng posisyon ay naging kalikasan na nila. Ang maging isang opisyal na namumukod-tangi at nagkakamit ng mabilis na pag-angat ang kanilang layon. Maraming ibang lason ni Satanas sa buhay, kilos, at sariling asal ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanilang mga taktika sa paggawa ng mga bagay-bagay, at ang kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng tumatagos sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, ang mga may hawak ng kapangyarihan, at yaong mga matagumpay ay may sarili nilang mga landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang kalikasan? May kakayahan silang magsagawa ng malalaking proyekto sa mundo, at walang sinumang nakakakilatis sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Ipinapakita nito na lubhang lihim na mapanira at mapaminsala ang kanilang kalikasan. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, buktot, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay ganap na naging kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit nilalabanan ng mga tao ang Diyos at mapanlaban sila sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Pilosopiya ni Satanas ang “Pera ang nagpapaikot sa mundo.” Napakalaganap nito sa gitna ng sangkatauhan, sa bawat lipunan; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng tahimik na pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula silang makaramdam na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba’t isa itong proseso ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao? Marahil, ang mga tao ay hindi magkakapareho ng antas ng personal na kaalaman sa kasabihang ito, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa lahat ng bagay na kanilang personal na naranasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man karami ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, anong negatibong epekto ang naidulot nito sa puso niya? Ito ay na ang mga tao sa mundong ito—at masasabing kasama rito ang bawat isa sa inyo—ay naghahayag ng isang bagay mula sa kanilang mga disposisyon. Ano ito? Ito ay ang pagsamba sa pera. Madali ba itong alisin sa puso ng tao? Hindi, hindi ito madali! Nagpapakita ito na malalim talaga ang paggawang tiwali ni Satanas sa tao! Ginagamit ni Satanas ang pera para akitin ang mga tao, at ginagawa niya silang lahat na tiwali upang maging mga bagay na sumasamba sa pera at mga materyal na pagnanasa. At paano naipapamalas ng mga tao ang pagsambang ito sa pera? Hindi ba’t iniisip ninyo na sa mundong ito ay hindi kayo mabubuhay kung walang pera, at na hindi ninyo kakayanin kahit isang araw kung walang pera? Kung gaano karaming pera mayroon ang mga tao ang nagtatakda kung gaano kataas ang kanilang katayuan; kung gaano karaming pera mayroon ang mga tao ang nagtatakda kung gaano sila kagalang-galang. Hindi kaya ng mga mahirap ang magtaas-noo, samantalang ang mayayaman ay may mataas na katayuan, taas-noo, at kayang magsalita nang malakas at mamuhay sa paraang hambog at walang pagpipigil. Ano ba ang idinudulot ng kasabihan at kalakarang ito sa tao? Hindi ba totoo na handa ang maraming tao na gumawa ng anumang sakripisyo para kumita ng pera? Hindi ba’t ang maraming tao ay nawawalan ng kanilang dignidad at integridad sa paghahangad ng mas maraming pera? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin at sumunod sa Diyos para lamang sa pera? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng kawalan ng mga tao? Gamit lang ang pamamaraang ito at ang kasabihang ito, ginagawang tiwali ni Satanas ang tao hanggang sa gayong antas. Hindi ba’t mapanira ang intensyon ni Satanas? Hindi ba’t isa itong mapaminsalang panlalansi? Isa lamang itong kasabihan na popular, ngunit mula sa hindi mo pagsang-ayon dito ay hahantong ka sa wakas sa paniniwalang ito ang katotohanan, at sa puntong iyon, ang puso mo ay ganap nang binihag ni Satanas, at samakatwid, hindi mo namamalayang namumuhay ka na ayon sa kasabihan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang lakas na hangarin ito. Maaaring malinaw na alam mo na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at kapalaran upang salungatin ang Diyos hanggang sa pinakahuli. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, gaano man kalalim at kadakila ang pagmamahal ng Diyos sa iyo, sa abot ng makakaya mong maunawaan ito, mapagmatigas mo pa ring ipipilit na igugol ang iyong sarili dahil sa kasabihang ito. Ibig sabihin, naligaw at nakontrol na ng kasabihang ito ang iyong mga iniisip, napamahalaan na nito ang iyong pag-uugali, at mas gusto mo pang hayaan itong pagharian ang iyong kapalaran kaysa bitiwan mo ang iyong paghahangad sa kayamanan. Na kaya mong kumilos nang ganoon, na kaya kang kontrolin at manipulahin ng mga salita ni Satanas—hindi ba’t ibig sabihin nito ay nailigaw at nagawa ka nang tiwali ni Satanas? Hindi ba’t nangangahulugan ito na ang pilosopiya at mga kaisipan ni Satanas, at ang disposisyon ni Satanas, ay nag-ugat na sa puso mo? Kapag ang buong atensyon mo ay nasa paghahangad na yumaman, at tinalikdan mo ang paghahangad ng katotohanan, hindi ba’t nagtagumpay na si Satanas sa pakay nitong iligaw ka? Ito mismo ang nangyayari. Nadarama mo ba kapag inililigaw at ginagawa kang tiwali ni Satanas? Hindi. Kung hindi mo nakikita si Satanas na nakatayo sa harap mo mismo, o nadarama na si Satanas iyon na kumikilos nang patago, makikita mo ba ang kabuktutan ni Satanas? Malalaman mo ba kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas para sa tao na magdepensa laban sa katiwaliang ito at ginagawa siyang walang magawa laban dito. Ipinatatanggap ni Satanas sa tao ang mga kaisipan nito, ang mga pananaw nito, at ang mga buktot na bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon kung saan hindi niya alam at kapag hindi niya namamalayan kung ano ang nangyayari sa kanya, at pagkatapos tanggapin ang mga bagay na ito, hindi tumututol ang tao sa mga ito. Minamahal niya at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan niya ang mga bagay na ito na manipulahin siya at paglaruan siya; ganito ang pamumuhay ng tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala siyang malay na sinusunod niya si Satanas, at lalo pang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Ngayon, may ilang tao na naniniwalang praktikal at tama ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” May pagkilatis ba ang gayong mga tao? Nauunawaan ba nila ang katotohanan? Problematiko ba ang mga kaisipan at pananaw ng gayong mga tao? Kung ang isang tao sa loob ng iglesia ay nagpapalaganap ng kasabihang ito, ginagawa niya ito nang may motibo; sinusubukan niyang ilihis ang iba. Sinusubukan niyang gamitin ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” para pawiin ang mga pag-aalinlangan o pagdududa ng iba tungkol sa kanya. Sa di-tuwirang salita, nangangahulugan ito na gusto niyang magtiwala ang iba na magagawa niya ang gawain, na magtiwala na siya ay isang taong maaaring gamitin. Hindi ba’t ito ang kanyang intensiyon at layon? Tiyak iyon. Iniisip niya sa sarili niya, “Hindi kayo kailanman nagtitiwala sa akin at palagi kayong nagdududa sa akin. Sa isang punto, malamang na makakakita kayo ng kaunting problema sa akin at tatanggalin ninyo ako. Paano ako makakapagtrabaho kung palaging ito ang nasa isip ko?” Kaya’t ipinalalaganap niya ang pananaw na ito para pagkatiwalaan siya ng sambahayan ng Diyos nang walang pag-aalinlangan at hayaan siyang magtrabaho nang malaya, sa gayon ay nakakamit ang kanyang layon. Kung hinahangad talaga ng isang tao ang katotohanan, dapat niyang tratuhin nang maayos ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos sa kanyang gawain kapag nakikita niya ito, alam na ito ay para sa kanyang sariling proteksiyon at, higit sa lahat, na pagiging responsable rin ito para sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Bagaman maaari niyang ibunyag ang kanyang katiwalian, maaari siyang manalangin sa Diyos para hilingin sa Kanya na siyasatin at protektahan siya, o manumpa sa Diyos na tatanggapin niya ang Kanyang pagpaparusa kung gagawa siya ng kasamaan. Hindi ba nito mapatatahimik ang kanyang isipan? Bakit magpapalaganap ng baluktot na pangangatuwiran para ilihis ang mga tao at kamtin ang sariling layunin? May ilang lider at manggagawa na palaging may saloobin ng paglaban sa pangangasiwa ng hinirang na mga tao ng Diyos o sa mga pagsisikap ng mga nakatataas na lider at manggagawa na malaman ang tungkol sa kanilang gawain. Ano ang iniisip nila? “‘Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Bakit palagi ninyo akong pinangangasiwaan? Bakit ginagamit ninyo ako kung hindi ninyo ako pinagkakatiwalaan?” Kung tatanungin mo sila tungkol sa kanilang gawain o magtatanong ka tungkol sa pag-usad nito at pagkatapos ay magtatanong tungkol sa kanilang personal na kalagayan, magiging mas depensibo pa nga sila: “Ipinagkatiwala sa akin ang gawaing ito; nasa loob ito ng aking saklaw. Bakit kayo nakikialam sa aking gawain?” Bagaman hindi nangangahas na sabihin ito nang tahasan, magpapasaring sila, “Gaya nga ng kasabihan, ‘Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Bakit ka masyadong mapaghinalang tao?” Kokondenahin at babansagan ka pa nila. At paano kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang pagkilatis? Pagkatapos marinig ang pasaring nila, sasabihin mo, “Mapagduda ba ako? Kung gayon ay mali ako. Mapanlinlang ako! Tama ka: Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Hindi ba’t sa gayon ay nailihis ka? Katugma ba ng katotohanan ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo”? Hindi, kalokohan ito! Lihim na mapanira at mapanlinlang ang mga buktot na taong ito; inihaharap nila ang kasabihang ito bilang katotohanan para ilihis ang mga taong magulo ang isip. Ang isang taong magulo ang isip, kapag narinig ang kasabihang ito, ay tunay na nalilihis, at nalilito siya, iniisip na: “Tama siya, nagawaan ko ng pagkakamali ang taong ito. Siya mismo ang nagsabi: ‘Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Paano ko siya nagawang pagdudahan? Hindi maaaring gawin nang ganito ang gawain. Dapat kong palakasin ang loob niya nang hindi nanghihimasok sa kanyang gawain. Dahil ginagamit ko siya, kailangan kong magtiwala sa kanya at hayaan siyang magtrabaho nang malaya nang hindi siya pinipigilan. Kailangan ko siyang bigyan ng espasyo para sa kanyang paggampan. May abilidad siyang gawin ang trabaho. At kahit wala siyang abilidad, naroon pa rin ang Banal na Espiritu na gumagawa!” Anong klaseng lohika ito? Umaayon ba ang alinman dito sa katotohanan? (Hindi.) Tila tama lahat ang mga salitang ito. “Hindi natin maaaring pigilan ang iba.” “Walang magagawa ang mga tao; ginagawa ng Banal na Espiritu ang lahat. Sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang lahat. Hindi natin kailangang magduda dahil ang Diyos ang ganap na namamahala.” Pero anong uri ng mga salita ito? Hindi ba’t ang mga nagsasalita ng mga ito ay mga taong magulo ang isip? Hindi nila makilatis kahit ito at nailihis sila ng isang pangungusap lang. Ligtas na sabihin na halos lahat ng tao ay itinuturing ang kasabihang “Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” bilang katotohanan, at nalilihis at nakatali sila rito. Nagugulo at naiimpluwensiyahan sila nito kapag pumipili o gumagamit sila ng mga tao, at hinahayaan pa nila itong maimpluwensiyahan sila. Dahil dito, maraming lider at manggagawa ang palaging nahihirapan at may mga pag-aalinlangan tuwing sinusuri nila ang gawain ng iglesia at iniaangat, pinipili, at ginagamit ang mga tao. Sa huli, ang tanging magagawa nila ay aliwin ang sarili nila sa mga salitang “Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Tuwing nagsisiyasat sila o nagtatanong-tanong tungkol sa gawain, iniisip nila na, “‘Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Dapat akong magtiwala sa aking mga kapatid, tutal naman, sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang mga tao, kaya hindi ako dapat palaging magduda at mangasiwa sa iba.” Naimpluwensiyahan na sila ng kasabihang ito, hindi ba? Ano ang mga kahihinatnang dulot ng impluwensiya ng kasabihang ito? Una sa lahat, kung ang ideyang ito ng “Huwag pagdudahan ang mga taong itinatalaga mo, at huwag mong kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo” ay nasa isip mo, sisiyasatin at papatnubayan mo ba ang gawain ng iba? Pangangasiwaan at susubaybayan mo ba ang gawain ng mga tao? Kung nagtitiwala ka sa lahat ng ginagamit mo at hindi mo kailanman sinisiyasat o pinapatnubayan ang mga ito sa gawain nila, at hindi mo sila kailanman pinangangasiwaan, ginagawa mo ba nang deboto ang tungkulin mo? Kaya mo bang gawin nang maayos ang gawain ng iglesia? Kaya mo bang makompleto ang atas ng Diyos? Nagiging deboto ka ba sa atas ng Diyos? Pangalawa, hindi ka lang nabigong sundin ang salita ng Diyos at gawin ang iyong mga tungkulin, sinusunod at isinasagawa mo ang plano at pakana ni Satanas, at ang mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, na para bang ang mga ito ang katotohanan. Sinusunod mo si Satanas at namumuhay ka ayon sa pilosopiya nito, hindi ba? Hindi ka isang tao na nagpapasakop sa Diyos, lalo nang hindi ka isang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Ganap na tampalasan ka. Ang pagsasantabi ng mga salita ng Diyos, at sa halip ay pagsunod sa isang parirala ni Satanas at pagsasagawa nito bilang katotohanan, ay pagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos! Gumagawa ka sa sambahayan ng Diyos, pero ang prinsipyo ng iyong mga pagkilos ay isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo—ito ang lohika ni Satanas. Anong klaseng tao ka? Ito ay isang taong nagkakanulo sa Diyos at isang taong labis na sumisira sa dangal ng Diyos. Ano ang diwa ng kilos na ito? Hayagang pagkondena sa Diyos at hayagang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t iyon ang diwa nito? (Iyon nga.) Dagdag pa sa hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos, hinahayaan mong manalasa sa iglesia ang isa sa mga maladiyablong kasabihan ni Satanas at ang isa sa mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Sa paggawa nito, nagiging kasabwat ka ni Satanas at tinutulungan mo si Satanas sa pagsasagawa ng mga gawain nito sa iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia. Napakalubha ng diwa ng problemang ito, hindi ba?

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan

Kaya ano ang ibig sabihin ng hindi kailanman pagsuko? Ito ay kapag ang isang tao ay nabigo, nakatagpo ng mga kabiguan, o naligaw sa maling landas, pero hindi nito inaamin. Nagpapatuloy lang siya nang may katigasan ng ulo. Nabibigo siya pero hindi pinanghihinaan ng loob, nabibigo pero hindi tinatanggap ang kanyang mga pagkakamali. Gaano man karaming tao ang sumasaway o kumokondena sa kanya, hindi siya umuurong. Iginigiit niya ang paglaban, pagtatrabaho at paghahangad sa kanyang direksiyon at patungo sa kanyang sariling mga layon, at hindi niya iniisip ang kapalit. Ito ang uri ng mentalidad na tinutukoy nito. Hindi ba’t medyo mabuti ang mentalidad na ito sa pagbibigay-inspirasyon sa mga tao? Sa anong mga sitwasyon karaniwang ginagamit ang “Hindi kailanman susuko”? Sa bawat uri ng sitwasyon. Saanman umiiral ang mga tiwaling tao, umiiral ang pariralang ito; umiiral ang kaisipang ito. Kaya para saan naisip ng mga taong kay Satanas ang kasabihang ito? Upang hindi kailanman maunawaan ng mga tao ang kanilang sarili, hindi makilala ang kanilang sariling mga pagkakamali, at hindi matanggap ang kanilang sariling mga pagkakamali. Upang hindi lamang makita ng mga tao ang marupok, mahina at walang kakayahang bahagi ng kanilang sarili, kundi sa halip ay makita ang bahagi ng kanilang sarili na may kakayahan, at ang bahagi ng kanilang sarili na makapangyarihan at buo ang loob, hindi maliitin ang kanilang sarili, kundi isipin na sila ay may kakayahan. Hangga’t iniisip mong kaya mo, kaya mo; hangga’t iniisip mong kaya mong maging matagumpay, hindi mabibigo, at kayang maging pinakamahusay, magagawa mo ito. Hangga’t mayroon ka ng determinasyon at kapasiyahang iyon, ng pagnanais at mapapangahas na ambisyong iyon, magagawa mo ang lahat ng ito. Ang mga tao ay hindi hamak; sila ay makapangyarihan. May kasabihan ang mga walang pananampalataya: “Ang iyong entablado ay kasinlaki ng iyong puso.” Gustong-gusto ng ilang tao ang kasabihang ito sa oras na marinig nila ito: “Wow, gusto ko ng sampung karat na brilyante, ibig sabihin ba nito ay makukuha ko ito? Gusto ko ng isang Mercedes Benz, ibig sabihin ba nito ay makukuha ko ito?” Tutugma ba ang makukuha mo sa lawak ng pagnanais ng puso mo? (Hindi.) Ang kasabihang ito ay isang baluktot na pangangatuwiran. Sa madaling salita, ang pagmamataas ng mga taong naniniwala at kumikilala sa pariralang “Hindi kailanman susuko” ay walang hangganan. Alin sa mga salita ng Diyos ang tuwirang sinasalungat ng paraan ng pag-iisip ng mga taong ito? Hinihingi ng Diyos na maunawaan ng mga tao ang kanilang sarili, at umasal sa praktikal na paraan. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon; sila ay may mga pagkukulang at isang disposisyong lumalaban sa Diyos. Walang mga perpektong tao sa gitna ng sangkatauhan; walang taong perpekto; mga karaniwang tao lang sila. Paano sinabihan ng Diyos ang mga tao na umasal? (Sa paraang mabuti ang pag-uugali.) Ang umasal nang may mabuting pag-uugali, at kumapit nang mahigpit sa kanilang lugar bilang mga nilikha sa isang praktikal na paraan. Hiningi ba kailanman ng Diyos sa mga tao na huwag kailanman sumuko? (Hindi.) Hindi. Kung gayon, ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga tao na sumusunod sa maling landas, o nagbubunyag ng tiwaling disposisyon? (Sinasabi Niya na kilalanin at tanggapin ito.) Kilalanin at tanggapin ito, pagkatapos ay unawain ito, magawang bumalik sa tamang landas, at kamtin ang pagsasagawa ng katotohanan. Sa kabaligtaran, ang hindi kailanman pagsuko ay kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling mga problema, hindi nauunawaan ang kanilang mga pagkakamali, hindi tinatanggap ang kanilang mga pagkakamali, hindi sila bumabalik sa tamang landas sa ano’t anuman, at hindi nagsisisi sa ano’t anuman, lalong hindi tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan o mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi lang sa hindi nila hinahanap kung ano ang eksaktong kapalaran ng mga tao, o kung ano ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—hindi lang sa hindi nila hinahanap ang mga bagay na ito, kundi sa halip, inilalagay nila ang kapalaran nila sa sarili nilang mga kamay; gusto nilang sila ang may huling salita. Gayundin, hinihingi ng Diyos sa mga tao na unawain nila ang kanilang sarili, tumpak na suriin at bigyang-halaga ang kanilang sarili, at gawin ang anumang magagawa nila nang maayos sa paraang praktikal at nang may mabuting pag-uugali, at nang kanilang buong puso, isipan, at kaluluwa, samantalang ginagawa ni Satanas na lubusang gamitin ng mga tao ang kanilang mapagmataas na disposisyon, at bigyan ng lubos na kalayaan ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Idinudulot nito sa mga taong maging higit sa karaniwang tao, maging dakila, at magkaroon pa nga ng mga higit sa karaniwang kapangyarihan—idinudulot nito sa mga tao na maging mga bagay na hindi maaaring maging sila. Samakatwid, ano ang pilosopiya ni Satanas? Ito ay na kahit na mali ka, hindi ka mali, at na hangga’t mayroon kang mentalidad ng hindi pagtanggap ng pagkatalo, at hangga’t mayroon kang mentalidad ng hindi kailanman pagsuko, darating ang araw na magiging pinakamahusay ka, at darating din ang araw na matutupad ang iyong mga kagustuhan at layon. Kaya, mayroon bang diwa kung saan ang ibig sabihin ng hindi kailanman pagsuko ay gagamit ka ng anumang pamamaraan para maisakatuparan ang isang bagay? Para makamit ang mga layon mo, hindi mo dapat kilalanin na may kakayahan kang mabigo, hindi mo dapat paniwalaan na isa kang karaniwang tao, at hindi mo dapat paniwalaan na may kakayahan kang sumunod sa maling landas. Dagdag pa rito, walang pakundangan mo dapat na gamitin ang bawat uri ng pamamaraan o lihim na pakana para maisakatuparan ang mga pagnanais at mapangahas na ambisyon mo. Mayroon bang anumang bagay tungkol sa hindi kailanman pagsuko kung saan hinaharap ng mga tao ang kapalaran nila nang may saloobin ng paghihintay at pagpapasakop? (Wala.) Wala. Iginigiit ng mga tao na ganap na ilagay ang kapalaran nila sa sarili nilang mga kamay; gusto nilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran. Hindi mahalaga kung saang daan man sila pupunta, pagpapalain man sila o anong uri man ng pamumuhay ang tataglayin nila, dapat sila ang may huling salita sa lahat ng bagay.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan

Ang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” tulad ng mga kasabihan na “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” ay isa sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal ng mga tao. Sa parehong paraan, makakamit o maisasagawa man ng isang tao ang wastong asal na ito, hindi ito ang pamantayan o batayan sa pagsukat kung mayroon siyang pagkatao. Maaaring talagang kaya mong maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba, at na partikular na mahigpit mong sinusunod ang ilang pamantayan, at lalo na, pinapanatili mo ang iyong sarili na dalisay sa moralidad. Maaaring palagi mong iniisip ang iba at nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang sa kanila anuman ang iyong ginagawa, hindi naghahangad ng mga pakinabang para sa iyong sarili, at tila partikular na walang kinikilingan at hindi makasarili. Maaaring mayroon ka ring pagpapahalaga sa pananagutang panlipunan at moralidad ng lipunan, at ipinapakita mo ang iyong marangal na integridad at karakter sa mga nakapaligid sa iyo at maging sa iyong pamilya. Maaaring hindi kailanman umani ng anumang puna o paninisi ang iyong mga salita at kilos, at maaari ding magbunga ang mga ito ng saganang papuri at maging ng paghanga. Maaaring ituring ka ng mga tao bilang isang taong tunay na mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba. Gayumpaman, ang mga ito ay mga panlabas na anyo lamang, at kahit na mga panlabas na anyo ang mga ito, walang sinumang tao ang tunay na makapagkakamit ng mga ito. Higit pa rito, ang mga iniisip ba sa kaibuturan ng isipan ng mga tao ay naaayon sa mga panlabas na anyong ito, sa mga kilos na ito na isinasabuhay sa panlabas? Talagang hindi. Yaong mga iskolar, eksperto, o pinuno na nagtataguyod ng mga doktrinang ito ay pawang may motibo. Kaya, ano nga ba ang motibong iyon? Ito ay upang linlangin at ilihis ang mga tao na sambahin sila, na igalang sila bilang mga santo. Maaari bang ilantad sa publiko ang gayong intensyon at motibo? Tiyak na hindi. Pinatutunayan nito na ang motibong ito ay isang bagay na hindi kabanggit-banggit, isang bagay na madilim at buktot. Ngayon, bakit hindi kabanggit-banggit at buktot ang motibong ito? Ito ay dahil ang pagkatao ng mga tao ay kinokontrol at pinapakilos ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya ba ng mga iskolar, eksperto, o pinunong ito na isagawa ang mga teoryang sila mismo ang nagpapanukala? Hindi nila kayang isagawa ang mga ito kahit kaunti. Ang mga bagay na iniisip nila sa kanilang isipan at ginagawa nang palihim ay ang pinakabuktot at pinakawalang-hiya—ito ay isang hindi maikakailang katunayan. Anuman ang magagandang pakinggang salita na maaaring sabihin ng mga eksperto, iskolar, o pinunong iyon, lahat ng ito ay upang linlangin at ilihis ang mga tao. Sila ang pinakamakapal ang mukha at walang-hiyang mga tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Ang lahat ng kanilang mga turo at teorya ay binuo sa ilalim ng pamamahala at pangingibabaw ng kanilang tiwaling kalikasan, at ang kanilang mga intensyon at motibo ay pawang lihim na mapanira at buktot. Magawa man o hindi ng mga tao na maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba, o isagawa man nila nang lubos o hindi ang moral na ito, sa realidad ang kanilang pagkatao, sa pundamental, ay hindi naiimpluwensiyahan o kinokontrol ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal. Kung gayon, ano ang kumokontrol sa pagkatao ng mga tao? Ito ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang pagkataong diwa na nakatago sa ilalim ng moralidad na “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—iyon ang tunay nilang pagkatao. Ang tunay na pagkatao ng isang tao ay ang kanyang pagkataong diwa. At ano mismo ang kanilang pagkataong diwa? Pangunahin itong naipapamalas sa kanilang mga kagustuhan, hinahangad, pananaw sa buhay at kanilang sistema ng pagpapahalaga, pati na sa kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at iba pang mga aspekto. Ang mga bagay na ito lang ang kumakatawan sa pagkataong diwa ng mga tao. Masasabi nang may katiyakan na karamihan sa mga taong humihingi sa kanilang sarili na tuparin ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” ay labis na nagpapahalaga sa katayuan. Bunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi nila maiwasang hangarin ang prestihiyo sa gitna ng mga tao, katanyagan sa lipunan, at katayuan sa paningin ng iba. Ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa kanilang pagnanais para sa katayuan, at hinahangad ang mga ito nang nakakubli sa kanilang wastong asal. At paano nangyayari ang mga paghahangad nilang ito? Ang mga ito ay ganap na nagmumula sa at ibinubunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, anuman ang mangyari, tuparin man ng isang tao ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” o hindi, at kung nagagawa man niya ito nang perpekto o hindi, hinding-hindi nito mababago ang kanyang pagkataong diwa. Sa ipinapahiwatig nito, nangangahulugan ito na hindi nito mababago sa anumang paraan ang kanyang pananaw sa buhay o sistema ng pagpapahalaga, o magagabayan ang kanyang mga saloobin at perspektiba sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Hindi ba iyon ang kaso? (Oo nga.) Kapag mas may kakayahan ang isang tao na maging mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba, mas mahusay siya sa pagkukunwari at pagbabalatkayo. Kapag mas mahusay ang isang tao sa panlilihis sa iba sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali at kalugod-lugod na mga salita, mas likas siyang mapanlinlang at buktot. Kapag mas ganitong uri siya ng tao, mas malalim ang kanyang pagmamahal at paghahangad sa katayuan at kapangyarihan. Gaano man kamukhang dakila, kapuri-puri at tama ang kanyang panlabas na wastong asal, at gaano man ito kalugod-lugod pagmasdan para sa mga tao, ang hindi kabanggit-banggit na paghahangad na nasa kaibuturan ng kanyang puso, pati na ang kanyang kalikasang diwa, at maging ang kanyang mga ambisyon, ay maaaring malantad nila anumang oras. Samakatwid, gaano man kabuti ang kanyang wastong asal, hindi nito maikukubli ang kanyang likas na pagkataong diwa, o ang kanyang mga ambisyon at pagnanais. Hindi nito maikukubli ang kanyang kahindik-hindik na kalikasang diwa na hindi nagmamahal ng mga positibong bagay at tutol at napopoot sa katotohanan. Gaya ng ipinapakita ng mga katunayang ito, ang kasabihang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” ay hindi lang katawa-tawa—inilalantad nito ang mga ambisyosong tao na nagtatangkang gumamit ng gayong mga kasabihan at pag-uugali para pagtakpan ang kanilang mga hindi kabanggit-banggit na ambisyon at pagnanais. Maikukumpara ninyo ito sa ilang anticristo at masamang tao sa iglesia. Upang mapatibay ang kanilang katayuan at kapangyarihan sa iglesia, at upang magkamit ng mas magandang reputasyon sa iba, nagagawa nilang magdusa at magbayad ng halaga habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at maaari pa nga nilang talikuran ang kanilang trabaho at mga pamilya at ibenta ang lahat ng mayroon sila upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Sa ilang sitwasyon, ang mga halagang kanilang ibinabayad at ang pagdurusang kanilang dinaranas sa paggugol sa kanilang sarili para sa Diyos ay higit pa sa kung ano ang kaya ng isang pangkaraniwang tao; nagagawa nilang katawanin ang diwa ng matinding pagtitimpi upang mapanatili ang kanilang katayuan. Gayumpaman, gaano man sila magdusa o anumang halaga ang ibinabayad nila, hindi nila pinangangalagaan ang patotoo ng Diyos o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang layong hinahangad nila ay ang magtamo lang ng katayuan, kapangyarihan, at mga gantimpala ng Diyos. Wala silang ginagawa na may kahit kaunting kaugnayan sa katotohanan. Gaano man sila kahigpit sa kanilang sarili, at gaano man sila kamapagparaya sa iba, ano ang kanilang pinakakahihinatnan? Ano ang iisipin ng Diyos sa kanila? Pagpapasyahan ba Niya ang kanilang kahihinatnan batay sa mga panlabas na mabuting pag-uugaling isinasabuhay nila? Tiyak na hindi. Tinitingnan at hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa mga pag-uugali at pagpapamalas na ito, at kaya nalilinlang sila ng ibang mga tao dahil hindi nila matalos ang diwa ng mga ito. Gayumpaman, hinding-hindi tatandaan at sasang-ayunan ng Diyos ang wastong asal ng mga tao dahil nagagawa nilang maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba. Sa halip, kokondenahin Niya sila dahil sa kanilang mga ambisyon at dahil sa mga landas na tinahak nila sa paghahangad sa katayuan. Samakatwid, ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat magkaroon ng pagkilatis sa pamantayan sa pagsusuri sa mga tao ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.” Dapat nilang lubos na itatwa at talikuran ang balighong pamantayang ito sa pagsusuri, at kilatisin ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat ay pangunahin nilang tingnan kung minamahal ng isang tao ang mga positibong bagay, kung nagagawa ba nitong tanggapin ang katotohanan, at kung kaya nitong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, pati na rin ang landas na pinipili at tinatahak nito, at tukuyin kung anong uri ito ng tao, at kung anong uri ng pagkatao ang mayroon ito batay sa mga bagay na ito. Sadyang napakadaling lumitaw ng mga paglihis at pagkakamali kapag hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa pamantayan ng “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.” Kung magkakamali ka sa pagkilatis at pagtingin sa isang tao batay sa mga prinsipyo at kasabihang nagmula sa tao, malalabag mo ang katotohanan at malalabanan ang Diyos sa usaping iyon. Bakit ganito? Ito ay dahil magiging mali ang batayan ng iyong mga pananaw sa mga tao, at hindi ito tutugma sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan—maaari pa nga na maging antagonistiko at salungat ito sa mga ito. Hindi sinusuri ng Diyos ang pagkatao ng mga tao batay sa pahayag tungkol sa wastong asal na, “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” kaya kung ipipilit mo pa ring husgahan ang moralidad ng mga tao at tukuyin kung anong uri sila ng tao ayon sa pamantayang ito, kung gayon ay ganap mo nang nalabag ang mga katotohanang prinsipyo, at tiyak na makagagawa ka ng mga pagkakamali, at makapagdudulot ng ilang kamalian at paglihis. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.)

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (6)

May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kapintasan ng mabubuting kaibigan.” Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, may mga bagay silang itinatago mula sa isa’t isa, at nagpapakana sila laban sa isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan ng madalas na paglalagay ng sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong batayang ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang hayagan ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para manuyo sa iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para mamuhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan kinukuha ng bawat tao ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong taktika at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at pamilyar mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang talagang malulutas ng ganitong uri ng pagtuturo? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba rito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong natutugunan ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ang pagkapit ba sa ganitong uri ng pahayag at pagsasagawa ay maituturing na pagkakaroon ng mabuting asal? Hinding-hindi. Ito ay katulad ng pagtuturo ng ilang magulang sa kanilang mga anak. Kung mabubugbog ang kanilang anak habang nasa labas, sasabihin nila sa anak nila, “Ang lampa mo naman. Bakit hindi ka lumaban? Kung susuntukin ka niya, sipain mo siya!” Ito ba ang tamang paraan? (Hindi.) Ano ang tawag dito? Pang-uudyok ang tawag dito. Ano ang layunin ng pang-uudyok? Ang maiwasan na malugi at ang manamantala ng iba. Kung susuntukin ka ng isang tao, sasakit iyon nang ilang araw, sa pinakamatagal; kung pagkatapos ay sisipain mo siya, hindi ba’t magiging mas malubha ang mga kalalabasan? At sino ang nakapagsanhi nito? (Ang mga magulang, dahil sa kanilang pang-uudyok.) Kaya hindi ba’t bahagya itong katulad ng kalikasan ng pahayag na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? Isa ba itong tamang paraan ng pagharap sa mundo? (Hindi.) Hindi, hindi tama. Kung titingnan ito mula sa anggulong ito, hindi ba’t isa itong paraan ng pang-uudyok sa mga tao? (Oo, ganoon nga.) Itinuturo ba nito sa mga tao na dapat silang maging marunong at may kakayahang kumilatis sa iba sa kanilang pakikipag-ugnayan sa kapwa, na dapat nilang tingnan ang mga tao at bagay mula sa mga tamang pananaw, at gumamit ng matatalinong pamamaraan para makipag-ugnayan sa ibang tao? (Hindi.) Itinuturo ba nito sa mga tao na kung makakatagpo sila ng isang mabuting tao o isang taong may pagkatao, dapat nilang tratuhin ang taong iyon nang may sinseridad, at na kapag nakikita nilang may ilang pagkukulang at problema ang taong ito, dapat nila siyang tulungan kung kaya nila, at kung hindi nila kaya, dapat silang maging mapagparaya at tratuhin nang tama ang taong iyon, matutong maging matiyaga sa mga pagkukulang nito, at matuto mula sa mga kalakasan at mabubuting katangian nito? Iyon ba ang itinuturo nito sa mga tao? (Hindi.) Kaya, ano ang nagiging resulta ng itinuturo ng kasabihang ito sa mga tao? Ginagawa ba nitong mas matapat ang mga tao, o mas mapanlinlang? Nauuwi ito sa pagiging mas mapanlinlang ng mga tao; lumalaki ang mga hadlang sa pagitan ng mga puso ng mga tao, lumalawak ang distansya sa pagitan ng mga tao, at nagiging kumplikado ang relasyon ng mga tao; katumbas ito ng pagiging komplikado ng ugnayan ng mga tao sa lipunan. Nawawala ang tapatang pag-uusap ng mga tao, at umuusbong ang mapagbantay na pag-iisip ng mga tao sa isa’t isa. Magiging normal pa rin ba ang relasyon ng mga tao sa ganitong paraan? Gaganda ba ang atmospera ng lipunan? (Hindi.) Kaya nga malinaw na mali ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Kung mamumuhay ang mga tao ayon sa kasabihang ito, ano ang mga kahihinatnan? Maisasabuhay ba nila ang normal na pagkatao? Masusunod ba nila ang mga katotohanang prinsipyo? Makakaasal ba sila sa paraang hayagan, walang itinatago, tapat, at matuwid? Tiyak na hindi sila makapagkakamit ng anumang positibong resulta.

Ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay tumutukoy sa dalawang kilos: ang isa ay ang paghampas, at ang isa naman ay ang pagpuna. Kaya, tama ba o mali na hampasin ang isang tao? (Mali.) Ang paghampas ba sa isang tao ay isang pag-uugali at pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Hindi.) Talagang mali na hampasin ang mga tao; palaging mali na hampasin sila sa mukha man o sa ibang bahagi man. Samakatwid, ang kasabihan na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha” ay likas na mali. Madaling maunawaan na ang kasabihang ito ay nangangahulugang mali ang hampasin ang isang tao sa mukha, pero tama na hampasin sila sa ibang bahagi, dahil hindi magandang tingnan ang paghampas sa mukha, at ibinubunyag din nito na isa kang tao na tumatrato sa ibang tao sa bastos, magaspang, at hindi marangal na paraan. Kaya, marangal ba na hampasin ang mga tao sa ibang bahagi? Hindi—hindi rin iyon marangal. Sa katunayan, hindi nakatuon ang kasabihang ito sa kung saan dapat hampasin ang isang tao, kundi sa salitang “hampasin” mismo. Kapag nakikisalamuha sa iba, kung palagi kang nanghahampas ng iba bilang paraan ng pagharap at pagtugon sa mga problema, mali ang mismong pamamaraan mo. Nagagawa ito dahil sa pagkamainitin ng ulo at hindi ito nakabatay sa konsensiya at katwiran ng pagkatao ng isang tao, at siyempre, lalong hindi ito pagsasagawa ng katotohanan o pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi sinasaktan ng ilang tao ang dangal ng iba nang harap-harapan—maingat sila sa pagpili ng kanilang mga salita, sinasabi lang ang mga bagay na magandang pakinggan, at pinanghahawakan ang prinsipyong “huwag mo silang hampasin sa mukha,” pero palaging nagpapakana at nagpaplano sa kanilang likuran, naghahanap ng mga bagay na magagamit laban sa kanila, naghihintay ng mga pagkakataon para maghiganti, sinusubukan silang idiin, gumagawa ng mga walang batayang tsismis para siraan sila, o gumagawa ng mga alitan at ginagamit ang ibang tao para saktan sila. Hindi ba’t ang mga lihim na mapanirang pamamaraang ito ay mas malubha pa nga kaysa sa paghampas sa isang tao sa mukha? Hindi ba’t mas mapaminsala pa nga ang mga ito at higit na walang pagkatao? (Oo.) Kaya kung gayon, ang pananaw na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha” ay likas na mali. Ito ay peke, isa itong pagbabalatkayo, at isa itong mapagpaimbabaw na taktika, na kapoot-poot, kasuklam-suklam, at kamuhi-muhi. Ngayon ay malinaw na sa atin na ang paghampas sa mga tao ay likas na dahil sa pagkamainitin ng ulo, at hindi isang pagpapamalas ng normal na pagkatao. Kapag nakikisalamuha ka sa iba, dapat mo silang tratuhin nang may sinseridad at subukang makisama sa kanila nang normal. Kung hindi mo makasundo ang isang tao, maaari mo siyang iwasan; hindi na kailangang maging mainitin ang ulo o marahas. Ito ang dapat makamit ng mga taong may konsensiya at katwiran. Sa sandaling kumilos ka dahil sa pagkamainitin ng ulo, kahit na hindi mo hampasin ang taong iyon sa mukha kundi sa ibang bahagi, isa pa rin itong malubhang problema. Ganito kung tratuhin ng mga walang pananampalataya ang kanilang mga kaaway; hindi ito isang normal na paraan ng pakikisama sa ibang tao, at lumagpas na ito sa saklaw ng pagkatao at katwiran. Ang salita bang “punahin” sa kasabihang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay mabuti o masama? Ang salita bang “punahin” ay may dalang kahulugan ng pagkakabunyag o pagkakalantad ng mga tao gaya ng sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang “punahin” batay sa pag-iral nito sa wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Ito ay medyo may kalikasan ng mapaminsalang uri ng paglalantad; nangangahulugan ito na ilantad ang mga problema at pagkukulang ng mga tao, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, o ilang intriga, ideya, o pananaw na nasa likod. Ito ang kahulugan ng salitang “punahin” sa kasabihang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at kapwa sila umaasa na maging pakinabang at tulong sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na umupo nang magkatabi at magsalita nang malinaw tungkol sa mga isyung kinakaharap nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang pagtukoy mo rito, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mong hingin ang kanyang opinyon at tanungin muna siya, “Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung makakaya mo itong tanggapin. Kung makakaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo makakaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi ako magsasalita.” Kapag sinabi niyang “Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sasabihin mo ay magiging angkop; kaya ko itong tanggapin,” ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang isa-isang ibahagi sa kanya ang tungkol sa kanyang mga problema. Hindi lamang niya lubusang tatanggapin ang sasabihin mo, kundi makikinabang din siya mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba’t iyan ay pagtrato sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Ano ang ibig sabihin ng huwag “punahin ang mga pagkukulang ng iba,” gaya ng sabi ng kasabihang pinag-uusapan? Nangangahulugan ito na huwag magsalita tungkol sa mga kakulangan ng iba, na huwag magsalita tungkol sa mga pinakapinagbabawal nilang problema, na huwag ilantad ang diwa ng kanilang problema, at na huwag masyadong maging lantaran sa pagpuna. Nangangahulugan ito na magbigay lang ng ilang mabababaw na komento, sabihin ang mga bagay na karaniwang sinasabi ng lahat, sabihin ang mga bagay na napagtatanto ng tao mismo, at huwag maglantad ng mga pagkakamaling nagawa ng tao dati o mga sensitibong isyu. Anong magiging pakinabang nito sa tao kung kikilos ka nang ganito? Marahil ay hindi mo siya nainsulto o naging kaaway, pero ang nagawa mo ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanya. Kaya, ang mismong pariralang “huwag mong punahin ang mga pagkukulang ng iba” ay tuso, isang uri ng panlalansi, at hindi pagiging sinsero. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagkimkim ng masasamang intensiyon; hindi ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Itinuturing pa nga ng mga walang pananampalataya ang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” bilang isang bagay na dapat gawin ng isang taong may marangal na moralidad. Malinaw na isa itong mapanlinlang na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba, na ginagamit ng mga tao para protektahan ang kanilang sarili; hindi talaga ito isang tamang sistema ng pakikipag-ugnayan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)

Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari,” na isinusulong sa tradisyonal na kulturang Tsino, ay isang doktrina na pumipigil at nagbibigay-liwanag sa mga tao. Mapapahupa lang nito ang ilang maliit na awayan at mabababaw na alitan, ngunit wala itong anumang epekto pagdating sa mga taong nagkikimkim ng malalim na pagkapoot. Alam ba ng mga taong nagpanukala ng kahingiang ito kung gaano kalaki ang kayang tiisin ng konsensiya at katwiran ng isang normal na tao? Alam nila ito sa kanilang puso. Kaya bakit gusto pa rin nilang sabihin ang gayong mga bagay? Ito ay para lamang magmukha silang sopistikado at marangal sa harap ng iba, at para makuha ang pagsang-ayon ng mga tao, at iyon lang. Sa realidad, napakalinaw sa kanilang isipan na kung may pumipinsala sa kanilang mga interes, o nakakaapekto sa kanilang kinabukasan at nakasisira sa kanilang buong buhay, kung gayon ay tiyak na lilitaw ang kasamaan sa kanilang puso, at hindi nila maiiwasang gumanti. Kahit gaano pa katibay ang konsensiya at katwirang mayroon sila, hindi nila ito tatanggapin nang ganoon-ganoon lang. Sa pinakamatindi, magkakaiba lamang sa antas at pamamaraan ng kanilang paghihiganti. …

Ano ang mga pangunahing dahilan kung bakit kayang lunukin ng mga tao ang kanilang galit pagkatapos nilang mapinsala? Sa isang banda, naiimpluwensiyahan sila ng kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali—“Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari.” Sa kabilang banda, nag-aalala sila na kung magkikimkim sila ng mabababaw na hinaing, palaging mamumuhi sa mga tao at hindi magpaparaya sa iba, kokondenahin sila ng opinyon ng publiko, kukutyain at didiskriminahin ng ibang tao, at hindi sila makakahanap ng matatag na puwang sa lipunan, kaya wala silang pagpipilian kundi lunukin muna ang kanilang galit pansamantala at maghintay ng pagkakataon para maghiganti. Sa isang banda, sa pagtingin sa likas na damdamin ng tao, hindi makakayanan ng mga taong nabubuhay sa mundong ito ang lahat ng paniniil, walang katwirang pagdurusa at hindi patas na pagtratong ito. Ibig sabihin, wala sa pagkatao ng mga tao ang makayanan ang mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi patas at hindi makataong ipanukala ang kahilingang “Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari” sa kahit na kanino. Sa kabilang banda, ang gayong mga ideya at pananaw, siyempre, ay nakakaapekto o nakapagbabaluktot din ng mga pananaw at perspektiba ng mga tao ukol sa mga bagay na ito, kaya hindi nila magawang tratuhin nang angkop ang ganoong mga bagay at sa halip ay tama at positibong mga bagay ang tingin nila sa mga kasabihang tulad ng “Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari.” Kapag nagdaranas ang mga tao ng hindi patas na pagtrato, upang makaiwas sa pagkondena ng opinyon ng publiko, wala silang magagawa kundi kimkimin sa kanilang puso ang mga hinaing at insulto na kanilang dinanas, at maghintay ng pagkakataong makaganti. Kahit pa nagsasabi sila ng mga bagay na masasarap pakinggan tulad ng “‘Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari.’ Hindi bale, wala nang puntong gumanti, tapos na iyon,” pinipigilan sila ng likas na damdamin ng tao na kalimutan kailanman ang pinsalang nagawa sa kanila ng insidenteng ito, na ang ibig sabihin, ang pinsalang nagawa nito sa kanilang katawan at isipan ay hindi na kailanman mabubura o maglalaho. Kapag sinasabi ng mga tao, “Bibitiwan ko na ang pagkamuhi ko, tapos na ang usaping ito, nakaraan na ito,” isa lang iyong pagkukunwari; hindi nito ibig sabihin na tunay na nilang mabibitiwan ang kanilang pagkamuhi. Sinasabi ito ng mga tao dahil lang nakagapos at naiimpluwensiyahan sila ng ideya at pananaw na “Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari.” Siyempre, dahil isinusulong ng mga kaugalian ng lipunan sa kabuuan ang ideya at pananaw na ito, at ang buong lipunan ay nakakulong, naiimpluwensiyahan at kinokontrol nito, iniisip ng mga tao na kung hindi nila ito maisasagawa, kung hindi sila nagtataglay ng kabutihang-loob o pagiging mapagpatawad hangga’t maaari, kung gayon ay mamaliitin sila ng iba, kokondenahin ng lahat, at higit pa rito, didiskriminahin sa lipunan o sa gitna ng ibang tao. Ano ang kahihinatnan ng madiskrimina? Ito ay na, kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga tao at nangangasiwa ng mga usapin kasama nila, iisipin ng mga tao na makitid ang isip mo at mapaghiganti ka, at magiging mapagbantay sila laban sa iyo at ayaw nang makipag-ugnayan sa iyo. Sa ganitong paraan, mahahadlangan ka sa bawat pagkakataon kapag sinusubukan mong pangasiwaan ang mga usapin sa gitna ng ibang tao, at magiging mahirap para sa iyo na magkamit ng matatag na puwang sa lipunan, at na patuloy na mamuhay sa gitna ng ibang tao. Samakatwid, ang ilang tao ay walang ibang magawa kundi sumuko sa gayong mga kaugaliang panlipunan at sundin ang kasabihan at pananaw na “Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari,” namumuhay nang may hinanakit. Dahil sa mga penomenong ito, hindi ba’t mayroong mga partikular na intensyon at layon ang mga tinatawag na moralista sa pagpapanukala ng mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali? Ginawa ba nila ito upang makapamuhay nang mas malaya ang mga tao, at maging mas napalaya ang kanilang katawan, isipan at espiritu? O ito ba ay upang magkaroon ang mga tao ng mas maliligayang buhay? Malinaw na malinaw na hindi. Hindi talaga natutugunan ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng sangkatauhan, at lalong hindi ipinanukala ang mga iyon upang mahikayat ang mga taong magsabuhay ng normal na pagkatao. Sa halip, ganap silang nagsisilbi sa naghaharing uri sa pagkontrol sa mga tao at pagpapatatag ng kapangyarihan nito. Nagsisilbi sila sa naghaharing uri, at ipinanukala ang mga ito upang mapanatili ng naghaharing uri ang kaayusang panlipunan at mga kaugaliang panlipunan. Ginagamit ng mga moralistang iyon ang mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali para limitahan ang bawat tao, bawat pamilya, bawat grupo, at ang lipunang binubuo ng iba’t ibang grupo. Sa ilalim ng doktrinasyon, impluwensiya, at pagkondisyon ng gayong mga ideya at pananaw tungkol sa moralidad, nahuhubog ang pangunahing ideolohikal na pananaw ng lipunan sa moralidad. Ang pagkahubog na ito ng panlipunang moralidad at kaugaliang panlipunan ay hindi higit na nakatutulong sa pananatiling buhay ng sangkatauhan, ni hindi rin ito mas nakatutulong sa pag-unlad at pagdadalisay ng kaisipan ng tao, ni mas nakatutulong sa pagpapabuti ng pagkatao ng sangkatauhan. Sa kabaligtaran, dahil sa paglitaw ng mga moral na ideya at pananaw na ito, nakukulong ang pag-iisip ng tao sa loob ng isang nakokontrol na saklaw. Kaya, sino ang nakikinabang sa huli? Ang sangkatauhan ba? O ang naghaharing uri? (Ang naghaharing uri.) Tama iyon, ang naghaharing uri ang nakikinabang sa huli. Kapag ang mga moral na kasulatang ito ang batayan ng kanilang pag-iisip at wastong asal, ang mga tao ay mas madaling pamunuan, mas malamang na maging mga masunuring mamamayan, mas madaling manipulahin, mas madaling pamahalaan ng iba’t ibang kasabihan ng mga moral na kasulatan sa lahat ng usapin, at mas madaling pamahalaan ng mga sistemang panlipunan, panlipunang moralidad, kaugaliang panlipunan, at opinyon ng madla. Sa ganitong paraan, sa isang partikular na antas, ang mga taong namumuhay sa parehong mga sistemang panlipunan, moral na kapaligiran, at kaugaliang panlipunan, sa pangunahin, ay mayroong mga pare-parehong ideya at pananaw, at pare-parehong hangganan sa kung paano sila umasal, dahil sumailalim ang kanilang mga ideya at pananaw sa pagpoproseso at estandardisasyon ng mga diumano’y moralista, intelektuwal, at tagapagturong ito. Sa aktuwal, ano ba ang ibig sabihin ng salitang ito na “pare-pareho”? Nangangahulugan itong ang lahat ng pinamumunuan—pati na ang kanilang mga kaisipan at normal na pagkatao—ay nahubog at nalimitahan na ng mga kasabihang ito mula sa mga moral na kasulatan. Nalilimitahan ang mga kaisipan ng mga tao, at kasabay niyon ay nalilimitahan din ang kanilang mga bibig at utak. Napipilitan ang lahat na tanggapin ang mga moral na ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura. Sa isang banda, ginagamit ng bawat tao ang mga ito para husgahan at limitahan ang sarili nilang pag-uugali, at sa kabilang banda naman ay para husgahan ang iba at ang lipunang ito; siyempre, kasabay niyon, nakokontrol din sila ng opinyon ng publiko, na nakasentro sa mga kasabihang ito mula sa mga moral na kasulatan. Sa sandaling maisip mo na ang pag-uugali mo ay taliwas sa kasabihang “Ang pagpatay bilang parusa ay pagpupugot lang ng mga ulo; maging mapagpatawad hangga’t maaari,” labis kang nababagabag at nababalisa, at hindi magtatagal ay maiisip mong “kung hindi ko magagawang maging mapagpatawad hangga’t maaari, kung masyado akong mababaw at makitid ang isip ko na gaya ng kung sinong makitid at mababaw na tao, at hindi ko mabitiwan ang kaunting pagkamuhi, bagkus ay dala-dala iyon sa lahat ng oras, mapagtatawanan ba ako? Madidiskrimina ba ako ng mga kasamahan at kaibigan ko?” Kaya, kailangan mong magkunwaring may napakabuting-loob. Kung taglay ng mga tao ang mga pag-uugaling ito, nangangahulugan ba itong kinokontrol sila ng opinyon ng madla? (Oo.) Sa obhetibong pananalita, sa kaibuturan ng iyong puso ay may mga hindi nakikitang tanikala, na ang ibig sabihin ay ang opinyon ng madla at ang pagkondena ng buong lipunan ay parang mga hindi nakikitang tanikala para sa iyo.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (9)

Ang implikasyon ng kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” ay na dapat mo lamang ibigay o itustos sa iba ang mga bagay na gusto at ikinasisiya mo mismo. Ngunit anong mga bagay ang gusto at ikinasisiya ng tiwaling sangkatauhan? Mga tiwaling bagay, mga di-makatwirang bagay, at maluluhong pagnanasa. Kung ibibigay at itutustos mo sa mga tao ang mga negatibong bagay na ito, hindi ba’t magiging mas lalong tiwali ang buong sangkatauhan? Mababawasan nang mababawasan ang mga positibong bagay. Hindi ba’t totoo ito? Totoo na lubhang tiwali ang sangkatauhan. Mahilig ang mga tiwaling tao na maghangad ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng laman; naghahangad silang maging mga sikat na tao, mga dakilang tao, at mga superman. Mahal nila ang kaginhawahan at ayaw sa pagpapakahirap; gusto nilang ginagawa ang lahat para sa kanila nang sila mismo ay walang ginagawa. Napakakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o mga positibong bagay. Kung ibibigay at itutustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian at mga kagustuhan, ano ang mangyayari? Katulad lamang ito ng mawawari ninyo: Magiging lalo lamang tiwali ang sangkatauhan. Hinihiling ng mga tagapagtaguyod ng ideyang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” na ibigay at itustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian, mga pagkiling, at maluluhong pagnanasa, na ginagawa ang ibang mga tao na maghangad ng kasamaan, kasiyahan, pera, at pag-unlad. Ito ba ang tamang landas sa buhay? Malinaw na makikita na may malaking problema sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.” Ang mga butas at kapintasan doon ay napakalinaw; ni hindi iyon nararapat na himayin at kilatisin. Sa kaunting pag-iisip lang, nagiging malinaw na makita ang mga kamalian at pagiging baligho niyon. Gayunman, marami sa inyo ang madaling makumbinsi at maimpluwensiyahan ng kasabihang ito at tinatanggap ito nang walang pagkilatis. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, madalas ninyong gamitin ang kasabihang ito para paalalahanan ang sarili ninyo at payuhan ang iba. Sa paggawa nito, inaakala ninyo na ang inyong integridad ay partikular na marangal, at na napakamakatwiran ng pag-asal ninyo. Ngunit sa realidad, ipinagkanulo ng mga salitang ito ang iyong prinsipyo sa pag-asal at ang iyong paninindigan, nang hindi mo namamalayan. Kasabay nito, naging dahilan ang mga salitang ito para mailihis at mailigaw mo ang iba sa pakikitungo sa mga tao at bagay gamit ang iyong pananaw at paninindigan. Ganap mong ginampanan ang papel ng isang kunsintidor sa tao. Hindi mo sineseryoso ang anumang ginagawa mo, at hindi mo pinahihirapan ang iyong sarili o ang iba. Naniniwala ka na kung gagawin mong mahirap ang mga bagay sa ibang tao, gagawin mong mahirap ang mga bagay para sa iyong sarili, at na ang pagiging mabait sa iba ay pagiging mabait sa iyong sarili, at na kung mahigpit ka sa ibang tao, mahigpit ka sa iyong sarili. Ang pinanghahawakan mo ay tiyak na ang kaisipan at pananaw ng “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” na siya ring pinakamalaking gantimpala na maibibigay mo sa iyong sarili, at ang pinakamalaking kaluwagan na maipapakita mo sa iyong sarili. Malinaw na isa itong saloobin ng pagiging hindi metikuloso sa anumang bagay; wala kang tamang paninindigan o perspektiba sa anuman, tinitingnan mo ang lahat sa paraang magulo at hindi metikuloso, at nagbubulag-bulagan ka lang sa mga bagay-bagay. Kung panghahawakan mo ang kaisipan at pananaw ng “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” sa buong buhay mo ng pananalig sa Diyos, ano ang mga kahihinatnan? Hindi ka magsasagawa ng katotohanan, hindi mo itataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi ka magtataglay ng kahit katiting na katotohanang realidad. Bakit ganoon? Dahil naiimpluwensiyahan ka ng kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at nagdulot na ito ng malaking pagkabagabag at mga problema sa iyo, kaya naman, pagdating sa maraming bagay, hindi mo magawang magkaroon ng malinaw na pananaw o paninindigan, at imposible para sa iyong malaman o matukoy kung ano ba talaga ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos o kung anong mga resulta ang dapat mong makamit. Ang mga kahihinatnang ito ay sanhi ng hindi mo paghahanap sa katotohanan at sa halip ay pagkapit sa mga pananaw ng mga pilosopiya ni Satanas sa lahat ng bagay. Ang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ba ang tamang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananalita at mga pagkilos? Hindi. Teorya lamang iyon na mukhang tama, marangal, at mabait kung titingnan, ngunit ang totoo ay hindi talaga ito isang positibong bagay. Malinaw na lalong hindi ito katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi hinihingi ng Diyos na huwag gawin ng mga tao sa kapwa nila ang ayaw nilang gawin sa kanila mismo; sa halip, hinihingi Niya sa mga tao na maging malinaw sa mga prinsipyong dapat nilang sundin kapag pinakikitunguhan ang iba’t ibang sitwasyon. Kung tama at naaayon ito sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kailangan mong kumapit dito. At bukod sa kailangan mong kumapit dito, kailangan mo ring bigyang-babala, hikayatin, at bahaginan ang iba, upang maunawaan nila kung ano ba ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ay iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi hinihiling sa iyo ng Diyos na kumapit sa mga pilosopiya ni Satanas at tumahak sa panggitnang landas, at lalong hindi Niya hinihiling sa iyo na ipakita kung gaano kalaki ang iyong puso. Dapat kang sumunod sa mga hinihinging pamantayan at mga katotohanang prinsipyo na itinatagubilin ng mga salita ng Diyos sa mga tao. Hindi mo lang dapat panghawakan nang mahigpit ang mga ito magpakailanman, at mangunang maging halimbawa sa pagsasagawa ng mga katotohanang prinsipyong ito, kundi dapat mo ring hikayatin, pangasiwaan, tulungan, at gabayan ang iba na manindigan, sumunod, at isagawa ang mga ito tulad mo. Ito ay isang bagay na hinihingi ng Diyos na gawin mo, at ito ang Kanyang atas sa iyo. Hinihingi ng Diyos na manindigan ka nang matatag sa tamang paninindigan, at panghawakan nang mahigpit ang mga pamantayan ng mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit na hindi mo ito magawa ngayon, kahit na ayaw mo, hindi mo gusto, may mga kuru-kuro ka, o laban ang damdamin mo rito, dapat mo itong ituring bilang iyong responsabilidad, bilang iyong obligasyon. Dapat kang makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, upang tulungan at gabayan sila, para sila ay makinabang at mapatibay sa mga bagay na ito, at tumahak sa tamang landas sa buhay. Ito ang iyong responsabilidad. Hindi ka dapat matigas na kumapit sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” na ikinintal sa iyo ni Satanas. Sa mga mata ng Diyos, ang kasabihang iyon ay isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, isa itong kaisipan at pananaw na nagtataglay ng pagpapakana ni Satanas, at hinding-hindi ito ang tamang landas, ni hindi ito isang positibong bagay. Hinihingi ng Diyos na umasal ka sa paraang matuwid at may dignidad, kaya dapat maging malinaw sa iyo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin. Hindi Niya hinihiling sa iyo na maging mapagpalugod ng mga tao o kunsintidor ng mga tao; hindi Niya hinihiling sa iyo na tahakin ang panggitnang landas. Dapat mong panghawakan nang mahigpit ang mga katotohanang prinsipyo at manindigan nang matatag sa tamang paninindigan. Talagang dapat mong sabihin kung ano ang nararapat mong sabihin, at unawain kung ano ang nararapat mong unawain. Dapat mo ring tulungan ang mga hindi nakauunawa; dapat mo silang bigyan ng maraming gabay at tulong. Talagang dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi ka dapat tumayo-tayo lang sa tabi at manood, at lalong hindi ka dapat kumapit sa mga pilosopiyang itinanim ni Satanas sa iyong isipan tulad ng “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.” Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang tama at positibo ay tama at positibo kahit pa hindi mo ito gusto, ayaw mo itong gawin, hindi mo ito kayang gawin at tuparin, nilalabanan mo ito, o nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro laban dito. Hindi magbabago ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan dahil lamang may mga tiwaling disposisyon at may mga partikular na emosyon, damdamin, pagnanasa at kuru-kuro ang mga tao. Ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ay hinding-hindi magbabago kailanman. Sa sandaling malaman, maunawaan, maranasan at makamit mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, obligasyon mong ibahagi sa iba ang iyong mga patotoong batay sa karanasan. Magbibigay-daan ito sa mas marami pang tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, maunawaan at makamit ang katotohanan, malaman ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos at maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Sa paggawa nito, magkakaroon ang mga taong ito ng landas na susundin kapag naharap sila sa iba’t ibang isyu sa kanilang pang-araw-araw na buhay at hindi sila malilito, o maigagapos ng iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas. Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay talagang tunay na pakana ni Satanas upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao. Kung palagi kang susunod dito, isa kang taong namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas; isang taong ganap na namumuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (10)

Sa alinmang panahon o pangkat etniko ito ginagamit, nananatiling matibay ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na “Haharangin ko ang bala para sa isang kaibigan.” Ibig sabihin nito, medyo umaayon ito sa konsensiya at katwiran ng pagkatao. Mas partikular na, umaayon ang kasabihang ito sa konsepto ng “kapatiran” na sinusunod ng mga tao sa kanilang mga konsensiya. Ang mga taong nagpapahalaga sa kapatiran ay magiging handang harangin ang bala para sa isang kaibigan. Gaano man kahirap at kapanganib ang sitwasyong kinalalagyan ng kanilang kaibigan, pakiramdam nila ay dapat silang humakbang pasulong at harangin ang bala para sa kanya. Ito ang diwa ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba. Ang itinatanim sa mga tao ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Haharangin ko ang bala para sa isang kaibigan,” sa pundamental, ay pahalagahan ang kapatiran. Ang hinihinging pamantayan na inihahain nito para sa pagkatao ng sangkatauhan ay na kailangang pahalagahan ng isang tao ang kapatiran. Ang diwa ng kasabihang ito ay na kailangang pahalagahan ng isang tao ang kapatiran. …

Ano ang mali sa ideya at pananaw ng “pagharang sa bala para sa isang kaibigan”? Ang tanong na ito ay talagang napakasimple. Sabihin ninyo sa Akin, namumuhay ba ang isang tao sa buong buhay niya para lang sa kanyang mga kaibigan? Ang pag-aalis ba sa mga alalahanin at suliranin ng iyong mga kaibigan at ang pagharap sa panganib para sa kanila ang mga responsabilidad at obligasyong dapat mong tuparin? Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig Kong sabihin, bilang isang taong namumuhay sa mundong ito ng mga tao, mayroon kang sariling mga responsabilidad at obligasyong dapat tuparin. Sa iyong pamilya, dapat mong tustusan ang iyong mga magulang at palakihin ang iyong mga anak; ang mga ito ang mga responsabilidad mo sa loob ng iyong pamilya. Sa lipunan, ikaw man ay isang manggagawa, isang magsasaka, isang negosyante o isang intelektuwal, mayroon kang mga responsabilidad at obligasyong panlipunan na dapat mong tuparin. Kung isasantabi muna ang responsabilidad ng paggampan sa tungkulin ng isang nilikha bilang isang mananampalataya sa Diyos, bilang isang tao, ang mga responsabilidad na pinapasan mo ay hindi dapat na pag-aalis sa mga alalahanin at suliranin ng iyong mga kaibigan at pagharap sa panganib para sa kanila, kundi ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa pamilya at mga obligasyong panlipunan. Saka lamang maituturing na ganap ang iyong asal sa iyong buong buhay. Kaya, ano ang kasama sa mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa iyong pamilya? Bilang isang anak, dapat mong igalang ang iyong mga magulang at tustusan sila. Sa tuwing may sakit o mga suliranin ang iyong mga magulang, dapat mong—sa abot ng iyong makakaya—gawin ang nararapat mong gawin. Bilang pinuno ng isang pamamahay, dapat mong akuin ang mga responsabilidad ng papel na ito. Kailangan mong magpakapagod at magpawis para matustusan ang iyong buong pamilya, at dapat mo ring palakihin ang iyong mga anak hanggang sa hustong gulang, tinuturuan sila na sundin ang tamang landas, at ipinapaunawa sa kanila ang mga prinsipyo ng sariling asal. Kaya, marami kang responsabilidad sa iyong pamilya. At ano ang iyong mga responsabilidad sa lipunan? Dapat kang sumunod sa mga batas at regulasyon, at dapat mo ring tuparin ang iyong mga responsabilidad sa trabaho. Ibig sabihin, anuman ang papel na ginagampanan mo sa iyong pamilya o sa lipunan, anuman ang landas na iyong tinatahak, anuman ang iyong hinahangad at inaasam, ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng bawat tao ay napakahalaga para sa kanila, at kinakailangan nilang gumugol ng oras at lakas. Mula sa perspektiba ng mga pampamilya at panlipunang responsabilidad, ano ang halaga ng pagparito mo sa mundong ito ng mga tao? Ito ay para tuparin ang misyon at mga responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Langit. Ang buhay mo ay hindi lamang sa iyo, at siyempre, hindi ito sa iba; umiiral ito para sa mga responsabilidad, obligasyon, at misyon na dapat mong tuparin sa mundong ito ng mga tao. Ang buhay mo ay hindi pagmamay-ari ng iyong mga magulang, ni ng iyong asawa, at siyempre, hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga anak. Lalong hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga kaapo-apuhan. Kaya sino ang nagmamay-ari ng buhay mo? Kung titingnan mula sa perspektiba ng isang taong mula sa mundo, ang iyong buhay ay pagmamay-ari ng mga responsabilidad at misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ngunit mula sa perspektiba ng isang mananampalataya, ang Diyos ang dapat na nagmamay-ari ng buhay mo, dahil Siya ang nagsasaayos at ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na tungkol sa iyo. Samakatwid, bilang isang taong namumuhay sa mundo, hindi mo dapat basta-bastang ipangako ang buhay mo sa iba, at hindi mo dapat basta-bastang isakripisyo ang buhay mo para kaninuman alang-alang sa kapatiran. Ibig sabihin, hindi mo dapat maliitin ang sarili mong buhay. Walang halaga ang buhay mo sa sinumang iba pa, lalo na kay Satanas, sa lipunang ito, at sa tiwaling sangkatauhang ito, ngunit sa iyong mga magulang at kamag-anak, napakahalaga ng buhay mo, dahil may di-mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng iyong mga responsabilidad at ng kanilang patuloy na pagkabuhay. Siyempre, ang lalong mahalaga ay may di-mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng iyong buhay at ng katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at sa buong sangkatauhan. Ang buhay mo ay kailangang-kailangan sa gitna ng marami pang buhay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Marahil ay hindi ganoon kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong buhay, at marahil, hindi mo dapat pahalagahan nang ganoon kataas ang iyong buhay, ngunit ang totoo, napakahalaga ng buhay mo sa iyong mga magulang at kamag-anak, kung kanino ka may malalapit na kaugnayan at di-mapaghihiwalay na relasyon. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil may mga responsabilidad ka sa kanila, at may mga responsabilidad din sila sa iyo. May mga responsabilidad ka sa lipunang ito, at may kaugnayan ang mga responsabilidad mo sa lipunan sa papel mo sa lipunang ito. Ang papel ng bawat tao at bawat buhay na nilalang ay kailangang-kailangan para sa Diyos, at pawang kailangang-kailangan na elemento ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan, sa mundong ito, sa daigdig na ito, at sa sansinukob na ito. Sa mga mata ng Diyos, ang bawat buhay ay mas hamak pa sa isang butil ng buhangin, at mas aba pa nga sa isang langgam; gayumpaman, ang bawat tao ay isang buhay, isang namumuhay at humihingang buhay, at samakatwid, sa loob ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kahit pa hindi mabigat ang papel na ginagampanan ng taong iyon, kailangang-kailangan din siya. Kaya, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, kung ang isang tao ay agad na haharang sa bala para sa isang kaibigan at bukod sa pinag-iisipang gawin iyon, handa rin siyang gawin iyon sa anumang sandali, ibinubuwis ang sarili niyang buhay nang hindi isinasaalang-alang ang kanyang mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at maging ang mga pasan niyang misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos, hindi ba’t isa itong bagay na hindi niya dapat gawin? (Oo.) Kataksilan ito! Ang pinakamahalagang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ay ang kanyang hininga, ang tinatawag na buhay. Kung basta-basta mong ipapangako ang iyong buhay sa isang kaibigang sa palagay mo ay mapagkakatiwalaan mo nito, hindi ba’t kataksilan ito sa Diyos? Hindi ba’t kawalan ito ng galang sa buhay? Hindi ba’t isa itong paghihimagsik laban sa Diyos? Hindi ba’t isa itong akto ng pagkakanulo sa Diyos? (Oo.) Malinaw na pagsuko ito sa mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa iyong pamilya at sa lipunan, at pagtakas sa mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Kataksilan ito. Ang pinakamahahalagang bagay sa buhay ng isang tao ay walang iba kundi ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang tao—mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at ang mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang mga responsabilidad at misyong ito ay ang pinakamahahalagang bagay. Kung babawian ka ng buhay, o basta-basta mo itong isasakripisyo alang-alang sa ibang tao dahil sa panandaliang pagpapahalaga sa kapatiran at isang sandali ng pagkamainitin ng ulo, umiiral pa rin ba ang mga responsabilidad mo? Kung gayon, paanong nagsasalita ka tungkol sa mga misyon? Malinaw na hindi mo pinahahalagahan ang buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos bilang pinakamahalagang bagay, kundi sa halip ay basta-basta mo itong ipinapangako sa iba, isinasakripisyo ang iyong buhay para sa iba, ganap na binabalewala o tinatalikuran ang mga responsabilidad mo sa iyong pamilya at lipunan, na imoral at hindi patas. Kung gayon, ano ba ang gusto Kong sabihin sa inyo? Huwag ninyong basta-bastang ibigay ang inyong buhay o ipangako ito sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Puwede ko ba itong ipangako sa mga magulang ko? Paano naman kung ipapangako ko ito sa kapareha ko, ayos lang ba iyon?” Hindi ayos iyon. Bakit hindi ito ayos? Pinagkakalooban ka ng Diyos ng buhay at hinahayaan Niyang magpatuloy ang buhay mo upang matupad mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong pamilya at lipunan at matupad mo ang mga misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Hindi ito para gawin mong biro ang sarili mong buhay—na basta-basta itong ipangako o ibigay sa iba, ginugugol at iniaalay ito para sa kanila. Kung babawian ng buhay ang isang tao, matutupad pa rin ba niya ang mga responsabilidad niya sa pamilya at lipunan? Matatapos pa rin ba niya ang kanyang misyon? (Hindi.) At kapag wala nang mga responsabilidad sa pamilya at lipunan na tutuparin ang isang tao, umiiral pa rin ba ang mga papel na ginampanan niya sa lipunan? (Hindi.) Kapag wala nang ginagampanang papel sa lipunan ang isang tao, umiiral pa ba ang kanyang misyon? Hindi na. Kapag wala nang buhay ang isang tao, ang kanyang mga papel sa lipunan at ang kanyang misyon ay pawang nagiging walang saysay. Hindi ba’t isa itong pagtatangka na gawing walang saysay ang sangkatauhan, na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang plano ng pamamahala ng Diyos? Kung gagawin mo ito, hindi ba’t ito ay pagtataksil? (Oo.) Ito ay tunay na pagtataksil. Ang iyong buhay ay umiiral lamang para sa mga responsabilidad at misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos, at ang halaga ng iyong buhay ay maipapakita lamang sa pagtupad sa mga responsabilidad at misyong ito. Ang pagharang sa bala para sa isang kaibigan ay hindi isa sa mga responsabilidad at misyong ito. Bilang isang taong pinagkalooban ng buhay ng Diyos, ang mga responsabilidad at misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay ang mga bagay na dapat mong tuparin. Samantala, ang pagharang sa bala para sa isang kaibigan ay hindi isang responsabilidad o misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Sa halip, ito ay padalos-dalos mong pagkilos, ito ay sariling haka-haka mo lang, ito ay isang uri ng kaisipan ng pagiging iresponsable sa iyong buhay, at siyempre, ito rin ay isang uri ng kaisipan na itinatanim ni Satanas sa mga tao na nagpapakita ng paghamak, panlilibak, at pagyurak sa kanilang buhay.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (10)

Sa lipunang ito, ang mga prinsipyo ng mga tao sa pakikitungo sa mundo, ang kanilang mga pamamaraan sa pamumuhay at pag-iral, at maging ang kanilang mga saloobin at kuru-kuro sa relihiyon at pananampalataya, pati na rin ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at pananaw sa mga tao, pangyayari, at bagay—ang lahat ng ito ay hindi maiiwasang kinokondisyon ng pamilya. Bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan—gaano man sila katanda, o anuman ang kasarian nila, o anumang hanapbuhay ang ginagawa nila, o anumang uri ng saloobin mayroon sila sa lahat ng bagay, labis-labis man ito o makatwiran—sa madaling salita, sa lahat ng bagay, lubos na naiimpluwensiyahan ng pamilya ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao at ang kanilang mga saloobin sa mga bagay-bagay. Ibig sabihin, ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon na itinatanim ng pamilya sa isang tao ang pangunahing nagtatakda sa saloobin ng taong iyon sa mga bagay at sa kanyang pamamaraan ng pagharap sa mga ito, pati na rin sa kanyang pananaw sa pag-iral, at nakakaapekto pa nga ito sa kanyang pananalig. Dahil napakatindi ng pagkokondisyon at epekto ng pamilya sa mga tao, ang mga pamamaraan at prinsipyo ng mga tao para sa mga makamundong pakikitungo, pati na rin ang kanilang pananaw sa pag-iral, at ang kanilang mga pananaw sa pananalig, ay hindi maiiwasang nagmumula sa pamilya. Ang pamilya mismo ay hindi ang lugar kung saan lumilitaw ang katotohanan, ni hindi ito ang pinagmumulan ng katotohanan, at anumang kaisipan at pananaw o paraan ng pag-iral na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay nabubuo sa ilalim ng pagpapanggap na “para sa sarili mong kapakanan.” Nagmula man ang mga bagay na ito na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya sa iyong mga magulang, mga nakatatanda, o mula sa iyong mga ninuno, sa madaling salita, ang lahat ng ito ay naglalayong bigyan ka ng kakayahang pangalagaan ang sarili mong mga interes sa lipunan at sa gitna ng iba, para maiwasan na maapi ka, at para bigyang-kakayahan ka na mamuhay kasama ng mga tao nang may higit na kaluwagan at katusuhan, upang maprotektahan ang sarili mong mga interes hanggang sa sukdulan. Ang pagkokondisyong natatanggap mo mula sa iyong pamilya ay naglalayong protektahan ka, para maiwasan mong maapi o makaranas ng anumang pagkapahiya, at para tulungan kang maging isang tao na nangingibabaw. Kahit na mang-api o maminsala ka ng iba, ayos lang hangga’t ikaw mismo ay hindi napapahamak. Ito ang ilan sa mga pinakamahalagang bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ang mga ito rin ang diwa at pangunahing layon sa likod ng lahat ng ideya na ikinokondisyon sa iyo. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Kung isasaalang-alang mo ang layon at diwa ng lahat ng bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, mayroon bang anumang bagay na naaayon sa katotohanan? Kahit na talagang naaayon ang mga bagay na ito sa etika o mga lehitimong karapatan at interes ng sangkatauhan, mayroon bang anumang koneksiyon ang mga ito sa katotohanan? Ang mga ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Masasabi nang may buong katiyakan na ang mga ito ay talagang hindi ang katotohanan. Gaano man kapositibo at kalehitimo, kamakatao at ka-etikal, pinaniniwalaan ng mga tao ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, ang mga ito ay hindi ang katotohanan, ni hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa katotohanan, at lalong hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Samakatwid, pagdating sa paksa ng pamilya, ang mga bagay na ito ay isa pang aspekto na dapat bitiwan ng mga tao. Ano ang partikular na aspektong ito? Ito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo—ito ang pangalawang aspekto na dapat mong bitiwan pagdating sa paksa ng pamilya. Dahil tinatalakay natin ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo, pag-usapan muna natin kung ano mismo itong mga epekto ng pagkokondisyon. Kung tutukuyin natin ang pagkakaiba ng mga ito ayon sa konsepto ng mga tao ng tama at mali, ang ilan ay medyo tama, positibo, at presentable, at maaaring ihayag, samantalang ang ilan ay medyo makasarili, kasuklam-suklam, ubod ng sama, medyo negatibo, at wala nang iba pa. Subalit, anuman ang mangyari, itong mga epekto ng pagkokondisyon mula sa pamilya ay katulad ng isang mapagprotektang patong ng kasuotan na nagpoprotekta sa mga interes ng laman ng isang tao, pinangangalagaan ang kanyang dignidad sa gitna ng iba, at iniiwasan na maapi siya. Hindi ba’t totoo? (Oo.) Pagbahaginan natin kung ano ang mga epekto ng pagkokondisyon sa isang tao ng kanyang pamilya.

Isang Paghihimay sa “Kailangan ng mga Tao ang Kanilang Pride, Tulad ng Pangangailangan ng Puno sa Balakbak Nito”

Kapag madalas sinasabi sa iyo ng mga nakatatanda sa pamilya na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” ito ay para bigyan mo ng halaga ang pagpapaganda ng iyong imahe, mamuhay nang kagalang-galang, at umiwas sa paggawa ng mga bagay na nagdudulot ng pagkasira ng puri. Kaya, ginagabayan ba ng kasabihang ito ang mga tao sa positibo o negatibong paraan? Magagawa ba nitong akayin ka tungo sa katotohanan? Magagawa ba nitong akayin ka na maunawaan ang katotohanan? (Hindi, hindi nito magagawa.) Tiyak na hindi! Ang hinihingi ng Diyos mula sa mga tao ay na maging matapat sila. Kapag ikaw ay sumalangsang, o nakagawa ng mali, o nakagawa ng isang bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, kailangan mong pagnilayan ang sarili mo, alamin ang pagkakamali mo, at himayin ang iyong mga tiwaling disposisyon; tanging sa ganitong paraan mo makakamit ang tunay na pagsisisi, at pagkatapos nito ay kikilos ka nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng pag-iisip ang dapat taglayin ng mga tao para maisagawa ang pagiging matapat? Mayroon bang anumang salungatan sa pagitan ng hinihinging pag-iisip at ng pananaw na inihahalimbawa ng kasabihang, “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito”? (Mayroon.) Ano ang salungatan? Ang kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” ay nagsasabi sa mga tao na pahalagahan ang pagpapakita ng pinakamaganda ninyong asal at na gumawa ng mas maraming bagay na nagpapaganda ng imahe nila—sa halip na gumawa ng mga bagay na masama o walang dangal, maglantad ng kanilang pangit na pagkatao—at umiwas na mamuhay ng isang buhay na hindi kagalang-galang o na mamuhay nang walang dignidad. Alang-alang sa pride ng isang tao, alang-alang sa pagmumukhang mabuti, hindi maaaring sabihin ng isang tao na siya ay lubos na walang halaga, lalong hindi niya masasabi sa iba ang tungkol sa madilim niyang pagkatao at mga kahiya-hiyang aspekto, dahil dapat mamuhay ang isang tao ng isang kagalang-galang at marangal na buhay, at upang magkaroon ng dignidad, kailangan niya ng pride, at upang magkaroon ng pride, kailangan niyang magkunwari at magpanggap. Hindi ba’t sumasalungat ito sa pagiging isang matapat na tao? (Oo.) Kapag ikaw ay nagiging isang matapat na tao, nabitiwan mo na ang kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Kung nais mong maging isang matapat na tao, huwag mong bigyang-importansiya ang iyong imahe; ang imahe ng isang tao ay walang anumang halaga. Sa presensiya ng katotohanan, dapat ilantad ng isang tao ang sarili, hindi magkunwari o magpakitang-tao. Dapat ibunyag ng isang tao sa Diyos ang lahat ng katunayan at katotohanan tungkol sa kanyang sarili, tulad ng kung ano ang kanyang tunay na iniisip, ang mga pagkakamaling nagawa niya, at ang mga paraan ng pagkakalabag niya sa mga katotohanang prinsipyo, at ilantad din ang mga bagay na ito sa kanyang mga kapatid. Hindi ito pamumuhay alang-alang sa pride, sa halip ay pamumuhay para sa pagiging isang matapat na tao, pamumuhay para sa paghahangad sa katotohanan, pamumuhay para maging isang tunay na nilikha, at pamumuhay para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at para maligtas. Ngunit kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanang ito, at hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may tendensiyang mangibabaw sa puso mo. Kaya, kapag may nagagawa kang mali, pinagtatakpan mo ito at nagpapanggap ka, iniisip na, “Hindi ko puwedeng sabihin sa kahit sino ang tungkol dito, at hindi ko rin papayagan ang sinumang nakakaalam ng tungkol dito na magsabi sa mga tao tungkol dito. Kung sinuman sa inyo ang may pagsasabihan, hindi ko kayo basta-bastang palalampasin. Ang pride ko ang pangunahing priyoridad. Ang tanging dahilan ng pamumuhay ay pride, na mas mahalaga kaysa anupaman. Kung walang pride ang isang tao, mawawalan siya ng dignidad. Kaya hindi ka maaaring magsalita nang makatotohanan, kailangan mong magpanggap, kailangan mong pagtakpan ang mga bagay-bagay, kung hindi, hindi ka na magkakaroon ng pride o dignidad, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Kung walang rumerespeto sa iyo, wala kang kuwenta, isa ka lang basura kung gayon.” Posible bang maabot ang pagiging isang matapat na tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Posible bang ilantad ang iyong sarili at himayin ang iyong sarili? (Hindi.) Malinaw na sa paggawa nito, sumusunod ka sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” na ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Gayumpaman, kung bibitiwan mo ang kasabihang ito para mahangad ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ka na maaapektuhan nito, at hindi mo na ito magiging panuntunan o prinsipyo sa mga kilos mo, at sa halip, ang gagawin mo ay ang mismong kabaligtaran ng kasabihang ito na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Hindi ka na mamumuhay alang-alang sa iyong pride, o para sa iyong dignidad, kundi sa halip, mamumuhay ka para sa paghahangad sa katotohanan at pagiging isang matapat na tao, at paghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos at mamuhay bilang isang tunay na nilikha. Kung susundin mo ang prinsipyong ito, mabibitiwan mo na ang mga bagay na ikinokondisyon ng iyong pamilya sa iyo.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)

Kinokondisyon ng pamilya ang mga tao gamit ang hindi lamang isa o dalawang kasabihan, kundi napakaraming sikat na kasabihan at salawikain. Halimbawa, madalas bang binabanggit ng mga nakatatanda sa iyong pamilya at ng iyong mga magulang ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad”? (Oo.) Sinasabi nila sa iyo: “Dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon. Wala nang iba pang dapat hangarin ang mga tao sa kanilang buhay, maliban sa bumuo ng magandang reputasyon at mag-iwan ng magandang impresyon sa isipan ng iba. Sinuman ang kausapin mo, magsabi ka sa kanila ng mga salitang magandang pakinggan, magsabi ka lang ng mga salita ng pambobola at kabaitan, at huwag pasamain ang kanilang loob. Sa halip, gumawa ka ng mas maraming kabutihan.” Itong partikular na epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ay may tiyak na epekto sa pag-uugali o mga prinsipyo ng pag-asal ng mga tao, na may hindi maiiwasang kahihinatnan kung saan binibigyang-halaga nila ang kasikatan at pakinabang. Ibig sabihin, binibigyang-halaga nila ang kanilang sariling reputasyon, katanyagan, ang impresyong nililikha nila sa isipan ng mga tao, at ang ebalwasyon ng iba sa lahat ng kanilang ginagawa at bawat opinyon na kanilang ipinapahayag. Lubos na pinahahalagahan ng tao ang kasikatan at pakinabang, kaya ang mga salita ng mga sikat na kasabihang iyon at mga prinsipyo sa pakikitungo sa mga bagay-bagay sa tradisyonal na kultura ay nagkakaroon ng nangingibabaw na posisyon sa kanyang puso, tuluyan pa ngang sumasakop dito. Nang hindi namamalayan, itinuturing na niyang hindi mahalaga kung ginagawa ba niya ang kanyang tungkulin alinsunod sa katotohanan at mga prinsipyo, at maaari pa nga niyang talikuran nang lubusan ang gayong mga pagsasaalang-alang. Sa kanyang puso, ang mga pilosopiyang iyon ni Satanas at mga sikat na kasabihan ng tradisyonal na kultura, tulad ng “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” ay nagiging napakahalaga. Sinasakop ng mga kasabihang ito ni Satanas ang iyong puso, na nagiging dahilan para labis kang mag-alala sa mga ebalwasyon ng ibang tao sa iyo, lalo na sa ebalwasyon sa iyo ng mga taong pinakapinapahalagahan mo. Ito ay isang bagay na gusto mong malaman sa bawat sandali ng bawat araw, hindi pinalalampas ang kahit isang detalye. Binibigyan ng espesyal na atensiyon ng ilang tao kung ano talaga ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa kanila kapag nakatalikod sila, hanggang sa puntong nakikinig sila nang palihim sa mga dingding, nakikinig sa siwang ng pinto, at palihim pa ngang binabasa kung ano ang isinusulat ng ibang tao tungkol sa kanila. Sa sandaling may bumanggit sa kanilang pangalan, agad silang nakikinig sa kung ano ang sinasabi tungkol sa kanila at kung paborable ba ang mga komento. Kapag naririnig nilang may nagsasabing sila ay nagpapasasa sa sarili at tamad, pinagbubulayan nila kung paano babaguhin ang opinyon ng iba tungkol sa kanila, at pagkatapos ay kumikilos sila nang napakasipag. Pagkalipas ng ilang panahon, hindi na nila naririnig na may sinumang nagsasabing tamad sila, pero hindi pa rin sila mapalagay, kaya, sinasadya man o hindi, sinasabi nila sa harap ng iba, “Medyo tamad ako.” Tumutugon ang mga tao, “Hindi ka na tamad, mas masipag ka na ngayon kaysa dati.” Lubos silang nagagalak, iniisip na, “Nagbago na ang opinyon ng lahat tungkol sa akin. Mukhang napansin ng lahat ang aking pag-uugali.” Ang lahat ng ginagawa mo ay hindi para maisagawa ang katotohanan, ni hindi para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito ay para sa sarili mong reputasyon. Sa ganitong paraan, ano ang hindi namamalayang kinahinatnan ng lahat ng iyong ginagawa? Ito ay naging isang relihiyosong gawain. Naging ano ang iyong diwa? Naging tipikal na modelo ka ng isang Pariseo. Naging ano ang landas mo? Ito ay naging landas ng isang anticristo. Ganyan ito inilalarawan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng lahat ng iyong ginagawa ay nagbago, iba na ito ngayon; hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ito, sa halip ay hinahangad mo ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, para sa Diyos, ang paggawa ng iyong tungkulin—sa isang salita—ay hindi pasok sa pamantayan. Bakit ganoon? Dahil deboto ka lamang sa sarili mong reputasyon, sa halip na sa ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, o sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang nararamdaman mo sa puso mo kapag nagtatakda ang Diyos ng gayong kahulugan? Ang iyong pananampalataya ba sa Diyos sa lahat ng taon na ito ay naging walang saysay? Ibig bang sabihin niyon hindi mo talaga hinahangad ang katotohanan? Hindi mo hinahangad ang katotohanan, sa halip ay binibigyan mo ng espesyal na atensiyon ang sarili mong reputasyon, at ang pinag-uugatan nito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya. Alin ang pinakanangingibabaw na kasabihang ikinondisyon sa iyo? Ang kasabihang, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” ay malalim nang nakaugat sa puso mo at naging patnubay na prinsipyo mo na ito. Naimpluwensiyahan at nakondisyon ka ng kasabihang ito mula noong bata ka pa, at paglaki mo ay madalas mong inuulit ang kasabihang ito para maimpluwensiyahan ang susunod na henerasyon ng iyong pamilya at ang mga taong nakapaligid sa iyo. Siyempre, ang mas mahalaga pa ay pinanghawakan mo ito bilang iyong pamamaraan at pamantayan sa pagkilos at sa pagharap sa mga bagay-bagay, at bilang layon at direksiyon pa nga na hinahangad mo sa buhay. Ang layon at direksiyon mo ay mali, kaya naman tiyak na negatibo ang huling kalalabasan. Ito ay sapagkat ang diwa ng lahat ng ginagawa mo ay para lamang sa iyong reputasyon, at para lamang isagawa ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad”—hindi ito paghahangad sa katotohanan. Subalit ikaw mismo ay hindi alam ito. Sa tingin mo ay walang mali sa kasabihang ito, dahil hindi ba’t nabubuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon? Tulad ng karaniwang kasabihan na, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Ang kasabihang ito ay tila napakapositibo at lehitimo, kaya hindi mo namamalayang tinatanggap mo ang epekto ng pagkokondisyon nito at itinuturing ito bilang isang positibong bagay. Sa sandaling ituring mo ang kasabihang ito bilang isang positibong bagay, hindi mo namamalayang hinahangad at isinasagawa mo ito. Kasabay nito, hindi mo namamalayan at nalilitong itinuturing mo ito bilang ang katotohanang pamantayan. Kapag itinuring mo ito bilang ang katotohanang pamantayan, hindi mo na matanggap ang sinasabi ng Diyos, at hindi mo na rin ito maunawaan. Pikit-mata mong isinasagawa ang patnubay na prinsipyong ito, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at kumikilos ka alinsunod dito, at sa huli, ang nakukuha mo roon ay isang magandang reputasyon. Nakamit mo ang nais mong makamit, ngunit sa paggawa nito ay nalabag at natalikuran mo ang katotohanan, at nawalan ka ng pagkakataong maligtas. Yamang ito ang kinahinatnan, dapat mong bitiwan at talikuran ang ideya na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Hindi ito isang bagay na dapat mong panghawakan, ni hindi ito isang kasabihan o ideya na dapat mong pag-ukulan ng panghabambuhay na pagsisikap at lakas sa pagsasagawa. Ang ideya at pananaw na ito na ikinikintal at ikinokondisyon sa iyo ay mali, kaya dapat lang na bitiwan mo ito. Ang dahilan kung bakit dapat mo itong bitiwan ay hindi lamang sa hindi ito ang katotohanan, kundi na ililigaw ka nito at sa huli ay hahantong sa iyong pagkawasak, kaya’t napakaseryoso ng mga kahihinatnan. Para sa iyo, hindi ito isang simpleng kasabihan lamang, kundi isang kanser—isang pamamaraan at metodo na nagtitiwali sa mga tao. Sa mga salita ng Diyos, sa lahat ng hinihingi Niya sa mga tao, hindi kailanman hiniling ng Diyos sa mga tao na maghangad ng isang magandang reputasyon o maghangad ng katanyagan, o gumawa ng magandang impresyon sa mga tao para magtamo ng pagsang-ayon sa mga tao, o tumanggap ng papuri mula sa mga tao, ni hindi Niya kailanman hiningi sa mga tao na mabuhay alang-alang sa kasikatan o para mag-iwan ng magandang reputasyon. Nais lamang ng Diyos na gawin nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, at magpasakop sila sa Kanya at sa katotohanan. Samakatwid, sa pananaw mo, ang kasabihang ito ay isang uri ng pagkokondisyong mula sa iyong pamilya na dapat mong bitiwan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)

May isa pang epekto ng pagkokondisyon ang pamilya sa isang tao. Halimbawa, kapag sinusubukan kang hikayatin ng mga magulang o nakatatanda, madalas nilang sinasabi na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna.” Sa pagsasabi nila nito, ang layon nila ay ang turuan kang magtiis ng pagdurusa, maging masikap at magtiyaga, at huwag matakot na magdusa sa anumang ginagawa mo, dahil tanging yaong mga nagtitiis ng pagdurusa, lumalaban sa paghihirap, nagsisipag, at nagtataglay ng ganang magsikap ang maaaring manguna. Ano ang ibig sabihin ng “manguna”? Ibig sabihin nito ay hindi inaapi, o minamaliit, o dinidiskrimina; nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mataas na prestihiyo at katayuan sa gitna ng mga tao, pagkakaroon ng awtoridad na makapagsalita at mapakinggan, at awtoridad na makapagpasya; ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang mamuhay nang mas maganda at mas mataas ang kalidad sa gitna ng iba, at pagdudulot na tingalain ka ng mga tao, hangaan ka, at kainggitan ka. Sa esensya, nangangahulugan lang ito na ikaw ay nasa mataas na antas ng buong sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin ng “mataas na antas”? Nangangahulugan ito na maraming tao ang nasa paanan mo at hindi mo kailangang magtiis ng anumang pagmamaltrato mula sa kanila—ito ang ibig sabihin ng “manguna.” Upang manguna, dapat mong “pagtiisan ang matinding pagdurusa,” na nangangahulugang dapat mong makayang tiisin ang pagdurusang hindi kaya ng mga ordinaryong tao. Bago ka makapanguna, dapat mong makayang tiisin ang mga panunuya, pang-uuyam, paninirang-puri, at maging ang paghamak ng mga tao, at iba pa. Ibig sabihin, bukod sa pisikal na pagdurusa, dapat magawa mo ring tanggapin ang pang-uuyam at panlilibak mula sa opinyon ng publiko. Tanging sa pagkatutong maging ganitong uri ng tao ka magtatagumpay sa gitna ng mga tao at makakatiyak ng lugar para sa iyong sarili. Ang layon ng kasabihang ito ay upang magsumikap ang mga tao na maging mga nangunguna sa halip na mga nasa pinakailalim, dahil napakamiserable na mapunta sa pinakailalim—minamaltrato ka, wala kang kapangyarihan, at wala kang dignidad o pride. Ang kasabihang “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna” ay ang pinakamadalas na sinasabi ng mga magulang habang tinuturuan ang mga anak. Ang layon nila, gayundin, ay gawin kung ano ang pinakamabuti para sa iyo—ito ay upang magkaroon ka ng kapangyarihan at katanyagan sa gitna ng iba, makakain nang masarap at magpakasaya, at upang saanman ka magpunta, walang mangangahas na mang-api sa iyo, at sa halip ay maaari kang kumilos na parang diktador at mag-utos, habang ang lahat ay yumuyuko at nagpapakababa sa harap mo. Gusto ng mga magulang mo na manguna ka; sa isang banda, ito ay para sa iyong kapakanan, at sa kabilang banda, ito ay upang magdala ng kaluwalhatian sa pangalan ng pamilya at bigyang-karangalan ang iyong mga ninuno, at upang ang iyong mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya ay makabahagi sa iyong kaluwalhatian. Sa sandaling manguna ka na, nagmamaneho ng mararangyang sasakyan, nakatira sa isang mansiyon, habang ang mga tao ay nagkakagulo at nagpapalapad ng papel sa iyo, magtatamasa rin ang iyong pamilya ng isang magandang buhay kasama mo, kumakain ng lahat ng uri ng mga mamahaling pagkain kailanman nila gusto, pumupunta saanman nila naisin. Magagawa mong kontrolin ang lahat, pagbigyan ang bawat kapritso, gawin ang anumang gusto mo, at mamuhay pa nga nang higit sa batas—nang ayon sa sariling kagustuhan, nang may pagmamataas, nang mapangahas, at nang walang pakundangan. Ito ang layon ng iyong pamilya sa pagkokondisyon sa iyo sa ganitong paraan: upang maiwasan na maagrabyado ka at upang manguna ka. Sa tuwirang pananalita, ang layon nila ay gawin kang isang tao na kayang maghari-harian, magmando, at mang-api ng iba, sa halip na isang tao na inuutus-utusan at inaapi ng iba. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) … Kung gayon, ano ang hinihingi ng Diyos tungkol sa bagay na ito? Hinihingi ba ng Diyos na ang mga tao ay manguna at maging hindi karaniwan, hindi ordinaryo, hindi kapansin-pansin, o ordinaryo, kundi sa halip ay maging dakila, sikat, at mataas na tao? Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Napakalinaw na ang kasabihang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya—“Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna”—ay hindi ka ginagabayan sa isang positibong direksyon, at siyempre, wala rin itong kaugnayan sa katotohanan. Ang mga layon ng iyong pamilya sa pagtuturo sa iyo na magtiis ng pagdurusa ay hindi dalisay; palaging may ilang pagpapakana sa mga layong ito, at ang mga ito ay napakasuklam-suklam at kahiya-hiya. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na dumanas ng pagdurusa dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Upang malinis ang kanilang mga tiwaling disposisyon, dapat silang tumanggap ng paghatol at pagkastigo, pagpupungos, at mga pagsubok at pagpipino; dapat silang sumailalim sa pagdurusang ito. Isa itong obhetibong katunayan. Higit pa rito, hinihingi ng Diyos sa mga tao na sumailalim sa pagdurusa, kaya dapat nila itong gawin. Ito ang dapat nilang gawin bilang mga nilikha; ito ang dapat nilang pasanin at ang saloobing dapat nilang taglayin bilang mga normal na tao. Gayumpaman, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na manguna ka. Hinihingi lamang Niya sa iyo na maging isa kang ordinaryong, normal na tao na nakauunawa sa katotohanan, nakikinig sa mga salita ng Diyos, at nagagawang magpasakop sa Kanya—sapat na iyon. Hindi kailanman hinihingi ng Diyos na sorpresahin mo Siya, o gumawa ka ng anumang bagay na nakapanggigilalas, ni hindi Niya kailangan na maging isa kang tanyag na tao o isang dakilang tao. Kailangan lamang Niya na maging isa kang ordinaryo, normal, at praktikal na tao. Gaano man karaming pagdurusa ang kaya mong tiisin, o kung kaya mo nga ba talagang magtiis ng pagdurusa o hindi, kung sa huli ay magagawa mong matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung gayon, ito ang pinakamainam na uri ng tao na puwede kang maging. Ang nais ng Diyos ay hindi iyong manguna ka, kundi ang maging isang tunay na nilikha, isang taong kayang gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Ang taong ito ay isang tao na hindi kapansin-pansin at ordinaryo, isang taong may normal na pagkatao, konsensiya, at katwiran, hindi isang matayog o dakilang tao sa paningin ng mga walang pananampalataya o mga tiwaling tao. Marami na tayong napagbahaginan sa aspektong ito noon, kaya hindi na natin ito tatalakayin nang detalyado ngayon. Ang kasabihang ito na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna” ay malinaw na isang bagay na dapat mong bitiwan. Ano ba mismo ang dapat mong bitiwan? Ito ay ang direksiyon na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya na hangarin mo. Ibig sabihin, dapat mong baguhin ang direksiyon ng iyong paghahangad. Huwag kang gumawa ng anumang bagay para manguna, o para mamukod-tangi sa karamihan at maging kapansin-pansin, at sa gayon ay tingalain ka. Sa halip, dapat mong talikuran ang mga intensiyon, pakay, at motibong ito at gawin ang lahat sa praktikal na paraan upang maging isang tunay na nilikha. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sa isang praktikal na paraan”? Ang pinakapangunahing prinsipyo ay gawin ang bawat isang bagay nang alinsunod sa mga paraan at prinsipyong itinuro ng Diyos sa mga tao—kahit na hindi ito nakamamangha sa lahat o hindi nila pinahahalagahan, lalong hindi nila ito pinupuri at binibigyang-halaga, ito ang dapat mong gawin. Kung magpupursigi at nagpapatuloy ka rito, itinuturing ito bilang tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha, kung gayon ay magiging isa kang nilikha na pasok sa pamantayan sa paningin ng Diyos—ganoon lang iyon kasimple. Ang kailangan mong baguhin ay ang iyong paghahangad tungkol sa iyong sariling asal at ang iyong pananaw sa buhay.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)

May iba pang mga paraan kung paano ka kinokondisyon at iniimpluwensiyahan ng pamilya, tulad ng kasabihang “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.” Madalas kang tinatagubilinan ng mga kapamilya mo: “Maging mabait sa iba, huwag makipagtalo sa sinuman, at huwag magkaroon ng mga kaaway. Kung magkakaroon ka ng masyadong maraming kaaway, hindi ka magkakaroon ng katayuan sa lipunan, at kung masyadong maraming tao ang namumuhi sa iyo at naghahanap ng paraan para saktan ka, hindi ka magiging ligtas—ang iyong pamilya at mga mahal sa buhay ay maaaring makaharap ng mga banta anumang oras, at maaari ka pang makaranas ng mga paghihirap at balakid sa iyong karera at trabaho. Kaya dapat mong matutunan na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.’ Tiyaking nakikita ng lahat na madali kang pakisamahan, huwag mong sirain ang magagandang ugnayan, palaging magbigay ng kaunting puwang sa ibang tao kapag nagsasalita ka, iwasang saktan ang pride ng mga tao, at huwag ilantad ang kanilang mga pagkukulang. Iwasan o itigil ang pagsasabi ng mga bagay na ayaw marinig ng mga tao. Magbigay ka na lang ng mga papuri sa mga tao—walang sinuman ang napahamak kailanman dahil sa pagbibigay ng napakaraming papuri. Dapat kang matutong magpakita ng pagtitiis at kompromiso sa parehong malalaki at maliliit na bagay, dahil ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.’” Tingnan mo, minsan ay itinatanim ng iyong pamilya ang dalawang ideya at pananaw na ito sa iyo: Sa isang banda, kailangan mong maging mabait sa iba; bukod pa rito, kailangan mong maging mapagtimpi, huwag magsalita nang padalos-dalos, at kung mayroon kang sasabihin, dapat mong itikom ang iyong bibig hanggang sa makauwi ka at saka mo ito sabihin sa iyong pamilya. O ang mabuti pa, huwag mo na lang sabihin sa pamilya mo, dahil walang usok na maitatago—sa sandaling mabunyag ang sinabi mo, hindi magiging maganda ang mga bagay para sa iyo. Upang magkaroon ng katayuan at manatiling buhay sa lipunang ito, dapat matuto ang mga tao na maging mapagtimpi at maging mga mapagpalugod ng mga tao. Dapat kang maging madulas at tuso sa iyong mga salita at kilos. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihin kung ano ang nasa isip mo. Kung sasabihin mo kung ano ang nasa isip mo, malinaw na kahangalan iyon! Ang ilang tao ay matabil ang dila at sinasabi ang anumang pumapasok sa kanilang isipan. Maaaring mapasama ng taong tulad nito ang loob ng kanyang amo. Pagkatapos ay pahihirapan siya ng amo, kinakansela ang kanyang mga bonus at palaging naghahanap ng mali sa kanya at pinapagdusa siya. Sa huli, hindi na niya kayang tiisin na manatili pa roon—gusto niyang magbitiw ngunit nag-aalalang wala na siyang ibang paraan para makapaghanapbuhay, kaya tinitiis na lamang niya ito. Pagkatapos ay pinapagalitan siya ng kanyang mga kapamilya: “Nararapat lang sa iyo ang masamang pagtrato! Tama lang iyan sa iyo dahil napakabilis mong makapagpasama ng loob ng mga tao—ito ngayon ang resulta! Sinabi namin sa iyo na maging mas diplomatiko sa iyong pananalita at mag-isip bago ka magsabi ng isang bagay, pero sadyang gusto mong maging prangka. Ganoon ba kadaling makaraos sa isang lipunang kasingsama at kasingdilim nito? Saan ka man magtrabaho, hindi mo dapat mapasama ang loob ng mga tao kailanman. Palagi mong iniisip na isa kang mabuting tao at wala kang mga kaaway. Puwes, ngayon ay inani mo na ang masasakit na kahihinatnan. Maging aral sana ito sa iyo! Tandaan mo ang kasabihang ito mula ngayon: ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’!” Sa sandaling maituro sa kanya ang leksiyong ito, tinatandaan niya ito, iniisip na, “Totoong-totoo ang mga salita ng aking mga magulang. Ang lahat ng ito ay mga karanasan at leksiyong nakuha ng ating mga ninuno. Hindi makabubuting balewalain ang mga ito. Manganganib tayo kung babalewalain natin ang mga nakatatanda sa atin, kaya tatandaan ko ito mula ngayon.” Pagkatapos niyang manampalataya sa Diyos at sumapi sa sambahayan ng Diyos, naaalala pa rin niya ang kasabihang ito, “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at kaya binabati niya ang kanyang mga kapatid sa tuwing nakikita niya ang mga ito, at nagsasabi lamang ng magagandang salita sa kanila. Kapag ang isang lider na hindi pa matagal na gumagawa ng gawain sa iglesia at walang karanasan sa gawain ay humiling sa lahat na magbigay ng higit pang mga mungkahi at tulong, agad siyang nagbibigay ng papuri: “Napakagaling ng ginagawa mo. Kung hindi mo kami pinamumunuan, pakiramdam namin ay wala kaming landas na susundin.” Sa isa pang pagkakataon, kapag nakilala ng isang tao ang sarili nitong mapanlinlang na disposisyon, sinasabi niya, “Hindi ka mapanlinlang, talagang matapat ka, ako ang mapanlinlang.” Kapag may ibang nagsabi ng mga hindi magagandang salita sa kanya, iniisip niya, “Kahit gaano pa hindi kaaya-aya ang mga salita mo, magiging mapagtimpi ako at magkukunwari na lang na hindi ko narinig ang mga ito. Pupurihin pa nga kita at susubukan kong makuha ang pabor mo; walang sinuman ang napahamak kailanman dahil sa pagbibigay ng napakaraming papuri!” Kapag hinihiling ng iba na magbahagi siya ng opinyon o maging bukas sa pagbabahaginan, hindi siya nagsasalita nang tapat, at palagi siyang nakangiti sa lahat. Sinasabi ng mga tao na siya ay doble-karang mambobola, at iniisip niya: “Ilang taon na akong ganito, at sa buong panahong iyon ay hindi pa ako kailanman nagdusa ng kawalan; ito ang aking pinakamataas na prinsipyo para sa pakikitungo sa mundo.” Hindi ba’t siya ay isang taong tuso? (Oo.) Ang ilang tao ay nagmaniobra sa lipunan nang ganito sa loob ng maraming taon, at patuloy na ginagawa ito matapos nilang pumasok sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila kailanman nagsasabi ng isang totoong salita, hindi sila kailanman nagsasalita nang mula sa puso, at hindi nila tinatalakay ang pagkakilala sa kanilang sarili. Sinuman sa mga kapatid ang makipag-usap nang taos-puso sa kanila, hindi sila nagsasabi ng totoo, at walang sinuman ang makaarok kung sino talaga sila. Hindi nila kailanman ipinagtatapat kung ano talaga ang iniisip nila o kung ano ang kanilang mga pananaw. Pinapanatili nila ang napakagandang ugnayan sa lahat, kaya hindi mo kailanman malalaman kung anong uri ng mga tao ang talagang gusto nila o kung ano talaga ang iniisip nila tungkol sa iba. Kahit sino pa ang itanong mo sa kanila, sasabihin nilang hindi masama o medyo mabuti ang taong iyon. Kung may magtatanong kung may napansin silang anumang pagkukulang o kapintasan sa taong iyon, sasabihin nilang wala, pero sa loob-loob nila ay iniisip nila: “Hindi ba’t sinusubukan nitong pasamain ko ang loob ng taong iyon? Tiyak na hindi ko gagawin iyon! Kung sasabihin ko sa iyo ang totoo at makarating ito sa taong iyon, hindi ba’t magiging kaaway ko lang siya? Matagal nang sinabi sa akin ng pamilya ko na huwag magkaroon ng mga kaaway, at hindi ko nakakalimutan ang kanilang mga salita. Sa tingin mo ba ay hangal ako? Sa tingin mo ba ay makakalimutan ko ang edukasyon at pagkokondisyon na natanggap ko mula sa aking pamilya dahil lang nagbahagi ka ng ilang salita ng katotohanan? Hindi iyan mangyayari! Sa lahat ng oras, dapat kong panghawakan ang ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ at ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.’ Ang mga kasabihang ito ang aking kalasag. Hindi ko binabanggit ang mga kapintasan ng sinuman, at kung may mang-iinis sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Sinuman ang magsabi ng mga hindi kaaya-ayang komento, sinuman ang magpungos sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang layon ko ay mapanatili ang pagkakasundo ng lahat. Kailangan kong magpanatili ng magagandang ugnayan sa mga tao. Hindi ako puwedeng kumapit sa mga prinsipyo, hindi ako puwedeng maging ganoon kahangal. Kailangan kong matutong bumagay sa sitwasyon. Bakit nabubuhay nang napakatagal ang mga pagong? Ito ay dahil nagtatago sila sa loob ng kanilang talukab sa tuwing nakakaramdam sila ng panganib, hindi ba? Sa gayong paraan ay napoprotektahan nila ang kanilang sarili at nabubuhay nang libo-libong taon. Iyan ang paraan para mabuhay nang matagal, at kung paano rin makikitungo sa mundo.” Hindi mo maririnig ang gayong mga tao na magsabi ng anumang makatotohanan o taos-puso; hindi nila kailanman ipinapahayag ang kanilang mga tunay na pananaw at ang hangganan para sa kanilang sariling asal. Itinatago lang nila ang mga ito sa kanilang puso, kung saan sila lang ang nakakakilala sa mga ito. Ang ganitong uri ng tao ay palakaibigan sa lahat sa panlabas, mukhang may mabuting puso, at hindi kailanman nananakit o namiminsala ng sinuman. Pero ang totoo, sila ay mga tunay na mapagpalugod ng mga tao at taong tuso. Ang ganitong uri ng tao ay palaging nagugustuhan ng ilang tao sa iglesia, dahil hindi sila kailanman gumagawa ng malalaking pagkakamali at hindi nila kailanman ibinubunyag ang kanilang sarili. Ang opinyon ng mga lider ng iglesia at mga kapatid ay maayos silang nakikisama sa lahat. Sila ay maligamgam at hindi taimtim sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sa panlabas, sila ay partikular na masunurin at maamo, ginagawa lang kung ano ang hinihiling sa kanila. Hindi nila kailanman sinasaktan ang iba gamit ang kanilang mga salita o kapag humaharap sa mga bagay-bagay, at hindi nila kailanman sinasamantala ang sinuman. Hindi sila kailanman nagsasalita ng masama tungkol sa iba, at hindi nila kailanman hinuhusgahan ang mga tao nang patalikod. Gayumpaman, walang nakakaalam kung ano ang iniisip nila sa iba o kung ano ang opinyon nila tungkol sa mga ito, at tila wala silang anumang sinseridad sa paggawa ng kanilang tungkulin. Pagkatapos pag-isipang mabuti, mararamdaman mo pa nga na ang ganitong uri ng tao ay medyo tuso at mahirap unawain, at na ang pagpapanatili sa kanila sa iglesia para gampanan ang kanilang tungkulin ay magiging problematiko. Hindi ba’t mahirap pakitunguhan ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Sa panlabas, mukhang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, pero hindi nila kailanman isinasapuso ang mga prinsipyong ipinabatid ng sambahayan ng Diyos. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto nila, iniisip na hangga’t hindi sila gumagawa ng anumang malalaking pagkakamali, puwede na silang gumawa nang pabasta-basta at iyon na iyon. Walang sinuman ang makakahanap ng anumang mali sa kanila o makakatukoy ng anumang mga kapintasan; ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang walang mali. Pero ano ang iniisip nila sa loob nila? Ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin nang may kahandaan? Kung hindi dahil sa mga pagpigil ng mga atas administratibo ng iglesia o sa pangangasiwa ng mga lider ng iglesia at ng mga kapatid, makikisama kaya ang gayong tao sa masasamang tao at gagawa ng kasamaan kasama ng mga ito? Napakaposible nito; hangga’t pinapahintulutan ng mga sitwasyon, gagawin nila ito. Ang ganitong uri ng tao ang pinakaproblematiko, ang tipikal na taong tuso at matandang soro. Hindi sila nakikipag-away sa sinuman. Kung may magsabi ng nakakasakit sa kanila, o magbunyag ng isang tiwaling disposisyon at tumapak sa kanilang dignidad, ano ang iniisip nila? “Magpapakita ako ng pagtitiis. Hindi kita aawayin, pero darating ang araw na magmumukha kang hangal!” Kapag gumawa ng mali ang taong iyon at nagmukhang hangal o pinungusan, lihim nila itong ikinasisiya at pinagtatawanan ito. Kapag may masasamang tao at mga anticristo na nagdudulot ng mga panggugulo sa iglesia, hindi nila inilalantad ang mga ito, kundi naghihintay lang na pagtawanan ang mga lider at manggagawa at ang gawain ng iglesia. Sadyang hindi nila pinagninilayan kung anong mga problema ang mayroon sila mismo. Hindi sila nagsasabi ng anumang makakasakit sa iba, at kahit na nakikilatis nila ang paggawa ng kasamaan o masasamang gawa ng isang tao, hindi nila ibinubunyag na kaya nilang kilatisin ang mga ito. Ang ipinapakita nila ay madalas na pagpapanggap, at mga paraan ng paggawa ng mga bagay na hindi nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo. Walang sinuman ang makakilatis sa kanilang puso, at walang nakakaalam ng kanilang mga tunay na kaisipan at pananaw. Ang mga taong tulad nito ang pinakalihim na mapanira at pinakamahirap pakitunguhan. Kaya, anong saloobin ang taglay ng sambahayan ng Diyos sa mga taong tulad nito? Kung matutulungan sila, at malulutas ang kanilang mga problema sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, siyempre ay mas mabuti iyon. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan, maaari silang pahintulutang magserbisyo, hangga’t hindi sila nagdudulot ng mga paggambala o panggugulo. Kung, pagkatapos magserbisyo nang ilang panahon, kaya pa nilang gumawa ng kasamaan, at ang kanilang serbisyo ay nagdudulot ng mas maraming pinsala kaysa kabutihan, dapat silang paalisin bilang masasamang tao. Ito ang prinsipyo. Bakit sila pinangangasiwaan sa ganitong paraan? Dahil ang mga taong tulad nito ay hindi tumatanggap ng katotohanan kahit kaunti—sila ay mga hindi mananampalataya—hindi man lang sila deboto sa paggawa ng kanilang tungkulin, at kapag may masasamang tao at mga anticristo na nagdudulot ng mga panggugulo sa iglesia, kaya pa nilang maging mga tagamasid at pagtawanan ang mga lider at manggagawa. Anong papel ang ginagampanan nila? Hindi ba’t ito ang papel ni Satanas at ng mga diyablo? (Oo.) Kapag nagpapakita sila ng pagtitimpi sa kanilang mga kapatid, hindi ito binubuo ng tunay na pagpaparaya o taos-pusong pagmamahal. Ginagawa nila ito para protektahan ang kanilang sarili at para maiwasang magkaroon ng mga kaaway o ilagay ang kanilang sarili sa panganib. Hindi sila nagpapakita ng pagpaparaya sa kanilang mga kapatid para protektahan ang mga ito, hindi rin nila ito ginagawa para sa pagmamahal, at lalong hindi nila ito ginagawa para sa paghahangad ng katotohanan at pagsasagawa nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ginagawa nila ay ganap na isang saloobin na nakatuon sa pagsabay lamang sa agos at panlilihis sa iba. Ang mga gayong tao ay mapagpalugod ng mga tao at mga taong tuso. Ayaw nila sa katotohanan at hindi nila ito hinahangad, sa halip ay sumasabay lamang sila sa agos. Malinaw na ang pagkokondisyong natatanggap nila mula sa kanilang mga pamilya ay lubhang nakakaapekto sa pamamaraan kung paano sila mismo umaasal at humaharap sa mga bagay-bagay. Siyempre, hindi maitatanggi na ang mga pamamaraan at prinsipyong ito ng pagharap sa mundo ay hindi mahihiwalay sa kanilang pagkataong diwa. Higit pa rito, ang mga epekto ng pagkokondisyon mula sa kanilang pamilya ay nagsisilbi lamang para gawing mas malinaw at kongkreto ang kanilang mga kilos, at sa gayon ay mas ganap na nabubunyag mula sa kanila ang kanilang kalikasang diwa. Samakatwid, para sa mga taong tulad nito, hangga’t hindi sila lubos na mapanlinlang at masama, kundi mayroon lamang ilang maliit na pagsalangsang at problema, dapat pa rin silang tulungan nang may pagmamahal. Siyempre, mas mabuti kung magagawa mong tanggapin ang katotohanan. Kung hindi mo kailanman tatanggapin ang katotohanan, kahit papaano ay dapat mong maiwasang gumawa ng kasamaan at magdulot ng mga panggugulo, at magawa ring pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung magseserbisyo ka sa ganitong paraan, kapag itinakda ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao sa hinaharap, mababawasan ang kaparusahang matatanggap mo. Biyaya na ito ng Diyos. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, walang mawawala sa iyo at marami kang makakamit, hindi ba? Kung hihilingin sa gayong mga tao na ganap na bitiwan ang mga satanikong pilosopiya na ikinondisyon sa kanila ng kanilang mga pamilya, hindi ito magiging madali, dahil sangkot dito ang kanilang pagkataong diwa. Ang mga taong tuso at mga mapagpalugod ng mga tao na ito ay hindi tumatanggap ng katotohanan kahit kaunti. Hindi ganoon kasimple o kadali para sa kanila na bitiwan ang mga bagay na iyon, dahil—kahit isantabi pa ang pagkokondisyon mula sa kanilang mga pamilya—sila mismo ay mga nahuhumaling na naniniwala sa mga satanikong pilosopiya, at gusto lang talaga nila ang saloobing ito para sa pakikitungo sa mundo. Ito ang sarili nilang napakasubhetibong saloobin sa mga makamundong pakikitungo. Pero kung matalino sila, at sa mga sitwasyon kung saan ang sarili nilang mga interes ay hindi nanganganib o nakokompromiso sa anumang paraan ay binibitiwan nila ang ilan sa mga pamamaraang ito at sapat na pinapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon ay magiging isang magandang bagay talaga iyon para sa kanila, dahil kahit papaano ay maaari nitong mabawasan ang kanilang pananagutan at mapagaan ang pagtutuwid sa kanila ng Diyos, ginagawang Kanyang gantimpala at pagtanda ang pagtutuwid ng Diyos. Napakaganda niyon! Hindi ba’t magiging isang magandang bagay iyon? (Oo.)

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)

Ano pang ibang uri ng pagkokondisyon ng mga pamilya ang mayroon? Kabilang ba ang pariralang “Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali”? (Oo.) Halimbawa, madalas sabihin sa iyo ng mga magulang mo: “Anuman ang okasyon, huwag kang magsalita nang padalos-dalos, dahil kung hindi, sa malao’t madali ay magdurusa ka ng mga kawalan! Dapat mong tandaan, ‘Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali.’ Kung magsasabi ka ng masyadong marami, tiyak na magkakamali ka kung saan. Bago ka magsalita, pakinggan mo muna kung ano ang sinasabi ng lahat. Kung sasang-ayon ka sa nakararami, magiging ayos ka lang. Pero kung palagi mong sinusubukang ipilit ang sarili mo sa unahan, at ipinapahayag mo ang iyong mga opinyon nang hindi muna inaalam kung ano ang iniisip ng iyong amo o mga nakatataas, sa sandaling hindi ito makapagpalugod sa kanila at mapasama mo ang loob nila, pahihirapan ka nila. May mabuti bang maidudulot iyon? Hangal na bata, dapat mong tandaan, ‘Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali.’ Huwag kang magsalita nang padalos-dalos! Ang bibig mo ay para sa pagkain at paghinga, para sa pambobola sa iyong amo at sa iba, hindi para sa pagsasabi ng totoo. Kapag nagsasalita ka, kailangan mong magkaroon ng mga kasanayan at pamamaraan, kailangan mong gamitin ang iyong utak. Kapag umabot na ang mga salita sa iyong mga labi, lunukin mong muli ang mga ito, pag-isipan mo muna ang mga ito nang ilang beses, at saka ka magsalita. Kailangan mo ring isaalang-alang ang sitwasyon. Kung hindi gusto ng mga tao ang sinasabi mo at hindi maganda ang reaksiyon nila, tumigil ka kaagad at isipin kung paano ito sasabihin sa paraang makakapagpasaya sa lahat bago ka sumubok muli. Kung gagawin mo iyon, hindi ka magkakaproblema. Iyan ang gagawin ng isang matalinong tao. Magugustuhan ka ng lahat, at maiisip ka nila kapag may dumating na magagandang bagay. Hindi ba’t pabor iyon sa iyo? Hindi ba’t magdadala iyon sa iyo ng mas maraming oportunidad sa hinaharap?” Kinokondisyon ka ng iyong pamilya hindi lang sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyo kung paano magkaroon ng magandang reputasyon, kung paano manguna, at kung paano panatilihin ang iyong katayuan sa gitna ng iba, kundi pati na rin sa pagsasabi sa iyo kung paano linlangin ang iba sa pamamagitan ng ipinapakita mo sa panlabas, na huwag sabihin ang totoo, at lalo na ang huwag ibulalas ang lahat ng nasa isip mo. Ang ilang tao ay nagdurusa ng ilang kawalan dahil sa pagsasabi ng totoo, at kapag naaalala nila ang kasabihang ito na itinuro sa kanila ng kanilang pamilya, natututo sila ng aral. Nagiging mas handa silang isagawa ang kasabihang ito—“Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali”—ginagawa itong kanilang motto. Ang ibang tao, bago pa man magdusa ng anumang kawalan, ay buong-pusong tinatanggap ang pagkokondisyon ng kanilang pamilya, at patuloy na isinasagawa ang kasabihang ito anuman ang okasyon. Habang isinasagawa nila ito, lalo nilang nararamdaman na ang kanilang mga magulang at nakatatanda ay tapat na kumikilos para sa pinaka-ikabubuti nila: “Napakasuwerte ko na sinabi nila sa akin ang kasabihang ito, ‘Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali.’ Kung hindi, sa kadaldalan ko, sino ang nakakaalam kung ilang kawalan na sana ang pinagdusahan ko, kung gaano karaming tao ang magpapahirap sa akin, kung gaano karaming mapanghamak na tingin ang matatanggap ko, at kung gaano karaming panlilibak at pang-uuyam ang haharapin ko. Ang kasabihang ito ay lubhang kapaki-pakinabang at nakabubuti!” Kahit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, iniisip pa rin nila na ito ang pinakakapaki-pakinabang at pinakanakabubuting kasabihan. Kapag ang mga kapatid ay walang-pagpipigil na nagbubukas ng sarili at nagbabahagi tungkol sa kanilang mga kalagayan, sa kanilang mga pagbubunyag ng katiwalian, o sa kanilang pagkaunawang batay sa karanasan, gusto rin nilang magbahagi at maging isang tao na walang-pagpipigil na nagbubukas ng sarili, matapat na nagsasalita tungkol sa mga kaisipan o pagkaunawa na mayroon sila sa kanilang puso, upang makahanap ng panandaliang ginhawa para sa mga damdaming sinupil nila nang napakaraming taon o makakuha ng kaunting paglaya at kalayaan mula sa mga ito. Ngunit sa tuwing naaalala nila ang itinanim sa isip nila ng kanilang mga magulang—“Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali. Huwag kang magsalita nang padalos-dalos. Matutong makinig sa iba. Maging isang radio receiver, hindi isang loudspeaker”—nilulunok nilang muli ang lahat ng kinimkim na salita na gusto nilang sabihin. Kapag tapos nang magsalita ang lahat, wala pa rin silang sinasabi. Iniisip nila: “Mabuti na lang, wala akong sinabi sa pagkakataong ito. Kung nagsalita ako, baka nabigyan ko ang lahat ng masamang impresyon sa akin. Sa hindi pagsasalita, iisipin ng lahat na talagang matapat ako at hindi masyadong mapanlinlang, na isa lang akong likas na tahimik na tao na walang mapagpakanang mga kaisipan, walang masyadong katiwalian, at partikular na walang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos—iisipin lang nila na isa akong medyo dalisay na tao. Medyo maganda na ganito ang impresyon nila sa akin—bakit kailangan ko pang magbukas at ilantad ang aking katiwalian? Tutal, ang kasabihang ‘Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali’ ay tila totoo para sa akin, kaya magpapatuloy na lang ako sa pag-asal nang ganito.” Ang pagsunod sa kasabihang “Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali” ay nagpaparamdam sa kanila na may nakamit sila at hindi nagdusa ng anumang kawalan, kaya ayaw nilang magbukas at makipagbahaginan sa iba. Nagpapatuloy ito hanggang sa isang araw ay makaramdam sila ng matinding pagkasakal at pagkapuno, at gusto nilang magbukas sa mga kapatid at sabihin kung ano ang nasa kanilang puso, ngunit pakiramdam nila ay selyado ang kanilang bibig, at hindi sila makabigkas ng kahit isang salita. Dahil hindi nila masabi sa mga kapatid, gusto nilang magsabi sa Diyos nang mula sa kanilang puso, ngunit kapag lumuluhod sila sa harap Niya, hindi nila alam kung ano ang sasabihin, kung paano ito ipapahayag, o kung paano bubuuin ang kanilang mga kaisipan—napipipi sila. Ang napakaraming taon ng pagkikimkim ng damdamin ay nagpaparamdam sa kanilang lubusan silang napipigilan, at namumuhay sila sa isang madilim at maruming buhay. Kapag nagpasya na silang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila at ilabas ang kanilang mga nararamdaman, hindi sila makapagsalita at hindi alam kung saan magsisimula, o kung paano ito sasabihin. Hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Kung gayon, bakit wala silang masabi sa Diyos? Nais nilang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila, pero wala silang masabi, at sa huli, ang tanging nasasabi nila ay: “Diyos ko, pakiusap, bigyan Mo po ako ng mga salitang dapat kong sabihin!” At tumutugon ang Diyos ng: “Napakarami ng dapat mong sabihin, pero ayaw mong sabihin ito, at hindi mo ito sinasabi kapag binibigyan ka ng pagkakataon, kaya binabawi Ko ang lahat ng ibinigay Ko sa iyo. Hindi Ko ito ibibigay sa iyo, hindi ka karapat-dapat para rito.” Saka lang niya mararamdaman na napakaraming nawala sa kanya nitong mga nakaraang taon. Bagama’t dati kang nagkukunwaring perpekto, kapag nakikita mo na ang mga kapatid ay nakakapagbahagi ng mga patotoong batay sa karanasan at may mga nakamit sila, lalo na kapag nakikita mo ang kanilang pagiging kalmado habang walang-pag-aalinlangan nilang binubuksan ang kanilang puso at hinihimay ang sarili nilang katiwalian, nakakaramdam ka ng kahihiyan, iniisip na napakarami mo nang naibunyag na katiwalian ngunit hindi ka makapagsalita ng kahit isang salita tungkol dito, at nagtataka kung bakit napakalayo mo pa. Napakaraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, at gusto mo ring ibahagi ang iyong pagkakilala sa sarili, at ibahagi ang iyong karanasan sa mga salita ng Diyos, at makakuha ng kaunting kaliwanagan at liwanag mula sa Diyos, at magkamit ng kaunti. Ngunit sa kasamaang-palad, dahil madalas kang kumakapit sa opinyon na “Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali,” at madalas na nagagapos at kontrolado ng ideyang ito, namuhay ka para sa kasabihang ito nang napakaraming taon, hindi ka nakatanggap ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw mula sa Diyos, at lubos ka pa ring salat at isang pulubi pagdating sa buhay pagpasok. Naisagawa ng ganitong uri ng mga tao ang kasabihan at ideyang ito—“Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali”—nang perpekto at nasunod ito nang napakahusay, ngunit sa kabila ng pananampalataya sa Diyos nang napakaraming taon, wala silang nakamit na anuman sa katotohanan, at nananatiling mahirap at bulag. Binigyan sila ng Diyos ng mga bibig, ngunit wala silang anumang abilidad na magbahagi tungkol sa katotohanan, ni anumang abilidad na magsalita tungkol sa kanilang mga nararamdaman at kaalaman, lalong wala silang abilidad na makipag-usap sa kanilang mga kapatid. Ang mas kaawa-awa ay wala man lang silang abilidad na makipag-usap sa Diyos, at nawala na sa kanila ang gayong abilidad. Hindi ba’t kaawa-awa ang gayong mga tao? (Oo, kaawa-awa sila.) Kaawa-awa at kalunos-lunos. Hindi ba’t ayaw mong magsalita? Hindi ba’t palagi kang natatakot na ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali? Kung gayon ay hindi ka na dapat magsalita kailanman ng anuman. Itinatago mo ang pakiramdam ng iyong konsensiya at ang mga bagay na maaari mong mapagtanto sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, sinusupil ang mga ito at isineselyo upang hindi ka mapamahalaan ng mga ito. Palagi kang natatakot na mapapahiya ka, na mapipinsala ang iyong mga interes, na makikilatis ka ng iba, at na hindi ka magiging perpekto sa paningin ng iba at makikita nila ang iyong mga pagkukulang, kaya ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang magpanggap at ikubli ang iyong sarili, hindi kailanman ibinabahagi kung ano ang nasa isip mo. Bilang resulta, nawawala ang iyong konsensiya at katwiran, at hindi mo maisagawa ang katotohanan sa kabila ng pag-unawa rito, na nagpapahamak sa iyong sarili. Sino ang nagpahamak sa iyo nang ganito? Sa ugat nito, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ang nagpahamak sa iyo. Ngunit mula sa sarili mong perspektiba, dahil din ito sa gusto mong mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas kaya pinipili mong maniwala na tama ang pagkokondisyon ng iyong pamilya, at hindi ka naniniwala na ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo ay positibo. Itinuturing mo ang pagkokondisyon mula sa iyong pamilya bilang isang positibong bagay, habang itinuturing mo ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang mga hinihingi, at ang Kanyang pagtutustos, tulong, at mga turo bilang mga negatibong bagay, at itinuturing mo ang mga lider, manggagawa, at mga kapatid sa sambahayan ng Diyos bilang mga taong dapat maging mapagbantay ka. Samakatwid, gaano man karami ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa simula, dahil sa iyong pagbabantay at pagtanggi sa nakalipas na mga taon, ang magiging panghuling resulta ay na babawiin ng Diyos ang lahat at ipagkakait ito sa iyo—hindi ka karapat-dapat na magtaglay nito. Kaya, bago ka umabot sa puntong ito, dapat mong bitiwan ang iba’t ibang walang-katotohanang ideya na itinanim ng iyong pamilya sa iyo. Gayundin, kung patuloy kang kakapit sa maling pananaw na “Ang pagsasabi ng masyadong marami ay nagdudulot ng mga pagkakamali,” magiging mas sarado ka, mas lihim na mapanira, at mas mapagpaimbabaw. Ganap itong salungat at labag sa hinihingi ng Diyos na ang mga tao ay maging matapat at walang-pasubaling bukas. Bilang isang taong nananampalataya at sumusunod sa Diyos, dapat mong maramdaman na tungkulin mong hangarin ang katotohanan. Anuman ang kaharapin mo, dapat mong hanapin ang katotohanan; sa partikular, pagdating sa mga tradisyonal na pamamaraan at turo ng iyong pamilya, mas lalo mo pang dapat talikuran ang mga ito—dapat mong hanapin ang katotohanan para harapin ang mga ito. Anuman ang ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo, gaano man ito kabuti o kapaki-pakinabang para sa iyo, gaano man ito nagpoprotekta sa iyo, ang lahat ng ito ay nagmumula sa tao at kay Satanas, at dapat mong bitiwan ang lahat ng ito. Kahit na ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao ay maaaring sumalungat sa pagkokondisyon mula sa iyong pamilya, at maaari pa ngang makapinsala sa iyong mga interes at mag-alis ng iyong mga karapatan, at maaari mo pa ngang isipin na hindi ka pinoprotektahan ng mga ito at sa halip ay nilalayon na ilantad ka at pagmukhain kang hangal, dapat mo pa ring ituring ang mga ito bilang mga positibong bagay, dahil nagmumula ang mga ito sa Diyos, ang mga ito ay ang katotohanan, at dapat mong tanggapin ang mga ito. Kung ang mga bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may kinalaman sa iyong pag-iisip at sariling asal, sa pananaw mo sa pag-iral, at sa landas na tinatahak mo, kung gayon, dapat mong bitiwan ang mga ito at huwag kumapit sa mga ito. Sa halip, dapat mong palitan ang mga ito ng mga katumbas na katotohanang tinanggap mo mula sa Diyos, at sa paggawa nito, dapat palagi mo ring kilatisin at kilalanin ang mga likas na problema at diwa ng mga bagay na ito na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at pagkatapos, kumilos at magsagawa ka sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos nang mas tumpak, praktikal, at totoo. Ang pagtanggap ng mga ideya, mga pananaw sa mga tao at bagay, at mga prinsipyo ng pagsasagawa na nagmumula sa Diyos—ito ang responsabilidad ng isang nilikha na obligado siyang tuparin, at kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha, at ang mga ideya, pananaw, at mga prinsipyong ito ng pagsasagawa ang dapat taglayin ng isang nilikha.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)

May isa pang uri ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya. Halimbawa, palaging sinasabi sa iyo ng mga nakatatanda sa iyo: “Huwag kang masyadong magpapansin sa karamihan; dapat kang matutong umiwas sa atensyon. Sa partikular, huwag mong masyadong ilantad ang iyong mga kaloob, talento, o katalinuhan, dahil baka kainggitan ka ng iba. Tulad nga ng mga kasabihan: ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril,’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok.’ Kung gusto mong protektahan ang iyong sarili, at magkaroon ng pangmatagalan at matatag na lugar sa gitna ng mga tao, huwag kang maging ibon na nag-uunat ng leeg nito. Dapat kang umiwas sa atensyon at huwag masyadong subukang mamukod-tangi; malungkot sa itaas. Kung palagi mong sinusubukang maging sentro ng atensyon sa gitna ng iba, mapapansin ka; maaaring may mainggit at mamuhi sa iyo, at magsimulang mag-isip na pahirapan ka. Huwag maging lider o lider ng pangkat sa iglesia—sa sandaling may magawa kang mali, magkakaproblema ka; gagawin ka nilang halimbawa at pananagutin ka. Dapat kang matutong protektahan ang iyong sarili tulad ng isang pagong. Anuman ang sitwasyong harapin mo, magtago ka lang tulad ng isang pagong, at maiiwasan mo ang maraming problema.” Matapos marinig ang mga salita ng iyong mga magulang, pakiramdam mo ay tunay silang mga taong may malalim na pagkaunawa, na ang katandaan ay nagdadala ng karunungan. May ilang tao na nananampalataya sa Diyos nang maraming taon at ayaw maging mga lider; iniisip nila na pinakamabuting magtago tulad ng isang pagong. Kapag oras na para maghalal ng isang lider, nakakaisip sila ng lahat ng uri ng dahilan at palusot para tumanggi, sinasabing masyado silang abala sa mga gawain sa pamilya o may mahina silang kakayahan kaya hindi sila maaaring maging isang lider. Kahit na mahalal sila, ayaw nilang maglingkod bilang isang lider. Pinagbubulayan nila sa loob-loob nila: “Ha! Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril. Kung gaano ka kataas, ganoon din kabigat ang iyong pagbagsak. Malungkot sa itaas. Hindi ko kailanman gustong maging isang lider, ni hindi ko gustong mangibabaw sa iba at makamit ang isang mataas na ranggo, kaya hindi ako kailanman babagsak nang matindi. Nakikita mo, maraming tao na nahalal bilang mga lider ang tinanggal dahil hindi nila magawa ang gawain o dahil gumawa sila ng masama. Ang ilan ay pinaalis pa nga, hindi man lang nabigyan ng pagkakataong maging isang ordinaryong mananampalataya. Hindi ba’t ito mismo ang mga kasabihang, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril,’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok,’ na nangyayari sa realidad? Kaya, kailangang matuto ang mga tao na protektahan ang kanilang sarili; anuman ang mangyari, huwag mong iunat ang iyong leeg, at huwag maging isang lider. Sa anumang grupo sa lipunan, palaging ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril.’ Mamamayagpag ka habang inuunat mo ang iyong leeg, pero kapag nabaril ka, huli na para magsisi.” Ang mga pananaw nilang ito ay pawang nagmumula sa taimtim at madalas na inuulit na mga turo ng kanilang mga magulang at nakatatanda, na siyang tinig ng kanilang karanasan. Bumubulong ang kanilang mga magulang sa kanilang mga tainga upang sabihin sa kanila ang pinakadiwa ng karunungan ng kanilang buhay, walang anumang itinatago. Ano ang ibig sabihin ng bumulong sa tainga ng isang tao upang sabihin sa kanya ang isang bagay? Halimbawa, sinasabi ng iyong ina sa iyong tainga: “Kung may isang bagay akong natutunan sa buhay na ito, ito ay na ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril.’ Kung palaging sinusubukan ng isang tao na maging sentro ng atensyon, malamang na pahirapan siya. Alam mo ba kung bakit labis na umiiwas sa atensyon ang tatay mo ngayon, at kung bakit ayaw na niyang maging sentro ng atensyon o banggitin ang pagiging isang opisyal? Ito ay dahil pinahirapan siya noon. Ang iyong tatay ay may talento sa panitikan, husay sa pagsasalita, at mga kasanayan sa pamumuno, ngunit dahil masyado siyang namukod-tangi, nainggit ang iba sa kanya at pinahirapan siya. Dapat kang matuto mula sa aral ng iyong tatay! Dapat mong itanim sa iyong puso ang kasabihang ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril’ at huwag itong kalimutan kailanman. Ito ang pinakamagandang maibibigay ko sa iyo bilang iyong ina.” Mula noon ay naaalala mo ang kasabihang “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril,” at sa tuwing naaalala mo ito, ipinapaalala nito sa iyo ang pagdurusa ng iyong ama, na ang hitsurang nasiraan ng loob ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa iyong isipan. Kaya, sa tuwing gusto mong iunat ang iyong leeg, sa tuwing gusto mong ipahayag ang iyong mga pananaw, sa tuwing gusto mong taimtim na tuparin nang maayos ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pumapasok sa iyong isipan ang kasabihang “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril,” at kaya ikaw ay umaatras. Iniisip mo, “Anumang mga talento o kalakasan ang mayroon ako, hindi ko maaaring ipakita ang mga ito; dapat akong umiwas sa atensyon. Pagdating sa mga salita ng Diyos tungkol sa paglalagay ng buong puso, isip, at lakas ng isang tao sa paggawa ng kanyang tungkulin, hindi ko ito lubos na matatanggap. Hindi ako dapat maging masyadong masigasig. Kung masyado akong masigasig at i-uunat ko ang aking leeg upang akunin ang gawain ng iglesia, paano kung may magawa akong mali at magdulot ng mga kawalan sa gawain, at panagutin ako? Paano ko dapat pasanin ang responsabilidad na ito? Hindi ba’t papaalisin ako? Hindi ba’t ako ang magiging ibon na nakaunat ang leeg? Kaya, anuman ang gawin ko, kailangang-kailangan kong mag-iwan ng daan para makatakas, kailangang-kailangan kong matuto muna na protektahan ang aking sarili, at tiyakin na nakapaghanda ako sa lahat ng posibilidad bago ako magsalita at kumilos. Ito ang pinakamatalinong hakbang, dahil tulad ng sinasabi ng aking ina: ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril.’” Ang kasabihang ito ay malalim na nakatanim sa iyong puso at mayroon ding malalim na impluwensiya sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang mas malubha, siyempre, ay naaapektuhan nito ang iyong saloobin sa paggawa ng iyong tungkulin. Hindi ba’t isa itong malubhang problema? (Oo.) Samakatwid, sa tuwing gusto mong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos nang buong lakas habang ginagawa ang iyong tungkulin, palagi kang pinipigilan ng ideya na “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril,” na nagiging sanhi upang maging labis kang maingat at nag-aalangan, masyadong natatakot na kumilos. Anuman ang ginagawa mo, palagi mong pinipiling magkaroon ng alternatibong plano at mag-iwan ng kaunting puwang para sa iyong sarili, gumagawa ng kaunting tungkulin sa loob ng mga limitasyon pagkatapos mong magpasya sa isang daan palabas para sa iyong sarili. Ano sa palagay mo? Ang pagkokondisyon ba ng iyong pamilya sa bagay na ito ay nagpoprotekta sa iyo sa pinakamalaking antas mula sa pagkabunyag at pagkapungos? Para sa iyo, ito ay isa pang kalasag, hindi ba? (Oo.)

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)

Ang pagkokondisyon ng pamilya ay malamang na kinapapalooban ng mas marami pang panuntunan para sa laro ng pag-asal at pakikitungo sa mundo. Halimbawa, madalas sabihin ng mga magulang at nakatatanda, “Huwag kailanman ilayon na pinsalain ang iba, ngunit palaging maging mapagbantay laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo. Masyado kang totoo, inosente ka at hindi mo alam kung paano maging mapagbantay laban sa mga tao, kaya malamang na magdusa ka ng kawalan at maloko. Lahat ng tao ay napakasama. Huwag kang magpapalinlang sa isang taong nagsasabi ng magagandang bagay sa iyo sa panlabas, hindi mo alam kung ano ang palihim niyang iniisip. Ang puso ng mga tao ay nakatago sa ilalim ng kanilang balat. Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso.”[a] Mayroon bang anumang tama sa mga salitang ito? Kung titingnan lang natin ang literal na kahulugan ng dalawang pariralang “sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso,” walang mali sa mga ito. Imposible para sa mga tao na malaman kung ano ang iniisip ng ibang tao sa kaibuturan nila, o kung sila ba ay malupit o may mabait na puso—ibig sabihin, imposible para sa mga tao na makilatis kung anong kaluluwa o anong kalikasan mayroon ang ibang tao. Ang paimbabaw na kahulugan ng mga pariralang ito ay tama, pero ang mga ito ay isa lamang uri ng doktrina. Ano ang prinsipyo para sa pakikitungo sa mundo na sa huli ay nakukuha ng mga tao mula sa dalawang pariralang ito? Ito ay “Huwag kailanman ilayon na pinsalain ang iba, ngunit palaging maging mapagbantay laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo.” Madalas kang balaan ng mga magulang at nakatatanda: “Maging mas maingat kapag nakikisalamuha sa mga tao. Huwag maging inosente at sabihin ang anumang iniisip mo. Matutong magbantay laban sa mga tao at maging mapagbantay laban sa kanila. Gaano ka man kalapit sa kaibigan mo, huwag mong isiwalat ang lahat ng lihim mo o magtapat sa kanya. Huwag mong itaya ang buhay mo para sa kanya.” Tama ba ang payong ito mula sa kanila? (Hindi, itinuturo nito sa mga tao ang paraan ng panlilinlang.) Sa teorya, ang motibo nila ay protektahan ang iyong mga pisikal na interes at tiyakin ang iyong personal na kaligtasan, para pigilan kang masadlak sa mga mapanganib na sitwasyon, maiwasang madaya o masaktan ng iba, para pigilan kang masangkot sa gulo o makasuhan, at para ilayo ka sa pagkahulog sa anumang mga tukso, upang mapalipas mo ang bawat araw nang mapayapa, maayos, at masaya. Bagama’t ang motibo nila ay protektahan ka, ang paraan ng pagprotekta nila sa iyo, ang mga prinsipyong ipinapayo nilang sundin mo, at ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay hindi tama. Hindi namamalayang inaakay ka nito sa isang sukdulan, na nagiging dahilan para magbantay ka laban sa lahat, at hindi kailanman mangahas na magsabi ng totoo. Ang mga kaisipang ito na ikinikintal ng mga magulang mo sa iyo ay nagiging mga prinsipyo at batayan para sa kung paano ka nakikitungo sa mundo. Kapag nakikisalamuha ka sa mga kaklase, katrabaho, nakatataas, at sa lahat ng uri ng tao mula sa lahat ng antas ng lipunan, ang mga ideya at pananaw na ito ay nagiging isang prinsipyo at isang anting-anting para sa iyong pangangasiwa ng mga pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Anong prinsipyo ito? Ito ay: “Huwag kailanman ilayon na pinsalain ang iba, ngunit palaging maging mapagbantay laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo. Hindi kita sasaktan, pero kailangan kong maging mapagbantay laban sa iyo—kailangan kong magbantay laban sa panlilinlang o pamiminsala mo sa akin, para hindi ako masangkot sa gulo o makasuhan, o maharap sa malubhang problemang pinansyal, humantong sa isang wasak na pamilya na sinalanta ng kamatayan, o mauwi sa bilangguan.” Sa ilalim ng pamamahala ng gayong mga kaisipan at pananaw, at pamumuhay sa gitna ng mga tao gamit ang gayong saloobin para makitungo sa mundo—pagiging mapagbantay at mapaghinala sa lahat at hindi nangangahas na sabihin ang nasa isip mo kaninuman—makakaramdam ka lang ng pagkasakal at pasakit, magiging pagod na pagod sa isip at katawan, at makakaramdam din ng higit na paglaban, pag-ayaw, at pagkapoot sa mundo at sangkatauhang ito. Habang napopoot sa iba, nakakaramdam ka rin ng paghamak sa iyong sarili, iniisip na hindi mo ipinapamuhay ang wangis ng tao. Upang maiwasang masaktan ng iba, kailangan mong maging palaging mapagbantay laban sa kanila, gumagawa at nagsasabi ng mga bagay na labag sa iyong kalooban sa bawat pagkakataon. Upang protektahan ang sarili mong mga interes at tiyakin ang sarili mong personal na kaligtasan, nagsusuot ka ng maskara at nagbabalatkayo ka sa lahat ng oras, hindi kailanman nangangahas na magsabi ng totoong salita. Sa ganitong kalagayan ng pag-iral, ang panloob mong puso ay walang kaluwagan o kalayaan. Madalas kang nangangailangan ng isang tao na hindi nagdudulot ng pinsala sa iyo, na hinding-hindi pipinsala sa iyong mga interes, na mapagsasabihan mo ng iyong mga pinakatatagong kaisipan at mapaglalabasan mo ng iyong panloob na kawalang-kasiyahan, nang hindi kinakailangang mag-alala pagkatapos na baka makatanggap ka ng anumang sarkasmo, pasaring, o panunuya, o na magkakaroon ng anumang mga kahihinatnan. Sa sitwasyon kung saan ang kaisipan at pananaw na “Huwag kailanman ilayon na pinsalain ang iba, ngunit palaging maging mapagbantay laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo” ay ang iyong prinsipyo sa pakikitungo sa mundo, ang kaloob-looban mo ay napupuno ng takot at kawalan ng kapanatagan. Natural na nasasakal ka, wala kang mapaglabasan, at kailangan mo ng isang taong mag-aalo sa iyo, isang taong mapagsasabihan mo. Samakatwid, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, bagama’t ang prinsipyo sa pakikitungo sa mundo na itinuro sa iyo ng mga magulang mo, “Huwag kailanman ilayon na pinsalain ang iba, ngunit palaging maging mapagbantay laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo,” ay maaaring makapagprotekta sa iyo, parehong may mabuti at masamang epekto ito. Bagama’t pinoprotektahan nito ang iyong mga pisikal na interes at personal na kaligtasan sa isang antas, dahil dito ay nararamdaman mo rin na nasasakal ka at nagiging miserable ka, wala kang mapaglabasan, at dahil dito ay mas lalo ka pa ngang nagiging tutol sa mundo at sangkatauhang ito. Kasabay nito, sa kaloob-looban mo, bahagya ka ring nayayamot na naipanganak ka sa isang napakasamang panahon, sa gitna ng napakasamang grupo ng mga tao. Hindi mo nauunawaan: Bakit nabubuhay ang mga tao, at bakit sobrang nakakapagod ang buhay? Bakit kailangang palaging magsuot ng maskara at magbalatkayo ang mga tao? Bakit kailangang palaging maging mapagbantay ang mga tao laban sa iba alang-alang sa sarili nilang mga interes? Gusto mong sabihin ang totoo pero hindi mo magawa dahil magkakaroon ng mga kahihinatnan kung gagawin mo ito. Gusto mo rin na maging isang tunay na tao kahit minsan, na magsalita at umasal sa isang bukas at tuwirang paraan, na huwag maging isang kasuklam-suklam at napakababang tao, na huwag gumawa ng mga ubod ng sama at kahiya-hiyang bagay nang palihim, at na huwag mamuhay sa kadiliman, pero hindi mo maisakatuparan ang anuman sa mga ito. Nakakaramdam ka rin ng matinding pagkabagabag, iniisip mo: “Bakit hindi ako makaasal sa isang matuwid at marangal na paraan?” Habang pinagninilayan mo ang iyong mga nakaraang kilos, nakakaramdam ka ng bahagyang paghamak. Kinamumuhian at kinasusuklaman mo ang masamang kalakarang ito at ang masamang mundong ito, at kasabay nito, matindi mong kinasusuklaman kung sino ka nga ngayon, pero hindi mo magawang baguhin ang kasalukuyan mong sitwasyon. Bagama’t ang iyong mga magulang, sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa, ay nagbigay ng anting-anting na ito sa iyo, pakiramdam mo pa rin na ang iyong buhay ay kulang sa kaligayahan, sa pakiramdam ng seguridad, at integridad at dignidad. Habang nakakaramdam ka ng pasasalamat sa iyong mga magulang para sa pagbibigay sa iyo ng anting-anting na ito, kinasusuklaman mo rin sila sa paglalagay ng kadenang ito sa iyo. Hindi mo naiintindihan kung bakit sinabi sa iyo ng iyong mga magulang na umasal ka sa ganitong paraan, kung bakit kailangan mong umasal nang ganito para maging matatag sa lipunan, para maging bahagi ng grupong panlipunang ito, at para maprotektahan ang iyong sarili. Bagama’t isa itong anting-anting, isa rin itong uri ng kadena, ipinaparamdam sa iyo ang kapwa pagmamahal at pagkamuhi sa puso mo. Subalit ano ang magagawa mo? Wala kang tamang landas sa buhay, walang nagsasabi sa iyo kung paano mamuhay o kung paano harapin ang mga bagay na sasapit sa iyo, at walang nagsasabi sa iyo kung tama ba o mali ang ginagawa mo, o kung paano mo dapat tahakin ang landas na nasa harapan mo. Maaari ka na lamang dumanas ng pagkalito, kalabuan, pasakit, at pagkabagabag. Ang mga ito ang mga kahihinatnan ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang at pamilya. Gusto mong makawala mula sa mga pilosopiya at taktikang ito para sa pakikitungo sa mundo, na maging isang simpleng tao, at umasal sa isang matuwid at marangal na paraan, pero maging ang simpleng kagustuhang ito ay hindi maisakatuparan. Maaari ka na lamang mamuhay sa isang naduduwag na paraan, mamuhay sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso upang maprotektahan ang iyong sarili, at mamuhay alang-alang sa iyong imahe, nagkukunwaring malakas, dakila, kahanga-hanga, at pambihira para magbantay laban sa iba at maiwasang maapi—maaari ka na lamang mamuhay nang labag sa iyong kalooban nang ganito. Ang lahat ng ito ay nagiging dahilan para kasuklaman mo ang iyong sarili, pero wala kang magagawa. Dahil wala kang abilidad o landas para matakasan ang mga pamamaraan at taktikang ito para sa pakikitungo sa mundo, ang magagawa mo lang ay hayaan ang iyong sarili na mamanipula ng mga kaisipang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya at mga magulang. Ang mga tao ay pawang naloloko at nakokontrol ng mga kaisipang ito sa panahon ng hindi namamalayang prosesong ito. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan o kung paano sila dapat mamuhay, kaya tinatanggap na lamang nila ang sitwasyong ito. Kahit na may kaunting kamalayan ang iyong konsensiya, at mayroon kang munting pagnanais na isabuhay ang kaunting wangis ng tao, maging walang pagbabantay at paghihinala sa iba, tratuhin nang patas ang iba paano ka man nila tratuhin, at huwag gumanti sa mga tao kahit na hindi sila patas sa iyo—bagama’t nasa tama ang iyong puso, anuman ang mga pagnanais mo, hindi mo matatakasan ang pagkondisyon at pagkontrol ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na ipinamana sa iyo ng iyong pamilya. Sa huli, maaari ka na lamang magpatuloy na mamuhay ayon sa kaisipan at pananaw na “Huwag kailanman ilayon na pinsalain ang iba, ngunit palaging maging mapagbantay laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo,” dahil wala kang ibang landas na tatahakin—wala kang pagpipilian. Ang lahat ng ito ay sanhi ng hindi pag-unawa ng mga tao sa katotohanan at pagkabigong makamit ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (14)

Talababa:

a. “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso” ay isang kasabihang Tsino na nangangahulugang ang panlabas na anyo at kilos ng isang tao ay malinaw sa paningin, ngunit ang kanyang panloob na puso at mga kaisipan ay mahirap basahin at kilatisin.


Bakit ang mga tradisyonal na kulturang ito ay hindi ang katotohanan? Ang pinakapunto nito ay na ang mga bagay na ito ay mga ideya na lumitaw pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang mga ito ay hindi nagmumula sa Diyos. Ang mga ito ay nadungisan ng ilang imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao, at higit pa rito, ang mga ito ang mga kinahinatnan ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sinasamantala ni Satanas ang mga ideya, pananaw, at lahat ng uri ng kasabihan at argumento ng tiwaling sangkatauhan para igapos at gawing tiwali ang pag-iisip ng mga tao. Kung gagamitin ni Satanas ang ilang bagay na halatang kakatwa, walang katuturan, at mali para ilihis ang mga tao, magkakaroon ng pagkilatis ang mga tao; matutukoy nila ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali, at gagamitin nila ang pagkilatis na ito para itatwa at kondenahin ang mga bagay na iyon. Kaya, ang ganitong pagtuturo ay hindi kayang manindigan kapag sinuri. Gayumpaman, kapag si Satanas, para makondisyon, maimpluwensiyahan at maitanim sa isipan ng mga tao, ay gumagamit ng ilang ideya at teorya na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at na sa tingin nito ay kayang manindigan sa pagsusuri kapag binigkas nang malakas, madaling nalilihis ang sangkatauhan, at madali ring tinatanggap at ipinalalaganap ng mga tao ang mga kasabihang ito, kung kaya nananatili ang mga kasabihang ito sa sunod-sunod na henerasyon, hanggang sa kasalukuyan. Halimbawa, tingnan ang ilang kuwento tungkol sa mga bayani ng Tsina, tulad ng mga makabayang kuwento tungkol kay Yue Fei, sa mga heneral ng pamilya Yang, at kay Wen Tianxiang. Paanong naipasa ang mga ideyang ito hanggang sa kasalukuyan? Kung titingnan natin ito mula sa aspekto ng mga tao, sa bawat panahon ay may isang uri ng tao o isang uri ng pinuno na patuloy na gumagamit sa mga halimbawang ito at gumagamit sa mga ideya at espiritu ng mga katauhang ito para turuan ang sunod-sunod na henerasyon ng mga tao, para masunurin at maamong tanggapin ng sunod-sunod na henerasyon ng mga tao ang kanyang pamumuno, at sa gayon ay madali niyang mapamahalaan ang sunod-sunod na henerasyon ng mga tao, at gawing mas matatag ang kanyang pamumuno. Sa pamamagitan ng pagtatalakay tungkol sa bulag na debosyon ni Yue Fei at sa mga heneral ng pamilya Yang, pati na rin sa makabayang espiritu nina Wen Tianxiang at Qu Yuan, tinuturuan niya ang kanyang mga nasasakupan at ipinapaalam sa kanila ang isang panuntunan, na ang isang tao ay dapat umasal nang may katapatan—ito ang dapat taglayin ng isang tao na may karakter ng marangal na moralidad. Hanggang sa anong antas ng katapatan? Hanggang sa saklaw na “Kapag iniuutos ng emperador sa mga opisyal niya na sila ay mamatay, wala silang magagawa kundi ang mamatay,” at “Ang isang tapat na alagad ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari”—ito ay isa pang kasabihan na pinagpipitagan niya. Pinagpipitagan din niya ang mga nagmamahal sa kanilang bansa. Ang pagmamahal sa sariling bansa ay nangangahulugang pagmamahal sa ano, o kanino? Pagmamahal sa lupa? Pagmamahal sa mga tao rito? At ano ang isang bansa? (Ang mga namumuno.) Ang mga namumuno ang mga kinatawan ng bansa. Kung sasabihin mo na, “Sa totoo lang, ang pagmamahal ko sa aking bansa ay pagmamahal sa aking bayan at sa aking mga magulang. Hindi ko kayo mahal, kayong mga namumuno!” kung gayon ay magagalit sila. Kung sasabihin mo na, “Ang pagmamahal ko sa aking bansa ay pagmamahal para sa mga namumuno, mula sa kaibuturan ng aking puso,” tatanggapin nila ito at sasang-ayunan ang gayong pagmamahal; kung ipapaunawa mo sa kanila at lilinawin na hindi sila ang minamahal mo, kung gayon ay hindi sila sasang-ayon. Sino ang kinakatawan ng mga namumuno sa paglipas ng panahon? (Si Satanas.) Sila ay kumakatawan kay Satanas, sila ay mga kasapi ng grupo ni Satanas, at sila ay mga diyablo. Hindi nila maaaring turuan ang mga tao na sambahin ang Diyos, na sambahin ang Lumikha. Hindi nila maaaring gawin ito. Sa halip, sinasabi nila sa mga tao na ang namumuno ay ang anak ng langit. Ano ang ibig sabihin ng “anak ng langit”? Nangangahulugan ito na pinagkakalooban ng Langit ng kapangyarihan ang isang tao, at ang taong ito ay tinatawag na “anak ng langit” at may kapangyarihang maghari sa lahat ng tao sa ilalim ng langit. Ito ba ay isang ideya na itinatanim sa mga tao ng mga namumuno? (Oo.) Kapag ang isang tao ay naging anak ng langit, ito ay itinakda ng Langit, at ang kalooban ng Langit ay nasa kanya, kaya dapat tanggapin ng mga tao ang pamumuno ng taong iyon nang walang kondisyon, anumang uri ng pamumuno ito. Ang itinatanim nila sa mga tao ay ang ideyang ito, na nagbubunsod sa iyo na tanggapin ang taong iyon bilang anak ng langit batay sa iyong pagkakilala sa pag-iral ng Langit. Ano ang layon ng panghihikayat sa iyo na tanggapin ang taong iyon bilang anak ng langit? Hindi ito para kilalanin mo na mayroong Langit, o na mayroong Diyos, o na mayroong Lumikha, kundi para magawa mong tanggapin ang mismong katunayan na ang taong ito ang anak ng langit, at dahil sa siya ang anak ng langit, na dulot ng kalooban ng Langit, dapat tanggapin ng mga tao ang kanyang pamumuno—ito ang mga uri ng ideyang itinatanim ng mga namumuno. Sa likod ng lahat ng ideyang ito na nabuo mula sa simula ng sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan—kung ang mga hinihimay-himay natin ay mga parirala o idyomang naglalaman ng mga alusyon o mga katutubong salawikain at mga karaniwang kasabihan na ganap na walang alusyon—ay naroroon ang mga gapos at panlilihis ni Satanas sa sangkatauhan, pati na ang mga walang-katotohanang depinisyon ng tiwaling sangkatauhan tungkol sa mga usaping ito mismo. Ano ang impluwensiya nitong walang-katotohanang depinisyon sa sangkatauhan sa mga sumunod na panahon? Ito ba ay mabuti, positibo o negatibo? (Negatibo.) Ito ay likas na negatibo. Halimbawa, ang mga kasabihang “Pagtulog sa mga tuyong sanga at pagdila sa apdo,” at “Itago ang liwanag at mag-ipon ng lakas sa dilim,” at “Pagtitiis sa kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin,” at “Huwag kailanman sumuko,” pati na ang “Magkunwaring gumagawa ng isang bagay habang iba ang ginagawa”—ano ang impluwensiya ng mga kasabihang ito sa sangkatauhan sa mga sumunod na panahon? Ibig sabihin, kapag tinanggap ng mga tao ang mga ideyang ito mula sa tradisyonal na kultura, ang bawat sunod-sunod na henerasyon ng mga tao ay palayo nang palayo sa Diyos, at palayo nang palayo sa paglikha at pagliligtas ng Diyos sa mga tao, at sa Kanyang gawain ng plano ng pamamahala. Sa sandaling tanggapin ng sangkatauhan ang mga maling pananaw na ito mula sa tradisyonal na kultura, lalo nilang nararamdaman na dapat nasa kanilang sariling mga kamay ang tadhana ng tao, at na dapat likhain ng kanilang sariling mga kamay ang kaligayahan, at na ang mga oportunidad ay nakalaan para sa mga taong handa, na nagiging sanhi para lalong itatwa ng sangkatauhan ang Diyos, itatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ihahambing mo kung ano ang gustong pag-usapan ng mga tao sa makabagong panahon at kung ano ang gustong pag-usapan ng mga tao noong nakalipas na dalawang libong taon, ang kahulugan ng kaisipan sa likod ng mga bagay na ito ay talagang pareho. Ang kaibahan lang ay mas partikular nang napag-uusapan ng mga tao sa panahon ngayon ang mga bagay na iyon at mas hayagan na silang magsalita tungkol sa mga ito. Bukod sa itinatatwa nila ang pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lalong lumulubha ang paglaban at pagkondena nila sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)

Ano ang pagkakaiba sa diwa sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng tao, at sa pagitan ng katotohanan at ng doktrina? Ang mga salita ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao na mas magkaroon ng katwiran at konsensiya, kumilos nang may prinsipyo, at mas mapuno ng realidad ng mga positibong bagay ang pagsasabuhay nila. Ang mga salita ng tao, sa kabilang banda, ay maaaring magmukhang ganap na nababagay sa kagustuhan at kuru-kuro ng mga tao, ngunit ang mga ito ay hindi ang katotohanan, puno ang mga ito ng mga patibong, tukso, at mga maling paniniwala at maling kaisipan, at kung kikilos ang mga tao ayon sa mga salitang ito, ang pagsasabuhay nila ay mas malalayo sa Diyos, at sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mas malala, mas magiging masama at katulad ni Satanas ang paraan ng pamumuhay ng mga tao. Kapag ganap na nabubuhay at kumikilos ang mga tao ayon sa mga erehiya at maling kaisipan ng sangkatauhan, kapag tinanggap nila nang buong-buo ang mga argumentong ito, nabubuhay silang katulad ni Satanas. At hindi ba’t ang pamumuhay nang gaya ni Satanas ay nagpapahiwatig na sila ay mga Satanas? (Oo.) “Matagumpay” silang naging mga buhay na Satanas. Sinasabi ng ibang tao, “Hindi ako naniniwala. Gusto ko lang maging isang taong totoo na nagugustuhan ng iba. Nais kong maging isang taong itinuturing ng karamihan na mabuti, at pagkatapos ay titingnan ko kung kinalulugdan ako ng diyos o hindi.” Kung hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos, humayo ka at tingnan, at—alamin kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, o kung ang mga kuru-kuro ng tao ang katotohanan. Ito ang pagkakaiba ng diwa ng mga salita ng Diyos at ng mga salita ng tao. Ito ang pagkakaiba sa diwa sa pagitan ng katotohanan at ng mga maling paniniwala at maling kaisipan. Paano man umaangkop sa panlasa ng tao ang mga maling paniniwala at maling kaisipan, hindi nila maaaring maging buhay ang mga ito kailanman; samantala, gaano man kamukhang madaling unawain ang mga salita ng Diyos, gaano man kapayak, gaano man kasalungat sa mga kuru-kuro ng mga tao ang mga ito, ang diwa ng mga ito ay ang katotohanan, at kung ang ginagawa at isinasabuhay ng mga tao ay naaayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos, kalaunan, balang araw, sila ay magiging mga tunay na nilikha na pasok sa pamantayan, at magkakaroon ng kakayahang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Sa kabaligtaran, kung ang mga tao ay hindi nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos at hindi kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, hindi sila puwedeng maging mga nilikha na pasok sa pamantayan. Ang mga kilos nila at ang landas na tinatahak nila ay itataboy lang ng Diyos; isa itong katunayan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalimang Bahagi)

Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang sinasabi Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na tanging ang mga namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang maaaring ituring na mga normal na tao, ang kayang magprotekta sa kanilang sarili, at kayang maging masagana at gawin ang mga bagay sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi. Ang mga salita ng mga dakila at tanyag na tao ay punong-puno ng karunungan kung pakikinggan at madaling makapanlilihis ng iba. Maaaring panghawakan mo ang kanilang mga salita bilang mga katotohanan o mga kasabihang dapat sundin. Ngunit kung pagdating sa mga salita ng Diyos, sa ordinaryong hinihingi Niya sa mga tao, katulad ng pagiging isang matapat na tao, sa masunurin at masinop na pananatili sa kanyang wastong lugar, at paggampan ng tungkulin ng isang tao bilang nilikha at pag-asal sa praktikal na paraan, hindi mo kayang isagawa ang mga salitang ito at hindi itinuturing ang mga ito bilang mga katotohanan, kung gayon ay hindi ka isang tagasunod ng Diyos. Sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit kung tatanungin ka ng Diyos, “Ang ‘mga katotohanan’ bang isinasagawa mo ay mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos? Ang mga prinsipyo bang itinataguyod mo ay batay sa mga salita ng Diyos?”—paano mo ipapaliwanag ang iyong sarili? Kung ang batayan mo ay hindi ang mga salita ng Diyos, kung gayon, ang isinasagawa mo ay hindi ang katotohanan kundi ang mga pilosopiya ni Satanas. Namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya ni Satanas ngunit sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan. Hindi ba’t paglalapastangan iyon sa Diyos? Halimbawa, tinatagubilinan ng Diyos ang mga tao na maging matapat, ngunit ang ilan ay hindi pinagbubulayan kung ano ang aktuwal na nilalaman na kinabibilangan ng pagiging isang matapat na tao, paano isinasagawa ang pagiging isang matapat na tao, kung anong mga bagay na isinasabuhay at ibinubunyag ng mga tao ang hindi matapat, at anong mga bagay na isinasabuhay at ibinubunyag ng mga tao ang matapat. Sa halip na pagbulayan ang diwa ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, bumabaling sila sa mga aklat ng mga walang pananampalataya. Iniisip nila, “Ang mga kasabihan ng mga walang pananampalataya ay magaganda rin—tinuturuan din ng mga ito ang mga taong maging mabuti! Halimbawa, ‘Payapa ang buhay ng mabubuti,’ ‘Ang mga taong totoo ay laging mananatili,’ ‘Hindi kahangalan na magpatawad ng iba, nagdudulot ito ng mga kapakinabangan kalaunan.’ Ang mga pahayag na ito ay tama rin, at naaayon sa katotohanan!” Kaya, sumusunod sila sa mga salitang ito. Magiging anong klaseng tao sila sa pagsunod sa mga kasabihang ito ng mga walang pananampalataya? Maisasabuhay ba nila ang katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi ba’t maraming tao ang ganito? Mayroon silang kaunting kaalaman—nakapagbasa na sila ng ilang tanyag na obra, nakapagkamit na sila ng ilang kabatiran, at nakarinig na rin ng ilang “salita ng karunungan” mula sa mga dakila at tanyag na tao, pati na rin ng ilang lokal na salawikain, at pagkatapos ay tinatanggap nila ang mga bagay na ito bilang ang katotohanan, kumikilos at gumaganap ng kanilang tungkulin ayon sa mga ito, ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay ng pananalig sa Diyos at iniisip na tinutugunan nila ang puso ng Diyos. Hindi ba’t ito ay pagpapalit ng peke sa totoo? Hindi ba’t ito ay paggamit ng panlilinlang? Sa Diyos, ito ay kalapastanganan! Ang mga bagay na ito ay namamalas sa bawat tao, sa hindi maliit na bilang. Itinuturing nila ang mga kasabihan ng mga tanyag na tao, mga lokal na salawikain, at mga tamang doktrina bilang mga katotohanang dapat itaguyod, habang isinasantabi ang mga salita ng Diyos at ipinagsasawalang-bahala ang mga ito, nabibigong isapuso ang mga ito kahit na ilang beses na itong nabasa, o nabibigong isaalang-alang ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan—sila ba ay mga mananampalataya sa Diyos? Sila ba ay mga tagasunod ng Diyos? (Hindi.) Ang mga gayong tao ay naniniwala sa relihiyon, at sinusunod nila si Satanas, namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito! Sa kanilang puso ay sinasamba nila si Satanas, naniniwala na ang mga salitang sinasabi ni Satanas ay pilosopiko, na ang mga ito ay lubhang mga klasikong salita, mga sikat na kasabihan na may pinakamataas na katotohanan. Kahit ano pang ibang bagay ang isuko nila, hindi nila kayang bitiwan kailanman ang mga salitang ito ni Satanas, na para bang ang pagtalikod sa mga ito ay parang pagkawala ng pundasyon ng kanilang buhay, tila pagtatapon sa kanilang puso. Anong klase ng tao ang mga ito? Sila ay mga tagasunod ni Satanas, at kaya itinuturing nila ang mga sikat na kasabihan ni Satanas bilang mga katotohanang dapat sundin. Anong klaseng disposisyon ito? Mahihimay at mauunawaan ba ninyo ang iba’t ibang kalagayan na nararanasan ninyo sa iba’t ibang konteksto? Bilang halimbawa, ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos at madalas na binabasa ang Kanyang mga salita, ngunit kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay, palagi nilang sinasabi, “Sabi ng nanay ko,” “Sabi ng lolo ko,” “Minsang sinabi ni ganitong sikat na tao,” o “Sabi sa ganitong aklat.” Hindi nila kailanman sinasabi, “Sinasabi ito ng salita ng Diyos,” “Ganoon ang mga hinihingi sa atin ng Diyos,” “Sinasabi ito ng Diyos.” Hindi nila kailanman sinasabi ang mga salitang ito. Sinusunod ba nila ang Diyos? (Hindi.) Madali ba para sa mga tao na matuklasan ang mga kalagayang ito? Hindi, ngunit ang pag-iral ng mga ito sa mga tao ay nakamamatay. Maaaring naniniwala ka na sa Diyos sa loob ng tatlo, lima, walo, o sampung taon, subalit hindi mo pa rin alam kung paano magpasakop sa Diyos o isagawa ang mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari sa iyo, ginagawa mo pa ring batayan ang mga salita ni Satanas, naghahanap ka pa rin ng batayan sa tradisyonal na kultura. Iyan ba ay pananalig sa Diyos? Hindi mo ba sinusunod si Satanas? Namumuhay ka ayon sa mga salita ni Satanas at namumuhay ayon sa disposisyon ni Satanas, kaya hindi ba’t nilalabanan mo ang Diyos? Dahil hindi mo isinasagawa o isinasabuhay ang salita ng Diyos, hindi sumusunod sa mga yapak ng Diyos, at hindi makaabot sa isang kalagayan kung saan nagpapasakop ka anuman ang sabihin ng Diyos at anuman ang Kanyang isaayos, isa ka pa rin bang mananampalataya sa Diyos? Wala kang tunay na pananalig; may katayuan pa rin si Satanas sa iyong puso, at sinusunod mo pa rin ito. Nasaan si Satanas? Si Satanas ay nasa puso ng mga tao. Ang mga pilosopiya, lohika at patakaran, at iba’t ibang mala-diyablong salita ni Satanas ay matagal nang nag-ugat sa puso ng mga tao. Ito ang pinakaseryosong problema. Kung hindi mo malulutas ang problemang ito sa pananalig mo sa Diyos, hindi ka maliligtas ng Diyos. Samakatwid, dapat palagi ninyong ihambing sa mga salita ng Diyos ang lahat ng ginagawa ninyo, ang inyong mga iniisip at pananaw, at ang inyong batayan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at himayin ang mga bagay-bagay sa inyong isipan. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga bagay na nasa inyong kalooban ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lokal na salawikain, tradisyonal na kultura, pati na rin kung alin ang nagmula sa kaalamang intelektuwal. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga ito ang palagi ninyong pinaniniwalaang tama at alinsunod sa katotohanan, alin ang sinusunod ninyo na para bang iyon ang katotohanan, at alin ang pinapayagan ninyong pumalit sa katotohanan. Kailangan ninyong himayin ang mga bagay na ito. Sa partikular, kung tinatrato mo ang mga bagay na sa tingin mo ay tama at mahalaga bilang ang katotohanan, hindi madaling makilatis ang mga ito. Ngunit kung makikilatis mo man ang mga ito, nalagpasan mo na ang isang malaking balakid. Ang mga bagay na ito na kay Satanas ay mga balakid sa mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Kung palaging magulo ang isip mo at wala kang ginagawa, at hindi mo isinasaalang-alang ang mga bagay na ito o hindi ka tumutuon sa paglutas sa mga problemang ito, kung gayon ay ang mga ito ang ugat ng iyong karamdaman at ang lason sa iyong puso. Kung hindi maaalis ang mga ito, mawawalan ka ng kakayahang tunay na sundin ang Diyos, at hindi mo maisasagawa ang katotohanan o makapagpapasakop sa Diyos, at wala kang magagawa upang matamo ang kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsasagawa ng mga Ritwal na Panrelihiyon

Anuman ang mangyari, kung umaasa ka man sa mga pilosopiya ni Satanas at gumagamit ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, o hinahanap mo man ang katotohanan at nilulutas ito ayon sa mga salita ng Diyos, o nagkokompromiso ka man at lumalagay sa gitna—paano ka man aktuwal na pumili—ang pinakanagbubunyag sa kung isa ka mang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung lagi mong pinipili na lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng pag-asa sa mga pilosopiya ni Satanas at mga pamamaraan ng tao, ang kahihinatnan nito ay na hindi mo makakamit ang katotohanan, ni ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Bukod pa rito, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, madalas mo Siyang lalabanan, at sa huli ay itataboy at ititiwalag ka Niya. Pero kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay at lutasin ang mga iyon nang ayon sa mga salita ng Diyos, makakamit mo ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay lilinaw nang lilinaw, at makikilala mo nang higit pa ang Diyos; sa ganitong paraan ay tunay ka nang makapagpapasakop at makaiibig sa Diyos. Pagkatapos magsagawa at dumanas nang ganito nang ilang panahon, lilinis nang lilinis ang mga tiwaling disposisyon mo, at mababawasan nang mababawasan ang mga pagkakataong naghihimagsik ka sa Diyos, hanggang sa kalaunan ay makakamit mo ang ganap na pagkakaayon sa Kanya. Kung lagi mong pinipili na magkompromiso at lumagay sa gitna, sa totoo lang ay umaasa ka pa rin sa mga pilosopiya ni Satanas para mapangasiwaan ang mga problema. Sa ganitong pamumuhay ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ibubunyag ka lang at ititiwalag. Kung pinili mo ang maling paraan ng pananampalataya sa Diyos, ang relihiyosong paraan, kailangan mong agad na umalis sa maling landas, tumigil bago lumala ang mga bagay, at tumahak sa tamang daan. Kung magkaganoon ay maaaring may pag-asa pa na makamit mo ang kaligtasan. Kung gusto mong makamit ang tamang paraan ng pananampalataya sa Diyos, kailangan mong maghanap at mangapa para dito nang mag-isa. Pagkatapos ng isang panahon ng pagdanas ay mahahanap ng isang taong mayroong espirituwal na pang-unawa ang tamang landas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahangad Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Dapat ba Tayong Umasal Ayon sa Tradisyonal na Pagpapahalaga?

Huwag Pagdudahan ang mga Taong Kinukuha Mo sa Trabaho: Tama Ba Iyon?

Mga Pagninilay sa “Ang Ayaw Mong Gawin sa Iyo, Huwag Mong Gawin sa Kapwa Mo”

Sinundan:  7. Paano makilatis ang kalikasang diwa ng mga tiwaling tao

Sumunod:  9. Paano harapin ang mapungusan

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger