19. Paano lutasin ang problema ng pagmamataas at kapalaluan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Simula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, ang kanilang kalikasan, na siya ring diwa nila, ay nagbago. Kung gayon, ano ang diwa ng tao? Ang tinutukoy Ko ngayon ay ang diwa at kalikasan ng lahat ng tao, at hindi ito nakadirekta sa isang partikular na indibidwal. Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang lumala ang kanilang kalikasan, at unti-unting nawala ang katwirang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos ngayon bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding ambisyon; nalampasan na nila ang posisyon ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas pa. Ano ang tinutukoy ng “mas mataas” na ito? Nais nilang lampasan ang Diyos, lampasan ang kalangitan, at lampasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagbubunyag ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Sa pinakakaibuturan, ito ay dahil masyadong mayabang ang disposisyon ng tao. Nauunawaan ng karamihan ng tao ang kahulugan ng salitang “kayabangan.” Isa itong termino na may negatibong kahulugan. Kung ang isang tao ay nagbubunyag ng kayabangan, iniisip ng iba na hindi siya isang mabuting tao. Kapag may isang taong masyadong mayabang, inaakala palagi ng iba na isa siyang masamang tao. Walang sinumang gustong mabansagan ng ganito. Gayunman, ang totoo, lahat ay mayabang, at lahat ng tiwaling tao ay may ganitong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mayabang kahit kaunti. Hindi ko ginusto kailanman na maging arkanghel, ni hindi ko ginusto kailanman na higitan ang Diyos, o higitan ang lahat ng iba pa. Noon pa man ay isa na akong taong partikular na mabait at alam ang posisyon ko.” Hindi ganoon palagi; hindi tama ang mga salitang ito. Ang mga tao ay may mayabang na kalikasan at diwa, kaya nagagawa nilang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagkakanulo sa Kanya, at gumawa ng mga bagay na nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na ipinagkatiwala sa iyo ang isang iglesia para pamunuan mo, at hindi kita pinungusan, at walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo. Matapos mo itong pamunuan sa loob ng ilang panahon, dadalhin mo ang mga tao sa iyong paanan, at pasusunurin mo ang lahat sa iyo, maging hanggang sa puntong mataas ang magiging tingin nila sa iyo at titingalain ka nila. Paanong nangyari ito? Itinatakda ito ng iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na pagbubunyag. Hindi mo kailangang sadyang matutunan ito mula sa iba, ni hindi kailangang sadyang ituro ito sa iyo ng iba, o utusan o pilitin kang gawin ito—likas na nangyayari ang ganitong klase ng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay naglalayong itaas ka ng mga tao, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Kapag inilalagay ka sa isang posisyon ng pamumuno, likas mong ibinubunga ang sitwasyong ito, at hindi mo ito mababago kahit pa gusto mo. At paano nabuo ang sitwasyong ito? Itinatakda ito ng mayabang na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Ang mga tao ay mayabang, palalo, at mapagmagaling, kaya may kakayahan silang magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan. May kakayahan din silang hilahin ang mga tao sa kanilang kontrol at isailalim ang mga ito sa kanilang impluwensiya. Ang katunayan na ang mga tao ay napakayabang na may kakayahan silang magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian ay nagpapatunay na ang kanilang kalikasang diwa ay Satanas, na ito ay ang arkanghel. Kung ang mga tao ay mayabang at palalo hanggang sa isang partikular na antas, hindi magkakaroon ng Diyos sa puso nila, isasantabi nila ang Diyos, at nanaisin nilang maging Diyos, at pasusunurin ang lahat sa kanila. Kung gayon, magiging mga arkanghel na sila. Kung taglay mo ang mayabang na kalikasan ni Satanas, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos, at ititiwalag ka Niya bilang isang masamang tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos
Maraming uri ng mga tiwaling disposisyon na kabilang sa mga satanikong disposisyon, pero ang isa na pinakahalatang-halata at pinakanamumukod-tangi ay ang mapagmataas na disposisyon. Pagmamataas ang ugat na dahilan ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas wala silang katwiran, at kapag mas wala silang katwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Dahil ang mga tao ay may mga mapagmataas na disposisyon, hindi lang sila walang pagpapahalaga sa sinuman, kundi, ang pinakamalala, wala man lang silang pagpapahalaga sa Diyos, at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso kahit kaunti. Bagama’t nananampalataya sa Diyos ang mga tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng pagmamataas. Ang pagtingin sa lahat bilang mababa kaysa sa sarili ay isang maliit na usapin. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa mga tao ang isang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at sa Kanyang mga pagsasaayos, at dahil din dito, palaging sinusubukan ng mga tao na makipagkompetensiya sa Diyos para sa kapangyarihan at kontrolin ang iba. Ang ganitong tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso ni katiting, lalong hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at palalo, lalo na iyong mga sobrang mapagmataas na nawalan na sila ng katwiran, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang pananampalataya sa Kanya, at sarili pa nga nila ang kanilang itinataas at pinatototohanan. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kung mayroon kang isang mapagmataas at palalong disposisyon, kung gayon, ang pagsabihan na huwag labanan ang Diyos ay hindi magiging epektibo, dahil hindi mo mapipigilan ang iyong sarili—isa itong bagay na hindi mo makokontrol. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito sa ilalim ng pangingibabaw ng iyong mapagmataas at palalong kalikasan. Ang iyong pagmamataas at kapalaluan ay magtutulak sa iyo na hamakin ang Diyos at balewalain Siya; magtutulak sa iyo na maging mahilig na itaas ang iyong sarili, at magdudulot sa iyo na ibandera ang iyong sarili sa bawat pagkakataon; magtutulak sa iyo na maliitin mo ang iba, at walang ititira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang posisyon ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito na umupo ka sa puwesto ng Diyos at pilitin ang mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para sambahin mo ang sarili mong mga ideya, kaisipan, at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao sa ilalim ng pangingibabaw ng kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw ay pangunahing nakatuon sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang kayabangan ay sumasaklaw sa maraming bagay, sa maraming tiwaling disposisyon; ang paghatol at pagkastigo ay direktang pinupuntirya ang salitang ito, “kayabangan,” upang ganap na maalis ang mayabang na disposisyon ng mga tao. Sa huli, hindi na maghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, kaya, hindi na sila magsisikap na magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, ni magtataas o magpapatotoo sa kanilang sarili—hindi nila gagawin ang gayong mga bagay na ubod ng sama—at hindi magkakaroon ng labis na mga hinihingi sa Diyos. Sa ganitong paraan, maiwawaksi na nila ang kanilang mayabang na disposisyon. Ang kayabangan ay maraming pagpapamalas. Halimbawa, sabihin nating ang isang taong nananampalataya sa Diyos ay pilit na humihingi ng Kanyang biyaya—sa anong batayan mo ito puwedeng hingin? Isa kang taong ginawang tiwali ni Satanas, isang nilikha; ang katunayang nabubuhay ka at humihinga ay ang pinakadakila na sa mga biyaya ng Diyos. Maaari mong matamasa ang lahat ng nilikha ng Diyos sa lupa. Sapat na ang ibinigay sa iyo ng Diyos, kaya bakit ka pilit na hihingi sa Kanya ng higit na biyaya? Ito ay dahil hindi kailanman nakokontento ang mga tao sa kanilang buhay. Palagi nilang iniisip na mas mataas sila kaysa sa iba, na dapat silang magkaroon ng higit pa, kaya palagi silang pilit na humihingi ng biyaya mula sa Diyos. Kinakatawan nito ang kanilang mayabang na disposisyon. Hindi man sabihin ng kanilang bibig, sa panahong unang magsimulang manampalataya ang mga tao sa Diyos, maaaring iniisip nila sa kanilang puso na, “Gusto kong mapunta sa langit, hindi sa impiyerno. Gusto kong hindi lamang ako ang pagpalain, kundi ang buong pamilya ko. Gusto kong kumain ng masasarap na pagkain, magsuot ng magagandang damit, magtamasa ng magagandang bagay. Gusto ko ng isang mabuting pamilya, isang mabuting asawa at mabubuting anak. Sa huli, gusto kong gumamit ng kapangyarihan bilang hari.” Lahat ito ay tungkol sa kanilang mga pilit na hinihingi at hinihiling. Ang disposisyon nilang ito, ang mga bagay na ito na iniisip nila sa kanilang puso, ang labis-labis na mga pagnanais na ito—lahat ng ito ay kumakatawan sa mayabang na kalikasan ng tao. Bakit Ko nasasabi ito? Dapat malinaw sa mga tao kung ano ang kanilang katayuan. Ang tao ay isang nilikha na nagmula sa alabok; binuo ng Diyos ang tao mula sa luwad, at hiningahan siya ng hininga ng buhay, ginawa siyang buhay na tao. Gayon ang abang katayuan ng tao, subalit humaharap pa rin ang mga tao sa Diyos at humihingi ng ganito at ganoon. Dahil napakawalang-dangal ng katayuan ng tao, hindi siya dapat magbuka ng bibig at humingi ng anumang biyaya o mga pagpapala mula sa Diyos. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao? Dapat silang gumawa nang masipag nang walang reklamo, magpunyagi, at kusang-loob na magpasakop. Kung sasabihin mo na ito ay maluwag sa loob na pagtanggap sa isang mababang ranggo, hindi iyon magiging angkop; ipinanganak ang mga tao na may ganitong uri ng katayuan, at dahil lamang sa kanilang kayabangan kaya napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Kaya, dapat magpasakop at magpakumbaba ang mga tao, dahil ang pagiging mababa ang mismong katayuan ng tao. Hindi dapat humingi ng mga bagay ang mga tao mula sa Diyos o magkaroon ng labis-labis na mga pagnanais sa Kanya. Dapat walang ganitong mga bagay na matatagpuan sa kanila. Narito ang isang simpleng halimbawa. Ang isang mayamang pamamahay ay umupa ng isang utusan. Ang posisyon ng utusan na ito sa mayamang pamamahay ay napakababa, ngunit gayumpaman ay sinabi niya sa amo, “Gusto kong isuot ang sombrero ng anak mo, gusto kong kainin ang kanin niya, gusto kong isuot ang mga damit niya, at gusto kong matulog sa kama niya. Anuman ang ginagamit niya, ginto man o pilak, gusto ko ang mga ito! Malaki ang kontribusyon ko sa aking trabaho, at nakatira ako sa bahay mo, kaya may ganap na karapatan akong hingin ang mga bagay na ito!” Paano siya dapat tratuhin ng amo? Sasabihin ng amo, “Dapat mong malaman kung anong uri ng bagay ka, kung ano ang iyong papel: Isa kang utusan. Ibinibigay ko sa anak ko ang gusto niya, dahil iyon ang katayuan niya. Ano ang katayuan mo, ang iyong pagkakakilanlan? Hindi ka kalipikadong hilingin ang mga bagay na ito. Dapat kang kumilos at gawin kung ano ang dapat mong gawin, isakatuparan mo ang mga obligasyon mo, ayon sa iyong katayuan at pagkakakilanlan.” May anumang katwiran ba ang gayong tao? Maraming mananampalataya sa Diyos na walang katwiran. Mula sa simula ng pananampalataya sa Diyos, mayroon silang mga lihim na motibo, at pagkatapos, walang tigil silang pilit na humihingi sa Diyos: “Kailangang nasa akin ang gawain ng Banal na Espiritu habang ipinapangaral ko ang ebanghelyo! Kailangan Mo rin akong patawarin at pakitaan ng pagtitimpi kapag gumawa ako ng masasamang bagay! Kung marami akong ginagawang gawain, kailangan Mo akong gantimpalaan!” Sa madaling salita, ang mga tao ay palaging naghahangad ng mga bagay-bagay mula sa Diyos, palagi silang sakim. Ang ilang tao na nakagawa ng kaunting gawain at nakapamuno nang napakaayos sa isang iglesia ay nag-iisip na nakahihigit sila kaysa sa iba, at kadalasang nagpapakalat ng mga salitang tulad ng: “Bakit ako inilalagay ng Diyos sa isang mahalagang posisyon? Bakit palagi Niyang binabanggit ang pangalan ko? Bakit palagi Niya akong kinakausap? Mataas ang tingin sa akin ng Diyos! Ito ay dahil may kakayahan ako at dahil nakaaangat ako sa mga ordinaryong tao. Naiinggit pa nga kayo na tinatrato ako ng Diyos nang mas mabuti. Ano ang dapat ninyong ikainggit? Hindi ba ninyo nakikita kung gaano karami ang ginagawa kong gawain at kung gaano kalaki ang isinasakripisyo ko? Hindi kayo dapat mainggit sa anumang magagandang bagay na ibinibigay sa akin ng Diyos, dahil karapat-dapat ako sa mga ito. Maraming taon na akong gumagawa ng gawain at labis akong nagdusa. Nakapagbigay na ako ng mga ambag at mayroon akong personal na puhunan.” May iba na nagsasabing, “Tinulutan ako ng Diyos na sumali sa mga pagpupulong ng magkakatrabaho at makinig sa Kanyang pagbabahagi. Mayroon akong personal na puhunan—mayroon ba kayo niyon? Una, mayroon akong mataas na kakayahan, at hinahangad ko ang katotohanan nang higit sa inyo. Bukod dito, ginugugol ko ang aking sarili nang higit sa inyo at nagbayad ako ng mas malaking halaga kaysa sa inyo, at kaya kong tapusin ang gawain ng iglesia—kaya ba ninyo iyon?” Ito ay kayabangan. Ang magkakaibang tao ay nakakakuha ng magkakaibang resulta sa mga tungkulin at gawaing ginagawa nila. Ang ilan ay may magagandang resulta, samantalang ang iba ay may hindi magagandang resulta. Ang ilang tao ay ipinanganak na may mahusay na kakayahan at alam din kung paano hanapin ang katotohanan, kaya mabilis na bumubuti ang mga resulta ng kanilang mga tungkulin. Ito ay dahil sa kanilang mahusay na kakayahan, na paunang itinadhana ng Diyos. Gayumpaman, kung mahina ang mga resulta ng iyong tungkulin, paano mo dapat lutasin iyon? Dapat kang patuloy na maghanap sa katotohanan at magsikap, at pagkatapos, unti-unti ka ring makakakuha ng magagandang resulta. Hangga’t nagsusumikap ka para sa katotohanan at nagkakamit sa abot ng iyong mga abilidad, sasang-ayunan ka ng Diyos. Ngunit maganda man o hindi ang mga resulta ng iyong gawain, hindi ka dapat magkaroon ng mga maling ideya. Kahit pa maganda ang mga resulta ng iyong gawain, huwag mong isipin, “Mayroon akong puhunan na nagpapantay sa akin sa Diyos. Mayroon akong puhunan, kaya matatamasa ko ang pagkakaloob ng Diyos ng mga pagpapala. Mayroon akong puhunan, kaya ginagamit ako ng Diyos. Tinutulutan ako ng puhunan ko na mamuno sa iba at pangaralan sila.” Huwag mong ipagpalagay na mayroon kang anumang “puhunan.” Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga kaisipan ang mga tao. Kung mayroon ka ng mga ito, nagpapatunay ito na mali ang posisyon mo, at wala ka man lang pangunahing katwiran na dapat taglayin ng isang tao. Kaya, paano mo maiwawaksi ang iyong mayabang na disposisyon? Hindi mo ito magagawa.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos
Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Mahilig silang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, mahilig silang magdaos ng mga pagtitipon at mangaral, at gusto nilang pinakikinggan sila ng mga tao, iniidolo sila, at pinalilibutan sila ng mga ito. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at gusto nilang bigyang-pansin ng iba ang imaheng ipinipresenta nila. Himayin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pagpapamalas na ito. Ano ang kanilang kalikasan? Kung talagang nagpapakita sila ng mga ganitong pagpapamalas, sapat nang ipakita na sila ay mayabang at palalo, na hindi talaga nila sinasamba ang Diyos, at na naghahangad sila ng mataas na katayuan at gusto nilang magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong imahe ni Satanas. Ang mga partikular na namumukod-tanging aspekto ng kanilang kalikasan ay na mayabang at palalo sila, hindi nila sinasamba ang Diyos, at sinusubukan nilang pasambahin sa kanila ang iba. Ang gayong mga pagpapamalas ay makapagbibigay sa iyo ng napakalinaw na pagkaunawa sa kanilang kalikasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Sinasabi ng ilang tao na wala silang tiwaling disposisyon, na hindi sila mayabang. Anong klaseng mga tao ito? Ang mga ito ay mga taong pinakawalang katwiran, at sila rin ang pinakahangal, pinakamatigas ang ulo, at pinakamayabang sa lahat. Sa katunayan, mas mayabang at mapaghimagsik pa sila kaysa kaninuman; kapag mas sinasabi ng isang tao na wala siyang mga tiwaling disposisyon, mas mayabang siya at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba. Bakit nagagawa ng iba na kilalanin ang sarili nila, at tanggapin ang paghatol ng Diyos, subalit ikaw ay hindi? Espesyal ka ba? Banal na tao ka ba? Namumuhay ka ba nang hiwalay sa mga panlabas na impluwensiya? Hindi mo inaamin na labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, na may mga tiwaling disposisyon ang lahat. Ibig sabihin nito ay hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti, at ikaw ang pinakamapaghimagsik, pinakamangmang, at pinakamayabang sa lahat. Ayon sa iyo, maraming mabubuting tao sa mundo at iilan-ilan lang ang masama—kaya bakit ito puno ng kadiliman, puno ng karumihan at katiwalian, puno ng hidwaan? Bakit, sa mundo ng mga tao, lahat ng tao ay palaging nag-aagawan at naglalabanan? Maging ang mga mananampalataya sa Diyos ay hindi naiiba. Palaging naglalaban-laban at nag-aaway-away ang mga tao. At saan nagmumula ang sigalutang ito? Siyempre, ito ay resulta ng kanilang tiwaling kalikasan, ang mismong pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong may tiwaling kalikasan ay may kayabangan at paghihimagsik na nabubunyag mula sa kanila; iyong mga namumuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon ay palaaway at mapanlaban. Ang mga palaaway at mapanlaban ang pinakamayayabang na tao sa lahat, hindi sila sumusunod kaninuman. Bakit madalas ipinagtatapat ng mga tao ang kanilang mga kasalanan ngunit hindi sila nagsisisi? Bakit sila nananampalataya sa Diyos ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan? Bakit sila nananampalataya sa Diyos nang maraming taon, ngunit hindi nila magawang maging kaayon Niya? Ang lahat ng ito ay dahil sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang sangkatauhan ay palagi nang naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hindi tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at tinatanggihan at kinamumuhian pa nga ang katotohanan. Hindi ito sa kadahilanang masyadong mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kundi sa halip ay dahil masyadong malupit at walang awa na nilalabanan ng mga tao ang Diyos. Kaya nilang gawing kaaway nila ang Diyos at ipako Siya sa krus—hindi ba’t masyadong malupit, mayabang, at walang katwiran ang gayong tiwaling sangkatauhan? Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, Siya ay nahahabag at nagliligtas sa mga tao sa napakalaking antas, at nagpapatawad sa kanilang mga kasalanan—ngunit hindi tinatanggap ng sangkatauhan ang katotohanan kahit kaunti, palagi nilang kinokondena at nilalabanan ang Diyos, at sila ay hindi maipagkakasundo sa Diyos. Nasaan na ang ugnayan ng tao sa Diyos ngayon? Ang tao ay naging kaaway na ng Diyos, ang Kanyang kasalungat. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan upang ilantad, hatulan, at iligtas ang mga tao, pero sadyang hindi ito tinatanggap o pinapansin ng mga tao. Hindi ginagawa ng mga tao ang hinihingi ng Diyos sa kanila; sa halip ay ginagawa nila ang mga bagay na kinamumuhian at kinasusuklaman Niya. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, ngunit itinatakwil Siya ng mga tao. Hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at bukod sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, nakikipagtalo at masuwayin din sila, at hinuhusgahan at kinokondena pa nga nila Siya. Gaano kayabang ang mga tao? Wala silang ni katiting na konsensiya o katwiran. Ang tiwaling sangkatauhan ay pangahas na itinatatwa at nilalabanan ang Diyos. Kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, palagi silang naghahangad ng malaking pagpapala, gantimpala, at pagpasok sa kaharian ng langit; gusto rin nilang gumamit ng kapangyarihan bilang mga hari. Ito ang modelong representasyon ng kayabangan, ang mismong tiwaling disposisyon ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos
Sinasabi ng ilang tao, “Sa sambahayan ng Diyos, hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos, dahil ang Diyos lamang ang nagtataglay ng katotohanan; hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, mayroon silang tiwaling mga disposisyon, hindi maaasahan ang anumang sinasabi nila, kaya sa Diyos lang ako nagpapasakop.” Tama ba sila sa pagsasabi nito? (Hindi.) Bakit hindi? Anong uri ng disposisyon ito? (Ito ay mapagmataas at palalo.) (Ang disposisyon ni Satanas at ang disposisyon ng arkanghel.) Isa itong mapagmataas na disposisyon. Huwag ninyong laging sabihin na disposisyon ito ni Satanas o disposisyon ng arkanghel, masyadong masaklaw ang ganitong pananalita at malabo ito, mahirap para sa mga tao na maunawaan. Sabihin na lang na isa itong mapagmataas na disposisyon; mas partikular ito. … Ang ilang tao ay may ilang kalakasan, ilang kaloob, ilang katalinuhan, at nakagawa sila ng ilang gawa para sa iglesia, kaya iniisip nila, “Kabilang sa inyong pananalig sa Diyos ang buong araw na pagbabasa at pagkopya sa salita ng Diyos, pagsusulat, pagsasaulo ng salita ng Diyos, at kumikilos kayo na parang isang espirituwal na tao. Ano ang saysay niyon? Makagagawa ba kayo ng anumang tunay? Paano kayo magiging espirituwal kung wala naman kayong kayang gawin? Wala kayong buhay. Mayroon akong buhay, ang lahat ng ginagawa ko ay tunay.” Anong disposisyon ito? Mayroon silang ilang kalakasan, ilang kaloob, kaya nilang gumawa ng ilang mabuting bagay, at itinuturing nila ang mga ito bilang buhay. Bilang resulta, wala silang sinusunod na sinuman, minamaliit nila ang lahat, hindi sila natatakot na pangaralan ang sinuman—hindi ba’t pagmamataas ito? (Oo.) Ito ay pagiging mapagmataas. Sa ano-anong sitwasyon kadalasang nagbubunyag ng pagiging mapagmataas ang mga tao? (Kapag iniisip ng isang tao na mayroon siyang puhunan dahil lang mayroon siyang ilang kaloob o kalakasan, at dahil nakakagawa siya ng ilang tunay na bagay; pagkatapos ay magbubunyag siya ng isang mapagmataas na disposisyon.) Isang uri iyan ng sitwasyon. Kung gayon, hindi ba mapagmataas ang mga taong walang kaloob o anumang kalakasan? (Mapagmataas din sila.) Madalas sabihin ng taong katatapos lang nating pag-usapan, “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos,” at matapos itong marinig, iisipin ng mga tao, “Napakamapagpasakop ng taong ito sa katotohanan, hindi siya nagpapasakop sa iba kundi sa katotohanan lang, tama ang sinasabi niya!” Ang totoo, napapaloob sa tila wastong mga salitang ito ang isang uri ng mapagmataas na disposisyon: Malinaw na ang ibig sabihin ng “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos” ay na hindi siya nagpapasakop sa sinuman. Tatanungin Ko kayo, talaga bang nakakapagpasakop sa Diyos ang mga nagsasabi ng gayong mga salita? Hindi sila kailanman makakapagpasakop sa Diyos. Ang mga nagsasabi ng gayong mga salita ay walang dudang ang mga pinakamapagmataas sa lahat. Sa panlabas, tila tama ang sinasabi nila—pero ang totoo, ito ang pinakatusong paraan kung saan naipapamalas ang mapagmataas na disposisyon. Ginagamit nila itong “maliban sa Diyos” para subukang patunayan na nagtataglay sila ng katwiran, pero ang totoo, gaya iyon ng pagbabaon ng ginto at paglalagay ng karatula sa ibabaw na nagsasabing “Walang nakabaong ginto rito.” Hindi ba’t kahangalan ito? Ano ang masasabi ninyo, aling uri ng tao ang pinakamapagmataas? Ano ang ilang bagay na sasabihin ng mga pinakamapagmataas na tao? Marahil ay nakarinig na kayo noon ng ilang mapagmataas na salita. Alam ba ninyo kung ano ang pinakamapagmataas na salitang masasabi? May nangangahas bang sabihin, “Hindi ako nagpapasakop sa sinuman—maging sa Langit o lupa, ni sa mga salita ng Diyos”? Tanging ang malaking pulang dragon, ang masamang diyablong ito, ang nangangahas na sabihin ito. Walang sinumang nananampalataya sa Diyos ang magsasabi nito. Gayunman, kung sinasabi ng mga nananampalataya sa Diyos na, “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos,” hindi sila gaanong naiiba sa malaking pulang dragon, magkapantay sila sa pagiging numero uno sa mundo, at sila ang pinakamapagmataas sa lahat. Ano ang masasabi ninyo, mapagmataas ang lahat ng tao, pero mayroon bang pagkakaiba sa pagiging mapagmataas nila? Saan ninyo nakikita ang pagkakaiba? Ang lahat ng tiwaling tao ay may mapagmataas na disposisyon, pero may mga pagkakaiba sa pagiging mapagmataas nila. Kapag umabot na sa isang antas ang pagiging mapagmataas ng isang tao, ganap nang nawala ang kanyang katwiran. Ang pagkakaiba ay kung may katwiran ba sa sinasabi ng isang tao. Mapagmataas ang ilang tao ngunit mayroon pa ring kaunting katwiran. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, may pag-asa pa sila sa kaligtasan. Ang ilan ay sobrang mapagmataas na wala na silang katwiran—sa kolokyal na pananalita, lagpas sa mga hangganan ang kanilang pagiging mapagmataas—at hindi kailanman matatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan. Kung sa sobrang mapagmataas ng mga tao ay wala na silang katwiran, ganap silang walang kahihiyan at hangal na mapagmataas lang sila. Ang lahat ng ito ay mga pagbubunyag at pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Mayroong ilang tao na madalas lumalabag sa mga prinsipyo kapag kumikilos sila at hindi sila tumatanggap ng pagpupungos. Malinaw nilang alam sa puso nila na naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng iba, ngunit hindi nila tinatanggap ang mga ito. Ang gayong mga tao ay napakayabang at labis na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba! Bakit Ko sinasabing mayabang sila? Sa kanilang pagtanggi na tumanggap ng pagpupungos, suwail sila, at hindi ba’t ang pagkasuwail ay kayabangan? Iniisip nila na mahusay silang gumagawa, at hindi nila iniisip na nakakagawa sila ng anumang maling gawa, na nangangahulugang hindi nila kilala ang kanilang sarili at na mayabang sila. Kaya, kailangan mong mabusising suriin ang mga bagay na ginawa mo. Ikumpara ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at unti-unting hukayin at himayin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa ganitong paraan mo lamang unti-unting makikilala ang iyong sarili. Habang ginagawa mo ang gawain ng iglesia, kung maaabot mo ang punto na hinahangaan ka ng ibang tao, at nakapagbibigay sila sa iyo ng mga mungkahi at nagiging bukas sila sa iyo sa pagbabahaginan, nagpapatunay ito na nagawa mo nang maayos ang iyong gawain. Kung palaging nalilimitahan ang mga tao dahil sa iyo, unti-unti ka nilang makikilatis at lalayuan ka nila. Nagpapatunay ito na wala kang katotohanang realidad, kung magkagayon, ang lahat ng sinasabi mo ay tiyak na mga salita at doktrina lamang, at nakakalimita sa iba. Ang ilang lider ng iglesia ay natatanggal, at bakit sila natatanggal? Ito ay dahil nagsasalita lamang sila ng mga salita at doktrina, palaging nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sasabihin ng gayong mga lider na ang paglaban sa kanila ay paglaban sa Diyos, at ang sinumang nag-uulat ng mga nangyayari sa ang Itaas ay kumakalaban sa kanila at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Anong klaseng problema ito? Naging napakayabang na ng mga taong ito na wala na silang katwiran. Ibinubunyag nila ang kanilang sarili bilang mga anticristo, hindi ba? Kung lalala pa ang mga bagay-bagay, hindi ba’t magsisimula silang magtayo ng sarili nilang nagsasariling kaharian? Sasambahin sila at patototohanan sila ng ilang taong kasisimula pa lang manampalataya, at labis nila itong ikasisiya, at lubos silang malulugod. Ang isang taong ganito kayabang ay tiyak nang mapapahamak. Na nagagawa nilang sabihin “ang paglaban sa akin ay paglaban sa diyos” ay nagpapakita na naging isa na silang makabagong Pablo; ang kalikasan ng kanilang mga salita ay walang ipinagkaiba kay Pablo nang sabihin niya, “Sa akin ang mabuhay ay si cristo.” Hindi ba’t nasa malaking panganib ang mga taong nagsasalita nang ganito? Kahit pa hindi sila magtatag ng mga nagsasariling kaharian, sila pa rin ay mga tunay na anticristo. Kung ang gayong tao ay mamumuno sa isang iglesia, mabilis na magiging kaharian ng isang anticristo ang iglesiang iyon. Ang ilang tao, pagkatapos nilang maging mga lider ng iglesia, ay partikular na nakatuon sa pagsasalita ng matatayog na sermon at pagpapakitang-gilas, partikular na sa pagsasalita ng mga misteryo para hangaan sila ng mga tao, at ang resulta ay napapalayo sila nang napapalayo sa katotohanang realidad. Humahantong ito sa pagsamba ng karamihan ng mga tao sa mga espirituwal na teorya. Kung sinuman ang nagsasalita nang matayog, iyon ang pinakikinggan ng mga tao; kung sinuman ang nagsasalita tungkol sa buhay pagpasok, hindi sila pinapansin ng mga tao. Hindi ba’t inililigaw nito ang mga tao? Kung nagbabahagi ang isang tao tungkol sa katotohanang realidad at walang nakikinig, malaking problema iyon. Walang iba kundi ang taong ito ang maaaring mamuno sa iglesia, dahil sinasamba ng lahat ang mga espirituwal na teorya, at ang mga hindi kayang magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya ay hindi kayang manindigan. Maaari pa rin bang makamit ng gayong iglesia ang gawain ng Banal na Espiritu? Makapapasok ba ang mga tao sa katotohanang realidad? Bakit tinatanggihan ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagsasalita tungkol sa mga praktikal na karanasan, hanggang sa puntong ayaw nilang makinig sa Akin na magbahagi sa katotohanan? Nagpapatunay ito na nailigaw at nakontrol na ng lider na ito ang mga taong ito. Ang mga taong ito ay nakikinig at nagpapasakop sa kanya, sa halip na magpasakop sa Diyos. Malinaw na ito ang uri ng mga tao na nagpapasakop sa kanilang lider, sa halip na sa Diyos. Sapagkat ang mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay hindi sasamba o susunod sa mga tao; mayroon silang puwang para sa Diyos sa puso nila, at mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, kaya paanong malilimitahan sila ng mga tao? Paano sila masunuring magpapasakop sa isang huwad na lider na hindi taglay ang katotohanang realidad? Ang pinakakinatatakutan ng isang huwad na lider ay ang isang taong taglay ang katotohanang realidad, isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kung hindi taglay ng isang tao ang katotohanan, subalit gusto niyang pasunurin sa kanya ang iba, hindi ba’t iyon talaga ang pinakamayabang na diyablo? Kung sasarilinin mo ang iglesia o kokontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, nasalungat mo ang disposisyon ng Diyos at sinira mo ang iyong sarili, at maaaring ni wala ka nang pagkakataong magsisi. Bawat isa sa inyo ay dapat mag-ingat; isa itong napakamapanganib na bagay. Napakadali para sa sinuman sa inyo na gumawa ng mga bagay na nagliligaw at kumokontrol sa mga tao. Maaaring may ilan na magsasabi, “Hindi ko talaga gagawin iyon, hindi talaga ako magpapatotoo sa sarili ko o manlilihis ng mga tao!” Iyon ay dahil maikling panahon ka pa lang gumagawa. Sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, unti-unti kang magiging mas mapangahas, at saka ka gagawa ng kasamaan. Kung pagkatapos ay pupurihin at bobolahin ka ng ilang tao, at susundin ka nila sa lahat ng bagay, likas mong iisipin na mayroon kang mataas na katayuan, na kamangha-mangha ka: “Tingnan ninyo ako, medyo magaling ako. Kaya kong pamunuan ang lahat ng taong ito, at nakikinig silang lahat sa akin; ang mga taong hindi nakikinig sa akin ay sinusupil ko. Nagpapatunay ito na mayroon akong kaunting kapabilidad sa gawain, at may kasanayan akong gawin ang gawain ko.” Sa paglipas ng panahon, magsisimulang mabunyag ang mayayabang na elemento ng iyong kalikasan. Kung magiging napakayabang mo na nawawalan ka ng katwiran, manganganib ka. Nakikita mo ba ito nang malinaw? Sa sandaling ibunyag mo ang iyong mayabang na disposisyon na hindi nagpapasakop kaninuman, magkakaproblema ka. Hindi ka makikinig kahit na magsalita Ako. Kung tatanggalin ka ng sambahayan ng Diyos, mangangahas ka pa ngang sabihin na, “Hayaan ang Banal na Espiritu na ibunyag ito!” Ang katunayang sasabihin mo iyon ay nagpapatunay na hindi mo tinatanggap ang katotohanan at na masyadong matindi ang iyong paghihimagsik. Ang pagsasabi mo niyon ay naglalantad sa iyong kalikasang diwa, at nangangahulugang hindi mo talaga kilala ang Diyos. Kaya, sinasabi Ko ang lahat ng ito sa inyo ngayon upang bantayan ninyong mabuti ang inyong sarili at huwag ninyong itaas at patotohanan ang inyong sarili. Malamang na magtatangkang magtayo ang mga tao ng sarili nilang nagsasariling kaharian, dahil gusto nilang lahat ang posisyon, kayamanan at karangalan, banidad, at gusto nilang lahat na okupahin ang pangalawang pinakamataas na puwesto sa herarkiya, at na magpakita ng kapangyarihan: “Tingnan ninyo kung gaano ako nakakatakot pakinggan doon? Sa sandaling tinakot ko sila nang kaunti, naging ganap na masunurin at maamo sila!” Huwag kang magpakita ng ganitong uri ng kapangyarihan; wala itong silbi, at wala itong napatutunayan. Nagpapatunay lamang ito na talagang mayabang ka, at mayroon kang hindi magandang disposisyon; hindi nito pinatutunayan na mayroon kang anumang abilidad, lalong hindi na taglay mo ang katotohanang realidad. Matapos ang pakikinig nang ilang taon sa mga sermon, mayroon na ba kayong pagkilala sa inyong sarili? Hindi ba ninyo nararamdaman na nasa panganib kayo? Kung hindi dahil sa pagsasalita at paggawa ng Diyos para iligtas ang tao, hindi ba’t magtatatag kayo ng nagsasarili ninyong mga kaharian? Hindi ba’t gusto ninyong sarilinin ang mga iglesiang responsabilidad ninyo, na dalhin ang mga taong iyon sa ilalim ng impluwensiya ninyo, upang wala sa kanila ang makatakas sa kontrol ninyo, at makinig ang lahat sa inyo? Kung gagawin mo ito kailanman, isinasailalim ang mga tao sa iyong pagkontrol, kung gayon, ikaw ay isang diyablo at isang Satanas. Napakadelikado para sa iyo na magkaroon ng ganoong mga kaisipan; nakatapak ka na sa landas ng isang anticristo. Kung hindi ka magninilay-nilay sa sarili nang maayos, at hindi mo magawang ipagtapat ang iyong mga kasalanan sa Diyos at magsisi, tiyak na isasantabi ka, at hindi ka bibigyang-pansin ng Diyos. Dapat ay alam mo kung paano baguhin ang iyong sarili upang maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos, upang matiyak mo na hindi mo sinasalungat ang disposisyon ng Diyos. Huwag mong hintayin na ilarawan ka ng sambahayan ng Diyos bilang isang anticristo at patalsikin ka—sa panahong iyon, magiging masyado nang huli ang lahat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos
Hindi dapat isipin ng tao na napakaperpekto ng sarili niya, napakabantog, napakarangal, o napakanatatangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan niya. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging superyor sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at panlulumo, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba dahil sa pagiging mapagprotekta mo sa iyong pride, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na nalilimitahan ka, at hindi mo pa nga nanaising gawin ang iyong tungkulin at magiging pabasta-basta ka sa paggawa nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo. Kung nagagawa ninyo, unti-unti, na siyasatin nang husto ang lahat ng detalyeng ito, na magtamo ng mga tagumpay, at magkamit ng pagkaunawa sa mga ito; at kung pagkatapos ay nagagawa ninyong unti-unting maghimagsik laban sa mga kaisipang ito, maghimagsik laban sa mga maling kuru-kurong ito, pananaw at maging mga asal na ito, at hindi na malimitahan ng mga ito; at kung, sa panahon ng paggampan ng inyong tungkulin, ay nagagawa ninyong matagpuan ang wastong lugar para sa inyo, kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at gawin ang tungkulin na kaya at dapat ninyong gawin; kung gayon, kapag mas ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, mas huhusay kayo rito. Sa ganitong paraan makakapasok na kayo sa katotohanang realidad. Kung kaya mong pumasok sa katotohanang realidad, magmumukha kang may wangis ng tao, at sasabihin ng mga tao, “Ang taong ito ay umaasal ayon sa kanyang katayuan, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin sa isang praktikal na paraan. Hindi siya umaasa sa pagiging likas, sa pagiging mainitin ng ulo, o sa kanyang satanikong tiwaling disposisyon upang gawin ang kanyang tungkulin. Kumikilos siya nang may pagpipigil at mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. May mga elemento ng pagmamahal sa katotohanan sa kanya, at nagpapakita siya ng mga pagpapamalas at pagbubunyag ng paghihimagsik laban sa kanyang sariling laman at mga kagustuhan.” Lubhang kahanga-hanga ang umasal nang gayon! Sa mga pagkakataon na binabanggit ng iba ang iyong mga pagkukulang, nagagawa mong hindi lamang tanggapin ang mga ito, kundi optimistiko ka, hinaharap ang mga pagkukulang at problema mo nang mahinahon. Lubhang normal ang lagay ng isip mo, malaya sa mga kasukdulan, malaya sa init ng ulo. Hindi nga ba’t ganito ang magtaglay ng isang wangis ng tao? Tanging ang mga gayong tao ang may katwiran.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao
Matapos malupig ng Diyos ang mga tao, dapat kahit papaano man lang ay taglayin nila ang katwiran na talagang huwag magsalita nang mapagmataas. Dapat nilang akuin ang posisyon ng “dumi sa lupa,” at magsabi sila ng ilang bagay na tunay at matapat—iyon ang pinakamainam. Lalo na kapag nagpapatotoo sa Diyos, kung tunay kang makapagsasabi ng ilang salita na nagmumula sa puso, at ng ilang tunay at matapat na bagay, nang walang hungkag o mayabang na pananalita at walang kabulaanan o panlilinlang, kung gayon ay tunay nang magbabago nang kaunti ang iyong disposisyon; ito ang pagbabagong dapat maganap sa sandaling nalupig ka na ng Diyos. Kung hindi mo kayang taglayin kahit ang ganitong katiting na katwiran, talagang wala kang anumang wangis ng tao. Sa hinaharap, kapag nakabalik na sa harap ng Diyos at nalupig na ng Kanyang mga salita ang mga taong hinirang ng Diyos mula sa lahat ng bansa at rehiyon, kung sa isang malaking pagtitipon para purihin ang Diyos ay nagsisimula kang muling kumilos nang may kayabangan, palaging nagmamataas at nagpapakitang gilas, tuluyan kang ibabasura at ititiwalag. Ang mga tao ay dapat palaging umasal nang maayos, tingnan nang malinaw ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan, at huwag balikan ang kanilang mga dating gawi. Binubuo ng kayabangan at kapalaluan ng tao ang klasikong imahe ni Satanas. Hangga’t hindi mo binabago ang aspektong ito ng sarili mo, hindi ka magkakaroon ng wangis ng tao kailanman, at lagi kang magtataglay ng pagmumukha ni Satanas. Ang paglutas sa pagmamataas at kapalaluan ang pinakamahirap na bagay, at ang pagkakaroon lamang ng kaunting kaalaman sa iyong pagmamataas at kapalaluan ay hindi magdudulot sa iyo ng ganap na pagbabago; kakailanganin mo pa ring magtiis ng maraming pagdurusa mula sa pagsasailalim sa pagpipino. Kung hindi ka nahatulan, nakastigo, at napungusan, manganganib ka pa rin sa katagalan, at madaling babalik sa dati mong mga gawi. Sa hinaharap, kapag tinanggap ng mga taong hinirang ng Diyos mula sa lahat ng bansa at rehiyon ang Kanyang gawain at sinabi, “Matagal nang naibunyag sa amin na nagtamo na ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay sa Tsina,” kapag narinig ninyo ito, iisipin ninyo, “Wala kaming anumang ipagyayabang, lahat ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Hindi kami karapat-dapat na tawaging mga mananagumpay.” Ngunit sa paglipas ng panahon, habang nakikita ninyo ang inyong sarili na nagagawang magbahagi ng kaunting pagkaunawang batay sa karanasan, at nakikita ninyo na mayroon kayong kaunting realidad, magninilay-nilay kayo, “Maging ang mga tao sa ibang mga bansa ay nakatanggap na ng mga paghahayag mula sa Banal na Espiritu, at sinasabi nila na nakagawa na ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay sa Tsina, kaya ginagawa kami nitong mga mananagumpay.” Tahimik ninyo itong sasang-ayunan at kikilalanin sa inyong puso, at pagkatapos ay tahasang gagawa ng hayagang pagkilala kalaunan. Bumibigay ang mga tao kapag nahaharap sa papuri; bumibigay sila kapag inilagay sa isang pagsubok ng katayuan. Kung palagi kang pinupuri, nasa malaking panganib ka; malamang na mabigo ka at bumagsak. Iyong mga hindi pa nagbago ang disposisyon ay hindi makakapanindigan sa huli.
Ang pinakamahirap lutasin na problema para sa tiwaling sangkatauhan ay ang pagbalik sa dati nilang mga gawi. Para maiwasan ito, dapat munang mabatid ng mga tao na hindi pa nila nakakamit ang katotohanan, na wala pang nagiging pagbabago sa kanilang buhay disposisyon, at kahit na nananampalataya sila sa Diyos, namumuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi pa naliligtas; malamang na ipagkanulo nila ang Diyos at iwan ang Diyos anumang oras. Kung may nararamdaman silang ganitong krisis sa kanilang puso—kung, gaya nga ng madalas sabihin ng mga tao, handa sila sa panganib sa panahon ng kapayapaan—magagawa nila kahit papaano na kontrolin ang kanilang sarili, at kapag may mangyari sa kanila, magdarasal sila sa Diyos at sasandig sa Kanya, at magagawa nilang maiwasang bumalik sa dati nilang mga gawi. Dapat mong makita nang malinaw na hindi pa nagbago ang iyong disposisyon, na labis pa ring nakaugat sa iyo ang kalikasan ng pagkakanulo sa Diyos at hindi pa naalis, na may panganib pa ring ipagkanulo mo ang Diyos, at nahaharap ka sa patuloy na posibilidad ng pagkasadlak sa perdisyon at pagkawasak. Totoo ito, kaya dapat kayong mag-ingat. May tatlong pinakamahahalagang punto na dapat tandaan: Una, hindi mo pa rin kilala ang Diyos; pangalawa, walang naging anumang pagbabago sa iyong disposisyon; at pangatlo, hindi mo pa naisasabuhay ang tunay na wangis ng tao. Nakaayon sa mga katunayan ang tatlong bagay na ito, totoo ang mga ito, at dapat maging malinaw ang mga ito sa iyo. Bilang isang tao, dapat may kamalayan ka sa sarili mo. Kung tunay na mayroon kang determinasyon na maghimagsik laban sa laman at huwag muling bumalik sa dati mong mga gawi, dapat kang pumili ng sarili mong kasabihan: Halimbawa, “Ako ang dumi sa lupa,” o “Likas akong isang diyablo,” o “Madalas akong bumalik sa dati kong mga gawi,” o “Lagi akong nasa malaking panganib.” Angkop na maging pansarili mong kasabihan ang alinman sa mga ito, at makakatulong kung ipinapaalala mo ito sa iyong sarili sa tuwing kinakailangan. Ulit-ulitin mo ito sa iyong sarili nang ilang beses pa, pagnilayan ang iyong sarili, at baka sakaling mabawasan ang mga nagagawa mong pagkakamali, o matigil ka na sa paggawa ng mga pagkakamali. Gayumpaman, ang pinakamahalaga ay ang higit pang magbasa ng mga salita ng Diyos, ang maunawaan ang katotohanan, ang makilala ang sarili mong kalikasan, at ang maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Saka ka lamang magiging ligtas. Ang isa pang bagay ay ang huwag kailanman lumagay sa posisyon ng “isang saksi ng Diyos,” at huwag kailanman tawagin ang iyong sarili na saksi ng Diyos. Maaari ka lamang magsalita tungkol sa personal mong karanasan. Maaari ninyong sabihin kung paano kayo iniligtas ng Diyos, magbahagi tungkol sa kung paano kayo nilupig ng Diyos, at talakayin kung anong biyaya ang ipinagkaloob Niya sa inyo. Huwag kalimutan kailanman na kayo ang mga taong pinakalubhang nagawang tiwali, kayo ay dumi at basura, at na ang magawang tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ngayon ay ganap na dahil sa Kanyang pagtataas sa inyo. Ito ay dahil lang sa kayo ang mga pinakatiwali at pinakamarumi kaya nailigtas kayo ng Diyos na nagkatawang-tao, kaya napagkalooban Niya kayo ng napakalaking biyaya. Samakatwid ay wala kayong anumang maipagyayabang; mapasasalamatan lamang ninyo ang Diyos para sa Kanyang pagliligtas. Huwag ninyong kalimutan ang biyaya ng Diyos. Ang inyong kaligtasan ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
At ngayon na ang mga bagay-bagay ay dumating na sa puntong ito, gaano ba talaga karami ang alam mo tungkol sa Aking sinasabi at ginagawa? Huwag mong isipin na likas kang henyo, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit walang hanggang mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na talagang kagiliw-giliw kung gaano ka mas hangal kaysa sa sinumang iba pang tao sa lupa na may katwiran, sapagkat masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka, na tila nakikita mo nang malinaw ang mga kilos Ko hanggang sa pinakamaliit na detalye. Sa totoo lang, sadyang hindi ka isang tao na nagtataglay ng katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang nilalayon Kong gawin, at lalong wala kang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. At kaya sinasabi Ko na hindi ka man lamang kapantay ng isang matandang magsasaka, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit lubos na umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nililinang niya ang lupa. Wala ka talagang pakialam sa sarili mong buhay, ni wala ka ngang alam sa katanyagan, at lalo nang wala kang anumang kamalayan sa sarili. Masyado kang “dakila”! … Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang isang katotohanan: Ngayon ay hindi masyadong mahalaga kung mayroon kang pusong may takot o wala; hindi Ako nababalisa ni nag-aalala tungkol diyan. Ngunit kailangan Ko ring sabihin ito sa iyo: Ikaw na “taong may talento” na ito, na hindi natututo at nananatiling mangmang, sa dakong huli ay mawawasak ng iyong humahanga sa sarili at mababaw na katalinuhan—ikaw ang magdurusa at kakastiguhin. Hindi Ako ganoon kahangal para samahan ka habang patuloy kang nagdurusa sa impiyerno, sapagkat hindi Ako kauri mo. Huwag mong kalilimutan na ikaw ay isang nilikha na Aking sinumpa, subalit tinuruan at iniligtas Ko rin, at walang anumang bagay sa iyo na mag-aatubili Akong bitawan. Tuwing Ako ay gumagawa, hindi Ako naiimpluwensiyahan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Hindi nagbago kailanman ang Aking saloobin at pananaw sa sangkatauhan. Hindi kita gusto, sapagkat dagdag ka lang sa Aking pamamahala, at hindi ka mas espesyal kaysa sa iba pang nilalang. Ito ang payo Ko sa iyo: Dapat mong tandaan, sa lahat ng oras, na isa ka lamang nilikha! Bagama’t maaaring mamuhay ka sa piling Ko, dapat mong malaman ang iyong sariling pagkakakilanlan; huwag masyadong mataas ang tingin mo sa sarili. Kahit hindi kita sinasaway o pinupungusan, bagkus ay hinaharap kita nang may ngiti, hindi ito sapat para mapatunayan na ikaw ay kauri Ko. Ikaw—dapat mong malaman na isa kang taong naghahangad ng katotohanan, hindi ikaw ang katotohanan mismo! Dapat ay handa ka, sa lahat ng oras, na magbago ayon sa Aking salita. Hindi mo ito matatakasan. Hinihimok kita, sa napakahalagang panahong ito, ngayong mayroon kang pambihirang pagkakataong ito, na subukang matuto ng isang bagay. Huwag mo Akong lokohin; hindi Ko kailangan na gumamit ka ng pambobola para subukang linlangin Ako. Kapag hinahanap mo Ako, hindi iyon ganap na para sa Aking kapakanan, kundi sa halip ay para sa sarili mo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang—Hindi Ba’t mga Hayop Sila?
Labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. May satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon sa loob ng lahat ng tao. Maging ang mga hangal at mangmang ay mapagmataas, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao at tumatanggi silang sumunod sa mga ito. Kitang-kita na napakalalim ng katiwalian ng sangkatauhan at napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Diyos. Dahil sa kanilang pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, ang mga tao ay naging ganap na walang katwiran, at wala silang sinumang sinusunod—kahit pa ang sinasabi ng iba ay tama at umaayon sa katotohanan, hindi nila susundin ang mga ito. Dahil sa pagmamataas kaya nangangahas ang mga tao na husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, at labanan ang Diyos. Kaya, paano malulutas ang isang mapagmataas na disposisyon? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan ng pag-asa sa pagpipigil ng tao? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan lamang ng pagkilala at pag-amin dito? Hinding-hindi. May isang paraan lamang upang malutas ang isang mapagmataas na disposisyon, at iyon ay ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Tanging ang mga kaya lamang na tumanggap ng katotohanan ang unti-unting makawawaksi ng kanilang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman malulutas ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Maraming tao ang nakikita Kong lumalaki ang ulo kapag nagpapakita sila ng kaunting kasanayan sa kanilang tungkulin. Kapag nagpapakita sila ng ilang kalakasan, iniisip nilang sila ay talagang kahanga-hanga, at pagkatapos ay nasisiyahan na sila sa kanilang mga nakamit at hindi na pinagbubuti pa ang sarili. Gaano man katama o kaayon sa katotohanan ang mga salita ng iba, hindi sila nakikinig, iniisip na ang kakarampot na bagay na ito na taglay nila ang pinakamahalaga sa lahat, na ito ay walang kapantay at maaaring pumalit sa katotohanan. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Kulang na kulang sila sa katwiran. Magagawa ba ng isang tao nang maayos ang kanyang tungkulin kapag siya ay may mapagmataas na disposisyon? Magagawa ba niyang magpasakop sa Diyos at sumunod sa Diyos hanggang sa wakas? Mas mahirap pa ito. Upang malutas ang isang mapagmataas na disposisyon, dapat mong matutunang danasin ang gawain ng Diyos, ang Kanyang paghatol at pagkastigo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sa ganitong paraan mo lamang tunay na makikilala ang iyong sarili. Tanging sa malinaw na pagkakita sa iyong tiwaling diwa, malinaw na pagkakita sa ugat ng iyong pagmamataas, at pagkatapos ay pagkilatis at paghihimay rito, saka mo tunay na makikilala ang iyong kalikasang diwa. Sa pamamagitan ng paghuhukay sa lahat ng tiwaling bagay sa loob mo, at pagkukumpara ng mga ito at pagkilala sa mga ito batay sa katotohanan, malinaw mong makikita kung ano ka: Hindi ka lamang puno ng mga tiwaling disposisyon, at walang katwiran at pagpapasakop, kundi kulang ka sa napakaraming bagay—wala ka ni katiting na katotohanang realidad, at tunay kang kaawa-awa. Kung mapagtatanto mo ito, hindi mo na magagawang maging mapagmataas. Kung hindi mo hinihimay at kinikilala ang iyong sarili sa ganitong paraan, pagkatapos gampanan ang iyong tungkulin sa loob ng isang panahon, mararamdaman mong mayroon kang puhunan, at hindi mo malalaman ang posisyon mo sa sansinukob. Iisipin mong magaling ka sa lahat ng paraan, na hindi magaling ang iba sa lahat ng paraan, at tanging ikaw ang pinakamahusay. Pagkatapos ay magpapakitang-gilas ka sa bawat pagkakataon, sinusubukang udyukan ang iba na tingalain at sambahin ka. Ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili. May mga taong palaging nagpapakitang-gilas. Kapag nakikita ng iba na hindi ito kaaya-aya, pinupuna nila na mapagmataas ang mga taong ito. Ngunit nagiging mapanghamon sila; iniisip pa rin nilang sila ay may mga kasanayan at kapabilidad. Anong disposisyon ito? Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling! Ang mga tao bang ganito kamapagmataas at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila iwawaksi ang tiwaling disposisyong ito, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito
Kapag narinig mo ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyong ibinubunyag ng isang tao, dapat mong isipin: “Nagpapakita ba ako ng mga pagpapamalas ng pagmamataas? Isa akong tiwaling tao, kaya tiyak na nagpapakita ako ng mga pagpapamalas na iyon; dapat kong pagnilayan kung saan ko iyon ginagawa. Sinasabi ng mga tao na mapagmataas ako, na palagi akong kumikilos na parang nakakataas sa iba, na nalilimitahan ko ang mga tao kapag nagsasalita ako. Iyon ba talaga ang disposisyon ko?” Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, mapagtatanto mo sa wakas na tumpak na tumpak ang paglalantad ng mga salita ng Diyos—na isa kang mapagmataas na tao. At yamang tumpak na tumpak ang paglalantad ng mga salita ng Diyos, yamang tugmang-tugma ito sa sitwasyon mo nang wala ni katiting na pagkakaiba, at nakikita mo na lalo pa itong nagiging tumpak habang mas pinagninilayan mo ang iyong sarili, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, at makilatis at malaman ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay makadarama ka ng tunay na pagsisisi. Sa pananampalataya sa Diyos, makikilala mo lang ang sarili mo sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita nang ganito. Upang malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, kailangan mong tanggapin ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo kayang gawin iyon, imposibleng maiwaksi mo ang mga tiwaling disposisyon mo. Kung isa kang matalinong tao, at nakakikita na sa pangkalahatan ay tumpak ang paglalantad ng mga salita ng Diyos, o kaya mong aminin na tama ang kalahati nito, dapat mo itong tanggapin agad at magpasakop ka sa harap ng Diyos. Kailangan mo ring magdasal sa Kanya at pagnilayan ang iyong sarili. Saka mo lang mauunawaan na tumpak ang lahat ng salita ng Diyos ng paglalantad, na ang lahat ng iyon ay katunayan, at wala nang iba pa. Tunay lamang na mapagninilayan ng mga tao ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapasakop sa harap ng Diyos at pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Saka lang nila makikita ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na umiiral sa kaibuturan nila, at na mapagmataas at mapagmagaling nga sila, na wala ni katiting na katwiran. Kung sila ay mga nagmamahal sa katotohanan, magpapatirapa sila sa harap ng Diyos, aaminin sa Kanya na malalim silang nagawang tiwali, at magiging handang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang pusong may pagsisisi at magsisimulang itanggi at kamuhian ang kanilang sarili, nakakaramdam ng pagsisisi: “Dati, alam na alam ko na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, kaya bakit hindi ko nagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos? Bakit napakamapagmataas ng aking saloobin sa mga salita ng Diyos?” Pagkatapos ng madalas na pagninilay sa sarili sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, aaminin nila mula sa puso na sila nga ay mapagmataas, at na ganap na walang katwiran para sa kanila na mabigong ganap na aminin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at mga katunayan. Pero isang napakahirap na bagay na makilala ang sarili. Sa bawat pagkakataon na nagninilay ang isang tao, makapagkakamit lang siya ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang sarili, at lalalim nang kaunti. Ang pagkakaroon ng malinaw na kaalaman sa isang tiwaling disposisyon ay hindi isang bagay na maisasakatuparan sa maikling panahon; ang isang tao ay kailangang higit na magbasa ng mga salita ng Diyos, higit na magdasal, at higit na pagnilay-nilayan ang kanyang sarili. Sa gayon lang niya unti-unting makikilala ang kanyang sarili. Lahat ng tunay na nakakakilala sa kanilang sarili ay ilang beses nang nabigo at nadapa noon, pagkatapos mangyari ang mga iyon, binasa nila ang mga salita ng Diyos, nagdasal sa Kanya, at pinagnilayan ang kanilang sarili, at kaya malinaw nilang nakita ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, at nadama na talaga ngang lubha silang naging tiwali, at ganap na wala silang katotohanang realidad. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos nang ganito, at mananalangin ka sa Kanya at hahanapin mo ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, unti-unti mong makikilala ang sarili mo. Pagkatapos isang araw, magiging malinaw na sa wakas ang puso mo: “Maaaring medyo mas may kakayahan ako kaysa sa iba, pero ibinigay ito sa akin ng Diyos. Palagi akong mapagmalaki, sinisikap kong higitan ang iba kapag nagsasalita ako, at sinisikap kong pasunurin ang mga tao sa gusto ko. Tunay na wala akong katwiran—ito ay kayabangan at pagmamagaling! Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko ang sarili kong mayabang na disposisyon. Ito ay kaliwanagan at biyaya ng Diyos, at pinasasalamatan ko Siya para dito!” Mabuting bagay ba o masama ang malaman ang sarili mong tiwaling disposisyon? (Mabuting bagay.) Mula roon, dapat kang maghanap kung paano magsasalita at kikilos nang may katwiran at pagsunod, paano ka papantay sa iba, paano tatratuhin ang iba nang patas, paano umiwas sa paglilimita sa kanila, paano mo tatratuhin nang tama ang iyong kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at iba pa. Sa ganitong paraan, gaya ng isang bundok na unti-unting pinupukpok hanggang sa maging alikabok, malulutas ang iyong mayabang na disposisyon. Pagkatapos niyon, kapag nakipag-ugnayan ka sa iba o nakipagtulungan sa kanila na gawin ang isang tungkulin, magagawa mong tratuhin nang tama ang kanilang mga pananaw at masinsin silang pagtuunan ng pansin habang nakikinig ka sa kanila. Kapag naririnig mong nagpapahayag ang iba ng mga pananaw na tama at ayon sa katotohanan, mapagtatanto mo na ang ibang tao ay pawang mayroon ding sariling mga kalakasan at hinding-hindi mas mababa sa iyo. Iisipin mo, “Bakit ko palaging pinaniwalaan na mas magaling ako kaysa sa iba? Iyon ay paghanga sa sarili at makitid ang isip na kamangmangan. Para akong isang palaka sa ilalim ng balon. Ang pag-iisip nang ganoon ay labis na kulang sa katwiran—walang-kahihiyan iyon! Binulag ng mapagmataas kong disposisyon ang aking mga mata at tinakpan ang aking mga tainga. Hindi ako nakinig sa sinabi ng sinuman at inisip ko lang na maayos at tama ako. Lumalabas na hindi ako mas magaling kaysa sa sinuman!” Mula noon, magkakaroon ka ng tunay na kabatiran at kaalaman tungkol sa sarili mong mga kakulangan at sa iyong mababang tayog. Pagkatapos, kapag nakikipagbahaginan ka sa iba, at nakikipagtulungan sa kanila sa paggampan ng iyong tungkulin, matutuklasan mo na napakaraming tao ang mas magaling kaysa sa iyo, at na ang iyong kakayahan at abilidad na makaarok, sa pinakamainam, ay pangkaraniwan lang. Hindi ba’t magpapahiwatig ito na mayroon kang kaunting kamalayan sa sarili? Sa pagdanas sa ganitong paraan—madalas na pagninilay sa iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos—magagawa mong magkamit ng tunay na pagkilala sa sarili, at ang kaalamang ito ay lalalim nang lalalim. Makikilatis mo ang katotohanan ng iyong katiwalian, makikita ang iyong karukhaan at kaawa-awang kalagayan, at makikita ang iyong hindi matiis na kapangitan. Sa panahong iyon, makakaramdam ka ng pagtutol sa iyong sarili at kamumuhian mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magiging madali na para sa iyo na maghimagsik laban sa iyong sarili. Ganoon mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Batay sa mga salita ng Diyos, kailangan mong magnilay-nilay sa mga pagbubunyag mo ng iyong katiwalian. Sa partikular, pagkatapos mong magbunyag ng tiwaling disposisyon sa anumang sitwasyon, kailangan mong madalas na pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na makita nang malinaw ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magagawa mong kamuhian ang iyong laman at si Satanas mula sa puso, at sa iyong puso ay mahalin at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, patuloy na mababawasan ang iyong mayabang na disposisyon, at unti-unti mo itong maiwawaksi. Makapagtatamo ka ng mas paparami pang katwiran, at magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Sa paningin ng iba, magiging mas matatag ka, mas praktikal, at magiging mas obhetibo sa pagsasalita. Makikinig ka sa iba, at kapag may sinabi silang tama, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang kanilang mga salita. Magagawa mong makisalamuha sa mga tao nang normal, at makipagtulungan sa kanila nang may pagkakasundo. Sa paggampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t magkakaroon ka ng katwiran at pagkatao? (Oo.) Iyan ang paraan para malutas ang tiwaling disposisyong ito.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (1)
Kung wala kang landas para sa paglutas ng mapagmataas na disposisyon, dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “Diyos ko, may mapagmataas na disposisyon ako. Sa tingin ko ay mas magaling ako kaysa sa iba, mas mahusay kaysa sa iba, mas matalino kaysa sa iba, at gusto kong gawin ng iba kung ano ang sinasabi ko. Sobrang wala itong katwiran. Bakit hindi ko ito mabitiwan, kahit na alam kong kayabangan ito? Nagsusumamo akong disiplinahin at pagalitan Mo ako. Handa akong bitiwan ang aking kayabangan at ang sarili kong mga layunin para sa halip ay hanapin ang Iyong mga layunin. Handa akong makinig sa Iyong mga salita, at tanggapin ang mga ito bilang aking buhay at mga prinsipyo para sa aking pagkilos. Handa akong isabuhay ang Iyong mga salita. Nagsusumamo akong gabayan Mo ako, nagsusumamo akong tulungan at akayin Mo ako.” May saloobin ba ng pagpapasakop sa mga salitang ito? May kagustuhan bang magpasakop? (Mayroon.) Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi epektibo ang isang beses lang na pagdarasal. Kapag may nangyayari sa akin, namumuhay pa rin ako ayon sa aking tiwaling disposisyon, at gusto ko pa ring ako ang masunod.” Kung gayon, magpatuloy sa pagdarasal, “O Diyos, napakayabang ko, napakarebelde! Nagsusumamo akong disiplinahin Mo ako, patigilin agad ang aking paggawa ng masama, at pigilan ang aking mapagmataas na disposisyon. Nagsusumamo akong gabayan at akayin Mo ako, at sa gayon ay bigyang-kakayahan ako na isabuhay ko ang Iyong mga salita at magsagawa ayon sa Iyong mga salita at hinihingi.” Dalasan ang paglapit sa Diyos sa panalangin at pagsamo, at hayaan ang Diyos na gumawa at umakay sa iyo. Kapag mas sinsero ang iyong mga salita, at mas sinsero ang iyong puso, mas titindi ang iyong pagnanais na maghimagsik laban sa laman at sa iyong sarili. Kapag ang pagnanais na ito ay nangingibabaw sa iyong pagnanais na kumilos ayon sa sarili mong kalooban, unti-unting magsisimulang magbago ang iyong puso. Sa puntong iyon, magkakaroon ka ng pag-asang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Habang nagdarasal ka, hindi magsasabi ng anumang bagay ang Diyos sa iyo, o magbibigay ng anumang tagubilin sa iyo, o mangangako sa iyo ng anumang bagay, ngunit pagmamasdan Niya ang iyong puso at ang intensiyon sa likod ng iyong mga salita—pagmamasdan Niya kung sinsero at totoo ba ang sinasabi mo, at kung nagsusumamo at nagdarasal ka ba sa Kanya nang may matapat na puso. Kapag napagmamasdan ng Diyos na ang iyong puso ay matapat, aakayin at gagabayan ka Niya, at sasagutin ang iyong mga dasal ayon sa iyong mga kahilingan at pagsusumamo. Pagkatapos ay bibigyang-liwanag ang iyong puso at unti-unti itong magsisimulang magbago. Kung magbubunyag ka ng isang tiwaling disposisyon, at sa gayon ay maghihimagsik laban sa Kanya o lalabanan mo Siya sa panahong ito na binibigyang-liwanag at ginagabayan ka ng Diyos, sasawayin at didisiplinahin ka rin Niya.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (2)
Sa iyong pang-araw-araw na buhay—ito man ay sa pagsasalita, pag-asal, at pag-aasikaso ng mga bagay-bagay, o sa paggawa ng iyong tungkulin at pakikipagbahaginan sa iba—anuman ang usapin, o kung ano ang mga sitwasyon, dapat mong pagtuunan sa lahat ng oras ang pagsusuri kung aling mga pagbubunyag ng isang mapagmataas na disposisyon ang mayroon ka. Dapat mong hukayin ang lahat ng pagbubunyag, saloobin, at ideya na nagmumula sa iyong mapagmataas na disposisyon na alam mo at nawawari mo, gayundin ang iyong mga intensiyon at layon—lalo na ang kagustuhang palaging sermunan ang iba mula sa mataas na posisyon; hindi pagsunod sa kahit sino; pagturing sa lahat ng iba pa bilang mas mababa kaysa sa iyo; hindi pagtanggap sa sinasabi ng iba, gaano man sila katama; pagpilit sa iba na tanggapin at sundin ang sinasabi mo, kahit na mali ka; palagiang pagkahilig na pamunuan ang iba; pagiging ayaw na tanggapin ito at pangangatwiran kapag pinupungusan ka ng mga lider at manggagawa, pagkondena pa nga sa kanila bilang mga huwad; palaging pagkondena sa iba at pagtataas sa iyong sarili; palaging pag-iisip na mas magaling ka kaysa sa lahat; palaging pagnanais na maging isang sikat na tao o dakilang tao; palaging gustong-gustong magpakitang-gilas, upang tingalain at sambahin ka ng iba…. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagninilay-nilay at paghihimay sa mga pagbubunyag na ito ng katiwalian, malalaman mo kung gaano kapangit ang iyong mapagmataas na disposisyon, at magagawa mong kamuhian ang iyong sarili at makaramdam ng pagkasuklam sa iyong sarili, at mas lalong kamuhian ang iyong mapagmataas na disposisyon. Sa gayon ay magiging handa kang pagnilayan kung nagbunyag ka ba o hindi ng mapagmataas na disposisyon sa lahat ng bagay. Ang isang bahagi nito ay pagninilay-nilay sa kung aling mga pagbubunyag ng isang mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang mayroon sa iyong pananalita—anong mga bagay na sinasabi mo ang mapagmalaking pananalita, mapagmataas na pananalita, at mga salitang walang katwiran. Ang isa pang bahagi ay pagninilay-nilay sa kung anong mga balighong bagay, anong mga bagay ang walang katwiran na ginagawa mo habang kumikilos ka ayon sa iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, ambisyon, at pagnanais. Tanging ang ganitong uri ng pagninilay sa sarili ang magdudulot ng pagkakilala sa sarili. Kapag nagkamit ka na ng tunay na pagkakilala sa iyong sarili, dapat mong hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga landas at prinsipyo ng pagsasagawa para maging isang matapat na tao, at pagkatapos ay magsagawa, gumawa ng iyong tungkulin, at tratuhin ang iba at makipag-ugnayan sa iba ayon sa mga landas at prinsipyo na nakasaad sa mga salita ng Diyos. Kapag nakapagsagawa ka na sa ganitong paraan nang ilang panahon, marahil nang isa o dalawang buwan, mararamdaman mo na may nakamit ka at natikman mo ang tamis na dulot nito. Mararamdaman mo na mayroon kang landas para maging isang matapat na tao na may katwiran, at mas lalo kang nagiging maliwanag at panatag sa puso. Bagama’t hindi ka pa makapagsasalita tungkol sa partikular na malalim na kaalaman tungkol sa katotohanan, magkakamit ka naman ng ilang perseptuwal na kaalaman tungkol dito, gayundin ng isang landas ng pagsasagawa. Bagama’t hindi mo ito maipapahayag nang malinaw gamit ang mga salita, magkakaroon ka naman ng kaunting pagkakilala sa pinsalang nagagawa ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at kung paano nito binabaluktot ang kanilang pagkatao. Halimbawa, ang mga taong mayabang at palalo ay madalas magyabang at magsabi ng mga mapagmataas na bagay, at magsabi ng mga maladiyablong salita para lansihin ang iba; nagsasabi sila ng mga salitang matayog pakinggan, sumisigaw ng mga islogan, at nagbubulalas ng matatayog na pananalita. Hindi ba’t ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon? Hindi ba’t lubhang walang katwiran na magkaroon ng mga pagbubunyag na ito ng mapagmataas na disposisyon? Kung tunay mong nauunawaan na ang pagkakaroon ng mga pagbubunyag na ito ng isang mapagmataas na disposisyon ay nangangahulugan nga na nawalan ka na ng normal na katwiran ng tao, at na ang pamumuhay sa loob ng isang mapagmataas na disposisyon ay nangangahulugang nagsasabuhay ka ng pagkadiyablo sa halip na pagkatao, tunay mong makikilala na ang isang tiwaling disposisyon ay isang disposisyon ni Satanas, at mula sa iyong puso ay magagawa mong kamuhian si Satanas at ang mga tiwaling disposisyon. Sa anim na buwan o isang taon ng gayong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pagkakilala sa sarili, at kung magbubunyag ka ulit ng isang mapagmataas na disposisyon, mamamalayan mo ito kaagad, at magagawa mong maghimagsik laban dito at talikuran ito. Magsisimula ka nang magbago, at unti-unti mong mawawaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon, at normal mo nang makakasundo ang iba. Magagawa mo nang magsalita nang matapat at mula sa puso; hindi ka na magsisinungaling o magsasabi ng mayayabang na salita. Kung magkagayon, hindi ba’t magtataglay ka na ng kaunting katwiran at kaunting wangis ng isang matapat na tao? Hindi ba’t ang pagpasok na iyon ay isang bagay na makakamit mo? Ito ang panahon kung kailan magsisimula kang may makamit. Kapag isinagawa mo ang pagiging matapat sa ganitong paraan, magagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili anumang uri ng mapagmataas na disposisyon ang ibinubunyag mo, at matapos maranasan ang pagiging isang matapat na tao sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, walang kamalay-malay at unti-unti mong mauunawaan ang mga katotohanan at nauugnay na salita ng Diyos tungkol sa pagiging isang matapat na tao. At kapag ginamit mo ang mga katotohanang iyon para himayin ang iyong mapagmataas na disposisyon, sa kaibuturan ng iyong puso ay magkakaroon ng kaliwanagan at pagtanglaw ng mga salita ng Diyos, at magsisimulang lumiwanag ang iyong puso. Malinaw mong makikita ang katiwalian na idinudulot ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at ang kapangitan na ipinapasabuhay nito sa kanila, at magagawa mong tukuyin ang bawat isa sa mga tiwaling kalagayan na kinahahantungan ng mga tao kapag nagbubunyag sila ng mapagmataas na disposisyon. Sa higit pang paghihimay, mas malinaw mong makikita ang kapangitan ni Satanas, at mas lalo mong kamumuhian si Satanas. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (2)
Kung masyadong mababaw ang pagkakilala ng isang tao sa kanyang sarili, hindi nito malulutas ang anumang problema, at tiyak na hindi magbabago ang kanyang buhay disposisyon. Dapat mong kilalanin ang iyong sarili sa isang malalim na antas. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa iyong kalikasan, at pag-alam kung anong mga elemento ang nilalaman nito, kung saan nagmumula ang mga bagay na ito, at kung saan nanggagaling ang mga ito. Dagdag pa rito, kaya mo ba talagang kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at ang iyong buktot na kalikasan? Kung tunay mong makikita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay sinusubukan mong isagawa ang mga salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkamit ng lakas para isagawa ang katotohanan, at hindi na ito magiging parang isang pagsisikap nang husto. Bakit maraming tao ang kumikilos ayon sa mga kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nilang napakabuti ng kanilang sarili, at pakiramdam nila na ang kanilang mga kilos ay labis na angkop at makatwiran, na walang anumang pagkakamali, at ganap na tama pa nga, kaya kumikilos sila nang may tiwala sa sarili. Kapag tunay na nilang nakilala kung ano talaga ang kanilang kalikasan—kung gaano ito kapangit, kakasuklam-suklam, at kakaawa-awa—hindi na magiging masyadong mataas ang tingin nila sa sarili at hindi na sila magiging sobrang mayabang, at hindi na sila gaanong matutuwa sa kanilang sarili. Iisipin nila, “Kailangan kong isagawa ang ilang salita ng Diyos nang praktikal. Kung hindi, hindi ako aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiya akong mabuhay sa presensya ng Diyos.” Tunay nilang makikita ang kanilang sarili bilang maliit at tunay na walang-halaga. Sa puntong ito, magiging madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan, at magmumukha silang medyo tulad ng isang tunay na tao. Tanging kapag tunay na kinamumuhian ng isang tao ang kanyang sarili saka niya kayang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi niya kinamumuhian ang kanyang sarili, hindi niya kayang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Hinihingi nito sa isang tao na maunawaan ang ilang katotohanan: Una, dapat magtaglay siya ng pagkakilala tungkol sa kanyang kalikasan. Pangalawa, dapat niyang makita na siya ay dukha at kaawa-awa, na siya ay napakaliit at labis na walang-halaga, at dapat niyang makita ang kanyang kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubusan na niyang nakita kung ano talaga siya—kapag nakamit na ang resultang ito—tunay siyang nagkakamit ng pagkakilala tungkol sa kanyang sarili, at masasabing tumpak na tumpak ang pagkakilala niya sa kanyang sarili. Tanging sa puntong ito niya magagawang kamuhian ang kanyang sarili, at magagawang sumpain pa nga ang kanyang sarili, tunay na nararamdaman na ang mga tao ay lubhang ginawang tiwali ni Satanas kaya’t wala na silang anumang wangis ng tao. Isang araw, kung tunay siyang maharap sa banta ng kamatayan, iisipin niya, “Ito ang matuwid na kaparusahan ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos. Nararapat akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magpapahayag ng kanyang mga hinaing, lalong hindi siya magrereklamo tungkol sa Diyos—mararamdaman lamang niya na siya ay lubhang dukha, kaawa-awa, marumi, at tiwali, at na dapat siyang itiwalag at lipulin ng Diyos, at mararamdaman niya na ang isang kaluluwang tulad ng sa kanya ay hindi karapat-dapat na mabuhay sa lupa. Samakatwid, hindi siya magrereklamo o lalaban sa Diyos, lalong hindi niya ipagkakanulo ang Diyos. Ngunit kung hindi niya kilala ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin niya ang kanyang sarili na napakabuti, kapag nalalapit na ang banta ng kamatayan, iisipin niya, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananalig. Hinangad ko nang husto ang katotohanan, napakarami kong isinakripisyo, at labis akong nagdusa, pero sa huli, hinahayaan akong mamatay ng diyos. Hindi ko alam kung nasaan ang pagiging matuwid ng diyos. Bakit niya ako hinahayaang mamatay? Kung kahit ang isang tulad ko ay kailangang mamatay, sino ang maliligtas? Hindi ba’t tapos na ang buong sangkatauhan?” Una sa lahat, magkakaroon siya ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, magrereklamo siya tungkol sa Kanya at wala siyang anumang pagpapasakop. Katulad na katulad siya ni Pablo, na hindi kilala ang sarili, kahit noong malapit na siyang mamatay. Kapag dumating na sa kanya ang kaparusahan ng Diyos, huli na ang lahat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Paggising Mula sa Aking Kayabangan
Bakit ba Masyadong Mataas ang Tingin Ko sa Sarili Ko?
Kaugnay na mga Himno
Nakita Ko Na ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos