26. Paano lutasin ang problema ng disposisyong matigas ang kalooban
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Anong uri ng kalagayan ang nasa loob ng mga tao kapag mayroon silang matigas ang kalooban na disposisyon? Pangunahing matigas ang kanilang ulo at inaakala nilang mas matuwid sila kaysa sa iba. Palagi silang naninindigan sa sarili nilang mga ideya, palagi nilang iniisip na tama ang sinasabi nila, palagi silang naninindigan sa sarili nilang mga opinyon, at palagi nilang iniisip na tama sila. Ito ang saloobin ng pagkamatigas ng kalooban. Nakatuon lang sila sa isang hakbangin, at hindi makikinig sa sinuman—kahit sampung mailap na kabayo ay hindi sila maililihis ng landas—tama man ito o mali, ipinipilit nilang ituloy ito. Mayroong bakas ng kawalan ng pagsisisi rito. Gaya nga ng kasabihan, “Hindi takot sa kumukulong tubig ang mga patay na baboy.” Alam na alam ng mga tao kung ano ang tamang gawin, pero hindi nila ito ginagawa, matatag nilang tinatanggihang tanggapin ang katotohanan. Isa itong uri ng disposisyon: ang katigasan ng kalooban. Sa ano-anong uri ng sitwasyon kayo nagbubunyag ng matigas ang kalooban na disposisyon? Madalas ba kayong matigas ang kalooban? (Oo.) Napakadalas! At dahil disposisyon mo ang katigasan ng kalooban, kasama mo ito sa bawat segundo ng bawat araw ng iyong pamumuhay. Pinipigilan ng katigasan ng kalooban ang mga tao na magawang lumapit sa harapan ng Diyos, pinipigilan sila nito na magawang tanggapin ang katotohanan, at pinipigilan sila nito na makapasok sa katotohanang realidad. At kung hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, magkakaroon ba ng pagbabago sa aspektong ito ng iyong disposisyon? Sobrang mahirap ito. Mayroon na ba ngayong anumang pagbabago sa aspektong ito ng inyong matigas ang kalooban na disposisyon? At gaano kalaking pagbabago na ang nangyari? Sabihin, halimbawa, na dati ay matigas ang kalooban mo hanggang sa punto na kahit ang sampung mailap na kabayo ay hindi ka mailihis, pero may kaunti nang pagbabago sa iyo ngayon: Kapag nahaharap ka sa isang isyu, may kaunti kang pagkaramdam ng konsensiya sa iyong puso, at sinasabi mo sa iyong sarili, “Kailangan kong isagawa ang kaunting katotohanan sa bagay na ito. Inilantad na ng Diyos ang matigas ang kalooban na disposisyong ito—narinig ko na ang Kanyang mga salita at ngayon ay may kaalaman na ako tungkol dito, kaya kailangan ko nang magbago. Nang ilang beses akong maharap sa ganitong mga uri ng mga bagay noon, pinagbigyan ko ang aking laman at nabigo ako, at hindi ako kontento rito. Sa pagkakataong ito, kailangan kong isagawa ang katotohanan.” Kapag may ganitong determinasyon, kaya mong isagawa ang katotohanan, at ito ay pagbabago. Kapag dumanas ka na sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, at kaya mong isagawa ang mas marami pang katotohanan, at nagdudulot ito ng mas malalaking pagbabago, at nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag ng iyong mapaghimagsik at matigas ang kalooban na mga disposisyon, hindi ba’t nagkaroon na ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon? Kung nakikitang mas nababawasan ang iyong mapaghimagsik na disposisyon, at nagiging mas mapagpasakop ka na sa Diyos, nagkaroon na ng totoong pagbabago. Kaya, hanggang sa anong antas mo kailangang magbago para matamo mo ang tunay na pagpapasakop? Nagtagumpay ka na kapag wala ni katiting na katigasan ng kalooban, kundi pagpapasakop lamang. Isa itong mabagal na proseso. Hindi nangyayari sa isang magdamag lang ang mga pagbabago sa disposisyon, inaabot ito ng mahahabang panahon ng karanasan, maging ng habambuhay. Kung minsan, kinakailangang magdusa ng maraming matinding paghihirap, mga paghihirap na kagaya ng pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli, mga paghihirap na mas masakit at mas mahirap pa kaysa sa pagkakaskas ng lason mula sa iyong mga buto.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Kapag ang isang tao ay nagbubunyag ng pagmamataas, panlilinlang, at pagpapaimbabaw sa harap ng Diyos, mayroon ba siyang anumang kamalayan sa mga ito sa kaibuturan ng kanyang puso? (Oo.) Kapag mayroon siyang ganitong kamalayan, ano ang ginagawa niya rito? Pinipigilan ba niya ang kanyang sarili? Nagpipigil ba siya? Nagninilay ba siya sa kanyang sarili? (Hindi.) Anong uri ng disposisyon mayroon ang isang tao kapag alam na alam niyang nagpakita siya ng isang mapagmataas na disposisyon ngunit hindi pa rin siya nagninilay o sumusubok na kilalanin ang kanyang sarili, at kung may magtukoy nito o maglantad nito para sa kanya, hindi pa rin niya ito tatanggapin at sa halip ay gagamit siya ng baluktot na pangangatwiran para ipagtanggol ang sarili niya? (Katigasan ng kalooban.) Tama, ito ay katigasan ng kalooban. Paano man naipapamalas sa harap ng ibang tao ang ganitong uri ng disposisyong matigas ang kalooban, at anuman ang mga konteksto kung saan ang gayong saloobin ay nabubunyag, palagi na lamang itong ganitong uri ng disposisyong matigas ang kalooban. Gaano man katuso at mapagbalat-kayo ang mga tao, ang disposisyong matigas ang kalooban na ito ay madaling malantad. Ito ay dahil ang mga tao ay hindi namumuhay nang hiwalay sa impluwensiya ng labas—nasa harap man sila ng ibang tao o hindi, lahat ng tao ay nabubuhay sa harap ng Diyos, at ang bawat tao ay nasa ilalim ng pagsisiyasat ng Diyos. Kung ang isang tao ay karaniwang sutil, mapagpalayaw, at walang pagpipigil—kung mayroon siyang ganitong mga kaisipan at ganitong mga pagbubunyag ng katiwalian—at kung, kahit na nararamdaman niya ito, hindi siya nagbabago ng direksyon, at kapag nakikilala niya ito, hindi siya nagsisisi, hindi binubuksan ang sarili sa pagbabahaginan, o hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, ito ay katigasan ng kalooban. Sa usapin ng mga pagpapamalas ng katigasan ng kalooban, may dalawang magkaibang uri: “pagmamatigas” at “katigasan.”[a] Ang ibig sabihin ng “pagmamatigas” ay pagiging napakatigas ng ulo, hindi nagbabago ng isip, at hindi lumalambot. Nangangahulugan ang “katigasan” na ang ibang mga tao ay hindi nangangahas na hipuin ito, at nasasaktan sila kapag ginawa nila ito. Kadalasan, ayaw makipag-ugnayan ng mga tao sa mga taong may disposisyong matigas ang kalooban, tulad din ng pagkaayaw ng mga tao na mahawakan ang matitigas na bagay at hindi komportable kapag ginawa nila ito; gusto ng mga tao ang malalambot na bagay, ang tekstura ng malalambot na bagay ay nagpapaginhawa sa pakiramdam ng mga tao, at nagdudulot ito ng kasiyahan sa kanila, habang ang katigasan ng kalooban ay ang eksaktong kabaligtaran. Ang katigasan ng kalooban ay nagdudulot na ang mga tao ay magpamalas ng isang saloobin, at ang saloobing ito ay pagmamatigas at katigasan ng ulo. Anong disposisyon ang umiiral dito? Ito ay ang disposisyong matigas ang kalooban. Nangangahulugan ito na, kapag ang isang tao ay nahaharap sa isang bagay, bagama’t alam niya o may bahagya siyang pakiramdam na ang kanyang saloobing ito ay hindi maganda at hindi tama, nauudyukan siya ng kanyang disposisyong matigas ang kalooban na isiping, “Ano ngayon kung may makaalam? Ganito ako!” Anong klaseng saloobin ito? Binabalewala niya ang isyu, hindi niya iniisip na ang saloobing ito ay masama, na mapaghimagsik ito laban sa Diyos, na ito ay nagmumula kay Satanas, o na ito ay isang pagbubunyag ng satanikong disposisyon; hindi niya nadarama o napagtatanto kung ano ang tingin dito ng Diyos at kung gaano ito kinasusuklaman ng Diyos—ganyan kalala ang problema ng katigasan ng kalooban. Ang disposisyon ba ng katigasan ng kalooban ay mabuti o masama? (Ito ay masama.) Ito ay isang satanikong disposisyon. Ginagawa nitong mahirap para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan, at lalo pang pinahihirap nito na sila ay magsisi. Ang lahat ng satanikong disposisyon ay mga negatibong bagay, lahat ng ito ay kinamumuhian ng Diyos, at wala sa mga ito ang positibong bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “may dalawang magkaibang uri: ‘pagmamatigas’ at ‘katigasan.’”
Ang isa pang pangunahing pagpapamalas ay isang bagay na umiiral sa loob ng kalikasang diwa ng bawat tao: pagiging matigas ang kalooban. Ang pagpapamalas na ito ay napakapartikular at malinaw din, hindi ba? (Oo.) Ang pagiging tutol sa katotohanan at pagiging matigas ang kalooban—ang mga ito ang dalawang pangunahing pagpapamalas at pagpapakita ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Ang mga partikular na pagpapamalas, pananaw, at saloobing ito ay tunay at tumpak na naglalarawan na ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay naglalaman ng isang elemento ng pagtutol sa katotohanan, at siyempre, ang mas signipikante, mga pagpapamalas ng pagiging matigas ang kalooban. Ibig sabihin, anuman ang sabihin ng Diyos, at anumang mga tiwaling disposisyon ng tao ang mabunyag sa pamamagitan ng gawain ng Diyos, matigas ang ulong tumatanggi ang mga tao na aminin ito at matigas ang ulong nilalabanan ito. Siyempre, bukod sa malinaw na paglaban o mapanghamak na pagtanggi, may isa pang pagpapamalas: Sa kanilang puso, hindi nila binibigyang-pansin ang mga salita at gawain ng Diyos, na para bang ang Kanyang mga salita at gawain ay walang kinalaman sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng “hindi binibigyang-pansin”? Nangangahulugan ito na paano man hatulan at ilantad ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng tao, pakiramdam ng mga tao ay wala itong kinalaman sa kanila; hindi nila ito tinatanggap ni kinikilala. Matatawag ba nating “matigas ang kalooban” ang gayong saloobin? (Oo.) Isa itong pagpapamalas ng pagiging matigas ang kalooban. Kinasasangkutan ito ng pagsasabing, “Namumuhay ako kung paano ko man gusto, at sa anumang paraan na nagpapaginhawa at nagpapasaya sa akin. Ang mga pagpapamalas na sinasabi Mo tulad ng pagmamataas, panlilinlang, pagiging tutol sa katotohanan, kabuktutan, at pagiging malupit—kahit na mayroon nga ako ng mga ito, ano naman? Hindi ko susuriin ang mga ito, o susubukang kilalanin ang mga ito, o tatanggapin ang mga salitang ito. Ganito ako manampalataya sa Diyos, ano ang gagawin Mo tungkol dito?” Isa itong saloobin ng pagiging matigas ang kalooban. Hindi binibigyang-pansin at binabalewala ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at anuman ang paraan ng pagsasalita na ginagamit Niya—maging ito man ay panghihikayat at pag-aliw, o mga paalala at babala—pare-pareho nila Siyang binabalewala at hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila pinagbubulayan kahit kaunti ang layunin ng mga salita ng Diyos o ang epekto na nilalayong makamit ng mga ito. Kapag may ganitong uri ng pag-iisip ang mga tao, tinatawag itong pagiging matigas ang kalooban. Sa madaling salita, binabalewala nila ang masisidhing layunin ng Diyos, at higit pa rito, binabalewala nila ang sinseridad at masisidhing layunin sa likod ng pagliligtas ng Diyos sa tao. Paano man ipahayag ng Diyos ang katotohanan o maghanda ng iba’t ibang kapaligiran para sa mga tao, wala silang determinasyon na makipagtulungan at ayaw nilang magsikap tungo sa katotohanan. Kahit na aminin nila na ang nilalaman ng paghatol at paglalantad ng Diyos ay ganap na tunay, hindi nila tinatanggap ang katotohanan sa kanilang puso at hindi nila pinagninilayan ang kanilang sarili kahit kaunti. Gaano man sila pungusan, hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi, at paano man subukan ng iba na tulungan sila, kumakapit pa rin sila sa sarili nilang mga pananaw: “Ano’t anuman, isa akong tunay na mananampalataya, hindi masama ang aking pagkatao, hindi ako sadyang gagawa ng masama, at sa aking pananalig, kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay at magdusa at handa akong magbayad ng halaga. Hindi ako aabandonahin ng Diyos.” Hindi ba’t katulad lamang ito ng pagkasabi ni Pablo: “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8)? Iyan ang uri ng saloobing taglay nila. Ano ang disposisyon sa likod ng gayong saloobin? Katigasan ng kalooban.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (1)
Kung may konsensiya at katwiran ang tao, at nananabik siya sa katotohanan, ngunit hindi nila kailanman alam na magnilay-nilay sa sarili at magbalik-loob pagkatapos makagawa ng mga pagkakamali, sa halip ay naniniwalang ang nakaraan ay nakalipas na, at hindi kailanman nakakaramdam na mali sila, anong uri ng disposisyon ang ipinakikita nito? Anong uri ng pag-uugali? Ano ang diwa ng gayong pag-uugali? (Ang pagiging matigas ang kalooban.) Ang gayong tao ay matigas ang kalooban at, kahit anong mangyari, iyon ang landas na kanyang susundan. Hindi gusto ng Diyos ang gayong tao. Ano ang sinabi ni Jonas nang iparating niya ang mga salita ng Diyos sa mga taga-Ninive? (“Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak” (Jonas 3:4).) Ano ang reaksyon ng mga taga-Ninive sa mga salitang ito? Nang makita nilang lilipulin sila ng Diyos, nagmadali silang magbihis ng sako at maglagay ng abo, ipagtapat ang kanilang mga kasalanan sa Kanya, at lisanin ang daan ng kasamaan. Ito ang ibig sabihin ng pagsisisi. Para sa tao, ang magawang magsisi ay nagbibigay ng isang pambihirang pagkakataon; kung palalampasin mo ang pagkakataong ito, mawawalan ka ng pagkakataong patuloy na mabuhay. Kahit ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung walang tunay na pagsisisi, magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang kaligtasan. Sa panahon ng pananampalataya sa Diyos—makaranas ka man ng paghatol at pagkastigo, o makatanggap ng pagpupungos—kung hindi ka magbabalik-loob, at kakapit pa rin sa mga maling panrelihiyong pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos at mga maling panrelihiyong paraan ng pananampalataya sa Diyos, kahit na malinaw mong nalalaman sa puso mo na madalas kang magkasala at madalas na magtapat, at gayunman ay hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at namumuhay ka pa rin ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, kung gayon ang Diyos, sa Kanyang panig, ay tiyak na ititiwalag ka. Bagama’t hindi mo isinantabi ang tungkuling hawak mo, at tumutuon ka pa rin sa iyong tungkulin at may kaunting katapatan ka sa atas ng Diyos, at nakikita ng mga tao na katanggap-tanggap ito, may isang bagay pa rin: Ang alitan sa pagitan mo at ng Diyos ay lumikha ng isang permanenteng gusot. Hindi mo ginamit ang katotohanan para lutasin ito at magkamit ng tunay na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Dahil dito, lumalalim ang maling pagkaunawa mo sa Diyos, at palagi mong iniisip na mali ang Diyos at ginawan ka ng masama. Nangangahulugan itong hindi ka pa nagbalik-loob. Nananatili pa rin ang iyong mga kuru-kuro, ang iyong maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong paghihimagsik, na nagdudulot sa iyo na hindi magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop, na laging maghimagsik laban sa Diyos at kumontra sa Kanya. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na naghihimagsik laban sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at matigas na tumatangging magsisi? Bakit masyadong pinahahalagahan ng Diyos ang pagbabalik-loob ng tao? Anong saloobin ang dapat mayroon ang isang nilikha sa Lumikha? Ang saloobing kumikilala na ang Lumikha ay tama, anuman ang Kanyang gawin. Kung hindi mo ito kikilalanin, ang Lumikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, ay magiging mga hungkag na salita lamang sa iyo. Kung gayon nga, makakamit mo pa rin ba ang kaligtasan? Hindi. Hindi ka magiging kalipikado; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong katulad mo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (3)
Palaging nalilimitahan ang ilang tao ng mga pagsalangsang nila dati; iniisip nila, “Hindi posibleng mapatawad ng Diyos ang anumang bagay na sumasalungat sa Kanyang disposisyon. Matagal na Niya akong itinaboy sa Kanyang puso. Paano ko man hangarin ang katotohanan, wala itong silbi.” Anong klaseng saloobin ito? Tinatawag itong paghihinala at maling pagkaunawa sa Diyos. Ang totoo, bago ka pa man gumawa ng anumang bagay na sumalungat sa disposisyon ng Diyos, mayroon ka nang walang galang, walang pagpipitagan, at pabasta-bastang saloobin sa Kanya, at hindi mo pinakitunguhan ang Diyos bilang Diyos. Kapag nagbubunyag ang mga tao ng mga satanikong disposisyon dahil sa isang sandali ng kamangmangan o pagiging padalos-dalos, at walang magdidisiplina o pipigil sa kanila, nakagagawa sila ng mga pagsalangsang. Matapos magkaroon ng mga kahihinatnan ang mga pagsalangsang nila, hindi nila alam na magsisi pero nakakaramdam pa rin sila ng pagkabagabag sa loob. Nag-aalala sila sa kalalabasan at magiging destinasyon nila sa hinaharap. Naookupa ng mga bagay na ito ang kanilang mga puso, at lagi nilang iniisip, “Tapos na ako, wala na akong pag-asa, kaya magpapadala na lang ako sa kawalan ng pag-asa. Kapag dumating ang araw na ayaw na sa akin ng Diyos at kinamumuhian na Niya ako nang lubos, ang pinakamasamang bagay na maaaring mangyari ay ang mamatay ako. Ipinapasailalim ko ang aking sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos.” Sinasabi nilang ipinapasailalim nila ang kanilang sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at nagpapasakop sila sa Kanyang mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan, pero ano ba ang talagang kalagayan sa kanilang mga puso? Ito ay paglaban at katigasan ng kalooban; hindi sila nagsisisi. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagsisisi? Nangangahulugan itong kumakapit sila sa sarili nilang mga ideya. Anuman ang sabihin ng Diyos, hindi nila ito pinaniniwalaan o tinatanggap; lagi nilang iniisip, “Ang mga salita ng panghihikayat at pag-alo ng Diyos ay hindi para sa akin, kundi para sa ibang tao. Pagdating naman sa akin, tapos na ako, wala na akong pag-asa, wala akong halaga—matagal nang ayaw sa akin ng Diyos. Paano man ako umamin ng mga kasalanan ko, manalangin, o makaramdam ng pagsisisi at umiyak, hindi na Niya ako bibigyan kailanman ng isa pang pagkakataon.” Ganito nila sinusukat at pinagdududahan ang Diyos sa kanilang mga puso. Anong klaseng saloobin ito? Saloobin ba ito ng pag-amin at pagsisisi? Kitang-kita namang hindi. Ang ganitong uri ng saloobin ay kumakatawan sa isang klase ng disposisyon—ang katigasan ng kalooban, matinding katigasan ng kalooban. Sa panlabas ay mukha silang talagang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, walang pinakikinggan, nauunawaan ang bawat doktrina subalit walang isinasagawang anuman. Sa katunayan, isa itong disposisyon ng katigasan ng kalooban. Sa pananaw ng Diyos, ang katigasan ng kalooban ba ay pagpapasakop o pagrerebelde? Ito ay malinaw na pagrerebelde. Gayunman, pakiramdam nila ay lubha silang nagawan ng mali: “Dati ay mahal na mahal ko ang Diyos, pero hindi Niya mapalampas ang isang maliit na pagkakamaling nagawa ko, at ngayon ay wala na akong kalalabasan. Nagbigay-hatol na ang Diyos sa mga taong gaya ko. Isa akong taong kagaya ni Pablo.” Sinabi ba ng Diyos na ikaw si Pablo? Hindi iyon sinabi ng Diyos. Sinasabi mong ikaw si Pablo—saan galing ito? Sinasabi mong hahampasin ka ng Diyos, parurusahan, at ipapadala sa impiyerno. Sino ang nagtukoy ng kinalabasang ito? Malinaw na ikaw mismo ang nagtukoy nito. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ipapadala ka sa impiyerno kapag tapos na ang Kanyang gawain, at na hindi ka makakapasok sa kaharian ng langit. Hangga’t hindi sinasabi ng Diyos na itinataboy ka Niya, mayroon kang pagkakataon at karapatang hangarin ang katotohanan, at dapat mo lang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Dapat ay mayroon kang ganitong uri ng saloobin. Ito lamang ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan at sa pagliligtas ng Diyos—ang saloobin ng tunay na pagsisisi. Lagi kang kumakapit sa mga sarili mong kuru-kuro, imahinasyon, at maling pagkakaunawa; puno at okupado ka na ng mga bagay na ito, at natukoy mo pa nga na hindi ka ililigtas ng Diyos, at pagkatapos ay nagkaroon ka ng isang mentalidad na maging pabasta-basta sa pagganap mo ng iyong tungkulin, ng isang mentalidad na hayaan mo na lang ang sarili mo na malugmok sa kawalan ng pag-asa, isang mentalidad na negatibo at pasibo, isang mentalidad na mabuhay na lang araw-araw, isang mentalidad na pagraraos lang. Makakamit mo ba ang katotohanan? Hindi mo makakamit ang katotohanan nang may ganitong mentalidad, at hindi ka maliligtas. Hindi ba’t kaawa-awa ang ganitong tao? (Oo, kaawa-awa sila.) Ano ang dahilan ng kanilang pagiging lubhang kaawa-awa? Ito ay dahil sa kanilang kamangmangan. Nakagagawa sila ng mga pagsalangsang ngunit hindi nila hinahanap ang katotohanan. Lagi nilang pinag-aaralan at pinaghahaka-hakaan ang saloobin ng Diyos sa kanila, at gusto pa nga nilang suriing mabuti ang mga salita ng Diyos, sinusubukang makita kung aling mga salita ng Diyos ang tumutukoy sa kanilang sitwasyon, kung ano ang saloobin ng Diyos, kung paano Siya nagbibigay-hatol, at kung ano ang kalalabasan nila—at sa pamamagitan nito ay matukoy kung ano ang magiging resulta ng usapin. Ang ganito bang pamamaraan ay paghahanap sa katotohanan? Siguradong hindi. Iginigiit nilang ilapat sa sarili nila ang mga salita ng Diyos na nagkokondena at sumusumpa, nabubuhay sila sa pagiging negatibo—na mukhang karupukan, kaduwagan, at pagkanegatibo, pero sa katunayan ay isang uri ng antagonismo. Ano ang disposisyong nasa likod ng antagonismo? Ito ay ang katigasan ng kalooban. Sa mga mata ng Diyos, ang katigasan ng kalooban na ito ay isang uri ng pagrerebelde, at ang pinakakinasusuklaman Niya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahangad Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos
Alam ba ninyo kung anong uri ng tao ang sinusukuan ng Diyos sa huli? (Isang taong patuloy na matigas ang kalooban at hindi nagsisisi sa harap ng Diyos.) Ano ang partikular na kalagayan ng ganitong uri ng tao? (Kapag ginagawa niya ang kanyang mga tungkulin, palagi siyang pabaya, at kapag nahaharap sa mga problema, hindi niya hinahanap ang katotohanan para magkaroon ng resolusyon. Hindi siya masigasig sa kung paano niya dapat isagawa ang katotohanan, at walang ingat na pinangangasiwaan ang lahat ng bagay. Kontento na siya sa hindi paggawa ng mga masama o buktot na bagay, at hindi siya nagsusumikap para sa katotohanan.) Ang pagiging pabasta-basta ay dapat himayin ayon sa sitwasyon: ang ilang tao ay pabasta-basta dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at iniisip nila na normal ang pagiging pabasta-basta, samantalang ang iba ay sinasadyang maging pabasta-basta, sadyang pinipiling kumilos nang ganito. Kumikilos sila nang ganito kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at kahit na nauunawaan na nila, hindi nila binabaligtad ang kanilang landas. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, patuloy silang kumikilos sa ganitong paraan nang walang katiting na pagbabago. Hindi sila nakikinig kapag may pumupuna sa kanila, ni tinatanggap ang pagpupungos. Sa halip, matigas ang kanilang paninindigan hanggang sa wakas. Ano ang tawag dito? Ito ay katigasan ng kalooban. Alam ng lahat na ang “katigasan ng kalooban” ay isang negatibong termino, isang mapanghamak na termino. Hindi ito isang mabuting salita. Kaya, ano sa tingin ninyo ang kalalabasan kung naugnay ang terminong “matigas ang kalooban” sa isang tao, at tumugma siya sa deskripsyon? (Siya ay itataboy at isasantabi ng Diyos.) Sinasabi Ko sa inyo, ang pinakakinapopootan at gustong sukuan ng Diyos ay ang ganitong mga uri ng mga tao na matigas ang kalooban. Ganap nilang batid na nakagawa sila ng mali, ngunit hindi nila pinagninilayan ang kanilang sarili; hindi lang sa hindi sila nakakaramdam ng kahit katiting na pagsisisi, kundi matigas din silang tumatangging aminin ang kanilang pagkakamali. Naghahanap pa nga sila ng mga palusot at dahilan upang absuweltuhin ang kanilang sarili at gumagawa ng maling pangangatwiran upang ipagtanggol ang kanilang sarili, nais na gamitin ang mas tusong pamamaraang ito upang pagtakpan ang totoo sa paningin ng ibang tao. Bilang resulta, patuloy silang gumagawa ng masama nang walang katiting na intensyong magsisi o umamin ng pagkakamali. Ang gayong mga tao ay may problema, at hindi magiging madali para sa kanila na makamit ang kaligtasan. Sila ang mismong mga tao na nais sukuan ng Diyos. Bakit susukuan ng Diyos ang gayong mga tao? (Dahil hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at naging manhid na ang kanilang konsensiya.) Dahil ang gayong mga tao ay hindi puwedeng maligtas. Hindi inililigtas ng Diyos ang ganitong mga tao; hindi Siya gumagawa ng gayong walang saysay na gawain. Sa panlabas ay tila hindi sila inililigtas ng Diyos, at ayaw sa kanila ng Diyos, ngunit sa katunayan, may totoong dahilan, at iyon ay na hindi tinatanggap ng mga taong ito ang pagliligtas ng Diyos, at tinatanggihan at tinututulan nila ang pagliligtas ng Diyos. Iniisip nila, “Hinihingi Mo na magpasakop ako, na tanggapin ko ang katotohanan, at isagawa ang katotohanan—ano ang makakamit ko mula rito? Ano ang bentaha? Gagawin ko lang ito kung may pakinabang sa akin. Kung walang pakinabang, hindi ko gagawin.” Anong uri ng mga tao ito? Sila ay mga taong inuudyukan lamang ng pansariling interes, at ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay pawang inuudyukan lamang ng pansariling interes. Hindi matanggap ng mga taong nauudyukan lamang ng pansariling interes ang katotohanan. Kung susubukan mong magbahagi tungkol sa katotohanan sa isang taong inuudyukan lamang ng pansariling interes, at hilingin sa kanya na kilalanin ang kanyang sarili at aminin ang kanyang mga pagkakamali, paano siya tutugon? “Anong pakinabang ang makukuha ko sa pag-amin ng aking mga pagkakamali? Sinasabihan mo akong aminin na may ginawa akong mali, at ipagtapat ang aking mga kasalanan at magsisi—anong mga pagpapala ang makakamit ko mula riyan? Kung masisira ang aking reputasyon at mga interes at daranas ako ng kawalan, sino ang magbabayad sa akin?” Ito ang kanyang mentalidad. Naghahanap lamang siya ng pansariling pakinabang, at pagdating sa kung paano dapat kumilos ang isang tao upang makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos, pakiramdam niya ay lubha itong hindi makatotohanan, at sadyang hindi siya naniniwalang posible ito; pinaniniwalaan lamang niya ang nakikita ng kanyang sariling mga mata. Ang gayong mga tao ay inuudyukan lamang ng pansariling interes, at namumuhay sila ayon sa pilosopiya ni Satanas na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Iyon ang kanilang kalikasang diwa. Sa kanilang puso, ang pagkilala sa Diyos at pagkilala sa katotohanan ay nangangahulugang nananampalataya sila sa Diyos. Ang hindi paggawa ng masama ay ayos lang sa kanila, ngunit dapat silang makatanggap ng mga pakinabang at talagang ganap na hindi makaranas ng kawalan. Saka lang nila isasaalang-alang ang pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos kapag hindi naaapektuhan ang kanilang mga interes. Kung mapipinsala nito ang kanilang mga interes, at hinihingi sa kanila na isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, hindi nila ito magagawa. Ang hilingin sa kanila na igugol ang kanilang sarili, magdusa, o magbayad ng halaga para sa Diyos ay mas lalong imposible. Hindi tunay na mga mananampalataya ang mga taong tulad nito. Namumuhay lang sila para sa kanilang mga sariling interes, naghahanap lamang ng mga pagpapala at pakinabang, at ayaw nilang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga, ngunit nagnanais pa rin sila na walang kahihiyang magpatambay-tambay sa sambahayan ng Diyos, umaasang matakasan ang kalalabasan ng kamatayan. Ang gayong mga tao ay hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan at hindi maililigtas ng Diyos. Ililigtas pa ba sila ng Diyos? Tiyak na itataboy at ititiwalag sila ng Diyos. Ibig bang sabihin niyon ay hindi sila inililigtas ng Diyos? Sinukuan na nila ang kanilang sarili. Hindi sila nagsusumikap tungo sa katotohanan, hindi nananalangin sa Diyos, o hindi umaasa sa Diyos, kaya paano sila ililigtas ng Diyos? Ang tanging paraan ay ang sukuan sila, isantabi, at hayaan silang pagnilayan ang kanilang sarili. Kung nais ng mga tao na mailigtas, ang tanging paraan ay ang tanggapin nila ang katotohanan, kilalanin ang kanilang sarili, isagawa ang katotohanan at magkaroon ng tunay na pagpapasakop. Sa ganitong paraan, makakamit nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang pagsasagawa ng katotohanan upang makapagpasakop at matakot sa Diyos ay isang bagay na dapat nilang makamit sa huli upang matamo ang kaligtasan, at isang bagay na dapat nilang ipamalas at isabuhay. Kung hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, wala ka nang mapipiling ibang landas. Kung hindi tinatahak ng isang tao ang landas na ito, masasabi lamang na hindi siya naniniwala na ang katotohanan ay makapagliligtas sa kanya, at na hindi siya naniniwala na ang lahat ng salitang binigkas ng Diyos ay maaaring makapagpabago sa kanya at magawa siyang maging isang totoong tao. Higit pa rito, lubos siyang hindi naniniwala na ang Diyos ang katotohanan, at hindi rin siya naniniwala sa katunayan na ang katotohanan ay maaaring makapagpabago at magligtas sa mga tao. Samakatwid, kahit gaano mo pa ito himayin, masyadong matigas ang kalooban ng gayong tao. Tumatanggi siyang tanggapin ang katotohanan anuman ang mangyari, hindi na siya maliligtas, at imposible nang maligtas siya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita
Kaya, mayroon bang landas para mabago ang isang disposisyon ng katigasan ng kalooban? Ang pinakasimple at pinaka-deretsahang pamamaraan ay ang baguhin ang iyong saloobin sa mga salita ng Diyos at sa Diyos Mismo. Paano mo magagawa ito? Pagnilayan, himayin, at kilalanin ang iyong sarili sa usapin ng mga tiwaling disposisyong ibinubunyag mo at sa saloobin mong matigas ang kalooban, at tingnan kung alin sa iyong mga kilos at salita, kung sa aling mga pananaw at intensiyon ka kumakapit, at partikular na kung sa alin sa mga iniisip at ideyang ibinubunyag mo, ang pinamamahalaan ng iyong disposisyon ng katigasan ng kalooban. Magsimula sa mga pagpapamalas, pagbubunyag, at mga kalagayang ito—suriin at lutasin ang mga ito nang isa-isa, at pagkatapos ay baguhin ang mga ito. Sa sandaling may kaunti ka nang natukoy sa pamamagitan ng pagsusuri, agad na baguhin ito. Halimbawa, pinag-uusapan pa lamang natin ang pagkilos batay sa mga kagustuhan at timpla ng isang tao, na siyang pagkasutil. Ang disposisyon ng pagkasutil ay may kasamang isang kalikasan ng pagiging tutol sa katotohanan. Kung natatanto mo na ganyan kang uri ng tao, na may ganyan kang uri ng tiwaling disposisyon, at hindi mo pa rin pinagninilay-nilayan ang iyong sarili o hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, matigas na naniniwala na ayos ka lang, katigasan iyan ng kalooban. Ang ilang tao, pagkatapos Akong marinig na ilantad ang mga kalagayang ito, ay nakikita na ang mga salitang ito ay angkop sa kanila, at inaamin din nila na nasa ganitong mga kalagayan sila, pero sadyang hindi nila hinahanap ang katotohanan. Ano ang ipinapahiwatig nito? Hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam sa mga mali at tiwaling kalagayang ito, at iniisip pa nga na ayos lang ang mga ito. Hindi ba’t isa itong kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan? Kung isa itong kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan, dapat itong lutasin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Paano mo hahanapin ang katotohanan? Magsimula sa pamamagitan ng pagbitiw sa iyong pagkaramdam ng superyoridad, sa iyong pagkasutil, at sa iyong pagsunod sa iyong mga kapritso; mabuti o masama man ang lagay ng loob mo, tingnan mo kung ano ang mga hinihingi ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa laman at magsagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ano ang magiging tingin Niya sa iyo? Kung kaya mo talagang magsimulang lutasin ang mga tiwaling pag-uugaling ito, tanda iyan na positibo at aktibo kang nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Sadya kang maghihimagsik laban sa disposisyong iyon at lulutasin mo ang disposisyong iyon na tutol sa katotohanan, at kasabay niyan, malulutas mo ang iyong disposisyon ng katigasan ng kalooban. Kapag nalutas mo na pareho ang mga tiwaling disposisyong ito, magagawa mo nang magpasakop sa Diyos at palugurin Siya, at masisiyahan Siya rito.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (1)
Ang katigasan ng kalooban ay isang problema ng isang tiwaling disposisyon; nasa kalikasan ito ng isang tao, at hindi ito madaling lutasin. Kapag ang isang tao ay may disposisyon ng katigasan ng kalooban, pangunahin itong naipamamalas bilang pagkahilig sa pakikipag-argumento at paggamit ng mapanlinlang na pangangatwiran para depensahan ang kanyang sarili, pagkapit sa sarili niyang mga ideya, at hindi madaling pagtanggap sa mga bagong bagay. May mga pagkakataon na alam ng mga tao na mali ang mga pananaw nila, ngunit pinanghahawakan nila ang mga iyon alang-alang sa kanilang banidad at pride, matigas sila hanggang sa huli. Ang gayong disposisyon ng katigasan ng kalooban ay mahirap baguhin, kahit pa may kamalayan doon ang isang tao. Upang lutasin ang problema ng katigasan ng kalooban, kailangang malaman ng isang tao ang kanyang pagmamataas, pagiging mapanlinlang, kalupitan, pagiging tutol sa katotohanan, at iba pang gayong disposisyon. Kapag alam ng isang tao na siya ay mapagmataas, mapanlinlang, malupit, at tutol sa katotohanan, na ayaw niyang maghimagsik laban sa laman kahit na nais niyang isagawa ang katotohanan, at na palagi siyang nangangatwiran at nagpapaliwanag ng mga paghihirap niya kahit na nais niyang magpasakop sa Diyos, magiging madali sa kanya na magkamit ng pagkatanto sa problema niya ng pagiging matigas ang kalooban. Para malutas ang problemang ito, dapat munang taglayin ng isang tao ang normal na katwiran at magsimula sa pagkatutong makinig sa mga salita ng Diyos. Kung nais mong maging tupa ng Diyos, kailangan mong matutong makinig sa Kanyang mga salita. At paano ka dapat makinig sa mga iyon? Sa pakikinig sa anumang problemang inilalantad ng Diyos sa Kanyang mga salita na may kaugnayan sa iyo. Kung makahanap ka ng isa, dapat mo itong tanggapin; kailangan ay hindi mo paniwalaan na isa itong problema na taglay ng ibang tao, na problema ito ng lahat, o problema ng sangkatauhan, at na wala itong kinalaman sa iyo. Mali na magkaroon ka ng gayong paniniwala. Dapat kang magnilay-nilay, sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, kung taglay mo ba ang mga tiwaling kalagayan o mga baluktot na pananaw na inilalantad ng Diyos. Halimbawa, kapag narinig mo ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyong ibinubunyag ng isang tao, dapat mong isipin: “Nagpapakita ba ako ng mga pagpapamalas ng pagmamataas? Isa akong tiwaling tao, kaya tiyak na nagpapakita ako ng mga pagpapamalas na iyon; dapat kong pagnilayan kung saan ko iyon ginagawa. Sinasabi ng mga tao na mapagmataas ako, na palagi akong kumikilos na parang nakakataas sa iba, na nalilimitahan ko ang mga tao kapag nagsasalita ako. Iyon ba talaga ang disposisyon ko?” Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, mapagtatanto mo sa wakas na tumpak na tumpak ang paglalantad ng mga salita ng Diyos—na isa kang mapagmataas na tao. At yamang tumpak na tumpak ang paglalantad ng mga salita ng Diyos, yamang tugmang-tugma ito sa sitwasyon mo nang wala ni katiting na pagkakaiba, at nakikita mo na lalo pa itong nagiging tumpak habang mas pinagninilayan mo ang iyong sarili, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, at makilatis at malaman ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay makadarama ka ng tunay na pagsisisi. Sa pananampalataya sa Diyos, makikilala mo lang ang sarili mo sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita nang ganito. Upang malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, kailangan mong tanggapin ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo kayang gawin iyon, imposibleng maiwaksi mo ang mga tiwaling disposisyon mo. Kung isa kang matalinong tao, at nakakikita na sa pangkalahatan ay tumpak ang paglalantad ng mga salita ng Diyos, o kaya mong aminin na tama ang kalahati nito, dapat mo itong tanggapin agad at magpasakop ka sa harap ng Diyos. Kailangan mo ring magdasal sa Kanya at pagnilayan ang iyong sarili. Saka mo lang mauunawaan na tumpak ang lahat ng salita ng Diyos ng paglalantad, na ang lahat ng iyon ay katunayan, at wala nang iba pa. Tunay lamang na mapagninilayan ng mga tao ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapasakop sa harap ng Diyos at pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Saka lang nila makikita ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na umiiral sa kaibuturan nila, at na mapagmataas at mapagmagaling nga sila, na wala ni katiting na katwiran. Kung sila ay mga nagmamahal sa katotohanan, magpapatirapa sila sa harap ng Diyos, aaminin sa Kanya na malalim silang nagawang tiwali, at magiging handang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang pusong may pagsisisi at magsisimulang itanggi at kamuhian ang kanilang sarili, nakakaramdam ng pagsisisi: “Dati, alam na alam ko na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, kaya bakit hindi ko nagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos? Bakit napakamapagmataas ng aking saloobin sa mga salita ng Diyos?” Pagkatapos ng madalas na pagninilay sa sarili sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, aaminin nila mula sa puso na sila nga ay mapagmataas, at na ganap na walang katwiran para sa kanila na mabigong ganap na aminin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at mga katunayan. Pero isang napakahirap na bagay na makilala ang sarili. Sa bawat pagkakataon na nagninilay ang isang tao, makapagkakamit lang siya ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang sarili, at lalalim nang kaunti. Ang pagkakaroon ng malinaw na kaalaman sa isang tiwaling disposisyon ay hindi isang bagay na maisasakatuparan sa maikling panahon; ang isang tao ay kailangang higit na magbasa ng mga salita ng Diyos, higit na magdasal, at higit na pagnilay-nilayan ang kanyang sarili. Sa gayon lang niya unti-unting makikilala ang kanyang sarili. Lahat ng tunay na nakakakilala sa kanilang sarili ay ilang beses nang nabigo at nadapa noon, pagkatapos mangyari ang mga iyon, binasa nila ang mga salita ng Diyos, nagdasal sa Kanya, at pinagnilayan ang kanilang sarili, at kaya malinaw nilang nakita ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, at nadama na talaga ngang lubha silang naging tiwali, at ganap na wala silang katotohanang realidad. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos nang ganito, at mananalangin ka sa Kanya at hahanapin mo ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, unti-unti mong makikilala ang sarili mo. Pagkatapos isang araw, magiging malinaw na sa wakas ang puso mo: “Maaaring medyo mas may kakayahan ako kaysa sa iba, pero ibinigay ito sa akin ng Diyos. Palagi akong mapagmalaki, sinisikap kong higitan ang iba kapag nagsasalita ako, at sinisikap kong pasunurin ang mga tao sa gusto ko. Tunay na wala akong katwiran—ito ay kayabangan at pagmamagaling! Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko ang sarili kong mayabang na disposisyon. Ito ay kaliwanagan at biyaya ng Diyos, at pinasasalamatan ko Siya para dito!” Mabuting bagay ba o masama ang malaman ang sarili mong tiwaling disposisyon? (Mabuting bagay.) Mula roon, dapat kang maghanap kung paano magsasalita at kikilos nang may katwiran at pagsunod, paano ka papantay sa iba, paano tatratuhin ang iba nang patas, paano umiwas sa paglilimita sa kanila, paano mo tatratuhin nang tama ang iyong kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at iba pa. Sa ganitong paraan, gaya ng isang bundok na unti-unting pinupukpok hanggang sa maging alikabok, malulutas ang iyong mayabang na disposisyon. Pagkatapos niyon, kapag nakipag-ugnayan ka sa iba o nakipagtulungan sa kanila na gawin ang isang tungkulin, magagawa mong tratuhin nang tama ang kanilang mga pananaw at masinsin silang pagtuunan ng pansin habang nakikinig ka sa kanila. Kapag naririnig mong nagpapahayag ang iba ng mga pananaw na tama at ayon sa katotohanan, mapagtatanto mo na ang ibang tao ay pawang mayroon ding sariling mga kalakasan at hinding-hindi mas mababa sa iyo. Iisipin mo, “Bakit ko palaging pinaniwalaan na mas magaling ako kaysa sa iba? Iyon ay paghanga sa sarili at makitid ang isip na kamangmangan. Para akong isang palaka sa ilalim ng balon. Ang pag-iisip nang ganoon ay labis na kulang sa katwiran—walang-kahihiyan iyon! Binulag ng mapagmataas kong disposisyon ang aking mga mata at tinakpan ang aking mga tainga. Hindi ako nakinig sa sinabi ng sinuman at inisip ko lang na maayos at tama ako. Lumalabas na hindi ako mas magaling kaysa sa sinuman!” Mula noon, magkakaroon ka ng tunay na kabatiran at kaalaman tungkol sa sarili mong mga kakulangan at sa iyong mababang tayog. Pagkatapos, kapag nakikipagbahaginan ka sa iba, at nakikipagtulungan sa kanila sa paggampan ng iyong tungkulin, matutuklasan mo na napakaraming tao ang mas magaling kaysa sa iyo, at na ang iyong kakayahan at abilidad na makaarok, sa pinakamainam, ay pangkaraniwan lang. Hindi ba’t magpapahiwatig ito na mayroon kang kaunting kamalayan sa sarili? Sa pagdanas sa ganitong paraan—madalas na pagninilay sa iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos—magagawa mong magkamit ng tunay na pagkilala sa sarili, at ang kaalamang ito ay lalalim nang lalalim. Makikilatis mo ang katotohanan ng iyong katiwalian, makikita ang iyong karukhaan at kaawa-awang kalagayan, at makikita ang iyong hindi matiis na kapangitan. Sa panahong iyon, makakaramdam ka ng pagtutol sa iyong sarili at kamumuhian mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magiging madali na para sa iyo na maghimagsik laban sa iyong sarili. Ganoon mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Batay sa mga salita ng Diyos, kailangan mong magnilay-nilay sa mga pagbubunyag mo ng iyong katiwalian. Sa partikular, pagkatapos mong magbunyag ng tiwaling disposisyon sa anumang sitwasyon, kailangan mong madalas na pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na makita nang malinaw ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magagawa mong kamuhian ang iyong laman at si Satanas mula sa puso, at sa iyong puso ay mahalin at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, patuloy na mababawasan ang iyong mayabang na disposisyon, at unti-unti mo itong maiwawaksi. Makapagtatamo ka ng mas paparami pang katwiran, at magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Sa paningin ng iba, magiging mas matatag ka, mas praktikal, at magiging mas obhetibo sa pagsasalita. Makikinig ka sa iba, at kapag may sinabi silang tama, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang kanilang mga salita. Magagawa mong makisalamuha sa mga tao nang normal, at makipagtulungan sa kanila nang may pagkakasundo. Sa paggampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t magkakaroon ka ng katwiran at pagkatao? (Oo.) Iyan ang paraan para malutas ang tiwaling disposisyong ito.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (1)
Gamitin nating halimbawa ang disposisyon na matigas ang kalooban: Sa simula, kapag wala pang nagiging anumang pagbabago sa iyong disposisyon, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at wala ka ring kamalayan na mayroon kang disposisyon na matigas ang kalooban, at nang marinig mo ang katotohanan, naisip mo, “Paanong laging inilalantad ng katotohanan ang mga peklat ng mga tao?” Matapos mo itong marinig, nadama mo na tama ang mga salita ng Diyos, pero pagkalipas ng isa o dalawang taon, hindi mo pa rin isinasapuso ang alinman sa mga ito, at hindi mo pa tinatanggap ang alinman sa mga ito. Ito ay katigasan ng kalooban, hindi ba? Makaraan ang dalawa o tatlong taon, hindi mo pa rin tinatanggap ang mga ito kahit kaunti, walang naging pagbabago sa kalagayang nasa loob mo, at kahit na hindi ka napag-iwanan sa paggawa mo sa iyong tungkulin, at labis ka nang nagdusa at nagbayad ng malaking halaga, hindi pa nalutas ni kaunti o nabawasan man lang ang iyong kalagayang matigas ang kalooban. Kaya, nagkaroon na ba ng anumang pagbabago sa aspektong ito ng iyong disposisyon? (Hindi.) Kung gayon, bakit ka nagpaparoo’t parito at gumagawa? Anuman ang dahilan mo sa paggawa nito, pikit-mata kang nagpaparoo’t parito at gumagawa, dahil nagpaparoo’t parito ka at gumagawa nang ganito karami, pero wala pa rin ni katiting na pagbabago sa iyong disposisyon. Isang araw, bigla mong maiisip, “Paanong, sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa lahat ng taon na ito, hindi ako makapagsabi ng ni isang salita ng patotoo? Hindi pa nagbago ni kaunti ang buhay disposisyon ko.” Sa panahong ito ay madarama mo kung gaano kalubha ang problemang ito, at iisipin mo, “Tunay na mapaghimagsik ako at matigas ang kalooban ko! Hindi ako isang taong naghahangad ng katotohanan! Hindi ko pa tinatanggap ang mga salita ng Diyos sa puso ko! Paano ito matatawag na pananalig sa Diyos? Ilang taon na akong nananampalataya sa Diyos pero hindi pa rin ako nagsasabuhay ng wangis ng tao, at hindi rin malapit sa Diyos ang puso ko! Hindi ko rin isinapuso ang mga salita ng Diyos; at hindi ako nakadarama ng pag-usig ng konsensiya o kagustuhang magsisi kapag may ginagawa akong mali—hindi ba’t katigasan ito ng kalooban? Hindi ba’t anak ako ng pagrerebelde?” Nababagabag ka. At ano ang kahulugan ng nababagabag ka? Ang ibig sabihin nito ay na nais mong magsisi. May kamalayan ka sa iyong katigasan ng kalooban at pagiging mapaghimagsik. At sa panahong ito, nagsisimulang magbago ang iyong disposisyon. Nang hindi mo namamalayan, mayroon kang kaisipan at pagnanais sa loob ng iyong kamalayan ng kagustuhang magbago, at ayaw mong manatili sa kalagayan na nakikipagmatigasan ka sa Diyos. Makikita mo ang sarili mo na gustong mapabuti ang iyong ugnayan sa Diyos, hindi na maging napakamatigas ng kalooban, maisagawa ang mga salita ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay, maisagawa ang mga ito bilang ang mga katotohanang prinsipyo—taglay mo ang kamalayang ito. Mabuti na may kamalayan ka sa mga bagay na ito, pero nangangahulugan ba ito na magagawa mong magbago agad-agad? (Hindi.) Kailangan mong pagdaanan ang ilang taon ng karanasan, kung kailan magkakaroon ka ng lalong malinaw na kamalayan sa iyong puso, at magkakaroon ka ng matinding pangangailangan, at sa puso mo ay iisipin mong, “Hindi ito tama—kailangan ko nang itigil ang pagsasayang ng oras ko. Kailangan kong hangarin ang katotohanan, kailangang may gawin akong wastong bagay! Noon, pinababayaan ko ang aking mga nararapat na tungkulin, iniisip ko lang ang mga materyal na bagay gaya ng pagkain at kasuotan, at naghahangad lang ako ng kasikatan at pakinabang. Bilang resulta, wala akong natamong anumang katotohanan. Pinanghihinayangan ko ito at kailangan kong magsisi!” Sa puntong ito, nagsisimula ka nang tumahak sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Basta’t sinisimulang pagtuunan ng mga tao ang pagsasagawa sa katotohanan, hindi ba’t dinadala sila nito nang isang hakbang papalapit sa mga pagbabago sa kanilang disposisyon? Gaano katagal ka mang nananampalataya sa Diyos, kung kaya mong madama ang pagiging magulo ng sarili mong isip—na noon pa man ay tinatangay ka lang ng agos, at na pagkatapos ng ilang taon ng pagpapatangay, ay wala kang natamo, at hungkag pa rin ang iyong pakiramdam—at kung hindi ka komportable dahil dito, at nagsisimula kang magnilay sa iyong sarili, at nadarama mong pagsasayang ng oras ang hindi paghahangad sa katotohanan, sa panahong iyon ay mapagtatanto mo na ang mga salita ng panghihikayat ng Diyos ay ang Kanyang pagmamahal sa tao, at kamumuhian mo ang iyong sarili dahil sa hindi mo pakikinig sa mga salita ng Diyos at dahil sa labis na kawalan mo ng konsensiya at katwiran. Magsisisi ka, at pagkatapos ay gugustuhin mong baguhin ang iyong asal, at tunay na mamuhay sa harapan ng Diyos, at sasabihin mo sa iyong sarili, “Hindi ko na puwedeng saktan pa ang Diyos. Napakarami na Niyang sinabi, at ang bawat salita ay para sa kapakinabangan ng tao, at para ituro ang tao sa tamang daan. Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig, at lubhang karapat-dapat sa pagmamahal ng tao! Dapat kong hangarin at isagawa ang katotohanan para suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Ito ang simula ng pagbabago ng mga tao. Isang napakabuting bagay ang magkaroon ng ganitong karanasan! Kung masyado kang manhid na hindi mo man lang alam ang mga bagay na ito, may problema ka, hindi ba? Sa kasalukuyan, napagtatanto ng mga tao na ang susi sa pananalig sa Diyos ay ang mas magbasa pa ng mga salita ng Diyos, na ang pagkaunawa sa katotohanan at pagkakilala sa sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat, at na tanging ang kakayahang maisagawa ang katotohanan at gawing kanilang realidad ang katotohanan ang pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Kung gayon, ilang taon ng karanasan ang sa tingin ninyo ay kailangan ninyo para magkaroon ng ganitong kaalaman at pakiramdam sa inyong puso? Ang mga taong matalas ang isip, may malalim na pagkaunawa, at may matinding pagnanais para sa Diyos ay maaaring magawang magbago pagkatapos dumanas ng isa o dalawang taon, at pagkatapos ay magsimulang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Pero ang mga taong magulo ang isip, manhid at mapurol ang isip, at walang malalim na pagkaunawa ay magpapalipas ng tatlo o limang taon nang tulala, hindi nagkakamit ng anuman, at ganap na walang kamalayan sa kahalagahan ng paghahangad ng katotohanan. Pagkatapos ay nagpapalipas sila ng higit sa sampung taon nang tulala sa pamamagitan ng pag-asa sa kasiglahan para gampanan ang kanilang mga tungkulin, nabibigo pa ring magkaroon ng anumang malinaw na mga pakinabang at hindi kayang magsalita ng anumang patotoong batay sa karanasan. Kapag pinaalis o tiniwalag na sila ay saka lamang sila magigising sa wakas at maiisip na, “Talagang wala akong anumang katotohanang realidad. Talagang hindi ako naging isang taong naghahangad ng katotohanan!” Hindi ba’t medyo huli na ang paggising nila sa puntong ito? Ang ilang tao ay basta na lang nagpapatangay sa agos, palaging inaasam ang araw ng Diyos pero hindi man lang hinahangad ang katotohanan. Bilang resulta, lumilipas ang mahigit sampung taon nang wala silang nagiging pakinabang o nang hindi nila nagagawang magbahagi ng anumang patotoo. Kapag marahas na silang napungusan at nabalaan ay saka lamang nila madarama sa wakas na tumagos sa puso nila ang mga salita ng Diyos. Napakamapagmatigas ng kalooban ng puso nila! Paanong uubra sa kanila na hindi sila mapungusan at maparusahan? Paanong uubra sa kanila na hindi sila madisiplina nang matindi? Ano ang kailangang gawin para magkaroon sila ng kamalayan, para magkaroon sila ng reaksiyon? Hindi luluha ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan hangga’t hindi nila nakikita ang sarili nilang libingan. Pagkatapos nilang makagawa ng napakaraming makademonyo at masasamang bagay ay saka lamang nila matatanto at sasabihin nila sa kanilang sarili, “Natapos na ba ang buhay ko bilang isang mananampalataya? Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Nakondena na ba ako?” Nagsisimula silang magnilay. Kapag negatibo sila, nadarama nilang naging sayang lang ang lahat ng taong ito ng pananampalataya sa Diyos, at puno sila ng sama ng loob, at malamang na sumuko sila at isiping wala nang pag-asa. Pero kapag natauhan na sila, napagtatanto nilang, “Hindi ba’t sinisira ko lang ang aking sarili? Kailangan kong makabangon. Sinabihan akong hindi ko minamahal ang katotohanan. Bakit iyon sinabi sa akin? Naku! Tama talaga sila—bukod sa hindi ko minamahal ang katotohanan, hindi ko pa maisagawa ang mga katotohanang nauunawaan ko! Isa itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan!” Matapos maisip ito, medyo nakadarama sila ng pagsisisi, at medyo natatakot din: “Kung magpapatuloy ako nang ganito, tiyak na parurusahan ako. Hindi, kailangan kong agad na magsisi—hindi dapat masalungat ang disposisyon ng Diyos.” Sa panahong ito, nabawasan na ba ang antas ng kanilang katigasan ng kalooban? Para bang tinusok ng karayom ang kanilang puso; may nadarama sila. At kapag nadarama mo ito, napupukaw ang iyong puso, at nagsisimula kang maging interesado sa katotohanan. Bakit may ganito kang interes? Dahil kailangan mo ang katotohanan. Kung walang katotohanan, kung pupungusan ka, hindi ka makakapagpasakop dito o makakatanggap sa katotohanan, at hindi ka makakapanindigan kapag naharap ka sa mga pagsubok. Kung magiging lider ka, at gusto mong iwasan ang pagiging isang huwad na lider at ang pagtahak sa landas ng isang anticristo, magagawa mo ba iyon? Hindi. Kung mayroon kang katayuan at pinupuri ka ng iba dahil dito, magiging isang bagay ba ito na mapagtatagumpayan mo? Kapag inihanda para sa iyo ang mga sitwasyon o tukso, mapagtatagumpayan mo ba ang mga ito? Lubos mong kilala at nauunawaan ang iyong sarili, at sasabihin mo, “Kung hindi ko nauunawaan ang katotohanan, hindi ko mapagtatagumpayan ang lahat ng ito—isa akong basura, wala akong kayang gawin.” Anong uri ng mentalidad ito? Ito ay ang pangangailangan sa katotohanan. Kapag nangangailangan ka, kapag wala ka na talagang magawa, gugustuhin mo lang na sumandig sa katotohanan. Madarama mo na wala nang iba pang maaasahan, at na ang umasa lang sa katotohanan ang makalulutas sa iyong mga problema, at ang makapagbibigay-daan sa iyo na makayanan ang mga pagpupungos, pagsubok, at mga tukso, at ito ang makatutulong sa iyo na malampasan ang anumang sitwasyon. At habang lalo kang umaasa sa katotohanan, lalo mong madarama na ang katotohanan ay mabuti, kapaki-pakinabang, at ang pinakamakatutulong sa iyo, at na kaya nitong lutasin ang lahat ng iyong suliranin. Sa gayong mga pagkakataon, magsisimula kang asamin ang katotohanan. Kapag umabot na sa puntong ito ang mga tao, hindi ba’t nagsisimula nang mabawasan o magbago nang paunti-unti ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Mula nang simulan nilang maunawaan at matanggap ang katotohanan, nagsisimula nang magbago ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay, at pagkatapos nito ay nagsisimula na ring magbago ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Isa itong mabagal na proseso. Sa mga unang yugto, hindi namamalayan ng mga tao ang maliliit na pagbabagong ito sa kanilang sarili; pero kapag tunay na nilang nauunawaan at naisasagawa ang katotohanan, nagsisimula na ang mga esensyal na pagbabago, at nadarama nila ang gayong mga pagbabago. Mula sa punto ng pagsisimula ng mga tao na asamin ang katotohanan at manabik na makamit ang katotohanan, at naising hanapin ang katotohanan, hanggang sa puntong may nangyayari sa kanila, at batay sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ay naisasagawa nila ang katotohanan at natutugunan ang mga layunin ng Diyos, at hindi sila kumikilos nang ayon sa sarili nilang kalooban, at napagtatagumpayan nila ang kanilang mga motibo, at napagtatagumpayan nila ang kanilang mapagmataas, mapaghimagsik, matigas ang kalooban, at mapagkanulong puso, hindi ba’t paunti-unting nagiging buhay na nila ang katotohanan? At kapag naging buhay mo na ang katotohanan, ang mapagmataas, mapaghimagsik, matigas ang kalooban, at mapagkanulong mga disposisyong nasa iyong kalooban ay hindi mo na magiging buhay, at hindi ka na makokontrol ng mga ito. At ano ang gumagabay sa iyo sa iyong pag-asal sa panahong ito? Ang mga salita ng Diyos. Kapag naging buhay mo na ang mga salita ng Diyos, hindi ba’t nagkaroon na ng pagbabago? (Oo.) At pagkatapos, wala nang ibang gagawin kundi ang patuloy na magbago para sa ikabubuti. Ito ang proseso ng pagbabago ng mga disposisyon ng mga tao, at matagal bago makamit ang epektong ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili